Ulan

3. Dambuhala
Pumaloob si Enrique sa dambuhalà na nagngangalang Andalusya, at gaya ng ibang alipin ay isa-isang pinasan ang mga kargadang pinamili ng amo. Sinalat ng kaniyang mga talampakan ang sahig na yari sa matitigas na kahoy, at wari niya’y isang bundok ang tinabas upang magsilang ng kahanga-hangang sasakyang dagat. Tiningala niya ang layag, at napansin niya na nakadapo sa tuktok ng poste ang isang uwak. Napukaw lamang ang kaniyang pansin nang sumigaw ang kawal upang magpatuloy.

Halos magtatakipsilim na nang matapos maikarga ang pangwakas na kargamento sa sasakyan. Naghuhuntahan ang mga pahinante nang biglang may pumalahaw sa kaliwang panig. Nawalan ng malay ang isang kawal sa ikalimang palapag; at ang iba pang kawal ay sumaklolo sa kanilang kasama. Nagmasid lamang si Enrique, at pagkaraan ay naghanap ng tubig na maiinom.

“Wala kaming tubig,” ani Fernando nang tanungin ni Enrique. “Kung gayon,” tugon ni Enrique, “ay nakatakdang mamatay ang iyong kasama.” Nahiwatigan ng amo ang winika ng binatilyo, at ilang sandali pa’y ipinalabas niya ang bariles ng tubig-tabang para sa inumin ng mga magdaragat.

“Nauuhaw ako,” sambit ni Enrique sa sarili, habang nakasalampak sa gilid ng kubyerta, at pagkaraan ay bumuhos ang malakas na ulan, at umulan ng mga isda, upang siya’y daluhan.  Nagsipanakbuhan ang mga magdaragat papasok sa mga silid, at inakalang iyon na ang wakas ng daigdig. (Itutuloy. . .)

Mula sa laot

1. Sa tabi ng ilog

Itim lahat ang kaligiran, winika ni Enrique habang nakatanaw sa laot, at sa labis na pagod at pangungulila’y inakala niyang mga alitaptap na pumirmi sa kalangitan ang mga bituin.  Kinausap niya ang mga kulisap, at tumugon ang mga ito sa pamamagitan ng ampiyas at ulop. Namasa ang kaniyang buhok, at nang haplusin niya ang noo’y kumapit sa kaniyang palad ang dungis at langis.

Napahagulgol ang mga alon, at kung nagkataong lumingon si Enrique, natanaw sana niya ang mga sirena sa Malaka. Humihimbing sa kanilang kandungan ang mga magdaragat na maputla ang balat at gutom na gutom. Nakatanaw si Enrique sa malayo, at ang naririnig niya’y ang tinig ng isang binibining naglalaba sa tabi ng ilog. (Itutuloy. . . .)

Dada

Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay.  Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.

“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.

Lambak ng Patay, ni Sorley Maclean

salin ng mga tula ni Somhairle MacGill-Ean [Sorley Maclean]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kalbaryo

Ang aking paningin ay wala sa kalbaryo
o kaya’y sa Pinagpalang Bethlehem,
bagkus sa mabantot na nayon ng Glasgow,
na ang buhay ay naaagnas habang lumalaki;
at sa isang silid sa Edinburgh,
ang silid ng karukhaan at pagdurusa,
na ang maysakit na sanggol
ay nag-iihit at alumpihit hanggang mamatay.

Lambak ng Patay

Winika ng Nazi o iba na ibinalik ng Fuehrer sa Alemang Kalalakihan  ang ‘karapatan at ligayang mamatay sa pakikidigma.’

Nakaupo nang walang tinag sa Lambak ng Patay
sa ibaba ng Tagaytay Ruweisat
ang batang nakatakip ang buhok sa kaniyang pisngi
at nagsaabuhing marungis na mukha;

Nabatid ko ang karapatan at ligaya
na natamo niya mula sa kaniyang Fuehrer,
sa pagsubsob sa larangan ng pagpatay
upang hindi na muling bumangon;

sa ringal at sa kasikatan
na taglay niya, hindi nag-iisa,
bagaman siya ang pinakakaawa-awang makita
sa laspag na lambak

na nilalangaw ang mga abuhing bangkay
sa bundok ng buhanging
makutim na dilaw at hitik sa mga basura
at pira-pirasong bagay mula sa sagupaan.

Ang bata ba ay kasama sa pangkat
na umabuso sa mga Hudyo
at Komunista, o nasa higit na malaking
pangkat nilang

tumututol na mahimok, mula sa simula
ng mga salinlahi, sa paglilitis
at baliw na deliryo ng bawat digmaan
para sa kapakanan ng kanilang mga pinuno?

Pagkamulat, ni Alasdair Gray

Salin ng tulang “Awakening”  ni Alasdair Gray
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nagising akong katabi sa lastag na kama ang kirot,
napakalapit, ang kaniyang ulo, na biniyak sa mapusyaw
na bato, ay ang aking ulo, ang kaniyang utak
ay ang aking utak, at hindi ko maiwaglit sa isipan
ang gayong pagkakalapit. Labis siyang napakatalik
na kasama at waring madaramang pag-iisa.

Sinikap kong buksan ang pinto upang siya’y palayasin,
. . . . . . . . . . .  o suhulan upang umalis,
pero naku po, ngumingiti siya saanmang panig
ako tumingin, sa lahat ng bagay na aking gawin.
Nakita ko ang kaniyang anyo kung saan tayo nagtagpo.
Kumakain siya sa tamang oras, sumesenyas sa bawat
kalye, subalit hindi kayang makatiis
kahit sa isang pisil ng iyong kamay.

Magmadali’t bumalik ka sa akin. Magbabago ako
nang wala ka. Lumalamig ang aking isip at kumikinang
gaya ng buwan. Naiipon ang mga susi, barya, at resibo
sa aking mga bulsa. Lumalaki akong kalmado at brutal
sa serbesa at makakapal na karne.

Ang Babae sa mga sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868.

Ang Babae sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868. Dominyo ng publiko.

Bago sila baguhin ng panahon

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Cavafis)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago sila baguhin ng panahon

Kapuwa sila namighati   sa kanilang paghihiwalay.
Hindi nila ninais iyon;   ngunit panahon ang nagtakda.
Upang makaraos sa buhay,    ang isa sa kanila’y
napilitang maglakbay tungo  sa New York o Canada.
Ang kanilang pag-ibig, ay!    hindi na gaya noon;
bahagyang tumalam bigla   ang bighaning makipagtalik;
ang bighaning makipagniig  ay tumamlay nang labis;
Ngunit hindi nila hangad   ang kanilang paghihiwalay.
Maaaring pagkakataon lamang.—  O baka ang Tadhana’y
isang alagad ng sining    na pinagbukod sila ngayon
bago pumusyaw ang damdamin  at baguhin ng Panahon;
bawat isa sa kanila’y    mananatili nang habambuhay
na beynte kuwatro anyos   at napakaririt na kabataan.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon. Dominyo ng publiko.

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Ang Lungsod at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkabalam

Binabalam natin ang gawain ng mga diyos,
sa ating pagmamadali at pagiging muslak.
Sa mga palasyo ni Pítiya at ni Elewsis,
kumakayod nang matwid sina Demeter at Tetis
sa gitna ng liyab ng apoy at makapal na usok.
Ngunit malimit humahangos palabas si Metaneyra
mula sa kaniyang mariringal na silid,
gusot ang damit at buhok bukod sa nahihindik,
at madalas kabado at nanghihimasok si Peleyus.

Ang Lungsod

Sabi mo, “Magtutungo ako sa ibang lupain, sa ibang dagat.
Matutuklasan ang isa pang lungsod, na higit kaysa rito.
Bawat pagsisikap ko’y isinumpa ng kapalaran
at ang puso ko—gaya ng bangkay—ay nakalibing.
Gaano katagal mananatili ang isip sa gayong kabulukan?
Saan man ako bumaling, saan man tumingin,
ang makukutim na guho ng aking buhay ay natatanaw dito,
na maraming taon ang inilaan, ginugol, at winasak.”

Wala kang matutunghayang bagong lupain o ibang tubigan.
Hahabulin ka ng lungsod. Maglalagalag ka sa parehong
mga kalye. At tatanda ka sa parehong kapitbahayan,
at puputi ang mga buhok sa parehong mga tahanan.
Malimit kang sasapit sa parehong lungsod. Huwag umasa
sa iba—Walang barko na laan sa iyo, ni walang lansangan.
Gaya ng paglulustay mo sa buhay dito sa munting sulok,
parang winasak mo na rin ang buhay saanmang lupalop.

Ang mga Mago

Nasasagap ng mga diyos ang hinaharap, ng mga mortal ang kasalukuyan, at ng mga mago ang mga bagay na magaganap.

—Pilostratus, Buhay ni Apolonyus ng Tyana, viii. 7.

Maláy ang mga mortal sa mga nangyayari sa ngayon.
Ang mga diyos, na ganap at tanging nagtataglay
ng lahat ng Karunungan, ay malay sa mga sasapit.
At sa lahat ng bagay na magaganap, nababatid
ng mga mago ang papalapit. Ang kanilang pandinig

sa oras ng pagmumuni ay labis na nabubulabog.
Ang mahiwagang tunog ng darating na pangyayari
ay sumasapol sa kanila. At pinakikinggan nila iyon
nang may matimtimang paggalang. Samantalang
doon sa lansangan, ni walang naririnig ang madla.

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”

Aralin sa Dyip

Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto.  Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.

["Aralin sa Dyip," tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers