Tungkol sa mga ad na ito

Pagbabago sa Sistema ng Produksiyon ng Teksbuk

Nangangailangan ng bagong sistema ang produksiyon ng sangguniang aklat, na tinatawag ding “teksbuk,” sa Filipinas. Ang pagsusuri ng teksbuk ay hindi dapat mauwi lamang sa pagsala at pagsinop sa mga maling gramatika, palaugnayan, gamit, katibayan, at konsepto ng mga salita, gaya ng malimit gawin ni Antonio Calipjo Go. Kailangan ang pagtataguyod ng mahigpit na proseso mulang pangangalap ng datos at impormasyon hanggang pagpili kung ano ang paksang ilalahok at kung paano isasalin yaon bilang araling kayang humubog sa kasanayan ng mga bata. Ang mga teksbuk ay hindi dapat alingawngaw lamang ng mga teksbuk sa Singapore, Canada, United Kingdom, at United States bagkus sumasalalim sa mga pangangailangan ng Filipinas. Ang mga teksbuk ay hindi rin dapat nakakulong sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon, bagaman handang sumunod sa itinatakda ng naturang ahensiya.

Upang magawa ito, kinakailangan ang pagbubuo ng sirkulo ng mga eksperto sa bawat larang, gaya ng panitikan, agham, araling panlipunan, matematika. Ang mga tao na ito ay dapat inaalagaan nang mahabang panahon, dahil sila rin ang mag-aambag nang malaki sa produksiyon ng teksbuk. Ngunit kahit ang mga ekspertong ito ay dapat may kasamang bihasang manunulat at editor, dahil hindi nangangahulugang kayang magsulat nang matino ang sinumang may doktorado o masterado sa isang larang.

Iminumungkahi rin ang pagbubuo ng sirkulo ng mga manunulat na siyang kabalikat ng mga eksperto. Sa Filipinas, masyadong tinitipid kung hindi man minamata ang mga manunulat imbes na bigyan ng sapat na sahod o pabuya para mapaganda ang teksto. Kailangan ang solidong sirkulo ng mga manunulat upang maging katuwang ito ng mga eksperto na pawang nagmumungkahi kung paano bubuuin ang aklat. Ang pagtutulungan ng mga bihasang manunulat, guro, eksperto, at iba pang tao ang susi sa mahusay na produksiyon ng aklat.

Bukod sa sirkulo ng mga manunulat ay dapat binubuo rin ang sirkulo ng mga editor ng bawat larang. Iminumungkahi ang pagtatalaga ng mga editor sa bawat yugto ng produksiyon, at laging nakakawing sila sa mga pangkat ng mananaliksik at sa sirkulo ng mga eksperto. Sa ganitong paraan, naibubukod agad ang matitingkad na mali sa teksto at napapalitan ng sariwa’t tumpak na datos at impormasyon.

Iminumungkahi ang abanseng pangangalap ng datos at impormasyon. Magagawa ito sa pagbubuo ng pambihirang silid-aklatan at artsibo sa panig ng publikasyon, bukod sa pagbubuo ng mga pangkat na ang tungkulin ay maging katuwang sa pananaliksik. Ang pangkat ng mga mananaliksik ay dapat umaayon sa kontemporaneong panahon, ngunit hindi dapat mangingimi sa pagbabalik sa ugat, kasaysayan, at paglago ng isang larang, gaya ng panitikan at agham. Ang tungkulin ng pananaliksik ay hindi dapat iniaasa lamang sa mga gurong manunulat, dahil kung minsan ay wala silang panahon pa para magsaliksik. Nahuhulog din sa bitag ang iba na mangopya ng ibang aralin sa ibang teksbuk o blog, o kaya’y gamitin ang sinulat ng kanilang mga estudyante nang may mailahok sa teksbuk.

Ang sistema ng produksiyon ay dapat pinadadali ng mga makabagong aparato at kagamitan, gaya ng kompiyuter. Ngunit hindi dapat tipirin ang pag-eedit sa papel at panaigin palagi ang pag-eedit sa kompiyuter iskrin. Lumulusot ang maraming mali sa teksto dahil inaakala ng iba na sapat na ang pagtitig sa iskrin. Magagamit ang sistema ng kompiyuter sa paglalatag ng mga teksto, at natitingnan agad kung ano ang mga naulit na paksa o nilalaman. Magagamit din ito upang mahugot ang mga kinakailangang salita, at mapalitan agad yaon.

Nagkakaroon ng problema sa pagsulat ng teksbuk sa Filipinas dahil ang pagdulog sa mga paksang susulatin ay pinaghahati-hatian ng mga guro o eksperto gaya ng tinapay. Ang paghahati ay ibinabatay sa bawat kabanata, kaya ang isang awtor ay malimit ulitin kung hindi man banggitin ang natalakay na sa mga naunang kabanata. Ang tagapag-ugnay ng proyekto ang naiiwang magsaayos ng mga paksa, at magsinop ng mga aralin, kaya hindi gaanong nalilinis o naitutuwid ang mga mali. Kung minsan, ang tagapag-ugnay ang tumatayong editor na hindi dapat. Ang ibang pabliser na nagtitipid ay uupa ng tagalabas na editor o tagapagtasa na titingin sa mga mali, at pagkaraan nito ay inaasahang malinis na ang teksto.

Ang pagbubuo ng teksbuk ay malayo sa pagbubuo ng pahayagan, bagaman may mapupulot sa proseso ng pag-edit sa isang pahayagan. Ang isang makapal na teksbuk ay dapat pinagbubuhusan ng isip ng 80 editor o higit pa, upang masala ang mga impormasyon, aralin, talahanayan, estadistika, tanong, at kung ano-ano pang kuntil-butil na lalamanin ng teksbuk. Ang bawat editor ay dapat may kabihasaan sa kaniyang larang, gaya ng agham o panitikan o kasaysayan, bukod sa magaling humawak ng wika. Nagkakaroon ng problema sa paggawa ng teksbuk dahil kung minsan ang isang pabliser ay bibili ng mga imported na teksbuk at iyon ang ipagagaya na lamang sa mga lokal na awtor. Ang napapalitan ay ang mga pangalan at lugar lamang, ngunit ang konsepto ay nananatiling kolonyal. Sa panukalang maramihang editor, ang bawat paksa ay natititigan nang matagal at napag-aaralan sa bawat yugto ng produksiyon. Natatasa rin nang maigi ang bawat kabanata. At ang mga pangkalahatang editor (na maaaring binubuo ng lima o pitong katao) ay napapagtuhog-tuhog ang mga aralin at walang nasasayang na salita o papel kapag nailatag na ang teksto.

Malimit na inuupahan ng mga pabliser ang mga guro na sumulat ng teksbuk dahil ang mga gurong ito ang magpapagamit din ng kanilang teksbuk sa mga estudyante. Na malaking pagkakamali. Sa ganitong sistema, ang mga guro ay hindi lamang naaatasang sumulat at mag-edit ng teksto bagkus ginagawa pa silang tulay para sa promosyon, distribusyon, at marketing ng mga aklat. Napipilitan ang mga guro na sumunod sa atas ng publikasyon, para maibenta ang sinulat nila at kumita kahit kaunti mula sa pabliser. Ang nasabing sistema ay masisipat na katamaran sa ngalan ng katipiran sa panig ng mga pabliser ng teksbuk, dahil imbes na umupa sila ng mga tagapaglako ng aklat ay ginagago pa nila ang mga guro. Sa kabilang dako, may matatamo ring dagdag na puntos ang guro kapag nailabas ang teksbuk, at iyon ang maisasaad niya sa kaniyang resume.

Isa pang sakit ng teksbuk sa Filipinas ay ang mababang kalidad ng papel at paglilimbag. Sinasadya ito upang mapababa ang presyo ng teksbuk, at kapag napunit o nasira ang aklat ay mapipilitang palitan yaon sa susunod na taon. Kung minsan, ang teksbuk ay ginagawa ring workbook, na may mga pahinang pinupunit o sinusulatan. Sinasadya ito upang maging isahang gamit lamang ang teksbuk at puwede nang itapon sa oras na masulatan ang mga puwang sa ilalim ng mga tanong. Dapat baguhin ang ganitong sistema. Dapat maging matibay ang papel, malinis ang limbag, at masinop ang pagkakatahi at pagdidikit ng mga pahina, gaya noong dati. Bukod na papel o kaya’y kuwarderno dapat ang sinusulatan ng mga estudyante, at hindi ang kanilang mga teksbuk. Ito ay dahil ang ilang tanong ay nangangailangan ng masinop na espasyo para sa sagot na pasalaysay o paglalarawan, gaya ng sanaysay. Mapangangalagaan din ang teksbuk, at maipagagamit pa ito sa susunod na mga mag-aaral.

Napapanahon na ring baguhin ang wika na ginagamit sa mga teksbuk sa Filipinas. Halimbawa, ang wika sa agham at matematika ay hindi dapat sa Ingles nakasulat bagkus sa Filipino. Ito ay upang mapadali ang paghahatid ng konsepto sa mga bata na iba ang pinagmumulan kompara sa mga Amerikano. Bagaman nakasaad sa patakarang bilingguwal na Ingles ang dapat gamitin sa naturang mga larang, kailangang suwayin ito kung nais talaga ng mga guro na maturuan nang mabilis, magaan, at mahusay ang kanilang mga estudyante. Nang gumawa ng teksbuk na Filipino ang UP Sentro ng Wikang Filipino noon sa mga larang na gaya ng matematika, pisika, agham, biyolohiya, at iba pa ay naunawaan agad yaon ng mga estudyante batay sa resulta ng mga pagtatasa. Ngunit nabigong maipagpatuloy ang proyekto nang magpalit ng pangulo ng unibersidad, at nasayang ang pagod at pagpupursigi ng mga dalubhasa sa kani-kaniyang larang.

Marami pang dapat baguhin sa sistema ng produksiyon ng teksbuk. Ang pagtutuwid ng teksbuk ay hindi lamang dapat batay sa baryotikong pamumuna, kundi man de-kolor na pamumulitika, ni Antonio Calipjo Go. Kailangang isaayos ng mga pabliser ang loob ng lathalaan nito, lalo na yaong kumikita na nang malaki-laki. Kailangang isaayos din ng pamahalaan ang sistema ng pagrepaso ng mga aklat, at magtatag ng ahensiyang magbibigay ng tatak, pabuya, at pagkilala hinggil sa mahusay na pagkakagawa ng teksbuk o anumang aklat. Kailangang isaayos ng pamahalaan at pribadong sektor ang promosyon at distribusyon ng mga teksbuk, para ang mga pabliser ay hindi kinakailangang suhulan ang mga administrador at punong guro ng mga paaralan. Bukod dito, dapat patawan ng malaking parusa ang mga pabliser na nagpapakalat ng mali, at nangangalap ng mga pipitsuging mga manunulat. Higit sa lahat, napapanahon nang bigyan ng sapat na bayad at atensiyon ang matitinong manunulat, editor, ilustrador, potograpo, layout artist, at iba pang kawani ng publikasyon, dahil nakasalalay sa kanila ang ikagaganda ng aklat at iba pang babasahin sa paaralan.

Tungkol sa mga ad na ito

Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

Tinangkilik ng Philippine Daily Inquirer ang krusada ni Antonio Calipjo Go laban sa mga teksbuk na hitik umano sa mga pagkakamali. Na maganda sa isang panig, ngunit kung wawariin nang maigi ay higit na masisipat na pampolitikang hakbang iyon sa larangan ng paglilimbag ng teksbuk kaysa pagpapataas ng kalagayan ng edukasyon sa Filipinas.

Hindi nabibigyan ng sapat na kritika ang mga rebyu ni Go sa naturang mga aklat, at kahit ang PDI ay tila ginagamit na manyika lamang si Go imbes na magsaliksik at sumangguni sa mga eksperto kung gaano katumpak ang mga opinyon ni Go. Nagiging martir tuloy si Go gaya ng dapat asahan, at ito ay isang kalabisan. Ang panibagong mga banat ni Go sa limang teksbuk sa elementarya na inilathala ng PDI noong 2 Hunyo 2009 ay napakababaw at nabigong sipatin ang nilalaman, balangkas, pamamaraan, disenyo, at iba pang kaugnay na bagay na pawang matalik  sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Kahanga-hanga sa unang malas ang paglalahad ni Go ng mga detalye hinggil sa mga mali sa gramatika at palaugnayan ng mga lahok sa limang teksbuk. Gayunman, hindi dapat ganito ang paraan ng pagsusuri ng mga aklat. Ang pagpulot ng mga katiting at paglilista nito ay ikinukubli ang konteksto ng pagkakasulat, ang nilalaman ng akda, ang estilo ng paglalahad o paglalarawan, ang punto de bista ng mga tauhan, ang panahon at espasyo nang likhain ang akda, ang lalim o babaw ng pananaliksik, at iba pa. Makabubuti kung susuriin ni Go ang buong aklat, at isaad kung ano-anong kuwento, tula, sanaysay, dula, balita, talahanayan, larawan, at iba pang aralin ang marapat tanggalin at ibasura nang ganap. Sa ganitong paraan ay mababatid kung saan nagmumula si Go, kung tumpak ang mga lente na ginamit niya sa pag-urirat ng bawat akda, at kung dapat paniwalaan ang kaniyang pinagsasasabi.

Ang pagpulot ni Go ng mga katiting at pagpapamukha niyon sa madla upang hiyain ang mga awtor o pabliser ay isang uri ng kayabangang pangkaisipan na dapat iwaksi, at dapat ituring na maling halimbawa sa mga bata. Maaaring sadyang walang tiwala si Go sa burukrasya at pamahalaan? Ano’t anuman, may mga ahensiyang malalapitan si Go, at ang mga ahensiyang ito ay makatutulong din sa kaniya sa pagtiyak ng kaniyang mga hinuha o opinyon. Ang problema kay Go ay waring siya lamang ang tama sa daigdig, at kapag hindi nasunod ang ibig niya ay ngangawa siyang parang sutil na anghel. Dapat tandaan ni Go na nakapaloob siya sa sistema, at ang sistemang ito ay hindi mababago ng isang tao bagkus ng sari-sari ngunit nagkakaisang mga tao na pawang may malasakit din sa edukasyon. Ang pagsusuri ng mga teksbuk ay dapat ginagamitan ng matibay na batayan at subok na pamantayan, at ang mga batayan o pamantayang ito ay maaaring may kaugnayan sa teorya at praktika ng pagbasa, at hindi sa paraang bara-bara.

Sa susunod na pagrepaso ni Go at paglitis sa mga sangguniang aklat sa elementarya o hay-iskul ay inaasahan ko ang higit na matalas na paraan ng pag-urirat ng mga aklat. Kailangang patunayan ni Go na hindi siya pipitsugin, na malalim ang pagkaunawa niya sa panitikan, wika, kultura, kasaysayan, agham, matematika, at iba pa, yamang iginagalang siyang edukador, tagapangasiwa, manunulat, editor, at pabliser. Halimbawa, maaaring talakayin sa susunod ni Go kung gaano kaepektibo ang isang teksbuk upang mahubog ang pagbabasa, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at pakikisalamuha ng mga bata, at kung paano mapahuhusay ang naturang aklat sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga akdang sinulat ng Filipino at tumatalakay sa usapin ng Filipinas. Maaaring talakayin niya kung lumilihis ang mga layunin at tuon ng bawat aralin o aklat, alinsunod sa itinatakda ng kurikulum. Maaaring ipaliwanag din niya kung saan sumasablay ang serye ng mga tanong sa bawat yugto ng aralin, at kung paano pa mapalilinaw ang mga tanong para madaling maunawaan ng bata. Maaaring ipaliwanag din ni Go ang paghahati-hati at pagkakasunod-sunod ng mga paksa sa aklat, o ang pagkakayari ng buong balangkas ng teksbuk, at kung ano ang dapat unahin at kung ano ang dapat ihuling talakayin. Ang mga sisipiin niya sa bawat teksbuk ay dapat ipaliwanag din ang konteksto at ang pakahulugan o pahiwatig, upang maiwasang malito ang bumabasa sa kaniyang artikulo. Makabubuti kung tatalakayin ni Go ang paghubog sa kasanayan ng mga bata, alinsunod sa nilalaman at saklaw ng mga akda. Kailangang pabulaanan din ni Go ang mga maling impormasyon, halimbawa sa kasaysayan o panitikan, at magsaad ng mga tiyak na tugon at mapagtitiwalaang sanggunian.

Kung mabibigong gawin ito ni Go, mananatili siyang alingawngaw lamang ng pahinagpis na kritika hinggil sa mga teksbuk sa elementarya man o hay-iskul. Hindi sapat ang paglilitanya ng hinagpis. Paglulustay ng papel at laway ang sinauna kung hindi man baryotikong paraan ng komentaryo. Kinakailangang makita rin ng mga guro, magulang, at estudyante ang mga alternatibong pagtutuwid sa mga pagkakamali, gaya halimbawa ng masinop na rebisyon ng mga talata at pagkakasunod-sunod ng diwain sa buong sanaysay, imbes na magtuon sa mga simpleng lihis na gramatika at nawawalang bantas sa isang pangungusap lamang. Ang problema kay Go ay hindi ko pa siya nakikitahan ng malalimang pagsusuri sa mga aklat. Huwag niyang sabihing wala siyang pook na paglalathalaan. Imbes na gamitin niya ang PDI ay maaaring lumikha si Go ng websayt o blog at doon niya ibuhos ang walang pangingimi niyang banat na hitik sa matalim na pag-iisip imbes na pabugso-bugsong damdamin. Makaiiwas din ang PDI na mabatikan ng politika, kung sakali’t magkataong may kapatid itong kompanyang naglalatha rin ng mga teksbuk para sa kapuwa pribado at publikong paaralan.

Mahalaga ang mga teksbuk para sa mga kabataang mag-aaral. Ngunit dapat tandaan ninuman na ang teksbuk ay isa lamang sa maraming tulay ng pagtuturo sa mga bata. Ang pag-aaral ay hindi dapat nakukulong sa teksbuk, dahil hindi maiiwasan ang mali rito yamang napakaatrasado ng sistema ng pagbubuo o paglikha ng mga teksbuk sa Filipinas. Napakaatrasado dahil hangga ngayon ay tinitipid sa atin ang mga manunulat, editor, kritiko, tagapagtasa, ilustrador, potograpo, at tagarepaso, bukod sa napakahina ng produksiyon ng aklat. Ang pagtuturo ay hindi dapat ikahon sa teksbuk, at ang mga bata ay dapat turuan ding lumaya sa teksbuk, at matutong magsaliksik mulang silid-aklatan hanggang pamayanan hanggang cyberspace at kung saan-saan pa.

Diyamante at ang kaso ng maling panghihiram

Napagpakuan ko minsan ng pansin ang isang teksbuk na pinamagatang Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan I (2004) nina Ailene G. Basa at Alma Dayag at inilathala ng Phoenix Publishing House, Inc. Marami akong napunang kahinaan ng teksbuk ngunit ang aking tatalakayin ngayon ay hinggil sa tulang “dyamante” na pinauuso ng nasabing teksbuk.

Ayon sa Pluma, ang “dyamante [sic, diyamante] ay isang uri ng tulang isinusulat sa hugis na dyamante. Ito ay binubuo ng limang linya kung saan ang pinakamahabang linya ay ang ikatlong linya. Sumusunod na mahaba ang ikalawa at ikaapat na linya at ang pinakamaikli sa lahat ay ang una at huling linya.” Itinuturo din ang limang hakbang sa pagsulat nito, at ibinigay pa na halimbawang tula ang sumusunod:

Negosyo
maunlad, progresibo
pinag-iisipan, pinagsisikapan, pinagpapaguran
para sa masaganang buhay
negosyo.

Sablay sa gramatika ang pakahulugan ng “dyamante.” Ngunit higit pa rito, ang ganitong uri ng akda ay hindi karapat-dapat na tawaging tula. Napakababaw nito, at ni walang talinghaga, at prosang-prosa ang hagod. Ngunit hindi lamang dapat mabahala ang mga magulang sa ganitong uri ng tulang itinuturo sa mataas na paaralan. Kailangan ding makialam ang awtoridad, gaya ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), dahil sa mali-maling inilalahok sa teksbuk.

Ang ugat ng Diyamante
Walang maringal na ugat ang “diyamante” (diamante poetry) kung ihahambing sa ating tanaga, ambahan, laji, diyona, dalít, tigsik, talindaw, at iba pang anyo ng katutubong tula sa Filipinas. Ang tulang diyamante ay pinauso ni Iris Tiedt, at kaniyang inilahok sa A New Poetry Form: The Diamante (1969). Bilang guro, si Tiedt ay umimbento ng mumunting berso na magagamit sa elementarya at siyang kaugnay sa pagtuturo ng wikang Ingles.

Ang tinaguriang tulang “diyamante” ay binubuo ng pitong linya na hugis diyamante ang anyo. Pinaglalaruan ng nasabing berso ang pangngalan (noun), pang-uri (adjective), at pandiwang makangalan (gerund). Walang tugma at sukat ang nasabing tula, bagaman ang pormula ay masisipat sa ganito: isang salita sa unang linya; dalawang salita sa ikalawang linya; tatlong salita sa ikatlong linya; apat na salita sa ikapat na linya; tatlong salita sa ikalimang linya; dalawang salita sa ikaanim na linya; at isang salita sa ikapitong linya.

Ang totoo’y walang nabubuong pangungusap sa nasabing berso.

De-kahon ang diyamante sa pagpapamalas ng singkahalugan at kasalungat na kahulugan. Ang unang apat na linya ay nakatuon sa pangngalang binanggit sa unang linya, samantalang ang kasunod na tatlong linya ay nakasuhay sa pangngalan sa ikapitong linya.

Ang diyamante ay humuhugot umano ng impluwensiya sa Amerikanong cinquian (na tiglilimang linya bawat saknong at hugis diyamante, at matatawag sa ating “singkuhan”). Isa sa mga popular na uri nito ang pinauso ni Adelaide Crapsey. Ngunit kung igigiit naman ang tulang de-kuwit ni Jose Garcia Villa, maiisip ng iba na ginaya lamang ng Amerikano kay Villa ang taktika ng pagkukuwit. Kung babalikan ang ginagawa nina Baisa at Dayag, ang halimbawang diyamante nila ay cinquian, at pekeng diyamante, bagaman parehong gumagamit ng hugis-diyamanteng porma. Ang bersong diyamante ay masasabing supling lamang ng tinaguriang shaped verse, ang uri ng tulang inihuhubog sa anyo ng pinagtutularang imahen, gaya ng bituin o parisukat o ahas, at mauugat noong siglo 17 sa tradisyon ng panulaang Ingles, o kaya’y sa kung ilang libong taong nakalipas sa tradisyon ng panulaang Tsino. Sa Filipinas, matagal na itong ginawa ng gaya nina Jose Corazon de Jesus at Manuel Principe Bautista na susundan pagkaraan mulang Rio Alma hanggang Vim Nadera.

Manghiram ay di-biro
Hindi biro ang panghihiram na ginawa nina Baisa at Dayag. Una, mali ang pagpapaliwanag hinggil sa tulang diyamante. Ikalawa, ang ginawa nilang halimbawa ay mahihinuhang Amerikanong cinquain, ngunit kahit ang uri ng anyong ito ay dapat pagdudahan at mahahalatang ginagad lamang sa gaya ng haiku, tanka, tanaga, pantun, at iba pang maiikling tula.

Sina Baisa at Dayag ang halimbawa ng mga awtor ng teksbuk na mahilig manghiram at manggaya sa teksbuk ng Amerikano upang ipasok sa teksbuk sa Filipino. Ang nangyayari tuloy ay hindi lamang nila inaangkat ang kaisipang dayuhan, bagkus nagpapalaganap pa ng sensibilidad ng kolonyal kung hindi man bagong kolonisador. Inililipat lamang ng mga awtor sa Filipinas ang padron ng tula, ngunit nananatili roon ang kababawan ng pinaghiraman. Hindi isinaalang-alang ng mga awtor ang pambihira’t malalim na tradisyon ng panulaan sa Filipinas, na magagamit nilang bukal ng kaalamang-bayan, imbes na manghiram sa ibayong-dagat.

Maraming mapapansin sa tulang diyamante nina Baisa at Dayag at heto ang ilan sa mahahalagang punto:

  1. Hindi ipinaliwanag nang maigi sa teksbuk nila ang ugat o kasaysayan ng diyamante.
  2. Mahinang anyo ng berso ang diyamante, at walang kapasidad na makabuo ng mga dakilang diwain.
  3. Kinasangkapan lamang ang taguring “tula” sa diyamante, ngunit ang ubod niyon ay hindi upang turuang sumulat ng tula ang mga estudyante, bagkus magpakilala ng mga salitang pangngalan, pang-uri, at pandiwang makangalan. Ibig sabihin, nakakiling sa lingguwistika ang diyamante, imbes na sa panitikan.
  4. Hindi ipinaliwanag sa teksbuk kung bakit kailangang pag-aralan ang isang mababaw na uri ng bersong Amerikano at gamitin iyon sa Filipino nang hindi isinasaalang-alang na magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang wika.
  5. De-kahon ang diyamante, at kahit ang pag-iisip sa pagsulat nito ay nakasalalay lamang sa paglalaro ng pangngalan, pang-uri, o pandiwa at walang pakialam kung barok man (o linsad sa gramatika) ang pagkakasulat ng berso.

Hindi naman sa salungat ako sa panghihiram ng anyo o padron ng tula sa ibang bansa. Maraming hiniram na anyo ng tula ang Filipinas, at kabilang dito ang korido at awit bago pa man sumikat si Francisco Balagtas, o kaya’y ang villanelle, soneto, rondel, haiku, tanka, ghazal, at iba pa noong siglo beynte. Ngunit ang mga anyong ito ay masinop na ginamit ng mga makatang Filipino, at nilapatan ng mga pambihirang eksperimentasyon upang lalong sumigla ang anyo ng hiniram at maangkin ng mga Filipino.

Sa aking palagay ay makatutulong pa nga ang panghihiram kung malay sa tradisyon ang nanghihiram na manunulat o makata. Ang panghihiram ay makapagpapasok ng pambihirang kabaguhan sa dati nang de-kahong pagtula, at hinahatak ang mga makata na lalong pag-igihin ang pagtula.

Ngunit bago tayo manghiram ay dapat alam natin ang hinihiram. At kung hihiram din lang tayo ay mabuting manghiram na ng pinakamaganda’t pinakamalalim na padrong makatutulong sa ating panulaan imbes na pipitsuging padrong gaya ng “diyamante.” Ang ginawa nina Baisa at Dayag ay kasalanang mortal dahil maaakusahan sila ng plahiyo (i.e., plagiarism) mula sa mga Amerikanong awtor—dahil aakalain ng ibang sila (Dayag at Baisa) ang nagpauso ng “tulang diyamante” sa Filipinas—at siyang mababasa rin sa internet, gaya sa mga sumusunod na websayt:

  1. http://teams.lacoe.edu/documentation/classrooms/amy/algebra/5-6/activities/poetry/diamante.html
  2. http://www.readwritethink.org/materials/diamante/
  3.  http://www.poemhunter.com/poem/diamante-poem-war/
  4. http://www.instruction.greenriver.edu/haulman/History200DE/SummerH200DL_W3diamante.htm
  5. http://teachers.emints.org/riosy/Poetry%20Time.html

Higit pa rito, nagiging kaawa-awa ang pagtanaw sa tula. Ang ginawang tulang diyamante sa Pluma ay kasumpa-sumpa, at kung gagayahin iyon ng mga estudyante ay maaaring isumpa rin nila balang araw ang pagsusulat ng tula dahil ginagago sila ng kanilang sangguniang aklat.

Pagharap sa hinaharap
Ang problema sa mga sumusulat ng teksbuk, gaya nina Baisa at Dayag, ay malimit silang nakatingin sa labas ng bansa. Maraming anyo ng tula sa Filipinas ang maaari nilang mailahok sa kanilang teksbuk. Ang kinakailangan lamang ay masinop na pagsasaliksik, at paghingi ng mga payo sa mga kritiko at makata mismo na pawang nakababatid ng malalim na ugat ng panulaang Filipinas.

Kailangan nating magtiwala sa ating sarili. Kailangang magtiwala ang mga awtor na gaya nina Baisa at Dayag sa panulaang Filipinas, at dapat hikayatin nila ang kanilang pabliser na maglaan ng sapat na pondo para sa pagsasaliksik at pagbubuo ng matitinong teksbuk. Hindi kinakailangang tipirin ang pagbubuo ng teksbuk sa panitikan. Ang pondo sa aklat ng panitikan ay dapat kapantay kung hindi man higit sa pondo na laan sa iba pang larang, gaya ng agham, matematika, at Ingles.

Nais ko ring susugan ang unang binanggit ng kritiko at edukador na si Isagani Cruz. Ang pagtuturo ng panitikan ay dapat ibukod sa pagtuturo ng wika. Nagkakaroon ng malaking problema sa pagtuturo ng Filipino, dahil hindi malaman ng guro kung ang ituturo nila ay hilaw na lingguwistika o kaya’y seryosong panitikan. Ang mungkahi ko’y dapat magtuon sa pagtuturo ng panitikang Filipino sa mataas na paaralan, at ibukod ang pagtuturo ng wika na siyang tungkulin naman ng mga lingguwista sa kursong lingguwistika.

Ang pagtuturo ng tulang diyamante ay dapat nang ibasura, at pilasin sa mga teksbuk sa Filipino. Dapat isaisip ng mga awtor na ginawa iyon para sa pagtuturo ng wikang Ingles sa mga Amerikano at hindi para sa wikang Filipino na laan sa mga estudyanteng Filipino. Iba rin ang tradisyon ng Amerikano ukol sa panulaan, at isang kalabisan kung manggagagad lamang ang Filipino sa mga katarantaduhang ginagawa ng mga Amerikano. Hindi dapat ipaloob sa Filipino ang diskurso ng Amerikano. Hayaan nating lumaya ang panitikang Filipino, at ituro ang panulaang Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino.

Kung paano pumatay ng mga manunulat ng panitikan

Madali lamang ang pagpatay sa mga manunulat ng panitikan, at hindi kinakailangan ang armadong asesino. Nagaganap ito araw-araw, at dahil hindi naman pinahahalagahan ang panitikan sa ating bayan, hayaan ninyong magbigay ako ng ilang obserbasyon kung paano pumatay ng mga manunulat sa loob at labas ng paaralan.

1. Burahin ang matitinong nobelista, kuwentista, makata, at mandudula sa mga teksbuk. Huwag ilahok sa teksbuk ang gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Valeriano Hernandez Peña, at kahit ang mga de-kalibreng sina Rene O. Villanueva, Rio Alma, Mike L. Bigornia, at Teo T. Antonio. Huwag pag-aralan ang mahabang kasaysayan ng panitikang Filipino sa Filipinas. Gumamit ng mga teksbuk na mali-mali ang nilalaman. Mas maraming mali, mas madali ang pagpatay sa mga manunulat ng panitikan.

2. Kaugnay ng nabanggit sa itaas, palitan sila ng mga awtor o edukador na nagkukunwang manunulat, at mas mabuti kung ang awtor ng teksbuk ang siya ring susulat ng tula, kuwento, dula, sanaysay, at iba pa upang makatipid ang pabliser.

3. Piliin lamang ang marurupok na akda ng mga kanonigong manunulat, gaya nina Lazaro Francisco, Efren Abueg, Liwayway A. Arceo, at Amado V. Hernandez. At kung ikaw ang pabliser, makialam ka na rin sa lalamanin ng aklat, kahit wala kang kamuwang-muwang sa panitikan.

4. Pamagatan ang teksbuk na “Wika at Panitikan,” at ituro ang “panitikan” na parang nagtuturo ng lingguwistika sa mataas na kolehiyo. Pahirapan ang mga estudyante sa pag-aaral ng Filipino.

5. Hugutin lamang ang aral ng tula, kuwento, dula, at sanaysay. Huwag ituro ang estetika, konteksto ng akda, at iba pang aspektong makaaapekto sa masusing pagbasa ng panitikan.

6. Gumamit ng mga banyagang teorya sa pag-aaral ng panitikan, kahit hindi ganap na nauunawaan ang nasabing teorya. Makabubuti kung malulunod sa mga jargon ang mga estudyante, nang lalong mapabilis ang pagkasira ng kanilang bait.

7. Kapag gumagawa ng teksbuk, kopyahin na lamang ang ibang aralin sa ibang establisadong teksbuk. At huwag ipahalatang nagmula sa akda ng ibang manunulat ang iyong sinusulat. Kikita ka rito nang malaki.

8. Purihin ang mga manunulat, at itampok lamang ang munting talambuhay nila, saka isantabi ang pag-aaral nang masusi sa kani-kanilang akda.

9. Kung ikaw ay tagasalin, isalin mo lamang ang mahihinang akdang sinulat sa Filipino. Huwag gamitin ang mga klasikong akda at pumasa sa panlasa ng mahihigpit na kritiko. Purihin din ang sarili bilang tagasalin, kahit maraming sablay sa iyong salin.

10. Piliin lamang ang mga akda na madaling maarok. Halimbawa, tiyaking nasa antas lamang ng nobeletang romanse ang ipababasa sa mga bata. Huwag silang bigyan ng matitinong nobela o tula o dula o sanaysay. Baka makapag-isip sila’t magtanong, at iyon ang tiyak na magdudulot sa iyo ng sakit ng ulo para sagutin.

11. Huwag bigyan ng tumpak na royalty ang mga manunulat, kahit mapabilang sila sa milyon-milyong sipi ng teksbuk at iba pang antolohiya.

12. Sumangguni lamang sa maiikling lagom ng aklat ng mga manunulat, gaya ng mababasa sa internet, at huwag nang basahin ang orihinal at buong aklat o akda.

13. Palabasin na ang aklat ng “panitikan” ay tila aklat para sa “agham panlipunan” o “kasaysayan” nang sa gayon ay mabura ang anumang pagkakakilanlan sa “panitikan.”

14. Ipagbawal ang pag-aaral ng wika, gaya ng wikang Filipino. Hayaang maging gago ang mga estudyante at nang malabuan sila sa pag-aaral ng panitikan.

15. Magbasa ng mga basurang tabloyd. Habang nagiging balbal ang ating wika, lalong mapagagaan ang pagpatay sa mga dakilang manunulat na Filipino.

16. Manood ng telebisyon. Panoorin, halimbawa, ang ginagawang kaletsehan ng mga artistang mahilig magpatawa at pagtawanan ang madlang manonood. Sa panonood ng telebisyon, makakaligtaan ninyo ang bumasa ng aklat, at bibilis ang pagiging mangmang ng lahat.

17. Kung may-ari ka ng bookstore, ilantad lamang sa madla ang mga segunda manong aklat na mula sa ibang bansa. Huwag nang intindihin ang filipiniana. Maniwala sa prehuwisyo ng mga ahenteng pulpol.

18. Kung ikaw ay pabliser at nais mong kumita nang malaki, tipirin ang mga manunulat at editor ng teksbuk na may kaugnayan sa panitikan. Pahusayin lamang ang mga teksbuk na may kaugnayan sa agham, matematika, at Ingles.

19. Kopyahin o kung hindi man ay gagarin sa napakasimpleng paraan ang mga teksbuk na mula sa ibayong dagat. Sa ganitong paraan, mabubura ang ating sariling panitikan, at lilitaw ang panitikang Ingles mula sa Inglatera o kaya’y Amerika.

20. Ipasunog ang lahat ng aklat-pampanitikan sa buong bansa. Ipagbawal ang pagtataguyod ng mga silid-aklatan. Huwag bigyan ng badyet ang Pambansang Aklatan at Artsibo.

21. Kung administrador ka ng paaralan, huwag padaluhin sa mga seminar at kumperensiya hinggil sa panitikan ang mga guro. Bakit kailangang gumastos, kung madaraan sa ala-tsamba ang pagtuturo ng katha o tula o sanaysay?

22. Kung nagkataong kalihim ka ng DepEd at CHED, huwag nang sangguniin pa ang mga manunulat, kritiko, at editor para sa pagbubuo ng mga teksbuk at iba pang aklat na sanggunian ng mga mag-aaral. Huwag magpakalat ng memorandum at iba pang kautusan na makatutulong para sa pag-aaral ng panitikan. Makabubuti kung pulos agham, matematika, at Ingles na lamang ang pag-aralan ng mga kabataan.

At higit sa lahat, hintayin ang marahang pagkagunaw ng mundo, habang humahagikgik at tuwang-tuwa sa ating kagila-gilalas na kamangmangan at prehuwisyo sa mga manunulat na Filipino.

Malikhaing Pagnanakaw sa Sining ng Komunikasyon

Plahiyo ang taguri sa tandisang pangongopya—o sabihin nang pagnanakaw—ng isang akda upang palabasing sinulat mo iyon nang wala man lang pagkilala o pagsipi sa orihinal na awtor at pagkakitahan ang naturang akda pagkaraan. Ang ganitong kalakaran ay laganap sa internet, ngunit hindi ako magtutuon doon. Gagawin kong halimbawa ang isang sangguniang aklat na lumalaganap sa Gitnang Luzon at Timog Katagalugan, at sa pakiwari ko’y pinagkakitaan nang malaki ng mga awtor.

Tinutukoy ko ang Sining ng Komunikasyong Pang-akademiko [sic] nina Dr. Teody C. San Andres, Elisa C. Mendoza, at Eleuterio C. Lopez. Inilathala ang nasabing aklat ni San Andres na taga-Culianin, Plaridel, Bulakan, at inilimbag ng Aries Printing Press noong 2004.

Hindi ko na sana papansinin ang nasabing aklat, ngunit naaawa ako sa mga estudyante sa isang unibersidad sa Bulakan, na ginagamit ang aklat ni San Andres at hindi makapalag sa kanilang propesor. May batayan ba ang paratang na nangongopya lamang si San Andres, at pinalalabas niyang kaniya ang nasabing akda? Imbestigahan natin.

Maihahalimbawa ang akdang pinamagatang “Mulang Tagalog hanggang Filipino” na orihinal na sinulat ni Virgilio S. Almario, na ngayon ay nasa Orden ng Pambansang Alagad ng Sining sa larang ng Panitikan. Ang nasabing akda ay unang nalathala sa journal na Daluyan ng UP Sentro ng Wikang Filipino (Tomo VIII: 1-2, 1997); at pagkaraan ay muling inilimbag sa Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas (Rex Book Store, 2002; 2004) na pinamatnugutan nina Ligaya Tiamso Rubin, Arthur P. Casanova, Vina P. Paz, Aura A. Abiera, at Isabela Mangonon. Ang nasabing akda ni Almario ay mahimalang kahawig na kahawig ng nalathala sa aklat ni Dr. San Andres, ngunit wala man lang pagsipi ang naganap sa panig ng pangkat ni Dr. San Andres.

Heto ang kontrobersiyal na akda sa batayang aklat ni Dr. San Andres atbp na matatagpuan sa pahina 114-115 ng Sining ng Komunikasyong Pang-akademiko:

Sa pag-unlad ng Wikang Filipino ideneklara ang pag-iral ng batas militar noong 1972. Tumawag si Pangulong Marcos ng kumbensiyon para baguhin ang konstitusyon at ilang maalingasngas na kaso sa naturang kumbensiyon ang probisyon sa wikang pambansa.

Bago ito, noong 1970, mabuting ungkatin na iniutos ng National Board of Education ang isang patakaran ng gradwal na paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa elementarya, mula sa Grade I ng taong-aralan 1972-1973, at paunlad taun-taon hanggang sa magamit ang Filipino sa lahat ng grado. Sa taon ding iyon ipinagtibay ng NBE ang paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa kursong Rizal at sa mga klase ng pamahalaan at Kasaysayan ng Pilipinas sa mga kolehiyo at unibersidad, gayundin sa ibang asignatura kung may grupong puwedeng humawak nit sa Filipino at may sapat na kahalagahan ang mga mag-aaral.

Ihambing ang dalawang talatang nabanggit sa akda ni Dekano Almario, at lilitaw ang kahanga-hangang pagkakahawig sa aklat ni San Andres:

Idineklara ang pag-iral ng batas military nong 1972. Tumawag si Pangulong Marcos ng kumbensiyon para baguhin ang konstitusyon at isang maalingasngas na kaso naturang kumbensiyon ang probisyon tungkol sa wikang pambansa.

Bago ito, noong 1970, mabuting ungkatin na iniutos ng Board of National Education ang isang patakaran ng gradwal na paggamit ng Pilipino bilang wikang panturo sa elementarya, mula sa Grade 1 ng taong-aralan 1972-1973, at lahat ng grado. Sa taon ding iyon ipinagtibay ng NBE ang paggamit ng Pilipino bilang wikang panturo sa kursong Rizal at sa mga klase ng pamahalaan at Kasaysayan ng Pilipinas sa mga Kolehiyo at unibersidad, gayundin sa ibang asignatura kung may gurong puwedeng humawak nito sa Pilipino at may sapat na kahandaan ang mga mag-aaral.

May gawi si Dr. San Andres na baguhin lamang ang mga pangunang salita ng talata ngunit pinananatili nang walang malaking pagbabago ang kaniyang akdang kinopya. Heto ang dalawa pang talatang kasunod na mula sa aklat ni Dr. San Andres na halatang hinugot mula sa akda ni Dekano Almario:

Sa ulat ng Presidential Commission to Survey Philippine Education noong Disyembre 1970, itinagubilin ang paggamit ng dalawang wika sa edukasyon – bernakular sa Grade 1 at Grade II, Pilipino sa Grade III at Grade IV, Pilipino at Ingles sa sekundarya at edukasyon sa tersiyarya. Tiyaking umapekto it sa pagbuo ng NBE noong Agosto 7, 1973 sa bisa ng Resolusyon Big. [sic] 73-7.

Noon pa man, lumbas noong 1972 ang disksiyonaryo [sic]-tesauro ni Jose Villa Panganiban na naglalaman ng 27,069 pangunahing lahok at 217,500 lahok na lexikal. Umaabot sa 12,000 sa mga ito ang hiram sa Espanyol, Ingles, Tsino at wikang Indo-Europeo. Samantala masikap si Panganiban para ilista ang 47,601 singkahulugan mula sa 12 katutubong wika ng Pilipinas; 12,659 homonim na di-singkahulugan; at 11,060 kogneyt at pag-kakahawig [sic].

Ihambing muli iyon sa akda ni Dekano Almario at matutuklasan ang pangongopya ni San Andres:

Sa report ng Presidential Commission to Survey Philippine Education noong Disyembre 1970, itinagubilin ang paggamit ng dalawang wika sa edukasyon-bernakular sa Grade 1 at Grade 2, Pilipino sa Grade 3 at Grade 4, Pilipino at Ingles sa sekundarya at edukasyon tersiyarya. Tiyakang umapekti sa pagbuo ng patakarang bilingguwal sa wika ng pagtuturo na pinairal ng NBE noong Agosto 7, 1973 sa bisa ng Resolusyon Blg. 73-7.

Samantala, lumabas noong 1972 ang Diksyunaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban na naglalaman ng 27,69 pangunahing lahk at 217,500 lahok na leksikal. Umaabot sa 12,000 sa mga ito ang hiram sa Espanyol, Ingles, Tsino at wikang Indo-Europeo. Samantala’y masikap si Panganiban para ilista ang 47,601 singkahulugan mula sa 12 katutubong wika ng Pilipinas; 12,659 homonim na di-singkahulugan; at 11,06 kogneyt at pagkakahawig.

May karugtong pa ang pangongopya ng pangkat ni San Andres sa akda ni Dekano Almario. Hindi ko na babanggitin pa rito, at hahayaan ko na lamang na imbestigahan iyon ng mga awtoridad ng iba’t ibang unibersidad o kolehiyo na nagkataong gumamit ng aklat ni Dr. San Andres. Karapatang intelektuwal ang nilabag nina Dr. San Andres, Mendoza, at Lopez, at panahon na upang magbayad sila ng malaking halaga kay Dekano Almario o kung hindi’y tatamasahin nila ang mabigat na kaso sa hukuman o kung hindi man ay sa tanggapan ng Intellectual Property Office.

Ipinapayo ko rin sa mga estudyante o guro na huwag manahimik kapag may nakikita silang kabulastugan sa kanilang paaralan. Hindi kinakailangang maging tagasunod lamang palagi upang makakuha ng pasadong grado. Makabubuting magsalita, at sama-samang kumilos, nang mabunyag ang katotohanan. At maiwasan na ang ginagawang kagaguhan sa ating wika at panitikan.

Sanggunian
1. Almario, Virgilio S. “Mulang Tagalog Hanggang Filipino” sa Daluyan, tomo VIII: 1-2. Lungsod Quezon: UP Sentro ng Wikang Filipino.
2. Tiamson-Rubin, Ligaya, Arthur P. Casanova, Vina P. Perez, Aura A. Abiera, at Isabela Mangonon. Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa ng Pilipinas. Lungsod Quezon: Rex Book Store, Inc., 2002; muling inilimbag 2004.
3. San Andres, Teody C., Elisa C. Mendoza, at Eleuterio C. Lopez, mga editor. Sining ng Komunikasyong Pang-akademiko. Plaridel, Bulakan: Teo C. San Andres, 2004.

Edit, Editing, Editor (Unang Bahagi)

(Noong 28 Nobyembre 2007, naanyayahan akong magbigay ng panayam sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman hinggil sa editing. Hindi ko matanggihan si Dr. Galileo Zafra, na iginagalang kong kritiko at istoryador ng panitikan. Heto ang panimulang bahagi ng aking papel. Saka ko na lamang isusunod ang iba pa, dahil mahaba ang artikulo.)

Kathang-isip man o hindi, ang unang propesyonal na editor sa larangan ng panulaang Tagalog, at siyang kinilala ng madla, ay si José de la Cruz, ayon kay Julian Cruz Balmaseda. Itinuring ni Huseng Sisiw, alyas ni De la Cruz, na propesyon ang pagiging editor, kaya sumisingil siya ng isang sisiw sa bawat tao na ibig magpatulong sa kaniyang magsaayos o magtuwid ng mga tula. Mapapansin sa anekdotang ito na itinatakda na noon pa ni Huseng Sisiw ang bawad sa isang editor. At mabuting naipakita niya na may katumbas na halaga ang anumang paghihirap ng editor, hindi lamang upang mapabuti ang akda ng gaya ng makata, bagkus upang matugunan din ang pangangailangang pangkabuhayan ng editor-makata.

Kung babalikan ang kasaysayan ng panitikang Tagalog o ang iba pang panitikang nasusulat sa wikang lalawiganin, Ingles, at Espanyol, mababatid na gumaganap ng malaking papel ang editor sa pagtataguyod ng ating panitikang pambansa. Ang mga editor ng aklat, komiks, magasin, pahayagan, polyeto, at iba pa ang magtatakda ng pamantayan at kumbensiyon sa pagsulat ng mahuhusay ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at kritika. Makikilalang editor bukod sa pagiging manunulat sina Gemino H. Abad, Alejandro G. Abadilla, Teodoro A. Agoncillo, Virgilio S. Almario, Lamberto E. Antonio, Cecilio Apostol, Francisco Arcellana, Liwayway A. Arceo, Julian Cruz Balmaseda, Mike L. Bigornia, Ariel Dim. Borlongan, Jose Y. Dalisay Jr., Gregorio Brillantes, Florentino T. Collantes, A. C. Fabian, Amado V. Hernandez, Nick Joaquin, Jose F. Lacaba, Rogelio G. Mangahas, Clodualdo del Mundo, Bienvenido A. Ramos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Alfrredo Navarro Salanga, Lope K. Santos, Jose Garcia Villa, Alfred A. Yuson, at iba pang bantayog ngayon sa panitikan.

Editor ang tagapagsalba o salarin ng isang akda bago pa ito mailathala. Siya ang gabay ng manunulat; at gaya sa basketbol, ang coach na naghahain o nagpapanukala ng mga estratehiya kung paano maihahatid nang epektibo tungo sa mambabasa ang mensahe ng awtor. Sa ilang pagkakataon, ang editor ang kritiko ng manuskrito at ang espesyalista sa isang lárang. Kaya siya rin ang malimit maging kontrapelo ng manunulat na napakakunat tumanggap ng pagkukulang at aminin ang angking katangahan.

Pangunahing tungkulin ng editor ang maging ikalawang mata—na bukod sa angkin ng manunulat—na titingin at sasala nang matindi sa bawat salita o sa kabuuang disenyo ng anumang akda mulang pabalat hanggang pangwakas na pahina. Editor din ang tagapangasiwa sa iba pang tauhan sa produksiyon at paglilimbag, o kung minsan, hanggang paghahanap ng network sa promosyon ng aklat. Ang tagumpay kung gayon ng isang akda ay hindi lamang maipapataw sa balikat ng awtor. Nasa likod palagi ng manunulat ang editor, na malimit lingid sa kaalaman ng madlang mambabasa.

Gayunman, ang editor ang pinakakawawa yatang nilalang sa lárang ng publikasyon. Hindi kinikilala sa Filipinas ang kaniyang uri at galing. Malimit tinitipid, kung hindi man minemenos, ng pabliser ang bayad sa kaniya. May ilang manunulat na nagkakasiya na lamang tumbasan ng ilang bote ng serbesa at samplatitong pulutan ang paghihirap ng editor matapos lumabo ang mga mata nito sa pagbabasa at pagtutuwid ng tekstong namumutiktik sa mali. Kaya naman may ilang nagtangkang magbuo ng kapisanan ng mga editor sa teksbuk nang maitakda ang bayad sa propesyon; ngunit pagkalipas lamang ng ilang buwan ay tila nawalan ng tinig ang pangkat sa kung anong dahilan.

Mahabang usapan ang pangkabuhayang aspekto ng editor, at nangangailangan yaon ng iba pang talakayan. (Wakas ng unang bahagi. Karapatang-ari ni Roberto T. Añonuevo)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 164 other followers