Gabi ng Taglagas ni Viggo Stuckenberg

Salin ng katha ni Viggo Stuckenberg, at batay sa saling Ingles ni Anthony Weir.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GABI NG TAGLAGAS

Nakatirik ang tore sa gilid ng kahuyan, ang luma’t naaagnas na tore na binalot ng lumot at palumpong ang mga silipang butas, na pawang pinalooban ng mga damo ang mga puwang at singit, at ang tuyong baging ay nakabiting gaya  ng matigas, tuyong buhok na nakalugay sa duguang bato. Sa itaas sa gawing silangan ay nakatimo ang tanging bintana ng gumuguhong pader.

Sa likod ng kulimlim na bintana’y nakatindig ang babaeng nakatitig sa sumasapit na takipsilim. Maliit siya at balingkinitan, at ang kaniyang mga kamay na simputi ng sinag ng buwan ay nakapatong sa pasamano ng bintana, at ang kaniyang babà’y maputla at may hubog na gaya ng liryo. Ngunit kumikislap ang mga itim niyang mata, na waring tumutulo mula sa nagliliyab na sulo. Nakatanaw siya sa kapatagang sinlawak ng laot, habang ang mga uwak ay nangagliliparan sa tuktok ng mga punongkahoy at umikot-ikot bago bumulusok sa mga duklay at humiyaw nang nakaririndi sa kahuyan. Sa likod ng babae’y may isang silid ng tore na sinlamig ng bato sa agaw-liwanag, at umaalunignig nang matinis ang kuliglig sa baak na bato.

Tanging ang mga kalawanging damo ng Taglamig ang naiwan sa kapatagan, tila ba pinatag ng niyebe, at doon sa damuhan ay namuo ang mumunting sanaw. Sa tabi ng tore ay sumasalamin ang tubigan sa pulahang langit ng kanluran, samantalang sa may kalayuan ay nagiging abuhin gaya ng mga ulap. Habang tinatanaw niya ang kapatagan na ang kalangitan ay dumidilim at pinatatahimik ng mga hamog ng gabi, pinakikinggan niya ang paikid na hagdanan kung may lagitik ng mga yabag. Matamang inuulinig niya ang kamay na pipihit ng kandado ng bakal na pinto. Pinakikinggan niya ang kislot ng isang buhay na lawas sa patay na tore.  At wala siyang nasagap kundi ang sitsit ng kuliglig at atungal ng simoy sa mga hungkag na silid sa ibaba.

Humilig siya at ipinatong ang mga siko sa pasamano. Malamig ang pasamano ngunit hindi niya alintana. Hindi niya napansin na ang duguang langit ay pumusyaw sa sanaw sa damuhan, ni ang kapatagang dating sinlawak ng laot ay puminid ngayon. At hindi niya napansin ang pananahimik ng mga uwak.

Dahil iniisip niya ang lalaking dumating isang gabi at itinali ang kaniyang kabayo sa may pintuan, inakyat ang kaniyang silid, at sumiping sa kaniya sa kama—upang pagkaraan ay maglaho bago lumatag ang liwayway. Siya ang lalaking dumating sa kaniya gaya ng unos, at may pananalitang gaya ng habagat na humahalihaw sa kahuyan, at ang mga yakap ay sinindihan ang kaniyang mga panaginip at naghatid ng mainit na sinag ng araw sa kaniyang puso. Siya ang lalaking nag-iwan sa kaniya ng mga marka, na ang kabayo’y kinahig ang lupa sa paanan ng tore. Balisa at di-makatulog, tumitig ang dilag sa magdamag.

Tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana ang Malungkot na Pananabik, na ang di-maliparang uwak na kapatagan ng gastadong buhay ay nasa harap ng babae, Malungkot na Pananabik, nagdurusa sa kaniyang gunita, at katulad ng imortal na kabataang katumbas ng kabaliwan ng Pag-asa.

Lumubog na ang araw. At sa palibot ng tore ay gumapang ang kagubatan ng karimlan.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Sulat ng Dayaray, ni Noshi Gillani

mga tula sa wikang Urdu ni Noshi Gillani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SULAT NG DAYARAY

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Maisusulat nito ang taglagas bilang tagsibol
Upang itumbas ang tagsibol na paghihintay.

Ngayong ang dayaray ay natutong sumulat,
Maisasalin nitong sumpa ang paglalagalag
At sumpain ang matatapat sa matwid na landas.

Ngayong natuto ang dayaray na sumulat,
Ang pagtitipon ay mailalarawang paglilipat;
Ang pag-ibig ay maisasaling kahinaan,
At ang punongkahoy ay mawawalan ng lilim.

Ngayon ay hihipan ng dayaray ang mga ilawan,
Magpupugay sa takipsilim, iwawaksi ang liwayway.

O, lahat kayong nagturo sa dayaray na sumulat!
Ngayon, ang dayaray ay natuto nang sumulat.

NAGBABAGO NG HIHIP ANG HANGIN

Alam mo bang
Nagbabago ng hihip ang hangin?
Iiwan ng mga ibon ang pugad sa madaling-araw
At malilimutan ang landas pabalik.
Minsan sa tagsibol, nagkakasanga ang puno’t
Nalalagas ang mga dahon bago pa ang taglagas;
Gaya ng mga landas na tinahak ng aking buhay
Na tinangay kung saan at parang alikabok
Ang kakaibang ngiting humuhugis sa labi mo.
Wiwikain mong, “Ano ang bago?”
Sa anumang bagay sa kuwento, at tutugunin kang
Ikaw ang bago,
Alam mo ba?
Ngunit paano mo mababatid ito?
Ang kanlungan ng iyong pag-ibig at pananalig
Ay maaaring hipan palayo na parang alabok
Dahil nagbabago rin kahit ang hihip ng hangin.

Awit ng Sugat, ni Farrokh Tamimi

salin ng tatlong tula ng makatang Iranian Farrokh Tamimi.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TAGLAGAS

Hungkag ang pugad ng mga uwak
na nasa sangang tuyot ng ubaning sikomoro.
Sa himpapawid,
dalawang satin-tinta ang pumatak.

BUHAY

Hiniwa ko ang gabi
sa labaha ng umaga
at isinabit ang araw
sa bulawang kuwadro
sa nabiyak na pader
ng kalendaryo ng buhay.

AWIT NG SUGAT

Pumasok sa bintana ang simoy
na sakay ang huni ng mga kanaryo
ng kapitbahay at aking narinig.
Sugatan ang huni ng mga kanaryo
na nakakulong sa mga hawla,
at nanatili nang matagal sa lalamunan
ng ibon ang luma’t maantak na kirot.

Ikinuwadro sa semento at bakal ng lungsod,
malayo sa kariktan ng bukid, parang, at burol,
pinahalagahan namin ang awit ng bilanggo.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Hinagpis ng Taglagas ni Stéphane Mallarmé

Salin ng tulang “Plainte d’automne” (1864) ni Stéphane Mallarmé.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINAGPIS NG TAGLAGAS

Nang iwan ako ni Maria para dumako sa ibang bituin—sa Orion man o Altaír o lungting Venus—inibig ko nang madalas ang pag-iisa. Kapiling ko ang aking pusa sa paglulustay ng mga araw. Katumbas ang pag-iisa ng kasalatan sa materyal na pag-iral, at ang pusa ang aking mistikong kaibigan, isang espiritu. Masasabi kong nakaraos ako sa mahahabang araw nang mag-isa kapiling ang pusa, na isa sa mga pangwakas na awtor ng dingal ng Romano; at yamang wala na akong minahal nang kakatwa at natatangi kundi ang puting nilalang, lahat ay malalagom sa isang salita: taglagas. Kaya, sa buong taon, ang paborito kong panahon ay pinakamabagal na yugto ng tag-araw bago ang taglagas; at sa isang araw, ang sandaling naglalakad ako’t magbabantulot ang araw bago maglaho, na may mga bronseng sinag sa abuhing pader, at liwanag na mamula-mulang tanso na bumabalatay sa mga tisa. Ang panitikan—na pinaghuhugutan ko ng malayaw na libog ng kaluluwa—ang magiging pahirap na panulaan ng dulong yugto ng Roma, hangga’t hindi ito bumubuga ng hininga ng masisiglang tindig ng Barbaro o mautal sa paslit na Latin gaya ng sa prosang Kristiyano. Binabása ko ang isa sa matatalik na tula (na kaakit-akit ang tiklap na pula kaysa sariwang lamán), at ipinaloob ang kamay sa purong balahibo ng hayop, samantalang pagod at malungkot na tumutugtog ang organo sa ilalim ng aking bintana. Sumasaliw iyon sa malawak na landas ng mga álamo na ang mga dahon, kahit sa tagsibol, ay waring nagdadalamhati nang daanan ni Maria, na tinatanglawan ng mga kandila ang paglalakbay. Instrumento ng kalungkutan iyon at walang pasubali: kumikislap ang piyano, nagluluwal ng liwanag ang biyolin mula sa mga wasak nitong himaymay, ngunit ang organong pangkalye sa munting sinag ng gunita ay nagiging sanhi ng aking balisang pananaginip. Humuhuni ito ngayon ng de-kahong awiting kasiya-siya at lumulukob sa mga karatig-nayon nang may himig na karaniwan at sinauna: Bakit tumatagos sa kaluluwa ang mga titik na iyon, at nagpapaluha sa akin, gaya ng romantikong balada? Marahan kong ninamnam ito, at hindi naghagis ng kusing sa bintana sa pangambang magulo ang diwa ko’t matuklasan, na hindi lamang instrumento ang siyang tumutugtog.

Musika

Musika, mula sa artsibo ng Project Gutenberg. Dominyo ng publiko.

Tatlong Talinghaga ni Ho Chi Minh

Mga tula ni Ho Chi Minh
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

GABI NG TAGLAGAS

Sa tarangkahan, sakbat
ng bantay ang tangang riple.

Tumatakas sa kapal ng ulap
ang buwan sa himpapawid.

Ang paglusob ng laksang surot
ay hukbo ng mga tangke sa gabi.

Ang eskuwadron ng mga lamok
ay alon ng salakay ng eroplano.

Naiisip ko ang aking bayan.
Mithi ko’y lumipad nang malayo.

Ngunit ang pangarap ko’y
nabitag ng mga sapot ng pighati.

Nagwakas ang isang taon dito.
Ano ang aking pagkakasala?

Habang lumuluha’y sumulat
muli ako ng tula ng pagkakapiit.

GABING MALAMIG

Ito ang gabi ng taglagas.
Wala akong sapin ni balabal.

Walang tulog. Halukipkip ko
ang binti’t lawas na naninigas.

Nagniningning ang buwan
sa dahon ng saging na hinamog.

Sa labas ng mga rehas, nanayaw
sa polo ang Dawong-dawungan.

BALIGTARAN

Itatatag ng lumayang mga bilanggo ang bansa nila.
Mula sa labis na kamalasan ay aahon ang katapatan.
Ang mga kaluluwang ligalíg ang pinakamababait.
Pagbukas ng bilibid, lalabas ang tunay na bakunawa.

Bilanggo

Bilanggo, larawan mula sa http://www.historycommons.org

Dalawang Tula ni Alexander Pushkin

salin ng mga tula ni Alexander Pushkin (na binabanghay ding Aleksandr Sergeyevich Pushkin), batay sa saling Ingles ni Yevgeny Bonver
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANGHEL

Sa bungad ng eden, ang mayuming anghel
Ay yukod ang ulo na labis ang ningning;
Habang ang demonyo’y malamlam at poot
Na pumapagaspas sa banging makipot.

Ang masamang loob at diwang balisa’y
Tumitig sa taas na mabuting diwa;
Ang apoy ng pilít na ginhawang taglay
Ay kanyang natalos sa unang tunghay.

“Nakita na kita,” aniyang malakas,
“At hindi nasayang ang hatid mong sinag:
Hindi ako poot sa lahat sa langit,
Hindi ako suklam sa buong daigdig.”

MGA BULAKLAK NG TAGLAGAS

Ang mga bulaklak ng buong taglagas
Ay marikit kaysa tagsibol ng patag.
Dahil mapupukaw yaong niloloob
Na napakalakas, bagaman malungkot,
At gaya ng kirot ng paghihiwalay
Ay higit ang tatag kaysa pagtitipan.

Alexander Pushkin, larawan mula sa http://www.edinformatics.com

Tatlong Tulang Klasiko mula sa Tsina

salin ng tula ni Rwan Ji, mula sa Dinastiyang Wei ng Tsina
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

HIMIG NG KALOOBAN

Hindi ako
makatulog sa gabi.
Babangon at uupo
ako para kalabitin
ang umaawit na laúd.

Sinisilip ko
sa manipis na kurtina
ang kinang ng buwan.
Humihihip ang dayaray
sa aking kasuotan.

Nanawagan sa gubat
ang nag-iisang gansa.
Sumigaw sa hilagang
kahuyan ang paikot-
ikot na mga ibon.

Naiinis at balisa,
ano ang inaasahang
masisilayan?
Lungkot at pighati
ang aking kapiling.

salin ng tula ni Li Bai, mula sa Dinastiyang Tang ng Tsina
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SARILING ALIW

Kahit ang takipsilim
ay hindi ko napansin
sa aking paglalasing.
Mga pigtas na bulaklak
ang tumabon sa aking
suot na damit.

Lango akong tumayo,
at tinahak ang sapa
sa kabilugan ng buwan.
Lumisan ang lahat
ng ibon; at kakaunti
ang mga tao.

salin ng tula ni Yen Wu, mula sa Dinastiyang Tang ng Tsina
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MOOG SA TAGLAGAS

Kagabi, pumasok
ang simoy ng taglagas
sa mga daan pa-Tsina.
Napuno ng hilagang
ulap at kanugnog
na buwan
ang mga bundok
sa hilaga.

Hinimok kong muli
ang aking mga heneral
na humahagibis
at tumutugis
sa maaangas na barbaro
na huwag hayaan
ni isang kabayo
ang makabalik
sa larangan ng buhangin.

Baybay sa dapithapon

"Baybay sa dapithapon," kuha ni Paolo Neo. Mula sa artsibo ng free-stock-photo.com

“Pagkakataon” ni Jorge Luis Borges

salin ng tulang “Instantes” ni Jorge Luis Borges mula sa orihinal na Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAGKAKATAON

Kung isisilang muli ako para danasin ang buhay na ito,
sa susunod ay sisikapin kong magkamali nang marami.
Di ko susubuking maging perpekto’t higit na panatag ako.
Magiging hangal ako kaysa dati,
at kaunting bagay lamang ang aking seseryosohin.
Magiging mas marumi ako.
Makikipagsapalaran ako sa balag ng alanganin,
maglalagalag para magpahinga kung saan-saan,
magbubulay sa iba’t ibang dapithapon,
aakyat ng laksang bundok, lalangoy sa maraming ilog.
Lalakbayin ko ang mga pook na hindi ko narating,
kakain ng sari-saring sorbetes at kaunting habitsuwelas,
magkakaroon ako ng higit na maraming tunay na problema,
at kakaunti yaong kathang-isip lamang.

Isa ako sa mga tao na namuhay nang matino
at prolipiko sa bawat sandali ng aking buhay.
Siyempre may panahong taglay ko ang kasiyahan.
Ngunit kung isisilang muli ako, sisikapin kong sinupin
lamang ang mabubuting sandali.

Dahil kung hindi mo alam, iyan ang bumubuo ng buhay:
tanging mga sandali. Huwag iwaglit ang ngayon!

Isa ako sa mga tao na naglalakbay kung saan at malimit
may dalang termometro, termos ng mainit na tubig,
payong, at parakayda.
Kung isisilang muli ako, magbibiyahe ako nang magaan.

Kung ipapanganak muli ako,
maglalakad ako nang nakayapak sa simula ng tagsibol,
maglalakad nang nakayapak hanggang wakas ng taglagas.
Sasakay ako sa higit na maraming karwahe,
magninilay-nilay sa higit na maraming liwayway,
at makikipaglaro sa higit na maraming batang paslit,
kung isisilang muli ako para danasin itong angking buhay.

Ngunit walumpu’t limang taong gulang na ako,
at nababatid na malapit, malapit na akong yumao.

Palawan

Palawan

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers