Tungkol sa mga ad na ito

Bayan, Bayani, Balagtas

Napapanahong titigan ang tema ng Araw ni Balagtas (2 Abril 2014) ngayong taon: “Bayan, Bayani, at si Balagtas.” Tinitingki ng nasabing tema ang pagpapahalaga sa konsepto ng “bayan” at “bayani” at sumasakay sa makasaysayang peregrinasyon sa ngalan ni Francisco Balagtas Baltazar sa tatlong pook: Maynila, Bulakan, at Bataan. Nagtipon-tipon hindi lamang ang mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, bagkus ang mga manunulat, guro, dalubwika, at alagad ng sining upang gunitain sa pamamagitan ng lakbay-panitik ang tatlong pook sa mga yugto ng buhay ni Balagtas bilang manunulat.

Araw ni Balagtas poster 20123Ang nasabing lakbay-panitik ay isang paraan ng paggunita sa dakilang makatang nagluwal ng diwaing “bayani” at “bayan” na hindi maiiwasang gamitin din ng gaya nina Jose Rizal at Andres Bonifacio sa kani-kaniyang diskurso. Ang pagkakaroon ng dalawang apelyido ng makata (“Balagtas” nang isilang, “Baltazar” naman nang ikasal at mamatay) ay tila pahiwatig ng magaganap ng pagtatagpo ng katutubo at banyaga sa kaniyang akda, na ang resulta’y pinaghalong katauhan ng modernisasyon.

Kung babalikan ang Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang konsepto ng “bayan” at “bayani” ay kaugnay ng agawan ng kapangyarihan (na matataguriang “kudeta” sa ngayon) sa kaharian ng Albania, at sa agawan ng babae (“sexual assault” sa terminong legal) sa kaharian ng Persia at Albania. Maiuugnay din ang “bayan” sa tunggalian ng Albania at Persia, na ang Persia ay nadehado nang sumalakay ang hukbong Albania; at ang “bayani” ay halos katumbas ng “matapang” na iniuugnay sa “mandirigma” o “kawal” na tagapagtanggol ng teritoryo, kapangyarihan, at dangal. Ang hari ng Albania at ang hari ng Persia ay tila yin at yang kung hihiramin ang konsepto ng mga Tsino, na ang isa’y ginapi (mahina) at ang ikalawa’y nanggapi (malakas). Gayunman, malakas ang hukbong sandatahan ng Albania sa kabila ng mahinang pamamahala ni Haring Linceo; samantalang mahina ang hukbong sandatahan ng Persia sa kabila ng pagiging diktador ni Sultan Ali Adab.

Sa Florante at Laura (1838) ni Balagtas, ang unang banggit ng salitang “bayani” ay patungkol ay isang bantog na gererong Moro na si Aladin, na nagligtas kay Florante mula sa mababangis na halimaw doon sa gubat. Ang “bayani” sa tula ay mahihiwatigang katumbas ng pinaghalong “katapangan” at “kawanggawa.” Isang kakatwang pangyayari ito, sapagkat ang mortal na magkaaway ay pinagtagpo sa ilang, at ang tao na inaasahang papatay sa kaniyang kalaban ang siya pang naging tagapagligtas. Sa ganitong pangyayari, ang pagiging “bayani” ay iniangat ni Balagtas sa mataas na diskurso mula sa dating diskurso ng “armadong digmaan” at “pagpapatayan” ng dalawang bayan tungo sa pagiging “tagapagligtas ng bayan.”

Ngunit hindi doon nagtapos si Balagtas. Si Laura, na tangkang gahasain ni Adolfo sa gubat, ay sinagip ni Flerida na asintadong mamamana. Si Flerida naman ay tumakas tungong gubat upang lumayo kay Sultan Ali Adab na nais siyang gahasain. Pinagtagpo ang dalawang dilag sa gubat, na nagsilbing kanlungan ng kalayaan. Gubat din ang magiging tagpuan ng magkapares na mangingibig (Florante at Laura; Aladin at Flerida). Sa yugtong ito, ang konsepto ng “gubat” bilang lunan ng “panganib” at “dilim” ay naging “seguridad” at “liwanag.” Ang magkapares na Aladin at Flerida, at Florante at Laura, ang magpapahiwatig ng pagsisimula ng bagong sistema ng pamunuan, at siyang magpapabago sa sinaunang pamamaraan ng pamamahalang hitik sa katiwalian, karahasan, at kawalang-katarungan.

Isa pang halimbawa ng konsepto ng “bayani” ay kinakatawan ni Minandro, na sumagip kay Florante kay Adolfo, at siyang nanguna sa hukbong gagapi sa mga kaaway. Ang unang pagiging bayani ni Minandro nang iligtas si Florante laban kay Adolfo’y noong sila’y kabataan pa, at sa yugtong ito, ang pagiging bayani ay katumbas lamang ng pagiging matapang na mandirigma (personal na antas). Ngunit sa ikalawang pagkakataon, ang pagiging “bayani” ni Minandro ay ipinamalas sa tula nang tumulong siya kay Florante para makabalik sa Albania at maghasik ng kontra-himagsikan. Sa yugtong ito, ang konsepto ng “bayani” ay naghunos sa pagiging “gawaing panlahat,” at siyang sinundan ng Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.

Sa dulong bahagi ng awit, sina Aladin at Flerida ay tutulungan nina Florante at Laura na makamit muli ang kanilang kaharian, nang mamatay si Sultan Ali Adab. Bagaman ang kumbersiyon nina Aladin at Flerida na ipinahihiwatig ng pagbibinyag [1] ay waring pagtalikod sa kanilang kinagisnang relihiyon, magbabalik sila sa Persia upang magpasimula ng bagong politika. Sa ganitong pangyayari, ang pagbabalik sa sariling bayan ay ipinahihiwatig na napakahalaga at higit sa dapat itadhana ng relihiyon. Isa pang taktika na ginawa ni Balagtas ay walang direktang banggit sa “diyos” o “santo” ng mga Kristiyano sa kaniyang tula. Ang “diyos” (dios) na binanggit ni Balagtas ay tumutukoy kay Cupido at hindi kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Kristiyano” ay iniwasan sa tula, at mahihiwatigan lamang ito kung itatambis sa pahiwatig na “Moro” na tumutukoy sa panig nina Aladin at Flerida.

Umaabot sa 136 salitang Espanyol [2] ang nakapasok sa korpus ng Tagalog sa Florante at Laura ni Balagtas. Pawang pangngalan [noun] ang naturang mga salita, na tumutukoy sa tao, pook, at bagay. Ang introduksiyon ng mga hiram na salitang banyaga ay isang paraan ng pag-aangkin, na sa termino ng kritikong Virgilio S. Almario, ay bahagi ng proseso ng naturalisasyon. Bagaman gumamit ng mga salitang Espanyol si Balagtas sa kaniyang tula, ang nasabing mga salita ay naging palamuti lamang at higit na nanaig ang katutubong konsepto ng “bayani” ng Tagalog.

Makabubuting pansinin ang pamagat ng awit ni Balagtas. Nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Grecia noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Grecia at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Grecia. Ginamit lamang niya ang gaya ng “Grecia,” “Albania,” “Persia,” at “Etolia” sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan. (Nilansi ni Balagtas ang awtoridad ng Simbahang Katolika at gobyernong kolonyal na Espanyol upang mapalusot ang kaniyang subersibong akda.)

Ang “Katagalugan” na ito ang ipapakahulugan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na tumutukoy sa kapuluan ng bansa natin. Ayaw nilang tawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog.” Mabibigo sina Bonifacio at Jacinto, ngunit ang pagiging Tagalog ay mananatili naman bilang batayan ng wikang Filipino at kikilalanin sa Konstitusyong 1987—na isa nang malaking tagumpay ng mga bayani ng panitikan sa ating kapuluan.

Dulong Tala

[1] Sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ang “binyag” ay hango umano sa Borneo, at katumbas ng “paghuhugas ng tubig.” Isang ministro ni Mahoma (Muhammad) ang nagsasagawa ng ritwal na ito sa mga katutubo na hindi pa nabibigyan ng aral ng Islam. Nang lumaon, ang salitang “binyag” ay inangkin umano ng mga Kristiyano at itinumbas sa ritwal ng sagradong bawtismo. Kung babalikan ang tula ni Balagtas, ang konsepto ng pagbibinyag kina Aladin at Flerida ay hindi kumbersiyon sa Kristiyanismo, bagkus simpleng “paghuhugas ng tubig” para sa pagsisimula ng bagong relasyong mag-asawa.

[2] Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).

Tungkol sa mga ad na ito

Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Filipino at Dalawampung Pisong Papel

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika. Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong kapuluan.

Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.”

Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at negosyo.

At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo.

Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika, bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang katutubong wika.

Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay “Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng “pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika. Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral at pananaliksik.

Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika.  Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at matematika, at iba pang larang.

Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

Sa ngalan ng KWF, nais kong ipaabot sa inyo ang taos-pusong pasasalamat. Makilahok kayo sa mga programa at proyekto ng KWF, dahil ang tanggapang ito ay dapat magsilbi sa bayan, imbes na pagsilbihan.

[Talumpating binigkas ni Roberto T. Añonuevo sa paglulunsad ng ika-75 Anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ginanap sa plasa ng Angono, Rizal noong 25 Enero 2011.]

Ang Kumbensiyon ng Malayang Taludturan

Sumiklab ang pagtatalo sa usapin ng paggamit ng malayang taludturan sa panulaang Tagalog noong dekada 1930 dahil na rin sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pagpapanatili ng tradisyon ng nasabing panulaan samantalang rumaragasa ang pagpasok ng impluwensiyang Amerikano at Ingles sa panitikang Filipinas at pinaiiral bilang opisyal na komunikasyon sa transaksiyon ng pamahalaan, edukasyon, at negosyo ang kapuwa Espanyol at Ingles. Nakaugat sa mahabang kodipikasyon ng panulaang Tagalog ang susi ng pagtatalo, at matutunghayan kung babalikan ang mga sinaunang tekstong nalathala sa bansa.

Unang bumanat si Fray Gaspar de San Agustin, sa kaniyang akdang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1703), sa pagsasabing, “La poesia tagala no es tan difícil como parece, porque no tiene el rigor de la cuantidad de medias y ultimas, como la latina: ni las leyes del consonante formozo, como la castellana. Ni consta de la variedad de metros de ambas. Consta sólo de cualidad de voces y uniformidad de finales, cuya concordancia llaman ellos tola.”[1] Payak lamang ang ibig sabihin ni San Agustin:“walang panuto ang tulang Tagalog na singhigpit ng Latin, kung pag-uusapan ang bilang ng gitna at huling pantig ng salita; at ni walang sinusunod na alituntunin sa sapilitang gamit ng katinig, tulad ng sa Kastila. May katangian lamang daw ito ng tinig, at pagkakatulad ng mga [tunog] ng huling kataga.

May prehuwisyo si San Agustin sa panulaang Tagalog, at mababanaagan ito kahit sa kaniyang pag-uuri na may dalawa lamang na tugma ang tulang Tagalog: una ang “mariin” (nagtatapos sa patinig ang salita); at “mababaw” (nagtatapos sa katinig ang salita). Ginagawa niyang simple ang tulang Tagalog at inihahambing sa padron ng Latin at Kastila, imbes na pag-aralan ang tula alinsunod sa parametro ng Tagalog. Higit pa rito, itinuturing niyang may iisang balahibo ang tradisyon ng panulaang Latin, Kastila, at Tagalog, na waring nagmula sa iisang malig ng wika at tradisyon ang mga ito. Sa gayong paghahambing lumilitaw ang Mataas na Wika (dayuhan) laban sa Mababang Wika (katutubo) na naglalagay sa alanganin sa Tagalog sa hanay ng mga wika at panitikang pandaigdig.

Kulang na lang na sabihin ni San Agustin na ang panulaang Tagalog ay may “malayang taludturan” dahil iba ang ulinig niya sa tugmang Tagalog kompara sa mga tugma ng mga tulang Latin at Kastila.

Kumambiyo nang kaunti si Fray Francisco Bencuchillo sa kaniyang Arte Poetico Tagalo (1895) at nagwikang, hindi umano napakahirap ngunit hindi rin napakadali ng tulang Tagalog. May bahagi lamang nito ang madali, na may kinalaman sa huling pantig ng dulong salita sa isang taludtod. Na kapag nagwawakas sa katinig o mala-patinig ang pantig ng dulong salita sa taludtod ay nagiging “Norte o Gabay upang mabatid ang magiging anyo ng mga sumusunod na anyo.”[2] Ginamit ni Bencuchillo ang konsepto ng kompas at inilapat sa tula, at ipinakilala kung bakit nagtutugma ang mga salitang nagwawakas sa b, c, d, g, p, s, t kapag ang naunang patinig nito ay magkapareho; o kaya’y ang mga mala-patinig na l, m, n, ng kung ang naunang patinig nito ay magkahawig.

Ngunit mahihirapan si Bencuchillo sa tugmang patinig. Na kahit magkakapareho ang dulong pantig ng dulong salita sa bawat taludtod ay hindi nangangahulugang magkakatugma na iyon. Ito ay dahil nahihirapan ang mga Kastila na bigkasin ang mga salitang may impit, na gaya ng malumì at maragsâ, na pawang wala sa wikang Latin o Kastila. Gayunman, ipapakilala ni Bencuchillo ang henyo ng paglalapi sa mga salitang may mabibilis o malulumay na bigkas, na pawang tatawagin niyang tugmang “mariin”; at ang mga salitang may mararagsa o maluluming bigkas na tatawagin niyang tugmang “mababaw.”

Para kay Bencuchillo, ang tulang Tagalog ay may tatlong uri lamang. May tatlo o apat o higit pang bilang ng taludtod ang bawat saknong na puwedeng ituring na buong tula; at bawat taludtod ay may pito o walong pantig bawat isa. Kapag ang isang saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig ang bawat taludtod, hindi na ito itinuturing na “tula” bagkus “prosa” o “plosa.”  Sinipi niya ang isang halimbawa:

Nang catahimican nang Gabing malamig
calaliman baga tolog pagcaidlip
cataoua,i, nanğala,i, ay napanagiuinip
o naquiniquita nang boocong baet.
Caracaraca,i, napaguitang tambing
ysang Calolouang cahihiualay rin
sa Pataouan sic-sic manğa salangsauil
nanacagaouian ang Cataouang tacsil.

Ayon kay Bencuchillo, ang prosa o plosa ay ginagamit lamang sa mga “liham ng pag-ibig at pag-iisang-dibdib.” Mahihinuhang esklusibo ang prosa o plosa at ikinakahon sa kumbensiyon ng panliligaw, pagtatalik, pagmamahalan, at pagpapakasal, gaya lamang na may natatanging tula para sa isinilang (oyayi) at namatay (dung-aw).   Sa pag-aaral ni Virgilio S. Almario, ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na taludtod ay hindi likas sa panulaang Tagalog bagkus imitasyon mula sa dulang Ewropeo. Posibleng ipinasok umano noong panahon nina San Agustin at Bencuchillo ang nasabing mga padron at itinuring na “prosa.” Ngunit posible ring bago pa man ipinakilala ng Kastila ang gayong anyo ng pananaludtod ay ginagamit na ito sa Tagalog, dahil sa pangyayaring ang Tagalog ay higit na rumirikit at nagkapagpapahayag ng malalalim na talinghaga sa paggamit ng lalabindalawahin at higit pang bilang na pantig na pananaludtod.

Kahit sabihin pang “prosa” o “plosa” ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na saknungan, nagtataglay pa rin ito ng tugma. Isang katutubong kritiko ang magsasabing “magaling, datapoua hindi tola” ang gayong anyo, at ang ganitong pananaw ay posible ngang nagmumula sa pananaw ng isang taal na Tagalog at hindi Kastila. Sa kabilang banda, ang paglilimita sa mga katutubong tula sa makikitid na sukat ay paghahangga sa kapasidad ng Tagalog na lumitaw sa higit na maluwag na taludturan. Kung ituturing na prosa ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig, ang kasalukuyang pakahulugan ng “malayang taludturan” ay isang kabalintunaan. Ang prosa o plosa sa Tagalog, noon pa man, ay isang anyo ng pagsasakataga na may sukat at tugma para sa paksang angkop sa pagliligawan at pagpapakasal, bagaman ang sukat at tugmang ito ay lihis sa nakagawiang makikitid na pananaludtod na pipituhin, wawaluhin, o sisiyaming taludtod.

Mahalaga ang sinaunang pagpapakahulugan at paggamit ng anyong “prosa” o “plosa” at ito ang tatatak kahit sa winika ni Jose Rizal: “Los Tagalos desconoces el verso libre, por presentarse su idioma facilmente a la rima y por ser esta muy sencilla y natural.”[3] Hindi umano kinikilala ng mga Tagalog ang malayang taludturan, dahil maluwag at madaling gamitin sa pagtutugma ang wika [na Tagalog]. . . .” Maiuugnay ang winikang ito ni Rizal sa winika ni P. Joaquin de Coria, na ang “likas at katutubong tula ng mga Indio ay ang lapatan ng taludtod ang prosa, at magbigay ng tugma. . . .”[4] Iniugnay ni Rizal ang kalikasan ng wikang Tagalog sa panulaan nito. Tinukoy niya ang labindalawang uri ng tugma (anim sa katinig at anim sa patinig). Ang tugmaang patinig ay nahahati sa dalawa: ang “karaniwan” o vocal ordinaria (na tumutukoy sa malumay at mabilis na bigkas) at “mabigat” o vocal pesada (na tumutukoy sa malumi at maragsang bigkas). Samantala, ang tugmang katinig ay inuri niya sa “malakas” o consonante fuerte (na nagwawakas ng b, d, g, k, p, s, t) at “mahina” o consonante débil (na nagwawakas sa l, m, n, ng, y, w) Binanggit din ni Rizal ang isang panuto, na lahat ng taludtod sa isang saknong ay dapat magkaroon ng isang tugma, at ang sumusunod na saknong ay nararapat maging iba ang tugma, “kung hindi’y magiging isang tunog lamang at pawang nakababagot at nakapapagod.”[5]

Sa pakahulugan ni Rizal, ganap na inaalis sa ekwasyon ng panulaang Tagalog ang malayang taludturan. Ngunit pagsapit kay Lope K. Santos, ang “tugma” at ang “sukat” ay ilulugar bilang “bahagi ng estruktura o anyo ng tula.” Para kay L.K. Santos, ang tulang Tagalog ay may apat na sangkap: tugma, sukat, talinghaga, at kariktan.[6] Ang sukat at tugma ay pisikal o panlabas na anyo ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ang pinakakaluluwa ng tula. Mahihinuhang ginamit ni L.K. Santos ang konsepto ng “katawan” at “kaluluwa” alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo. Kinakailangan umano ang tugma at sukat para makasulat ng taludtod, samantalang kailangan ang talinghaga at kariktan upang makasulat ng tula.

Ngunit ang abanseng obserbasyon ni L.K. Santos ay hindi maglulundo roon. “… Kung mayroon mang tula sa isang tuluyan o prosa,” aniya, “ay maaari ding magkaroon ng taludturan kahit walang tula. Ang malapit na ugnayan ng taludtod at tula ay siyang magsisilbing suhay sa wika ng isang makata.” Sa pakahulugang ito ni L.K. Santos, ang “malayang taludturan” ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw, at maaaring ikabit din kahit sa tinatawag ngayong “tulang tuluyan” [prose poems; poeme en prose]. Binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng di-regular na sukat at walang tugmaang pananaludtod at saknong, bukod sa mga talatang matulain. Samantala, pinupuna rin ni L.K. Santos ang mga sampay-bakod na makata, na mahusay lamang magtugma at sukat subalit walang kakayahang maglubid ng talinghaga.

Mahalaga ang binanggit na ito ni L.K. Santos sapagkat maikli ang tradisyon ng anyong prosa sa panitikang Filipinas, na gaya ng maikling kuwento at nobela. Halimbawa, ang Ang mga Anak Dalita (1911) ni Patricio Mariano na nagtataglay ng eksperimentasyon sa pananaludtod at saknungan ay tinatakang “Nobelang Tagalog” sa pahinang pampamagat. Samantala, napakatradisyonal naman ang saknungan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1913) ni Aurelio Tolentino, at may tatak na “nobelang Tagalog” gayunman ay nagtataglay ng mga talinghagang kontra-imperyalismo. Ang kalituhan kung anong uri ng akda ang “nobela,” “maikling kuwento,” “prosa,” at “tula” ay malulutas lamang noong 1947  nang sinupin ng Institute of National Language ang mga katawagang pampanitikang dumaan sa mga dalubhasa.[7]

Kung binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng malayang taludturan at tulang tuluyan sa kaniyang mga pahayag, ibabalik naman ni Iñigo Ed. Regalado ang tradisyonal na pagtanaw sa panulaang Tagalog. “Sa simula pa’y nagtataglay ang tulang Tagalog ng apat na bagay: sukat, tugma, kaisipan, at kariktan. Noon pa man at ngayon, kapag ang isang tula ay wala ng apat na bagay na ito ay hindi maituturing na tunay na tula.”[8] Sa nasabing pakahulugan ng tulang Tagalog, mistulang anomalya ang “malayang taludturan” at kinakailangang baguhin ang pakahulugan ng “tula” upang makapasok ang pakahulugan ng “malayang taludturan” at “tulang tuluyan.”

Halos magkapareho ang apat na sangkap [o katangian] ng panulaang Tagalog kung paghahambingin ang mga sinabi nina L.K. Santos at Regalado. Nagkakatalo lamang sila sa pagpapakahulugan. Kung si L.K. Santos ay ginamit ang “talinghaga,” gagamitin naman ni Regalado ang “kaisipan.”

Para kay L.K. Santos, ang talinghaga “ay hindi lamang sumasakop sa tatlong anyo ng wikang patalinghaga, tulad ng sinekdoke, metapora, at metonimiya, bagkus ang kabuuang Retorika at Poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at ng sari-saring pamamaraan ng pagpapahayag dito.”[9] [Akin ang diin]. Ang kaisipan, sa panig naman ni Regalado, “ay siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat.”[10] Mapapansin na higit na malawak ang pakahulugan ni Santos kompara kay Regalado, at siyang mananaig magpahangga ngayon. Samantala, kikitid ang “kaisipan” na itutumbas sa “central idea” sa Ingles.

Ang mahigpit na pagpapakahulugan ni Regalado ang magtutulak kay Alejandro G. Abadilla upang puwingin ang apat na katangian ng panulaang Tagalog. Para kay Abadilla, ang “katutubong balangkas, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat na ng panulaan sa daigdig.”[11] Gayunman, mapanlahat ang pahayag na ginawang pagdulog ni Abadilla. Hindi niya inusisa kung may natatanging sukat at tugma ang tulang Tagalog gaya ng naunang pag-aaral ng mga frayle at nina Rizal, L.K. Santos, Balmaseda, at Regalado.

Ikinatwiran ni Abadilla na “ang sinasabing katutubong balangkas ng tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi ang kabuuan ng mga katutubong balangkas ng Tulang Tagalog, at ito’y dahil sa katotohanang ang panulaan natin, ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago.” Ngunit nabigong magbigay ng halimbawa si Abadilla na susuhay sa pahayag na ito, bagaman mahihinuhang ang tinutukoy niya ay mga epikong bayan. Ngunit kahit walang estriktong tugma at sukat ang naturang mga epiko, alinsunod sa pamantayang pasulat o palimbag, ginagabayan pa rin iyon ng kumbensiyon ng himig at indayog na umaayon sa pabigkas o pahimig na pagtula, batay sa nakagawian ng mga katutubo.

Binanggit ni Abadilla na “ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit lamang ng tula” at siyang tumutukoy sa “daloy na panlabas.” Kung babalikan ang unang winika ni L.K. Santos, ang tugma at sukat ay may gayon ding pakahulugan, na itinuring niyang panlabas na anyo. Ano kung gayon ang mahalaga sa tula? Para kay Abadilla, higit na mahalaga ang “damdaming matulain [i.e., kalamnan o daloy na panloob]—yaong damdaming may hubog, may kulay, at may tinig.” Ito rin ang unang binanggit ni L.K. Santos, subalit sa panig ni Abadilla, ang “damdaming matulain” ay malapit ang testura sa “objective correlative” na pinatanyag ni T.S. Eliot at unang binanggit ni Washington Allston. Ginagamit sa objective correlative ang simbolikong bagay upang iugnay na pahiwatig patungo sa mga dating di-maipaliwanag, kung hindi man abstrakto, na damdamin. Para kay Allston, ang panlabas na daigdig ay kinakailangan ng katumbas na sariwang diwain sa isip, at mahalaga ito sa ebolusyon ng kalugod-lugod na damdamin.[12] Ginamit naman ito ni Eliot sa pagsusuri sa dulang Hamlet (1599?) ni William Shakespeare, at nagsabing “ang tanging paraan upang maipahayag ang damdamin sa sining ay sa pamamagitan ng paghanap ng katumbas. . . ng kalipunan ng mga bagay, sitwasyon, o magkakatanikalang pangyayari na magiging pormula ng isang tiyak na damdamin; na kapag nagwakas ang pagdama sa mga panlabas na bagay ay kagyat na madarama ang damdamin.”[13]

Pinuna ng isa pang modernistang makatang Tagalog na si Ildefonso Santos ang panulaang Tagalog na “sentimental, walang orihinalidad, at maligoy.”[14] (Sumasapol ang banat na ito sa mga duplero at mambabalagtas, at sa mga tula nilang naglulunoy sa pag-ibig o pag-iibigan.) Gayunman, sumasang-ayon umano siya na wala nang maipagmamalaki ang mga tulang makabago kundi ang kawalan ng tugma at sukat. “Ngunit kung naririto ang ‘pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin,’ ay walang dahilan kung bakit hindi ito dapat tawaging tula.”

Ang “pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin” na binanggit niya ay maaaring iugnay, kung hindi man itumbas sa “matulaing damdamin” ni Abadilla, ngunit maaari ding sipatin na labis na sentimental at maramdamin ang pinatutungkulan. Kung babalikan ang koleksiyon ng mga tula ni Regalado, na pinamagatang Damdamin (1968), mahihiwatigan dito na ang damdamin ay hindi literal na na katumbas ng “emosyon” na pupuwinging “kinalburong damdamin”[15] ng kritikong Almario, bagkus tumutukoy sa “inanyuang kalooban” ng makata na kaniyang idinisenyo sa tula. Tinumbasan ni Regalado ng iba’t ibang anyo ng damdamin ang mga paksang hinggil sa pag-ibig, mulang bata hanggang matanda, at mulang pansarili tungong panlipunang usapin. Para naman kay Ruben Vega, ang sining ng panulaan “ay mabisang pagpapahayag ng makahulugang damdamin (emotional meaning) na gumigising sa kaisipang panloob upang maging pangkalahatang larawan ng daigdig. . . .”[16]

Magiging lantad ang usapin ng “malayang taludturan” habang tumantayag ang pagkatha ng mga nobela, kuwento, sanaysay, at anekdota bukod sa pagsibol ng tinaguriang “dagli” at “pasingaw” noong bungad ng siglo beynte hanggang makaraan ang digmaang pandaigdig. Ang dagli, gaya ng ibig ipahiwatig nito, ay mabilisan ang pagkakasulat, na maaaring mapaglarawan, mapagsalaysay, o mapaglahad sa pinakamatipid na paraan at sa masiste at matalinghagang pamamaraan. Ginagamit ang dagli mulang pangulong tudling hanggang mala-sanaysay at tulang tuluyan, at ang himig ay maaaring mapamuna, mapanuos, mapagpatawa, seryoso, at bumabagay minsan bilang pamuno sa mga natitirang espasyo ng pahayagan o magasin.[17] Samantala, ang pasingaw ay magiging esklusibo sa pagkatha ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-iibigan.

Malayang Taludturan
Nalathala noong 1934 sa pahayagang Taliba ang tulang “dios ko!” ni Abadilla na nagtataglay ng malayang taludturan at pulos maliliit na titik ang simula ng bawat salita ng bawat taludtod na animo’y ginagad sa mga tula ni e.e. cummings. Nilagyan pa ng talababa ng editor ang tula, na nagsasaad ng “Ang vers libreng ito’y hindi ito lamang. May hangad, marahil, itong magpakilala ng pinakamakabagong hilig sa tula.”[18] Higit namang nauna ang kaniyang eksperimento ng tulang tuluyan, na tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan” nang ilathala ng Liwayway ang “Ang Panahon” (1932). Sa dalawang tulang ito, nagtatangka na si Abadilla na kumawala sa mahigpit na pakahulugan ng tulang Tagalog ayon sa mga winika nina L.K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang sukdulan ng pagkalas ni Abadilla ay ibabandila ng tulang “Ako ang Daigdig,” na naggigiit ng indibidwalidad sa kabila ng kumbensiyong itinatakda ng tula at daigdig.

Iniuugnay ang paggamit ng malayang taludturan sa kabaguhan sa panulaan, at pagsunod sa padron ng banyagang panulaan. Subalit hirit ni Vega sa kaniyang panayam sa Manuel L. Quezon University noong 14 Agosto 1970:

Sa aking pag-aaral ay nalaman ko rin na walang malayang taludturan: ito’y pagsusuwagan ng kahulugan. Wala ring tulang malaya: ang kalayaan sa kulungan ay wala ng kahulugan. Paanong magiging malaya ang taludturan samantalang ang berso ay isang disiplinang nakakulong sa matipid na pangungusap at igkas ng damdaming narerendahan ng sukat at ritmo? Alisin mo ang sukat, ang tugma—subalit kailanman ay dadalhin ng indayog ng ritmo ang taludturan. Ang berso ay isang disiplinang minana sa klasisismo. Ibahin natin ang verse [sic] libre sa katawagang Pilipino.[19]

Para kay Vega, ang pinagkakakilanlan ng isang mahusay na tula ay wala sa pagkasangkapan sa tugma at sukat, o kaya’y sa paglabag sa mga tuntunin nito, bagkus sa “lirisismo.” Ang lirisismo, aniya, ay ang esensiya o kakang-gata ng tula, walang pagkakaiba sa pagpapakahulugan ng vertisismo ni Ezra Pound. Sumasalungat din ang kaniyang paliwanag sa sinaunang pagpapakahulugan ng panulaang Tagalog, at sa pagtatampok sa naunang winika nina L.K. Santos, Abadilla, at I. Santos hinggil sa pananalinghaga at nilalaman ng tula. Kulang ang paliwanag ni Vega sa lirisismo, at mahihinuhang nakasandal sa “indayog ng ritmo.”

Kung susundin ang talakay ni Vega, ang “vers libre” ay iba kaysa sa “malayang taludturan” kung ituturing na ang “vers libre” ay may bukod na diskurso sa “malayang taludturan” batay sa pinag-ugatang mga wika at tumbasan ng mga salita at diwa. Halos hindi nalalayo ang kaniyang pahayag sa winika ni T.S. Eliot, na “Walang malayang berso sa tao na ibig gumawa ng mabuting trabaho.” At sa ipinahayag ni Robert Frost na ang pagsusulat ng malayang taludturan “ay tila paglalaro ng tenis nang walang lambat.”[20]

Sinabi naman ni Charles O. Hartman sa kaniyang sanaysay, na “Sinasalungat ng malayang taludturan ang sarili nito.”

If “free verse” were to be admitted as verse at all, everything that had been achieved in the study of prosody would have to be rethought. Verse itself was defined, and still is in many dictionaries, as “metrical composition.”. . . If the definition of verse were in question, so would be the nature of poetry, with which it was habitually confused.[21]

Sa pahayag ni Hartman, walang mahigpit at permanenteng pagpapakahulugan sa “tula.” Kinakailangang baguhin din ang pagpapakahulugan sa “berso” o “taludtod.” Ngunit kahit ipagpalagay na malawak ang pakahulugan ng tula, may mga katangian pa rin itong masisipat at mahuhugot doon ang ilang kumbensiyong lumitaw noong nakaraang panahon hinggil sa pagsulat ng malayang taludturan.

Mga Kumbensiyon
Pagbubuo ng taludtod at saknong ang lunduan ng malayang taludturan, at heto ang ilang maituturing na kumbensiyong lumitaw sa iba’t ibang panahon:

  1. Maaaring magkaroon ng isa o mahigit pang saknong, bagaman di-regular ang sukat at tugma ng mga taludtod sa saknong.
  2. Nakasalalay ang haba o ikli ng taludtod sa disenyo, balangkas, at pamamaraan ng pagdiriin ng ritmo at himig.
  3. Maaaring magkaroon ng simetriya [at kadensiya] ang mga saknong, bagaman walang mahigpit na sukat ang mga taludtod, at nang maipamalas ang balanseng arkitektura ng tula. Halimbawa, kung ang unang saknong ay binubuo ng sampung taludtod, ang ikalawa at kasunod pang saknong ay may gayon ding bilang ng mga taludtod.
  4. Sa maraming tulang may malayang taludturan, hindi isinasaalang-alang ang simetriya ng mga saknong, bagkus ang ang tinig o mga tinig ng mga tauhan.
  5. Kung mala-epiko ang tula, maaaring hatiin ito sa mga yugto, at bawat yugto ay maaaring makapagsarili o kaya’y makalikha ng isang bukod na tula sa loob ng tula. Sa mahahabang tula ni Rio Alma, halimbawa sa Oriental, ginamit ang pamamaraan ng simponiya sa musika, kay may simulang mabagal, pagdaka’y bibilis, lalakas, tataas, bababa, at hihina, at muling tataas na yugto na waring akyat-baba sa bundok nang mapatindi ang kapanabikan, at masustini ang damdamin o kaisipan.
  6. Sa mga tulang tuluyan, ang saknong ay nagiging talata. At ang tula ay maaaring isang talata lamang.

Matatagpuan ang kumbensiyon sa estruktura o balangkas ng tula, at ang balangkas ng tula ay nakasalalay sa nilalaman at pinapaksa ng tula.

  1. May pagpapahalaga sa mga tunog ng dulong salita ng bawat taludtod o pangungusap, at pagpili ng mga salitang may maiindayog na tunog.
  2. May ritmo, ayon na rin kay Vega, at ito ay ginagabayan ng mga taktika ng repetisyon ng mga salita at diwa.
  3. Sa mga tulang tuluyan, may isa o higit pang talata.
  4. May partikular na paglalahad, paglalarawan, o pangangatwiran na pawang iniaayon sa persona, tinig, at himig ng tula, at maihahalimbawa rito ang buong koleksiyon ng tulang tuluyan ni Mike L. Bigornia, na pinamagatang Prosang Itim (1996).
  5. Sinematograpiko ang punto de bista, gaya sa mga tula ni Aloysius Bertrand.
  6. Ang anyo ng mga saknong ay maaaring idisenyo sa anyong ipinahihiwatig ng pamagat o kabuuan ng tula, halimbawa, gaya ng anyo ng bulkan ni Benigno Ramos o ni Frank Peñones, ahas ni José Corazón de Jesús, at kuhol ni Rio Alma.

Nagkakatalo ang maraming tula sa nilalaman, bagaman ang nilalaman ng tulang may malayang taludturan ay nagagabayan pa rin ng ilang kumbensiyon, gaya sa sumusunod:

  1. Ang “organikong anyo” [i.e., balangkas ng akda na likas na sumibol mula sa paksa at mga bagay na kinasangkapan ng makata], gaya sa pakahulugan ni Samuel Taylor Coleridge, ang magiging gabay sa retorika ng tula, kung hihiramin ang konsepto ni Hartman. Kung babalikan ang kritika sa “Ako ang Daigdig” ni Abadilla, ang banat ni Clodualdo del Mundo sa di-pagkatula ng akda ni Abadilla ay masasagot sa pag-urirat sa organikong anyo ng akda at ang sinadya o di-sinasadyang paglitaw ng tani-tanikalang pahiwatig at pakahulugan mula sa serye ng pag-uugnay ng mga salitang “ako,” “daigdig,” at “tula.”
  2. May “panloob na daloy” o “damdaming matulain”  kung hihiramin ang winika ni Alejandro G. Abadilla; at “pag-uumapaw ng damdamin” kung hihiramin ang winika ni Ildefonso Santos.
  3. Kaugnay ng binanggit sa itaas, may “lirisismo” ayon kay Vega, bagaman ang lirisismong ito ay higit na nakakiling sa indayog ng tunog ng bawat salita sa taludtod na nakapagpapasidhi ng damdaming kaugnay ng kaisipan ng tula.
  4. May “talinghaga/kaisipan at kariktan” na pawang pinakakaluluwa ng tula, kung hihiramin ang winika nina Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado.
  5. May sentral na diwain ang tula, at ang diwaing ito ay gumagalaw alinsunod sa pamamaraan at himig ng personang nagsasalita sa tula.
  6. Karaniwang kumbersasyonal ang himig ng nagsasalita sa tula.
  7. Maaaring isang piraso ng hulagway ang linangin sa loob ng tula, at ang hulagway na ito, na kaugnay man ng malaking lawas ng iba pang hulagway, ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw kapag itinanghal sa pambihirang anggulo.
  8. Ang wakas ay kabaligtaran ng mga isinaad sa mga unang talata o saknong.

Ilan lamang ang binanggit dito na maituturing na kumbensiyon sa pagsulat ng malayang taludturan. Nakakargahan lamang ng iba’t ibang pagtanaw ang malayang taludturan, na isang kakatwang taguri, dahil ang “pagkamalaya” ng taludturan ay nakasalalay pa rin sa kabihasaan ng makata sa pagsasakataga ng mga bagay na matalinghaga.

(“MALAYANG TALUDTURAN: Pag-ugat, Paglaganap, at Pagtanaw sa Panulaang Filipino,” lektura ni  Roberto T. Añonuevo para sa mga bagong fellow ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo [LIRA] na ginanap sa Ortigas Foundation Building, Ortigas, Lungsod Pasig noong 15 Agosto 2010.)

MGA TALA


[1] San Agustin, Fr. Gaspar de S. Compendio del Arte de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Amigo del Pais, 1703. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

 

[2] Bencuchillo, Fr. Francisco. Arte Poetico Tagalo, 1895. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[3] Rizal, Jose. Arte Metrica de Tagalog, Traducido del Aleman, 1887. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[4] Mula sa Reglas del Tayotay en Tagalog ni P. Joaquin de Coria, na sinipi ni Lope K. Santos sa kaniyang  Santos sa kaniyang Peculiaridades de la Poesia Tagala.

[5] Rizal, op. cit.

[6] Santos, Lope K. Peculiaridades de la Poesia Tagala, Manila: Universidad de Filipinas, 1929. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[7] Kabilang sa mga bumuo nito si Iñigo Ed. Regalado na naglista ng mga katawagang pampanitikang isinumite niya sa Institute of National Language noong 1947.

[8] Regalado, Iñigo Ed. Ang Panulaang Tagalog, 1943, na dumaan sa ilang rebisyon hanggang mailathala noong 1947 ng Institute of National Language, Tomo 6, Bilang 5.

[9] Santos, op. cit.

[10] Regalado, op. cit.

[11] Abadilla, Alejandro G. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan” na nalathala sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944, at muling inilathala sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[12] Basahin ang pambungad na diskurso sa Lectures on Art (1840), na ang elektronikong teksto ay nasa http://www.gutenberg.org/files/11391/11391.txt.

[13] T.S. Eliot (1888–1965).  The Sacred Wood: Essays on Poetry and Criticism. 1922.

[14] Basahin ang “Simula ng Bagong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Ildefonso Santos na nalathala noong 1944, at muling inilimbag sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[15] Basahin ang “Kinalburong Damdamin o Musang Pinormalin” ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Ang Makata sa Panahon ng Makina. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1972 na sumasagot sa uri ng pamumuna nina Aniceto Silvestre at Clodualdo del Mundo samantalang pinupuwing ang koleksiyon ni Regalado na “tila pagsisinop ng mga buto ng dinosaur” [i.e., sinauna o laos na]. Na isang mabalasik na puna na hindi natitigan nang maigi ang konsepto ng “damdamin” bilang panloob na agos [Abadilla] o kaluluwa [L.K. Santos] ng tula.

[16] Vega, Ruben. “Ang Pagkakaisang-Anyo ng mga Panahon sa Panulaan,” na kabilang lathala ng Surian ng Wikang Pambansa (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino), bilang 34-02, Pebrero 1971, p. 47.

[17] Basahin ang aking karagdagang paliwanag sa “dagli” at “tulang tuluyan” sa http://alimbukad.com/ 2008/08/06/prosang-itim-at-tulang-tuluyan-sa-filipino/.

[18] Kabilang sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo ngunit hindi pa nalalathala. Walang petsa ang nasabing antolohiya.

[19] Vega, op. cit., p. 42.

[20] Interbiyu kay Robert Frost, 1950, at sinipi sa Ikalabing-anim na edisyon ng Bartlett’s Familiar Quotation, na inedit nia John Bartlett at Justin Kaplan. Boston New York Toronto London: Little Brown and Company, 1992, p. 625.

[21] Hartman, Charles O. Free Verse: An Essay on Prosody. New Jersey: Princeton University Press, 1980.

Kahulugan ng Talinghaga

Binanggit ni Lope K. Santos ang apat na katangian ng katutubong pagtula, at kabilang dito ang tugma, sukat, talinghaga, at kariktan [Santos: 1929]. Mahaba ang kaniyang paliwanag sa kapuwa sukat at tugma, ngunit manipis ang talakay hinggil sa talinghaga at kariktan. Hindi malalayo ang pag-aaral nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado sa pag-aaral ni L.K. Santos, ngunit imbes na “talinghaga” ay gagamitin ni Regalado ang salitang “kaisipan.” Ang “kaisipan,” ani Regalado, ay “siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat. Dito nakikilala ang tunay na manunula. Dito nasusukat ang ilaw ng pag-iisip at ang indayog ng guniguni ng isang ganap na makata” [Regalado: 1947]. Mahihinuha sa talakay ni Regalado na ang kaisipan ay sumasaklaw sa buong retorika ng pagtula.

Mahirap ipakahulugan ang “talinghaga” dahil salát na salát ang pakahulugan dito sa mga diksiyonaryo, at kahit ang Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay tinumbasan lamang iyon ng “misteryo” kumbaga sa kaisipan, at “metapora” kumbaga sa kataga at pangungusap,  at siyang nakalahok din sa akda ni L.K. Santos. Para kay L.K. Santos, ang talinghaga ay hindi lamang sumasakop sa “sinekdoke,” “metapora,” at “metonimiya” bagkus sa kabuuan ng retorika at poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at sari-saring pamamaraan ng pamamahayag nito. Taglay nito ang “di-tuwirang pagpapahayag ng damdamin, hangad, bagay, o pangyayari sa pamamagitan ng kataga o paglalarawan ng mga pangungusap na nilapatan ng tugma at sukat.”

Para kay L.K. Santos, may dalawang uri ng talinghaga: una, ang mababaw; at ikalawa, ang malalim. Ang una’y tumutukoy sa madaling maunawaan ng nagbabasa o nakikinig; samantalang ang ikalawa ay nangangailangan ng malalim na pag-iisip at tuon upang maunawaan ang kahulugan. Ipinanukala naman ni Virgilio S. Almario na sinupin “ang mga butil ng halagahan, paraan ng pahayag, at tayutay na ginagamit noon ng mga makatang Tagalog.” Sa pamamagitan nito’y mauunawaan ang talinghaga, malilinang ang anumang maituturing na katutubo at mapauunlad ang anumang kabaguhan. Ang paliwanag ni Almario hinggil sa talinghaga ay nakapaloob sa aklat na Taludtod at Talinghaga (1991). Ipinaliwanag niya roon ang pakahulugan at ang mga mekanismo ng talinghaga sang-ayon sa naging gamit nito sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.

Ang “talinghaga,” ani Almario, ay ang “buod ng pagtula. Ito ang utak ng paglikha at disiplinang pumapatnubay sa haraya at sa pagpili ng salita habang isinasagawa ang tula. Sa gayon, napaghaharian nito ang pagbukal at pagdaloy ng diwa gayundin ang kislap ng tayutay at sayusay na isinasangkap sa pagpapahayag.” Mabigat pa rin ang paliwanag ni Almario, at para masuhayan ang gayong pahayag ay gagamitin niya ang “panloob at panlabas na puwersa” na pawang kaugnay sa paglalarawan o pagsasalaysay ng tula, at nakaaapekto sa pagsagap sa isang bagay, pangyayari, o persona. Ang panloob na puwersa ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga salita o sagisag na ginagamit sa loob ng tula, samantalang ang panlabas na puwersa ay may kaugnayan umano sa anumang umaantig o nakaaantig sa diwa o guniguni.

Kung paglalangkapin ang siniping mga pakahulugan, ang talinghaga ay maaaring magtaglay ng mga sumusunod na katangian: una, ito ang sisidlan ng diwa; ikalawa, ito ang palaisipan na nakasakay sa pahiwatig at ligoy; ikatlo, ito ang disenyo at paraan ng pagpapahayag, paglalarawan, o pagsasalaysay; ikaapat, ito ang buod na nilalaman ng tula. Maidaragdag ko rito ang isa pang elemento, at ito ang resultang diwain sanhi ng kombinasyon ng mga salita, sagisag, pahiwatig, pakahulugan, at disenyong taglay ng tula. Ano ang ibig sabihin nito? Ang talinghaga ay hindi malamig na bagay na nakatago sa loob ng tula. Nabubuo ito sa pagsasalikop at pagsasalimbayan ng mga salita at disenyo sa loob ng tula, at naihahayag sa isang pambihirang pamamaraan. Ang dalawa o higit pang salita na pawang may kani-kaniyang pakahulugan o pahiwatig ay nagkakaroon ng isa o higit pang resultang pahiwatig o pakahulugan kapag pinagsama-sama. Mababatid ito sa ganitong hatag: A+B=C. Tumatayo ang A sa unang salita, ang B sa ikalawang salita, at ang resultang pahiwatig ay ang C, bagaman ang C na ito ay maaaring hindi lamang isa ang pahiwatig, gaya ng bugtong, bagkus iba-iba ang pahiwatig, gaya ng iniluluwal ng salawikain. Ipinapalagay dito na ang A ay hindi lamang simpleng singkahulugan ng B. Tingnan ang halimbawang ito:

Ang tubig ma’y malalim
malilirip kung libdin
itong budhing magaling
maliwag paghanapin.

Sa naturang kawikaan, isinasaad na gaano man kalalim ang tubig, gaya sa dagat o ilog, ay madali itong mababatid kung nanaisin ninuman kompara sa “budhing magaling” (mabuting kalooban) na mahirap matagpuan sa libo-libong tao. Kasalungat ng “budhing magaling” ang “budhing masama” na tumutukoy sa mga tao na may negatibong asal o ugali. Sa naturang tula, ang talinghaga ay ang bunga ng kombinasyon ng “tubig,” “budhi,” “malilirip,” at “maliwag.”  Talinghaga rin ang konseptong nabuo sa paghahambing ng “budhi” at “tubig,” ng “malalim” at “magaling,” at ng “malilirip” at “mahirap hanapin.” Ang “tubig” o “budhi” ay hindi maituturing na talinghaga agad hangga’t hindi lumalampas ito sa likas o nakagawiang pagkakaunawa rito, saka naiuugnay sa iba pang salitang may partikular ding diwain. Samantala, ang “tubig,” na ikinabit na pahambing sa “budhi,” ay mahihinuhang lumalampas sa ordinaryong pakahulugan, nagiging talinghaga, at nagiging kasangkapan upang maitanghal ang kakatwang katangian ng kalooban ng tao.  Heto ang isa pang halimbawa:

Ang katakatayak, sukat
makapagkati ng dagat.

Ipinahihiwatig ng matandang kawikaang ito, na itinala nina Noceda at Sanlucar, na ang isang patak na alak ay makapagtataboy palayo ng mga alon. Sa ibang anggulo, ang “patak ng alak” ay kaya umanong makahawi ng dagat, gaya sa Biblikong alusyon. Ang talinghaga rito ay hindi lamang ang “utak” o “diwa” ng pagkakalikha. Tumitindi ang pahiwatig ng paglalarawan sa kombinasyon ng mga salitang “katakatayak” at “dagat” na bagaman magkasalungat ang katangian (maliit ang una at malaki ang ikalawa) ay kayang makapagluwal ng kabatirang maparikala. Hinihikayat ng tula ang mambabasa na aninawin kung ano ang “katakatayak” o “dagat” nang higit sa karaniwang pagkakaunawa rito ng mga tao. Ang katakatayak ay mahihinuhang metonimiya lamang ng bisyo o paglalasing, kung ibabatay sa kaugalian ng mga tao noon na mahilig uminom ng alak, gaya ng tuba o lambanog. At ang “dagat” ay maaaring hindi ang pisikal na dagat, kundi maaaring tumukoy sa “kaugalian,” “lipunan,” “katahimikan,” at iba pang diwaing matalik noon sa mga katutubo. Sa naturang pahayag, ang resultang kabatiran ay maaaring magsanga-sanga, dahil ang “katakatayak” ay maaaring sipatin sa doble-karang paraan: positibo (dahil sumasalungat sa nakararami) at negatibo (dahil maaaring taliwas ang patak o gawi sa itinatakda ng kalikasan).

Ang resultang diwain ay masisipat na hindi rin basta ang “buod” [summary] ng tula, kung isasaalang-alang ang mga tulang pasalaysay. Ang serye ng mga pangyayari ay dapat may kakayahang magluwal ng isang pahiwatig nang higit sa dapat asahan. Maaaring ihalimbawa ang tula ni Regalado na pinamagatang “Ang Salát sa Isip”:

Ang aking si Kuting may nahuling daga
kinakagat-kagat sa aming kusina,
nang aking makita, sa daga’y naawa,
pusa’y binugaw ko, daga’y nakawala.

Nang kinabukasan, ang bago kong damit
uka’t sira-sira sa pagkakaligpit,
ako ang naawa’y sa akin nagalit,
ganyan kung gumanti ang salát sa isip!

Maituturing na tulang pambata ito na hinggil sa istorya ng dagang nahuli ng alagang pusa ng persona. Ang hatag ng mga pangyayari ay masisipat nang ganito. Una, naawa ang persona nang akmang kakainin ng pusa ang daga.  Ikalawa, pinalis ang pusa. Ikatlo, nakatakas ang daga. Ikaapat, gumanti ng paninira ang daga sa persona. At ikalima, salát sa isip ang daga. Kung wawariin, ang resultang diwain o talinghaga ay hindi ang simpleng pagganti ng daga. Ang literal na daga ay maaaring lumampas sa nakagawiang pagkakaunawa rito ng madla sakali’t ikinabit sa “pag-iisip.” Bagaman may utak ang daga, nabubuhay ito batay sa instinct at alinsunod sa likás na pangangailangan. Ang pagganti nito ay pagpapamalay ng mataas na kalooban, na matataglay lamang ng tao. Samantala’y may ilang tao na walang utang na loob, at kahit tinulungan na’y nagagawa pang gumanti sa negatibong paraan para manaig sa kapuwa. Sa tula, hindi na magbubulay pa ang daga na tinulungan ito ng persona, at wala itong hangad na pumantay sa antas ng tao. Pabaligtad na ipinahihiwatig wari ng tula na may ilang tao na gaya ng daga, at ito ay hindi lamang dahil sa kasalatan sa isip kundi sa pagtalikod sa makataong damdamin. At ang awa ay hindi dapat ibinibigay sa lahat ng pagkakataon, dahil ang “awa” ay nararapat lamang sa sinumang makauunawa ng gayong kaselang damdamin. Ang nasabing kabatiran ang maituturing na talinghaga.

Ang “talinghaga” ay nadaragdagan ng pakahulugan habang lumilipas ang panahon. Masisipat ito hindi lamang bilang resultang diwain o pangyayari, bagkus maging sa pagpapahiwatig ng aksiyon o pagbabago ng mga tauhan, lunan, at panahon. Heto ang isang tanaga na pinamagatang “Tag-init” (1943) ni Ildefonso Santos:

Alipatong lumapag
Sa lupa—nagkabitak
Sa kahoy—nalugayak
Sa puso—naglagablab!

Sa tanagang ito, ang “alipato” na tumutukoy sa munting apoy mula sa lumilipad na titis o abo ay maituturing na lumalampas sa ordinaryo’t nakagawiang pagpapakahulugan. Ang pagbabagong idinudulot ng alipato ay serye ng mga pambihirang pangyayari. Una, pagkatuyot ng lupa. Ikalawa, pagkasira ng kahoy. At ikatlo, pagkabuhay sa damdamin. Ang alipato kung gayon ay masisipat na pahiwatig ng munting pangyayari na makalilikha ng malaking pagbabago sa buhay o kaligiran ng tao. Ang iba’t ibang antas ng kabatiran o anomalya hinggil sa “alipato” ang masasabing talinghaga ng tula. Tumitindi ang talinghaga kung idaragdag ang pambihirang tugma, na bumabagay sa masilakbong damdamin o pangyayari. Ang ganitong taktika ay ginagawa ng mga makata upang umangkop ang tunog o himig sa nais iparating na pahiwatig ng tula. Mahihunuha na ginamit lamang ang “alipato” bilang kasangkapang panghalili sa bagay na makapagdudulot ng pagkasira o pagkabuhay sa sarili o paligid.

Ang pagpapakahulugan sa “talinghaga” na binanggit dito ay hindi pangwakas, bagkus muling pagsipat at pagdaragdag sa mga naunang pakahulugan. Inaasahan ang pagiging dinamiko ng pakahulugan, dahil kung magiging estatiko ito ay mahuhubdan ng “misteryo” ang salita at maaaring itumbas lamang sa napakakitid na pagkakaunawa sa banyagang “metapora.”

Sanggunian:
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula. Pasig: Anvil Publishing Inc., 1991.

Noceda, Juan de at Pedro Sanlucar. Vocabulario de la lengua Tagala. Manila: Ramirez y Giraudier, 1860.

Regalado, Iñigo Ed. “Ang Panulaang Tagalog.” Maynila: Institute of National Language, Tomo 6, bilang, 5, Hulyo 1947.

Regalado, Iñigo Ed. Damdamin: Mga Piling Tula. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2001. Binigyan ng introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo.

Santos, Lope K. “Peculiaridades de la poesia tagala.” Manila, 1929. Muling inilathala sa Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining Pagtulang Tagalog, inedit ni Virgilio S. Almario. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, 1996.

Konsepto ng “Balatkayo” sa “Si Tandang Basio Macunat”

Tumutukoy ang “balátkayô” sa masining na pagkukunwari, at paglilihim sa tunay na anyo at katauhan, upang mapaniwala ang sinumang tao na tumitingin. Tumutukoy din ito sa kasangkapan o kasuotang ginagamit upang ikubli ang tunay na anyo ng isang tao o bagay. Mahihinuhang hango sa dalawang salitang pinagtambal ang “balatkayo” (balát+kayo), ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. Malinaw ang una, na katumbas ng panrabaw na balot ng katawan, at nagkukubli sa laman at buto. Kung gagamitin sa punongkahoy, ang “balát” ay katumbas ng “balakbak,” samantalang tumutukoy din sa panlabas na balot sa prutas at katulad. Sa ibang pagkakataon, ang balát ay tumutukoy sa “katad” na hango sa pinatuyong panlabas na balot ng katawan ng hayop, gaya ng baka, bayawak, at buwaya. Samantala, ang kayô ay posibleng hango sa anumang uri ng tela, ngunit kung bakit nag-iba ang bigkas nito at naging maragsa nang gamiting pantambal sa “balát” ay walang makaaalam.

Isang magandang konsepto ang “balatkayo” ng Filipino, ngunit hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin. Sa balatkayo, ang panlabas na anyo, gaya ng damit at alahas, ay siyang humahalili sa tunay na balát [lahi o kalooban] ng tao. Balatkayo ang nagbibigay ng panibagong pagkakakilala sa tao, upang ang taong ito ay maikubli ang anumang inaakalang mababa, marumi, at mahinang kalagayan at lumagay sa antas na katanggap-tanggap sa lipunan. Nagiging sibilisado ang tao sa pamamagitan ng balatkayo, kung ipakakahulugan ang pagiging sibilisado sa pananaw ng makapangyarihan at mapanakop na puwersa. Ngunit ang balatkayong ito ay nagsisilbi ring piitan ng tao, dahil makaiiral lamang siya alinsunod sa pakitang-tao habang ibinabaon sa limot ang likás na katangian ng pagkatao o pagkalahi. Binibiyak ng balatkayo ang tao sa dalawa: ang tunay at ang huwad, ang katutubo at ang banyaga, ang makaluma at ang makabago, ang nayon at ang lungsod, ang panloob at ang panlabas.

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

Magagamit ang balatkayo bilang kasangkapan ng pananakop sa paglikha at pagbuo ng mga teksto at kahulugan. Halimbawa, ang Filipina ay gumaganda sa bisa ng pampaputing tabletas o krema o sabon, ayon sa anunsiyo sa telebisyon. Walang katumbas umano ang maputing balat, at magmumukhang bata o sariwa ang sinumang may-edad. Nakakaligtaan sa gayong pagpapahiwatig na may angking rikit ang pagiging kayumanggi, na halos kumislap ang balat kapag tinamaan ng sinag, at ang pagiging makinis na waring pinahiran ng langis ay walang bahid ng pekas o bálat. Ngunit higit pa rito, ang usapin ng lahi ay nauungkat, dahil ang mga kayumanggi ay hinahatak na pumasok sa balatkayo ng kinathang diwaing “puti” alinsunod sa padron ng banyaga upang maging katanggap-tanggap sa lipunan at daigdig.

Isa pang katangian ng konsepto ng balatkayo ay inilalantad nito ang nais lamang na ilantad, yamang hindi maitatago sa publiko ang lahat. Pinipili sa ilang pagkakataon ang mga katangiang katanggap-tanggap sa panig ng makapangyarihan at mapanakop, nililinang ito, habang kasabay na inilalantad ang mga katangiang papabor at ginagamit ng naturang makapangyarihan at mapanakop. Ang ganitong taktika ay masasabing pagbubuo ng ibang anyo—at ang tao, kalagayan, at pangyayaring pawang nakabalatkayo ay nagkakaroon ng isa pang bukod na pag-iral, upang ang balatkayo ay hindi manatiling balatkayo bagkus isang pumipintig na diskurso, paniniwala, at kalakaran ng naghaharing estado.

Nagiging makapangyarihan ang balatkayo dahil ang punto de bista ay laging nakaayon sa pinaniniwalaang “tunay at totoo.” Ang katotohanang ito ang sisikapin ng sakop na kamtin, at yamang nasa mababa siyang posisyon at salát sa kapangyarihan o lakas, ay tatangkain niya kahit sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ang abutin ang posisyong kinaiinggitan. Dito nagsisimula ang paghina lalo ng posisyon ng sakop, samantalang rumirikit ang pananakop. Ang pananakop, sa kabilang dako, ay nagkakahugis din ng kakatwang pagbabalatkayo, dahil ang realidad na nais nitong ipamalay sa lahat o maging sa malawak na lipunan o daigdig, ay naiiralan ng dogmatikong paniniwala upang mapanatili ang kaayusan at kumbensiyon.

Maihahalimbawa sa pagsusuring ito ang kuwentong “Si Tandang Basio Macunat” (1885) ni Fray Miguel Lucio y Bustamante na Fransiskano. Umiinog ang istorya sa salaysay ni Gervacio Macunat, alyas Tandang Basio, na nakilala noon ng isang paring Kastila sa Tanay, na dating sakop ng distrito ng Morong (na nakapaloob ngayon sa lalawigan ng Rizal). Tumira nang dalawang linggo ang naturang pari sa Tanay, nakilala si Tandang Basio, at sa kanilang paghuhuntahan ay naungkat ang usapin ng pagtungo sa Maynila upang mag-aral ng wikang Kastila at pagkadirektorsilyo. Nayamot si Tandang Basio dahil sa isyung iyon, at inilahad pagkaraan kung bakit siya nagalit.

Inilabas ni Tandang Basyo ang isang kasulatan na naglalaman ng buhay ng pamilya ng mag-asawang Don Andres Baticot (Kabesang Dales) at Donya Maria Dimaniuala (Kabesang Anggi). Nagkaroon sila ng mga anak na sina Prospero (Prosper) at Felicitas (Pili). Pinaaral ni Kabesang Dales si Prospero sa Maynila dahil nainggit ang binata sa kaniyang mga kaibigan. Tumutol noon ang kaniyang kapatid na si Pili, alinsunod sa payo ng kura paroko, dahil sa paniniwalang ang pag-aaral sa Maynila ay makapagdudulot ng pagkapariwara ng mga taganayon. Ngunit hindi ito sinunod ng Kabesang Dales, at binigyan ng laya at layaw ang anak na magtungo sa Maynila upang magpakadalubhasa sa wikang Kastila at iba pang larang. Ngunit imbes na mag-aral ay narahuyo si Prospero sa paglalakwatsa at pambababae sa loob ng apat na taon, hanggang mapatalsik sa paaralan at magkabaon-baon sa utang dahil sa bisyo at layaw. Nakulong ang binata, ngunit pipiyansahan ng kaniyang magulang, kahit magbenta ng ari-arian. Nangakong magbabago si Prospero, ngunit ilang linggo ang lumipas ay nagbalik muli siya sa bisyo at pambababae, hanggang magkasakit ang kaniyang ama dahil sa sama ng loob. Muling magsisisi si Prospero ngunit uulit ang kaniyang di-mapigil na kasamaan, makukulong muli, at nang piyansahan siya ng kaniyang ina ay naging katumbas iyon ng pagkatunaw ng lahat ng kanilang ari-arian. Hinatulang mabilanggo si Prospero sa Balabac at doon na namatay. Namatay din si Pili sa labis na kapighatian, at nalibing lamang dahil sa tulong ng kaniyang mga kaibigan, samantalang nakitira ang kaniyang inang si Maria sa kaanak bago namatay.

Matingkad na iginigiit ng kuwento na may nakatadhana sa tao. Ang mga Tagalog at Indio (mapang-aglahing tawag sa sinumang katutubo) ay nakatakdang gumanap nang habambuhay bilang magsasaka at hindi umano sila nababagay mag-aral ng wikang Kastila at iba pang larang. Nakapahiyas ito sa maling paniniwala ni Antonio Macunat, ang ama ni Tandang Basio, nang wikain na: “Ang mga Tagalog, ang mga Indio baga na humiwalay kaya sa kalabaw ay kadalasa’y nagiging masama at palamarang tao sa Diyos at sa Hari.” Tumutukoy ang “Diyos” sa Katolisismo, samantalang ang “Hari” ay sa pamahalaang Kolonyal.

Sa tekstong “Si Tandang Macunat,” ang pagbabalatkayo ay maaaring simulan sa mga payo ng pari kina Kabesang Andres at Pili, na ang pag-aaral ng wikang Kastila at pagkakamit ng mataas na edukasyon ay nababagay lamang sa mga piling tao o lahi. Bagaman sa unang malas ay waring malaya ang sinumang Tagalog na mag-aral alinsunod sa edukasyong tinatamo ng mga Kastila, ang ganitong kalayaan ay sinasagkaan ng prehuwisyo na hindi kaya ng utak ng Tagalog na tanggapin ang kaisipang banyaga. Ibig sabihin, bobo ang mga Tagalog. At yamang bobo ang mga Tagalog, wala silang kahihinatnan kundi magpalayaw lamang, at lustayin ang salapi at panahon sa pagpapalayaw ng katawan.

Tumitingkad ang pagbabalatkayo sa payo ng pari dahil ang tanging magagawa ng Indio ay magkamit ng mabuting ugali, magdasal nang magdasal, at sapat na ang matutong bumasa, bumilang, at bumigkas sa sariling wika at manatili sa munting daigdig lamang. Babanggitin ng pari na 90 porsiyento sa 100 ng mga taganayong nag-aral sa Maynila ay napapariwara lahat, at masuwerte na ang 10 porsiyento na nakaligtas sa gayong tadhana. Hindi susuriin sa kuwento ang datos na nagmula sa pari, at iiwasang ipaliwanag na may iba-ibang karanasan o panahon ang mga kabataan at kung sumapit man sila sa kabiguan ay walang makapagsasabi na dulot nga iyon ng bisyo at kapabayaan. Dinaraan ang pangangatwiran sa mapanlagom na paraan, at ang ganitong balikong lohika ang tatanggapin ng pamilya ng Macunat. Pinipintasan din ng pari ang ugali ng mga maykayang pamilya na paaralin sa Maynila ang kanilang mga anak, “kahit sintigas ng batubalani ang kanilang ulo at wala silang kabait-bait.” Ano ang ibig sabihin nito? Mahina ang kapasiyahan ng mga taganayong Tagalog, kaya dapat silang manatili sa nayon.

Ang pagbabalatkayo ay matatagpuan din sa katauhan ni Prospero. Magsisimula ang pahiwatig sa pangalang “Prospero,” dahil ang pahiwatig ng pagiging sagana ay hanggang sa pangalan lamang. Maglilihim si Prospero sa kabuktutang ginawa niya sa Maynila, at kung nabigo man siya ay hindi dahil mahina ang kaniyang ulo bagkus dahil sa bisyo at layaw. Ang pagbabalatkayo ni Prospero ay magsisimula sa kaniyang pamilya, tatawid sa mga babaeng kaniyang niligawan at inangkin, at tutuloy sa mga tao na kaniyang inutangan. May panlabas na anyo si Prospero bilang estudyante, na panandaling hahangaan ng kaniyang kababaryo at kaklase, ngunit magwawakas sa oras na mabunyag ang katotohanan. Ang pagkakabunyag sa kalokohan niya ay magdudulot ng pagkabilanggo, kahirapan, kahihiyan, at pagkawala ng dangal.

Makikita ang pagbabalatkayo kahit sa katauhan ni Pili. Dinaraan ni Pili sa dasal ang lahat, at ang kaniyang tadhana ay laging nakaatang sa Maykapal na hindi nakikita. Magiging halimbawa siya ng pagiging tapat na relihiyosa, ngunit ang katumbas niyon ay pananatili sa estado ng pagiging mangmang at limitado ang saklaw. Magiging sagisag na hadlang si Pili, at iyon ay hindi lamang sa gaya ni Prospero, kundi sa sinumang Tagalog na ibig mag-aral at abutin ang posibilidad ng karunungang maaaring taglayin ng sinumang tao. Samantalang nililinang ni Pili ang panig ng moralidad, kinakaligtaan naman niya ang isang kalikasan ng tao. At ito ay ang mag-aral, at higitin ang utak at talento, tungo sa mga antas na malayo sa hinagap ng karaniwang tao.

Pagbabalatkayo ang ipamamalas kahit ng mag-asawang Kabesang Dales at Kabesang Anggi. Gagawin nila ang lahat, mailigtas lamang sa kahihiyan ang kanilang pamilya at anak. Ang pagbabalatkayo nila ay kaugnay ng pagtatakip na mapanatili ang kanilang dangal, yamang tinitingala sila sa kanilang nayon. Ngunit ang pagbabalatkayo ay katumbas ng pagkaubos ng kanilang yaman, dahil kailangan nilang bayaran kahit ang mga utang at piyansa ng anak. Tanga kung gayon ang mag-asawa dahil nabigo silang supilin ang anak at maisalba ang ekonomiyang kalagayan. Ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin ay kamatayan.

Ang konsepto ng balatkayo ay magwawakas kahit sa usapin ng wika. Ang mga Tagalog ay para sa Tagalog lamang umano, at wala silang kakayahang mag-aral at magpakadalubhasa sa ibang wika. Isa itong kabulaanan na pailalim na idinidikdik ng kuwento, at kung susundan ang paliwanag ni Marcelo H. del Pilar, ay ginagamit itong meme upang ang mga Tagalog ay manatili sa abang kalagayan. Ang masaklap, ginamit sa kuwento ang talinghaga ng “Ama” na kakatawanin ni Kabesang Dales at ng mag-amang Antonio at Gervacio Macunat, upang ang balighong paniniwala ukol sa edukasyon ay mapanatili at magkaroon ng awtoridad, at maisalba ang kapangyarihan ng relihiyon at pamahalaan palapit sa mga nasasakop nitong mamamayan.

Sa unang malas ay humihikayat ang akda ni Bustamante na magkamit ng mataas na edukasyon ang mga Tagalog. Ngunit isang balatkayo lamang iyon para sabihing ang sinumang pumitas at kumagat ng prutas mula sa punongkahoy ng karunungan ay masasawi, dahil ang prutas ay para lamang sa mga pinagpala ng Maykapal.

Ang prehuwisyo laban sa edukasyon ay tataglayin ni Hermana Penchang sa nobelang El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal. Sa masisteng paraan, inilahad sa nobela ang balikong pananaw ng hermana ukol kay Juli, na sinisisi dahil sa pagkabihag kay Kabesang Tales. Aakalain ni Hermana Penchang na naligaw ng landas si Juli, “at magpapakita rito ang demonyo sa anyo ng isang mag-aaral.” Ang mag-aaral ay walang pasubaling humuhugot ng pahiwatig kay Prospero, at sa iba pang pangahas na kabataang nais magkamit ng mataas na edukasyon. Naniniwala ang hermana na maililigtas si Juli ng aklat na Si Tandang Bacio Macunat. Hindi iyon magaganap, dahil mabubunyag sa hinaharap ang balatkayo ng lahat.

Tagalog ng Binangonan

Ikalima sa laki ng lupain ang Binangonan mula sa labing-apat na munisipalidad ng Rizal, at maituturing na matandang pook kung pagbabatayan ang sinaunang sulat sa bato [petroglyphs] na saklaw nito. Binubuo ng 40 barangay, ang Binangonan ay nakapaloob sa sukat na 72.70 kilometro kuwadrado (7,270 ektarya) at tinatayang aabot sa halos 239,000 katao ang populasyon noong 2007 ayon sa pinakabagong census. Hango sa ugat na salitang “bángon,” ang “Binangónan” ay nagpapahiwatig na pagtindig mula sa posisyon ng pagkakahiga o pagkakadapa, at maaaring tumutukoy sa paglago ng populasyon ng mga tao. Maaaring tumukoy din ito sa pook ng resureksiyon—yamang sinakop ang Binangonan ng mga ordeng Fransiskano, Heswita, at Agustino bago ibinalik ng Agustino sa Fransiskano noong 1737—at gaya sa mga pakikidigma ay maituturing na “pook na muling tinindigan ng mga sugatang bayani.” Kung babalikan ang sinaunang tala ni Ignacio Francisco Alcina, may binanggit siyang binongan na uri ng punongkahoy na maririkit at pabilog ang dahong lungting-lungti sa unang sibol ngunit pagkaraan ay nagiging mapula, gaya ng dugo. Ang mapulang dagta nito’y hinahaluan ng suka upang makalikha ng mabisang pagkit. May tribung Binongan din na nakapailalim sa tribung Tingguian sa hilaga ng Filipinas, at kung anuman ang kaugnayan nito sa halaman ay kailangan pang saliksikin. Posibleng hango sa binongan ang Binangonan, dahil maraming punongkahoy doon na ang dagta ay ginagawang pandikit o pagkit. Samantala, isang katutubong punongkahoy na tinatawag na Kamuning Binangonan [Muraya exotica] na paboritong gamitin sa paggawa ng bonsai—dahil sa tigas ng kahoy nito’t maliliit na dahong lungti—ang animo’y sumasagisag sa tatag na munisipalidad na mabuhay sa kabila ng kahirapan at mabalasik na panahon.

Dating sakop ng Binangonan ang Angono, at nakaharap sa Lawa ng Laguna. Ayon sa mga tala nina Agustin de la Cavada at Felix Huerta, ang Binangonan ay dating bisita ng Morong at naging bukod na parokya noong 1621; ngunit may ibang tala naman na nagsasabing bumukod ang Binangonan sa Morong noong 1737. Naging munisipalidad ang Binangonan sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 40 na may petsang Marso 29, 1900, sa ilalim ng Rehimeng Amerikano. Mayaman sa mga salita hinggil sa pangingisda ang Binangonan, at ang mga mangingisda ay gumagamit ng baklád (uri ng pitak-pitak na kulungan ng mga isda na nababakuran ng lambat), pantí (uri ng lambat na ginagamit na pangaladkad sa ilalim ng tubigan at panghuli ng ayungin at tilapya), búbo (buhô o anumang pahabang sisidlang pinapainan ng darak o sapal ng niyog na pambitag ng hipon), pangáhig [pang+kahig] o galadgád (lambat na may pabigat at ikinakahig wari sa ilalim ng tubig sa tulong ng mga bangka para hulihin ang mga biya, suso, at katulad), sakág (uri ng bitag na panghuli ng hipon), kitáng (uri ng pangingisdang ginagamitan ng serye ng mga tansi at bawat linya ng tansing tinatawag na liteng ay may pain ang kawil), paluwáy (uri ng lambat na panghuli ng dalág o biya), púkot (uri ng malaking lambat na inihahagis sa laot) at dála (pabilog na lambat na may pabigat ang mga gilid at ginagamit na panghuli ng dalag o kanduli). Alinsunod sa nais hulihing isda, hipon, at iba pang lamandagat ang ginagamit na panghuli, na maituturing na likas-kayang pangingisda [sustainable fishing]. Kabilang sa mga katutubong sari ng isda na malimit nahuhuli sa lawa ang ayungin, bangus, biya, dulong, gurami, hipon, hito, kanduli, karpa, suso, at tilapya.

Bukod sa pangingisda, ang mga sinaunang taga-Binangonan ay abala sa pagsasaka, pagmamanupaktura, pagmimina ng bato, pakikipagkalakalan, pag-aalaga ng hayop, at iba pang gawaing yaring-kamay. Sa kasalukuyan, ang Binangonan ay dumaranas ng mabibilis na pagbabago mulang kalakalan at agrikultura hanggang pabahay at turismo sanhi ng pagbubukas ng daan sa Floodway mulang Manggahan, Pasig hanggang Cainta at Angono. Sa sampung nangungunang kompanyang nag-aakyat ng pondo sa Binangonan, dalawa ang may kaugnayan sa aliwan o casino; dalawa ang tindahan ng gamot; dalawa ang kabilang sa pagmamanupaktura; at dalawa ang may kaugnayan sa palupa’t pabahay. Inaasahang sisigla pa ang ekonomiya ng Binangonan kapag naipatupad ang Binangonan-Angono Coastal Road Project at Binangonan-Alabang-Laguna Ferry Project na magpapabilis umano ng pagbibiyahe ng mga tao, serbisyo, at produkto, alinsunod sa bisyon ni Alkalde Cecilio (Boyet) M. Ynares.

Masasabing hinuhubog ng heograpiya ang mga salita ng tao. Kung pagbabatayan ang pangalan ng bawat barangay sa Binangonan, mababatid ang pahiwatig o pakahulugan hinggil sa pangingisda, pangangaso o pagsasaka at maihahalimbawa dito ang sumusunod:

Ba•ngád [ST] png 1: katapangan; pagtatapang-tapangan 2: turuang hayop, gaya ng aso o kalabaw.

Ba•ti•ngán [ST batíng] png 1: uri ng bitag na ginagamitan ng lambat o tali upang ipanghuli sa mga ilahas na hayop o ibon 2: pook o puwestong pinaglalagyayan ng nasabing bitag.

Bi•li•bí•ran [bi+líbid+an] png 1. pook na pinag-iikiran ng lubid o tali 2: pagawaan ng lubid.

Bi•ni•ta•gan [b+in+tag+an] 1 png: pook na pinaglagyan ng bitag 2 pdw: nilagyan ng bitag.

Bom•bóng [bumbong] png: buho ng kawayan na ginagawang sisidlan, gaya sa tubig, suka, o barya, o kaya ay lutuan, gaya sa sinaing.

Ca•lum•pang [kalumpang] png: uri ng punongkahoy [Sterculia foetida], ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. May Calumpang din sa Lungsod Marikina, at ito ay marahil sa pagkilala sa punongkahoy na tumutubo noon sa gilid ng pasigan.

Da•rá•ngan [daráng] png 1: pook na may pagliliyab ng apoy; pook na mainit 2: lantad na pagliyab ng apoy.

Ha•ba•ga•tan [habagat+an] png 1: uri ng simoy na nagmumula mula sa hilaga, at nagsisimulang humihip pagsapit ng Hunyo. 2: pook na dinaraanan ng habagat 3: panahon ng pagdating ng habagat.

Kinaboógan [ST kina+boóg+an] png: pook na ang mga bungang-kahoy at iba pang ani ay nabubulok o nasisira dahil sa labis na pagkahinog, at hango sa salitang-ugat na “boóg” o “buóg” na ang ibig sabihin ay “nabulok, kumbaga sa prutas.”

Lí•bid 1 png: pag-ikid ng lubid o tali. 2: pnr: naiikiran ng lubid o tali.

Lim•bón-lim•bón [ST limbong] png 1: panlalansi; panlilinlang, halimbawa sa ibon o hayop 2: pook na maraming panlansi, panlinlang, o pantaboy sa ibon o hayop, gaya ng panakot-uwak.

Mam•bóg [ST] Bot png: uri ng punongkahoy na ang balát at dahon ay pinaniniwalaang nakagagamot, at ginagamit na pampawi ng kábag. May ganito ring pakahulugan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989), ngunit ang ispeling ay mambug. Magagamit ding pandiwa ang mambóg, gaya ng mambugan, magmambog, mambugin na pawang tumutukoy sa paraan ng paggamit ng mambog sa panggagamot.

Pa•la•ngóy [pa+langoy] png 1: katig na tumutulong upang maiwasang tumaob ang bangka 2: bagay na ginagamit na pampalutang, halimbawa, upang matandaan kung saan inihagis ang lambat o bingwit.

Pan•tók [ST] png: taluktok ng bundok. Sa Binangonan, maaaring ikabit din ito sa buról.

Pi•pin•dán [ST pi+pindan] png 1: nilalang kawayan, uway, o sawali na ginagamit ng bubungan habang nangingisda sa gabi ang mga mangingisda 2: pook na gawaan ng pindan. Maiuugnay dito ang isa pang salitang Tagalog, ang Napindan na maaaring tumutukoy sa “nilagyan ng pindan” o kaya’y “patungo sa Pindan.” Ang Napindan Channel, na may habang 3.4 kilometro, ang nagiging daluyan ng tubig-alat mulang Manila Bay at tubig-tabang mulang Laguna de Bay, at kasanga ng Ilog Marikina.

Pí•la-pí•la [ST píla] png: luad na malagkit, at ginagamit sa paggawa ng palayok. Dahil inulit ang salita ng salitang ugat, ang Pila-pila ay maaaring tumutukoy sa pook na sagana ang luad na sangkap sa paggawa ng palayok, banga, at katulad. Malayo ito sa pakahulugang hango sa Espanyol na ang ibig sabihin ay maliit na bateryang elektriko, o kaya naman ay hanay o hilera, gaya ng mga tao na magkakasunod na nakalinya.

Sa•páng [ST] png: uri ng punongkahoy na ang dagta o katas ng ugat ay nagbibigay ng mapulang tinà. Kung gagamitin itong pandiwa, ito ay magiging MAGSAPANG, SINAPANG, SINAPANGAN, SUMAPANG.

Ang iba pang barangay sa Binangonan na maipapangkat sa uri ng halaman o punongkahoy ay Pinagdilawan [pi+nag+dilaw+an] na hango sa luyang-dilaw, at Tayuman [tayom+an] na hango sa palumpong na mabalahibo at may isang metro ang taas, na ang katas ng ugat ay ginagawang tinà. Ang iba pang barangay na isinunod sa ngalan ng isda, ibon o hayop ay Kasile na kawangis ng igat na mula sa tubig tabang at Tabón na katutubong sari ng ibong mahahaba ang binti. Sa mga termino sa agrikultura at pangingisda, kabilang ang Buhangin [binuhangin] na uri ng maliliit na butil ng bigas, bukod sa tumutukoy sa pinong-pinong lupa sa baybayin ng lawa o gilid ng ilog; Malakaban, na tumutukoy sa sisidlan ng palay o bigas, kung hindi man sa sisidlang hugis-kahon at kahawig ng kaban; Kalinawan [ka+linaw+an], na maaaring tumutukoy sa pook na malinaw ang tubig; Kalawàan [ka+lawà+an], na pook sa gilid ng lawa o ang buong lawa; Gulód, na tuktok ng buról; at Tatalà [ta+talà], na pook na nililitawan ng mga bituin o kaya’y tumutukoy sa paghahanap ng tala. May ibang barangay na nabahiran ng banyagang termino, gaya Saról, na hango sa Espanyol na “charol” na taguri sa pinakinis na katad, at Janosa at San Carlos na pinakabagong tatag na barangay. May ibang pangalan ng barangay sa Binangonan na mahirap nang matukoy ang ugat, gaya ng Ithan [Itahan?], Kaytome [Kay + Tome?], at Rayap [na maaaring hango sa “layap” na sinaunang Tagalog na katumbas ng “likas na pagkahilig”].

Bagaman nauunawaan sa Binangonan ang iba pang anyo ng Tagalog mula sa ibang munisipalidad ng Rizal, gaya sa Angono, Antipolo, Baras, Boso-Boso, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Tanay, at Taytay, may ilang salita sa Binangonan na partikular sa lugar, lalo yaong may kaugnayan sa pangingisda, pagsasaka, at pagluluto. May ilang pagkakataon na kahit magkalapit lamang ang mga barangay ay naiiba na ang pahiwatig at pakahulugan ng salita. Masasabing ang mga salitang taal sa Binangonan ay unti-unti nang nabubura sa alaala, yamang walang masigasig na pagtatala ng mga salita mula sa antas ng mga barangay. Ang mga salitang Tagalog Binangonan na dating hitik sa pagsasaka, paghahayupan, at pangingisda ay bibihira nang marinig, maliban sa mga liblib na looban, libis, o bundok. Ang nakapagtataka’y ginagamit pa rin magpahangga ngayon ang ilang salitang taal sa Binangonan, ngunit nakargahan na ng iba pang pahiwatig sa paglipas ng panahon. Isa pang kapansin-pansin sa Binangonan ang pagpasok dito ng mga salita mula sa iba’t ibang rehiyon, at may kinalaman dito ang malawakang migrasyon at paninirahan ng mga tao. Kung gagamiting halimbawa ang pook-web ng Binangonan [http://www.binangonan.gov. ph], mapapansin dito na kahit sa opisyal na komunikasyon ng lalawigan ay Ingles ang pinananaig at kinakaligtaan ang mayamang bukal ng Tagalog Binangonan—na maaaring senyales na natitiwalag sa sariling lalawigan kahit ang butihing alkalde nito.

Ang mga sumusunod na salita ay nakalap ko habang nakikipaghuntahan sa ilang matatandang taga-Binangonan, at hindi matatagpuan sa mga opisyal na disiyonaryo o tesawro sa kasalukuyan. Pinagpangkat-pangkat ko ang mga salita alinsunod sa larang nito upang madaling maunawaan ng sinumang tao.

HINGGIL SA PAGKAIN

A•li•but•dán [ali + butdan?] pnr 1: hilaw na sinaing, o kulang sa tubig na sinaing. Sa Ilonggo, tinatawag itong lagdós. 2: sa patalinghagang paraan, hindi pa ganap ang pagkakasanay sa talento, kumbaga sa tao, halimbawa, “Alibutdan pa ang anak mo para sumali sa boksing.”

Ba•ling•gi•yót pnr: taguri sa tao, hayop, ibon, isda, o anumang bagay na napakaliit, halimbawa, “Aba’y balinggiyot namang itong nakuha mong isda!” Sa Bisaya Romblon, maitutumbas ito sa salitang isót na panuring sa anumang maliit o kakaunti.

Bi•rí•ring•kít [bi + ri + ringkit?] png 1: biya na ibinilad sa araw at ginagawang daeng. 2: uri ng maliliit na hipon o biya na pinagulong sa arinang hinaluan ng binating itlog, at tinimplahan ng sibuyas, asin, at paminta, at ipiniprito nang lubog sa mantika upang gawing parang okoy: BIRINGKIT.

Bu•rá•ot [bu+laot?] png 1: taguri sa tao na mahilig sumabit kung saan-saan, at walang pakialam kung saan ipapadpad ng tadhana. 2: tao na mahilig manghingi nang manghingi ngunit ayaw o bantulot magbigay sa ibang tao cf: KURIPOT, SAKIM.

Bu•wí•li png, zoo: uri ng maliliit na susô na maitim ang talukab at ipinapakain sa mga itik cf: KUHÓL.

Ga•ngó png: hipong ibinilad sa araw para patayuin: HÍBI. Kung paniniwalaan ang lahok sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang “hibi” ay hango umano sa wikang Tsino. Kung gayon nga, maimumungkahing gawing pangunahing lahok ang “gango” at gamiting singkahulugan na lamang ang “hibi.”

Gi•na•mís [gin?+ tamis] png 1: kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal, at karaniwang ginagawang ulam sa kanin ng mahihirap na tao. 2: kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal at linga, at ginagamit sa palitaw. Bagaman katunog ito ng matamis o minatamis na tumutukoy sa “dessert” sa Ingles, ang ginamis ay naiiba dahil ito ang nagiging pangunahing ulam ng ilang tao kaysa maging panghimagas lamang. Sa Bisaya Romblon, may salitang ginamós na tumutukoy sa malilit na isdang gaya ng dilis na binuburo at ginagawang parang bagoong, at ginagawang ulam kung minsang walang makain ang sinuman.

Ká•ring-ká•ring zoo png 1: ayungin na ibinilad sa araw at pinatuyo, gaya ng sa daeng. 2: paraan ng pagdaeng sa ayungin. Muling binuhay ni Raul Funilas ang terminong ito sa kaniyang mga tula, ngunit hindi pa nalalahok sa diksiyonaryo nina Jose Villa Panganiban at Vito Santos at ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino).

Ki•na•bóg [k+in+abog] 1 png: mga butil ng mais na hinahaluan ng gulay, tinitimplahan ng asin, pinakukulo sa may apog, at hinahaluan ng kinudkod na niyog cf: BINATOG. 2: pnr: mabilis na paraan ng pagluluto, lalo na ng mais na ginagawang binatog. Ang kinabóg na hango sa kabóg ay maaaring tumutukoy sa tunog ng batingting na mula sa naglalako ng gaya ng binatog. Kung ihahambing sa Binisaya, ang kabóg ay tumutukoy sa uri ng malaking paniki o bayakan, ngunit malayo na iyon sa kinabóg maliban na lamang kung isasaalang-alang ang tunog ng pagaspas ng pakpak na waring kumakabog o lumalagabog na dibdib.

Mam•ba•bá•kaw [mang+ba+bakaw] pdw 1: mangunguha o manghihingi ng isda o anumang bagay doon sa palengke o baybayin, halimbawa, “Mambabakaw muna ako sa palengke ng ating pulutan, hane?” 2: mangungupit ng isda o anumang paninda o bagay sa palengke o tindahan.

Mam•ba•bá•kaw [mang+ba+bakaw] png 1: mapang-inis o mapanglait na taguri sa tao na malimit nanghihingi ng isda doon sa palengke o baybayin, halimbawa, “Hayan, dumarating na ang mambabakaw!” 2: palaboy na pulubi, at nabubuhay sa panghihingi ng pagkain o bagay mula sa ibang tao. Isang panukalang pakahulugan ang maidaragdag sa dalawang nabanggit, at ito ay “miron sa sugalan na mahilig manghingi ng balato.” Nakabubuwisit kung minsan ang miron, lalo yaong mainit ang mata, at palaging nakalahad ang kamay kapag tumatama ka.

Mi•na•nî [m+in+anî] png. 1: kamoteng kahoy na ginagayat nang maliliit na parang mani, at ipiniprito nang lubog sa kumukulong mantika hanggang lumutong. 2: taguri sa pagmamaliit sa isang tao, bagay, o pangyayari, at may himig ng pagyayabang, gaya ng “Minani lamang niya ang pag-akyat sa bundok,” o kaya’y “Minani ni Kobe si Lebron sa basketbol.”

Pi•na•lós [p+in+alos] png: kanduli o dalag na nilagyan ng dinikdik o ginayat na luyang dilaw at dinurog na biskotso, saka iniluto sa suka, bawang, sibuyas, at sinahugan ng gata, kangkong, at iba pang gulay, bukod sa tinitimplahan ng asin o paminta. May ibang paraan ng pagluluto ng pinalos, na hinahaluan ng mga siling labuyo, at nakalaan naman para sa mga tomador. Ang ugat ng salitang pinalos ay maaaring tumukoy din sa paraan ng pagluluto ng palos na ginataan na may halong mga sili, luya, at bawang, gaya ng ginataang pananglitan (sea eel) sa Romblon.

Pu•to-ka•wa•lì [puto+kawalì] png 1: balinghoy na binalatan at ginadgad, hinaluan ng pulang asukal, saka ipinirito sa kumukulong mantika, upang gawing puto. 2: isang uri ng huwad na puto, at kinakain ng mga dukha.

Ta•la•hi•sà [tala+hisà] png. 1: taguri sa halo-halong maliliit isda na nakatumpok at ipinagbibili sa palengke. 2: sa patalinghagang paraan, taguri sa mga maralita, kung hindi man bata o maliliit na tao na magkakasama o magkakakulumpon.

HINGGIL SA TAO

A•gí•hap png 1: uri ng sakit sa balat na may pamumutlig, pamumula, at pamamaga, at karaniwang sanhi ng impeksiyon o bakterya: ECZEMA. 2: singaw sa palibot ng labi o bibig, ayon kay diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban.

A•tê png. malambing na tawag sa bata na may halong pagmamahal, gaya ng “Atê, halika nga dito at kakausapin kita.” cf: INDAY, NENE, NENENG, NINING, PALANGGA, PANGGA.

Ba•rang•kóng pnr: taguri sa binti na malaki ang masel na parang sa atleta, at ikinakabit sa tao na mahusay umakyat ng bundok.

Bím•bang png, kol: malakas na suntok sa mukha: SAPAK, UPAK—pdw: BIMBANGIN, BINIMBANG. Halimbawa, “Binimbang ni Pedro si Juan nang maasar habang nag-iinuman.”

Bi•tal-úk 1 pnr: nabulunan o nahirinan sanhi ng pagsubo ng malaking piraso ng pagkain, cf: SAMÍD. 2 png: kural ng baboy.

Bu•si•sî pnr: mapanghamak na taguri sa walang kuwenta o walang pakinabang na tao, halimbawa, “Lumayas ka, hayop na busisî sa buhay ko!”

Gu•rá•rap png 1: paniniwalang dinalaw ng kaluluwa o multo ang isang tao 2: guniguni hinggil sa isang bagay na animo’y namamalikmata ang tumitingin.

Ha•lu•gay•gáy png 1: uri ng larong pambata na pinahuhuluan kung sino sa mga batang nakahanay at pawang nakatikom ang mga palad ang nagtatago ng buto ng kanduli habang nag-aawitan ang magkakalaro 2: awit pambata na isinasaliw sa naturang laro. Muling pinauso ni Raul Funilas ang naturang salita, nang ilathala ang kaniyang aklat na Halugaygay sa Dalampasigan (2006). Wala sa mga diksiyonaryo ang halugaygay, bagaman nilalaro pa ng ilang bata ito sa gaya ng Isla de Talim.

Hu•ga•hóg pnr: maluwag at lumalaylay ang pananamit, at maituturing na masagwa, gaya ng sa rapper. Halimbawa, “Hugahóg ang porma ng Salbakuta nang magtanghal kanina.”

Ka•ri•bók pnr 1: nagkakagulo, nagpapanakbuhan, at nagsisigawan, kumbaga sa mga tao na nasindak o nag-aaway 2: labo-labo ng mga tao, sanhi ng kung anong silakbo, galit, o away. Halimbawa, “May karibok sa libis nang dumating ang magkaribal na pangkat ng mga kabataan.” O kaya’y “Kumaribok ang mga estudyante nang lumindol sa paaralan.”

Kas•lág pdw 1: bumangon at kumilos, lalo kung matamlay o tatamad-tamad. 2: banatin ang katawan para magtrabaho. —IKASLAG, KUMASLAG. Halimbawa, kumaslag ka na at maraming ka pang lalabhan, hane.” Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang “kaslág” ay may lahok na pangngalan na tumutukoy sa panakip sa ulunan, gaya ng kulandong; o kaya’y tunog na nalilikha sa pagaspas ng makapal na tela o anumang kahawig na tunog na hinihipan ng hangin. Kung gagamitin itong pakahulugan sa patalinghagang paraan, waring pagpapagpag iyon ng katawan kung hindi man pag-iinat.

La•ngán 1 pdw: ingatan at pahalagahan ang isang bagay o alaala, halimbawa, “Paglanganan ang singsing na bigay ko sa iyo,” o kaya’y “Langan mo ang bahay, hane?”—MAGLANGAN, NAGLANGAN, PAGLANGAN. 2 png: sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang pagtuturo ng ilang gawi sa gaya ng aso o iba pang hayop, o kaya ay pagsasanay sa bata na gumawa ng ilang bagay. May bukod na lahok naman ang langangán, na ayon pa rin kay Panganiban ay tumutukoy sa “tagdan ng sibat.”

Las•dóy pnr: tawag sa lumalaylay o lumalawit na ibabang bahagi ng labi, na waring namamaga o tinurukan ng lason o botox. “Parang lasdoy ang labi ni Pops, hane?”

Lan•ti•tî png: paghipo sa dumi o ihi, gaya ng batang humihipo o naglalaro ng tae o ihi—MAGLANTITÎ, NAGLALANTITÎ, LANTIIN. Halimbawa, “Naglantiti na naman ang apo mo, hindi mo kasi hinugasan ang puwit!”

Ma•las•yó pnr: walang katotohanan; tsismis o bukambibig. Halimbawa, Tanong: “May kasama ka raw kahapon sa motel?” Sagot: “Malasyó.” Sa Tagalog Maynila, halos katumbas ang naturan na “Wala iyon!” o kaya’y “Tsismis lang iyan!” Ngunit sa Binangonan, ang “malasyo” ay sapat na upang pabulaanan ang anumang paratang o haka-haka.

Mang•gá-mang•gá pnr: malalaki ang masel sa katawan, lalo sa bahagi ng sikmura, bisig, at binti: BATO-BATO cf: ABS.

Ma•ya•ngí pnr: mayabang, mapagmataas, at maangas na tao, halimbawa “Mayangí iyang binata, hane?”

Pis•ngot pnr: pango o sarat ang ilong. Katunog nito ang píngot, na paraan ng paglapirot sa tainga, ngunit ang pisngot ay panuring lamang sa ilong.

Sa•la•páng 1 png: uri ng sibat na may pitong tulis at pitong sima, at ginagamit sa panghuhuli ng malalaking isda cf: TRIDENT 2 pdw: tao na magaling manghuli, mang-akit o mambighani ng ibang tao, upang pagkaraan ay isahan—MANANALAPÁNG, SALAPANGIN, SINASALAPANG, SUMASALAPANG, halimbawa, “Sinalapang ni Juan si Ester nang bumisita sa bahay.”

Su•bu•kán [súbok+an] png 1: pagalingan sa pagpapamalas ng agimat, mahika, at katulad 2: pook o panahon, gaya sa tuwing Mahal na Araw, na nagkakatipon ang mga tao na may agimat, o kaya’y ang mga mambabarang at katulad, upang magpahusayan sa taglay na galing o karunungang itim. Maiuugnay din ang salita sa subúkan (pangngalan) na katumbas ng “paniniktik” o subúkin (pandiwa) na katumbas ng pagsusulit o paraan ng pagtiyak sa kakayahan ng isang tao, hayop, o bagay, gaya ng isinasaad sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban.

Tu•la•tód png 1: Sa Binangonan, tumutukoy sa pinakabao ng tuhod: KNEE CAP 2: Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, tumutukoy sa kukote o puil na buto sa pinakadulong bahagi ng gulugod na malapit sa puwitan. Katunog ng tulatod ang pilantód, na tumutukoy naman sa paika-ikang paglakad sanhi ng pagkapilay o pinsala sa tuhod, binti, o paa.

Ú•log (ma•u•log) pnr: mabagal, makupad kumilos. Halimbawa, “Maulog kang bata. Kaslág!”

U•tak-bi•yâ [utak + biyâ] pnr: mahina ang isip, kung hindi man mangmang: BOBO, HANGAL, ISIP-LAMOK, RETARDADO, TANGA, UGOK.

Ya•kál pnr: maskulado ang katawan, at panlaban kumbaga sa boksing o romansa, at hango sa sinaunang pakahulugan ng uri ng matigas na punongkahoy [Hopea flagata].

HINGGIL SA HANAPBUHAY

Ak•láb pnr 1: tumatalab, bumabaón o tumatagos, kumbaga sa bala o palaso. 2: mabisa, kumbaga sa gamot o agimat—AAKLAB, PAAKLABIN, PAG-AKLAB, PAGPAPAAKLAB, UMAAKLAB. Halimbawa, “Maaklab ang gamot na nagpasigla ng aking katawan.”

A•lag-ag pnr: pagkasindak o pagkatakot, na may pakiramdam ng paninindig ng balahibo at buhok, gaya ng tao na nakakita ng multo. Halimbawa, “Alag-ag ang mga bata nang matungo sa sementeryo.”

Ba•kál png: hukay, bungkal, “Mababaw ang bakál mo. Ulitin mo!” Sa Binisaya, ang bakál ay katumbas ng “bili o pagbili,” gaya ng “Magbakal ka ng tinapay.”

Ba•ka•lán pnd: maghukay nang may tamang espasyo o maglinang ng lupa para sa pagtatanim—BAKALÁN, BABAKALÁN, MAGBAKÁL, MAGBABAKÁL, NAGBABAKÁL. Halimbawa, “Bakalan mo nga iyang lupa at tatamnan ko ng mani.”

Bal•díg pnr 1: tumatalbog, gaya ng batong pasadsad na ipinukol sa ilog o lawa 2: bumabalik ang pukol, gaya ng boomerang o eroplanong papel na bumabalik sa tao na nagpukol nito—BUMABALDIG.

Bal•díg pdw 1: patalbugin o pasadsarin ang bato o kahoy sa tubig cf BALIBÁT. 2: pumukol sa paraang magbabalik sa tao ang ipinukol na kahoy o bagay, gaya ng boomerang o eroplanong papel— BALDIGAN, BALDIGIN, MAGBALDIG, MAGPABALDIG, NAGPAPABALDIG.

Ba•li•bát pnr 1: paraan ng pagpukol ng anumang bagay, gaya ng bato o kahoy, nang patagilid at nagmumula ang puwersa mula sa pagpihit ng balakang habang pantay ang tindig ng mga paa. 2: kung sa boksing, ang suntok na pakadyot sa tadyang ng kalaban. 3: ayon sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, di-makatwirang pagsalungat.

Ba•lú•na png: telang tinahi na pambalot sa unan: PILLOW CASE, PUNDA.

Bang•kís png: paraan ng pagtali na paagapay sa dalawang pinagdurugtong na kahoy o kawayan, gaya sa katig ng bangka—pdw BANGKISAN, BANGKISIN, IBANGKIS, MAGBANGKIS, NAGBANGKIS, PABANGKISAN.

Bá•oy pdw 1: bawiin ang isang bagay na ibinigay sa ibang tao 2: sa sugal, bawiin o kunin sa kalaban ang pustang salaping natalo—BUMAOY, BUMABAOY, MAGBAOY. Halimbawa, “Bumabaoy na naman si Pedro sa kalaban dahil wala nang pera!” Halos katunog nito ang máoy sa Bisaya Romblon, na tumutukoy sa “pagwawala o pagkawala ng bait tuwing nalalango sa alak o droga.”

Ba•rá•da png: uri ng maliit na tambol na yari sa inukang katawan ng punongkahoy.

Bi•ga•tót png: hugis boteng sisidlan na yari sa nilalang kawayan, pahaba ang leeg at pabilog ang katawan, at ginagamit na panghuli ng dalag.

Buk•sók png: malaking sisidlan ng palay na yari sa nilalang kawayan at sawali, na parisukat ang bibig ngunit pabilog ang katawan, at kayang maglaman ng sampung kaban ng bigas.

Ga•ra•ú•tan png 1: bagahe; abasto 2: kargamento o anumang nakatali o nakakahong dala-dalahan ng biyahero o manlalakbay. 3: mga bagay na dala, bitbit, sunong, pasan o karga ng tao na magbibiyahe.

Ga•wá•ngan png 1: Sa Binangonan, uri ng malaking bangka na panlawa o pantubig-tabang 2: sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ambon o banayad na ulan. Mahirap nang matukoy kung ang ugat na salita ng gawangan ay gáwang na tumutukoy sa “pag-abot ng kamay.” Kung iuugnay ang gáwang sa mga pasahero ng bangka na inaabot ng kamay ng bangkero o sinumang nasa daungan ay maaari nga. Ngunit posible rin na may kakaibang pakahulugan ang gawangan ng Binangonan dahil natatangi ang bangka na panlawa kaysa pandagat.

Há•sag png: uri ng ilawang de-gaas [na ginagamit sa pangingisda].

Hu•lò png: paanan ng bundok.

Ká•ya png: uri ng sisidlan ng isda na yari na nilalang kawayan, pahaba ang leeg at pabilog ang pinakakatawan, at ang takip ay hugis tapon na yari din sa kinayas na kahoy o kawayan.

La•ba•ngán [labang+an] png 1: mabigat at parihabang kainan ng baboy na yari sa bato o adobeng inukit ng sinsil ang loob upang paglagyan ng kaning-baboy o inumin 2: pook na kainan ng mga baboy 3: sa patalinghagang paraan, kusina o kainang marumi o tambak ang di-nahuhugasang pinggan, kutsara, tinidor, at baso. Halimbawa, “Linisin mo nga ang iyong labangan, tamad na bata ka!”

Li•bís png: Sa sinaunang Tagalog Binangonan, tumutukoy sa daungan o daan ng mga bangka. Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, tumutukoy ang libís sa pinakamababang bahagi ng lupain, at iniuugnay sa padahilig na bahagi ng lupa.

Pag•kít png 1: uri ng bitag at panghuli sa ibon, na itinutulos sa lupa at may mga sangang tangkay na pinapahiran ng malagkit na dagta ng punongkahoy, gaya ng sa langka, at may tali. 2: malagkit na dagta ng anumang punongkahoy o halaman na ginagamit bilang pandikit, gaya ng rugby.

Pa•tá•bon [pá+tabon] png: 1: uling na yari sa pamamagitan ng pagtatabon ng lupa sa mga kahoy na lumiliyab. 2: sinaunang paraan ng paggawa ng uling sa pamamagitan ng pagtatabon ng lupa sa nagliliyab na kahoy o bao ng niyog, at taliwas sa pugon. 3: hinukay na lupa na ginagamit sa paggawa ng uling. 4: sa pabalbal na pakahulugan, maitataguri sa bawal na pag-ibig o ugnayang seksuwal ng dalawang tao na ang isa ay maaaring kasal na o may ibang kasintahan.

Ta•ga•pò png. 1: Sa Isla Talim, pook na inaahunan ng tao, at tagaan ng kawayan. 2: pook na pinagkukunan ng kawayan o buho.

HINGGIL SA FLORA AT FAUNA

Pung•gî pnr: putol ang buntot, kumbaga sa aso, kalabaw, at iba pang hayop. Halimbawa, “Punggi ang Doberman ko.”

Sam•pá•lok-sam•pa•lú•kan [sampalok + sampalok+an] png: uri ng punongkahoy o halamang kahawig ng sampalok ang dahon at kahoy, may maliliit na butong nasa ilalim ng dahon, at ginagamit na gamot sa hika ang pinakuluang ugat o ipinanambabanyos sa batang sipunin.

Ta•ngán-ta•ngán png: uri ng punongkahoy na may limang pilas ang dahon na gaya ng kamay ng tao, na ang dahong pinahiran ng langis ng niyog ay ginagamit na pantapal sa tiyan ng sinumang tao na kinakabagan, o kaya’y sa bahagi ng katawang makirot, gaya ng tuhod, siko, at likod cf: FIVE FINGERS, MARIHUWANA.

MGA MUNGKAHI

Kung ang layon ng kumperensiya ay tipunin ang maraming lahok na salita mula sa iba’t ibang rehiyon, ang pagpili ng mga salita ay hindi dapat matuon kung ano ang “tama” o “pormal” sa “mali” o “di-pormal.” Ang pagtatakda ng taliba sa pintuan kung alin ang marapat papasukin sa diksiyonaryo o tesawro ay magdudulot ng malaking hámon at sakít ng ulo sa mga awtoridad at naglalagay sa alanganin sa mga salitang mananatiling hanggang sa antas na pabigkas lamang. Ang dapat maging batayan ay kung ginagamit ang salita; at kung hindi ginagamit ay malinaw na hindi dapat ilahok sa diksiyonaryo.

Malaking pagtatalo rin kung ano ang dapat maging pangunahing lahok na salita sa diksiyonaryo, at kung bakit dapat maging singkahulugang lahok lamang ang iba, gaya ng mga lalawiganing salita. Isang magiging batayan ang katanyagan ng salita, ngunit ito ay magiging relatibo dahil kahit sa mga lalawigan ay maaaring iba ang kilalang salita, at ang tanyag sa kalungsuran ay banyaga sa mga taga-lalawigan.

Ang mungkahi ko’y ipasok sa diksiyonaryo kahit ang mga pangalan ng pook na hinango sa ugat na katutubong salita ng punongkahoy, halaman, ibon, hayop, o isda. Ito ay dahil ang salitang nilapian ay nagkakaroon ng panibagong pakahulugan o pahiwatig, at ang gayong pakahulugan o pahiwatig nito ay lumalampas sa pinaghanguang salita, gaya ng ipinamalas sa mga pangalan ng barangay sa Binangonan. Napananatili ang lokal na kasaysayan ng pook, at hindi mahihirapan ang bagong henerasyon sa pagtukoy ng pinag-ugatan ng kanilang pook.

Iminungkahi rin na simulan ang pagsuyod sa mga aklat, magasin, pahayagan, blog, at komiks na nasusulat sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas. Maraming salita ang hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo, gaya sa daan-daang nobelang Tagalog, Ilokano, at Bisaya, at kung pagsasama-samahin ang mga ito ay tiyak kong makalilikha ng tomo-tomong diksiyonaryo at tesawro. Pinakadinamiko ang gaya ng mga blog at pook-web, dahil halos araw-araw ay may naiimbentong salita, na kung ikokompara sa mga akda na mula sa akademya ay napakalamya, konserbatibo, at kung minsan ay tradisyonal.

Magkakaroon lamang ng problema sa paggamit ng panlapi. Halimbawa, sa Tagalog Binangonan, may gamit ang unlaping “bang–“ tulad ng “banglalaki,” bangdami,” “banglayo” na ang ibig sabihin ay “napakalalaki,” “napakarami,” at “napakalayo” ayon sa pagkakasunod-sunod. Ang “bang–“ kung gayon ay katumbas ng unlaping “napaka–“ na pasukdol, at natatangi mula sa karaniwan. Mabuting maitala kahit ang gamit ng mga panlaping Tagalog Binangonan, dahil iba ang testura ng Tagalog Rizal sa gaya ng Tagalog Bulakan, Tagalog Quezon, o Tagalog Batangas.

Ang salita, sa aking palagay, ay hindi na dapat pang ipagtanggol, para mailahok nang opisyal sa diksiyonaryo. Kung laging ipagtatanggol ang salita para mapabilang sa opisyal na gamit ay kakatwa, yamang may pangunang paghahangga sa bokabularyong dapat gamitin ng taumbayan. Nabubuhay ang salita alinsunod sa silbi at paggamit ng pamayanan, at kung hindi magagamit ang salita ay maaaring mapalitan iyon ng iba pa na kayang humuli sa guniguni ng taumbayan. Makabubuting tumanggap nang tumanggap kaysa magbawas, lalo kung mga taal na salita sa Filipinas ang pag-uusapan. Ito ay dahil walang itinatakda sa pagpapasok ng mga salitang banyaga sa korpus ng Filipino, at kung gayon, dapat higit na maging malaya ang pagtanggap ng mga salita na nag-ugat sa Filipinas upang mapanatili ang sariling atin.

Sa panig ng mga pamahalaang lokal, maimumungkahi ang pagtatatag ng lupon na binubuo ng mga tao na masigasig magtala ng mga salitang umiiral sa lalawigan, lungsod, munisipalidad, barangay, at purok. Ang mga matitipong salita ay isasailalim sa pagtitiyak kung umiiral o ginagamit nga ng mga tao, at siyang ibibilang sa kaban ng talasalitaan. Maimumungkahi rin ang regular na konsultasyon sa ibang eksperto sa ibang rehiyon, bukod sa mga dalubwika at manunulat upang matiyak at maituwid kung may pagkakamali man sa mga lahok. Kailangan, sa aking palagay, ang tangkilik ng pamahalaang lokal dahil tungkulin nito na mapanatili hindi lamang ang mga salita sa isang tiyak na pook kundi maging ang kultura at kasaysayan nito.

*Mga daglat na ginamit: ST—Sinaunang Tagalog; Png—Pangngalan; Pdw—Pandiwa; Pnr—Pang-uri; Kol—Kolokyal; Bot—Botanika; Zoo—Zoolohiya.

[Binasa sa Pambansang Kumperensiyang pinamagatang AMBAGAN WIKA na ginanap sa UP Diliman noong 5–6 Marso 2009, at itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, UP Sentro ng Wikang Filipino, at UP Kolehiyo ng Arte at Literatura]

MGA TALA
1. Batay sa saliksik ng National Statistics Office, ang Binangonan ay hango umano sa “ang lugar na binangunan ng bayan,” na tumutukoy pa rin sa paglago ng populasyon at mahihinuhang hango sa paghiwalay ng Binangonan sa Morong. Nakasaad ito sa http://www.census.gov.ph/Rizal/Binangonan.htm na hinango noong 25 Pebrero 2009. Itinatag ng ordeng Fransiskano ang parokya ng Santa Ursula sa Binangonan noong 1621. Ipinasa ang pamamahala ng parokya sa ordeng Heswita noong 1679, at pagkaraan ay ipinamahala sa ordeng Agustino noong 1697. Ibinalik ng Agustino sa Fransiskano ang pamamahala noong 1737. Ang simbahan ng Sta. Ursula ay tinatayang itinayo noong 1792-1800, at kinumpuni noong 1853 kasabay ng pagtatayo ng kumbento sa ilalim ng pamamahala ni P. Francisco de Paula Gomez.

2. Hango sa Historia de las islas e indios de Bisayas. . . 1668 tomo 1 ni Ignacio Francisco Alcina, at isinalin sa Ingles nina Cantius J. Kobak at Lucio Gutiêrrez. Muling inilathala ng UST Publishing House noong 2002. Binanggit din ni Alcina ang “binungan” ngunit mahirap nang mabatid ang ugat nito, at ipinalagay na lamang na maaaring hango iyon sa salitang “bunga” kaya ang “binungan” ay tumutukoy sa “anumang nagpapasupling ng bunga.”

3. Hango sa Otop na may url na http://www.otopphilippines.gov.ph/microsite.aspx?rid=4&provid=56& prodid=335&sec=2/ noong 25 Pebrero 2009, ngunit may tipograpikong mali, dahil nakasaad doon ang “huerta Cavada [sic]” na aakalain na iisang tao lamang ang tinutukoy. Ang tinutukoy na Huearta ay si Felix Huerta at ang tinutukoy niyang akda ay ang Estado geografico, topografico, historico-religioso de la santa Y apostolica Provincia de San Gregorio Magno, ikalawang edisyon, na inilathala sa Binondo ng (imprenta ni) M. Sanchez, 1865. Sa kabilang dako, ang posibleng tala na tinutukoy na mula kay Agustin de la Cavada y Mendez de Vigo ay ang Historia, geografia, geologia y estadistica de Filipinas na inilathala sa Maynila ng Imprenta De Ramirez y Giraudier, 1876. Makapagbibigay ang naturang mga tala ng pag-iral ng Binangonan, at maimumungkahing pag-aralang maigi pa ng mga mananaliksik at iskolar na pawang nagtutuon sa kasaysayang panlalawigan.

4. Hango sa opisyal na pook-web ng Binangonan, na matatagpuan sa http://www.binangonan.gov.ph/ at sinangguni noong 10 Pebrero 2008.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 163 other followers