About these ads

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Mga sanaysay hinggil sa wikang Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng akademya, hukuman, negosyo, at batasan. Sinulat ni Roberto T. Añonuevo, at tumatanaw nang malaki sa kaniyang blog na alimbukad.com na ang pinagmulan ay dakilapinoy.wordpress.com. Inilathala ng UST Publishing House noong 2013, at nagkakahalaga ng P300. Para sa karagdagang impormasyon, dumalaw sa websayt ng UST Publishing House.

About these ads

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Filipino at ang Halalan sa Mayo 2010

Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.

Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.

Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong  4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.

May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani  and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.

Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.

Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.

Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.

Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.

Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.

Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.

Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.

Kampanya at Halalan

Sa larangan ng politika, ang lahat ay mabubuksan at magagamit bilang kasangkapan upang makamit ang anumang lunggati ng politiko.

Natural ang bakbakan sa politika, at kahit ang pagpatay sa mga tagasuporta ng isang politiko ay maaasahan kung umiiral sa isang pook ang kultura ng sandatahang dahas. Hindi inaasahan sa politika ang pagiging santo o martir ng isang kandidato, lalo sa eleksiyon, at walang kinalaman ang relihiyon sa kaniyang husay ng pagiging estadista. Ang pagiging santo ay higit na makiling sa relihiyon at moralidad; at kung ang kabanalan ang magiging sukatan ng pamumuno, ang pamumuno ay mistulang ehemplo ng matayog na pagsisinungaling. Hindi rin inaasahan sa politika kung mula sa mahirap ang kandidato, dahil ang pagiging mahirap ang lalong magpapagunita ng masaklap at kaawa-awang buhay ng mga botante. Kahit ang kasarian ay walang kinalaman sa politika dahil sa oras na mahalal sa posisyon ang isang kandidato ay kailangang simulang pagsilbihan niya ang pangkalahatang kabutihan ng buong bayan nang walang pagtatangi sa isang kasariang kaniyang pinagmulan.

May itinuturo ang kampanya sa eleksiyon. Ito ay kung paano kikilatisin ang politikong karapat-dapat magwagi at pamunuan ang bayan. Ngunit mahirap magawa ito, dahil malimit nauulapan ng propaganda ang kampanya, at imbes na magtalo nang makatwiran ang mga kandidato ay nauuwi kung minsan sa pagbabatuhan ng putik at maaanghang na punang karapat-dapat lamang sa kubeta o imburnal. Ang pagpapakilala ng mga politiko sa pamamagitan ng polyeto ay waring paglilista ng mahabang resume. Parang nag-aaplay ng trabaho ang bawat politiko, at ang botante sa isang iglap ay nagkakaroon ng kapangyarihang maging employer na makapamimili kung sino ang dapat hirangin sa posisyong pampamahalaan. Itinuturo rin ng kampanya sa eleksiyon ang pagbabalik sa nakaraang dayaan, ang tinaguriang “dagdag-bawas,” at ang taguring ito ay nagbabanta ngayon kahit de-makina na ang halalan.

Ibinubunyag ng eleksiyon kahit ang mga balatkayong kandidato, at ang mga kandidatong ito, na lumalahok para sa anumang kapakanan ng isang politiko, ay taktikang naganap noong unang panahon at paulit-ulit pa ring nagaganap magpahangga ngayon.  Ang mga balatkayong kandidato ay maaaring pambasag ng boto ng kalaban; o kaya’y para palitawin na may kalaban ang isang politiko na ang totoo’y ayaw namang magpatalo o bumaba sa puwesto. May ibang balatkayong kandidato na tumatakbo sa eleksiyon—na kahit batid na matatalo ay ginagawa pa rin yaon—upang magpakilala sa mga botante at testingin ang agos ng opinyon para sa susunod pang eleksiyon. Ang sukdulan ng balatkayong kandidato ay nasa pang-uuyam, na naghahain ng kandidatura sa Comelec upang uyamin mismo ang proseso ng halalan at libakin ang estado ng mga manghahalal. Ngunit nasa demokratikong bansa tayo, at malaya ang sinuman na ihayag kahit ang kaniyang angking katangahan o kabaliwan.

Ang isang pampolitikang posisyon, halimbawa na ang pagkapangulo, ay natural na targetin ng sinumang matindi ang ambisyon. Hindi lamang simbolikong kapangyarihan ang pagwawagi sa halalan; kaugnay din iyon ng kapangyarihang pangkabuhayan at pribilehiyong panlipunang maibibigay lamang sa bukod-tanging nilalang. At upang maganap yaon, kinakailangan ang buong buhay na paghahanda. Magsisimula ito sa pagbubuo ng karera sa serbisyo publiko, pag-iipon ng pondo, pagtataguyod ng network ng institusyon at tao, at iba pa. Ang persona ng politiko ang pinakaiingatan, dahil sa kisapmata’y maaaring madungisan ang kaniyang maningning na karera at pulutin siya sa kangkungan pagkaraan.

Mapapansin na sa proseso ng kampanya kumikiling ang timbangan sa halalan. Ang buong proseso ay lunan ng tunggalian at interogasyon, at mahalaga kung anong pananaw ang mangingibabaw na posibleng paniwalaan ng mga tao. Mabigat ang tungkuling gagampanan ng mga propagandista at komentarista, dahil maaaring makapagpakiling sila sa opinyon ng taumbayan. Maaaring makatulong kung matangkad, makisig, matalino, at mayaman ang kandidato; ngunit maraming may gayong katangian ang nabibigo pa rin sa bandang huli kung hindi niya kayang hulihin ang guniguni ng taumbayan. At magagawa lamang ito ng politiko kung gagamitin niya ang wika at diskurso ng taumbayan.

Sa halalang ito, napakahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa buong proseso ng kampanya. Wika ang natitirang hiblang makapag-uugnay sa kandidato at sa mga botante. At hindi dapat isantabi lamang ito ng mga politiko. Sinumang kandidato na mabisang makagagamit ng Filipino sa pakikipagtalastasan sa taumbayan ay inaasahang magwawagi. Pinatunayan na ito ni Pang. Joseph Ejercito Estrada noon, at maaaring maulit sa halalan ngayong taon.

Paghahambing at Pagtatambis sa Tula ni Benilda S. Santos

Pagwawangki [simile] ang karaniwang ginagamit sa tula upang paghambingin ang mga katangian ng dalawang bagay at ilantad ang mga pagkakahawig nito. Ginagamitan ang pagwawangki ng mga katagang, “tulad ng,” “gaya ng,” at “parang” para itampok ang tahasang tumbasan. Maihahalimbawa ang “Si Pedro ay gaya ng robot,” na si Pedro ay tuwirang inihahambing sa robot sa pamamagitan ng “tulad ng” at mahihinuha rito na si Pedro ay maaaring gumagagad sa robotikong kilos na mababatid sa kaniyang pagsasayaw o pagsasalita o pagganap. Ang paraan ng tumbasan ay maaaring tahas, gaya ng isa-sa-isang tumbasan ng mga salita o diwain; o kaya’y padaplis, gaya ng pagpapaabot ng mga pahiwatig sa pamamagitan ng mga hulagway.

Maselan ang pagwawangki kung gagamitin sa paghahambing [comparison] at pagtatambis [contrast]. Sa paghahambing, ang karaniwang pinipiga ay ang pagkakatulad ng mga katangian ng mga bagay, na taliwas sa pagtatambis na humuhugot sa mga pagkakaiba-iba ng mga katangian ng dalawang bagay. Ang pagwawangki ay maaaring makapagpadali ng hambingan o tambisan ng dalawang bagay o panig, ngunit posible ring makapag-iwan ng mga tanong lalo kung malabo ang paraan ng paghahambing o pagtatambis. Tunghayan ang tulang “Ang mga Pulubi at ang mga Maya” ni Benilda S. Santos na gumamit ng pagwawangki sa paghahambing o pangtatambis ng “pulubi” at “ibon.”

Ang mga Pulubi at ang mga Maya
ni Benilda S. Santos

Sa kanto ng Katipunan at Aurora
madalas natin silang makita.
Nakalahad ang palad
ng matandang lalaking bulag
samantalang akay ng matandang babae
kapwa nanlilimahid ang gayak.
Kaiba sa karaniwang pulubi
hindi sila nagsusumamo.
Hindi gumagamit
ng salamangka ng pagmamakaawa
upang magtamo ng biyayang barya.
Naglalahad lamang ng palad
nagmamatyag, naghihintay.
Tatabi sa bangketa
sa pagbeberde ng ilaw.
Lalapit sa pagpula
upang maglahad, magmatyag
maghintay.

Tulad sila
ng mag-asawang maya
sa kapilya
nang magpasiyang gumawa
ng pugad sa likod ng
loudspeaker sa kisame.
Nililipad-lipad
ang bunton ng damong
handa nang sigaan
ni Mang Nelson Dyanitor.
Sa pagtalikod nito
sinisikwat ng tukang maliliksi
ang ilang hibla
at tinatangay pakabila
ng poste, papataas
sa loudspeaker sa kisame.
Kaiba sa karaniwang maya
hindi sila maingay
hindi taranta.
Lumalapag lamang
sa may bunton ng damo
nagmamatyag, naghihintay
na ang lalaki’y umalis
upang patalilis na kumuha
ng ilan pang hibla
pambilog ng bahay-maya.
Lumalapag, nagmamatyag
naghihintay, kumakampay
nang papataas at magkasabay.

Tayo na saksi ng lahat
tinitimbang-timbang pa sa palad
kung aling daan
ang pipiliin sa paglisan.

Sa tula ni Santos, iwinawangki ang mga pulubi sa mga maya upang ilantad ang pagkakahawig ng kani-kanilang gawi sa pagdating, pag-iwas, at pag-alis sa gitna ng inaasahang panganib. Ngunit higit pa rito, ang mga tinukoy na pulubi sa tula ay kakaiba umano sa karaniwang pulubi (dahil hindi gumagamit ng konsepto ng “awa” para makalimos). Gayundin ang mga tinukoy na ibon sa tula na kakaiba kung itatambis sa karaniwang maya (dahil namumugad ang mga ito sa likod ng loudspeaker ng kisame ng simbahan). Ang taktika ng pagwawangki ni Santos ay mababatid sa paghahanay ng mga saknong, na ang una ay para sa mga pulubi, samantalang ang ikalawa ay para sa mga maya.

Kung may pagkakahawig man ang dalawang panig, ang kapuwa pulubi at maya ay marunong “magmatyag at maghintay.”  Hihintayin ng mga pulubi ang pulang ilaw ng trapiko bago lumapit sa mga sasakyan at mamalimos; sa kabilang dako’y hihintayin ng mga maya ang pagtalikod ng diyanitor bago manguha ng mga hibla ng dayami. Ngunit ang pulubi ay nanghihingi ng pera (na pasibong paraan ng pagtatamo ng ginhawa), samantalang ang maya ay nangunguha ng dayami (na aktibong paraan ng pagtatamo ng pugad o seguridad).

Ang pamamalimos ng mga pulubi ay itinatakda ng ekomikong kalagayan nila sa lipunan, alinsunod sa pananaw ng tao, at ang pulang ilaw ng trapiko ay kumbensiyong itinatakda ng lipunan upang matiyak ang seguridad at maayos na daloy ng mga sasakyan sa kalye. Ang pamamalimos—na bagaman tumutugon sa pangangailangang biyolohiko ng tao [i.e., pisikal na gutom at hirap]—ay hindi makapagliligtas sa tao, bagkus naglalapit pa sa mga pulubi para mapahamak. Masisipat din ang pamamalimos na higit na nakakiling sa ekonomiko kaysa biyolohikong usapin, maliban na lamang kung ipagpapalagay na namamalimos ang mga pulubi dahil iyon lamang ang abot ng kanilang isip at kakayahan. Samantala, tanggalin ang ilaw trapiko at maaasahan ang pagsisikip ng mga kalye dahil sa pag-aagawan ng mga sasakyan na sakupin ang kaunting espasyo. Higit pa rito, maaasahan ang napipintong aksidente ng mga pulubi kung walang ilaw trapiko.

Sa kabilang dako, ang pagbubuo ng pugad ng mga maya ay itinatakda ng kanilang pangangailangang biyolohiko, imbes na kalagayang ekonomiko. Ang gawi nito ay batay sa kalikasan [instinct], kaya ang pag-iwas nito sa diyanitor ay isang paraan ng pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa buhay. Kahit pa sabihing namugad ito sa loob ng simbahan at sa likod ng ispiker sa kisame, ang gawi nito ay pag-uulit lamang sa dating ginagawa ng mga ibon at paniking pumapaloob sa simbahan at sumisiksik sa mga adobeng pader upang mamugad. Sa tula ni Santos, nagkataon lamang marahil na iba na ang anyo ng simbahan na mahihinuhang moderno, ngunit nananatiling pareho pa rin ang asal ng mga ibon. Ang diyanitor ay masisipat na inuupahan ng simbahan para sa partikular na tungkuling linisin at pangalagaan ang loob at labas ng simbahan, alinsunod sa pananaw ng tao. Ngunit para sa pananaw ng mga ibon, ang diyanitor ay maaaring isang panganib na makasisira ng pugad at makapagtataboy palayo sa mga maya.

Ang paghahambing at pagtatambis sa mga katangian ng pulubi at maya ay masisilipan ng puwang kung isasaalang-alang ang pangmaramihang persona na nagsasalita sa tula. Sa ikatlo at pangwakas na saknong, ang tinutukoy na “tayo” ay maaaring ang mga tao na magkakaantas ang pangkabuhayan at pangkulturang pinagmulan. May isa at karaniwang pagtingin sila hinggil sa “pulubi” at “maya.”

Kung uuriin nang maigi, ang paghahambing at pagtatambis ay maaaring tingnan sa tatlong paraan: una, lohikong antas; ikalawa, emosyonal na antas; at ikatlo, transendental na antas. Sa lohikong antas, ang “pagmamatyag at paghihintay” ng mga pulubi at maya ay nagkakahawig lamang sa pinakapayak na tumbasang pisikal. Ngunit higit pa rito, ang “pagmamatyag at paghihintay” ng mga maya ay iba sa “pagmamatyag at paghihintay” ng mga pulubi, dahil posibleng ang isa sa mga pulubi ay bulag at wala silang kakayahang magmatyag gaya ng espiya ng pulisya o militar. Naiiba rin ang pagiging kalmante ng mga maya kompara sa mga pulubi, dahil naitatakda iyon ng partikular na pagsagap o pagkaunawa hinggil sa maituturing na pisikal na panganib o banta. Ang gawi ng mga ibon ay batay sa pagkakatanto nito sa panganib na maaaring matutuhan ng isang sari ng hayop sa paglipas ng panahon para mapanatili ang sariling kaligtasan.

Sa emosyonal na antas, tinatangka ng tulang paghambingin o pagtambisin ang buhay ng pulubi sa buhay ng ibon, ngunit sa bigong paraan. Nanghihingi ng limos ang mga pulubi, samantalang nagnanakaw ng mga hibla o layak na tinipon ng diyanitor ang mga maya. Maaaring hindi tandisang nagmamakaawa ang mga pulubi para malimusan, ngunit ang mismong anyo nilang dukha at marurusing ang posibleng makaantig sa ibang tao upang magbigay ng limos. Ang “salamangka ng pagmamakaawa” ay mahihinuhang higit sa pisikal na pagkilos, bagkus sa pahiwatig ng anyo ng namamalimos (na maaaring bulag, mahina, at matanda). Sa kabilang dako, ang mga maya ay ipinamalas na kakaiba sa ibang ibon dahil hindi palahuni. Ngunit palabis ang ganitong pagmamasid, kung isasaalang-alang ang kabuuang gawi ng ibon sa maghapon. Paano mababatid ng persona na gayon nga katahimik ang mag-asawang maya sa buong maghapon kompara sa ibang mga ibon? Nasa loob ng simbahan nang matagal ang persona? Mahihinuhang linyado ang pagtanaw ng persona, at muli, mauugat ito sa kanilang pinagmulang ekonomikong estado sa lipunan.

Sa transendental na antas, ang landas na pinili ng mga pulubi ay maaaring naiiba sa pinili ng mga maya. Ngunit kung wawariin nang malalim, wala naman talagang dapat na pagtambisin. Ito ay sa pangyayaring iba ang lunan ng mga pulubi (na higit na maraming panganib ng sasakyan) kompara sa lunan ng mga maya (na kakaunti ang mga panganib, mula man sa ibang predator na hayop o tao). Wala ring dapat paghambingin, dahil ang mga tao ay may kakayahang makapag-isip at dumama nang higit sa kayang gawin ng mga maya, maliban na lamang kung sadyang may pinsala ang isip ng mga pulubi. Sa naturalistang pananaw, ang tadhana ay naitatakda ng likas na katangian [instinct], gaya ng ibong gumagawa ng pugad. Ngunit sa realistang pananaw, ang panlipunang gawi ng mga pulubi [pamamalimos] ang magtatakda ng kanilang kapalaran sa buhay.

Kung babalikan ang pananaw ng pangmaramihang personang nagsasalita sa tula, ang pananaw na ito ay nauulapan ng prehuwisyo ng kanilang ekonomikong estadong pinagmulan. Hindi matapat at lapat ang pagsasaad ng “pagmamatyag at paghihintay,” at ang konsepto ng kaligtasan at ginhawa ay walang kakayahang umigpaw sa de-kahong pananaw. Ang naturang prehuwisyo ang magiging sanhi rin ng pagkatiwalag sa kaligiran ng persona sa tula. Kaya ang pahayag na “kung aling daan/ ang pipiliin sa paglisan” ay burges na pagpapamalay nang mababaw hinggil sa isang tagpo, nang hindi alintana ang realidad ng ugat ng kahirapan ng mga tao.

Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

Tinangkilik ng Philippine Daily Inquirer ang krusada ni Antonio Calipjo Go laban sa mga teksbuk na hitik umano sa mga pagkakamali. Na maganda sa isang panig, ngunit kung wawariin nang maigi ay higit na masisipat na pampolitikang hakbang iyon sa larangan ng paglilimbag ng teksbuk kaysa pagpapataas ng kalagayan ng edukasyon sa Filipinas.

Hindi nabibigyan ng sapat na kritika ang mga rebyu ni Go sa naturang mga aklat, at kahit ang PDI ay tila ginagamit na manyika lamang si Go imbes na magsaliksik at sumangguni sa mga eksperto kung gaano katumpak ang mga opinyon ni Go. Nagiging martir tuloy si Go gaya ng dapat asahan, at ito ay isang kalabisan. Ang panibagong mga banat ni Go sa limang teksbuk sa elementarya na inilathala ng PDI noong 2 Hunyo 2009 ay napakababaw at nabigong sipatin ang nilalaman, balangkas, pamamaraan, disenyo, at iba pang kaugnay na bagay na pawang matalik  sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Kahanga-hanga sa unang malas ang paglalahad ni Go ng mga detalye hinggil sa mga mali sa gramatika at palaugnayan ng mga lahok sa limang teksbuk. Gayunman, hindi dapat ganito ang paraan ng pagsusuri ng mga aklat. Ang pagpulot ng mga katiting at paglilista nito ay ikinukubli ang konteksto ng pagkakasulat, ang nilalaman ng akda, ang estilo ng paglalahad o paglalarawan, ang punto de bista ng mga tauhan, ang panahon at espasyo nang likhain ang akda, ang lalim o babaw ng pananaliksik, at iba pa. Makabubuti kung susuriin ni Go ang buong aklat, at isaad kung ano-anong kuwento, tula, sanaysay, dula, balita, talahanayan, larawan, at iba pang aralin ang marapat tanggalin at ibasura nang ganap. Sa ganitong paraan ay mababatid kung saan nagmumula si Go, kung tumpak ang mga lente na ginamit niya sa pag-urirat ng bawat akda, at kung dapat paniwalaan ang kaniyang pinagsasasabi.

Ang pagpulot ni Go ng mga katiting at pagpapamukha niyon sa madla upang hiyain ang mga awtor o pabliser ay isang uri ng kayabangang pangkaisipan na dapat iwaksi, at dapat ituring na maling halimbawa sa mga bata. Maaaring sadyang walang tiwala si Go sa burukrasya at pamahalaan? Ano’t anuman, may mga ahensiyang malalapitan si Go, at ang mga ahensiyang ito ay makatutulong din sa kaniya sa pagtiyak ng kaniyang mga hinuha o opinyon. Ang problema kay Go ay waring siya lamang ang tama sa daigdig, at kapag hindi nasunod ang ibig niya ay ngangawa siyang parang sutil na anghel. Dapat tandaan ni Go na nakapaloob siya sa sistema, at ang sistemang ito ay hindi mababago ng isang tao bagkus ng sari-sari ngunit nagkakaisang mga tao na pawang may malasakit din sa edukasyon. Ang pagsusuri ng mga teksbuk ay dapat ginagamitan ng matibay na batayan at subok na pamantayan, at ang mga batayan o pamantayang ito ay maaaring may kaugnayan sa teorya at praktika ng pagbasa, at hindi sa paraang bara-bara.

Sa susunod na pagrepaso ni Go at paglitis sa mga sangguniang aklat sa elementarya o hay-iskul ay inaasahan ko ang higit na matalas na paraan ng pag-urirat ng mga aklat. Kailangang patunayan ni Go na hindi siya pipitsugin, na malalim ang pagkaunawa niya sa panitikan, wika, kultura, kasaysayan, agham, matematika, at iba pa, yamang iginagalang siyang edukador, tagapangasiwa, manunulat, editor, at pabliser. Halimbawa, maaaring talakayin sa susunod ni Go kung gaano kaepektibo ang isang teksbuk upang mahubog ang pagbabasa, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at pakikisalamuha ng mga bata, at kung paano mapahuhusay ang naturang aklat sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga akdang sinulat ng Filipino at tumatalakay sa usapin ng Filipinas. Maaaring talakayin niya kung lumilihis ang mga layunin at tuon ng bawat aralin o aklat, alinsunod sa itinatakda ng kurikulum. Maaaring ipaliwanag din niya kung saan sumasablay ang serye ng mga tanong sa bawat yugto ng aralin, at kung paano pa mapalilinaw ang mga tanong para madaling maunawaan ng bata. Maaaring ipaliwanag din ni Go ang paghahati-hati at pagkakasunod-sunod ng mga paksa sa aklat, o ang pagkakayari ng buong balangkas ng teksbuk, at kung ano ang dapat unahin at kung ano ang dapat ihuling talakayin. Ang mga sisipiin niya sa bawat teksbuk ay dapat ipaliwanag din ang konteksto at ang pakahulugan o pahiwatig, upang maiwasang malito ang bumabasa sa kaniyang artikulo. Makabubuti kung tatalakayin ni Go ang paghubog sa kasanayan ng mga bata, alinsunod sa nilalaman at saklaw ng mga akda. Kailangang pabulaanan din ni Go ang mga maling impormasyon, halimbawa sa kasaysayan o panitikan, at magsaad ng mga tiyak na tugon at mapagtitiwalaang sanggunian.

Kung mabibigong gawin ito ni Go, mananatili siyang alingawngaw lamang ng pahinagpis na kritika hinggil sa mga teksbuk sa elementarya man o hay-iskul. Hindi sapat ang paglilitanya ng hinagpis. Paglulustay ng papel at laway ang sinauna kung hindi man baryotikong paraan ng komentaryo. Kinakailangang makita rin ng mga guro, magulang, at estudyante ang mga alternatibong pagtutuwid sa mga pagkakamali, gaya halimbawa ng masinop na rebisyon ng mga talata at pagkakasunod-sunod ng diwain sa buong sanaysay, imbes na magtuon sa mga simpleng lihis na gramatika at nawawalang bantas sa isang pangungusap lamang. Ang problema kay Go ay hindi ko pa siya nakikitahan ng malalimang pagsusuri sa mga aklat. Huwag niyang sabihing wala siyang pook na paglalathalaan. Imbes na gamitin niya ang PDI ay maaaring lumikha si Go ng websayt o blog at doon niya ibuhos ang walang pangingimi niyang banat na hitik sa matalim na pag-iisip imbes na pabugso-bugsong damdamin. Makaiiwas din ang PDI na mabatikan ng politika, kung sakali’t magkataong may kapatid itong kompanyang naglalatha rin ng mga teksbuk para sa kapuwa pribado at publikong paaralan.

Mahalaga ang mga teksbuk para sa mga kabataang mag-aaral. Ngunit dapat tandaan ninuman na ang teksbuk ay isa lamang sa maraming tulay ng pagtuturo sa mga bata. Ang pag-aaral ay hindi dapat nakukulong sa teksbuk, dahil hindi maiiwasan ang mali rito yamang napakaatrasado ng sistema ng pagbubuo o paglikha ng mga teksbuk sa Filipinas. Napakaatrasado dahil hangga ngayon ay tinitipid sa atin ang mga manunulat, editor, kritiko, tagapagtasa, ilustrador, potograpo, at tagarepaso, bukod sa napakahina ng produksiyon ng aklat. Ang pagtuturo ay hindi dapat ikahon sa teksbuk, at ang mga bata ay dapat turuan ding lumaya sa teksbuk, at matutong magsaliksik mulang silid-aklatan hanggang pamayanan hanggang cyberspace at kung saan-saan pa.

Elegansiya ng Ligoy sa “Currimao Fiesta” ni Alwynn C. Javier

Parola, Kuha ni bobby Añonuevo

Parola, Kuha ni Bobby Añonuevo

“Ligoy” ang isa sa mga kahanga-hangang katangian ng Filipino, na ibinatay nang malaki sa Tagalog at sinuhayan ng mga lalawiganing wika sa Filipinas. Tumutukoy ang “ligoy” sa di-tuwirang paraan ng pagsasabi ng kahulugan, at ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa pahiwatig, talinghaga, at sagisag na pawang matalik sa loob ng mga nag-uusap. Sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, ang ligoy ay kaakibat ng kulturang mataas ang antas ng pagkakaunawaan. (Hinango ni Maggay ang mataas na kontekstong kultura sa teorya ni Edward Hall.) Nagaganap ito dahil sa “mahabang tradisyon ng madalasang pakikipag-ugnayan.” Mataas umano ang antas ng pakikiramdam ng bawat kasapi sa kultura, kaya hindi nangangailangan “ng lantarang kodigo o hayagang panuntunan” kung paano uunawain ang ipinahahatid na mensahe ng mga katutubo sa kultura.

Mahalaga ang ligoy sa tula, kung ipapalagay na ang tula ay isang uri ng komunikasyon, at ang diskurso ng makata ay abot ng diskurso ng mga mambabasa. Kapag kinasangkapan ang ligoy, ang pinakamarikit na katangian ay nakapagbabalatkayo ng nakaririmarim na anyo, gaya sa mga tula ni Mike L. Bigornia. Ang kabatiran ay pasikot-sikot, kaya ang bumabasa ng tula ay nahahamon ang guniguni at nagkakaroon ng iba’t ibang pagmalay at pagtanaw hinggil sa pinapaksa. At ang mabigat na pamumuna o pagdaramdam ay nadaraan sa masining na pagpapatawa, kaya gumagaan ang tama pagsapol sa pinatutungkulan. Tanggalan ng ligoy ang tula ay maaasahan ang walang kalasa-lasang mga taludtod at maninipis na saknong na higit na maluwang ang espasyo ng papel kaysa sa dapat taglaying diwain ng tula.

Ang ligoy ng tula ay hindi nangangahulugan ng pag-aaksaya ng mga salita, gaya ng inaakala ng ilang kabataang makata. Iba ang walang habas na paglulustay ng mga salita sa ligoy, dahil ang masasatsat tumula ay karaniwang hindi batid ang kanilang pinagsasasabi. Ang ligoy ay isang sining ng tantiyadong pagbanda at pagpapadaplis, kumbaga sa bilyar, para makapagbuslo ng bola. Ang ligoy ay masinop na paglalatag ng patibong, kumbaga sa ahedres, o kaya’y pagpapadama para lansihin ang kalaban. At ang ligoy ay pagsasabi nang walang kurap, bagaman nagsisinungaling, na ang pakana ay tarakan ng punyal sa dibdib ang kausap.

Katangian ng Filipino ang ligoy na taliwas sa tahas na Ingles, at kung idaragdag ang isa pang kapatid na katangian—ang tinatawag na kabulaklakan—ay higit na kalulugdan ang wikang Filipino. Ang kabulaklakan ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, ay hindi dapat tingnang kahinaan, bagkus isang elemento ng lakas at talas. Nagkakaroon lamang ng problema sa Filipino dahil ang bumabasa nito ay ginagamit ang panuntunang Ingles, na para bang walang bukod na katangian ang Filipino. Matalik ang Filipino sa Espanyol, na higit na mabulaklak, at ang ligoy na binihisan ng masalimuot na disenyo ay angkop na angkop sa pagbubuo ng nobela at epikong tula.

Isang halimbawa ng ligoy ang matatagpuan sa tulang “Currimao Fiesta” (2006) ni Alwynn C. Javier. Purong Ilokano si Javier na mula sa liping magsasaka ngunit pambihira kung kumasangkapan ng wikang Filipino. Nagwagi siya nang ilang ulit sa Timpalak Palanca, at ngayon ay abala sa pagtuturo sa Ateneo de Manila University. Heto ang kaniyang tula:

Currimao Fiesta
ni Alwynn C. Javier

Gutom ang nagbunsod sa kanilang
makipagsapalaran sa ibang bayan.
Ang mga magsasaka ng Cabugao,
bawang na nagpahugot sa karampot
na lupa sa pagitan ng dagat at bundok.
Ang matatanda ng Bacarra,
sibuyaw na nagpabunot sa mahinang
kapit ng mabuhanging lupa.
Ngayo’y palay silang nakayuko
sa mayamang lambak ng Isabela;
pinyang nakatunghay sa patag ng Bukidnon;
malunggay na nag-ugat sa baybayin ng Hawaii.

Tunghayan ang piging ng mga balikbayan:
kung paano nilalamusak ang utak ng baka
at inilalamas sa malapot na dinakdakan;
kung paano pinipiga ang apdo ng kalabaw
at ibinubuhos sa lamanloob ng papaitan;
kung paano kinakanaw ang nanigas na dugo
at inihahalo sa asim ng sinampalukang aso.

Makisalo sa hapag ng karangyaan:
may umaapaw nang sabaw sa bandehado;
may namumuong sebo sa isang sartin;
may nanggigitatang pitsel ng tubig-poso;
may lumang mumo sa plastik na plato.
Maghanda sa pagkakamay:
sa sabay-sabay na paghinaw sa tubig;
sa walang habas na pagdakma sa kanin;
sa walang patumanggang pagdampot ng ulam;
sa garapal na pagkalawkaw sa plato;
sa daklot-daklot na pagsubo.

Makitawa sa eksena ng mga bisita:
ang kantiyaw sa dating batang galisin
na ngayon ay milyonaryo na;
ang nakangingilong haguthot
ng mamang di-matanggalan ng tinga;
ang aleng biglang nabilaukan
habang namumuwalan;
ang nilalangaw na pulang dura
ng matandang ngumunguya ng nganga.

Mangahas man ang batang nakapag-aral
na maghanap ng senyal ng sopistikasyon,
mapapahiya siya sa katotohanang
kabilang siya sa lahi ng mga dugyot at kuripot
at walang layás na bituka ang maaaring makalimot.

Ipinamamalas ni Javier sa kaniyang tula ang isang paraan ng paglalatag ng parikala. Ang nagsasalita sa tula, na maaaring ang kabataang nakapag-aral sa Maynila o kaya’y sa ibang bansa, ay inilahad ang mga pangyayari na dinaranas ng mga Ilokano. Ang unang saknong ay pulos ligoy na inihalintulad ang mga magsasaka at matanda sa bawang at sibuyas na madaling ilipat kung saan, ngunit mabilis ding magtagumpay. (Bawang at sibuyas ang mga produkto ng lupain sa Ilokos, at malaking negosyo magpahangga ngayon.) Ang transpormasyon ng pagkatao at antas ng kabuhayan ay mapapansin sa paggamit ng “palay,” “pinya,” at “malunggay” mula sa pagiging halamang-ugat. Lumawak din ang espasyo ng naturang mga Ilokano, at mahihiwatigan ang paglalakbay mulang ibang lalawigan tungong ibayong-dagat.

Sa ikalawang saknong, pambihira ang detalye sa paghahanda ng piging para sa mga balikbayan, na mahihinuhang Ilokano pa rin. Nakapaglalaway ang dinakdakan, papaitan, at sinampalukang aso, na pawang eksotiko ang pagtitimpla at pagluluto na parang sadyang ibinagay sa nangulilang mga Ilokano. Susuhayan ng ikatlong saknong ang ikalawang saknong, at ang detalyadong paglalarawan ng paraan ng pagkain, mulang paghihinaw [i.e., paghuhugas ng kamay] hanggang padaklot na pagsubo ng pagkain ay tila kakatwang tagpo na mala-karnabal.  Pipihit ang tagpo sa anyo ng mga bisita, na may milyonaryo, marungis, at waring salaula.

Matatagpuan ang parikala sa dulong saknong. Walang silbi ang sopistikasyon sa mga tagpo ng pagtitipon-tipon, at ibinabalik sa alaala ang mga sinaunang pagkakakilanlan sa mga Ilokano gaya ng “dugyot” at “kuripot.” Ang dugyot ay tumutukoy sa katangiang marumi o magulo ang pamamaraan, kumbaga sa pisikal na anyo; samantalang ang kuripot ay tumutukoy sa labis na pagtitipid sa gastos. Ngunit ang dugyot at kuripot, kung aaninawin sa tula, ay mga terminong ipinapataw ng mga tagalabas sa kulturang Ilokano. Sa dulo ng tula, walang pakialam ang mga balikbayan kung ano man ang itawag sa kanila. Ang higit na mahalaga ay ang pagbabalik mula sa matagal na panahong pagkakawalay, ang pagsasalo-salo sa tagumpay, at ang pakikibahagi muli sa pamayanan ng kulturang Ilokano.

“Walang layás na bituka ang maaaring makalimot,” ito ang pagwawakas ng tula. Na napakagandang taktika kung isasaalang-alang na malimit makipagsapalaran ang mga Ilokano kung saan-saan upang humanap ng ikabubuhay at seguridad sa buhay. Ngunit gaano man kalayo ang kanilang nilakbay ay hindi nila nalilimot ang ugat at kultura. Sa tula ni Javier, ang deskripsiyon hinggil sa piging, kainan, kumustahan, at iba pa ay isa lamang ligoy para ipamalas na hindi nagbabago ang mga Ilokano hinggil sa pamilya. Maaaring sa unang malas ay pisikal na anyo ang tinitingki ng tula, subalit higit pa sa panlabas na anyo ang paglabas sa sarili—at pag-angkin ng Kailokuhan—upang makisalo sa mga kapuwa Ilokano nang di-alintana ang sasabihin ng mundo.

Mapapansin sa tula ni Javier na ang talinghaga ng “gutom” ay doble-talim, gayundin sa pagkasangkapan sa “pagkain” at “piging.” Baligtaran din ang pahiwatig ng pamagat na “Currimao” (kurimaw) na nagpapahiwatig ng masagwang anyo, at unang pinasikat sa palabas na Eat Bulaga! ng GMA Network. Ang kurimaw ay hindi lamang ang pook at tao, at tumatagos kahit sa panig ng bumabasa. Ipinakikita lamang ni Javier na ang paghuhunos ng Ilokano ay madaraan sa ligoy, at ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi laging sa paraang tahas at kumbensiyonal. Hindi natitighaw ng yaman ang uhaw sa lupang tinubuan. At kung babalikan ang sinaunang kawikaan, umulan man ng ginto sa ibayong dagat ay hindi maipaparis yaon sa ginhawang matatamo sa sariling bayan.

Dapat pag-aralang muli ang bisa ng ligoy alinsunod sa punto de bista ng Filipino. At ito ang maaaring unang leksiyon ng mga kabataan para makaiwas maging kritikastro at mambeberso ng kanilang iniinugang panahon.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers