Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

Pagbabalik sa epikong “Ang Tulisan” ni Florentino T. Collantes

Ang Tulisan ni Florentino T. CollantesPagdukot, pagtataksil, at pagpatay ang ilang malagim na pangyayari sa epikong “Ang Tulisan” (1936) ni Florentino T. Collantes na isa sa matitinik na makatang Tagalog, at kapares ni Jose Corazon de Jesus sa mga balagtasan. Magandang isapelikula o isadula ang naturang pakasaysayang tula, at nababagay ang pangunahing tauhan sa gaya nina Izza Calzado at Lorna Tolentino.

Dumadaloy ang salaysay sa mahabang paghahanap sa mag-amang Bulakenyo na nawawala makaraang maglako ng mga kalabaw sa Nueva Ecija. Nagbenta sila ng hayop upang may magamit na salapi sa nakatakdang pag-iisang dibdib nina Fidel at Adela. Ngunit dalawang buwan na’y hindi pa nagbabalik ang mag-ama. Kinutuban ang ina ni Fidel na baka hinarang ng mga tulisan ang mag-ama. Naghanap nang naghanap kung saan-saang liblib na nayon ang babae kasama ang karitonero ngunit umuwing bigo at muntik pang magahasa ng kaniyang kumpareng Roman.

Lumipas ang halos dalawang dekada, ang ina ni Fidel at ang apo nitong lalaki ang natirang buhay yamang kapuwa namatay sa sakit ang mag-inang Aling Ines at Adela na kaniyang kasa-kasama sa isang bahay. Naging busabos ang buhay ng mag-impo nang nilooban sila ng mga tulisan. Halos malimutan na ng babae ang naganap noong araw, subalit naungkat muli iyon nang ang kaniyang apo ay buntalin ni Roman. Napanaginipan din ng babae na si Roman din ang may kagagawan sa pagkamatay ni Fidel. Nabunyag ang matagal nang lihim na si Roman ang puno ng tulisan. Nahuli si Roman, sinaksak sa dibdib ng kaniyang kumareng naghiganti, binugbog ng taumbayan, bago tuluyang binitay sa punong mangga. Nakamit ng mag-impo ang katarungan, nagbinata si Fidel (Jr) at nakapangasawa, at sa wakas ay guminhawa ang kabuhayan matapos dumanas ng sari-saring pagsubok.

Bagaman sa unang malas ay payak ang kuwento, nakapahiyas naman doon ang paghahanap ng katarungan at pag-ahon sa kahirapan. Ipakikita rin doon ang dalawang mukha ng tao at lipunan, at ang pagtataksil sanhi ng pagkagahaman sa salapi at laman. Naroroon din ang kahayupan sa gitna ng kasaganaan, at ang kadalisayan sa gitna ng kaguluhan.

Paraan ng salaysay
Maaaring tingnan ang epiko ni Collantes sa pananaw ng isang lola na nagkukuwento sa kaniyang apo. At sa kaniyang pagkukuwento ay gumamit siya ng pamamaraang pabalik-balik [flashback], at pagtatampok ng mga kapana-panabik na tagpo. Ipakikilala sa epiko ang mga tauhan na walang pambihirang katangian na gaya ni Zorro o Panday, ngunit nagtataglay ng mga halagahang kaugnay ng kalinangang Filipino.

Ipakikila sa epiko ang mga lolo at lola ng batang Fidel na pawang masikhay sa buhay, na sinisipat ang lupain at gawaing bukid na hindi pasanin bagkus kaugnay ng pagpapagaan ng buhay. Ang bukid ang magpapaginhawa sa tao kung matututo ang tao na linangin iyon at pagyamanin. Ang halagahang iyon ang tataglayin din ng apo, bukod sa pag-ibig nang wagas sa babaeng kasintahan. Ibig sabihin, ang pagbabanat ng buto ay mahalaga at hindi ang pagporma lamang.

Pinakamaraming katangian ang nakakabit sa ina ni Fidel, bagaman hindi pinangalanan. Madasalin, mapagsapalaran, malakas ang loob, mapagtiwala sa kapuwa, matapang, at higit sa lahat, marunong gumamit ng kutob. Ang paghuhunos ng babaing ito ay magmumula sa bahay (sentro ng pananampalataya) tungong ibang pook (paghahanap at pag-asa) at muling pagbabalik sa tahanan (pagkakamit ng katarungan). Naging pulubi man ang babae sa pagtanda, ngunit nanatili siyang matatag upang mairaos sa hirap at gutom ang apo. Hindi rin nagmaliw ang kaniyang paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ng kaniyang esposo’t anak.

Makulay naman ang katauhan ni Roman dahil taglay niya ang dalawang mukha: mabuti at masama. Sa umpisa’y inilarawan siyang masayahin, makapangyarihan, palakaibigan, at matulungin. Ngunit nang lumaon ay mapapalitan yaon ng pagiging sugarol at tulisan, lalo’t kaharap ang kaniyang esposa. Unti-unti ang transpormasyon ni Roman, at ang kaniyang masasamang gawi ang sa dakong huli’y kokontrol sa kaniyang buhay, at magpapahamak sa kaniya nang maghiganti ang taumbayan.

Buo ang loob ng pagkakalarawan sa katauhan ni Aling Ines na handang ipagtanggol ang puri ng kaniyang anak na babae, at handang magsakripisyo kahit pa samahan ang ina ni Fidel sa paglalakbay sa kung saan-saang sulok ng Nueva Ecija. Gayunman ay marunong siyang magpatawad sa sinumang maysala. Igugupo siya pagkaraan ng sakit na kolera.

Ipinakilala naman si Adela na marunong humarap sa pananagutan, at magpalaki ng anak kahit walang ama. Ngunit gaano man siya kasikap ay igugupo siya ng sakit na tisis (tuberkulosis), at hindi niya masisilayan ang paglaki ng kaniyang anak.

Inilarawan sa epiko ang tulisan bilang pusakal mangulimbat ng yaman ng mga mamamayan at malupit kung manggahasa ng babae. Kinatatakutan ng publiko, ang tulisan ay kinamumuhian din at malimit parusahan matapos litisin sa harap ng madla. Bitay ang sukdulang parusa sa gayong kriminal.

Inilarawan din sa epiko ang taumbayan na mapagkalinga. Sila ang mga kapitbahay na tumulong sa ina ng yumaong Fidel nang mabagok ang babae sa batalan. Sila din ang mga tao na naghinala sa doble-karang si Roman at totoo naman; ang mga mamamayang maralita na nagsikap bumangon matapos mangulimbat ang mga tulisan at kumalat ang mga salot na kolera, balang, at tisis; at ang mga tagalitis at tagahatol sa mga nagkasala, lalo na kung ang nagkasala’y isang tulisan o pusakal.

Gumaganda ang epiko dahil sa masinop na paggamit ng mga tauhan, sa pagpapaagos ng panahon o henerasyon, at sa pagsasalansan ng mga tagpo. Sinematograpiko ang pagdulog ni Collantes, at maraming matututuhan sa kaniya hinggil sa pagbubuo ng mahahabang tula.

Ang tinalakay ni Collantes sa kaniyang epiko ay ang mga itinuturing na mabibigat na kaso noong siglo 1900. Kabilang dito ang pagtakas sa pananagutang pakasalan ang kasintahang binuntis at pinangakuang sasamahan; ang pagnanakaw ng kalabaw, baka, at iba pang alagang hayop; ang panghaharang sa daan at panloloob ng bahay;  ang panggagahasa sa babae o bata; ang pagdukot at pagpatay sa kapuwa; at ang paglalagalag sa daan. Ang lahat ng ito ay masining na ipinaloob ni Collantes sa kaniyang epiko at maaaring isinasadula muli ng gaya ng Abu Sayyaf. Ang ganitong mga krimen ang humuhugot ng pinakamatimyas o pinakamabangis sa kalooban ng tao, at magbago man ang panahon at pook ay magbabalik sa pamamagitan ng iba’t ibang pangalan at lunggati.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers