Sulyap sa panulaang Filipino sa panahon ng Internet

Kung noong bungad ng siglo 20 ay naging malaki ang papel ng mga pribadong publikasyon at palimbagan sa paglalathala ng mga tula at katha sa mga pahayagan, magasin, at kauri, malaki naman ang papel ng internet ngayon sa pagpapasigla ng mga tula mula sa hanay ng mga kabataan at tigulang na mahilig bumerso-berso. Pinalaya ng internet ang mga Filipino sa dating kulob na sirkulo na gaya ng Liwayway, Mabuhay Extra, at Sinag-Tala na pawang mahirap paglathalaan ng baguhang manunulat. Hindi na kailangang magpadala ng mga tula ang isang makata ngayon sa editor ng kung sinong magasin o pahayagan, at mailalathala agad niya nang mabilis ang kaniyang obra sa kaniyang blog o websayt anumang oras naisin.

May dalawang matingkad na pangyayari ang naging bunga nito. Kung noon ay nagagabayan ng editor ang isang makata, sa pamamagitan ng pagpapaabot ng payo o mungkahi, ang mga makata ngayon ay umaasa na lamang sa direktang puna na magmumula sa kanilang mambabasang maaaring naligaw sa kaniyang blog sa kung anong dahilan. Dati, hindi makalulusot basta-basta sa editor ang may maling tugma at sukat o lihis ang pananalinghaga. Ngayon, lumalakas ang loob ng mga makata dahil sa bilis ng pagpapalathala sa internet, gayong maituturing kung minsan na sampay-bakod ang kanilang akda. Maihahalimbawa ang http://tagalog-poems.webnode.com/tagalog-poems/ na nagtatampok ng mga tinaguriang tulang Tagalog na sinulat yata ng mga estudyanteng nasa mataas na paaralan at pawang sawi sa pag-ibig.

Mahalaga kung gayon ang komentaryo sa tula mula sa madlang mambabasa dahil ang nasabing puna ang magiging panukatan ng kasiningan. Ang dami ng puna ay magpaparami ng hit sa isang blog o websayt, at katumbas nito ang pagkakataong kumita kahit paano mula sa mga anunsiyante sa internet. Gayunman, ang tula ay nakakaligtaang suriin alinsunod sa epektibong lente ng pagbasa, at ipinapalagay na lamang na ang madlang mambabasa ay nagtataglay ng matalim na isip sa pag-unawa ng teksto.

Maihahalimbawa ang tulang “Aquilone Blu” na nagwagi sa kauna-unahang Saranggola Blog Awards noong 2009.[i] Tampok sa naturang tula ang pag-uusap ng mag-amang saranggola. Pinapayuhan ng ama si Aquilone Blu hinggil sa dapat mabatid sa unang paglipad, at kung bakit tuparin ang tungkulin nitong “lumipad ng [sic] matayog at magdala ng tuwa” para sa Maylikha nito. Sa unang malas ay maganda ang tula, ngunit kung wawariin nang maigi’y hindi makalilipad nang mag-isa ang saranggola kung wala ritong magpapalipad. Ibig sabihin, nakasalalay ang kapalaran ng saranggola sa mayhawak nito, at kaugnay ng hihip ng hangin at timpla ng panahon na nagpapahiwatig ng kaligiran. Kaya ang payo ng ama na,

lipad anak ko
baunin mo ang basbas ng Maylikha
ang tulad nating mga aquilone
ay nilikha upang lumipad
para ipakita sa madla
na kahit anong pangarap kayang kamtin
kung ang bawat lipad
baon ang tunay na mithiin.

ay maituturing na palsipikado dahil sapilitan ang representasyon ng saranggola sa tao na may sariling isip, bait, at lakas upang gampanan ang anumang mithi nito sa buhay. Ang ganitong uri ng kritika ay maaaring sipatin sa anggulo ng awtor, na ang batayan ng pagsusuri ay pangunahing hulagway ng mag-ama. Sa kabilang dako, masisipat din ang tula sa anggulo ng mambabasa, na may kakayahang magkarga ng pahiwatig sa tula batay sa reperensiyang magmumula sa labas ng tula, i.e., lipunan. Kaya kahit kapuri-puri ang tula sa anggulo ng mga mambabasa, na ipinapalagay na may sapat na kakayahan sa pag-unawa ng teksto, ang tula ay maaari pa ring maging marupok sa pananaw ng awtor kung ang magiging batayan ay pagkasangkapan halimbawa sa persona, tinig, himig, balangkas, talinghaga, at iba pang aspekto ng tula.

Lumaya sa kumbensiyon ng limitadong espasyo ng magasin at diyaryo ang pagsulat ng tula ngayon, gaya ng mababasa sa emanilapoetry.com at filipinowriter.com. Nailalathala ang mahahabang tula ng gaya ni E. San Juan Jr. na naggigiit ng pampolitika’t pang-ideolohiyang kiling.[ii] Ang tula ay nilalapatan pa kung minsan ng musika at video, gaya ng ginawa ni Fermin Salvador, kaya ang tula ay hindi na lamang maituturing na saklaw ng papel na pahina. Ang ibang makata ay sinusubok kahit ang hanggahan ng kompiyuter iskrin, at ang eksperimentasyon sa pananaludtod ay nakabatay sa kayang lamanin ng blog. Maihahalimbawa ang piyesang ito ni Rowan Canlas Velonta:

Nang lumabas ako isang umaga

Ang             lawak             na

. . . . ng

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mundo

at               hindi               na

mahagilap        itong           isa’t-

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .isa.

( Hindi tulad dati’y
tayong dalawa
ang lahat-lahat nitong nakikita: ikaw at ako
itong mundo—
ang ibabaw
ang ilalim
ang nasa pagitan nito;
ang taas,
ang hanggahan ng ulap
ay tanging tayo. )[iii]

Gayunman, ang sinumang hindi bihasa sa teknolohiya at nangangapa sa lengguwahe ng kompiyuter ay maaaring hindi magawa ang nasa sa isip na disenyo na mailalatag at matutunghayan nang malinaw sa papel. Nakagugulat na may sinusunod pa ring padron ang ilang makata, gaya ng sa tugma at sukat, subalit kung minsan ay wala nang pakialam pagdating sa indensiyon ng mga taludtod.

Maihahalimbawa ang haiku sa Filipino, na sinulat ni RJ Santos, na mahihinuhang naiba ang indensiyon pagsapit sa kompiyuter iskrin.[iv]

Nababaliw

Ang iyong tinig
Lagi kong naririnig
Kahit mag-isa

Alaala

Hanging dumaan
Ika’y pinaalala
Ang baho naman

Masiste ang dalawang tula, at sumusunod sa padron ng haiku na ang unang dalawang taludtod na bumubuo ng isang diwain at imahen ay ikinakabit sa bukod na diwaing matatagpuan sa ikatlong taludtod. Napalilitaw ng mga tula ang paglalaro kahit sa sintaks ng tula, at pagtitimpla ng tugmaan. Mapapansin lamang ang medyo linsad na pagkakabuo ng ikalawang taludtod ng “Alaala,” na nawaglit ang kudlit “pinaalala” upang isaad ang nawawalang titik na “i.” Maimumungkahi ang taludtod na “Ipinaalala ka” at ang pagsasaad ng kolon upang maging hudyat ng bagong imahen sa ikatlong taludtod.

May ibang makata na higit na mapagmuni, maitim at malikot mag-isip, at kahit magaspang kung minsan ang pananaludtod ay kakikitahan ng talim ng pagmumuni. Pansinin ang tulang ito ni Shin sa Quarantine[v]

Umaahon

Ngayong gabi,
ang buwan ay nasa tubig
at ang tubig ay nasa langit.
Nangangatal ang mga dahong
niyayapos ng umaalumigmig na hangin.
O kay kinang ng mga bituing kinikislot
ng marahang alon—
isdang humahalik sa ibabaw ng tubig
nilulunok ang kaba sa dumaraang lantsa.

Malikot ding mag-isip ang makatang Marchiesal Bustamante, at maihahalimbawa ang piyesang ito na nalathala sa kaniyang blog na pinamagatang Ataraxia.[vi]

Pain

May kuneho sa batok ng tulog na pusa.
Nakatingin sa malayo. Malayo kung saan ako
nakatingin. Lalong lumalayo ang tingin ng kuneho
habang nilalapitan ko ng tingin ang pinaka-
lokasyon ng kaniyang mga paa. Humahalo
ang mga kuko ng kuneho sa balahibo
ng pusa. Buo ang balahibo.
Tulad ng dati kong pagtingin, purong balahibo
ang pusa pag tulog. Maghapong tulog
ang paligid. Maghapon na rin akong nakatingin sa malayo
at hindi ako makalingon sa dapat kong lingunin
pagkat tiyak na may mawawala, magigising.

Itim ang balahibo ng pusa:
itim at puti.

Ipinapamalas ng tulang ito ang pambihirang pagtanaw, at kung iuugnay sa pamagat na puwedeng basahin sa Filipino [pá·in] at Ingles [pain], ay magluluwal ng kakatwang pahiwatig ng persona ng nakakikita ng mga bagay na hindi karaniwang nakikita ng marami. At ang maganda, ang representasyon ng realidad ay hindi isa-sa-isang tumbasan, bagkus umaabot hanggang pilosopikong pagtanaw. Ang kuneho ay waring kimera na unang ginamit na hulagway ni Charles Baudelaire, ngunit ang pagkakaiba lamang ay hindi ito bagahe ng tulog na pusa bagkus bagahe ng personang may kung anong pinagbubulayan sa batok ng pusa.

Sa ibang pangkat ng mga makata, gaya ng KM 64, ang tula ay lumalampas sa teritoryo ng sining at magagamit na kasangkapan sa politikang adhikain. Saad nga ng pangkat,

Sa aming mga makata ng Kilometer 64, malinaw na ang sagot. Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan, una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging kapakinabangan nito sa ating pagtitindig ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.[vii]

Nakapaglathala ng mga aklat ng tula ang pangkat, at lumilikha ng kilapsaw sa internet, lalo sa mga tulang may kaugnayan halimbawa sa kahirapan, repormang agraryo, karahasang politikal, at iba pang kaugnay na bagay. Mabalasik ang banat ng mga kasaping makata sa katiwalian sa pamahalaan, at maihahalimbawa ang dalít na ito na sinulat ni Alexander Martin Remollino:

Di bubukol kung di ukol.
Pero ang mga komisyon
Sa kontrata’y bumubukol
Sa bulsa ng mga baboy.[viii]

Nagiging makapangyarihan ang sinaunang kawikaan kung naiuugnay sa bagong pangyayari o hulagway. Nagkakaroon ng sangang pahiwatig ang salitang “bukol,” na hindi na lamang katumbas ng “umbok” o “pamamaga” bagkus bulaklak ng dila ukol sa suhol o korupsiyon. Samantala, ang baboy ay matitingnan na hindi na lamang ordinaryong hayop, bagkus representasyon ng katangian ng sinumang tiwali sa pribado man o publikong sektor.

Masigasig maglathala ng mga tula ang highchair.com.ph, isang magasin online na pinangungunahan nina Allan Popa at Marc Gaba. Dalawang beses kada taon ang labas ng kanilang lathalain, at nag-aanyaya sa iba’t ibang makatang maglathala ng kanilang piyesa. Ilan sa namumukod na tulang nalathala mulang 2003 hanggang 2010 ang salungatang disenyo at diskurso ng sinauna at modernidad ng  “Biokompyuter” at “Kawayan” ni Bomen Guillermo; ang mala-bibliko’t diyalektikong usapan ng “Ubasan” ni Rosmon Tuazon; ang reperensiya ng realidad sa “Salamin” ni Allan Popa, at ang mala-pantastikong bikas ng “Lungsod ng Abo” ni Kristoffer Berse.

Pinakamasipag sa lahat ang pangkat ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) dahil sa paglalathala nito ng serye ng mga chapbook, bukod sa makapal-kapal na antolohiya ng mga tulang gumugunita sa ikadalawampu’t limang anibersaryo ng pagkakatatag nito. Namumukod na bagong hanay ng LIRA sina Mikael Gallego, Noel Fortun, at Jenny Orillos, na ang mga tula’y kabilang sa koleksiyong Rurok (2010) na pinamatnugan ni Enrico Torralba. Naiiba ang LIRA dahil masigasig ang eksperimentasyon nito sa pagtula, na hinihigit ang sining sa malawak na posibilidad at umiiwas magpakahon sa politika o ideolohiya. Nakapanghihinayang at hindi ko matatalakay ang ilang piling tula ng matitinik nitong makata, kaya inaanyayahan ko na lamang kayo na bumili ng kanilang pinakabagong aklat na ilulunsad sa Disyembre ng taong ito.

Problematiko ang pagbasa ng tula dahil ang pakahulugan ng tula ay patuloy na nagbabago. Ang tula ay hindi na lamang “bersong may sukat at tugma” bagkus kumakatawan na rin sa malayang taludturan at tulang tuluyan. Kabilang din sa tula ang mala-epikong salaysay, at humahamon kahit sa lunang dating sakop lamang ng nobela at sanaysay. At maibibilang din sa tula ang paglalaro ng mga taludtod, na matatawag ding inanyuang berso, na ang mismong hubog at anyo ay nagtataglay ng pahiwatig ng tula.

Kung malawak ang pakahulugan ng tula, ang pagbasa rito ay nangangailangan din ng masusing pag-urirat na ginagamitan ng mga kasangkapan sa pag-unawa ng teksto. Maipapalagay na walang isang tumpak na lente ng pagbasa. Ang tula ay hindi na lamang paghahanap ng “esensiya ng tula” gaya ng winika ni Alejandro G. Abadilla. Hindi rin ito katumbas ng pag-alam sa lirisismo ng saknong o taludtod, gaya ng winika ni Ruben Vega. At lalong hindi ito nakasalalay sa apat na sangkap na gaya ng tugma, sukat, kariktan, at talinghaga (o kaisipan), gaya ng panukala nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang pagbasa ng tula ay pagkilala sa isang realidad, at ang realidad na ito ay maaaring makapagsarili kung hindi man bukod sa realidad na dinaranas ng mga tao.

Hindi rito nagtatapos ang lahat, bagkus simula pa lamang ng mga dapat tuklasin sa larangan ng panulaang Filipinas.

Dulong Tala


[i] Basahin ang http://blurosebluguy.wordpress.com/2009/07/11/aquilone-blu/ na hinango noong 18 Nobyembre 2010 at sinulat ng blogistang nagkukubli sa pangalang Bluguy. Nakalathala roon ang buong tula na may iba’t ibang kulay ang mga saknong, at doble-espasyo ang pagkakatipa ng teksto.

[ii] Maihahalimbawa ang tulang “Kundimang Handog sa Armadong Paraluman” na nalathala sa http://www.emanilapoetry.com/writersgroup/index.php/kundimang-handog-sa-armadong-paraluman/ at hinango noong 18 Nobyembre 2010.  Nasa anyo ng awit ang tula ni E. San Juan Jr., na ang persona’y kinakausap ang sintang pumalaot sa armadong pakikibaka.

[iii] Nalathala sa Rowan Canlas Velonta: Transient Thoughts, http://rowanvelonta.com/2009/11/nang-lumabas-ako-isang-umaga/#comments at hinango noong 18 Nobyembre 2010.

[iv] Hango sa http://www.filipinowriter.com/haiku-in-tagalog-2#comment noong 17 Nobyembre 2010, at sinulat ng nagngangalang RJ Santos.

[v] Basahin ang http://llawlatnem.blogspot.com/2008/01/back-to-water-feet.html na nagtatampok ng mga tulang hindi karaniwang mababasa sa mga tradisyonal na lathalain na gaya ng Liwayway Magasin.

[vi] Basahin ang http://pulikat.blogspot.com/search/label/tula ni Marchiesal Bustamante, na madilim kung mag-isip at pambihira ang sensibilidad sa pagtula. Sinuri ko na ang dalawa niyang tula na mababasa sa http://alimbukad.com/2009/08/27/bangin-ng-alinlangan-ni-marchiesal-bustamante/.

[vii] Basahin ang http://kilometer64.multiply.com/ na hinango noong 18 Nobyembre 2010, at nagpapaliwanag ng simulain ng pangkat hinggil sa pagtula. Mapapansing linyado kahit ang pagkilala ng pangkat sa mga makata, gaya nina Romulo Sandoval at Gelacio Guillermo, na kumakaligta sa ambag ng iba pang makatang hindi kabilang sa politika o ideolohiya ng pangkat.

[viii] Nalathala sa http://kilometer64.multiply.com/tag/poetry?&=&tag=poetry&item_id=46&page_start=40 at nagwagi sa timpalak ng Filipinas Institute of Translation (FIT) na pinamagatang “Katext mo sa katotohanan,” noong 7-14 Marso 2008.

[Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa LOL: Lit Out Loud, Manila International Literary Festival, na ginanap noong 19 Nobyembre 2010 sa Hotel Intercontinental Manila, Lungsod Makati. Kasama sa panel ang dalawang Pambansang Alagad ng Sining na sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario]

Rio Alma ng Marso

Espesyal ang Marso 9 dahil ito ang kaarawan ni Rio Alma, alyas ni Virgilio S. Almario na kinikilalang Pambansang Alagad ng Sining at Dekano ng mga Makata. Malimit noong humihinto ang daigdig pagsapit ng naturang araw, dahil hindi lamang inuman ang tampok kundi ang paglulunsad ng mga aklat ni Rio. Parang ipinagugunita lamang ni Rio na hindi nasayang ang kaniyang panahon, at matapos ang ilang buwang paghahanda ay heto’t meron ulit siyang bagong akda.

Ang isang naibigan ko kay Rio ay ang pagiging mahigpit, suplado at mataray, at hindi niya ikukubli ang iyong katangahan, kung hindi man kapangahasan, sa bagay-bagay. Makikita ito sa kaniyang pagdalo sa mga palihan ng pagsulat, lalo sa tula, at maging sa pagsusuri at pagsuyod sa mahabang panahon ng panitikang Filipinas. O kaya ay sa pag-edit o pagsasaayos ng mga teksto, at pagbibigay ng mungkahi o puna upang mapahusay ang mga akda. Pasensiyoso siyang gabay sa iyong pagsisimula, ngunit habang lumalaon ay lalargahan ka niya upang makapagsarili ka at humanap ng landas na kakaiba sa kaniyang tinahak. Kung wala ka namang talento ay marunong din siyang magpayo para maikambiyo mo agad ang sarili sa bagong daan o proyekto.

Maaaring nagkataon lamang ang pagkakahawig sa pangalan nina Rio Locsin at Alma Moreno ang Rio Alma, ngunit ang maganda’y pinagtatambal ng kaniyang katauhan ang “ilog” (Rio) at “kaluluwa” (Alma) na maaaring magpahiwatig ng “ilog ng kaluluwa” sa buong karera niya bilang makata, kritiko, manunulat, editor, tagasalin, istoryador, kuwentista, tagasalin, editor, pabliser, propesor, administrador, aktibista, at iba pa. Malimit niyang sabihin na hindi siya natatakot maglakbay, at ang kaniyang paglalakbay ay hindi tuwid at patag, bagkus pasikot-sikot, matarik, mabato at hitik sa laláng at patibong. Ito aniya ang nagpaparikit ng buhay, dahil walang makahuhula ng wakas at nasa palad mo kung ano ang nais mong maging tadhana.

Ang kahanga-hanga kay Rio ay ang talas niyang mag-isip, at bawat pangungusap ay nag-aangkin ng talim. Ngunit huwag akalaing siya’y seryoso palagi. Ang totoo’y malimit niyang nasisilip ang kakatwa sa mga pangyayari, at nakapagbibitiw pa ng biro na magpapagaan ng kaniyang puna at impresyon. Sa mga panahong kinakailangan niya ang bagong anggulo ng pagtanaw, sisikapin niyang kausapin ang iba’t ibang tao at kumbaga sa paglilitis ay makikipagpalitan ng opinyon at diwa habang tumotoma o namumulutan. Maaaring nababawasan siya ng kung ilang libong neuron tuwing kasama si San Miguel, subalit ang kataka-taka’y napapalitan yaon ng iba pang koneksiyon sa utak at guniguni, bukod sa dagdag na bilbil at gastos, upang isilang ang samot-saring kabatiran at pag-unawa.

Kay Rio ko lamang nakita ang sinop sa pagtitipon ng talinghaga at salita, at hindi ako nagtataka kung ang pinagkakaabalahan niya ngayon ay ang ikalawang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino na nakatakdang lumabas ngayong taon. Nakafolder ang mga tula niya, at nakaporma alinsunod sa siklo ng kaniyang mga aklat. Hindi siya ang tipong paisa-isa kung gumawa ng aklat. Kung hindi niya matapos ang isa’y haharapin ang ikalawa o ikatlong manuskrito at doon ibubuhos ang lakas at panahon. Kaya nakapaglalabas siya ng ilang aklat kada taon.

Mahirap nang masundan ang sigasig ni Rio Alma bilang makata, o ni Virgilio S. Almario bilang kritiko ng panitikang Filipino. Hindi siya mapakali o makontento sa estado ng ating panulaan o panitikan, at nagbibigay siya ng halimbawa sa iba kung ano-ano pa ang mga maaaring gawin. Hahamunin ni Rio ang kaniyang sarili kahit sa piling ng mga kabataang manunulat, habang nakahanda rin sa pakikipagtagisan sa mga manunulat na kaniyang kapanahon. Maaaring napapansin na rin ni Rio na wala na siyang kinakalaban kundi ang sarili, at ito ang lalong nagpaparikit ng kaniyang karera bilang alagad ng sining: ang higtan ang sarili sa sukdulang pakahulugan.

Naniniwala ako na si Rio Alma pa rin ang pinakamahusay na makatang Filipino sa panahong ito, na pandaigdigan ang kalibre o husay, at maaaring ilaban o ipusta kahit sa premyo Nobel [Nobel Prize]. Ang problema sa mga bumubuo ng Nobel ay maaaring walang pasensiya ang mga ito na basahin ang lalim at lawak ng pananalinghaga ni Rio, na banyaga sa kanilang hinagap lalo’t nagmumula siya sa isang munting arkipelago sa Timog Silangang Asya. Nauuna sa kaniyang panahon si Rio Alma bilang makata, at ang kaniyang pagkamakata’y laging nakaugnay sa kaniyang tinubuang bayan samantalang handang sumagap sa anumang maihahain ng daigdig. Kahanga-hanga rin ang kaniyang bisyon sa panulaang Filipinas, na hindi ko natagpuan sa iba pang makata ng kaniyang henerasyon.

Kailangang tuklasin muli si Rio Alma bilang makata. At magagawa natin ito sa pagbabasa ng kaniyang mga aklat na naghihintay lamang na buklatin.

Haibun: Balintunang Pagpapalaya sa Panulaang Filipino

May mga bagay na kailangang patusin, at isa na rito ang sanaysay na “Haibun: Panimulang Pagpapakilala at Pagpapalaya sa Panulaang Filipino” ni Reuel Molina Aguila na nalathala sa Likhaan 2007 na pinamatnugutan ni Jose Dalisay Jr., at inilathala ng UP Institute of Creative Writing. Kahanga-hanga ang akda ni Aguila, dahil taglay nito ang balintunang pagpapalaya sa panulaang Filipino at ang hilaw na panggagagad sa tulang Hapones sa pamamagitan ng lihis na lohika.

Ipinagyabang ni Aguila na ang kaniyang natuklasang “haibun” ay sinamang palad na hindi kinasangkapan sa Filipino ng mga modernistang makata noong nakalipas na panahon. At mahihinuhang marapat siyang pasalamatan dahil sa pagpapakilala nito sa Filipinas.

May apat na katangian umano ang “haibun”. Una, ito ay isang anyo ng pagtulang nagsasanib ang “tula” at ang “prosa.” Ginamit niya ang halimbawa ni Matsuo Munfusa (Matsuo Basho) na ang mga tala sa paglalakbay ay nilangkapan ng haiku. Ikalawa, ang “haibun” ay nagtataglay umano ng katangian ng pagiging maikli, mapaglarawan, at maligoy sa pagsasaad ng diwain. Ikatlo, nagkakatulungan umano ang prosa at ang tula, na ang haiku ay lumalagom, kung hindi man nagpapaalingawngaw, sa isinasaad ng prosa. At ikapat, ang “haibun” ay “nagsisimula sa personal na karanasan.”

Tumuloy pa si Aguila sa kaniyang banat sa mga modernistang makatang Filipino—na laging nakatingin umano sa kanluran—saka nagmungkahing ang “bagong anyo” ng haibun ay magagamit sa pagpapalago ng panulaang Filipino at malayang magiging kasangkapan ng sinumang tao. Sa ganitong pananaw, ang haibun ang mistulang tulay upang pagdugtungin ang madla at ang tula o makata.

Isang panukalang inobasyon ni Aguila ang pagtatala ng karaniwang karanasan, gaya sa diary; at ang pagkasangkapan sa dagli at tanaga upang makapagluwal ng bago’t isina-Filipinong “haibun.”

Marupok na tumbasan
Nakaligtaan ni Aguila na iba ang wikang Hapones at ang wikang Filipino. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng dalawang wika, at hindi maikakahon ang Filipino sa napakasikip na padron ng wikang Hapones. Isa sa mga katangian ng Filipino ang kabulaklakan ng wika, at iyon ang maghahatid ng pambihirang pahiwatig at musika, at mahirap tumbasan kahit ng wikang Hapones. Ang elegansiya ng Tagalog, kung hindi man Filipino, ay nasa kabulaklakan, at hindi sa pagkakahon ng Hapones na malayo sa kultura at kinagisnan ng Filipino.

Ang kaniyang pahayag na “Simpleng-simple ang haibun, gaya ng masining na kapayakan ng mga tulang Hapones at Tsino” ay mapanlagom. Una, payak man ang anyo ng gaya ng haiku, hokku, o tanka ay napakahigpit at napakarami namang panuto nito. Kung hindi bihasa sa wika—o kaya’y hindi dalubhasa sa paraan ng pagsasakataga o pagdalumat—ang sinaunang Hapones ay tiyak na hindi siya makasusulat ng haiku o hokku o tanka. Ang karaniwang ginagawang panggagagad ng mga makatang Filipino ay karaniwang nasa anyo lamang; at ang sinaunang silbi at ubod ng tula ay nakakaligtaan. Ikalawa, ang prosang haikai na sinipi ni Aguila mula kay Beth Vieira ay mapaglarong prosang nauso noong dulo ng panahong piyudal sa Japan, at kung ano man ang orihinal na silbi nito para sa mga maharlika o timawa ay naghunos na sa paglipas ng panahon at kinargahan ng iba’t ibang pagpapakahulugan alinsunod sa nais na pagkasangkapan ng mga mambabasa. Ang sinaunang silbi ng prosang Haikai ay malayo na sa kasalukuyan, at bukod dito’y maitatangi iyon sa pambihirang dagli o katha sa Tagalog kung hindi man Filipino. Ikatlo, ang “mapaglarawan at kongkretong imahen” na taglay ng haibun ay hindi kataka-taka sa wikang Hapones dahil ang mismong anyo ng titik o salitang Hapones ay may katumbas o halos gagarin ang anyong inilalarawan o isinasaad nito, gaya ng “punongkahoy” o “halaman” na ang karakter ay anyong punongkahoy o halaman. Naiiba ang hagod ng paglalarawan sa mga sinaunang bugtong o salawikain o ambahan dahil nakaayon ang larawan alinsunod sa masisilayan sa paligid at sa pag-uugnay niyon sa pahiwatig o pakahulugang matalik sa kaisipan ng isang liping bubuo ng kolektibong diskurso. Ikapat, ang “pansariling tala” na ginagawa noon ng mga makatang Hapones ay iba ang pinagmumulan at sanhi kung ihahambing sa ngayon, gaya halimbawa ng pag-arok sa espritwalidad. Hindi iniisip halimbawa ni Basho na ang kaniyang tula ay tatangkilikin ng sambayanan; nagmumula si Basho sa personal na anggulo at naghuhunos lamang ang pagsagap sa kaniyang mga tula dahil sa ibinibigay ditong pagpapahalaga, pagpapakahulugan, at pagpapahiwatig ng madlang bumabasa sa iba’t ibang panahon.

Lalong lalabo ang paliwanag ni Aguila nang sipiin niya uli ni Vieira hinggil sa pakahulugan ng makabagong haibun: “Haibun as a form is in transition and still being developed.” Kung ang makabagong haibun ay nasa yugto ng paglilinang, may pahiwatig si Aguila na hindi dapat magpahuli ang makatang Filipino at kailangang makipagsabayan o magsimulang manghiram, gaya ng Amerikano. Ngunit malabo kung anong uri ng haibun ang inaangkat ni Aguila, at ang pagpapahiwatig na ang ginagawa ni Aguila at kapanalig ay isang uri ng modernong haibun ay dapat na timbangin dahil maaaring nasa wikang Filipino lamang ang bersiyon ng haibun ni Aguila at iba pa subalit walang iniungos sa mga klasikong haibun noong nakalipas na panahon.

Kung malinaw ang pagkasagap ni Aguila, maaaring tingnan niya ang haibun sa punto de bista ng tao na nagmumula sa Kanluran na tumitingin papaloob sa Japan. Kung sisipatin naman mula sa loob ng Japan, ang haibun ay isa nang ganap na anyo at tula na umuunlad lalo sa paglipas ng panahon. Kung naabot na ng haibun ang sukdulan ng kaunlaran sa loob ng Japan, ang pagpapalaganap nito sa ibang bansa ay maituturing na pagpapatuloy na lamang sa kumbensiyong nasimulan na sa Japan; o kaya’y pagsasanga ng ibang uri ng haibun na maaaring aampunin ng Filipino at siya namang pagtatakhan ng Hapones. Sa ganitong pananaw, ano pa ang silbi sa pagsunod sa haibun?

Ang pagtingin ng Filipino ay maaaring hindi nalalayo sa pananaw ng gaya ni Vieira. Una, banyagang anyo ang haibun, at kung kakasangkapanin man ito sa Filipino ay dapat mabatid ang pinagmumulan nito. Sa himig ni Aguila, ang haibun na nasa Asya ay ipinapalagay na dapat mabatid muna ng mga makatang Filipino dahil Asyano rin ito. Kaugnay niyon ang palagay na marapat maalam ang Filipino sa gayong anyo dahil malapit ang Filipinas sa Japan. Muli, adelantado ang ganitong haka-haka dahil iba ang pinagmumulan ng Filipino kaysa Hapones, lalo sa paglago ng wika at panulaan, kahit sabihin pang malapit ang pook ng Filipinas sa Japan. Ang nasabing haka-haka ay tila pagsasabing dapat maalam din ang Hapones sa gaya ng tanaga, diona, at dagli ng Filipino na pawang magagamit—o dapat gamitin—sa pagpapalago o modernisasyon ng panulaang Hapones. Ang natalisod ni Aguila ay ang “anyo” ng haibun, ngunit nabigo naman siyang ipaliwanag kung paano ang ganitong anyo—na dapat sinisipat nang higit pa sa anyo—ay kayang “makapagpalaya sa panulaang Filipino.”

Mababanggit dito ang madilim na relasyon ng Filipinas at Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya ang mismong pagkasangkapan sa isang anyo ng tulang Hapones ay mababahiran ng pagdududa at maituturing na halos pagmamano na rin sa banyagang panginoon. Kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng Filipinas at ang kasaysayan ng panitikang Filipinas, maaari talagang mahuli ang Filipinas kaysa Estados Unidos dahil halos wala nang mabalikang ugat ang Amerikano kaya naghahanap na lamang ito ng sariwang impluwensiya mula sa ibayong dagat na makapagpapalago sa estado sa panulaang Ingles. Subalit naiiba ang karanasan ng Filipinas. Naiiba rin ang karanasan ng mga makatang Filipino sa mga makatang Hapones, lalo sa yugtong may mga makatang Hapones na bahagi ng imperyo at nakalaan sa pagbibigay ng aliw sa mga maharlika. Taliwas ito sa mga Filipino, na ang tula o sabihin nang epikong bayan ay nagsisilbing tala ng lipi upang maipagpatuloy ang mahabang ugat ng naturang lipi o pamayanan.

Pagsagap sa panukalang haibun
Ang panukalang inobasyon sa anyo ng haibun, na imbes na prosang haikai at tulang haiku ay gagamitin ang dagli at tanaga, ay isa na namang adelantadong panukala. Ipinapalagay sa ganitong tumbasan na hindi nagkakalayo ang “dagli” at ang “prosang haikai.” Ngunit ang totoo’y napakalayo ng agwat ng dalawa, at humawan ng sariling landas ang “dagli” na naghunos ang anyo sa iba’t ibang paraan. Ang problema kay Aguila ay hindi niya nilinaw kung ano ang uri ng dagli na ipagsasalikop niya sa tanaga. Ipinapalagay din dito na ang tanaga, bilang katutubong anyo ng tulang Tagalog, ay alam ng mayorya ng Filipino kaya madaling gawin. Na hindi naman totoo. Ang tanaga o dagli ay hindi pa lubos na napag-aaralan sa Filipinas—kahit may pangunang pag-aaral sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario—at kung ano man ang kumbensiyonal at di-kumbensiyonal na pormula nito ay dapat pang mabatid ng masa.

Ang haibun bilang anyo at balangkas ay maaaring makapagdagdag sa paglago ng panulaang Filipinas. Gayunman, hindi nito ganap na mapalalaya ang panulaang Filipino dahil sa maraming limitasyon. Ang haibun ay dapat tingnan hindi lamang sa panig ng panghihiram ng banyagang anyo o porma ng tula, dahil kung ganito ang gagawin ay magiging panrabaw na aspekto lamang ang “kabaguhan.” Mahalaga ang panloob na dinamika ng haibun, at kung paano nagsusuhayan, nagsasalungatan, at nagsasalikop ang prosa at ang tanaga o diona o dalit—kaugnay ng mga diwain, talinghaga, at dalumat nito—ang dapat pang ipaliwanag ni Aguila. Kung paano sasagapin ng Filipino ang haibun ay isang tanong na marapat ding isaalang-alang.

Problematiko rin ang pakahulugang kombinasyon ng prosa at tula ang “haibun,” kung susundan ang paliwanag ni Aguila. Sa naturang pakahulugan, hindi pa natutukoy ni Aguila kung ano talaga ang haibun at umiiral lamang ito sa panrabaw na pagsipat na pinagsasalikop ang prosa at ang tula. Paimbabaw pa rin ang pagkilala ni Aguila sa haibun. Kung pinagsasalikop nga ang prosa at ang tula, maaaring walang hanggahan ang prosa at ang tula; kaya maaaring mabura ang pagkaprosa ng prosa o kaya’y mabura ang pagkatula ng tula. Ang maiiwang hulagway ay alanganing prosa o tula na lihis sa pakahulugan ng sinaunang tulang Tagalog, at humahangga sa posmodernong pagkilala ng kanluran. Samantala, ang mahihinuha lamang sa paliwanag ni Aguila ay ang panlabas na “anyo” na haibun. Nababalaho si Aguila sa mga termino, at ang nakaligtaan niya ay ang esensiya ng haibun para sa mga Filipino.

Mapanghimasok din ang paggigiit ng haibun sa panig ng Filipino dahil ipinapalagay dito na ang mayorya—kung hindi man ang lahat—ng Filipino ay maalam sa anyong prosa gaya ng dagli o pasingaw o tulang tuluyan, o kaya sa mga tulang may tugma at sukat, gaya ng tanaga o dalit. Na isang kabalintunaan. Kung ipagpapalagay na hindi nga ganap na batid ng mayorya ng Filipino ang kanilang katutubong uri ng tula o prosa, ito ay hindi dapat isisi sa mga makatang tarikan dahil ang tula ay talagang dapat pinag-aaralan nang malalim. Dapat sisihin ang sistema ng edukasyon at ang mababang uri ng promosyon ng tulang Filipino na hangga ngayon ay hindi makatakas sa baryotikong Marc Loganismo ng ABS-CBN. Hindi uunlad ang panulaang Filipino kung laging nakatingin sa masa dahil ang masa ay hindi maaasahan sa gayong pagpapakadalubhasa sa haibun yamang iba ang priyoridad at pangangailangan nito sa buhay.

Ang pagturing sa haibun bilang kasangkapan ng masa sa mabisang paglilinang ng tulang pasulat ay dapat pang ibitin sa ngayon. At marahil ay kailangang sagutin o ipaliwanag ito ni Aguila nang walang bahid ng romantisadong pagtingin sa madla o masa.

Madaling makalulusot si Aguila dahil ang kaniyang pamagat ay “panimulang pagpapakilala” lamang ng haibun. Kung ito nga’y isang pagpapakilala, magiging adelantado muli ang kasunod nitong deklarasyong “at pagpapalaya sa panulaang Filipino.” Ipinapalagay sa gayong pahayag na hindi malaya ang panulaang Filipino dahil maaaring “kontrolado” ng mga makatang nasa pedestal, at kung gayon, lumilihis na sa dating silbi nitong dapat kaluguran at kapulutan ng kaalaman ng masa. Mahihinuha sa winika ni Aguila na ang pagkabilanggo ng panulaang Filipino ay hindi dulot ng pansariling katangian nito, gaya ng masikip na padron o balangkas, kundi nasa panig ng mga makata o tagapagpalaganap ng tula o kaya’y tagapaglathala ng tula. Mapanlahat ang ganitong palagay na nangangailangan ng sapat ng patunay na lalampas sa pagsipi kina Virgilio S. Almario, Rogelio G. Mangahas, at Bienvenido Lumbera.

Ang gayong kuro-kuro ni Aguila ay mapapawalang-saysay, dahil ang tulang Tagalog—o ang ibang tulang nasusulat sa wikang lalawiganin—ay dumaraan sa yugto ng pagbabago mulang pabigkas tungong pasulat at palimbag. Maaaring malawak at mabilis ang pagsapit ng mga tulang pambigkasan sa madla ngunit ang gayong paraan ay panandalian lamang. Sa kabilang dako, ang tulang nakalimbag ay tumatagal at nag-iiwan ng bakas upang patuloy na litisin, basahin, at sagapin sa kung ano-anong paraan. Sa gayong pagkakataon, ang tula ay nagiging kasangkapan o relikya upang lalong magpatalas sa isip ng mambabasa, makapagpalago ng wika, at makatulong sa pagluluwal ng iba pang tula. Walang iisang anyo ng tula, at ang panukalang ang haibun ang magpapalaya sa panulaang Filipino ay isang kabaliwan dahil nasa estado ng pangangapa ang pagpapaliwanag ni Aguila hinggil dito kung itatambis sa mga nalathala nang tula sa Filipino, Tagalog, at iba pang lalawiganing wika.

Saliwa rin ang paratang ni Aguila na ang mga makatang modernista, gaya nina Rio Alma, Rogelio G. Mangahas, at Lamberto E. Antonio, ay laging nakatingin sa kanluran. Ang totoo’y ang nasabing mga makata’y matagal nang tumititig sa Filipinas upang maitanghal iyon sa madla at mabuo sa malikhaing paraan ang minimithing kabansaan ng mga Filipino. Ang kakatwa’y mapagduduhan ang mismong pakana ni Aguila, dahil kahit nagpapanukala siya ng haibun na ang anyo ay mula sa katutubong anyo ng gaya ng sa Tagalog at prosang gaya ng dagli, nanghihiram lamang ng pangalan si Aguila sa Hapones imbes na lumikha o humanap ng salitang maitutumbas sa uri ng tulang nasasaisip niya. Kaya nang sabihin ni Aguila na:

Maitatanong, ang paggamit ba ng haibun ay isa ring pag-aangkat? Marahil. Ngunit maaari ring sabihing ang panulaang Tsino at Hapones ay may malaking pagkakahawig sa mga naunang pamamaraan ng pagtula ng ating mga ninuno.

Walang pasubaling nag-aangkat ng banyagang padron si Aguila. Kung may pagkakahawig man sa tulang Filipino o Tagalog ang tulang Tsino at Hapones ay hanggang bilang lamang ng pantig sa bawat taludtod dahil gaya ng nasabi kanina, magkasalungat ang polong pinagmumulan ng wikang Tagalog o Filipino kompara sa wikang Tsino o Hapones. Maipapanukalang ang paggamit ng haibun ay dapat ituring na gaya ng paggamit o panghihiram ng iba pang banyagang anyo ng tula. Ngunit nanghiram man ng gayong banyagang anyo, hindi ibig sabihin nito na ang pagsulong ng panulaang Filipino ay sanhi lamang ng panghihiram o panggagagad bagkus kaugnay ng iba pang bagay, gaya ng inobasyon at pagtuklas muli ng mga katutubong tula at pananalinghaga ng Filipino.

Ang pagtatala ng “pang-araw-araw na paglalakbay” na mithi ni Aguila para sa haibun ay nagawa na noon pa man hindi lamang sa tulang Filipino kundi sa iba pang uri ng panitikan, gaya ng kuwento, nobeleta, nobela, at dula. Kung may bahid ng politika ang tinutukoy ni Aguila, ang naturang paglalakbay ay lalong titingkad dahil hindi kumakawala ang mga makatang Filipino sa gayong ugat. Marahil ang nasasaisip ni Aguila ay ang blog, na ang lahat ng paglalakbay o karanasan mulang kama hanggang opisina tungong kung saang kalsada, ay itinatala at ipinakakahulugan at pinipilit ipalunok ang lahat ng kaululan sa sinumang mambabasang nagkataong nasagap ang gayong akda.

Kaya umanong baklasin ng haibun ang “elitismo” sa pagtula. Ngunit kung babalikan ang kasaysayan ng mga makatang Tsino at Hapones, maraming makata noong nakalipas na panahon ang nagsilbi sa mga dinastiya upang kaluguran ng mga maharlika. Ang elitismo na isinasakdal ni Aguila ay wala sa mga nagmomonopolyo ng pagsulat ng tula bagkus nasa sumasagap ng tula. Dapat ding isipin na may iba’t ibang uri at antas ng tula, at bagaman malayang makapamili ang sinumang makata kung ano ang gagamiting anyo, uri, at antas, ang kahusayan ay hindi sumasapit na parang pag-ulan ng tinapay dulot ng himala. Mataas na sining ang tula at pagtula, at kahit ang mga halimbawang haibun na sinulat ni Aguila at inilakip sa kaniyang sanaysay ay kakikitaan ng elitismo dahil sa pagiging personal—na itinatangi sa iba pang personal na karanasan ng mambabasa.

Ang mismong paggamit ng salitang “haibun” ay simula ng pagpasok sa diskurso ng Hapones o Tsino; at ng paglalatag ng pormalisasyon ng gayong anyo ng “mala-tula, mala-prosa.” Na hindi makatwiran sa panig ng tulang Tagalog o Filipino dahil ang tulang Tagalog—kung hindi man Filipino—na dumadaan sa mahabang transpormasyon ay dapat sipatin bilang tulang Tagalog o Filipino sa pananaw ng mga Tagalog o Filipino at malayo sa pagsasakataga at pagpapakahulugan ng Ingles o Hapones o Tsino. Patuloy na lumalarga tulad ng rolyo-rolyong pelikula ang panulaang Filipino at kung ano man ang magiging wakas nito ay makatitiyak na hindi ito mababalaho sa pinauusong haibun ng mga aktibista. Isang kuwit lamang sa mahabang yugto ng panulaang Filipino ang pagsulpot ng haibun, at kaululan kung iisiping ito ang makapagpapalaya ng panulaang Filipino gayong hindi malinaw kung ano ang alternatibong ito kompara sa mga naunang tulang Filipino. Ano’t anuman, malaya si Reuel Molina Aguila na gumamit ng haibun, at tumula na gaya ni Basho, dahil ang tula ay hindi lamang “para sa mga anito’t Maykapal.”

Pagpapahalaga sa mga tula at poetika ni Rio Alma

RIO ALMA, kuha ni Bobby Añonuevo

RIO ALMA, kuha ni Bobby Añonuevo

Masisilip, sa aking palagay, ang malaking bahagi ng kasaysayan ng panulaang Filipinas sa láwas ng mga tula ni Rio Alma. Ang nasabing kasaysayan ay hindi estatikong hulagway, bagkus rolyo-rolyo ng pelikulang patuloy na umaandar at tayo ang kalahok; at hangga ngayon, naghahanap ito ng pangwakas na hantungan o karugtong na lunsaran. Ang mabigat, hindi pa ganap na nalilimi iyon ng mga kritiko at mambabasa ng panitikan. (May kaugnayan ito sa politika o pamumulitika sa loob ng literatura at akademya, na tanging ang mga kaaway lamang ni Rio Alma ang makapagpapaliwanag nang ganap.) Hindi rin sapat ang ibinigay sa aking lima o labinlimang minuto upang ipaliwanag ang salimuot o hiwaga ng gayong laberinto, at bigyan ng hustiya ang mga tula ng makata.

Gayunman, susubukin kong talakayin ang mga pangunahing aklat ng tula ni Rio Alma, maliban sa isang aklat: ang Sonetos Postumos (2007) na sinadya kong hindi bilhin dahil wala akong pera.

Bago ako magpatuloy, nais kong itangi ang Rio Alma na makata sa Virgilio S. Almario na kritiko. Gayunman, ang mga tula ni Rio Alma ay pailalim o palihim na nababahiran ng mga diwain, tuklas, at pag-aaral ni Almario bilang kritiko. Ang mga tula ni Rio Alma ay dapat titigan bilang ekstensiyon ng kritika ni Almario. Samantala, ang ebolusyon ni Almario bilang kritiko ay masisilayan hindi lamang sa kaniyang nagbabagong pagbasa at pag-unawa sa kasaysayan ng Filipinas at kasaysayan ng panitikang Filipinas, bagkus maging sa ebolusyon ng mga tula at poetika ni Rio Alma, na malimit kritika sa namamayaning kasaysayan ng Filipinas at kasaysayan ng panitikang Filipinas.

Ang kabataang Rio Alma na napabilang sa antolohiyang Manlilikha (1967) at umakda ng Makinasyon (1968) ay nasa hanggahan ng tinaguriang Balagtasista at Armageddonista sa isang panig, at ng Modernista at Rebelde sa kabilang panig. Para siyang disipulo nina Teo S. Baylen at Cresencio C. Marquez na pumupusturang Amado V. Hernandez at Alejandro G. Abadilla. Higit na makiling din ang batang Rio Alma sa tulang paloob—na malimit nabubudburan ng mga Griyego at Biblikong alusyong nakamihasnan ng mga Balagtasista—na marahil ngayon ay ipagkikibit-balikat na lamang ng matandang Rio Almang may pambihirang erudisyon ng kasalukuyang panahon. Gaya ng ibang kabataan, ang Rio Alma noong dekada 1960 ay nasa yugto ng paghahanap ng tinig o bait, at hindi kataka-taka ang pagkamasatsat o kakornihan o pagkasintunado ng kaniyang mga tula, ang mga tulang kung minsan ay naghahalo-halo ang mga sagisag na waring sinadya upang pahirapan sa pagbabasa ang mga estudyante ng University of the East.

Ngunit magbabago ang Rio Alma nang isilang ang Peregrinasyon (1970). Ang nasabing chapbook ay itinuwid ang mga pagmamadali ng Makinasyon, sumimsim kung hindi man naanggihan, ayon na rin kay Rogelio G. Mangahas, nina Baudelaire, Brecht, Eliot, Lorca, Pound, Quasimodo, Rilke, Rimbaud, at iba pa. (Sa akin namang palagay ay malayo sa mga tula nina Baudelaire, Rilke, at Rimbaud kaysa kina Eliot, Brect, Lorca, at Neruda ang mga tula ni Rio Alma sa naturang koleksiyon.) Nagkaroon ng linyang pampolitika ang mga tula na umaagapay sa eksperimentasyon sa pananaludtod at pananalinghaga, na kahit ngayon ay ikababaliw ng mga kabataang estudyante sa panitikan. Maiuugnay ang Peregrinasyon sa dalawa pang chapbook, ang Mga Duguang Plakard at Iba Pang Tula (1971) ni Rogelio G. Mangahas at Dalawampung Tula ni Lamberto E. Antonio. Ang alab ng tatlong akdang ito ang sa aking palagay ang nagbukas ng pinto sa magiging daloy ng masilakbong politika at ideolohiya ng pagtula noong dekada sitenta, bagaman higit na makikilala si Antonio noong dekada 1980 nang malathala ang Hagkis ng Talahib (1980) at Pagsalubong sa Habagat (1986).

Ang pagkalas ng kabataang Rio Alma sa bighani ng Balagtasismo ay pagsisimula ng pagyakap niya sa namamayani noong New Criticism sa pag-urirat ng tula. Matatagpuan sa Makata sa Panahon ng Makina (1972) ang mga unang pagtatangka na suriin ang tulang Tagalog o Filipino, ayon sa lente ng banyagang kritika at kung paano mapauunlad ang estado ng kumbensiyonal na pagtula ng mga Balagtasista. Sa yugtong ito, ipinaliliwanag na ni Almario bilang kritiko ang mga tula ng batang Rio Alma sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng mga tula ng mga kapanahong makatang sina Rogelio G. Mangahas at Lamberto E. Antonio na katambis sa panahon nina Iñigo Ed. Regalado, José Corazón de Jesús, at Alejandro G. Abadilla.

Ngunit kahit ang mabalasik na kritikong Almario ay magbabago ng loob at magbabalik sa ugat ng panulaang Tagalog. Itatakwil ni Almario ang mga pagkakamali, at susulat ng panibagong kritika na magpapahalaga sa mga ambag ng mga Balagtasista habang patuloy na nakatuon sa mga Modernista. Ang paglalathala ng Balagtasismo vs. Modernismo (1984), at pagkaraan ng Taludtod at Talinghaga (1991) at Kung sino ang kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas atbp. (1992), ay senyales ng paglingon at pagbabalik sa nakaraan, at kahit ang mga ito’y malaki ang kinalaman sa pagbabanyuhay ng makatang Rio Alma na sumulat ng linyadong Doktrinang Anakpawis (1979). Lumihis sa labis na tulang paloob ang makata, at “ibinalik ang tula sa masa.” Testamento ang nasabing aklat sa elegansiya, lalim, at pahiwatig ng Filipino bilang wikang pambansa; at lalampasan nang milya-milya ang mga panandang-batong Sitsit sa Kuliglig (1972) at Dunung-dunungan (1975) ni Rolando S. Tinio at Mga Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran (1979) ni José F. Lacaba. Ipagyayabang din ng Doktrinang Anakpawis ang lalim at lawak ng bokabularyo na tinumbasan ng pambihirang eksperimentasyon sa pananaludtod at pananalinghaga—mulang ambahan, tanaga at dalít hanggang soneto, rondel, blues, at villanelle tungong mala-epikong tula—na hitik sa parikala, pagpapatawa, pang-uuyam, paghihimagsik, at higit sa lahat, pagmamahal.

Ang pagbabalik ni Rio Alma sa ugat sa Bulakan ang isa pang nagturok ng sariwang katas sa kaniyang katauhan bilang makata, gaya ni Anteus na humuhugot ng lakas mula sa lupa. Ang silakbo at kalabisang nakakahon sa napakasikip na ideolohiya at politika ng Doktrinang Anakpawis ay pakakawalan niya sa mga susunod na aklat na gaya ng Retrato at Rekwerdo (1984); Palipad-Hangin (1985); (A)lamat at (H)istorya (1986); at Kanton Para sa Limang Pandama (1987).

Nasa Retrato at Rekwerdo ang sa aking palagay ay pagsisimula ng isa pang pagbabanyuhay ni Rio Alma bilang makata, at nagtanghal sa kaniyang sinilangang lalawigan sa pananaw ng isang ganap at tigulang na makata. Sa unang pagkakataon, naitampok ang tulang Filipino sa isang coffee table book; at naitaas ang pagtingin sa tulang Filipino palayo sa hanay ng mga komersiyal at patakbuhing akdang karaniwang nakalahok sa gaya ng Liwayway at Sampaguita. Ang maganda sa aklat, nagsusuhayan ang mga retrato at ang mga tula upang maitampok ang hulagway na may pambihirang pahiwatig at pagpaparamdam. Madilim, malungkot ang mga hulagway at himig ng Retrato at Rekwerdo; subalit di-halata, dahil sa napakatahimik at masinop na pagsasakataga ng mga talinghaga. Lumilihis iyon sa kumbensiyonal na tulang humahagulgol at di-mapigil ang dalamhati. Dapat ding banggitin ang Hagkis ng Talahib (1980) ni Antonio na nagbibigay ng marubdob na pagdama mulang pilapil hanggang duguang kalsada ng mga demostrador.

Hitik naman sa siste at parikala ang Palipad-Hangin na kahit nabigong makasungkit ng pangunahing gantimpala sa Timpalak Palanca ay sumasampal naman sa mga huradong nakapikit yata ang isang mata habang nagbabasa. (Kung babalikan ang Parikala [1988] na antolohiya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo,  ang dalumat ng “parikala” ay ipinaliwag dito ni Almario na Kritiko, at mahihinuhang pagpapaliwanag na rin sa ginagawa ng makatang Rio Alma.) Lumihis ang Palipad-Hangin sa nakamihasnan noong tulang protesta na nanggagaliti sa diktadurang rehimen kung hindi namimighati sa mga nabuwal na aktibista o partisano sa pakikibaka.  Solido ang koleksiyong ito, at pambihira ang pagbaligtad nito sa daigdig—na makasusumpong sa mambabasa upang magmura o mainis sa sarili—dahil sa maitim na pakana nitong mapagpatawa.

Magpapatuloy ang gayong taktika ng makata sa (A)lamat at (H)istorya ngunit sa pagkakataong ito’y uusisain ang mga alak-alakan, singit, at lilignan ng alamat at kasaysayan ng Filipinas upang itampok ang sariwang kabatiran. Hindi basta inulit lamang ni Rio Alma ang lahat ng nasabi na sa kasaysayan o alamat o tsismis. Humanap ng mga puwang sa mito at kasaysayan ang makata, at ang mga puwang na iyon ay malikhaing pinalawak o pinatingkad sa punto de bista ng makatang kritiko rin ng nasabing dalawang lárang. Katambis ng nasabing aklat ang Pagsalubong sa Habagat (1986) ni L.E. Antonio, na nakatuon naman sa mga leyenda ng kalungsuran, kalibugan, at kalayaan.

Pabago-bago ang sukat ng aklat ni Rio Alma, gaya lamang ng pabago-bagong pamamaraan ng pananaludtod at pananalinghaga. Ito ay marahil sa pagsisikap na umiwas “ulitin ang sarili” gaya ng sa pahiwatig ni Mike L. Bigornia sa kaniyang isang tula. Mala-Neruda ang hagod ng Katon para sa Limang Pandama, ngunit taliwas sa dapat asahan, hindi paggagad sa mga tula ni Neruda, o kaya’y ehersisyo lamang ng daliri at isip, ang nasabing aklat, bagkus pagpapamalas ng dalubhasang pagkasangkapan, paghahanay, at pagtitimpla ng mga hulagway na ang kombinasyon ay tila mga atomong kayang lumikha ng isang bomba atomika para sa mga kaaway ng kritiko o dating aktibistang si Almario. Mahalaga ring balikan ang sinabi ng kritiko-pilosopong si Silvino V. Epistola. Hindi lahat ng kayang sagapin o nasasagap ng limang pandama ay agad makararating sa kamalayan. Sa pagitan ng pandama at kamalayan ay may salaan ng mga dalumat at pahiwatig, at ang salaang iyon ay may kaugnayan sa kabansaan o pagka-Filipino. Ang Katon ni Rio Alma ay hindi simpleng katon; nagpapakumbaba lamang nang pakunwari ang makata sa kaniyang pagpapamagat. Maraming bagay sa paligid ang malimit nating ipinagwawalang-bahala. Kaya kailangan nating  maging maláy sa ating paligid, at pahusayin ang taglay na salaan upang tumalas lalo ang limang pandama, at nang tumaas, lumawak, at lumalim pa ang ating kamalayang Filipino.

Samantala, sa mga aklat na Mga Retaso ng Liwanag (1990) at Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994) masisilayan ang distilasyon ng mga tula ni Rio Alma bilang abenturero at manlalakbay. Pulos talinghaga ng kamatayan o pagwawakas ang unang aklat, samantalang ang ikalawang aklat naman ay magtatampok ng posibilidad ng ganap na pagbabayuhay at resureksiyon ng isang bansa. Higit pa rito, lihim na nakalakip sa Muli, Sa Kandungan ng Lupa ang panukalang pagbasa sa panitikang Filipinas at pag-unawa sa kabansaan alinsunod sa punto de bista ng isang Filipino. Ang pag-uri at paghati sa pambansang kamalayan ay nakapahiyas hindi lamang sa mga kritika ni Almario, gaya sa Mutyang Dilim (2001), bagkus malinaw na nakasaad sa mala-epikong tulang “Oriental” (1987) na waring binibistay at nag-aambag kahit sa tesis ng Orientalism ni Edward W. Said. Sa yugtong ito, lubos ding naituwid ni Almario ang kaniyang mga unang kamaliang inilahok sa Makata sa Panahon ng Makina. Ang batang Rio Alma ng Makinasyon ay ibang-iba sa tigulang na Rio Alma na sumapit sa kaliwanagan at naglalantad ng rikit ng kaniyang Tinubuang Bayan. Maiuugnay din ang Mga Retaso ng Liwanag at ang Muli, Sa Kandungan ng Lupa sa Sonetos Postumos (2006) na nagtataglay ng mga tulang ipinadron sa soneto. Ngunit ang mga soneto rito ay hindi lamang basta sonetong Ingles o Italyano, bagkus sari-saring paraan at eksperimentasyon ng pagbuo ng soneto mulang sukat at tugma hanggang nilalaman at dalumat na Bibliko at mitikong Filipino, Griyego, Italyano, at Hudyo.

Lalagumin ng Una kong Milenyum, Tomo 1–2 (1998) ang lahat ng tula ni Rio Alma mula sa mga binanggit kong koleksiyon. May dalawang tula lamang ang nakalusot at hindi naibilang sa aklat, at marahil ay hindi sinasadyang nakaligtaan yaon ng editor na si Mike L. Bigornia. Ang nasabing dalawang tula ay inilahok naman ni Rio Alma sa kaniyang koleksiyon ng mga tulang pambatang pinamagatang Estremenggoles (2004). Walang bago sa Estremenggoles, at hindi ko na tatakayin pa ito.

Hindi rito nagtatapos ang karera ni Rio Alma. Sa Memo Mulang Gimokudan (2005), nagpasiklab ang makata sa paghabi ng mga tulang tuluyan. Huwag asahang supling lamang ito ng poeme en prose ni Aloysius Bertrand o Arthur Rimbaud; o kaya’y bulag na pagsunod kina Emilio Jacinto, Deogracias A. Rosario, at Alejandro G. Abadilla. Tinatangka ng Memo na lampasan ang estado ng pagsulat ng tulang tuluyan, hindi lamang sa Filipinas na ang unang bumuo ng koleksiyon ay si Mike L. Bigornia, kundi maging sa iba pang bansa. Sagot din ito ni Rio Alma sa patutsada ni Cirilo F. Bautista na hindi naniniwalang tula ang “tulang tuluyan.” Taglay ng Memo ang sari-saring pagdulog sa tulang tuluyan, mulang pinakamaikli hanggang pinakamahaba, mulang pagsasalaysay at paglalarawan hanggang pangangatwiran at pakikipagtalastasan.  Ipinagpapatuloy ng Memo ang paglinang sa pagka-Filipino ng tulang tuluyan,  na marapat mabatid kahit sa antas na pandaigdigan, lalo ng mga hurado sa prestihiyosong Gawad Nobel.

Sa koleksiyong Kung Bakit Kailangan ang Himala (2007), ipinagpatuloy ni Rio Alma ang kaniyang mga pagsusuri sa paligid sa higit na malalim na pagkaunawa sa takbo ng politika, kultura, ekonomiya, at sikolohiya ng Filipino. Ginawa niya sa ito sa magaang na paraan, at sa paggamit ng mga kagila-gilalas na tayutay o talinghagang makalupa at kakatwa. Kabaligtaran ito sa dating tikas o anyo ng makata na “taas-kamao, kunot-noo, at tiim-bagang” at napalitan ng satira at pagtirang nagpapatawa, nang-iinis, nagtuturo, nang-uuyam. Hindi nagtuon sa pormula o kumbensiyon ng “labis na kasiningan” ang makata, at animo’y pinakinggan lamang ang pintig ng panahon habang umaastang pitho o ermitanyo ng lungsod. Higit pa rito, sinimulan na rin ng makata na hanapan ng positibong pagtingin ang Filipinas, imbes na magbuga lamang ng madidilim na sentimyento o hinaing, gaya ng matatagpuan sa Doktrinang Anakpawis.

Nakagugulat ang sigasig ni Rio Alma at sisikapin niya ang reimbensiyon ng tanaga, diyona, dalít, at talingdaw sa kaniyang koleksiyong Isang Sariling Panahon (A Time of One’s Own) na isinalin sa Ingles ng isa pang tarikang makata sa ngalan ni Marne L. Kilates. Mapagmasid at mapagbulay sa kaligiran, kapuwa, at kalooban ang karamihan sa mga piyesa ng koleksiyon, at kahit ang nakagawiang pagpapakahulugan sa bugtong at salawikain ay masisingitan ng pasubali o tanong kapag pinag-aralan ang pagdulog sa tula ni Rio Alma. Masasalat ang sinop ng makata sa pagtula kapag pinag-aralan dito ang kombinasyon ng mga salita, na ang resultang pahiwatig ay hindi simpleng mahuhugot sa A+B=AB, bagkus masisipat na A+B=C na bagaman nagtataglay ang C ng mga katangian ng A at B ay nakapagluluwal din ng bukod na sariling pakahulugan at pahiwatig na maikakabit din sa ibang nilalang o pangyayari sa daigdig.

Kung maiikli ang mga tula sa Isang Sariling Panahon, mahahaba at magkakatanikala ang mga tula sa Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009). Ang Hudhud ni Rio Alma ay mapaglaro, mapangahas, at sabihin nang mailalaban sa pandaigdigang antas. Gagamit siya ng tatlong pilas na persona sa katauhan nina Aliguyon, Jose Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang tatlong personang ito ay sabay-sabay maglalakbay sa kani-kaniyang dimensiyon, makikipagdiskurso sa diwa ng kasaysayan samantalang makakabangga rin ang sari-saring tauhan sa kasaysayan, mitolohiya, kultura, politika, aliwan, at iba pang aspekto ng lipunan. Ang paglalakbay ng tatlong pilas na persona ay kaugnay ng paghahanap ng kabansaan, kaya masisipat na ang wakas ng epiko ay hindi pangwakas, bagkus nagbabanta ng panibagong anyo ng hudhud na ang mitikong tagapagsalaysay ay ipagpapatuloy ang pagbubunyag ng sariwang pakikipagsapalaran at ang pagsisiwalat ng bagong anyo ng buhay at kabansaan.

Hindi lahat ng tula ni Rio Alma ay mabigat at mahirap maarok. Sinasadya ng makata na maglaan ng mga tulang para sa madla o estudyante o matanda, o kaya’y para sa mga bihasang mambabasang gaya ng kritiko o panitikero o dalubwika. Sa gayong paraan, ang bawat seksiyon ng kaniyang mga aklat ay hindi nakasasawàng basahin, dahil sa mga paningit na tula. Mapapansin din na may panloob na disenyo at balanse kahit ang bawat seksiyon ng bawat aklat. Ang isang tula ay maaaring sagutin o susugan o pabulaanan ng isa pang tula, alinsunod sa malikhaing pagbubuo ng tauhan at kaligiran nito. May ilang tula rin sa isang aklat na nagsisilbing estribilyo sa mga susunod na aklat, o kung hindi’y rebisyon ng ilang dating tula upang lalong gumanda at tumalim iyon. Isang puna noon ni S.V. Epistola na sintunado ang mga tula ni Rio Alma, maliban doon sa mga bago nitong aklat. May katotohanan ito. Ngunit ang gayong pagkasintunado ay maaaring maibatik sa mga sumasagap ng mga tula ng makata, na hindi sanay sa gayong uri ng tunog o musikang dapat munang pag-aralan pa nang malalim ng mga kritiko o musikong sanay sa himig ng Balagtasan.

Ano ang matutuhan nating aral sa mga tula at karera ni Rio Alma?

Una, ang kaligtasan ng makata ay nasa kaniyang Tinubuang Bayan. Ang bansa ang matang-tubig ng makata at ito ang titighaw ng kaniyang uhaw bilang manlilikha at magbibigay ng panibagong buhay sa pagtula.

Ikalawa, mahalaga ang pagbabalik sa nakaraan. Mabuting maalam sa kasaysayan ng panitikan at sa kasaysayan ng bayan ang makata at nang magamit yaon sa diyalektiko’t malikhaing pamamaraan.

Ikatlo, kailangang batid ng makata ang kaniyang ugat sa pagtula. Hindi nakamamatay ang taguring “katutubo,” at ang pagsagap ng impluwensiyang “banyaga.” Ang masining na pagpapasalikop ng dalawa ang dapat ingatan. Isa pa, hindi lahat ng impluwensiya ay nagmumula lamang sa “banyaga,” dahil pinatunayan na ni Rio Alma na sa kaniyang mga tula’y maaangkin lamang yaon ng Filipino at káya niyang magdulot ng impluwensiya kahit sa iba pang makatang pa-Ingles-Ingles.

Ikaapat, hindi nasisiki ang mahuhusay na makata sa anumang padron ng tula. Napakaraming inobasyon sa mga padron ng tula ang ginawa ni Rio Alma na nalilingid pa sa nakararami. Ngunit higit pa rito, lumalampas dapat sa padron ang makata, dahil “hindi maisisilid sa kahon ang kadakilaan.”

Ikalima, mahalaga ang pagtitipon, pagbuhay, paggamit, at pagpapauso ng mga salita para sa isang makata. Maraming salita sa mga tula ni Rio Alma ang hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo at tesawro, sa maniwala kayo’t sa hindi, kahit ang gamiting sanggunian ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Habang lumalawak ang bokabularyo ng mga tula ng makata ay lalong lumalalim ang imahinasyon ng kaniyang pagkatha. Ang kabihasaan sa salita ang unang-unang dapat taglayin ng sinumang ibig maging makata.

Ikaanim, natural lamang ang ebolusyon ng isang makata. Hindi dapat magmadali sa pagnanais na maging dakila. Sa aking palagay ay late bloomer si Rio Alma bilang makata. Gayunman, nakatulong iyon upang lalong sumarap basahin ang kaniyang tulang nahinog sa panahon o pagbubulay, at kumbaga sa alak, ay walang kasabit-sabit, napakalinamnam.

At ikapito, kailangan ang isang dakilang bisyon sa panulaang Filipinas. Kailangan yaon upang maipagpatuloy ang paglikha ng mga tulang hindi lamang maibabanggà sa loob ng Filipinas, bagkus maging sa iba pang tula mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang gayong bisyon ay makatutulong din upang lumago lalo ang ating panulaan.

Hahayaan kong dagdagan o pabulaanan ninyo ang aking mga binanggit habang pinag-aaralan ang mga tula ng makata.

Ang totoo’y naibigan at pinagpraktisan ng aking mga anak na sina Idyanale at Amansinaya ang mga aklat ni Rio Alma. Kung naibigan nila iyon, tiyak kong makakaya rin iyon ng iba pang higit na matatandang mambabasa. Ang hula ko’y sadyang hindi binabasa lamang si Rio Alma dahil sa umiiral na prehuwisyo o inggit laban sa kaniya; o kung hindi’y sadyang tamad lamang magbasa ang madla. Walang himalang ginawa si Rio Alma. Wala. Sa unang malas ay pulos himala ang paglabas ng kaniyang mga aklat. Ngunit kung uuriing maigi, ginawa niya iyon nang may pambihirang pangarap para sa panulaang Filipinas. Mahirap mang mapantayan ang kaniyang sigasig at libog sa pagtula, naniniwala akong kaya pa rin yaong lampasan ng mga darating pang tarikang makata mula sa Filipinas.

Isang ilog lamang si Rio Alma, at hindi dapat magtapos sa isang ilog ang panulaang pambansa. Kailangang sumilang ang mga bagong ilog, at lampasan ang mga kumbensiyong nailatag na ng maestrong makatang si Rio Alma, at nang makalikha tayo ng karagatan ng tulang Filipino. Dahil kung hindi’y mamamatay sa pagkatuyot ang ating panulaang pambansa. Oo, mamamatay nang ganap, dahil lumalaganap ngayon ang mabalasik na pagbabagong-klima sa pandaigdigang panulaan at sa buong panitikang pandaigdig.

Magandang hapon sa inyong lahat, at ipagpatuloy natin ang pagtangkilik sa mga akda ng mga Filipinong manunulat.

(Binagong bersiyon ng papel  ni Roberto T. Añonuevo na unang binasa noong 1 Setyembre 2007, sa Pistang Panitik, Manila International Book Fair, na ginanap sa World Trade Center, Roxas Boulevard, Maynila, Filipinas; at pagkaraan sa Bulakan. )

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers