Ortograpiya ng Modernong Pangasinan

Malaki ang ipinagbago ng lalawigan ng Pangasinan sa antas ng impraestruktura, agrikultura, pangisdaan, turismo, kultura, at pagmimina sa mga nagdaang taon, at ngayon ay maidaragdag ang isa pa: wika. Mabigat na usapin ang Pangasinan bilang wika dahil ang heograpiya ng Pangasinan ay bukás sa mabibilis na migrasyon at transaksiyon ng mga tao. Ang komunikasyon ay hindi na dominado ng taal na Pangasinan, bagkus ng iba pang wikang gaya ng Agta,  Bikol, Bisaya, Bulinaw, Iluko, Ifugaw, Kapampangan, Maranaw, Palawan, Sambal, Tagalog, at iba pa. Ang dating Tagalog ay naghunos ng anyo at naging Filipino, na lalong lumakas sa dami ng mga akdang nalalathala sa anyong papel o elektronikong paraan.

Kahit ang mga pangunahing estasyon sa telebisyon at radyo sa lalawigang Pangasinan ay nasa wikang Filipino na. Ito ay marahil sa pangyayaring kinikilala na sa buong Pangasinan na ang buong lalawigan ay tagpuan ng sari-saring tao na iba’t iba ang pinagmulan, at dahil iba-iba ang interes at kalooban ay kinakailangang pag-isahin kahit sa antas ng diskurso at komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ang pagpapakilala muli sa wikang Pangasinan ay isang paraan ng pagbawi sa nakaraan at paghalukay sa gunita, na ngayon ay magsisimula sa pagpupundar ng isang masasandigang ortograpiya.

Kinakailangan ang ortograpiyang Pangasinan, dahil ang mga tekstong Pangasinan ay nananatiling sinauna ang pagbaybay na waring matapat na pagsunod sa mga frayleng Espanyol, na gumagamit ng wika alinsunod sa pamantayan ng Espanyol. Sa makabagong ortograpiya, ang paraan ng panghihiram ng salita sa mga wikang banyaga,gayang Espanyol, Ingles, Pranses, Hapones, at Tsino, ay sinisikap lapatan ng mga panuto kung paano isasakatuparan nang sa gayon ay mapabilis ang pag-angkin ng mga salitang hiram at makatulong pagkaraan sa pagpapalago ng korpus ng Pangasinan.

Mapapansin kung gayon na ang paraan ng panghihiram sa Espanyol sa panig ng Pangasinan ay hindi nalalayo kung ihahambing sa ginawang paraan ng panghihiram ng banyagang wika sa makabagong ortograpiyang Filipino. Ginawa ito upang mapabilis at mapagaan ang panghihiram, at nang maiwasan ang arbitraryong paraan ng pagbabaybay na walang masinop na batayan. Makikita ito sa adaptasyon ng kambal-patinig, diptong, triptong, pagsisingit ng katinig na \y\ o \w\ kapag nauuna ang mahihinang patinig na \i\ at \u\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\. Ang paraan ng panghihiram sa Espanyol ay isinaalang-alang din ang bigkas na \ng\,gayasa “konggreso” [congreso], “bángko” [banco], at engkanto [encanto]. Tinimbang din ang pagkaltas sa \h\ o \u\ sa orihinal na Espanyol kapag hindi binibigkas, gaya ng sa “arina” [harina], “asyenda” [hacienda], at “elado” [helado], o kaya’y “eskirol” [esquirol], “eskema” [esquema], “keso” [queso].

Ngunit higit pa rito, maraming hispanisadong salita sa Pangasinan, na kahit ang mga pangalan ng bayan ay nasusulat pa rin sa sinaunang pagbaybay. Halimbawa na rito na “Balungao” [balunggáw, na binibigkas kung minsan na ba·lú·ngaw], Calasiao [kalasyáw], Laoac [láwak], Malasiqui [malasikí], at Manaoag [manáwag]. Maraming natuklasan dito si P. Immanuel Sison Escano, na bilang alagad ng Simbahan at eskolar sa wikang Pangasinan, ay maglilitanya ng samot-saring salitang taal sa Pangasinan na hispanisado ang pagkakasulat, at nagbabanta ngayong gumawa ng modernong diksiyonaryo, bokabularyo, at tesoro na papalit sagayang kina Lorenzo Fernández Cosgaya, Anastacio Austria Macaraeg, at Mariano Pellicer.

Hindi pangwakas ang mga panuto na ginawa sa Ortograpiyang Pangasinan, at inaasahan ang patuloy na pagbabago habang pinipino ang mga ito. Ito ay dahil ang mga paraan ng panghihiram, halimbawa sa Ingles, ay hindi pa ganap na pulido at napakarami ang paraan ng pagbigkas sa patinig at katinig. Ang mga panuto sa panghihiram sa Ingles ay masasabing pansamantala, habang sinusuri pa ng mga eksperto ang mga mungkahing hakbang sa pagtanggap at pang-angkin ng mga salita. Sa kabilang dako, hindi pa ganap na tapos ang diskusyon sa paggamit ng \i\ sa mga taal na salitang Pangasinan, at ang pag-angkin ng titik \e\ sa mga salitang hiram. Bagaman waring nalutas na ang kaso ng mga titik \o\ at \u\ sa mga taal na Pangasinan, at kung alin ang mauunang lumitaw sa loob ng isang salita, ang panuto hinggil dito ay nangangailangan pa ng karagdagang halimbawa na maaaring hugutin sa mga nalathalang panitikan.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng ortograpiyang Pangasinan sa pagpapaunlad ng panitikang Pangasinan at pagsasalin ng mga tekstong banyaga. Magiging gabay ito sa pagpapalathala ng mga susunod na akda, kaya kinakailangan ang pagsasanay sa panig ng mga editor at manunulat. Ang produksiyon ng mga akdang Pangasinan ay isang usaping nangangailangan ng bukod na talakay, at marahil inuman, ng mga tarikang dalubwika, manunulat, at editor. Idiniriin lamang dito na kung may magiging padron ng paraan ng pagsusulat, panghihiram, at pagsasalin ng mga salita, ang padrong ito ay dapat aktibong pakialaman ng mga manunulat at editor, at panghimasukan ng madla bilang aktibong kritiko at konsumidor ng mga akdang pampanitikan. Sa ganitong paraan, ang madla ay hindi nagiging pasibong tagasagap lamang ng mga salita o obra ng mga manunulat. Ang madla ay posibleng maging aktibong tagapag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, at matututong tumutol lumunok ng mga patakbuhing kathang popular, at kung pumuri may ay maaasahang magtataglay ng maselang panlasa at matayog na kamalayán.

Makabubuting pahalagahan ng buong lalawigan ang pagsisikap na bumuo ng Ortograpiyang Pangasinan. Sa pamamagitan nito, mahuhutok maging maláy at maingat ang mga mag-aaral, bukod pa ang mga manunulat, mananaliksik, at editor, hinggil sa mga katangian ng mga salitang taal, hiram, balbal, jargon, siyentipiko, bagong-likha, at iba pa. Magkakaroon ng padron sa pagsulat, ispeling, bantas, at bigkas, na sa paglipas ng panahon ay magtatampok nang malalim at malawak sa kaakuhan ng Pangasinan hindi lamang bilang pook bagkus isang kabihasnan. Ang pagpapahalaga ay maaaring magsimula sa mismong paggamit ng wikang Pangasinan sa mga pang-araw-araw na komunikasyon, mulang pamilya hanggang diyasporang Filipino saanmang panig ng mundo. Magkakaroon pa ito ng suhay dahil ang pambansang adyenda ng administrasyon ni Pang. Benigno S. Aquino III ay nakatuon sa paglinang ng mga wikang panrehiyon tungo sa pagpapalakas ng pambansang wikang Filipino, habang bukás sa mga pagbabago sa internasyonal na ugnayang gagamit sa Ingles at iba pang banyagang wika. Ang mithing ito ni Pang. Aquino ang mithing nais lagyan ng laman at buto ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Makasaysayan ang pagpupunyagi sa Ortograpiyang Pangasinan sapagkat aktibong nakilahok si Gob. Amado T. Espino Jr. sa pamamagitan ng pag-aabot ng ayudang pinansiyal at moral sa pangkat. Kung hindi dahil sa butihing gobernador, posibleng nabalam pa ang pagbubuo ng ortograpiya dahil napakahirap tipunin ang mga dalubwika, edukador, manunulat, editor, at kritiko sa isang pook upang pag-usapan ang wikang pambihira ang pahiwatig at pakahulugan. Dapat ding pasalamatan sina Panlalawigang Administrador Rafael F. Baraan at Punong Panturismo Maria Luisa A. Elduayan na pawang walang sawa sa pagsubaybay sa pangkat, at nagbuhos ng panahon at pagod para maisakatuparan ang lunggati sa wika.

Sa dakong huli, ang tagumpay ng ortograpiya ay nasa palad ng mga Pangasinense. Kung hindi gagamitin, lilinangin, at palalaganapin ng mga Pangasinense ang Pangasinan sa loob ng lalawigan o sa iba pang panig ng kapuluan kung hindi man sa ibayong sa ibayong-dagat, ang Pangasinan ay nakatadhanang mamatay. Kaya hinahamon ang lahat na makilahok sa proyektong ito. Hinihimok ang bawat isa na magpukol ng mabibigat na puna at mungkahi, nang maisaalang-alang ng mga dalubwika at mailahok bilang makabuluhang panuto, susog, at tala sa susunod na Modernong Ortograpiyang Pangasinan.

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.

Pananaliksik at Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino

Maitutumbas sa nakasisindak na nilalang ang salitang “saliksik” [research] dahil hindi ito maihuhugis sa guniguni nang napakadali, at maraming pagdulog ang maisasagawa upang maunawaan ito alinsunod sa pangangailangan at hinihingi ng panahon. Nag-iiwan ng pangamba sa mananaliksik ang anyo ng saliksik hindi lamang dahil masalimuot ang daan tungo rito, bagkus kinakailangan ng mananaliksik ang sapat na karanasan, karunungan, lakas, at pasensiya upang matuklas at maunawaan ang hinahanap. Para mapawi ang pangamba sa pananaliksik, kinakailangang alamin kung anong uri ng hayop ito, wika nga. Kinakailangang matutuhan ninuman ang paraan kung paano mag-isip at kung paano tatanawin ang kaligiran kung hindi man daigdig, nang sa gayon ay mabatid kung paano makapaghahawan ng landas at makapaglalagay ng muhon para pagsumundan ng mga darating pang mananaliksik.

Isang katangian ng saliksik ang pagdaan sa proseso, at maaaring simulan sa pagtatanong at pag-uusisa. Ngunit ano ang itatanong, lalo kung may kaugnayan sa wika at panitikang Filipino? Makabubuting simulan ang pambungad na pagbabasa hinggil sa mga akda ng isang manunulat, halimbawa, at mula rito ay matatantiya kung dapat ipagpatuloy ang pananaliksik. Kinakailangang pag-isipan ang tanong—na batay sa umiiral na datos—at kung paano ito isasakataga, nang sa gayon ay maitakda ang saklaw at lalim ng saliksik, at haba ng panahong ilalaan doon. Sa pagbuo ng tanong, kinakailangan ng mananaliksik na timbangin ang pagiging patas [obhetibo] at ang pagtanaw sa kung saang panig [subhetibo], ayon sa kayang mailahad ng datos. Dapat ding magpasiya siya kung kalitatibo (mapaglarawan) o kantitatibo (mapagbilang) ang pag-aaral, bagaman sa ilang pagkakataon ay pinagsasanib ang dalawa nang matimbang ang isang anyo kaysa isa pa. Hahaba pa ang pagsisiyasat kung idurugtong dito ang papel ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino—na mahalagang sangay ng Komisyon sa Wikang Filipino—upang matupad ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 na gawing makatotohanan ang Filipino bilang wikang pambansa at Batas Republika 7104 na lumilikha sa KWF para sa gayong layunin.

Dapat taglayin ng mananaliksik ang iba pang katangian, gaya ng kasanayan sa pagtatala o pagsusulat at matalas na pang-unawa sa bagay na binabása o pangyayaring pinag-aaralan. Ang ganitong mga katangian ay hindi likás, bagkus napag-aaralan sa paglipas ng panahon, hanggang ang mananaliksik ay makadiskarte alinsunod sa pangangailangan ng saliksik. Yamang kalitatibo ang karaniwang uri ng pananaliksik na ginagamit sa panitikan, kinakailangang lisâin ang listahan ng mga literatura. Makabubuti kung gayon na sa talaksan ng mga aklat ay makabuo ng mga haliging pagsisimulan, at maaaring ito’y aklat hinggil sa kasaysayang pampanitikan, antolohiya ng tula o katha, mga teorya o pagdulog sa pagbasa, salungatang kritika ng mga dalubhasa, at katalogo ng mga pangalan at akda sa isang larang. Sa panig ng mga wika, ginagamit ang paraang kantitatibo, halimbawa na ang pag-eeksperimento sa isang buong klase na binubuo ng 50 katao, na bibigyan ng kaalaman at kasanayan upang pagkaraan ng takdang panahon ay tasahin ang resulta ng kanilang mga pagsusulit batay sa kanilang dinaanang leksiyon. Sa ganitong kalagayan, makabubuting mag-aral ang mananaliksik hinggil sa estadistika, paglikom ng datos sa paraang patas at walang manipulasyon, pagtitiyak na ang kinuhang bilang ng kalahok ay representante sa buong populasyon, at iba pa. Higit sa lahat, kinakailangan ang konsultant sa interpretasyon ng resulta ng pananaliksik nang sa gayon ay magabayan ang mananaliksik sa kaniyang ginagawa.

Mangangapa ang sinuman sa pagtatanong kung hindi niya alam ang teritoryo na kaniyang hinahanap. Sa panig ng panitikan, kinakailangang balikan ang mahabang kasaysayan ng panitikang palimbag, halimbawa sa Tagalog o Iluko, at mula rito ay maaaring pag-aralan ang kasaysayan ng katutubong panitikan sa isang takdang panahon, na lumikha ng angking kumbensiyon at pamantayan, at nakapag-ambag sa pagpapalago ng wika, guniguni, at pagkatha, na hindi maitutulad noong panahong nasa dahon, buho, palayok, at batuhan ang mga titik at larawang nagtatala ng kasaysayan. May mga deskriptibong pag-aaral naman, halimbawa sa mga epikong bayan, na inuugat ang mga dalumat at pananaw sa daigdig ng mga tauhan, at pinag-aaralan kung paanong ang mga penomenon o pangyayari ay humuhubog sa katauhan ng persona at sa kaniyang pagpapasiya. Hinuhugot din sa mga epikong bayan ang mga arketipong hulagway, halimbawa, na ang “bayani,” “asawa,” “anak,” “bayan,” “tubig,” “lupa,” “hangin,” “simoy,” “bathala,” “gamot,” at “kamatayan,” at sa pamamagitan nito’y naipapaliwanag ang mga sagisag at pahiwatig na pawang nabuo ng lipi na may kolektibong kubling-malay, kung hihiramin ang dila ni Carl Jung. Sa pag-aaral ng arketipo’y hindi kinakailangang limitado sa sinabi lamang ni Sir James Frazer, bagkus magagamit kahit ang mga akda nina Isabelo de los Reyes, Honorio Lopez, at E. Arsenio Manuel, at ang pagdalumat ng gaya nina Ernesto Cubar, Reynaldo Ileto, at Florentino Hornedo. Samantala, ang pag-aaral sa panig ng wika ay nakasalalay sa mga pagbabalik sa mga limbag na panitikan, diksiyonaryo, tesawro, sanaysay, kasaysayan, at iba pa. Ang paglago ng korpus ng wika ay maisasailalim sa pag-aaral na purong lingguwistika (papaloob), o kaya’y sosyolingguwistika (papalabas).

Ang mahirap sa panitikan ay hindi maitutumbas ito nang isa-sa-isa sa mga pangyayari sa kasaysayan, dahil may bukod itong kasaysayan sa kanonigong kasaysayan ng bansa. Bagaman ang panitikan ay posibleng maapektuhan ng ilang matingkad na pangyayari sa lipunan, gaya ng digmaan, salot, kalamidad, at tagsalat, at mula rito’y gagamit ng mga hulagway o tauhang nagmula sa naturang pangyayari ang mangangatha o makata, ang panitikan ay hindi direktang salamin ng realidad. Dahil kung gayon, inuulit lamang nito na parang sirang plaka ang realidad at hindi na pinanghihimasukan pa ng guniguni. Lumilikha ng sariling realidad ang panitikan; at ang pagtatakda ng panahon ng pagkauso ng isang estilo o paksa o teorya ay hindi maikakahon sa isang takdang panahon; at mahirap masukat kung gaano kadominante ito maliban kung maisasagawa ang malawakang imbentaryo ng panitikang nailimbag sa nasabing panahon. Maaaring magpabalik-balik ang uso o estilo alinsunod sa nais ng mangangatha o makata, at sa hinihingi ng madlang mambabasa. Ang maisasaad lamang ay ang paglitaw ng ilang matingkad na akdang maaaring sumasalungat sa kumbensiyon, at nagtatakda ng muhon ng pagbabago, at ito ang pagsisimulan ng modernisasyon na pinalalawig ng mahuhusay na manunulat.

Habang pinag-aaralan ang peryodisasyon ng panitikan, mapapansin na lumilikha ang mga teoriko ng mga haka-haka, pagdulog, at teorya kung paano babasahin ang gayong panitikan. Ang peryodisasyon ay posibleng kumiling sa kanonigong kasaysayan ng lipunan na bukod sa kasaysayang pampanitikan; o kaya’y bumatay sa binuong kasaysayang pampanitikang tumanyag ang mga manunulat o akda sa isang takdang panahon. Makabubuting maláy ang mananaliksik hinggil sa ganitong pangyayari, at nang sa gayon ay magawa niya ang nararapat para makamit ang layunin ng pananaliksik.

Mahaba ang panahon ng pananaliksik na iniuukol sa pag-alam ng kasaysayan ng panitikan sa lokal o pambansang antas, at karaniwang nagpapasiya na lamang huminto ang mananaliksik kapag napiga na niya ang halos lahat ng posibleng literatura na maaaring balikan, at mistulang kumbensiyon na lamang ang natitira. Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi kronika ng mga pangyayari; bagkus pag-aaral sa mga importanteng sibol na lumikha ng kilapsaw na pagkaraan ay naging daluyong sa pana-panahon at siyang magtatakda ng pagkabukod ng isang anyo ng panitikan sa iba pang anyo ng panitikan. Sa madali’t salita, lumilikha ang teoriko ng isang lente, at ang lenteng ito ay hindi pangwakas, dahil maaaring lumabo o mabasag o baguhin o ipawalang-bisa, at palitan ng higit na modernong lente ng pag-arok at pagpapaliwanag ng panitikan. Dapat banggitin na sa pag-aaral ng kasaysayan ng panitikan ay hindi nangangahulugan ng paglikha ng teorya o pagdulog ang laging pangwakas na resulta. Pinag-aaralan ang kasaysayan ng panitikan, at ang peryodisasyon nito, para mailugar nang tumpak ang mga akdang pampanitikan at hindi basta mabansagan o matatakan ng mga taguring inangkat sa kung saang lugar.

Panitikang palimbag

Kapag sinabing panitikang palimbag, tinutukoy dito ang lahat ng posibleng teksto na matatagpuan sa loob at labas ng aklatan, at dito maaaring magsimula. Makagagamit ng mga elektronikong aklatan, ngunit ang pinakamahalaga ay matukoy ang lahat ng publiko at pribadong aklatan at puntahan iyon at doon magsaliksik. Kaya maisasaalang-alang sa puntong ito ang mga pangunahin at sekundaryong sanggunian, at sa panitikan, ang pangunahing sanggunian ay ang orihinal na teksto at ang awtor (kung buháy pa siya) na maaaring pagbunsuran ng multi-disiplinaryong pag-aaral kung ituturing na ang panitikan ay kaugnay ng lipunan kahit pa sabihing may sariling realidad ang panitikan na bukod sa realidad ng lipunan. Mahirap pag-aralan ang isang kalipunan ng mga tula ng isang makatang Tagalog, halimbawa, at upang magkaroon ng idea kung ano ang testura niyon ay kinakailangang balikan ang ilang opinyon ng mga kritiko at istoryador na sumuri sa mga tulang naroroon, at pag-aralan ang konteksto ng mga dalumat [konsepto] na inilahok ng makata sa kaniyang tula.

Masasabing limitado pa ang pag-aaral sa panitikang Filipinas, partikular sa tula at katha, kung isasaalang-alang ang mga kasaysayang pampanitikang sinulat halimbawa nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Ildefonso I. Santos, Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Virgilio S. Almario, Damiana I. Eugenio, Gemino H. Abad, Soledad S. Reyes, Isagani R. Cruz, Andres Cristobal Cruz, Rolando B. Tolentino, at Galileo S. Zafra. Sa pag-aaral ng panitikan at wikang Tagalog, magiging bunsuran ang mga sinaunang tula, gaya ng salawikain at bugtong, at maaaring idugtong sa pagbabalik sa mga sinaunang alamat at mito na nakapahiyas sa mga epikong bayang pahimig na isinasalaysay ng isang makata. Kailangang pag-aralan din ang mga sinaunang salin sa Tagalog, ang mga katon (na panimulang pagsasabatas ng ortograpiyang Tagalog batay sa panuto ng Espanyol), at ang mga sinaunang diksiyonaryo at tesawrong nalathala na pawang may mga lahok na patungkol sa tula at katha. Maibibilang dito ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Jose de Noceda at Pedro Sanlucar. Pagsapit ng siglo 20, hindi matatakasan ang paglaganap ng Ingles, ang paghina ng Espanyol, at ang paglakas ng Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumalago o nabubura ang wika habang lumalaon, at mababatid ito sa mga publikasyong nalalathala sa pana-panahon.

Ang ganap na paglisa sa mga panitikan, halimbawa sa Tagalog, ay makatutulong sa pagbuo ng isang teorya ng pagbasa. Halimbawa, nabuo lamang ni Almario ang konsepto ng “balagtasismo” at “modernismo” matapos pag-aralan ang mga bokabularyo at diksiyonaryong gawa ng mga Espanyol, at ang antolohiya at indibidwal na koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Tagalog bago at pagsapit ng siglo 20. Sa panig naman ni Zeus Salazar, nabuo niya ang teorya ng Pantayong Pananaw matapos pag-aralan ang iba’t ibang daloy ng kasaysayan sa loob at labas ng Filipinas, at tuklasin sa pambihirang interpresyon ang kasaysayan alinsunod sa punto de bista ng Filipino. Sa pananaw nina Anselm L. Strauss at Juliet M. Corbin, ito ang grounded theory, ang teoryang nakatindig sa pundasyon ng datos at impormasyon. Sa kasalukuyang panahon, maaaring balikan ang mga konsepto at konklusyon ni Almario kung ang pag-uuri niya ay dapat ngang tanggapin o palawigin pa; o kung makabubuting lumikha ng isa pang teorya na batay sa ugat ni Balagtas kung hindi man mga epikong bayan. Maaari namang kilatisin ang mga akda ni Salazar gaya ng pagkilatis na ginawa ni Ramon Guillermo hinggil sa paggamit ng wika at katutubong dalumat, at pag-iwas sa napakahigpit na kahingian ng pampolitikang linya.

Kaugnay ng paglusog ng pagpapalathala noong bungad ng siglo 20 ang pagdami ng mga imprenta at publikasyon, at nakatulong ito nang malaki sa paglalabas ng mga diyaryo, magasin, at iba pang maninipis na lathalain—may bahid mang relihiyoso o komersiyal—na pawang nilahukan din ng mga tula, kuwento, nobela, dula, sanaysay, at salin. (Sa Bulakan pa lamang, kung hindi ako nagkakamali’y may mga sinaunang imprenta rito na nagsara na at ngayon ay nasa indibidwal na koleksiyon ng ilang pamilya ang mga lumang teksto at libro na puwedeng hanapin at siyasatin. Maimumungkahing trabaho ng PSWF ang pagbabalik sa mga nagsarang imprenta, at hanapin ang mga sinaunang koleksiyong itinatago ng matatandang pamilya.) Sa mga magasin, ang mga paningit na artikulo ay karaniwang dagli o pasingaw, at sa ilang pagkakataon ay tula o epigrapeng salin mula sa mga akdang banyaga, gaya ng matutunghayan sa Liwayway, Mabuhay Extra, at Sampaguita. Kung isasaalang-alang ang pagbubukas ng Kanal Suez, papansinin ni Almario na nakapag-ambag din ang gayong pangyayari sa malayang kalakalan at mabilis na paglalayag patungo at pabalik sa Ewropa para lalong sumigla ang panloob na paglalathala sa Filipinas.

Dahil sa dami ng mga lathalain, lumitaw ang isyu ng estandarisasyon ng mga ispeling, bantas, paggigitling, pag-uulit ng salita, pagtitipil, kambal-patinig, tumbasan, pagpapakahulugan, palaugnayan, at iba pa na kung susumahin ay mauuwi sa ortograpiya at retorika sa Tagalog. (Malaki ang papel ng mga organisasyong pampanitikan o pangwika, gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan, at ang mga samahang ito ang magbabakbakan kung sino ang dapat tanghaling awtoridad.) Ang usapin ng kasinupan sa ispeling at gamit ng salita ang pupuwingin ni Dionisio San Agustin para baguhin ang namamayaning kalakaran o komersiyalismo sa mga lathalain. Si San Agustin ang dating pangulo ng Aklatang Bayan, at isinaad ang kaniyang banat sa introduksiyon sa saling nobela ni Gerardo Chanco, at siyang tinalakay din nang pana-panahon sa kani-kaniyang kolum nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at Amado V. Hernandez. Ang mga editor ng isang lathalain ay karaniwang may estilo ng pagsulat at ispeling, at maaaring taliwas sa ipinalalaganap ng mga dalubwikang gaya nina Balmaseda, Regalado at Santos. Ang tatlong batikang manunulat ay magtatakda ng muhon sa ortograpiya sa Tagalog nang mahirang silang mamuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na higit na kilala ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Pambansang patakaran sa panitikan at wika

Binanggit ko ang mga pangyayaring ito dahil kaugnay ang mga ito ng pagsilang ng SWP na isinabatas noong 1937 ngunit naging epektibo lamang noong 1939. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na magpapatibay ng isang pambansang wikang batay sa umiiral sa isa sa mga wika ng Filipinas, binuo ang SWP na pinamumunuan ni Jaime C. de Veyra. Ipinroklama ang “pambansang wika” batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937. Naging makapangyarihan pa ang SWP nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 333, na inemyendahan ang Batas Komonwelt 184, dahil sa sumusunod: una, lahat ng pasiya ng SWP na pagtitibayin ng Pangulo ng Filipinas “ay magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng opisyal na publikasyon at teksto sa mga paaralan”; at ikalawa, ang SWP ay “may kapangyarihang ituwid, o baguhin ang lingguwistikong anyo at pahayag sa alinmang teksbuk na nasusulat sa pambansang wika na layong pagtibayin bilang opisyal na teksto sa mga paaralan,” alinsunod sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kung papansinin ay sadyang mabigat ang tungkulin ng SWP na maging taliba ng wika. Magpupulong ang mga manunulat, editor, at edukador noon pa mang 1937, at isa si Regalado na masisipag na kritikong maglalabas ng listahan ng mga salitang ginagamit sa panunuring pampanitikan. Magiging haligi sa mga gawain nito ang paglalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Masusundan pa ito ng pagbubuo ng ortograpiyang Tagalog [i.e., Filipino] na babaguhin nang pitong ulit: 1938, 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Problematiko noon kahit ang pag-aaral ng ortograpiya sa Tagalog dahil ang mismong wika ng pag-aaral ay nasa Espanyol kung hindi man Ingles. Halimbawa nito ang Las Particularidades de la Pronunciacion Tagala y su signalizacion Ortografica (1938) ni Jose R.A. Reyes; Preliminary Studies on the Lexicography of the Philippine Languages (1938;1940), nina Jaime C. de Veyra, Cecilio Lopez, at Felix S. Salas Rodriguez, atbp.; at Tagalog Phonetics and Ortography (1940) nina Trinidad Tarrosa Subido at Virginia Gamboa-Mendoza.

Hindi purong lingguwistika nag-ugat ang SWP. Pundasyon noon ng SWP ang mga panitikan, partikular ang panitikang Tagalog,  kaya masigla ang paglalabas noon ng mga aklat, polyeto, chapbook, at iba pang lathalain para maitanghal ang kasaysayang pampanitikan, tula, nobela, dula, sanaysay, at panunuring pampanitikan mulang 1937 hanggang dekada 1970. Ilan sa mababanggit ang maituturing nang klasiko, gaya ng Ang Maikling Kathang Tagalog (1938) ni Fausto J. Galauran; Ang Panulaang Tagalog (1937;1947) at Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog (1938) ni Iñigo Ed. Regalado; Ang Dulang Tagalog (1938) ni Severino Reyes (alyas Lola Basyang); Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938;1947) ni Julian Cruz Balmaseda; Duplo’t Balagtasan (1948) ni Teodoro E. Gener; Ang Pelikulang Tagalog (1938) ni Teodoro Virrey; Ang Dulang Pilipino (1947) ni Julian Cruz Balmaseda, Ang Kundiman ng Himagsikan (1940) ni Antonio J. Molina, at iba pa. Nang mahirang si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP noong 1970, at pagkaraan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987, bago naging Punong Komisyoner nang taong din iyon, itinuring niya na “mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika” para yumabong ang Filipino at nang makabuo “ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at eksperesyon.”

Mapapansin na kahit sa dating balangkas ng organisasyon ng LWP ay bumubuo sa isang dibisyon ang Pagsasalin at Panitikan, na pawang bukod sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Leksikograpiya, Preserbasyon at Promosyon, at Pangasiwaan. Gayunman ang Panitikan ay unti-unting mabubura kahit sa balangkas, at nang maging KWF ang LWP, ang Panitikan ay isinama sa Ibang mga wika (ewfemismo sa mga panrehiyong wika), kaya naging Dibisyon ng Ibang mga Wika at Panitikan. Nagsimulang humina ang poder ng panitikan sa KWF nang manungkulang Punong Komisyoner si Nita Buenaobra noong 1999-2006, at nabigong mapunan ang mga bakanteng posisyon, bukod sa walang malinaw na programa hinggil sa panitikan. Noong 2006-2008, nang manungkulan si Punong Komisyoner Ricardo Nolasco sa KWF, isinagawa ang plano ng reorganisasyon batay sa hinihingi ng Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan. Tinanggal ni Punong Komisyoner Nolasco ang panitikan, at pinanatili lamang ang Pagsasaling-wika. Lumitaw na naging makiling ang KWF sa lingguwistika, at dumupok ang pundasyon nito sa pagkawala ng panitikan. Ang panitikan ang sinisikap ngayong ibalik sa administrasyon ni Jose Laderas Santos, bagaman wala pang malinaw na resolusyong inilalabas ang Lupon ng mga Komisyoner.

Makabubuting malaman ng PSWF kahit ang kasalukuyang balangkas ng KWF upang maikawing ito sa hakbanging pananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan. Pananaliksik ang gulugod ng KWF, kung babalikan ang Batas Republika 7104, at kung gayon nga, ang pananaliksik ay dapat tumagos sa lahat ng sangay ng KWF sa mga rehiyon. Ang wika ay magiging limitado ang saklaw kung labis na espesyalisado ang pagdulog—na ikayayamot ng madla—at naipagkakait ang mapambuklod na diwain ng panitikan. Sa pag-aaral ng panitikan at pagsasalin, ang pag-aaral ng wika ay lumalawak, at naiuugnay sa iba pang disiplina. Napag-aaralan din ang wika hindi lamang sa simpleng hinihingi ng gramatika, retorika, at palaugnayan, bagkus maging sa iba’t ibang uri ng pagsusulat na maikakabit sa panitikan.

Mga Nabuong Saliksik

            Kinakailangang gampanan ng KWF ang tungkulin nitong magsagawa ng mga pananaliksik, dahil ang mga ito ang gagamitin ng tanggapan ng Pangulo ng Filipinas o ng kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan sa pagbuo ng mga pambansang patakaran at batas hinggil sa wika. Tanging KWF lamang, sa lahat ng ahensiya o komisyon, ang may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon. Kung walang pananaliksik, hindi makalilikha ng matitibay na rekomendasyon ang KWF sa Pangulo, at kahit sa mga ahensiyang gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA). Nang buuin ang SWP noong 1937, walang inatupag ang mga kasapi nito kundi magsagawa ng mga pagdinig, sarbey, konsultasyon, at pag-aaral kung aling wika ang karapat-dapat maging batayan ng wikang pambansa. Nang manungkulan si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP at LWP noong 1970-1999, ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga pambansang sarbey at saliksik pangwika. Ang resulta ng mga saliksik ay ginawang batayan sa rekomendasyon sa Pangulo, at ginawang patakarang pambansa, gaya ng Patakarang Bilingguwal sa edukasyon, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1973 at 1987.

Sa 71 taon ng pag-iral ng KWF, nakapagsagawa ito ng mga pag-aaral sa wika at panitikan at iba pang larang, at pawang isinaaklat. Kabilang sa mga bokabularyo nitong nalathala ang Akean (Aklanon), Bikol, Cuyunon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Magindanawon, Maranaw, Tausug,  Waray, at Yakan. Bukod pa rito ang mga diksiyonaryong binuo sa mga wikang gaya ng Chavacano, Filipino, Ibanag, Ingles, Kapampangan, Magindanawon, at Samar (Leyte), at sa mga larang na gaya ng batas, hanapbuhay, kalusugan at medisina, kasarian, komunikasyong pangmadla, militar, at iba pa. Kung hindi man bilingguwal ay trilingguwal ang diksiyonaryo. May diksiyonaryo nang natapos sa Pangasinan ngunit hindi pa inilalathala. Lumikha rin ang KWF ng mga manwal, gaya sa Korespondensiya Opisyal, Pagsasalin, at Pormularyong Pambatas, na maaaring paunlarin pa ngayon at sa darating na panahon. Bagaman mapupuwing ang pag-edit ng diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan, makatutulong pa rin ang mga ito sa pangkalahatan sa pagtatala ng mga salita.

Pakikinabangan din ng DepEd at CHED ang mga antolohiya ng KWF, dahil sumasaklaw iyon sa mga epiko, kuwento, alamat, tula, at dula. Kabilang dito ang mga alamat ng Bagobo, Manobo, Molbog, Palawan, at Tarlakenyo; ang mga awiting-bayan ng Panay at Pangasinan; ang mga modernong literatura ng Hiligaynon at Sugbuanon; at ang mga antolohiya ng tula at sanaysay mula sa Timpalak sa Tula at Sanaysay na Talaang Ginto. Sa ngayon ay inihahanda na ang paglalabas ng mga alamat at kuwentong Meranaw, na nasa orihinal na wikang Meranaw at tinumbasan ng modernong salin sa Filipino. Ang mga nasabing koleksiyon ay mayamang malig ng pag-aaral, at kung gagamitin lamang ng bawat PSWF ay maaaring mapaunlad pa ang paraan ng pananaliksik, ang pagdulog sa muling pagsasalaysay, at ang pagsasaayos ng mga ilalahok sa antolohiya, at iba pa.

Mapapansin sa mga gawaing ito na ang tungkulin ng KWF hinggil sa pananaliksik ay hindi lamang para makabuo ng patakarang pangwika. Sangkot din ang KWF sa aktibong produksiyon, pagsasalin, at pagpapalaganap ng panitikang mula sa rehiyon at sa tulong ng PSWF, at ang mga panitikang ito na iniangat sa antas na pambansa ay hinubad ang dating katauhang panrehiyon para matanggap ng buong Filipinas. Kung isasaalang-alang ang penomena na hatid ng komputer, internet, at networking, halos walang hanggahan na ang magtatakda sa kayang ihatid ng wika at panitikang Filipino. Sa mga pook na gaya ng WordPress, ang Tagalog at Filipino ay halos walang ikinatangi sa isa’t isa, maliban sa pangyayaring mas marami ang mga blogistang nasa Tagalog imbes na sa Filipino. Sa ibang social networking site, gaya ng Facebook, Filipino ang taguri sa wika bagaman may tumatawag pa ring Tagalog ito. Upang ganap na mapag-aralan ang wikang Filipino sa internet, isang pag-aaral ng mga kabataang eksperto sa komputer sa UP-Diliman ang lumikha ng Web Crawler para suyurin ang buong cyberspace sa mga salitang Filipino at Tagalog sa loob ng limang taon, at siyang makatutulong sa pagpaplanong pangwika ng kasalukuyang administrasyon.

Sa panig ng PSWF ng Bulakan, makabuting isaalang-alang ang mga pag-aaral na ito. Maaaring lumahok ang PSWF sa mga proyektong pagsasalin, at ang pagsasalin ay mulang mga klasikong banyagang akda tungo sa Filipino. Ngunit bago gawin ito ay kailangang balikan ang mga dating salin, nang maiwasan ang repetisyon at pagsasayang ng pondo. Sa mga eksperto sa komputer ay puwedeng mag-eksperimento ng mga programa para sa pagsasalin at pagbubuo ng database ng mga akdang sinulat ng mga Bulakenyo at hinggil sa Bulakan. Malawak ang posibilidad, at kinakailangan lamang na hanapin ang mga puwang na dapat pag-aralan.

Paraan ng pagdulog

May apat na paraan na maaaring gawin ang PSWF, halimbawa sa Bulakan, hinggil sa mga puwedeng maging tunguhin ng pananaliksik nito. Una, pagtuonan ang Bulakan bilang pook na pagdudukalan ng mga saliksik at maaaring magsimula sa bukal ng impormasyong taglay ng Bulacan State University. Ikalawa, pag-aralan ang mga panitikang isinulat hinggil sa Bulakan, at pawang isinulat ng mga taal na Bulakenyo, ng mga dayong residente at iba pang tao. At ikatlo, pag-aralan ang natatanging anyo ng wika (at diyalekto kung mayroon man) ng buong Bulakan, at itambis o ihambing ito sa iba pang anyo ng Tagalog na lumalaganap sa mga lalawigang Bataan,  Batangas, Laguna, Metro Manila, Nueva Ecija,  Palawan, Quezon, at Rizal. Sa kabilang dako, ang pag-aaral ng Tagalog ay maaaring iugnay sa lumalaganap na Filipino—na nahahaluan ng Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Zambal, at iba pang wika— at dapat alamin kung ano ang linyang humahati sa dalawa kung mayroon man sa konteksto ng Bulakan. At ikaapat, magsikap na maging imbakan ng datos hinggil sa panitikan at wikang Tagalog.

Mahalaga ang mga nalathalang panitikan hinggil sa Bulakan, at maihahalimbawa ang mayamang paggamit ng alusyon dito ni Florentino T. Collantes sa kaniyang mga nobelang gaya ng Barasoain: Baras ng Suwail (1929) at Ang Lumang Simbahan (1928), at mala-epikong Ang Tulisan (1936). Mapag-aaralan din ang mga arketipong ginamit ni Jose Rey Munsayac, halimbawa sa kaniyang nobelang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum (2000); at sa mga tula nina Teo T. Antonio, Lamberto E. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Ariel Dim. Borlongan, at higit sa lahat, Rio Alma na gumamit ng mayamang malig ng Bulakan upang itanghal sa pambansa at pandaigdigang panulaan at nagpayaman sa wikang Filipino sa kabuuan. Kahit ang mga akda ni Francisco Balagtas, na taal sa Bulakan, ay mapag-aaralan sa pamamagitan ng makabagong programang pangkomputer, alinsunod sa testura ng Tagalog nito.

Hindi ko sinasabing sa panitikan lamang mahuhugot ang pag-aaral ng wika ng Tagalog-Bulakan. Bawat lárang sa Bulakan ay bukál ng kaalaman, at maibibilang dito ang mga termino sa pagsasaka, pag-aalahas, pamimista, paglalala, pagbuburo, pagmimina, pangingisda, pagluluto, paghahabi at pagdidisenyo ng damit. Ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, at itala ng mga mananaliksik. Sa pagtatanong sa mga impormante, kinakailangang maturuan ang mga estudyante kung paano pumukol ng tanong, nang hindi nawawala ang pagiging obhetibo sa paksa. Kinakailangang mapag-aralan nang maigi ang pagtiyak sa katumpakan ng mga impormasyong nagmumula sa mga impormanteng galing sa ibaba, at taliwas sa awtoridad na nagmumula lamang sa mga edukado’t maykayang uri. Malaki ang maitutulong sa pag-aaral ng lokal na kasaysayan, gaya ng pinauuso ni Jaime Veneracion, na sumulat ng kasaysayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa datos mula sa iba’t ibang larang, at hindi lamang bumatay sa mga tala ng frayleng Espanyol.

Dahil limitado sa pondo ang PSWF, maaaring ipokus nito ang lakas sa dalawa o tatlong programa lamang, na maaaring kaugnay ng panitikan, leksikograpiya, lingguwistika, at pagsasalin. Halimbawa, puwedeng magtuon sa deskriptibong pananaliksik sa mga nobela ni Bienvenido A. Ramos, at maaari siyang dalawin sa Santo Cristo at doon siya kapanayamin. Sa pag-aaral kay Ramos, maaaring biyakin ang pag-aaral sa pagiging nobelista at kuwentista niya, sa isang panig; at sa pagiging makata, sa kabilang panig. Ang pag-aaral ay maaaring magtuon sa pagiging kawani niya sa Liwayway magasin, hanggang sa pagiging editor nito sa mahabang panahon noong dekada 1980. Magiging madali ang pag-aaral kung susuriin ang kumbensiyon ng mga nobela at kuwentong nalathala sa Liwayway—na ngayon ay nakaimbak sa UP Main Library at donasyon ni Liwayway A. Arceo—at kung paano naglalaro sa parametro nito si Ramos. Maaaring mapansin ang paulit-ulit na hulagway sa kaniyang mga tauhan, ang dahas at ang sex, ang puri at paghihiganti, at ang pagbawi ng dangal. Mapapansin din ang haba ng kaniyang akda ay umaayon sa kayang ibigay ng publikasyon; at ang akda ay maaaring humaba lalo kung iyon ay ituturing na pantimpalak na gaya ng isinasagawa noon ng Sagisag, Talaang Ginto, at Palanca Memorial Awards for Literature. Sa kabilang dako, ang kantitatibong pag-aaral ay maaaring lumitaw sa paggamit ng programang Simple Concordance at Web crawler at mula rito ay masasala ang mga importanteng salitang lumitaw sa kaniyang mga akda.

Maraming mahuhusay na Bulakenyong manunulat, kaya upang magamit nang mahusay ang yaman ay kinakailangang bumuo ng listahan ng priyoridad. Maaaring magsimula sa krokis ng mga pangalan, nang mabatid ang lakas at impluwensiya ng mga makata, nobelista at kuwentista. Sa paggawa ng krokis ay puwedeng lumitaw ang mga nakakaligtaang manunulat, o ang mga di-kanonigong manunulat, at maaaring sumulat ng mga pag-aaral hinggil sa kanila. Mula sa simpleng deskriptibong pananaliksik ay maaaring kumiling sa pagtuklas ng mga di-gaanong kilalang manunulat na nagtataglay ng pambihirang galing at imahinasyon. Isang magandang halimbawa ang ginawang pag-aaral ni Delfin Tolentino na sumulat ng disertasyon sa buhay at akda ni Benigno Ramos, at naglinaw sa ambag nito sa larangan ng panulaang Tagalog.  Makabubuting maipakilala muli ang mga sinaunang akda sa panibagong lente ng pagsusuri; at sa paggamit ng naiibang teorya o pagdulog ay masisiyasat nang maigi ang kasiningan ng kalipunan ng tula o katha.  Upang magawa ito, kinakailangang sumangguni sa mga umiiral na kasaysayang pampanitikan, at pag-aralang maigi ang mga puwang, singit, at lilignan nito, at mula roon ay makabubunsod sa iba pang pag-aaral na maaaring malikhaing rekonstruksiyon ng guniguni ng manunulat.

Kinakailangan kung gayon na maturuan ang mga estudyanteng kawani ng PSWF, kung mayroon man, kung paano maghahanap ng aspili sa tumpok ng mga dayami. Dahil mahirap ito, kinakailangang matuto ang mga estudyanteng magbasa nang may pag-unawa, tuklasin ang anumang pangangailangan, at maglagom ng mga akda sa pinakamaikli ngunit pinakamahusay na paraan. Hindi makatutulong kung gagawa ng shortcut ang isang kawani. Maimumungkahing basahin talaga ang mga aklat, dahil kung hindi’y paano malalaman, halimbawa, ang testura ng Tagalog ng nobela at katha ni Valeriano Hernandez Peña kung ang babasahin lamang ay ang munting lagom na kinuha mula sa isang websayt o blog? Makabubuting mabatid ang mga tumpak na prinsipyo sa mabilis at epektibong pagbabasa, nang sa gayon ay hindi lamang lumalim ang bokabularyo ng mananaliksik bagkus lumawak din ang kaniyang pananaw at imahinasyon hinggil sa buhay. Kulang na kulang sa mga propesyonal na tagalagom [professional synthesizer] ang Filipinas, lalo pagdating sa panitikang Tagalog o Filipino, at maaaring makatulong ang PSWF sa paghubog ng mga kabataang handa sa gayong trabaho.

Isang malaking problemang kinakaharap ngayon ng mga mananaliksik ang tungkol sa pagsasakatuparan ng pag-aaring intelektuwal. Hindi na basta-basta makapagpapaseroks ang isang estudyante nang hindi nagbabayad ng butaw sa Filcols (Filipinas Copyright Licensing Society) para sa reprograpikong karapatan sa isang sipi. Sa mga tekstong hindi na sakop ng karapatang-intelektuwal, dahil sa maaaring paso na ang pag-aari sa isang akda pagkaraan ng pagkamatay ng manunulat at haba ng panahon ng pagkakalimbag, makabubuting ma-scan o maiseroks ang mga ito nang maging tumpak kapag sinipi na. Maraming pagkakamali ang nagaganap sa pagsipi nang pasulat, at sa mga ordinaryong estudyante ay lumulusot ang mga tipograpikong mali. Kaya kahit ang simpleng pagseseroks at pagtatala sa mga ito ay dapat itinuturo nang tumpak.

Tunguhin sa hinaharap

Panimulang pagdulog pa lamang sa pananaliksik ang binanggit ko rito at siyang kaugnay ng pagpapaunlad ng PSWF-Bulakan. Kung seseryohin ng KWF ang balak nitong desentralisasyon ng mga tungkulin nito tungo sa PSWF, ang PSWF ay dapat maihanda tungo sa pagkakaroon ng sariling mga kawaning may taglay na kasanayan at kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng pananaliksik. Ngunit masaklap mang aminin, may pagkukulang ang KWF para sa pagbubuo ng patakaran tungo sa pagpapalakas ng PSWF. Ang PSWF ay kontrolado ng isang tao mula sa KWF; at hindi ko alam kung bakit hangga ngayon ay umiiral ang ganitong kalakaran kahit na paulit-ulit kong puwingin sa mga pulong ng Komisyoner.

Maaaring mahirap makapagrekomenda sa pambansang antas ang PSWF, ngunit kung makagagawa ito ng pangmatagalang pananaliksik na may datíng at makatutulong sa pagbabalangkas ng mga panukalang patakarang maisusumite sa Pangulo ng Filipinas, ay mabuti. Makatutulong ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang akademikong institusyon sa loob ng Bulakan, ang paghingi ng tulong-pananalapi sa pamahalaang panlalawigan at pambayan, at ang paglapit sa mga pambansang ahensiya sa gaya ng NCCA, DepEd, at CHED. Samantala, bago tumanaw sa malayo ay makabubuting tingnan ang PSWF alinsunod sa partikular na bisyon nito at kaugnay ng bisyon ng KWF. Paano gagawing makatotohanan ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987? Paano makagagawa ng panuhay na batas hinggil dito? Mga simpleng tanong ito na masasagot lamang kung magsisimulang magsaliksik ang gaya ng PSWF alinsunod sa hinihingi ng panahon.        

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Bulacan State University, bilang bahagi ng patuluyang seminar ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino-BSU para sa mga estudyante at guro sa Filipino.]   

Pagsunog ng Koran

Binubuhay ni Pastor Terry Jones, pinuno ng munting sekta ng mga Protestante sa Estados Unidos, ang sining ng prehuwisyo at poot laban sa Islam na taliwas sa dapat asahan sa isang alagad ng simbahan. Sa Setyembre 11, nakatakda niyang sunugin ang mga sipi ng Koran sa piling ng kaniyang mga alagad, upang ipagunita ang madugong 9-11 atake ng mga Islamistang rebelde sa Amerika. Marami ang nabulabog sa dogmatikong pahayag ng butihing pastor, na ikinangingitngit ng mga Muslim sa iba’t ibang panig ng daigdig, dahil ang kaniyang pahayag ay sinasaplutan ng pangangatwiran ng pananampalatayang relihiyoso imbes na maging lohiko.

Pinanaig ni Jones ang sukal ng damdamin laban sa itinuturing na sagradong aklat ng mga Muslim na tiyak kong hindi niya nabasa sa kabuuan. At ang Koran, na nagtataglay ng samot-saring pakahulugan, sagisag, at halagahan sa panig ng pangunahing relihiyon sa daigdig, ay yuyurakan sa paraang sinematograpiko upang igiit ang sinaunang krusadang relihiyoso na handang sumabay sa armadong digmaan at pananakop na pawang isinusulong ng Amerika at ng mga alyado nitong bansa sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Pakistan, Palestine, at sa Gitnang Silangan sa kabuuan.

Ngunit sa oras na gawin iyon ni Jones, ang mga salita sa Koran ay lalong magiging eternal at makapangyarihan. Ang Koran ay hindi na lamang magiging newtral na artefakto at malamig na teksto. Ito ay babangon mula sa mga abo, magkakaroon ng bagong anyo, magtitindig ng kontra-diskurso laban sa baryotikong pananaw ni Pastor Jones, at marahil ay makahihimok ng bagong hanay ng mga radikal na deboto upang ipagpatuloy ang pakikibaka para wakasan ang prehuwisyo, katangahan, at kapaluan ng mga Amerikanong hangga ngayon ay bansot mag-isip.

Nakapangingilabot ang pagsulpot ni Jones dahil isinasakatawan niya ang diwain ni Joseph McCarthy na lumilikha ng Kubling Digmaan na sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa relihiyon. Ngunit higit na barbaro bagaman banal itong si Jones, na parang emperador o obispo na handang sunugin ang aklatan at ilibing nang buháy ang mga iskolar ng Islam. Sabihin mang simboliko ang pagsunog ng Koran, ang mismong asal na iyon ay nagpapalaganap ng ultimong karahasan na pangkaisipan at pangkalooban na pawang tumututol kumilala sa pambihirang pananampalataya at paraan ng pamumuhay.

Kailangang iwaksi ang halimbawa ni Pastor Jones.

Nakapagtataka na kahit sa Amerika ay nagaganap pa hangga ngayon ang librisidyo. (Kung ang librisidyo ay tumutukoy sa panununog ng aklat at iba pang kaugnay na babasahin dahil sa pagtutol na moral, politiko, at relihiyoso, ang pagtutol na ito ay dapat ibinabatay ni Pastor Jones sa aral na nakalimbag sa Koran at hindi sa mga lihis na pangangaral ng kung sinong radikal na Islamista.) Ang librisidyo ay ginagawa upang ipataw ang kapangyarihan ng awtoridad sa madla, at imbes na hayaan ang madlang mag-isip ay binabansot ng propaganda ang madla para sumunod sa atas ng awtoridad alinsunod sa paghalukay ng damdamin. Ang pagpapasiklab ng damdamin ang minamabuti ng librisidyo, at ang dapat sanang diskurso hinggil sa isang usapin ay natatabunan ng paninigaw at pang-uusig.

Kahit sabihin pang bulok ang isang aklat o babasahin, hindi mawawakasan ang halina nito sa panununog, gaya sa Sunog sa Moriones noong dekada 1940 na ginawa ng mga panitikerong tutol sa sinauna’t de-kahong pagsusulat sa Tagalog, o kaya’y pagsisiga ng mga aklat at tropeo sa tabi ng Pambansang Aklatan noong dekada 1970 para tutulan ang nakababansot na literaturang pinalulusot umano ng matatandang tinale. Sa panununog ng aklat, nabubura nang pansamantala lamang ang mga salita, ngunit nananatili ang bulok na diwaing maaaring umiral at magsilang ng bagong prehuwisyo kahit sa isip ng mga tao. Ang kinakailangan kung gayon ay paglikha ng sariwang panitikang sumasagot, at sabihin nang nagdudulot ng alternatibong kaisipan kung alternatibo ngang maituturing, sa mga dating inilalathala ng awtoridad.

Ang kailangan ng panahong ito ay mga intelektuwal—imbes na arsonistang pastor at aktibistang utak-pulbura—na handang isatitik ang kanilang karunungan, saliksik at guniguni sa pinakamasining na paraan. Sa unang malas ay mapanganib ang ganitong tindig, dahil sino bang nasa poder ang nais makabangga ang mga intelektuwal na magbubunyag ng kaniyang lihis na pamamalakad? Ngunit kinakailangan ang mga intelektuwal na magpapanukala ng sariwang pagtanaw at pananaw, para ipaliwanag ang mga sinaunang diwaing nangangailangan ng sariwang pagtitig at interogasyon, na makatutulong sa mga tao sa paraang realistiko, pragmatiko, at pilosopiko.

Naganap na ang madugong 9-11, at maaaring maulit pa ito kung hindi mapipigil ang paglaganap ng mga sungayang Pastor Jones na handang maghayag ng ebanghelyo ng poot, prehuwisyo, at katangahan laban sa mga mamamayan ng daigdig.

Dalawang Tula ni Eugenio Montale

salin ng mga tula ni Eugenio Montale mula sa Italyano at ibinatay sa saling-Ingles ni G. Singh
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAGBAGSAK NG HALAGAHAN

Binasa ko ang gradwadong tesis ng estudyante
hinggil sa pagbagsak ng halagahan. Sinumang
bumagsak ay mahihinuhang nasa kaitaasan,
at mahahalata, ngunit sino ang labis na gago?

Wala sa itaas o ibaba ang búhay ng tao,
at wala ring gitna. Hindi nito batid ang itaas
o ang ibaba, ang hungkag o ang ganap,
ang bago magsimula o ang nakalipas. Walang
anumang nalalaman hinggil sa kasalukuyan.

Punitin ang mga pahina, itapon sa imburnal,
huwag kang kumuha ng anumang digri,
at masasabi mo ngayon na namuhay ka
marahil kahit man lang sandali, kahit kisapmata.

MGA SALITA

Kapag napukaw
ang mga salita,
tatanggihan nito ang pinakamarikit
na pook na laan sa kanila,
ang basahang papel mula sa Fabriano,
ang tinta mula sa Tsina, ang pamigkis
na balát o pelus
na nagpapanatili ritong lihim.

Kapag nagising
ang mga salita,
mahihiga ito sa likod ng resibo,
sa mga gilid ng tiket ng lotto,
sa mga kard na pangkasal
o pahatid sa mga pakikiramay.

Walang anumang hinihiling
ang mga salita
nang higit sa pagkakasalabid
ng mga teklado
ng portabol na Olivetti,
sa munting dilim ng mga bulsa
sa pangginaw o sa pusod
ng basurahan; at pinaliit
sa kuyom na pira-pirasong papel.

Nalulungkot
ang mga salita
na palayasin gaya ng mga puta
at tanggapin nang may poot
na mga palakpak at panghihiya.

Naiisin
ng mga salita
ang humimbing sa loob ng bote
kaysa uyamin na binasa, ipinagbili,
pinabango, at pinatulog nang matagal.

Pag-aari ng lahat
ang mga salita, at mabibigo yaong
magtago sa mga diksiyonaryo,
dahil malimit may isang palaboy
na maghahalukay ng pambihira
at pinakamabahong halamang-ugat.

Nawawalan ng pag-asa
ang mga salita
makalipas ang walang hanggang
paghihintay na bigkasin pang minsan
at pagdaka’y yayao sa piling niya
na nag-aangkin, nagmamahal sa kanila.

Silid-aklatan, kuha ni Jon Sullivan.

Silid-aklatan, kuha ni Jon Sullivan. Mula sa public domain photos.com

“Babala sa Mambabasa” ni Robert Bly

Salin ng tulang tuluyan mula sa Ingles ni Robert Bly
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

BABALA SA MAMBABASA

Nagiging bukod-tanging maganda minsan ang mga kamalig kapag naglaho na ang mga trigo at robles, at winawalis ng simoy ang alikabok sa sahig. Masisilayan natin ang paligid, habang nakatayo sa loob,  na naglalagos sa mga guwang ng umurong na dingding na lawanit ang mga hibla ng sinag. Kaya sa tula ng pagkakapiit, nakikita ninuman ang munting liwanag.

Ngunit gaano karaming ibon ang nabitag at namatay sa mga kamalig na ito! Ang ibon, na natatanaw ang kalayaan sa liwanag, ay papagaspas paakyat sa mga dingding at sasalpok at babagsak nang paulit-ulit. Ang tanging daan palabas ay ang landas na pinapasok at nilalabasan ng mga daga; subalit napakababà ng lagusan ng daga sa sahig. Mga manunulat, mag-ingat sa pagpapamalas ng liwanag mula sa mga dingding, ngunit huwag pangakuan ng daan palabás ang mga balisa at ligalig na ibon!

Mag-ingat ka, mambabasa! Ang mga mambabasang nais ang mga tula ng pag-ibig ay maaaring mapaupo sa sulok ng kamalig nang hungkag ang sikmura sa loob ng apat na araw, habang unti-unting nauupos ang liwanag, at marahang nanlalabo ang paningin. . .

Maaaring magwakas sila bilang talaksan ng mga balahibo at bungo sa biyak na kahoy na sahig. . . .

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration

Gawad Nobel

Salin at halaw sa tula ni Boris Pasternak
Salin  at halaw sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Jon Stallworthy at Peter France.

Gawad Nobel

Gaya ng halimaw sa panulat, naibukod ako
Sa aking mga kaibigan, kalayaan, araw,
Ngunit lumulusob ang mga mangangaso.
Wala akong ibang pook na matatakasan.

Maitim na tuod at pasigan ng sanaw,
Bunged ng tumumbang punongkahoy.
Hindi makasusulong, hindi makababalik.
Nasa palad ko ang magiging tadhana.

Ako ba’y isa nang butangero o salarin?
Sa ano’ng krimen ako dapat managot
Para parusahan? Pinaluha ko ang mundo
Sa kariktan ng aking tinubuang bayan.

Nakatapak man sa hukay ang isang paa ko’y
Naniniwala ako na kahit lukob ng gahum
Ng dilim ang kalupitan ay sasapit ang araw
Na madudurog iyon ng diwa ng liwanag.

Lumalapit sa akin ang mga maninila
Na may maling hayop na ibig hulihin.
Wala akong táong kuyom ng kanang kamay,
Walang tao na matapat at makatotohanan.

At habang bigti ng lubid ang aking leeg,
Ibig kong kahit man lamang sa isang saglit
Ay pahirin nang ganap ang aking mga luha
Ng sinumang nasa aking kanang kamay.

Gabi ng Gawad Palanca 2009

Nakalulugod at umaani ngayon ang Gawad Palanca ng mga bagong bunga ng panitikang Filipinas. Ang pagsibol ng mga tinig sa panitikan ay senyales na nagtutuloy at sumisigla ang pagtangkilik sa tula, katha, at dula, at kung gaano man katatag at kahusay ang mga akda ay mababatid sa mga darating na araw.

Binabati ko ang mga nagwagi, at kabilang na rito ang mga pamilyar na pangalan na gaya nina Reuel Molina Aguila, Michael Coroza, Genaro Gojo Cruz, Reynaldo Duque, Eugene Evasco, Jerry Gracio, Alwynn Javier,  Luis Katigbak, Domingo Landicho, Jing Panganiban-Mendoza, Jimmuel Naval, Erlinda Panlilio, Frank Penones, Floy Quintos, Jesus Manuel Santiago, Ariel Tabag, at Rodolfo Vera.

Ngunit sa aking palagay ay dapat nang abangan ang mga kabataang gaya nina Mark Cayanan, Vincenz Serrano, Charles Tuvilla, at Eliza Victoria. May iba pang manunulat na bago sa aking pandinig, at mababasa sa listahan ng mga nagwagi, ngunit marahil ay higit na nagtataglay ng galing ang kanilang panulat at siyang dapat tuklasin ng lahat.

Mahalaga ang Gawad Palanca, ani Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera na siyang panauhing pandangal, dahil ang pagpaparangal sa mga nagwagi ay walang bahid ng politika. May prosesong sinusunod ang mga hurado, at ang mga huradong ito ay nagtatalo-talo nang mainit hinggil sa husay at kasiningan ng pagkakasulat ng mga akda. Walang kapangyarihang makialam ang mga taga-Palanca sa mga magwawagi, na salungat sa panghihimasok na ginawa ng pangulo sa pamimili ng magiging Pambansang Alagad ng Sining.

Ang problema ngayon ay dadalawang beses na lamang nagtatagpo ang mga hurado sa bawat kategoriya, imbes na tatlo gaya noong nakalipas na mga taon. Ang ganitong kaikling panahon ay dapat ibalik sa tatlo. Hindi maiiwasan kung gayon na makaligtaan ang pagtitiyak kung ang ilang akda ay nanggaya lamang ba o nangopya ng akda ng iba at ipinalabas na sa kaniya. O kung dapat repasuhin muli ang isa o dalawang lahok dahil nagtataglay ng pambihirang kinang.

Malaki ang responsabilidad ng mga hurado dahil nakataya rin ang kani-kaniyang pangalan sa paghuhusga ng mga akda. Kaya sa pagsisimula pa lamang ng pagpupulong, karaniwang pinagkakaisahan ng lupon kung ano ang magiging pamantayan ng pamimili, at mula rito ay maaaring bumunsod palayo ang mga hurado na magagabayan ng ilang puntos. Nagkaroon lamang ng alingasngas sa Palanca ngayong taon, kung alingasngas ngang matatawag, dahil may nakasilip sa mga networking site hinggil sa estado ng pamimili ng ilang hurado.

Ipinaabot sa akin ang balitang ito, at nanahimik na lamang ako. Ang balita ko’y may sumulat sa pamunuan ng Palanca hinggil sa naturang banayad na pagpaparamdam ng ilang hurado. Ano ang mapupulot na leksiyon dito? Kung maging hurado ka man sa Palanca ay dapat kang matutong magtikom ng bibig. Sakali ma’t may lumabas na pangalan ng mga nagwagi, marahil ay nagmula na ito sa hanay ng mga mismong nagwagi na natural lamang na ipagmagara ang kanilang tagumpay sa mga kaibigan. Ngunit uulitin ko, hindi dapat magmula ang ingay sa panig ng mga hurado.

Isang bagay lamang ito na mapalalampas. Habang tumatagay kami ng Johnny Walker nina Rayvi Sunico at Krip Yuson, aba’y gumaan ang aking pakiramdam lalo’t nasaksihan ng lahat ang pagtatanghal ng dalawang tsikiting na maririkit sa entablado. Hindi ko matandaan ang mga pangalan ng dalawang bata, ngunit ang husay nila sa pagbigkas at pagtatanghal ng mga tula ay lalong nagparikit sa gabi ng Gawad Palanca.

Tula bilang Asignatura at Protesta

Isang natutuhan ko sa tula bilang asignatura sa elementarya ay kailangan mo itong isaulo at bigkasin nang malakas, at lapatan ang tula ng angkop na kumpas, anyo, at arte na parang nag-aawdisyon ka sa pelikula kahit hindi mo ganap nauunawaan ang tula. Ipinagagawa sa amin ito ng aming guro sa elementarya, dangan lamang at pulos Ingles na tula ang pinipiling bigkasin, gaya ng mga tula nina Walt Whitman at William Shakespeare.

Magbabago lamang ang ihip kapag Linggo ng Wika (na ngayon ay Buwan ng Wika), at ang mga estudyante ay magpapaligsahan sa pagbigkas o pagsasadula ng tula sa Filipino [“Pilipino” pa noon ang baybay], na kung hindi ginagaya ang tono ng Jose Corazon de Jesus ay sumusunod wari sa nakabubuwisit na tono ni Marc Logan.

Magandang ehersisyo ang pagsasaulo ng tula. Sa gayong paraan, ang sinumang bata ay mapipilitang unawain kung ano ang nilalaman ng tula, at kung paano bibigkasin ang mga salita mulang marahan at mabilis hanggang malumi at maragsa, o kaya’y kung paano ang tamang putol ng mga parirala at pangungusap. Nahuhutok din ang bata na gamitin ang kaniyang memorya at guniguni, na pawang mahalaga upang maisapuso ang mga halagahang nais itampok ng tula.

May panganib din sa pagkakabesa ng tula, lalo kung ang tula ay pangit at kulang sa sining ang pagkakasulat. Ito ay dahil maisasaloob ng bata kahit ang mabababang uri ng sensibilidad ng pagkatha, at maaaring gayahin din niya ang maling ehemplo na kaniyang kinabesa. Sa kabilang dako, ang mga tulang pumasa sa mataas na uri ng sining ng pagkatha ay makatutulong nang malaki sa bata hindi lamang sa halagahang nais itampok ng tula bagkus kahit sa paghubog ng matalas na pag-iisip, masinop na pagkatha, at maselang panlasa sa panitikan.

Nag-iiba na ang panahon ngayon. Ang tula ay hindi na lamang binibigkas nang malakas sa entablado, at sinasaliwan kung minsan ng gitara o piyano. Ang tula ngayon ay sinusubok ng ilang kabataan na saliwan ng banda—na kayang maglaro mulang rock at jazz hanggang pop at reggae. Ang tula ay naglalaro sa musika, at kung minsan, natatabunan ng musika ang tula habang walang pakundangang ibinubulalas ng kabataan ang kaniyang hinagpis, gaya ng emo, sa daigdig.

Kaya nakaaaliw na ang pakikinig sa tula, lalo sa Filipino. Sa ibang pagkakataon, ang tula ay itinatanghal nang nakarekord sa CD, samantalang ang makata ay nasa panig ng manonood na humahagikgik. May ibang nagtatanghal ng tula na kung hindi naghuhubad ay lumulundag sa entablado, at malas ang mga manonood na kailangang saluhin ang nagwawalang makata. May iba namang lumilikha ng mala-MTV video na kaugnay ng tula, at kung mahaba-haba ang iyong pasensiya ay makapapanood ka ng kisapmatang pelikulang eksperimental na kung hindi madugo at humahangga sa kalibugan o kabaliwan.

Kung sa ibang makata’y ang tula ay walang silbi kundi ang mismong pag-iral nito (na waring gumagagad sa pahayag sa sining ni Jose Garcia Villa), o kaya’y naggigiit ng indibidwalistang identidad (gaya ng tindig ng kaakuhan ni Alejandro G. Abadilla), ang tula ay nagbabalik ngayon na instrumento ng layuning pampolitika upang maisulong ang simulain ng isang pangkat, gaya ng ginawa noon ng mga Katipunero. Ang tula ng protesta noong dekada 1960–1970 na aabot sa sukdol noong 1980–1990 ay lumiliwayway muli ngayon sa gitna ng mga digmaan at paghihimagsik na may kaugnayan sa kabansaan, kasarinlan, kalayaan, at katarungan ng mga mamamayang binubusabos sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Ngunit huwag isiping noong dekada 1960 lamang nagsimula ang tula ng protesta sa Filipinas. Ang tula ng paghihimagsik ay kinasangkapan ng mga Filipino sa pagtuligsa sa pananakop ng Espanya, Estados Unidos, at Hapón sa Filipinas, at naging epektibong tagapag-ugnay sa mga tao ng kapuluan.

Malaki ang hamon sa kasalukuyang henerasyon kung paano palalaganapin ang tula. Maaaring ang mga estudyante ngayon ay nagkukusa nang gumawa ng maikling video na tinatampukan ng tula, gaya ng ginagawa ng mga Palestino, at ito ang pangkatang proyektong ipinalalabas sa kanilang paaralan. Maaaring ang iba’y magsasadula ng sabayang pagbigkas, ngunit ang pagbigkas ay lumalampas kung hindi man lumilibak sa sinaunang paraan ng pagbigkas na patuloy na kinababaliwan ni Marc Logan. Maaaring ang ibang mag-aaral ay hindi na lamang makukuntento sa pagkabesa ng tula ng ibang makata, bagkus nagsisikap ding sumulat nang matino at higit sa kayang isulat ng kanilang guro o administrador ng paaralan.

Ang tula bilang asignatura ay hindi kinakailangang nakababato o linyado, gaya noong sinaunang panahon. Ngunit upang magawa ito, kinakailangan ang malalim na pagkaunawa sa simula at kasaysayan ng panitikang pambansa, gaya ng malimit ihayag ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Ang hamon ay umaalingawngaw hindi lamang sa hanay ng mga akademiko bagkus maging sa madla, kritiko, at manunulat. Hindi kinakailangang maging loro ang mga bata, at ipagmalaking alter-ego ng mga makatang Amerikano at Ingles. Makabubuti kung magagabayan ang mga bata na matuklasan ang henyo ng sariling panitikan at wika nila, at maaaring simulan ang lahat sa pagbubuklat ng aklat na may kaugnayan sa ating panitikan.

Tampok na Tula at Video
Mapapansin sa videong ito kung paano inilalangkap ang tula sa musika at hulagway ng pag-aaklas. Ang ganitong video ay nangangailangan ng sapat na plano, paglalapat, at pagsisinop [editing]. Hindi ko sinasabing gayahin ang videong ito, ngunit may mga aral na mapupulot hinggil sa pagbubuo nito na makatutulong sa mga estudyanteng Filipino. Pinili ko ito dahil sa napapanahon ang paksa, at kung paanong ang tula ay higit na nagiging epektibo kung bibigkasin nang tumpak alinsunod sa bilis at putol ng mga linya, at alinsunod sa agos ng mga larawan at tagpo.

Pasig sa Pananaw ni Lope K. Santos

Naisipan kong maghalungkat ng mga lumang papeles at natagpuan ko itong si Lope K. Santos (1879–1963). Si Santos, na isa sa mga dakilang tao na maipagmamalaki ng Pasig, ay mahusay na makata, nobelista, kritiko, sanaysayista, editor, dalubwika, organisador, at peryodista. Bukod dito’y naging gobernador din siya ng lalawigang Rizal (1910–1913) noong ang Pasig ay hindi pa kabilang sa Metro Manila. Pagkaraan, nahirang siyang senador ng ikalabindalawang distrito, at umakda ng mga batas na nagpapahusay sa kalagayan ng mga manggagawa.

Masinop si Santos sa wika at sa pagkasangkapan ng mga talinghaga. Kahit ang simpleng tula hinggil sa kaniyang bayan ay nalalangkapan ng pagbabalik sa kasaysayang mahirap matagpuan sa kanonigong kasaysayang malaganap sa bansa. Heto ang isang halimbawang tulang pinamagatang “Pasig” (1930) na naglalangkap ng alamat, kasaysayan, pag-iral, at pangarap upang ang kinabukasan ay maging maaliwalas para sa lahat ng Pasigenyo:

PASIG

1 Aywan ko kung ikaw’y sa bundok na anak,
o kung bumukal ka sa tiyan ng dagat;
pagka’t sa lagay mong mababang-mataas
atubili ako kung saan ka buhat;
marahil bunga ka nang mag-isang-palad
ang Dagat na tabang at Bundok ng ulap
kaya’t sa kanila’y namana mo’t sukat
ang yaman ng laot at yaman ng gubat.

9 Tila Diwata kang galing Pamitina’y
nanaog at nupo sa may Kapasigan;
liwayway ang buhok, ang ulo’y Santulan,
ang mahabang Ugong ay bisig na kana’t
bisig na kaliwa ang Pinagbuhatan.
Malapad-na-Bato ang isang paanan,
saka ang isa pa ay Wawang-Napindan:
magtatampisaw ka sa Buting at Bambang.

17 Ang kasaysayan mo’y pangalan mo na ri’t
nasa pamagat mo ang iyng tungkulin;
habang panahon kang bantay ay baybayin
sa gaslaw ng tubig at sumpong ng hangin;
may bisig kang bato’t may paang buhangin,
may mukha’t katawang langit ng pananim;
hinga mo’y amihan, ulan ang inumin,
at gatas ng lupa ang iyong pagkain.

25 Nguni, tumindig ka, matandang Diwata’t
magmalikmata kang bumalik sa bata;
sa pagkalupagi’y lalo kang hihina’t
laging sa Panahong mapagsasagasa;
Sa Silanga’y muling iharap ang mukha’t
sumahod sa Araw ng diwang sariwa;
ikaw’y marami pang tungkuling dakilang
sukat kapiktan mo nang di-nagagawa.

33 Dalawampu’t anim ang bayan mong anak,
tatlong daan nayon ang apo mong ingat;
sinasagutan mo ang kanilang palad,
pagka’t ikaw’y siyang magulang ng lahat;
kung ikaw ang unang hihina-hinamad
at sa pagkaupo’y bahagyang titinag. . .
ang nasasakop mong kabunduka’t dagat
balang araw’y siyang sa iyo’y lilimas.

41 Hindi na panahon ng pag-aantabay
sa dating ng mga kusang kapalaran;
ang mga himala’y huwag mong asaha’t
dina nakukuha ang buhay sa dasal;
ang awa ng Poo’y wala sa simbahan,
kundi nasa bukid, ilog, pamilihan,
sa tulo ng pawis at ulong may ilaw. . .
Sawa na ang Diyos sa mga batugan!

Isinulat ni Santos ang tula noong kapanganakan ni Francisco Balagtas, Abril 2. Binubuo ng anim na saknong ang tula, at bawat saknong ay may walong taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma. Ang unang saknong ay hinggil sa maalamat na pagtatalik ng lawa ng Laguna at kabundukan ng Rizal, na ang supling ay Pasig. Lumulusog umano noon ang Pasig sa tubig-tabang na mulang ilog hanggang lawa (na pawang tumutulong sa pagsasaka) at sa karatig nitong mga bundok na mapagkukunan ng mga aning pananim, prutas, at halamang-ugat.

Ang ikalawang saknong naman ay paghahalintulad sa isang diwata, na ang katangian ay hango sa taglay ng iba’t ibang lugar, gaya ng Bambang, Buting, Malapad na Bato, Pinagbuhatan, Santulan, Ugong, at Wawang-Napindan. Ang nasabing diwata ay tila nagmula sa Pamitinan (Montalban, Rizal) na naging makasaysayan noong himagsikan laban sa mga Kastila nang ihayag ng Katipunan ang paghihimagsik at pagsasandugo ng mga Katipunero. Susuhayahan ng ikatlong saknong ang ikalawa, na ang bawat pangalan ng pook ay isa nang kasaysayan at pinagpapala ng magandang klima, lupain, at tubigan.

Kaugnay nito, humihimok ang personang nagsasalita sa tula na huwag pumanatag sa gayong kalagayan. Marami pa umanong dapat gawin at asikasuhin. Hindi dapat maging kampante at tatamad-tamad. Kaya sa pangwakas na saknong, humihimok ang tulang iwaksi sa isip ang laging paghihintay. Huwag umano umasa sa dasal. Ang poon ay wala sa simbahan kundi nasa bukid, ilog, at pamilihan na pawang kumukupkop sa mga tao na nagsisikap at nagpapagal upang makaraos sa paghihirap. Ang ganitong linya ng panghihimok ay mahihinuhang hango sa mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nananawagan sa mga kapuwa Tagalog na umasa sa sariling sikap at hindi sa ipinangangakong langit na walang katiyakan kung kailan matutupad.

Nagkatotoo na ang tulang ito ni Santos. Ang Lungsod Pasig, na pinangangasiwaan ngayon ni Alkalde Bobby Eusebio, ay malaki na ang ipinagbago kaysa noong nakaraang panahon. Maayos ang mga pagawaing-bayan sa lungsod, mabilis ang serbisyo ng pamahalaang lokal, malilinis ang kalye, naisaayos ang palengke at iba pang impraestruktura, at sumisigla ang samot-saring negosyo, bagaman mapupuwing ang tumitinding trapiko ng mga sasakyan dahil binuksan sa apat na panig ang Pasig. Maaaring simula ito ng bagong mukha ng Pasig. Ang Pasig na lunggati ni Santos ay maaaring nagkakabuto’t laman sa ilalim ng pamamahala ni Eusebio, at tanging ang taumbayan ang makapagsasabi kung nagtagumpay o nagkulang ang nasabing alkalde.

Samantala, nagtataka lamang ako kung bakit hangga ngayon ay walang pagpapahalaga kay Santos lalo sa mga paaralang nakapaloob sa Pasig. Panahon na para muling pahalagahan si Lope K. Santos at angkinin ng mga taga-Pasig, at maaaring simulan ito kahit sa pagtataguyod ng mga silid-aklatang nakatatak ang kaniyang maningning na pangalan.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers