Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Komunikasyon at Pagsagap sa Pahiwatig

Hindi nakapagtataka kung inuulan ng batikos kahit ang ngiwi ng ating Pangulo nang maghayag ito ng saloobin hinggil sa trahedya sa Maynila. Bagaman walang intensiyon si Pang. Noynoy Aquino na makapanakit sa damdamin ng mga kaanak ng nasawi sa pamimihag ay di-naiwasang basahin ang kaniyang pahiwatig sa negatibong paraan. Bahagi ng komunikasyon ng mga Filipino (at marahil ng mga Tsino) ang pahiwatig na taglay ng salita at ang angkop na kilos na kaugnay nito. Ito ay dahil ang pakikipag-usap ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang konsepto ng “kapuwa” na ang kausap na tao ay kabahagi ng katauhan ng nagsasalita. Hindi maaari sa Filipino na daanin lamang sa tahasang pagsasalita ang nais iparating sa iba na parang ang kausap ay malamig na bagay.

Halimbawa, ang paghingi ng paumanhin ay hindi basta pagpapaabot ng iniisip o niloloob sa pabigkas o pasulat na pamamaraan, bagkus tumitindi o humihina alinsunod sa kislot ng kilay at labi, o paglaki ng mata o paglobo ng ilong, na sinasabayan ng kumpas ng kamay o ibang galaw ng katawan. Kung minsan, kinakailangan ang tagapamagitan (na higit na kilala bilang padrino) para mapaglapit ang kalooban ng dalawang panig na nagkaroon ng alitan at di-pagkakaunawaan. Bakit nagkaganito? Dahil ang komunikasyon ng mga Filipino ay mataas at malalim ang paghihiwatigan. Ang nagsasalita at ang kausap nito ay itinuturing na may matalik na ugnayang higit sa maitatakda ng uring panlipunan, kulay ng balat, at paniniwala sa buhay.

Sa pagbasa ng mga pangyayari, maisasaalang-alang ang dalawang paraan. Una, ang pananaw ng pamahalaan na umaalam sa puno’t dulo ng pamimihag at ang mga naganap na pagkilos para supilin iyon. Sa yugtong ito, maaaring tingnan ang pamimihag sa punto ng naburyong na dating pulis na si Rolando Mendoza; sa ginawang pagsalakay sa bus para saklolohan ang mga bihag na Tsino, at iba pang pangyayaring sumibol matapos ang pamimihag. Ikalawa, ang pananaw ng mga nakasaksi sa trahedya, maging iyon ay sa telebisyon o sa tunay na buhay. Sa pananaw ng karaniwang saksi na bumabasa ng mga nasasagap na pangyayari sa midya, ang mga pahiwatig ay nakabuhol sa karanasan ng tao na masisipat sa kapuwa pansarili at panlipunang anggulo.

Ang “Trahedya sa Maynila” (na ginaganapan ni Mendoza, ng mga turistang bihag, ng mga sumaklolong pulis, ng mga mamamahayag at miron, ng mga opisyal ng pamahalaan ng kapuwa Filipinas at Hong Kong, at iba pa) ay maaaring basahin sa apat na antas. Una, ang sumasagap ng balita ay maaaring walang pakialam o pasibo bukod sa salát sa karanasan upang maunawaan ang puno’t dulo ng mga naganap. Ikalawa, ang sumasagap ng balita ay nahahatak sa madamdaming tagpo na kaniyang narinig, nakita, o nabasa hinggil sa pagkamatay ng mga turista, at kung gayon ay higit na pinananaig ang damdaming gaya ng poot at hilakbot, kaysa matuwid na pag-iisip. Ikatlo, ang sumasagap ng balita ay ibinabatay ang kaalaman sa mapagsiyasat na gawi hinggil doon. At ikapat, ang ganap, malinaw, at makatotohanang balita ay ibinabatay ng sumasagap sa resulta ng mga pagsusuring ginawa ng mga tao na may kakayahan at karanasan sa gawaing iyon.

Mabigat kung gayon ang pag-alam sa Trahedya. Ang kahulugan ng trahedya ay hindi na lamang mauugat sa pangyayaring sinibak si Mendoza dahil sa mga maling paratang na ikinaso sa kaniya at sa kaniyang mga tauhan. Ang kahulugan ng trahedya ay isa ring epekto na kailangang danasin, matapos mailibing ang mga nasawi, maparusahan ang mga opisyal na nagpabaya sa tungkulin, at mawakasan ang malalimang imbestigasyon at pagsusuri ng mga eksperto at pulis at mediko. Kung sisipatin ang madamdaming protesta sa Hong Kong, sa cyberspace, at sa mga pahayagan sa iba’t ibang dako ng daigdig, ang Trahedya sa Maynila ay kumakatawan sa posibleng bunga na matatamo sa proseso ng pag-alam sa balita, opinyon, at panitikan.

Uica nang Pang-ulo ocol sa Cigarillo

UICA NANG PANG-ULO OCOL SA CIGARILLO

Cigarillo, bucor sa yba pang vicio gaia nang alac, sug-al, at libog, ang cahohomaling-an nang sino man tauo, ano man ang caniyang profesión at estado sa liponan at oring pinagmolan. Cigarillo ang nagpapa-calmar nang calamnan, nguni pumupucaw sa ysip at nagpapa-bilis nang tibuc nang puso, at aacala-yin nang homi-hitit na gomagaan ang caniyang lacar sa paliguid na maolap. Cigarillo ang sini-sisi sa malo-lobhang saquit, at ma,i, cientifico na batay-an ang manga medico; gay-on man, ang nan-ci-cigarillo,i, hindi alintana ang posible na taglay-in na saquit bagcos ang pang-samantala na guinhawa na mayidodolot nang nicotina sa marahan na pagpapatiuacal.

Ano ang samâ cun man-cigarillo cun yto,i, macato-tolong sa pagcayor para mapaboti ang tacbo nang bayan? Hindi aco nag-nacaw ni nan-coraquot. Hindi nag-nasa sa cat-awan nang babayi para yraos ang longcot o sama nang loob. Hindi aco nang-api nang manga tauo-han o magsasaca sa amin hacienda. Naguing maboti acon anac at uliran na mamamayan. Cun magpa-osoc man aco,i, lomalabas aco nang silir at sa cun saan soloc maglo-lostay nang tabaco na ang halimoyac a,i, cababaliw-an  co. Cigarillo laman ang tangi na nati-tira cong calugor-an na nagpapa-tino sa aquin haban toma-tambac ang papeles at cayilangan con taposin ang trabajo at ano mang oficio.

Salamat nang ualang hoyang, at nag-aalaala cayo. Ynaalala niño ang aquing calusog-an. Catolar cayo nang pang-ulo nang Estados Unidos na bom-ati sa aquin at nag-biro, “Pañero, ytiguil mo na ang vicio.” Pero haban nag-oosap cami sa telefono, nariringig co sa cabila na leña ang hitit-boga niya sa Marlboro. Magtatauahan marahil cami cun magcaharap, magbi-bilang cun ilan neuron ang natitira sa otac, at cun gaano ang nayidagdag na carbon sa paliguir, at sa tabi nang malaquing cenicero ay magpipitik nang abo at magbibilang nang upos. Matatacpan cami nang ulop nang nicotina, at mola doon ay palihim cami na magpapalit-an nang pay-o cun paano mapaririquit ang dayigdig na yto.

Houag cayo na magmadali. Matatanggal co rin yto. Dangan laman at vaca ma-hospital aco capag biglaan hominto. Tiyac na lalacas acon cumain, at tataba. Vaca po magcaroon aco nang alta presión sa bigat nang problema nang bansa, at ataque-hin sa puso sa labis na pagsisicap na pagsilbi-han ang lahat, lalo ang manga ducha at sauimpalar. Catolar cayo nang aquing casintahang may bayit, at dayig ang aquing medico cun mag-litanía nang pay-o at habilin. Magsisimola acon mag-ejercicio sa tolong nang aquing pamangquin at bay-aw, at cun hindi magtagompay, magpapa-tanggal nang bilbil sa baywang, magpapa-laguay nang lason sa noo,  at cajit hindi mayiyiuasan a,i, magpapacalbo, ano man ang maboting pay-o ni Doctora Velo.

Houag pong ysipin na aco,i, marahang nagpapacam-atay. Yto laman ang aquin casalanan, at nawa,i, yño namang pagbigay-an.

“Uica nang Pang-ulo ocol sa Cigarillo,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 11 Hunyo 2010.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

Pabula sa Tag-araw

Napagawî ang tagák doon sa dalísay na sapà. Naákit siyáng tumítig sa túbig, at nakíta niyá ang saríli bílang nápakágandáng babáe sa daigdíg. “Anung hiwagà!” wikà ng tagák. “Walâ nang hihigít pa sa áking maputîng anyô!”

Mayâ-mayâ’y kumilapsáw ang tubig. At humalakhák ang sapà habang nanánalamín doón ang naligáw na íbon. “Bakit ka túmatáwa, butihing sapà?” usisà ng tagák.

Umismíd ang sapà, hábang hinuhugásan sa saluysóy ang mga paá ng tagák. “Nang tumítig ka sa ákin,” sambít ng sapà, “nakíta ko sa iyó ang áking kapalaran.”

“Ngúnit hindi akó pithó ng daigdíg!” salág na tugón ng tagák. “Walâ akóng kapángyaríhan úpang magbunyág ng hináharáp!”

“Ang nakikíta ko sa mga matá mo’y hindî ang tagák na tinitigháw ang úhaw sa tubigan,” tugón ng sapà. “Kundî ang mahiwagàng babáeng mágsisílang sa tag-aráw!” At mulîng napáhalakák ang sapà, na warìng inuúyam ang íbon.

Nagúlat ang tagák sa winikâ ng túbig. At mayâ-mayâ pa’y pumagaspás ito nang mángalísag ang balahíbo, at lumipád palayô sa sapà, hábang sinisíkap takásan ang bágong kabatíran.

Kinábukásan, natuyô ang sapà sa kung anóng dahilán. Bumángon sa mga bató ang isáng lastág na binibíni, at lumákad nang pasúray-súray hábang bumúbulóng ng “Pedro. . . Pedro!” bago pumaloób nang tahímik sa mga salitâng itó.

“Pabula sa Tag-araw,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo at hinalaw mula sa isang sinaunang kuwentong Tsino.
Tagak, kuha ni Jon Sullivan

Tagak, kuha ni Jon Sullivan at hinango mula sa artsibo ng public domain photos.com

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.

Dalawang Talinghaga ni Hermann Hesse

salin ng dalawang tula ni Hermann Hesse
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAPAG WALA KA

Nakatitig sa akin ang unan ko tuwing gabi,
Hungkag gaya ng lapida;
Hindi ko akalaing magiging napakapait
Ang mag-isa, at matulog
Nang hindi nakasapin ang iyong buhok.

Mag-isa akong nahihiga sa tahimik na bahay,
Pumupusikit ang nakabiting lampara,
At marahang iuunat ang mga kamay
Upang kipilin ang iyong palad,
At banayad na dampian ng mainit na labi
Palapit sa iyo, at hagkan ang sarili, nang pagal
Pagdaka’y bigla akong magigising
At nanunuot ang lamig ng gabi sa paligid.
Malinaw na kikislap ang bituin sa bintana—
Nahan ang iyong ginintuang buhok?
Nahan ang iyong matamis na bibig?

Nilalagok ko ngayon ang kirot sa bawat lugod
At ninanamnam ang lason sa bawat alak;
Hindi ko alam na magiging ganito kapait
Ang mag-isa,
At mag-isa, nang napakalayo sa iyong piling.

SA PAGLALAKBAY

Huwag malungkot, at sasapit din ang takipsilim
Na matatanaw natin ang lihim na halakhak
Ng buwan sa pusikit, liblib na nayon,
At mamamahinga tayo nang magkahawak-kamay.

Huwag malungkot, darating ang panahon
Na tayo’y makapagpapahinga. Maititirik
Nang sabay ang mga krus natin sa maliwanag
Na lansangan, at bubuhos ang ulan, uulan
Ng niyebe, at magpapabalik-balik ang hangin.

Paghihintay

Larawan mula sa http://www.photos8.com.

Tigre sa Kahuyan

TIGRE SA KAHUYAN

Naaamoy ng mga asong-gubat ang iyong tagumpay. Susundan nila ang patak ng mga dugo mula sa hila-hila mong usa o kambing, hanggang matuklasan ang iyong kinaroroonan. Titingalain nila ang iyong tropeo na nakasabit sa matitigas na sanga, at maglalaway saka mag-aagawan sa pira-pirasong karne na mahuhulog habang nilalapa mo ang tanghalian. Makisig at mabilis, aatungal ka upang itaboy ang mga pesteng palaboy. Pupukulin mo sila ng titig na nang-uuyam, at sasagot sila sa mga tahol na nangangatal. Tatangayin ng simoy ang lansa ng pagpaslang, at maya-maya’y aali-aligid sa himpapawid ang mga buwitre, samantalang tatanghod ang mga daga sa ibaba. . . .

Nagugutom ang mga supling ng kagubatan, at ito ang balitang nasasagap ng pandinig ng lupain. Ngunit kaya mong magwagi sa gitna ng mga tagsalat; at sa kabila ng tag-init ay nakasasakmal ka pa ng kalabaw na bumabagal sa pagtakas sa kamatayan sanhi ng labis na katabaan o katandaan. Nakapagtipon ka ng mga medalyang kalansay, at ibinalato sa mga kapos-palad na nilalang. Ngayong namamahinga ka sa tabi ng bagong bangkay, at umiinit ang katawan sa libog, binibingi ka naman ng mga tsismosang langaw at lamok—na waring ibig litisin ka sa moralidad ng pagtikim ng dugo at lamán.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Disyembre 2009.

Tigre, larawan mula sa photos8.com

Sumpa ng Anito

Sumpa ng Anito

Iwan ako at pagbukas ng pinto ay sasalubong ang baha.
Iwan ako at paglakad sa kanto ay mabibiyak ang lupa.
Iwan ako at pagsilip sa guho ay sasagitsit ang kidlat.
Iwan ako at pagtili sa bato ay mapopoot ang simoy.
Iwan ako at pagtutop sa noo ay lalagablab ang apoy.
Iwan ako at katwiran ang paglitaw ng mga peste’t sibat
Upang ipagunita ang paghihiwalay, isang tanghaling-tapat.

Larawang kuha ni Shubert Ciencia

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers