Tatlong Tula ni Rolf Jacobsen

Tatlong tula ni Rolf Jacobsen mula sa orihinal na Norwego
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa saling-Ingles nina Robert Bly at Robert Hedin

Anghel dela Guwardiya

Ako ang ibong kumakampay sa bintana mo tuwing umaga,
ang pinakamatalik na kaibigang mahirap mong mabatid,
ang kumpol ng mga bulaklak na sumisiklab para sa bulag.

Ako ang glasyar na nagniningning sa kahuyan, napakaputla,
at humuhugong na tinig mula sa kampanaryo ng katedral.
Ang diwaing pumapasok sa iyong isip sa tanghaling-tapat,
at nagdudulot sa iyo ng pambihira’t umaapaw na galak.

Ako ang inibig mo nang napakahabang panahon.
Lumalakad ako kasabay mo at matiim na nakatitig sa iyo,
idinadampi nang mataos ang mga labì sa iyong puso
bagaman ni katiting ay wala kang kamalay-malay.

Ako ang iyong ikatlong bisig, ang ikalawang anino,
ang puting hulagway na hindi mo matatanggap,
at ang kabiyak na hindi ka iwawaglit kailanman sa ulirat.

"Pagluluksa kay Icarus" ni Henry James Draper

"Pagluluksa kay Icarus," pintura ni Henry James Draper

Buwan at Mansanas

Kapag yumabong ang punong mansanas,
malimit sumapit ang buwan gaya ng bulaklak,
maputla kaysa alinmang alimbukad,
nagniningning sa ibabaw ng punongkahoy.

Ito ang multo ng tag-araw,
ang puting kapatid ng mga bulaklak na nagbabalik
upang dalawin tayo,
at nagpapalaganap ng kapayapaan mula sa palad
upang hindi ka malungkot kapag may tagsalat.
Dahil ang Daigdig ay bulaklak, aniya,
sa bituing punongkahoy,
maputla na may kumikinang na dagat ng mga dahon.

Kapag sila’y humimbing

Lahat ng tao ay bata kapag nakatulog.
Walang digmaan sa hanay nila.
Ibinubukas nila ang mga palad at humihinga
sa tahimik na indayog na handog ng langit sa kanila.

Ngumingiwi sila gaya ng mga paslit na bata
at ibinubuka nang kalahati ang mga kamay,
maging kawal at estadista, alipin at panginoon.
Nagtatanod ang laksa-laksang bituin
at ang ulop ay tumatakip sa himpapawid
sa sandaling walang sinumang sa kanila’y mananakit.

Kung makapangungusap lamang tayo sa isa’t isa,
kapag ang mga puso natin ay pabuka pa lamang.
Magpapalutang-lutang ang mga salita
gaya ng mga ginintuang bubuyog.
“Diyos ko, ituro sa akin ang wika ng paghimbing.”

Bintana

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

Mabubuksan ang daigdig sa paghihiwalay ng magkapilas na antigong tabing. Gibang tahanan marahil ang matatanaw sa labas, at maalat ang bugso ng amihan. Papaloob ang liwanag sa silid, at kapag tinamaan ka ng sinag ay mapapabalikwas ka. May tilaok na kikislot sa iyong mga bituka. Ang bintana ang mga mata ng tahanan, anila, ngunit para sa iyo’y ang bintana ang mga mata ng daigdig upang makilala ka. Maririnig mo ang kaluskos at hagikhik ng mga bata sa bakuran. Kapag ipininid ang bintana, mabubulag ka rin ba? Hindi. Magbubukas-sara ang mga dahon, at ikaw ay tila huklubang babangon sa malaong pagkakahimbing, upang tuparin ang tadhana—na marahil ay may kaugnayan sa lupa, dagat, langit, at Salita.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers