Kahanga-hanga ang ginawa ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa panghihimasok nito sa pagpaparangal ng Orden ng Pambansang Alagad ng Sining ngayong taon. Napatunayan ng butihing pangulo na ang kaniyang kapangyarihan ay kayang yumanig at bumiyak sa hanay ng mga alagad ng sining, at magtakda ng sariling pamantayan at panlasa batay sa rekomendasyon ng kaniyang Lupon ng Parangal. Higit pa rito, ang pagbuo ng Kautusang Tagapagpaganap ay siya na ngayong ehemplo kung paano sususugan, kung hindi man iiwas, sa esensiya ng batas. Dapat kung gayon na pasalamatan ang pangulo sa kaniyang mithi na isabalikat ang lahat, lalo ang kadakilaan sa arte ng politika.
Pinagagaan ng kagalang-galang na Pang. Arroyo ang trabaho ng mga lupon sa sining ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Mantakin mo, kahit pala magpabandying-bandying at hindi magsunog ng kilay ang mga kasapi ng mga lupon ng tagasala ay may lilitaw pa ring Pambansang Alagad ng Sining? Hayaang maging tamad ang mga kasapi ng CCP at NCCA, dahil magiging marangal na tungkulin nila ang pagsunod sa patakaran at simoy ng kasalukuyang administrasyon. Huwag makinig sa mga eksperto at dakila sa sining, gaya nina Ben Cabrera, Bien Lumbera, Arturo Luz, at Virgilio Almario, dahil ang naturang mga eksperto ay maaaring kontra lamang sa pangulo. Ang tunay na mga eksperto ay silang malalapit sa pangulo, gaya nina Vilma Labrador, James Reuter, Alejandro Roces, at Edgardo Angara, dahil ang kanilang mga bulong ay higit na mabisa kompara sa sigaw at hiyaw na nagmumula sa iba’t ibang pangkat ng mga alagad ng sining na nagpoprotesta sa lansangan.
Kung hindi makukuha sa santong dasalan ang parangal, magagawa iyon sa dagdag-bawas at santong paspasan.
Sino ang nagsabi na walang delikadesa ang kapita-pitagang Cecile Guidote Alvarez? Mabuting mabatid ng taumbayan na ang delikadesa ay alinsunod sa tumitingin. Mahalaga ang parangal, gaya ng National Artist Reward, na ibinibigay sa matatapat na tagasunod ng pangulo lumindol man o bumagyo. Ang NAR ay magpapatunay na ang delikadesa ay isang sinaunang konsepto na dapat kalimutan ng mga Filipino. Hindi ba may nagawa naman si Alvarez bilang direktor ng teatro, at pundador ng PETA? Nalilito marahil ang madla, dahil ang PETA ay hindi lamang daglat ng “Philippine Educational Theater Association” kundi inaagaw ngayon ng “People for the Ethical Treatment of Animals.” Dapat igalang ang mga hayop na opisyal ng pamahalaan, kung susundin ang pangaral ng PETA, dahil marunong silang bumaboy ng proseso ng pagsala sa mga kandidato sa pagiging Pambansang Alagad ng Sining.
At bakit dapat banatan si Carlo J. Caparas bilang de-kalibreng alagad ng sining biswal? Mabuti sa mga kabataan na mapanood ang mga pelikula niyang sagad sa pagdanak ng dugo at bakbakan, kahit marupok sa lohika at aspektong teknikal. Kailangang maisapuso ng bagong henerasyon ang mga pelikulang de-masaker at de-kahon, dahil maaaring ginagagad lamang nito ang mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng gobyerno, gaya ng paratang ng mga aktibista. Ang mga pelikula ni Caparas ang bagong pamantayan ng sining, na handang bumaba sa antas ng masa, upang ang masa ay lalong maging tanga at mababaw hinggil sa pag-iral at pagdama bilang tao. Huwag banatan si Caparas bilang ilustrador, yamang hindi naman siya ang ilustrador ng kaniyang mga nobelang pangkomiks. Siya ang nagbigay ng trabaho sa maraming ilustrador, at sabihin nang nagpainom, para maging katanggap-tanggap sa mga mambabasa ang kaniyang mga pantastikong kuwentong ibig yatang higupin ng basurahan.
Batikan sa sining ng panggugulo sa sining ang ating pangulo, at maaaring siya ang susunod na mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Sin, dahil sa mahusay na pag-arte, pagdidirek, at pagsisinungaling may bagyo ma’t may rilim.
Filed under: sanaysay | Minarkahan: National Artists Award,pagkilala,pagtatanggol,Pambansang Alagad ng Sining.,parangal,sining | 10 Puna »

