Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Peña na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Peña ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Peña ang konsepto ng “hustisya” sa iba’t ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas.
Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munda’y naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan.
Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunwa’y maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit, ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan.
Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobela’y susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huli’y makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso.
Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Peña at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Peña, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng “ina,” si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na “ina” sa pisikal na antas ay maituturing pa ring “ina” sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan.
Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda.
Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Peña.
Filed under: nobelang Tagalog | Minarkahan: bandido,dalaga,dukha,guwardiya sibil,ina,Inang Bayan,kahirapan,kuwardiyero,mahirap,Pag-ibig,pagdakip,pagmamahal,tulisan | 10 Puna »