Lutong Makaw

Hindi resiping pinasikat ni Chef Pablo Boy Logro ang “lutong makaw,” ngunit lumutang muli ang salita sa nakalipas na 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, na ginanap sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Tumutukoy ang “lutong makaw” sa di-patas na pagtrato sa anumang timpalak o paligsahan, at ang nagwawagi ay nababatikan dahil sa pagkiling ng reperi o hurado.

Ipinapahiwatig ng “lutong makaw” ang banyagang deliberasyon, na hinuhusgahan ang isang kalahok bago pa man siya sumabak sa pakikipagtunggali sa mga kalaban. Ang resulta ng kompetisyon ay tapos na, wika nga, bago pa magsimula, at ito ay ipinapahiwatig ng lugar na “Macao.” Bagaman hindi nais pulaan ang Macao bilang isang newtral na lugar, ang pagbanggit sa Macao ay maituturing na sentro ng kutsabahan na may hagod ng panlilinlang, na parang hinugot sa kasaysayan, at kumbaga sa sugal ay idinadaan sa bilis ng kamay na lumilikha ng malikmata sa panig ng mga kalahok at kasapakat na patron.

Masakit, kung gayon, na matalo sa patimpalak o paligsahan, dahil ang paghihirap ng kalahok ay hindi nahuhusgahan batay sa itinakdang mataas na pamantayan ng sining at sensibilidad, bagkus alinsunod sa kapabayaan kung hindi man prehuwisyo ng hurado. Ngunit higit pa rito, sumusugat sa nagwagi ang kaniyang tropeo at medalya, sapagkat kabuntot niyon ang kahihiyan o pagkapahiya dahil sa paniniwala o pakiramdam na hindi naman siya ang karapat-dapat magwagi.

Binanggit ko ang “lutong makaw” dahil lumilitaw ngayon ang isa pang salita: “lutong Diliman.” Maituturing na varyant ang “lutong Diliman,” na ang tiyak na pahiwatig ay di-patas na paghuhusga sa mga paligsahan sa pagtugtog ng gitara. Sa Filipinas, dalawa o tatlong unibersidad lamang ang nagbabakbakan sa larangan ng pagtugtog ng gitarang klasiko: Unibersidad ng Santo Tomas (UST), Unibersidad ng Pilipinas-Diliman (UP), at Philippine Women’s University (PWU). Sa tatlong unibersidad na ito, maituturing na numero uno ang UST sa ilalim ng pangangasiwa ni Prof. Ruben Reyes, samantalang pumapangalawa ang UP sa pangangasiwa ni Lester Demetillo, at pumapangatlo ang PWU sa pangangasiwa noon ni Jose Valdez na may ugat din sa UP. Dahil sa pangyayaring ito, hindi maiiwasang magkopong-kopong ang mga gitaristang kabataan, na parang pagsasabong ng Ateneo at La Salle, o bakbakang Pacquiao vs. Mayweather, at kung sino sa kanila si Ruben o si Lester ay malaya ang madla na manghula.

Lumikha ng maraming kaaway ang bigating si Ruben—sa literal man o matalinghagang paraan—dahil ang kaniyang pamumuna ay nagmumula sa pananaw ng taga sa panahong kritiko ng musika at bilang maestrong manunugtog ng gitara. Malalim ang pagkaunawa sa teorya at praktika ng musika, si Ruben ay hindi nangingiming umubo at humilik kapag masaklap tumugtog ang gitarista, humahagikgik na tila maskot ng Jollibee kapag nagwawala ang mga orkesta, at hindi mapipigil ang dila na magbitaw ng komentaryo na ikalulugami ng kahit establisadong gitarista at konduktor. Alam kong itatanggi ni Ruben, pero hindi na siya umano naniniwala sa mga kompetisyon sa gitara dahil sa epekto ng “lutong Diliman.”

Kahanga-hanga ang listahan ng mga pangalan ng gitaristang tinuruan ni Ruben, at marahil walang itulak-kabigin sa kaniyang mga estudyante na maisasabak sa tugtugan anuman ang panahon. Ngunit nagmumula rin kay Ruben ang isang kabatiran: ang musika ay hindi para sa timpalak bagkus para kalugurán ng madla. Si Arthur Erskine Basilio ang sumusunod sa yapak ni Ruben, at kung hindi marahil sa lutong Diliman ay nagpapatoma na marahil si Erskine sa España at nagpapakalunod sa serbesa. Ginawaran bilang “Pinakamahusay na Gitaristang Filipino” si Erskine noong 2011 PIGF, ngunit para sa akin ay walang nasyonalidad ang pagiging musiko, at siya ang isinisigaw na dapat magwagi ng unang gantimpala.

Mauulit ang pangyayari sa ipinapalagay na lutong Diliman nang matalo si Homer Bravo Cabansag sa 2012 PIGF. Si Cabansag, na nagtapos sa UST at ginabayan ni Ruben, ay mahimalang natalo sa kompetisyon at ni walang natanggap na parangal sa mga huradong kinukutya ng ibang manonood na kung hindi bingi at bulag ay sadyang mababaw ang panlasa sa pagsusuri ng mga kalahok. Si Cabansag ang pangwalo at pangwakas na tumugtog sa mga kalahok, at marahil nakatulog siya sa pakikinig sa mga kasamang kalahok. Ngunit siya man ang pangwakas, si Cabansag ay pinatunayan ang malalim na pagkaunawa at pambihirang pagdulog sa komposisyon ni Napoleon Coste atbp.

Nagtataka lamang ako na bago pa man ibigay ang premyo sa mga nagwagi (na mga primera klaseng gitara na likha nina Yuichi Imai, Neris Gonzalez, at Tabo Derecho), ang isang hurado ay halos humingi ng paumanhin sa publiko dahil aniya’y nagkakamali rin kahit ang mga hurado. Pinayuhan din niya ang mga kalahok na kabataan na magpatuloy sa pagtugtog, at matalo man ay huwag indahin iyon nang lalong mamukadkad ang kani-kaniyang talento. Kapuri-puri ang winikang ito ng hurado, ngunit para sa akin, may sapat na panahon ang mga hurado upang timbangin ang kalakasan at kahinaan ng bawat kalahok. Wala akong pakialam kung mag-away, magsuntukan, o magtalo-talo nang abot-langit ang mga hurado dahil iyon talaga ang kanilang tungkulin at doon sila binabayaran. Kinakailangang maipagtanggol ng isang hurado ang kaniyang pasiya, alinsunod sa matalinong pagdulog at hindi dapat manaig ang pampolitika’t pangnegosyong anggi na magmumula kina Tony Boy Cojuangco, Tony Yu, at Jose Valdez.

Ang bulaklak ng dilang “lutong Diliman” ay huwag nawang makarating sa España at bumatik sa mga gitarista ng UST. Matalo man sila sa mga paligsahan ay hindi mahalaga; ang higit na mahalaga ay makapagtanghal sa harap ng madla na gumugol ng salapi at panahon at pawang nagmamahal sa musika. Matagal na umanong iniinda ng UST ang deskriminasyon, ito ang nasasagap ko sa aking mga bubuwit, at dapat nang wakasan ngayon at sa hinaharap. Pero bahagi ng buhay kahit ang gayong kalagayan dahil ang musika ay nagtatakda ng kumbensiyong mahirap ipaling o ilihis ang landas. Sa ngayon, hindi naman marahil kalabisan kung imungkahing palitan ang lahat ng hurado sa 2012 Philippine International Guitar Festival and Competition, at magsuri ng sarili ang Guitar Friends para sa kinabukasan ng musika sa Filipinas. Maaaring ako’y nagkakamali, at mapapabulaanan ninyo, gaya lamang ng pagkakamali ng Lupon ng mga Hurado.

Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Ang Musika, ni Chard deNiord

salin ng tulang tuluyan sa Ingles ni Chard deNiord.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Musika

Kung mga nota sa ilog ang isda, hindi kailanman magkakapareho ang awit, kahit manatili ang tubigan. Mali si Heraklitus. Ang agos ang galaw ang lahat. Hipuin ang mananayaw habang umiikot at mananatili siyang mananayaw. Kaya ba may awit na hindi napatutugtog dahil ang isda ay malimit lumalangoy sa paraang itinatakwil ang notasyon? Kung hihinto ang mga nota ngayon sa kinalalagyan nito, makabubuo ba iyon ng awit? Patuloy bang lumalangoy, samakatwid, ang mga ito tungo sa himig? Kung gayon, masasabing ang anumang awit ay maagap na nakababatid ng kawan ng mga isda sa iba’t ibang lalim, ang kagyat at likas na pagtutumbas para sa komposisyon, ang awit-plapla, ang awit-apahap, ang awit-lapulapu. Ngunit isip ang kasalungat ng ilog, ani Ginoong Tsu. Hindi iyon awit sa ilalim ng rabaw na ipinapahiwatig ng isda, dahil ang mga awit na iyon ay hindi umiral kailanman, ngunit nakapirming matitining na nota sa rabaw na nakadikit sa dahon, sa baras. Ang musikang dinig natin ay pinatutugtog ng mga musikong alam ang kaibhan ng diwain at ng notang talaan. Kaya mali si Kepler hinggil sa mga espera, at si Scriabin hinggil sa espektro, at si David hinggil sa mga buról. Tanging ang isip ang nakapagbubulay nito. Tanging ang isip ang makawawasak ng pananahimik nito sa pamamagitan ng simponiya.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

Panahon at Gitara

Amansinaya sa Konsiyerto ng "Kuwerdas ng Panahon"
Amansinaya Añonuevo sa konsiyerto ng “Kuwerdas ng Panahon” noong 11 Disyembre 2010 sa Tanghalang Pasigueño. Kuhang-retrato ni Paul Lois Montero.

Matagumpay na idinaos ang Kuwerdas ng Panahon: A Classical Guitar Concert sa Tanghalang Pasigueño noong 11 Disyembre 2010, at ibig kong pasalamatan ang lahat ng tumulong sa proyektong ito:  PIAN Manila Chapter, RCBC Savings Bank, Atty. Henry Zamora, Tanghalang Pasigueño, APA Guitars, Dindo Balares ng Balita, sina Vim Nadera, Rachel Balawid, Chari Villegas, at Ivy Liza Mendoza ng Manila Bulletin, Tara FT Sering ng Philippine Star, Star Magazine, Lito Zulueta ng Philippine Daily Inquirer, La Immaculada School, St. Joseph Catholic School, Lourdes Samson, Melly Villanueva, G. at Gng. Gil Mendoza, PHILSSA, Our Lady of Remedios, Institute of Science and Technology, Ruben at Rhiz Javier, Segundo “Boyet” Vasquez Jr, CTC Printing Press, G. at Gng. Aldrin V. Carlos, at Atty. at Gng. JP Anthony Cuñada.

Nakatataba ng puso na makita ang mga kabataang gitarista sa larang ng klasikong musika, at mababanggit ang mga bagong sibol na sina Ruelson Bello, Evelyn Batobalonos, Jellou Borbe, Justin Agbulos, at Jerome Agbulos. Ibig kong itangi si Amansinaya Añonuevo, hindi lamang dahil nagkataong anak ko kundi dahil nakita ko sa kaniya ang rubdob, husay, tiyaga, at disiplina, bukod sa mataas na pagpapahalaga at paggalang sa audience na marapat taglayin ng sinumang alagad ng sining.

Sumapit na ang panahon ng aking anak, at marahil hindi ko na maiiwasan ang pagiging stage father sa mga darating na panahon.

Hinagpis ng Taglagas ni Stéphane Mallarmé

Salin ng tulang “Plainte d’automne” (1864) ni Stéphane Mallarmé.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINAGPIS NG TAGLAGAS

Nang iwan ako ni Maria para dumako sa ibang bituin—sa Orion man o Altaír o lungting Venus—inibig ko nang madalas ang pag-iisa. Kapiling ko ang aking pusa sa paglulustay ng mga araw. Katumbas ang pag-iisa ng kasalatan sa materyal na pag-iral, at ang pusa ang aking mistikong kaibigan, isang espiritu. Masasabi kong nakaraos ako sa mahahabang araw nang mag-isa kapiling ang pusa, na isa sa mga pangwakas na awtor ng dingal ng Romano; at yamang wala na akong minahal nang kakatwa at natatangi kundi ang puting nilalang, lahat ay malalagom sa isang salita: taglagas. Kaya, sa buong taon, ang paborito kong panahon ay pinakamabagal na yugto ng tag-araw bago ang taglagas; at sa isang araw, ang sandaling naglalakad ako’t magbabantulot ang araw bago maglaho, na may mga bronseng sinag sa abuhing pader, at liwanag na mamula-mulang tanso na bumabalatay sa mga tisa. Ang panitikan—na pinaghuhugutan ko ng malayaw na libog ng kaluluwa—ang magiging pahirap na panulaan ng dulong yugto ng Roma, hangga’t hindi ito bumubuga ng hininga ng masisiglang tindig ng Barbaro o mautal sa paslit na Latin gaya ng sa prosang Kristiyano. Binabása ko ang isa sa matatalik na tula (na kaakit-akit ang tiklap na pula kaysa sariwang lamán), at ipinaloob ang kamay sa purong balahibo ng hayop, samantalang pagod at malungkot na tumutugtog ang organo sa ilalim ng aking bintana. Sumasaliw iyon sa malawak na landas ng mga álamo na ang mga dahon, kahit sa tagsibol, ay waring nagdadalamhati nang daanan ni Maria, na tinatanglawan ng mga kandila ang paglalakbay. Instrumento ng kalungkutan iyon at walang pasubali: kumikislap ang piyano, nagluluwal ng liwanag ang biyolin mula sa mga wasak nitong himaymay, ngunit ang organong pangkalye sa munting sinag ng gunita ay nagiging sanhi ng aking balisang pananaginip. Humuhuni ito ngayon ng de-kahong awiting kasiya-siya at lumulukob sa mga karatig-nayon nang may himig na karaniwan at sinauna: Bakit tumatagos sa kaluluwa ang mga titik na iyon, at nagpapaluha sa akin, gaya ng romantikong balada? Marahan kong ninamnam ito, at hindi naghagis ng kusing sa bintana sa pangambang magulo ang diwa ko’t matuklasan, na hindi lamang instrumento ang siyang tumutugtog.

Musika

Musika, mula sa artsibo ng Project Gutenberg. Dominyo ng publiko.

Humihimig ng Kamatayan ang Biyolin

salin ng “La muerte afina su violin” ni Salomón de la Selva
salin at halaw mula sa orihinal na Espanyol ni Roberto T. Añonuevo

Humihimig ng Kamatayan ang Biyolin

Humihimig ng kamatayan ang biyolin:
Ani Kamatayan: Kumikinig akong sasaliw
sa sayaw na walang katapusan
sa himpapawid, sa lupain, sa karagatan!

Humihimig ng kamatayan ang biyolin.
Humihimig ang biyolin. Sumayaw tayo!
Magiging maningning na hasmin sa simoy
ang aking kaluluwa,
maputi at malambot at magaan…
maputi at malambot at magaan
na pawang nakapagpapaluha sa akin.

Sa hangin, ang kaluluwa ko’y bulaklak
Sa hangin, ang kaluluwa ko’y halimuyak.
Ang halimuyak ng kaluluwa ko’y pag-ibig.
Ay, ilang kabataan ang maiinggit sa akin!

Magagandang babae’t dalagang donselya!
Sa ilalim ng mga bulak at linong kumot
na simputi ng dalisay na liryo at estrelya,
ang makasiping ka’y ang aking kapalaran.

Tapos na ang pambungad na pagpapakilala.
Simula na ng sayaw, sayaw na walang humpay
At kinakalabit nito ang kuwerdas ng puso ko,
ang Kamatayang masayang hinihimig ng biyolin.

Retrato mula sa kagandahang-loob ng Photos8.com

Retrato mula sa kagandahang-loob ng Photos8.com

Rakrakan

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Kumikislot ang gitara sa sulok ng silid, at narinig ito ng binatilyong marahil ay nagdedeliryo sa pangangarap. Lalapitan niya ang gitara at ang gitara’y lalandi, hanggang ito’y maghunos na eksotikong leopardo na may tinig ng dalagita na kinikilig sa haplos ng simoy at gabi. Aawit ang halimaw na makapupukaw sa kawan ng kambing at itik. Magkakaluskusan sa bakuran ang mga anino, waring laksang panatikong ibig pumasok sa munting teatro at isadula ang sama-samang pagpapatiwakal o sinaunang sakripisyo ng mga basal na katawan. Aawit ang halimaw nang matarling, aakitin nang pabalintuwad ang ilog para tumaog, hahatakin ang mga bato para gumulong o mangagsiguho, at hihigupin ang puno’t palumpong tungo sa sukdulang paglago. Bubukad ang bibig ng leopardo sa mga tipa, at sisinghap sa estalistang kaskas, pukpok, istram, at kalabit. Maglalaro ang mga daliri sa mga kuwerdas na balahibo, tuloy-tuloy, babagal pagdaka’y bibilis, huhugong saka aalingawngaw, at walang pakialam ang musikero kung mapagod ang daigdig sa pakikinig. Sasanib ang musika ng ilahás sa katawan ng kaniyang panginoon. Maya-maya’y maglalaho ang hulagway ng binatilyo. Pagsapit ng madaling-araw, tatakas palayo ang leopardo, matutunghayan ng bokalistang musmos ang pangalan ng kaniyang kuya sa dingding, at maiiwan ang lagdang V ng metalikang rakista—na waring bumabati sa sariwang daigdig.

Musika at Karapatang-Isip

Napakagandang kaso na napapanahong pag-aralan ang nagaganap na pagtatalo ng GMA-7 versus Gary Granada hinggil sa paglabag umano sa karapatang-isip sa pagkatha ng awit na nilapatan ng musika. Sino ang lumabag sa itinatadhana ng Kodigo ng Karapatang-Isip (Intellectual Property Code) na ipinatutupad ng pamahalaan? Ito ang tatalakayin ng gaya ng Intellectual Property Philippines (IPP) at sasangkutan ng gaya ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP) na kumakatawan kay Granada sa isang panig, at ng  GMA 7 Kapuso Foundation sa kabilang panig na mahihinuhang kaugnay sa GMA 7 Network.

Umaangal si Granada dahil kahawig umano ng kaniyang komposisyon ang himig ng jingle ng Kapuso Foundation. Aniya’y gumawa siya ng musika, bukod sa isinaayos ang titik na mula sa datos ng GMA-7 Marketing Division. Tinanggihan umano ng GMA-7 ang komposisyon ni Granada, at itong si Granada naman ay napabalitang umayaw sa proyekto (hindi nagpabayad ngunit inangkin ang pagkatha ng musika), ngunit ang kahima-himala’y lumabas pa rin ang naturang  jingle  sa himpapawid.

Ayon sa Kodigo ng Karapatang-Isip at nakasaad sa Seksiyon 172.1 na pinamagatang “Pampanitikan at Artistikong Akda” na ang anumang akdang pampanitikan at pansining ay orihinal na likhang-isip sa sandaling likhain iyon ng sinumang tao. Kabilang dito ang “dramatiko o dramatikong-musikang komposisyon, akdang koreograpiko o aliwang palabas” at ang “komposisyong pangmusika, may titik man o wala.”  Ang ikalawang lahok ang mahihinuhang lumalapat sa kasong isinampa ni Granada.

Idinagdag pa sa kodigo na ang mga akda ay protektado sa bisa ng pagkakalikha nito, anuman ang anyo o paraan ng pagpapahayag, gayundin ang nilalaman, kalidad, at layon nito (Seksiyon 72.2. at batay din sa Seksiyon 2, P.D. 49a). Sa kaso ni Granada, ang komposisyon niya ay may bisa na agad ng karapatang-isip nang matapos niya ito, gamitin man o hindi ng GMA Kapuso Foundation. At yamang tumanggi si Granada na tanggapin ang bayad sa pagkomisyon sa kaniya ng GMA Foundation, mananatili ang karapatang-isip at pag-aari sa panig ni Granada.

Kung ipagpapalagay na may employer-empleadong kasunduan sa panig ni Granada at ng GMA Kapuso Foundation, ang anumang lilikhain ni Granada ay maituturing na pag-aari ng Foundation dahil ito ang nagpapasuweldo o umuupa sa kompositor; maliban na lamang kung lampas sa itinatakdang tungkulin ng empleado ang paglikha ng jingle, na maihahalimbawa ang marketing executive na lumilikha ng musika para madagdagan ang kita. Ngunit hindi ito ang kaso. Hindi tinanggap ni Granada ang bayad sa kaniyang “study” (panukalang jingle), na mangangahulugang nais ng kompositor na mapanatili ang pag-aari sa kaniyang komposisyong musika (nanggaling man sa GMA Kapuso Foundation ang lalamanin ng liriks ng kanta). At hindi rin regular na empleado ng GMA Kapuso si Granada.

Samantala, kung sino man ang misteryosong kompositor na nasa likod ng jingle ng Kapuso Foundation ay masasabing may karapatang-isip din. Maaaring ang kaniyang komposisyon ay orihinal, na pagdududahan nang matindi ni Granada bilang batikang kompositor na nakababatid sa salimuot ng komposisyong pangmusika. Alinsunod sa Kabanata III, Seksiyon 173 ng Kodigo, ang anumang deribatibong akda ay protektado rin ng karapatang-isip, at kabilang dito ang “dramatisasyon, salin, halaw [adaptation], pagpapaikli [abridgment], pagsasaayos [arrangement], at iba pang pagbabago sa akdang pampanitikan o pansining” (Akin ang diin). Kung ipagpapalagay na may “pagsasaayos na pangmusika” [i.e., musical arrangement] na ginawa ang misteryosong kompositor sa akda ni Granada, maituturing na bagong akda iyon.

Magkakaroon lamang ng sabit kung ang nasabing deribatibong akda ay makaaapekto sa iba pang umiiral na akdang may karapatang-isip o bahagi niyon, at magpapahiwatig na magagamit ang anumang karapatan sa naturang orihinal na akda (Seksiyon 173.2, at ibinatay sa Seksiyon 8, P.D. 49; Artikulo 10, TRIPS). Dito maaaring sumabit ang GMA Kapuso Foundation. Kung mapapatunayan na ginamit ng misteryosong kompositor ang anumang bahagi ng akda ni Granada, o hinalaw o isinaayos ang musika nang hawig sa ginawa ni Granada nang walang pahintulot mula kay Granada, mahihinuhang nilabag ang karapatang-isip ni Granada dahil nagwakas na ang kasunduan sa dalawang partido nang kapuwa umayaw ang magkabilang partido na ituloy ang produksiyon, rekording, at pagsasahimpapawid ng musika o jingle.

Kahit pa sabihin ng GMA Foundation na nagmula rito ang datos, diwa, at konsepto ng komposisyon ni Granada, ang gayong asta ay hindi nangangahulugan ng awtomatikong pagtataglay ng karapatang-isip, alinsunod sa Seksiyon 175 ng Kodigo ng Karapatang-Isip. Nagkakatalo sa pagkatha, at pagkathang malikhaing hindi kayang isagawa ng karaniwang tao na walang kasanayan sa gayong proyekto.

Ang karapatang-isip ay tataglayin ng orihinal na awtor, at maipapalagay na hawak ito  ni Granada, maliban na lamang kung ang misteryosong kompositor ng GMA Kapuso ang naunang lumikha ng jingle at nangopya lamang si Granada. Kung isasaalang-alang naman ang Kabanata VI, Seksiyon 178.4, posibleng kinomisyon ng GMA Foundation si Granada na lumikha ng musika para sa anunsiyo nito. Kung sakali at binayaran ng GMA Foundation si Granada sa ginawa nitong musika (tawagin mang iyong “study”), at tinanggap naman ni Granada ang gayong bayad, tapos na ang usapan. Maituturing na pag-aari ng GMA Foundation ang komposisyon ni Granada, subalit ang karapatang-isip ay mananatili pa rin kay Granada, maliban na lamang kung may isinaad sa kasunduan na taliwas sa gayong tadhana. Sa kabilang dako, kung totoo ang sinabi ni Granada na hindi niya tinanggap ang bayad ng GMA Foundation para sa kaniyang komposisyong pangmusika (tawagin man iyong “study” o hindi) dahil unang tumanggi ang naturang Foundation, ang pag-aari at ang karapatang-isip ay malinaw na nasa panig ni Granada.

Si Granada bilang kompositor ay may kapuwa moral at ekonomikong karapatan sa kaniyang akda, alinsunod sa itinatadhana ng Kabanata V, Seksiyon 177 ng Kodigo. Kung mapapatunayan na nilabag ito ng GMA Kapuso Foundation, malaki ang pananagutan nito na ituwid ang pagkakamali at magbayad ng danyos perhuwisyos kay Granada, alinsunod sa itinatakda ng Kabanata XVII (Seksiyon 216-220) ng Kodigo.

Maitatanong: Ano ang kinalaman ng FILSCAP sa kaso ni Granada na umaangal sa GMA Kapuso Foundation? Alinsunod sa Kabanata VII, Seksiyon 183, ang sinumang may hawak ng karapatang-isip ay maaaring humirang ng “kapisanan ng mga artista, manunulat o kompositor upang maipatupad ang kanilang karapatang ekonomiko at moral” (Seksiyon 32, P.D. Blg. 49a). Ang FILSCAP ay mahihinuhang kumakatawan kay Granada, yamang kabilang si Granada sa naturang organisasyon. Malaki ang gagampanan ni Debbie Gaite na tumatayong tagapangasiwa ng FILSCAP sa naturang negosasyon. Ang FILSCAP bilang organisasyon ay dapat tangkilikin, dahil ito ang mahihinuhang magtataguyod din ng kolektibong karapatan ng mga alagad ng sining, lalo na ng Filipinong kompositor at mang-aawit.

Nakapanghihinayang na sa mga lumalabas na ulat sa mga pahayagan, radyo, at telebisyon, ang ganitong mga punto ay hindi binabanggit. Isinasantabi ang pangyayari na waring kaso lamang iyon ng pagtatampo ng isang hamak na kompositor na hindi nakinabang kahit kaunti sa pinagpaguran niya. Parang napakaliit lamang ni Garry Granada laban sa dambuhalang network na GMA Kapuso (na nagmamagarang “Liga ng Katotohanan”), at puwedeng daanin sa biro ng mga abogado ang pangyayari. Kung pag-aaralan ang lahat, ang kaso ay hindi lamang usapin ng salapi, pagkilala, at karapatan. Sangkot dito ang mga alagad ng sining—na maituturing na mahalagang pundasyon ng ating bansa at pagkamamamayan.

Salin-awit ni Charlson Ong

Charlson Ong

Charlson Ong

Malapit na ang Pasko, at nahihilig muli ang mga manunulat sa inuman at kantahan. Kamakailan, ipinadala sa akin ni Charlson Ong ang kaniyang mga bagong piyesa ng salin-awit. Ang salin-awit ay halaw sa Filipino ng mga awiting Ingles at siyang pinauso ng gaya nina Jose F. Lacaba, Rene O. Villanueva, Marne L. Kilates, at Mike L. Bigornia. Habang tumatagal, pahusay nang pahusay ang mga salin-awit sa Filipinas, at marahil, hindi na ito dapat tawaging salin, bagkus malikhaing halaw, dahil makatatayo na ang Filipinong liriks nang mag-isa at puwedeng saliwan ng natatanging himig at tunog. Heto ang salin-awit ni Charlson, na pinamagatang “Hindi ang Puting Buwan” na mula sa “The Nearness of You” na kinatha nina Ned Washington and Hoagy Carmichael, at inawit ni Barbara Streisand.

HINDI ANG PUTING BUWAN
(Matapos ang “The Nearness of You”)

Hindi puting buwan
Ang may dulot
Tibok niyaring puso
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Di lamang himig
Ng iyong tinig
Nagpintig sa ‘king isip
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Refrain:
Kung kita’y hagkan
Panaginip walang hadlang
Ang mundo’y baliw
Sa aliw.

Di ko kailangan
Ang liwanag ng buwan
Sa karimlan
Mahal, basta’t lumapit ka lang
Sa dilim ng gabi
Ikaw ang ilaw.

Heto naman ang rendisyon ni Charlson Ong sa “Two for the Road” na kinatha nina Henry Mancini at Leslie Bricusse, at inawit ni Vic Damone. Pinamagatang “Dalawa sa Paglakbay,” ang salin-awit ay nababagay sa laglag ang puso at mahilig maglagalag.

DALAWA SA PAGLAKBAY
(Matapos ang “Two for the Road”)

Kung ika’y nalulumbay
Sa buhay mong walang saysay
Samahan mo ako liyag
Sa aking paglayag
Dalawang puso
Sabay lalakbayin
Mundong walang pinagkait
Tanging ala-ala aanihin
Bawat daan

Refrain:
Pagsapit nga ng tag-araw
Lulusong tayo sa ulan
Sa taglamig ang pag-ibig
Ang siyang magsasaling

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga

Refrain 2
Pagsapit nga ng tag-init
Lulusong tayo sa dagat
Sa tag-ulan magtampisaw
Sa ilog ng galak

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga.

Isa pa sa mga paborito kong salin-awit ni Charlson Ong ang pinamagatang “Kung Iibig pa” na halaw sa “When I fall in love” na inawit ni Rick Astley, at kinatha nina Edward Hayman at Victor Young. Pansinin ang bagsak ng mga salita at tunog sa salin-awit, na kahanga-hanga kapag pinakinggan. Sinong babae ang hindi mapapaibig kapag narinig ito?

KUNG IIBIG PA
(Matapos ang ”When I fall in Love”)

Kung iibig pa
Ay panghabang-buhay
O, hindi na lang, kaya.

Sa mundong walang
tahimik
Ang pag-ibig walang
silungan
At maraming halik
Nasasayang pagkalipas
Ng hating-gabi

Kung magmamahal
Ay lubus-lubusan
O, hindi na lang, kaya

At kung hanap mo’y
Katulad din ng hanap
Ko sinta, ako’y iyo
Buong-buo.

Patikim pa lamang ang mga ito sa mga salin-awit ni Charlson Ong. Iminumungkahi kong isaplaka na ang mga ito, at kumuha ng bagong tagatimpla ng musika. Panahon na para kilalanin ng daigdig ang mga tomador na manunulat, at pakinggan ang inihahain nilang salin-awit para sa lahat.

Isang Pagdulog sa Rebisyon ng Tula

Pinakamahirap, sa aking palagay, ang yugto ng rebisyon ng tula sa buong proseso ng pagsulat ng tula; gayunman ay hindi yaon nabibigyan ng malalim na pag-aaral, lalo sa mga kursong malikhaing pagsulat. Kung minsan, ang rebisyon ay ipinupukol na lamang ng makata sa editor at tapos na ang lahat. Inaakala naman ng ibang manunulat na basta makatapos lamang ng isang tula o katha ay maaari na iyong isantabi upang lumikha ng bagong akda. Nakalilimot ang ilan sa matalas na pagtitig sa teksto. At kaya nakalulusot ang di-iilang mali sa teksto, mulang bantas at paggamit ng salita hanggang gramatika at sintaks tungong balangkas at nilalaman.

REBISYON, kuha ni Bobby Añonuevo

REBISYON, kuha ni Bobby Añonuevo

Ang isa pang dahilan kung bakit napakahirap na yugto ang rebisyon ay kinakailangang balikan ng makata ang lahat ng kaniyang ginawa mulang umpisa hanggang wakas ng pagsulat ng tula. Maaaring sumapit ang makata sa sandaling dapat niyang timbangin hindi lamang ang panrabáw na aspekto ng tula (i.e., estruktura, disenyo, tugma at sukat, himig, atbp.). Ang malusog na pagsasalikop ng dalawa ang masasabing ídeál na paraan ng pagtula. At ang tula ay sumasapit sa yugtong pinag-isipan nang malalim, binuo nang masinop, bago itanghal o ilathala saka ipalaganap sa madla.

Bukod sa nabanggit, magiging hamon din sa makata ang pagbabalik sa mga dating nasulat na tula o akda, o kaya’y ang pagsubaybay sa kontemporaneong kalakaran ng panitikan, upang sa gayon ay mailugar niya ang kaniyang tula sa agos ng panahon, samantalang umiiwas sa dati nang de-kahon at nakasusuyang pagtula. Kailangang repasuhin din ng makata kahit ang kaniyang mga datos o saliksik na inilahok sa tula, upang matiyak kung tama nga ang mga isinaad niyang pagpapahiwatig. Ngunit ang ganitong pagtatangka ay waring sa iilang tao na lamang makikita, sa mga tao na nangangarap makaukit ng pangalan sa lárang ng panitikang Filipinas o panitikang internasyonal.

Salungat naman dito ang dating romantisistang pagsagap sa tula, na ang tula ay binubuo nang hindi isinasaalang-alang ang nakaraan bagkus ang “tawag ng sandali” at “simbuyo ng damdamin.” Wala umanong pakialam sa politika o ideolohiya o kultura o teoryang pampanitikan ang makata habang sinusulat niya ang tula, at marapat umanong manatiling gayon. May katotohanan ito, lalo kung nasa yugto ng unang borador ang tula. Ngunit habang tumatagal, ang nasabing borador ay maaaring sumailalim sa mahigpit na pagsala at pagpapakinis sa nilalaman nito’t anyo. Masasabing kahit ang pinakamatimyas na pagtula hinggil sa pag-ibig ay hindi makaiiwas mabalaho sa politika o ideolohiya ng nakalipas, sa laro ng masalimuot na makinarya ng may kapangyarihan sa edukasyon at lipunan, at kaya maaaring timbangin sa mga kahinaan o kalakasan nito, halimbawa na sa panig ng mga pananaw hinggil sa kasarian o kabansaan o kultura o kasaysayan.

Paano nga ba magrebisa ng tula?

Napakalawak ng maaaring maging sagot sa tanong na ito. Ang tanong ay maaaring sa punto de bista ng makata o editor o kritiko o mambabasa. Maaaring ang makata ay siya ring editor ng kaniyang tula, at bihirang-bihirang makatagpo ng ganitong uri ng nilalang. O kaya naman ay ang kritiko ang nagsisilbing editor sa akda ng makata, at ang makata ang gumagawa ng pangwakas na pagbabago at pagpapakinis ng tula. Sa ganitong pangyayari, tila nakatataas ang kritiko sa makata kung ituturing na higit na matalas mag-isip ang kritiko kompara sa makata. Ngunit maihahaka ring sadyang may mga bagay na nakakaligtaan ang makata, at malaking tulong ang naibibigay ng kritiko na nagsasaalang-alang ng iba pang aspekto sa pagbuo ng tula. Maaari ding ang mambabasa, bilang konsumidor, ang magtatakda kung paano dapat rebisahin ng makata ang kaniyang tula, upang sa gayon ay lalong makahatak ng iba pang mambabasang ang antas ng diskurso ay kaantas ng diskurso ng makata. Bagaman sa unang malas ay kalugod-lugod ito sa panig ng makata, sa kalaunan ay maaaring malagak na lamang siya sa de-kahong pagtula dahil kinakailangan niyang sumunod sa kumbensiyon, panlasa, at pamantayan ng kaniyang mga mambabasa.

Sa madali’t salita, hindi simple ang magrebisa.

Sa sandaling ito, hayaan ninyo akong magbiggay ng ilang punto hinggil sa paraan ng “pagpapakinis” ng tula. Ang sumusunod ay hinango ko sa aking karanasan bilang makata, at siyang naobserbahan ko rin sa iba pang kaibigang makata habang bumubuo ng “mga pambihirang tula.” Maihahakang hindi nito masasagot ang lahat ng pangangailangan sa pagrerebisa ng tula, ngunit maaari namang maging patnubay sa sinumang ibig sumulat ng tula.

Pamagat at Pagpapamagat
Maraming paraan ng pagbuo ng pamagat, ilan dito ang sumusunod:

1. Ang unang taludtod ang siya ring pamagat.
2. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig, at binabanggit din sa loob ng tula.
3. Paggamit ng isang salita na malawak ang pahiwatig (at nakatuon sa sentral na diwa), ngunit ni hindi babanggitin ito sa loob ng tula.
4. Paggamit ng isang parirala, kung hindi man pangungusap. Sa ibang pagkakataon, sinasadya ng makata na higit na mahaba ang pamagat kaysa sa tula, na bagaman kahanga-hanga sa unang malas ay nakabubuwisit sa kalaunan dahil waring ikinukubli ng makata ang kababawan ng kaniyang tula sa mahabang pamagat.
5. Ang pamagat ay kaugnay ng unang taludtod, at mistulang run-on line ang silbi sa buong disenyo ng tula.
6. Numero o titik lamang magsisilbing pamagat, kung sisipatin ang bawat piyesa sa buong koleksiyon na bahagi ng isang serye ng mga tula.
7. Maaaring titik o numero lamang ang pamagat, kung ituturing ang tula na kaugnay ng susunod na tula; o ang buong koleksiyon ay ituturing na isang tula lamang.
8. Sa ilang pagkakataon, ginagamit ng ibang makata ang bantas bilang pamagat ng tula, halimbawa ang tuldok na ginamit ni Ariel Dim. Borlongan, at sinamang palad na nabura nang ilathala sa magasin; o kaya’y ang tandang pananong o tandang pandamdam upang idiin ang damdaming isinasaad ng tula.
9. Ang pamagat ang kabaligtaran ng lahat ng isinasaad ng tula, at may epekto ng mabisang kabalintunaan.
10. Kaugnay ng numero 9, ang iba’y sinasadya ang korning pamagat, gaya ng ginawa ni Mike L. Bigornia nagpamagat sa kaniyang isang tula na “Only the Lonely.” Gayunman, iba ang bisa ng tula ni Bigornia, dahil nagkaroon ng panibagong dimensiyon ang pamagat (na may alusyon sa isang awiting Ingles at malimit patugtugin sa mga birhaws) kung ibabatay sa nilalaman ng tula hinggil sa magkaibigang nilulunod ang sarili sa “lason” (i.e., alak) dahil sa labis na lungkot.
11. Walang pamagat na gagamitin. Sa ganitong pagkakataon, pinakikialaman na ito ng ilang editor, dahil paano nga ba maitatangi ang isang piyesa sa iba pang piyesa kung walang pamagat? Magkakaroon din ng problema sa pag-indeks ng mga pamagat. Nalulutas ang ganitong problema, kapag ginamit ang binanggit sa numero 1.

Mapapansing maraming paraan ang pagbuo ng pamagat. Ang problema sa ibang manunulat ay hindi nabibigyan yaon ng sapat na pansin upang mapaganda ang sinusulat na tula. Kung sa pamagat pa lamang ay tila nakababagot at korni na, sinong mambabasa ang magkakainteres na ipagpatuloy ang pagbabasa ng tula?

Kaya kinakailangan ang maingat na pagpili ng pamagat. Ang pamagat ay maiuugnay sa buong nilalaman at anyo ng tula, at maaaring makatulong mulang biswal na disenyo hanggang kahali-halinang pag-ulinig sa diwain ng tula.

Kilatisin ang Padron
Mabuting timbangin kung naaangkop ang ginamit na padron sa tula. Kinakailangan ba ang mahigpit na tugma at sukat, o makagagaan kung malayang taludturan ang ginamit upang mapalawig ang diwain ng tula? Kung gagamit ng tanaga, hindi ba masyadong nasisiki ang diwaing ibig isaad ng tula? At kung mala-epiko ang tula, sapat ba ang mga panuhay na saknong upang makatayo nang matatag ang buong tula? Kung gagamit naman ng padrong tulang tuluyan, ano ang ikinaiba ng nasabing uri ng tula sa prosa mismo? Nagtagumpay ba ang makata sa kaniyang paglalarawan o pagsasalaysay ng tagpo? Ang ganitong konsiderasyon ay dapat nasa isip lagi ng makata.

Bagaman tinalakay na ito ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984), mabuting balikan pa rin. Ngunit sa yugto ng rebisyon, dapat ay higit na maláy na ang makata hinggil sa buong disenyo at balangkas ng kaniyang tula. Maaaring nangangapa pa ang makata sa unang borador ng kaniyang tula, at kahit nasa isip niya ang magiging daloy ng balangkas ay hindi mangangahulugan yaon na maisasapapel niya ang lahat ng kaniyang iniisip at plano. Pagsapit sa yugto ng pagpapakinis ng tula, kailangang magtiyaga pa rin ang makata na balikan ang mga pangunang hakbang sa pagbubuo ng tula upang matantiya niya kung naging matagumpay ang kaniyang pagtitimpla ng balangkas, disenyo, at nilalaman.

Balikan ang Ubod na Diwain
Ang “ubod na diwain” na aking tinutukoy ay maitutumbas sa “sentral na ídeá” ng tula. Korni ba  palasak ang nasabing diwain? Maaaring dumako rin sa pagtasa kung palasak ang tema, at kung ano mismong pagdulog ng makata sa nasabing tema ng tula. Magagawa ito kung tatasahin ang ubod na diwain ng tula sa pamamagitan, halimbawa, ng pagbabalik sa persona. Mahusay na nahubog ba ang katauhan ng persona, at naiugnay ito sa pagpapalawig ng ubod na diwain ng tula? Anong uri ng persona ang ibig ipamalay ng makata? At paano inangkupan ng tinig at himig ang nasabing persona? Maidaragdag din kung saan nakalugar ang persona, at saang anggulo siya sisipatin sa loob ng tula. Pag dumako na ang makata sa ganitong yugto, mapipilitan na rin siyang uriratin ang panahong iniiralan ng persona.

Maihahalimbawa ang tema ng prostitusyon at sinasagisag halimbawa ni Magdalena. Kung ang ubod na diwain ay dalagang bukid na dukha ngunit maganda at napilitang magputa, nawalan ng puri sa birhaws, at pagkaraan ay isinumpa ng madla, maituturing na gasgas na ito, lalo kung ang alusyon kay Magdalena ay tulad sa awit na likha ni Freddie Aguilar at di-nalalayo sa Biblikong pahiwatig. Ngunit kung ang diwain ng tula, halimbawa, ay ilalapat sa kompiyuter—na waring kinakarát tuwing binubuksan ng tao—ang malikhaing personipikasyon nito sa panahon ng globalisasyon ang maaaring magpanibago sa dating gasgas nang tema at pagdulog hinggil sa prostitusyon.

Sa ibang pagkakataon, ang epektibong paglalarawan ng mga lunan ay makatutulong din sa paghubog ng buong diwain ng tula. (Ang lunan na aking tinutukoy ay hindi lamang ukol sa pook o kaligiran, bagkus maging sa loob ng isip at puso ng persona.) Paano sinimulan, nilinang, at winakasan ang serye ng paglalarawan, samantalang isinasaalang-alang ang ubod na diwain ng tula? Maihahalimbawa ang pambihirang rendisyon ni Mike L. Bigornia sa “Mirador Hill, 1974″:

Oras ng paghuhunos ng balakbak
Na pinangingitlugan ng alitaptap.

Pabugso-bugso ang hanging
Yao’t dito sa panimdim.

Ang imahen sa ibaba’y pakiwal-kiwal
Piliti sinusundan ang dupikal.

Yaong dagat ay kuwento ng hamog
Sa dulo ng hagdang inaantok.

Unti-unting nagiging ako
Ang burol at anino.

Ang senyales ng pagbabago ng oras ay sinimulan sa pagkabakbak ng mga balát ng punongkahoy, at siyang lunan ng mga alitaptap. Ang punongkahoy ay mahihiwatigang nagluluningning sa gabi sanhi ng paglitaw ng mga alitaptap. Idinagdag ang pabago-bagong ihip ng simoy, mula sa kaligiran hanggang sa loob ng isip ng persona. Ang persona ay maiisip na nakapuwesto sa mataas na pook, at maaaring minamasid niya ang mala-bitukang manok na landas sa bundok nang tumunog ang kampanang hudyat ng orasyon. Ang pagdama sa pook ay pinasidhi ng paghalumigmig ng panahon, at ang hamog ay waring taglay ang katangian ng dayaráy [sea breeze] na lumalatag sa payyo [rice terraces] kung hindi man bagnos. Ang sukdulan ng paglalarawan ay nasa pangwakas na saknong, na ang persona at ang buról ay nagsasalikop ang pagbabanyuhay, habang dumidilim o gumagabi. Ang tesis ng metamorposis, kung gayon, ay hindi lamang sa labas ng katauhan ng persona. Nasa kaniyang loob ang metamorposis at ang persona mismo ay nagbabago kahit sa sandali ng pagbubulay.

Kaugnay ng binanggit hinggil sa paglalarawan ay ang masinop na pagkatalogo ng mga pangyayari o pagkilos o bagay, lalo sa mga tulang patanghal. Sa ganitong yugto, kailangan ang maingat na paghahanay at kombinasyon ng mga pandiwa, pang-uri’t pangngalan sa loob ng tula. Maihahalimbawa ang pagkatalogo ni Rio Alma sa tula “Parabulang Sensuwal: Bilang Prologo”:

May limang mata ang umiibig.
Nalalapnos ang una
Sa pusok at usok ng poot.

May limang mata ang umiibig.
Naninilaw ang ikalawa
Sa asido ng panibugho’t imbot.

May limang mata ang umiibig.
Namamanhid ang ikatlo
Sa dilig ng himutok at hirap.

May limang mata ang umiibig.
Nalalasing ang ikapat
Sa halimuyak ng hapag at halakhak.

May limang mata ang umiibig.
Napipinid ang ikalima
Sa ugat ng tamad na panaginip.

Lima lamang ang mata ng umiibig.
Limang ningas na nagtatampisaw
Sa hubad na alindog ng daigdig.

Ang anaphora ay lumalakas dahil sa pambihirang pagkatalogo ng mga yugto sa buhay ng tao. Pansinin ang paggamit ng mga salitang “nalalapnos,” “naninilaw,” “namamanhid,” “nalalasing,” “nagtatampisaw,” na ang aliterasyon kung hindi paroemion ay sumasabay sa antas ng damdamin o niloloob ng tao at nilalagom ng “ningas” ng lastag na kaligiran (i.e., kadalisayan ng lunan). Maiuugnay din dito ang mga pandulong tugma ng ikatlong taludtod sa bawat saknong (“poot” at “imbot”; “hirap” at “halakhak”; “panaginip” at “daigdig” ) na pawang umaagapay sa repetisyon, kaya marahang umiigting ang bawat antas ng damdaming inihahayag.

Bilangin ang mga Salita
Malaki ang naitutulong ng teknolohiya, lalo na ng kompiyuter, upang mapagaan at mapabilis ang trabaho ng makata. Halimbawa, madali nang bilangin ang mga salita sa buong talata o saknong. Mababatid sa pamamagitan ng Simple Concordance kung ilang ulit lumitaw sa teksto ang salita. Nang gamitin ko ang nasabing program upang busisiin ang koridong Ibong Adarna ay saka ko lamang nabatid na wala pang dalawang prosiyento ang Espanyol at banyagang alusyon sa nasabing korido kung ihahambing sa bukal ng talasalitaan sa Tagalog nito. Hindi malalayo rito ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na .015–.02 porsiyento lamang ang kabuuang hiram na salitang Espanyol kompara sa korpus ng Tagalog.

Ngayon, kung darako naman tayo sa rebisyon ng tula, ang nasabing teknolohiya ay magagamit upang lalong mapasinop ang pagbubuo ng tula. Mababatid ng makata ngayon kung anong salita o alusyon ang paborito niyang ilahok sa tula. Maiiwasan niya na maging maulit o makulit, maliban na lamang kung sinasadya niya ang pagkasangkapan sa mga uri ng repetisyong maaaring ilapat sa tula. Bukod doon ay mapipilitan ang makata na maging pihikan sa paggamit ng salita, at sa pagtimpla ng mga pandiwa at pang-uri, habang tinitimbang ang dami ng lahok na pangngalang pantangi. Matatasa niya kung gaano siya kadaling maglustay ng salita o espasyo, halimbawa sa isa, dalawa, o tatlong taludtod. Mababatid din niya, halimbawa, na kahit sa pinakamasikip na padron ay makalilikha pa rin siya ng mga unibersal na diwaing may testura ng Filipino o Tagalog o Bisaya o Ilokano.

Malaki kung gayon ang maitutulong ng mga programa sa kompiyuter, ngunit dapat pa ring isipin ng makata na ang mga ito’y tulay lamang sa mahabang proseso ng malikhaing pag-akda.

Titigan ang Saknong
Makatutulong sa pagrebisa ang pagtitig sa mga bukana at dulong salita ng bawat taludtod sa loob ng isang saknong. Mulang taas hanggang baba ang maaaring maging ehersisyo sa pagsuyod sa mga panimula o pandulong salita, na animo’y tumitingin ka ng mga lahok sa diksiyonaryo. Sa ganitong paraan, madali nang mababatid kung anong mga salita ang marapat tanggalin o panatilihin. Mababatid din kung may ikinukubling akrostik at panloob na tugmaan ang tula.

Ang pagtitig sa mga bloke ng saknong ay isa pang paraan ng pagtasa kung naging balanse ba ang buong estruktura ng tula. Halimbawa, puwedeng uriratin kung bakit higit na makapal ang mga taludtod sa unang saknong kaysa sa mga sumunod na saknong. Mahihiwatigan din kung may biswal na disenyo ang buong tula, na bukod sa ipinahihiwatig ng mga salita.

Manerismo sa Pagsulat
Maiuugnay sa nabanggit sa itaas ang manerismo sa pagsulat. Kung maláy na ang makata sa mga salitang ginagamit niya sa loob ng tula, madali na niyang matatasa ang angking mga kahinaan sa pagsulat. Halimbawa, kung hihimayin ang mga taludtod sa bawat saknong, maaaring mabatid ng may-akda kung bakit paulit-ulit at walang habas ang pagbaluktot niya sa sintaks o paglabag sa batas ng gramatika kahit hindi naman kailangan. O kaya’y matutuklasan ang hilig niya sa paggamit ng ilang partikular na parirala, kahit sabihin pang nakapagdudulot iyon ng pagkabarok. Sa ibang pagkakataon, masusuri nang maigi ang henyo ng may-akda sa pagbuo ng sari-saring anyo ng pangungungusap, habang isinasaalang-alang ang musika ng buong tula.

Biswal at Awral na Anyo
Sa mga makatang imahista, ang biswal na anyo ay napakahalaga. Ang mga tiyak na paglalarawan, bukod pa ang hugis ng mga saknong o taludtod, ay napagpapatindi ng damdamin o diwaing isinasaad ng tula. May tula si Mayet C. Culibao na pinamagatang “Bakit”. Ang hugis ng buong tula’y maihahambing sa karit. Ang nasabing hugis-karit ay magkakasanga ng mga pahiwatig mulang pagsasaka at tagsalat hanggang politika ng sosyalismo at komersiyalismo, habang makakargahan ng sagisag mulang katayan tungong tandang pananong sa hinaharap ang imahen ng tao na dumaranas ng taggutom. Walang masama sa gayong paglalaro ng mga salita, lalo kung ang biswal na anyo ay umaagapay sa awral na anyo ng tula. Ngunit sa ibang kaso, kung walang habas ang paglalaro ng salita’y nakatatalam din; at tila pagkukubli sa abstraksiyon nang hindi mapansin ng mambabasa ang kababawan ng teksto.

Sa yugto ng rebisyon, kinakailangang timbangin ng makata kung ang biswal na anyo ng mga taludtod ay angkop sa tunog o indayog ng mga salitang pawang nakaugat naman sa ubod na diwain ng tula. Mahirap gawin yaon sa mahahabang tula, at ang karaniwang nagiging matagumpay ay yaong maiikli, patanghal, at mapaglarawang tula.

Magpakadalubhasa sa Salita
Walang ibang kagamitan ang makata kundi ang salita. Gaano man kaganda ang disenyo ng aklat ay malulusaw ang saysay niyon kapag bulagsak gumamit ng salita ang makata. Kaugnay nito, dapat maláy ang makata sa batas ng balarila nang sa gayon ay batid niyang labagin iyon sa ilang pagkakataon.

Marami nang inilista si Almario hinggil sa mga siyokoy na salita, gaya ng “aspeto” (aspekto), “pangkultural” (pangkultura), “pesante” (kampesino), at “kontemporaryo” (kontemporaneo), na patuloy na lumilitaw kahit hangga ngayon. Hindi ko na dapat pang ulitin yaon. Kailangang maging maláy hinggil dito, upang maiwasan na ang paulit-ulit na paglitaw ng nasabing mali. Ngunit higit pa rito, kailangang magbalik kahit sa karaniwang ginagamit na salita, gaya ng “nandoon” (naroon), “nandito” (narito), “na kung saan” (kahit “na” lamang ang dapat gamitin), at ang malimit na pagkalito sa pang-angkop na “na,” “ng,” at “nang.”

Maging maingat kahit sa paggamit ng balbal na salita at ng mga bagong ewfemismo, dahil kung minsan ay napakalimitado ang saklaw ng paghihiwatigan nito sa loob ng subkultura, at ni walang hangad na umangat sa antas ng diskurso ng malawak na lipunan. Labis tuloy na nagiging espesyalisado ang wika, at ang nagkakaintitndihan na lamang ay ang mga tao na kabilang sa naturang subkultura, gaya ng mga bakla sa Malate o ng mga punkista sa Diliman. Ang panlipunang dimensiyon ng panitikan ay nahahanggahan, at ang wika, na dapat sanang maging tulay ng komunikasyon, ay nagiging sagabal pa sa pag-unawa.

Kailangan kung gayon ang mga mapagtitiwalaang diksiyonaryo at tesawro habang sumusulat o nagrerebisa ng tula. Sa pamamagitan nito, mabilis makasasangguni ang manunulat hinggil sa tumpak na gamit ng salita. Magiging kasangkapan din niya ang mga it upang mapalalim ang kaniyang bokabularyo. Maaaring sa simula’y mangapa siya; ngunit paglaon ay magiging gamáy na niya ang kahit malalalim na salita, at dudulas ang paggamit niya rito habang tumutula.  Bukod sa nabanggit, maaaring magsimulang maglista na rin ang manunulat ng iba pang salitang ginagamit sa kaniyang lalawigan o lungsod, at siyang makapagpapayaman sa kaniyang pagtula.

Matutong Kumilala sa Ibang Awtor
Isa pang sakit ng mga kabataang manunulat ngayon ay hindi marunong lumingon sa pinanggalingan. Halimbawa, kahit ang tula ay halatang adaptasyon sa tula ni Lope K. Santos o Jose F. Lacaba, aangkinin ng makata ang kaniyang mahusay na pag-akda. Ano ang masama kung maglagay ng “pasintabi,” “salamat kay,” o “pagkaraan ni” sa ilalim ng tulang halaw sa ibang tula? Kailangan ito, lalo sa panahong ang plahiyo ay usong-uso hindi lamang sa mga teksbuk, bagkus maging sa mga tulang nalalathala sa internet.

Balikan ito sa yugto ng rebisyon ng tula. Sa aking palagay, higit na lulusog ang pagbasa sa tula kung malinaw ang reperensiya at pinag-ugatan ng adaptasyon o panggagagad, at magiging gabay pa yaon sa mga bagitong mambabasa.

Mag-ingat sa Paggamit ng Epigrape
May mga tulang natutukuran ng, at nakatukod sa, epigrape. At may mga tulang kapag walang epigrape ay hindi na kayang tumayo nang mag-isa. Ang tula ay dapat tumindig kahit walang epigrape, at sakali’t lagyan ng epigrape ay dapat lalong tumindi ang bisa nito sa nilalaman, disenyo, at ubod na diwain ng tula, gaya ng ginawa nina Alfrredo Navarro Salanga at Rio Alma.

Ang epigrape ay maaaring maging bintana sa pag-urirat ng tula. Maaaring ang epigrape’y kabaligtaran ang nais ipahiwatig pag natapos basahin ang tula. Maaari ding ang isinasaad na diwa lamang ng epigrape ang mahalaga, at walang kaugnayan ang konteksto ng pinagmulan niyon sa tulang nilikha ng makata.

Ano’t anuman, mag-ingat sa paggamit ng epigrape. Kung sadyang may alusyon at reperensiya ang dulot niyon sa tula’y mabuti at dapat hangaan. Ngunit kung gagamitin lamang yaon sa tula upang ipagmagara ng makata sa kaniyang mga mambabasa at walang kaugnayan sa tula, masasabing kahinaan na yaon na humahangga sa kagila-gilalas na katangahan.

Paggamit ng Bantas
Sa tradisyonal na panulaang Tagalog, mahalaga kahit ang pagsasaad ng bantas sa loob ng pangungusap. Naitatakda nito ang natural na paghinto at paghahati ng mga salita, habang umaagapay sa tugma. Pag-aralan ang paggamit nito, kaugnay ng pagpuputol ng mga parirala.

Kung ayaw namang gumamit ng bantas, pangatawanan ito gaya ng ginagawa ni Ophelia Alcantara Dimalanta. Ang masinop na pagpuputol ng parirala ang maghuhudyat ng bantas, kaya dito dapat magtuon ang makata habang nagrerebisa.  Minsan, hindi gumagamit ng bantas ang isang awtor hindi dahil ibig niyang suwayin ang kumbensiyon kundi sadyang hindi niya alam kung paano gumamit nito. Ito ang masaklap, dahil ang tagumpay ng tula ay ala-tsamba at batay sa oido lamang.

Subukin ang Lohika ng Pahayag
Mabuting ehersisyo ang pagrerebisa ng tula dahil nababanat nito ang paggamit ng lohika. Ang mga pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pananaludtod [i.e., balangkas ng tula] ay sumasalok sa paraan ng pangangatwiran sa lohika. Hindi nagkakalayo ang dalawang nabanggit, bagkus ay pinalalakas pa ng lohika ang pagbuo ng taludtod, saknong, at ang buong tula mismo.

Subalit may masasalimuot na tula, na ang paraan ng lohika ay taliwas sa lohika na karaniwang matatagpuan kapag gumagamit ng prosa. Hindi rin tahas at tuwid ang mga pahayag sa tula, bagkus ay maligoy, pasikot-sikot, at nakapanlilinlang, kung hindi man nagsasalimbayan sa ilang pagkakataon, gaya ng sa panaginip. Bukod dito’y naghahalo ang dalawa o higit pang tinig, at kaya mahirap sundan. Ganito ang matutunghayan sa ilang tula nina Rogelio G. Mangahas, Cirilo F. Bautista, Alfrredo Navarro Salanga, at Rio Alma.

Mabuting magrepaso ang sinumang baguhang manunulat hinggil sa lohika, kung ibig niyang mapahusay ang pagtula.

Pag-urirat ng Nilalaman
Ang pag-urirat sa nilalaman ng tula ay dumarako sa ikalawang antas ng rebisyon, na tinagurian kong “panloob na aspekto.” Sumasaklaw ang panloob na aspekto sa panlipunang dimensiyon ng pagtula, kaya ang tula ay masasabing nagkakabisa ng tulay mulang makata hanggang mambabasa, at pabalik. Mapagmalabis ding sabihing ang makata ay sumusulat ng tula para lamang sa kaniyang sarili, at ni walang pakialam sa puna ng iba, dahil yaon ang sukdol ng pangkaisipang pagsasalsal o pagdukit. “Wika” ang ginagamit ng makata, at ang nasabing wika ay kapuwa artsibo at kamalig  ng lipunan, kasaysayan, at kultura, at iba pang kaugnay nito. Sa ganitong kalagayan, ang makata ay hindi makatatakas sa panlipunang dimensiyon ng pagtula at tula. May pinag-ugatan at iniinugan ang tula—at hango sa realidad ng kaniyang lipunan at panahon—subalit may kakayahan pa rin ang makatang lumikha ng bukod na realidad ng guniguni at taliwas sa realidad ng lipunan.

Sa oras na mapagsalikop ng makata ang realidad ng lipunan at ang realidad na likha ng kaniyang guniguning pinanday, hinubog, pinakinis, at pinatalim ng wika—ang wikang batid din ng kaniyang kababayan o ibang tao at may angking diskurso na kaantas ng diskursong taglay ng makata—nagiging matagumpay ang tula. May ilang hawig na sanaysay na sinulat si C.F. Bautista hinggil sa paksang ito, at malaya kayong balikan.

Maraming dapat isaalang-alang ang manunulat kapag inuurirat na ang laman. Halimbawa, kailangang muling sumangguni siya sa mga aklat, teorya, interbiyu, video, komiks, at kung ano-ano pang pteksto upang matiyak na mahusay na nagagamit ang mga dalumat na kahiyang hinugot sa mga ito. Kailangan din niyang magbasa ng kasaysayan at ng kasaysayan ng panitikan, at sa ilang pagkakataon, magbalik sa mga teorya ng pagbasa sa tula, upang malay na makalikha ng mga ganap na tulang lumilihis sa kumunoy ng katangahan.

Kailangang sagapin ng makata ang daigdig, ito ang payo ni Almario; at ito ang makatutulong upang lumago ang karanasan at kamalayan ng makata. Napakahirap iyon para sa bagitong manunulat, ngunit maaaring magsimula sa mga karanasang batid na batid niya, mula man iyon sa tirahan o dormitoryo hanggang sa paaralan at tambayan. Makasusubok din ang makatang maglista ng mga alusyon at reperensiyang gagamitin niya sa tula, at planuhin kung anong anggulo at pagdulog ang tumpak na gamitin ukol doon.

Anumang paksa na piliin ng makata ay mahalaga; at sa yugto ng rebisyon, kailangang salain niya ang mga diwaing makatutulong sa malikhaing pagbuo ng kaniyang bayan. Hindi ito madali, lalo sa mahahabang tula, at kaya kailangan ng makata ang ilang eksperto o tagapayo mula sa iba’t ibang larang, na handang magbigay ng kaalaman at kuro-kuro hinggil sa napiling paksa. Isang magandang halimbawa nito ang paghingi ng payo ni Rio Alma mula sa iba’t ibang eksperto nang gawin niya ang Huling Hudhud (2008) na binubuo ng mga tinig ni Aliguyon, Jose Rizal, at Di-kilalang Kabataan ng kasalukuyang henerasyon.

Pandama at Pagdama sa Tula
Lahat ng materyal na realidad na labas sa katauhan ng makata ay maaaring sagapin ng limang pandama. Ngunit ang isa pang bukod na realidad na maaaring maglaro sa kalooban o isip ng makata ay hindi madaling magagap at hindi kayang saklawin ng naturang pandama dahil nangangailangan yaon ng matalas na haraya [i.e., imahinasyon]. Ang imahinasyon ang tula, wika nga ni C.F. Bautista, upang maunawaan natin ang mga panloob na katotohanan [sa isip ng makata].

Sa yugto ng rebisyon, ang pagtatasa sa haraya sa loob ng tula ay nangangailangan ng malusog na pagtatagpo ng katwiran, damdamin, at guniguni. Ang tatlong elementong ito ay ipinaliwanag noon pa man ni C.F. Bautista. Ang karaniwang pakahulugan sa isang “bahay” na realidad sa labas ng katauhan ng tao ay hindi magiging kapareho sa “nilikhang bahay” ng guniguni, dahil ang paghihiwatigan ay lumalawak at lumalalim sa malikhaing panghihimasok ng makata. Ang “guniguning bahay” ng makata, kung gayon, ay hindi tahasang maitutumbas sa “makatotohanang bahay,” bagaman kayang sumalamin ang “guniguning bahay” sa “makatotohanang bahay” at sa kalagayang kinapapalooban nito.

Hindi madaling matutuhan ang pagdama sa kaisipang patalinghaga, dahil kailangang pag-aralan ng manunulat ang lahat ng sinulat ng mga nangaunang makata sa kaniya. Kailangan ng manunulat na pumaloob sa daigdig ng haraya, at gumamit ng wikang may taglay na haraya, upang ang karaniwang wika ay umangat sa abang lunan nito at makalikha ng sariwang daigdig.

Basahin nang Malakas ang Tula
Ang isa pang pagsubok na magagamit upang mabatid kung epektibo ang tula ay basahin yaon nang malakas.

May dalawang pag-uuri na ginamit si Almario sa tula. Una, ang “tulang palabas” na mahilig gamitin ng mga tinawag niyang “Balagtasista”—at masasabing epektibo sa mga bigkasan o pagtatanghal ng tula. At ikalawa, ang “tulang paloob” na aniya’y pinauso naman ng mga modernista, at sinasabing “tahimik” at “mapagbulay” na pagtula. Bagaman maaaring sang-ayunan ang dalawang pag-uuri, maaari ding uriratin pa kung ang tinaguriang “tulang paloob” ay nagtataglay din ng kapasidad na magluwal ng pambihirang musika, na maaaring ibang-iba ang hagod sa “tulang palabas.” Maaari ding pag-aralan ang mga “tulang palabas” ng mga pangkat na mahilig sa pagtatanghal-tula, upang mabatid ang eksentrisidad ng tula sa eksentrisidad ng pagtatanghal.

Halimbawa, kung ang “tulang palabas” ay ituturing na namamayaning pop ballad o hip-hop at rap, ang “tulang paloob” ay maaaring ituring na heavy metal rock o klasikong opera. Ano’t anuman, may kakayahan ang dalawang uri ng pagtula na makapagluwal ng natatanging himig at indayog, na maaaring ang may batikang pandinig lamang ang nakababatid. Hindi ako naniniwalang ang tulang paloob ay maikukulong o dapat ikulong lamang sa pahina (maliban sa ilang pagkakataon na ang tula’y pulos paglalaro lamang ng mga titik o numero o grafiks, gaya sa ilang tula nina Mary Ellen Solt, Edwin Morgan, at Vim Nadera; o blangko ang pinakalawas ng tula ngunit may pamagat, gaya ng ginawa ni Jose Garcia Villa; o kaya’y ang mga tala o footnote ang magsisilbing teksto ng tula, gaya ng ginawa ni Conchitina Cruz). Ang tulang paloob ay epektibo rin kung handang makinig ang mga tao, sasaliwan ng maindayog na tunog, at kung babasahin, halimbawa na, ni Marlon Brando o Frank Sinatra. Samantala’y ang sinasabing tulang palabas ay mawawalan ng bisa, kung ang uri ng tula ay masisilayan sa gaya ng mga tulang protesta ni Bienvenido Lumbera na tradisyonal ang anyo; at sa mga sumisigaw sa hinagpis o pa-abanggardistang tula ng bagong henerasyon ng performance poet na ang padron at iniidolo ay ang mga tulang palabas ni Domingo Landicho o kaya’y Cesare Syjuco.

Bakit kailangan kong banggitin pa ang mga ito? Sapagkat kailangang subukin ng makata ang musika ng kaniyang tula. Anuman ang piliin niya—palabas man o paloob—ay dapat niyang pangatawanan. Ang masaklap ay maging sintunado pa rin ang tula sa kabila ng pagsisikap ng may-akda na pahusayin ang pagsulat. May mga tulang sadyang salát sa indayog, at isang problema na aking napapansin ay ang pagtawid ng makata sa daigdig ng prosa kahit tumutula, at ang labis na pagtitipid ng mga salita na waring ginagagad ang tulang Ingles. Prosa ang datíng ng tula, ni wala man lang tayutay o sayusay.

Kung tatasahin ang Tagalog bilang wika ng panulaan, masasabi kong ang henyo at elegansiya nito ay nasa kabulaklakan at paghihiwatigan—at nahahawig sa hagod ng Espanyol—dahil ang antas ng paghihiwatigan ng mga Tagalog ay ibang-iba kung ihahambing sa tahas na wika ng Amerikano. Hindi dapat maging kapintasan ang kabulaklakan ng Tagalog (na dati nang pinuna ng mga Inglesero) dahil ito ang magtitiyak kung anong antas na ng kamalayan ang naabot ng mga mamamayang ang isip at kamalayan ay hinutok at pinanday ng kanilang sariling panatikan at kultura. Ibang-iba ang Tagalog sa Ingles, at hindi dapat ipailalim sa batas ng gramatika ng Ingles ang Tagalog.

Makatutulong ang pagbabasa nang malakas sa pagrerebisa ng tula. Maaaring mapansin agad ng makata kung anong salita ang nararapat palitan, at kung paano ibabagay ang himig ng persona sa damdamin o diwaing taglay niya. Sa ganitong yugto, kinakailangang hasain ng makata ang kaniyang tainga, at pakinggan ang tunog at bagsak ng mga salita.

Pangwakas
Ang ating utak ay likas na humahanap ng padron sa ating paligid, ani Diane Ackerman, at idaragdag kong isa na rito ang paghahanap ng padron sa animo’y kalawakan ng mga pahiwatig o hulagway sa isang tula. Madali tayong makauunawa kung mahihilig tayong magbasa, at kung ang mga newron at galamay nito ay masasanay sa testura at lamán ng Filipino. Ngunit higit pa rito, kailangan din matuto tayong salain ang mga binabasa, upang ang ating utak ay higit na makapitlag sa pambihirang lunan ng guniguni.

May iba pang paraan ng pagrebisa ng tula. Matutuklas lamang ito ng makata kung patuloy siyang magsusulat ng tula, at hindi magsasawang balik-balikan ang kaniyang mga akda. Isang pagsubok ang lagi kong ginagamit. Kung ang tulang sinulat mo may lima o sampung taon na ang nakararaan ay maganda pa rin at kaaya-aya sa iyo kapag binasa mo ngayon, marahil ay nagtagumpay nga ang tula. Iyon marahil ang mahalaga. Ang ibigin at maibigan mo muna ang sariling mga tula, bago ibigin at maibigan yaon ng madla sakali’t mailathala.

(Binagong bersiyon at panayam ni Roberto T. Añonuevo sa LIRA noong 31 Agosto 2008 na ginanap sa UP Kolehiyo ng Arte, Diliman, Lungsod Quezon)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers