Alin ang totoo?, ni Charles Baudelaire

salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alin ang totoo?

May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.

Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.

At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”

Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, sumikad ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa sariwang tabon sa hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.

Taglagas Ngayon, ni Mihai Eminescu

TAGLAGAS NGAYON

salin ng tula ni Mihai Eminescu.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Taglagas ngayon, kalat sa lupa ang mga dahon,
At naiiwan ang mga hamog sa may bintana;
Nagbabasa ka ng lumang liham na kupas, sira,
at binalikan ang iyong búhay minsan pa noon.

Sa munting bagay ay nalugod kang maglustay-oras
At nayayamot kung lumagitik sa may salamin;
Kung nagyeyelo sa labas-bahay, mas nanaising
Nabí sa siga saka payapang lubos-mangarap.

Umupo ako sa aking silya nang nakatitig
Sa apoy nitong lumang salaysay at adang reyna;
Sa paligid ko’y may singaw-ulop na lumalamig.

At kumaluskos ang mga sutlang nukaw sa akin,
Habang ang yabag na mararahan ay papalapit . . .
At tinakpan mo ng yelong kamay itong paningin.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Guhit ni Gustave Dore. Dominyo ng publiko.

Ang Banyaga

Lumalabas siya ng bahay at ang bahay ay aandar nang kusa para uyamin ang panuto ng pag-iral. Aandar ang bahay sa guniguni ng malagkit na sala o mapanghing kubeta, mabubulabog sa mga batang uhugin ngunit maliksing nagsusuntukan, maililipat sa opisina sa gitna ng pulong, maisasakay sa kotse para harapin ang kumperensiya, darako sa hotel, unibersidad, o supermarket para tuparin ang listahan ng tipanan, asignatura, at layaw, saka magbabalik sa pagiging bahay pagsapit ng hatinggabi. Bahay na bato, bahay kubo, bahay-bahayan, bahay-aliwan, ano ang kaibahan nito sa bahay na isinisilid mo sa pitaka, o kaya’y inililihim sa kontrata?

Tatakasan niya ang bahay, at uupa ng kasambahay. Iiwan sandali ang itinuturing na tahanan, pababayaan ang bakurang hitik sa mga tuyong dahon, maglalakwatsa kahit alanganin, malulugod sa pagpapatakbo ng bagong kotse, kalilimutan na siya ay magulang o asawa, iaangkas ang dalagang kakilala, totoma marahil sa paboritong tambayan, at pagbalik kinagabihan, ang bahay ay huhugutin sa bulsa at alaala. Matatawa siya dahil bukod sa matatag ay matapat ang kaniyang bahay para magsilbi sa pang-araw-araw na pangangailangan.  Pagpaloob niya sa garahe, mauulinig niya ang mga kaluskos at pagaspas, saka maaaninag ang mga nakadapong kuwago sa nakaawang na bintana.

At pagbukas niya ng tarangkahan, ni hindi siya papansinin ng sinumang multong namamahay.

“Ang Banyaga,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 23 Pebrero 2010.

Kuwago, kuha ni Magnus Rosendahl. Mula sa artsibo ng Public Domain Photos.com

“Lilim” ni Boleslaw Prus

salin ng kathang “Cienie” ni Boleslaw Prus mula sa orihinal na Polish, at batay sa saling-Ingles ni Christopher Kasparek
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

LILIM

Habang nauupos ang sinag ng araw mula sa kalangitan, sumisilang ang takipsilim mula sa kalupaan. Takipsilim ang malaking hukbo ng gabi, na may laksang di-nakikitang hanay at bilyon-bilyong kawal. Ang makapangyarihang hukbo na noong una pa man ay nakikibaka sa liwanag, nadudurog tuwing bukang-liwayway, lumulusob tuwing gumagabi, maghahari mulang dapithapon hanggang madaling-araw, at pagsapit ng umaga’y magkakawatak-watak, at magkukubli sa mga pook na lihim habang nagmamatyag.

Maghihintay sa malalalim na guwang at silong ng lungsod, sa makakapal na kagubatan, at sa kaibuturan ng maiitim na lawa. Mag-aabang habang mananambang sa walang-kupas na lungib, bituka ng minahan, singit ng kanal, sulok ng bahay, at pusod ng mga dingding. Waring kalat-kalat ito at naglaho, ngunit napupuno nito ang bawat lilignan ng paligid. Umiiral ito sa bawat siwang ng punongkahoy, sa mga tupi ng damit ng tao; humihimlay sa pinakamaliit na butil ng buhangin, sumasabit sa pinakapinong hibla ng sapot ng gagamba, at mag-aantabay. Pinalis mula sa isang pook, lilipat ito nang kisapmata kung saan, at magbabalik sa pinag-ugatan kapag nakasumpong ng pagkakataon, upang mapasok ang di-nasasakop na posisyon at mangibabaw sa daigdig.

Samantalang naghihingalo ang araw, ang hukbong takipsilim ay tahimik at maingat na magmamartsa palabas sa mga kublihan nito. Pupunuin nito ang malalamlam na pasilyo, bulwagan, at hagdanan ng mga gusali; mula sa mga aparador at dulang ay marahang gagapang sa gitna ng silid at kukubkob sa mga kurtina; mula sa mumunting lagusan ng hangin sa pintungan ng alak at bintana ay tatakas patungo sa lansangan, sasalakayin ang katahimikan ng mga pader at bubong, magpapasukot-sukot nang pakubli sa bubungan, at matiyagang maghihintay na maglaho ang mamula-mulang ulap sa kanluran.

Maya-maya’y biglang sasambulat ang karimlan mulang lupain tungong kaitaasan. Magtatago ang mga hayop sa kani-kanilang himpilan; tatakbo pauwi ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Ang búhay, tulad ng halamang pinagkaitan ng tubig, ay mangunguluntoy at malalanta. Malulusaw ang mga kulay at anyo sa kawalan; maghahari ang sindak, mali, at krimen sa buong daigdig.

Nang sandaling iyon, sa mga kalye ng Warsaw na natitigang, lumitaw ang kakatwang hulagway ng isang tao na may munting apoy sa kaniyang tuktok. Tinahak niya ang bangketa na waring hinahabol ng dilim, hinintuan ang bawat lampara, at nang mapailaw yaon, ay naglaho gaya ng anino.

Gayon ang nagaganap araw-araw kada taon. Nangyayari iyon sa mga bukid, habang humahalimuyak ang mga bulaklak; o tuwing Hulyo habang humahalihaw ang bagyo. Umuunos man ng alikabok tuwing taglagas o sumisigabo ang niyebe sa himpapawid, malimit tuwing pagsapit ng gabi’y kakaripas siya sa mga bangketa habang tangan ang munting apoy, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho sa lilim.

Saan ka nanggaling, ginoo, at saan nakahimpil? Ni hindi namin alam ang tabas ng iyong mukha o narinig man lang ang tinig. May asawa ka ba o ina na naghihintay sa pagbabalik mo? May mga anak ka bang kakandungin at yayakapin pagkaraang sindihan ang mga ilawan? May mga kaibigan ka bang mahihingahan ng tuwa at lungkot, o kakilalang makakahuntahan sa mga nagaganap araw-araw?

May tahanan ka ba na kinaroroonan mo? May palayaw ka ba? May pangangailangan ka ba’t nararamdaman, gaya namin? O sadyang wala kang hubog, tahimik at maysa-tagabulag na nilalalang na lumilitaw lamang tuwing takipsilim, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho gaya ng anino?

May nagsabi sa akin na lalaki nga siya, at binigyan pa ako ng kaniyang adres. Pinuntahan ko ang kaniyang tirahan sa gusaling paupahan, at nagtanong sa porter:

“Nakatira ba rito ang lalaking nagsisindi ng mga ilaw sa kalye?”

“Oo, dito nga.”

“Nahan siya?”

“Sa silid na iyon.”

Nakakandado ang silid. Sumilip ako sa bintana at natanaw ang isang sopa sa tabi ng dingding at kalapit niyon ang mahabang tungkod na may ilawan. Wala roon ang tagailaw.

“Ano ho ba ang kaniyang itsura?”

“Ewan,” sambit ng porter. “Ni hindi ko siya kilala, dahil wala siya kapag umaga.”

Pagkaraan ng kalahating taon, nagbalik ako sa kaniyang tirahan.

“Nariyan ba ang tagailaw ng kalye?”

“Ay, naku!” saad ng porter. “Wala na siya at hindi na magbabalik pa. Inilibing siya kahapon. Patay na siya!” Napakunot ang porter.

Nagtanong ako ng ilang detalye at nagtungo sa sementeryo.

“Mamang sepulturero, maituturo mo ba ang puntod ng tagailaw ng kalye?” Inulit niya, “ang tagailaw ng kalye?”

“Sino ang makatatanda niyan? Tatlumpung bangkay ang inilibing kahapon!” aniya.

“Inilibing siya sa pinakadukhang puwesto ng sementeryo. Ang tagailaw,” untag niya.

“May dalawampu’t limang tagailaw na gayon.”

“Ngunit naroon siya sa walang barnis na kabaong.”

“Nagdala sila rito ng labing-anim na walang barnis na kabaong.”

Hindi ko nabatid ang kaniyang mukha o pangalan, o natukoy man lamang ang  libingan. At nanatili siyang lihim hanggang kamatayan, tulad noong siya’y nabubuhay: nakikita lamang tuwing takipsilim, pipi at mailap na gaya ng anino.

Sa gitna ng karimlan ng buhay, na nangangapa ang sawimpalad na sangkatauhan, na ang ilan ay sasalpok sa mga hadlang, mahuhulog ang iba sa guwang, at walang makaaalam ng ligtas na landas, na ang mapamahiing tao ay makalalasap ng kabiguan, karukhaan, at pagkapoot—sa madilim, walang bakás na pook ng buhay, magkukumahog ang mga tagailaw, mananatiling lihim ang pag-iral, magpapagal nang di-matingkala, saka maglalaho gaya ng lilim. . . .

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers