Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Awit at Pag-ibig ni Mahmud Kianush

Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MANANATILI ANG AWIT

Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.

Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.

LARO NG PAG-IBIG

Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.

Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.

SA HAPAG NG SIMOY

Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,

sa alimbukay ng alikabok,

ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,

sa hapag ng hangin,

ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.

DALISAY

Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.

Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,

dahil may puso ka

na walang bahid ng mga pagnanasa.

Mga Kabayo

Mga Kabayo, mula sa artsibo ng fithfath.com. Dominyo ng publiko.

Ang Matandang Lalaking Umiibig

Ang Matandang Lalaking Umiibig

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring nakakalbo o pinilakan
ang buhok, ngunit taglay niya ang sidhi ng karunungan at pag-iingat
habang nilalandas ang lalim ng pusod at tarik ng iyong mga bundok.

Ang matandang lalaking umiibig ay nagkakaulap minsan ang mga mata,
gayunman, hindi siya matatakot lumusong at umaninag sa pasikot-sikot
na ilog na bubuksan mo dahil alam niyang magwawakas siya sa laot.

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring humihina ang pandinig,
ngunit handa siyang tumitig at makinig sa iyo nang lubos at paulit-ulit,
kahit maglaro ka ng mga hugong na naghihinanakit o umiiwa sa dibdib.

Ang matandang lalaking umiibig ay madaling sipunin lalo’t takipsilim,
ngunit natatandaan niya ang iyong halimuyak na sakay ng hangin
at mananalig na ikaw ay laging nasa paligid para ipakilala ang langit.

Ang matandang lalaking umiibig ay umiitim ang gilagid at umuuga
ang mga ngipin, ngunit ang kaniyang mga salita ay tiyak at matatag,
na handang magbahagi ng pagdama’t pagtuklas sa payak na kataga.

Ang matandang lalaking umiibig ay lumalaki ang tiyan at sumusungit,
ngunit marunong magtimpi sa mga talulot na lumulutang sa alak
habang ikaw ang kapiling, at ang mundo ay waring ibig na mabaliw.

Ang matandang lalaking umiiibig ay naiihi kung minsan sa pantalon,
at kidlat sa tag-araw ang pagtigas ng uten, ngunit dahil siya’y umiibig,
kaya niyang ilipad ka sa sukdol ng kaluguran habang umaapoy ang isip.

Ang matandang lalaking umiibig ay dumurupok ang singit o tuhod,
subalit gumamit man siya ng tungkod, ang marahan niyang paglakad
ay magpapagunita ng mga tinik, bagà, at bangin na kaniyang tinawid.

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring naghahanap at ulyanin,
subalit magsisikap siyang halukayin ang kaniyang madilim na alaala,
upang maibalik ang hulagway mo kahit siya nagdedeliryo at nakaratay.

Sapagkat ang matandang lalaking umiibig ay lumalampas sa karaniwan,
at ipagtatapat niya ang digmaan at kapayapaan, ang tagsalat at tagsibol,
upang kung ikaw man ang maligaw, matatagpuan mo ang sariling pook

na maaaring maganap ang lahat, kahit ang pagtingin sa kabila ng puntod.

Ang Pagsapit

Halakhak ng naghaharutang mga bata ang pumasok sa bintana, at nagdulot ng alimpungat sa isang huklubang babae. “Ang mga lintik!” nawika niya habang iniuunat ang makikirot na tuhod. Napaubo siya, at sumungaw ang dugo sa kaniyang ilong. Hindi niya naiwasang mapadahak, at nang dumura siya’y tila lumabas mula sa kaniyang baga ang naimbak na poot at inggit na pawang naghunos na kuwago. Pumagaspas ang ibon at naglandas sa lalamunan hanggang kumawala sa kaniyang bibig. Sinundan niya ng tanaw ang kuwago, at nang dumapo sa sanga ng bayabas, ay anu’t kumislap saka nagliwanag. Nasilaw ang mga bata nang tamaan sila ng pambihirang sinag, at biglang nagsitakbuhang gaya ng mga bubuwit—takot na takot, ik-ik nang ik-ik—samantalang ang matanda sa lumang silid ay hindi nasikil ang managhili sa isang sanggol na namatay, at muling nabuhay, nang marinig niya ang tinig na sumisigaw: “Nanaaay! Nanaaay! Nanaaay!”

Sagutang talinghaga hinggil sa lupa

Ang Sabi ng Matatanda

Mag-aaway, gaya ng mga ilahás na hayop, ang magkakapatid dahil sa pamanang lupain ng kanilang mga ninuno. Itatakda ng batas, agham, at wika ang katwiran ng matatangkad na pader, at ang halaga ng lunggating teritoryal. Lingid sa mga sakim at hangal, ang lupang kanilang pinag-aawayan ay ang lupa ring tatabon sa kanila sa oras ng kamatayan.

(2 Agosto 2005)

♦ ♦ ♦

Ang Sabi ng mga Bata

Panginorin sa takipsilim.

Panginorin sa takipsilim.

Bahagi ng pag-iral ang pag-aaway. Kung walang galos, paanong mauunawaan ang bighani ng kirot o luwalhati? Kung walang dadanak na dugo, paano maitatala ng utak ang pag-iwas sa nanà o paggamot sa sugat? Pinapaslang kahit ang sariling ama, at ipinatatapon sa malayong lupain kahit ang sariling ina. Iisa ang lupain. Nagkakaiba lamang kung paano natin ito lalandasin o lalayagin o liliparin.

(8 Abril 2007)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 121 other followers