Tahanan ng mga Bituin, ni Toshio Nakae

salin ng tulang tuluyan ni Toshio Nakae.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Tahanan ng mga Bituin

Naitatag sa kung saang sulok ng himpapawid ang bahay nang walang tulong ng sinumang klasikong disenyador o abanggardistang arkitekto.

Naitindig ang bahay nang walang tunog ng palo ng martilyo ni garalgal ng makinang tagapaghalo ng kongkreto.

Ni walang bakod ni pader o lupain, ang mga bagay at gastusin ay maringal na nilulustay sa malayo.

Tigang, di-maliparang uwak na hardin ng gabi. Munti, hungkag, walang lupaing baláy. Wala kundi ang mala-kristal na bunga ng mga buntong-hininga, ipinagbabawal, walang bubong, walang haligi, walang bakal na balangkas. Malamig, malamig na walang saysay.

Mga kristal na hugis-bahay ng di-mabilang na katal ng buntong-hininga. Ibinukod sa iba at walang landas, bumubuo ng lungsod ang mga ito.

Hindi mamuhay sa gayong bahay sa naturang lungsod, huwag mamahinga sa gayong bahay, bagkus magngalit sa gayong tirahan, mapoot lamang, ang buhay ay kailangan sa Hiroshima at Nagasaki. Kailangan ang buhay sa Auschwitz at Stalingrad.

Ngunit iyon ang lungsod na walang panauhin. Ang bahay na iyon. Ang bahay na tanging ang mga bituin ang umiiral, ang tahanan ng mga buntong-hininga ng mga tao.

Tila singaw iyong maglalaho sa ngitngit. Ang tahanang maringal na umaantig ng ilusyon, gaya ng ginagawa ng mapusyaw, mapusyaw na panaginip sa sukdol ng nauupos na pag-asa.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.

Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Dalawampung Minuto

Ano ang maisisilid sa puwang na ito? Matatangkad na gusali marahil, na magkaharap at nagkikislapan ang mga salamin, at sinumang tumingin ay malulusaw sa init. Mainit ang pagitan ng mga pader gayong napakalamig ng akondisyonadong paligid. Nanaisin ng sinumang magkabalikat na tawirin ito, panatilihin sa gunita, at sa piling ng saitan ay hahayaang matunaw ang gulugod sa paghuhugpong ng mga katawang lumulusog na tambakan ng basura at layaw. Bawat panig ay napakasiksik, at upang mapanatili ang mga estruktura’y kinakailangan ang matatag na lupaing nag-aangkin ng bituka ng adobe o marmol. Maaaring kumuliling ang kung anong kalatong kung hindi man batingaw na hudyat ng pagwawakas o paghuhukom ni Tuhan. Magiging simbilis ng mola ang sikad ng panahon. Sisingasing ang mola na sumasakay sa elektromagnetikong alon. Magtitinginan ang mga gusaling pumikit-dumilat ang mga bintana. Samantala, mananatili sa gitna ng lansangan ang estatwa ng tsonggo na tangan ang binalatang saging, at nakamuwestrang  lastag, nanggagalaiting suwail. Lalawak nang sukdol ang espasyo kahit limitado ang panahon, tulad ng maisisilid sa komiks. Maiiwan sa sahig ang mga anino, habang bumabanda ang sinag sa kanilang landas na sinisilip, kung hindi man bantulot na tinatahak.

["Dalawampung Minuto," tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 17 Nobyembre 2010.]
Lady Godiva, ni John Collier.

Lady Godiva, pintura ni John Collier.

Bawat angking Kimera, ni Charles Baudelaire

salin ng “Chacun sa chimère” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BAWAT ANGKING KIMERA

Sa ilalim ng malawak, abuhing langit, sa maalikabok, di-maliparang uwak na kapatagang walang bagnos, walang damo, walang baging ni palumpong, nasalubong ko ang ilang tao na hukót kung maglakad.

Bawat isa sa kanila’y pasan ang malaking Kimera, na simbigat ng sako ng arina o gatong, o katumbas ng kasuotan ng kawal na Romano.

Ngunit ang nakahihindik na halimaw ay hindi basta walang saysay na pabigat; bagkus, sinasaklaw nito’t inaalipin ang tao sa pamamagitan ng malalakas, nababanat na kalamnan; kinukuyom ng malalaking kuko ang dibdib ng sinasakyan nito; at ang pambihirang ulo nito’y tumatakip sa kilay ng tao, gaya ng mga nakasisindak na helmet na ginagamit ng mga sinaunang mandirigma upang mapatindi ang hilakbot ng kanilang kaaway.

Tinanong ko ang isa sa mga lalaki, at inusisa kung saan sila patungo sa gayong anyo. Sumagot siyang wala siyang kamalay-malay sa anumang nagaganap—siya man o ang iba pang kasama; ngunit halata silang patungo kung saan, dahil hinihimok sila ng di-nakikitang pangangailangang maglakad.

May kakatwang dapat pansinin: wala ni isa sa mga manlalakbay ang nayayamot sa mabangis na halimaw na lumalaylay sa kaniyang leeg at nakadikit sa kaniyang likod; at maihahakang bahagi na iyon ng kaniyang katauhan. Lahat ng pagál at seryosong mukha ay hindi nagpapamalas ng kawalang-pag-asa. Sa lilim ng nakaririnding kisame ng kalangitan, tinahak ng kanilang mga paa ang alikabok ng lupaing tigang gaya ng kaitaasan, at tumugpa sa landas nang may anyo ng mga taong mapagtiis na isinumpang umasa nang paulit-ulit.

At lumampas sa aking tabi ang tanikala ng mga lalaki at naglaho sa ulop ng panginorin, sa pook na ang pabilog na rabaw ng planeta ay ikinukubli ang sarili mula sa mapanuring tanaw ng tao.

At sa ilang sandali pa’y ipinagpatuloy ko ang mithing unawain ang misteryong ito; ngunit namayani sa aking loob ang di-maiiwasang kawalang-pakialam, at higit akong naguluhan kaysa silang pasan-pasan ang mga nakasusubasob na Kimera.

Landas ng Babaeng Minamahal, ni Carlos Barbarito

Salin ng tulang “Tao de la mujer amada” ni Carlos Barbarito.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LANDAS NG BABAENG MINAMAHAL

1
Babae: misteryo at pinto.

2
Hindi siya kinakagat ng mga putakti at ahas,
hindi siya kinakalmot ng maiilap na hayop,
hindi siya dinaragit ng mga ibong malulupit.

3
Malalambot na buto, nababanat na kalamnan,
misteryo sa misteryo,
mga pinto ng kagila-gilalas.

4
Kanginong anak siya?
Tila higit siyang matanda sa Langit at Lupa.

5
Kahit hindi lumabas sa kaniyang pinto,
alam niya kung ano ang anyo ng mundo.
Hindi man siya sumilip sa bintana,
nababatid niya ang landas ng kalangitan.
Bago ko siya makilala, kilala na niya ako.
Hindi niya ako nakikita, ngunit tinatawag
niya ang aking pangalan.

6
Kapag kumapit ka sa akin, aniya, kakapit ka
sa buhay, maglalakbay ka at hindi masasalubong
ang mga rinoseronte o tigre;
maglalakad ka nang walang sandata o kalasag
sa gitna ng mga mandirigma.
Walang susuwagin ang mga rinoseronte,
o kakalmutin ang mga tigre, o hihiwain ang patalim.
Walang puwang dito ang kamatayan.

7
Pagkaraan, mabubuo ang dilim at liwanag,
mabubuo ang mga anyo nang walang hugis,
ang mga pigurang walang pigura,
walang makakikita sa atin sa harapan,
yamang ang ating mga mukha
ay nasa likod, nasa ating likuran.

Mga Kubling Lungsod ni Italo Calvino

salin ng akda ni Italo Calvino
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Olinda, kapag masusing nagsiyasat ka sa pamamagitan ng lente, matatagpuan mo ang pook na hindi hihigit sa ulo ng aspile, at kung titingnan iyon sa malaki-laki, ay mabubunyag sa loob nito ang mga bubungan, ang mga antena, ang klaraboya, ang mga hardin, ang mga tubigan, ang mga banderitas sa mga kalye, ang kiyosko sa mga plasa, ang ipodromo. Hindi nananatili roon ang dulo:  pagkalipas ng isang taon ay matutuklasan mo itong kasinlaki ng kalahating dayap, pagdaka’y kasinlaki ng kabute, at hanggang maging kasukat ng malukong. Saka magiging ganap na kasukat iyon ng lungsod, na napaliligiran ng naunang lungsod: isang bagong lungsod na iginigiit ang daan sa naunang lungsod at sinisikap na kumawala palabas. Ang Olinda ay hindi lamang ang tanging lungsod na lumalago nang paikid-ikid, gaya ng mga bunged ng punongkahoy na nagdaragdag ng bilog kada taon. Ngunit sa ibang lungsod, nananatili roon sa gitna ang luma’t makitid na sinturon ng mga pader na tinitirikan ng mga aguhong kalawangin, ng mga tisang bubong, ng mga bobeda, habang ang mga bagong kuwartel ay nakakalat paikot sa mga ito gaya ng maluwag na sinturon. Hindi ang Olinda: ang mga lumang dingding ay lumuluwang at taglay ang mga lumang kuwartel nito, na lalong lumalaki sa mga gilid at numinipis upang pagsidlan ng mga bagong kuwartel na tumutulak mula sa loob; at paulit-ulit, tungo sa puso ng lungsod, isang ganap na bagong Olinda, na sa binawasang sukat nito ay nag-iiwi pa rin ng mga katangian at daloy ng katas ng unang Olinda at ng lahat ng Olinda na sumibol mula sa iba; at sa loob ng pinakaubod na bilog nito ay palaging may pamumukadkad—bagaman napakahirap na unawain ang mga ito—ang susunod na Olinda at ang iba pang lalago pagkaraan niyon.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers