Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.

Aralin 1: Isang pagdulog sa tula ni Jemar Cedeño

Aralin 1: Isang pagdulog sa “Erehe” ni Jemar Cedeño

1              Makailang ulit na lumabis labis,
2              lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
3              galit na tuwirang bumasag sa bait,
4              bait na lugaming humalik sa hapis.

5              Pinanalanginang mapagtagumpayan,
6              na maipangalat nasawi ng liham;
7              upang mapag-uli buhay na naparam
8              ay hindi mautas sa dakong kawalan.

9              Nguni’t [sic] ang landasin ay dagling binuwal,
10           niyaong patnugot na kasuklam suklam,
11           hungkag na damdaming dinadalisayan,
12           ng siphayo’t dusang lubhang kalungkutan.

13           Wari’y paru-parong [sic] sa maunang tingin,
14           animo ay gandang walang di papansin;
15           nguni’t yaon pala’y ubod ng rimarim,
16           mabunying halimaw na kalagim lagim.

17           Kapita pitagang [sic] uod na dakila,
18           sa laman at buto’y lubhang mapanira;
19           matuwid na lakad pinapaging aba,
20           maikat’wiran [sic] lang ang sa kanyang nasa.

21           Nangagsipanago sa plumang maitim,
22           ng kabalakyutang walang kasing diin;
23           ni ang likong budhi’y di sisikmuraing
24           makipagkaniig sa musikong saliw.

25           Anupa’t ang langit sa kaitaasan,
26           tinakpan ng ulap ng kasiphayuan;
27           upang maitago ang luhang dumungaw,
28           sa silong ng matang nasukob ng panglaw.

Kargado ng pahiwatig ang salitang “erehe” na mula sa Espanyol na “hereje,” at kabilang sa mga pakahulugan nito bilang pangngalan, ayon sa Real Academia Española (2013), ay ang sumusunod: una, ang tao na sumasalungat sa mga dogma ng mga establisadong relihiyon; at ikalawa, ang tao na sumasalungat o isang akademya na bumubukod sa opisyal na linya ng opinyong ipinagpapatuloy ng institusyon, organisasyon, atbp. Kung gagamiting pang-uri, tumutukoy ito sa “walanghiya” at “balasubas”; at sa balbal na pakahulugan ay katumbas ng pagsasabi nang marubdob ngunit nakasasakit. Kung idaragdag ang balbal na pakahulugang ginagamit sa Cuba, ang erehe ay katumbas ng “pangit” o “di kaakit-akit” kung idirikit sa tao; o kaya’y mababa ang kalidad kung iuugnay sa bagay; o “napakahirap” kung idurugtong sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya.

Hindi magiging newtral na salita ang “erehe” kung gayon, lalo kung babalikan ang mga nobela ni Jose Rizal.  Sa Noli me tangere, magiging erehe si Juan Crisostomo Ibarra sa paningin ng mga frayle dahil sa pagtatangka nitong magtatag ng bagong paaralan, makaraang makapag-aral siya sa Ewropa; gaya lamang na naging erehe ang kaniyang amang si Don Rafael na tumangging magsimba at mangumpisal, alinsunod sa pananaw ni Padre Damaso, at nagdusa hanggang mamatay sa bilangguan dahil ipinagtanggol ang isang batang sinasaktan ng artilyero. Erehe rin si Elias sa pagnanais nitong iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan, at siyang sumasalungat sa mapagmalabis na patakaran ng Espanya. Sa El filibusterismo, ang “erehe” ay magkakaroon ng hugis sa mga katauhan nina Simoun (ang balatkayo ni Ibarra), Basilio, Kabesang Tales, Quiroga, atbp. Ang erehe kung gayon ay napakasalimuot na salita, at kung gagamitin itong alegorya o alusyon ay kinakailangang matatag ang sandigan nito sa loob ng tula.

Sa obra ni Jemar Cedeño na pinamagatang “Erehe” (2013), ang erehe ay marupok na ikinabit sa persona. Ang mga taludtod 1-8 ay mula sa isang tinig na nagsasalaysay hinggil sa sinapit na kasiphayuan ng isang maipagpapalagay na “erehe” ngunit kung ano ang pinaghihimagsikan nitong erehe ay malabo sa tula. Galit na galit umano ang isang manunulat, at nasiraan pa ng bait, ngunit kung bakit naging gayon ay hindi malinaw sa tula. Sa punto de bista ng pagtula, ang unang dalawang saknong (1-4, 5-8 taludtod) ay napakahalaga. Kinakailangang ipakilala muna kung sino ang hinayupak na erehe, at ipakilala ito sa isang pananaw na maaaring nakababatid sa kaniyang gawi o asal.

Kung ipagpapalagay na ang erehe ay isang manunulat na nagpadala ng liham sa isang patnugot [editor], ang patnugot ang nagdulot ng kalungkutan sa manunulat sapagkat maiisip na “mahinang sumulat” ang manunulat. Hindi agad ito mahihiwatigan, sapagkat nakalilito ang sintaks ng mga taludtod; at gumamit man ng isang anyo ng repetisyong gaya ng anadiplosis sa unang saknong ay nakapagpahina ito sa kabuuan upang maipakilala ang persona. Kung malabo ang tinutukoy na erehe, ang anumang larawan o pahiwatig na ikabit dito sa loob ng tula ay madaling guguho, at hindi na mapagtutuunan ang mga laro ng kapangyarihang mahuhugot sa istorikong alusyon o alegorya.

Isa pang problema sa obra ni Cedeño ay hindi binigyan man lamang ng pahiwatig kung sino ang patnugot. Kung gagawa ng tula, ang personang ipagpalagay nang isang manunulat ay dapat suhayan ng iba pang tauhang gaya ng editor. Hindi komo’t nagbanggit ng isang pangalan ang isang makata sa kaniyang tula ay sapat na. Kinakailangan ang paghahanda sa mga tauhan, sapagkat lalaylay ang mga pahiwatig nito kung gagamitin nang walang pakundangan.

Ang persona ay dapat ding ilugar sa isang pook o panahon. Ang paggamit ng salitang “erehe” sa kasalukuyang panahon ay dapat tumbasan ng pag-iingat upang hindi lumitaw na sinauna ang pagdulog sa tula. Nasaan ba ang persona sa tula? Walang nakaaalam. Maaaring ang persona’y nasiraan ng bait, at kung gayon nga, ang pook na kaniyang iniinugan ay maaaring sa daigdig ng imahinasyon. Ngunit nabigong maipakita ang gayon sa tula; at isang ehersisyo ng labis na pagbasa kung ipagpapatuloy ang nasabing haka.

Marupok ang mga taludtod 13-28. Binanggit ang salitang “paruparo” sa taludtod 13, ngunit kung kanino ito inihahambing o itinatambis ay malabo kung sa manunulat ba o sa editor. Maaaring sa editor, subalit nabigo muli ang awtor sa pagpapahiwatig kung bakit ang editor ay naging “paruparo” na sa unang malas ay marikit ngunit nang lumaon ay naging karima-rimarim, kung hindi man kahindik-hindik. Ang ginamit na taktika ng pagmamalabis sa deskripsiyon ay hindi nakatulong sa tula. Sa paggawa ng tula, ang pagsasaad ng mga larawan ng persona o kausap ng persona ay dapat kalkulado, masinop, at malinaw. Upang maipamalas na halimaw ang kausap ng manunulat-persona, kinakailangang marahan at sunod-sunod itong ipamalas kumbaga sa pagkakatalogo ng mga katangian.

Halimbawa ng pagkakatalogo ay una, “mapanira” at kung bakit naging ganito ay kinakailangan ng mga hulagway o imahen sa tula. Ikalawa, “mapagbalatkayo” raw ang kalaban ng persona, at muli kinakailangang patunayan ito sa loob ng tula. Madaragdagan pa ang mga imahen, alinsunod sa nais ng awtor. Naging OA ang tula ni Cedeño sapagkat naglista siya ng mga salitang gaya ng “kasuklam-suklam,” “siphayo,” “dusa,” “kalungkutan,” “aba,” at “luha” na pawang nabigong tumbasan ng mga pahiwatig na mag-aangat sa kalagayan ng persona. Ang mahuhusay na halimbawa ng pagkakatalogo ng mga salita ay matutunghayan sa mga tula nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, at Fidel Rillo.

Ang persona, na naipasok sa isang pook at panahon, ay malilinang sa anumang nais ng makata. Nais ba ng awtor na ipamalas ang “kasiphayuan” ng persona? Puwes, kinakailangang maglatag siya ng mga pangyayari o paglalarawan ng magsusukdol sa gayong layon. Hindi sapat ang paglilista ng mga salitang magkakatugma, na parang kolektor ka lamang ng mga magkakasingkahulugang salita. Kinakailangan ang masinop na pagsasaayos.

Ang kabulagsakan sa paggamit ng tugma ay mapapansin kahit sa mga taludtod 5-12 na pawang iisa lamang ang tugma (bbbb, bbbb), bukod sa tugmang karaniwan pa. Kung babalikan ang mga payo ni Lope K. Santos, ang tugma at sukat ay siyang panlabas na anyo ng tula o pisikal na katawan ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ay pinakakaluluwa. Sa paggawa ng tula, kahit ang paggamit ng tugma ay dapat umaayon sa damdaming nais ipahiwatig mula sa isang persona, pook, o panahunan. Hindi sapat na magkakatugma ang dulong salita ng mga taludtod; kinakailangang iayon ito sa partikular na damdaming nais ihayag sa tula.

Mapapansin din na hindi sumusunod sa makabagong ortograpiyang Filipino ang obra ni Cedeño, sapagkat kinudlitan pa ang “nguni’t” at “makat’wiran” na puwedeng gamitin ang “ngunit” at “makatwiran.” Ang “paru-paro” ay ginitlingan, gayong hindi na kailangan sapagkat hindi naman ugat na salita ang “paro” at kahit pa may salitang “paparó” na isang uri ng malaking kulisap. Napakahalaga sa isang makata na sumunod kahit sa makabagong ortograpiyang Filipino upang hindi magmukhang sinauna ang ispeling ng mga salita, maliban na lamang kung sinadya ito.

Sa pangkalahatan, ang mga taludtod 25-28 ay korni ang datíng sapagkat paanong malulungkot ang langit sa sinapit ng persona kung ang hindi alam ng langit ang pinagmumulan ng persona? Bago malungkot ang langit, dapat maipakita muna sa mambabasa na karapat-dapat kaawaan ang persona. Inapi ba ang persona-manunulat? Puwes, ilatag ito sa mga detalye. Ang makapangyarihang puwersa na umaapi sa persona ang nabigong ilahad o ilarawan sa obrang “Erehe” ni Cedeño. Ang pagiging erehe kung gayon ng manunulat o kahit ng patnugot ay wala sa lugar; ginamit lamang ang salitang erehe nang walang ingat at sapat na bait. Ang aral na ito ay dapat matutuhan kahit ng mga estudyanteng nagsisimulang tumula.

Ang Sining ng Anlowagi

Unti-unting nabubura sa gunita ang salitang “anlowagi,” bagaman nananatili sa malalayong lalawigan, at ang humalili ay ang popular ngunit hiram na salita sa Espanyol. Kabilang ang “anlowagi” sa mga sinaunang Tagalog na itinutumbas sa salitang “karpintero,” ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang salita ay binaybay noon sa paraan ng pagbaybay ng Espanyol, “anlouagui” na maaaring maghunos na pandiwa kapag nilapian ng unlaping \mag-\, samantalang tumutukoy din sa bagay na ginagawa, halimbawa sa salitang “pinag-aanlowagihan.” Ipinapahiwatig naman ang lugar ng gawaan kapag nilapian ng hulaping \-han\, ang anlowagi, gaya ng sa “anlowagihan.”

Ang “anlowagi,” na sa kasalukuyang panahon ay binabaybay na “anlowage,” “anluwage,” “anloagi,” “alwagi,”  at iba pa, ay kumitid ang pakahalugan kung babalikan ang mga kasalukuyang diksiyonaryo at tesawro, at ikinakabit na lamang sa mga gumagawa ng muwebles na yari sa kawayan, yantok, at nipa, gaya ng papag, dulang, duyan, at kubol. Ang kapalaran ng anlowagi ay parang naging kapalaran ng “panday,” na noong sinaunang panahon ay hindi lamang sumasakop sa paggawa ng metalikong bagay bagkus kahit sa paggawa ng bahay, muwebles, at iba pang kasangkapan sa karpinterya at agrikultura.

Makapangyarihan ang hulagway ng anlowagi sapagkat ikinakabit sa kaniya ang naging kapalaran ni Hesus sa Bagong Tipan, na naging Kristo pagkaraan, at isinakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng sambayanan.

Maituturing na sining ang pag-aanlowagi, at gaya sa paggawa ng tula, ay nangangailangan ng sapat na plano ng arkitekto at siyentipikong gabay ng inhinyero, bukod sa tumpak na pagsasakatuparan ng karpintero at peon. Kung paniniwalaan ang batikang eskultor na gaya ni Jerusalino “Jerry” Araos, dapat alamin kahit ang uri at tanda ng kahoy, saka sundin ang mga linya ng himaymay sa pagtabas, pag-ukit at pagbuli, upang ang likás na kariktan ng kahoy ay lumitaw at maikubli ang panghihimasok ng tao sa kalikasan. Upang maisagawa ang masining na pag-aanlowagi, kinakailangan ang mga kasangkapan at pagsasanay sa panig ng anlowagi.

Sa paggawa ng tula, ang plano ay panloob na disenyo na binubuo sa isip at isinasalin sa papel ng makata. Nakasalalay sa plano ang magiging daloy, lohika, at wakas ng tula. Upang maging kapani-paniwala ang tagpuan at persona, ang plano ay dapat naglalatag ng mga hulagway at pahiwatig na sa unang malas ay payak, ngunit kapag pinagtambal-tambal at pinagbulayan nang matagal ay nagbubunyag ng kagila-gilalas na kabatiran. Ang pag-urirat ng plano ay higit na kailangan ng makata imbes ng mambabasa, dahil ang mambabasa ay malimit na natatangay ng damdamin imbes na lohika sa pagbasa. Ihalimbawa natin ang piyesang “Anluwage” ni Alvin Capili Ursua, na nagwagi ng titulong “Makata ng Taon” sa Talaang Ginto ngayong 2012.

Ang obra ni Ursua ay binubuo ng tatlong saknong, na ang maiikling una at ikatlong  saknong ay iniipit ang ikalawang mahabang saknong. Walang sukat at tugma, ang tula ay nagtatangka wari sa eksperimento ng tuluyan, na ang tagapagsalaysay ay nakauunawa sa katauhan ng anlowagi. Ang tagapagsalaysay, na may omnisyenteng pag-iral, ang susi sa pag-unawa ng tula. Kung sisipatin mula sa labas ng tula, ang tagapagsalaysay ay puwedeng basahin na tagapagbunyag sa katauhan ng pambihirang anlowagi (tingnan, taludtod 101-102), alinsunod sa kumbensiyonal at di-kumbensiyonal niyang pagkakakilala, at ang anlowagi ay nakasalalay ang kapalaran sa punto de bista ng tagapagsalaysay. Kung sisipatin mula sa loob, ang anlowagi—na ipinakilala ng tagapagsalaysay—ay umaangkas sa realidad na maaaring timbangin ang sining batay sa mga kinatalogong salita, hulagway, at pangyayaring buhat pa rin sa pananaw ng malikhaing tagapagsalaysay na nakikisimpatya sa kapalaran ng anlowagi. Sa loob ng tula, ang husay ng tagapagsalaysay ay puwedeng suriin alinsunod sa ginawa niyang rendisyon sa buhay ng anlowagi. Ngunit sa labas ng tula, ang anlowagi ay maaaring kabitan ng mga pahiwatig at interpretasyon, kahit yaon ay malayo sa hinagap ng tagapagsalaysay.

Kung ang inilarawang anlowagi ay hindi karaniwang anlowagi, ayon sa tagapagsalaysay, ano ang mga katangian niya para masabing higit siya sa karaniwan? Maaaring balikan ang tula na binubuo ng 125 taludtod, at pigain sa mga sumusunod:

1. Umuwing pagod ang dukhang anlowagi mula sa pagawaan.
2. Mapagtiiis ang anlowagi pagsapit sa bahay kahit mahirap.
3. Ang katatagan ng anlowagi ay kawangis ng munting bahay na matibay anuman ang simoy ng panahon.
4. Ang anlowagi ay mapagmahal sa kaniyang pamilya.
5. Ang anlowagi ay inuuna ang tungkulin sa bayan kaysa pamilya kapag may sakuna.
6. Hindi mapagsamantala ni mapanira ang anlowagi.
7. Ang anlowagi ay pagpapatuloy sa henerasyon ng pagiging anlowagi ng kaniyang ama.
8. Mahina na ang pisikal na katawan, bukod sa nasisiraan ng loob, ang anlowagi.

Hindi payak ang paglalarawan sa anlowagi, dahil ang tagapagsalaysay ay nagpapasok ng kaniyang saloobin hinggil sa naturang tao. Mapapansin ito sa mga sumusunod na taludtod:

1. Ang anlowagi ay lunan ng tunggalian at himagsikan sa pagsapit ng modernisasyon (taludtod 17-18).
2. Ang tagapagsalaysay, na may kolektibong tinig, ay posibleng kaanak ng anlowagi ngunit muslak wari sa paghihirap nito (taludtod 21-31).
3. Ipinaaalam wari ng tagapagsalaysay na may tungkulin ang anlowagi sa lipunan, at maipapalagay na pagpapasan ng krus gaya ng ibang dukha (taludtod 40-42).
4. Iniisip ng tagapagsalaysay na maaaring nagbubulay din ang anlowagi sa rebolusyon na nagaganap sa kabila ng kabundukang tanaw nito (taludtod 59-61).
5. May namumuong poot sa loob ng anlowagi ngunit hindi malinaw kung bakit at ano ang ugat nito (taludtod 66-69).
6. Ang anlowagi ay inihambing sa makata na puspos ng damdamin at masatsat (taludtod 70-74).
7. Layon ng anlowagi na komponihin ang lahat ng sirang bagay, ngunit ang kaniyang sakiting katawan ay nabigong paginhawahin ng lipunan (taludtod 105-110).
8. Nananawagan ang tagapagsalaysay sa anlowagi na huwag mawalan ng pag-asa, manalig na ang daloy ng kasaysayan ay panig sa mga dukha, at maisiwalat sa darating na panahon ang mga lihim ng pagpupunyagi ng anlowagi (taludtod 113-125).

Kung sisipatin mula sa labas, ang tula ay nagsisikap na ipakita ang de-kahong paglalarawan ng pakikibaka ng isang tradisyonal na anlowagi na inabutan ng modernisasyon sa lipunan. Salát ang anlowagi sa bukál ng yaman na makaiimpluwensiya sa produksiyon ng mga bagay sa lipunan, at ang anlowagi ay nananatiling munting piyesa sa dambuhalang mekanismong nagpapaandar ng matalinghagang makina. Ngunit kung sisipatin sa loob, ang tula ay malaki ang pagkukulang upang maitanghal ang katangian at kasaysayan ng anlowagi na dumanas ng deshumanisasyon at humaharap ngayon sa napipintong rebolusyon sa kahirapan. Higit na mapapansin ang panghihimasok ng tagapagsalaysay— na puwedeng ipagpalagay na matalik sa anlowagi—sa agos ng salaysay o paglalarawan at pilít ang paglalahok ng mga diwaing magbibigay ng katwiran sa pag-aaklas.

Nakapanghihinayang na ang obra ni Ursua ay masatsat at waring hindi gawa ng anlowagi bagkus ng bagitong peon. Ang madulaing tagpo na binuksan sa unang taludtod, na ipinahihiwatig ng langay-langayan, at inulit sa pangwakas na taludtod, ay lumalaylay. Ito ay dahil ang umuwing anlowagi ay nakulong sa deskripsiyon sa loob ng bahay, at upang makawala sa naturang tagpo ay kinakailangang manghimasok at magbigay ng saloobin ang tagapagsalaysay. Ngunit ang gayong taktika ang sumiki rin sa tagapagsalaysay, na nagbulalas ng kabatirang katulad ng sa kabataang aktibista na nakipamuhay sa pamayanan (tingnan, taludtod 40-51).

Mapahuhusay pa ang akda ni Ursua kung susubuking tabasin ang mga taludtod, pungusin ang walang saysay na kabulaklakan, at linangin ang tagapagsalita sa tula. Maimumungkahing gumawa ng krokis si Ursua, at mula roon ay mailalatag niya ang disenyo ng kaniyang tula: mulang pagkamulat sa abang kalagayan hanggang pag-aaklas na indibidwal o kolektibo hanggang pagbubuo ng bagong tahanan na ang mga kasapi ay lumalasap ng pantay-pantay na karapatan.

Mahalaga ang pangmaramihang tinig na tagapagsalaysay—na dapat isaalang-alang muli ng makata—dahil ito ang magbubunyag sa katauhan, kamalayan, desisyon, at pagkilos ng anlowagi. Bago sumapit sa yugto ng pag-asa, ang anlowagi ay dapat makita sa kaniyang sarili at kaligiran ang mga pahiwatig na magbibigay sa kaniya ng lakas ng loob upang maniwala sa kinabukasan. Hindi makapagbibigay ng pag-asa ang sakiting katawan; maliban na lamang kung ang iba pang anlowagi o kaanak o kaibigan ng anlowagi ay mabubuksan ang kamalayan sa abang kalagayan ng buhay-anlowagi na magtutulak sa kanila upang mag-aklas. Kung magagawa iyon ni Ursua sa kaniyang tula, maitatampok ang kaniyang anlowagi nang tapat at hindi romantisado, at maipamamalas sa masining na paraan, nang walang pangamba anuman ang ideolohiya o politikang kinaaaniban.

Pananaliksik at Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino

Maitutumbas sa nakasisindak na nilalang ang salitang “saliksik” [research] dahil hindi ito maihuhugis sa guniguni nang napakadali, at maraming pagdulog ang maisasagawa upang maunawaan ito alinsunod sa pangangailangan at hinihingi ng panahon. Nag-iiwan ng pangamba sa mananaliksik ang anyo ng saliksik hindi lamang dahil masalimuot ang daan tungo rito, bagkus kinakailangan ng mananaliksik ang sapat na karanasan, karunungan, lakas, at pasensiya upang matuklas at maunawaan ang hinahanap. Para mapawi ang pangamba sa pananaliksik, kinakailangang alamin kung anong uri ng hayop ito, wika nga. Kinakailangang matutuhan ninuman ang paraan kung paano mag-isip at kung paano tatanawin ang kaligiran kung hindi man daigdig, nang sa gayon ay mabatid kung paano makapaghahawan ng landas at makapaglalagay ng muhon para pagsumundan ng mga darating pang mananaliksik.

Isang katangian ng saliksik ang pagdaan sa proseso, at maaaring simulan sa pagtatanong at pag-uusisa. Ngunit ano ang itatanong, lalo kung may kaugnayan sa wika at panitikang Filipino? Makabubuting simulan ang pambungad na pagbabasa hinggil sa mga akda ng isang manunulat, halimbawa, at mula rito ay matatantiya kung dapat ipagpatuloy ang pananaliksik. Kinakailangang pag-isipan ang tanong—na batay sa umiiral na datos—at kung paano ito isasakataga, nang sa gayon ay maitakda ang saklaw at lalim ng saliksik, at haba ng panahong ilalaan doon. Sa pagbuo ng tanong, kinakailangan ng mananaliksik na timbangin ang pagiging patas [obhetibo] at ang pagtanaw sa kung saang panig [subhetibo], ayon sa kayang mailahad ng datos. Dapat ding magpasiya siya kung kalitatibo (mapaglarawan) o kantitatibo (mapagbilang) ang pag-aaral, bagaman sa ilang pagkakataon ay pinagsasanib ang dalawa nang matimbang ang isang anyo kaysa isa pa. Hahaba pa ang pagsisiyasat kung idurugtong dito ang papel ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino—na mahalagang sangay ng Komisyon sa Wikang Filipino—upang matupad ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 na gawing makatotohanan ang Filipino bilang wikang pambansa at Batas Republika 7104 na lumilikha sa KWF para sa gayong layunin.

Dapat taglayin ng mananaliksik ang iba pang katangian, gaya ng kasanayan sa pagtatala o pagsusulat at matalas na pang-unawa sa bagay na binabása o pangyayaring pinag-aaralan. Ang ganitong mga katangian ay hindi likás, bagkus napag-aaralan sa paglipas ng panahon, hanggang ang mananaliksik ay makadiskarte alinsunod sa pangangailangan ng saliksik. Yamang kalitatibo ang karaniwang uri ng pananaliksik na ginagamit sa panitikan, kinakailangang lisâin ang listahan ng mga literatura. Makabubuti kung gayon na sa talaksan ng mga aklat ay makabuo ng mga haliging pagsisimulan, at maaaring ito’y aklat hinggil sa kasaysayang pampanitikan, antolohiya ng tula o katha, mga teorya o pagdulog sa pagbasa, salungatang kritika ng mga dalubhasa, at katalogo ng mga pangalan at akda sa isang larang. Sa panig ng mga wika, ginagamit ang paraang kantitatibo, halimbawa na ang pag-eeksperimento sa isang buong klase na binubuo ng 50 katao, na bibigyan ng kaalaman at kasanayan upang pagkaraan ng takdang panahon ay tasahin ang resulta ng kanilang mga pagsusulit batay sa kanilang dinaanang leksiyon. Sa ganitong kalagayan, makabubuting mag-aral ang mananaliksik hinggil sa estadistika, paglikom ng datos sa paraang patas at walang manipulasyon, pagtitiyak na ang kinuhang bilang ng kalahok ay representante sa buong populasyon, at iba pa. Higit sa lahat, kinakailangan ang konsultant sa interpretasyon ng resulta ng pananaliksik nang sa gayon ay magabayan ang mananaliksik sa kaniyang ginagawa.

Mangangapa ang sinuman sa pagtatanong kung hindi niya alam ang teritoryo na kaniyang hinahanap. Sa panig ng panitikan, kinakailangang balikan ang mahabang kasaysayan ng panitikang palimbag, halimbawa sa Tagalog o Iluko, at mula rito ay maaaring pag-aralan ang kasaysayan ng katutubong panitikan sa isang takdang panahon, na lumikha ng angking kumbensiyon at pamantayan, at nakapag-ambag sa pagpapalago ng wika, guniguni, at pagkatha, na hindi maitutulad noong panahong nasa dahon, buho, palayok, at batuhan ang mga titik at larawang nagtatala ng kasaysayan. May mga deskriptibong pag-aaral naman, halimbawa sa mga epikong bayan, na inuugat ang mga dalumat at pananaw sa daigdig ng mga tauhan, at pinag-aaralan kung paanong ang mga penomenon o pangyayari ay humuhubog sa katauhan ng persona at sa kaniyang pagpapasiya. Hinuhugot din sa mga epikong bayan ang mga arketipong hulagway, halimbawa, na ang “bayani,” “asawa,” “anak,” “bayan,” “tubig,” “lupa,” “hangin,” “simoy,” “bathala,” “gamot,” at “kamatayan,” at sa pamamagitan nito’y naipapaliwanag ang mga sagisag at pahiwatig na pawang nabuo ng lipi na may kolektibong kubling-malay, kung hihiramin ang dila ni Carl Jung. Sa pag-aaral ng arketipo’y hindi kinakailangang limitado sa sinabi lamang ni Sir James Frazer, bagkus magagamit kahit ang mga akda nina Isabelo de los Reyes, Honorio Lopez, at E. Arsenio Manuel, at ang pagdalumat ng gaya nina Ernesto Cubar, Reynaldo Ileto, at Florentino Hornedo. Samantala, ang pag-aaral sa panig ng wika ay nakasalalay sa mga pagbabalik sa mga limbag na panitikan, diksiyonaryo, tesawro, sanaysay, kasaysayan, at iba pa. Ang paglago ng korpus ng wika ay maisasailalim sa pag-aaral na purong lingguwistika (papaloob), o kaya’y sosyolingguwistika (papalabas).

Ang mahirap sa panitikan ay hindi maitutumbas ito nang isa-sa-isa sa mga pangyayari sa kasaysayan, dahil may bukod itong kasaysayan sa kanonigong kasaysayan ng bansa. Bagaman ang panitikan ay posibleng maapektuhan ng ilang matingkad na pangyayari sa lipunan, gaya ng digmaan, salot, kalamidad, at tagsalat, at mula rito’y gagamit ng mga hulagway o tauhang nagmula sa naturang pangyayari ang mangangatha o makata, ang panitikan ay hindi direktang salamin ng realidad. Dahil kung gayon, inuulit lamang nito na parang sirang plaka ang realidad at hindi na pinanghihimasukan pa ng guniguni. Lumilikha ng sariling realidad ang panitikan; at ang pagtatakda ng panahon ng pagkauso ng isang estilo o paksa o teorya ay hindi maikakahon sa isang takdang panahon; at mahirap masukat kung gaano kadominante ito maliban kung maisasagawa ang malawakang imbentaryo ng panitikang nailimbag sa nasabing panahon. Maaaring magpabalik-balik ang uso o estilo alinsunod sa nais ng mangangatha o makata, at sa hinihingi ng madlang mambabasa. Ang maisasaad lamang ay ang paglitaw ng ilang matingkad na akdang maaaring sumasalungat sa kumbensiyon, at nagtatakda ng muhon ng pagbabago, at ito ang pagsisimulan ng modernisasyon na pinalalawig ng mahuhusay na manunulat.

Habang pinag-aaralan ang peryodisasyon ng panitikan, mapapansin na lumilikha ang mga teoriko ng mga haka-haka, pagdulog, at teorya kung paano babasahin ang gayong panitikan. Ang peryodisasyon ay posibleng kumiling sa kanonigong kasaysayan ng lipunan na bukod sa kasaysayang pampanitikan; o kaya’y bumatay sa binuong kasaysayang pampanitikang tumanyag ang mga manunulat o akda sa isang takdang panahon. Makabubuting maláy ang mananaliksik hinggil sa ganitong pangyayari, at nang sa gayon ay magawa niya ang nararapat para makamit ang layunin ng pananaliksik.

Mahaba ang panahon ng pananaliksik na iniuukol sa pag-alam ng kasaysayan ng panitikan sa lokal o pambansang antas, at karaniwang nagpapasiya na lamang huminto ang mananaliksik kapag napiga na niya ang halos lahat ng posibleng literatura na maaaring balikan, at mistulang kumbensiyon na lamang ang natitira. Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi kronika ng mga pangyayari; bagkus pag-aaral sa mga importanteng sibol na lumikha ng kilapsaw na pagkaraan ay naging daluyong sa pana-panahon at siyang magtatakda ng pagkabukod ng isang anyo ng panitikan sa iba pang anyo ng panitikan. Sa madali’t salita, lumilikha ang teoriko ng isang lente, at ang lenteng ito ay hindi pangwakas, dahil maaaring lumabo o mabasag o baguhin o ipawalang-bisa, at palitan ng higit na modernong lente ng pag-arok at pagpapaliwanag ng panitikan. Dapat banggitin na sa pag-aaral ng kasaysayan ng panitikan ay hindi nangangahulugan ng paglikha ng teorya o pagdulog ang laging pangwakas na resulta. Pinag-aaralan ang kasaysayan ng panitikan, at ang peryodisasyon nito, para mailugar nang tumpak ang mga akdang pampanitikan at hindi basta mabansagan o matatakan ng mga taguring inangkat sa kung saang lugar.

Panitikang palimbag

Kapag sinabing panitikang palimbag, tinutukoy dito ang lahat ng posibleng teksto na matatagpuan sa loob at labas ng aklatan, at dito maaaring magsimula. Makagagamit ng mga elektronikong aklatan, ngunit ang pinakamahalaga ay matukoy ang lahat ng publiko at pribadong aklatan at puntahan iyon at doon magsaliksik. Kaya maisasaalang-alang sa puntong ito ang mga pangunahin at sekundaryong sanggunian, at sa panitikan, ang pangunahing sanggunian ay ang orihinal na teksto at ang awtor (kung buháy pa siya) na maaaring pagbunsuran ng multi-disiplinaryong pag-aaral kung ituturing na ang panitikan ay kaugnay ng lipunan kahit pa sabihing may sariling realidad ang panitikan na bukod sa realidad ng lipunan. Mahirap pag-aralan ang isang kalipunan ng mga tula ng isang makatang Tagalog, halimbawa, at upang magkaroon ng idea kung ano ang testura niyon ay kinakailangang balikan ang ilang opinyon ng mga kritiko at istoryador na sumuri sa mga tulang naroroon, at pag-aralan ang konteksto ng mga dalumat [konsepto] na inilahok ng makata sa kaniyang tula.

Masasabing limitado pa ang pag-aaral sa panitikang Filipinas, partikular sa tula at katha, kung isasaalang-alang ang mga kasaysayang pampanitikang sinulat halimbawa nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Ildefonso I. Santos, Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Virgilio S. Almario, Damiana I. Eugenio, Gemino H. Abad, Soledad S. Reyes, Isagani R. Cruz, Andres Cristobal Cruz, Rolando B. Tolentino, at Galileo S. Zafra. Sa pag-aaral ng panitikan at wikang Tagalog, magiging bunsuran ang mga sinaunang tula, gaya ng salawikain at bugtong, at maaaring idugtong sa pagbabalik sa mga sinaunang alamat at mito na nakapahiyas sa mga epikong bayang pahimig na isinasalaysay ng isang makata. Kailangang pag-aralan din ang mga sinaunang salin sa Tagalog, ang mga katon (na panimulang pagsasabatas ng ortograpiyang Tagalog batay sa panuto ng Espanyol), at ang mga sinaunang diksiyonaryo at tesawrong nalathala na pawang may mga lahok na patungkol sa tula at katha. Maibibilang dito ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Jose de Noceda at Pedro Sanlucar. Pagsapit ng siglo 20, hindi matatakasan ang paglaganap ng Ingles, ang paghina ng Espanyol, at ang paglakas ng Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumalago o nabubura ang wika habang lumalaon, at mababatid ito sa mga publikasyong nalalathala sa pana-panahon.

Ang ganap na paglisa sa mga panitikan, halimbawa sa Tagalog, ay makatutulong sa pagbuo ng isang teorya ng pagbasa. Halimbawa, nabuo lamang ni Almario ang konsepto ng “balagtasismo” at “modernismo” matapos pag-aralan ang mga bokabularyo at diksiyonaryong gawa ng mga Espanyol, at ang antolohiya at indibidwal na koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Tagalog bago at pagsapit ng siglo 20. Sa panig naman ni Zeus Salazar, nabuo niya ang teorya ng Pantayong Pananaw matapos pag-aralan ang iba’t ibang daloy ng kasaysayan sa loob at labas ng Filipinas, at tuklasin sa pambihirang interpresyon ang kasaysayan alinsunod sa punto de bista ng Filipino. Sa pananaw nina Anselm L. Strauss at Juliet M. Corbin, ito ang grounded theory, ang teoryang nakatindig sa pundasyon ng datos at impormasyon. Sa kasalukuyang panahon, maaaring balikan ang mga konsepto at konklusyon ni Almario kung ang pag-uuri niya ay dapat ngang tanggapin o palawigin pa; o kung makabubuting lumikha ng isa pang teorya na batay sa ugat ni Balagtas kung hindi man mga epikong bayan. Maaari namang kilatisin ang mga akda ni Salazar gaya ng pagkilatis na ginawa ni Ramon Guillermo hinggil sa paggamit ng wika at katutubong dalumat, at pag-iwas sa napakahigpit na kahingian ng pampolitikang linya.

Kaugnay ng paglusog ng pagpapalathala noong bungad ng siglo 20 ang pagdami ng mga imprenta at publikasyon, at nakatulong ito nang malaki sa paglalabas ng mga diyaryo, magasin, at iba pang maninipis na lathalain—may bahid mang relihiyoso o komersiyal—na pawang nilahukan din ng mga tula, kuwento, nobela, dula, sanaysay, at salin. (Sa Bulakan pa lamang, kung hindi ako nagkakamali’y may mga sinaunang imprenta rito na nagsara na at ngayon ay nasa indibidwal na koleksiyon ng ilang pamilya ang mga lumang teksto at libro na puwedeng hanapin at siyasatin. Maimumungkahing trabaho ng PSWF ang pagbabalik sa mga nagsarang imprenta, at hanapin ang mga sinaunang koleksiyong itinatago ng matatandang pamilya.) Sa mga magasin, ang mga paningit na artikulo ay karaniwang dagli o pasingaw, at sa ilang pagkakataon ay tula o epigrapeng salin mula sa mga akdang banyaga, gaya ng matutunghayan sa Liwayway, Mabuhay Extra, at Sampaguita. Kung isasaalang-alang ang pagbubukas ng Kanal Suez, papansinin ni Almario na nakapag-ambag din ang gayong pangyayari sa malayang kalakalan at mabilis na paglalayag patungo at pabalik sa Ewropa para lalong sumigla ang panloob na paglalathala sa Filipinas.

Dahil sa dami ng mga lathalain, lumitaw ang isyu ng estandarisasyon ng mga ispeling, bantas, paggigitling, pag-uulit ng salita, pagtitipil, kambal-patinig, tumbasan, pagpapakahulugan, palaugnayan, at iba pa na kung susumahin ay mauuwi sa ortograpiya at retorika sa Tagalog. (Malaki ang papel ng mga organisasyong pampanitikan o pangwika, gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan, at ang mga samahang ito ang magbabakbakan kung sino ang dapat tanghaling awtoridad.) Ang usapin ng kasinupan sa ispeling at gamit ng salita ang pupuwingin ni Dionisio San Agustin para baguhin ang namamayaning kalakaran o komersiyalismo sa mga lathalain. Si San Agustin ang dating pangulo ng Aklatang Bayan, at isinaad ang kaniyang banat sa introduksiyon sa saling nobela ni Gerardo Chanco, at siyang tinalakay din nang pana-panahon sa kani-kaniyang kolum nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at Amado V. Hernandez. Ang mga editor ng isang lathalain ay karaniwang may estilo ng pagsulat at ispeling, at maaaring taliwas sa ipinalalaganap ng mga dalubwikang gaya nina Balmaseda, Regalado at Santos. Ang tatlong batikang manunulat ay magtatakda ng muhon sa ortograpiya sa Tagalog nang mahirang silang mamuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na higit na kilala ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Pambansang patakaran sa panitikan at wika

Binanggit ko ang mga pangyayaring ito dahil kaugnay ang mga ito ng pagsilang ng SWP na isinabatas noong 1937 ngunit naging epektibo lamang noong 1939. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na magpapatibay ng isang pambansang wikang batay sa umiiral sa isa sa mga wika ng Filipinas, binuo ang SWP na pinamumunuan ni Jaime C. de Veyra. Ipinroklama ang “pambansang wika” batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937. Naging makapangyarihan pa ang SWP nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 333, na inemyendahan ang Batas Komonwelt 184, dahil sa sumusunod: una, lahat ng pasiya ng SWP na pagtitibayin ng Pangulo ng Filipinas “ay magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng opisyal na publikasyon at teksto sa mga paaralan”; at ikalawa, ang SWP ay “may kapangyarihang ituwid, o baguhin ang lingguwistikong anyo at pahayag sa alinmang teksbuk na nasusulat sa pambansang wika na layong pagtibayin bilang opisyal na teksto sa mga paaralan,” alinsunod sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kung papansinin ay sadyang mabigat ang tungkulin ng SWP na maging taliba ng wika. Magpupulong ang mga manunulat, editor, at edukador noon pa mang 1937, at isa si Regalado na masisipag na kritikong maglalabas ng listahan ng mga salitang ginagamit sa panunuring pampanitikan. Magiging haligi sa mga gawain nito ang paglalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Masusundan pa ito ng pagbubuo ng ortograpiyang Tagalog [i.e., Filipino] na babaguhin nang pitong ulit: 1938, 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Problematiko noon kahit ang pag-aaral ng ortograpiya sa Tagalog dahil ang mismong wika ng pag-aaral ay nasa Espanyol kung hindi man Ingles. Halimbawa nito ang Las Particularidades de la Pronunciacion Tagala y su signalizacion Ortografica (1938) ni Jose R.A. Reyes; Preliminary Studies on the Lexicography of the Philippine Languages (1938;1940), nina Jaime C. de Veyra, Cecilio Lopez, at Felix S. Salas Rodriguez, atbp.; at Tagalog Phonetics and Ortography (1940) nina Trinidad Tarrosa Subido at Virginia Gamboa-Mendoza.

Hindi purong lingguwistika nag-ugat ang SWP. Pundasyon noon ng SWP ang mga panitikan, partikular ang panitikang Tagalog,  kaya masigla ang paglalabas noon ng mga aklat, polyeto, chapbook, at iba pang lathalain para maitanghal ang kasaysayang pampanitikan, tula, nobela, dula, sanaysay, at panunuring pampanitikan mulang 1937 hanggang dekada 1970. Ilan sa mababanggit ang maituturing nang klasiko, gaya ng Ang Maikling Kathang Tagalog (1938) ni Fausto J. Galauran; Ang Panulaang Tagalog (1937;1947) at Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog (1938) ni Iñigo Ed. Regalado; Ang Dulang Tagalog (1938) ni Severino Reyes (alyas Lola Basyang); Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938;1947) ni Julian Cruz Balmaseda; Duplo’t Balagtasan (1948) ni Teodoro E. Gener; Ang Pelikulang Tagalog (1938) ni Teodoro Virrey; Ang Dulang Pilipino (1947) ni Julian Cruz Balmaseda, Ang Kundiman ng Himagsikan (1940) ni Antonio J. Molina, at iba pa. Nang mahirang si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP noong 1970, at pagkaraan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987, bago naging Punong Komisyoner nang taong din iyon, itinuring niya na “mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika” para yumabong ang Filipino at nang makabuo “ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at eksperesyon.”

Mapapansin na kahit sa dating balangkas ng organisasyon ng LWP ay bumubuo sa isang dibisyon ang Pagsasalin at Panitikan, na pawang bukod sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Leksikograpiya, Preserbasyon at Promosyon, at Pangasiwaan. Gayunman ang Panitikan ay unti-unting mabubura kahit sa balangkas, at nang maging KWF ang LWP, ang Panitikan ay isinama sa Ibang mga wika (ewfemismo sa mga panrehiyong wika), kaya naging Dibisyon ng Ibang mga Wika at Panitikan. Nagsimulang humina ang poder ng panitikan sa KWF nang manungkulang Punong Komisyoner si Nita Buenaobra noong 1999-2006, at nabigong mapunan ang mga bakanteng posisyon, bukod sa walang malinaw na programa hinggil sa panitikan. Noong 2006-2008, nang manungkulan si Punong Komisyoner Ricardo Nolasco sa KWF, isinagawa ang plano ng reorganisasyon batay sa hinihingi ng Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan. Tinanggal ni Punong Komisyoner Nolasco ang panitikan, at pinanatili lamang ang Pagsasaling-wika. Lumitaw na naging makiling ang KWF sa lingguwistika, at dumupok ang pundasyon nito sa pagkawala ng panitikan. Ang panitikan ang sinisikap ngayong ibalik sa administrasyon ni Jose Laderas Santos, bagaman wala pang malinaw na resolusyong inilalabas ang Lupon ng mga Komisyoner.

Makabubuting malaman ng PSWF kahit ang kasalukuyang balangkas ng KWF upang maikawing ito sa hakbanging pananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan. Pananaliksik ang gulugod ng KWF, kung babalikan ang Batas Republika 7104, at kung gayon nga, ang pananaliksik ay dapat tumagos sa lahat ng sangay ng KWF sa mga rehiyon. Ang wika ay magiging limitado ang saklaw kung labis na espesyalisado ang pagdulog—na ikayayamot ng madla—at naipagkakait ang mapambuklod na diwain ng panitikan. Sa pag-aaral ng panitikan at pagsasalin, ang pag-aaral ng wika ay lumalawak, at naiuugnay sa iba pang disiplina. Napag-aaralan din ang wika hindi lamang sa simpleng hinihingi ng gramatika, retorika, at palaugnayan, bagkus maging sa iba’t ibang uri ng pagsusulat na maikakabit sa panitikan.

Mga Nabuong Saliksik

            Kinakailangang gampanan ng KWF ang tungkulin nitong magsagawa ng mga pananaliksik, dahil ang mga ito ang gagamitin ng tanggapan ng Pangulo ng Filipinas o ng kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan sa pagbuo ng mga pambansang patakaran at batas hinggil sa wika. Tanging KWF lamang, sa lahat ng ahensiya o komisyon, ang may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon. Kung walang pananaliksik, hindi makalilikha ng matitibay na rekomendasyon ang KWF sa Pangulo, at kahit sa mga ahensiyang gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA). Nang buuin ang SWP noong 1937, walang inatupag ang mga kasapi nito kundi magsagawa ng mga pagdinig, sarbey, konsultasyon, at pag-aaral kung aling wika ang karapat-dapat maging batayan ng wikang pambansa. Nang manungkulan si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP at LWP noong 1970-1999, ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga pambansang sarbey at saliksik pangwika. Ang resulta ng mga saliksik ay ginawang batayan sa rekomendasyon sa Pangulo, at ginawang patakarang pambansa, gaya ng Patakarang Bilingguwal sa edukasyon, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1973 at 1987.

Sa 71 taon ng pag-iral ng KWF, nakapagsagawa ito ng mga pag-aaral sa wika at panitikan at iba pang larang, at pawang isinaaklat. Kabilang sa mga bokabularyo nitong nalathala ang Akean (Aklanon), Bikol, Cuyunon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Magindanawon, Maranaw, Tausug,  Waray, at Yakan. Bukod pa rito ang mga diksiyonaryong binuo sa mga wikang gaya ng Chavacano, Filipino, Ibanag, Ingles, Kapampangan, Magindanawon, at Samar (Leyte), at sa mga larang na gaya ng batas, hanapbuhay, kalusugan at medisina, kasarian, komunikasyong pangmadla, militar, at iba pa. Kung hindi man bilingguwal ay trilingguwal ang diksiyonaryo. May diksiyonaryo nang natapos sa Pangasinan ngunit hindi pa inilalathala. Lumikha rin ang KWF ng mga manwal, gaya sa Korespondensiya Opisyal, Pagsasalin, at Pormularyong Pambatas, na maaaring paunlarin pa ngayon at sa darating na panahon. Bagaman mapupuwing ang pag-edit ng diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan, makatutulong pa rin ang mga ito sa pangkalahatan sa pagtatala ng mga salita.

Pakikinabangan din ng DepEd at CHED ang mga antolohiya ng KWF, dahil sumasaklaw iyon sa mga epiko, kuwento, alamat, tula, at dula. Kabilang dito ang mga alamat ng Bagobo, Manobo, Molbog, Palawan, at Tarlakenyo; ang mga awiting-bayan ng Panay at Pangasinan; ang mga modernong literatura ng Hiligaynon at Sugbuanon; at ang mga antolohiya ng tula at sanaysay mula sa Timpalak sa Tula at Sanaysay na Talaang Ginto. Sa ngayon ay inihahanda na ang paglalabas ng mga alamat at kuwentong Meranaw, na nasa orihinal na wikang Meranaw at tinumbasan ng modernong salin sa Filipino. Ang mga nasabing koleksiyon ay mayamang malig ng pag-aaral, at kung gagamitin lamang ng bawat PSWF ay maaaring mapaunlad pa ang paraan ng pananaliksik, ang pagdulog sa muling pagsasalaysay, at ang pagsasaayos ng mga ilalahok sa antolohiya, at iba pa.

Mapapansin sa mga gawaing ito na ang tungkulin ng KWF hinggil sa pananaliksik ay hindi lamang para makabuo ng patakarang pangwika. Sangkot din ang KWF sa aktibong produksiyon, pagsasalin, at pagpapalaganap ng panitikang mula sa rehiyon at sa tulong ng PSWF, at ang mga panitikang ito na iniangat sa antas na pambansa ay hinubad ang dating katauhang panrehiyon para matanggap ng buong Filipinas. Kung isasaalang-alang ang penomena na hatid ng komputer, internet, at networking, halos walang hanggahan na ang magtatakda sa kayang ihatid ng wika at panitikang Filipino. Sa mga pook na gaya ng WordPress, ang Tagalog at Filipino ay halos walang ikinatangi sa isa’t isa, maliban sa pangyayaring mas marami ang mga blogistang nasa Tagalog imbes na sa Filipino. Sa ibang social networking site, gaya ng Facebook, Filipino ang taguri sa wika bagaman may tumatawag pa ring Tagalog ito. Upang ganap na mapag-aralan ang wikang Filipino sa internet, isang pag-aaral ng mga kabataang eksperto sa komputer sa UP-Diliman ang lumikha ng Web Crawler para suyurin ang buong cyberspace sa mga salitang Filipino at Tagalog sa loob ng limang taon, at siyang makatutulong sa pagpaplanong pangwika ng kasalukuyang administrasyon.

Sa panig ng PSWF ng Bulakan, makabuting isaalang-alang ang mga pag-aaral na ito. Maaaring lumahok ang PSWF sa mga proyektong pagsasalin, at ang pagsasalin ay mulang mga klasikong banyagang akda tungo sa Filipino. Ngunit bago gawin ito ay kailangang balikan ang mga dating salin, nang maiwasan ang repetisyon at pagsasayang ng pondo. Sa mga eksperto sa komputer ay puwedeng mag-eksperimento ng mga programa para sa pagsasalin at pagbubuo ng database ng mga akdang sinulat ng mga Bulakenyo at hinggil sa Bulakan. Malawak ang posibilidad, at kinakailangan lamang na hanapin ang mga puwang na dapat pag-aralan.

Paraan ng pagdulog

May apat na paraan na maaaring gawin ang PSWF, halimbawa sa Bulakan, hinggil sa mga puwedeng maging tunguhin ng pananaliksik nito. Una, pagtuonan ang Bulakan bilang pook na pagdudukalan ng mga saliksik at maaaring magsimula sa bukal ng impormasyong taglay ng Bulacan State University. Ikalawa, pag-aralan ang mga panitikang isinulat hinggil sa Bulakan, at pawang isinulat ng mga taal na Bulakenyo, ng mga dayong residente at iba pang tao. At ikatlo, pag-aralan ang natatanging anyo ng wika (at diyalekto kung mayroon man) ng buong Bulakan, at itambis o ihambing ito sa iba pang anyo ng Tagalog na lumalaganap sa mga lalawigang Bataan,  Batangas, Laguna, Metro Manila, Nueva Ecija,  Palawan, Quezon, at Rizal. Sa kabilang dako, ang pag-aaral ng Tagalog ay maaaring iugnay sa lumalaganap na Filipino—na nahahaluan ng Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Zambal, at iba pang wika— at dapat alamin kung ano ang linyang humahati sa dalawa kung mayroon man sa konteksto ng Bulakan. At ikaapat, magsikap na maging imbakan ng datos hinggil sa panitikan at wikang Tagalog.

Mahalaga ang mga nalathalang panitikan hinggil sa Bulakan, at maihahalimbawa ang mayamang paggamit ng alusyon dito ni Florentino T. Collantes sa kaniyang mga nobelang gaya ng Barasoain: Baras ng Suwail (1929) at Ang Lumang Simbahan (1928), at mala-epikong Ang Tulisan (1936). Mapag-aaralan din ang mga arketipong ginamit ni Jose Rey Munsayac, halimbawa sa kaniyang nobelang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum (2000); at sa mga tula nina Teo T. Antonio, Lamberto E. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Ariel Dim. Borlongan, at higit sa lahat, Rio Alma na gumamit ng mayamang malig ng Bulakan upang itanghal sa pambansa at pandaigdigang panulaan at nagpayaman sa wikang Filipino sa kabuuan. Kahit ang mga akda ni Francisco Balagtas, na taal sa Bulakan, ay mapag-aaralan sa pamamagitan ng makabagong programang pangkomputer, alinsunod sa testura ng Tagalog nito.

Hindi ko sinasabing sa panitikan lamang mahuhugot ang pag-aaral ng wika ng Tagalog-Bulakan. Bawat lárang sa Bulakan ay bukál ng kaalaman, at maibibilang dito ang mga termino sa pagsasaka, pag-aalahas, pamimista, paglalala, pagbuburo, pagmimina, pangingisda, pagluluto, paghahabi at pagdidisenyo ng damit. Ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, at itala ng mga mananaliksik. Sa pagtatanong sa mga impormante, kinakailangang maturuan ang mga estudyante kung paano pumukol ng tanong, nang hindi nawawala ang pagiging obhetibo sa paksa. Kinakailangang mapag-aralan nang maigi ang pagtiyak sa katumpakan ng mga impormasyong nagmumula sa mga impormanteng galing sa ibaba, at taliwas sa awtoridad na nagmumula lamang sa mga edukado’t maykayang uri. Malaki ang maitutulong sa pag-aaral ng lokal na kasaysayan, gaya ng pinauuso ni Jaime Veneracion, na sumulat ng kasaysayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa datos mula sa iba’t ibang larang, at hindi lamang bumatay sa mga tala ng frayleng Espanyol.

Dahil limitado sa pondo ang PSWF, maaaring ipokus nito ang lakas sa dalawa o tatlong programa lamang, na maaaring kaugnay ng panitikan, leksikograpiya, lingguwistika, at pagsasalin. Halimbawa, puwedeng magtuon sa deskriptibong pananaliksik sa mga nobela ni Bienvenido A. Ramos, at maaari siyang dalawin sa Santo Cristo at doon siya kapanayamin. Sa pag-aaral kay Ramos, maaaring biyakin ang pag-aaral sa pagiging nobelista at kuwentista niya, sa isang panig; at sa pagiging makata, sa kabilang panig. Ang pag-aaral ay maaaring magtuon sa pagiging kawani niya sa Liwayway magasin, hanggang sa pagiging editor nito sa mahabang panahon noong dekada 1980. Magiging madali ang pag-aaral kung susuriin ang kumbensiyon ng mga nobela at kuwentong nalathala sa Liwayway—na ngayon ay nakaimbak sa UP Main Library at donasyon ni Liwayway A. Arceo—at kung paano naglalaro sa parametro nito si Ramos. Maaaring mapansin ang paulit-ulit na hulagway sa kaniyang mga tauhan, ang dahas at ang sex, ang puri at paghihiganti, at ang pagbawi ng dangal. Mapapansin din ang haba ng kaniyang akda ay umaayon sa kayang ibigay ng publikasyon; at ang akda ay maaaring humaba lalo kung iyon ay ituturing na pantimpalak na gaya ng isinasagawa noon ng Sagisag, Talaang Ginto, at Palanca Memorial Awards for Literature. Sa kabilang dako, ang kantitatibong pag-aaral ay maaaring lumitaw sa paggamit ng programang Simple Concordance at Web crawler at mula rito ay masasala ang mga importanteng salitang lumitaw sa kaniyang mga akda.

Maraming mahuhusay na Bulakenyong manunulat, kaya upang magamit nang mahusay ang yaman ay kinakailangang bumuo ng listahan ng priyoridad. Maaaring magsimula sa krokis ng mga pangalan, nang mabatid ang lakas at impluwensiya ng mga makata, nobelista at kuwentista. Sa paggawa ng krokis ay puwedeng lumitaw ang mga nakakaligtaang manunulat, o ang mga di-kanonigong manunulat, at maaaring sumulat ng mga pag-aaral hinggil sa kanila. Mula sa simpleng deskriptibong pananaliksik ay maaaring kumiling sa pagtuklas ng mga di-gaanong kilalang manunulat na nagtataglay ng pambihirang galing at imahinasyon. Isang magandang halimbawa ang ginawang pag-aaral ni Delfin Tolentino na sumulat ng disertasyon sa buhay at akda ni Benigno Ramos, at naglinaw sa ambag nito sa larangan ng panulaang Tagalog.  Makabubuting maipakilala muli ang mga sinaunang akda sa panibagong lente ng pagsusuri; at sa paggamit ng naiibang teorya o pagdulog ay masisiyasat nang maigi ang kasiningan ng kalipunan ng tula o katha.  Upang magawa ito, kinakailangang sumangguni sa mga umiiral na kasaysayang pampanitikan, at pag-aralang maigi ang mga puwang, singit, at lilignan nito, at mula roon ay makabubunsod sa iba pang pag-aaral na maaaring malikhaing rekonstruksiyon ng guniguni ng manunulat.

Kinakailangan kung gayon na maturuan ang mga estudyanteng kawani ng PSWF, kung mayroon man, kung paano maghahanap ng aspili sa tumpok ng mga dayami. Dahil mahirap ito, kinakailangang matuto ang mga estudyanteng magbasa nang may pag-unawa, tuklasin ang anumang pangangailangan, at maglagom ng mga akda sa pinakamaikli ngunit pinakamahusay na paraan. Hindi makatutulong kung gagawa ng shortcut ang isang kawani. Maimumungkahing basahin talaga ang mga aklat, dahil kung hindi’y paano malalaman, halimbawa, ang testura ng Tagalog ng nobela at katha ni Valeriano Hernandez Peña kung ang babasahin lamang ay ang munting lagom na kinuha mula sa isang websayt o blog? Makabubuting mabatid ang mga tumpak na prinsipyo sa mabilis at epektibong pagbabasa, nang sa gayon ay hindi lamang lumalim ang bokabularyo ng mananaliksik bagkus lumawak din ang kaniyang pananaw at imahinasyon hinggil sa buhay. Kulang na kulang sa mga propesyonal na tagalagom [professional synthesizer] ang Filipinas, lalo pagdating sa panitikang Tagalog o Filipino, at maaaring makatulong ang PSWF sa paghubog ng mga kabataang handa sa gayong trabaho.

Isang malaking problemang kinakaharap ngayon ng mga mananaliksik ang tungkol sa pagsasakatuparan ng pag-aaring intelektuwal. Hindi na basta-basta makapagpapaseroks ang isang estudyante nang hindi nagbabayad ng butaw sa Filcols (Filipinas Copyright Licensing Society) para sa reprograpikong karapatan sa isang sipi. Sa mga tekstong hindi na sakop ng karapatang-intelektuwal, dahil sa maaaring paso na ang pag-aari sa isang akda pagkaraan ng pagkamatay ng manunulat at haba ng panahon ng pagkakalimbag, makabubuting ma-scan o maiseroks ang mga ito nang maging tumpak kapag sinipi na. Maraming pagkakamali ang nagaganap sa pagsipi nang pasulat, at sa mga ordinaryong estudyante ay lumulusot ang mga tipograpikong mali. Kaya kahit ang simpleng pagseseroks at pagtatala sa mga ito ay dapat itinuturo nang tumpak.

Tunguhin sa hinaharap

Panimulang pagdulog pa lamang sa pananaliksik ang binanggit ko rito at siyang kaugnay ng pagpapaunlad ng PSWF-Bulakan. Kung seseryohin ng KWF ang balak nitong desentralisasyon ng mga tungkulin nito tungo sa PSWF, ang PSWF ay dapat maihanda tungo sa pagkakaroon ng sariling mga kawaning may taglay na kasanayan at kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng pananaliksik. Ngunit masaklap mang aminin, may pagkukulang ang KWF para sa pagbubuo ng patakaran tungo sa pagpapalakas ng PSWF. Ang PSWF ay kontrolado ng isang tao mula sa KWF; at hindi ko alam kung bakit hangga ngayon ay umiiral ang ganitong kalakaran kahit na paulit-ulit kong puwingin sa mga pulong ng Komisyoner.

Maaaring mahirap makapagrekomenda sa pambansang antas ang PSWF, ngunit kung makagagawa ito ng pangmatagalang pananaliksik na may datíng at makatutulong sa pagbabalangkas ng mga panukalang patakarang maisusumite sa Pangulo ng Filipinas, ay mabuti. Makatutulong ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang akademikong institusyon sa loob ng Bulakan, ang paghingi ng tulong-pananalapi sa pamahalaang panlalawigan at pambayan, at ang paglapit sa mga pambansang ahensiya sa gaya ng NCCA, DepEd, at CHED. Samantala, bago tumanaw sa malayo ay makabubuting tingnan ang PSWF alinsunod sa partikular na bisyon nito at kaugnay ng bisyon ng KWF. Paano gagawing makatotohanan ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987? Paano makagagawa ng panuhay na batas hinggil dito? Mga simpleng tanong ito na masasagot lamang kung magsisimulang magsaliksik ang gaya ng PSWF alinsunod sa hinihingi ng panahon.        

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Bulacan State University, bilang bahagi ng patuluyang seminar ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino-BSU para sa mga estudyante at guro sa Filipino.]   

Panukalang Pagdulog sa Pag-unawa ng Tula

Humihirap ang pag-unawa sa tula dahil ang pakahulugan ng “tula” ay hindi na lamang maikakahon sa “tugma, sukat, kariktan, at talinghaga” gaya ng unang winika ni Lope K. Santos, at pinalawig pagkaraan nina Julian Cruz Balmaseda at Iñigo Ed. Regalado. Pumasok ang kaso ng “malayang taludturan” nang tawagin ni Amado V. Hernandez noong 1931 ang kaniyang akdang pinamagatang “Wala nang Lunas” na “maikling kuwento sa tuluyang tula.” Samantala, gagamitin ni Alejandro G. Abadilla noong 1932 ang tawag na “kaunting tula at kaunting tuluyan” sa kaniyang kauna-unahang pagtatangka ng munting tulang tuluyan [petit poeme en prose].

Lalong hihirap ang pag-unawa sa tula kung ilalahok sa pakahulugan ang bersong itinatanghal nang paawit kung hindi man pahimig, at inaangkupan pa minsan ng indak, iyak, at paglulupasay. Ang dating Balagtasan—na matalim na pagtatalo sa pamamagitan ng tulang may sukat, tugma, siste, at talinghaga—ay napalitan ng “rap contest” at “lyrical battle” sa kasalukuyang panahon ng jologs at jejemon. Itinuturing na ring tula ang mismong disenyo at ayos ng mga salita o larawan, kaya ang disenyo ay pinapatawan ng higit na pagpapakahulugan kaysa sa kayang isaad ng nilalaman. Sa ibang pagkakataon, ang “tula” ay naikakahon sa gaya ng pinauusong mababaw na berso ng Makatawanan ng Talentadong Pinoy at waring panatikong representasyon ng himig ni Marc Logan.

Kung ganito kalawak ang pagpapakahulugan sa “tula,” kinakailangang baguhin din natin ang nakagawiang pagbasa ng tula. Hinihingi ng panahon ang masinop na paggamit ng mga lente ng pagbasa, at ang bawat lente ay dapat iniaangkop din sa piyesang sinusuri. Hindi ko ipagpapaunang higit na tama ang isang paraan ng pagbasa kaysa ibang paraan ng pagbasa. Gayunman, masasabing mapadadali ang pagbasa sa isang tula kung hahanapin ang mga panloob at panlabas na reperensiya ng pagbasa ng tula.

Ang panukala kong pagbasa ng tula ay may kaugnayan sa dalawang aspekto. Una, ang panloob na reperensiya ng tula, at siyang may kaugnayan sa gaya ng pananaludtod, pananalinghaga, at pagtukoy ng tauhan, himig, tinig, at iba pang sangkap na ginagamit ng makata. Sa yugtong ito, ang tula ay sinisikap na basahin alinsunod sa pamamaraan, sining, at punto de bista ng awtor, at ang mambabasa ay ipinapalagay na “maláy na mambabasa” na bagaman malaya ang pag-unawa ay kinakailangang pumasok sa itinuturing na kaayusan ng mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng makata.

Sa kabilang dako, ang panlabas na reperensiya ng tula ay may kaugnayan sa tao, bagay, at pangyayari sa lipunan o kaligiran at siya namang ipinapataw sa pagbasa ng tula. Sa ganitong yugto, ang mga nagaganap sa lipunan ay hinahanapan ng katumbas na pakahulugan o pahiwatig sa tula; kaya ang tula ay mistulang alingawngaw o kabiyak, kung hindi man salamin ng lipunan. Kabilang sa panlabas na reperensiya ang pagtanaw at pagpapakahulugan ng mambabasa sa masasagap na pangyayari, talinghaga o disenyo mula sa realidad ng lipunan, at bagaman may bukod na pagpapakahulugan ang awtor ay nadaragdagan, nababawasan, o nahahaluan ng pagpapakahulugang nililikha ng mambabasa.

Higit na magiging dinamiko ang pagbasa ng tula kung susubuking gamitin ang dalawang reperensiya, na matatawag na “salimbayang pagbasa,” bagaman hindi maipapalagay na balanse ang pagtalakay. Maihahalimbawa ang tula ng batikang makatang Mike L. Bigornia.

SIYUDAD

Sinasamba kita, Siyudad,
Emperatris ng bangketa at bulebard,
Sultana ng estero at ilaw-dagitab.
Ikaw na parakaleng hiyas,
Kaluluwa at katauhang plastik,
Maha ng basura at imburnal,
Palengke ng busina at karburador,
Gusali, takong, pustiso at bundyclock.

Sinasamba kita, Siyudad,
Kurtesano real ng karimlan,
Ikaw na pulang bampira at mama-san,
Primera klaseng bakla,
Paraiso ng bugaw, torero at burirak,
Sagala ng pulubi, palaboy at patapon,
Kantaritas ng kasa at sauna,
Beerhouse, nightclub at motel.

Sinasamba kita, Siyudad,
Donya marijuana,
Unang Ginang ng baraha, nikotina at alkohol,
Matahari ng haragang tsapa, lumpeng tato,
Halang na gatilyo at taksil na balisong,
Ikaw na una’t huling dulugan
Ng kontrabando, despalko at suhol,
Pugad ng salvage, dobol-kros at rape.

Sinasamba kita, Siyudad,
Ikaw at ikaw lamang ang aking amor brujo.
Itakwil man kita’t layasan,
Tiyak na ako’y magbabalik sa narkotikong katedral
Upang ulit-ulitin
Ang isang nakaririmarim na pag-ibig
At sambahin ang iyong ganggrenong kariktan
At kamatayang diyaboliko.

Maaaring sipatin ang tulang ito ni Bigornia alinsunod sa panloob na reperensiya, na may kaugnayan sa lungsod na inilalarawan ng isang tiyak na personang nakababatid o nakakikilala rito. Kung gagamiting punto ng reperensiya ang lungsod na ginamit ng makata, ang kasiningan ng tula alinsunod sa pananaw ng awtor ay maibabatay sa husay ng pagkasangkapan sa personang nagsasalita sa loob ng tula, at sa pagkatalogo ng mga bagay o pangngalang ginawa nito, na pawang maiindayog ang tunog, at kaugnay ng maselang pananaludtod at pananalinghaga. Pambihira ang ginawang paghahanay ng mga salita ng makata, at bawat pukol ng salita ay nag-iiwan ng nakaririmarim na imahen subalit ang parikala’y lalong nagiging kaibig-ibig ito sa panig ng personang nagsasalitang sungayan din kung mag-isip. Animo’y nabuhay muli ang gaya nina Charles Baudelaire at Arthur Rimbaud sa taktika ni Bigornia, at ang isang nakahihindik na tagpo’y naisasalin nang hindi binabanggit ang isang tiyak na marumi’t napabayaang pook. Maidaragdag din sa pagsusuri ng tula na ang paraan ng pagsasakataga ni Bigornia ay taliwas noon sa paglalarawan ng lungsod na kinasusuklaman. Ibig sabihin, sinusuway ni Bigornia ang kumbensiyon ng pagpuri sa lungsod, at kahit ang itinuturing na pinakapangit na pook ay napagbababanyuhay na pinakamaganda sa daigdig.

Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay maaaring basahin alinsunod sa representasyon ng mga salita doon sa realidad na ginagalawan ng mga mambabasa. Nagiging mabisa ang pagbasa alinsunod sa ipinapataw na pakahulugan ng maláy na mambabasa sa mga pangyayaring may kaugnayan sa trapik, prostitusyon, krimen, basura, droga, sugal, sindikato, at iba pa. Ang isang mambabasa, kung gayon, ay makapagpapanukala ng kaniyang haka-haka hinggil sa kaniyang lipunang batbat ng katiwalian at korupsiyon, at kung paanong tinatanggap [o dinadakila] ito ng isang tao na nagsasalita sa tula. Maaaring basahin kung gayon ang tula alinsunod sa laro ng kapangyarihan ng mga uring panlipunan, o kaya’y sa pananaw na moralistikong alagad ng simbahang tagapangalaga ng kaluluwa, at kung bakit tingnang mapanganib ang lumpeng intelektuwal na nagsasalita at pumupuri sa lungsod.

Kung paglalangkapin sa pag-unawa ng tula ang panloob at panlabas na reperensiya ng tula, ang tula ay magkakaroon ng panibagong pagtanaw. Lalalim ang saliksik hinggil sa pormalistikong pagdulog sa tula, gaya ng paglalaro ng tunog at salita, pagtitimpla ng pahiwatig at hulagway, pagsasalansan ng mga saknong at diwaing pinagbulayan nang maigi. Maiisip din na ang realidad ng lipunan ay hindi lamang ginagagad o ginagaya sa loob ng tula. Matutuklasan ng mga mambabasa ang naiibang realidad sa loob ng tula, kung iuunay ang nasabing kaligiran sa kanilang lungsod na pinagmumulan. Ang mga salita sa loob ng tula ay maaaring kumatawan sa ilang bagay, tao, o pangyayari sa tunay na buhay, ngunit hindi masasabing may iisang tabas ng realidad ang pinagmumulan ng lahat.

May sariling realidad ang loob ng tula; at kung matagumpay itong naitaguyod ng makata, at naaarok ng mambabasa dahil sa pagsasalupong ng diskurso ng makata at mambabasa, marahil ay masasabing nagtagumpay nga ang pagsulat ng tula.

Sa ibang pagkakaon, ang reperensiya ng tula ay higit na nakakiling sa panlabas na pagtanaw. Dito, ang mambabasa ay higit na makapangyarihan dahil sa kapangyarihan ng kaniyang guniguning hanapan ng pakahulugan ang mga simpleng bagay. Heto pa ang isang tula ni Bigornia:

PANINDIM

. . . . .Padalos-dalos
Nadulas
Ang aking puso
At nabasag.

. . . . . Nagising ang ulan
Sa alingawngaw
At nang makita ito’y
Biglang pumalahaw.

Sa tulang ito, ang panloob na reperensiyang ginamit ay personang malungkutin. Sa paglalarawan ng kaniyang kakatwang puso, at daigdig ay natigatig nang ito’y mabasag dahil sa kapabayaan. Nagbunga ito ng paghagulgol o pagsigaw ng kaligiran. Kung palalawigin pa ang pagsusuri, maaaring dumako sa anyo ng pagkakahanay ng mga taludtod, na ang unang taludtod ng bawat saknong ay waring gumagagad kung hindi man representasyon ng anyong pagkakabiyak, pagkakabitin, at napipintong pagbagsak ng mga salitang may kaugnayan sa bigat na tinataglay ng persona.

Kung gagamitin naman ang panlabas na reperensiya ng tula, ang “puso” na tinukoy sa tula ay humuhulagpos sa dating pagpapakahulugan dito ng karaniwang tao. Ang puso ay maaaring reperensiya ng pag-ibig, at ang persona’y maiisip na palikero o malandi. Dahil mapaglaro ang persona, maghahatid ng kalungkutan ang ipinapalagay na kalikutan. Ang mambabasa, kung gayon, ay makapagdaragdag pa ng iba pang pahiwatig o pakahulugan, na hindi na lamang sakop ng romantikong pagmamahalan bagkus maaaring umugnay din hanggang pagmamahal na dibino’t makabayan. Hahaba pa ang talakay sa panig ng panlabas na reperensiya kung iuugnay dito ang iba’t ibang konseptong may kaugnayan sa “puso,” “loob,” “kalooban,” “dibdib,” “ulan,” at iba pang hulagway.

Kung pagsasalikupin naman ang dalawang pagbasa, ang mambabasa ay maaaring dumako sa “labis na pagbasa,” dahil maaaring ang mga pagpapakahulugan ay lumampas sa itinatakda ng disenyo at haba ng tula, at mailalahok kahit ang mga komentaryong labas na sa teritoryo ng panulaan. Dito dapat mag-ingat sa pagsusuri, sapagkat ang tula ay sinusuri nang higit sa parametro ng sining at panulaan, at kinakargahan ng sari-saring pagpapakahulugan, at kumikiling sa pangkulturang politika o pampolitikang kultura.

Magiging palaisipan din sa guro kapag ang ginamit na pamamaraan ng makata ay tulad ng tulang tuluyan. Hindi naman dapat ikatakot ito, dahil madaling maunawaan pa rin ang tulang tuluyan alinsunod sa kumbensiyong naitatag na rito. Maibibilang sa kumbensiyon ang paglalahad, paglalarawan, paghahambing at pagtatambis, at pagsasalaysay, at kahit ang pagbubuo ng mga talata ay sumusunod wari sa padron ng prosa. Ang pagkakaiba nga lamang, ang tulang tuluyan ay hindi basta prosa na salat sa talinghaga. Ang tulang tuluyan ay nagkukunwa lamang na prosa ngunit ang pakahulugan ay nakaririndi kung minsan. Tunghayan natin ang halimbawang ito ni Bigornia:

PASENSIYA

Silang pino at makinis, anila’y kapita-pitagan yaong marunong sumikil sa silakbo ng dugo, kaya’t bago raw magdilim ang aking paningin ay magbilang muna ako hanggang sampu.

Ayaw ko nang maging sibilisado kung hinihiling ng kagandahang-asal na ngumiti habang tinatapakan nila ang aking mukha. Ako ay may dilang babad sa abo at asin, ako na may puso at matang may lintos.

Silang pino at makinis, sila ang aking guro sa pagkagat ng labi, mga paa nila ang nagtakdang hagkan ko ang alabok at pusali, mga pangako nila ng langit ang nag-atas na ialay ko ang sariling balikat upang maabot nila ang bunga at pangarap.

Nasubok ko na ang haba ng luha at sugat. Lunod hanggang leeg ang aking kaluluwa. Ngayon pa ba ako hindi gagamit ng kuko at pangil?

Kung gagamitin sa pagbasa ang panloob na reperensiya ng tula, mahalagang pag-aralan ang taktika ng makata sa paghahanay ng mga talata, at kung paanong ang paghahanay na ito nang marahan at matimpi ay umuugnay din sa personang mababa, dukha, at mapagtiis. Ngunit higit pa rito, kailangang pag-aralan ang tinig at himig ng persona [na bukod sa tinig ng makata], at kung bakit ang angking pagrerebelde ay naipahahatid sa payak ngunit marubdob na pamamaraan. Ang pangwakas na talata ay binabaligtad ang konsepto ng ános o pagtitiis, sanhi ng pagdurusang umiral nang napakatagal. Bagaman patanong ang pagwawakas, ang tanong ay waring naghuhudyat ng dapat isagot ng sinumang binubusabos ng mga awtoridad at maykapangyarihan.

Lulusog lalo ang pagbasa kapag ang representasyon ng persona sa tula ay iugnay sa mga pangyayari sa lipunan—na panlabas na reperensiya ng tula. Ang kaalipnan ay magkakaroon ng gulugod; at ang pagbabalikwas ay masisipat na reaksiyon sa pang-aapi ng mga maykaya’t nakatataas. Maaaring dukalin sa pagbasa ang kasaysayan, relihiyon, at kultura, gayunman ay dapat pa ring ipagpaunang walang direktang tumbasan ang maaaring matunghayan sa loob ng tula at sa loob ng lipunang ginagalawan ng mga mambabasa.

Kung pagsasalikupin muli ang dalawang pagbasa, maaaring dumako hanggang sa kasaysayan ng lipunan at kasaysayan ng panitikan; at kung bakit karapat-dapat dakilain si Mike L. Bigornia sa pagpapakilala ng anyong panitikang halos napakanipis ng hanggahan ng pagkatula at pagkaprosa. Ito ang dapat pang pag-aralan ng mga estudyante at guro, habang hinihintay ang Kimera ng bawat makatang nakatakdang magbalik “sa loob ng sandaang libong siglo ng araw at buntala.”

Magandang umaga sa inyong lahat.

[Binasa sa Pambansang Kumperensiya sa Pagtula ng LIRA, 25-26 Nobyembre 2010, Bulwagang Claro M. Recto, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon]

Ang Kumbensiyon ng Malayang Taludturan

Sumiklab ang pagtatalo sa usapin ng paggamit ng malayang taludturan sa panulaang Tagalog noong dekada 1930 dahil na rin sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pagpapanatili ng tradisyon ng nasabing panulaan samantalang rumaragasa ang pagpasok ng impluwensiyang Amerikano at Ingles sa panitikang Filipinas at pinaiiral bilang opisyal na komunikasyon sa transaksiyon ng pamahalaan, edukasyon, at negosyo ang kapuwa Espanyol at Ingles. Nakaugat sa mahabang kodipikasyon ng panulaang Tagalog ang susi ng pagtatalo, at matutunghayan kung babalikan ang mga sinaunang tekstong nalathala sa bansa.

Unang bumanat si Fray Gaspar de San Agustin, sa kaniyang akdang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1703), sa pagsasabing, “La poesia tagala no es tan difícil como parece, porque no tiene el rigor de la cuantidad de medias y ultimas, como la latina: ni las leyes del consonante formozo, como la castellana. Ni consta de la variedad de metros de ambas. Consta sólo de cualidad de voces y uniformidad de finales, cuya concordancia llaman ellos tola.”[1] Payak lamang ang ibig sabihin ni San Agustin:“walang panuto ang tulang Tagalog na singhigpit ng Latin, kung pag-uusapan ang bilang ng gitna at huling pantig ng salita; at ni walang sinusunod na alituntunin sa sapilitang gamit ng katinig, tulad ng sa Kastila. May katangian lamang daw ito ng tinig, at pagkakatulad ng mga [tunog] ng huling kataga.

May prehuwisyo si San Agustin sa panulaang Tagalog, at mababanaagan ito kahit sa kaniyang pag-uuri na may dalawa lamang na tugma ang tulang Tagalog: una ang “mariin” (nagtatapos sa patinig ang salita); at “mababaw” (nagtatapos sa katinig ang salita). Ginagawa niyang simple ang tulang Tagalog at inihahambing sa padron ng Latin at Kastila, imbes na pag-aralan ang tula alinsunod sa parametro ng Tagalog. Higit pa rito, itinuturing niyang may iisang balahibo ang tradisyon ng panulaang Latin, Kastila, at Tagalog, na waring nagmula sa iisang malig ng wika at tradisyon ang mga ito. Sa gayong paghahambing lumilitaw ang Mataas na Wika (dayuhan) laban sa Mababang Wika (katutubo) na naglalagay sa alanganin sa Tagalog sa hanay ng mga wika at panitikang pandaigdig.

Kulang na lang na sabihin ni San Agustin na ang panulaang Tagalog ay may “malayang taludturan” dahil iba ang ulinig niya sa tugmang Tagalog kompara sa mga tugma ng mga tulang Latin at Kastila.

Kumambiyo nang kaunti si Fray Francisco Bencuchillo sa kaniyang Arte Poetico Tagalo (1895) at nagwikang, hindi umano napakahirap ngunit hindi rin napakadali ng tulang Tagalog. May bahagi lamang nito ang madali, na may kinalaman sa huling pantig ng dulong salita sa isang taludtod. Na kapag nagwawakas sa katinig o mala-patinig ang pantig ng dulong salita sa taludtod ay nagiging “Norte o Gabay upang mabatid ang magiging anyo ng mga sumusunod na anyo.”[2] Ginamit ni Bencuchillo ang konsepto ng kompas at inilapat sa tula, at ipinakilala kung bakit nagtutugma ang mga salitang nagwawakas sa b, c, d, g, p, s, t kapag ang naunang patinig nito ay magkapareho; o kaya’y ang mga mala-patinig na l, m, n, ng kung ang naunang patinig nito ay magkahawig.

Ngunit mahihirapan si Bencuchillo sa tugmang patinig. Na kahit magkakapareho ang dulong pantig ng dulong salita sa bawat taludtod ay hindi nangangahulugang magkakatugma na iyon. Ito ay dahil nahihirapan ang mga Kastila na bigkasin ang mga salitang may impit, na gaya ng malumì at maragsâ, na pawang wala sa wikang Latin o Kastila. Gayunman, ipapakilala ni Bencuchillo ang henyo ng paglalapi sa mga salitang may mabibilis o malulumay na bigkas, na pawang tatawagin niyang tugmang “mariin”; at ang mga salitang may mararagsa o maluluming bigkas na tatawagin niyang tugmang “mababaw.”

Para kay Bencuchillo, ang tulang Tagalog ay may tatlong uri lamang. May tatlo o apat o higit pang bilang ng taludtod ang bawat saknong na puwedeng ituring na buong tula; at bawat taludtod ay may pito o walong pantig bawat isa. Kapag ang isang saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig ang bawat taludtod, hindi na ito itinuturing na “tula” bagkus “prosa” o “plosa.”  Sinipi niya ang isang halimbawa:

Nang catahimican nang Gabing malamig
calaliman baga tolog pagcaidlip
cataoua,i, nanğala,i, ay napanagiuinip
o naquiniquita nang boocong baet.
Caracaraca,i, napaguitang tambing
ysang Calolouang cahihiualay rin
sa Pataouan sic-sic manğa salangsauil
nanacagaouian ang Cataouang tacsil.

Ayon kay Bencuchillo, ang prosa o plosa ay ginagamit lamang sa mga “liham ng pag-ibig at pag-iisang-dibdib.” Mahihinuhang esklusibo ang prosa o plosa at ikinakahon sa kumbensiyon ng panliligaw, pagtatalik, pagmamahalan, at pagpapakasal, gaya lamang na may natatanging tula para sa isinilang (oyayi) at namatay (dung-aw).   Sa pag-aaral ni Virgilio S. Almario, ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na taludtod ay hindi likas sa panulaang Tagalog bagkus imitasyon mula sa dulang Ewropeo. Posibleng ipinasok umano noong panahon nina San Agustin at Bencuchillo ang nasabing mga padron at itinuring na “prosa.” Ngunit posible ring bago pa man ipinakilala ng Kastila ang gayong anyo ng pananaludtod ay ginagamit na ito sa Tagalog, dahil sa pangyayaring ang Tagalog ay higit na rumirikit at nagkapagpapahayag ng malalalim na talinghaga sa paggamit ng lalabindalawahin at higit pang bilang na pantig na pananaludtod.

Kahit sabihin pang “prosa” o “plosa” ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na saknungan, nagtataglay pa rin ito ng tugma. Isang katutubong kritiko ang magsasabing “magaling, datapoua hindi tola” ang gayong anyo, at ang ganitong pananaw ay posible ngang nagmumula sa pananaw ng isang taal na Tagalog at hindi Kastila. Sa kabilang banda, ang paglilimita sa mga katutubong tula sa makikitid na sukat ay paghahangga sa kapasidad ng Tagalog na lumitaw sa higit na maluwag na taludturan. Kung ituturing na prosa ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig, ang kasalukuyang pakahulugan ng “malayang taludturan” ay isang kabalintunaan. Ang prosa o plosa sa Tagalog, noon pa man, ay isang anyo ng pagsasakataga na may sukat at tugma para sa paksang angkop sa pagliligawan at pagpapakasal, bagaman ang sukat at tugmang ito ay lihis sa nakagawiang makikitid na pananaludtod na pipituhin, wawaluhin, o sisiyaming taludtod.

Mahalaga ang sinaunang pagpapakahulugan at paggamit ng anyong “prosa” o “plosa” at ito ang tatatak kahit sa winika ni Jose Rizal: “Los Tagalos desconoces el verso libre, por presentarse su idioma facilmente a la rima y por ser esta muy sencilla y natural.”[3] Hindi umano kinikilala ng mga Tagalog ang malayang taludturan, dahil maluwag at madaling gamitin sa pagtutugma ang wika [na Tagalog]. . . .” Maiuugnay ang winikang ito ni Rizal sa winika ni P. Joaquin de Coria, na ang “likas at katutubong tula ng mga Indio ay ang lapatan ng taludtod ang prosa, at magbigay ng tugma. . . .”[4] Iniugnay ni Rizal ang kalikasan ng wikang Tagalog sa panulaan nito. Tinukoy niya ang labindalawang uri ng tugma (anim sa katinig at anim sa patinig). Ang tugmaang patinig ay nahahati sa dalawa: ang “karaniwan” o vocal ordinaria (na tumutukoy sa malumay at mabilis na bigkas) at “mabigat” o vocal pesada (na tumutukoy sa malumi at maragsang bigkas). Samantala, ang tugmang katinig ay inuri niya sa “malakas” o consonante fuerte (na nagwawakas ng b, d, g, k, p, s, t) at “mahina” o consonante débil (na nagwawakas sa l, m, n, ng, y, w) Binanggit din ni Rizal ang isang panuto, na lahat ng taludtod sa isang saknong ay dapat magkaroon ng isang tugma, at ang sumusunod na saknong ay nararapat maging iba ang tugma, “kung hindi’y magiging isang tunog lamang at pawang nakababagot at nakapapagod.”[5]

Sa pakahulugan ni Rizal, ganap na inaalis sa ekwasyon ng panulaang Tagalog ang malayang taludturan. Ngunit pagsapit kay Lope K. Santos, ang “tugma” at ang “sukat” ay ilulugar bilang “bahagi ng estruktura o anyo ng tula.” Para kay L.K. Santos, ang tulang Tagalog ay may apat na sangkap: tugma, sukat, talinghaga, at kariktan.[6] Ang sukat at tugma ay pisikal o panlabas na anyo ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ang pinakakaluluwa ng tula. Mahihinuhang ginamit ni L.K. Santos ang konsepto ng “katawan” at “kaluluwa” alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo. Kinakailangan umano ang tugma at sukat para makasulat ng taludtod, samantalang kailangan ang talinghaga at kariktan upang makasulat ng tula.

Ngunit ang abanseng obserbasyon ni L.K. Santos ay hindi maglulundo roon. “… Kung mayroon mang tula sa isang tuluyan o prosa,” aniya, “ay maaari ding magkaroon ng taludturan kahit walang tula. Ang malapit na ugnayan ng taludtod at tula ay siyang magsisilbing suhay sa wika ng isang makata.” Sa pakahulugang ito ni L.K. Santos, ang “malayang taludturan” ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw, at maaaring ikabit din kahit sa tinatawag ngayong “tulang tuluyan” [prose poems; poeme en prose]. Binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng di-regular na sukat at walang tugmaang pananaludtod at saknong, bukod sa mga talatang matulain. Samantala, pinupuna rin ni L.K. Santos ang mga sampay-bakod na makata, na mahusay lamang magtugma at sukat subalit walang kakayahang maglubid ng talinghaga.

Mahalaga ang binanggit na ito ni L.K. Santos sapagkat maikli ang tradisyon ng anyong prosa sa panitikang Filipinas, na gaya ng maikling kuwento at nobela. Halimbawa, ang Ang mga Anak Dalita (1911) ni Patricio Mariano na nagtataglay ng eksperimentasyon sa pananaludtod at saknungan ay tinatakang “Nobelang Tagalog” sa pahinang pampamagat. Samantala, napakatradisyonal naman ang saknungan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1913) ni Aurelio Tolentino, at may tatak na “nobelang Tagalog” gayunman ay nagtataglay ng mga talinghagang kontra-imperyalismo. Ang kalituhan kung anong uri ng akda ang “nobela,” “maikling kuwento,” “prosa,” at “tula” ay malulutas lamang noong 1947  nang sinupin ng Institute of National Language ang mga katawagang pampanitikang dumaan sa mga dalubhasa.[7]

Kung binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng malayang taludturan at tulang tuluyan sa kaniyang mga pahayag, ibabalik naman ni Iñigo Ed. Regalado ang tradisyonal na pagtanaw sa panulaang Tagalog. “Sa simula pa’y nagtataglay ang tulang Tagalog ng apat na bagay: sukat, tugma, kaisipan, at kariktan. Noon pa man at ngayon, kapag ang isang tula ay wala ng apat na bagay na ito ay hindi maituturing na tunay na tula.”[8] Sa nasabing pakahulugan ng tulang Tagalog, mistulang anomalya ang “malayang taludturan” at kinakailangang baguhin ang pakahulugan ng “tula” upang makapasok ang pakahulugan ng “malayang taludturan” at “tulang tuluyan.”

Halos magkapareho ang apat na sangkap [o katangian] ng panulaang Tagalog kung paghahambingin ang mga sinabi nina L.K. Santos at Regalado. Nagkakatalo lamang sila sa pagpapakahulugan. Kung si L.K. Santos ay ginamit ang “talinghaga,” gagamitin naman ni Regalado ang “kaisipan.”

Para kay L.K. Santos, ang talinghaga “ay hindi lamang sumasakop sa tatlong anyo ng wikang patalinghaga, tulad ng sinekdoke, metapora, at metonimiya, bagkus ang kabuuang Retorika at Poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at ng sari-saring pamamaraan ng pagpapahayag dito.”[9] [Akin ang diin]. Ang kaisipan, sa panig naman ni Regalado, “ay siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat.”[10] Mapapansin na higit na malawak ang pakahulugan ni Santos kompara kay Regalado, at siyang mananaig magpahangga ngayon. Samantala, kikitid ang “kaisipan” na itutumbas sa “central idea” sa Ingles.

Ang mahigpit na pagpapakahulugan ni Regalado ang magtutulak kay Alejandro G. Abadilla upang puwingin ang apat na katangian ng panulaang Tagalog. Para kay Abadilla, ang “katutubong balangkas, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat na ng panulaan sa daigdig.”[11] Gayunman, mapanlahat ang pahayag na ginawang pagdulog ni Abadilla. Hindi niya inusisa kung may natatanging sukat at tugma ang tulang Tagalog gaya ng naunang pag-aaral ng mga frayle at nina Rizal, L.K. Santos, Balmaseda, at Regalado.

Ikinatwiran ni Abadilla na “ang sinasabing katutubong balangkas ng tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi ang kabuuan ng mga katutubong balangkas ng Tulang Tagalog, at ito’y dahil sa katotohanang ang panulaan natin, ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago.” Ngunit nabigong magbigay ng halimbawa si Abadilla na susuhay sa pahayag na ito, bagaman mahihinuhang ang tinutukoy niya ay mga epikong bayan. Ngunit kahit walang estriktong tugma at sukat ang naturang mga epiko, alinsunod sa pamantayang pasulat o palimbag, ginagabayan pa rin iyon ng kumbensiyon ng himig at indayog na umaayon sa pabigkas o pahimig na pagtula, batay sa nakagawian ng mga katutubo.

Binanggit ni Abadilla na “ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit lamang ng tula” at siyang tumutukoy sa “daloy na panlabas.” Kung babalikan ang unang winika ni L.K. Santos, ang tugma at sukat ay may gayon ding pakahulugan, na itinuring niyang panlabas na anyo. Ano kung gayon ang mahalaga sa tula? Para kay Abadilla, higit na mahalaga ang “damdaming matulain [i.e., kalamnan o daloy na panloob]—yaong damdaming may hubog, may kulay, at may tinig.” Ito rin ang unang binanggit ni L.K. Santos, subalit sa panig ni Abadilla, ang “damdaming matulain” ay malapit ang testura sa “objective correlative” na pinatanyag ni T.S. Eliot at unang binanggit ni Washington Allston. Ginagamit sa objective correlative ang simbolikong bagay upang iugnay na pahiwatig patungo sa mga dating di-maipaliwanag, kung hindi man abstrakto, na damdamin. Para kay Allston, ang panlabas na daigdig ay kinakailangan ng katumbas na sariwang diwain sa isip, at mahalaga ito sa ebolusyon ng kalugod-lugod na damdamin.[12] Ginamit naman ito ni Eliot sa pagsusuri sa dulang Hamlet (1599?) ni William Shakespeare, at nagsabing “ang tanging paraan upang maipahayag ang damdamin sa sining ay sa pamamagitan ng paghanap ng katumbas. . . ng kalipunan ng mga bagay, sitwasyon, o magkakatanikalang pangyayari na magiging pormula ng isang tiyak na damdamin; na kapag nagwakas ang pagdama sa mga panlabas na bagay ay kagyat na madarama ang damdamin.”[13]

Pinuna ng isa pang modernistang makatang Tagalog na si Ildefonso Santos ang panulaang Tagalog na “sentimental, walang orihinalidad, at maligoy.”[14] (Sumasapol ang banat na ito sa mga duplero at mambabalagtas, at sa mga tula nilang naglulunoy sa pag-ibig o pag-iibigan.) Gayunman, sumasang-ayon umano siya na wala nang maipagmamalaki ang mga tulang makabago kundi ang kawalan ng tugma at sukat. “Ngunit kung naririto ang ‘pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin,’ ay walang dahilan kung bakit hindi ito dapat tawaging tula.”

Ang “pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin” na binanggit niya ay maaaring iugnay, kung hindi man itumbas sa “matulaing damdamin” ni Abadilla, ngunit maaari ding sipatin na labis na sentimental at maramdamin ang pinatutungkulan. Kung babalikan ang koleksiyon ng mga tula ni Regalado, na pinamagatang Damdamin (1968), mahihiwatigan dito na ang damdamin ay hindi literal na na katumbas ng “emosyon” na pupuwinging “kinalburong damdamin”[15] ng kritikong Almario, bagkus tumutukoy sa “inanyuang kalooban” ng makata na kaniyang idinisenyo sa tula. Tinumbasan ni Regalado ng iba’t ibang anyo ng damdamin ang mga paksang hinggil sa pag-ibig, mulang bata hanggang matanda, at mulang pansarili tungong panlipunang usapin. Para naman kay Ruben Vega, ang sining ng panulaan “ay mabisang pagpapahayag ng makahulugang damdamin (emotional meaning) na gumigising sa kaisipang panloob upang maging pangkalahatang larawan ng daigdig. . . .”[16]

Magiging lantad ang usapin ng “malayang taludturan” habang tumantayag ang pagkatha ng mga nobela, kuwento, sanaysay, at anekdota bukod sa pagsibol ng tinaguriang “dagli” at “pasingaw” noong bungad ng siglo beynte hanggang makaraan ang digmaang pandaigdig. Ang dagli, gaya ng ibig ipahiwatig nito, ay mabilisan ang pagkakasulat, na maaaring mapaglarawan, mapagsalaysay, o mapaglahad sa pinakamatipid na paraan at sa masiste at matalinghagang pamamaraan. Ginagamit ang dagli mulang pangulong tudling hanggang mala-sanaysay at tulang tuluyan, at ang himig ay maaaring mapamuna, mapanuos, mapagpatawa, seryoso, at bumabagay minsan bilang pamuno sa mga natitirang espasyo ng pahayagan o magasin.[17] Samantala, ang pasingaw ay magiging esklusibo sa pagkatha ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-iibigan.

Malayang Taludturan
Nalathala noong 1934 sa pahayagang Taliba ang tulang “dios ko!” ni Abadilla na nagtataglay ng malayang taludturan at pulos maliliit na titik ang simula ng bawat salita ng bawat taludtod na animo’y ginagad sa mga tula ni e.e. cummings. Nilagyan pa ng talababa ng editor ang tula, na nagsasaad ng “Ang vers libreng ito’y hindi ito lamang. May hangad, marahil, itong magpakilala ng pinakamakabagong hilig sa tula.”[18] Higit namang nauna ang kaniyang eksperimento ng tulang tuluyan, na tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan” nang ilathala ng Liwayway ang “Ang Panahon” (1932). Sa dalawang tulang ito, nagtatangka na si Abadilla na kumawala sa mahigpit na pakahulugan ng tulang Tagalog ayon sa mga winika nina L.K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang sukdulan ng pagkalas ni Abadilla ay ibabandila ng tulang “Ako ang Daigdig,” na naggigiit ng indibidwalidad sa kabila ng kumbensiyong itinatakda ng tula at daigdig.

Iniuugnay ang paggamit ng malayang taludturan sa kabaguhan sa panulaan, at pagsunod sa padron ng banyagang panulaan. Subalit hirit ni Vega sa kaniyang panayam sa Manuel L. Quezon University noong 14 Agosto 1970:

Sa aking pag-aaral ay nalaman ko rin na walang malayang taludturan: ito’y pagsusuwagan ng kahulugan. Wala ring tulang malaya: ang kalayaan sa kulungan ay wala ng kahulugan. Paanong magiging malaya ang taludturan samantalang ang berso ay isang disiplinang nakakulong sa matipid na pangungusap at igkas ng damdaming narerendahan ng sukat at ritmo? Alisin mo ang sukat, ang tugma—subalit kailanman ay dadalhin ng indayog ng ritmo ang taludturan. Ang berso ay isang disiplinang minana sa klasisismo. Ibahin natin ang verse [sic] libre sa katawagang Pilipino.[19]

Para kay Vega, ang pinagkakakilanlan ng isang mahusay na tula ay wala sa pagkasangkapan sa tugma at sukat, o kaya’y sa paglabag sa mga tuntunin nito, bagkus sa “lirisismo.” Ang lirisismo, aniya, ay ang esensiya o kakang-gata ng tula, walang pagkakaiba sa pagpapakahulugan ng vertisismo ni Ezra Pound. Sumasalungat din ang kaniyang paliwanag sa sinaunang pagpapakahulugan ng panulaang Tagalog, at sa pagtatampok sa naunang winika nina L.K. Santos, Abadilla, at I. Santos hinggil sa pananalinghaga at nilalaman ng tula. Kulang ang paliwanag ni Vega sa lirisismo, at mahihinuhang nakasandal sa “indayog ng ritmo.”

Kung susundin ang talakay ni Vega, ang “vers libre” ay iba kaysa sa “malayang taludturan” kung ituturing na ang “vers libre” ay may bukod na diskurso sa “malayang taludturan” batay sa pinag-ugatang mga wika at tumbasan ng mga salita at diwa. Halos hindi nalalayo ang kaniyang pahayag sa winika ni T.S. Eliot, na “Walang malayang berso sa tao na ibig gumawa ng mabuting trabaho.” At sa ipinahayag ni Robert Frost na ang pagsusulat ng malayang taludturan “ay tila paglalaro ng tenis nang walang lambat.”[20]

Sinabi naman ni Charles O. Hartman sa kaniyang sanaysay, na “Sinasalungat ng malayang taludturan ang sarili nito.”

If “free verse” were to be admitted as verse at all, everything that had been achieved in the study of prosody would have to be rethought. Verse itself was defined, and still is in many dictionaries, as “metrical composition.”. . . If the definition of verse were in question, so would be the nature of poetry, with which it was habitually confused.[21]

Sa pahayag ni Hartman, walang mahigpit at permanenteng pagpapakahulugan sa “tula.” Kinakailangang baguhin din ang pagpapakahulugan sa “berso” o “taludtod.” Ngunit kahit ipagpalagay na malawak ang pakahulugan ng tula, may mga katangian pa rin itong masisipat at mahuhugot doon ang ilang kumbensiyong lumitaw noong nakaraang panahon hinggil sa pagsulat ng malayang taludturan.

Mga Kumbensiyon
Pagbubuo ng taludtod at saknong ang lunduan ng malayang taludturan, at heto ang ilang maituturing na kumbensiyong lumitaw sa iba’t ibang panahon:

  1. Maaaring magkaroon ng isa o mahigit pang saknong, bagaman di-regular ang sukat at tugma ng mga taludtod sa saknong.
  2. Nakasalalay ang haba o ikli ng taludtod sa disenyo, balangkas, at pamamaraan ng pagdiriin ng ritmo at himig.
  3. Maaaring magkaroon ng simetriya [at kadensiya] ang mga saknong, bagaman walang mahigpit na sukat ang mga taludtod, at nang maipamalas ang balanseng arkitektura ng tula. Halimbawa, kung ang unang saknong ay binubuo ng sampung taludtod, ang ikalawa at kasunod pang saknong ay may gayon ding bilang ng mga taludtod.
  4. Sa maraming tulang may malayang taludturan, hindi isinasaalang-alang ang simetriya ng mga saknong, bagkus ang ang tinig o mga tinig ng mga tauhan.
  5. Kung mala-epiko ang tula, maaaring hatiin ito sa mga yugto, at bawat yugto ay maaaring makapagsarili o kaya’y makalikha ng isang bukod na tula sa loob ng tula. Sa mahahabang tula ni Rio Alma, halimbawa sa Oriental, ginamit ang pamamaraan ng simponiya sa musika, kay may simulang mabagal, pagdaka’y bibilis, lalakas, tataas, bababa, at hihina, at muling tataas na yugto na waring akyat-baba sa bundok nang mapatindi ang kapanabikan, at masustini ang damdamin o kaisipan.
  6. Sa mga tulang tuluyan, ang saknong ay nagiging talata. At ang tula ay maaaring isang talata lamang.

Matatagpuan ang kumbensiyon sa estruktura o balangkas ng tula, at ang balangkas ng tula ay nakasalalay sa nilalaman at pinapaksa ng tula.

  1. May pagpapahalaga sa mga tunog ng dulong salita ng bawat taludtod o pangungusap, at pagpili ng mga salitang may maiindayog na tunog.
  2. May ritmo, ayon na rin kay Vega, at ito ay ginagabayan ng mga taktika ng repetisyon ng mga salita at diwa.
  3. Sa mga tulang tuluyan, may isa o higit pang talata.
  4. May partikular na paglalahad, paglalarawan, o pangangatwiran na pawang iniaayon sa persona, tinig, at himig ng tula, at maihahalimbawa rito ang buong koleksiyon ng tulang tuluyan ni Mike L. Bigornia, na pinamagatang Prosang Itim (1996).
  5. Sinematograpiko ang punto de bista, gaya sa mga tula ni Aloysius Bertrand.
  6. Ang anyo ng mga saknong ay maaaring idisenyo sa anyong ipinahihiwatig ng pamagat o kabuuan ng tula, halimbawa, gaya ng anyo ng bulkan ni Benigno Ramos o ni Frank Peñones, ahas ni José Corazón de Jesús, at kuhol ni Rio Alma.

Nagkakatalo ang maraming tula sa nilalaman, bagaman ang nilalaman ng tulang may malayang taludturan ay nagagabayan pa rin ng ilang kumbensiyon, gaya sa sumusunod:

  1. Ang “organikong anyo” [i.e., balangkas ng akda na likas na sumibol mula sa paksa at mga bagay na kinasangkapan ng makata], gaya sa pakahulugan ni Samuel Taylor Coleridge, ang magiging gabay sa retorika ng tula, kung hihiramin ang konsepto ni Hartman. Kung babalikan ang kritika sa “Ako ang Daigdig” ni Abadilla, ang banat ni Clodualdo del Mundo sa di-pagkatula ng akda ni Abadilla ay masasagot sa pag-urirat sa organikong anyo ng akda at ang sinadya o di-sinasadyang paglitaw ng tani-tanikalang pahiwatig at pakahulugan mula sa serye ng pag-uugnay ng mga salitang “ako,” “daigdig,” at “tula.”
  2. May “panloob na daloy” o “damdaming matulain”  kung hihiramin ang winika ni Alejandro G. Abadilla; at “pag-uumapaw ng damdamin” kung hihiramin ang winika ni Ildefonso Santos.
  3. Kaugnay ng binanggit sa itaas, may “lirisismo” ayon kay Vega, bagaman ang lirisismong ito ay higit na nakakiling sa indayog ng tunog ng bawat salita sa taludtod na nakapagpapasidhi ng damdaming kaugnay ng kaisipan ng tula.
  4. May “talinghaga/kaisipan at kariktan” na pawang pinakakaluluwa ng tula, kung hihiramin ang winika nina Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado.
  5. May sentral na diwain ang tula, at ang diwaing ito ay gumagalaw alinsunod sa pamamaraan at himig ng personang nagsasalita sa tula.
  6. Karaniwang kumbersasyonal ang himig ng nagsasalita sa tula.
  7. Maaaring isang piraso ng hulagway ang linangin sa loob ng tula, at ang hulagway na ito, na kaugnay man ng malaking lawas ng iba pang hulagway, ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw kapag itinanghal sa pambihirang anggulo.
  8. Ang wakas ay kabaligtaran ng mga isinaad sa mga unang talata o saknong.

Ilan lamang ang binanggit dito na maituturing na kumbensiyon sa pagsulat ng malayang taludturan. Nakakargahan lamang ng iba’t ibang pagtanaw ang malayang taludturan, na isang kakatwang taguri, dahil ang “pagkamalaya” ng taludturan ay nakasalalay pa rin sa kabihasaan ng makata sa pagsasakataga ng mga bagay na matalinghaga.

(“MALAYANG TALUDTURAN: Pag-ugat, Paglaganap, at Pagtanaw sa Panulaang Filipino,” lektura ni  Roberto T. Añonuevo para sa mga bagong fellow ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo [LIRA] na ginanap sa Ortigas Foundation Building, Ortigas, Lungsod Pasig noong 15 Agosto 2010.)

MGA TALA


[1] San Agustin, Fr. Gaspar de S. Compendio del Arte de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Amigo del Pais, 1703. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

 

[2] Bencuchillo, Fr. Francisco. Arte Poetico Tagalo, 1895. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[3] Rizal, Jose. Arte Metrica de Tagalog, Traducido del Aleman, 1887. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[4] Mula sa Reglas del Tayotay en Tagalog ni P. Joaquin de Coria, na sinipi ni Lope K. Santos sa kaniyang  Santos sa kaniyang Peculiaridades de la Poesia Tagala.

[5] Rizal, op. cit.

[6] Santos, Lope K. Peculiaridades de la Poesia Tagala, Manila: Universidad de Filipinas, 1929. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[7] Kabilang sa mga bumuo nito si Iñigo Ed. Regalado na naglista ng mga katawagang pampanitikang isinumite niya sa Institute of National Language noong 1947.

[8] Regalado, Iñigo Ed. Ang Panulaang Tagalog, 1943, na dumaan sa ilang rebisyon hanggang mailathala noong 1947 ng Institute of National Language, Tomo 6, Bilang 5.

[9] Santos, op. cit.

[10] Regalado, op. cit.

[11] Abadilla, Alejandro G. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan” na nalathala sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944, at muling inilathala sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[12] Basahin ang pambungad na diskurso sa Lectures on Art (1840), na ang elektronikong teksto ay nasa
http://www.gutenberg.org/files/11391/11391.txt
.

[13] T.S. Eliot (1888–1965).  The Sacred Wood: Essays on Poetry and Criticism. 1922.

[14] Basahin ang “Simula ng Bagong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Ildefonso Santos na nalathala noong 1944, at muling inilimbag sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[15] Basahin ang “Kinalburong Damdamin o Musang Pinormalin” ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Ang Makata sa Panahon ng Makina. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1972 na sumasagot sa uri ng pamumuna nina Aniceto Silvestre at Clodualdo del Mundo samantalang pinupuwing ang koleksiyon ni Regalado na “tila pagsisinop ng mga buto ng dinosaur” [i.e., sinauna o laos na]. Na isang mabalasik na puna na hindi natitigan nang maigi ang konsepto ng “damdamin” bilang panloob na agos [Abadilla] o kaluluwa [L.K. Santos] ng tula.

[16] Vega, Ruben. “Ang Pagkakaisang-Anyo ng mga Panahon sa Panulaan,” na kabilang lathala ng Surian ng Wikang Pambansa (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino), bilang 34-02, Pebrero 1971, p. 47.

[17] Basahin ang aking karagdagang paliwanag sa “dagli” at “tulang tuluyan” sa http://alimbukad.com/ 2008/08/06/prosang-itim-at-tulang-tuluyan-sa-filipino/.

[18] Kabilang sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo ngunit hindi pa nalalathala. Walang petsa ang nasabing antolohiya.

[19] Vega, op. cit., p. 42.

[20] Interbiyu kay Robert Frost, 1950, at sinipi sa Ikalabing-anim na edisyon ng Bartlett’s Familiar Quotation, na inedit nia John Bartlett at Justin Kaplan. Boston New York Toronto London: Little Brown and Company, 1992, p. 625.

[21] Hartman, Charles O. Free Verse: An Essay on Prosody. New Jersey: Princeton University Press, 1980.

Sawikaan: Pambansang Kumperensiya sa Wika ngayong 29-30 Hulyo 2010

Sawikaan 2010: Kumperensiya sa Salita ng Taon sa UP Diliman sa Hulyo 29-30, 2010

Itatanghal ng Filipinas Institute of Translation Inc.  (FIT) sa tulong ng Blas Ople Foundation, Anvil Publishing, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Komisyon sa Wikang Filipino, U.P. Sentro ng Wikang Filipino, at ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon sa Hulyo 29-30, 8:00n.u. -5:00n.h. sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Diliman, Lungsod Quezon.

Noong 2007, “miskol” ang naideklarang salita ng taon dahil sa angkop na paglalarawan sa pag-angkin ng Filipino sa hiram na konsepto ng komunikasyon. Hindi lamang ito di-nasagot na tawag kundi isang paraan ng paramdam, pagyayabang, at iba pang ugaling Filipino.

Hindi isinagawa ang kumperensiya noong 2008 at 2009 dahil naniniwala ang Sawikaan na walang karapat-dapat na salitang lumaganap ng panahong ang maitatanghal na salita ng taon. Sa ngayon, nagkaroon na ng sapat na dami ng mga salita para mapagpilian at maipagpatuloy ang Sawikaan.

Tinanggap ng Sawikaan ang mga mungkahing salita na nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa larangan sosyokultura, politika, ekonomiya at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa nakaraang dalawang taon. Hiniram ito sa dayuhan o lokal na wika, o lumang salita na may bagong kahulugan. Mahalagang karagdagan sa diksiyonaryong Filipino ang salita ng taon.

Tulad sa nakaraang kumperensiya, nag-imbita ang Sawikaan ng mga eksperto sa wika para talakayin ang paraan ng pagpapaunlad sa wikang pambansa. Kabilang sa mga tagapagsalita sa mga sesyon ng Hulyo 29 sina Dr. Mario I. Miclat, dekano ng U.P. Asian Center;  Dr. Jaime Caro, siyentista sa agham-computer; at Dr. Jesus Federico Hernandez, Tagapangulo ng U.P. Departmento ng Lingguwistika; at higit sa lahat, Dekano Dr. Zeus Salazar na pangunahing teoriko at istoryador ng Filipinas. Pangunahing paksang tatalakayin ang neolohismo (pagbuo ng bagong salita), paghiram mula sa mga wikang di-Ingles, wika at kompiyuter, at kalikasan ng wika ng mga bakla.

Pagkaraan ng mga diskusyon, ilulunsad ang bagong edisyon UP Diksiyonaryong Filipino (Anvil Publishing) na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Si Dr. Isagani Cruz ang magbibigay ng kritika sa naturang diksiyonaryo para makatulong sa mga guro at estudyante sa pag-unawa sa naturang aklat.

Sa Hulyo 30, sampu hanggang labindalawang tagapagsalita ang magtatanghal ng kani-kanilang papel. Kabilang sa mga lahok para sa salita ng taon ang “jejemon, “unli,” “load,” “tarpo,” “spam,” “solb,” “emo,” “load,” “korkor,”  “namumutbol,” “Ondoy,” at “Ampatuan.” Hahatulan ang mga presentasyon sang-ayon sa mahusay na saliksik, husay ng ebidensiya at argumento, at ganda ng pagkakasulat. Igagawad ng Blas Ople Foundation ang premyong salapi sa una, pangalawa, at pangatlong gantimpala para sa salita ng taon. Ilalathalang libro ang lahat ng papel na binasa sa Sawikaan.

Sa katanungan at impormasyon, mag-email kay Bb. Eilene Narvaez sa filipinas.translation@gmail.com. O bumisita sa opisyal na website sawikaan.net.

Konserbatismo at Patriyotismo sa 2010 Talaang Ginto

(Ang sumusunod ay kritika ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa nakaraang timpalak pampanitikan ng Talaang Ginto, at maaaring makatulong sa mga guro at estudyante na pawang nag-aaral ng tugma at sukat sa katutubong tula, bukod sa pagbubuo ng balangkas at talinghaga. )

KONSERBATISMO AT PATRIYOTISMO SA 2010 TALAANG  GINTO

ni Virgilio S. Almario

MAY DALAWANG TAHAS NA konserbatibo sa magkaugnay na pinalaganap na mga  tuntunin para sa “Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula-Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo 2010” at mga memorandum pangkagawaran para sa 2010 Pagdiriwang sa Araw ni Balagtas. Una, ang atas sa tuntunin blg. 3 (na nakalimbag pa nang bold) na “Tanging ang mga tulang may súkat at tugma lámang ang maaaring ilahok.” Ikalawa, ang paksa ng pagdiriwang sa nagkakaisang memorandum ng DepEd, CHED, at CSC na “Diwa ni Balagtas: Karunungan at Katarungan sa Matatag na Republika.”

Sa buong kasaysayan ng Talaang Ginto, ngayon lámang iniatas na kailangang may tugma’t súkat ang mga lahok na tula. Na kung tutuusin ay isang paghihigpit laban sa mga makatang higit na mahilig tumula sa malayang taludturan. Gayunman, layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tagapangasiwa ng timpalak at pagdiriwang, na ipagunita ang ating tradisyonal na pagtula, na palagay ko’y isang magandang adhikang konserbatibo sa panahon ngayong marami sa mga makata ang ni hindi marunong gumamit ng wastong tugma’t súkat at nakahahambal ang mga kamaliang ikinakalat sa pagtuturo ng tugma’t súkat sa mga teksbuk

Sa kabilâng dako, ang paksa ng pagdiriwang ay lagi nang konserbatibo dahil may adhikang iugnay sa diwa ni Balagtas. Maganda ang diin ngayon sa karunungan at katarungang madudukal sa pagtula ng Sisne ng Panginay. Gayunman, lumagpas ito ngayon sa taunang layuning konserbatibo dahil sa tahasang pagpupugay sa “Matatag na Republika”—isang gawaing reaksiyonaryo at higit na nagsisiwalat sa mentalidad sipsip ng tagapangasiwang ahensiya o ng kasalukuyang pamunuan nitó. Nakatakda itong mabigo sa ipinahayag na patriyotismo ng mga nagwaging tula na pawang nagsasakdal sa malubhang korupsiyon at kawalan ng katarungan sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo.

Magandang pagkakataon ang pagsuri sa mga nagwagi sa 2010 Talaang Ginto upang tukuyin ang estado ng paggamit sa tugma’t súkat sa kasalukuyang pagtula. May inihahandog ding pagkakataon ang paksa ng pagdiriwang upang siyasatin ang antas at paraan ng pagpapahayag ng damdaming makabayan ng ating mga makata.

Kodigo ng Tradisyonal na Anyo

Tungkol sa tugma’t súkat, dapat linawin na isa itong napakahalagang sangkap ng katutubong poetika sa Filipinas. May tugma’t sukat ang karamihan sa mga sinaunang tula/awit sa iba’t ibang wika ng kapuluan at may nagkakatulad na pangkalahatang batas na sinusunod mulang hilaga ng Luzon hanggang katimugan ng Mindanao. Sa Tagalog, isinagawa ang kodipikasyon ng mga batas sa tugma’t súkat sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at ipinagpatuloy sa panahon ng Amerikano. Pangunahing pag-aaral sa bagay na ito ang Compendio de la lengua tagala (1703) ni Fray Gaspar de San Agustin, Arte poetico tagalo (sirka 1778) ni Fray Francisco Bencuchillo, Arte metrica del tagalog (1887) ni Jose Rizal, at Peculiaridades de la poesia tagala (1929) ni Lope K. Santos. Noong 1991, kinatas ko mula sa mga dakila bagaman panimulang pagsisiyasat na ito ang aking Taludtod at Talinghaga bukod sa ipinasalin ko ang mga ito para sa koleksiyong Poetikang Tagalog (UP Sentro ng Wikang Filipino, 1996).

(Kailangan kong idulot ang naturang impormasyon upang ihimaton sa mga nais bumalik sa tradisyon ng tugma’t súkat ang mga pangunahin at orihinal na sanggunian sa bagay na ito. Isang paraan din ito ng pagsawata sa mapagpalalo at hunghang na upasala ng mga naggagalíng-galíngang makata, kritiko, at guro na “inimbento” ko lámang diumano ang mga tuntuning isinasaloob ng mga makatang nagdaraan sa workshop ng LIRA. Maraming lisya sa mga haka ngayong pinalalaganap ng mga teksbuk dahil hindi nakabatay sa saliksik bukod sa hindi binabásang mabuti ang mga dakilang tulang may tugma’t súkat mula kay Balagtas hanggang kina Jose Corazon de Jesus, Benigno Ramos, at napakarami pa.)

Matagumpay na naisakodigo nina San Agustin, Bencuchillo, at Rizal ang mga batayan at katutubong tuntunin sa tugma’t súkat. Ito ang maituturing na kodigo ng katutubong tradisyon at naglalatag ng mga kumbensiyong sinusunod hanggang ngayon. Gayunman, sa pagitan nina San Agustin at Rizal ay may naganap nang pagbabago sa katutubo. Ayon kay San Agustin, pipituhin at wawaluhin ang karaniwang súkat ng katutubong taludtod. Ngunit sa ika-19 na siglo ay naging popular ang lalabindalawahin, lalo na nang gamitin ni Balagtas sa kaniyang awit. Isang hiram at naturalisadong súkat mulang Europa ang lalabindalawahin ngunit bahagi na ito ngayon ng tradisyon. Sa panahon ng Amerikano at dahil sa repormasyong isinagawa ng mga makatang Balagtasista ay higit na sumalimuot ang tradisyon. Mararamdaman ito sa mga dagdag na tuntuning ipinasok ni Lope K. Santos noong 1929 at sa mga halimbawa ng reporma sa tugma’t súkat ng mga kapanahong makata. Hanggang ngayon, napapasukan ng pagbabago ang tradisyon ng tugma’t súkat, gaya halimbawa ng tugmang pantigan, at bahagi lámang ito ng pangyayaring aktibo at dumadaloy ang tradisyonal na batis nitó.

Kung ang tuntunin blg 3 ang bibigyang-diin, nakalulungkot ang anyo ng mga nagwaging tula sa 2010 Talaang Ginto. Ang unang gantimpala, ang “Ang Tutulain Kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ni David Michael M. San Juan ay isang napakahabàng halimbawa ng pagsuway sa kodigo ng tugma’t súkat. Mahahalatang may natural siyang wido sa paglikha ng ritmang pantaludturan, ngunit nakahihinayang ang gamit niya ng naturang wido sa ala-berdeng pagtutugma at pinagtalì-talìng mga pariralang oksimoroniko.

Isang malaking problema ng mga nagwaging makata ang pagdevelop ng tinatawag na padron ng tugma’t súkat sa kanilang mga saknong. Problema ito ni San Juan at maging ng pangatlong gantimpalang “Pintado: Inuukit sa Kulay ang Hibla ng Hininga” ni Leodivico C. Lacsamana at pangatlong karangalang-banggit na “Panawagan sa mga Bayani ng Panitikang Pilipino” ni Joel C. Malabanan. Malaking problema naman ng unang karangalang-banggit na “Kimay” ni Reynaldo A. Duque ang waring kawalan niya ng tainga sa pagkakaiba ng salitâng nagtatapos sa patinig na  walang impit (malumay at mabilis) at ng salitâng nagtatapos sa patinig na may impit (malumi at maragsa). Kahit ang inaasahan kong higit na bihasang manunugma, si J.C. Malabanan, ay nasisilat sa pagtutugma ng “gintô” sa “gobyérno” at “demónyo” at ng “paglayà” sa “pakikibáka” at “pag-ása.” Malaking kasalanan ang mga ito sa kodigo ng tugma, at higit kong pinapansin sapagkat nangangailangan ng malaking rebisyon kapag iwinasto kompara sa problema sa súkat na madalîng nareretoke sa pamamagitan ng dagdag o bawas na pantig lámang.

Sa ganitong paraan maituturing na higit na maingat at makinis ang paggamit ng tugma’t súkat sa pangalawang gantimpalang “Mga Elemental na Pag-ibig” ni Enrico C. Torralba at sa pangalawang karangalang-banggit na “Kung Kailan Kailangan” ni Joselito D. delos Reyes. Sa mabilisang pagbása ay kapansin-pansin lámang ang kumabyos na lalabing-apatin ng isang linya (“takot na reberendong nagkukubli sa dilim”) sa saknungang lalabing-animin ni J.D. delos Reyes at sumablay na sesura ng lalabindalawahin ng isang taludtod (“naisip niyang ginawan s’ya ng tula”) at pilít na pagtitipil sa pangalawa bago ang hulíng taludtod ni E.C. Torralba.

Katangi-tangi din sa lahat ang matalino’t eksperimental na asamblea ng tugma’t súkat ni E.C. Torralba. Binubuo ng pitong yugto, iniwasan niya ang hulmahang awit ni Balagtas. Sa halip, lumikha siya ng mga padron ng taludturan na kumakasangkapan sa katutubo’t banyaga o Asyano’t Europeo. Nagsimula siya sa padrong may dalawang taludtod, tugmang isahan, at súkat na isahan sa lalabing-animin. Sinundan ito ng padrong may apat na taludtod at súkat na lalabindalawahin, na halos may anino ng taludturan sa Florante at Laura kung hindi pinasukan ni E.C. Torralba ng tugmang dalawahan sa sunuran (aabb). Ang ikatlong bahagi ay binubuo ng tatlong tanaga ngunit modernisado sa paggamit ng tugmang salitan (abab) at dahil sa dagdag na kopla ay naghunos sa isang sonetong Ingles. Ang ikaapat ay dalawang haiku at katangi-tangi ang pagsisikap na lumikha ng tugmang isahan sa loob ng napakakipot na anyong Japanese. Sinusugan pa niya ang paglalaro sa anyong Japanese sa pamamagitan ng limang tanka sa ikalimang yugto na may tugmang sunuran (axabb). Pansinin ang pagbibiro sa lima—may limang taludtod ang tanka at lima ang hinubog ni E.C. Torralba sa ikalimang yugto. Ang ikaanim na bahagi’y isang villanelle. Sa ikapitong bahagi ay bumalik sa mahabàng súkat si E.C. Torralba—ang lalabing-apatin na nilagyan pa niya ng sesurang 7/7—sa loob ng kuwarteto na may tugmang sunuran (aabb). Sa ganitong paraan nagsisilbing parentesis ang anyo ng una’t ikapitong bahagi sa mahabàng tula. Bílang pangwakas na sagisag ng tugma’t súkat, tinapos niya sa isang kodang dalawang taludtod ang limang taludtod ng ikapitong bahagi at ang buong tula.

May pangahas ding eksperimento ang súkat ni L.C. Lacsamana. Sinikap niyang itaguyod ang sukat na dadalawampu’t apatin sa loob ng 20 kuwarteto at isang kopla, isang gawaing sinimulan na noon nina Pedro Gatmaitan at Benigno Ramos ngunit inihinto dahil lubhang mahabà para sa limbagang pahina ng libro. Dahil sa habà, malimit na lumabis sa takdang espasyo ang ganitong linya kayâ’t pinuputol, na hindi naman magandang tingnan. Sinikap din ng mga Balagtasista na lagyan ng sesura ang ganito kahabàng taludtod, halimbawa’y 12/12, o 6/6/6/6 upang mapasikdo ang isang ritmo at maiwasang maging kabagot-bagot ang kanilang tula. Sa kasamaang-palad, hindi naisaalang-alang ni L.C. Lacsamana ang pagdudulot ng ritmo kayâ mistulang monotonong mga taludtod ang kaniyang dadalawampu’t apatin at mapaghihinalaang humabà dahil hindi inedit ang hindi kailangang mga salita.

Sa kabilâng dako, nais kong idagdag na ang disiplina sa tugma’t súkat ay dapat tumbasan ng dobleng ingat sa panig ng tagapaglathala. Kapansin-pansin ang mga malîng ispeling at nagkakadikit o nagkakahiwalay na mga taludtod at saknong sa limbag na programa sa pagdiriwang ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ipinalalagay kong bunga ng ganitong kaburaraan ng proofreading kahit ang sobrang “ang” sa villanelle ni E.C. Torralba at ang nawawalang kudlit (‘) sa “(i)ginupo” ni D.M.M. San Juan.

Bagong Nasyonalismo

Samantala, nais ko ring pag-ukulan ng puna ang talakay sa paksa ng mga nagwaging makata. Sa isang bandá, kapuri-puri ang nagkakaisa niláng hagkis laban sa (nais sanang ipagmalaki ng KWF na tagumpay ng) Matatag na Republika. Tahasang isinawalat ng mga nagwaging tula ang kawalan ng katarungan at maruming pamamahala sa kasalukuyan at pawang nangangarap ng pagbabago para sa bansa. Pinatotohanan ng mga tula ang diwang patriyotiko mula kina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Benigno Ramos, Teo S. Baylen, at Amado V. Hernandez, at hanggang kina Rogelio G. Mangahas, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Elynia Ruth Mabanglo, Michael Bigornia, Fidel Rillo, at Jesus Manuel Santiago.

Subalit nása nabanggit kong hulíng pangyayari ang problema at hamon sa pagpapahayag ng damdaming makabayan ngayon. Unang-una, hindi kayâ inuulit lámang ng mga nagwaging makata ang sinabi na noon ng mga binanggit kong makata ng ika-20 siglo? May bago ba sa itinanghal na kabalighuang panlipunan at pampolitika ni D.M.M. San Juan sa hibik noon ni Florante sa gubat ng Albanya? Ang tagulaylay ba ni R.A. Duque para kay Kemberly Jul Luna ay naiiba sa balangkas ng himutok sa mga biktima ng karahasan noong Martial Law nina T.T. Antonio, F. Rillo, at J.M. Santiago?

Ang unang ibig kong sabihin, hindi masamâ ang mag-ulit (lalo’t importanteng ulit-ulitin). Ngunit kailangan ang bagong treatment sa inuulit, ang bagong pasok sa paksa, ang kahit dagdag lámang na detalye, o kahit bagong himig. Kapuwa halimbawa nagmula sa Fili sina D.M.M. San Juan at J.D. delos Reyes, ngunit naiiba ang epekto ng siste ni J.D. delos Reyes kaysa litanya ng gasgas na mga balintuna ni D.M.M. San Juan. May magandang panukala ang paghalungkat ni J.C. Malabanan sa mga bayani ng epikong-bayan. Ngunit bukod sa nabanggit na silbi nitóng pampaaralan, hindi ba’t iniaatas lámang din ng panawagan niya ang panawagan noon kina Rizal at Bonifacio nina Cecilio Apostol at Iñigo Ed. Regalado? Humabà rin ang panawagan ni J.C. Malabanan dahil sa listahan ng mga bayani sa epikong-bayan, na kung tutuusin ay naipahayag na ang diwa sa unang saknong kay Lam-ang. Higit din sanang naging makabuluhan ang paglilista kung sadyang itinapat sa katangian ng bawat bayani ang nilulunggating bago’t tanging tungkulin nitó sa kasalukuyan.

Ikalawang ibig kong sabihin, nangangailangan ng bagong pagsisiyasat ang pag-ibig sa bayan. Nása isip ko ang malikhaing pagsasaloob nina Rizal at Bonifacio sa diwa ng nasyonalismo noon mula sa Europa na nagpasiklab sa isang pambansang rebolusyon laban sa kolonyalismong Europeo. Nása isip ko rin ang mataimtim na paggamit ni Recto sa nasyonalismo upang ilantad ang balakyot na hangarin at makinasyon ng imperyalismong Amerikano, gayundin ang nasyonalismong ipinambigkis sa EDSA People Power upang ibagsak ang diktadurang Marcos. Itinatanghal sa atin ng kasaysayan ang naging awtentikong diwa para sa atin ng nasyonalismo upang isagot sa nagbabagong kondisyon at pangangailangan ng sambayanan. Nakatanghal din ang sumusulong at malikhaing espiritu ng nasyonalismo sa mga tulang kinakatawan nina Rizal, Bonifacio, Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, at Teo T. Antonio.

Ngayon, nagkaroon na ng bagong salimuot ang nasyonalismo alinsunod sa nagbagong mga isyu’t usapin sa Filipinas nitóng nakaraang dalawampung taon. Ano ba talaga ang papel ng nasyonalismo laban sa globalisasyon? Laban sa droga at sobrang paglobo ng populasyon? Laban sa kultura ng korupsiyon? Kailangan samakatwid ang masusing paggagap sa problema ng ating panahon at malikhaing pagsasatula ng ating patriyotismo upang higit na mabisàng magampanan ng makata ang adhika niyang tungkuling politikal. Hindi na niya maisasagot sa problema ngayon ang tinatawag na nasyonalismong barong tagalog. Kailangang maingat siya sa pagsipi ng “malansang isda.” Sino pa ba ang maniniwala sa kaniya na “perlas ng silangan” ang Filipinas na kalbo ang mga bundok at nagpuputik ang tubigan? Kailangan niyang humúli ng bagong talinghaga. Kailangan niyang maghandog ng bagong balintuna’t parikala, ng bagong kislap-diwa o insight, upang makatulong sa paglilinaw ng kasalukuyang krisis pantao’t panlipunan. At isang higit na malaking trabaho ito ng makata. Higit na makabuluhan kaysa pagbuo ng napakahahabàng tula at taludtod. Higit ding nangangahulugan ito ng paggamit ng tradisyonal na anyo at payak na wika upang mabilis na tumimo sa puso ng madla. Sa gayon, iminumungkahi rin ng ganitong mithiin ang pag-iwas sa nakapanggigilalas na salita’t parirala na gaya ng “hegemonya”—na maaaring madalîng makaduling sa antikwadong hurado ngunit (tila siyokoy pa yata?) isang malaking palaisipan sa bayan kung hindi lalakipan ng kongkretong karanasang pambansa—at mahiwagang paglalaro sa tradisyonal na tugma’t súkat.

Bago ang pagtula, nagsisimula ang trabaho ng makata sa taimtim na pag-aaral at saliksik—pag-aaral ng wika’t tradisyon, saliksik sa puso’t bituka ng tao. Sa ganito higit na nagkakaroon ng kabuluhan kahit ang timpalak na konserbatibo at mapangaraping taludturang patriyotiko.

Ferndale Homes

16 Hunyo 2010

Talaang Tanso at Makata ng Taon

Maringal ang pagpaparangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga nagwagi ng Talaang Ginto sa Tula ngayong taon, na ginanap kahapon (13 Abril 2010), ngunit ang makulay na pagdiriwang sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) ay hindi naikubli ang kasalatan sa kasiningan ng tula ng Makata ng Taon na si David Michael M. San Juan.

Ang kaniyang piyesang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda” ay mala-epiko ang haba ngunit hindi tula; at maipupuwing na inaantok marahil ang mga hurado nang piliin nila ito at gawaran ng unang gantimpala.

Binuksan ng epigrape mula winika ni Simoun sa El filibusterismo ni Jose Rizal ang sabihin nang tula ni San Juan. Ngunit ang epigrape ay pagmamalabis, dahil ni hindi nagsilbing bintana iyon sa buong tula. Salat sa pagpapahiwatig ito sa konteksto o paglulugar doon sa posibleng maging daloy ng tula; at ang tinig sa tula—na mahihinuhang mula sa makata at hindi sa katulad ni Simoun—ay paglulustay ng winika ng mapaghimagsik na tauhan ni Rizal.

Heto ang prologo ng “Ang Tutulain kong Harana. . . “ ni San Juan:

Pitong libong pulo sa dakong silangan
Bughaw, malumbaying mga katubigan
Bundok, kagubatang sa sigwa’y tanggulan
Hiyas ng balangaw, hinagkan ng araw.

Sinisid sa lalim, hinila ng talim
Sa apoy sinugba, kataga’y hininga
Niyapos ng lumbay, mahikang laragway
Tumawid ng dagat, umahon sa tangway

Isanlibo’t isang limot na gunita
Nalimbag sa papel, nanilaw na pahina
Itinabi, tinago winalambahala
Sa alaala’y naglahong parang bula

Inanod ng batis, tuwa’t pagtititiis
Memoryang niligis, panlunas na langis
Sugat ng kahapon, tumanglaw sa layon
Historya’t istorya, katang maglimayon

Piling-piling bayan, gintong kabukiran
Tubuhang tumatangis, dugo ang panlinis
Busilak na handog, sariwang alindog
Gunitang kapilas, ngayo’y namamalas

Baybayin ang noon, linawin ang ngayon
Hiwaga’y ungkatin, pangamba’y supilin
Dalit ko’y pakinggan, ‘sang haranang bayan
Liwanag, karimlan, tulang kasaysayan.

May pagtatangkang gamitin sa tula ni San Juan ang padron ng awit ni Balagtas na lalabindalawahin ang pantig ngunit sablay sa tugma at sukat. Sa unang saknong pa lamang ay isahan ang tugma (aaaa), na susundan ng sunuran (bbaa), at pagsapit sa ikatlong saknong ay magiging isahan muli (cxcc) bagaman sablay. Ang ikatlong taludtod ng ikatlong saknong ay labis sa sukat. Samantala, mahahalata ang kahinaan sa tugmaan ng tula kapag dumako sa Ikalawang Yugto sa ilalim ng pamagat na “Henesis” na magkasunod ang mga saknong na isahan ang tugma (aaaa/aaaa) na kahit si Balagtas ay hindi ginawa sa kaniyang pamosong Florante at Laura. Walang mahigpit na hati o sesura ang tula, gaya ng 6/6 o 4/4/4, bagaman napakadaling gawin iyon.

Kung sa tugma at sukat pa lamang ay bagsak na si San Juan, lalong mamamalî siya sa paggamit ng ilang salita, gaya ng “dalít” na wawaluhin ang pantig. Hindi “dalít” ang kaniyang tula bagkus “awit” gaya ng kay Balagtas. Hindi rin harana ang kaniyang tula, bagaman may pagtatangkang manambitan at sukdulang magsumamo para makuha ang pansin ng mga mambabasa.

Kasumpa-sumpa ang kinathang Filipinas ni San Juan.

Hindi nailarawan nang maigi ang lugar na tinutukoy ng makata. Paanong magiging tulang kasaysayan ito, kung ni walang mahugot na matinong pahiwatig mula sa mga gasgas na hulagway na gaya ng “pitong libong pulo,” “malumbaying baybayin,” “kagubatang tanggulan sa sigwa,” na pawang inuugnay sa pasulat na tradisyon ng pagsusulat o panitikan? Sanlibo’t isang gunita umano ang nalimbag sa papel, ngunit hindi nilinaw ng persona sa tula kung mapagtitiwalaan ang naturang gunita—na maaaring nauulapan ng prehuwisyo, katangahan, o panunupil ng mga dayuhang interes.

Naglustay ng mga salita ang Prologo na maaaring tanggalin ng awtor, at magiging labag sa kabutihang-asal kung pupunahin ko pa ang marupok na balangkas nito, ang kababawan ng diwain, ang kabulagsakan ng paggamit ng mga salita, ang kahinaan ng pagsasalansan ng mga hulagway at pahiwatig, at iba pang kuntil-butil.

Ginamit din sa obra ni San Juan ang mga himpamagat [subtitle] na gaya ng “Henesis,” “Inkarnasyon,” “Hegemonya,” “Kontra-Hegemonya,” at “Nekropolis” ngunit ang simula at transpormasyon ng pagkakabuo ng kabansaan ay ipinaloob sa tersera klaseng berso na hindi malaman kung saan susuot at hanggang pandulong tugmaan lamang ang halina. Problematiko ang personang nagsasalita sa tula, dahil ang kaniyang mala-bathalang pananaw ay nakaligtaan ang mahahalagang pangyayari na humubog at patuloy na humuhubog sa paglikha ng lunggating kabansaan. Ang tunggalian ng mga puwersa ay hindi nilinaw sa tula, dahil halos walang hanggahan ang nagbubukod sa magkatunggaling panig, kaya ang diyalektikong ugnayan ng “banyaga” at “katutubo” ay nabigong maipamalas nang matuwid.

Mahihinuhang pinahuhulaan ng awtor sa mga mambabasa ang lalim ng kaniyang “talinghaga,” na isang paraan ng pagpapalabo ng tula para ikubli ang katangahan ng nilalaman ng nagsasalitang persona. Walang hiblang nag-uugnay sa “Henesis” sa “Inkarnasyon” (at sa mga kasunod nitong yugto) na kahit pinakamaikling yugto ay hitik sa malikhaing kaululan sa larangan ng pagsulat ng tula.

Aatakihin ako sa puso kung ipagpapatuloy ang pagbusisi sa tulang “Ang Tutulain kong Harana: Sanlibo’t Isang Pahina ng Istorya’t Historya ng Sintang Bayan Kong Luzviminda.”

Hindi karapat-dapat, sa aking palagay, na magwagi ng titulong Makata ng Taon, 2010 si David Michael M. San Juan, lalo kung ang gagamiting lente ng pagbasa ang pakasaysayang pagdulog, bukod sa Bagong Formalismong Filipino ng kritikong Virgilio S. Almario. Isang malungkot na pangyayari ito na ikayayanig ni San Juan, at maaaring magpatiwakal siya kung gagawing masusi ang pag-urirat sa kaniyang tula. Masakit mang sabihin, ang kaniyang tula ay hindi tula kahit sa pinakamababang antas na pamantayan ng sining ng pagtula sa Filipino. At kung ang kaniyang obra ang gagawing halimbawang piyesa sa mga teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, may katwiran ang mga kabataan at magulang na maghimagsik, dahil bumabagsak ang estado ng panulaang itinatampok ng kapita-pitagang Komisyon sa Wikang Filipino.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 121 other followers