Tungkol sa mga ad na ito

Ang Manipestong Komunista sa Dila ng Filipino

Ginugunita ngayong taon ang ika-160 pagkakalathala ng Ang Manipestong Komunista  (1848)  na pinaniniwalaang magkatuwang na kinatha nina Karl Marx at Friedrich Engels, ngunit napakatahimik sa Filipinas, at inisip kong nakaligtaan na nang lubos ang akdang umugit nang malalim sa kamalayan ng organisadong hanay ng mga manggagawang Filipino. Maaaring lipas na para sa iba ang ganitong akda, samantalang korni na para sa mga linyadong mag-isip. Gayunman, paborito pa rin ang Manipesto sa hanay ng mga estudyanteng nasa hay-iskul, dahil napakanipis at magandang paglunsaran ng rebyung hinihingi ng paaralan.

Naisip kong manghimasok bilang tagasalin kahit hindi ako Marxista o Komunista. (May ilang ginawang salin o halaw nito sa Filipino, na gusto ko mang sipiin ay hindi maaari dahil ayokong lumabag sa karapatang intelektuwal ng tagasalin. Maihahalimbawa ang isang salin sa Filipino sa Philippine Revolution.net na mairerekomendang basahin ng mga estudyante.) Sinubok kong isalin sa eleganteng Filipino ang naturang akda, at sipiin at piliin mula roon ang mga inmortal na kataga, para sa mga Filipinong mahilig magbasa sa Filipino. Kung ano man ang pagkukulang nito ay hinahayaan ko kayong ituwid, palawigin, at linawin para higit na maunawaan ng uring manggagawa sa Filipinas ng kasalukuyang panahon.

Ang burges (bourgeois), para kina Marx at Engels, ay mga tao na kabilang sa uri ng modernong kapitalista, ang may-ari ng kasangkapan sa paggawang panlipunan, ang nangungupahan o maypatrabaho ng lakas-paggawa. Kasalungat nito ang proletaryo, ang mga tao na kabilang sa uri ng modernong manggagawa na walang kasangkapan sa produksiyon, at kinakailangang ipagbili o ipangupahan ang sariling lakas, gawa, at talino upang mabuhay. Ang tunggalian ng dalawang uri ay maaasahan, dahil hindi patas ang lipunan. Hinamig ng burgesya ang yaman at kapangyarihan sa lipunan, at ang tanging paraan upang maangkin muli ng proletaryado ang lahat ng inagaw na yaman at kapangyarihan sa kanila ay sa pamamagitan ng rebolusyon.

Heto ang aking malayang salin, at kayo na humatol kung karapat-dapat akong tawaging salarin:

Ang Manipestong Komunista
Isang pangitain ang bumabagabag sa Europa—ang pangitain ng komunismo. Lahat ng kapangyarihan sa lumang Europa ay nagsanib upang tugisin at palisin ang ganitong pangitain: Papa at Hari, Metternich at Guizot, Radikal na Pranses at Alemang espiyang pulis.

Nahan ang partidong sumalungat nang hindi tinuligsang maysa-komunista ng mga kalabang nasa kapangyarihan? Nahan ang oposisyong hindi ginantihan ng mapang-usig na taguri sa komunismo laban sa mga higit na abanseng partido, gayundin sa mga reaksiyonaryong kalaban nito?

I. Burges at Proletaryo
Ang kasaysayan ng lahat ng umiiral na lipunan ay kasaysayan ng tunggalian ng mga uri.

Timawà at alipin, maharlika at kasamá, maylupa at tauhan, mangangalakal at panday, kumbaga’y nang-aapi at inaapi, ang malimit nagbabanggaan nang tuloy-tuloy, kung minsan ay lantad at kubli kung minsan, na nagwawakas sa rebolusyonaryong pagbubuo ng lipunan, o sa karaniwang pagkawasak ng mga uring nakikibaka.


Nabigong pawiin ng makabagong lipunang burgis—na sumupling mula sa mga guhô ng lipunang piyudal—ang bakbakan ng mga uri. Itinatag lamang nito ang mga bagong uri, ang mga bagong kalagayan ng panunupil, ang mga bagong anyo ng pakikibakang hinalinhan ang mga nauna.

Malinaw itong itinatampok ng ating panahon, ng panahon ng burgesya: Pinapayak lamang ang labanan ng mga uri. Lalo lamang nabibiyak ang kabuuan ng lipunan ngayon sa dalawang malaki’t magkasalungat na panig, sa dalawang malaking uri na tahasang magkaharap: ang burgesya at ang proletaryado.


Mababatid natin, samakatwid, kung paanong ang makabagong burgesya ay bunga mismo ng mahabang agos ng kaunlaran, ng serye ng mga rebolusyon sa anyo ng produksiyon at ng kalakalan.


Hinubad ng burgesya ang dangal sa bawat hanapbuhay na dáting dinadakilà at tinitingalâ nang may pagkamanghâ. Napaghunos nito ang manggagamot, ang abogado, ang pari, ang makata, ang siyentipiko bilang mga upahang manggagawa.


Hindi makaiiral ang burgesya nang hindi patuloy na pinahuhusay ang mga kasangkapan sa produksiyon, at ang mga ugnayan sa produksiyon, saka ang kabuuang mga ugnayan sa lipunan.


Ipinailalim ng burgesya ang kanayunan sa kapangyarihan ng mga lungsod. Lumikha ito ng malalaking lungsod, pinalobo ang populasyon ng kalungsuran kung ihahambing sa taglay ng kanayunan, at hinango ang malaki-laking bahagi ng populasyon mula sa kamangmangan ng buhay-lalawigan. Kung paano nito pinasandig ang nayon sa lungsod, hinubog din nito ang ilahás at di-ganap na mauunlad na nayong sumandig sa mga sibilisadong nayon, ang mga bansa ng magsasaka doon sa mga bansa ng burges, ang Silangan doon sa Kanluran.


Sa lahat ng uring humarap nang tandisan sa burgesya ngayon, tanging proletaryado lamang ang tunay na uring rebolusyonaryo. Nabulok ang ibang uri at ganap na naglaho sa harap ng modernong industriya; ang proletaryado ang tangi’t mahalagang produkto nito.


Hindi na makapamumuhay ang lipunan sa lilim ng burgesya, sa madali’t salita, hindi na katugma ng burgesya ang lipunan….

II. Proletaryo at Komunista
. . .Hindi bumubuo ng bukod na partido ang mga komunista na kumakalaban sa iba pang partido ng uring manggagawa.

Wala silang interes na bukod at hiwalay sa taglay na interes ng proletaryado sa kabuuan.

Hindi sila bumubuo ng anumang prinsipyong sektaryo, at doon huhubugin ang kilusang manggagawa.


Upang maging kapitalista, kailangang taglayin hindi lamang ang pansarili, bagkus ang panlipunang kalagayan ng produksiyon. Ang puhunan ay kolektibong produkto, at tanging sa sama-samang pagkilos ng laksang kasapi, o sa pangwakas na paraan, tanging sa nagkakaisang pagkilos ng lahat ng kasapi ng lipunan mapaaandar iyon.

Ang puhunan, samakatwid, ay hindi pansarili bagkus panlipunang kapangyarihan.


Walang bansa ang mga manggagawa. Hindi natin maaagaw sa kanila ang wala sa kanila. Yamang ang proletaryo ay kailangan munang hamigin lahat ang kapangyarihang pampolitika, umangat at maging pangunahing uri ng bansa, buuin ang sarili bilang bansa, iyon lamang ang matataguriang pambansa, bagaman hindi sa pakahulugan ng burges.


Nakita natin na ang unang hakbang sa rebolusyon ng uring manggagawa ay iangat ang proletaryo sa posisyon ng naghaharing uri upang maipagwagi ang laban ng demokrasya.

Gagamitin ng proletaryo ang kapangyarihang pampolitika nito upang maagaw, sa anumang antas, ang puhunan mula sa burgesya; gawing sentralisado ang lahat ng kasangkapan ng produksiyon at ipasakamay sa estado, i.e., ng organisadong proletaryado bilang naghaharing uri; at pataasin ang kabuuang produktibong puwersa sa mabilis na paraan hangga’t maaari.

III. Sosyalista at Komunistang Panitikan
. . .Yamang ang pag-unlad ng tunggalian ng uri ay sumasabay sa pag-unlad ng industriya, ang kalagayang pangkabuhayan, sa tingin nila, ay hindi pa nakapaghahain ng kondisyong materyal para sa ikalalaya ng proletaryado. Naghahanap samakatwid sila ng bagong agham panlipunan, ng bagong panlipunang batas na pawang lilikha ng ganitong mga bagong kondisyon….

IV. Posisyon ng mga Komunista kaugnay ng iba’t ibang umiiral na Partidong Oposisyon
. . .Ipinaglalaban ng mga Komunista ang pagkakamit ng mga kagyat na layon, upang maisakatuparan ang pansamantalang interes ng uring manggagawa; ngunit sa kilusan sa kasalukuyan, kinakatawan din nila at pinangangalagaan ang kinabukasan ng naturang kilusan. . . .


Ang mga Komunista saanmang dako ay sumusuhay sa bawat rebolusyonaryong kilusan laban sa umiiral na panlipunan at pampolitikang kaayusan ng mga bagay.


Tumatanggi ang mga Komunista na ikubli ang kanilang pananaw at lunggati. Tahasan nilang inihahayag na ang kanilang layon ay makakamit lamang sa sapilitang pagpapatalsik ng lahat ng umiiral na panlipunang kondisyon. Hayaang mangatal ang naghaharing uri hinggil sa rebolusyong maka-Komunista. Walang mawawala sa mga proletaryo kundi ang kanilang mga tanikala. Nariyan ang daigdig para maangkin.

Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!

Manipis man ang Ang Manipestong Komunista ay lumikha naman iyon ng daluyong sa buong daigdig, at bumago sa mga namamayaning pananaw hinggil sa pagbasa ng kasaysayan at sa pagsasaalang-alang sa relasyon ng mga uring panlipunan. Walang dapat ikatakot hinggil sa akdang ito, at ang pagbabasa nito, sa orihinal mang Aleman o Pranses, o kaya’y sa saling Filipino o Ingles, ay makapapawi ng ating kamangmangan at prehuwisyo sa mga kaisipang sungayan, mula man iyon sa mga rebelde’t tiim-bagang na intelektuwal.

Kailangan ng Filipinas ang mga bagong intelektuwal, gaya nina Marx at Engels, ngunit dapat higtan din ang romantisadong pananaw hinggil sa mga uring anakpawis at manggagawa, at sa mga naturang teoriko. Maaaring magsimula ang lahat sa masusing pag-aaral hinggil sa agos ng kasaysayan, sa ugnayan ng mga puwersa sa lipunan, at sa pagsubaybay sa mabibilis na pagbabagong nagaganap sa iba’t ibang lárang. Hindi tayo dapat manatiling nanghihiram palagi ng teorya at lenteng mula sa Europa at Amerika, dahil iba ang kondisyon dito sa Filipinas na nagkataong nakapaloob din sa Asya. Ang mga bagong intelektuwal na Filipino ay inaasahang patuloy na bubuo ng mga sariwang teorya at pag-aaral para sa pagsulong ng bagong Filipinas, at iyon ay maaaring lumihis nang ganap, o kaya’y lumikha ng kahanga-hangang sanga, sa gaya ng pananaw na Komunismo o Marxismo, at magtakda ng sariling pamantayan at katangian, subalit may kakayahang magtampok ng ating pagiging Filipino.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 165 other followers