Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Aral at Landas mula kay Balagtas

Hitik sa parikala ang tema ng pagdiriwang sa Araw ni Balagtas ngayong taon (“Mga Aral ni Balagtas, Gabay sa Tuwid na Landas”). Una, dahil kahit nakatimo sa mga tula o dula ni Francisco Balagtas ang mga aral, ang mga aral na ito ay nagmumula sa kinathang tauhan na posibleng nililitis mismo ng makata upang itanghal ang pagkatao. Ang mga aral ay nagkabuhay sa mga pagpapasiya at karupukan ng mga tauhan, na siya namang  kayang maglaro sa dimensiyon ng realidad at dimensiyon ng guniguni. Madulain at hitik sa ligoy ang pangangaral na isinilid sa saknong o taludtod; at kung matimbang man ang mga aral sa tula  o dula ni Balagtas ay mapapansin ang higit na pagpapahalaga sa sining ng pagkatha.

Ikalawa, hindi ipapangalandakan ni Balagtas ang pangangaral dahil maaaring sapawan niya ang mga awtoridad; at kung mangyayari ito’y lalo siyang malalagay sa panganib dahil sa pagyanig sa kaayusang pinaiiral ng maykapangyarihan. Magsasalita nang mapagpahiwatig ang mga tauhan sa mga tula o dula nang bukod sa pag-iral ng makata. Maipapalagay na sakali’t mangaral man ang nasabing mga tauhan ay magmumula iyon sa kanilang kuro-kuro at hindi sa makata. Kaya paanong magiging gabay ang mga aral ni Balagtas? Hindi natin napakinggan si Balagtas, at hindi rin nabasa na mangaral nang tahas, at sakali mang ibinunyag niya ang kaisipan sa pamamagitan ng pangangaral ay isang maliit na bahagi lamang ito ng paraan ng pagtula. Ipinapalagay lamang natin na ang tauhan na kaniyang nilikha ay siya ring nagsasatinig ng iniisip o niloloob ng awtor. Na mapagdududahan.

Ikatlo, hindi nangangailangan ng gabay ang pagtahak sa tuwid na landas. Nakababato, at hindi kapana-panabik, ang paglalakbay sa tuwid na landas dahil alam na ng tao na iisa lamang ang daan at patutunguhan. Ang tuwid na landas ay hindi nangangailangan ng guniguni at pagbubulay; at ang paglinga sa kaliwa o kanan at paglingon  ay mistulang pang-aliw lamang sa monotonong pagtanaw sa kaligiran. Ang tuwid na landas ay hindi rin nangangailangan ng gabay na taglay ang aral sa buhay, maliban na lamang kung ang naglalakbay ay bulag na posibleng mapalihis nang di-sinasadya sa paglalakbay. Itinatadhana ng tuwid na landas ang kumbensiyon; at ang aral o pangangaral ay kalabisan na sa gayong mapusyaw, walang kalasa-lasang pamumuhay.

Sinasalungat ni Balagtas ang tuwid na landas, at itatatwa ang pagiging moralista kahit gaano kadakila ang pagkilala rito ng mga alagad ng simbahan, dahil ang mismong pagsasakataga niya ng mga pahiwatig ay nagbubunyag ng laberinto ng mga hulagway at kaisipang hindi karaniwang batid ng mga Tagalog. Kinasangkapan ni Balagtas ang kapangyarihan ng ligoy at pahiwatig, ang kabulaklakan at dalumatan ng Tagalog, at ang ringal ng pagtulang sabihin mang hiniram sa ibayong-dagat ay inangkin sa pamamaraan at pagdulog ng panulaang Tagalog.

Maaaring niloloko lamang tayo ni Balagtas. At pabulaanan man natin o itanggi, mapapangiti siya saanman naroroon habang tayo ay nauutal sa pagbasa o pagbigkas ng kaniyang malilikot ng talinghaga.

Katwiran ng Karahasan

Napukaw minsan ang pansin ko sa mga araling panteksbuk na nagtuturo kung paano sumulat ng balita. Maganda itong ehersisyo, ngunit sa aking palagay ay dapat ding tinuturuan ang mga estudyante kung paano sasalain ang impormasyon, at kung paano ibubukod ang propaganda na hitik sa lihis na lohika.

Maihahalimbawa ang nagaganap na sikolohikong digmaan at pambobomba ng Israel sa Gaza, na mula sa nasyong Palestine. Heto ang karaniwang linya ng pangangatwiran kung bakit pinupulbos ng Hudyong estado ng Israel ang Gaza:

(1) Terorista ang Hamas.
(2) Ang Hamas ay mga Palestino.
(3) Samakatwid, terorista ang Palestino.

Ang ganitong linya ng pangangatwiran ay maituturing na mapanlagom at baluktot. Bagaman ang Hamas ay binubuo ng mga mamamayang Palestino, hindi naman lahat ng Palestino ay kabilang sa Hamas. Maaaring sinusuportahan ng masang Palestino ang Hamas dahil posibleng kumakatawan ang nasabing organisasyon sa lunggating kasarinlan ng estadong Palestino. Ngunit ang pagturing na terorista ang lahat ng Palestino at dapat ubusin ang lahi o pawiin sa lupaing ibig angkinin ng Israel ay isang kabulaanan.

Heto ang isa pang aspekto ng digmaang Palestine at Israel:

(1) Binobomba ng Hamas ang Israel.
(2) Kailangang ipagtanggol ng Israel ang mga mamamayan nito.
(2) Samakatwid, dapat pulbusin ang Gaza nang mapigil ang Hamas.

Ang katwiran ng “pagtatanggol sa sarili” ay dapat sinisipat sa higit na malawak na pakahulugan, ayon sa itinatadhana ng saligang batas ng United Nations ngunit tahasang nilalabag iyon ng Israel na suportado ng United States at United Kingdom. Kakatwa ang “pagtatanggol sa sarili” ng Israel, yamang ang Israel ang sinisipat ng mga Palestino na mananakop at mangangamkam ng lupain. Ang paniniwalang ang Hamas ay mistulang uod na umuuk-ok sa hanay ng mga Palestino at siyang dapat tanggalin ay isang malaking pagkakamali. Bago pa man sumilang ang Hamas pagkaraan ng PLO ay nilulupig na ng Israel ang mga Palestino. Hindi rin isinasaalang-alang sa gayong pangangatwiran ang mahalagang papel na ginagampanan ng Hamas upang maging tinig, tagapagbuklod, at tagapagsulong ng lunggating Palestino. Iba ang kalagayan ng publikong Palestino sa publikong Hudyo. Nakalalamang ang mga Hudyo dahil higit silang armado at kompleto sa pondo at impraestruktura upang pangalagaan ang sarili. Samantala, mga dukha ang Palestino na marahil ang maigaganti lamang ay pagpukol ng bato at pagbibitiw ng pinakamabagsik na mura at hindi totoong pulos raket ang iniimbak nila para paliparin tungong puso ng Israel.

Ang pagdurog sa Gaza, at sa pangkalahatang Palestino, ay hindi lamang nagaganap sa pamamagitan ng dahas ng militar at pananakop. Pinipiga ang buhay ng mga Palestino sa pamamagitan ng mabalasik na ekonomikong embargo; nakamamatay na pagkubkob sa buong baybayin at lupain; pagpigil sa mga mamamayan na malayang makapaglakbay at humingi ng tulong medikal; pagdakip, pagpaslang, at pagpapatalsik kahit sa mga halal na pinuno; pag-angkin ng mga Israeli sa lupaing dating saklaw ng mga Palestino; pagpapahinto ng mga transaksiyon sa pananalapi at pondo; pagwasak sa mga paaralan at pagbilog sa kamalayan at isip sa pamamagitan ng propagandang militar ng Israel; at malawakang paninindak na titirahin ng misil o huhulugan ng bomba ang mga bahayan at komunidad na Palestino, at iba pa.

Paano pinangangatwiranan ang ekonomikong embargo laban sa mga Palestino?

(1) Tumatangkilik sa terorismo ang pamahalaang Palestino.
(2) Kailangang ipataw sa mga Palestino ang ekonomikong embargo.
(3) Mangmang kasi sa pamumuno ang mga Palestino.

Sa ganitong linya ng pangangatwiran, ipinamumukha ng Israel na nasa panig ito ng “kabutihan” samantalang ang Palestine ay nasa panig ng “kasamaan.” Mapanganib ang ganitong tindig, dahil nagagamit ang salita at pagpapakahulugan alinsunod sa mayhawak ng kapangyarihan na sa pagkakataong ito ay pabor sa Israel. (Hindi patas ang turing sa Palestino at Hudyo, na ang Hudyo ang waring may karapatan lamang maghari.) Ang ekonomikong embargo ay maituturing na isang tugong pandigma, at humahangga sa henosidyo, na pumupuksa hindi lamang sa pamunuang Palestino kundi maging sa karaniwang masa. Ipinapalagay dito na kapag pinuksa ang pangkalahatang Palestino, mapupuksa rin sa bandang huli ang mga armadong organisasyong gaya ng Hamas, Fatah, at PLO (Palestinian Liberation Organization). Na isang kaululan.

Mabalasik ang propaganda ng Israel laban sa mga Palestino, at maraming aral ang matututuhan ng mga Filipino kahit sa pagmamasid o pagbabasa. Ngunit hindi rito dapat magwakas ang lahat. Kailangang makilahok kahit ang mga makabayang Filipino nang maihinto ang madugong pananakop at henosidyong ipinakakalat ng Israel sa Gaza. Makabubuti ring magpahayag ang gobyernong Filipinas laban sa kolonyalistang patakaran ng Israel na labis ang balasik laban sa mga Palestino. Habang tumatagal ay naiipit nang naiipit ang karaniwang mga Palestino, at maaaring ang susunod na intifada ay hindi na lamang magwawakas sa loob ng Israel kundi maging sa mga lungsod ng mayayamang bansang pumapabor sa marahas na patakaran ng pananakop at digmaan.

PAHABOL:
Magaling na propagandista ang gaya ni Condoleezza Rice, at bilang tagapagsalita ni Pang. George W. Bush, ay mababatid natin kung bakit dapat isumpa sa sukdulang pakahulugan ang makahayop na trato sa mahihirap, mahihinang tao at nasyon. Halatang kampi si Rice sa Israel, ngunit waring hindi siya pinakikinggan ng mga Palestino na “hostage” umano ng Hamas. Ang maiitim na propaganda—na mahihinuhang nakatuon sa internasyonal na komunidad—ang dapat ibunyag sa madla, at pagbulayan din ng madla, nang maibukas ang paningin nito sa anumang baluktot na patakarang dapat ibasura ng sinumang pinuno sa pandaigdigang antas.

Balagtasan para sa Madla

Mababago ang topograpiya ng pag-aaral sa balagtasan nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) ni Galileo S. Zafra. Pambihira ang aklat ni Zafra dahil sa angkin nitong mapaghawang saliksik, sariwang pagbasa ng datos, at matalim na pag-urirat sa estetika at ugat ng balagtasan. Bagaman ang mga halimbawang balagtasan sa naturang aklat ay binawasan ng pabliser dahil sa pagsasaalang-alang sa badyet, hindi nagkulang ang aklat sa dapat nitong lamanin. Ang aklat ni Zafra ay inirerekomenda kong ihalili sa mga pag-aaral ng balagtasan, imbes na pagtiyagaan ang mga halimbawang tekstong inilalahok sa mga teksbuk sa matataas na paaralan sa kasalukuyan.

Hari ng Balagtasan

Jose Corazon de Jesus: Hari ng Balagtasan

Bumunsod ang balagtasan mula sa popular noong “duplo,” ayon kay Teodoro E. Gener, at ginamit ang elemento ng pagtatagisan ng dunong at bait sa pamamagitan ng mabubulaklak na pananalita at matatalim na pananalinghaga.  Ang “duplo” ay isang uri ng larong patula tuwing may lamay na laan para aliwin ang mga naulila’t bisita, at karaniwang ginaganap sa loob ng bakuran o kamalig. Ang balagtasan, na ikinabit sa pangalan ni Francisco (Balagtas) Baltazar, ay masasabing isang uri ng pagpaparangal at paggunita sa dakilang makata ng Katagalugan at pagpapahalaga sa pampanulaang pamanang iniwan niya sa sambayanan.

Kung ang duplo ay gumagamit ng mga tauhang gaya ng “Hari” (patnugot ng duplo),  ”Manduduplo” (na tinatawag ding “duplero” o “duplera”), “Belyako” (lalaking makikipagduplo), “Belyaka” (babaing makikipagduplo), “Piskal” (tagausig), “embahador” (tao na nananawagan sa dakong labas at ibig lumahok sa laro), ang Balagtasan ay kumasangkapan ng mga salitang gaya ng “Lakan Diwa”, “Lakan Ilaw,” at “Gat Payo” o “Gat-Usig” na pawang pinakalupon ng Katarungan; dalawang makatang magtatagisan; at isang “Paraluman” (ang babaing ipinagsasakdal o ipinagtatanggol ng makata).

Hindi umano sumangguni sa anumang aklat ang Kapulungang Balagtas—na pangkat ng mga makatang Tagalog na unang pinamunuan ni Rosa Sevilla—nang gamitin nito ang salitang “Balagtasan.” Ngunit nakalahok na sa diksiyonaryo ni Don Pedro Serrano Laktaw ang salitang “Balagtasan,” “Balagtasin,” at “Balagtas” noon pa mang 1914, may sampung taon ang tanda bago itanghal ang kauna-unahang balagtasan sa Instituto de Mujeres sa Tayuman, Tundo, Maynila. Ang naturang mga lahok sa diksiyonaryo ay sinipi ni Gener nang buo. Ang “Balagtas” ay dagdag na apelyido (sobrenombre) ni Francisco Baltazar na awtor ng Florante at Laura. Ang “Balagtasin” ay ang pananalinghaga o pahayag na enigmatiko at may kubling pakahulugan. At ang “Balagtasan” ay tumutukoy sa pagkamalinaw, bukod sa singkahulugan ng “agtas,” “bagtas” “balatas,” “tapat,” at “tula.”

Walang sinulat na balagtasan si Balagtas. Kay Patricio A. Dionisio ikinabit ang karangalang sumulat ng kauna-unahang balagtasan sa Filipinas, nang ilathala ng Bagong Lipang Kalabaw noong 5 Abril 1924 ang kaniyang piyesang “Ibig-Sumali-Kung-Maaari.” Inilahok din ang panawagan sa mga makata na lumahok sa balagtasan, at kabilang dito ang pares na sina Rafael Olay at Tomas L. de Jesus; sina Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Pinakatanyag ang kina De Jesus at Collantes dahil kinakatawan nila ang dalawang samahan ng mga manunulat, ang “Ilaw at Panitik” at ang “Bulalakaw.”  Ang dalawang makatang ito ang kababaliwan ng madla, at hahabulin ng mga dalaga, dahil sa angking kisig, talino, at tinig bilang mambabalagtas.

Magkaibigang matalik sina De Jesus at Collantes, ngunit sa oras na umakyat sila ng entablado upang magbalagtasan ay animo’y mortal na magkaaway. Inilarawan ni Hernandez ang nasabing magkatunggali na tila “dalawang mandirigmang mabalasik at walang habag, na nagbabaka nang totohanan at walang pasintabi. Hindi ang gantimpalang salapi ni ang ngiti ng isang paraluman ang sa kanila’y mahalaga, kundi ang tunog ng palakpak ng kalahatan, ang sama-samang paghanga’t paggiliw ng madlang nanonood, ang matamis na tagumpay na gawad ng bayang tagahatol.” Anuman ang maging hatol sa balagtasan, dagdag ni Hernandez, ang dalawang makisig na makata’y walang imik na bababa sa entablado’t sasakay ng awtomobil nang hindi nag-uusap. Tahimik na tahimik ang paglalakbay. At magwawakas lamang ang gayong pananahimik kapag nagsalo na sa agahan ang mga makata sa Plaza Lunch o El Refugio, o saanmang sikat na restoran sa Escolta.

Magiging maalamat ang pagtatalo nina De Jesus at Collantes, dahil hindi lamang sila magtatagis sa ibabaw ng entablado hinggil sa isang “bulaklak” (babae) o “bituin” (reyna ng pista), bagkus papaksain kahit ang maiinit na usapin sa lipunan, mulang kultura at politika hanggang ekonomiya at kasaysayan. Ang balagtasan ay hindi lamang tagisan ng argumento, bagkus kasangkapan din para aliwin ang madla, at ipagparangal ang wikang umuugat sa ambag ng Tagalog. Hindi lamang sa Tagalog itatanghal ang balagtasan bagkus tatagos kahit sa Iluko (Bukanegan), Kapampangan (Crissotan), Sebwano, Ilonggo, Espanyol, Ingles, at iba pang wika. Pinakasukdulan ang ganapin ang mariringal na balagtasan sa gaya ng Olympic Stadium, Opera House, at Teatro Zorilla na pawang maluluwang na lunsaran ng pagtatanghal at pinupuno ng libo-libong tao mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Hindi maglalaon ay magiging inspirasyon din ang balagtasan para itanghal sa teatro, radyo, telebisyon, at isaplaka sa ilang pagkakataon.

Naging tanyag ang balagtasan dahil sa mga sumusunod na elemento: una, ang pang-aliw sa madla; ikalawa, ang pagpapamalas ng talas ng pangangatwiran; ikatlo, ang pagtatampok ng mga pambihirang kaalaman sa madla;  ikaapat, ang kadalubhasaan sa sining ng tula at pabigkas na pagtula; ikalima, ang pagiging patas sa pagpapasiya kung sino ang magwawagi, alinsunod sa itinakdang patakaran ng tagisan; at ikaanim, ang pagsangkot sa madla bilang kabahagi ng gayong masining na pagtatalo. Sumikat sina De Jesus at Collantes, halimbawa na, dahil bukod sa pagiging guwapo at makisig ay batid nila ang sining ng pagtula. Hindi humaharap sa madla ang dalawa nang walang puspusang paghahanda, at itinuturing ang bawat laban na tila iyon na ang pangwakas nilang paghaharap. Ang gayong mataas na paggalang sa taumbayan ay mahirap nang mapantayan sa ngayon, kahit ng mga politikong nagtatalo-talo sa batasan.

Hindi lahat ng balagtasan ay seryoso ang paksa. Hindi rin lahat ng balagtasan ay sinulat ng dalawa o higit pang tao. Ang mga sikat na mambabalagtas noon, gaya nina De Jesus at Collantes, ay siyang sumusulat ng isang mahabang balagtasan. Sa kasalukuyan, tanging sina Teo T. Antonio, Michael Coroza, Vim Nadera, Raul Funilas, at kung minsan ay si Rio Alma na lamang ang paminsan-minsang nagpapaunlak ng balagtasan. Nagtungo ang pangkat, maliban si Funilas, minsan sa Honolulu, Hawai’i , at doon ipinamalas sa mga manonood kung bakit kahali-halina ang balagtasan.

Sanggunian
1. Collante, Gloria T. “Ang Pagkaunlad ng Balagtasan”. Makinilyado, walang tiyak na petsa, at hango sa koleksiyon ni Florentino T. Collantes na nasa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
2. Gener, Teodoro E. Duplo’t Balagtasan. Manila: Institute of National Language, 1949.
3. Hernandez, Amado V. “Batute at Collantes: Dalawang Hari”. Mayo 25, 1958. Makinilyado na may lagda ni Hernandez.
4. Zafra, Galileo S. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.

Batutian: Diyalogo sa Tula

Malaki ang naging impluwensiya ng balagtasan sa buhay ng mga Filipino noon, dahil sa unang pagkakataon ay nasilayan sa entablado ang paligsahan sa pagtula at pangangatwiran ng dalawang makata. Ang balagtasan, na hango sa pangalan ni Francisco Balagtas, ay lumitaw noong 1924, at lumunsad sa dating popular na duplo. Pinakatanyag sa lahat ang pares na Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, na walang makahihigit hangga ngayon. Ngunit hindi magtatagal ang balagtasan, dahil na rin sa pagsulpot ng radyo at telebisyon, na pawang pumatay sa halina ng entablado.

Ang mahika ng balagtasan ay malilipat sa mga magasin o pahayagan, at ilalathala noong 1940 sa magasing Mabuhay Extra ang balagtasan nina De Jesus at Amado V. Hernandez, kahit may walong taon na ang nakalilipas nang yumao si Batute. Samantala, lilitaw ang isa pang uri ng balagtasan, na tatawagin noong “batutian” na hinango naman sa pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa mga magasin noon ang pagtataglay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampolitika o pangkultura, ang pag-antig sa damdamin ng mambabasa, ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor. Ang daloy ng pangangatwiran ay maluwag ang lohika, at hindi tulad sa mga tekstong prosa. Heto ang halimbawa ng Batutian na nalathala sa Sinag-Tala noong 1946, at isinulat ng di-nagpakilalang awtor, na makikilala pagkaraan na si Manuel Principe Bautista na noon ay katuwang na editor sa naturang magasin.

Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa (Batutian)

Lakambini (kay Huwan):

Namamanaag na sa dakong silangan
Ang kulay ng iyong magandang liwayway;
Bukas, sa pagsikat ng palalong araw,
Isa kang watawat na mamamagayway!

Mula sa Kanluran: dinala ng alon
Sa iyong pasigan ang tapat na layon;
Sa buton ng abo: ikaw ay babangon
Na malayang bayan sa habang panahon.

Paulo:
Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod
Ng isang kasama sa tuwa at lungkot,
Binabati kita: ang tapat na loob
Ay madarama mong laging naglilingkod.

Huwan:
Tapat na dibdib ay iyong damahin
At pasasalamat ang tibok na angkin
Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim
Habang ang silangan ay silangan pa rin.

Paulo:
Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo,
Ako ay may isang mungkahi sa iyo:
Tagolog na ingles ang panukala ko
Na wikang gamitin-du yu get mi ako?

Huwan:
Ano, mister Paul, nalalaman mo ba
Kung ano ang iyong tinuran kanina?

Paulo:
Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds
Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles?

Huwan:
Sa iyong sarili’y manainga ka nga,
Kung ano ang iyong dinalit na wika;
Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa:
Anong wika iyan-mestisong baluga?

Paulo:
Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan
Ang ingles na wika ay pangyunibersal;
Bilang isang nesyon: kinakailangan
Na maanderstan ka ng iba pang bayan.

Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang,
Di maikukumper sa Ingles, mister Wan;
At sa diplomatik na mga usapan,
Magagamit mo ba ang langweds mong iyan?

Huwan:
Dapat mong mabatid na ang pagkabansa
Ay makikilala sa sariling wika,
Bakit pipiliting ako’y magsalita
Ng wikang di akin-hiram at banyaga?

Paulo:
Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap
Ay wikang mula pa sa ibayong dagat?
Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad
Gayong wikang hiram ang aming binigkas!

Huwan:
Kung iyan ang iyong wikang sinasabi,
Wikang pinagmula’y higit na mabuti.

Paulo:
Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi
Ang ginamit lamang ay wikang sarili;
En wat is di risolt op dat pangyayari,
Natutong sulatin ay magulong kandyi.

Huwan:
Nakakatawa ka, hindi naging hadlang
Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal;
Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan
Ay dala ng kanyang mga kaimbutan.

Paulo:
Kaya tingnan natin kung saan hahantong
Ang nasyonal langweds na onli por pinoy.

Huwan:
Ang nakakatulad nitong pagtatalo:
Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo;
Ang wikang Tagalog naman ay adobong
Masarap sa akin nguni’t di mo gusto.

Dapat mong malamang ang wikang pambansa
Ay kinamulatan mulang pagkabata;
Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . .
Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa!

(Wakas)

Mula sa Sinag-Tala, Hunyo 20, 1946, pahina 8, at orihinal na akda ni Manuel Principe Bautista. Malalathala muli ito sa aklat na 2: Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo (UP Press, 1998, mp. 68–72).

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 121 other followers