Kumpisal

Kung ang katotohanan ay balaraw na iluluwal ng bibig, masasalo ba ng dibdib ang maiiwang sugat o kamatayan? Paano sasagapin ng makikinig ang kaniyang pagwawakas? Naisip niya ang gayon, isang gabi habang umiinom sa paboritong tambayan, at umiingay ang paligid sa mga espiritu ng libog at lason, at wala ang paraluman sa langit o bulsa o tabi.

Maaaring lumuluha sa halumigmig ang mga bintanang salamin, at tumitikatik ang ulan.

Tatanawin niya ang tagpo na waring lumang pelikula, na ang babae’y nasa kabila ng mundo samantalang ang inaasahan niyang katipan ay pinigil ng kung anong sakuna o bagyo. Mananambitan ang dalaga sa kaniyang anito, marahil tutungga ng hinog sa panahong lambanog, manonood ng TV, maiinip sa kuwentuhan, at tatawag sa selfon, hanggang akitin siya ng mga sulyap at palipad-hanging katumbas ng pangangakong wawakasan ang anumang lamig at pangungulila.

Malulupit na rehas ang ulan, na waring hinugot sa tula ni Rio Alma, at ang binibini’y iibigin ang bilangguan para tighawin ang kaniyang kalungkutan. Maaaring siya’y matutulog sa kung saang bahay, ikakatwiran ang baha at usad-pagong na trapiko, at nang isinara ang banyagang pinto, ang magdamag ay nagsalaysay ng mga di-maunawaang usapan o dantay na para lamang sa magkaibigan; at ang silid ay lihim na hindi dapat pag-usapan.

Kukutuban ang kaniyang katipan sa malayong pook. Posibleng lumabis lamang ang kaniyang nainom na serbesa o kapeng barako, at hindi mapakali ni dunggulin ng antok. Nakauwi ba ng bahay ang aking mahal? Nahan na kaya siya? Baka ginabi na naman sa lakwatsa. Marami pa siyang tanong hanggang maglandas sa kaniyang guniguni ang tagpo ng malalanding hulagway, at ang lalaking malagihay ay yayakapin ang kaniyang minamahal.

Bago pa man ikumpisal ng dalaga ang kaniyang katotohanan sa lalaking kausap ay alam na ng kausap ang mga naganap. Posibleng reenkarnasyon ng pitho ang lalaking kausap, wika nga, at ang babae’y hindi na kailangan pang magsalaysay. Ngunit ang sinumang mangangatha’y may kalayaang magsinungaling, kung ang pagsisinungaling ay mahiwagang benda at gamot na papawi ng maantak na sugat ng magdamag na pagtataksil.

Kung ang katotohanan ay patalim na magmumula sa iyong loob o labi, ang gabi ay aking silid na pipiliing ipinid magpakailanman. Ito ang isusulat sa guniguning pader ng lalaking nasiraan ng bait sa labis na panibugho, at ang pader ay iihian pagkaraan ng palaboy na aso o sawimpalad na lasenggo.

“Kumpisal,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 22 Agosto 2010.
Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

“Pinto ng Gabi” ni Cecília Meireles

salin at halaw ng tula ni Cecília Meireles mula sa Portuges de Brazil
salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PINTO NG GABI

Sumasapit ang mga anghel upang buksan ang pinto ng gabi
sa sandaling napakalalim ng ating paghimbing
at malaganap ang katahimikan sa kaligiran.

Mabubuksan ang pinto’t mapapabuntong-hininga tayo.

Sumasaliw ang mga anghel sa kanilang marikit na musika,
habang sumisigabo ang mga tunika sa simoy- kalawakan;
at magkakasala ang kanilang matatas, di-maarok na dila.

Pagdaka, susupling ang mga bunga’t bulaklak sa mga puno.
Magkakasala-salabat ang mga sinag ng buwan at araw.
Matatanggal ang buhol ng laso sa lawas ng bahaghari.
At lilitaw ang lahat ng hayop nang makaniig ang mga bituin.

Dumarating ang mga anghel para buksan ang pinto ng gabi.

At mauunawaan natin na wala nang sapat na panahon,
na ito na ang ating pangwakas at sukdulang pangitain:

na kumakaway na tayo upang isaad ang pamamaalam,
na lumaya na ang mga paa natin mula sa rabaw ng lupain,
lumaya upang umimbulog na inihayag at pinapangarap
mula pa noong tayo’y ipinanganak nang ganap.

Iniaabot sa atin ng mga anghel ang dibinong paanyaya.
At mangangarap tayo na hindi na muling nananaginip pa.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan. Retrato mula sa artsibo ng public domain photos.com

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers