About these ads

Ang “Filipino” sa Konstitusyong 1987 at ang kaso ng “Filipinas”

Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.

May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].

Anyo ng Filipino
Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyon ng 1986.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Larawan mula sa pamahalaan.

Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino na gamitin sa panukalang konstitusyon dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena  (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal  (kanal).

Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones  (kihones),  quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame  (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng  cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura  (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva  (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).

Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.

Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\  sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).

Salin at Promulgasyon
Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.

Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”

Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.

Pangunahing teksto at Salin
Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino.  Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer  Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.

Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:

I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]

Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]

Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na gawaing may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.

Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.

Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.

Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.

MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.

MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.

MR. MONSOD: For legal purposes.

MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.

Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]

Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”

Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.

Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.

Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.

Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.

Usapin ng salin sa Filipino
Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.

Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon o kaya’y pagtanggi sa bagong konstitusyon.

Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.

Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.

Kaso ng sagisag at eskudo de armas
Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An  Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.

Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.”  Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaigsa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.

Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.

Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”

Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.

["Filipino" sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng "Filipinas" ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng "Filipinas" at "Filipino."]

Mga Tala


[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.

[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario  Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.

[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng  populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166

at inilathala ng Ateneo de Manila University.

[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[vi] Ibid., p. 1191.

[vii] Ibid., 1190.

[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.

[ix] Ibid., 1191.

[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.

[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.

[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[xiii] Ibid., p. 971.

[xiv] Ibid., p. 973.

[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.

[xvi] Ibid., p. 974.

[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.

[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.

[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”

[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.

[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.

[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.

[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.

About these ads

Ang Konstitusyong 1987 at ang kaso ng Filipinas

“This constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish,” saad ng Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987. Ngunit hindi ito nasunod nang mahigpit; at ang salin sa Filipino ay malalathala lamang noong 1991, limang taon pagkaraang balangkasin ng Komisyong Konstitusyonal ang panukalang konstitusyon noong 1986.

Dahil pangunahing instrumento ng batas ang Konstitusyon, ang bersiyong Filipino at Ingles ay ideal na iharap nang magkasabay sa plebisito upang kagyat na umiral (Artikulo XVIII, Seksiyon 27). Hindi dapat tumbasan ng “salin” sa Filipino ang konstitusyon; bagkus ito’y nararapat na maisulat muna sa Filipino saka isalin sa mga wikang panrehiyon, bukod sa Arabe at Espanyol. Dahil ang Konstitusyon ay isinulat sa Ingles, ang katumbas nito sa Filipino ay sumusunod lamang sa balangkas at anyo ng Ingles.

Ang bersiyong Filipino ay malalathala lamang sa elektronikong anyo noong 2012 sa Official Gazette na maituturing na isang anomalya. Ang ginamit sa bersiyon doon ay ang “salin” sa Filipino ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na pinamumunuan noon ni Direktor Ponciano B.P. Pineda. Mapapansin sa introduksiyon ni Pineda na hindi dumaan sa plebisito ang bersiyong Filipino:

Ipinalimbag namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa layuning maitanghal sa bayan ang muhon ng paglilingkod sa paglikha ng isang dakilang kasulatan sa kasaysayan ng bansa.

Hindi layunin ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas na gampanan ang malawakang pamamahagi ng mga sipi ng Saligang-Batas sa masa ng sambayanan. Manapa’y upang makapaglabas lamang, sa limitadong edisyon, ng mapanghahahawakang teksto sa Wikang Filipino na maaaring maging sanggunian unang-una ng mga tanggapan, institusyon o ng mga interesadong indibidwal.

Ang Konstitusyong 1987 ay nananatiling nasa Ingles; at ang bersiyong Filipino nito, na dapat ay may sipi ang COMELEC (Commission on Elections), at siyang ginamit sa plebisito, ay hindi matagpuan.

Kaya walang makapagsasabing ang pangalan ng bansa natin ay “Republika ng Pilipinas.” Ang tumpak ay “Republic of the Philippines” dahil iyon lamang ang pinagtibay ng sambayanan.

Inihayag pa ni Pineda na sumunod sa makabagong ortograpiya ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Aniya,

Tinatawagan namin ng pansin ang mga gagamit, pati ang mga gumagamit na, ng tekstong Filipino ng Karta na sinunod sa ispeling ang bagong kalakarang kakambal ng isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa. Bukod dito’y mapapansin din ang liberalisado ngunit masinop na panghihiram at mabisang domestikasyon ng mga banyagang salita at parirala.

Dahil sa kakapusan sa pondo, hindi na namin inilakip dito ang tungkol sa mga distritong lehislatibo na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at sa Metropolitan Manila Area.

Ang tinutukoy na modernisadong ortograpiya ni Pineda ay malaki ang kiling sa nakamihasnang “Pilipino.” Mapapansin na kahit sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP ay wala ni isang lahok na salitang nagsisimula sa titik /f/ o gumagamit ng /f/ mula man sa hiram sa Espanyol, Ingles, o kaya’y sa mga wikang panrehiyong gaya sa Cordillera o sa Zamboanga Peninsula. Ang “Pilipinas” at “Pilipino” (tao) na ginamit ng LWP noong panahong iyon, gaya ng nasasaad sa pangalan ng institusyon, ay nakabatay sa Tagalog, at siyang umiiral sa “Pilipino” na pinalaganap noong 1959 ni Kalihim Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon.

Sumusunod ang bersiyong “Filipino” ng Konstitusyong 1987 sa bersiyong “Pilipino” na ginamit sa katumbas na salin ng Konstitusyong 1973. Ipinaliwanag ko na ito sa aking naunang artikulo.

Kung babalikan ang Official Gazette, lumitaw doon ang isang sertipikasyon, o “katunayan” hinggil umano sa “wastong salin sa Filipino ng Saligang Batas ng 1987 na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino at unang ipinalimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas noong 1991.” Isinaad pa sa nasabing dokumento na “ipinalabas ang gayon sa ika-3 ng Agosto 2012 para sa anumang legal at opisyal na pangangailangan.”

May kasinungalingan ang ipinalabas ni Jose Laderas Santos na dating Tagapangulong Komisyoner ng KWF , at siyang lumagda sa nasabing dokumento. Una, walang pagpapatibay na ginawa ang KWF hinggil sa “salin” sa Filipino ng Konstitusyong 1987, bagkus personal na sertipikasyon lamang iyon ni Santos. Kahit halungkatin ang buong Yunit ng Kasulatan at aklatan ng KWF ay walang matatagpuan doon ni isang resolusyon na nagmula sa Kalupunan ng mga Komisyoner na ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987 ay pinagtibay at nilagdaan ng lahat ng komisyoner o kaya’y kinikilala nila iyon bilang “opisyal na salin” o “opisyal na bersiyong Filipino.” Ikalawa, ang bersiyong nalathala sa Official Gazette ay sa “limitadong edisyon” lamang, at kung gayon ay maipapalagay na hindi lumaganap sa buong kapuluan at nasuri ng sambayanan o ng mga komisyoner ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Ikatlo, ang bersiyong Filipino ay hindi sumailalim sa plebisito, o kaya’y nasuri ng Komisyong Konstitusyonal, o pinagtibay ng Kongreso. At ikaapat, walang Kalupunan ng mga Direktor (Board of Directors) ang LWP na siyang magpapatibay ng resolusyon hinggil sa katumpakan ng bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.  Ang LWP noong panahong iyon ay kadikit na ahensiya ng Department of Education, Culture, and Sports (DECS). Kung gayon, masasabing walang opisyal na bersiyong Filipino ang Konstitusyong 1987.

Pansinin na ang isinumiteng bersiyon sa Filipino ni Santos, at siyang ipinalimbag ng LWP, ay nagbago ang sukat at anyo ng font pagsapit sa dulo ng teksto. Mahihinuha rito na isiningit lamang ang isang talata, bago inilista ang mga pangalan ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal.

Nang isailalim sa referendum ang Konstitusyong 1987, ang bersiyong Filipino at Ingles ang dapat magkasabay na iniharap sa sambayanan upang pagtibayin. Ngunit lumilitaw ngayon na Ingles lamang ang napagtibay, at hindi nakasunod ang bersiyong Filipino. Ang inilathala ng LWP na “salin” (o bersiyong Filipino) ng Konstitusyong 1987 ay isang anomalya, sapagkat tapos na noon ang plebisito at hindi na napagtibay pa ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.

Sa bisa ng ating Konstitusyong 1987, “Republic of the Philippines” ang iisa’t tanging opisyal na pangalan ng ating bansa. Ang “Republika ng Pilipinas” ay kathang legal na malaki ang posibilidad na mapalitan ng “Republika ng Filipinas” sapagkat walang opisyal na bersiyon sa Filipino na ginawa at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF noon at magpahanggang ngayon. Malaki rin ang posibilidad na mapalitan ang Batas Republika Blg. 8491, na nagtatakda na gamitin ang “Republika ng Pilipinas” sa mga eskudo, logo, at sagisag ng bansa. Kung ang pinagbatayan ng naturang batas ay ang Konstitusyong 1987, isang malaking pagkakamali iyon sapagkat wala namang opisyal na bersiyon sa Filipino, o sabihin nang katumbas na “salin” sa Filipino, ang bersiyong Ingles ng Konstitusyong 1987.

Inaasahan kong maglalabas ng bagong salin ng Konstitusyong 1987 ang kasalukuyang administrasyon ng KWF , at siyang kolektibong pagtitibayin ng Kalupunan ng mga Komisyoner, nang may masinop na pagsasaalang-alang sa modernong ortograpiyang pambansa para sa bagong henerasyon ng mga Filipino.

Hinihintay ng sambayanan ang Filipinas para sa lahat ng Filipino.

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, huridiko at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Kontra-Imperyalistang Pagdulog sa “Bulalakaw ng Pag-asa” ni Ismael Amado

Nakapanghihinayang at nagpahinog nang matagal sa bodega ng kasaysayan ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado, at may pambungad ni Iñigo Ed. Regaldo. Noong 1918, pagkalipas ng sampung taon, saka pa lamang ilalantad sa madla ang aklat. Ito ay batay na rin sa pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang manunulat na labis na subersibo ang aklat, at maaaring ikapahamak ng awtor dahil mahigpit noon ang batas laban sa sedisyon na pinaiiral ng pamahalaang kolonyal ng Amerikano. Katumbas ng pagsunod ni Amado sa payo ng matatandang tinali ang pagkawala ng kaniyang oportunidad na maging dakila nang panahong iyon.

Binuksan ang nobela sa tagpong nangutang ang isang Amerikanong nagngangalang John Stag sa tindahan ni Julio. Ngunit walang pera ang Amerikano, kaya hindi pinautang. Nanggalaiti ito kay Julio hanggang magpambuno ang dalawa at masira at magkabasag-basag ang mga paninda ng kawawang tindero. Nabalitaan ito ng mga pulis, subalit imbes na umawat ay nasindak sa Amerikanong de-baril at nangagsitakbo. Sumaklolo si Gerardo, at bagaman tinamaan ng bala sa bisig ay nagapi pa rin niya ang tarantadong Amerikano. Sa tulong ng ilang kababayan ay inireklamo sa hukumang munisipal ang salarin, makaraang usisain ng sarhento at dalawang kasamang kawal.

Idinulog kay Kapitang Memo, alyas ni Maximo San Jorge de los Santos, ang problema ngunit imbes na parusahan si Stag ay pumanig pa ito sa Amerikano. Iyon pala’y dating magkakutsaba sina Memo at Stag sa pagnanakaw, pagpatay, at panggagahasa doon sa Tarlak, hanggang itakas mag-isa ni Memo ang nakulimbat na salapi at iwanan ang kaibigan. Nagbabala si Stag na papatayin nito si Kapitang Memo kapag nabigong iligtas siya sa kaso.

Nagtalo sa pagdinig sina Gerardo at Kapitang Memo, at dahil sa paglalahad ng mga karapatan at katwiran ni Gerardo, napapayag na rin si Kapitang Memo na patawan ng parusa si Stag. Ngunit ang multa’y nagmula sa bulsa ni Kapitang Memo, at nang kinagabihan ng pagkakakulong sa Amerikano ay pinalaya ito sa kung anong paraan.

Ibinulgar sa nobela ang Libis na bayang pinaghaharian ni Kapitang Memo na pugad ng sugalan, gaya ng sabong, monte, tupada, at huweteng. Ibinulgar din ang bulok na pamamalakad sa hukuman, pulisya, at kabuhayan ng mga tao. Nagdulot ito ng ligalig sa mga tao, kaya napilitang itatag ang kapisanang “Dakilang Mithi” bilang tugon sa panlipunang problema, hanggang ibulgar ng isang babaeng limahid ang pandurustang sinapit niya kay Kapitang Memo na gumahasa, umalipin at nagbugaw sa kaniya, bukod sa pumatay sa kaniyang ama at tumangay ng salaping nagkakahalaga ng sampung libong piso—na napakalaking halaga noon.

Nagalit si Kapitang Memo dahil nabulgar ang kaniyang masamang nakaraan. Ipinatawag niya si Gerardo sa kaniyang tanggapan, ngunit imbes na kausapin ay pinagtangkaan pa niya itong patayin. Dumating naman ang gobernador at huli sa akto si Kapitang Memo. Natiwalag si Memo sa kaniyang tungkulin, at nagbalak maghiganti.

Ang paghihiganti ni Kapitang Memo ay magbubukas para ipakilala sa nobela ang gaya nina Faure, Eling, Pacing, at Juancho. Si Faure ang matalik na kaibigan ni Gerardo na siyang pangulo ng Dakilang Mithi, bukod sa mahusay na abogado. Si Eling ang kasintahan ni Gerardo, at pinagtangkaang gahasain ni Juancho bilang ganti sa ginawang pagpapatiwalag kay Kapitang Memo. Si Pacing ang kaibigan ni Eling, at inilahad ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng mga maling paniniwala kung bakit ipinagbabawal ang pagpapaaral sa babae. Si Juancho naman ang bigong manliligaw ni Eling, at siyang kasapakat ni Memo sa paghihiganti. At si Stag ay Amerikanong pusakal na mandarambong at kriminal, bukod sa mapang-aglahi at barumbado, na handang makipagkutsaba sa sinumang Filipino upang maisulong ang pansariling interes.

Ang tunggalian ng mga paniniwala ay sisiklab nang magtalo sina Faure at Juancho hinggil sa layon sa Dakilang Mithi. Nagkaisa lamang ang pangkat nang magtalumpati si Gerardo, at nag-ambagan para maipagpatuloy ang magandang simulain nito hinggil sa mabuting pamamahala. Dapat ding banggitin na ang tunggalian ay hindi lamang nagmumula sa mga uring panlipunan at batayang ekonomiko ng mga tauhan. Ang tunggalian ay may kaugnayan sa nagsasalungatang kultura at paniniwala, mula man iyon sa pagtatanghal ng karapatang pantao hanggang pagtatanggol ng kapurihan ng bansa. Ang tunggalian ay maghihimagsik na Filipino kontra imperyalismong Amerikano, na maglalaro mulang pisikal na antas, gaya ng madudugong bakbakan o pagpatay hanggang antas na sikolohiko at pangkaisipan, gaya ng pagtatanggol sa dangal na ibig ilugso ng dayuhan o kakutsaba nitong Filipino. Sa lahat ng tunggalian, magwawagi ang Filipinong radikal kahit sa unang salpok ay mapapailalim siya sa kapangyarihan ng Amerikano.

Hindi magtatagal ang ganitong tagumpay dahil dadakpin ng nakabalatkayong demonyo si Gerardo, at dadalhin sa gubat upang patayin. Ngunit sumaklolo si Florante, at napatay si Memo—na siya palang nakamaskarang demonyo— nang magpambuno sila sa lupa. Gumanti pagkaraan at sinaksak ni Juancho si Florante. Ngunit sumaklolo si Gerardo at nang magpambuno’y kapuwa sila nahulog sa tulay. Nalunod si Juancho dahil hindi marunong lumangoy, samantalang nakaligtas si Gerardo.

Naratay bago namatay si Florante. Bago ito mamatay ay hiniling nito sa kaniyang inang si Aling Tinay na balutin ng bandila ang kaniyang kabaong. Ipinagbabawal ang paglalantad ng bandila dahil labag iyon sa kautusan ng rehimeng Amerikano. Nang araw ng libing ay dumating ang limang kawal na kayumanggi at isang puti. Nilapastangan ng Amerikano ang libing, niyurakan ang bandilang Filipino, at naging sanhi ito upang sampalin ni Faure ang Amerikano. Sumaklolo ang limang kawal, binugbog si Faure, at tinangay upang ikulong. Walang pumalag sa mga kababayan niyang saksi, na pawang nangasindak.

Hindi nagpapigil si Gerardo na saklolohan ang kaniyang katoto. Isang gabi’y palihim siyang dumako sa bilangguan, pinatay sa saksak ang bantay, at pinalaya si Faure. Matutuklasan din kinabukasan na tinarakan ng talibong sa dibdib ang Amerikanong yumurak sa watawat at sa dangal ng mga Filipino. Tumakas at nagtungo kung saan malaya si Faure, samantalang nagsama sina Gerardo at Eling upang harapin ang bagong yugto ng buhay.

Paglingon sa nobela

Nakapangingilabot ang nobela dahil marami itong ibinubunyag sa publiko at hangga ngayon ay waring bangungot na bumabangon para gulantangin ang madla. Ang korupsiyon ng mga politiko sa halalan para magwagi; ang pandarambong, pagpatay, at panggagahasa; ang pagpapairal ng mga pasugalan at iba pang uri ng bisyo; ang baluktot na paniniwala hinggil sa papel ng babae sa lipunan; ang kahinaan ng pulisya at kawalan ng hustisya mula sa hukuman; ang malayaw na hatid na Amerikanisasyon sa kulturang Filipino; at ang mapang-aglahing patakaran at pamamalakad ng mga Amerikano dito sa Filipinas.

Sa unang malas ay madaling basahin ang nobela, ngunit ang totoo’y hitik iyon ng mga pahiwatig mula man sa pagsisintahan nina Gerardo at Eling, o kaya’y sa paggamit ng simbolo ng watawat na niyuyurakan ng kawal ng Estados Unidos o sa kabulukan ng sistema ng pamahalaang sinasagisag ni Kapitang Memo. Ang tunggalian ng mga katwiran ay mamumutawi sa bibig ng mga pangunahing tauhan, at bagaman mapupuwing sa ngayon na animo’y patalumpati ang pagdulog, ang naturang taktika ay humuhugot ng halina sa tradisyong pabigkas ng mga Filipino sa kabuuan, na ang talastasan ay itinuturing ang kausap na kabahagi ng pagkatao ng nakikipag-usap. Ang naturang taktika ay mahahalata kahit sa pagpasok ng tinig ng awtor doon sa nobela, at gaano man kapayak ito ay maipangangatwirang ang nobelista ay kabahagi sa paglalahad ng mga pangyayari, upang lalong mailapit sa puso at isip ng mga mambabasa ang realidad ng kaligiran sa loob ng nobela.

Bagaman inilalantad ng nobela ni Amado ang kabulukan ng lipunan, ang realidad sa loob ng nobela bilang panitikan ay masasabing kayang tumayo nang mag-isa. At ang naturang realidad na pampanitikan ay naglalantad ng salamangka ng pagkatha, at walang maaasahang direktang tumbasan ng mga pangyayari, dahil ang realidad na pampanitikan ay kayang humuwad sa nagaganap noon. Halimbawa, ang kapisanang Dakilang Mithi ay maaaring kumatawan sa anumang makabansang organisasyong may layuning kontra-imperyalista, ngunit ang pagiging radikal ay hindi lamang nagwawakas sa pagiging reaksiyonaryo at burges bagkus sa pagiging proaktibo, progresibo, maláy, at maka-Filipino. Ang pagpatay nina Gerardo at Faure sa Amerikanong opisyal na yumurak sa watawat ng Filipinas ay hindi simpleng paghihiganti, bagkus pagbabangon na tinutumbasan ng armadong pag-aaklas kung hinihingi ng pagkakataon. Maihahalimbawa rin ang konsepto ng panggagahasa sa babae, at ang babaeng ito sa nobela ay maaaring kumatawan sa Inang Bayan na nilalapastangan ng Estados Unidos.

Sabihin nang marami ang maipupuwing sa estilo ng pagkakasulat. Ngunit dapat isaalang-alang ng mga mambabasa ngayon na nang sulatin ni Amado ang kaniyang nobela ay wala pang panuntunan sa gramatika, ispeling, at palaugnayan sa wikang Tagalog, na pagkaraan ng tatlong dekada makalipas mailathala ang kaniyang nobela ay saka pa lamang mabubuo ng gaya ni Lope K. Santos at mga kapanalig na manunulat sa Aklatang Bayan. (Nagsisimula pa lamang ang paglilinang ng nobelang Tagalog sa bungad ng siglo 20, at ang mga modelo na pagkatha ay hinihiram sa Ewropa kung hindi man sa Amerika. ) Kahit sabihin pang magaspang ang wika ni Amado, at kulang sa estilistang pagdulog, at maipupuwing na rito ang ilang ispeling ng mga salita o ang paraan ng pagbuo ng usapan at tauhan, ang gayong gaspang ay lalong nagpapakinang ng kaniyang akda dahil handa nitong ibulalas ang ubod ng lunggati ng mga Filipino alinsunod sa diskurso ng mga Filipino noong sakop ng imperyalistang Estados Unidos ang Filipinas.

Wala nang dahilan ang makabagong henerasyon para hindi basahin at balikan ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado. Kayang basahin ito nang isang upuan lamang. Hitik sa pag-asa ang nobela, kahit sabihin pang tigmak sa dugo at lubog sa lagim. Dapat muling tuklasin ang nobela, lalo’t nagsisikap muli ang Estados Unidos na palakasin ang puwersa nito hindi lamang sa Filipinas kundi sa Timog-Silangang Asya. At dapat ipabasa ito sa mga kabataan, para mabatid nila kung paano ginagago ng mga banyaga ang dangal ng ating bansa.

Halimbawa ng Talumpati

Magandang halimbawa ang pangwakas na State of the Nation Address (SONA) ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo kung paano sumulat ng masamang talumpati. Ang kaniyang talumpati ay gumamit ng mga pamamaraan para makaakit ng mga tagapakinig mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, na maaaring sagapin ang kaniyang pananalita bilang kahanga-hanga at pambihira sa isang panig, samantalang bahaw at alingawngaw lamang sa kabilang panig. Nilagom ng pangulo sa limang bahagi ang kaniyang talumpati. Una, matatag umano ang ekonomiya ng Filipinas na kayang harapin ang krisis pandaigdigan. Ikalawa, naitayo ang mga impraestruktura at ganap na natapos ang iba pa. Ikatlo, mas patas umano ang ekonomiya sa mahihirap kaysa noong dati. Ikaapat, naipundar umano ang matibay na base o salalayan para sa susunod na henerasyon. At ikalima, napansin umano ng mga internasyonal na awtoridad na mas ligtas ang mga Filipino mula sa pagkawasak ng kaligiran at sakunang likha ng tao.

Marupok ang pangangawitran ng pangulo hinggil sa pagiging matatag ng ekonomiya ng bansa. Inaakala niya na ang ating ekonomiya ay gaya ng sa Estados Unidos, na nabubuhay ang mga mamamayan sa pamamagitan ng utang, kung hindi man sa digmaan. Nasa yugto pa rin ang gaya ni Gng. Arroyo sa paghahambing ng ekonomiya ng Filipinas sa ekonomiya ng Amerika, o sa mayayamang bansa ng Ewropa. Hindi nasisipat ang ekonomiya ng Filipinas alinsunod sa dapat nitong paglago, pangangailangan, at pagtanaw, kaya ang anumang modernisasyon nito ay sumasabay lamang sa kumbensiyon ng mga dayuhan.

Nakaligtaang banggitin ng pangulo na kaya lumakas ang estado ng pananalapi ng pamahalaan ay dahil ibinenta nito ang mga dating ari-arian, korporasyon, at negosyong dating kontrolado ng pamahalaan, at ang kitang ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa. Naghasik din ng matataas na buwis ang pamahalaan, at ang buwis na ito ay higit na nagpahirap sa dati nang mahihirap imbes na kaltasan sa makatwirang paraan ang mga maykaya sa lipunan. Bagaman tumaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) o ang pondong inilalaan para sa mga pamahalaang lokal, hindi madama ng mga karaniwang mamamayan ang ganitong badyet na tutugon sa kanilang batayang pangangailangan. Sadyang kailangan ang IRA at hindi dapat itong ipagpasalamat sa pamahalaan, dahil tungkulin ng pambansang pamahalaan na tustusan ang mga programa o proyekto sa antas ng pamahalaang lokal dahil hindi kayang mag-isa ng pamahalaang lokal na gastusan ang pangangailangan nito, maliban sa ilang pagkakataong nakaririwasa ito, gaya ng mga lungsod ng Makati, Quezon, at Pasig.

Naisalba ng mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang padalang salapi, ang ekonomiya ng bansa. Maganda ito sa unang malas, ngunit kung wawariin nang maigi ay panandalian lamang, dahil ang suweldo ng naturang mga manggagawa ay sasalalay din sa pagdagsa ng iba pang propesyonal na mula sa iba’t ibang lahi na handang tumanggap ng mababang sahod na maglalagay sa alanganin sa mga manggagawang Filipino. Ang bansang umaasa sa lakas-paggawa ng mga mamamayan nitong ipinadadala sa ibayong-dagat ay lumilikha ng mga propesyon na umaayon sa pangangailangan at layaw ng pandaigdigang merkado imbes na tugunan ang panloob o pambansang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Imbes na humanap ng malikhaing paraan ang pamahalaan upang lumikha ng trabaho rito sa loob ng bansa na pakikinabangan ng laksa-laksang mamamayan ay laging nakatingin ito sa labas upang maipukol kung saan ang mga propesyonal na arkitekto, doktor, guro, inhinyero,marino, nars, at kahit ang mga bihasa nitong pintor, piyon, at tagapangalaga. Hindi rin binanggit ni Gng. Arroyo ang panlipunang dagok na dulot ng pangingibang-bayan: ang pagkatiwalag sa sarili, ang pagkawasak ng pamilya, ang pandarahas at pang-aaglahi sa mga migrante, at iba pa. Maaaring ang kolektibong epekto nito ay hindi nararanasan sa ngayon, ngunit maaaring mahinuha ang bagsik nito sa darating na panahon.

Gumulong din ang ekonomiya ng bansa dahil sa mga gastusin nito sa mga pagawaing-bayan at impraestruktura. Dahil nakaiwas na kapusin sa badyet ang pamahalaan sa tulong ng mga ibinentang ari-arian at negosyo, naiwasan nitong manghiram sa mga lokal na bangko at makipag-agawan sa publiko sa pangungutang. Sa ganitong paraan, nailalabas ang salapi mula sa kabang-yaman ng bansa, napaiikot ang salapi sa mga tao, at ang mga tao na ito na gumagastos ng salapi ang nagpapasigla ng negosyo. Maaaring tingnan din na ang pagsusulong ng mga pagawaing-bayan at impraestruktura ay nakatali sa usaping pampolitika, dahil ang mga mambabatas at opisyal na pamahalaang malapit kay Gng. Arroyo ang nakikinabang ng mga programa at proyekto sa pamamagitan ng mga malikhaing paraang tinatawag na “korupsiyon.” Wala nang bago rito.

Hindi binanggit ni Pang. Arroyo na ang plano sa mga pagawaing-bayan ay matagal na, marahil ay mauugat noon pa mang administrasyon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, at maaaring nagkataon lamang na sa panunungkulan ni Gng. Arroyo naisakatuparan ang gayong proyekto. Ang mga pagawaing-bayan at impraestrukturang ito ay nakasalalay sa pambansang badyet, na karaniwang awtomatiko kung hindi tuloy-tuloy ang paglalaan ng salapi alinsunod sa panukalang badyet na pagtitibayin ng magkasanib na lupon ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso bago lagdaan ng pangulo para maging ganap na batas. Ang kakatwa, may mga rehiyon lamang na pinaboran ang pambansang pamahalaan, ngunit nakaligtaan ang iba pa.

Mahirap maunawaan ang “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” na binanggit ni Gng. Arroyo. Halimbawa, totoong may mga patakaran ang pamahalaan hinggil sa pabahay para sa mga maralita. Ngunit mabagal ang pagsasakatuparan ng gayong mga patakaran. Kakaunti ang nakikinabang sa panlipunang pabahay ng pamahalaan, at kung pagbabatayan ang target sa pabahay ng pamahalaan alinsunod sa Medium Term Philippine Development Plan, ang kakulangan sa pabahay ay aabot sa halos 3.75 milyong yunit mulang 2005–2010, samantalang 1.2 milyong yunit lamang ang target ng pamahalaan alinsunod sa taunang paglalaan ng pambansang badyet. Malaking kalokohan ito sa panig ng pamahalaan, at aakalain ng iba na binobola ni Gng. Arroyo ang taumbayan hinggil sa mga “tagumpay” nitong natamo sa pagpapalaganap ng pabahay para sa maralita. Ang sinasabing “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” ay mahihinuhang hanggang pamumudmod lamang ng salapi o regalo, at gagamitin ang mga ahensiya ng pamahalaan upang mapatahimik ang mga tao at supilin sa banayad na pamamaraan ang paghihimagsik ng ilang sektor.

Marupok ang patakaran, programa, at pamamalakad kahit sa sektor ng pagsasaka. Nakaligtaang banggitin ni Gng. Arroyo na lumikha ng di-sinasadyang krisis sa suplay ng bigas ang pagsandig ng Filipinas sa mga suplayer ng bigas na mula sa gaya ng Thailand at Vietnam. Ang dapat inihahayag ng pangulo ay kung may kakayahan nang tumayo sa sariling paa ang Filipinas, at makalikha ito ng mga ani na hindi lamang tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino, bagkus makapagluluwas pa ito ng labis-labis na suplay doon sa ibayong dagat. Sa ganitong pagkakataon, bagsak ang grado ng pamahalaan. Wala pa ring malinaw na pambansang koordinasyon hinggil sa paghahatid ng mga ani mulang bukirin tungong pamilihan. Hindi kayang makipagtagisan ng mga magsasakang Filipino doon sa mga magsasaka sa ibayong dagat dahil kulang na kulang ang suportang pananalapi, serbisyo, at impraestrukturang dapat nagmumula sa pamahalaan.

Kung ipagpapalagay na ang edukasyon ang pinakasalalayan ng mga susunod na henerasyon, ang edukasyong ito ay naghahanap ng radikal na pagbabago. Ang edukasyon sa Filipinas ay dapat iniaayon sa pangangailangan ng mga Filipino, at kung paano magagamit ang kanilang talino, lakas, at sigasig upang mapaunlad ang bansang ito. Ayaw mang aminin ni Gng. Arroyo, ang bansang ito ay lumilikha ng edukasyon para suplayan ng mga tao ang pangangailangan ng mga dayong negosyo at interes, at hindi sa ikagagaling ng mga Filipino. Halimbawa, malaking negosyo ang pagmimina ng mga mineral sa bansa, ngunit kulang ang mga eksperto na magtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan laban sa anumang di-inaasahang sakuna o panganib. Ang pagmimina sa ating bansa ay nakatali sa pangangailangan ng gaya ng Tsina, South Korea, Japan, Estados Unidos, at iba pang bansa sa Ewropa, imbes na ginagamit sana ng Filipinas ang pagmimina na kaugnay ng industriyalisasyon. Ang pagmimina sa ating bansa ay nauuwi sa pagkatigang ng mga lupain, pagkatuyot ng mga tubigan, pagkasira ng mga kultura ng pamayanan, at pagkatiwalag sa sarili mismo ng mga manggagawa. Nagkaroon ng malulubhang sakuna sa mga minahan ngunit ni isang dayuhang opisyal ay walang binitay o naipakulong man lamang.

Ipinamumukha ni Gng. Arroyo sa kaniyang mga kababayan na ang tagumpay ng Filipinas ay alinsunod sa pagsang-ayon ng mga dayuhang awtoridad. Kahit pa sabihing ito ay may kaugnayan sa likas na kaligiran, negosyo, kalusugan, isports, edukasyon, at ugnayang panlabas, ang mga awtoridad na banyaga ang magtatakda ng tagumpay at pagsulong ng bansa. Isang kabulaanan ito na dapat nang iwaksi sa ating bokabularyo, at dapat ginagawa mismo ng ating pangulo. Ngunit pinapalakpakan ang ganito ng mga mambabatas na waring lasing sa kapangyarihan. Salamat na lamang kay Pang. Gloria Macapagal Arroyo at naipamukha sa taumbayan ang talumpating hitik sa guniguni, na magbibigay ng halimbawa at gabay sa mga estudyante kung paano sumulat at magpahayag na ikagigitla, kung hindi man isusumpa, ng mga nagpipigil na madla.

Kung ang wika ng pangulo ay nakaayon para sa buong bansa, ang wikang ito ay dapat nasa wika ng mga Filipino. Ang pag-iingles ng pangulo ay paraan ng komunikasyon sa mga kapuwa niya nakauunawa ng Ingles, gaya ng mga mambabatas na pulpol din umingles, at hindi para sa karaniwang mamamayang maaapektuhan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan. Maipapanukala ang pagbabago kahit sa wika ng pangulo, sa opisyal na komunikasyon gaya ng pag-uulat sa taumbayan. Ngunit kung gagawin ito ng pangulo, maaaring mabunyag ang kaniyang pagbilog sa ulo ng taumbayan—kung hindi man tandisang pagsisinungaling— at lalong maglalagay sa kaniya sa alanganin. Kaya hayaan natin siyang magsalita sa mabulaklak na salita, at nang di-maunawaan ang kaniyang inililihim sa paningin ng mga mamamayan.

Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.

Hanggahan ng Kapuluan

Mapanganib ang nilagdaang batas ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ang Batas Republika Bilang 9522 (RA 9522) na nagtatakda ng hanggahan ng kapuluan ng Filipinas. Ang naturang batas ay iniemyendahan ang ilang probisyon ng Batas Republika 3046 na binago ng Batas Republika 5446. Bagaman sa unang malas ay naitakda ang hanggahan ng teritoryo at karagatan ng Filipinas, waring ipinamigay ng Filipinas ang Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) at imbes na angkinin nang lubos ay ipinaloob sa tinaguriang “Rehimen ng mga Pulo” (o mga pulo, batuhan, at tubigang inaangkin at pinagtatalunan ng iba pang bansang karatig ng Filipinas, gaya ng China, Taiwan, Vietnam, Malaysia, at Brunei).

Mapa ng Republika ng Filipinas

Mapa ng Republika ng Filipinas

Ayon sa Artikulo 21 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang “Rehimen ng mga Pulo” ay ipinakahulugan sa tatlong paraan: una, ang pulo ay likas na lawas ng lupaing nabuo, na napaliligiran ng tubig, at higit na mataas sa antas-dagat tuwing taog; ikalawa, maliban sa itinatakda ng talata 3 ng artikulo, ang teritoryong dagat, ang sonang kanugnog, ang esklusibong sonang ekonomiko, at ang bahurang kontinental ng pulo ay pawang maitatakda alinsunod sa probisyon ng Kumbensiyong ito na mailalapat sa iba pang lupaing teritoryo; at ikatlo, ang mga batuhan na hindi kayang pamuhayan ng tao o makapagdulot ng kabuhayan ay walang esklusibong sonang ekonomiko o bahurang kontinental.

Maaaring umiiwas lamang sa diplomatikong pagtatalo at digmaan ang Filipinas, at ang pagsasaad ng “rehimen ng mga pulo” ay bulaklak ng dila para masining na ibukas ng Filipinas ang kapuluan nito sa gaya ng Tsina na nanggagalaiti na maangkin ang nasabing pook na pinaniniwalaang mayaman sa langis, mineral, at iba pang yamang-dagat. Ang Batas 9522 ay isa na sanang mahalagang pagkakataon upang sabihin ng Filipinas sa mga kapit-bansa nito at sa buong mundo ang karapat-dapat nitong teritoryo. Ang pagsasaad ng Filipinas ng “rehimen ng mga pulo” sa batas nito ay tahimik na pagsang-ayon sa mga ipinaglalaban ng ibang bansa, at maglulugar sa Filipinas sa desbentahang posisyon sa oras na dinigin ang kaso sa antas ng United Nations. Taliwas sa tindig ng Filipinas, ang Tsina ay mahigpit na iginigiit ang saklaw nitong kapangyarihan sa Spratlys at Scarborough Shoal kahit higit na malapit sa Filipinas ang naturang mga pook.

Masyadong mabait ang Filipinas sa mga karatig-bansa nitong makapangyarihan, kung hindi man kulang sa kapasiyahang pampolitika. Hindi dapat maging tahimik ang Filipinas, bagkus dapat ipamukha nito kahit sa Tsina na may higit na karapatan at kapangyarihan ang Filipinas sa Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal dahil maituturing yaong nakapaloob sa Filipinas, gaya ng isinasaad ng mga naunang batas. Ang dapat atupagin ng Filipinas ay atasan ang mga dalubhasa nito sa pagguhit ng mapa ng Filipinas, at ang mapang ito ang magiging batayan ng usapang teritoryal, ekonomiko, at pangkaligiran.

Maliit ang Filipinas para magpamigay pa ng mga pulo, bahura, at tubigan nito sa kapakinabangan ng iba pang bansa. At ito ang dapat bantayan at ipaglaban ng sinumang Filipino na nagmamalasakit sa buong kapuluan ng Filipinas.

Ang Trahedya ng Bayani sa Pangwakas na Hudhud

Kalugod-lugod na proyekto ang Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009, C&E Publishing) ni Rio Alma, ang alyas ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Sa nasabing akda’y muling itinatampok ang paghahanap ng mga butil ng hiyas sa Filipinas, at tinutuklas sa tatlong pananaw ang kaakuhan ng Filipino. Sa unang malas ay nakasisindak ang pagbabasa ng tula. Una, namumutiktik ang epigrape mula sa kasaysayan, kultura, panitikan, at iba pang larang na kung hindi batid nang lubos ng mambabasa’y sisisihin niya ang angking katangahan. Ikalawa, malalim ang bokabularyo ng makata, at ang bokabularyong ito ay tinumbasan ng dalubhasang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pagtula. Ikatlo, malawak ang pintungan ng pananalinghaga at dalumat ng makata, at ang dalumat at pananalinghagang ito ay pinagsamang karanasan at pag-aaral na pawang may kaugnayan sa paglalakbay sa Filipinas at ibang bansa. Ikaapat, matayog ang bisyon ng tula na lumalagom wari sa pagbubulay ng makata bilang manlilikha at tagasubaybay ng kasaysayan ng panitikan at kasaysayan ng Filipinas. At ikalima, mabigat ang panukalang pagbabago ng tula, o ng mga persona ng tula, kung paano ganap na mapauunlad ang Filipinas. Waring nilalagom lamang ni Rio Alma sa naturang akda ang lahat ng kaniyang dating ginawa sa pagtula, at anumang dagdag na pagbabago’y matatagpuan sa pinaglakip na karanasan sa pagtula ng iba pang makatang Filipino.

Sa pagsusuring ito, sisikaping ipaliwanag ang dalumat ng trahedya ng kabayanihan sa panig ng Filipinas habang tumatanaw sa konsepto ng trahedya doon sa kanluran. Ilan sa mahahalagang tanong na tatangkaing sagutin ang sumusunod: Una, paano sinisipat ng “Diwa ng Kasaysayan” ang tatlong bayani-manlalakbay sa epiko? Ikalawa, ano ang konsepto ng trahedya sa bawat personang bayani sa epiko? Ikatlo, ano ang puwesto ng kasaysayan sa pagtimbang sa bawat bayani? Ikaapat, paano lumulugar ang bawat persona-bayani sa pagharap sa itinuturing nitong kasamaan? Ikalima, ano ang konsepto ng gunita bilang lunan ng tunggalian sa buong epiko? At ikaanim, ano ang mga panukalang pagtanaw sa Filipinas na maituturing na trahedya sa mga persona ng tula?

Ang konsepto ng kasaysayan
Ipinakilala sa epiko ang “Diwa ng Kasaysayan” na matutunghayan sa pambungad, at nag-aanyaya sa mga manlalakbay na tuklasin muli ang Filipinas. Mahihiwatigan agad sa seksiyong ito ang maaaring tahakin ng salaysay. Kung ang “Diwa ng Kasaysayan” ay ituturing na isang omnisyente’t makapangyarihang tinig, ang tinig na ito ang lilitis at magpupurga sa katauhan ng tatlong personang kinabibilangan nina Aliguyon, Jose Rizal, at Kabataang Di-kilala. Ito ay dahil may kakayahan ang Diwa ng Kasaysayan na mabatid nang malawak at malalim ang Filipinas, bukod sa natatanto ang katauhan ng tatlong pilas na persona, at ang pagkakabatid sa bansa ay higit sa karaniwang maisasaad ng aklat at iba pang babasahin. Matitingnan din ang Diwa ng Kasaysayan na mahalagang bahagi ng Filipinas, bagaman hindi ito ganap na masusukat o mailalarawan o mauunawaan. Subalit madarama ang gayong diwa—sa pamamagitan ng mga hulagway, sagisag, at pahiwatig—na pawang makapagtataglay ng pambihirang hiwaga lalo na sa tatlong pilas na persona.

May anomalya agad sa paanyaya ng Diwa ng Kasaysayan. Ang “paanyaya” ay kapuwa hámon at pagsubok, at sinumang tutugon ay makaaasa na sasailalim siya sa matinding pagdalisay ng katauhan. Ang pagtugon sa paanyaya ay makapagpapahiwatig na ang kalahok ay nagtataglay ng bukod-tanging katangiang nakahihigit sa kayang taglayin ng mortal. Ito ay dahil hinihingi sa sinumang tutugon ang masigasig, matalim, at masinop na pakikipagdiyalogo hinggil sa mahahalagang paksang may kaugnayan sa kabansaan at pagkamamamayan. Makikipag-usap ang Diwa ng Kasaysayan sa tatlong pilas na persona, at tutugon ang tatlong tauhan sa magkakaibang pagdulog.  Magkakaroon ng mahabang paglalakbay na kayang sumalungat sa daloy ng panahon at espasyo, alinsunod sa lawak at husay ng imahinasyon ng makata, at makakatagpo ng tatlong persona ang iba pang tauhang magpapakilala ng iba pang pangyayaring magpapalitaw ng trahiko at heroikong aksiyon. Ang pagtugon ng tatlong pilas na persona sa Diwa ng Kasaysayan ay isa nang pagkilala at pagtanggap sa awtoridad nito at kapangyarihan. Mahihinuha rito na ang tatlong pilas na persona ay nakapailalim sa Diwa ng Kasaysayan. Ang pakikipagdiyalogo ng tatlong tauhan sa nagkatawang-tao na Kasaysayan ang masasabing paglilinaw ng kalabuan at pagtutuwid ng pagkakamali noong nakaraan—tungo sa maaliwalas na bukas at pag-angkin muli sa dating maginhawang kalagayan.

Kung ang paglalakbay sa kasaysayan ay isasadula ng tatlong persona, ang bawat persona ay magkakaroon ng tatlong magkakaibang pook, panahon, pakikipagsapalaran, pangalan, at pagkilala sa kani-kaniyang daigdig. Halimbawa, ang pook at panahon ni Aliguyon ay iba sa pook at panahon ni Rizal at sa karanasan ng Kabataang Di-kilala. Sa ganitong pagkakataon, magiging iba rin ang salalayan ng pagsuri sa katauhan ni Aliguyon sa dalawa pa niyang kapuwa manlalakbay, na ang posibilidad ng pag-iral ay magaganap hindi sa materyal na realidad bagkus sa realidad ng guniguni. Ang Aliguyon kung gayon na lumabas sa kaniyang ili at nagising sa Kadungayan, at naglakbay sa iba’t ibang pulo at panahon, ay hindi magiging pareho ng karanasan ni Rizal na umiral sa Perdido Eden at ng Kabataang Di-Kilala na naglulunggati ng Nelendangan dahil magkakaiba ang kanilang mga pook at pangangailangan, alinsunod sa hinihingi ng panahon, bagaman maisasaad din na posibleng magsalupong ang kanilang lunggati [at salaysay] sa tinatawag na Filipinas.

Ipagpalagay nang maaaring maganap ang lahat sa daigdig ng haraya, na tatawagin sa tulang “binagong kasaysayan.” Ang kasaysayang ito ay hindi makaiiral gaya ng kronika, dahil maaaring ang interpretasyon sa kasaysayan at pakikipagsapalarapan ay pinanghihimasukan ng makapangyarihan at mala-bathalang tinig na nakababatid ng kasaysayan ng Filipinas at kayang magpanukala ng pagbabago sa hinaharap, alinsunod sa pambihirang pagtanaw na Filipino sa daigdig. Sa ganitong pagkakataon, ang trahikong pagkilos ay hindi basta paggagad sa materyal na realidad—na may simula, gitna, at wakas—alinsunod sa pananaw ni Aristotle, at nilalagom ng pangangailangan at posibilidad. Ang trahikong pagkilos ay masisipat sa pakikilahok ng mambabasa sa nabubuong kasaysayan sa bawat persona; at ang anumang kakulangan o kalabisan ng bawat persona ay maaaring ipaliwanag ng pabigkas at pasulat na tradisyon ng kasaysayan at panitikan, gaya ng isinasaad sa serye ng epigrape. Si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala, samakatwid, na bagaman masisipat na higit na matimbang sa daigdig ng materyal na realidad, ay makatutulay din sa daigdig ng mito at kababalaghan.

Matatagurian ang gayon na “mala-karnabal,” kung hihiramin ang dila ni Mikhail Bakhtin. Ang mala-karnabal na tagpo ay nagbibigay ng sariwang hagod sa trahikong pagkilos ng mga tauhan, saka yumayanig sa pundasyon ng makapangyarihan, awtoritatibong tinig ng tagapagsalaysay. Pinagsasalimbay ang makabago at ang makaluma, ang katutubo at ang banyaga, ang katotohanan at ang kathang-isip, ang seryoso at ang kakatwa, ang sagrado at ang karnal. Nabubura halos ang tinig ng awtoridad, at puwedeng maganap ang lahat na parang panonood ng serye ng mga hulagway sa MTV video. Naibubukod ang tinig ng “Diwa ng Kasaysayan” at napalilitaw ang magkakaibang tinig, gunita, at guniguni nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala na pawang nakikipag-usap o kinakausap ng iba pang tauhan sa mitolohiya at kasaysayan. Ngunit higit sa kayang itakda ng Socratikong diyalogo at satirang Menippean, ang kaluluwa ay hindi lalabas ng katawan upang magtalumpati o magpamalas ng kakatwa. Ang kaluluwa ng mga bayani ay iiral sa daigdig ng guniguni o panaginip, maglalakbay sa laberinto ng kapuluan, at magtatangkang magbalik muli sa ngalan ng pambihirang resureksiyon. Ang Kadungayan ni Aliguyon ay naging katumbas ng daigdig ng buháy, at pinanatili ang pag-iral ng bait at kapasiyahan ng tao. Muling isinadula ni Rizal ang pag-iral sa kaniyang Perdido Eden, ngunit sa pamamagitan ng pakikilahok bilang aktor sa sariling mga nobela, liham, salaysay, at iba pang akda, at ang trahiko’y kinakailangan ang heroikong tatag upang makaigpaw sa dating mapagsariling pagkilos, at makilahok sa malawakang pakikibaka ng mga bagong anak ng bayan. Samantala, pambihira ang Nelendangan ng Kabataang Di-Kilala. Ang Nelendangan ni Agyu ay hindi na lamang sumasaklaw sa tribung Manobo kundi sa buong Filipinas, at may posibilidad na maaangkin ng sinumang Filipino saan man siya naroroon. Ang kakayahan ng Kabataang Di-Kilala na kumilos gaya ni Agyu sa pamamagitan ng malikhaing pagdulog imbes na madugong pakikihamok ang magtatakda sa pagkakamit ng lunggati hinggil kaligtasan ng Nelendangan, o sabihin nang “Filipinas.” Upang maganap iyon, kakailanganin din niya ang tapang ni Aliguyon at ang talino ni Rizal, ang puwersa ng mga kapuwa bayaning di-kilala sa kasaysayan at kasalukuyan, itaboy ang mga matalinghagang mananakop na Pintado o Dayo, kung hindi’y masasadlak muli siya sa mga pagkakamali na ginawa ng mga dating tauhan sa kasaysayan o alamat.

Ang sinasabing “binagong kasaysayan” ay maaaring sipatin din na kaugnay ng gunita. Gaano mapagtitiwalaan ang gunita, suhayan man ng pasulat at pabigkas na tradisyon? Ang gunita ba’y subhetibo alinsunod sa pagsagap ng tatlong pilas na persona at pinaaalingawngaw ng mga epigrape? O ito’y obhetibo na gaya ng ipinahihiwatig ng Diwa ng Kasaysayan? Maaaring magkahawig ang karanasan ni Rizal at ng Kabataang Di-Kilala, dahil maaaring ang lunan ng kasaysayan nila ay matimbang sa materyal na kasaysayan, bagaman maikakatwirang higit na mapanuri ang katauhan ni Rizal, samantalang mapagtaya at sensuwal ang katangian ng Kabataang Di-Kilala. Ngunit pagsapit kay Aliguyon ay maiiba ang pihit ng pangyayari. Si Aliguyon ay umiiral sa daigdig ng mito at alamat, at kung ipapaloob si Aliguyon sa materyal na kasaysayan ng gaya ni Rizal at sa bisyon ng hinaharap ng Kabataang Di-Kilala ay maaaring lumitaw na mabigat na pananagutan. Mabubura ang hanggahan ng mito at kasaysayan, at ang kasaysayan ay hindi dapat ituring gaya ng kanonigong kasaysayan kundi gaya lamang ng teksto hinggil sa mitolohiya at alamat. Ang paglitis kung gayon kay Aliguyon ay dapat natatangi kaysa kina Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang paglitis kay Rizal ay dapat itangi kina Aliguyon at Kabataang Di-Kilala. At ang paglitis sa Kabataang Di-Kilala ay dapat itangi kina Aliguyon at Rizal. Ipinapanukalang tatlo ang paraan ng paglitis sa mga tauhan dahil mahirap lapatan ng makatwiran at isahang salalayan ang paglilitis, yamang magkakaiba ang kanilang pinag-ugatan, pangangailangan, paniniwala, at pananaw hanguin man iyon sa mitolohiya o kasaysayan.

Ipinapanukala rin na ang “binagong kasaysayan” ay lunan ng tunggalian. Ito ang Kadungayan, ang Perdido Eden, at ang Nelendangan. Kung ang Kadungayan ay daigdig ng patay na kahawig ng daigdig ng tao, ayon kay Manuel Dulawan, ang Kadungayan ay maaaring sipatin bilang direktang salamin ng realidad. Ang tunay na daigdig ng tao ay walang ipinagkaiba sa daigdig ng guniguni, bagaman masasabing higit na malaya ang mga pangyayari at pagpapasiya sa daigdig ng guniguni. Maaaring ang Kadungayan ay limitado kung pagbabatayan ang epikong Hudhud, dahil ang kapasiyahan ng tao ay magwawakas sa oras na pumaloob siya sa daigdig ng mga patay—na inuulit lamang na parang sirang plaka ang daigdig ng buháy. Ang naroroon ay maaaring karaniwang mamamayan na walang heroikong katangian kompara sa bida ng mga pelikulang pantastiko, at isa lamang si Aliguyon na marapat [at may kakayahang] daanan iyon na parang gumagalugad sa Inferno ni Dante Alighieri. Ang Kadungayan ay masisipat na lunan na sasalà at pipiga sa katauhan ni Aliguyon upang mailabas niya ang kabayanihang lumalampas sa itinatakda ng laos at baryotikong pagdulog ng kaniyang ili, at ang kabayanihang iyon ay maaaring magsimula mula sa rekonstruksiyon ng gunita at reimbensiyon ng guniguni.

Sa oras na pumaloob si Rizal sa daigdig ng mito at kasalukuyan, ang Rizal na hango sa pasulat na kasaysayan ay magwawakas saka magbabago ng anyo alinsunod sa guniguni ng makata. Maaaring taglayin ni Rizal ang limitasyon ng nakaraan batay sa mga tekstong naisulat niya o isinulat hinggil sa kaniya, gaya ng labis na pagmumuni sa paligid na hitik sa dilim. Ang pagmumuni ay edukadong pagmumuni, na malalahiran ng kaniyang karanasan bilang manlalakbay at kritiko mulang Europa at iba pang lupalop tungong Filipinas. Ang Rizal sa makabagong hudhud ay magiging estranghero sa Banaue, Puerto Princesa, Cagsaua, Loboc, Davao, at iba pang pook, gayunman ay makapagbibigay ng pambihirang pagtanaw sa binubuo niyang nasyong Filipinas ng guniguni batay sa nasagap niya sa ibayong dagat at hango sa ideolohiya ng mga ilustrado-prinsipal. Isa sa mga trahedya ni Rizal ay kailangang umiwas siya palagi na makumunoy sa kaisipang Europeo sa pagbasa sa kasaysayan at karanasan ng kaniyang bayan.

Ang kaso ng Kabataang Di-Kilala ay mauunawaan sa daigdig na kaniyang ginagalawan. Halimbawa, halos madurog ang kaniyang loob habang binabalikan ang mitolohikong kuwento ni Onnawa, ang babaeng umibig saka nabuntis ng lalaking mula sa ibang tribu at kabilang sa dukhang uri, at ito ang orihinal na kasalanang nangangailangan ng kadakilaan ng loob at kagitingan sa persona upang matalikdan nang ganap. Nalalahiran ng pananaw ng Kristiyanismo ang pagtanaw ng Kabataan, at ang pagnguyngoy ay halos sumayad sa melo-dramatiko. Walang magagawa ang persona kundi humanga kay Onnawa dahil sa pagtataglay nito ng dalisay na pag-ibig at pag-ibig na walang kapara, at ang gayong paghanga ay maaaring kaugnay ng kapareho niyang karanasan sa tunay na buhay. Ang pagpaloob ng Kabataang Di-Kilala sa daigdig ng mito ay paraan lamang ng trahikong pagkilos upang suriin ang baluktot na kaugalian hinggil sa pag-iibigan ng magkasintahan, na maaaring umiiral pa rin hangga ngayon sa tunay na daigdig at panahon ng mga konyo at jologs. Gayunman, mahahanggahan siya ng damdamin kung paano magiging tagapagligtas na papawi ng “orihinal na kasalanan.”

Mahihiwatigan na ang kinathang daigdig ng Kabataang Di-Kilala ay Nelendangan na may makabagong anyo, na kapuwa nagtataglay ng mitolohiko at istorikong katangian, bukod sa lunan ng paghihimagsik ng mga inaapi at kulang-palad sa lipunan. Ang Nelendangan bilang ideal na pook ay humahangga sa diwaing utopia, alinsunod sa paulit-ulit na malikhaing pagkatha ng tao upang matagpuan ang tunay na kaginhawahan sa buong bansa.

Paghuhunos ng Hudhud
Sa pag-aaral ni Lourdes Saquing Dulawan, ang hudhud ng Ifugaw ay pahimig na mahabang salaysay ng buhay, pakikipagsapalaran, at pakikibaka ng mga bayaning kayang sumalungat sa panahon at espasyo. Maihahalimbawa ang “Si Aliguyun at si Bugan” na isa sa mga tanyag na bersiyon ng Hudhud ng Ifugaw.  Tumutukoy ang “hudhud” sa anyo at paraan ng pahimig na pagsasalaysay ng Ifugaw na kabilang sa pangkat ng Tuwali. Binibigkas nang patula ang hudhud tuwing tag-ani sa mga payyo; tuwing naglalamay sa tao na namatay nang likas (at hindi pinatay o nagpakamatay); at tuwing may bogwa na ritwal kapag may hinuhukay na bangkay.

Sa bersiyong mula kay Marcela Guminigin na isang munhaw-e (makatang tagapagsalaysay), ayon sa tala ni Manuel Dulawan, ang hudhud na “Si Aliguyun at si Bugan” ay umiinog sa pag-iisang dibdib ng dalawang tao na galing sa magkaibang lipi. Anak ni Amtalaw na mula sa Hujbitan si Aliguyun; samantalang si Bugan ang anak na babae ni Pangaiwan ng Gonhadan. Noong bata pa umano si Bugan, nakaligtaan siya ng kaniyang inang abala sa trabaho at dinagit pagkaraan ng mga dambuhalang uwak. Inilagak ng mga ibon si Bugan sa talahiban, at mabuti lamang ay natagpuan siya ni Kullaw na isang matandang naninirahan sa kagubatan. Inampon ni Kullaw si Bugan, at itinuring na sariling apo.

Lumaki si Bugan na isang marikit na dalaga. Isang araw, makakatagpo niya si Aliguyun, na isang mayamang binata mula sa Kiyangan. Manliligaw si Aliguyun at sasapit ang araw na pakakasalan niya ang dilag. Maghahain sila ng uyauy—na ritwal sa kasalan—para sa kanilang lipi. Samantala, makikilala naman ni Guminigin si Aginaya, ang babaeng kapatid ni Aliguyun at mahuhulog ang loob ng lalaki sa dalaga. Makaraan ang pista sa Hujbitan, dudulog si Guminigin at yayaing pakasalan si Aginaya. Papayag naman si Aliguyun at ibibigay ang kaniyang basbas. Magtutungo sina Guminigin at Aginaya sa Gonhadan. Magpapakasal sila, at magbibigay ng uyauy upang ipagdiwang ang kanilang pagsasama.

Ang isa pang bersiyon ng hudhud, na pinamagatang “Hudhud hi Aliguyun,” ay hitik naman sa madudugong bakbakan nina Aliguyun at Pangaiwan na siyang ama ni Bugan. Mababasa ito sa The Epics (2001) na tinipon at pinamatnugutan ng dakilang si Damiana L. Eugenio. Sa naturang bersiyon, ang magkatunggaling pamilya ay nagkabati dahil ang mga anak ng dalawang angkan ay nagpakasal matapos ang matagal na panahong bakbakan ng mga pangunahing tauhan, sampu ng kanilang matatapat na kawal. Ang pag-uugnay ng dalawang lipi ang simula ng walang hanggang kapayapaan at kaunlaran, dahil maibubuhos ang pansin sa pangangalaga ng mga lupaing maituturing na “langit sa ibabaw ng lupa.”

Kung gagamitin ang ganitong pananaw, si Aliguyon sa tula ni Rio Alma ay naglalaro sa daigdig ng mito at katotohanan, at ang kapangyarihang makapagpabalik-balik sa dalawang lunan ang magtatakda ng kaniyang kabayanihan tungo sa lunggating pagbabago sa lipunan. Maaari ding sipatin si Aliguyon sa tula ni Rio Alma na Aliguyong nagsawa na sa dating naratibo ng kaniyang lipi, at dating inihinagpis umano ni Pumbakhayon, at ang gayong pagkayamot ang lumikha ng puwang upang likhain ang bagong sangang salaysay sa buhay at hinaharap ni Aliguyon. Sa ganitong pagtanaw, sina Rizal at Kabataang Di-Kilala ang ekstensiyon ni Aliguyon upang makabuo ng iba pang kaugnay na hudhud. O kaya’y may sariling hudhud sina Rizal at Kabataang Di-Kilala na bukod kay Aliguyon, at ang naturang mga hudhud ay hindi lamang istoriko o mitolohiko bagkus kontemporaneo kung hindi man panghinaharap.

Kung ituturing naman na ang gunita ay nalalahukan ng malikhaing rekonstruksiyon ng mga posibilidad, makaiiral si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala sa dimensiyon ng mito at alamat. Gayunman, magiging limitado pa rin ang kanilang pagtugon sa inaakala nilang “kasamaan” na mahalagang aspekto ng trahedya, dahil ang tugon nila ay maibabatay sa mga nasulat na teksto at ilang kuro-kuro o tsismis pangkasaysayan. Ang kasamaan na matatagpuan ni Rizal at ng Kabataang Di-Kilala ay hindi lamang bagay na nasa labas ng kanilang katauhan, gaya ng makinarya ng kolonisasyon. Ang kasamaan ay maaaring magmula rin sa kanilang mga loob at bait, at ang loob na ito ang magiging lutuan ng iba’t ibang karanasan, batay sa pagkatha ng makata. Sa ganitong pagkakataon, maaaring hangaan si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala sa pagbasa nila sa nagaganap noon sa kasaysayang kinabibilangan nila. Ngunit nakatatakot pa rin ang pangyayaring ang kanilang mga tugon ay limitado at hanggang sa maisasaad lamang ng materyal na kasaysayan o limbag na panitikan.

Sa kabilang dako, si Aliguyon na dating umiiral sa lunan ng mito at tumawid sa lunan ng materyal na kasaysayan ay magiging limitado rin ang pagtugon sa kasaysayan dahil bagaman nasa kaniya ang lahat ng katangian ng kabayanihan sa pagbubuo ng ili sa pambansang antas, mahahanggahan pa rin siya ng tradisyonal na pagsagap sa kasaysayan at pagtanaw sa daigdig, alinsunod sa rekonstruksiyon ng kaniyang katauhan, na lulutasin lamang sa bandang huli ng mungkahi ng “Diwa ng Kasaysayan” kung paano haharapin ang búkas. Bagaman may pagkakataong iisang pook ang tinahak nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala, ang pook na iyon ay hindi estatikong pook at humintong panahon. Kaya ang pagdulog ng tatlong tauhan ay magkakaiba rin. Mapandigma ang sensibilidad ni Aliguyon, mapanuri ang edukadong Rizal, at mapanlikha ngunit maramdamin ang Kabataang Di-Kilala.

Trahedyang Filipino
May ikinukubling pagmamataas ang pamagat ng epiko: Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal. Kung babalikan ang hudhud ng Ifugaw, maraming bersiyon ng salaysay hinggil sa buhay ng mga maalamat na bayani ngunit hindi kailanman nagwawakas ang salaysay. Ito ay sa pangyayaring inmortal ang mga bayani sa guniguni at gunita ng lipi, at ang bayani ay hindi lamang dapat sipatin sa panig ni Aliguyon, kundi maging sa panig ng lipi ni Pumbakhayon at iba pang tauhan, at kung paano ang pagsasanib ng dalawang lipi sa pamamagitan ng kasal lalong tumitibay ang pagsasamahan ng mga tao. Mahalaga ang pagbubuklod ng mga lipi, yamang ito ang magsasaayos ng ugnayan sa lipunan, at magpapanatili ng kaayusan at seguridad sa pamumuhay noong hindi pa sopistikado ang pamamahala sa mga lupain at pamayanan. Maaaring alam ito ng personang Aliguyon sa tula ni Rio Alma. Si Aliguyon ay lumabas sa nakagawiang ritwal ng pagdiriwang ng pag-aani at paglilibing, at ang buhay niya ay naging mahabang proseso ng paglilinang, pagtatanim, pagpapayabong, at pag-aani, at sakali’t sumapit sa yugto ng kamatayan ay nagbabadya pa rin ng resureksiyon tulad ng mga epikong bayani ng Ifugaw.

Kung may kakayahan ang gaya ni Aliguyon na lampasan ang hanggahang itinatakda ng panahon at espasyo, hindi niya kinakailangang mangamba sa kasamaang lumalaganap sa kaniyang lipunan, anuman ang anyo at ubod ng naturang kasamaan. Ang kabayanihan ni Aliguyon ay mahihinuhang hinuhugot sa aspektong moral, sa pagpapahalaga sa dangal o puri ng lipi at bansa, at ang kaniyang pagpapatiwakal sa dulo ng hudhud ay waring pagsasadula muli ng sama-samang pagpapatiwakal sa Botbotan dahil wala nang uuwiang pamilya at pamayanan ang mga mandirigmang inakalang ang kanilang lipi ay nilipol ng baha. Sa pananaw na Dionysian ng sinaunang trahedyang Griyego, ang tadhana ni Aliguyon ay alinsunod sa nais ng mga anito. Walang pakialam ang mga anito kung hangad man ni Aliguyon na itakda ang katarungan, kalayaan, at kaunlaran sa Filipinas, at salungatin ang anumang kasamaan. Ang ganitong tindig ng mga anito ang nakayayanig, alinsunod sa trahikong pananaw nina Homer, Aeschylus, at Sophocles, dahil kinakailangang magtiwala si Aliguyon sa sarili na aabot kahit sa pagtataglay ng pambihirang yabang [hybris] at maglalantad ng kaniyang kahinaan. Masisipat si Aliguyon na nagsisikap alamin at baguhin ang daigdig, sa kabila ng kawalang-pakialam ng mga diyos [i.e., Diwa ng Kasaysayan], at ang tadhanang ito ang lilikha ng trahikong kabayanihan sa panig niya.

Maiiba nang kaunti ang pananaw na Apollonian sa kaso ni Aliguyon. Ang mga anito ay ganap at dibino, at ang gunita at guniguni ni Aliguyon ay masisipat na kahalintulad ng taglay ng mga diyos. Mapapariwara lamang si Aliguyon kung lilihis o sasalungat sa itinatadhana ng mga anito—at sa pagkakataong ito ay masasabing ang makapangyarihang tinig ng Diwa ng Kasaysayan—dahil ang kasamaan at kakulangan ay ang magiging kaganapan ni Aliguyon, at lahat ng pakikibaka niya ang ugat ng trahikong aksiyon o tugon. Ang pangmoral, pangkultura, at pampolitikang kapasiyahan ni Aliguyon ay maaaring alinsunod sa tradisyon ng kaniyang lipi—na mapanghihimasukan ng Diwa ng Kasaysayan—at ang kapasiyahang ito ay aabot hanggang sa pagtataglay at pagtatanggol ng mga sinaunang paniniwala. Sina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ang “magsasagawa ng pagwawasto,” ayon na rin sa Diwa ng Kasaysayan, dahil kabahagi rin sila sa naganap na “kapabayaan at pagtataksil” sa bayan—na matalinghagang pagsasabi ng “Filipinas.” Mahalagang aspekto sa tula, samakatwid, ang pagkilala ni Aliguyon sa pagbubuo at pagkatha ng diwaing kabansaan na kaganapan ng pagpapalawak sa konsepto ng banua, bayan, at ili.

Kaya anuman ang gawin ng tatlong persona sa iisang epiko ay nakatakdang sumailalim sa trahikong pagganap. Mapipilitan silang gumanap bilang mandirigma na may katangian ding manlilikha at manunuri, at ang gayong ideal na katauhan ang magwawakas sa kanilang makataong pag-iral at magsusupling ng kabiguan at siphayo. Sa piyesang sa “Si Aliguyon sa Kadungayan,” hinahatak si Aliguyon na gumanap sa naiibang hudhud na kinasasawaan ni Pumbakhayon. Ang pagsisikap ni Aliguyon na lisanin ang kaniyang tahimik na pag-iral ay sanhi ng mararagsang modernisasyon, na inaangkat ng kabundukan ang lahat ng taglay ng ibang sibilisasyong mula sa kapatagan kahit ang kapalit ay pagkalusaw ng sariling ugat at anino. Ang naturang tula ay susuhayan ng “Ngayong Sabado sa Banaue” at “Isang Disyembre sa Banaue.” Ang unang tula ay pagbubulay kung paano lalakbayin ang Banaue, at ang gayong paglalakbay ay nangangailangan ng mala-bayaning katatagan upang makita ang hinahanap at mabatid kung ano man ang ibig hanapin. Ang ikalawang tula naman ay paggunita sa isang paglalakbay sa payyo sa Banaue, at ang gayong kaselang paggunita ay nangangailangang mala-bathalang lakas upang matandaan hindi lamang ang partikular na pook kundi ang bawat hulagway na minamahalaga sa pag-iral ng Banaue. Magkakaroon lamang ng problema kung ipipilit ang tatlong tanaw nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala sa loob ng iisang panahon at espasyo. Malinaw ang panig ni Aliguyon sa “Si Aliguyon sa Kadungayan”; samantala’y maaaring ipagpalit ang tula na laan kina Rizal at Kabataang Di-Kilala at walang mababawas. Mahahalata lamang na kay Rizal ang tulang pasalaysay dahil tila munting tala sa diary o blog ang akda na may banggit hinggil sa ilustrado, bukod sa makiling sa prosa si Rizal, ngunit maliban doon ay wala na itong ikinaiba. Mabulas naman ang “Isang Disyembre sa Banaue” dahil ang pagtanaw na turista ay kapuwa sensuwal at karnal, na magiging matalinghagang sungay sa heroikong pagsisikap ng persona na pahalagahan ang kaniyang nadanas o nasaksihan.

Ang ikatlong pananaw ng trahedya na mailalapat sa tula ay mula sa tradisyon ng Kristiyanismo. Ayon sa Bibliya, nilikha ng diyos ang lahat ng mabuti. Ngunit dumating ang demonyo at tinukso si Eba na kumain ng bunga mula sa Puno ng Karunungan, saka tinukso pagkaraan si Adan. Ang kasamaan ay gawa at kapasiyahan ng tao, at ang trahikong pagtugon ay magaganap sa pagsisikap na bumalik sa dating maginhawang kalagayan [i.e., paraiso], ngunit hindi ito magaganap, maliban na lamang kung magsasagawa muli ng heroikong aksiyon si Hesus [tao] na magiging Kristo [diyos] pagkaraan, at ililigtas sa orihinal na kasalanan ang buong sanlibutan. Ang kaganapan ng pagliligtas sa sanlibutan ay nasa resureksiyon ni Hesukristo at magbibigay ng gulugod sa pananampalatayang Kristiyano. Kung babalikan ang epiko ni Rio Alma, ang trahikong pagkilos nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay nakasentro sa kani-kaniyang pagsisikap na ibalik ang ideal na Filipinas mulang likas na kaligiran hanggang likas na katatagan tungong likas na talino ngunit hindi pa rin sapat ang lahat ng ito upang makamit ang inaasahan. Mahihinuha lamang sa epiko na sina Aliguyon, Rizal, at Di-Kilalang Persona ay metonimiya lamang ng kaakuhang Filipino, at ang kaakuhang ito ay hindi iisang panig lamang, bagkus sari-sari na maglalaro sa kasarian, lipi, pananampalataya, pananaw, uri, at wika. Yamang iba-iba ang katangian ng tatlong persona, ang pagliligtas sa Filipinas ay maaaring gawin sa iba’t iba ring pagdulog—na ang wakas marahil ay pagsasalikop ng puwersa ng mga tao bilang mga posibleng aktor.

Ang pagkilala sa mga karaniwang tao bilang “bayani” ang mahalaga. Ang bayaning ito, ayon sa pag-aaral ni Zeus Salazar, na tinatawag ding “bagani” sa iba pang taal na wika, ay malalim na dalumat sa Filipinas at kaugnay ng pagtataguyod ng permanenteng bahayan sa bayan, sa pagtatakda ng teritoryo o heograpiya sa banua, at sa paglilipat o pagtatanggol ng ili na maaaring maging lunsaran ng pagsalakay o pagsanggalang sa mga pamilya o mamamayan sa panahon ng digmaan. Taliwas sa konsepto ng “hero” o “bida” ng kanluran, ang “bayani” ng Filipinas ay mahihinuhang hindi nakasalalay sa iisa o ilang tao lamang; ang “bayani” ay kolektibong puwersa, talino, at guniguni ng taumbayan, na ang manipestasyon ay gaya ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power] na lumalampas sa kudeta ng mga heneral.

Ang trahikong pagkilos ng tatlong persona sa epiko ni Rio Alma ay hindi laging pasibo. Minsan, susubukin ang mga persona upang ipagunita sa kanila ang naririyan sa tabi-tabi ngunit ipinagwawalang-bahala, at kinakailangan ang mala-bayaning pagdama upang muling matagpuan ang mahalaga. Maihahalimbawa ang tulang “Si Aliguyon sa Lipoon” na ang persona sa tula’y kinakausap si Aliguyon at ipinaaalala sa kaniya ang kaniyang pagkahumaling sa “palakpak at elektrisidad” na pawang talinghaga sa kasikatan at modernisasyon. Ang Lipoon na matatagpuan sa Palawan ang pook ng makasaysayang Yungib Tabon, at nagsasaad na mayroon din itong kasaysayan na dapat lingunin kahit ni Aliguyon. Ang kabaguhan ng lipi at pook ni Aliguyon ang masaklap na trahedya rin sa buhay ni Aliguyon. Kailangang mamatay muli ang kabundukan ng Ifugaw upang isilang muli. Kung paano ito gagawin ni Aliguyon ay isang palaisipan, na parikala sa pagsugpo sa kasamaan. Magandang itambis dito ang “Portada ng Puerto Princesa” na tulang pasalaysay na nasa personang si Rizal. Si Rizal bilang manlalakbay ay sisipatin ang Puerto Princesa alinsunod sa mito ni Kablay na pinaghunos na pating ni Neguro [Neguno], dahil sa labis na pagtutubo at kasakiman. Ang talinghaga ni Kablay ay hindi na lokal na propitaryo, bagkus mga dayuhang negosyante, pirata, at mangingisda na pawang umuubos sa likas-yaman ng Palawan. Isinaad ng personang si Rizal na kailangan ang aktibong pagbabantay at pangangalaga—na taliwas sa pasibong pagbabantay ng diyos sa sinaunang paraiso, kaya natukso sina Adan at Eba na tumikim ng prutas at angkinin ang inaakala nilang karunungang magdudulot ng sukdulang kalayaan.

Paglugar ng mga Bayani
Hinihingi ng pagkakataon na ilantad ng bawat persona ang kagitingan upang maunawaan at mahuli ang gunita. Ito ang payo ni Don Juan ng Ibong Adarna kay Aliguyon. Para naman kay Rizal, ang paggunita ay dapat nalalahukan ng matalas na pagmamasid at pagpapahalaga sa katutubo at hindi sa dayuhan, gaya ng puna niya sa marker at dambana ni Lapulapu sa Mactan (“Pagdalaw sa Dambanang Lapulapu”). Sa isa pang pagtanaw, ang gunita, ayon sa Kabataang Di-Kilala, ay dapat kaugnay ng matapat na paglilimayon o pagdanas, gaya ng mangingibig na umaalam sa tarik at alindog ng Matutum. Kaugnay ng paglikom ng gunita ang pag-alaala sa sinaunang Mithi, gaya ng kalayaan, kaunlaran, at katarungan para sa buong bansa. Upang maganap ito, kailangang harapin ng bawat persona ang mahigpit na engkuwentro sa loob ng guniguni.

Ang kakatwa sa tula ni Rio Alma ay magiging pangunahing usapin ang gunita samantalang magigising si Aliguyon sa Kadungayan—ang Daigdig ng Patay. Magdedeliryo ang Kabataang Di-Kilala sa pananaginip ng eksotiko’t erotikong tagpo. At maglalagalag si Rizal na parang kaluluwang balisa at di-matahimik habang hinahanap ang kalangitan. Matatagpuan ang kahawig na batayan kung babalikan ang konsepto ng psyche sa Indo-Europeong tradisyon.

Mamamatay, at kung minsan ay mawawalan ng malay, ang tao kung walang psyche. Ito ang paniniwala ni Homer. Sa oras na kumawala sa katawan ang psyhe ay magtutungo ito sa Daigdig ng Patay na tinataguriang Hades. Ngunit ang kamatayan ay hindi katumbas ng inmortalidad, dahil ang pagiging inmortal [athanatos] ay pagtataglay ng katangian ng mga diyos na siyang malayo sa Homerikong psyche na inihalintulad sa usok. Sa ibang makatang Griyego, ang psyche ay lunan ng damdamin; at pagsapit ng ikalimang siglo ay maiuugnay sa gawaing pangkaisipan. Inmortal at dibino ang psyche na parang kaluluwa, ngunit nang pumaloob ito sa katawan ng tao ay nadungisan. Madadalisay lamang ito sa pamamagitan ng pagsubok at ritwal. Muling isisilang ang psyche na may sari-saring anyo, hanggang magwakas sa pakikisanib sa pangkalahatang Maykapal.

Pagsapit kay Plato ay maiiba ang pagdulog. Layon umano ng kaluluwa na tumakas palayo sa pisikal na katawan upang matamo ng kaluluwa ang sukdulang karunungan. Ang kaluluwa ay maaaring hatiin sa nous [isipan], thumos [damdamin], at epithumia [hilig]. Kung babalikan ang Hudhud ni Rio Alma, si Rizal ang nuos na sumasagisag sa matalisik na pagmamasid; si Aliguyon ang thumos na sumasagisag sa ilahas na pagdama; samantalang ang Kabataang Di-Kilala ang epithumia na sumasagisag sa makalupang pagnanasa. Naniniwala si Plato na ang lipunan ay makikita sa bawat tao; at ang mga tao ay mauuri sa tatlong pangkat: artesano, sundalo, at taliba. Pinaghahari ng tunay na pilosopo ang katwiran, at bawat bahagi ng kaluluwa ay dapat tumutulong upang makamit ang pangkalahatang kabutihan. Ang gayong paniniwala ay susuwayin ni Aristotle na naniniwalang ang kaluluwa ang nagpapakilos para makapag-isip, makadama, at makasagap ng bagay-bagay ang tao. Ibig sabihin, ang tatlong kalidad ay maaaring taglayin ng isang tao lamang.

Kung babalikan ang epiko ni Rio Alma, sina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay makaiiral nang bukod sa isa’t isa ngunit hindi kokontrolin ni Rizal [isip] ang agos ng salaysay. May bukod na kapangyarihan si Aliguyon na hiwalay din sa katangian ng Kabataang Di-Kilala. Ang tatluhang pilas na persona ay mahihinuhang naninimbang sa mga teorya nina Plato at Aristotle, at gumagagad sa tatlong persona sa iisang diyos ng Kristiyanismo, na mapabubulaanan ng makata. Kung sasangguniin naman ang pananaw ni Plotinus, ang pinakamatayog na magagawa ng tao ay pagbubulay tungo sa pangingibabaw ng kabutihan ng lahat, na pag-uugatan ng sari-saring katauhan. Naliliwanagan ang katawan dahil sa kaluluwa, at nakadarama ang kaluluwa dahil sa katawan. Mahalaga kay Plotinus ang konsepto ng “gunita” dahil ito ang nagpapatuloy para maging malay sa sarili ang tao. Kung walang gunita, wala umanong mabubuong pagkakakilanlan sa sarili ang kaluluwang nakapaloob sa katawan. Dito papasok ang panukalang “lakbay-nilay” ni Rio Alma habang ginagalugad ang buong kapuluan na may Nelendangan [ideal], Perdido Eden [pisikal], at Kadungayan [espiritwal].

Bawat pook ay pook ng engkuwentro. Ang engkuwentro ay maaaring magsimula sa mga pasulat na teksto ng mga istoryador, panitikero, antropologo, rebolusyonaryo, salawikain, at iba pa na pawang nakasaad sa epigrape. Ang mga epigrape ay maaaring sipatin na bintana upang mahiwatigan ang niloloob ng tula, bagaman hindi masasabi nang ganap na ang pagkakasipi sa bawat epigrape ay alinsunod sa konteksto at hinihingi ng tula. Maaaring makairal nang hiwalay ang mga epigrape sa tula, at makaiiral nang mag-isa ang tula. Gayunman, nakatutulong din ang mga epigrape upang linawin ang ilang salita, pakahulugan, at pahiwatig sa tula. Ang mga epigrape ay nagbubunsod ng diyalohikong diskurso tungo sa tatlong pilas na persona, at ang anumang tugon ng naturang persona ay mahihinuhang may kaugnayan sa paglikom ng gunita. Yamang ang bawat persona ay hindi malamig na midyum lamang ng epigrape, o kaya’y alingawngaw ng sinasabi ng mga istoryador, sosyologo, at antropologo, ang kasalungat na tugon o tinig ay maaaring magmula sa multi-personang kumakausap kina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala.

Ang trahedya ni Aliguyon ay kailangang lampasan niya ang basal at ilahas na silakbo, gaya ng masisilayan sa mga piyesang “Pag-iinuman nina Sandayo at Aliguyon” at “Pagdalaw ni Agyu kay Aliguyon sa Panaginip.” Ang pakikidigma ni Aliguyon ay higit sa marahas na pagpugot ng ulo ng kaaway, at kailangan niya ang pambihirang kagitingan na magbubukás ng malalim na pagkaunawa sa ugnayan ng mga puwersa sa lipunan o kasaysayan, yamang ang tunggalian ay sumasaklaw sa isipan at kalooban. Sa kabilang dako, ang trahedya ni Rizal ay nasa labis na pagdulog na klinikal at personal, kahit pa sabihing may bahid ng satira o parikala ang kaniyang pagmamasid, gaya sa mga piyesang “Eden Nature Park” at “Ang Hawla ni Alex.” Hanggang matalim na pagpuna lamang ang káya niya, at hindi magpapanukala ng magaspang na pagkilos sa balighong kairalan. Nangangailangang makahimok siya ng iba pang utak at pusong handang magtaya para sa panukalang rebolusyon niya. Ang Kabataang Di-Kilala naman ay nakatakdang kainin ng kaniyang malayaw na pagtingin sa paligid, na waring laging selebrasyon ng búhay ang lahat ng bagay, na madaraan sa makalupang eksperimento ang himig at pagsasakataga ng pakikipagsapalaran sa ngalan ng modernisasyon, at maaaring isangkalan ang lahat, upang matupad ang pansariling kaluguran gaya ng pag-asinta sa banog na lumilipad.

Kung isasaalang-alang ang disenyo ng aklat, ang mga retrato ay bahagi ng engkuwentro. Ipinamamalas ng mga hulagway ang maparikalang tagpo sa iba’t ibang pook, at kung paanong ang makabagong sibilisasyon ay marahang gumagapang na di-mapipigilang agos tungo sa mga liblib na nayon, bundok, at tubigan. Bagaman hindi ganap na masasaklaw ng mga imahen ang lunan ng mito at kababalaghan, nakapagpapahiwatig naman iyon sa maaaring tunggaliang nagaganap sa guniguni ng tatlong pilas na persona. Ang hudhud ni Rio Alma kung gayon ay proyekto ng multi-disiplinaryong pagdulog, na ang teksto ay tumitingkad at nakakargahan ng pahiwatig kapag tinapatan ng retrato, at ang hulagway sa loob ng retrato ay ekstensiyon ng diwain ng tatlong pilas na personang naglalakbay—na nagkataong sinasamahan din ng makata o kaya’y Diwa ng Kasaysayan.

Landas ng Pakikipagsapalaran
Isa sa mahahalagang diwaing nakatimo sa epikong Hudhud ni Rio Alma ang kabatirang may pinsala sa bansa. Ang naturang pinsala ay hindi likas o aksidente bagkus sanhi ng kolonisasyon at kapabayaan ng tao. Ang pinsala ay nasa katawan, isipan, at kalooban na ang manipestasyon ay ganap na pagkatiwalag ng mamamayan sa lupang tinubuan. Taglay niyon ang paniniwalang munti lamang ang Filipinas na walang maipagmamalaki sa iba. Paano sumapit sa ganitong teorya ang tula? Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng tatlo at sabayang paglalakbay ng mga tauhan na makikipagdiskurso sa iba pang tauhan ng mito at kasaysayan ng Filipinas. Mahalagang balikan at sangguniin ang Oriental (1994) ni Rio Alma dahil ang gayong pagbasa sa kabansaan ay matutunghayan samantalang nagsasaad ng panukalang pagbasa at pagpanahon sa panitikang Filipinas.

Ang mga tinig na kakausap kina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ang magpapakilala sa tatlo ng kanilang pinag-ugatan at magsisilbing lunsaran upang maibalik ang “gunita.” Ang trahedya sa tula’y kung walang takdang panahon at espasyo ang daigdig ng tatlong pilas na persona sa daigdig ng guniguni, anuman ang gawin nila ay walang halaga at walang kahulugan, at mauuwi sa wala ang lahat. Walang katapusang siklo ang paglalakbay, pagtatagpo, pagtataksil, pagpapako, pagkamatay, at pagkabuhay muli (gaya ng sa estasyon ng krus na alinsunod sa Bibliya at tradisyon ng mga Kristiyano) at mananatiling mailap at walang katuparan ang lunggati. Maaaring sipatin ang Diwa ng Kasaysayan at ang mga epigrape [bilang iba-ibang tinig] na pawang may pagkukulang, yamang nabuo yaon sa isang tiyak na panahon, na maaaring ang panahong iyon ay tumpak lamang noon at kakatwa kung paniniwalaan sa ngayon. Mag-uudyok ito upang paulit-ulit na gawin ng tatlong pilas na persona ang pansarili at kolektibong pagbabago para makamit ang Mithi, at mabanaagan ang lunggating Nelendangan sa hinaharap.

Kapag natupad ang lunggating Nelendangan, matutupad din ang resureksiyon ng Filipino, at ang hudhud ay magwawakas ang silbi at puwedeng mapalitan ng ibang salaysay hinggil sa kabayanihan. Ito ang maghuhudyat na tapos na ang tungkulin ng tatlong pilas na persona, at malaganap na ang kaligtasan ng Filipino.

Mahihinuha na walang tutulong o gagabay sa tatlong pilas na persona kundi ang makakasalubong nila sa paglalakbay, kung hindi man ang makapangyarihang tinig ng Diwa ng Kasaysayan. Mahalaga kung gayon ang bawat engkuwentro sa bawat tauhan ng kasaysayan o alamat, na maaaring sipatin hindi lamang sa negatibong paraan kundi maging sa positibong paraan. Sa patalinghagang antas, ang paghahanap ng mithi ng tatlong persona ay waring paghahabol ni Apollo kay Daphne na magpapakipot at tatakas palayo sa lalaki hanggang mag-anyong punongkahoy. Ngunit habang lumalayo siya’y lalong aasamin kung hindi man kalilibugan ni Apollo. At nagbago man ng anyo ang pisikal na katawan ng Daphne’y gagamitin ni Apollo ang naghunos na balát, dahon, at ugat upang maging sagisag ng kaniyang matapat na pagmamahal sa naglahong dilag.

Problematiko, sa aking palagay, ang pag-iral ng “Diwa ng Kasaysayan” sa hudhud. Ang pagsasadula ng mito nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay maaaring paraan ng malikhaing pag-iwas o paglihis sa tunay na nagaganap sa lipunan, imbes na magtuon sa kaganapan ng dakilang Mithi at Nelendangan. Sa kabilang dako, ang pagsasadula ng mito at kasaysayan sa kontemporaneong anggulo ang magpapamalay ng mga kamalian—na nakapokus hindi para sa tatlong pilas na manlalakbay bagkus para sa mga mambabasa. Malaki ang kakulangan sa mga katangian nina Aliguyon, Rizal, at Di-Kilalang Kabataan upang maituring na bayani sa iba’t ibang panahon, na tiyak kong makahihimok at hahámon sa mga Filipino para bumuo ng sariwang lawas ng mga bayani mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Mangangaral, manunuligsa, magpapayo, mamumuna, at higit sa lahat, magpapanukala ng pagbabago para sa kaganapan ng bagong Filipinas ang Diwa ng Kasaysayan sa dapat maging pagtanaw at pagkilos ng tatlong pilas na persona sa Hudhud. Kung walang katapusan ang hudhud, alinsunod sa orihinal nitong pakahulugan, ang Diwa ng Kasaysayan ay mayayanig sa mataas nitong luklukan, mahuhubaran ng damit o pagkakakilanlan, at maaaring magpalaboy-laboy sa kung saan-saang lansangan upang maghanap ng iba pang bayani na may ibang lunggati, may ibang pagtanaw, may ibang pagdama na kayang sumaklaw sa lahat ng maikakabit sa katauhan ng Filipinong paulit-ulit namamatay ngunit kataka-takang paulit-ulit din nabubuhay. Ang trahedya ng mga bayani sa Hudhud ni Rio Alma ay mahihinuhang hindi pangwakas gaya ng pagpapatiwakal ni Aliguyon upang gulantangin ang kinakalyong damdamin ng taumbayan. Ang pagpapatiwakal ay hindi pagsuko bagkus isang uri ng pagtutol sa balighong kalakaran nang mapanumbalik ang pambansang dangal. Ang pagpapanumbalik din ng dangal ang isasahinagap ni Rizal na aniya’y dapat palitan ang mga bantayog ng mga politiko’t negosyanteng bulok, at ihalili o ilantad ang mga bantayog o dambana ng mga bayaning mula sa hanay ng mga karaniwang mamamayang nakapag-ambag nang malaki sa ikalalago ng bansa. Maraming pangangailangan ang bagong henerasyon, ayon sa Kabataang Di-Kilala, at ang litanya ng pagbabago ay maaaring mulang pagtatakwil ng pamahiin hanggang pagtanggap ng siyentipikong tuklas. Mangangailangan din ng sariwang hininga [psyche] ang darating na salinlahi upang sumigla sa susunod na panahon. Wakasan man ni Rio Alma ang kaniyang hudhud ay naniniwala akong  magpapatuloy sa pagkatha ng sari-saring bersiyon ng hudhud ang iba pang makatang Filipino para sa mga Filipino, at sa ikalalago ng Filipino, saanmang panig ng mundo.

(Karapatang-ari© ni Roberto T. Añonuevo, at hindi maaaring ilathala ninuman  nang walang pahintulot mula sa awtor.)

Ang Panunuluyan

Tubong Bulakan, Bulakan si Emilio A. Bunag na isinilang noong 5 Pebrero 1902 at sumikat na makata noong dekada 1920-1930 sa paghalaw ng mga tula ni William Shakespeare at iba pang banyagang makata. Mapaglaro ang mga taludturan ni Bunag, na pinaghahalo ang maiikli at mahahabang taludtod bukod sa sumubok kahit sa tigdadalawampung pantig bawat taludtod na napakahirap gawin sa Tagalog at mahirap malathala dahil sa kahingian ng mga publikasyon noon. Kabilang si Bunag sa mga sumunod kina Iñigo Ed. Regalado, Pedro Gatmaitan, at Benigno Ramos na nag-eksperimento sa sukat ng mga saknong, bagaman masasabing naanggihan ng banyagang impluwensiya ang kaniyang pananalinghaga at paraan ng paglalatag ng hulagway at dalumat. Nalathala ang mga tula ni Bunag sa gaya ng Alitaptap, Ningning, at Pagkakaisa at pagkaraan ay ibinilang sa antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo. Nangingibabaw sa kaniyang mga tula, ani Agoncillo, “ang yaman ng diwa sa rikit ng pagkatula.”

Maihahalimbawa ang tulang “Ang Panunuluyan” ni Bunag, na nalathala noong 19 Disyembre 1929 sa Alitaptap.

Ang Panunuluyan

1 Akay-akay ng asawa, gabing-gabi’y naglalakad
nanlalamig, nalulungkot, nagdarasal, umiiyak;
tumatawag sa balana’y walang pintong nagbubukas,
dumaraing sa lahat na’y walang pusong nahahabag,
gayong ito ang babaing pinili sa madlang dilag
upang siya maging ina ng mananakop ng lahat.

7 Samantalang sa tahanan ng mayama’t malalaki,
madlang mga panauhin sa ligaya’y wiling-wili,
munting silid na hiningi, sa kahit na isang tabi,
sa abang nanunuluya’y walang awang itinanggi;
hindi nila nalalamang ang kanilang inaapi
ay babaing may himala na sa puso’y nakukubli.

13 Dulo tuloy, ang babaing kinakasihan ng Diyos
at dakila sa lahat na ng sumikat na alindog,
sa labangang nanrurumi’t sa dayaming gusot-gusot,
ay doon na napanganak at doon na napalugmok;
samantala’y buong langit ang naluluha sa gulod,
at ang tanang mga anghel, sa pitaga’y naluluhod.

19 Ayan ngayon ang larawan ng masungit na daigdig
na sa abang pagkatao ay palaging umiismid;
walang laging tinitingnan kundi tanghal at marikit,
at ni hindi tumutunghay sa palad ng maliliit;
dulo tuloy, kahit kanyang guro’t Diyos sa matuwid,
hindi niya nalalama’y minamata’t tinitiis.

25 Ang sa kanya’y nagsasakit magbigay ng pagkaligtas,
ang lagi pang ayaw bigyan ng tulong at pagkahabag;
patuloy sa paglalasing sa lumalasing na galak,
at ang aral na mabuti’y nilulunod sa halakhak;
Diyos na ang lumalapit ay hindi pa tinatanggap,
at patuloy sa ligayang sa hinagpis nagwawakas.

31 Mano nawang ang nangyari sa palad ng birheng mahal,
magbawas na nang bahagya sa atin ding kataasan;
magunita sana nating sa banig ng karukhaan,
ang Diyos ng sandaigdig ay minsan ding mapaluwal;
matutuhan sana nating sa gitna ng paglilibang,
ang palad ng mga dukha’y magunitang minsan-minsan.

37 Araw-gabi’y naririnig ang malungkot na pagdaing
ng maraming mga dukha na di natin pinapansin;
nar’yan ang batang limahid na sa Paskong dumarating,
wala man lang ni laruang sa dalita’y ipang-aliw;
hindi natin malalamang baka diyan magsusupling
ang isa pang bagong Kristo upang tayo ay tubusin.

43 Nar’yan ang maraming isip na sa dilim nakakulong,
na hindi man inaabot ng ilaw ng isang tinghoy;
mga sawing kaluluwang tumaghoy man nang tumaghoy,
ay lalo pang nilulusak sa dalitang suson-suson;
gayong iya’y mga taong pag ginising ng panahon,
batong uling, na kung minsa’y may ningas na nag-aapoy.

49 Naririyan ang pag-ibig na animo’y isang mutya,
singlinis ng isang birhe’t simputi ng isang bula;
sumasamo sa daigdig na ang buong sangnilikha
ay maanong pabigkis na sa magandang tanikala;
ngunit itong mga tao’y patuloy na nagbabangga
at sa tambol ng digmaan ay lasing na natutuwa.

55 Mga bagong birhen itong sa sangkatauhang haling,
ang tulong na hinihingi ay ating ikagagaling:
hinihinging ang dalita ay tanglawan at kupkupin,
saka ang kapayapaa’y paglingkuran at mahalin;
hanggang hindi’y may birhen pang lating aapihin,
at isa pang bagong Kristong hindi kusa’y makikitil.

Ginamit ni Bunag sa tula ang lalabing-animing pantig bawat talutod na sukat, na nilapatan ng hati [caesura] na 8/8. Bagaman may pagtatangka na gawing 4/4/4/4 ang putol ng mga salita ay hindi naging matagumpay, at maihahalimbawa ang mga taludtod 6, 8, 10, 13, 31, 43, 50, 56, at 58 na pawang sablay. Isahan ang tugmaang ginamit sa mga saknong, gaya ng tugma na ginamit ni Francisco Baltazar Balagtas.

May tatlong yugto ang nasabing tula. Una, isinalaysay ang naging kapalaran nina Maria at Jose na naghahanap noon ng tahanang maaaring maging panandaliang himpilan dahil kagampan si Maria at malapit nang manganak. Ngunit tinanggihan ang mag-asawa, kahit sa mga tahanan ng mayayamang may kakayahang tumulong. Napilitang sumilong sa sabsaban ang mag-asawa, at doon isinilang si Hesus habang naluluha sa tuwa ang mga anghel. Ikalawa, ibinunyag sa sumunod na tagpo na ang tagapagligtas [Hesus na magiging Kristo balang araw] ay handang magpakababa para sa mga tao, subalit ang mga tao na ito ay nabubulag sa panandaliang layaw at pagsasaya. Isinermon ng tula ang pangangailangang maging mapagkumbaba, at alalahanin ang mga dukha. Ikatlo, inilahad ang malulungkot na kapalaran ng mga dukha: ang mga batang palaboy, ang mga mangmang, ang mga nagdurusa, at ang mga biktima ng digmaan. Ang naturang problema ang dapat umanong lutasin. At kung hindi magaganap ito, mauulit muli gaya ng karma ang tadhana ni Maria at mamamatay nang wala sa panahon ang inaasahang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang tradisyon ng panunuluyan ng banal na mag-anak, ayon sa paniniwala ng Kristiyanismo, ay binihisan ni Bunag ng bagong damit at hiniyasan pa ng pampolitikang kulay. Ang panunuluyan ay hindi lamang pagsasadula ng masaklap na karanasan nina Maria, Jose, at Hesus doon sa sabsaban, at panimulang yugto ng pagliligtas sa sangkatauhang may bahid ng orihinal na kasalanan. Ang panunuluyan ay pagpapagunita sa atin na kahit sa dukhang kalagayan ay naroon ang kaligtasan at pag-asa. Sa gayong pananaw, ang kaligtasan ay hindi lamang ekonomikong produkto at puwersang magmumula sa hanay ng mayayaman, bagkus kaligtasan sa ngalan ng katwiran at kabutihang-asal ng lahat ng tao. Ang pagdamay sa kapuwa tao ang dapat umanong pahalagahan, dahil ang pamilyang dukha ngayon ay maaaring maging tagapagsalba ng daigdig—hindi lamang sa lárang ng relihiyon, kundi sa iba pang lárang na gaya ng edukasyon, kalusugan, politika, sining, at ugnayang-panlabas.

May iba pang paraan kung paano susuriin ang tula. Halimbawa, maaaring timbangin ang konsepto ng “kaligtasan” at “tagapagligtas” sa punto de bista ng mga karaniwang tao at hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Sa gayong paraan, mababago kahit ang pagpapahalaga sa “kaligtasan” dahil imposibleng magawa iyon ng isa o dalawang tao lamang. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga tao, gaya ng isinasaad sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang “bayani” ay mahihinuhang hindi lamang si Hesus, kundi ang lahat ng tao na nagkakaisa ng pananaw na lumikha ng kabutihan upang ituwid ang pagkakamali ng nakaraang panahon o henerasyon. Mahalagang matuklasan ng mga tao na may kakayahan din silang maging tagapagligtas, gaya ng pangangahas ni Hesus na tatawaging “Kristo” balang araw.

Ang pagsilang ng tagapagligtas ay maaaring hindi na matagpuan sa materyal na sabsaban balang araw. Matatagpuan marahil ito sa matalinghagang sabsaban ng ating mga kalooban, at ang tanging maiiwan na lamang ay hulagway ng gaya nina Hesus, Maria, at Jose na mag-anak na kumakatawan sa kapayapaan, liwanag, at kaginhawahan.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers