Tungkol sa mga ad na ito

Chess para sa Filipino

Napakagandang libangan ang paglalaro ng chess, o tinatawag ding ahedres, anumang oras at saanmang lugar. Chess ang laro sa mga barberya at pundohan, at sa tambayan ng matatanda o kabataan, mapagilid man ng bangketa o malalamig na silid ng paaralan. Wala rin itong pinipiling edad, kasarian, at propesyon. Bata o matanda, babae o lalaki, empleado man o tambay, ang lahat ay malayang makapaglalaro nito hangga’t may chessboard o anumang pamalit dito.

Ngunit ang lahat ay kailangang sumunod sa mga panuto ng chess. Sa ibang pagkakataon, hinihingi ang orasan (chess clock) , upang di-gaanong humaba ang laban at makapaglaro ang iba pang miron na ibig sumabak o pumusta. Binabanat ng chess ang isip, at hinihigit ang pasensiya ng bawat manlalaro. Tinuturuan din nitong magbuhos ng konsentrasyon ang mga manlalaro o miron, at ang pinakamainam na tira’y kung minsan ay palaisipan kung sinadya nga ba o tsamba lamang.

Kaya hindi ako magtataka kung bakit ang isa kong anak ay mahilig sa chess.

Nag-aral siya ng mga pangunang tira, nabaliw sa pagbabalangkas ng mga kombinasyon ng atake at pagdepensa, pinag-aralan ang mga panloob at pangwakas na bahagi ng laban. Napilitan tuloy akong bumili ng mga aklat, manghiram ng mga CD na may larong chess, at maggalugad sa internet hinggil sa mga laban. Hanggang sumapit ako sa isang kabatiran: walang aklat sa chess ang nasusulat sa Filipino.

Nanghihinayang ako ngayon dahil walang ginagawa ang mga intelektuwal sa larangan ng chess na ilapit ito sa masa. Ang paglikha ng mga aklat sa chess sa wikang Filipino ay lalong magpapadali upang lumaganap ang larong ito sa buong Filipinas. Nang magmasid ako sa nakaraang kompetisyon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), may isa o dalawang lalaking nagbebenta ng mga librong sineroks. Magaganda ang libro, ngunit dapat naipaliliwanag iyon sa Filipino dahil hindi lahat ng kabataan ay mahusay sa Ingles at nakaiintindi ng salimuot ng gayong wika at jargon.

Sa aking palagay, madaragdagan pa ang mga Mark Paragua at Wesley So sa Filipinas kung magtataya ng salapi upang makapagpundar ng mga babasahing nasa Filipino. Mauunawaan agad ng mga bata ang mga konsepto, alinsunod sa wikang ginagamit nila sa tahanan o pamayanan. Dito dapat pumasok ang mga patrong gaya ni dating mambabatas na si Prospero Pichay na ngayon ay pangulo ng samahan sa chess. Ang wika at diskurso ng chess ay hindi laging dapat nasa Ingles, bagkus maaari ding nasa Filipino.

Ang wikang Filipino ang magiging tulay ng karunungan ng mga bata. Malaki ang tungkulin ang gagampanan dito ng mga grandmaster sa Filipinas, dahil sila ang nasa posisyon upang makabuo ng gayong proyekto. Ang pagpapalaganap ng Filipino sa larang ng chess ay kaugnay ng pagsusulong ng adhikaing linangin ang pambansang wika, at makabuo ng pambansang diskursong batay sa gayong wika.

Hindi dapat maging esklusibo ang chess para lamang sa mga kabataang nakababasa o nakauunawa sa Ingles. Kailangang lumaganap ang chess sa buong bansa, at hindi ito matutugunan kung laging mag-aangkat lamang ng mga imported na aklat ang Filipinas doon sa ibang bansa.

Isang opinyon lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan nang maitaas natin ang antas ng paglalaro ng chess sa Filipinas, at makahimok ng mga kabataang maglaro nito, mula man sila sa malalayo’t liblib na pook ng ating bansa.

Tungkol sa mga ad na ito
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 164 other followers