Pangalan

4. Pangalan
Tinawag siyang “Wikwik” ng mga kargador, at itinuring na sampid na walang alam sa karagatan. Nagunita niya ang wikwik, at sa kanilang nayon ay kinatatakutan ito bilang ibong mandaragit na malalapad ang bagwis, matigas at pabaliko ang tuka, matatalas ang kuko, malinaw ang paningin, at taglay ang balahibong pinaghalong puti, pula, at itim. Hindi marahil nauunawaan ng mga kargador ang kahulugan ng wikwik, aniya, at binanggit lamang iyon dahil sa pambihirang tunog na gumagagad sa kanilang matitigas na dila.

Nasaksihan niya kung paanong dagitin ng wikwik ang bagong silang na biik, at makaraang umimbulog ay inihulog ang biik sa bangin upang muling pulutin at tangayin sa kung saang pugad sa batuhan. O kaya’y kung paano binulag saka pinilay ng wikwik ang isang unggoy, at pagkaraan ay niluray ang laman-loob sa ilang sandali.

Wala siyang pangalan, at habang siya’y nasa banyagang tubigan ay naisip na hindi mahalaga ang pangalan. Lahat sila, silang nakasakay sa Andalusya, ay pantay-pantay sapagkat anumang oras ay maaaring lamunin sila na matatangkad na alon; o kaya’y sumampa sa kanilang sasakyan ang mahahabang galamay ng pugita; o bungguin ng mga tandayag at pagi ang kanilang proa upang ipamalas ang karupukan ng kanilang pag-iral. Hindi mahalaga ang pangalan, bagkus ang simoy, at ang agos ng tubig ay ihahatid sila sa pampang ng mga kalakalan.

Ngunit nayayamot sa kaniya ang amo tuwing siya’y tatawagin; at si Senyor Fernando ay hindi sanay tawagin siya nang pasutsot, at sumigaw ng “Halika, Alipin!” Nang tanungin siya kung ano ang kaniyang ngalan ay umiling lamang siya. “Mula ngayon ay tatawagin kitang Enrique,” dumaragundong na winika ni Senyor Fernando. “Magiging tukayo mo ang dukeng nabigador ng Portugal, ngunit sa pagkakataong ito ay magiging utusan ka sa piling ko.” Napahalakhak si Senyor Fernando at tumalikod pagkaraan upang harapin ang kaniyang mapa at paraluman.

Naibigan ng binatilyo ang ngalang “Enrique.” Isa na siyang nabigador; at kung siya man ay dating tagasagwan sa kanilang balangay, siya ngayon ay magiging timonero. Tahimik niyang inihanda ang kape at tabako ni Senyor Fernando; at pagkaraan ay lumabas ng silid upang tanawin muli ang mga bituin. “Makababalik ako sa aking bayan,” bulong ni Enrique, “at tutuparin ang kapalaran ng isang dakilang manlalakbay!” Waring narinig siya ng kalangitan, at ilang sandali pa’y gumuhit ang tatlong bulalakaw sa karimlan. (Itutuloy. . . .)

Anne Hathaway

salin ng tula sa Ingles ni Carol Ann Duffy.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang kama na ibig natin ay umiikot na mundo
ng mga gubat, kastilyo, sulô, burol, dagat
na pagsisisiran ng mga perlas. Mga bulalakaw
ang salita ng aking irog pabulusok sa daigdig
gaya ng mga halik sa labing ito; banayad
na ritmo ang katawan ko sa katawan niya,
alingawngaw ngayon, saka asonansiya;
ang hipo niya’y pandiwang sumasayaw sa gitna
ng pangngalan. May mga gabing napanaginip
ko na sinulatan niya ako’t ang higaan ay pahina
sa ilalim ng kamay ng manunulat. Umiindak
ang romansa at drama sa haplos, samyo, lasa.
Sa ibang kama, na pinakamalambot, nakatulog
ang aming mga panauhin, na nagpapatalbog
ng kanilang prosa. Ang buháy, galák na mahal ko
ay hinawakan ko sa ulunang ataul ng aking biyuda
habang hinawakan naman ng irog ang palad ko
doon sa pangalawa sa pinakamalambot na kama.

Bantayan

Kung ito ang pook na laan sa mga destiyero, wiwikain marahil ni Fides, ang mamuhay nang bilanggo ay paraiso. Hindi tatanawing pader ng mga bilibid ang mga alon, bagaman nakayayanig sa unang pagkakataon sa panig ng mga binyagan ang katahimikan ng dayaray at harana ng mga kuliglig. Sa pagitan ng mga bituin at buhangin ay makapaglalandas ang guniguni tungo sa iyong kinaroroonan. Ngunit magbabalik ang aking ulirat kapag ako’y kinagat ng mga lamok at langgam. Makakaligtaan ko kahit panandali ang paganong buhay mula sa lungsod, ang masisikip na lansangan at masusukal na loob, at mabibigo akong mabigkas ni maisahinagap ang inimbentong pangalan para sa manipestong hinihingi ng pantalan ng Hagnaya. Sa kinatatayuan ko ay maiiwan ang lahat ng iyong alabok at agam-agam, makaraang humakbang nang banayad palapit sa baybay. Sumasapit sa diwa mo ang mga isda, at kung ikaw ang inaasam nilang Tagapagligtas, babantayan mo rin kahit sa pangarap ang kapuluan ng mga tangrib na sukatan ng pagkain ng daigdig. Lumuluha ng bulalakaw ang hatinggabi habang duguan ang buwan. Humahalakhak ang mga lasenggong dayuhan, at wika nga’y isang patak ng wiski ay makahahawi ng dagat.  Ikaw na nakatindig sa mga tinik ng kahapon ay tila paslit na nakahiga sa dalampasigan ngayong gabi—lastag ang anino na tumatakip sa hulagway ng gaya kong deboto sa mundo.

“Bantayan,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 10 Disyembre 2011.
Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers