About these ads

Salita at likha ni Tomaz Salamun

salin ng mga tula ni Tomaž Šalamun na mula sa Slovenia
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA SALITA

Sumasalok ka ng tubig sa pamamagitan ng karayom,
at ang tubig ay nagiging malapot na banlik.
Itinuro mo ang punongkahoy,
at ang punongkahoy ay biglang nagliyab.
Hinati mo sa pamamagitan ng anino ang mga linya.
Binuksan mo ang pinto para sa pag-ibig at kamatayan.

JUAN

paano lumulubog ang araw?
gaya ng niyebe
ano ang kulay ng dagat?
malaki
maalat ka ba, Juan?
maalat ako
Juan, watawat ka ba?
watawat ako
tulóg ang mga alitaptap ngayon

ano ang kahawig ng mga bato?
berde
paano maglaro ang mga tuta?
gaya ng mga bulaklak
isda ka ba, Juan?
isda ako
Juan, salungo ka ba?
salungo ako
pakinggan ang agos

si juan ang bugi na tumatakbo sa kahuyan
si juan ang bundok na humihinga
si juan ang lahat ng tahanan
nakarinig ka na ba ng gayong bahaghari?
ano ang anyo ng hamog?
natutulog ka ba?

GOLEM

Malalim wari ang iniisip,
dumating ka para tanawin ako.
Tila ako sanga ng olibo—ang mukha mo.
Lumiliyab ang mga bahay sa sinag ng araw.
Nabuo ang tulay sa pagdirikit ng mga bato
at ang himpapawid ay nakatutuliro.
Hinablot ako ng mga kamay.
Naririnig ko ang kaluskos ng nakatataas.
Lumabas ang usok palabas sa akin.
Alangaang akong pumaloob sa iyo, tinikman
ang iyong prutas, saka naglaho.
Nagkamot ng likod ang tupa sa batuhan,
ang mga bintana’y pinunasan sa pananaginip.
Bumuhos sa akin ang matamis na pagsasanay.
Ikinawing ko ang iyong tarangkahan.
Pinawi ko ang itim, malasutla’t maingay
na bulwagan ng iyong mainit na hininga,
at nabatid na pansamantala ang buhay.

Der Golem, mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

"Der Golem," mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

About these ads

Simula at mga tula ng paglaya, ni Ibrahim Nasrallah

Salin ng mga tula ni Ibrahim Nasrallah, batay sa bersiyong Ingles nina Ibrahim Muhawi, Omnia Amin at Rick London.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TULIRO

Noong unang panahon,
ani mga kabayo, kailangan namin ng kapatagan
ani mga agila, kailangan namin ng mga bundok
ani mga ulupong, kailangan namin ng mga lungga
ngunit nanatiling tuliro itong sangkatauhan.

MGA ARAW

Sa unang araw,
pinigil ko ang kamay nang buksan ang kabaong
kaya binigyan nila ako ng pumpon ng bulaklak
Sa ikalawang araw,
pinigil ko ang kamay nang mag-alay ng bulaklak
kaya ipinadala nila sa akin ang isang kabaong
Sa ikatlong araw, sumigaw ako nang ubos-lakas,
Gusto ko pang mabuhay!
kaya pinadalhan nila ako ng isang pumapatay.

MGA MAKATA

Sa marikit at malayong lungsod
doon sa bakurang hitik sa mga damo
umaawit ang lahat ng bagay
at lahat ng nilalang ay sumasayaw.
Hilingin mo, aniya, na maisayaw
ang Palestinang iyan.
Nahiya ako.
Aniya’y kung mabibigo ang mga makata
ay walang matatamo ang daigdig na ito.

KUMPISAL

Oo,
ang bahay ay libingan na may pinto at bintana,
ang silid-tulugan ay kalahating lambong,
at ang higaan ay kalahating ataul.
Ikaw, babae, at wala nang iba pa,
ang tanging makapagpapabago ng tagpo.

KAMUSMUSAN

Tatlong munting pangarap
ay ulilang naglandas sa gabi,
naghahanap ng tahanan
nang sandaling ang mga bala’y
dinudurog ang puso ng bata.

MGA SIMULA

Kapag ang lahat ng ibon sa mundo’y sama-samang pumagaspas
bilang isang lawas, kapag ang mga bukál at batis ng kabundukan
ay natipon sa maalikabok na palad,
kapag tumakbo ang tao’t sumunod sa kaniya ang mga punò
at kubling kinabukasan,
kapag naging payak ang daigdig
at makasasampa ako sa mesa sa opisina ng arawang balitaan
at mabibigkas ang pag-ibig sa maririkit na saradong bintana,
sa magaganda at masasamang pinturang nakadikit sa dingding,
kapag malaya akong makapag-iiwan ng halik sa pisngi mo
sa harap ng publiko,
kapag makababalik ako nang kasama ka sa hatinggabi
nang walang rumorondang pulis na yuyurak sa ating katawan
para magsiyasat ng ikukumpisal,
kapag malaya tayong makatatakbo sa mga lansangan
nang walang sumisigaw na nababaliw lamang tayo,
kapag ako’y makaaawit
at makakasusunong  sa payong ng isang estranghero,
at kung siya naman ay makahahati sa aking pan-de-unan,
kapag malaya ka nang makabibigkas ng Mahal kita
nang walang takot sa kamatayan o pagkakabilanggo,
at mabubuksan ko ang bintana pagsapit ng umaga
nang hindi patatahimikin ng isang punglo,
kapag káya ko nang lumaki at tumanda
at ang mga punongkahoy ay idaragdag sa iyong kasuotan,
at mabibilang natin ang mga patak ng ulan sa ating mga mukha,
at makaaawit at makapagmamahal nang malayo sa mga sandata,
pananalakay, ligalig, at pagdakip—
isang bagong daigdig ang magsisimula,
isang bagong Inang Bayan ang tiyak na maihahanda.
Ngunit ngayon, ihahayag natin ang bagong simula sa ating pagpanaw,
isang simula ng sukdulang pagmamahal.

Hulagway ng Digmaan ni Semezdin Mehmedinovic

Mga tula ni Semezdin Mehmedinovic
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ALIFAKOVAC

Sa may silangang gilid ng Sarajevo
kipkip ng bata ang bungkos ng rosas—

Ito ang Bajram at ang munting maglalako
ay patungong libingan na hitik sa mga rosas

na kargado ng laksang uri ng mga rosas
na tulad ng libingang kahuhukay pa lamang

Gaya ng libingan sa araw nang hukayin ito,
ang bata ay pilit inaakyat ang Alifakovac

SA GILID NG BAYAN

Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang trak na labi sa nakaraang digmaan
na nauupos sa pagitan ng mga álamo.
Isang bilanggo na may mumo sa balbas
ang hinatak palabas sa dyip ng militar.
Tala-talaksan sa loob ng bodega
ang kamatayan, na singsinop ng soneto.

Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang siklistang humahagis na humatak
sa bubong ng kubol na may VULCANIZER
na nakasulat sa ibabaw niyon. At marami
pang hulagway na hitik sa kabaliwan
ang may kung anong layon at titig na malawak.
Gaya ng bubong ng mga bahay sa paliparan
na pinintahan ng pula at puting pari-parisukat.

Dalawang Tula ni Alexander Pushkin

salin ng mga tula ni Alexander Pushkin (na binabanghay ding Aleksandr Sergeyevich Pushkin), batay sa saling Ingles ni Yevgeny Bonver
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANGHEL

Sa bungad ng eden, ang mayuming anghel
Ay yukod ang ulo na labis ang ningning;
Habang ang demonyo’y malamlam at poot
Na pumapagaspas sa banging makipot.

Ang masamang loob at diwang balisa’y
Tumitig sa taas na mabuting diwa;
Ang apoy ng pilít na ginhawang taglay
Ay kanyang natalos sa unang tunghay.

“Nakita na kita,” aniyang malakas,
“At hindi nasayang ang hatid mong sinag:
Hindi ako poot sa lahat sa langit,
Hindi ako suklam sa buong daigdig.”

MGA BULAKLAK NG TAGLAGAS

Ang mga bulaklak ng buong taglagas
Ay marikit kaysa tagsibol ng patag.
Dahil mapupukaw yaong niloloob
Na napakalakas, bagaman malungkot,
At gaya ng kirot ng paghihiwalay
Ay higit ang tatag kaysa pagtitipan.

Alexander Pushkin, larawan mula sa http://www.edinformatics.com

Santa Rosalia

Nakahimlay sa matarik na yungib ang pag-ibig, at ang pag-ibig na ito ang aking tagapagligtas. Naulinig iyon ng babaeng maysakit, at napasigaw ng Hesus ko! ngunit inakala marahil na bungang-isip sa mga gabi ng deliryo. Mauulinig muli iyon ng mangangaso isang araw, at hahanapin nito ang kakatwang tinig na iniluluwal ng bunganga ng bundok. Hahalimuyak ang mga buto ng dalagang banal, gaya ng laksang rosal, alinsunod sa utos ng Maykapal. Susundan ng ginoo ang mga sariwang talulot sa bagnos, hanggang matuklasan ang pagmamahal na nakasaplot sa hiwaga ng dasal ang lastag na kalansay. Maaaring napaluha ang mangangaso, at ibababa niya ang mga buto mula sa yungib upang pagparangalan ng lungsod. Uurong ang salot na hatid ng mga pulgas at daga, uurong palayo sa nilalagnat na bayan, at ito ang paniniwalang maghahari sa kalooban ng madla. Hanggang ang likidong alamat ay maisalin sa iyong aklat at gunita. Magkakatawang tao muli ang alamat sa sandaling hindi mo inaasahan. At sa isang mabangong silid na bubukál ang dula ng paulit-ulit na pagpasok ng mangangaso sa madulas, masikip, madilim na lagusan—na naglilihim ng pag-ibig na mananatiling inmortal.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 26 Enero 2010.

“Ang Rosas at ang Mesa” ni Hugo von Hofmannsthal

Salin ng “Die Rose und der Schreibtisch” (1892) ni Hugo von Hofmannsthal, batay sa saling Ingles ni Johannes Beilharz
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG ROSAS AT ANG MESA

Alam kong hindi nahuhulog nang kusa sa bukás na bintana ang mga bulaklak. Lalo na kung gabi. Ngunit hindi iyan ang mahalaga. Isang pulang rosas ang biglang bumagsak sa harap ng aking balát na sapatos na itim, nang tumakip ang niyebe sa lansangan. Matingkad na pula ang rosas, gaya ng pelus, mapayat at buko pa, at walang halimuyak dahil sa lamig. Pinulot ko iyon, at isinilid sa munting plorerang Hapón, saka natulog sa kama.

Naalimpungatan ako pagkaraan. May bahagyang liwanag sa silid, hindi mula sa buwan, bagkus mula sa mga bituin. Nasamyo ko ang halimuyak ng maligamgam na rosas na lumulutang sa hangin, at nakarinig ng usapan. May inuusal ang palamuting Tsinong rosas  sa tinturang Vienés hinggil sa kung anong bagay. “Wala siyang panlasa, walang anumang estilo,” sambit nito, “di marunong pumili!” Na tumutukoy sa akin. “O, hindi niya dapat itinabi sa akin ang gayon!” Na tumutukoy sa buháy na rosas.

Rosas sa daang maulan

"Rosas sa daang maulan," larawan mula sa Photos8.com

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 151 other followers