Sa Bintana, ni Carl Sandburg

Salin ng tulang “At a Window” ni Carl Sandburg.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa Bintana

Itulot sa akin ang gutom,
O mga bathala na nakaupo at nag-uutos
Sa daigdig.
Itulot sa akin ang gutom, kirot, kasalatán,
Ibilibid ako sa kahihiyan at kabiguan;
Mula sa inyong mga ginto’t tanyag na pinto’y
Ibigay sa akin ang sukdol, nakapanlulumong gutom!

Ngunit iwan sa akin ang kaunting pagmamahal,
Ang tinig na magwiwika pagsapit ng takipsilim,
Ang kamay na hahaplos kapag madilim ang silid
At babasag sa mahahabang pangungulila.
Sa dapithapon, na ang mga hulagway
Ay pinalalabo ang paglubog ng araw,
Isang munting lagalag, kanluraning bituin
Ang lumitaw mula sa nagbabanyuhay na dilim.
Hayaan akong lumapit sa bintana,
Tanawin mula roon ang araw, ang anyubog ng hapon,
At hintayin at alamin ang pagbabalik
Ng aking munting minamahal.

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.

Bintana

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

"Bintana," kuha ni Bobby Añonuevo

Mabubuksan ang daigdig sa paghihiwalay ng magkapilas na antigong tabing. Gibang tahanan marahil ang matatanaw sa labas, at maalat ang bugso ng amihan. Papaloob ang liwanag sa silid, at kapag tinamaan ka ng sinag ay mapapabalikwas ka. May tilaok na kikislot sa iyong mga bituka. Ang bintana ang mga mata ng tahanan, anila, ngunit para sa iyo’y ang bintana ang mga mata ng daigdig upang makilala ka. Maririnig mo ang kaluskos at hagikhik ng mga bata sa bakuran. Kapag ipininid ang bintana, mabubulag ka rin ba? Hindi. Magbubukas-sara ang mga dahon, at ikaw ay tila huklubang babangon sa malaong pagkakahimbing, upang tuparin ang tadhana—na marahil ay may kaugnayan sa lupa, dagat, langit, at Salita.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 121 other followers