About these ads

Tagalog ng Binangonan

Ikalima sa laki ng lupain ang Binangonan mula sa labing-apat na munisipalidad ng Rizal, at maituturing na matandang pook kung pagbabatayan ang sinaunang sulat sa bato [petroglyphs] na saklaw nito. Binubuo ng 40 barangay, ang Binangonan ay nakapaloob sa sukat na 72.70 kilometro kuwadrado (7,270 ektarya) at tinatayang aabot sa halos 239,000 katao ang populasyon noong 2007 ayon sa pinakabagong census. Hango sa ugat na salitang “bángon,” ang “Binangónan” ay nagpapahiwatig na pagtindig mula sa posisyon ng pagkakahiga o pagkakadapa, at maaaring tumutukoy sa paglago ng populasyon ng mga tao. Maaaring tumukoy din ito sa pook ng resureksiyon—yamang sinakop ang Binangonan ng mga ordeng Fransiskano, Heswita, at Agustino bago ibinalik ng Agustino sa Fransiskano noong 1737—at gaya sa mga pakikidigma ay maituturing na “pook na muling tinindigan ng mga sugatang bayani.” Kung babalikan ang sinaunang tala ni Ignacio Francisco Alcina, may binanggit siyang binongan na uri ng punongkahoy na maririkit at pabilog ang dahong lungting-lungti sa unang sibol ngunit pagkaraan ay nagiging mapula, gaya ng dugo. Ang mapulang dagta nito’y hinahaluan ng suka upang makalikha ng mabisang pagkit. May tribung Binongan din na nakapailalim sa tribung Tingguian sa hilaga ng Filipinas, at kung anuman ang kaugnayan nito sa halaman ay kailangan pang saliksikin. Posibleng hango sa binongan ang Binangonan, dahil maraming punongkahoy doon na ang dagta ay ginagawang pandikit o pagkit. Samantala, isang katutubong punongkahoy na tinatawag na Kamuning Binangonan [Muraya exotica] na paboritong gamitin sa paggawa ng bonsai—dahil sa tigas ng kahoy nito’t maliliit na dahong lungti—ang animo’y sumasagisag sa tatag na munisipalidad na mabuhay sa kabila ng kahirapan at mabalasik na panahon.

Dating sakop ng Binangonan ang Angono, at nakaharap sa Lawa ng Laguna. Ayon sa mga tala nina Agustin de la Cavada at Felix Huerta, ang Binangonan ay dating bisita ng Morong at naging bukod na parokya noong 1621; ngunit may ibang tala naman na nagsasabing bumukod ang Binangonan sa Morong noong 1737. Naging munisipalidad ang Binangonan sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Bilang 40 na may petsang Marso 29, 1900, sa ilalim ng Rehimeng Amerikano. Mayaman sa mga salita hinggil sa pangingisda ang Binangonan, at ang mga mangingisda ay gumagamit ng baklád (uri ng pitak-pitak na kulungan ng mga isda na nababakuran ng lambat), pantí (uri ng lambat na ginagamit na pangaladkad sa ilalim ng tubigan at panghuli ng ayungin at tilapya), búbo (buhô o anumang pahabang sisidlang pinapainan ng darak o sapal ng niyog na pambitag ng hipon), pangáhig [pang+kahig] o galadgád (lambat na may pabigat at ikinakahig wari sa ilalim ng tubig sa tulong ng mga bangka para hulihin ang mga biya, suso, at katulad), sakág (uri ng bitag na panghuli ng hipon), kitáng (uri ng pangingisdang ginagamitan ng serye ng mga tansi at bawat linya ng tansing tinatawag na liteng ay may pain ang kawil), paluwáy (uri ng lambat na panghuli ng dalág o biya), púkot (uri ng malaking lambat na inihahagis sa laot) at dála (pabilog na lambat na may pabigat ang mga gilid at ginagamit na panghuli ng dalag o kanduli). Alinsunod sa nais hulihing isda, hipon, at iba pang lamandagat ang ginagamit na panghuli, na maituturing na likas-kayang pangingisda [sustainable fishing]. Kabilang sa mga katutubong sari ng isda na malimit nahuhuli sa lawa ang ayungin, bangus, biya, dulong, gurami, hipon, hito, kanduli, karpa, suso, at tilapya.

Bukod sa pangingisda, ang mga sinaunang taga-Binangonan ay abala sa pagsasaka, pagmamanupaktura, pagmimina ng bato, pakikipagkalakalan, pag-aalaga ng hayop, at iba pang gawaing yaring-kamay. Sa kasalukuyan, ang Binangonan ay dumaranas ng mabibilis na pagbabago mulang kalakalan at agrikultura hanggang pabahay at turismo sanhi ng pagbubukas ng daan sa Floodway mulang Manggahan, Pasig hanggang Cainta at Angono. Sa sampung nangungunang kompanyang nag-aakyat ng pondo sa Binangonan, dalawa ang may kaugnayan sa aliwan o casino; dalawa ang tindahan ng gamot; dalawa ang kabilang sa pagmamanupaktura; at dalawa ang may kaugnayan sa palupa’t pabahay. Inaasahang sisigla pa ang ekonomiya ng Binangonan kapag naipatupad ang Binangonan-Angono Coastal Road Project at Binangonan-Alabang-Laguna Ferry Project na magpapabilis umano ng pagbibiyahe ng mga tao, serbisyo, at produkto, alinsunod sa bisyon ni Alkalde Cecilio (Boyet) M. Ynares.

Masasabing hinuhubog ng heograpiya ang mga salita ng tao. Kung pagbabatayan ang pangalan ng bawat barangay sa Binangonan, mababatid ang pahiwatig o pakahulugan hinggil sa pangingisda, pangangaso o pagsasaka at maihahalimbawa dito ang sumusunod:

Ba•ngád [ST] png 1: katapangan; pagtatapang-tapangan 2: turuang hayop, gaya ng aso o kalabaw.

Ba•ti•ngán [ST batíng] png 1: uri ng bitag na ginagamitan ng lambat o tali upang ipanghuli sa mga ilahas na hayop o ibon 2: pook o puwestong pinaglalagyayan ng nasabing bitag.

Bi•li•bí•ran [bi+líbid+an] png 1. pook na pinag-iikiran ng lubid o tali 2: pagawaan ng lubid.

Bi•ni•ta•gan [b+in+tag+an] 1 png: pook na pinaglagyan ng bitag 2 pdw: nilagyan ng bitag.

Bom•bóng [bumbong] png: buho ng kawayan na ginagawang sisidlan, gaya sa tubig, suka, o barya, o kaya ay lutuan, gaya sa sinaing.

Ca•lum•pang [kalumpang] png: uri ng punongkahoy [Sterculia foetida], ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. May Calumpang din sa Lungsod Marikina, at ito ay marahil sa pagkilala sa punongkahoy na tumutubo noon sa gilid ng pasigan.

Da•rá•ngan [daráng] png 1: pook na may pagliliyab ng apoy; pook na mainit 2: lantad na pagliyab ng apoy.

Ha•ba•ga•tan [habagat+an] png 1: uri ng simoy na nagmumula mula sa hilaga, at nagsisimulang humihip pagsapit ng Hunyo. 2: pook na dinaraanan ng habagat 3: panahon ng pagdating ng habagat.

Kinaboógan [ST kina+boóg+an] png: pook na ang mga bungang-kahoy at iba pang ani ay nabubulok o nasisira dahil sa labis na pagkahinog, at hango sa salitang-ugat na “boóg” o “buóg” na ang ibig sabihin ay “nabulok, kumbaga sa prutas.”

Lí•bid 1 png: pag-ikid ng lubid o tali. 2: pnr: naiikiran ng lubid o tali.

Lim•bón-lim•bón [ST limbong] png 1: panlalansi; panlilinlang, halimbawa sa ibon o hayop 2: pook na maraming panlansi, panlinlang, o pantaboy sa ibon o hayop, gaya ng panakot-uwak.

Mam•bóg [ST] Bot png: uri ng punongkahoy na ang balát at dahon ay pinaniniwalaang nakagagamot, at ginagamit na pampawi ng kábag. May ganito ring pakahulugan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989), ngunit ang ispeling ay mambug. Magagamit ding pandiwa ang mambóg, gaya ng mambugan, magmambog, mambugin na pawang tumutukoy sa paraan ng paggamit ng mambog sa panggagamot.

Pa•la•ngóy [pa+langoy] png 1: katig na tumutulong upang maiwasang tumaob ang bangka 2: bagay na ginagamit na pampalutang, halimbawa, upang matandaan kung saan inihagis ang lambat o bingwit.

Pan•tók [ST] png: taluktok ng bundok. Sa Binangonan, maaaring ikabit din ito sa buról.

Pi•pin•dán [ST pi+pindan] png 1: nilalang kawayan, uway, o sawali na ginagamit ng bubungan habang nangingisda sa gabi ang mga mangingisda 2: pook na gawaan ng pindan. Maiuugnay dito ang isa pang salitang Tagalog, ang Napindan na maaaring tumutukoy sa “nilagyan ng pindan” o kaya’y “patungo sa Pindan.” Ang Napindan Channel, na may habang 3.4 kilometro, ang nagiging daluyan ng tubig-alat mulang Manila Bay at tubig-tabang mulang Laguna de Bay, at kasanga ng Ilog Marikina.

Pí•la-pí•la [ST píla] png: luad na malagkit, at ginagamit sa paggawa ng palayok. Dahil inulit ang salita ng salitang ugat, ang Pila-pila ay maaaring tumutukoy sa pook na sagana ang luad na sangkap sa paggawa ng palayok, banga, at katulad. Malayo ito sa pakahulugang hango sa Espanyol na ang ibig sabihin ay maliit na bateryang elektriko, o kaya naman ay hanay o hilera, gaya ng mga tao na magkakasunod na nakalinya.

Sa•páng [ST] png: uri ng punongkahoy na ang dagta o katas ng ugat ay nagbibigay ng mapulang tinà. Kung gagamitin itong pandiwa, ito ay magiging MAGSAPANG, SINAPANG, SINAPANGAN, SUMAPANG.

Ang iba pang barangay sa Binangonan na maipapangkat sa uri ng halaman o punongkahoy ay Pinagdilawan [pi+nag+dilaw+an] na hango sa luyang-dilaw, at Tayuman [tayom+an] na hango sa palumpong na mabalahibo at may isang metro ang taas, na ang katas ng ugat ay ginagawang tinà. Ang iba pang barangay na isinunod sa ngalan ng isda, ibon o hayop ay Kasile na kawangis ng igat na mula sa tubig tabang at Tabón na katutubong sari ng ibong mahahaba ang binti. Sa mga termino sa agrikultura at pangingisda, kabilang ang Buhangin [binuhangin] na uri ng maliliit na butil ng bigas, bukod sa tumutukoy sa pinong-pinong lupa sa baybayin ng lawa o gilid ng ilog; Malakaban, na tumutukoy sa sisidlan ng palay o bigas, kung hindi man sa sisidlang hugis-kahon at kahawig ng kaban; Kalinawan [ka+linaw+an], na maaaring tumutukoy sa pook na malinaw ang tubig; Kalawàan [ka+lawà+an], na pook sa gilid ng lawa o ang buong lawa; Gulód, na tuktok ng buról; at Tatalà [ta+talà], na pook na nililitawan ng mga bituin o kaya’y tumutukoy sa paghahanap ng tala. May ibang barangay na nabahiran ng banyagang termino, gaya Saról, na hango sa Espanyol na “charol” na taguri sa pinakinis na katad, at Janosa at San Carlos na pinakabagong tatag na barangay. May ibang pangalan ng barangay sa Binangonan na mahirap nang matukoy ang ugat, gaya ng Ithan [Itahan?], Kaytome [Kay + Tome?], at Rayap [na maaaring hango sa “layap” na sinaunang Tagalog na katumbas ng “likas na pagkahilig”].

Bagaman nauunawaan sa Binangonan ang iba pang anyo ng Tagalog mula sa ibang munisipalidad ng Rizal, gaya sa Angono, Antipolo, Baras, Boso-Boso, Cainta, Cardona, Jala-Jala, Morong, Tanay, at Taytay, may ilang salita sa Binangonan na partikular sa lugar, lalo yaong may kaugnayan sa pangingisda, pagsasaka, at pagluluto. May ilang pagkakataon na kahit magkalapit lamang ang mga barangay ay naiiba na ang pahiwatig at pakahulugan ng salita. Masasabing ang mga salitang taal sa Binangonan ay unti-unti nang nabubura sa alaala, yamang walang masigasig na pagtatala ng mga salita mula sa antas ng mga barangay. Ang mga salitang Tagalog Binangonan na dating hitik sa pagsasaka, paghahayupan, at pangingisda ay bibihira nang marinig, maliban sa mga liblib na looban, libis, o bundok. Ang nakapagtataka’y ginagamit pa rin magpahangga ngayon ang ilang salitang taal sa Binangonan, ngunit nakargahan na ng iba pang pahiwatig sa paglipas ng panahon. Isa pang kapansin-pansin sa Binangonan ang pagpasok dito ng mga salita mula sa iba’t ibang rehiyon, at may kinalaman dito ang malawakang migrasyon at paninirahan ng mga tao. Kung gagamiting halimbawa ang pook-web ng Binangonan [http://www.binangonan.gov. ph], mapapansin dito na kahit sa opisyal na komunikasyon ng lalawigan ay Ingles ang pinananaig at kinakaligtaan ang mayamang bukal ng Tagalog Binangonan—na maaaring senyales na natitiwalag sa sariling lalawigan kahit ang butihing alkalde nito.

Ang mga sumusunod na salita ay nakalap ko habang nakikipaghuntahan sa ilang matatandang taga-Binangonan, at hindi matatagpuan sa mga opisyal na disiyonaryo o tesawro sa kasalukuyan. Pinagpangkat-pangkat ko ang mga salita alinsunod sa larang nito upang madaling maunawaan ng sinumang tao.

HINGGIL SA PAGKAIN

A•li•but•dán [ali + butdan?] pnr 1: hilaw na sinaing, o kulang sa tubig na sinaing. Sa Ilonggo, tinatawag itong lagdós. 2: sa patalinghagang paraan, hindi pa ganap ang pagkakasanay sa talento, kumbaga sa tao, halimbawa, “Alibutdan pa ang anak mo para sumali sa boksing.”

Ba•ling•gi•yót pnr: taguri sa tao, hayop, ibon, isda, o anumang bagay na napakaliit, halimbawa, “Aba’y balinggiyot namang itong nakuha mong isda!” Sa Bisaya Romblon, maitutumbas ito sa salitang isót na panuring sa anumang maliit o kakaunti.

Bi•rí•ring•kít [bi + ri + ringkit?] png 1: biya na ibinilad sa araw at ginagawang daeng. 2: uri ng maliliit na hipon o biya na pinagulong sa arinang hinaluan ng binating itlog, at tinimplahan ng sibuyas, asin, at paminta, at ipiniprito nang lubog sa mantika upang gawing parang okoy: BIRINGKIT.

Bu•rá•ot [bu+laot?] png 1: taguri sa tao na mahilig sumabit kung saan-saan, at walang pakialam kung saan ipapadpad ng tadhana. 2: tao na mahilig manghingi nang manghingi ngunit ayaw o bantulot magbigay sa ibang tao cf: KURIPOT, SAKIM.

Bu•wí•li png, zoo: uri ng maliliit na susô na maitim ang talukab at ipinapakain sa mga itik cf: KUHÓL.

Ga•ngó png: hipong ibinilad sa araw para patayuin: HÍBI. Kung paniniwalaan ang lahok sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang “hibi” ay hango umano sa wikang Tsino. Kung gayon nga, maimumungkahing gawing pangunahing lahok ang “gango” at gamiting singkahulugan na lamang ang “hibi.”

Gi•na•mís [gin?+ tamis] png 1: kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal, at karaniwang ginagawang ulam sa kanin ng mahihirap na tao. 2: kinudkod na niyog na hinaluan ng asukal at linga, at ginagamit sa palitaw. Bagaman katunog ito ng matamis o minatamis na tumutukoy sa “dessert” sa Ingles, ang ginamis ay naiiba dahil ito ang nagiging pangunahing ulam ng ilang tao kaysa maging panghimagas lamang. Sa Bisaya Romblon, may salitang ginamós na tumutukoy sa malilit na isdang gaya ng dilis na binuburo at ginagawang parang bagoong, at ginagawang ulam kung minsang walang makain ang sinuman.

Ká•ring-ká•ring zoo png 1: ayungin na ibinilad sa araw at pinatuyo, gaya ng sa daeng. 2: paraan ng pagdaeng sa ayungin. Muling binuhay ni Raul Funilas ang terminong ito sa kaniyang mga tula, ngunit hindi pa nalalahok sa diksiyonaryo nina Jose Villa Panganiban at Vito Santos at ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino).

Ki•na•bóg [k+in+abog] 1 png: mga butil ng mais na hinahaluan ng gulay, tinitimplahan ng asin, pinakukulo sa may apog, at hinahaluan ng kinudkod na niyog cf: BINATOG. 2: pnr: mabilis na paraan ng pagluluto, lalo na ng mais na ginagawang binatog. Ang kinabóg na hango sa kabóg ay maaaring tumutukoy sa tunog ng batingting na mula sa naglalako ng gaya ng binatog. Kung ihahambing sa Binisaya, ang kabóg ay tumutukoy sa uri ng malaking paniki o bayakan, ngunit malayo na iyon sa kinabóg maliban na lamang kung isasaalang-alang ang tunog ng pagaspas ng pakpak na waring kumakabog o lumalagabog na dibdib.

Mam•ba•bá•kaw [mang+ba+bakaw] pdw 1: mangunguha o manghihingi ng isda o anumang bagay doon sa palengke o baybayin, halimbawa, “Mambabakaw muna ako sa palengke ng ating pulutan, hane?” 2: mangungupit ng isda o anumang paninda o bagay sa palengke o tindahan.

Mam•ba•bá•kaw [mang+ba+bakaw] png 1: mapang-inis o mapanglait na taguri sa tao na malimit nanghihingi ng isda doon sa palengke o baybayin, halimbawa, “Hayan, dumarating na ang mambabakaw!” 2: palaboy na pulubi, at nabubuhay sa panghihingi ng pagkain o bagay mula sa ibang tao. Isang panukalang pakahulugan ang maidaragdag sa dalawang nabanggit, at ito ay “miron sa sugalan na mahilig manghingi ng balato.” Nakabubuwisit kung minsan ang miron, lalo yaong mainit ang mata, at palaging nakalahad ang kamay kapag tumatama ka.

Mi•na•nî [m+in+anî] png. 1: kamoteng kahoy na ginagayat nang maliliit na parang mani, at ipiniprito nang lubog sa kumukulong mantika hanggang lumutong. 2: taguri sa pagmamaliit sa isang tao, bagay, o pangyayari, at may himig ng pagyayabang, gaya ng “Minani lamang niya ang pag-akyat sa bundok,” o kaya’y “Minani ni Kobe si Lebron sa basketbol.”

Pi•na•lós [p+in+alos] png: kanduli o dalag na nilagyan ng dinikdik o ginayat na luyang dilaw at dinurog na biskotso, saka iniluto sa suka, bawang, sibuyas, at sinahugan ng gata, kangkong, at iba pang gulay, bukod sa tinitimplahan ng asin o paminta. May ibang paraan ng pagluluto ng pinalos, na hinahaluan ng mga siling labuyo, at nakalaan naman para sa mga tomador. Ang ugat ng salitang pinalos ay maaaring tumukoy din sa paraan ng pagluluto ng palos na ginataan na may halong mga sili, luya, at bawang, gaya ng ginataang pananglitan (sea eel) sa Romblon.

Pu•to-ka•wa•lì [puto+kawalì] png 1: balinghoy na binalatan at ginadgad, hinaluan ng pulang asukal, saka ipinirito sa kumukulong mantika, upang gawing puto. 2: isang uri ng huwad na puto, at kinakain ng mga dukha.

Ta•la•hi•sà [tala+hisà] png. 1: taguri sa halo-halong maliliit isda na nakatumpok at ipinagbibili sa palengke. 2: sa patalinghagang paraan, taguri sa mga maralita, kung hindi man bata o maliliit na tao na magkakasama o magkakakulumpon.

HINGGIL SA TAO

A•gí•hap png 1: uri ng sakit sa balat na may pamumutlig, pamumula, at pamamaga, at karaniwang sanhi ng impeksiyon o bakterya: ECZEMA. 2: singaw sa palibot ng labi o bibig, ayon kay diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban.

A•tê png. malambing na tawag sa bata na may halong pagmamahal, gaya ng “Atê, halika nga dito at kakausapin kita.” cf: INDAY, NENE, NENENG, NINING, PALANGGA, PANGGA.

Ba•rang•kóng pnr: taguri sa binti na malaki ang masel na parang sa atleta, at ikinakabit sa tao na mahusay umakyat ng bundok.

Bím•bang png, kol: malakas na suntok sa mukha: SAPAK, UPAK—pdw: BIMBANGIN, BINIMBANG. Halimbawa, “Binimbang ni Pedro si Juan nang maasar habang nag-iinuman.”

Bi•tal-úk 1 pnr: nabulunan o nahirinan sanhi ng pagsubo ng malaking piraso ng pagkain, cf: SAMÍD. 2 png: kural ng baboy.

Bu•si•sî pnr: mapanghamak na taguri sa walang kuwenta o walang pakinabang na tao, halimbawa, “Lumayas ka, hayop na busisî sa buhay ko!”

Gu•rá•rap png 1: paniniwalang dinalaw ng kaluluwa o multo ang isang tao 2: guniguni hinggil sa isang bagay na animo’y namamalikmata ang tumitingin.

Ha•lu•gay•gáy png 1: uri ng larong pambata na pinahuhuluan kung sino sa mga batang nakahanay at pawang nakatikom ang mga palad ang nagtatago ng buto ng kanduli habang nag-aawitan ang magkakalaro 2: awit pambata na isinasaliw sa naturang laro. Muling pinauso ni Raul Funilas ang naturang salita, nang ilathala ang kaniyang aklat na Halugaygay sa Dalampasigan (2006). Wala sa mga diksiyonaryo ang halugaygay, bagaman nilalaro pa ng ilang bata ito sa gaya ng Isla de Talim.

Hu•ga•hóg pnr: maluwag at lumalaylay ang pananamit, at maituturing na masagwa, gaya ng sa rapper. Halimbawa, “Hugahóg ang porma ng Salbakuta nang magtanghal kanina.”

Ka•ri•bók pnr 1: nagkakagulo, nagpapanakbuhan, at nagsisigawan, kumbaga sa mga tao na nasindak o nag-aaway 2: labo-labo ng mga tao, sanhi ng kung anong silakbo, galit, o away. Halimbawa, “May karibok sa libis nang dumating ang magkaribal na pangkat ng mga kabataan.” O kaya’y “Kumaribok ang mga estudyante nang lumindol sa paaralan.”

Kas•lág pdw 1: bumangon at kumilos, lalo kung matamlay o tatamad-tamad. 2: banatin ang katawan para magtrabaho. —IKASLAG, KUMASLAG. Halimbawa, kumaslag ka na at maraming ka pang lalabhan, hane.” Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang “kaslág” ay may lahok na pangngalan na tumutukoy sa panakip sa ulunan, gaya ng kulandong; o kaya’y tunog na nalilikha sa pagaspas ng makapal na tela o anumang kahawig na tunog na hinihipan ng hangin. Kung gagamitin itong pakahulugan sa patalinghagang paraan, waring pagpapagpag iyon ng katawan kung hindi man pag-iinat.

La•ngán 1 pdw: ingatan at pahalagahan ang isang bagay o alaala, halimbawa, “Paglanganan ang singsing na bigay ko sa iyo,” o kaya’y “Langan mo ang bahay, hane?”—MAGLANGAN, NAGLANGAN, PAGLANGAN. 2 png: sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ang pagtuturo ng ilang gawi sa gaya ng aso o iba pang hayop, o kaya ay pagsasanay sa bata na gumawa ng ilang bagay. May bukod na lahok naman ang langangán, na ayon pa rin kay Panganiban ay tumutukoy sa “tagdan ng sibat.”

Las•dóy pnr: tawag sa lumalaylay o lumalawit na ibabang bahagi ng labi, na waring namamaga o tinurukan ng lason o botox. “Parang lasdoy ang labi ni Pops, hane?”

Lan•ti•tî png: paghipo sa dumi o ihi, gaya ng batang humihipo o naglalaro ng tae o ihi—MAGLANTITÎ, NAGLALANTITÎ, LANTIIN. Halimbawa, “Naglantiti na naman ang apo mo, hindi mo kasi hinugasan ang puwit!”

Ma•las•yó pnr: walang katotohanan; tsismis o bukambibig. Halimbawa, Tanong: “May kasama ka raw kahapon sa motel?” Sagot: “Malasyó.” Sa Tagalog Maynila, halos katumbas ang naturan na “Wala iyon!” o kaya’y “Tsismis lang iyan!” Ngunit sa Binangonan, ang “malasyo” ay sapat na upang pabulaanan ang anumang paratang o haka-haka.

Mang•gá-mang•gá pnr: malalaki ang masel sa katawan, lalo sa bahagi ng sikmura, bisig, at binti: BATO-BATO cf: ABS.

Ma•ya•ngí pnr: mayabang, mapagmataas, at maangas na tao, halimbawa “Mayangí iyang binata, hane?”

Pis•ngot pnr: pango o sarat ang ilong. Katunog nito ang píngot, na paraan ng paglapirot sa tainga, ngunit ang pisngot ay panuring lamang sa ilong.

Sa•la•páng 1 png: uri ng sibat na may pitong tulis at pitong sima, at ginagamit sa panghuhuli ng malalaking isda cf: TRIDENT 2 pdw: tao na magaling manghuli, mang-akit o mambighani ng ibang tao, upang pagkaraan ay isahan—MANANALAPÁNG, SALAPANGIN, SINASALAPANG, SUMASALAPANG, halimbawa, “Sinalapang ni Juan si Ester nang bumisita sa bahay.”

Su•bu•kán [súbok+an] png 1: pagalingan sa pagpapamalas ng agimat, mahika, at katulad 2: pook o panahon, gaya sa tuwing Mahal na Araw, na nagkakatipon ang mga tao na may agimat, o kaya’y ang mga mambabarang at katulad, upang magpahusayan sa taglay na galing o karunungang itim. Maiuugnay din ang salita sa subúkan (pangngalan) na katumbas ng “paniniktik” o subúkin (pandiwa) na katumbas ng pagsusulit o paraan ng pagtiyak sa kakayahan ng isang tao, hayop, o bagay, gaya ng isinasaad sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban.

Tu•la•tód png 1: Sa Binangonan, tumutukoy sa pinakabao ng tuhod: KNEE CAP 2: Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, tumutukoy sa kukote o puil na buto sa pinakadulong bahagi ng gulugod na malapit sa puwitan. Katunog ng tulatod ang pilantód, na tumutukoy naman sa paika-ikang paglakad sanhi ng pagkapilay o pinsala sa tuhod, binti, o paa.

Ú•log (ma•u•log) pnr: mabagal, makupad kumilos. Halimbawa, “Maulog kang bata. Kaslág!”

U•tak-bi•yâ [utak + biyâ] pnr: mahina ang isip, kung hindi man mangmang: BOBO, HANGAL, ISIP-LAMOK, RETARDADO, TANGA, UGOK.

Ya•kál pnr: maskulado ang katawan, at panlaban kumbaga sa boksing o romansa, at hango sa sinaunang pakahulugan ng uri ng matigas na punongkahoy [Hopea flagata].

HINGGIL SA HANAPBUHAY

Ak•láb pnr 1: tumatalab, bumabaón o tumatagos, kumbaga sa bala o palaso. 2: mabisa, kumbaga sa gamot o agimat—AAKLAB, PAAKLABIN, PAG-AKLAB, PAGPAPAAKLAB, UMAAKLAB. Halimbawa, “Maaklab ang gamot na nagpasigla ng aking katawan.”

A•lag-ag pnr: pagkasindak o pagkatakot, na may pakiramdam ng paninindig ng balahibo at buhok, gaya ng tao na nakakita ng multo. Halimbawa, “Alag-ag ang mga bata nang matungo sa sementeryo.”

Ba•kál png: hukay, bungkal, “Mababaw ang bakál mo. Ulitin mo!” Sa Binisaya, ang bakál ay katumbas ng “bili o pagbili,” gaya ng “Magbakal ka ng tinapay.”

Ba•ka•lán pnd: maghukay nang may tamang espasyo o maglinang ng lupa para sa pagtatanim—BAKALÁN, BABAKALÁN, MAGBAKÁL, MAGBABAKÁL, NAGBABAKÁL. Halimbawa, “Bakalan mo nga iyang lupa at tatamnan ko ng mani.”

Bal•díg pnr 1: tumatalbog, gaya ng batong pasadsad na ipinukol sa ilog o lawa 2: bumabalik ang pukol, gaya ng boomerang o eroplanong papel na bumabalik sa tao na nagpukol nito—BUMABALDIG.

Bal•díg pdw 1: patalbugin o pasadsarin ang bato o kahoy sa tubig cf BALIBÁT. 2: pumukol sa paraang magbabalik sa tao ang ipinukol na kahoy o bagay, gaya ng boomerang o eroplanong papel— BALDIGAN, BALDIGIN, MAGBALDIG, MAGPABALDIG, NAGPAPABALDIG.

Ba•li•bát pnr 1: paraan ng pagpukol ng anumang bagay, gaya ng bato o kahoy, nang patagilid at nagmumula ang puwersa mula sa pagpihit ng balakang habang pantay ang tindig ng mga paa. 2: kung sa boksing, ang suntok na pakadyot sa tadyang ng kalaban. 3: ayon sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, di-makatwirang pagsalungat.

Ba•lú•na png: telang tinahi na pambalot sa unan: PILLOW CASE, PUNDA.

Bang•kís png: paraan ng pagtali na paagapay sa dalawang pinagdurugtong na kahoy o kawayan, gaya sa katig ng bangka—pdw BANGKISAN, BANGKISIN, IBANGKIS, MAGBANGKIS, NAGBANGKIS, PABANGKISAN.

Bá•oy pdw 1: bawiin ang isang bagay na ibinigay sa ibang tao 2: sa sugal, bawiin o kunin sa kalaban ang pustang salaping natalo—BUMAOY, BUMABAOY, MAGBAOY. Halimbawa, “Bumabaoy na naman si Pedro sa kalaban dahil wala nang pera!” Halos katunog nito ang máoy sa Bisaya Romblon, na tumutukoy sa “pagwawala o pagkawala ng bait tuwing nalalango sa alak o droga.”

Ba•rá•da png: uri ng maliit na tambol na yari sa inukang katawan ng punongkahoy.

Bi•ga•tót png: hugis boteng sisidlan na yari sa nilalang kawayan, pahaba ang leeg at pabilog ang katawan, at ginagamit na panghuli ng dalag.

Buk•sók png: malaking sisidlan ng palay na yari sa nilalang kawayan at sawali, na parisukat ang bibig ngunit pabilog ang katawan, at kayang maglaman ng sampung kaban ng bigas.

Ga•ra•ú•tan png 1: bagahe; abasto 2: kargamento o anumang nakatali o nakakahong dala-dalahan ng biyahero o manlalakbay. 3: mga bagay na dala, bitbit, sunong, pasan o karga ng tao na magbibiyahe.

Ga•wá•ngan png 1: Sa Binangonan, uri ng malaking bangka na panlawa o pantubig-tabang 2: sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, ambon o banayad na ulan. Mahirap nang matukoy kung ang ugat na salita ng gawangan ay gáwang na tumutukoy sa “pag-abot ng kamay.” Kung iuugnay ang gáwang sa mga pasahero ng bangka na inaabot ng kamay ng bangkero o sinumang nasa daungan ay maaari nga. Ngunit posible rin na may kakaibang pakahulugan ang gawangan ng Binangonan dahil natatangi ang bangka na panlawa kaysa pandagat.

Há•sag png: uri ng ilawang de-gaas [na ginagamit sa pangingisda].

Hu•lò png: paanan ng bundok.

Ká•ya png: uri ng sisidlan ng isda na yari na nilalang kawayan, pahaba ang leeg at pabilog ang pinakakatawan, at ang takip ay hugis tapon na yari din sa kinayas na kahoy o kawayan.

La•ba•ngán [labang+an] png 1: mabigat at parihabang kainan ng baboy na yari sa bato o adobeng inukit ng sinsil ang loob upang paglagyan ng kaning-baboy o inumin 2: pook na kainan ng mga baboy 3: sa patalinghagang paraan, kusina o kainang marumi o tambak ang di-nahuhugasang pinggan, kutsara, tinidor, at baso. Halimbawa, “Linisin mo nga ang iyong labangan, tamad na bata ka!”

Li•bís png: Sa sinaunang Tagalog Binangonan, tumutukoy sa daungan o daan ng mga bangka. Sa diksiyonaryo-tesawro ni Jose Villa Panganiban, tumutukoy ang libís sa pinakamababang bahagi ng lupain, at iniuugnay sa padahilig na bahagi ng lupa.

Pag•kít png 1: uri ng bitag at panghuli sa ibon, na itinutulos sa lupa at may mga sangang tangkay na pinapahiran ng malagkit na dagta ng punongkahoy, gaya ng sa langka, at may tali. 2: malagkit na dagta ng anumang punongkahoy o halaman na ginagamit bilang pandikit, gaya ng rugby.

Pa•tá•bon [pá+tabon] png: 1: uling na yari sa pamamagitan ng pagtatabon ng lupa sa mga kahoy na lumiliyab. 2: sinaunang paraan ng paggawa ng uling sa pamamagitan ng pagtatabon ng lupa sa nagliliyab na kahoy o bao ng niyog, at taliwas sa pugon. 3: hinukay na lupa na ginagamit sa paggawa ng uling. 4: sa pabalbal na pakahulugan, maitataguri sa bawal na pag-ibig o ugnayang seksuwal ng dalawang tao na ang isa ay maaaring kasal na o may ibang kasintahan.

Ta•ga•pò png. 1: Sa Isla Talim, pook na inaahunan ng tao, at tagaan ng kawayan. 2: pook na pinagkukunan ng kawayan o buho.

HINGGIL SA FLORA AT FAUNA

Pung•gî pnr: putol ang buntot, kumbaga sa aso, kalabaw, at iba pang hayop. Halimbawa, “Punggi ang Doberman ko.”

Sam•pá•lok-sam•pa•lú•kan [sampalok + sampalok+an] png: uri ng punongkahoy o halamang kahawig ng sampalok ang dahon at kahoy, may maliliit na butong nasa ilalim ng dahon, at ginagamit na gamot sa hika ang pinakuluang ugat o ipinanambabanyos sa batang sipunin.

Ta•ngán-ta•ngán png: uri ng punongkahoy na may limang pilas ang dahon na gaya ng kamay ng tao, na ang dahong pinahiran ng langis ng niyog ay ginagamit na pantapal sa tiyan ng sinumang tao na kinakabagan, o kaya’y sa bahagi ng katawang makirot, gaya ng tuhod, siko, at likod cf: FIVE FINGERS, MARIHUWANA.

MGA MUNGKAHI

Kung ang layon ng kumperensiya ay tipunin ang maraming lahok na salita mula sa iba’t ibang rehiyon, ang pagpili ng mga salita ay hindi dapat matuon kung ano ang “tama” o “pormal” sa “mali” o “di-pormal.” Ang pagtatakda ng taliba sa pintuan kung alin ang marapat papasukin sa diksiyonaryo o tesawro ay magdudulot ng malaking hámon at sakít ng ulo sa mga awtoridad at naglalagay sa alanganin sa mga salitang mananatiling hanggang sa antas na pabigkas lamang. Ang dapat maging batayan ay kung ginagamit ang salita; at kung hindi ginagamit ay malinaw na hindi dapat ilahok sa diksiyonaryo.

Malaking pagtatalo rin kung ano ang dapat maging pangunahing lahok na salita sa diksiyonaryo, at kung bakit dapat maging singkahulugang lahok lamang ang iba, gaya ng mga lalawiganing salita. Isang magiging batayan ang katanyagan ng salita, ngunit ito ay magiging relatibo dahil kahit sa mga lalawigan ay maaaring iba ang kilalang salita, at ang tanyag sa kalungsuran ay banyaga sa mga taga-lalawigan.

Ang mungkahi ko’y ipasok sa diksiyonaryo kahit ang mga pangalan ng pook na hinango sa ugat na katutubong salita ng punongkahoy, halaman, ibon, hayop, o isda. Ito ay dahil ang salitang nilapian ay nagkakaroon ng panibagong pakahulugan o pahiwatig, at ang gayong pakahulugan o pahiwatig nito ay lumalampas sa pinaghanguang salita, gaya ng ipinamalas sa mga pangalan ng barangay sa Binangonan. Napananatili ang lokal na kasaysayan ng pook, at hindi mahihirapan ang bagong henerasyon sa pagtukoy ng pinag-ugatan ng kanilang pook.

Iminungkahi rin na simulan ang pagsuyod sa mga aklat, magasin, pahayagan, blog, at komiks na nasusulat sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas. Maraming salita ang hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo, gaya sa daan-daang nobelang Tagalog, Ilokano, at Bisaya, at kung pagsasama-samahin ang mga ito ay tiyak kong makalilikha ng tomo-tomong diksiyonaryo at tesawro. Pinakadinamiko ang gaya ng mga blog at pook-web, dahil halos araw-araw ay may naiimbentong salita, na kung ikokompara sa mga akda na mula sa akademya ay napakalamya, konserbatibo, at kung minsan ay tradisyonal.

Magkakaroon lamang ng problema sa paggamit ng panlapi. Halimbawa, sa Tagalog Binangonan, may gamit ang unlaping “bang–“ tulad ng “banglalaki,” bangdami,” “banglayo” na ang ibig sabihin ay “napakalalaki,” “napakarami,” at “napakalayo” ayon sa pagkakasunod-sunod. Ang “bang–“ kung gayon ay katumbas ng unlaping “napaka–“ na pasukdol, at natatangi mula sa karaniwan. Mabuting maitala kahit ang gamit ng mga panlaping Tagalog Binangonan, dahil iba ang testura ng Tagalog Rizal sa gaya ng Tagalog Bulakan, Tagalog Quezon, o Tagalog Batangas.

Ang salita, sa aking palagay, ay hindi na dapat pang ipagtanggol, para mailahok nang opisyal sa diksiyonaryo. Kung laging ipagtatanggol ang salita para mapabilang sa opisyal na gamit ay kakatwa, yamang may pangunang paghahangga sa bokabularyong dapat gamitin ng taumbayan. Nabubuhay ang salita alinsunod sa silbi at paggamit ng pamayanan, at kung hindi magagamit ang salita ay maaaring mapalitan iyon ng iba pa na kayang humuli sa guniguni ng taumbayan. Makabubuting tumanggap nang tumanggap kaysa magbawas, lalo kung mga taal na salita sa Filipinas ang pag-uusapan. Ito ay dahil walang itinatakda sa pagpapasok ng mga salitang banyaga sa korpus ng Filipino, at kung gayon, dapat higit na maging malaya ang pagtanggap ng mga salita na nag-ugat sa Filipinas upang mapanatili ang sariling atin.

Sa panig ng mga pamahalaang lokal, maimumungkahi ang pagtatatag ng lupon na binubuo ng mga tao na masigasig magtala ng mga salitang umiiral sa lalawigan, lungsod, munisipalidad, barangay, at purok. Ang mga matitipong salita ay isasailalim sa pagtitiyak kung umiiral o ginagamit nga ng mga tao, at siyang ibibilang sa kaban ng talasalitaan. Maimumungkahi rin ang regular na konsultasyon sa ibang eksperto sa ibang rehiyon, bukod sa mga dalubwika at manunulat upang matiyak at maituwid kung may pagkakamali man sa mga lahok. Kailangan, sa aking palagay, ang tangkilik ng pamahalaang lokal dahil tungkulin nito na mapanatili hindi lamang ang mga salita sa isang tiyak na pook kundi maging ang kultura at kasaysayan nito.

*Mga daglat na ginamit: ST—Sinaunang Tagalog; Png—Pangngalan; Pdw—Pandiwa; Pnr—Pang-uri; Kol—Kolokyal; Bot—Botanika; Zoo—Zoolohiya.

[Binasa sa Pambansang Kumperensiyang pinamagatang AMBAGAN WIKA na ginanap sa UP Diliman noong 5–6 Marso 2009, at itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, UP Sentro ng Wikang Filipino, at UP Kolehiyo ng Arte at Literatura]

MGA TALA
1. Batay sa saliksik ng National Statistics Office, ang Binangonan ay hango umano sa “ang lugar na binangunan ng bayan,” na tumutukoy pa rin sa paglago ng populasyon at mahihinuhang hango sa paghiwalay ng Binangonan sa Morong. Nakasaad ito sa http://www.census.gov.ph/Rizal/Binangonan.htm na hinango noong 25 Pebrero 2009. Itinatag ng ordeng Fransiskano ang parokya ng Santa Ursula sa Binangonan noong 1621. Ipinasa ang pamamahala ng parokya sa ordeng Heswita noong 1679, at pagkaraan ay ipinamahala sa ordeng Agustino noong 1697. Ibinalik ng Agustino sa Fransiskano ang pamamahala noong 1737. Ang simbahan ng Sta. Ursula ay tinatayang itinayo noong 1792-1800, at kinumpuni noong 1853 kasabay ng pagtatayo ng kumbento sa ilalim ng pamamahala ni P. Francisco de Paula Gomez.

2. Hango sa Historia de las islas e indios de Bisayas. . . 1668 tomo 1 ni Ignacio Francisco Alcina, at isinalin sa Ingles nina Cantius J. Kobak at Lucio Gutiêrrez. Muling inilathala ng UST Publishing House noong 2002. Binanggit din ni Alcina ang “binungan” ngunit mahirap nang mabatid ang ugat nito, at ipinalagay na lamang na maaaring hango iyon sa salitang “bunga” kaya ang “binungan” ay tumutukoy sa “anumang nagpapasupling ng bunga.”

3. Hango sa Otop na may url na http://www.otopphilippines.gov.ph/microsite.aspx?rid=4&provid=56& prodid=335&sec=2/ noong 25 Pebrero 2009, ngunit may tipograpikong mali, dahil nakasaad doon ang “huerta Cavada [sic]” na aakalain na iisang tao lamang ang tinutukoy. Ang tinutukoy na Huearta ay si Felix Huerta at ang tinutukoy niyang akda ay ang Estado geografico, topografico, historico-religioso de la santa Y apostolica Provincia de San Gregorio Magno, ikalawang edisyon, na inilathala sa Binondo ng (imprenta ni) M. Sanchez, 1865. Sa kabilang dako, ang posibleng tala na tinutukoy na mula kay Agustin de la Cavada y Mendez de Vigo ay ang Historia, geografia, geologia y estadistica de Filipinas na inilathala sa Maynila ng Imprenta De Ramirez y Giraudier, 1876. Makapagbibigay ang naturang mga tala ng pag-iral ng Binangonan, at maimumungkahing pag-aralang maigi pa ng mga mananaliksik at iskolar na pawang nagtutuon sa kasaysayang panlalawigan.

4. Hango sa opisyal na pook-web ng Binangonan, na matatagpuan sa http://www.binangonan.gov.ph/ at sinangguni noong 10 Pebrero 2008.

About these ads

Halugaygáy sa Panahon ng Globalisasyon

I.
Sa unang malas ay alanganin sa panahon ang iniíwang bakás ng pananalinghaga ni Raúl Funilas. Mabilis siyang mababansagan, kung hindi man mapaparatangan, na alagad ni Francisco Balagtas sa sukdulang pakahulugan, sakali’t pagtuonan ang lalim o lawak ng kaniyang  bokabularyong hango sa Tagalog-Binangonan, at wala ni sa hinagap ng mga akdemiko’t kritikong nahirati sa wika o lente ng banyaga. Kayayamutan din ang mga dalumat-pantubigan ni Funilas, lalo na ng mga tagalungsod, dahil hindi maaarok yaon sa pamamagitan ng kisapmata’t linear na pagbasang de-kahon, gaya ng matatagpuan sa mga blog sa internet at karaniwang rebyu ng aklat sa mga diyaryo. Dagdag pa’y malikot ang pananaludtod at pamamarirala ng makata, at tiyak kong ikagugulat yaon ng sinumang magbabasa ng tula sa unang pagkakataon; o kaya’y nasisiyahan lamang sa mga tula ng ilang makatang ang tinutumbok ng tula’y kalungsuran, kalibugan, at kahungkagan ng pag-iral.

Ngunit sadyang naiiba ang laláng ni Funilas.

Kuha ni Beth Añonuevo

SA DALAMPASIGAN, kuha ni Beth Añonuevo

Masasálat ang kaniyang lakas ng loob bilang makata sa paggamit ng mga salitang unti-unti nang nabubura sa gunita ng bansa, at siyang nakapaloob sa lawás ng wikang pumipintig hangga ngayon sa Talim, Binangonan, Rizal. Ang paggamit ni Funilas sa wika ng kaniyang sinilangang bayan ay tila pagsisikap na ring makipag-usap ng makata sa sariling kababayan, sa wikang kanilang kapuwa nauunawaan at kinalulugdan. Sa gayong pagkakataon, ang diskurso ay maaaring sipatin sa M (Makata) + B (Binangonan) o pabalik. Kumukuha ng lakas at konsepto ang M doon sa B, habang ang B naman ay iniaangat ng M sa sariwang kabatiran sa sandaling matuklasan ng B ang mga dinamikong nagaganap sa loob ng tulang likha ng M. Nabubuo ang diskurso sa panig ng M at B, mula sa saligang sistema ng komunikasyong magkakaunawaan ang bawat isa. At tumataas ang kabatiran ng B mula sa pambihirang pag-akda ng M, o kaya’y tumatalas ang M dahil nagmimistulang kritiko at konsumidor ang B mula sa mga tulang nililikha ng M.

Lalawak pa ang diskurso kung ang mga konsepto’t tekstong dáting nakapaloob lámang sa ugnayang M + B = MB ay iugnay sa malawak na bansa, at ang nasabing bansa naman ay tumugon nang may pag-unawa, sakâ pumaloob sa naturang ugnayan. Sa nasabing yugto, ang M (Makata) + B (Binangonan) o vice versa  ay magiging M (Makata) + B (Binangonan) + F (Filipinas) = MBF. Ang wika o dalumat na huhugutin ng “Makata” doon sa “Binangonan” ay hindi lamang aalingawngaw o kaya’y magbabalik sa nasabing pook, bagkus ay huhulagpos palayo roon, tungo sa malawak na kamalayan ng “Filipinas.” Matagal na proseso ito, ngunit hindi imposible. Ang kahandaan ng Filipinas ay maaaring magsimula sa mga tulang lilikhain ng Makata, at kung gaano kabukás ang Makata na papasukin ang Filipinas sa láwas ng diskurso’t ugnayan ng M + B. Ang B ay maaaring maging metonimiya-kung hindi man mikrokosmo-ng F, alinsunod sa alkimistang pag-akda ng M. Ang B ay hindi lamang mananatiling B, at ang F ay hindi lamang mananatiling F, ayon sa sinaunang pagkakilala nito sa kani-kaniyang sarili. Ang pagsasalikop ng B at F ang pinakamahalagang yugto ng diskursong panghihimasukan ng M. Na bagaman nababawasan nang bahagya ang B sa pagpapaubaya nito sa malawak na F, at kumikitid o lumiliit ang F dahil sa pagpaloob nito sa B, tumatatag pa rin ang B dahil sa kodipikasyon nito sa loob ng F. Lumalalim din ang F dahil sa bukod-tanging ambag na pampanitikan ng B, at may kaugnayan dito ang masining na pagsasatula ng M, na tulad ni Funilas.

Sa kabilang panig, ang ekwasyong M + B + F = MBF ay maaaring madagdagan pa ng mga salik. Una, ang panahon na kinapapalooban ng M, at kapuwa pinagdaraanan ng kabuuang B at F. At ikalawa, ang kasaysayan ng panitikang pinagdaanan ng B at F, at ang pag-akda ng M. Kung isasaalang-alang ang gayon, masisipat ang ekwasyon bilang M (P+KP+A) + B (P+KP) + F (P+KP). Na ang “M” ay tumatayong “Makata,” ang “P” ay “Panahon,” ang “KP” ay “Kasaysayan ng Panitikan,” ang “A” ay ang “Akda o ang Pag-akda,” ang “B” ay “Binangonan,” at ang “F” ay “Filipinas.” Ibinukod ang P bilang kasaysayan sa KP na Kasaysayan ng Panitikan, dahil ang panitikan-pampook man o pambansa-ay may bukod na agos, at maaaring hindi tuwirang sumabay sa agos ng Kasaysayan. Kung babalikan ang mga tula ni Funilas, ang “Binangonan” ng makata ay maituturing na “Binangonan” sa realistikong pagtanaw, sa isang panig. At sa kabilang panig naman ay maaari ding iba sa “Binangonan” na kilala ng nakararami, bagaman posibleng matalik sa puso at isip ng mga taga-Binangonan mismo. Lumilikha ng sariwang pook at panahon ang makata mula sa pinagbatayang pook at kasaysayan. Nagluluwal din siya ng mga tauhang hinugot sa guniguni, ngunit hiningahan ng sining upang makairal sa bagong realidad. Ang bukod na realidad ng “Binangonan” ng makata ay maipapanukalang hindi dapat itumbas lamang nang tuwiran sa realidad ng “Binangonan” ayon sa daloy ng kasaysayan. May panghihimasok na ginagawa ang makata sa kaniyang pinapaksa, at ito ang dapat titigan nang maigi.

Kayâ hindi mananatili at hindi dapat manatiling lihim o sarado ang diskurso sa panig ng Makata at ng Binangonan lamang. Naiuugnay ng makata ang kaniyang tula-hindi lamang sa kaniyang lalawigan bagkus maging sa bansa-kung magkakapuwang ang bansa na alamín, suriin, at timbangin ang anumang inihahatag ng makata sa pamamagitan ng pintungan ng salita o dalumat na kusang-loob na ipahihiwatig o isinasaad niya sa masining na paraan. Makatutulong din sa mambabasa ang mapagkakatiwalaang diksiyonaryo o talasalitaan, ang mga saliksik sa kasaysayang pampook ng Lalawigan Rizal, at iba pang tala mula sa tradisyong pabigkas. Hamon din ng makata sa mambabasa ang pagbabalik sa poetikang tradisyon ng Tagalog, at mula rito’y mababatid kung saan nagmumula at tumutumbok ang makata sa kaniyang pagsunod, paggagad, paglihis, o pagsuway sa mga nakalipas na makata. Para kay Funilas, hindi mahirap unawain ang kaniyang tula. Kinakailangan lamang na handang magtaya ang mambabasa sa teksto, bago mabuo sakâ maunawaan ang diskurso, sa panig ng makata at pook, o sa panig ng tula at mambabasa.

Ang panitikan at wikang nagmumula sa Binangonan ay maituturing na “panrehiyon”-at malayo sa sentro ng kapangyarihan-dahil alanganin yaong Tagalog at Filipino na batid ng nakararami, at hindi nakapailalim sa taguring “Imperyalistang Tagalog-Maynila” na mahilig isakdal ng mga politiko at akademiko, kung hindi man panitikerong politiko, mulang Visayas at Mindanao. Naiiba ang tabas at puntó ng Tagalog-Binangonan na malayo sa Tagalog ng Batangas, Bulakan, at Maynila ngunit may pagkakahawig nang kaunti sa Tagalog-Laguna. Masasabi rin na pawang “lalawiganin”-kung sisilipin sa anggulo ng metropolis-ang wika at dalumat ng Binangonan. Ang nasabing taguri ang bagaheng maituturing upang mabansagang sinauna ang mga tula ni Funilas at siyang malayo sa tunog rap, rock, at pop ng lungsod. Maraming salita’t dalumat mulang Binangonan ang binanggit ni Funilas at hindi pa nailalahok sa diksiyonaryo, bagaman malimit gamitin pa rin sa Binangonan. Walang pasubaling dumaan sa pagbabago, panghihiram, at pagtanggap ang wika ng Binangonan; at huwag asahan ang purong Tagalog nito. Subalit higit pa rito, ang panitikan lalo sa laráng ng tula ay hindi pa natitipon at naitatala nang ganap. Mababanggit ang mga bigkasan ng tula sa plasa doon sa Binangonan noong dekada 1950-1970, at malimit maganap tuwing may pista, halalan, o koronasyon. Bukod doon, wala nang maririnig o mababasa pang tula hinggil at mula sa Binangonan, na sinulat ng taga-Binangonan.

II.
Ang Halugaygáy sa Dalampasigan ang masasabing kauna-unahang solidong koleksiyon ng tulang umiinog sa  tubigan, partikular sa Lawa Laguna, at sa kaligiran ng Talim, Binangonan. Ang mga hulagway at dalumat na ginamit ni Funilas ay katatakutan ng mga hindi nagbabasa ng panitikang Filipino. Mababanggit si Ildefonso Santos at si Alejandro G. Abadilla na pawang lumikha rin ng mga tula noon hinggil sa dagat, o ang mga tulang may bahid ng politika’t ideolohiya na gaya ng kina Rio Alma, Teo T. Antonio, at Edgardo B. Maranan. Mababanggit din ang mga ambag na tula ni Tomas F. Agulto hinggil sa kaniyang mga karanasan bilang mangingisda sa Bulakan man o Batanes. Ngunit ang kay Funilas ay naiiba dahil sa taglay nitong dupil at konsentrasyon sa paghuli ng hulagway sa estatikong yugto kundi man sa sinematograpikong pagdulog-ayon sa punto de bista ng karaniwang mangingisda-samantalang gamit ang wika ng Binangonan. Ibang-iba ang hagod ng wika ni Funilas; at bagaman mapaglaro, magaspang at nagmumurang kamatis kung minsan ay kakikitaan ng kinang na maitatambis sa Tagalog-Bulakan-Maynila nina Alma, Antonio, at Agulto. Pansinin ang “Bumbón” ni Funilas:

Mga dulong yangkáw ng puno sa gubat,
May putok-putukan, dalingdinga’t kilap;
Sa dalampasigan ito’y ibibilad
Layong pahulasin ang sariwang katas.
Bibilang ng linggo’t dahon ay babagsak,
Iisa-isahing sa lupa’y ihampas;
Tuloy sa garoteng may aserong kawad
Molete’t baketeng hahapit ay lakas.
Katulad ng paldang pansayaw ng dilag,
Adorno ay yunot. Kung ito’y ibagsak
Sa rabaw ng lawa’y dito namumugad
Ang tagunto’t ulang na humuli’y salap.
Isang palakayang maraming humamak,
Mula nang mauso ang surong panuwag.

Sa unang malas ay napakahirap ng tula. “Mabibigat,” wika nga, ang mga salitang ginamit ng makata, at walang maiintindihan ang tagalungsod dito lalo’t hindi basta matatagpuan sa diksiyonaryo ang ilang salitang binanggit. Ngunit kung uuriin, maaaring pagpangkat-pangkatin ang mga salita, upang madaling maunawaan. Halimbawa, uri ng mga punongkahoy ang “putok-putukan,” “dalingdingan,” at “kilap.” Tumutukoy naman ang “yangkáw” sa dulong bahagi-kung hindi man duklay-ng punongkahoy o kawayan na babád sa ilalim ng tubig. Mahihinuha naman ang “pahulasin” na katumbas ng “tanggalin” o “paagusin” ang katas, at maiuugnay sa “pagbibilád” o “pagpapatuyo sa init ng araw.” Magkaanak naman ang mga salitang “taguntón” at “ulang.” Uri ng hipon ang “taguntón” na naninirahan sa tubig-tabang; samantalang kauri ng “sugpô” ang “uláng” ngunit sa tubig-tabang imbes na sa tubig-alat nabubuhay. Magkakaugnay ang “garote”(garrote), “molete” (muleta), at “bakete” (baqueta) na pawang hango sa Espanyol, at ginagamit na pampiga sa punongkahoy. Tagalog ang “yúnot” na tumutukoy sa magagaspang na himaymay o bunót, ngunit sa pakahulugan ng makata’y  katumbas ng “itim na lubid na pantubig.”  Namumukod ang salitang “rabáw,” dahil hindi ito Tagalog bagkus Ilokano, at tumutukoy sa pinakaibabaw ng anumang bagay. At maitutumbas naman ang “suròng panuwag” sa hugis-kutsarang panalok ng mga isda at hipon. Kung babalikan ang diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban, ang “surò” ay mula sa sinaunang Tagalog, at katumbas ng “kutsara.” Kaugnay ng nasabing palakaya ang “sálap” na isang uri ng panghuli ng hipon at dulóng.     

Matapos balikan ang mga pakahulugan ng nasabing salita’y madaling mauunawaan ang pahiwatig ng tula. Inilarawan sa tula ang proseso kung paano gumagawa ng “bumbón,” mulang pagpili ng punongkahoy at pagpapatuyo nito sa sikat ng araw, hanggang pagpiga rito at pagdidisenyo ng lubid o bunót. Iniiwan ang nasabing bitag sa laot, upang pagpugaran ng hipon o uláng. Babalikan yaon ng mangingisda sa tamang sandali, upang mahango ang huli. Hinahamak umano ang bumbón bilang panghuli ng hipon o ulang, at nalaos nang mauso ang higit na mapanalasang “suròng panuwag.” Kung titingnan ang anyo ng tula, ang paghahanay ng mga taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma ay tila paggagad sa anyo ng bumbón. Maitatanong: May mahirap ba sa tula? Ang sagot: Wala. Maaaring mahirap sa unang basa ang tula dahil sa malalalim na salitang ginamit. Ngunit kung taal na taga-Talim, Binangonan ka’y karaniwan lamang ang mga salita, at mauunawaan ang diskursong isinasaad ng tula.

Mahihinuhang ang personang nagsasalita sa tula (at bukod sa makata) ay isang mangingisda, at alam kung paano manghuli ng hipon at uláng. Ang paglalahad ng paggawa ng bumbón ay tila pagtatangka na ring ilantad ang dáting gawi ng mga mangingisda. Na nalilimutan na sa ngayon, at kakaunti na lamang ang nakagagawa nang mahusay. Ngunit higit pa rito, ang pagpapagunita sa mga taga-Binangonan hinggil sa bumbón ay pagpapataas na rin ng diskurso hinggil sa sinauna ngunit mabisa at tapát sa likas-kayang pangingisda kompara sa mapangwasak at mapanghamig na uri ng pangingisda. Binubuksan din ng tula ang landas upang ipaalam sa Filipinas na may paraan ng paghuli ng hipon o uláng na hindi kailangang wasakin ang paligid. Sa naturang paraan, umaangat ang salitang “bumbón” mula sa abang kalagayan nito sa Binangonan tungo sa malawak na laráng ng Filipinas, at maaaring makargahan pa ng panibagong pahiwatig o pakahulugang maiuugnay sa bitag o palakayang ginagawa ng makapangyarihang puwersa sa pamahalaan o negosyo at bumibigkis sa isip o loob ng mga tao upang patuloy na madusta ang mga ito. Hindi kailanman nakamamatay ang paggunita, maliban na lamang kung ang gunita mismo ay dati nang bilibid ng malabo at makapangyarihang puwersa, gaya ng kolonyalismo sa ngalan ng globalisasyon, at siyang mapagdududahan kung pilit sasandigan.

Hindi lahat ng tulang may timpla ng tubigan ay nakatuon lamang sa Lawa Laguna. Sa tulang “Pag-uwi sa Pulô,” matatagpuan ang masinop ang pagkakapili ng mga hulagway sa kaligiran at ng katumbas nitong pahiwatig sa kalooban ng tao. Ang gayong taktika ay tila mula sa sinematograpo, at kapupulutan ng aral sa pagtula:

May kulimlim ang banaag
Ng pag-asang kumakalat
Sa kapusuran ng dagat.
Kahit anong pagsisikap,

Ang kutitap nito’y walang
Aranya ng mga talang
Tatanglaw sa pagpapalang
Isasaboy ng tadhana.

Ang dalít na saknungang ginamit sa tula’y nagpapatingkad sa pahiwatig ng unti-unting pagkaupos ng pag-asa sa paligid at ilalim ng dagat. Ang kombinasyon ng “kulimlim,” “banaag,” at “pag-asa” ay pumapaloob sa mataas na dimensiyon kapag idinugtong sa “kapusuran” (ka+pusod+an) at “dagat.” Ang “kapusuran” na tinutukoy ay mahihinuhang hindi lamang tumutukoy sa ilalim ng dagat, bagkus maging sa kaugnay na búhay (kapusod) sa loob ng dagat o sa kaligiran ng nito (pulô). Kung babalikan ang personang nagsasalita sa tula, maaaring siya mismo ang “kapusod” ng dagat, at ang tahimik na saksi sa pagbabanyuhay ng dagat. Mahiwaga ang “isasaboy ng tadhana” at kung idurugtong iyon sa “dagat” at “kapusod” ang positibo sanang resulta ng “pagpapalà”-na maaaring masaganang biyaya ng dagat o karatig-pook nito-ay mauuwi sa wala. Ang pag-uwi ng persona doon sa pulô ay nakargahan ng iba pang pahiwatig, at ang dating elegansiya ng tanawing pangnayon (“aranya ng mga tala”) ay napawing bigla sa kung anong dahilan. Ang gayong pangyayari’y maaaring pahiwatig ng di-pagkilala sa personang umuuwi sa pulô. Ang persona ay mahihiwatigang hindi na kilala ng pulô o ng dagat. At ang kalungkutan ng kaligiran ay masisipat na ekstensiyon lamang ng kalungkutan sa loob ng persona. Ang nasabing tula’y nagpapagunita ng isang matandang kawikaan: “Ang tubig ma’y malalim/ Malilirip kung lipdin,/ Itong budhing magaling,/ Ang maliwag paghanapin.”//

Mapagtatakhan din kahit ang pagpili ng hulagway ni Funilas, at lihis sa inaasahan ng mambabasa. Maihahalimbawa ang “Habilin ng Ama sa Kaniyang Anak na Mangingisda”:

Huwag kang iiyak, anak,
Kung ang luha’y walang dahil,
At mata’y nagbabalatkayo.
Hayaan mo na lamang
Na lumuha ang mga alon.

Napakapayak na pangaral iyon, sa unang tingin. Kung uuriin nang mabuti’y malalim ang pinag-uugatan ng sinasabing “luha” at mahihinuhang hindi dapat iyon itumbas sa gaya ng “luha ng buwaya” na may bahid ng pagtataksil at panloloko. Mahalaga kahit ang “luha” at hindi dapat inaaksaya iyon sa gaya ng paiyak-iyak na pag-arte mula sa isang tao na laki sa layaw. Kagulat-gulat din ang “pagluha” ng mga alon, at sa iba’y higit na pipiliin ang pagluha ng “lawa” o “dagat.” Gayunman sa tula ni Funilas ay ibinubukod ang mga alon bilang may sariling pag-iral, at maihihiwalay sa pag-iral ng “lawa” o “dagat.” Ang “lawa” o “dagat” ay mahihinuhang ang kabuuan ng mga alon; at ang alon ay maiisip na ekstensiyong metonimiya ng tubigan. Ang gayong pananaw, ayon na rin kay Funilas, ay itinuturing ang tubigan bilang uniberso, at ang mga alon ay bahagi lamang ng nasabing uniberso. Kung gayon nga, ituring mang “Maykapal” ang tubigan, ang mga alon naman ang magsisilbing mga nilalang ng nasabing “Maykapal.” Magbabago ang mga alon at mawawala, ngunit magbabalik nang paulit-ulit sa dalampasigan, ayon sa simoy ng panahon. Ang pamagat ng tula ni Funilas ay isa pang susi sa pag-arok ng talinghaga. Ang ama ay isa lamang alon sa malawak na uniberso ng tubigan. At ang kaniyang pangangaral sa anak ay pagpapagunita ng mga halagahan hinggil sa “katapatan,” “pag-ibig,” at “sakripisyo,” tulad ng pag-akò ng ama sa kalungkutan o responsabilidad.

III.
Sabihin nang sinauna si Funilas bilang makata, ngunit pasusubalian yaon ng kaniyang mga eksperimentasyon sa pananaludtod. Batid ng makata hindi lamang ang tradisyonal na awit, gaya ng kay Balagtas, bagkus maging ang sari-saring pagdulog sa ambahan, blues, dalít, ghazal, rondel, sestina, soneto, tanaga, villanelle, at iba pang anyo. Idinidisenyo rin ni Funilas kung minsan ang kaniyang mga tula na magtaglay ng panloob na tugmaan-bukod sa tugmaang wagás, pantigan, tudlikan, at karaniwan-at ipagmamagara ang kaniyang bersiyon ng tumbalik tugmaang pinauso ng kaniyang kaibigang makata. Sa tumbalik tugmaan, ang mga katinig at patinig ng isang salita ay binabaligtad, gaya ng “lakás” na maitutugma sa “kalás” o “sakál.” Ngunit sa panig ng “kalás” at ng “sakál,” higit na mataas na antas ang “sakál” dahil sa katangian nitong ganap na mabaligtad ang “lakás” mula man sa katinig o sa biswal na anyo ng salita.  Ang agimat ng tumbalik tugmaan ay nasa pagpili ng salitang kapag pinagpalit ang mga katinig at patinig ay nagluluwal ng kakaibang hulagway at pahiwatig. Halimbawa, ang “ilog” ay maipapares sa “golì” na balbal na salita, at sa “ligô” na mula sa Tagalog. Paghambingin ang dalawang rendisyon ng tumbalik tugmaan sa “Aldabis Balantok Takloban” at “Tumbalik” ni Funilas. Kung maluwag ang taludtod ng una’y napakasikip naman ng ikalawa, ngunit kapuwa nagtataglay ng indayog sa pandinig at paningin (kung isasaalang-alang ang tekstong pasulat). Marunong ding gumamit si Funilas ng pinakamasikip na tatluhang pantig na taludtudran, at mababanggit ang “Pana sa Lawa.”  Ang kakatwa’y ipinapares pa ni Funilas ang mga banyagang padron ng tula doon sa dalumat ng pangisdaan at kaligiran ng Binangonan, at nagbunga yaon ng espiritung makalalasing sa makikinig o magbabasa. Mahilig din sa akrostik ang makata, at isa sa mga paborito ko ang “Panganay sa Panginay,” na ginamit ang salitang “Balagtas” na akrostik sa simula at dulo ng taludtod. Maikokompra iyon sa pasiklab na “Sigaw,” na ginamitan ng karaniwang akrostik ang mga unang titik ng mga taludtod, samantalang tumbalik akrostik naman ang nasa dulo ng bawat taludtod. Ang totoo’y karaniwan lamang noon ang paggamit ng akrostik sa mga tulang pambigkasan sa Binangonan. Sa paglipas ng panahon ay tila nakaligtaan na ito, at kahanga-hangang ibinabalik ni Funilas sa higit na masiklab na eksperimentasyon.

Uyamin si Funilas na pangnayon ang kaniyang sensibilidad, at tiyak kong ngingitian lamang niya iyon. Hula ko’y lulusog pa ang pagbasa sa kaniyang mga tula dahil sa gayong pang-aasar. Bakit? Madulas ang karamihan sa mga tula ni Funilas, at mahirap ikahon iyon sa mga pagbabansag-na gaya ng “tradisyonal,” “moderno,” “postmoderno,” at “postkolonyal” na pawang matatagpuan sa mga teksbuk sa kolehiyo-nang walang matibay na sandigan.  Lalansihin ng makata ang kaniyang mga mambabasa sa mabini ngunit payak na paraan ng paglalahad, upang gulatin pagkaraan sa wakas. Maihahalimbawa ang “Kitáng”:

Binagting ang liténg na dinampulayan,
bawat isang dipa’y may lawit na sima-
isang palakayang ginaya ni Amba

sa mga dumayo na taga-Batangan.
Lumaganap ito’t nauso sa lawa
ng Laguna. Ayon sa mga matanda,

ito ay marangal, munting hanapbuhay
na makapupundar ng kahit na dampa
(kung magtitiyaga yaong mangingisda).

Noon iyon. Nitong nagdaang tag-araw,
huntahan sa pukás na daan “na walang
pag-asang bumalik” ang kitáng na luma;

lalo pa’t bantad na pinag-aangkahan
ang lawak ng lawa’t hindi masawata.

Ginamit sa “Kitáng” ni Funilas ang mala-sonetong balangkas na may lalabing-apating taludtod. Bawat taludtod ay lalabindalawahin ang sukat, at sunuran ang tugmaang may antas na karaniwan (abb, abb, abb, abb, ab). Wala sa tugma’t sukat ang halina ng tula, bagaman maiisip na ang tatluhang taludtod bawat saknong ay paggagad sa anyo ng serye ng kitáng na ginagamit ng mga mangingisda, samantalang ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang animo’y bangka, at lumalagom sa agos ng tugmaan. Ang gayong disenyo ay isa nang uri ng panlalasi, kayâ hindi basta mapaparatangang gumagamit lamang ng padron ng soneto si Funilas.

Sa unang malas ay nakagigitla ang mga salitang ginamit ng makata, gaya ng “liténg,” “kitáng,” “pukás,” “angka,” at “bantad.” Kahit ang “Batangan” na sinasabing pinag-ugatan ng “Batangas” ngayon, o kaya’y ang “ambâ” na tumutukoy sa “amain” o kung minsan ay sa “ama ng lolo” ay ni hindi na marahil maaarok ng moderno’t kosmopolitanong kabataang aliw na aliw sa Ragnarok at Naruto. Ngunit kung babalikan ang naturang mga salita’y karaniwan lamang iyon sa mga mangingisda at taal na residente mula sa lalawigan ng Rizal at Laguna. Tumutukoy ang “kitáng” sa uri ng pangingisdang gumagamit ng mahahabang tansî at bawat linya (liténg) ay may mga kawil na de-páin at sukát na sukát ang agwat sa bawat isa (o isang dipa, gaya ng isinasaad sa tula). Karaniwang iniiwan sa laot ang kitang, at binabalikan na lamang iyon ng mangingisda sa tumpak na oras na inaasahan niyang may huli nang mga isda. Alinsunod sa likas-kayang pangingisda ang kitáng, dahil ang mga huli nitong isda ay ayon sa laki ng páin at kawil na pinili ng mangingisda, at umiiwas hamigin ang lahat ng lamandagat na mabibitag. Kailangan ng tiyaga at pasensiya sa paggamit ng kitáng, na taliwas sa makabagong aparatong laan para sa mabilisang pangingisda.

Sa tula ni Funilas, ang personang naglalahad sa tula ay mahihinuhang may kaugnayan sa mga mangingisda. Magiging susing salita ang “amba” sa ikatlong taludtod; at kaya ang persona na masisipat na kaanak ng “amba” ang magiging saksi rin sa pagtatangkang muling gamitin ang “kitáng” sa Lawa ng Laguna. Sa himig na mapaglarawan, ang persona’y humahatak sa mambabasa na pumasok sa diskurso ng persona at ng kausap nitong mahihinuhang taga-Rizal din. Mataas ang ekonomikong silbi ng kitang noong araw, ayon sa tula. Kaya nitong bumuhay ng pamilya’t makapagpapatayo pa ng bahay ang mangingisda sa dami ng huli. Ngunit nagbago ang panahon. Ang pares ng taludtod sa pangwakas na saknong ang magpapahiwatig na “labis na kinakamkam” [ng maykaya o ng kung sinong awtoridad] ang lawa. Hindi na nagpalawig pa ang tauhang nagsasalita sa tula. Kung magagawi sa Lawa Laguna, mahihinuhang ang tinutukoy ng persona ay ang malaganap na pitak-pitak na palaisdaan; at ang walang taros na pangingisdang gumagamit ng mapanalasang uri ng kagamitang ikawawasak ng likás na kaligiran.

Ang “kitáng” sa tula ay masisipat hindi lamang sa laráng ng pangingisda; pumapaloob din iyon sa kasaysayan, kultura, at pananaw sa daigdig. Nabubunyag ang naaagnas na mukha ng lawa sa pamamagitan ng pagkawala ng kitáng. Kitáng din ang hihimok sa mga tao upang mag-usap, maglimi, at marahil kumilos nang sama-sama. Ang lunggating ibalik ang kitáng ay masasabing lunggati rin ng pagpapanibagong-anyo ng lawa. Na imposibleng mangyari, lalo’t nananaig ang puwersang pampolitika’t pang-ekonomiya sa mga lalawigang gaya ng Rizal, Laguna, Batangas, at Quezon. Kung magiging ganito ang pagbasa, tiyak kong lalagumin ng kitáng kahit ang sangang pahiwatig hinggil sa mabilis na pagbabago ng klima; sa pagkawasak ng balabal ng kalawakan; sa lumalaganap na polusyon at paglaki ng populasyon; sa labis na pag-ubos ng tubig-tabang; at sa pagbabago ng topograpiya ng buong Rizal, Laguna, Batangas, Quezon, at karatig na Metro Manila. Serye ng mga tuldok na bumubuo ng mahabang linya ang kitáng sa lawa, kung sisipatin mula sa itaas pababa. Gayunman, nakapagluluwal iyon ng kakaibang kabatiran at lumalawak na palaisipan pagsapit sa tula.

IV.
Laro, musika, at tradisyon ang tatlong inuukilkil ng Halugaygay sa Dalampasigan. Isang uri ng larong pambata ang “halugaygáy” na ginagamitan ng mutyang nakukuha mula sa malaking kanduli. May tatlong bata ang magkukutsaba upang itago ang isang mutya. Sa harap ng iba pang bata’y pahuhulaan nilang tatlo kung sino ang may hawak ng mutya, habang inaawit ang halugaygáy. Ang sinumang makahula ay siyang magwawagi. Unti-unting nalilimutan na ang larong halugaygay. Ito ay dahil na rin sa bibihira nang makahuli ng malalaking kanduli na pagkukuhaan ng mutya. Nagbago na rin ang uri ng laro ng mga bata, saka nagbago na ang panahon. Dito lamang sa Kamaynilaan, kung hindi man nasa harap ng computer ang mga bata ay tiyak na nagbababad sa telebisyon.

May laro na inihahain ang makata sa kaniyang mambabasa. At ito ang pagpapahula, kung hindi man pagdurugtong, sa inilalagdang talinghaga ng kaniyang mga tula. Ngunit kung ang orihinal na larong halugaygáy ay nakasalalay sa tsamba at pag-alam sa pahiwatig ng mukha o kilos ng nagpapahulang bata, ang koleksiyon ni Funilas ay taliwas sa karaniwang laro. Laro sa ruweda ng talino at bait ang inihahain ng aklat niya, at mahirap mahulaan yaon basta-basta nang umaasa lamang sa hula at tsamba at tadhana. Kaugnay ng nasabing ehersisyo ng isip ang birtud ng musika, at gaya ng matatagpuan sa tulang “Halugaygáy,” ang dating awit pambata o awiting-bayan ay nabihisan ng sariwang anyo pagsapit sa mga tula:

Halugaygáy, halugaygáy puwit ng Da Inggay,
Halugaygáy, halugaygáy nilusob ng bangaw.

Maiuugnay sa nasabing tula ang “Tigalpo” na bulong ng matanda upang mapagaling ang mga maysakit. Sa “Tigalpo,” ang sinaunang agimat hinggil sa panggagamot ay nabubudburan ng siste. Ang mismong manggagamot ay hindi nakagagamot ng sarili; at idinahilan pang ang plema o ubo niya’y pampadagdag ng bisa ng agimat. Ang kakatwa’y inilahad ang mga pangyayari alinsunod sa punto de bista ng isang bata. At ang mahika o himala, kung mayroon man, ay naganap sa isip ng bata hanggang sa siya’y tumanda.

Ang isa pang eksperimento hinggil sa paglikha ng musika ay matatagpuan sa “Kumukumkum.” Wala naman talagang ibig sabihin ang “kumukumkum” kung hindi ang paglalaro ng mga salita. Ang pampolitika’t pang-ideolohiyang pahiwatig ng tula ay tila ipinaskel sa serye ng mga hulagway na pawang inihuhudyat ng unang salita ng bawat taludtod. Ang nasabing mga salita’y nagsisimula sa titik K, at maaaring ipakahulugan din sa gaya ng “Katipunan” o “Komunismo” o “Kalayaan.” Ang laro ng salita at laro ng diwa sa tula ang nagpapaangat sa dáting simpleng awit:

Kumakanta ang pingkiang sibat at armas,
Kumakantang duweto ang riple at tabak;
Kumakawala’y tingga at dugong bumulwak
Kumakaway ang saksing dahong nalalagas.

Kumislot ang puso ng bawat naghimagsik,
Kumilos sa pagsulong ang paang nagputik;
Kumulapol ang dugong sa lupa’y nahasik
Kumislap ang may silaw na abuhing langit.

Mula sa payak na awiting-bayan ay naililihis iyon ni Funilas tungo sa higit na matining na politika ng pakikibaka. Na bibihirang makita ngayon sa mga kabataan, na hindi na yata marunong kahit ng karaniwang tugma at sukat.

Pinakamabigat sa lahat ang tradisyon, at siyang ipinasok ni Funilas sa kaniyang mga tula. Sinikap ni Funilas na ipakita ang nauupos na tradisyon ng Binangonan, lalo na sa panig ng mga mangingisda, sa paggamit ng sari-saring hulagway na karamihan ay taal sa nasabing lugar. Prominente rito ang hinggil sa bangka, isda, halaman, punongkahoy, ibon, insekto, kagamitan, pangisdaan, at iba pang may kaugnayan dito gaya ng tindera ng isda. Kailangan ng tiyaga sa gayong proyekto, at bibihira nang matagpuan iyon ngayon sa mga kabataang nawiwili sa “modernong” pagtula, na halos paggagad lamang sa mga segunda klaseng makata ng ibang bansa. Waring bagong diksiyonaryo ang inihahandog ni Funilas, at tila hinihimok niya ang mga mambabasa na tuklasin ang bawat salita, magsimula sa tunog hanggang sa pinakaubod nito. Maniwala man tayo o hindi kay Funilas ay hindi mahalaga. Higit na mahalaga ang halimbawang iiwan niya sa atin bilang mambabasa. At nasa atin na kung hihigtan iyon sa anumang paraan.

Hindi alanganin sa panahon ang Halugaygáy sa Dalampasigan ni Funilas. Kailangan natin ang ganitong uri ng aklat na handang magtaya, at umiba ng daan, lalo sa panahong pilit pinagpapare-pareho ang lahat-mulang wika hanggang damit tungong pananaw-at tila mga palito na nakapaloob sa isang kaha ng posporo ang lahat. Ito ang pagkakataon na matuklas ang dati nang naririyan, bagaman matagal na nating nililimot kung hindi man tinatakasan. At magaganap lamang iyon, kung sisimulan nating makipagbuno sa mga laláng at salamangka niya. Halina, at salubungin natin ng tagay ang makata ng Talim, ang makatang matalim sa lubos na pakahulugan ng sining.  

Lungsod Pasig
25 Marso 2006

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers