Sigwa sa Pulo

Kumikirot ang mga talampakan ng magkapatid na Rodrigo at Gerardo sa paglalakad sa gilid ng dalampasigan. Sinuyod nila ang buhanginan at batuhan upang makapag-ipon ng mga tulya, kapis, tirik, at tahong na ipinadpad ng mga alon. Tumindi ang sikat ng araw, at kumati ang tubig na tila ayaw nang magbalik sa pulo.

Namatahan ng magkapatid ang balsang nakapadpad sa putikan. Nakabalatay sa balsa ang ar-arosip at sakay ang tuyong palapa. Nagmadali sina Rodrido at Gerardo na magtungo roon, ngunit nagulantang sa nakita: isang lalaking may kaliskis at buntot-isda ang nakahandusay sa namumuting korales, habang panakip wari sa kabaong ang balsa.

Napako sa pagkakatayo si Rodrigo. Ngunit si Gerardo’y hindi nasindak bagkus napahalakhak. Niyakag ni Gerardo si Rodrigo sa lalaking-isda. Kumikinang sa sikat ng araw ang mga kaliskis ng lalaking-isda at nasilaw ang magkapatid sa nasaksihan. Ilang sandali pa, ang pagkamangha ng magkapatid ay nawala at parang ordinaryong bangus lamang ang nakita.

Hindi tumitinag ang lalaking-isda. Habang tumitindi ang sikat ng araw ay lalong kumikinang ang mga kaliskis na waring diyamante. Ibig sanang basagin ni Gerardo ang ulo ng lalaking-isda sa pamamagitan ng pagbagsak ng malaking bato ngunit mabilis siyang pinigil ni Rodrigo. “Huwag, kuya,” aniya, “huwag mo nang patayin ang patay na!”

Nagtalo ang dalawa kung ano ang gagawin sa natagpuan. Nagugutom na si Gerardo at naisip niyang biyakin, sa anumang paraan, ang kalahating katawan ng lalaki. Pero hindi naman niya malaman kung saan at paano ililibing ang kalahating katawan ng tao. Kapag nagkataon, ngayon lamang sila makatitikim ng isdang sinlaki ng lumba-lumba; ngunit may panganib ding pagbintangan silang salarin ng kung anong uri ng bibihirang lamandagat.

Tinawag nina Rodrigo at Gerardo ang mga magulang na sina Josefa at Luis. Nagtaka ang mag-asawa kung ano itong nilalang na nakita nila. Baka isang halimaw ito na kumakain ng bata, ani Josefa. A, hindi, baka naman isang siyokoy ito, singit ni Luis. Subalit wala siyang natatandaang kuwento ng matatanda na may siyokoy na guwapo’t makisig ang kalahating katawan, samantalang parang sa bangus ang balakang pababa sa talampakan.

Sinipa ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda. Hindi iyon nagsalita at tumulo lamang sa gilid ng bibig ang malansang laway. Sinundot-sundot ng patpat ni Rodrigo ang katawan ng lalaking-isda, at inusisa kung totoo o huwad ang katawan ng lalaki. Sinabuyan naman ni Josefa ng buhangin ang mga kaliskis, na tila nagtataboy ng masasamang espiritu. Sa huli, nagpasiya si Luis na pasanin nilang mag-asawa ang walang-malay na lalaking-isda at ilagak doon sa silong ng kanilang bahay.

NATAKOT ANG MAGKAPATID na Gerardo at Rodrigo baka pagmultuhan sila ng lalaking isda. At kung magsing iyon, baka kumalat ang lagim sa bahay, saka mabulabog ang buong baryo. Kinagabihan, pumuslit ang dalawa sa kanilang silid upang silipin ang nilalang. Akala nila’y nakakikilos na ang lalaking-ida ngunit muli silang nabigo dahil parang tuod lamang iyon. Pagdaka, sinubok duraan at ihian ni Gerardo ang mukha ng lalaking-isda.

Bumukad ang paningin, ang lalaking-isda ay suminghap-singhap na tila uhaw na uhaw. Nang mapansin ito ni Rodrigo, kinuha niya ang isang baldeng tubig sa batalan, at ibinuhos sa lalaking-isda. Ilang sandali pa’y kumisay-kisay iyon, saka nagsalita sa kakaibang wikang ngayon lamang nila narinig.

Nagsitakbo ang magkapatid, at nagsisigaw, at tinawag ang kanilang mga magulang. Ngunit nang dumating sina Josefa at Luis ay natagpuan nilang himbing na himbing ang nilalang. Tumanggap pagkaraan ng kurot at palo ang magkapatid, at sinabihang manahimik nang hindi makapukaw ng pansin sa mga kapitbahay.

Kinabukasan ay sinikap ng magkapatid na alagaan ang kanilang huli. Hindi kumakain ang lalaking-isda kahit minsang pagtangkaang subuan ng magkapatid sa pamamagitan ng patpat na may kapirasong saging na saba sa dulo. Parang baka lamang itong uunga-unga. Higit silang nabalisa dahil ang lansa nito ay waring kumakapit sa kanilang damit, o sa haligi’t dingding na pawid.

Makalipas ang isang linggo, umalingasaw ang amoy ng lalaking-isda. Nayamot ang mga kapitbahay, at inusisa ang baho sa bahay ng mag-asawang Luis. Nang mabatid ng kapitbahayan na may lalaking-isda sa silong ng mag-asawa, nagkulumpon sila sa paligid ng silong at sumilip sa mga butas ng sawali na parang nanonood ng karnabal.

Isang lola ang naghakang baka nagkatawang tao ang isda upang maghiganti laban sa polusyong dulot ng tao. Hindi, sagot ng binatang pilay; baka may gamot siya sa karamdaman ng sinumang imbalido. Sumabat ang Kapitan del Baryo at nang-usig na baka tangkang sakupin ng lipi ng lalaking-isda ang buong pulo at gawing alipin ang mga tao. May mga batang walang tigil sa kabubungisngis, at tila nakatuklas ng laruang malaki pa sa kanila. Dumating ang pastor at nagsabing kampon ng halimaw ang lalaking-isda; at idinagdag pang malapit na ang paghuhukom sa mga makasalanan. Humaba nang humaba ang usapan hanggang magtalo-talo ang mga nag-uusyoso kung ano ang gagawin nila ukol dito.

Gayunman, hindi umimik ang lalaking-isda, at humikab lamang na tila inaantok sanhi ng bigat ng kalooban

Kumalat ang balita sa buong baryo hinggil sa lalaking-isda. May dumadayong pangkat sa bahay ng mag-anak na Luis. Hindi naman magkandaugaga sina Rodrigo at Gerardo sa pakikiharap, at kung ano ang itutugon sa sangkaterbang tanong ng mga bisita. Bagaman naiinis ang magkapatid, lumuwag kahit paano ang kanilang loob dahil maraming salapi at pagkain ang iniaabot ang mga tao. Hindi naglaon, nakaipon ng yaman ang mag-anak mula sa samot-saring bigay ng mga panauhin. Nagkaroon ng sapat na yaman ang pamilya at umupa ng katulong na magbubuhos ng tubig sa lalaking-isda at maglilinis ng silong.

Habang lumalaon, higit na lumalansa ang lalaking-isda. Pag nasisikatan ng araw ang lalaking-isda, nakasisilaw ang mga kaliskis nito at natakot ang mga manonood na kung magpapatuloy ito, baka tuluyang lumabo ang kanilang paningin. Isang araw, nagtulong-tulong ang mga tao na humukay ng munting balon, pinuno iyon ng tubig, at doon inilagak ang lalaking-isda na nasisilungan ng bubong.

Hindi umiimik ang lalaking-isda ngunit mahigpit niyang minamasdan ang nakapaligid sa kaniya. Napangiwi siya sa sari-saring mata ng mga tao na para bang tinitimbang ang kaniyang kalagayan. Nagtukop siya ng tainga laban sa mga tawanan at uyam ng mga bata. Ngunit ang higit na nakatigatig sa kaniya ay kung may naglalakas-loob na haplusin siya na waring siya ang magiging tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Bawat haplos wari niya ay gumuguhit ang hapdi, at ito ang hindi niya maunawaan.

BUMUHOS ANG ULAN-BANAK, at namuo ang balaklaot sa panginorin. Dumating ang gabing bumaha kasabay ng taog. Ang balon na kinalalagyan ng lalaking-isda ay sinalpok ng malalaking alon. Samantala’y umabot hanggang ikalawang palapag ng bagong tayong bahay ng pamilyang Luis ang tubig. Hindi malaman nina Gerardo at Rodrido kung ano ang gagawin nila sa mga kasangkapang lumubog sa baha. At si Josefa’y walang patid sa kadadasal upang maligtas sila sa bagyong nagbabadyang wasakin ang kabuhayan nila.

Nagsilikas na sa bakood ang mga mamamayang naninirahan sa gilid ng dalampasigan.

Nang sandaling iyon, ang malalaking patak ng ulan ay mistulang gamot na nagpahilom sa kirot sa mga kaliskis at laman-loob ng lalaking-isda. Napasigaw ang lalaking-isda nang tumaas ang tubig. Humiyaw siya na waring hukbo ng mga kawal na nagmamartsa pabalik sa lupang sinilangan. At kumawag siya, marahan hanggang pabilis nang pabilis, animo’y iyon na ang huling paglangoy niya patungo sa malawak na karagatan.

Napansin iyon nina Gerardo at Rodrigo na nakadukwang sa bintanang maaabot na ng baha. Nalimutan nila ang ang kanilang mga basang damit, ang bigas na dapat sana’y ililikas nila sa mas mataas na puwesto, at ang pasigaw na utos ng kanilang mga magulang. Hindi nakapagsalita ang magkapatid. Ang patak ng ulang tumatama sa kanilang mukha ay mahapdi at lumalatay. Lumingon ang lalaking-isda at umungol sa magkapatid, na parang dambuhalang nakatakas sa bilangguang yungib.

Pagdaka’y lumapit ang lalaking-isda sa tabi ng bahay ng mag-anak. Umatungal siya, at itinulak ang bangkang nakataob patungo sa kinalalagyan nina Gerardo at Rodrido. Napasigaw si Josefa nang sumilip sa bintana. Nasindak si Luis at napamulagat. Naiwan ang bangka na nasalalak sa gilid ng bahay, saka mabilis na lumangoy palayo ang lalaking-isda. Kumawag siya nang buong sigla, palundag na lilitaw at lulubog, na waring sinasabayan ang hugong at elektrisidad ng mga alon.

Gubat at Langaw, ni Eliot Weinberger

Dalawang tulang tuluyan ni Eliot Weinberger.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ANG GUBAT

Kapag nasa Angola, huwag pumasok sa kagubatan ng Cokwe kung gabi. Naroon si Muhangi, ang huklubang lalaki, ang dating dakilang mangangaso, na tumatakbo nang humihiyaw sa kahuyan. Si Kanyali, na may anyo ng batang babae, ay hinahabol ang mga lagalag nang sunong ang punso ng mga anay. Si Kapwala, ang batang namumuhay sa mga butas ng mga punongkahoy, ay winawaswas ang tapi na yari sa balát ng hayop. Naroon si Ciyeye, ang naglalakad na sigâ, at si Kalulu, ang munting pulang paslit na sumisitsit sa simoy. Si Samutambieka, na di-kilalang hayop na may isang paa, isang mata, isang tainga, isang ngipin, ay tangan ang pamalong tigmak sa dugo ng mga tao. At pinakamalubha sa lahat si Nguza, ang malaking matang nakasampay sa sanga ng punongkahoy, at nakatitig.

MGA LANGAW

Hindi mauunawaan ng langaw kung paanong nagkaroon ng daigdig na hindi nito makakamit. Ang langaw na nasa ibabaw ng tae, gaya ng madalas wikain, ay nasa paraiso; at isinumpa ang langaw na nasa pulut. Ang pamaypay-langaw ni Vishnu, na yari sa balahibo ng yak, ay nagpapahiwatig ng dharma: sila at tayo at tayong lahat ay walang magagawa kundi ipagaspas iyon. Batid ng langaw ang kalugurang ipinagkakait sa mga hayop: ang makipagkarát habang lumilipad. Beelzebub, ang Panginoon ng mga Langaw. Mababaliw ang tao na may paninging kalidoskopyo gaya ng langaw; ang langaw na may paninging gaya ng sa tao ay malulungkot sa tuwid na pagtanaw. Si Apollonius ng Tyana ay pinawi ang mga langaw sa Byzantium sa pamamagitan ng paglikha ng bronseng langaw at ibinaon yaon sa ilalim ng haligi. Maaaring umiisip ng ibang bagay ang langaw, o sadyang hindi nag-iisip; hindi nito tinitingnan kung saan pupunta, at bumabangga sa iskrin. Isinapelikula minsan ni Yoko Ono ang langaw na umaakyat sa suso na parang pagsakop sa Everest. Ang mga babaeng Ruso ay iniuukit ang mga ataul sa mga nabo, at inililibing ang mga langaw. Ang langaw sa nakabukang sugat ay gumaganap ng pagiging langaw lamang, ikinasisiya ang katotohanang ang tao ay tao lamang. Si Charles Reznikoff, na binigyan ng trabaho sa Hollywood at walang magawa, ay sumulat ng mga tula hinggil sa katahimikan at pag-iisa ng mga langaw sa kaniyang desk.

Mapapanaginipan ng bata ang kaniyang sarili sa unang bersiyon ng pelikulang Ang Langaw: munting ulo ng tao sa katawan ng langaw, na nasalalak sa sapot ng gagamba, at sumisigaw: Saklolo! Mapapanaginipan naman ng matanda ang kaniyang sarili sa ikalawang bersiyon ng pelikulang Ang Langaw: Mahal pa rin niya ang naturang nilalang gaano man ito naging kasuklam-suklam.

Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.

Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]

Ang Trahedya ng Bayani sa Pangwakas na Hudhud

Kalugod-lugod na proyekto ang Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal (2009, C&E Publishing) ni Rio Alma, ang alyas ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Sa nasabing akda’y muling itinatampok ang paghahanap ng mga butil ng hiyas sa Filipinas, at tinutuklas sa tatlong pananaw ang kaakuhan ng Filipino. Sa unang malas ay nakasisindak ang pagbabasa ng tula. Una, namumutiktik ang epigrape mula sa kasaysayan, kultura, panitikan, at iba pang larang na kung hindi batid nang lubos ng mambabasa’y sisisihin niya ang angking katangahan. Ikalawa, malalim ang bokabularyo ng makata, at ang bokabularyong ito ay tinumbasan ng dalubhasang paggamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pagtula. Ikatlo, malawak ang pintungan ng pananalinghaga at dalumat ng makata, at ang dalumat at pananalinghagang ito ay pinagsamang karanasan at pag-aaral na pawang may kaugnayan sa paglalakbay sa Filipinas at ibang bansa. Ikaapat, matayog ang bisyon ng tula na lumalagom wari sa pagbubulay ng makata bilang manlilikha at tagasubaybay ng kasaysayan ng panitikan at kasaysayan ng Filipinas. At ikalima, mabigat ang panukalang pagbabago ng tula, o ng mga persona ng tula, kung paano ganap na mapauunlad ang Filipinas. Waring nilalagom lamang ni Rio Alma sa naturang akda ang lahat ng kaniyang dating ginawa sa pagtula, at anumang dagdag na pagbabago’y matatagpuan sa pinaglakip na karanasan sa pagtula ng iba pang makatang Filipino.

Sa pagsusuring ito, sisikaping ipaliwanag ang dalumat ng trahedya ng kabayanihan sa panig ng Filipinas habang tumatanaw sa konsepto ng trahedya doon sa kanluran. Ilan sa mahahalagang tanong na tatangkaing sagutin ang sumusunod: Una, paano sinisipat ng “Diwa ng Kasaysayan” ang tatlong bayani-manlalakbay sa epiko? Ikalawa, ano ang konsepto ng trahedya sa bawat personang bayani sa epiko? Ikatlo, ano ang puwesto ng kasaysayan sa pagtimbang sa bawat bayani? Ikaapat, paano lumulugar ang bawat persona-bayani sa pagharap sa itinuturing nitong kasamaan? Ikalima, ano ang konsepto ng gunita bilang lunan ng tunggalian sa buong epiko? At ikaanim, ano ang mga panukalang pagtanaw sa Filipinas na maituturing na trahedya sa mga persona ng tula?

Ang konsepto ng kasaysayan
Ipinakilala sa epiko ang “Diwa ng Kasaysayan” na matutunghayan sa pambungad, at nag-aanyaya sa mga manlalakbay na tuklasin muli ang Filipinas. Mahihiwatigan agad sa seksiyong ito ang maaaring tahakin ng salaysay. Kung ang “Diwa ng Kasaysayan” ay ituturing na isang omnisyente’t makapangyarihang tinig, ang tinig na ito ang lilitis at magpupurga sa katauhan ng tatlong personang kinabibilangan nina Aliguyon, Jose Rizal, at Kabataang Di-kilala. Ito ay dahil may kakayahan ang Diwa ng Kasaysayan na mabatid nang malawak at malalim ang Filipinas, bukod sa natatanto ang katauhan ng tatlong pilas na persona, at ang pagkakabatid sa bansa ay higit sa karaniwang maisasaad ng aklat at iba pang babasahin. Matitingnan din ang Diwa ng Kasaysayan na mahalagang bahagi ng Filipinas, bagaman hindi ito ganap na masusukat o mailalarawan o mauunawaan. Subalit madarama ang gayong diwa—sa pamamagitan ng mga hulagway, sagisag, at pahiwatig—na pawang makapagtataglay ng pambihirang hiwaga lalo na sa tatlong pilas na persona.

May anomalya agad sa paanyaya ng Diwa ng Kasaysayan. Ang “paanyaya” ay kapuwa hámon at pagsubok, at sinumang tutugon ay makaaasa na sasailalim siya sa matinding pagdalisay ng katauhan. Ang pagtugon sa paanyaya ay makapagpapahiwatig na ang kalahok ay nagtataglay ng bukod-tanging katangiang nakahihigit sa kayang taglayin ng mortal. Ito ay dahil hinihingi sa sinumang tutugon ang masigasig, matalim, at masinop na pakikipagdiyalogo hinggil sa mahahalagang paksang may kaugnayan sa kabansaan at pagkamamamayan. Makikipag-usap ang Diwa ng Kasaysayan sa tatlong pilas na persona, at tutugon ang tatlong tauhan sa magkakaibang pagdulog.  Magkakaroon ng mahabang paglalakbay na kayang sumalungat sa daloy ng panahon at espasyo, alinsunod sa lawak at husay ng imahinasyon ng makata, at makakatagpo ng tatlong persona ang iba pang tauhang magpapakilala ng iba pang pangyayaring magpapalitaw ng trahiko at heroikong aksiyon. Ang pagtugon ng tatlong pilas na persona sa Diwa ng Kasaysayan ay isa nang pagkilala at pagtanggap sa awtoridad nito at kapangyarihan. Mahihinuha rito na ang tatlong pilas na persona ay nakapailalim sa Diwa ng Kasaysayan. Ang pakikipagdiyalogo ng tatlong tauhan sa nagkatawang-tao na Kasaysayan ang masasabing paglilinaw ng kalabuan at pagtutuwid ng pagkakamali noong nakaraan—tungo sa maaliwalas na bukas at pag-angkin muli sa dating maginhawang kalagayan.

Kung ang paglalakbay sa kasaysayan ay isasadula ng tatlong persona, ang bawat persona ay magkakaroon ng tatlong magkakaibang pook, panahon, pakikipagsapalaran, pangalan, at pagkilala sa kani-kaniyang daigdig. Halimbawa, ang pook at panahon ni Aliguyon ay iba sa pook at panahon ni Rizal at sa karanasan ng Kabataang Di-kilala. Sa ganitong pagkakataon, magiging iba rin ang salalayan ng pagsuri sa katauhan ni Aliguyon sa dalawa pa niyang kapuwa manlalakbay, na ang posibilidad ng pag-iral ay magaganap hindi sa materyal na realidad bagkus sa realidad ng guniguni. Ang Aliguyon kung gayon na lumabas sa kaniyang ili at nagising sa Kadungayan, at naglakbay sa iba’t ibang pulo at panahon, ay hindi magiging pareho ng karanasan ni Rizal na umiral sa Perdido Eden at ng Kabataang Di-Kilala na naglulunggati ng Nelendangan dahil magkakaiba ang kanilang mga pook at pangangailangan, alinsunod sa hinihingi ng panahon, bagaman maisasaad din na posibleng magsalupong ang kanilang lunggati [at salaysay] sa tinatawag na Filipinas.

Ipagpalagay nang maaaring maganap ang lahat sa daigdig ng haraya, na tatawagin sa tulang “binagong kasaysayan.” Ang kasaysayang ito ay hindi makaiiral gaya ng kronika, dahil maaaring ang interpretasyon sa kasaysayan at pakikipagsapalarapan ay pinanghihimasukan ng makapangyarihan at mala-bathalang tinig na nakababatid ng kasaysayan ng Filipinas at kayang magpanukala ng pagbabago sa hinaharap, alinsunod sa pambihirang pagtanaw na Filipino sa daigdig. Sa ganitong pagkakataon, ang trahikong pagkilos ay hindi basta paggagad sa materyal na realidad—na may simula, gitna, at wakas—alinsunod sa pananaw ni Aristotle, at nilalagom ng pangangailangan at posibilidad. Ang trahikong pagkilos ay masisipat sa pakikilahok ng mambabasa sa nabubuong kasaysayan sa bawat persona; at ang anumang kakulangan o kalabisan ng bawat persona ay maaaring ipaliwanag ng pabigkas at pasulat na tradisyon ng kasaysayan at panitikan, gaya ng isinasaad sa serye ng epigrape. Si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala, samakatwid, na bagaman masisipat na higit na matimbang sa daigdig ng materyal na realidad, ay makatutulay din sa daigdig ng mito at kababalaghan.

Matatagurian ang gayon na “mala-karnabal,” kung hihiramin ang dila ni Mikhail Bakhtin. Ang mala-karnabal na tagpo ay nagbibigay ng sariwang hagod sa trahikong pagkilos ng mga tauhan, saka yumayanig sa pundasyon ng makapangyarihan, awtoritatibong tinig ng tagapagsalaysay. Pinagsasalimbay ang makabago at ang makaluma, ang katutubo at ang banyaga, ang katotohanan at ang kathang-isip, ang seryoso at ang kakatwa, ang sagrado at ang karnal. Nabubura halos ang tinig ng awtoridad, at puwedeng maganap ang lahat na parang panonood ng serye ng mga hulagway sa MTV video. Naibubukod ang tinig ng “Diwa ng Kasaysayan” at napalilitaw ang magkakaibang tinig, gunita, at guniguni nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala na pawang nakikipag-usap o kinakausap ng iba pang tauhan sa mitolohiya at kasaysayan. Ngunit higit sa kayang itakda ng Socratikong diyalogo at satirang Menippean, ang kaluluwa ay hindi lalabas ng katawan upang magtalumpati o magpamalas ng kakatwa. Ang kaluluwa ng mga bayani ay iiral sa daigdig ng guniguni o panaginip, maglalakbay sa laberinto ng kapuluan, at magtatangkang magbalik muli sa ngalan ng pambihirang resureksiyon. Ang Kadungayan ni Aliguyon ay naging katumbas ng daigdig ng buháy, at pinanatili ang pag-iral ng bait at kapasiyahan ng tao. Muling isinadula ni Rizal ang pag-iral sa kaniyang Perdido Eden, ngunit sa pamamagitan ng pakikilahok bilang aktor sa sariling mga nobela, liham, salaysay, at iba pang akda, at ang trahiko’y kinakailangan ang heroikong tatag upang makaigpaw sa dating mapagsariling pagkilos, at makilahok sa malawakang pakikibaka ng mga bagong anak ng bayan. Samantala, pambihira ang Nelendangan ng Kabataang Di-Kilala. Ang Nelendangan ni Agyu ay hindi na lamang sumasaklaw sa tribung Manobo kundi sa buong Filipinas, at may posibilidad na maaangkin ng sinumang Filipino saan man siya naroroon. Ang kakayahan ng Kabataang Di-Kilala na kumilos gaya ni Agyu sa pamamagitan ng malikhaing pagdulog imbes na madugong pakikihamok ang magtatakda sa pagkakamit ng lunggati hinggil kaligtasan ng Nelendangan, o sabihin nang “Filipinas.” Upang maganap iyon, kakailanganin din niya ang tapang ni Aliguyon at ang talino ni Rizal, ang puwersa ng mga kapuwa bayaning di-kilala sa kasaysayan at kasalukuyan, itaboy ang mga matalinghagang mananakop na Pintado o Dayo, kung hindi’y masasadlak muli siya sa mga pagkakamali na ginawa ng mga dating tauhan sa kasaysayan o alamat.

Ang sinasabing “binagong kasaysayan” ay maaaring sipatin din na kaugnay ng gunita. Gaano mapagtitiwalaan ang gunita, suhayan man ng pasulat at pabigkas na tradisyon? Ang gunita ba’y subhetibo alinsunod sa pagsagap ng tatlong pilas na persona at pinaaalingawngaw ng mga epigrape? O ito’y obhetibo na gaya ng ipinahihiwatig ng Diwa ng Kasaysayan? Maaaring magkahawig ang karanasan ni Rizal at ng Kabataang Di-Kilala, dahil maaaring ang lunan ng kasaysayan nila ay matimbang sa materyal na kasaysayan, bagaman maikakatwirang higit na mapanuri ang katauhan ni Rizal, samantalang mapagtaya at sensuwal ang katangian ng Kabataang Di-Kilala. Ngunit pagsapit kay Aliguyon ay maiiba ang pihit ng pangyayari. Si Aliguyon ay umiiral sa daigdig ng mito at alamat, at kung ipapaloob si Aliguyon sa materyal na kasaysayan ng gaya ni Rizal at sa bisyon ng hinaharap ng Kabataang Di-Kilala ay maaaring lumitaw na mabigat na pananagutan. Mabubura ang hanggahan ng mito at kasaysayan, at ang kasaysayan ay hindi dapat ituring gaya ng kanonigong kasaysayan kundi gaya lamang ng teksto hinggil sa mitolohiya at alamat. Ang paglitis kung gayon kay Aliguyon ay dapat natatangi kaysa kina Rizal at Kabataang Di-Kilala. Ang paglitis kay Rizal ay dapat itangi kina Aliguyon at Kabataang Di-Kilala. At ang paglitis sa Kabataang Di-Kilala ay dapat itangi kina Aliguyon at Rizal. Ipinapanukalang tatlo ang paraan ng paglitis sa mga tauhan dahil mahirap lapatan ng makatwiran at isahang salalayan ang paglilitis, yamang magkakaiba ang kanilang pinag-ugatan, pangangailangan, paniniwala, at pananaw hanguin man iyon sa mitolohiya o kasaysayan.

Ipinapanukala rin na ang “binagong kasaysayan” ay lunan ng tunggalian. Ito ang Kadungayan, ang Perdido Eden, at ang Nelendangan. Kung ang Kadungayan ay daigdig ng patay na kahawig ng daigdig ng tao, ayon kay Manuel Dulawan, ang Kadungayan ay maaaring sipatin bilang direktang salamin ng realidad. Ang tunay na daigdig ng tao ay walang ipinagkaiba sa daigdig ng guniguni, bagaman masasabing higit na malaya ang mga pangyayari at pagpapasiya sa daigdig ng guniguni. Maaaring ang Kadungayan ay limitado kung pagbabatayan ang epikong Hudhud, dahil ang kapasiyahan ng tao ay magwawakas sa oras na pumaloob siya sa daigdig ng mga patay—na inuulit lamang na parang sirang plaka ang daigdig ng buháy. Ang naroroon ay maaaring karaniwang mamamayan na walang heroikong katangian kompara sa bida ng mga pelikulang pantastiko, at isa lamang si Aliguyon na marapat [at may kakayahang] daanan iyon na parang gumagalugad sa Inferno ni Dante Alighieri. Ang Kadungayan ay masisipat na lunan na sasalà at pipiga sa katauhan ni Aliguyon upang mailabas niya ang kabayanihang lumalampas sa itinatakda ng laos at baryotikong pagdulog ng kaniyang ili, at ang kabayanihang iyon ay maaaring magsimula mula sa rekonstruksiyon ng gunita at reimbensiyon ng guniguni.

Sa oras na pumaloob si Rizal sa daigdig ng mito at kasalukuyan, ang Rizal na hango sa pasulat na kasaysayan ay magwawakas saka magbabago ng anyo alinsunod sa guniguni ng makata. Maaaring taglayin ni Rizal ang limitasyon ng nakaraan batay sa mga tekstong naisulat niya o isinulat hinggil sa kaniya, gaya ng labis na pagmumuni sa paligid na hitik sa dilim. Ang pagmumuni ay edukadong pagmumuni, na malalahiran ng kaniyang karanasan bilang manlalakbay at kritiko mulang Europa at iba pang lupalop tungong Filipinas. Ang Rizal sa makabagong hudhud ay magiging estranghero sa Banaue, Puerto Princesa, Cagsaua, Loboc, Davao, at iba pang pook, gayunman ay makapagbibigay ng pambihirang pagtanaw sa binubuo niyang nasyong Filipinas ng guniguni batay sa nasagap niya sa ibayong dagat at hango sa ideolohiya ng mga ilustrado-prinsipal. Isa sa mga trahedya ni Rizal ay kailangang umiwas siya palagi na makumunoy sa kaisipang Europeo sa pagbasa sa kasaysayan at karanasan ng kaniyang bayan.

Ang kaso ng Kabataang Di-Kilala ay mauunawaan sa daigdig na kaniyang ginagalawan. Halimbawa, halos madurog ang kaniyang loob habang binabalikan ang mitolohikong kuwento ni Onnawa, ang babaeng umibig saka nabuntis ng lalaking mula sa ibang tribu at kabilang sa dukhang uri, at ito ang orihinal na kasalanang nangangailangan ng kadakilaan ng loob at kagitingan sa persona upang matalikdan nang ganap. Nalalahiran ng pananaw ng Kristiyanismo ang pagtanaw ng Kabataan, at ang pagnguyngoy ay halos sumayad sa melo-dramatiko. Walang magagawa ang persona kundi humanga kay Onnawa dahil sa pagtataglay nito ng dalisay na pag-ibig at pag-ibig na walang kapara, at ang gayong paghanga ay maaaring kaugnay ng kapareho niyang karanasan sa tunay na buhay. Ang pagpaloob ng Kabataang Di-Kilala sa daigdig ng mito ay paraan lamang ng trahikong pagkilos upang suriin ang baluktot na kaugalian hinggil sa pag-iibigan ng magkasintahan, na maaaring umiiral pa rin hangga ngayon sa tunay na daigdig at panahon ng mga konyo at jologs. Gayunman, mahahanggahan siya ng damdamin kung paano magiging tagapagligtas na papawi ng “orihinal na kasalanan.”

Mahihiwatigan na ang kinathang daigdig ng Kabataang Di-Kilala ay Nelendangan na may makabagong anyo, na kapuwa nagtataglay ng mitolohiko at istorikong katangian, bukod sa lunan ng paghihimagsik ng mga inaapi at kulang-palad sa lipunan. Ang Nelendangan bilang ideal na pook ay humahangga sa diwaing utopia, alinsunod sa paulit-ulit na malikhaing pagkatha ng tao upang matagpuan ang tunay na kaginhawahan sa buong bansa.

Paghuhunos ng Hudhud
Sa pag-aaral ni Lourdes Saquing Dulawan, ang hudhud ng Ifugaw ay pahimig na mahabang salaysay ng buhay, pakikipagsapalaran, at pakikibaka ng mga bayaning kayang sumalungat sa panahon at espasyo. Maihahalimbawa ang “Si Aliguyun at si Bugan” na isa sa mga tanyag na bersiyon ng Hudhud ng Ifugaw.  Tumutukoy ang “hudhud” sa anyo at paraan ng pahimig na pagsasalaysay ng Ifugaw na kabilang sa pangkat ng Tuwali. Binibigkas nang patula ang hudhud tuwing tag-ani sa mga payyo; tuwing naglalamay sa tao na namatay nang likas (at hindi pinatay o nagpakamatay); at tuwing may bogwa na ritwal kapag may hinuhukay na bangkay.

Sa bersiyong mula kay Marcela Guminigin na isang munhaw-e (makatang tagapagsalaysay), ayon sa tala ni Manuel Dulawan, ang hudhud na “Si Aliguyun at si Bugan” ay umiinog sa pag-iisang dibdib ng dalawang tao na galing sa magkaibang lipi. Anak ni Amtalaw na mula sa Hujbitan si Aliguyun; samantalang si Bugan ang anak na babae ni Pangaiwan ng Gonhadan. Noong bata pa umano si Bugan, nakaligtaan siya ng kaniyang inang abala sa trabaho at dinagit pagkaraan ng mga dambuhalang uwak. Inilagak ng mga ibon si Bugan sa talahiban, at mabuti lamang ay natagpuan siya ni Kullaw na isang matandang naninirahan sa kagubatan. Inampon ni Kullaw si Bugan, at itinuring na sariling apo.

Lumaki si Bugan na isang marikit na dalaga. Isang araw, makakatagpo niya si Aliguyun, na isang mayamang binata mula sa Kiyangan. Manliligaw si Aliguyun at sasapit ang araw na pakakasalan niya ang dilag. Maghahain sila ng uyauy—na ritwal sa kasalan—para sa kanilang lipi. Samantala, makikilala naman ni Guminigin si Aginaya, ang babaeng kapatid ni Aliguyun at mahuhulog ang loob ng lalaki sa dalaga. Makaraan ang pista sa Hujbitan, dudulog si Guminigin at yayaing pakasalan si Aginaya. Papayag naman si Aliguyun at ibibigay ang kaniyang basbas. Magtutungo sina Guminigin at Aginaya sa Gonhadan. Magpapakasal sila, at magbibigay ng uyauy upang ipagdiwang ang kanilang pagsasama.

Ang isa pang bersiyon ng hudhud, na pinamagatang “Hudhud hi Aliguyun,” ay hitik naman sa madudugong bakbakan nina Aliguyun at Pangaiwan na siyang ama ni Bugan. Mababasa ito sa The Epics (2001) na tinipon at pinamatnugutan ng dakilang si Damiana L. Eugenio. Sa naturang bersiyon, ang magkatunggaling pamilya ay nagkabati dahil ang mga anak ng dalawang angkan ay nagpakasal matapos ang matagal na panahong bakbakan ng mga pangunahing tauhan, sampu ng kanilang matatapat na kawal. Ang pag-uugnay ng dalawang lipi ang simula ng walang hanggang kapayapaan at kaunlaran, dahil maibubuhos ang pansin sa pangangalaga ng mga lupaing maituturing na “langit sa ibabaw ng lupa.”

Kung gagamitin ang ganitong pananaw, si Aliguyon sa tula ni Rio Alma ay naglalaro sa daigdig ng mito at katotohanan, at ang kapangyarihang makapagpabalik-balik sa dalawang lunan ang magtatakda ng kaniyang kabayanihan tungo sa lunggating pagbabago sa lipunan. Maaari ding sipatin si Aliguyon sa tula ni Rio Alma na Aliguyong nagsawa na sa dating naratibo ng kaniyang lipi, at dating inihinagpis umano ni Pumbakhayon, at ang gayong pagkayamot ang lumikha ng puwang upang likhain ang bagong sangang salaysay sa buhay at hinaharap ni Aliguyon. Sa ganitong pagtanaw, sina Rizal at Kabataang Di-Kilala ang ekstensiyon ni Aliguyon upang makabuo ng iba pang kaugnay na hudhud. O kaya’y may sariling hudhud sina Rizal at Kabataang Di-Kilala na bukod kay Aliguyon, at ang naturang mga hudhud ay hindi lamang istoriko o mitolohiko bagkus kontemporaneo kung hindi man panghinaharap.

Kung ituturing naman na ang gunita ay nalalahukan ng malikhaing rekonstruksiyon ng mga posibilidad, makaiiral si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala sa dimensiyon ng mito at alamat. Gayunman, magiging limitado pa rin ang kanilang pagtugon sa inaakala nilang “kasamaan” na mahalagang aspekto ng trahedya, dahil ang tugon nila ay maibabatay sa mga nasulat na teksto at ilang kuro-kuro o tsismis pangkasaysayan. Ang kasamaan na matatagpuan ni Rizal at ng Kabataang Di-Kilala ay hindi lamang bagay na nasa labas ng kanilang katauhan, gaya ng makinarya ng kolonisasyon. Ang kasamaan ay maaaring magmula rin sa kanilang mga loob at bait, at ang loob na ito ang magiging lutuan ng iba’t ibang karanasan, batay sa pagkatha ng makata. Sa ganitong pagkakataon, maaaring hangaan si Rizal at ang Kabataang Di-Kilala sa pagbasa nila sa nagaganap noon sa kasaysayang kinabibilangan nila. Ngunit nakatatakot pa rin ang pangyayaring ang kanilang mga tugon ay limitado at hanggang sa maisasaad lamang ng materyal na kasaysayan o limbag na panitikan.

Sa kabilang dako, si Aliguyon na dating umiiral sa lunan ng mito at tumawid sa lunan ng materyal na kasaysayan ay magiging limitado rin ang pagtugon sa kasaysayan dahil bagaman nasa kaniya ang lahat ng katangian ng kabayanihan sa pagbubuo ng ili sa pambansang antas, mahahanggahan pa rin siya ng tradisyonal na pagsagap sa kasaysayan at pagtanaw sa daigdig, alinsunod sa rekonstruksiyon ng kaniyang katauhan, na lulutasin lamang sa bandang huli ng mungkahi ng “Diwa ng Kasaysayan” kung paano haharapin ang búkas. Bagaman may pagkakataong iisang pook ang tinahak nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala, ang pook na iyon ay hindi estatikong pook at humintong panahon. Kaya ang pagdulog ng tatlong tauhan ay magkakaiba rin. Mapandigma ang sensibilidad ni Aliguyon, mapanuri ang edukadong Rizal, at mapanlikha ngunit maramdamin ang Kabataang Di-Kilala.

Trahedyang Filipino
May ikinukubling pagmamataas ang pamagat ng epiko: Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas kong Mahal. Kung babalikan ang hudhud ng Ifugaw, maraming bersiyon ng salaysay hinggil sa buhay ng mga maalamat na bayani ngunit hindi kailanman nagwawakas ang salaysay. Ito ay sa pangyayaring inmortal ang mga bayani sa guniguni at gunita ng lipi, at ang bayani ay hindi lamang dapat sipatin sa panig ni Aliguyon, kundi maging sa panig ng lipi ni Pumbakhayon at iba pang tauhan, at kung paano ang pagsasanib ng dalawang lipi sa pamamagitan ng kasal lalong tumitibay ang pagsasamahan ng mga tao. Mahalaga ang pagbubuklod ng mga lipi, yamang ito ang magsasaayos ng ugnayan sa lipunan, at magpapanatili ng kaayusan at seguridad sa pamumuhay noong hindi pa sopistikado ang pamamahala sa mga lupain at pamayanan. Maaaring alam ito ng personang Aliguyon sa tula ni Rio Alma. Si Aliguyon ay lumabas sa nakagawiang ritwal ng pagdiriwang ng pag-aani at paglilibing, at ang buhay niya ay naging mahabang proseso ng paglilinang, pagtatanim, pagpapayabong, at pag-aani, at sakali’t sumapit sa yugto ng kamatayan ay nagbabadya pa rin ng resureksiyon tulad ng mga epikong bayani ng Ifugaw.

Kung may kakayahan ang gaya ni Aliguyon na lampasan ang hanggahang itinatakda ng panahon at espasyo, hindi niya kinakailangang mangamba sa kasamaang lumalaganap sa kaniyang lipunan, anuman ang anyo at ubod ng naturang kasamaan. Ang kabayanihan ni Aliguyon ay mahihinuhang hinuhugot sa aspektong moral, sa pagpapahalaga sa dangal o puri ng lipi at bansa, at ang kaniyang pagpapatiwakal sa dulo ng hudhud ay waring pagsasadula muli ng sama-samang pagpapatiwakal sa Botbotan dahil wala nang uuwiang pamilya at pamayanan ang mga mandirigmang inakalang ang kanilang lipi ay nilipol ng baha. Sa pananaw na Dionysian ng sinaunang trahedyang Griyego, ang tadhana ni Aliguyon ay alinsunod sa nais ng mga anito. Walang pakialam ang mga anito kung hangad man ni Aliguyon na itakda ang katarungan, kalayaan, at kaunlaran sa Filipinas, at salungatin ang anumang kasamaan. Ang ganitong tindig ng mga anito ang nakayayanig, alinsunod sa trahikong pananaw nina Homer, Aeschylus, at Sophocles, dahil kinakailangang magtiwala si Aliguyon sa sarili na aabot kahit sa pagtataglay ng pambihirang yabang [hybris] at maglalantad ng kaniyang kahinaan. Masisipat si Aliguyon na nagsisikap alamin at baguhin ang daigdig, sa kabila ng kawalang-pakialam ng mga diyos [i.e., Diwa ng Kasaysayan], at ang tadhanang ito ang lilikha ng trahikong kabayanihan sa panig niya.

Maiiba nang kaunti ang pananaw na Apollonian sa kaso ni Aliguyon. Ang mga anito ay ganap at dibino, at ang gunita at guniguni ni Aliguyon ay masisipat na kahalintulad ng taglay ng mga diyos. Mapapariwara lamang si Aliguyon kung lilihis o sasalungat sa itinatadhana ng mga anito—at sa pagkakataong ito ay masasabing ang makapangyarihang tinig ng Diwa ng Kasaysayan—dahil ang kasamaan at kakulangan ay ang magiging kaganapan ni Aliguyon, at lahat ng pakikibaka niya ang ugat ng trahikong aksiyon o tugon. Ang pangmoral, pangkultura, at pampolitikang kapasiyahan ni Aliguyon ay maaaring alinsunod sa tradisyon ng kaniyang lipi—na mapanghihimasukan ng Diwa ng Kasaysayan—at ang kapasiyahang ito ay aabot hanggang sa pagtataglay at pagtatanggol ng mga sinaunang paniniwala. Sina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ang “magsasagawa ng pagwawasto,” ayon na rin sa Diwa ng Kasaysayan, dahil kabahagi rin sila sa naganap na “kapabayaan at pagtataksil” sa bayan—na matalinghagang pagsasabi ng “Filipinas.” Mahalagang aspekto sa tula, samakatwid, ang pagkilala ni Aliguyon sa pagbubuo at pagkatha ng diwaing kabansaan na kaganapan ng pagpapalawak sa konsepto ng banua, bayan, at ili.

Kaya anuman ang gawin ng tatlong persona sa iisang epiko ay nakatakdang sumailalim sa trahikong pagganap. Mapipilitan silang gumanap bilang mandirigma na may katangian ding manlilikha at manunuri, at ang gayong ideal na katauhan ang magwawakas sa kanilang makataong pag-iral at magsusupling ng kabiguan at siphayo. Sa piyesang sa “Si Aliguyon sa Kadungayan,” hinahatak si Aliguyon na gumanap sa naiibang hudhud na kinasasawaan ni Pumbakhayon. Ang pagsisikap ni Aliguyon na lisanin ang kaniyang tahimik na pag-iral ay sanhi ng mararagsang modernisasyon, na inaangkat ng kabundukan ang lahat ng taglay ng ibang sibilisasyong mula sa kapatagan kahit ang kapalit ay pagkalusaw ng sariling ugat at anino. Ang naturang tula ay susuhayan ng “Ngayong Sabado sa Banaue” at “Isang Disyembre sa Banaue.” Ang unang tula ay pagbubulay kung paano lalakbayin ang Banaue, at ang gayong paglalakbay ay nangangailangan ng mala-bayaning katatagan upang makita ang hinahanap at mabatid kung ano man ang ibig hanapin. Ang ikalawang tula naman ay paggunita sa isang paglalakbay sa payyo sa Banaue, at ang gayong kaselang paggunita ay nangangailangang mala-bathalang lakas upang matandaan hindi lamang ang partikular na pook kundi ang bawat hulagway na minamahalaga sa pag-iral ng Banaue. Magkakaroon lamang ng problema kung ipipilit ang tatlong tanaw nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala sa loob ng iisang panahon at espasyo. Malinaw ang panig ni Aliguyon sa “Si Aliguyon sa Kadungayan”; samantala’y maaaring ipagpalit ang tula na laan kina Rizal at Kabataang Di-Kilala at walang mababawas. Mahahalata lamang na kay Rizal ang tulang pasalaysay dahil tila munting tala sa diary o blog ang akda na may banggit hinggil sa ilustrado, bukod sa makiling sa prosa si Rizal, ngunit maliban doon ay wala na itong ikinaiba. Mabulas naman ang “Isang Disyembre sa Banaue” dahil ang pagtanaw na turista ay kapuwa sensuwal at karnal, na magiging matalinghagang sungay sa heroikong pagsisikap ng persona na pahalagahan ang kaniyang nadanas o nasaksihan.

Ang ikatlong pananaw ng trahedya na mailalapat sa tula ay mula sa tradisyon ng Kristiyanismo. Ayon sa Bibliya, nilikha ng diyos ang lahat ng mabuti. Ngunit dumating ang demonyo at tinukso si Eba na kumain ng bunga mula sa Puno ng Karunungan, saka tinukso pagkaraan si Adan. Ang kasamaan ay gawa at kapasiyahan ng tao, at ang trahikong pagtugon ay magaganap sa pagsisikap na bumalik sa dating maginhawang kalagayan [i.e., paraiso], ngunit hindi ito magaganap, maliban na lamang kung magsasagawa muli ng heroikong aksiyon si Hesus [tao] na magiging Kristo [diyos] pagkaraan, at ililigtas sa orihinal na kasalanan ang buong sanlibutan. Ang kaganapan ng pagliligtas sa sanlibutan ay nasa resureksiyon ni Hesukristo at magbibigay ng gulugod sa pananampalatayang Kristiyano. Kung babalikan ang epiko ni Rio Alma, ang trahikong pagkilos nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay nakasentro sa kani-kaniyang pagsisikap na ibalik ang ideal na Filipinas mulang likas na kaligiran hanggang likas na katatagan tungong likas na talino ngunit hindi pa rin sapat ang lahat ng ito upang makamit ang inaasahan. Mahihinuha lamang sa epiko na sina Aliguyon, Rizal, at Di-Kilalang Persona ay metonimiya lamang ng kaakuhang Filipino, at ang kaakuhang ito ay hindi iisang panig lamang, bagkus sari-sari na maglalaro sa kasarian, lipi, pananampalataya, pananaw, uri, at wika. Yamang iba-iba ang katangian ng tatlong persona, ang pagliligtas sa Filipinas ay maaaring gawin sa iba’t iba ring pagdulog—na ang wakas marahil ay pagsasalikop ng puwersa ng mga tao bilang mga posibleng aktor.

Ang pagkilala sa mga karaniwang tao bilang “bayani” ang mahalaga. Ang bayaning ito, ayon sa pag-aaral ni Zeus Salazar, na tinatawag ding “bagani” sa iba pang taal na wika, ay malalim na dalumat sa Filipinas at kaugnay ng pagtataguyod ng permanenteng bahayan sa bayan, sa pagtatakda ng teritoryo o heograpiya sa banua, at sa paglilipat o pagtatanggol ng ili na maaaring maging lunsaran ng pagsalakay o pagsanggalang sa mga pamilya o mamamayan sa panahon ng digmaan. Taliwas sa konsepto ng “hero” o “bida” ng kanluran, ang “bayani” ng Filipinas ay mahihinuhang hindi nakasalalay sa iisa o ilang tao lamang; ang “bayani” ay kolektibong puwersa, talino, at guniguni ng taumbayan, na ang manipestasyon ay gaya ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power] na lumalampas sa kudeta ng mga heneral.

Ang trahikong pagkilos ng tatlong persona sa epiko ni Rio Alma ay hindi laging pasibo. Minsan, susubukin ang mga persona upang ipagunita sa kanila ang naririyan sa tabi-tabi ngunit ipinagwawalang-bahala, at kinakailangan ang mala-bayaning pagdama upang muling matagpuan ang mahalaga. Maihahalimbawa ang tulang “Si Aliguyon sa Lipoon” na ang persona sa tula’y kinakausap si Aliguyon at ipinaaalala sa kaniya ang kaniyang pagkahumaling sa “palakpak at elektrisidad” na pawang talinghaga sa kasikatan at modernisasyon. Ang Lipoon na matatagpuan sa Palawan ang pook ng makasaysayang Yungib Tabon, at nagsasaad na mayroon din itong kasaysayan na dapat lingunin kahit ni Aliguyon. Ang kabaguhan ng lipi at pook ni Aliguyon ang masaklap na trahedya rin sa buhay ni Aliguyon. Kailangang mamatay muli ang kabundukan ng Ifugaw upang isilang muli. Kung paano ito gagawin ni Aliguyon ay isang palaisipan, na parikala sa pagsugpo sa kasamaan. Magandang itambis dito ang “Portada ng Puerto Princesa” na tulang pasalaysay na nasa personang si Rizal. Si Rizal bilang manlalakbay ay sisipatin ang Puerto Princesa alinsunod sa mito ni Kablay na pinaghunos na pating ni Neguro [Neguno], dahil sa labis na pagtutubo at kasakiman. Ang talinghaga ni Kablay ay hindi na lokal na propitaryo, bagkus mga dayuhang negosyante, pirata, at mangingisda na pawang umuubos sa likas-yaman ng Palawan. Isinaad ng personang si Rizal na kailangan ang aktibong pagbabantay at pangangalaga—na taliwas sa pasibong pagbabantay ng diyos sa sinaunang paraiso, kaya natukso sina Adan at Eba na tumikim ng prutas at angkinin ang inaakala nilang karunungang magdudulot ng sukdulang kalayaan.

Paglugar ng mga Bayani
Hinihingi ng pagkakataon na ilantad ng bawat persona ang kagitingan upang maunawaan at mahuli ang gunita. Ito ang payo ni Don Juan ng Ibong Adarna kay Aliguyon. Para naman kay Rizal, ang paggunita ay dapat nalalahukan ng matalas na pagmamasid at pagpapahalaga sa katutubo at hindi sa dayuhan, gaya ng puna niya sa marker at dambana ni Lapulapu sa Mactan (“Pagdalaw sa Dambanang Lapulapu”). Sa isa pang pagtanaw, ang gunita, ayon sa Kabataang Di-Kilala, ay dapat kaugnay ng matapat na paglilimayon o pagdanas, gaya ng mangingibig na umaalam sa tarik at alindog ng Matutum. Kaugnay ng paglikom ng gunita ang pag-alaala sa sinaunang Mithi, gaya ng kalayaan, kaunlaran, at katarungan para sa buong bansa. Upang maganap ito, kailangang harapin ng bawat persona ang mahigpit na engkuwentro sa loob ng guniguni.

Ang kakatwa sa tula ni Rio Alma ay magiging pangunahing usapin ang gunita samantalang magigising si Aliguyon sa Kadungayan—ang Daigdig ng Patay. Magdedeliryo ang Kabataang Di-Kilala sa pananaginip ng eksotiko’t erotikong tagpo. At maglalagalag si Rizal na parang kaluluwang balisa at di-matahimik habang hinahanap ang kalangitan. Matatagpuan ang kahawig na batayan kung babalikan ang konsepto ng psyche sa Indo-Europeong tradisyon.

Mamamatay, at kung minsan ay mawawalan ng malay, ang tao kung walang psyche. Ito ang paniniwala ni Homer. Sa oras na kumawala sa katawan ang psyhe ay magtutungo ito sa Daigdig ng Patay na tinataguriang Hades. Ngunit ang kamatayan ay hindi katumbas ng inmortalidad, dahil ang pagiging inmortal [athanatos] ay pagtataglay ng katangian ng mga diyos na siyang malayo sa Homerikong psyche na inihalintulad sa usok. Sa ibang makatang Griyego, ang psyche ay lunan ng damdamin; at pagsapit ng ikalimang siglo ay maiuugnay sa gawaing pangkaisipan. Inmortal at dibino ang psyche na parang kaluluwa, ngunit nang pumaloob ito sa katawan ng tao ay nadungisan. Madadalisay lamang ito sa pamamagitan ng pagsubok at ritwal. Muling isisilang ang psyche na may sari-saring anyo, hanggang magwakas sa pakikisanib sa pangkalahatang Maykapal.

Pagsapit kay Plato ay maiiba ang pagdulog. Layon umano ng kaluluwa na tumakas palayo sa pisikal na katawan upang matamo ng kaluluwa ang sukdulang karunungan. Ang kaluluwa ay maaaring hatiin sa nous [isipan], thumos [damdamin], at epithumia [hilig]. Kung babalikan ang Hudhud ni Rio Alma, si Rizal ang nuos na sumasagisag sa matalisik na pagmamasid; si Aliguyon ang thumos na sumasagisag sa ilahas na pagdama; samantalang ang Kabataang Di-Kilala ang epithumia na sumasagisag sa makalupang pagnanasa. Naniniwala si Plato na ang lipunan ay makikita sa bawat tao; at ang mga tao ay mauuri sa tatlong pangkat: artesano, sundalo, at taliba. Pinaghahari ng tunay na pilosopo ang katwiran, at bawat bahagi ng kaluluwa ay dapat tumutulong upang makamit ang pangkalahatang kabutihan. Ang gayong paniniwala ay susuwayin ni Aristotle na naniniwalang ang kaluluwa ang nagpapakilos para makapag-isip, makadama, at makasagap ng bagay-bagay ang tao. Ibig sabihin, ang tatlong kalidad ay maaaring taglayin ng isang tao lamang.

Kung babalikan ang epiko ni Rio Alma, sina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay makaiiral nang bukod sa isa’t isa ngunit hindi kokontrolin ni Rizal [isip] ang agos ng salaysay. May bukod na kapangyarihan si Aliguyon na hiwalay din sa katangian ng Kabataang Di-Kilala. Ang tatluhang pilas na persona ay mahihinuhang naninimbang sa mga teorya nina Plato at Aristotle, at gumagagad sa tatlong persona sa iisang diyos ng Kristiyanismo, na mapabubulaanan ng makata. Kung sasangguniin naman ang pananaw ni Plotinus, ang pinakamatayog na magagawa ng tao ay pagbubulay tungo sa pangingibabaw ng kabutihan ng lahat, na pag-uugatan ng sari-saring katauhan. Naliliwanagan ang katawan dahil sa kaluluwa, at nakadarama ang kaluluwa dahil sa katawan. Mahalaga kay Plotinus ang konsepto ng “gunita” dahil ito ang nagpapatuloy para maging malay sa sarili ang tao. Kung walang gunita, wala umanong mabubuong pagkakakilanlan sa sarili ang kaluluwang nakapaloob sa katawan. Dito papasok ang panukalang “lakbay-nilay” ni Rio Alma habang ginagalugad ang buong kapuluan na may Nelendangan [ideal], Perdido Eden [pisikal], at Kadungayan [espiritwal].

Bawat pook ay pook ng engkuwentro. Ang engkuwentro ay maaaring magsimula sa mga pasulat na teksto ng mga istoryador, panitikero, antropologo, rebolusyonaryo, salawikain, at iba pa na pawang nakasaad sa epigrape. Ang mga epigrape ay maaaring sipatin na bintana upang mahiwatigan ang niloloob ng tula, bagaman hindi masasabi nang ganap na ang pagkakasipi sa bawat epigrape ay alinsunod sa konteksto at hinihingi ng tula. Maaaring makairal nang hiwalay ang mga epigrape sa tula, at makaiiral nang mag-isa ang tula. Gayunman, nakatutulong din ang mga epigrape upang linawin ang ilang salita, pakahulugan, at pahiwatig sa tula. Ang mga epigrape ay nagbubunsod ng diyalohikong diskurso tungo sa tatlong pilas na persona, at ang anumang tugon ng naturang persona ay mahihinuhang may kaugnayan sa paglikom ng gunita. Yamang ang bawat persona ay hindi malamig na midyum lamang ng epigrape, o kaya’y alingawngaw ng sinasabi ng mga istoryador, sosyologo, at antropologo, ang kasalungat na tugon o tinig ay maaaring magmula sa multi-personang kumakausap kina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala.

Ang trahedya ni Aliguyon ay kailangang lampasan niya ang basal at ilahas na silakbo, gaya ng masisilayan sa mga piyesang “Pag-iinuman nina Sandayo at Aliguyon” at “Pagdalaw ni Agyu kay Aliguyon sa Panaginip.” Ang pakikidigma ni Aliguyon ay higit sa marahas na pagpugot ng ulo ng kaaway, at kailangan niya ang pambihirang kagitingan na magbubukás ng malalim na pagkaunawa sa ugnayan ng mga puwersa sa lipunan o kasaysayan, yamang ang tunggalian ay sumasaklaw sa isipan at kalooban. Sa kabilang dako, ang trahedya ni Rizal ay nasa labis na pagdulog na klinikal at personal, kahit pa sabihing may bahid ng satira o parikala ang kaniyang pagmamasid, gaya sa mga piyesang “Eden Nature Park” at “Ang Hawla ni Alex.” Hanggang matalim na pagpuna lamang ang káya niya, at hindi magpapanukala ng magaspang na pagkilos sa balighong kairalan. Nangangailangang makahimok siya ng iba pang utak at pusong handang magtaya para sa panukalang rebolusyon niya. Ang Kabataang Di-Kilala naman ay nakatakdang kainin ng kaniyang malayaw na pagtingin sa paligid, na waring laging selebrasyon ng búhay ang lahat ng bagay, na madaraan sa makalupang eksperimento ang himig at pagsasakataga ng pakikipagsapalaran sa ngalan ng modernisasyon, at maaaring isangkalan ang lahat, upang matupad ang pansariling kaluguran gaya ng pag-asinta sa banog na lumilipad.

Kung isasaalang-alang ang disenyo ng aklat, ang mga retrato ay bahagi ng engkuwentro. Ipinamamalas ng mga hulagway ang maparikalang tagpo sa iba’t ibang pook, at kung paanong ang makabagong sibilisasyon ay marahang gumagapang na di-mapipigilang agos tungo sa mga liblib na nayon, bundok, at tubigan. Bagaman hindi ganap na masasaklaw ng mga imahen ang lunan ng mito at kababalaghan, nakapagpapahiwatig naman iyon sa maaaring tunggaliang nagaganap sa guniguni ng tatlong pilas na persona. Ang hudhud ni Rio Alma kung gayon ay proyekto ng multi-disiplinaryong pagdulog, na ang teksto ay tumitingkad at nakakargahan ng pahiwatig kapag tinapatan ng retrato, at ang hulagway sa loob ng retrato ay ekstensiyon ng diwain ng tatlong pilas na personang naglalakbay—na nagkataong sinasamahan din ng makata o kaya’y Diwa ng Kasaysayan.

Landas ng Pakikipagsapalaran
Isa sa mahahalagang diwaing nakatimo sa epikong Hudhud ni Rio Alma ang kabatirang may pinsala sa bansa. Ang naturang pinsala ay hindi likas o aksidente bagkus sanhi ng kolonisasyon at kapabayaan ng tao. Ang pinsala ay nasa katawan, isipan, at kalooban na ang manipestasyon ay ganap na pagkatiwalag ng mamamayan sa lupang tinubuan. Taglay niyon ang paniniwalang munti lamang ang Filipinas na walang maipagmamalaki sa iba. Paano sumapit sa ganitong teorya ang tula? Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng tatlo at sabayang paglalakbay ng mga tauhan na makikipagdiskurso sa iba pang tauhan ng mito at kasaysayan ng Filipinas. Mahalagang balikan at sangguniin ang Oriental (1994) ni Rio Alma dahil ang gayong pagbasa sa kabansaan ay matutunghayan samantalang nagsasaad ng panukalang pagbasa at pagpanahon sa panitikang Filipinas.

Ang mga tinig na kakausap kina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ang magpapakilala sa tatlo ng kanilang pinag-ugatan at magsisilbing lunsaran upang maibalik ang “gunita.” Ang trahedya sa tula’y kung walang takdang panahon at espasyo ang daigdig ng tatlong pilas na persona sa daigdig ng guniguni, anuman ang gawin nila ay walang halaga at walang kahulugan, at mauuwi sa wala ang lahat. Walang katapusang siklo ang paglalakbay, pagtatagpo, pagtataksil, pagpapako, pagkamatay, at pagkabuhay muli (gaya ng sa estasyon ng krus na alinsunod sa Bibliya at tradisyon ng mga Kristiyano) at mananatiling mailap at walang katuparan ang lunggati. Maaaring sipatin ang Diwa ng Kasaysayan at ang mga epigrape [bilang iba-ibang tinig] na pawang may pagkukulang, yamang nabuo yaon sa isang tiyak na panahon, na maaaring ang panahong iyon ay tumpak lamang noon at kakatwa kung paniniwalaan sa ngayon. Mag-uudyok ito upang paulit-ulit na gawin ng tatlong pilas na persona ang pansarili at kolektibong pagbabago para makamit ang Mithi, at mabanaagan ang lunggating Nelendangan sa hinaharap.

Kapag natupad ang lunggating Nelendangan, matutupad din ang resureksiyon ng Filipino, at ang hudhud ay magwawakas ang silbi at puwedeng mapalitan ng ibang salaysay hinggil sa kabayanihan. Ito ang maghuhudyat na tapos na ang tungkulin ng tatlong pilas na persona, at malaganap na ang kaligtasan ng Filipino.

Mahihinuha na walang tutulong o gagabay sa tatlong pilas na persona kundi ang makakasalubong nila sa paglalakbay, kung hindi man ang makapangyarihang tinig ng Diwa ng Kasaysayan. Mahalaga kung gayon ang bawat engkuwentro sa bawat tauhan ng kasaysayan o alamat, na maaaring sipatin hindi lamang sa negatibong paraan kundi maging sa positibong paraan. Sa patalinghagang antas, ang paghahanap ng mithi ng tatlong persona ay waring paghahabol ni Apollo kay Daphne na magpapakipot at tatakas palayo sa lalaki hanggang mag-anyong punongkahoy. Ngunit habang lumalayo siya’y lalong aasamin kung hindi man kalilibugan ni Apollo. At nagbago man ng anyo ang pisikal na katawan ng Daphne’y gagamitin ni Apollo ang naghunos na balát, dahon, at ugat upang maging sagisag ng kaniyang matapat na pagmamahal sa naglahong dilag.

Problematiko, sa aking palagay, ang pag-iral ng “Diwa ng Kasaysayan” sa hudhud. Ang pagsasadula ng mito nina Aliguyon, Rizal, at Kabataang Di-Kilala ay maaaring paraan ng malikhaing pag-iwas o paglihis sa tunay na nagaganap sa lipunan, imbes na magtuon sa kaganapan ng dakilang Mithi at Nelendangan. Sa kabilang dako, ang pagsasadula ng mito at kasaysayan sa kontemporaneong anggulo ang magpapamalay ng mga kamalian—na nakapokus hindi para sa tatlong pilas na manlalakbay bagkus para sa mga mambabasa. Malaki ang kakulangan sa mga katangian nina Aliguyon, Rizal, at Di-Kilalang Kabataan upang maituring na bayani sa iba’t ibang panahon, na tiyak kong makahihimok at hahámon sa mga Filipino para bumuo ng sariwang lawas ng mga bayani mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Mangangaral, manunuligsa, magpapayo, mamumuna, at higit sa lahat, magpapanukala ng pagbabago para sa kaganapan ng bagong Filipinas ang Diwa ng Kasaysayan sa dapat maging pagtanaw at pagkilos ng tatlong pilas na persona sa Hudhud. Kung walang katapusan ang hudhud, alinsunod sa orihinal nitong pakahulugan, ang Diwa ng Kasaysayan ay mayayanig sa mataas nitong luklukan, mahuhubaran ng damit o pagkakakilanlan, at maaaring magpalaboy-laboy sa kung saan-saang lansangan upang maghanap ng iba pang bayani na may ibang lunggati, may ibang pagtanaw, may ibang pagdama na kayang sumaklaw sa lahat ng maikakabit sa katauhan ng Filipinong paulit-ulit namamatay ngunit kataka-takang paulit-ulit din nabubuhay. Ang trahedya ng mga bayani sa Hudhud ni Rio Alma ay mahihinuhang hindi pangwakas gaya ng pagpapatiwakal ni Aliguyon upang gulantangin ang kinakalyong damdamin ng taumbayan. Ang pagpapatiwakal ay hindi pagsuko bagkus isang uri ng pagtutol sa balighong kalakaran nang mapanumbalik ang pambansang dangal. Ang pagpapanumbalik din ng dangal ang isasahinagap ni Rizal na aniya’y dapat palitan ang mga bantayog ng mga politiko’t negosyanteng bulok, at ihalili o ilantad ang mga bantayog o dambana ng mga bayaning mula sa hanay ng mga karaniwang mamamayang nakapag-ambag nang malaki sa ikalalago ng bansa. Maraming pangangailangan ang bagong henerasyon, ayon sa Kabataang Di-Kilala, at ang litanya ng pagbabago ay maaaring mulang pagtatakwil ng pamahiin hanggang pagtanggap ng siyentipikong tuklas. Mangangailangan din ng sariwang hininga [psyche] ang darating na salinlahi upang sumigla sa susunod na panahon. Wakasan man ni Rio Alma ang kaniyang hudhud ay naniniwala akong  magpapatuloy sa pagkatha ng sari-saring bersiyon ng hudhud ang iba pang makatang Filipino para sa mga Filipino, at sa ikalalago ng Filipino, saanmang panig ng mundo.

(Karapatang-ari© ni Roberto T. Añonuevo, at hindi maaaring ilathala ninuman  nang walang pahintulot mula sa awtor.)

Alamat ng Karagatan

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag.  Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!” pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang  pagtapon ng napakaraming asin sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili: ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig. Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda, balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong. Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon, kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos  sa paglalayag; nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa; tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay. Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.

Pasig sa Pananaw ni Lope K. Santos

Naisipan kong maghalungkat ng mga lumang papeles at natagpuan ko itong si Lope K. Santos (1879–1963). Si Santos, na isa sa mga dakilang tao na maipagmamalaki ng Pasig, ay mahusay na makata, nobelista, kritiko, sanaysayista, editor, dalubwika, organisador, at peryodista. Bukod dito’y naging gobernador din siya ng lalawigang Rizal (1910–1913) noong ang Pasig ay hindi pa kabilang sa Metro Manila. Pagkaraan, nahirang siyang senador ng ikalabindalawang distrito, at umakda ng mga batas na nagpapahusay sa kalagayan ng mga manggagawa.

Masinop si Santos sa wika at sa pagkasangkapan ng mga talinghaga. Kahit ang simpleng tula hinggil sa kaniyang bayan ay nalalangkapan ng pagbabalik sa kasaysayang mahirap matagpuan sa kanonigong kasaysayang malaganap sa bansa. Heto ang isang halimbawang tulang pinamagatang “Pasig” (1930) na naglalangkap ng alamat, kasaysayan, pag-iral, at pangarap upang ang kinabukasan ay maging maaliwalas para sa lahat ng Pasigenyo:

PASIG

1 Aywan ko kung ikaw’y sa bundok na anak,
o kung bumukal ka sa tiyan ng dagat;
pagka’t sa lagay mong mababang-mataas
atubili ako kung saan ka buhat;
marahil bunga ka nang mag-isang-palad
ang Dagat na tabang at Bundok ng ulap
kaya’t sa kanila’y namana mo’t sukat
ang yaman ng laot at yaman ng gubat.

9 Tila Diwata kang galing Pamitina’y
nanaog at nupo sa may Kapasigan;
liwayway ang buhok, ang ulo’y Santulan,
ang mahabang Ugong ay bisig na kana’t
bisig na kaliwa ang Pinagbuhatan.
Malapad-na-Bato ang isang paanan,
saka ang isa pa ay Wawang-Napindan:
magtatampisaw ka sa Buting at Bambang.

17 Ang kasaysayan mo’y pangalan mo na ri’t
nasa pamagat mo ang iyng tungkulin;
habang panahon kang bantay ay baybayin
sa gaslaw ng tubig at sumpong ng hangin;
may bisig kang bato’t may paang buhangin,
may mukha’t katawang langit ng pananim;
hinga mo’y amihan, ulan ang inumin,
at gatas ng lupa ang iyong pagkain.

25 Nguni, tumindig ka, matandang Diwata’t
magmalikmata kang bumalik sa bata;
sa pagkalupagi’y lalo kang hihina’t
laging sa Panahong mapagsasagasa;
Sa Silanga’y muling iharap ang mukha’t
sumahod sa Araw ng diwang sariwa;
ikaw’y marami pang tungkuling dakilang
sukat kapiktan mo nang di-nagagawa.

33 Dalawampu’t anim ang bayan mong anak,
tatlong daan nayon ang apo mong ingat;
sinasagutan mo ang kanilang palad,
pagka’t ikaw’y siyang magulang ng lahat;
kung ikaw ang unang hihina-hinamad
at sa pagkaupo’y bahagyang titinag. . .
ang nasasakop mong kabunduka’t dagat
balang araw’y siyang sa iyo’y lilimas.

41 Hindi na panahon ng pag-aantabay
sa dating ng mga kusang kapalaran;
ang mga himala’y huwag mong asaha’t
dina nakukuha ang buhay sa dasal;
ang awa ng Poo’y wala sa simbahan,
kundi nasa bukid, ilog, pamilihan,
sa tulo ng pawis at ulong may ilaw. . .
Sawa na ang Diyos sa mga batugan!

Isinulat ni Santos ang tula noong kapanganakan ni Francisco Balagtas, Abril 2. Binubuo ng anim na saknong ang tula, at bawat saknong ay may walong taludtod na lalabindalawahin ang pantig at isahan ang tugma. Ang unang saknong ay hinggil sa maalamat na pagtatalik ng lawa ng Laguna at kabundukan ng Rizal, na ang supling ay Pasig. Lumulusog umano noon ang Pasig sa tubig-tabang na mulang ilog hanggang lawa (na pawang tumutulong sa pagsasaka) at sa karatig nitong mga bundok na mapagkukunan ng mga aning pananim, prutas, at halamang-ugat.

Ang ikalawang saknong naman ay paghahalintulad sa isang diwata, na ang katangian ay hango sa taglay ng iba’t ibang lugar, gaya ng Bambang, Buting, Malapad na Bato, Pinagbuhatan, Santulan, Ugong, at Wawang-Napindan. Ang nasabing diwata ay tila nagmula sa Pamitinan (Montalban, Rizal) na naging makasaysayan noong himagsikan laban sa mga Kastila nang ihayag ng Katipunan ang paghihimagsik at pagsasandugo ng mga Katipunero. Susuhayahan ng ikatlong saknong ang ikalawa, na ang bawat pangalan ng pook ay isa nang kasaysayan at pinagpapala ng magandang klima, lupain, at tubigan.

Kaugnay nito, humihimok ang personang nagsasalita sa tula na huwag pumanatag sa gayong kalagayan. Marami pa umanong dapat gawin at asikasuhin. Hindi dapat maging kampante at tatamad-tamad. Kaya sa pangwakas na saknong, humihimok ang tulang iwaksi sa isip ang laging paghihintay. Huwag umano umasa sa dasal. Ang poon ay wala sa simbahan kundi nasa bukid, ilog, at pamilihan na pawang kumukupkop sa mga tao na nagsisikap at nagpapagal upang makaraos sa paghihirap. Ang ganitong linya ng panghihimok ay mahihinuhang hango sa mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nananawagan sa mga kapuwa Tagalog na umasa sa sariling sikap at hindi sa ipinangangakong langit na walang katiyakan kung kailan matutupad.

Nagkatotoo na ang tulang ito ni Santos. Ang Lungsod Pasig, na pinangangasiwaan ngayon ni Alkalde Bobby Eusebio, ay malaki na ang ipinagbago kaysa noong nakaraang panahon. Maayos ang mga pagawaing-bayan sa lungsod, mabilis ang serbisyo ng pamahalaang lokal, malilinis ang kalye, naisaayos ang palengke at iba pang impraestruktura, at sumisigla ang samot-saring negosyo, bagaman mapupuwing ang tumitinding trapiko ng mga sasakyan dahil binuksan sa apat na panig ang Pasig. Maaaring simula ito ng bagong mukha ng Pasig. Ang Pasig na lunggati ni Santos ay maaaring nagkakabuto’t laman sa ilalim ng pamamahala ni Eusebio, at tanging ang taumbayan ang makapagsasabi kung nagtagumpay o nagkulang ang nasabing alkalde.

Samantala, nagtataka lamang ako kung bakit hangga ngayon ay walang pagpapahalaga kay Santos lalo sa mga paaralang nakapaloob sa Pasig. Panahon na para muling pahalagahan si Lope K. Santos at angkinin ng mga taga-Pasig, at maaaring simulan ito kahit sa pagtataguyod ng mga silid-aklatang nakatatak ang kaniyang maningning na pangalan.

Ang Mito ng Prinsesa Urduha

Nakalulugod na unti-unti nang nagsisimula ang pagbubuo ng mito ng mga Filipino, gaya ng animasyong Prinsesa Urduha sa larang ng pelikula. Inaakala tuloy ng nakararami na may katotohanan ang tala ni Ibn Batuta, nang maligaw siya sa Tawalisi (Pangasinan) mula sa paglalakbay sa Kakula, Java, Indonesia bago tumungo sa Tsina. Mahirap nang patunayan ang salaysay ni Batuta, maliban kung susuhayan nga ito ng ilang antigong tala mula sa mga Tsino, tulad ng winika ni Jaime Veneracion; o kaya’y may bagong arkeolohiko’t antropolohikong tuklas sa kaugnayan ni Urduha sa tribung Ibaloy.

Ang salaysay ni Batuta hinggil kay Prinsesa Urduha ay mula sa paningin ng manlalakbay na tagaibayong dagat, kaya maaaring nalulukuban ng pananaw, prehuwisyo, paniniwala, at guniguni ng dayuhan. Ang salaysay ni Batuta, gaya ng pagdududa nina Jaime C. de Veyra, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado, ay hindi basta tala sa kasaysayan, bagkus malikhaing kasaysayan o alamat na kinatha ni Batuta habang nilulustay niya ang panahon sa laot at pinipiga ng lungkot ang loob.

Halimbawa, ang sistema ng pamamalakad ng kaharian ay mauugat sa sistema ng herarkiya o pamamahala ng mga bansang may imperyo, kaharian, at estadong sakop. Kung ganito nga, kahit ang pag-ugat kay Urduha—na mula sa napakapatriyarkal na lipunan—sa tribung Ibaloy ay mapagdududahan maliban kung napakaabanse nga ng pamamalakad ng naturang tribu para umabot hanggang Pangasinan at lampasan ang paniniwalang pangkasarian. Ang mapandigmang kaisipan ni Urduha ay dapat ugatin, halimbawa sa pagdakip ng mga gagawing alipin, kung may kaugnayan nga ito sa mga tribung nananahan sa kabundukan, upang mapatunayan ang mga bakas ng lipi ni Urduha sa mga pook na posibleng nasakop niya. Sabi nga ni William Henry Scott, ang pagtataglay noon ng maraming alipin ay higit pa sa malalawak na lupain o ginto, dahil magagamit ng datu ang mga alipin sa iba’t ibang gawain, gaya ng pagsasaka at pagpapanatili ng tahanan.

Mababanggit din na kahit may nahukay na mga labî ng gadyâ (i.e., dambuhalang elepante) sa Filipinas, ang pagkasangkapan sa hayop na iyon sa larangan ng pakikidigma at pagpaparangal sa mga maharlika ay tila inangkat sa gaya ng Thailand, Nepal, Myanmar, Cambodia, at Indonesia, kaya kinakailangan ng malalim na saliksik upang patunayan ang obserbasyon ni Batuta. Bukod pa rito ang organisadong pamamalakad ng mga mandirigma, na dapat ding alamin, dahil lumilitaw na hindi karaniwang prinsesang mandirigma si Urduha, bagkus nakaaalam din siya ng mga taktikang militar sa paglusob at pananakop ng ibang bayan para sa ikalalago ng kaniyang pamayanan.

Paghalaw sa Prinsesa Urduha
Noong 1942 ay isinapelikula ang Prinsesa Urduja na pinangunahan nina Mona Lisa at Fernando Poe Sr. Sumulat naman si Regalado noong dekada 1970 ng libretto para sa operang Prinsesa Urduha na nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura at itinanghal sa Centro Escolar University bago itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Walang ibang pinagbatayan si Regalado kundi ang tala ni Batuta, aniya, bagaman maaaring naanggihan din siya ng ilang palabok nina Zoilo M. Galang, Henry Yule, Jaime de Veyra, Austin Craig, Paz P. Mendez, Pedrito Reyes, at Jose D. Karasig. Ang opera ay binubuo ng prologo at tatlong yugto, at ang unang yugto ay may dalawang tanghal. Ginampanan ni Ruby Jose Salazar ang papel na Urduha; si Robert Natividad ang pumapel na Salim; si Josefina Dychitan si Dayama; si Emmanuel Gregorio si Gat Payo; at si Gamaliel Viray si Prinsipe Vladimir.

Símple lamang ang istoryang ginawa ni Regalado. Itinampok ang unang tagpo na nagkakasayahan ang mga lakan, gat, at lakambini, dahil isinilang na ng reyna ang tagapagmana ng korona o kaharian. Ngunit nang lumabas ang hari sa silid, ibinalita niyang hindi lalaki, bagkus babae ang kanilang anak ng reyna. At yamang babae ang kaniyang anak, ang hari ay naipit sa pagpapasiya kung ililigaw sa gubat o itatapon sa dagat ang sanggol, alinsunod sa bulong ng kaniyang mga tagapayo, dahil “walang karapatang mamuno” ang babae sa kanilang lipi at “lalaki lamang ang kikilalaning tagapagmana.”

Nabagabag ang hari, na hindi matanggap ang kapalaran, at kaya ipinatawag niya kinabukasan ang isang pitho upang hulaan ang magiging kapalaran ng kaniyang anak na si Urduha. Ayon sa hula ng matanda, si Urduha ay “magiging kilabot na mandirigma” na magpapalawak at maghahatid ng kasaganaan sa buong kaharian, at magpapasagana ng ani sa mga bukirin.

Dalawampung taon ang lilipas at magkakatotoo ang hula. Si Urduha ang humaliling pinuno ng kaharian, at nag-uwi ng maraming tagumpay sa pakikidigma. Nagdiwang ang kaharian sa bagong tagumpay ng prinsesa, at dumalaw pa sa kaniyang kaharian ang iba’t ibang sugo mula sa ibang bansa. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsasaya’y nabulabog ang palasyo. Nahuli ang isang tiktik (i.e., espiya), ani Gat Payo, at iniutos ng prinsesa na iharap sa kaniya ang maysala.

Ngunit bago naganap iyon, binagabag ng isang panaginip si Urduha. Napanaginipan niya ang isang binatang makisig at matikas ang tindig, at may kung bato-balani itong nagpatibok ng kaniyang dibdib. Nabulabog ang pandama ng dalaga, at sa unang pagkakataon ay napaibig sa lalaking naghari sa kaniyang guniguni. Ikinuwento niya sa kaniyang mga abay na sina Dayama at Abdulia ang panaginip ngunit wala silang naisagot sa kaniyang pagkabahala. Nasabi lamang ng mga binibini kay Urduha na siya ay nagsisimula nang umibig, tulad ng ibang babae. Nang iharap ng mga kawal ang nabihag na tiktik, lalong nagulantang si Urduha dahil kamukha ng lalaki ang lalaki ng kaniyang panaginip.

Ginawang alipin ang bihag, na nagngangalang “Salim,” alinsunod sa utos ni Urduha. Isang umaga, habang namimintana at umaawit sa balkon ang prinsesa ay napukaw ang pansin ni Salim. Iniwan ni Salim ang kaniyang ginagawa sa halamanan, at sa himig ng aria ay isinalaysay ang kaniyang tunay na layon sa kaharian ng prinsesa. Nais umanong ipaghiganti ng lalaki ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na tinudla ng palaso. Matamang nakinig ang prinsesa at natuklasan pa niyang si Salim ay mula sa liping maharlika.

Bumaba sa hardin ang prinsesa. At doon, inalayan siya ng bulaklak ni Salim. Napakislot si Urduha. Nang sandaling iyon, nakita sila ni Vladimir, na isang binatang maharlikang nais mapangasawa si Urduha. Kinausap pagkaraan ni Vladimir si Urduha, at sinabing sa pag-aasawa nauuwi ang lahat. Ngunit matigas ang wika ng dalaga, at tumugong ang pakakasalan lamang niya ay “ang lalaking tatalo sa kaniya sa pananandata.” Walang makapangahas makapanligaw kay Urduha, dahil ang babae’y mahusay makipaglaban, at may hukbong binubuo ng mga piling mandirigmang kapuwa lalaki at babae.

Nahati ang isip ni Urduha kung ano ang gagawin kay Salim. Napapaibig siya sa lalaki, at ang lalaking ito’y espiyang dapat hatulan ng kamatayan, alinsunod sa kaugalian ng kaharian. Dumating ang sandaling pinalalagda kay Urduha ang kautusang magpapataw ng parusang kamatayan kay Salim. Ngunit tumanggi si Urduha at winikang “lihis ang hatol” at dapat baguhin. Hindi pinatay si Salim, at sa halip ay hinayaan itong makauwi sa pinagmulang kaharian. Inihatid ni Urduha si Salim hanggang pantalan, at pagkaraan ay nalugmok sa pagdadalamhati. Sa kabila ng lahat, napukaw ang loob ng prinsesa sa matapat na paninindigan para sa sariling bayan.

Melodramatiko na ang ganitong opera, at humahangga sa sentimentalismo, na tila gasgas na tagpo sa telenobelang Marimar. Sa naturang paghalaw, ang istorya’y waring hinugot mula sa ibang bansa, isinalin sa wikang Filipino, at ang Filipinas ay nagkaroon ng masalimuot na kahariang kaiinggitan ng mga bansang may gayunding tradisyon. Pinananaig sa dula ang damdamin, at kahit si Urduha ang nagpasiya sa pagpapalaya ng binatang si Salim, ang nasabing dalaga ay naging bihag naman ng kaniyang damdaming nagbubukas ng personal na pagmamahal. Ngunit ang masaklap sa dula, hindi nga nagapi si Urduha sa mga digmaan ay magagapi naman siya ng tunggalian ng isip at damdamin para sa bayan, sa isang panig, at para sa sarili, sa kabilang panig.

Ano ang mapupulot natin sa maalamat na Prinsesa Urduha? Na may kakahayan tayong mga Filipino na lumikha ng sarili nating mito. Gayunman, ang nasabing mito ay hindi dapat mabilanggo sa panahong midyibal at pagpapalaganap ng mga paniniwalang hindi na angkop sa ating panahon, kalagayan, at kaligiran. Ang mito natin ay maaaring ngangayunin at dinamiko, at dapat umuurirat sa mga baligho nating pananaw, paniniwala, at kaugalian imbes na umangkat lamang tayo sa ibang bansa ng mga pananaw, paniniwala, at kaugalian nito. Ang bagong mito ng Filipino ay dapat makapagpalago ng ating pagkatao at kabansaan, at bumigkis sa ating sari-saring pangarap para tayo’y umangat, sumulong, umunlad.

Hudhud ng makabagong Ifugaw

Isa sa mahahalagang aklat ang Oral Literature of the Ifugao (2005) ni Manuel B. Dulawan, ngunit sa kasamaang-palad ay nalilingid sa kaalaman ng nakararami. Nakapaloob sa naturang aklat ang ugat, kasaysayan, at kaligiran ng Ifugaw, at ipinaliliwanag nito ang sari-saring ritwal tulad sa pagsasaka, pagdarasal, paggalang sa yumao, pagbubuo ng pamayanan, at pagsasaayos ng mga ugnayan ng mga tao sa pananaw ng taal na Ifugaw. Komplementaryo ang nasabing aklat sa maikling artikulong napabilang sa antolohiyang Literature of Voice: Epics in the Philippines (2005) na inedit ni Nicole Revel, at sinulat ni Lourdes Saquing Dulawan.

Bukod sa nabanggit, nakalahok sa aklat ang mga alamat, kuwentong-bayan, mito, awit, at epikong Ifugaw na nasa orihinal na wikang Ifugaw at tinumbasan ng payak na salin sa Ingles. Bagaman maraming maipupuwing sa saling Ingles ay hindi na mahalaga; higit na mahalaga ang maipaabot ang pinagmumulan sa Ifugaw tungo sa kamalayan ng Filipino. Dagdag pa rito, ang salin sa Ingles ay isang hamon na rin upang gumawa ng higit na magandang salin at halaw sa Filipino mula sa orihinal na tekstong Ifugaw ang kasalukuyang henerasyon.

Madaling mauunawaan ang isinasaad ng isang halimbawang kuwento o tula, dahil ang ilang salitang Ifugaw ay kahawig ang ilang salitang Bisaya o sinaunang Tagalog, gaya ng “banug” sa Ifugaw na katumbas ng “agila” (aguila) sa Espanyol at “banug” din ang tawag sa Tagalog, Bikol, at Bisaya. Hindi man regular ang tugma at sukat ng mga taludtod ay mapapansin na may natatanging ritmo ang tula, na patitingkarin ng pambihirang estribilyo sa ilang pagkakataon, upang masubaybayan ng tagapakinig o mambabasa ang daloy ng salaysay.

Mahihinuhang ang unang layon ng aklat ay itala ang tradisyong pabigkas ng Ifugaw, sinupin ang iba’t ibang taal na kaalaman, at itanghal ito sa paraang pinakamagaan. Matalas ang paliwanag ni M.B. Dulawan at laging may kalakip na banggit hinggil sa konteksto at kaligiran ng kaniyang pinapaksang bagay, halimbawa na ang tungkol sa mumbaki (na tila pari) at hongan di page (na serye ng mga seremonya ukol sa pagpapalago ng ipugong palay).

Maihahalimbawa ang “Si Aliguyun at si Bugan” na isa sa mga tanyag na bersiyon ng Hudhud ng Ifugaw. Tumutukoy ang “hudhud” sa anyo at paraan ng pahimig na pagsasalaysay ng Ifugaw na kabilang sa pangkat ng Tuwali. Binibigkas nang patula ang hudhud tuwing tag-ani sa mga payyo (rice terraces); tuwing naglalamay sa tao na namatay nang likas (at hindi pinatay o nagpakamatay); at tuwing may bogwa na ritwal kapag may hinuhukay na bangkay.

Sa bersiyong mula kay Marcela Guminigin na isang munhaw-e (makatang tagapagsalaysay), ang hudhud na “Si Aliguyun at si Bugan” ay umiinog sa pag-iisang dibdib ng dalawang tao na galing sa magkaibang lipi. Anak ni Amtalaw na mula sa Hujbitan si Aliguyun; samantalang si Bugan ang anak na babae ni Pangaiwan ng Gonhadan. Noong bata pa umano si Bugan, nakaligtaan siya ng kaniyang inang abala sa trabaho at dinagit pagkaraan ng mga dambuhalang uwak. Inilagak ng mga ibon si Bugan sa talahiban, at mabuti lamang ay natagpuan siya ni Kullaw na isang matandang naninirahan sa kagubatan. Inampon ni Kullaw si Bugan, at itinuring na sariling apo.

Lumaki si Bugan na isang marikit na dalaga. Isang araw, makakatagpo niya si Aliguyun, na isang mayamang binata mula sa Kiyangan. Manliligaw si Aliguyun at sasapit ang araw na pakakasalan niya ang dilag. Maghahain sila ng uyauy—na ritwal sa kasalan—para sa kanilang lipi. Samantala, makikilala naman ni Guminigin si Aginaya, ang babaeng kapatid ni Aliguyun at mahuhulog ang loob ng lalaki sa dalaga. Makaraan ang pista sa Hujbitan, dudulog si Guminigin at yayaing pakasalan si Aginaya. Papayag naman si Aliguyun at ibibigay ang kaniyang basbas. Magtutungo sina Guminigin at Aginaya sa Gonhadan. Magpapakasal sila, at magbibigay ng uyauy upang ipagdiwang ang kanilang pagsasama.

Ang isa pang bersiyon ng hudhud, na pinamagatang “Hudhud hi Aliguyun,” ay hitik naman sa madudugong bakbakan nina Aliguyun at Pangaiwan na siyang ama ni Bugan. Mababasa ito sa The Epics (2001) na tinipon at pinamatnugutan ng dakilang si Damiana L. Eugenio. Sa naturang bersiyon, ang magkatunggaling pamilya ay nagkabati dahil ang mga anak ng dalawang angkan ay nagpakasal matapos ang matagal na panahong bakbakan ng mga pangunahing tauhan, sampu ng kanilang matatapat na kawal. Nauna ang kuwentong ito sa Romeo and Juliet ni William Shakespeare, at sa klasikong tula at nobelang Tagalog na Ang Lumang Simbahan ni Florentino T. Collantes.

Sa pambungad ng aklat, ikinuwento ni M.B. Dulawan ang isang pangyayari nang dumalaw si Jaime C. Laya noong 1984 sa Kiangan, Ifugaw. “Napakaganda ng kulturang Ifugaw,” sambit ni Laya sa harap ng mga guro mula sa iba’t ibang lalawigan, “tulad ng ipinakikitang kariktan ng inyong mga payyo.” Hinimok pagkaraan niya ang mga guro na “Ituro muna ninyo ang sariling kultura bago ituro ang kultura ng ibang tao.”

Lumikha ng alingasngas, at hindi mabilis na tinanggap ng mga guro, ang mungkahi ni Laya. Ayon na rin kay M.B. Dulawan, ang mga salinlahi ng Ifugaw ay nabilog ang ulo sa pangangaral ng mga Kristiyanong misyonero at sa sistema ng edukasyong kolonyal ang oryentasyon. Ikinahiya wari ng mga Ifugaw ang kanilang kultura at pinagmulan. Dumating ang yugtong kailangang purgahin muna ng henerasyon ng Ifugaw ang sarili upang maangkin muli ang kanilang mayamang ugat. Lilipas pa ang ilang taon bago sisigla ang muling pagtuklas at pagpapalaganap ng kulturang Ifugaw, lalo sa hanay ng mga gurong Ifugaw.

Mahalagang aspekto ng kulturang Ifugaw ang tradisyong pabigkas. Ang tradisyong pabigkas ang nagsisilbing kamalig ng gunita at kasaysayan, ang tulay na nag-uugnay sa magkaibang henerasyon, at ang palihan ng mga tao na paulit-ulit isinasalaysay sa malikhaing guniguni ang kanilang karanasan at pakikipagsapalaran. Isinasalin sa tula, kuwento, at iba pang anyo hindi lamang ang mga salita o titik ng lipi, bagkus maging ang kamalayan at pananaw na marapat angkinin ng isang Ifugaw.

Wala pa akong nakitang lumabas noon sa merkado na may sigasig at lawak ng saliksik gaya ng sa Oral Literature of the Ifugao  ni Manuel B. Dulawan. Bilhin ninyo ito. Sagipin at palaguin pa natin ang naturang kultura, at tulungan natin ang bagong henerasyon na magsilang ng iba pang Manuel B. Dulawan na mahilig magsaliksik, magtala, at magsulat hinggil sa kulturang Ifugaw at iba pang lipi. O kung hindi’y nakatakdang mawala sa ating alaala at hinagap ang isa sa mahahalagang hiyas ng ating bansang minamahal.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers