Tungkol sa mga ad na ito

Landas ng Babaeng Minamahal, ni Carlos Barbarito

Salin ng tulang “Tao de la mujer amada” ni Carlos Barbarito.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LANDAS NG BABAENG MINAMAHAL

1
Babae: misteryo at pinto.

2
Hindi siya kinakagat ng mga putakti at ahas,
hindi siya kinakalmot ng maiilap na hayop,
hindi siya dinaragit ng mga ibong malulupit.

3
Malalambot na buto, nababanat na kalamnan,
misteryo sa misteryo,
mga pinto ng kagila-gilalas.

4
Kanginong anak siya?
Tila higit siyang matanda sa Langit at Lupa.

5
Kahit hindi lumabas sa kaniyang pinto,
alam niya kung ano ang anyo ng mundo.
Hindi man siya sumilip sa bintana,
nababatid niya ang landas ng kalangitan.
Bago ko siya makilala, kilala na niya ako.
Hindi niya ako nakikita, ngunit tinatawag
niya ang aking pangalan.

6
Kapag kumapit ka sa akin, aniya, kakapit ka
sa buhay, maglalakbay ka at hindi masasalubong
ang mga rinoseronte o tigre;
maglalakad ka nang walang sandata o kalasag
sa gitna ng mga mandirigma.
Walang susuwagin ang mga rinoseronte,
o kakalmutin ang mga tigre, o hihiwain ang patalim.
Walang puwang dito ang kamatayan.

7
Pagkaraan, mabubuo ang dilim at liwanag,
mabubuo ang mga anyo nang walang hugis,
ang mga pigurang walang pigura,
walang makakikita sa atin sa harapan,
yamang ang ating mga mukha
ay nasa likod, nasa ating likuran.

Tungkol sa mga ad na ito

Gunita

GUNITA

Iniipon niya ang nakalipas, at pumapaloob sa supot na kung hindi yari sa manipis na katsa ay plastik o balát na hindi tatagasan ng buhangin o tubig. Hindi niya maisasalaysay ang sarili, dahil kung gayon, mistulang ahas siya na lumulunok sa angking buntot. Mauunawaan lamang niya ang kaakuhan kung ipaliliwanag ng Kasalukuyan at babalangkasin ng Hinaharap. Kapuwa pagtitiwalaan at pagdududahan siya, alinsunod sa pakahulugan at pahiwatig ng mga awtoridad. Pawiin siya, at parang sanggol ang kabihasnang mag-iimbento ng kakatwang anino at planeta. Kaligtaan siya, at ang lipi’y magsisimula sa lawas ng wala, at sa matinding bahâng bumubura sa pulo at tagaytay. Gaano man katiwasay ang ngayon, gaano man kakulay ang búkas, magbabalik siya upang maging titis ng sigasig, balak, panibugho, o poot. Mahahalungkat ang dalamhati, at ang maaliwalas na umaga’y biglang magwawakas sa pagluha ni Tungkung Langit. Panghihimasukan niya ang magiging anyo ng mapa, gusali, o gubat. Magtatakda siya ng pamantayan at kumbensiyon sa damit, gamot, at batas; kahit ang pera, aliw, at wika’y pagtatalunan kung para sa henyo at mangmang o maykaya at hampaslupa. Habang tumatagal, ang supot ay maaaring umapaw sa samot-saring nilalang o sapalaran o tadhana. Gayunman, hindi sa habang panahon. Maaaring kumawala sa himaymay ng katsa ang buhangin ng pagkakataon o likidong pangyayari; at siya ay magwawakas na hungkag gaya ng walang silbi’t may lamat na garapon. Iniipon niya ang nakaraan; at kung siya man ay tawarang pansamantala o pangmatagalan, ay ikaw lamang, kaibigan, ang makapagsasadula, habang nagtitinikling ka sa palaisipan ng takipsilim at liwayway.

“Gunita,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Mayo 2010.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

Mga Tulang Tuluyan ni Ridvan Dibra

salin ng mga tulang tuluyan ni Ridvan Dibra mula sa wikang Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAG-IBIG NG MGA ALAKDAN

Taliwas sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na pawang nagtataglay ng lason sa kanilang bibig, ang mga alakdan ay nagtatago ng kamandag sa dulo ng buntot, na nagpapahiwatig na hindi yaon maituturing na lubos na responsable sa mga maibubunga ng lason, gaya ng hindi ganap na responsable ang mga tsuper sa mga aksidenteng sanhi ng likurang gulong ng kanilang sasakyan.

Hindi ba ito magandang dahilan para igalang ang mga alakdan kung ihahambing sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na nagtataglay ng lason sa kanilang mga bibig?

TAKIPSILIM

Taliwas sa gawi ng mga hayop na malamyang tumutugon sa mga takipsilim, mga reaksiyon na samot-sari ang anyo at paraan, halimbawa na ang pagsulak ng silakbo sa pakikipagtalik o pagkiling sa pagpapaamo ng kanilang ilahas na kalikasan, na pawang salungat sa mga hayop na nakararanas ng mahihiwagang sandali gaya sa pasibong paglubog ng araw, ang sangkatauhan ay unti-unting nagiging walang pakialam sa gayon, nang hindi ganap na kumbinsido kung ang pagkawalang pakialam ay nadidiktahan o pakunwari lamang, bagaman nakatitiyak ito na ang mga takipsilim ay magpapatuloy sa regular na pagsapit kahit walang pakialam ang tao.

MGA TALUKTOK

Kinakailangan ang matinding buhos ng niyebe at ang pagkalupig ng lahat ng bagay sa makinis na unipormidad para mapansin ng mga tao ang mga taluktok ng bundok.

GRABA

Malungkot na kumikiskis ang mga graba sa aking talampakan: maputi, makinis, wari bang mga diwain ng utak ng kung sinong mababaw na nilalang, at pagdaka, ang buról ay mananatiling nakabukod sa tabi nito, na natitilamsikan ng tubig mula sa ilog.

Naaawa ako sa buról.

Naaawa ang buról sa mga graba.

Ano naman ang tingin mo?

BALÁT NG AHAS

Naghunos ng balát ang ahas, at isinampay ang balát sa sanga ng punong mansanas, saka gumapang nang malaya kung saan.

Napagawi ang tumánggong sa punongkahoy, inamoy ang balát, at nabatid na walang halaga ang balát ng ulupong.

Narinig ng lobo ang pagaspas ng balát ng ahas na nakasampay, ngunit tinalikdan yaon dahil wala iyong dugo.

Kinuha ng tao ang pinaghunusang balát ng ahas at itinahi iyon sa pares na glab para kaniyang kulay-liryo at inosenteng mga kamay.

Alakdan

Alakdan, larawan mula sa artsibo ng Project Gutenberg

Dalawang Tula ni Anna Akhmatova

salin ng mga tula ni Anna Akhmatova, at batay sa saling Ingles ni Daniel Weissbort
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAG-IBIG

Nakaikid ito, katulad ng ahas,
Sa taglay kong puso’t may angking orasyon
Kundi bumubulong nang kung ilang hapon—
Parang kalapati sa bintanang bukás.

Sa ningning ng yelong kusang namumuo,
Paghimbing ng klabél ay may pahiwatig,
Na lahat ng tuwa at gaan sa isip
Ay lihim na agos na nagsusumamo.

Nananabik, tulad ng dasal-biyolin,
Tumangis man ito’y nakabibighanì.
Ito’y nagaganap, na ang isang ngitî’y
May kung anong hatid na takot sa akin.

NAKARINIG AKO NG TINIG

Nakarinig ako ng tinig sa loob, nanawag sa akin
Upang makiramay: “Halika, halika. Dumako ka rito.
Iwan mo ang Rusya, ang maruming bansa, at iyong lisanin
Ang inang bayan mo. At sundin, sundin mo ang iniutos ko.
At huhugasan ko ang dugong bumatik sa angkin mong kamay.
Pupurgahin yaong mga kahihiyan sa loob ng puso;
Ang lahat ng iyong kubling pagkagapi at kirot ng uyam
Ay lalapatan ko ng bagong pangalang di makapapaso.”

Di ako natinag, at tahimik siyang hinarap nang ganap.
At ako’y nagtukop ng mga tainga, nagbingi-bingihan,
Bago pa man niya ako malapastangan, at ganap mawasak
Ang namimighati, sugatang loob ko sa gayong pananaw.

Ahas

Ahas, mula sa artsibo ng http://www.pdphoto.org

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 162 other followers