Pakiramdam ng Pagiging Guro, ni Indries Shah

Salin ng “How it Feels to be a Teacher” ni Indries Shah mula sa India.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Itinampok ang pagkaguro sa kathang Nurbakshi sa ganitong paraan:

“Ang guro ay tila dalubhasang artesano sa isang bayan na ang mga tao’y hangad ang likhang-sining ngunit pinapangarap na isagawa iyon sa gitna ng dilim. Siya ay parang agila sa loob ng hawla, na pinagkaitang lumipad at makatanaw, ngunit inuupahan ng mga tambay para sa kalugurang biswal. Siya ay waring leon sa malalim na hukay, na pinapainan ng mga mangmang at hinahangaan ng mga tao na mahilig magsuot ng kalawanging abrigo. Kaparis siya ng langgam, na nakaimbento ng bahay, at nangangarap na mahihimok niya ang tao na tularan siya. Para siyang uwak, at nagpapamalas sa tao kung paano ililibing ang kaniyang mga yumao, habang nakamasid ang tao at nagugulumihanan, yamang batid niyang kaya niyang matuto subalit hindi isinasahinagap kung ano ang dapat matutuhan mula sa ginagawa ng uwak.

“Lahat ng Mago ay dapat matuto kung paano isasalin sa sinuman ang taglay na karunungan. Ngunit magagawa lamang nila iyon kung ang mag-aaral ay bukás matuto ng kung anong dapat pag-aralan, at kung paano siya dapat matuto. Ang paraan ng pagkatuto ang unang dapat niyang ituro. Hindi ka estudyante hangga’t hindi ka handang mag-aral ng paraan ng pagkatuto. At kung ang guro mo’y pinapayuhan kang matuto sa pamamagitan ng mga salita, o gawa, o kaya’y sa paghuhurno ng tinapay, ay iyan ang iyong paraan.”

Ang Mahabang Martsa, ni Malek Haddad

Salin ng “La longue marche” ni Malek Haddad mula sa Algeria, at batay sa saling Ingles ni Robert Fraser. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Huwag nating kaligtaan ang lahat ng bagay na lampas zero
Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata
Pagkaraan ay magpapatuloy nang walang ikinakaila
Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Hindi kinakailangang ibukod ang panginorin sa himpapawid
Hindi maihihiwalay ang indayog ng musika sa sayaw
At sa loob ng talukbong ko’y nakararaos ang aking bahay
Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Sa dalawang Sahara’y hinahabi ko ang aking mga awit
Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata
Ako ang katotohanan ang mag-aaral ang leksiyon.

Malimit kong nagugunita ang pagiging pastol . . .
Saka lilitaw sa aking paningin ang anyo ng lubhang pagdurusa
Ng kapuwang minamasid sa kaniyang di-madurog na mga kamay
Ang kasaysayan ng bansang pagsisilangan ng punong kahel
Malimit kong magunita ang pagiging pastol
Hiniwa ko ang pabilog na torta
Hinawi ko ang mga igos
Ipinapakasal nang mabuti
ang aking mga anak na babae
Hindi yaon makapapantay
. . . . . . Sa baril
. . . . . . . . . .Sa tungkulin ng aking panganay na lalaki
At pinakamarikit sa lambak ang aking kabiyak.
Sa amin, ang salitang Tinubuang Bayan ay may lasa ng poot
Hinaplos ko ang puso ng mga punong palma
Nagbubunyag ng epiko ang tatangnan ng aking palakol
At nakita ko ang lolo kong si Mokrani
Na pisil ang tanikala ng mga butil habang tinatanaw lumampas
Ang mga banog
Para sa amin, isang alamat ang salitang Tinubuang Bayan.

Ama!
Bakit mo ipinagkait sa amin
. . . . . . Ang makalupang musika
Masdan:
. . . . . . . . . Ang iyong anak
Ay nag-aaral magsalita sa ibang wika
Ang mga salitang nabatid ko
Mula pa noong kabataang pastol ako.
Diyos ko, sumapit ang gabi ng mga gabi sa aking mga mata.
Tinawag ng aking ina ang kaniyang sarili na Ya Ma,
At tinawag ko naman siyang Nanay
Naiwan ko kung saan ang aking balabal baril panulat
At taglay ang unang pangalan na taliwas sa aking inaasal
Ay, ang gabi, Diyos ko! Ano ang ikabubuti ng pagsipol
Para itaboy ang takot na kitatakutan mo na kinatatakutan mo
Nang subaybayan ka ng lalaki na tila isang salamin
Ang mga kaklase mo at ang mga kalye ay naging mga biro
Ngunit sasabihin ko sa iyong ako’y Pranses
Tingnan ang aking damit ang puntó ang bahay
Na ginagawang propesyon ang isang karera
Nagsasabing “Tunisyan” kahit ang kahulugan ay “Tagakalakal”
Ako na iniisip ang isang Hudyo na waring kawawang katutubong
Kawal? Ano ba naman, walang belo ang aking kapatid
At sa Liceo, hindi ba hinamig ko ang lahat ng premyo sa Pranses
Para sa Pranses para sa Pranses para sa Pranses . . . sa Pranses?

Bágyo

Nabibingi ako tuwing lumalayo sa iyo, at tumitimo sa karimlan ng aking isip ang kabundukan ng brilyante. Umalis sa kailaliman ng gabi, ang bus ay inihahatid ako sa lungsod na higit na nakasisilaw sa iyo. Kabesado ng tsuper ang matatarik, kumukurbang kalsada kahit yata nakapikit. Nauunawaan ng aking mga buto ang lamig; at natatanto ng lamig ang kalabisan na mautal sa halimuyak ng matatandang pino. Lumulusong ako sa paikot, maulop na mga bangin kahit wala rito ang aklat ni Borges:  Tatanungin ko ang karimlan kung hinuhubog nito ang anito, at kung bakit kumikirot ang aking pandinig. Ano ang musika ng paglalakbay? Sumasagot ang dilim sa pamamagitan ng mga ambon. Lumuluha sa hamog ang salamin ng bus. Walang patid na biyahe ang nais ko; at kung ikaw ang aking lungsod na paroroonan, hindi ako matatakot na mabingi, gaya ng bathalang nagpakumbaba at lumakad sa lupa. Sumasapit ako sa iyo hindi upang makarinig; lumalapit ako sa iyo upang ikaw ay makaniig, at malasap ang ganap na pakikipagsapalaran—alinsunod sa tadhana ng bituin, apoy,  panaginip. . . .

[“Bágyo,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 13 Mayo 2014]

Blood Moon

Nakasisilaw ang ginintuang buwan dito sa Sagada, at habang nakatanaw ako sa terasa ng Yoghurt House, ang humahabol sa aking guniguni ay bus sa Halsema. Tinatakpan ng ulop ang kabundukan, na parang binuksang pabrika ng yelo, at ang landas ay dambuhalang ahas na gumagapang nang lasing. Nakasakay ang iyong kaluluwa sa aking balikat; at kahit ako tumutungga ng tsaang gubat, ang nagugunita ko’y mga taludtod ni Marne Kilates hinggil sa kadena at kadensa ng mga liryo. Ang iyong labi ay isa ring liryong bumubukad sa madaling araw, at ang hininga’y halumigmig ng bakod ng mga pino mula sa hilaga. Iyan ang kumukurot sa aking guniguni, at paniniwalaan kahit nagretiro na akong tumula. Hahalakhak ka—doon sa silid ng mga anino— at magbabalik ang alingawngaw mula sa lambak. Maniniwala na akong gusgusing siste ang lamig na tumatagos sa buto, ngunit kung ang tinig mo’y panggabing huni, kusa akong maglalagos sa mga yungib—at handang mabasâ ang mga paa sa saluysoy ng kailaliman.

 “Blood Moon,” ni Roberto T. Añonuevo © 18 Abril 2014.

Ang Láwas ng Ibá, ni Roland Barthes

Hango sa Fragments d’un discours amoureux (1977) ni Roland Barthes
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Láwas ng Ibá

corps / láwas

Anumang diwain, anumang pakiramdam, anumang interes na napukaw sa mapagmahal na simuno ng minahal na lawas.

1. Hatî ang láwas ng iba: sa isang panig, ang angkop  na katawan—balát, mga mata—malambot, mainit; at sa kabilang panig, ang tinig—mabilis, tahimik, at nakapailalim sa pagpapamaktol ng kalayuan, ang tinig na hindi nagbigay ng kung ano. O kung palalawigin: sa isang panig, ang malambot, mainit, magaan, marikit na katawan, at sa kabilang panig, ang umaalunignig, buo, at makamundong tinig—ang malimit na tinig.

2. Minsan ay pumukaw sa akin ang isang diwain: Nahuli ko ang sariling maingat na sinisiyasat ang minahal na katawan (gaya ng tagapagsalaysay na minamasdan ang natutulog na si Albertine). Ang magsiyasat ay nangangahulugang maghanap: Hinahanap ko ang lawas ng iba, na waring nais kong masilayan kung ano ang nasa loob niyon, na tila ang sanhing mekanikal ng aking pagnanasa ay nasa kasalungat na lawas (Ako ay tulad ng mga bata na binabaklas ang orasan upang matuklasan kung anong oras na).  Isinasagawa ang operasyong ito sa anyong malamig at gulantang; Ako ay panatag, alerto, na parang hinaharap ang isang kakatwang kulisap na sa kisapmata’y hindi ko na kinatatakutan. Ilang bahagi ng katawan ay angkop sa ganitong pagmamasid: pilik, kuko, buhok sa anit, ang mga di-ganap na bagay. Malinaw na ako ngayon ay nasa proseso ng pagnanasa sa bangkay. Gaya ng pinatunayan ng katotohanang kung ang lawas na aking sinusuri ay nagkataong lumitaw mula sa kawalang-tinag nito, kung nagsimula iyon sa paggawa ng kung anong bagay, magbabago ang aking pagnanasa; kung halimbawa’y nakita ko ang iba na nag-iisip, nagwawakas ang aking pagnanasa na maging baluktot, magsisimula ulit yaon na maging guniguni, at magbabalik ako sa isang Hulagway, sa isang Kabuuan: muli, ako’y umibig.

(Ako’y nakamasid sa lahat ng bagay sa mukha ng iba, at nakatitig nang malamig sa ibang katawan: mga pilik, kuko sa paa, manipis na kilay, manipis na labi, kislap ng mga mata, nunal, paraan ng paghawak ng sigarilyo; napahanga ako—ang paghanga, na bukod sa lahat, ang tanging sukdulang pagkakahiwalay—sa uri ng kinulayang sineramiko, kristalinang piguriya na kaya kong basahin, nang walang pag-unawa sa anumang bagay hinggil doon, ang sanhi ng aking pagnanasa.)

 

 

 

 

Salaysay ng aking kamatayan, ni Leopoldo Lugones

salin ng “Historia de mi muerte” ni Leopoldo Lugones mula sa Argentina
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas

Salaysay ng aking Kamatayan

Napanaginipan ko ang kamatayan at ito’y napakapayak:
Binilot ako ng mga sedang hibla,
at bawat halik mong pumipihit
ay kumakalag sa buhol ng pagkatao.
At bawat halik mo’y
isang araw;
at ang panahon sa pagitan ng dalawang halik
ay gabi. Payak lamang ang kamatayan.
At paunti-unti ay lumalarga nang kusa
ang nakamamatay na hibla. Hindi ko iyon kontrolado
bagkus ang munting bagay sa pagitan ng mga daliri . . .
Pagdaka’y naghunos kang malamig,
at hindi na muli akong hinagkan .  .  .
Pinawalan ko ang sinulid, at naglaho ang aking buhay.

Mga Batang Riles, ni Seamus Heaney

Salin ng “The Railway Children” ni Seamus Heaney
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang inakyat natin ang dalisdis ng punlaan
Kapantay ng ating paningin ang mapuputing kopa
Ng mga poste ng telegrapo at sumasagitsit na kawad.

Tila marikit na hagod ay iniukit yaon nang ilang milya
Pasilangan at pakanluran palayo sa atin, pabulusok
Sa lilim ng pasakit ng mga langay-langayan.

Maliliit tayo at inisip na wala pang nababatid
Na dapat mabatid. Inakalang dumadaloy ang salita
Sa mga kawad sa makikislap na sisidlan ng ulan,

Bawat isa’y inihasik na buto na may liwanag
Ng langit, ang kinang ng mga linya, at ating mga sarili
Na walang hanggang kinaliskisan

Makadadaloy tayo palagos sa mata ng karayom.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 172 other followers