About these ads

“Ulan” ni Jorge Luis Borges

Salin at halaw ng “La lluvia”  ni Jorge Luis Borges mula sa orihinal na Espanyol
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ULAN

Lumiwanag nang mabilis itong hapon
Nang umambon nang biglaan at banayad.
Ibinuhos o bumuhos. Matitiyak
Na ang ulan ay umiral nang malaon.

Uulinig ang nawalay na panahong
Ang pag-ulan ay hiwagang ibubunyag
Sa kaniya ng pag-iral ng bulaklak
Na ang pula’y pagkapulang umaapoy.

Mahilam man ang salamin sa pag-ulan
Sa malayong kanayunan, ang ubasang
Maiitim ay gagapang nang masigla.

Walang patyong nakatirik ang narito.
Inaasam yaong tinig sa ama kong
Di pumanaw, kung tikatik ang tamasa.

Jorge Luis Borges

Jorge Luis Borges, larawan mula sa Wikipedia.

About these ads

Dalawang Talinghaga ni Hermann Hesse

salin ng dalawang tula ni Hermann Hesse
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAPAG WALA KA

Nakatitig sa akin ang unan ko tuwing gabi,
Hungkag gaya ng lapida;
Hindi ko akalaing magiging napakapait
Ang mag-isa, at matulog
Nang hindi nakasapin ang iyong buhok.

Mag-isa akong nahihiga sa tahimik na bahay,
Pumupusikit ang nakabiting lampara,
At marahang iuunat ang mga kamay
Upang kipilin ang iyong palad,
At banayad na dampian ng mainit na labi
Palapit sa iyo, at hagkan ang sarili, nang pagal
Pagdaka’y bigla akong magigising
At nanunuot ang lamig ng gabi sa paligid.
Malinaw na kikislap ang bituin sa bintana—
Nahan ang iyong ginintuang buhok?
Nahan ang iyong matamis na bibig?

Nilalagok ko ngayon ang kirot sa bawat lugod
At ninanamnam ang lason sa bawat alak;
Hindi ko alam na magiging ganito kapait
Ang mag-isa,
At mag-isa, nang napakalayo sa iyong piling.

SA PAGLALAKBAY

Huwag malungkot, at sasapit din ang takipsilim
Na matatanaw natin ang lihim na halakhak
Ng buwan sa pusikit, liblib na nayon,
At mamamahinga tayo nang magkahawak-kamay.

Huwag malungkot, darating ang panahon
Na tayo’y makapagpapahinga. Maititirik
Nang sabay ang mga krus natin sa maliwanag
Na lansangan, at bubuhos ang ulan, uulan
Ng niyebe, at magpapabalik-balik ang hangin.

Paghihintay

Larawan mula sa http://www.photos8.com.

“Lilim” ni Boleslaw Prus

salin ng kathang “Cienie” ni Boleslaw Prus mula sa orihinal na Polish, at batay sa saling-Ingles ni Christopher Kasparek
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

LILIM

Habang nauupos ang sinag ng araw mula sa kalangitan, sumisilang ang takipsilim mula sa kalupaan. Takipsilim ang malaking hukbo ng gabi, na may laksang di-nakikitang hanay at bilyon-bilyong kawal. Ang makapangyarihang hukbo na noong una pa man ay nakikibaka sa liwanag, nadudurog tuwing bukang-liwayway, lumulusob tuwing gumagabi, maghahari mulang dapithapon hanggang madaling-araw, at pagsapit ng umaga’y magkakawatak-watak, at magkukubli sa mga pook na lihim habang nagmamatyag.

Maghihintay sa malalalim na guwang at silong ng lungsod, sa makakapal na kagubatan, at sa kaibuturan ng maiitim na lawa. Mag-aabang habang mananambang sa walang-kupas na lungib, bituka ng minahan, singit ng kanal, sulok ng bahay, at pusod ng mga dingding. Waring kalat-kalat ito at naglaho, ngunit napupuno nito ang bawat lilignan ng paligid. Umiiral ito sa bawat siwang ng punongkahoy, sa mga tupi ng damit ng tao; humihimlay sa pinakamaliit na butil ng buhangin, sumasabit sa pinakapinong hibla ng sapot ng gagamba, at mag-aantabay. Pinalis mula sa isang pook, lilipat ito nang kisapmata kung saan, at magbabalik sa pinag-ugatan kapag nakasumpong ng pagkakataon, upang mapasok ang di-nasasakop na posisyon at mangibabaw sa daigdig.

Samantalang naghihingalo ang araw, ang hukbong takipsilim ay tahimik at maingat na magmamartsa palabas sa mga kublihan nito. Pupunuin nito ang malalamlam na pasilyo, bulwagan, at hagdanan ng mga gusali; mula sa mga aparador at dulang ay marahang gagapang sa gitna ng silid at kukubkob sa mga kurtina; mula sa mumunting lagusan ng hangin sa pintungan ng alak at bintana ay tatakas patungo sa lansangan, sasalakayin ang katahimikan ng mga pader at bubong, magpapasukot-sukot nang pakubli sa bubungan, at matiyagang maghihintay na maglaho ang mamula-mulang ulap sa kanluran.

Maya-maya’y biglang sasambulat ang karimlan mulang lupain tungong kaitaasan. Magtatago ang mga hayop sa kani-kanilang himpilan; tatakbo pauwi ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Ang búhay, tulad ng halamang pinagkaitan ng tubig, ay mangunguluntoy at malalanta. Malulusaw ang mga kulay at anyo sa kawalan; maghahari ang sindak, mali, at krimen sa buong daigdig.

Nang sandaling iyon, sa mga kalye ng Warsaw na natitigang, lumitaw ang kakatwang hulagway ng isang tao na may munting apoy sa kaniyang tuktok. Tinahak niya ang bangketa na waring hinahabol ng dilim, hinintuan ang bawat lampara, at nang mapailaw yaon, ay naglaho gaya ng anino.

Gayon ang nagaganap araw-araw kada taon. Nangyayari iyon sa mga bukid, habang humahalimuyak ang mga bulaklak; o tuwing Hulyo habang humahalihaw ang bagyo. Umuunos man ng alikabok tuwing taglagas o sumisigabo ang niyebe sa himpapawid, malimit tuwing pagsapit ng gabi’y kakaripas siya sa mga bangketa habang tangan ang munting apoy, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho sa lilim.

Saan ka nanggaling, ginoo, at saan nakahimpil? Ni hindi namin alam ang tabas ng iyong mukha o narinig man lang ang tinig. May asawa ka ba o ina na naghihintay sa pagbabalik mo? May mga anak ka bang kakandungin at yayakapin pagkaraang sindihan ang mga ilawan? May mga kaibigan ka bang mahihingahan ng tuwa at lungkot, o kakilalang makakahuntahan sa mga nagaganap araw-araw?

May tahanan ka ba na kinaroroonan mo? May palayaw ka ba? May pangangailangan ka ba’t nararamdaman, gaya namin? O sadyang wala kang hubog, tahimik at maysa-tagabulag na nilalalang na lumilitaw lamang tuwing takipsilim, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho gaya ng anino?

May nagsabi sa akin na lalaki nga siya, at binigyan pa ako ng kaniyang adres. Pinuntahan ko ang kaniyang tirahan sa gusaling paupahan, at nagtanong sa porter:

“Nakatira ba rito ang lalaking nagsisindi ng mga ilaw sa kalye?”

“Oo, dito nga.”

“Nahan siya?”

“Sa silid na iyon.”

Nakakandado ang silid. Sumilip ako sa bintana at natanaw ang isang sopa sa tabi ng dingding at kalapit niyon ang mahabang tungkod na may ilawan. Wala roon ang tagailaw.

“Ano ho ba ang kaniyang itsura?”

“Ewan,” sambit ng porter. “Ni hindi ko siya kilala, dahil wala siya kapag umaga.”

Pagkaraan ng kalahating taon, nagbalik ako sa kaniyang tirahan.

“Nariyan ba ang tagailaw ng kalye?”

“Ay, naku!” saad ng porter. “Wala na siya at hindi na magbabalik pa. Inilibing siya kahapon. Patay na siya!” Napakunot ang porter.

Nagtanong ako ng ilang detalye at nagtungo sa sementeryo.

“Mamang sepulturero, maituturo mo ba ang puntod ng tagailaw ng kalye?” Inulit niya, “ang tagailaw ng kalye?”

“Sino ang makatatanda niyan? Tatlumpung bangkay ang inilibing kahapon!” aniya.

“Inilibing siya sa pinakadukhang puwesto ng sementeryo. Ang tagailaw,” untag niya.

“May dalawampu’t limang tagailaw na gayon.”

“Ngunit naroon siya sa walang barnis na kabaong.”

“Nagdala sila rito ng labing-anim na walang barnis na kabaong.”

Hindi ko nabatid ang kaniyang mukha o pangalan, o natukoy man lamang ang  libingan. At nanatili siyang lihim hanggang kamatayan, tulad noong siya’y nabubuhay: nakikita lamang tuwing takipsilim, pipi at mailap na gaya ng anino.

Sa gitna ng karimlan ng buhay, na nangangapa ang sawimpalad na sangkatauhan, na ang ilan ay sasalpok sa mga hadlang, mahuhulog ang iba sa guwang, at walang makaaalam ng ligtas na landas, na ang mapamahiing tao ay makalalasap ng kabiguan, karukhaan, at pagkapoot—sa madilim, walang bakás na pook ng buhay, magkukumahog ang mga tagailaw, mananatiling lihim ang pag-iral, magpapagal nang di-matingkala, saka maglalaho gaya ng lilim. . . .

Tigre sa Kahuyan

TIGRE SA KAHUYAN

Naaamoy ng mga asong-gubat ang iyong tagumpay. Susundan nila ang patak ng mga dugo mula sa hila-hila mong usa o kambing, hanggang matuklasan ang iyong kinaroroonan. Titingalain nila ang iyong tropeo na nakasabit sa matitigas na sanga, at maglalaway saka mag-aagawan sa pira-pirasong karne na mahuhulog habang nilalapa mo ang tanghalian. Makisig at mabilis, aatungal ka upang itaboy ang mga pesteng palaboy. Pupukulin mo sila ng titig na nang-uuyam, at sasagot sila sa mga tahol na nangangatal. Tatangayin ng simoy ang lansa ng pagpaslang, at maya-maya’y aali-aligid sa himpapawid ang mga buwitre, samantalang tatanghod ang mga daga sa ibaba. . . .

Nagugutom ang mga supling ng kagubatan, at ito ang balitang nasasagap ng pandinig ng lupain. Ngunit kaya mong magwagi sa gitna ng mga tagsalat; at sa kabila ng tag-init ay nakasasakmal ka pa ng kalabaw na bumabagal sa pagtakas sa kamatayan sanhi ng labis na katabaan o katandaan. Nakapagtipon ka ng mga medalyang kalansay, at ibinalato sa mga kapos-palad na nilalang. Ngayong namamahinga ka sa tabi ng bagong bangkay, at umiinit ang katawan sa libog, binibingi ka naman ng mga tsismosang langaw at lamok—na waring ibig litisin ka sa moralidad ng pagtikim ng dugo at lamán.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Disyembre 2009.

Tigre, larawan mula sa photos8.com

“Babala sa Mambabasa” ni Robert Bly

Salin ng tulang tuluyan mula sa Ingles ni Robert Bly
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

BABALA SA MAMBABASA

Nagiging bukod-tanging maganda minsan ang mga kamalig kapag naglaho na ang mga trigo at robles, at winawalis ng simoy ang alikabok sa sahig. Masisilayan natin ang paligid, habang nakatayo sa loob,  na naglalagos sa mga guwang ng umurong na dingding na lawanit ang mga hibla ng sinag. Kaya sa tula ng pagkakapiit, nakikita ninuman ang munting liwanag.

Ngunit gaano karaming ibon ang nabitag at namatay sa mga kamalig na ito! Ang ibon, na natatanaw ang kalayaan sa liwanag, ay papagaspas paakyat sa mga dingding at sasalpok at babagsak nang paulit-ulit. Ang tanging daan palabas ay ang landas na pinapasok at nilalabasan ng mga daga; subalit napakababà ng lagusan ng daga sa sahig. Mga manunulat, mag-ingat sa pagpapamalas ng liwanag mula sa mga dingding, ngunit huwag pangakuan ng daan palabás ang mga balisa at ligalig na ibon!

Mag-ingat ka, mambabasa! Ang mga mambabasang nais ang mga tula ng pag-ibig ay maaaring mapaupo sa sulok ng kamalig nang hungkag ang sikmura sa loob ng apat na araw, habang unti-unting nauupos ang liwanag, at marahang nanlalabo ang paningin. . .

Maaaring magwakas sila bilang talaksan ng mga balahibo at bungo sa biyak na kahoy na sahig. . . .

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration

“Sa Bulwagan ng Templo” ni Ko Un

Salin ng tula ng makatang Koreanong si  Ko Un
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA BULWAGAN NG TEMPLO

Ibagsak si Buda!
Ibagsak ang guwapo at mapintog na Buda!
Ano ang kaugnayan ng eleganteng balbas?
Baklasin ang pintadong putang barakilan!
Ulo ng dragon? Ano’ng silbi ng ulo ng dragon?
Buwagin ang templong iyan, itaboy ang mga monghe,
Paghunusin sila na maging mga uod at alabok!
Puwe!
Lastag, walang ari-ariang Buda ang tunay na Buda!
Ang palengkerang bungangera, siya
siya ang tunay na Buda!
Lahat tayo’y BudaBudaBuda, tunay na Buda.
Buháy na Buda? Isang sigarilyo,
iyan ang preskong-preskong Buda!

Hindi, hindi iyan.
Kahit madaling salungatin ang daigdig,
na lahat ay mariwasa at matiwasay, nababalot
ng marikit na damit pangmayaman, at taglay
ang sangkaterbang nalilikhang kalakal
ng kapuwa Koreano at Amerikanong teknolohiya,
malayang makapamuhay ang bawat tao,
walang panggigipit sa karapatang pantao,
at paraisong maituturing,
at paraisong maituturing ang lahat.
Kahit ang walang kapantay na langit, na hitik sa hiyas,
ay kailangang baguhin pa rin araw-araw ng mga tao.
Kailangang baligtarin ang daigdig na ito araw-araw,
at ipagbanyuhay, tulad ng umaalimbukad na lotus.
Iyan ang Buda.

Ibagsak ang labinlimandaang taon ng kaululan,
humihimbing ang panahon at panahon ay humihimbing,
gaya ng maruming sanaw na umaalingasaw.

Hulagway ni Buddha

Hulagway ni Buddha

Sumpa ng Anito

Sumpa ng Anito

Iwan ako at pagbukas ng pinto ay sasalubong ang baha.
Iwan ako at paglakad sa kanto ay mabibiyak ang lupa.
Iwan ako at pagsilip sa guho ay sasagitsit ang kidlat.
Iwan ako at pagtili sa bato ay mapopoot ang simoy.
Iwan ako at pagtutop sa noo ay lalagablab ang apoy.
Iwan ako at katwiran ang paglitaw ng mga peste’t sibat
Upang ipagunita ang paghihiwalay, isang tanghaling-tapat.

Larawang kuha ni Shubert Ciencia

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers