Ang Mithi

Lumilipad ang iyong panalangin upang hanapin ako sa kung saang lansangan. May bagwis ang iyong bawat kataga, at mapapansin ko na lamang ang mga balahibong lagas sa ulo o balikat. Nakapagtindig ka ng gusali sa aking dibdib isang araw, at ang gusaling ito ay unti-unting tumayog, ngunit taliwas sa dapat asahan, nabubuo iyon sa mga salitang iniluluwal ng mga diwa. Hindi humihinto ang iyong panalangin, at ang gusali mo ay naglagos sa aking balát, pataas nang pataas, at hindi ko ngayon malaman kung ang gusali ay higit sa aking pangalan at pinagmulan.

Pambihira ang iyong panambitan, at kung makikinig ang sinumang Maykapal, matutulig siya na parang hinahabol ng lamok at langaw.

Sadyang may elektrisidad ang hangin, at kaya nitong isakay ang iyong mithi na handang tumanggap ng pala-palapag na tungkulin at pagsasakit. Umusal ka pa, at magliliwanag ang bawat bintana ng gusali. Humibik ka, at isa-isang mabubuksan ang mga pinto. Sumigaw ka, at ang mga tao sa gusali’y magiging abala at magkukunwaring inaabot ang kalangitan. Sasapit ang panahong matutuklasan ng gusali ang esensiya ng semento at pagkabato. “Bakit kailangang tumayog?” at ang paulit-ulit mong tugon sa pamamagitan ng mahihiwagang bulong ay katumbas ng pagdama sa malamig na simoy at bulawang dapithapon.

Sinusundo ako ng iyong mga panalangin. Hindi ako makaiiwas. Sagrado ang iyong bibig na makapagbubuklat ng diksiyonaryo ng pag-ibig. Naiiwan ang iyong ngiti sa aking guniguni. Kinukusot mo ang aking buhok, at pinipisil itong balikat. Samantala’y bumibigat ang gusali sa aking katawan; at kailangan ang bagong lawas na kayang magsakatawan ng iyong salita. Kailangan kong matuto ng naiibang sagot para makaugnay ka, o kung hindi’y maniniwala ako na isa rin akong  bathala—na handang magbukás ng langit para sa mga maysakit, mangmang, palaboy, at dukha.

“Ang Mithi,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 10 Pebrero 2010.
"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.

"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.

Ang Diktador

Sisikip ang mga lansangan sa mga kumpeti at sasakyan. Aalingawngaw ang tinig na magpapakilala sa mga bathala. Nuwebe de Pebrero. Ito ang sandali ng digmaan ng lahat ng digmaan. Sa Kalye Olympus ay maghahari si Zeus, at itataboy ng libak ng pagkagapi si Kronus. Magtatagumpay si Zeus sa tulong ng mga pangitain at bulong ni Prometheus, at di maglalaon ay ipupuslit mula sa langit ang apoy na nakasilid sa pasyok para sa mga abang nilikha.

Masisilaw ang lahat sa apoy na bumubulusok sa kalawakan.

Sa ngalan ng agham at sining, maisasalin ang apoy ng paglikha sa kamay ng mga dukha at mangmang. Mayayanig ang mga anito sa kanilang pedestal, at matutuklasan nila ang daigdig na kumikitid sa paglitaw ng mga bagong Maykapal. Mabubuo ang mga wika na magtatatag ng mga kaisipan at partido. Mag-aaway ang mga tao sa ibabaw ng entablado at himpapawid. At ihahalal ng sambayanan ang tanyag na diktador. “Laban, laban, laban!”

Ano ang silbi ng mata kung hindi nakakikita? Ano ang silbi ng utak kung mananatiling hungkag? Ano ang silbi ng mga metalikong halimaw at kabayo kung hindi mapaaamo ng mga hukbo? Marami pang tanong ang sasagutin ng tatlong pilas na Kapalaran, at ang kapalarang ito ang haharapin kahit ng sukdulang diktador.

May karapatan ang kalangitan na utusan si Hephaistos na pumanday ng mga tanikala para sa dambuhalang Prometheus. May monopolyo ng karunungan at apoy, ani Zeus, at apoy at talentong nararapat sa dibinong lahi. Matutunghayan ng mga anak ni Okeanos ang bilanggo sa guwang at dilim, ngunit ipagkakait ni Prometheus sa mga kapuwa bathala ang pagpapamalas ng munti mang hinanakit. At matutuklasan nang di-inaasahan ni Okeanus ang kaniyang guro mula sa sinapit na kamalasan ng inmortal na bilanggo.

Gayunman, may kirot kahit sa pananahimik. Darating tuwing hatinggabi ang dambuhalang banog na lalapa ng atay ng inmortal, at magugunita ni Prometheus ang mga kataga ng kaniyang ina. “Ang kapalaran,” ani Themis, “ay hindi nagmumula sa sandata o lakas. Bumubukal ang gahum at tagumpay mula sa karunungan!” Sisigabo ang taltalan sa himpapawid at kumperensiya. Magtatalo ang mga opisyal sa pagbilang ng mga boto at bangkay. Mag-aagawan kahit sa puwesto at buto ang mga aso ng senado.

At mabibitin ang pasiya kung sino ang hahaliling dakilang panginoon.

Bakit kailangang hintayin ang supling ni Io? ang tanong marahil ng mga botante. Magnanasa si Zeus sa pinili niyang marikit na dalaga—na hahabulin ng makukulit na bangaw—at ang magiging supling niya ang siya ring papaslang sa kaniyang ama. Sa ngalan ng ama ay lilitaw ang tagapagligtas na anak. Sa ngalan ng anak ay lalaya mula sa pagkakapiit ang tagapaghatid ng liwanag sa lupa. At sa ngalan ng ina ay mababatid ng daigdig ang katuparan ng hula.  May karapatan ang sinumang diktador na pangalagaan ang kaniyang kaharian. Hayaang magdusa si Prometheus at ang kapatid niyang si Atlas dahil sa pagsalungat sa dibinong kautusan.

Walang puwang sa langit ang sinungaling at taksil. Walang puwang sa langit ang tagapagpalaganap ng bait. Walang puwang sa langit ang kakampi ng mga mortal. Ako lamang, sigaw ni Zeus, ang may karapatang wasakin ang sariling kaharian! Hayaang magpista ang lahat. Ilabas ang mga banda ng musiko. Ihain ang masasarap na alak at pulutan. Magdiwang nang hubo’t hubad, at malaya ang sinumang makipagkarat sa minamahal. Magpakalasing, oo magpakalasing, samantalang abala ang mga makina sa tungkuling nakakiling sa kinabukasan ng kataas-taasan, kagalang-galang na Maykapal.

Hula at sumpa ang kaligtasan ng mga bathala. Hula at sumpa. . . .

“Ang Diktador,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 9 Pebrero 2010.
Prometheus

Nakabigkis na Prometheus, pintura ni Jacob Jordaens, 1640, Wallraf-Richartz-Museum, Cologne, Germany.

Isang Silanganing Awit ni Allen Ginsberg

salin ng tulang “An Eastern Ballad” ni Allen Ginsberg
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ISANG SILANGANING AWIT

Winika ko ang pag-ibig na nasagap:
Na matapat itong buwan kahit bulag;
Kumikilos kahit iba yaong loob.
At kalinga sa kaniya’y nagpalungkot.

Di inisip na ang dagat ay malalim
At maitim ang lupain; sa paghimbing,
Muli akong naging isang batang paslit.
Nang magising ay ilahás ang daigdig.

Larawan mula sa public domain photos.com. Kuha ni Jon Sullivan.

Ang Pantera ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Der Panther” ni Rainer Maria Rilke
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG PANTERA

Sa Hardin ng mga Halaman, Paris

Napagod ang kanyang paningin sa bakod na rehas,
At wala na iyong makita sa buong paligid.
Nabatid na niyang wala nang iba pang may rehas,
Sa likod ng laksang bilibid ay walang daigdig.

Ang tatag at liksi ng kanyang paghakbang paikot
Sa ubod ng liit na bilog ay tulad ng sayaw
Ng ganap na lakas sa gitna; at doon, hilahod
At manhid ang bait na ibig humalang sa malay.

Kung minsan, tataas nang saglit ang tabing ng mata,
Tahimik papasok sa may balintataw ang anyo
Paloob sa siksik, namitig na lawas at paa,
Upang pagkaraan, maglaho nang lubos sa puso.

Tigre

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, at hango sa artsibo ng gimp savvy.com

Ang Pag-ibig, ayon kay Paramahansa Yogananda

salin ng tula ni Paramahansa Yogananda
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANO ANG PAG-IBIG

Ang pag-ibig ay halimuyak ng sumupling na lotus.
Ito ang tahimik na koro ng mga talulot
Na umaawit ng armonya ng taglamig na pantay
Ang kariktan.
Ito ang awit ng kaluluwa, na humihimig sa Diyos.
Ito ang balanseng ritmo ng sayaw ng mga planeta—
Kabilang ang araw at buwang nakasindi
Sa bulwagan ng langit na hitik sa bulak na ulap—
Sa palibot ng makapangyarihang Tahimik na Bait.
Ito ang uhaw na rosas na umiinom ng liwanag
At namumula nang masigla.
Ito ang nanghihimok sa sangkalupaan
Para ipasuso ang kaniyang gatas sa maliliit, uhaw
Na ugat,
At alagaan ang lahat ng buhay upang makairal.

Pag-ibig ang lingid na paghahanap ng Dibinong Ina
Na sumasanggalang sa anyong ama,
At nagdudulot ng gatas ng kayumian ng ina
Sa mga bibig na nangangailangan ng kalinga.
Ito ang kalugod-lugod na anyo ng mga sanggol,
Na umaamo ng ulan ng kabutihang loob ng magulang
Upang bumuhos sa kanila.
Ito ang malayang pagsuko ng sinta sa kaniyang katipan,
Upang magsilbi at magpalubag.
Ito ang mahiwagang gamot ng pakikipagkaibigan,
Na nagpapahilom ng mga wasak at sugatang kaluluwa.
Ito ang sigasig ng martir na magbuwis ng dugo
Para sa kaniyang minamahal na Tinubuang Bayan.
Ito ang tahimik, kagalang-galang na panawagan ng puso
Sa kapuwa puso.
Ito ang kirot ng loob ng makatang malapít sa Maykapal
Para sa bawat umuungol, naghihinagpis na nilalang.

Ang pag-ibig ay kalugdan ang liping rosas ng talulot,
At lumaganap sa malawak na bukirin—
Lampasan ang lagusan ng panlipunan, pambansa,
At pandaigdigang simpatya,
Sa walang hanggahang Tahanang Kosmiko—
Upang sumilay nang may panggigilalas at paghanga
At pagsilbihan ang lahat ng nabubuhay,
Walang tinag man o kaya’y kusang gumagalaw.
Ito ang pag-alam kung ano ang pag-ibig.
Alam niya kung sino ang isinasabuhay ang gayon.

Pag-ibig ang nakabubuting tawag ng ebolusyon
Sa mga napariwa’t naligaw na anak
Upang umuwi sa bahay ng Kaganapan.
Ito ang panawagan ng kagandahang nakadamit
Upang sambahin ang dakilang Kariktan.
Ito ang panawagan ng Bathala
Sa pamamagitan ng tahimik na karunungan
At pagsambulat ng sinag mula sa kaloob-looban.

Ang pag-ibig ay Kalangitan
Tungo sa mga bulaklak, ilog, bansa, atomo,
At nilalang na pawang
Matwid nating nilalandas nang humahagibis,
O paliko-liko’t masalimuot na daan ng kamaliang
Ang sukdol ng kasasapitan ay kanlungan din ng lahat.

Lotus

Lotus, retratong kuha ni Jon Sullivan, mula sa artsibo ng Public Domain Photos.com

Dalawang Tula ni Anna Akhmatova

salin ng mga tula ni Anna Akhmatova, at batay sa saling Ingles ni Daniel Weissbort
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAG-IBIG

Nakaikid ito, katulad ng ahas,
Sa taglay kong puso’t may angking orasyon
Kundi bumubulong nang kung ilang hapon—
Parang kalapati sa bintanang bukás.

Sa ningning ng yelong kusang namumuo,
Paghimbing ng klabél ay may pahiwatig,
Na lahat ng tuwa at gaan sa isip
Ay lihim na agos na nagsusumamo.

Nananabik, tulad ng dasal-biyolin,
Tumangis man ito’y nakabibighanì.
Ito’y nagaganap, na ang isang ngitî’y
May kung anong hatid na takot sa akin.

NAKARINIG AKO NG TINIG

Nakarinig ako ng tinig sa loob, nanawag sa akin
Upang makiramay: “Halika, halika. Dumako ka rito.
Iwan mo ang Rusya, ang maruming bansa, at iyong lisanin
Ang inang bayan mo. At sundin, sundin mo ang iniutos ko.
At huhugasan ko ang dugong bumatik sa angkin mong kamay.
Pupurgahin yaong mga kahihiyan sa loob ng puso;
Ang lahat ng iyong kubling pagkagapi at kirot ng uyam
Ay lalapatan ko ng bagong pangalang di makapapaso.”

Di ako natinag, at tahimik siyang hinarap nang ganap.
At ako’y nagtukop ng mga tainga, nagbingi-bingihan,
Bago pa man niya ako malapastangan, at ganap mawasak
Ang namimighati, sugatang loob ko sa gayong pananaw.

Ahas

Ahas, mula sa artsibo ng http://www.pdphoto.org

Dalawang Tula ni Alexander Pushkin

salin ng mga tula ni Alexander Pushkin (na binabanghay ding Aleksandr Sergeyevich Pushkin), batay sa saling Ingles ni Yevgeny Bonver
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANGHEL

Sa bungad ng eden, ang mayuming anghel
Ay yukod ang ulo na labis ang ningning;
Habang ang demonyo’y malamlam at poot
Na pumapagaspas sa banging makipot.

Ang masamang loob at diwang balisa’y
Tumitig sa taas na mabuting diwa;
Ang apoy ng pilít na ginhawang taglay
Ay kanyang natalos sa unang tunghay.

“Nakita na kita,” aniyang malakas,
“At hindi nasayang ang hatid mong sinag:
Hindi ako poot sa lahat sa langit,
Hindi ako suklam sa buong daigdig.”

MGA BULAKLAK NG TAGLAGAS

Ang mga bulaklak ng buong taglagas
Ay marikit kaysa tagsibol ng patag.
Dahil mapupukaw yaong niloloob
Na napakalakas, bagaman malungkot,
At gaya ng kirot ng paghihiwalay
Ay higit ang tatag kaysa pagtitipan.

Alexander Pushkin, larawan mula sa http://www.edinformatics.com

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 169 other followers