About these ads

Dalawang Tula ni Cecilia Woloch

salin ng dalawang tula ni Cecilia Woloch
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

CARPATHIA

Hinugasan ang abok at bantot
ng tren na Polish,
nakiawit sa isang paslit.

Kumain at tumawa at umiyak,
tumagay ng vodkang may katas
ng mansanas, at nagtinapay.

Lumakad sa mga bukirin
nang dapithapon, at sa gubat
at pabalik muli—

parang ng mga gumamela,
amorsekong matinik ang ulo,
unang asul na mirasol ng Hunyo.

Ibinukas ang kamay sa langit
humilata nang mag-isa
sa aking pagkalula.

Tinipon ang mumunting butil
na biyoleta mula sa ilang,
at kinipil sa palad—

Siberyong sirwelas, maliliit
na bunga, na nilasap sa dila
ang malamuyot na tamis-pait.

Nabigo at nabigo sa pag-ibig.
Lumayas kung saan-saan,
habol-habol ang hininga.

Nagtiwala sa mundo na maging
mabuti’t tumayo sa pintuan,
at nakinig sa mga lobo’t

naulinig ang sariling bangkay
sa talahibang bumubulong:
Mahal, mahal, mahal.

MGA ALITAPTAP

At ito ang aking mga bisyo:
kawalang tiyaga, mainit ang ulo, alak,
at malimit na paghitit ng sigarilyo;
halos di-matighaw na uhaw na mahagkan;
pagkagutom na hindi basta gutom
bagkus gaya ng takot, pagpigil sa hilakbot;
at pagtikim sa mapapait na tsismis
ng mga tao na nanakit sa akin—para sa pait;
at paglalandi sa mga estranghero at pagsasabi
ng “Mahal” sa mga batang di-alam ang ngalan;
pagmamaneho nang mabilis, at di-pagiging
Budista para hayaan sa bahay ang mga insekto
o ang maririkit na mala-laruang dagang kosta
na ang mga katawan ay dumikit sa bitag
na dala ko ang mga bangkay pa-basurahan;
at minsan, higit na pinipiling makapiling
ang aklat kaysa tao, at hihimig nang hihimig
at mabubuhay sa loob ng guniguni
at kung paanong gaya ng batang babae’y
susundan ang makupad na lakad ng tiya
tuwing takipsilim doon sa halamanan,
at natutong humuli ng mga alitaptap sa palad,
upang ipahid ang malalagkit, pumupusikit
na sinag sa mga daliri at tainga gaya ng hiyas.

Bubuyog sa bulaklak

Retrato mula sa photos8.com

About these ads

Mga Talinghaga ni Karol Wojtyla

salin ng mga tula ni Karol Wojtyla (na tinawag ding Papa Juan Pablo II)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAGSUSUMAMO NI JUAN KAY MARIA

Huwag pahupain ang mga alon ng aking puso,
tumataas iyon pagsapit sa paningin mo, ina;
huwag baguhin ang pag-ibig, bagkus ibalik
ang alon sa akin sa malilinaw mong palad.
Hiniling niya ang ganitong tagpo.
Ako ang mangingisdang si Juan. Wala nang
natitira pa sa akin para mahalin.
Nadarama kong naroroon ako sa baybay-lawa,
kumikiskis sa mga talampakan ang mga bato,
at walang ano-ano’y biglang lumitaw Siya.
Di mo na yayakapin ang misteryo niya sa akin;
at tahimik kong ikakalat na mirto ang diwa mo.
Sa pagtawag ko sa iyong Ina, na hiling Niya,
nagsusumamo ako: nawa’y huwag bumaba
ang halaga ng salitang ito para sa iyo.
Totoong mahirap timbangin ang pakahulugan
ng mga salitang inihihinga niya sa atin,
upang ang lahat ng nangaunang pagmamahal
sa gayong mga salita ay manatiling nakakubli.

AKTOR

Maraming tumayog sa paligid ko, sa loob ko,
mula sa sarili ko, gaya noon:
Naging tulay ako, nagpapakawala ng lakas
na tinawag na tao.
Hindi ba ang ibang nakikisiksik ay binabaluktot
ang tao na siyang ako?
Sa pagiging isa sa kanila, malimit di-perpekto,
ang sarili ko sa sarili kong napakatalik,
sinuman ang mabubuhay sa akin, makatitingin
ba siya sa sarili nang walang pangangamba?

DALAGITANG SAWI SA PAG-IBIG

Sinusukat natin sa sukatan ng asoge ang kirot
gaya ng pagsukat sa init ng katawan at simoy:
ngunit hindi ganito ang pagtuklas ng hanggahan;
iniisip mo na ikaw ang gitna ng mga bagay.
Kung matatalos mo lang ang hindi hindi ikaw:
Siya ang sentro,
at Siya rin na hindi nakasumpong ng pag-ibig.
Bakit ni hindi mo makita ni mapansin?
Para saan, para saan ang puso ng tao?
Kosmikong temperatura. Puso. Asoge.

Papa Juan Pablo II

Papa Juan Pablo II, retrato mula sa full of peace.org

“Pinto ng Gabi” ni Cecília Meireles

salin at halaw ng tula ni Cecília Meireles mula sa Portuges de Brazil
salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PINTO NG GABI

Sumasapit ang mga anghel upang buksan ang pinto ng gabi
sa sandaling napakalalim ng ating paghimbing
at malaganap ang katahimikan sa kaligiran.

Mabubuksan ang pinto’t mapapabuntong-hininga tayo.

Sumasaliw ang mga anghel sa kanilang marikit na musika,
habang sumisigabo ang mga tunika sa simoy- kalawakan;
at magkakasala ang kanilang matatas, di-maarok na dila.

Pagdaka, susupling ang mga bunga’t bulaklak sa mga puno.
Magkakasala-salabat ang mga sinag ng buwan at araw.
Matatanggal ang buhol ng laso sa lawas ng bahaghari.
At lilitaw ang lahat ng hayop nang makaniig ang mga bituin.

Dumarating ang mga anghel para buksan ang pinto ng gabi.

At mauunawaan natin na wala nang sapat na panahon,
na ito na ang ating pangwakas at sukdulang pangitain:

na kumakaway na tayo upang isaad ang pamamaalam,
na lumaya na ang mga paa natin mula sa rabaw ng lupain,
lumaya upang umimbulog na inihayag at pinapangarap
mula pa noong tayo’y ipinanganak nang ganap.

Iniaabot sa atin ng mga anghel ang dibinong paanyaya.
At mangangarap tayo na hindi na muling nananaginip pa.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan. Retrato mula sa artsibo ng public domain photos.com

Apat na Tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Asbar)

salin ng mga tula ni Adonis (alyas ni Ali Ahmad Said Asbar)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAMATAYAN

Papanaw tayo maliban kung lilikha ng mga diyos.
Papanaw tayo maliban kung papatay ng mga diyos.
O, kaharian ng nalilitong bato!

DALAWANG BANGKAY

Ililibing ko sa busabos mong sikmura,
ulo, kamay, at mata
ang minarete;
ililibing ko ang dalawang bangkay:
ang daigdig at ang kalangitan.

O tribu,
O, sinapupunan ng mga putakti,
At ang kahungkagan ng hangin.

SASABIHIN KO SA IYO

Sasabihin ko sa iyo:
Nakinig ako sa karagatan
na binibigkas sa akin
ang taglay nitong mga tula;
Nakinig ako sa mga batingaw
na humihimbing sa takupis
ng mga talaba.
Sasabihin ko sa iyo:
Inawit ko ang aking mga awit
sa kasalan ni Satanas
at sa pista ng pabula.
Sasabihin ko sa iyo:
Tinitigan ko
sa buhos ng kasaysayan
at sa ningning ng ibayo
ang diwata at ang tirahan.
Dahil naglalayag ang aking mata,
sasabihin ko sa iyo
na nakikita ko ang lahat
sa unang hakbang ng kalayuan.

BAYAN KO

Sa mga mukhang nangunguluntoy sa maskara ng pighati,
yumuyukod ako.
Sa mga lansangang nalimot ko ang aking mga luha,
sa ama na namatay na sinlungti gaya ng ulap
na may layag sa ibabaw ng kaniyang mukha,
yumuyukod ako.
At sa batang ipinagbibili
upang makapagdasal at makapagpakintab ng sapatos,
(sa bansa namin, nagdarasal kami lahat at pinakikintab
ang mga sapatos),
at sa mga bato na iniuukit ko sa rabaw ang aking gutom
at nagiging mga kidlat at ulan
na gumugulong sa mga talukap ng aking paningin,
at sa bahay na ang lupa’y dinadala ko sa mga paglalakbay,
yumuyukod ako.
Lahat ng ito ay bayan ko,
hindi ang Damascus.

“Ang mga Dukha” ni Roberto Sosa

salin ng “Los Pobres” ni Roberto Sosa mula sa orihinal na Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MGA DUKHA

Napakarami ng dukha
kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Matitiyak
na tinatanaw nila
sa bawat liwayway
ang laksang gusali
na ibig nilang panahanan
ng kanilang mga anak.

Maaari nilang
pasanin sa balikat
ang kabaong ng bituin.
Kaya nilang wasakin
ang himpapawid
sa anyo ng nabuburyong
na kawan ng mga ibon,
at takpan ang buong
sinag ng araw.

Ngunit dahil di-malay
sa taglay na kayamanan,
labas-masok sila
sa mga salamin ng dugo,
at lumalakad nang marahan
at marahang namamatay.

Kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Kawan ng mga Ibon

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration. Mula sa artsibo ng gimp-savvy.com.

Mula sa Selda

Sasakay ako ng eroplano—yamang naturingang baliw—at iikutin ang mundo sa loob ng kusina o aklatan, at mapapagod dahil wala namang pinupuntahan. Sasakay ako ng submarino at sisisirin ang karagatan sa palibot ng bakuran, at mapapagal dahil palulutangin naman ng armada ng mga bantay. Sasakay ako ng bus patungong kabundukang walang kaparis, habol-habol ng matatapat na kawal na anghel, lilipat sa dyip at motorsiklo nang mailigaw ang tumutugis na sikologo at hukom, hanggang maihatid ng kathang-isip na kabayo o kalabaw palapit sa iyo. Hahanapin kita sa mga magasin o folder, aaninawin ang iyong anino sa kung saang lihim na sisidlan, at yamang wala ka, mapipilitan akong lumabas ng tahanan, magtiwala sa tinig na tumutulay sa himpapawid, at maglakad nang maglakad nang palinga-linga, iisiping makararating diyan, diyan sa kalyeng tinatahak ng iyong balingkinitang hulagway. Matatagpuan kita balang araw, itaga mo sa bato; at matatagpuan mo ako, gaya ng pagbasa mo sa mga salitang ito.

“Mula sa Selda,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 29 Disyembre 2009.

Alcatraz Island

Alcatraz Island, retrato mula sa http://www.pdphoto.org

Dalawang Tula ni Eugenio Montale

salin ng mga tula ni Eugenio Montale mula sa Italyano at ibinatay sa saling-Ingles ni G. Singh
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAGBAGSAK NG HALAGAHAN

Binasa ko ang gradwadong tesis ng estudyante
hinggil sa pagbagsak ng halagahan. Sinumang
bumagsak ay mahihinuhang nasa kaitaasan,
at mahahalata, ngunit sino ang labis na gago?

Wala sa itaas o ibaba ang búhay ng tao,
at wala ring gitna. Hindi nito batid ang itaas
o ang ibaba, ang hungkag o ang ganap,
ang bago magsimula o ang nakalipas. Walang
anumang nalalaman hinggil sa kasalukuyan.

Punitin ang mga pahina, itapon sa imburnal,
huwag kang kumuha ng anumang digri,
at masasabi mo ngayon na namuhay ka
marahil kahit man lang sandali, kahit kisapmata.

MGA SALITA

Kapag napukaw
ang mga salita,
tatanggihan nito ang pinakamarikit
na pook na laan sa kanila,
ang basahang papel mula sa Fabriano,
ang tinta mula sa Tsina, ang pamigkis
na balát o pelus
na nagpapanatili ritong lihim.

Kapag nagising
ang mga salita,
mahihiga ito sa likod ng resibo,
sa mga gilid ng tiket ng lotto,
sa mga kard na pangkasal
o pahatid sa mga pakikiramay.

Walang anumang hinihiling
ang mga salita
nang higit sa pagkakasalabid
ng mga teklado
ng portabol na Olivetti,
sa munting dilim ng mga bulsa
sa pangginaw o sa pusod
ng basurahan; at pinaliit
sa kuyom na pira-pirasong papel.

Nalulungkot
ang mga salita
na palayasin gaya ng mga puta
at tanggapin nang may poot
na mga palakpak at panghihiya.

Naiisin
ng mga salita
ang humimbing sa loob ng bote
kaysa uyamin na binasa, ipinagbili,
pinabango, at pinatulog nang matagal.

Pag-aari ng lahat
ang mga salita, at mabibigo yaong
magtago sa mga diksiyonaryo,
dahil malimit may isang palaboy
na maghahalukay ng pambihira
at pinakamabahong halamang-ugat.

Nawawalan ng pag-asa
ang mga salita
makalipas ang walang hanggang
paghihintay na bigkasin pang minsan
at pagdaka’y yayao sa piling niya
na nag-aangkin, nagmamahal sa kanila.

Silid-aklatan, kuha ni Jon Sullivan.

Silid-aklatan, kuha ni Jon Sullivan. Mula sa public domain photos.com

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers