About these ads

Pabula sa Tag-araw

Napagawî ang tagák doon sa dalísay na sapà. Naákit siyáng tumítig sa túbig, at nakíta niyá ang saríli bílang nápakágandáng babáe sa daigdíg. “Anung hiwagà!” wikà ng tagák. “Walâ nang hihigít pa sa áking maputîng anyô!”

Mayâ-mayâ’y kumilapsáw ang tubig. At humalakhák ang sapà habang nanánalamín doón ang naligáw na íbon. “Bakit ka túmatáwa, butihing sapà?” usisà ng tagák.

Umismíd ang sapà, hábang hinuhugásan sa saluysóy ang mga paá ng tagák. “Nang tumítig ka sa ákin,” sambít ng sapà, “nakíta ko sa iyó ang áking kapalaran.”

“Ngúnit hindi akó pithó ng daigdíg!” salág na tugón ng tagák. “Walâ akóng kapángyaríhan úpang magbunyág ng hináharáp!”

“Ang nakikíta ko sa mga matá mo’y hindî ang tagák na tinitigháw ang úhaw sa tubigan,” tugón ng sapà. “Kundî ang mahiwagàng babáeng mágsisílang sa tag-aráw!” At mulîng napáhalakák ang sapà, na warìng inuúyam ang íbon.

Nagúlat ang tagák sa winikâ ng túbig. At mayâ-mayâ pa’y pumagaspás ito nang mángalísag ang balahíbo, at lumipád palayô sa sapà, hábang sinisíkap takásan ang bágong kabatíran.

Kinábukásan, natuyô ang sapà sa kung anóng dahilán. Bumángon sa mga bató ang isáng lastág na binibíni, at lumákad nang pasúray-súray hábang bumúbulóng ng “Pedro. . . Pedro!” bago pumaloób nang tahímik sa mga salitâng itó.

“Pabula sa Tag-araw,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo at hinalaw mula sa isang sinaunang kuwentong Tsino.
Tagak, kuha ni Jon Sullivan

Tagak, kuha ni Jon Sullivan at hinango mula sa artsibo ng public domain photos.com

About these ads

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.

Mga tula ng paglalakbay ni Immanuel Mifsud

salin ng mga tula ng makatang Slovak Immanuel Mifsud
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BATO

May isang bato na ibig kong itago mo.
Nakatago ito sa aking dibdib na kumikirot.
Ibig kong kunin mo iyon, gawing bulaklak
upang bigyan ng mga kulay ng iyong anyo.

Lumuluha ang bato tuwing takipsilim
at bumibigat nang bumibigat nang lubos,
bumibigat sa dugo, bumibigat sa pighati,
at bumibigat sa umiikling paghinga.

Hinihintay nito ang iyong pagdalaw.
Hinihintay yapakan ng hubad mong paa’t
luhuran, nang mahagkan ang iyong tuhod
para sa araw na aangkinin mo ang bato.

TANONG

Tumingin ka sa akin, magandang binibini:
Totoo ba na sinumang tumawid sa dagat
upang dumaong sa malungkot mong lupain
ay nagwawakas na said ang dugo’t kalansay?

PANGGABING TREN

Hinahawi ng tren ang karimlan. Gumagapang ito
at tumatawid sa mga antuking bayan na naiilawan
ng poste sa dulo ng mga estasyon na naghahayag
ng pagdating at paglisan, at ng itim na pagyao
ng tren na humahati sa dilim
at hindi kailanman makararating.

BIYAHE MULANG VRÚTKY HANGGANG BRATISLAVA

Ikinandong ko ang iyong ulo habang nasa tren
at nabatid na pinagod ka ng biyahe kaya nahimbing.
Tiningnan kita at napansing ito na ang wakas.

Ang naiwan ay ang aking huling pagmamadali
na habulin ang eroplano na maghahatid sa akin
pabalik sa lupaing ibig kong ibigay sa iyo,
sa lupaing babalikan ko nang mag-isa.
Saan ko hahanapin ang kakaibang disenyo
na iginuhit sa alabok para sa akin?

Sinulyapan ko ang iyong pandulong puting anyo
at naunawaang ito na, ito na ang wakas.
Ito ang panahon, at panahon ang laging nagdidikta.

Tren

Tren, kuha ni Jack Delano, Marso 1943. Mula sa artsibo ng Library of Congress.

Ang Banyaga

Lumalabas siya ng bahay at ang bahay ay aandar nang kusa para uyamin ang panuto ng pag-iral. Aandar ang bahay sa guniguni ng malagkit na sala o mapanghing kubeta, mabubulabog sa mga batang uhugin ngunit maliksing nagsusuntukan, maililipat sa opisina sa gitna ng pulong, maisasakay sa kotse para harapin ang kumperensiya, darako sa hotel, unibersidad, o supermarket para tuparin ang listahan ng tipanan, asignatura, at layaw, saka magbabalik sa pagiging bahay pagsapit ng hatinggabi. Bahay na bato, bahay kubo, bahay-bahayan, bahay-aliwan, ano ang kaibahan nito sa bahay na isinisilid mo sa pitaka, o kaya’y inililihim sa kontrata?

Tatakasan niya ang bahay, at uupa ng kasambahay. Iiwan sandali ang itinuturing na tahanan, pababayaan ang bakurang hitik sa mga tuyong dahon, maglalakwatsa kahit alanganin, malulugod sa pagpapatakbo ng bagong kotse, kalilimutan na siya ay magulang o asawa, iaangkas ang dalagang kakilala, totoma marahil sa paboritong tambayan, at pagbalik kinagabihan, ang bahay ay huhugutin sa bulsa at alaala. Matatawa siya dahil bukod sa matatag ay matapat ang kaniyang bahay para magsilbi sa pang-araw-araw na pangangailangan.  Pagpaloob niya sa garahe, mauulinig niya ang mga kaluskos at pagaspas, saka maaaninag ang mga nakadapong kuwago sa nakaawang na bintana.

At pagbukas niya ng tarangkahan, ni hindi siya papansinin ng sinumang multong namamahay.

“Ang Banyaga,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 23 Pebrero 2010.

Kuwago, kuha ni Magnus Rosendahl. Mula sa artsibo ng Public Domain Photos.com

Kalayaang Huminga ni Aleksandr Solzhenitsyn

salin ng tulang tuluyan ni Aleksandr Solzhenitsyn batay sa saling Ingles ni Michael Glenny
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KALAYAANG HUMINGA

Umulan noong gabi at tumakip ang maiitim na ulap sa himpapawid, at pagbugso-bugsong umambon nang malamig.

Nakatayo ako sa lilim ng punong mansanas na namumukadkad, at huminga. Bukod sa punong mansanas,  ang mga damo’y kumikislap sa hamog; hindi mailalarawan ang mabangong halimuyak na taglay ng simoy. Huminga ako nang malalim hangga’t makakaya, at pumaloob sa katauhan ko ang bango; huminga ako nang nakadilat, at huminga nang nakapikit—hindi ko mabatid kung alin sa dalawa ang nakapagbibigay sa akin ng higit na kaluguran.

Ito, sa paniniwala ko, ang tanging pinakamahalagang kalayaan na hindi mababawi sa atin ng bilangguan: ang kalayaang huminga nang maluwag, gaya ng ginagawa ko ngayon. Walang pagkain sa lupain, ni alak, ni halik ng babae ang higit na matamis para sa akin kaysa simoy na ito na sakay ang halimuyak ng mga bulaklak, ng hamog, ng kasariwaan.

Hindi mahalaga kung ito’y munting hardin lamang, na nababakuran ng tiglilimang palapag na gusaling parang kulungan ng mga hayop. Huminto na akong pakinggan ang putok ng tambutso ng motorsiklo, ang garalgal na tinig ng radyo, ang alingawngaw ng maiingay na ispiker. Hangga’t may sariwang hangin na masasamyo sa lilim ng punong mansanas makaraang umambon, makararaos tayo kahit kaunti.

Bahaghari

Bahaghari, larawan mula sa artsibo ng http://www.photos8.com

Mga Lungsod at Mithi ni Italo Calvino

salin mula sa Le città invisibili (Invisible Cities, 1972)  ni Italo Calvino.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Mula roon, pagkalipas ng anim na araw at pitong gabi, sasapit ka sa Zobeide, ang puting lungsod, na ganap na lantad sa sinag ng buwan, at may mga lansangang nakaikid gaya ng sinulid. Isinasalaysay nila ang alamat na ito hinggil sa pundasyon ng pook: Magkakapareho ng panaginip ang mga tao ng sari-saring bansa. Nakita nila ang babaeng tumatakbo isang gabi tungo sa di-kilalang lungsod; nakita siyang nakatalikod, mahaba ang buhok, at lastag. Pinangarap nilang habulin siya. Sa kanilang pagkukumahog, bawat isa’y naiwala siya. Matapos ang panaginip, naghanda silang hanapin ang lungsod na iyon; hindi nila natagpuan ito, ngunit nakatagpo ng isa pang lungsod; nagpasiya silang magtindig ng lungsod na katulad ng kanilang napanaginip. Sa paglalatag ng mga kalye, sinundan ng bawat tao ang landas ng kaniyang minimithi; at sa pook na naglaho ang bakás ng hinahabol, nagsaayos sila ng mga espasyo at pader na kakaiba sa panaginip, upang hindi na siya makatakas pang muli.

Ito ang lungsod ng Zobeide, na tinahanan nila, ang pinaghihintayan ng tagpong mauulit isang gabi. Wala ni isa man sa kanila, tulóg man o gising, ang nakakita muli sa babae. Ang mga lansangan ng lungsod ay mga lansangang tinatahak nila para pumasok sa trabaho, na wala nang kaugnayan sa napangarap na paghabol. Na nakaligtaan na nang lumaon.

Dumating ang mga bagong tao mula sa malayong lupain, na nagkaroon ng panaginip gaya ng sa mga nauna, at sa lungsod ng Zobeide, nakilala nila mula sa mga kalye ang pangarap, at binago nila ang posisyon ng mga arkada at hagdanan, upang maihawig nang malapit sa landas ng hinahabol na babae, at kaya sa lugar na kaniyang pinaglahuan, wala nang magiging puwang sa pagtakas. Hindi maunawaan ng unang nakarating kung ano ang nagtulak sa mga tao tungo sa Zobeide, na bukod sa pangit na lungsod ay isa pang bitag.

Italo Calvino

Italo Calvino

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers