About these ads

Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

salin ng dalawang tula ni Yevgeny Yevtushenko.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Bahaghari

Nang lumitaw ang iyong mukha
sa aking kinuyumos na buhay,
ang tanging naunawaan ko noon
ay ang taglay na karukhaan.
Pagdaka’y ang natatanging sinag
sa kahuyan, sa mga ilog, sa mga dagat
ang naging ugat ko sa kinulayang
daigdig at doon ay wala akong simula.
Takot na takot ako, lubos na takot
sa di-inaasahang wakas ng liwayway,
sa mga pagbubunyag
at mga luha at nangauupos na sigla.
Di ko tinikis iyon, ang pag-ibig ko’y
ang pangambang ito, na pinalulusog
nang walang ibang makapagpapalusog,
gaya ng kalinga ng gusgusing bantay.
Kinukulob ako ng pagkatakot.
Maláy ako na maikli ang sandaling ito
at ang bahaghari sa aking balintataw
ay maglalaho
kapag sumisilay ang iyong mukha.

Tao

Walang mga tao na walang kalatoy-latoy.
Ang tadhana nila’y kronika ng mga planeta.

Walang hindi natatangi sa taglay nila,
at bawat planeta’y kakaiba sa ibang planeta.

Kung ang isang tao’y namuhay nang lingid,
ang makatagpo ang mga kaibigan niya
sa gayong oskuridad ay sadyang may latoy.

Pribado sa bawat isa ang kaniyang mundo,
at sa mundong iyon ay pambihira ang minuto.

At naroon sa mundo ang minutong masaklap.
At maituturing na pribado.

Sa sinumang tao na pumanaw, pumapanaw
sa kaniya ang unang niyebe at halik at away.

Sumasáma sa kaniya ang lahat.
Kabilang dito ang mga naiwang aklat at tulay
at kambas na pintado at makinarya.

Kaninong tadhana ang makapananaig?
Ngunit anumang nawala ay hindi rin wala:

sa tuntunin ng laro, may kung anong naglaho.
Hindi tao ang yumayao; bagkus ang mga mundo
na kimkim nila.

Na batid nating may mali, na nilalang ng daigdig.
Ano sa pinakaubod ang alam natin sa kanila?

Kapatid ng kapatid? Kaibigan ng mga kaibigan?
Mangingibig ng mangingibig?

Tayo ang nakababatid ng ating mga magulang
sa lahat ng bagay, sa wala.

Naglalaho sila. At hindi sila maibabalik.
Hindi mapasisibol ang mga mundong lihim.

At sa tuwi-tuwina, paulit-ulit,
nagdadalamhati ako laban sa pagkagunaw.

About these ads

Panukalang Batas, Patakarang Pangwika, at Pambansang Adyenda sa Filipino 2011-2016

Tuwing Agosto lumalakas ang promosyon ng Filipino dahil ito ang nakatadhana sa batas na “Buwan ng Wika,” alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na may petsang 15 Hulyo 1987. Sa tulong ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, bukod sa tangkilik ng gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), naitatampok kahit paano ang mga aktibidad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at naipagdiriwang sa samot-saring paraan ang Filipino sa pamamagitan ng seminar, kumperensiya, pagtatanghal, bunsod-aklat, timpalak pampanitikan, balagtasan, konsiyerto, at iba pa. Dati, nagkakasiya na lamang ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ipagdiwang ang “Linggo ng Wika” (29 Marso-4 Abril)  alinsunod sa Proklamasyon Blg. 12, na may petsang 26 Marso 1954. Nagkataon naman na ang linggong iyon ay patapos na, kung hindi man tapos na ang klase sa mga paaralan, kaya mistulang nilalangaw at walang kulay ang pagdiriwang. Pagkaraan ng dalawang taon, sinusugan ito ng Proklamasyon Blg. 186, na naglilipat sa petsa ng pagdiriwang tungong 13-19 Agosto bawat taon, na ang sukdulan ay ang paggunita sa kaarawan ni Pang. Manuel L. Quezon. Kinikilala si Pang. Quezon noon, dahil siya ang pangulong nagpasimuno na mailahok sa pambansang adyenda ang pagbubuo ng pambansang wika na gagamitin pagkaraan bilang opisyal na wika ng komunikasyon sa kapuluan.

Ang tangkilik sa Filipino ay masasabing nagbabago sa paglipas ng panahon. Kung noong administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ay katiting ang tangkilik sa wikang Filipino, iba na ngayon. Walang pasubaling umaangat ang paggamit ng wikang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan tuwing maririnig si Pang. Benigno S. Aquino III na nagtatalumpati sa Filipino. Nakakargahan ng pambihirang simbolikong kapangyarihan ang Filipino tuwing mamumutawi sa bibig ng pinamataas na opisyal ng bansa at pamahalaan, at lalo itong nagkakaroon ng kabuluhan dahil matalik ang pakahulugan at pahiwatig nito sa kaniyang mga kababayang nakauunawa at nagpapahalaga sa naturang wika. Hubad sa pagkamabulaklak ang pahayag niya, bagaman sa nakaraang SONA (State of the Nation Address) 2011, para siyang dalubwikang ipinaliwanag sa payak na pamamaraan ang konsepto ng “wangwang” na lumalampas sa orihinal na onomatopiya ng tunog ng sirena,  at ang semyotika ay umaabot hanggang sa pag-abuso ng kapangyarihan at walang taros na katiwalian ng iilan.

Sinasalungat ni Pang. Aquino ang mga nauna sa kaniyang pangulo na Ingles ang pinamayani sa mga talumpati; at ito ay ginawa niya sa paraan ng pagiging konsistent sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng wikang Filipino tuwing kaharap ang mga Filipino. Kaya naman bukás lahat ang radyo at telebisyon mulang Luzon hanggang Mindanao, at ang mga tao—sa pribado man o publikong sektor—ay matatamang nakikinig at hinihintay kung may babanggitin siya ukol sa partikular na isyung kanilang kinikilingan. Maipapalagay na si Pang. Aquino ay pangahas na pangulo, dahil sa pagsuway sa nakaugaliang protocol ng Ingles sa mga talumpating sinulat din ng mga Inglesero, at siyang pinaninindigan ng mga mambabatas, administrador, at negosyante. Sa ganitong paraan, napapalapit si Pang. Aquino sa kalooban ng publiko. Nalalantad sa panganib na maunawaan ng publiko ang adyenda ng kaniyang administrasyon, kaya ang buong makinarya ng gobyerno ay mapipilitang sumunod sa itinatakda niyang “tuwid na landas.” Kung magtatagal, wala nang palusot ang madla na umiwas pang makilahok nang aktibo sa kaniyang programa, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, dahil hindi na sila mangangamba na tumugon sa hamon ng Pangulo habang iniisip ang banyagang gramatika at jargon ng burukrasya.

Kung si Rep. Manny Pacquiao ay gumamit ng Ingles sa kaniyang kauna-unahang talumpati sa Kongreso, si Pang. Aquino ay hindi nangiming gamitin ang wikang Filipino sa karamihan sa kaniyang talumpati sa publiko. Ito ay maaaring senyales na walang bagahe si Pang. Aquino sa Filipino at Ingles, at sa  halip, higit niyang pinahahalagahan ang katapatan sa bisyon, at kung paano siya mauunawaan ng taumbayan. Kung si Rep. Pacquiao ay kinakailangang umingles upang tanggapin sa sirkulo ng mga mambabatas, si Pang. Aquino naman ay nagbibigay ng halimbawa sa mga mambabatas kung paano dapat makipagtalastasan at maging bukás sa publiko—upang ang paggawa, pagpapatibay, at pagsasakatuparan ng batas ay makaaabot sa pinatutungkulan, at maging matalik sa isip at loob ng mga mamamayan.

Ang batas ay napakahalagang bagay na makapagbubuklod ng mga tao, dahil itinatadhana nito ang mga hakbang upang mapangalagaan ang karapatan ng mga mamamayang itinuturing na pantay-pantay. Si Rep. Pacquiao, na ibinibilang na sugo ng masa, ay posibleng tanawin na bumukod sa kaniyang kinakatawang distrito sa paggamit ng wikang masasabing banyaga sa pandinig ng kaniyang mga kababayan. Maganda sanang oportunidad iyon sa butihing mambabatas kung paano ihahayag ang kaniyang panukala sa wikang Filipino at katumbas nitong Bisaya—na higit na magpapalapit sa kaniya sa mga mamamayan ng Gen. Santos at iba pang panig ng Filipinas. Ngunit nabigo si Rep. Pacquiao. Samantala, si Pang. Aquino na dating sinisipat na elitista ay daig pa ngayon ang radikal na mambabatas sa paggamit ng Filipino para buwagin ang moog na banyagang diskurso na namamagitan sa maykaya at maralita. Dahil dito, inaasahan na lalaganap lalo ang wikang Filipino sa iba pang disiplina, at ito ang magiging hamon sa institusyong gaya ng KWF.

Umiiral pa rin ang patakarang bilingguwal magpahangga ngayon (kaya nagpapanukala ang mga tagapamansag ng multilingguwalismo na laktawan ang batayang legal nito), kung babalikan ang Saligang Batas 1987. Ngunit umiiral iyon kahit wala pang itinatakda ang Kongreso at Senado hinggil sa panuhay na batas [i.e., enabling law] na maglilinaw kung paano palalaganapin ang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at instruksiyon sa buong Filipinas, samantalang pinalalago ang mga katuwang na wikang panrehiyon; at kung pananatilihin ba ang Ingles o papalitan kung hindi man daragdagan ng ibang wikang internasyonal bilang isa sa dalawang opisyal na wika ng pamahalaan, at kung hanggang saan itatakda ang hanggahan ng Ingles bilang wika ng komunikasyon sa internasyonal na antas. Sa Philippine Development Plan 2011-2016 na inihanda ng National Economic and Development Authority (NEDA), layon ng Administrasyong Aquino na makamit “ang permanenteng mandato na magsasainstitusyon sa loob ng DepEd na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, pagkatuto, at pagtatasa, upang mapalawig ang kahusayan, kagalingan, at kaugnayan sa proseso ng pagkatuto, sa kapuwa pormal at [alternatibong sistema ng pagkatuto].” Bukod dito, isinaad pa sa plano na “hinihikayat ang mga Filipino sa ibayong-dagat na manatiling nakaugat sa kanilang kultura sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga wika, kultura, at pamama ng Filipinas.”

Kung ganito ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, marapat na sipatin sa anggulong ito ang mga panukalang batas hinggil sa wika kung naaayon ba sa pambansang bisyon ng pangulo. Kailangang suriin ang mga ito, at idaan sa masusing pag-aaral, nang sa gayon, ay maiiwasan ang paglikha ng mga batas na lumilihis sa parametro ng Saligang Batas 1987.

Kapansin-pansin na maraming panukala hinggil sa “edukasyong multilingguwal at literasing patakaran.” Sa Panukalang Batas Blg. 191 na inakda ni Kgg. Rachel Marguerite B.del Mar, sinisikap na palakasin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong bansa. Ang Filipino at ang katumbas nitong panrehiyong wika ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikatlong Grado, samantalang ang Ingles ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikaanim na Grado. Lahat ng akademikong sabjek ay ituturo sa Ingles pagsapit ng Ikaapat na Grado hanggang sa buong sekundaryang antas. Bukod dito, hihikayatin din ang paggamit ng Ingles bilang wika ng ugnayan sa loob ng paaralan, at ang pagtatatag ng mga organisasyong gagamit ng Ingles. Pinakamatindi sa panukala ni Kgg. Del Mar ang paggamit ng Ingles sa lahat ng pagsusulit at eksaminasyon sa pagpasok sa publikong paaralan at estadong kolehiyo at unibersidad. Kung gagamitin man ang Filipino ay hindi dapat lumampas iyon sa sampung porsiyento ng kabuuang puntos sa eksaminasyon.

Ang nasabing panukalang batas ni Rep. Del Mar ay kaugnay ng Kautusang Tagapagpaganap 210 noong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, may petsang 17 Mayo 2003, na nagtatadhanang palakasin ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa primarya at sekundaryong antas. Kung gagamitin man ang Filipino ay limitado ito sa mga sabjek na Filipino at Araling Panlipunan. Pagsapit ng terserang edukasyon, ayon sa Sek. 1, c., “ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, kabilang na ang mga estadong kolehiyo at unibersidad, ay hinihikayat na gamitin ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.” Nagsampa ng kaso sa Korte Suprema ang ilang organisasyong pangwika laban sa katumpakan ng KT 210, subalit wala pang pangwakas na pasiya ang mga mahistrado. Kung sisipatin sa isang panig, ang Filipino ay hindi ganap na ipinagbabawal o iwinawaksi ng nasabing kautusan; gayunman, ang paglilimita ng gamit ng Filipino sa ilang sabjek ay tandisang nagpapahina sa Filipino at sumasalungat sa mithi ng Saligang Batas 1987  na linangin at payabungin ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang disiplina at larang. Kung babalikan ang deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal, ang Ingles ay itinuturing na “ikalawang wika.” Kung Filipino ang pambansang wika, na maglalagay sa posisyon dito na “unang wika,” ang Filipino ay hindi maaaring ipagbawal sa mga opisyal na komunikasyon, instruksiyon at transaksiyon ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor. Samantala, ang kongreso ay maaaring magsabatas ng panukalang tanggalin ang Ingles bilang opisyal na wika sa Filipinas, at ituring lamang na isa sa mga wikang internasyonal na dapat mabatid ng mga Filipino. Kung pananatilihin man ang Ingles bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas, ang pagpapalaganap nito ay hindi dapat sumasagka sa diwa ng pagpapalago ng Filipino.

Hulog ng langit kung paanong nakapasa sa ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ang nasabing panukala ni Rep. Del Mar noong Ikalabintatlo at Ikalabing-apat na Kongreso; at kung hindi pa dahil sa kakulangan ng sapat na panahon ay baka nakalusot din sa senado. Ang panukala ni Rep. Del Mar ay parang pagsakay sa Time Machine na nagbabalik sa panahon ng Komonwelt, bagaman puwedeng pabulaanan ang ganitong haka. Isinusulong niya ang Ingles para pahinain ang mga natamong tagumpay sa paglilinang ng Filipino, at imbes na magpanukala ng dinamikong kurikula para sa akademikong pag-aaral ay isinasandig sa Ingles ang paghusay o sabihin nang pagtalino ng estudyante. Mahigit isang siglo nang nagsisikap ang mga ulirang Inglesero para turuan at palitan ng Ingles ang Filipino at iba pang wika sa rehiyon ngunit nanatiling bigo. Kung walang siyentipikong batayan ang panukala ni Rep. Del Mar, bakit kinakailangan itong isaalang-alang? Maipapalagay na labag sa kabuuang esensiya ng Saligang Batas 1987 ang panukala ni Rep. Del Mar, dahil sa pailalim na pinahihina nito ang Filipino, at ang taguring “pambansang wika” ay itinuturing na hanggang sa taguri o papel lamang. Kung babalikan ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, taliwas na taliwas ang panukalang batas ni Rep. Del Mar, kaya hindi kalabisan kung ito man ay ibasura.

Hindi malalayo sa panukala ni Rep. Del Mar ang Panukalang Batas Blg. 66 ni Kgg. Luis R. Villafuerte, at parang nagkopyahan ang dalawang kinatawan. Introduksiyon lamang ang halos naiba sa panukala ni Rep. Villafuerte, at sumusunod sa padron na ang Filipino o alinmang wikang panrehiyon ay gagamitin mulang preschool hanggang Ikatlong Grado; samantalang ang Ingles ay mulang preschool hanggang Ikaaanim na Grado tungo sa lahat ng antas ng sekundaryong edukasyon. Iginagalang ng panukala ang patakarang pangwika pagsapit sa terserang edukasyon, tulad na itinatadhana ng CHED. Sinisisi ng panukala ni Rep. Villafuerte ang paghina ng Ingles sa pagsilang ng Bilingguwal na Instruksiyon, subalit hindi tinalakay ng butihing mambabatas kung bakit nagkagayon. Nabigong silipin ng mambabatas ang henyo ng paggamit ng Filipino, at sa halip ay itinutumbas lamang sa panrehiyong wikang Tagalog na “hindi bumubuo sa mayorya.” Laos na ang ganitong linya ng pangangatwiran; at hindi sinisipat ang kakayahan ng Filipino na maging lingua franca sa buong kapuluan imbes na gamitin ang Ingles na napakalayo at salungat na polo ang pinagmumulan.

Paratang din ng panukala ni Rep. Villafuerte na “ang mga klaseng gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hinahanggahan ang pagkakatuto sa Ingles ng estudyante.” Kung susundin ang ganitong lohika, dapat isinahinagap din ng butihing mambabatas na ang pag-aaral ng Ingles ay sinasagkaan ang kalayaan ng mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng sarili nilang wika, at sa wika na itinuturing ng Saligang Batas 1987 na “pambansang wika.” Kung nais ng butihing mambabatas na maging Inglesero ang mga estudyante, aba’y makabubuti kung ipapanukala niya na dapat gamitin ang Ingles sa loob ng tahanan, palengke, lansangan, trabaho, mass media, at transportasyon, bukod sa mga sentro ng kapangyarihan. Sa ganito lamang makapag-iisip at makapagsasalita nang tuwid na Ingles ang mga Filipino, at pagkaraan ay puwede na silang maging kandidato sa mga call center.

Ipinagmagara pa ni Rep. Villafuerte na ang pinakamahuhusay na babasahin at materyales ay nasa Ingles, at magkakaroon ng problema sa pagsasalin mulang Ingles tungong Filipino o mulang Filipino tungong wikang panrehiyon. Sa ganitong lohika, isinusuko na agad ng butihing mambabatas ang kaniyang bandila at hindi nasisipat ang bilis, ekonomiya, at pagkamalikhain ng mga Filipinong manunulat at akademiko sa pagbubuo ng mga babasahing nasusulat sa Filipino na tumatawid sa sari-saring disiplina. Ang pagbubuo ng teksto ay hindi simpleng pagsasalin o pagtutumbas ng mga salita at konsepto, dahil kung isasalin o tutumbasan lamang sa Filipino ang materyales at babasahing Ingles ay maaaring maisalin din hindi lamang ang mga konseptong dayuhan kundi maging ang sensibilidad ng kolonyal na kaisipan. Ipinapalagay sa gayong hatag na pantay-pantay ang lahat ng wika, na ang katotohanan ay kabaligtaran, dahil ang dominanteng wika ang laging pinagmumulan ng diwain at naisasantabi ang henyo ng Filipino at katuwang nitong mga wikang panrehiyon. Kung sinilip lamang ng butihing mambabatas ang mga pagsisikap noon ng UP Sentro ng Wikang Filipino na gumawa ng mga teksbuk sa heometriya, kemistri, pisika, matematika, inhinyeriya, komputer, pagpaplanong urban, agham-dagat, at kaugnay na kurso sa siyensiya, maaaring matauhan siya sa lalim ng Filipino na may kapasidad na ipaliwanag ang mga siyentipikong termino sa konsepto at wika ng mga Filipino. Gaya ng panukala ni Rep. Del Mar, ang panukala ni Rep. Vilafuerte ay salungat sa pambansang adyenda sa edukasyon ng Administrasyong Aquino.

Ang dalawa pang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa lahat ng paaralan sa Filipinas ay ang Panukalang Batas Blg. 93 ni Eduardo R. Gullas at Panukalang Batas 1245 ni Mark A. Villar. Masasabing alingawngaw lamang ang mga ito ng mga naunang panukala nina Rep. Del Mar at Rep. Villafuerte, at ang tanging ipinagkaiba ay ang pambungad na paliwanag. Para kay Rep. Villar, kailangan umanong mapanumbalik ang kadalubhasaan sa Ingles ng mga mamamayang Filipino “para matiyak ang higit na mahusay na edukasyon ng mga Filipinong estuyante at mapalawig ang kanilang galing sa pandaigdigang antas.” Para naman kay Rep. Gullas, dapat umanong maituwid ang mga depekto ng kasalukuyang Edukasyong Bilingguwal ng DepEd, at “mapaunlad ang proseso ng pagkatuto sa mga paaralan nang matiyak ang de-kalidad na resulta.”

Walang bago sa sinabi nina Rep. Gullas at Rep. Villar. Itinutumbas ng dalawang mambabatas ang kahusayan sa partikular na disiplina sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika, na maituturing na malikhaing kabulaanan. Upang maganap iyon, kinakailangang tanggalin sa ekwasyon ang Filipino at iba pang wika, at ang mungkahi ay itira lamang ang Ingles. Ang dapat na sinusuri ng mga mambabatas ay kung saan nagkukulang ang buong sistema ng edukasyong nabigong makapagsilbi sa tunay na pangangailangan ng bansa at ng kaniyang milyon-milyong estudyante, at kung bakit lumalagpak ang mga estudyante sa mga pagsusulit na nasusulat sa Ingles. Sablay din ang pagsasabing higit na magagaling umingles ang mga Filipino noon kaysa ngayon, dahil unang-una’y magkaiba ang populasyon ng dalawang panahon, magkaiba ang sanligang pang-edukasyon, at magkaiba ang pagpapahalaga sa wika ng pamahalaan at akademya.  Isang payak at baryotikong mungkahi ang pagsasaad na mali ang edukasyong bilingguwal, ngunit kaya pala naging mali ay dahil apektado, kung hindi man nanganganib, ang posisyon ng Ingles sa herarkiya ng mga wika sa bansa.

Iisa ang ubod ngunit magkakaiba ng panlabas na damit ang apat na panukalang maka-Ingles. Kung ganito ang taktika ng mga mambabatas para mabilis na mapagpasiyahan ang panukala, at ang konsolidasyon ng mga komentaryo ay mapagagaan,  nangangailangan ng ibayong pagsubaybay ang taumbayan sa ganitong pakana.

May isa pang panukala, ang Panukalang Batas Blg. 162 at inakda ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I, ang nagsusulong naman ng Multi-Lingual Education (MLE). Sa panukala ni Rep. Gunigundo, ang unang wika ng bata ang magiging midyum ng instruksiyon sa buong elementarya; samantalang ang Ingles at Filipino ay ipakikilala lamang bilang midyum ng instruksiyon pagsapit ng Ikaapat na Grado. Pagsapit ng sekundaryong antas, ang Ingles at ang Filipino ang magiging midyum ng instruksiyon. Nakasaad pa na ang lahat ng kahingian, kagamitan at suportang pasilidad na kinakailangan para palakasin at paunlarin ang pagtuturo sa pamamagitan ng unang wika ay babalangkasin at ilalaan ng DepEd at KWF. Upang matupad ito, maglalaan ng tig-P100 milyon ang Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM) sa DepEd at KWF, at daragdagan ito ng limang porsiyento bawat taon pagkaraan.

Maganda sa unang malas ang panukalang batas ni Rep. Gunigundo, ngunit kapag tinimbang ay masasabing may kulang. Una, sa pakahulugan. Ang “midyum ng instruksiyon” ay ipinakahulugan sa panukala na “wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum sa paaralan” [the language used for teaching and learning the school kurikulum]. Maimumungkahing baguhin pa ito at gawing “ang pinakaepektibong wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum.” Sa ganitong  pakahulugan, ang Filipino bilang lingua franca ay makikilala sa tunay nitong halaga, lalo sa mga lugar na ang mga paaralan ay naging tagpuan ng mga tao na may kani-kaniyang katutubong wikang ginagamit.

Ni hindi binanggit sa panukala ni Rep. Gunigundo ang pakahulugan sa “Filipino” yamang mahalagang salita ito bilang “pambansang wika.” Kung ituturing na lingua franca ang Filipino sa buong kapuluan, ito ay dahil sa pangyayaring malaganap sa mass media ang Filipino, at umungos nang malayo sa Tagalog; malago at mabilis magparami ng mga babasahin sa Filipino sa dami ng manunulat; at nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan at mulang Palawan hanggang Sorsogon. Tumutukoy din ang “Filipino” sa “pagsasama-sama ng samot-saring katutubong wika sa Filipinas,” tulad ng intensiyon ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Sa Seksiyon 4 ng panukala ni Rep. Gunigundo, mababatid na ang “Filipino” ay itinuturing na ikalawang wika imbes na lingua franca; at kung gayon ay mahihinuhang itinutumbas lamang sa “Tagalog” na wikang malaganap sa Rehiyong Katagalugan.

Ang pakahulugan ng “unang wika” ay isa pang problematiko sa panukala ni Rep. Gunigundo. Kung ito ay tumutukoy “sa wika o mga wikang unang natutuhan ng bata at kinikilala niya o tinatanaw siya bilang katutubong tagapagsalita niyon ng ibang tao, o ang pinakaalam niya at pinakamahusay gamitin,” ano sa mga unang wika ang gagamitin bilang midyum ng instruksiyon sa bata? Kahit ang sinasabing dominanteng wikang panrehiyon ay maaaring lumitaw na ikalawang wika, lalo kung ang mga magulang na iba ang wikang sinasalita ay nadestino sa malayong rehiyon at hindi sila taal na tagaroon. Sa ganitong pagkakataon, ang guro ay mapipilitang maging polyglot sa loob ng silid-aralan, at ang wika ng kaniyang pagtuturo ay ibabatay sa mayorya ng mga estudyanteng nakauunawa sa isang partikular na wika, bukod sa konsiderasyong heograpiko at politikal. Kung babalikan ang rekord ng Komisyong Konstitusyonal 1986, tanging ang Ingles ang itinuturing na “ikalawang wika” na maipapantay sa ibang internasyonal na wikang gaya ng Espanyol, Mandarin, Nihonggo, at Aleman.

Ikalawa, ang pagtukoy sa “una at ikalawang wika” ay magiging bagahe ng paaralan. Sa malalayong pook na halos hindi pa nakasisilay ng modernong pamumuhay, maaaring hindi usapin ang wika, dahil ang mga estudyante ay maipapalagay na maalam na sa wika ng pamayanan. Ang nagiging problema ay ang mga guro na itinatalaga doon ng pamahalaan, at ang mga gurong ito ay hindi malimit na taal na tagaroon at nagtataglay ng ibang wika ng edukasyon. Bukod pa rito ang kasalatan ng materyales at aklat na kaugnay ng pagtuturo, at kung isasalin ito ng mga guro ay maaaring magkaproblema kung anong ortograpiya ang susundin batay sa mga diyalektong batid ng mga estudyante. Sa kabilang dako, sa mga rehiyong naging tagpuan ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon, sanhi man ng kalakalan, migrasyon, kaunlaran, at iba pang bagay, ang pagpili ng midyum ng instruksiyon ay nakasalalay sa kakayahan ng paaralan. Halimbawa, kahit nais sa Batanes na maging wika ng pagtuturo ang Itawis o Ivatan, hindi maikakaila na malakas na ang paggamit ng Filipino dahil sa mass media, at nagiging daan ito na maging lingua franca. Kung idaragdag pa rito ang migrasyon ng mga “Ipulá” (i.e., dayo na nagpasiyang manirahan sa Batanes), ang mga katutubong wika sa Batanes ay unti-unting humihina dahil nababawasan ang mga tao na gumagamit nito at nagtutungo rin sa ibayong-dagat.

Ikatlo, mapalalakas ang panukala ni Rep. Gunigundo kung sa Seksiyon 4, d, ay gagawing ang “Filipino ay magiging midyum ng instruksiyon sa sekundaryong antas, samantalang ang unang wika at ang Ingles ay gagamitin pa rin bilang mga katuwang na wika ng pagtuturo.” Sa ganitong mungkahing probisyon, ang Filipino ay sinisikap na tanggapin bilang opisyal na wika ng instruksiyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas, habang nililinang ang mga wikang panrehiyon, at ipinakikilala ang Ingles bilang wika ng pakikipagtalastasan sa antas na internasyonal.

Ikaapat, ang pagbuo ng “Mga Patakaran at Regulasyong Nagpapatupad ng Multi-lengguwaheng edukasyon” ay napakalimitado sa ilang pangkat lamang, at ito ay hindi dapat dominado ng Summer Institute of Linguistics, bagkus nilalahukan ng mga kinatawan ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pang-edukasyon, at iba pang may malasakit na grupo at indibidwal upang mailatag ang mga pamamaraan kung paano patatakbuhin ang programa. Sa kasalukuyan, may ginagawa nang hakbang ang DepEd hinggil sa pagbubuo ng materyales, ngunit masyado itong minamadali kahit wala pang naitatakdang ortograpiya sa 11 o 12 wikang panrehiyon, at mabuti na lamang ay may ginagawa nang mga ortograpiya ang KWF. Binanggit din sa panukala ang KWF, ngunit maaaring magkaroon ng problema pagkaraan, dahil bagaman ang mandato ng KWF ay gumawa ng mga pananaliksik para sa pagbubuo ng mga pambansang patakarang pangwika na may kaugnayan sa iba’t ibang larang, ang gayong mandato ay nalilimitahan sa kakulangan ng badyet. Higit na malaki ang badyet na inilaan para sa MLE sa bawat taon (P100 milyon) kaysa sa badyet ng KWF kada taon na umaabot lamang ng P35 milyon. Sa implementasyon ng MLE, ang badyet na laan dito ay halos triple ang laki sa taunang badyet ng KWF at ito ang higit na maglalagay sa alanganin na gumawa ng mga pambansang programa na magpapalakas at magpapalaganap ng Filipino sa Filipinas at ibayong-dagat.

Hindi naman dapat sagkaan ang MLE. Ngunit kung isusulong ito, mabuting isulong ito nang malinaw ang mga parametro at hindi maglalagay sa panganib na maparupok ang paglago ng Filipino sa hinaharap, dahil ito ang idinidiin ng Saligang Batas 1987.

Samantala, ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 855 ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay “nag-aatas sa bawat opisyal at tauhan ng Sandatahang Lakas ng Filipinas na sumailalim sa kurso ng oryentasyon sa kultura, wika, diyalekto, pamumuhay, gawi, tradisyon at kaugnay na bagay sa mga pamayanang pangkultura na pagtatalagahan o pagdedestinuhan sa kanila.” Maimumungkahing palawakin pa ang Seksiyon 3 nito, at ilahok kahit ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA), at ang mga pribado at publikong organisasyong pangwika, pampanitikan, at pangkultura sa loob man o labas ng akademya sa buong kapuluan. Maiuugnay ito sa multi-lengguwaheng edukasyon, ngunit dapat na nagtatampok din sa pagtuturo ng wikang Filipino bilang lingua franca sa buong bansa.

Bagaman simple sa unang malas ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 2639 ni Sen. Manuel “Lito” M. Lapid, na nag-eenmiyenda ng Seksiyon 447 (a)(3)(iv) ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal, ito ay napakahalaga. Kung mapagtitibay, ang lahat ng senyas, paskil, at bilbord na nakasulat sa banyagang wika bukod pa sa Ingles ay dapat tumbasan ng salin sa Filipino o Ingles. May katotohanan at napapanahon ang panukala ni Sen. Lapid, dahil dumarami ang mga restoran, bar, at iba pang establisimyento na ang mga bilbord at paskil ay pawang nasusulat sa Koreano, Tsino, Indian, at Iranian ngunit walang katumbas na salin yaon sa Filipino. Bagaman ipinapalagay na esklusibo ang nasabing mga establisimyento para sa mga dayuhan, hindi umano kinakailangang dumanas ng deskriminasyon kahit ang karaniwang mga Filipino. Sa paliwanag ng butihing senador, ang mga Filipino ay hindi dapat maging banyaga sa sariling bansa, at dapat maiwasang matiwalag at dumanas ng deskriminasyon kahit sa pagpasok sa mga restoran at aliwan.

Kung babanggitin ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1770 ni Sen. Miriam Defensor Santiago, na nag-aatas na gumamit ng karaniwan at payak na wika sa paghahanda ng mga dokumento sa seguro [insurance documents], masasabing higit na makatitipid kung gagamit na lamang ng wikang Filipino at kaugnay na wikang panrehiyon. Maipapaliwanag sa magkabilang panig ang nilalaman ng bawat probisyon ng kontrata o dokumento, at hindi nangangailangan pa ng abogado. Makaiiwas din sumunod sa komplikadong jargon ng Ingles, at maitutuon ang dokumento sa nilalaman, ayon sa pagkakaunawa ng publiko. Higit na makatitipid kung gagamit ng Filipino dahil hindi na kailangan pang dumaan sa Ingles na ang diskurso ay malayo sa hinagap ng Filipino. Ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1859 ni Sen. Santiago, sa kabilang dako, ay nag-aatas naman sa mga ahensiya ng pamahalaan na gumamit ng  karaniwang wika [plain language] sa mga komunikasyon, batay sa itatadhanang alituntunin ng Komisyon sa Serbisyo Sibil sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan. Bagaman maalam sa Saligang Batas, kakatwang nakaligtaan ng butihing senador ang probisyon hinggil sa wikang Filipino ng Saligang Batas 1987. Nakalimutan din ng senador ang Kautusang Tagapagpaganap 335 noong Administrasyong Corazon Aquino, na nag-aatas na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon sa pamahalaan. Kung gagamitin ang Filipino sa mga korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, ani Retiradong Hukom Cezar Peralejo, makatutulong ito nang malaki sa publiko at sa mga empleado ng gobyerno dahil mabubuwag ang moog ng pagkakaunawaang sanhi ng paggamit ng Ingles.

Binanggit ang mga panukalang batas na ito dahil malaki ang implikasyon nito sa pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino. Makabubuting usisain ang bawat panukala, at aktibong makilahok ang publiko sa mga deliberasyon. Sa susunod, maaaring ang wika ng pagdinig sa kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan ay gawing Filipino (o kaya’y tumbasan sa Filipino), habang katuwang na wika ang Ingles at iba pang wikang panrehiyon, para maunawaan ng nakararaming bilang ng mga Filipino, kung gagawa ng panuhay na batas sa Saligang Batas 1987. Hindi dapat maging esklusibo ang usapan. Magandang halimbawa ang sinimulan ni Pang. Aquino kung paano dapat makipag-usap sa mga Filipino, ang makipag-usap nang tapat at alinsunod sa diskurso at wika ng milyon-milyong Filipino.

(Roberto T. Añonuevo. Lungsod Pasig  © 4 Agosto 2011.)

Mga Bakwet, ni Randall Jarrell

salin ng tulang “The Refugees” ni Randall Jarrell.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Walang bakanteng upuan sa gusgusing tren.
Nakalupasay ang batang may punit na maskara
Sa basura ng wasak na silid. Maringal ba ang kanilang
kapanatagan? May mukha at búhay silang gaya mo.
Ano ang taglay nila para pumayag magkasiya sa ganito?
Kumikislap ang tuyong dugo sa rabaw ng maskara
Ng paslit na kahapon ay nag-iiwi ng bayang
Higit na katanggap-tanggap kaysa sa lugar na ito.
Siyanga? Buong magdamag ay tahimik na naglandas
Ang tren pabasura. Bakante ang mga mukha.
Wala ba ni isa sa kanilang nakabatid na maringal
Ang katumbas nito? Paano nila nagawa? Ibinigay
Nila ang anumang kanilang pag-aari.
Dito, hungkag ang lahat ng kalupi.
At ano ang makasasapat sa mariringal na luha
At hiling ng paslit kung hindi ang tagpong ito?
Itakip ang nakapapawi, nakahihindik na maskara
Sa mga araw at mukha at buhay na pawang nilustay?
Ano ang kanilang búhay kung hindi paglalakbay
Sa bakanteng kasiyahan ng kamatayan? At ang suot
Nilang mga maskara ngayong gabi sa pamamagitan
Ng kanilang basura’y pagsasanay na pumanaw.
Sadyang maringal na basahin sa kanilang mga mukha:
Ano ang aming taglay na ayaw naming ipagpalit dito?

Hustisya at Kahirapan sa Nobela ni Valeriano Hernandez Peña

Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Peña na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Peña ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Peña ang konsepto ng “hustisya” sa iba’t ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas.

Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munda’y naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan.

Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunwa’y maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit,  ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan.

Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobela’y susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huli’y makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso.

Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Peña at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Peña, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng “ina,” si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na “ina” sa pisikal na antas ay maituturing pa ring “ina” sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan.

Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda.

Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Peña.

In extremis

Sumasapit tayo sa hanggahan, at ang ating mga paa ay nakausli sa tungki ng bangin. Sa ganitong sukdol, may puwang pa ba ang kaba at pagbabantulot sa lawak ng tangway at matarik na batuhang dalampasigan? Tinatanaw natin ang malayong daigdig, tulad ng pagsipat ng kongkistador kung hindi man palaboy, kahit ang kamatayan ay nasa ilalim ng talampakan. Sinasamyo natin ang dayaray, gayong ang mismong simoy ay inaasahang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Nagbibilad tayo nang nakatingala sa init ng araw o dumidipa sa gitna ng ulan, kahit ang ating pandama ay hindi matandaan ang init o lamig ng pag-iral. Nasanay tayo sa di-maliparang uwak na espasyo, at sa sandaling ito, ang pagtindig nang walang tinag ay ehersisyong mabibigong ulitin ng tadhana. Isang hakbang pasulong at lalamunin tayo ng alimpuyo ng mga dahon. Isang hakbang paurong, at mananatili tayo sa katatagan ng mga tanong—na maaaring sagutin ng mahigpit na yakap habang humahagulgol ang mga alon.

“In extremis,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. © 19 Hulyo 2011.
Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Bodega

Pabubulaanan mo itong kastilyo ng mga anay, at sasabihin kong dampa ng hitana na pansamantalang nakisukob habang humahalihaw ang bagyo. Sapagkat sinauna ang gamit at moderno ang estetika, hindi mo ipagpapalagay na palawit ito ng tanikala ng mga barumbarong sa tapat ng bintana ng katedral. Maipapaloob dito, ani mo, ang Smokey Mountain at ospital, ang bisikleta at ataul, ngunit sa akin ay sapat na ang sandangkal na piyano na kulang-kulang ang teklado na sa kabila ng abang kalagayan ay humihimig ng musika ng isang paslit sa dibdib ng iyong esposo. Tambakan ng mga damit na ukay-ukay, aparador ng retiradong bag o sapatos, at koleksiyon ng sepilyong pangkaskas ng alahas, bagaman puwedeng himlayan ng gusgusing silyang antigo at tornilyong nakaplastik, bago maging yungib ng mga kahon ng de-lata at sabong panlaba, lamparang Arabe at pinggang porselana, at poster ng kondominyum at polyeto ng kondom. Mag-isip ng negosyo at ito ang Japan Surplus, mag-isip pa at ito ang basar sa simbahan at masjid ng Quiapo, mag-isip pa at ito ang laboratoryo ng puslit na DVD, motorsiklo, at shabu. Sapagkat imbakan, malaya mong maiwawaksi ang lohika. Isaksak dito ang mga aklat ng batas at karton ng martilyo at pako; isalansan ang mga lumang Playboy at bibliya sa tabi ng lason o pintura; at isiksik sa dingding ang mga laruan at basyong bote ng mga pabango, sopdrink at alak. Higit na organisado rito ang bagsakan ng mga bakal at garapa, o kaya’y ang zoo ng mga palaboy na aso at pusa. Imperyo ng daga at tambayan ng mga lamok, ngunit sa kisapmata’y maghuhunos na kombinasyon ng hardin ng Babilonya at mawsoleo ng Taj Mahal. Sa paligid nito’y waring Ilog Cagayan kung hindi man Canal de la Reina, at habang umuulan, maihahaka na umaapaw ang luha ng buwaya sa panig naming mga dukha, ayon sa opinyong legal ng mga bathala.

“Bodega,” 5 Hulyo 2011 © Roberto T. Añonuevo.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 154 other followers