About these ads

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

About these ads

Tatlong tula ni Fazil Husnu Daglarca

salin ng tatlong tula ng Turkong makata na si Fazil Husnu Daglarca.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Higit na matalino sa atin ang tubig

Higit na matalino sa atin ang tubig; maaga nitong natatanaw ang gabi.
Mula sa langit tungo sa dilim ito’y nagbabalik
At kisapmatang naglalaho gaya ng dambuhalang isda
Habang yumayanig ang mga dalisdis sa ilahas nitong ragasa.

Higit na matalino sa atin ang tubig; natutuklas nito ang tuwa
Kahit sa mga punongkahoy,
At hindi sa mga estranghero
Na pinipilit tayong mamuhay nang mapanglaw.

Higit na matalino sa atin ang tubig; hindi ito natutulog,
Bagkus palaging bukás ang paningin sa malaganap na bughaw,
At nakakubli sa lihim ng kamatayan, nag-aabang
Ng pook para sa sariling pag-iral ng buhay.

[“Sular Bizden Akillidir,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ang Pinatay nating Halimaw

Taglay nito ang mga matang kumikislap sa gabi
At ang pambihira’t labis na tapang.
Ngunit nabibighani tayo nito
Sapagkat nakalalamang ang ating kalagayan.

Huminto tayo sa bunganga ng madilim na yungib
At iniwan ang bato sa paglalakbay.
Matalik sa mga lihim ng mga gabi at gubat,
Pinunit ng anyo at atungal nito ang katahimikan.

Hindi na natin kahawig ang halimaw,
Hindi umiinom ng tubig, ni hindi natitinag,
Hindi ito laging alerto,
At bahagya lamang kung umidlip.

Sadyang kakatwa bagaman labis na karaniwan—
Mula sa mga palamuti nito’y lilikha tayo ng atin
Na singkintab ng malalambot nitong balahibo,
Samantalang sinlamig ng bato ang ating pandama.

Handang harapin nito ang bangis ng pagkubkob,
Na magiging di-mauubos na karne ng tagumpay;
At siya namang sabay-sabay lalamunin
Ng ating mga isip, hilakbot, at kamay.

[ “Öldürdügümüz,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Pagtanaw

Para sa akin, ang bundok
Ay namimighati.
Balisa lamang ako
Ayon naman sa bundok.

Sa tingin
ng bundok,
Ako’y
Nababaliw.

Para sa akin,
Ang bundok
Ay nagugutom.

Ayon sa bundok,
Hindi ako makalapit doon.
Ngunit para sa akin,
Mabibigong makasapit dito
Ang bundok.

[“Göre,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ikaw

Ikaw ang aking simula at wakas ng pantig
Ikaw ang pintig ng simula hanggang wakas
Ikaw ang wakas ng pintig ng aking simula
Ikaw ang simula ng aking wakas na pintig
Dahil ikaw ang pantig ng aking pintig
Dahil ikaw ang pintig ng aking pantig
Ikaw na wakas at simula ng mga pangalan
Ay siyang simula at wakas na minamahal.

“Ikaw,” tula © ni Roberto T. Añonuevo, 16 Disyembre 2011.
Kawal sa gilid ng bangin. Mula sa Kagawaran ng Depensa.

Kawal sa gilid ng bangin. Dominyo ng publiko.

Bantayan

Kung ito ang pook na laan sa mga destiyero, wiwikain marahil ni Fides, ang mamuhay nang bilanggo ay paraiso. Hindi tatanawing pader ng mga bilibid ang mga alon, bagaman nakayayanig sa unang pagkakataon sa panig ng mga binyagan ang katahimikan ng dayaray at harana ng mga kuliglig. Sa pagitan ng mga bituin at buhangin ay makapaglalandas ang guniguni tungo sa iyong kinaroroonan. Ngunit magbabalik ang aking ulirat kapag ako’y kinagat ng mga lamok at langgam. Makakaligtaan ko kahit panandali ang paganong buhay mula sa lungsod, ang masisikip na lansangan at masusukal na loob, at mabibigo akong mabigkas ni maisahinagap ang inimbentong pangalan para sa manipestong hinihingi ng pantalan ng Hagnaya. Sa kinatatayuan ko ay maiiwan ang lahat ng iyong alabok at agam-agam, makaraang humakbang nang banayad palapit sa baybay. Sumasapit sa diwa mo ang mga isda, at kung ikaw ang inaasam nilang Tagapagligtas, babantayan mo rin kahit sa pangarap ang kapuluan ng mga tangrib na sukatan ng pagkain ng daigdig. Lumuluha ng bulalakaw ang hatinggabi habang duguan ang buwan. Humahalakhak ang mga lasenggong dayuhan, at wika nga’y isang patak ng wiski ay makahahawi ng dagat.  Ikaw na nakatindig sa mga tinik ng kahapon ay tila paslit na nakahiga sa dalampasigan ngayong gabi—lastag ang anino na tumatakip sa hulagway ng gaya kong deboto sa mundo.

“Bantayan,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 10 Disyembre 2011.
Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Kulam

Natuklasan ng huklubang mangkukulam ang bisa ng bulóng, at isang gabi ay sinubok niyang isakay sa simoy ang mga salita. Ang unang pagtatangka ay nagbunga ng alimpuyo ng alikabok, na humalo sa ulop na hatid ng tuyot na buntot ng Nobyembre. Ipagpalagay na bukod na sistema solar ang ipuipo, at ikaw na nakamamasid ay makararamdam ng pagkasabik sa bagong planeta na nagkikimkim ng lihim na nilalang at kaligirang makatatanggap ng lumalabis na populasyon ng kabihasnan. Hindi masisiyahan ang mangkukulam; at sa ikalawang pagtatangka noong sumunod na gabi ay mananalangin sa mga anito para sumapit ang unos na maglalandas sa iyong pusod bago humimpil nang matagal sa kambal mong puyô. Mapapaigtad ka, at mauulinig ang tinig ng hukluban na pumapasok sa iyong kalooban upang bulabugin ang ritwal ng nakagawiang tibok ng puso. Magsasalubong ang iyong mga kilay at mapapakagat-labi ka. Kulang pa ani mangkukulam ang gayong tagpo, at sa ikatlong pagtatangka noong ikatlong gabi ay huhubarin ang agam-agam, at ang kaniyang gunam-gunam ay sasaklawin ang iyong labi at paningin. Ak. . . ka! Ak. . . ka! Papawisan ka nang malamig; mangangatal ang iyong baba at pipitlag ang kalamnan na waring bagabag, saka durupok ang iyong mga tuhod hanggang isuko mo ang iyong sarili sa kaluguran ng karimlan. Papatak ang dugo sa sahig. Maglalakad ka na parang malagihay, at matitigmak ang sahig sa mapupulang alaala ng halimaw na humihigop ng dugo at naglulunoy sa iyong ihi. Sisirit mula sa mga puwang ng pader na laman ang maligamgam na likido, at pagkaraan, ang mangkukulam ay waring tinamaan ng kidlat na gugulapa sa pagod sa kaniyang libingan, at ibubulalas sa halakhak ang di-mapigil, di-maunawaang kabangisan.

“Kulam,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 7 Disyembre 2011.
"Paglisan ng mga Mangkukulam," pintura ni Louis Falero, 1877.

"Paglisan ng mga Mangkukulam" (Etude de Sorciere N.22), pintura ni Louis Falero, 1877.

Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Lorelei, ni Heinrich Heine

salin ng “Lorelei,” ni Heinrich Heine [Christian Johann Heinrich Heine]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ganap akong bigong hanapin ang ugat
Kung bakit ba ako’y balisa’t malungkot;
May isang kuwentong ako’y binagabag
at hanggang paghimbing ay nambubulabog.

Malamig ang simoy noong agaw-dilim
At ang agos sa Rhine ay sadyang tahimik;
Ang tuktok ng bundok ay taglay ang ningning
Ng araw sa gabing marahang napalis.

Doon sa itaas, marikit na nupo
ang kahanga-hanga’t basal na dalaga.
Lumantad sa tanaw ang lihim na ginto
na sa ulo niya’y may kinang ang hibla.

At sinuyod niya ng bulawang suklay
Ang malagong buhok habang umaawit
Ng himig na buo’t iba kung dumantay
Sa mga pandama sakali’t marinig.

Ang bangkerong sakay ng munting baroto’y
Tinuklaw ng lamlam na gumala-gala.
Ni hindi pinansin ang bato sa dulo
o proa ng bangka, siya’y tumingala.

Tila wawasakin ng along mabagsik
Ang bangka’t bangkero, wari nitong loob.
At iyon ang dahil ng muling pag-awit
Ng isang Lorelei, na sukdol ang rubdob.

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle

"Lorelei," (1864), oleo sa kambas ni Eduard Jacob von Steinle

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 153 other followers