Tungkol sa mga ad na ito

Ortograpiya at Pagbabago

Gubat na maraming paraan ng pagdulog ang pagbubuo ng ortograpiya, kung ituturing ang wika na lupaing kailangang tuklasin upang mabatid ang paraan ng pagpaloob. Ito ay dahil sinisikap ng ortograpiya na lumikha ng pamantayan at panuto hinggil sa pagbaybay at pagbigkas, at ang bawat titik o sabihin nang pantig, ay tinutumbasan ng natatanging tunog, na kung isasaalang-alang ang Filipino ay maaaring malúmay, maragsâ, mabilís, at malumì. Bukod dito’y isinasaalang-alang sa ortograpiya ang pagsisingit ng gitling, pagtatakda ng malaking titik sa salita, pagsasaad ng paraan ng pag-uulit ng kataga, pagkakabit ng mga panlapi, at iba pa. Ang pagkaligaw sa matalinghagang gubat ay simula ng pagkalito at di-pagkakaunawaan, at ang sinumang may kakayahang makalikha ng sariling landas at makabuo ng mapa, o makagamit ng wika alinsunod sa kaniyang pamantayan na handa namang tanggapin ng ibang tao, ang posibleng maunang manaig.

Bawat wika ay kinakailangang magtakda ng ortograpiya, at ito ang hinihingi ng panahon, nang maisaayos, mapanatili, at mapalaganap ang paraan ng komunikasyon at pagpapakahulugan. Sa isang panig, ang ortograpiya ay nagtatakda ng estandarisadong paraan ng paggamit ng isang sistema ng pagsulat, at ang pagsulat na ito ay magiging tulay para maihayag ng mga tao ang iniisip o nadarama sa pinakamainam na paraan. Kailangang imbentuhin ang ortograpiya nang magkaisa ang mga tao sa paraan ng pagpapahayag, at magsisimula ito kahit sa pagbaybay o pagbigkas. Sa ganitong paraan, inaasahan na magkakaroon ng isang salalayan ng pagkakaunawaan ang mga tao na nag-uugnayan sa pamamagitan ng wika. Sa kabilang panig, nagbubukas ang pagbuo ng ortograpiya ng usapin ng awtoridad at kapangyarihan, dahil hindi maiiwasang itakda ng isang pangkat ang inaakalang pinakamabuti para sa lahat ng gumagamit ng wika.

Hindi madali ang pagbubuo ng ortograpiya dahil nangangailangan ito ng konsultasyon at mahahabang gabi ng pag-aaral. Para itong paglisa sa diksiyonaryo o tesawro, at pagsuyod sa talaksan ng mga katha at tula, upang ang bawat lahok ay matuklas ang identidad at pagsilang. Kasabay ng pagbubuo ng ortograpiya ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan, na habang lumalaon ay nagtatakda ng kumbensiyon—na maláy man o hindi maláy na ginawa ng mga manunulat ay nagsisikap umabot sa kaisahan ng diwa—nang magkaroon ng pantay na diskurso ang mga gumagamit ng wika alinsunod sa pambihirang sistema. Inilalatag sa ortograpiya ang mga prinsipyo ng pagbaybay, pagpapantig, pag-uulit, paglalapi, paggitling, pagbigkas, at iba pa, at ang bawat prinsipyo ay kinakabitan ng paliwanag upang maging gabay ng mga gumagamit ng wika, gaya ng editor, guro, at manunulat.

Bumuo noon ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) ng balarila at diksiyonaryo, alinsunod sa atas ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, at noong 1946 ay inilabas nito ang mga pangunang gabay sa paggamit ng kambal-patinig sa ortograpiyang Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa. Kinakailangan ito dahil sa masigla ang pagpapalathala ng mga akdang pampanitkan sa mga diyaryo at magasin, at nang magkaroon ng kaisahan ang mga manunulat at editor hinggil sa ispeling ng mga salita. Ang ortograpiyang Filipino na lamang ay dumaan sa anim na yugto ng pagbabago, alinsunod sa itinadhana ng Komisyon sa Wikang Filipino: 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Wala pa rito ang panukalang pagbabago na isinulong ng UP Sentro ng Wikang Filipno (UP SWF) at National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na pinauunlad ang bersiyong 1987, 2001, at 2009 ng KWF. Bukod ang konsultasyon na ginawa ng KWF sa ginawa ng UP-SWF at NCLT dahil sinangguni nito ang mga eksperto sa iba’t ibang larang at wika, at napakatagal bago naisaayos ang pangwakas na borador na iniharap sa kapulungang binubuo ng mga dalubwika, lingguwista, edukador, editor, at manunulat. Ilang puntos na nabuo ng UP-SWF at NCLT ay tinanggap ng KWF, samantalang ang ilang prinsipyo na ginawa ng KWF ay sinikap ipaliwanag ng UP-SWF na nabigong ipaliwanag noon ng KWF.

Isang paraan ng pagdulog sa ortograpiya ay paggamit ng banyagang padron at termino upang ipaliwanag ang salimuot ng isang taal na wika, halimbawa sa Pangasinan o Iluko. Maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa paraan ng pagbuo ng ortograpiyang Ingles o Espanyol, at ito ang magiging sakit ng ulo ng isang karaniwang Pangasinense o Ilokano dahil ang kaniyang wika ay ipinapaloob sa batas, pamantayan, at pagtanaw ng banyagang wika. Ginawa na ito noon ng mga frayle nang baybayin sa panutong Espanyol ang Tagalog na “Ama Namin” at “Aba Ginoong Mariya [sic].” Sa kabilang dako, maaaring pag-aralan ang Pangasinan o Iluko ayon sa sariling pamantayan nito, at makahihiram ng leksiyon sa pagbubuo ng Filipino na hindi malayo sa Pangasinan o Iluko.

Sa kaso ng ortograpiyang Filipino, sinikap ng UP SWF at NCLT na bumuo ng sariling ortograpiya alinsunod sa simple ngunit epektibong paraan, habang gamit ang pananaw ng Filipino sa paggawa ng pamantayan sa bigkas at baybay na pasulat. Gayunman, laging nasa isip nasa sa isip ng dalawang pangkat na iba ang pabigkas sa pasulat na paraan, at ito ang isinaalang-alang sa pagbuo ng mga panuto. Pinag-isipang maigi ang mga panuto sa panghihiram ng Espanyol, Ingles, Pranses, at iba pang wikang banyaga, at kung paano ipapaliwanag ang bawat kaso na tinatanggap ng mga tao ang isang banyagang wika. Hangga ngayon ay hindi pa kayang maitakda ang hanggahan ng panghihiram, lalo sa Ingles at iba pang internasyonal na wika. Samantala, isinaalang-lang sa mga panuto ang mga gagamit ng ortograpiya, lalo sa mga rehiyon, at maaaring gamitin din sa pagbubuo ng mga panuto ng bawat panrehiyong panrehiyong wika.

Mapadadali ang pagbubuo ng ortograpiya kung patuloy na ginagamit ang wika sa pasulat na paraan, gaya ng mababasa sa mga panitikan. Habang lumalago ang panitikan, ang ortograpiya ay kusang nabubuo at kinakailangan na lamang sinupin ng mga manunulat ang mga panuto. Ang mungkahi ko’y magtipon-tipon nang malimit ang mga eskperto, dalubwika, panitikero, editor, manunulat, at lingguwista upang pag-usapan nang maigi ang mga panuto na itatakda at tatanggapin ng lahat. Ganito ang ginawa dati ng Aklatang Bayan, ang pinakatanyag at pinakamagaling na samahan ng mga manunulat sa wikang Tagalog noong bungad ng siglo 20, upang makabuo ng panuto at makapagpasok ng kabaguhan sa SWP. Kailangang pag-aralan ang wika hindi lamang sa lingguwistikong paraan, bagkus maging sa sosyolingguwistikong pagdulog na posibleng makaapekto sa pagbubuo ng mga panuto. Ang paglilista ng mga salita, sa ganitong paraan, ay hindi bara-bara at tsambahan, at maipagtatanggol ang isang probisyon o panuto alinsunod sa matalino’t makatwirang paraan.

Hindi ko nais agawin ang oras na laan sa diskusyon ng inyong Ortograpiyang Pangasinan. Anumang mabuo ninyo ay tangkilikin nawa ng inyong butihing gobernador at panlalawigang pamahalaan ng Pangasinan, at ipalaganap sa mga Pangasinense saanmang dako sila naroroon. Bumuo ng ortograpiyang Pangasinan, ngunit huwag isiping kalaban ang paglago ng Filipino sa bisyon ng Pangasinan. Maaaring magtulungan ang dalawang wika, at kapuwa mag-ambag sa pagpapaunlad ng kani-kaniyang korpus, at ang pagtutulungang ito ay hindi kailanman matutumbasan ng pagsandig sa pamantayang Ingles.

Mabuhay ang Pangasinan, at isang karangalan ang makahalubilo ang mga batikang Pangasinense ng panahong ito.

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Kumperensiya ng Ortograpiyang Pangasinan na ginanap noong 20 Mayo 2011 sa Capitol Resort Hotel, Lingayen, Pangasinan.]
Tungkol sa mga ad na ito

Mensahe para sa KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino)

Malaking karangalan ang humarap sa kalipunan ng mga guro, dahil ang pagharap na ito’y maituturing na pagkilatis sa sariling katauhan na hinubog din ng mga guro sa loob at labas ng paaralan. Parang humaharap ako sa salamin na maraming panig, at bawat anggulo’y lumilikha ng anyo o hulagway na kung hindi matapat sa realidad ay salamangka ng kulay at liwanag.

Bawat guro’y maaaring sipatin na aktibong tagasagap ng karunungan, ngunit hindi basta bulag na tagasunod sa sinumang tagapagsalin ng kaalaman. Ang kakayahan ng gurong magtanong, magtanda, magsaliksik, magsulat, makinig, at magsalita ang magbibigay ng malaking bentahan sa kaniya sa larangan ng pagtuturo.

Kaya hindi biro ang pagtuturo, lalo sa Filipino.

Kinakailangan ng guro ang dibdibang pagsasanay at pag-aaral hindi lamang sa disiplinang nais niyang pagtuonan, bagkus maging sa pakikipagkapuwa sa kaniyang mga kapuwa guro at mag-aaral. Upang matamo ito, kinakailangan ang organisasyon na mapagkakatiwalaan at malinis at bukás makipag-ugnayan. Na maaaring nasa katangian ng gaya ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino).

Hinahamon ang KASUGUFIL na itaas ang pakikibaka nito sa higit na malikhaing antas. Ito ay dahil sa pangangailangang buuin ang bagong kurikulum sa Filipino at repasuhin ang multilingguwal na edukasyong panukala ng ilang tao o sektor.

Hinihimok ko kayong bantayan ang sariling hanay nang may tunay na pagmamalasakit at kabutihang-loob upang maisagawa ninyo ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 hinggil sa Lakas ng Bayan [People Power]. Bagaman malaki at makapangyarihan ang makinarya ng Kagawaran ng Edukasyon, hindi ito sapat para maging kampante ang bawat guro at iasa ang kaniyang kapalaran sa awtoridad. Sapagkat gaya ng ipinamamalas ng nakaraan, gaano man kadakila ang isang institusyon ay nauuk-ok pa rin ito ng anay sa iba’t ibang paraan.

Binabati ko ang buong pamunuan ng KASUGUFIL sa matagumpay na pagdaraos ng taunang pagtitipon, ngunit nais kong itangi ang tagapayong tigulang na si Bb. Leonida Villanueva, kasama si Sandor Abad at ang ilang piling superbisor, na matapang na humarap kay Sen. Vicente “Tito” Sotto III upang humingi ng tulong pinansiyal na kailangan sa kongresong ito. Kung hindi dahil sa kanila ay wala siguro tayong kakainin sa loob ng tatlong araw, at maaaring abonohan pa ang gastusin para sa pansamantalang pagtigil dito sa Teachers’ Camp. Dapat ding kilalanin ang pamahalaang lokal ng Baguio, na pinamumunuan ni Alkalde Mauricio Domogan na maluwag na tinanggap ang KASUGUFIL.

Pasalamatan natin ang mga superbisor at direktor na pawang lumikom ng mga guro at naghatid dito sa Baguio. Pasalamatan natin ang mga boluntaryo na bumubuo ng Sekretaryat. Pasalamatan natin ang ating mga tagapanayam. Pasalamatan natin ang network ng mga guro mulang DepEd hanggang KWF. Pasalamatan natin ang mga kawani ng Teachers’ Camp at ang lahat ng tagapagsilbi ng pagkain at tagapagtiyak ng seguridad.

Higit sa lahat, pasalamatan natin ang lahat ng guro, sa publiko man o pribadong institusyon, sa loob man o labas ng paaralan. Kilalanin natin ang dakilang ambag nila sa lipunan, upang marinig ito hanggang sa bulwagan ng Malacañang o Hukuman o Batasan. Kung magsisimula sa atin ang pagpapahalaga sa karaniwang guro, naniniwala ako na pakikinggan tayo kahit ng sinumang Maykapal.

Magandang gabi sa inyo, at mabuhay kayong lahat!

[Mensahe na binasa ni Roberto T. Añonuevo sa “Gabi ng KASUGUFIL” na ginanap noong 18 Abril 2011, Teachers’ Camp, sa Lungsod Baguio, at dinaluhan ng halos dalawang libong kalahok na guro at superbisor mula sa iba’t ibang panig ng Filipinas.]

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino: Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang

Roberto T. Añonuevo
KWF Direktor Heneral

Umalingawngaw muli ang pangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag nito, bukod sa kumalat sa merkado ang bagong dalawampung pisong papel na gumugunita sa wikang pambansa. Pagkaraan nito ay parang walang nangyari, at nagpatuloy ang lahat sa kani-kanilang tungkulin o gawain. Kung iisipin nang maigi, mapanganib ang gayong katahimikan. Ang katahimikan ay maaaring senyales ng paghina ng KWF, at lantarang pagpapamalas ng di-pagpansin ng publiko o panlalamig ng Tanggapan ng Pangulo sa mahalagang papel ng KWF sa pagbubuo ng patakarang pambansa hinggil sa usaping pangwikang may kaugnayan, halimbawa, sa multilingguwalismo o pagbubuo ng Filipinong kurikulum.

Makabubuting ipakilala muli ang KWF, at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.

Noong 27 Oktubre 1936, inihayag ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea ang pangangailangan “sa isang pangkalahatang wikang katutubo na sinasalita ng sambayanang Filipino.”[1] Bagaman maraming wika at diyalekto sa Filipinas, nanatiling Espanyol at Ingles ang opisyal na wika sa komunikasyon at transaksiyon sa gobyerno, negosyo, hukuman, at edukasyon, na pawang nagbunga ng pagkatiwalag ng mga mamamayan sa sariling bansa. Kinakailangang gawin ito ng gobyernong kolonyal at ng mga kabalikat nilang opisyales na lokal upang manatili sa poder sa mahabang panahon.

Payak ngunit mabigat ang pangangailangan sa pambansang wika. Ang wika, ani Quezon, “ang pinakamatibay na ugnayang magbibigkis sa mga tao at magtataguyod ng pagkakaisa ng pambansang lunggati, pangarap, at sentimyento.”[2] Mahihinuhang may pagkilala si Quezon sa lipunang multilingguwal, ngunit napakahalaga ng pambansang wikang inaasahang magiging tulay pagsapit sa mga lalawigan, at kakawing sa pag-uugnayan ng mga tao na nagmula sa kung saan-saang panig ng Filipinas.

Sinubok na noon na gamitin ang Espanyol at Ingles sa edukasyon at gobyerno, ngunit may hinuha ang pangulo na imposibleng maging lingua franca ang naturang dalawang wika pagsapit sa mga lalawigan. Dumating ang sandali na pinili ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa, matapos ang mahabang saliksik, konsultasyon, at pag-aaral ng mga eksperto. Lumusog ang bokabularyo ng Tagalog nang maging bukás sa iba pang wika sa rehiyon at mga wikang internasyonal sa usapin ng panghihiram, pag-angkop, pagsasalin, at pag-angkin ng salita’t kaugnay nitong konsepto. Ipinamalas din sa mga pag-aaral, gaya ng The Family of Philippine Languages and Dialects [1957] ni Jose Villa Panganiban, at Tagalog-Hiligaynon [1973], Tagalog-Iloko [1972],  at Tagalog-Sebwano [1972] Cognate Words ng Surian ng Wikang Pambansa [Institute of National Language] ang matalik na pagkakahawig ng mga termino mulang ugat na salita, ispeling, pahiwatig, pakahulugan, at bigkas, na pawang hindi masasabi sa panig ng Ingles na tradisyong Anglo-Saxon ang pinagmulan. Sa maninipis na lathalain ng SWP, ilalathala ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Samar-Leyte (1970) ni Alfonsa E. Tizon; Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Hiligaynon (1970) ni Epifania M. Militar; at Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Sebuwano (1970) nina Priscilla Dingcong at Epifania M. Militar. Ilan lamang ang mga ito na patunay kung gaano katalik ang ugnayan ng Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa sa iba pang wika sa rehiyon.

Marahang nakapagpundar ng mga diksiyonaryo, bokabularyo, at antolohiya ang KWF sa paglipas ng panahon. Habang sinusulat ito, nakapagpalathala na ito ng 13 diksiyonaryo, 19 bokabularyo, at 10 antolohiya ng panitikan na pawang naglahok ng mga panrehiyong wikang bukod pa sa Filipino.[3] Kung sisinupin lamang ang mga ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng wikang Filipino at ng mga wika sa rehiyon, bukod sa mailalahok sa Filipinong kurikulum. Kapag binalikan ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Bilang 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” kabilang sa mga sangay nito ang sumusunod: 1) Pananaliksik at Ebalwasyon; 2) Leksikograpiya at Terminolohiya; 3) Pagsasalin; 4) Literatura 5) Iba pang mga Wika ng Pilipinas; 6) Pagpapalaganap, Kabatiran at Pagpapalathala; 7) Panlarangang Sentro ng Wika;  at 8)  Pangkalahatang Lingkuran.[4] Hindi kataka-taka kung bakit maraming diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan ang KWF.

Magbabago noong 2006-2008 ang balangkas ng KWF, alinsunod na rin sa mungkahing pagbabago noong administrasyon ni dating Punong Komisyoner Ricardo Nolasco at siyang isinumite sa Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM). Maglalaho ang Literatura at iba pang mga wika ng Pilipinas, at higit na maitatampok ang Lingguwistika, Leksikograpiya, Pagsasalin, at Impormasyon at Paglalathala.[5] Magbabago rin ang pangalan ng Panlarangang Sentro ng Wika at magiging Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), na binubuhay ngayon para maging sangay ng pananaliksik sa mga lalawigan. Nalagas ang mga tauhan ng KWF, at ang mga posisyong nabakante ay hindi na napunuan at nailipat sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang totoo’y salungat sa plano noong administrasyon ni Ponciano Pineda ang plano ng administrasyong Nolasco na alisin ang Sangay ng Panitikan at iba pang mga wika ng Pilipinas sa balangkas ng KWF. Saad nga sa isang lathalain ng KWF, “Sa plano ni Direktor Pineda sa pagpapabulas ng Filipino, mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika. Ang mga ito ay saklaw ng mga katangiang angkin ng wika na kailangang paunlarin upang yumabong ang Filipino sapagkat sa pamamagitan ng panitikan at pagsasaling-wika ay nakabubuo tayo ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at ekspresyon.”[6]

Kung babalikan ang pagsisimula ng SWP, nakasalig ito sa pagpapalathala ng mga kritika at sanaysay hinggil sa katha, tula, at dula na ang ultimong layon ay pataasin ang uri ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Pagkalipas ng ilang taon, magbabago ang lupon ng mga direktor o komisyoner ang SWP, at ang dating kiling nito sa panitikan ay malilihis sa lingguwistika.

Patakaran at Programa

Malaki ang kinalaman ng KWF sa pagpapaunlad ng Filipino, lalo sa pagbabalangkas ng mga polisiya mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa mga naging pangulo ng Filipinas, si Manuel Quezon ang primerang nakinabang dahil hinihingi ng panahon, yamang nakapagpapalabas siya ng patakaran sa pamamagitan ng Kawanihan ng Edukasyon alinsunod sa payo ng SWP. Ang dating SWP, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, “ay inaatasang maglathala ng diksiyonaryo at balarila sa Filipino [na batay sa Tagalog].” Nagkasanga ang dalawang aklat na ito, at noong 1946 ay inilabas ang pangunang gabay sa ortograpiya na likha ng SWP, at nilagdaan ni Esteban Abada na noon ay Direktor ng Edukasyon.[7] Sa puntong ito, nagsisimula na ang mahigpit na ugnayan ng SWP at Kawanihan ng Edukasyon. Apat na ulit pang mababago ang ortograpiya sa Filipino (1960, 1976, 1987, at 2009). Maglalathala rin ng katipunan ng mga idyoma, kuwento, tula, at dula ang SWP samantalang iminungkahing simulang gamitin noong 1940 ang (F)ilipino sa mga piling pitak sa pampaaralang pahayagan alinsunod sa panuto ng lingguwistikang itinadhana ng SWP.[8] Sisimulan din noong 1946 ang pag-eeksperimento na pagbuklurin sa estudyanteng nakauunawa ng Tagalog at hindi taal na Tagalog.[9]

Hindi basta maipapantay lamang ang Filipino sa Tagalog, kahit pa sabihing malaki ang pagkakahawig ng dalawang wika alinsunod sa gramatika, palaugnayan [sintaks], at paglalapi, at siyang idinidikdik ng ilang lingguwista. Dumaan ang Filipino sa pagpapanday, mulang estandarisasyon ng ortograpiya hanggang eksperimentasyon sa retorika hanggang usapin ng politikang pangkultura, partikular sa sosyolingguwistika. Ngunit higit pa rito, ang Filipino ay malinaw na lumago nang ganap ang korpus. May kaugnayan dito ang aktibong pagbubuo ng mga diksiyonaryo at tesawro; paglaganap ng tradisyonal na midya, internet, at telekomunikasyon; pagsusulong ng sari-saring pambansang kumperensiya, seminar, at palihan hinggil sa wika at panitikan; pagtatatag ng mga samahang pangwika sa loob at labas ng akademya; pagpapalimbag ng mga lathalain at panitikan hinggil sa Filipino, bukod pa ang elektronikong pagpapalathala; pagdami ng mga publikasyong naglalathala ng panitikang Filipino at iba pang wika; pagsasalin sa Filipino ng mga akda mula sa banyagang wika o kaya’y lalawiganing wika; at paggamit at pagpasok ng Filipino sa iba pang lárang o disiplinang dating sakop lamang ng Ingles.

Sumapit na ang Filipino sa abanseng yugto. Yumabong ito at yumaman, dahil sa paglalahok sa korpus nito ng mga wikang lalawiganin at iba pang wikang internasyonal, at maihahalimbawa ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Malaki na ang mga pagbabago sa pagbubuo ng pangungusap simula nang ipakilala ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa, salamat sa mga manunulat at editor na sa paglipas ng panahon ay nag-ambag ng kani-kaniyang halimbawang akdang pampanitikang mapagsusumundan. Naglathala ng mga teksbuk sa mga espesyalisadong larang ang UP Sentro ng Wikang Filipino, gaya ng siyensiya at teknolohiya hanggang paggugubat at arkitektura hanggang matematika at musika. Hindi ba ito ang mithi ng Seksiyon 6, Artikulo XIV, ng Konstitusyong 1987?

SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itayugod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.[10]

Kung tititigan nang maigi ang siniping probisyon, mababatid na tinupad na ng kasalukuyang henerasyon ang pagsasagawa ng unang talata ng Seksiyon 6. Ngunit ang ikalawang talata, na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtataguyod sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hindi pa lubusang nakakamit sa panahong ito. Ito ay dahil mabagal ang kapuwa Senado at Kongreso sa pagpapasa ng panuhay na batas [enabling law] hinggil sa midyum ng pagtuturo. May panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo I ng Ikalawang Distrito ng Lungsod Valenzuela hinggil sa pagtatatag ng edukasyong multilingguwal at programang literasi, ngunit ang panukalang ito ay waring pailalim na pinahihina ang Filipino, pinalalakas ang Ingles bilang lingua franca sa buong Filipinas, habang kunwa’y isinusulong ang edukasyong multilingguwal sa mga lalawigan.

Malinaw ang Konstitusyon ng 1987 sa paggamit ng Filipino: “Filipino, at habang wala pang itinatadhana, Ingles, ang mga wikang opisyal ng Filipinas ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo.”[11] Idinagdag pa rito na ang “mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang panturo roon.”

Bakit kailangang sipiin at balikan ang Saligang Batas ng 1987? Sapagkat narito ang butil na kailangang ihasik at pasibulin para maabot ang pangarap na wikang Filipino. Kailangang balikan din ang Batas Republika 7104, dahil ito ang batas na nagtatatag sa KWF at naglalatag ng mga tungkulin nitong marapat gampanan upang maging matagumpay ang paggamit ng Filipino.

KWF at Kurikula sa Filipino

Nang imungkahi ni Pang. Quezon na itatag ang SWP, malinaw sa kaniya ang dalawang bagay: una, pag-aralan sa pangkalahatan ang mga wika sa Filipinas; at ikalawa, pagtibayin ang “pangkalahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubong wika.”[12] Gaano man kaganda ang nasabing mithi, isinaalang-alang pa rin ni Pang. Quezon ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan sa buong kapuluan. Ang ganitong paraan ng pagtanaw ay waring urong-sulong na patakaran, at minamahalaga ang akomodasyon sa banyagang wika para pagbigyan ang hinihingi ng mananakop. Isang parikala na ang “pambansang wikang Filipino” [Filipino national language], ayon sa Batas Komonwelt Blg. 570, ay isinabatas noong 4 Hulyo 1946. “Filipino” ang tawag sa wika, ngunit gagamitin ang Tagalog para ikompara ang dalawang wika, at pahinain ang mithing Filipino para sa ikalalakas ng Ingles.[13]

Sa nasabing tindig ni Pang. Quezon, apektado kahit ang pagbubuo ng kurikulum sa elementarya at sekundaryang antas. Ang buong sistema ng edukasyon noon ay sumandig sa Ingles, habang isinasaalang-alang ang humihinang Espanyol bilang kurso. Iuutos ng pangulo sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, na sa simula ng 19 Hunyo 1940, “ituturo ang pambansang wika sa lahat ng publiko at pribadong paaralan sa bansa.”[14] Tutugon sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 1, s. 1940 ang Kalihim ng Publikong Pagtuturo Jorge Bocobo na “ituro ang Pambansang Wika simula ng 19 Hunyo 1940 sa ikaapat na taon ng lahat ng publiko at pribadong paaralan at pribadong pasanayang panggurong institusyon.”

Noong 3 Mayo 1940, nagpalabas ng Sirkular Blg. 26, s. 1940 si Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon na nag-aatas na ituro ang pambansang wika sa mga paaralang sekundaryo at normal. Ang introduksiyon sa “Pambansang Wikang Filipino” ay paghubog sa kasanayan ng mga guro, gaya ng pagpapalabas ng “mga unang leksiyon sa pambansang wika.”[15] Nakatuon ito sa mga gurong hindi bihasa sa Tagalog. Sesegundahan ito ng pagbubukod ng mga klase para sa maalam sa Tagalog at di-Tagalog.[16]

Ang Filipino ay hindi lamang ituturo bilang wika, at maihahalimbawa ang Babasahin ng Mamamayan (1950) na koleksiyon ng maiikling kuwento at nakatuon sa edukasyon ng mga tigulang [adult education]. Inendoso ito ni Benito Pangilinan, ang direktor ng mga publikong paaralan, dahil sa pagtataglay ng mga birtud ng pagsisikap, dangal sa paggawa, pag-unawa ng tao, pagkamakabayan, pananampalataya sa Diyos, pakikipagkapuwa, atbp. Higit pa rito’y iminungkahi niya na isalin sa iba pang wika ang mga kuwento upang maiangkop sa mga pangkat ng tigulang.[17] Sa ganitong pangyayari, ang pagpapalusog ng Filipino ay kaugnay ng pagpapalusog ng mga wikang panrehiyon.

Ang unang balangkas sa kursong Pambansang Wika 1 ng Normal na Kurikulum ay lumabas noong 1950.[18] Ang balangkas ay nakabatay sa Balarila ng Wikang Pambansa. Magbabago pa ito habang lumalaon, at maidaragdag ang mga kasabihan, idyoma, at panuntunan sa pagtuturo ng panitikan.[19] Noong 1956, binigyan ng awtoridad ang bawat superbisor ng dibisyon ng Wikang Filipino “na pangasiwaan ang pagtuturo ng [Filipino] sa mga pambansang paaralang pang-agrikultura at pangkabuhayan” na may sariling superintendente.[20] Inilahok din ang Filipino sa edukasyon at kultura noong 1956, ngunit kaugnay lamang sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Pinakamalawak ang naging saklaw ng SWP nang magsahimpapawid ito ng mga impormasyon  sa DZHF, tuwing Miyerkoles, alas 8:00 ng gabi.

Maselan ang pagpapalaganap ng Filipino, at kinakailangang magpalabas ng memorandum ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan noong 1957 para sa pagpapalaganap at popularisasyon ng wikang Filipino.[21] Kalakip nito ang ilang mungkahi sa nagagamit at interesanteng pagtuturo, ang pagpapalago ng bokabularyo sa pamamagitan ng panghihiram ng banyagang salita, ang pagkakaroon ng pitak sa Filipino sa mga pahayagang pampaaralan, at ang paghikayat sa mga opisyal at guro ng mga paaralan na gamitin ang mass media at ang pagpapahatid ng mga balita at patalastas sa pamamagitan nito hinggil sa mga proyekto at gawain ng mga paaralan.

Hindi makokontento ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at magsasagawa ito ng eksperimento sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang tulay ng pagtuturo sa mga Grado III, IV, at V noong 1956-1957 sa limang rehiyong di-Tagalog. Batay sa resulta ng eksperimento, ang Pilipino [Filipino] ay higit na epektibong midyum ng pagtuturo kaysa Ingles sa mga sabjek na pagbasa, wika, aritmetika, at araling panlipunan sa tatlong gradong nabanggit. Gayunman, mahahanggahan ang paggamit ng Filipino sa mga asignaturang gaya ng araling panlipunan, edukasyong pangkalusugan at pagpapalakas ng katawan, edukasyon sa wastong pag-uugali, at edukasyong panggawain.[22] Kung babalikan ang Resolusyon Bilang 73-7 ng National Board of Education noong 7 Agosto 1973, “ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing tulay ng pagtuturo at ituturo bilang asignatura sa kurikulum mulang unang grado hangang antas unibersidad sa lahat ng paaralan, publiko man o pribado….” Nagkatotoo ang nasabing pahayag sa panig ng Ingles subalit nanatiling pangarap lamang magpahangga ngayon sa panig ng Filipino.

Sa mga probisyon ng Saligang Batas 1987, hindi limitado ang Filipino sa ilang sabjek, gaya ng HeKaSi (Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika) at Filipino, bagkus maaaring gamitin din sa agham at matematika. Ngunit iba ang interpretasyon ng DepEd, kaya marahil nananatiling Ingles ang midyum ng pagtuturo sa agham at matematika magpahangga ngayon.  Noon pa mang 1985, iminungkahi na ni Direktor Pineda na “pahintulutan ang paggamit ng Pilipino sa agham at matematika.”[23] Sa patakarang bilingguwal na nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing noong 1987, pananatilihin ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Filipinas at di-esklusibong wika ng agham at teknolohiya.[24] Bukod dito, layon din ng Patakarang Bilingguwal na Edukasyon ang pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi. May puwang nang binubuksan si Kalihim Quisumbing. Patutunayan naman ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong dekada 1990 na kaya nitong lumikha ng mga teksbuk sa agham at matematika sa abanseng antas, ngunit nang mapalitan ang pamunuan ng UP ay nagbago rin ang tangkilik na inilalaan sa pagbubuo ng mga teksbuk sa Filipino.

Sa gitna ng maiinit na debate hinggil sa bilingguwalismo, at ngayon ay multilingguwalismo at Filipinong kurikulum, sangkot palagi ang KWF dahil ito ang ahensiya ng pamahalaang direktang bumubuo ng mga patakarang pangwikang ipinapasa sa pangulo ng bansa upang pagtibayin, o kung hindi man ay nagmumungkahing isabatas ng mga mambabatas bago pagtibayin ng pangulo.

May karapatang makialam ang KWF sa mga patakaran ng DepEd sapagkat nakapahiyas sa titik e, Sek. 5 ng “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Bilang 7104” ang tungkulin ng KWF na:

ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga [sic] grant at award, ang pagsulat at pagpapalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga [sic] materyales na reperens[i]ya sa iba-ibang disiplina.[25]

Sineseryoso ng KWF ang pagrepaso noon ng mga teksbuk at iba pang babasahin para sa mga paaralan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naglaho ang naturang gawain ng KWF, at marahil ay may kaugnayan dito ang pagbabago ng administrasyon, pagsasaayos ng estruktura ng tanggapan, at paghahanay ng priyoridad na mga programa o proyekto, bukod sa pagkaunti ng badyet na taunang inilalaan ng gobyerno. Kailangan pang pag-isipan ngayon sa KWF kung paano makagaganyak at makapagtataguyod ng pagsulat at pagpapalathala ng teksbuk kung ang estado ng nasabing mga gawain ay  kulang sa mga tauhang sapat ang karanasan o kaalaman sa isang tiyak na larang o disiplina, bukod sa nalagasan pa ng sangay na dapat sanang magpapalakas sa panitikan at iba pang wika ng bansa.

Pagsasaayos ng Estruktura

May maitutulong ang KWF sa pagpapanibago ng kurikulum ng DepEd, at kahit sa CHED. Ang KWF, kung gagabayan nang matalino at matuwid ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika at disiplina, ay makapag-aambag ng sariwang kaisipan hinggil sa Filipinong kurikulum, at marahil ay maisusulong ang adyenda ng edukasyon ng administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko sinasabing magagawa ito nang kisapmata. Ngunit magagawa ito. Magagawa ito sa tulong din ng mga organisasyong pangwika (gaya ng Kasugufil) at indibidwal na kinakailangang makilahok sa mga programa at proyekto ng KWF. Ang aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pampaaralan, pambayan, at pangmanunulat ay nararapat lamang dahil ito ang manipestasyon ng “Lakas ng Bayan” [People Power] na ginugunita ngayong taon ang ika-25 taon ng anibersaryo. Nakapahiyas sa Saligang Batas ng 1987 ang pagkilala sa pagkikilahok ng taumbayan sa mga gawaing pampamahalaan.[26]

Hindi dapat maging bukod ang KWF sa madla. Sa halip, ang KWF ay dapat maging bukás sa mga mungkahi ng madla at eksperto, nang sa gayon ay makapagbuo ng mga hakbang para sa wika.

Noong mga unang taon ng administrasyon ni Direktor Pineda, kabilang sa priyoridad ang pagsasagawa ng mga sosyolingguwistikong pananaliksik. Aniya, “kailangan ang ganitong mga saliksik upang maging batayan ng mga patakarang pangwika.”[27] Kabilang sa mga sarbey na kaniyang isinagawa ang una, sarbey sa diyalekto ng Maynila; ikalawa, sarbey sa alpabeto; ikatlo, wika at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng kanayunan; ikaapat, paggamit sa mga terminolohiya ng SWP; at higit sa lahat, sarbey sa kalagayan ng implementasyon ng edukasyong bilingguwal. May iba pang saliksik ang administrasyon ni Pineda, at ang ganitong programa ay maglalaho sa panahon ng administrasyon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra, aangat nang bahagya sa administrasyon ni Nolasco, at sinisikap na buhayin sa panahong ito.

Kung ipagpapatuloy ang mandato ng KWF, na isulong ang pananaliksik upang makabuo ng mga programa at proyektong makapagpapasigla sa paggamit ng wikang Filipino, ay tiyak na malayo ang mararating nito. Makapagrerekomenda ang KWF hinggil sa mga tumpak na hakbang, halimbawa sa multilingguwalismo na nagtataguyod ng pambansang wikang Filipino, o kaya’y makapaglalahok ng diwain hinggil sa pagbubuo ng mga sangguniang aklat na malusog ang panitikan, kasaysayan, at kultura, bukod sa bukás sa mga pagbabagong hatid ng impormasyon at teknolohiya.

Marahil ay hindi alam ng nakararami na ang dating pamunuan KWF ay listahan ng mga dakilang manunulat, kritiko, dalubwika, edukador, at makabayan. Jaime C. de Veyra. Lope K. Santos. Julian Cruz Balmaseda. Cirio H. Panganiban. Cecilio Lopez. Jose Villa Panganiban. Ponciano BP Pineda. Nakapag-ambag sila ng mahahalagang patakarang pangwika sa paglipas ng panahon, at ngayon ay kinakailangang iangat sa higit na abanse’t matalisik na pagkilos. Nawa’y madagdagan pa ang nasabing listahan ng iba pang dakilang tao, na handang magtaya nang malaki para sa wikang Filipino at mga wikang panrehiyon sa Filipinas. Hinihingi ng panahon ang sariwang pagbabago, at pagbabagong magpapatayog sa simulain at bisyon ng wikang Filipino.

At magagawa ang lahat ng ito sa tulong ninyo.

[*Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino, na may temang “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya” na ginanap sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio noong 17 Abril 2011 at inorganisa ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino). Si Añonuevo ay matinik na makata, kritiko, editor, at tagasalin. Nakapagpalathala na siya ng tatlong aklat ng tula, at ang ikaapat na kalipunan ay ilalathala ngayong taon ng Ateneo de Manila University Press. Naging editor ng mahigit 30 aklat pampanitikan, nakapagsalin ng mga aklat sa kasaysayan, panitikan, pagbabagong-klima, agham pampolitika, kalusugan, at ng mga teksto sa pelikula at pahayagan mulang ibayong dagat. Isa siya sa mga pundador ng Oragon Poets Circle, ang samahan ng mga pili’t premyadong makata ng Filipinas, dating pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at Wika ng Kultura at Agham Inc (WIKA Inc). Kabilang sa mga tinamo niyang parangal ang Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, SEAWrite Award sa Thailand, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Grand Prize Sawikaan, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at maraming iba pa. Si Añonuevo ang bagong talagang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino sa administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.]

Dulong Tala


[1] “Message of His Excellency, Manuel L. Quezon, President of the Philippines to the First National Assembly on the Creation of an Institute of National Language,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 2.

[2] Ibid.

[3] Balikan ang “Mga Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat, ni Sheilee Boras-Vega. Komisyon sa Wikang Filipino: Maynila, mp. 66-67. May iba pang hindi nakalahok dito.

[4] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas ng [sic] Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 73. Nakapagtataka na hindi ito nakalahok sa Philippine Gazette, at hindi rin makita ang mga pahayagang kinalathalaan nito. Isang obserbasyon ng Direktor Heneral na kailangang baguhin na ito upang umayon sa pagbabago ng panahon, ngunit wala pang aksiyon ang kasalukuyang Lupon ng mga Komisyoner.

[5] Malaking tanong ito sa KWF dahil ang Sangay ng Panitikan at Iba pang Wika sa Pilipinas ay nakapaloob sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.” Hindi maaaring baguhin ang naturang mga tuntunin at regulasyon hangga’t walang opisyal na pagsusog saka pagpapatibay na ginawa ang Lupon ng mga Komisyoner. Isang parikala rin na tinanggal ng administrasyong Nolasco ang sangay na sumusuporta sa mga panrehiyong wika, gayong isinusulong ng nasabing punong komisyoner ang multilingguwal na edukasyon.

[6] Basahin ang Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987), ni Aurora E. Batnag, at batay sa saliksik ni Candelaria Cui-Acas. Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 12.

[7] Basahin ang “Spelling of the Dipthongs IA, IE, IO and the non-dipthongs IA, IE, IO in the Filipino National Language,” Bulletin No. 8, s. 1946, Nobyembre 9, 1946 at nilagdaan ni Esteban R. Abada na direktor ng edukasyon.  Tumutukoy ito sa lingguwistikong tala na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay din sa naturang ortograpiya ang “Scope and Uses of the Verbal Affixes UM- and Mag-” Bulletin No. 2, s. 1950, at “Correct Spelling of Proper Names in Writing in the National Language,” Memorandum No. 73, s. 1950, Disyembre 6, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan na Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[8] Basahin ang “The National Language in School Papers,” Bureau of Education, Bulletin No. 26, s. 1940, Nobyembre 15, 1940, at nilagdaan ni Celedonio Salvador, Direktor ng Edukasyon.

[9] Basahin ang “Separate National Language Classes for Tagalog and non-Tagalog” Memorandum No. 9, s. 1946,” na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Setyembre 20, 1946.

[10] “Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Republika ng Filipinas ng 1987,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 490.

[11] Tingnan ang Seksiyon 7, Artikulo XIV, Konstitusyong 1987.

[12] Quezon, ibid., p. 2.

[13] Nakasaad halimbawa sa artikulong nalathala sa Bagong Buhay, Abril 11, 1955, ang pamagat na “Gamitin ang Tagalog sa lahat ng pagkakataon—RM” ngunit ang talumpati ni Pang. Ramon Magsasaysay ay tumutukoy sa “Wikang Pilipino” [Filipino language] at “Wikang Pambansa.” Ang ganitong detalye, gaano man kaliit, ay nagpapantay sa “Tagalog” at “Pilipino” na isang malaking pagkakamali.

[14] Mula sa Executive Order No. 263 na pinamagatang “Authorizing the Printing of the Dictionary and Grammar of the National Language, and Fixing the Day from which said Language shall be Used and Taught in Public and Private Schools of the Philippines,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 11.

[15] Pinamagatang “First Lessons in the Filipino National Language,” Bulletin No. 9, s. 1946, Nobyembre 21, 1946, na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Direktor ng Edukasyon at ipinadala sa mga superintendente ng dibisyon.

[16] Tinutukoy dito ang “Separate National Language Classes for Tagalog and Non-Tagalog,” Memorandum No. 9, s. 1946, Setyembre 20, 1946, at nilagdaan ni Esteban R. Abada na Direktor ng Edukasyon.

[17] Basahin ang “Citizens Reader for Adult Education Classes,” Bulletin No. 6, s. 1950, Abril 5, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.”

[18] Basahin ang “Outline of the Course in National Language I of the Normal Curriculum,” Memorandum No. 33, s. 1950, Hulyo 25, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.

[19] Basahin ang “Distribution of Panuntunan sa Pagtuturo sa Wikang Pilipino para sa Mataas na Paaralan,” Memorandum No. 43, s. 1955, Abril 16, 1955, at nilagdaan ni Venancio Trinidad na nanunungkulang direktor ng Kawanihan ng Edukasyon.

[20] Basahin ang “Supervision of Filipino Language Classes in National Agricultural and Trade Schools,” Bulletin No. 81, s. 1956, Hulyo 27, 1956, at nilagdaan ni Venancio Trinidad, Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[21] Basahin ang “Propagation and Popularization of Filipino Language,” Memorandum Bilang 56, s. 1957 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at nilagdaan ni Benigno Aldana.

[22] Basahin ang “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal,” Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, Hunyo 19, 1974, at nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel.

[23] Basahin ang “Edukasyong Bilinggwal sa Pilipinas: Nasasabi’y Di Rasal,” ni Ponciano BP Pineda. Panayam na binasa sa seminar ng KAPPIL (Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino), sa Pablo Nicolas Awditoryum, Pamantasang De La Salle, 17 Mayo 1985. Inilathala sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huli’t Kalahating Dekada (1970-1987), Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 45.

[24] Basahin ang “The 1987 Policy on Bilingual Education,” DECS Order No. 52, s. 1987, Mayo 21, 1987, at nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing.

[25] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino (Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7104 Creating the Commission on the Filipino Language),  na nalathala sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 68.

[26] Basahin ang Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIII, Seksiyon 15-16 na pinamagatang “Ang Bahaging Ginagampanan at mga Karapatan ng mga Organisasyon ng Sambayanan.” Kailangan umanong igalang ng estado ang mga malayang organisasyon upang matamo at mapangalagaan ng mga tao. . . ang kanilang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng mapayapang paraan at alinsunod sa batas.  Ngunit higit pa rito, “hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng antas na pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.”

[27] Basahin ang “Huling Isa’t Kalahating Dekada ng SWP,” mp. 6-12, nakapaloob sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987).

Filipino at Dalawampung Pisong Papel

Nauungkat lamang muli ang usapin sa wikang Filipino kapag pinagmasdan ang pinakabagong dalawampung pisong papel na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nakasaad doon ang “Filipino as the National Language 1935” ngunit itinatanong ng ilan ang katumpakan ng gayong pahayag.

Hindi totoong noong 1935 nilagdaan ang batas at umiral ang Filipino bilang wikang pambansa. Sa bisa ng Saligang Batas ng 1935, ang Kongreso “ay inaatasang magpaunlad at magpatibay ng pangkalahatang Pambansang Wika na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika” (akin ang diin). Ibig sabihin, wala pa noong ahensiya ng pamahalaan na mangangasiwa o magpapalaganap ng mga patakaran hinggil sa pambansang wika. At wala pa ring napipili noong 1935 kung aling katutubong wika ang magiging batayan ng pambansang wika. Mababatid lamang ang halaga ng pambansang wika kapag isinaalang-alang na ang Espanyol at Ingles noon ay umiiral bilang mga opisyal na wika sa buong kapuluan.

Ang siniping probisyon sa Saligang Batas ng 1935 ay ipinaglaban ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal na hindi Tagalog. Kabilang sa pangkat sina Felipe R. Jose (Mountain Province), Wenceslao Q. Vinzons (Camarines Norte), Tomas Confesor (Iloilo), Hermenegildo Villanueva (Negros Oriental), at Norberto Romualdez (Leyte). Si Romualdez na dating batikang mahistrado ang sumulat ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa.

Sa mensahe ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea noong 27 Oktubre 1936, sinabi niyang hindi na dapat ipaliwanag pa, na ang mga mamamayang may isang nasyonalidad at isang estado ay “dapat magtaglay ng wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat.”

Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa “na mag-aaral ng mga diyalekto sa pangkalahatan para sa layuning magpaunlad at magpatibay ng isang pambansang wikang batay sa isa sa mga umiiral na wika.” Ang pagpili ng isang pambansang wika ay ibinatay sa “pagkaunlad ng estruktura, mekanismo, at panitikan na pawang tinatanggap at ginagamit ng malaking bilang ng mga Filipino.”

Sa madali’t salita, Tagalog ang napili. At pinili ang Tagalog sa ilalim ng pamumuno ni Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte), at kinabibilangan ng mga kasaping sina Santiago A. Fonacier (Ilokano), Filemon Sotto (Sebwano), Casimiro F. Perfecto (Bikol), Felix S. Salas Rodriguez (Panay), Hadji Butu (Moro), at Cecilio Lopez (Tagalog). Tampok sa pagpili ng Tagalog ang pagkilala rito “na ginagamit ito ng nakararaming bilang ng mga mamamayan, bukod pa ang mga kategorikong pananaw ng mga lokal na pahayagan, publikasyon, at manunulat.” Hindi nakaganap ng tungkulin si Sotto dahil sa kapansanan; samantalang si Butu ay namatay nang di-inaasahan.

Noong 13 Disyembre 1937, sinang-ayunan batay sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na pagtibayin ang Tagalog “bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas.” Ngunit magkakabisa lamang ang nasabing kautusan pagkaraan ng dalawang taon, at ganap masisilayan noong 1940. Dalawang mahalagang tungkuling naisagawa ng SWP ang pagbubuo at pagpapalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Balarila ng Wikang Pambansa. Pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Komonwelt Blg. 570 noong 7 Hunyo 1940 na kumikilala sa Pambansang Wikang Filipino [Filipino National Language] bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas pagsapit ng 4 Hulyo 1946. Gayunman, noong 1942 ay inihayag ng Komisyong Tagapagpaganap ng Filipinas [Philippine Executive Commission] ang Ordinansa Militar Blg. 13 na nagtatakda na ang kapuwa Nihonggo at Tagalog ang magiging mga opisyal na wika sa buong kapuluan. Nagwakas ang gayong ordinansa nang lumaya ang Filipinas sa pananakop ng Hapon. At muling ipinalaganap ang paggamit ng Ingles sa mga transaksiyon sa pamahalaan, akademya, at negosyo.

At upang matupad ang mithing Pambansang Wikang Filipino, sari-saring seminar ang idinaos noong panahon ng panunungkulan ni Lope K. Santos sa SWP (1941–1946). Halimbawa, iminungkahi ang paglalaan ng pitak o seksiyon para sa wikang pambansa sa mga pahayagang pampaaralan nang masanay magsulat ang mga estudyante. Pinasimulan noong panunungkulan ni Julian Cruz Balmaseda ang Diksiyonaryong Tagalog. Lumikha ng mga talasalitaan sa mga espesyalisadong larang ang termino ni Cirio H. Panganiban, halimbawa sa batas, aritmetika, at heometriya. Isinalin sa wikang Filipino ang pambansang awit nang ilang beses bago naging opisyal noong 1956, at binuo ang Panatang Makabayan noong 1950. Ipinatupad ang Linggo ng Wika, at inilipat ang petsa ng pagdiriwang mulang Marso tungong Agosto. Itinampok ang lingguwistikang pag-aaral sa wikang pambansa at mga katutubong wika sa Filipinas noong panahon ni Cecilio Lopez. Pagsapit sa termino ni Jose Villa Panganiban ay isinagawa ang mga palihan sa korespondensiya opisyal sa wikang pambansa. Nailathala ang English-Tagalog Dictionary; at pagkaraan ay tesawro-diksiyonaryo.

Nagpalabas ng kautusan ang kalihim ng Tanggapan ng Edukasyon noong 13 Agosto 1959, na tawaging “Pilipino” ang “Wikang Pambansa.” Ang “Pilipino” na ibinatay nang malaki sa Tagalog ay maghuhunos na “Filipino” alinsunod sa atas ng Saligang Batas 1973 “na linangin, paunlarin, at pagtibayin ang Filipino alinsunod sa umiiral na mga katutubong wika at diyalekto nang di-alintana ang pagtanggap ng mga salita mula sa mga dayuhang wika.” Sa panahon ni Ponciano B.P. Pineda, ang SWP ay nagbunsod ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa sosyo-lingguwistika, bukod sa pagpapalakas ng patakarang bilingguwal sa edukasyon. Naipalathala ang mga panitikan at salin para kapuwa mapalakas ang Pilipino at iba pang katutubong wika.

Noong 1986, pumapel ang SWP sa paghahanda ng salin ng Saligang Batas ng 1986, at sa naturang batas din kinilalang ang pambansang wika ng Filipinas ay “Filipino.” Kung paniniwalaan ang nasabing batas, “habang nililinang ang Filipino ay dapat itong payabungin at pagyamanin nang nakasalig sa mga katutubong salitang umiiral sa wikang Filipino at iba pang wika.”

Ano ang maaaring ipakahulugan nito? Na ang “Filipino” ay nangangailangan ng isang ahensiyang pangwika na magtataguyod sa naturang simulain. Ang “Filipino” ay hindi na ang “Pambansang Wika” na nakabatay lamang nang malaki sa Tagalog, bagkus idiniin ang pangangailangang payabungin ito sa tulong ng mga panrehiyong wika sa Filipinas, bukod pa ang tinatanggap na mga salita sa ibang internasyonal na wika. At upang “mapayabong” ang pambansang wika ay kinakailangan ang isang institusyong pampananaliksik, na may mandatong higit sa itinatakda ng “pagsusuri” ng mga wika.

Kaya naman sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 117 na nilagdaan ni Pang. Corazon Aquino nalikha ang Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na sa pumalit sa SWP. Malulusaw pagkaraan ang LWP nang pagtibayin at pairalin ang Saligang Batas ng 1987 dahil iniaatas nito ang pagtatatag ng isang komisyon ng pambansang wika. Naisakatuparan ito nang maipasa ang Batas Republika 7104 noong 14 Agosto 1991, na nagtatag sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Kailangan ang KWF dahil ito ang ahensiyang makapagmumungkahi ng mga hakbang, plano, patakaran, at gawain hinggil sa mga wika, lalo na sa paggamit ng Filipino bilang pambansang wika. Maihahalimbawa ang kasong isinampa ni Inocencio V. Ferrer noong 1965 laban kay Direktor J.V. Panganiban at mga kagawad ng SWP; o kaya’y ang kasong isinakdal ng Madyaas Pro-Hiligaynon Society laban sa SWP upang pigilin itong isakatuparan ang gawaing bumuo ng pasiyang pangwika na labag umano sa Saligang Batas. Nagwagi ang panig ng SWP na kinatigan ng korte, at sinabing may batayang legal ang pag-iral ng nasabing tanggapan, bukod sa kinilalang ang “pagdalisay” at “pagpapayaman” ng katutubong wika [i.e., pagpapakahulugan at talasalitaan] ay kaugnay ng proseso ng “pagtanggap” o “pag-angkin” ng mga salita o impluwensiya mula sa banyagang wika na siyang magpapatunay na ang Filipino ay buháy na wika. Higit pa rito, inilantad ng nasabing mga usapin ang pangangailangang paghusayin ang paglinang at pagpapaunlad ng wika, sagutin punto por punto ang mga argumento ng gaya ni Geruncio Lacuesta laban sa tinawag niyang “Manila Lingua Franca,” alinsunod sa matalinong paraang nakasandig sa masusing pag-aaral at pananaliksik.

Dapat lamang linawin dito na ang pagiging pambansang wika ay hindi lamang nakatuon sa rehiyon ng Katagalugan, kahit pa sabihing ginawang batayan ang Tagalog sa pagbuo ng pambansang wika.  Ang Filipino, na patuloy na nilalahukan ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang panrehiyon at pandaigdigan, ay sumasailalim sa ebolusyong hindi lamang limitado sa gramatika at palaugnayan kundi maging sa mga pahiwatig at pakahulugan. Ginagamit na ang Filipino hindi lamang sa panitikan o sa Araling Panlipunan, bagkus maging sa pagpapaliwanag ng agham at teknolohiya, inhinyeriya at medisina, batas at matematika, at iba pang larang.

Bagaman ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) ay nagpalabas ng bagong kautusan hinggil sa pagsasakatuparan ng Edukasyong Multilingguwal, ang nasabing patakaran ay hindi basta-basta maipatutupad hangga’t hindi nababago ang Saligang Batas. Kinakailangang baguhin muna ang probisyon ng Saligang Batas hinggil sa bilingguwalismo na nagsasaad na tanging Filipino at Ingles ang “mga opisyal na wika sa komunikasyon at pagtuturo,” at ang KWF ay malaki ang tungkulin sa pagpili kung aling hakbang ang makabubuti sa pagsusulong ng anumang panukalang polisiya hinggil sa wika.

Maselang bagay ang pagbabago ng mga polisiya, kaya naman dapat ding maging maingat ang Pangulo kung sino-sino ang itatalaga sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF. Anumang mungkahing patakaran o programang pangwika ang imungkahi ng lupon, at siyang sang-ayunan ng Pangulo alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas, ang iiral at dapat ipatupad sa buong kapuluan.

Ang kasaysayan ng KWF ay kasaysayan din ng pagpupundar ng pambansang wikang Filipino. Tuwing babalikan ang pinag-ugatan ng KWF, matutuklasan ang salimuot ng politika at pakikibaka laban o pabor sa Filipino. Gayunman, napatunayan ng Filipino na kaya itong tanggapin sa iba’t ibang rehiyon at gawing katuwang ng wika ng rehiyon, dahil ang komposisyon ng Filipino ay hindi nalalayo sa naturang wika, kompara sa Ingles na sa kabilang polo nagmumula.

Sa ngalan ng KWF, nais kong ipaabot sa inyo ang taos-pusong pasasalamat. Makilahok kayo sa mga programa at proyekto ng KWF, dahil ang tanggapang ito ay dapat magsilbi sa bayan, imbes na pagsilbihan.

[Talumpating binigkas ni Roberto T. Añonuevo sa paglulunsad ng ika-75 Anibersaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino, na ginanap sa plasa ng Angono, Rizal noong 25 Enero 2011.]

Ang Kumbensiyon ng Malayang Taludturan

Sumiklab ang pagtatalo sa usapin ng paggamit ng malayang taludturan sa panulaang Tagalog noong dekada 1930 dahil na rin sa mga pangyayaring may kaugnayan sa pagpapanatili ng tradisyon ng nasabing panulaan samantalang rumaragasa ang pagpasok ng impluwensiyang Amerikano at Ingles sa panitikang Filipinas at pinaiiral bilang opisyal na komunikasyon sa transaksiyon ng pamahalaan, edukasyon, at negosyo ang kapuwa Espanyol at Ingles. Nakaugat sa mahabang kodipikasyon ng panulaang Tagalog ang susi ng pagtatalo, at matutunghayan kung babalikan ang mga sinaunang tekstong nalathala sa bansa.

Unang bumanat si Fray Gaspar de San Agustin, sa kaniyang akdang Compendio del Arte de la Lengua Tagala (1703), sa pagsasabing, “La poesia tagala no es tan difícil como parece, porque no tiene el rigor de la cuantidad de medias y ultimas, como la latina: ni las leyes del consonante formozo, como la castellana. Ni consta de la variedad de metros de ambas. Consta sólo de cualidad de voces y uniformidad de finales, cuya concordancia llaman ellos tola.”[1] Payak lamang ang ibig sabihin ni San Agustin:“walang panuto ang tulang Tagalog na singhigpit ng Latin, kung pag-uusapan ang bilang ng gitna at huling pantig ng salita; at ni walang sinusunod na alituntunin sa sapilitang gamit ng katinig, tulad ng sa Kastila. May katangian lamang daw ito ng tinig, at pagkakatulad ng mga [tunog] ng huling kataga.

May prehuwisyo si San Agustin sa panulaang Tagalog, at mababanaagan ito kahit sa kaniyang pag-uuri na may dalawa lamang na tugma ang tulang Tagalog: una ang “mariin” (nagtatapos sa patinig ang salita); at “mababaw” (nagtatapos sa katinig ang salita). Ginagawa niyang simple ang tulang Tagalog at inihahambing sa padron ng Latin at Kastila, imbes na pag-aralan ang tula alinsunod sa parametro ng Tagalog. Higit pa rito, itinuturing niyang may iisang balahibo ang tradisyon ng panulaang Latin, Kastila, at Tagalog, na waring nagmula sa iisang malig ng wika at tradisyon ang mga ito. Sa gayong paghahambing lumilitaw ang Mataas na Wika (dayuhan) laban sa Mababang Wika (katutubo) na naglalagay sa alanganin sa Tagalog sa hanay ng mga wika at panitikang pandaigdig.

Kulang na lang na sabihin ni San Agustin na ang panulaang Tagalog ay may “malayang taludturan” dahil iba ang ulinig niya sa tugmang Tagalog kompara sa mga tugma ng mga tulang Latin at Kastila.

Kumambiyo nang kaunti si Fray Francisco Bencuchillo sa kaniyang Arte Poetico Tagalo (1895) at nagwikang, hindi umano napakahirap ngunit hindi rin napakadali ng tulang Tagalog. May bahagi lamang nito ang madali, na may kinalaman sa huling pantig ng dulong salita sa isang taludtod. Na kapag nagwawakas sa katinig o mala-patinig ang pantig ng dulong salita sa taludtod ay nagiging “Norte o Gabay upang mabatid ang magiging anyo ng mga sumusunod na anyo.”[2] Ginamit ni Bencuchillo ang konsepto ng kompas at inilapat sa tula, at ipinakilala kung bakit nagtutugma ang mga salitang nagwawakas sa b, c, d, g, p, s, t kapag ang naunang patinig nito ay magkapareho; o kaya’y ang mga mala-patinig na l, m, n, ng kung ang naunang patinig nito ay magkahawig.

Ngunit mahihirapan si Bencuchillo sa tugmang patinig. Na kahit magkakapareho ang dulong pantig ng dulong salita sa bawat taludtod ay hindi nangangahulugang magkakatugma na iyon. Ito ay dahil nahihirapan ang mga Kastila na bigkasin ang mga salitang may impit, na gaya ng malumì at maragsâ, na pawang wala sa wikang Latin o Kastila. Gayunman, ipapakilala ni Bencuchillo ang henyo ng paglalapi sa mga salitang may mabibilis o malulumay na bigkas, na pawang tatawagin niyang tugmang “mariin”; at ang mga salitang may mararagsa o maluluming bigkas na tatawagin niyang tugmang “mababaw.”

Para kay Bencuchillo, ang tulang Tagalog ay may tatlong uri lamang. May tatlo o apat o higit pang bilang ng taludtod ang bawat saknong na puwedeng ituring na buong tula; at bawat taludtod ay may pito o walong pantig bawat isa. Kapag ang isang saknong ay binubuo ng lalabindalawahing pantig ang bawat taludtod, hindi na ito itinuturing na “tula” bagkus “prosa” o “plosa.”  Sinipi niya ang isang halimbawa:

Nang catahimican nang Gabing malamig
calaliman baga tolog pagcaidlip
cataoua,i, nanğala,i, ay napanagiuinip
o naquiniquita nang boocong baet.
Caracaraca,i, napaguitang tambing
ysang Calolouang cahihiualay rin
sa Pataouan sic-sic manğa salangsauil
nanacagaouian ang Cataouang tacsil.

Ayon kay Bencuchillo, ang prosa o plosa ay ginagamit lamang sa mga “liham ng pag-ibig at pag-iisang-dibdib.” Mahihinuhang esklusibo ang prosa o plosa at ikinakahon sa kumbensiyon ng panliligaw, pagtatalik, pagmamahalan, at pagpapakasal, gaya lamang na may natatanging tula para sa isinilang (oyayi) at namatay (dung-aw).   Sa pag-aaral ni Virgilio S. Almario, ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na taludtod ay hindi likas sa panulaang Tagalog bagkus imitasyon mula sa dulang Ewropeo. Posibleng ipinasok umano noong panahon nina San Agustin at Bencuchillo ang nasabing mga padron at itinuring na “prosa.” Ngunit posible ring bago pa man ipinakilala ng Kastila ang gayong anyo ng pananaludtod ay ginagamit na ito sa Tagalog, dahil sa pangyayaring ang Tagalog ay higit na rumirikit at nagkapagpapahayag ng malalalim na talinghaga sa paggamit ng lalabindalawahin at higit pang bilang na pantig na pananaludtod.

Kahit sabihin pang “prosa” o “plosa” ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig na saknungan, nagtataglay pa rin ito ng tugma. Isang katutubong kritiko ang magsasabing “magaling, datapoua hindi tola” ang gayong anyo, at ang ganitong pananaw ay posible ngang nagmumula sa pananaw ng isang taal na Tagalog at hindi Kastila. Sa kabilang banda, ang paglilimita sa mga katutubong tula sa makikitid na sukat ay paghahangga sa kapasidad ng Tagalog na lumitaw sa higit na maluwag na taludturan. Kung ituturing na prosa ang lalabindalawahin at lalabing-apating pantig, ang kasalukuyang pakahulugan ng “malayang taludturan” ay isang kabalintunaan. Ang prosa o plosa sa Tagalog, noon pa man, ay isang anyo ng pagsasakataga na may sukat at tugma para sa paksang angkop sa pagliligawan at pagpapakasal, bagaman ang sukat at tugmang ito ay lihis sa nakagawiang makikitid na pananaludtod na pipituhin, wawaluhin, o sisiyaming taludtod.

Mahalaga ang sinaunang pagpapakahulugan at paggamit ng anyong “prosa” o “plosa” at ito ang tatatak kahit sa winika ni Jose Rizal: “Los Tagalos desconoces el verso libre, por presentarse su idioma facilmente a la rima y por ser esta muy sencilla y natural.”[3] Hindi umano kinikilala ng mga Tagalog ang malayang taludturan, dahil maluwag at madaling gamitin sa pagtutugma ang wika [na Tagalog]. . . .” Maiuugnay ang winikang ito ni Rizal sa winika ni P. Joaquin de Coria, na ang “likas at katutubong tula ng mga Indio ay ang lapatan ng taludtod ang prosa, at magbigay ng tugma. . . .”[4] Iniugnay ni Rizal ang kalikasan ng wikang Tagalog sa panulaan nito. Tinukoy niya ang labindalawang uri ng tugma (anim sa katinig at anim sa patinig). Ang tugmaang patinig ay nahahati sa dalawa: ang “karaniwan” o vocal ordinaria (na tumutukoy sa malumay at mabilis na bigkas) at “mabigat” o vocal pesada (na tumutukoy sa malumi at maragsang bigkas). Samantala, ang tugmang katinig ay inuri niya sa “malakas” o consonante fuerte (na nagwawakas ng b, d, g, k, p, s, t) at “mahina” o consonante débil (na nagwawakas sa l, m, n, ng, y, w) Binanggit din ni Rizal ang isang panuto, na lahat ng taludtod sa isang saknong ay dapat magkaroon ng isang tugma, at ang sumusunod na saknong ay nararapat maging iba ang tugma, “kung hindi’y magiging isang tunog lamang at pawang nakababagot at nakapapagod.”[5]

Sa pakahulugan ni Rizal, ganap na inaalis sa ekwasyon ng panulaang Tagalog ang malayang taludturan. Ngunit pagsapit kay Lope K. Santos, ang “tugma” at ang “sukat” ay ilulugar bilang “bahagi ng estruktura o anyo ng tula.” Para kay L.K. Santos, ang tulang Tagalog ay may apat na sangkap: tugma, sukat, talinghaga, at kariktan.[6] Ang sukat at tugma ay pisikal o panlabas na anyo ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ang pinakakaluluwa ng tula. Mahihinuhang ginamit ni L.K. Santos ang konsepto ng “katawan” at “kaluluwa” alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo. Kinakailangan umano ang tugma at sukat para makasulat ng taludtod, samantalang kailangan ang talinghaga at kariktan upang makasulat ng tula.

Ngunit ang abanseng obserbasyon ni L.K. Santos ay hindi maglulundo roon. “… Kung mayroon mang tula sa isang tuluyan o prosa,” aniya, “ay maaari ding magkaroon ng taludturan kahit walang tula. Ang malapit na ugnayan ng taludtod at tula ay siyang magsisilbing suhay sa wika ng isang makata.” Sa pakahulugang ito ni L.K. Santos, ang “malayang taludturan” ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw, at maaaring ikabit din kahit sa tinatawag ngayong “tulang tuluyan” [prose poems; poeme en prose]. Binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng di-regular na sukat at walang tugmaang pananaludtod at saknong, bukod sa mga talatang matulain. Samantala, pinupuna rin ni L.K. Santos ang mga sampay-bakod na makata, na mahusay lamang magtugma at sukat subalit walang kakayahang maglubid ng talinghaga.

Mahalaga ang binanggit na ito ni L.K. Santos sapagkat maikli ang tradisyon ng anyong prosa sa panitikang Filipinas, na gaya ng maikling kuwento at nobela. Halimbawa, ang Ang mga Anak Dalita (1911) ni Patricio Mariano na nagtataglay ng eksperimentasyon sa pananaludtod at saknungan ay tinatakang “Nobelang Tagalog” sa pahinang pampamagat. Samantala, napakatradisyonal naman ang saknungan ng Kahapon, Ngayon, at Bukas (1913) ni Aurelio Tolentino, at may tatak na “nobelang Tagalog” gayunman ay nagtataglay ng mga talinghagang kontra-imperyalismo. Ang kalituhan kung anong uri ng akda ang “nobela,” “maikling kuwento,” “prosa,” at “tula” ay malulutas lamang noong 1947  nang sinupin ng Institute of National Language ang mga katawagang pampanitikang dumaan sa mga dalubhasa.[7]

Kung binubuksan ni L.K. Santos ang posibilidad ng malayang taludturan at tulang tuluyan sa kaniyang mga pahayag, ibabalik naman ni Iñigo Ed. Regalado ang tradisyonal na pagtanaw sa panulaang Tagalog. “Sa simula pa’y nagtataglay ang tulang Tagalog ng apat na bagay: sukat, tugma, kaisipan, at kariktan. Noon pa man at ngayon, kapag ang isang tula ay wala ng apat na bagay na ito ay hindi maituturing na tunay na tula.”[8] Sa nasabing pakahulugan ng tulang Tagalog, mistulang anomalya ang “malayang taludturan” at kinakailangang baguhin ang pakahulugan ng “tula” upang makapasok ang pakahulugan ng “malayang taludturan” at “tulang tuluyan.”

Halos magkapareho ang apat na sangkap [o katangian] ng panulaang Tagalog kung paghahambingin ang mga sinabi nina L.K. Santos at Regalado. Nagkakatalo lamang sila sa pagpapakahulugan. Kung si L.K. Santos ay ginamit ang “talinghaga,” gagamitin naman ni Regalado ang “kaisipan.”

Para kay L.K. Santos, ang talinghaga “ay hindi lamang sumasakop sa tatlong anyo ng wikang patalinghaga, tulad ng sinekdoke, metapora, at metonimiya, bagkus ang kabuuang Retorika at Poetika na tumatalakay sa mga kaisipan at ng sari-saring pamamaraan ng pagpapahayag dito.”[9] [Akin ang diin]. Ang kaisipan, sa panig naman ni Regalado, “ay siyang salik na kinapapalooban ng diwa’t mga talinghagang ipinapasok ng sumusulat.”[10] Mapapansin na higit na malawak ang pakahulugan ni Santos kompara kay Regalado, at siyang mananaig magpahangga ngayon. Samantala, kikitid ang “kaisipan” na itutumbas sa “central idea” sa Ingles.

Ang mahigpit na pagpapakahulugan ni Regalado ang magtutulak kay Alejandro G. Abadilla upang puwingin ang apat na katangian ng panulaang Tagalog. Para kay Abadilla, ang “katutubong balangkas, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat na ng panulaan sa daigdig.”[11] Gayunman, mapanlahat ang pahayag na ginawang pagdulog ni Abadilla. Hindi niya inusisa kung may natatanging sukat at tugma ang tulang Tagalog gaya ng naunang pag-aaral ng mga frayle at nina Rizal, L.K. Santos, Balmaseda, at Regalado.

Ikinatwiran ni Abadilla na “ang sinasabing katutubong balangkas ng tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi ang kabuuan ng mga katutubong balangkas ng Tulang Tagalog, at ito’y dahil sa katotohanang ang panulaan natin, ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago.” Ngunit nabigong magbigay ng halimbawa si Abadilla na susuhay sa pahayag na ito, bagaman mahihinuhang ang tinutukoy niya ay mga epikong bayan. Ngunit kahit walang estriktong tugma at sukat ang naturang mga epiko, alinsunod sa pamantayang pasulat o palimbag, ginagabayan pa rin iyon ng kumbensiyon ng himig at indayog na umaayon sa pabigkas o pahimig na pagtula, batay sa nakagawian ng mga katutubo.

Binanggit ni Abadilla na “ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit lamang ng tula” at siyang tumutukoy sa “daloy na panlabas.” Kung babalikan ang unang winika ni L.K. Santos, ang tugma at sukat ay may gayon ding pakahulugan, na itinuring niyang panlabas na anyo. Ano kung gayon ang mahalaga sa tula? Para kay Abadilla, higit na mahalaga ang “damdaming matulain [i.e., kalamnan o daloy na panloob]—yaong damdaming may hubog, may kulay, at may tinig.” Ito rin ang unang binanggit ni L.K. Santos, subalit sa panig ni Abadilla, ang “damdaming matulain” ay malapit ang testura sa “objective correlative” na pinatanyag ni T.S. Eliot at unang binanggit ni Washington Allston. Ginagamit sa objective correlative ang simbolikong bagay upang iugnay na pahiwatig patungo sa mga dating di-maipaliwanag, kung hindi man abstrakto, na damdamin. Para kay Allston, ang panlabas na daigdig ay kinakailangan ng katumbas na sariwang diwain sa isip, at mahalaga ito sa ebolusyon ng kalugod-lugod na damdamin.[12] Ginamit naman ito ni Eliot sa pagsusuri sa dulang Hamlet (1599?) ni William Shakespeare, at nagsabing “ang tanging paraan upang maipahayag ang damdamin sa sining ay sa pamamagitan ng paghanap ng katumbas. . . ng kalipunan ng mga bagay, sitwasyon, o magkakatanikalang pangyayari na magiging pormula ng isang tiyak na damdamin; na kapag nagwakas ang pagdama sa mga panlabas na bagay ay kagyat na madarama ang damdamin.”[13]

Pinuna ng isa pang modernistang makatang Tagalog na si Ildefonso Santos ang panulaang Tagalog na “sentimental, walang orihinalidad, at maligoy.”[14] (Sumasapol ang banat na ito sa mga duplero at mambabalagtas, at sa mga tula nilang naglulunoy sa pag-ibig o pag-iibigan.) Gayunman, sumasang-ayon umano siya na wala nang maipagmamalaki ang mga tulang makabago kundi ang kawalan ng tugma at sukat. “Ngunit kung naririto ang ‘pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin,’ ay walang dahilan kung bakit hindi ito dapat tawaging tula.”

Ang “pag-uumapaw ng di-mapigilang damdamin” na binanggit niya ay maaaring iugnay, kung hindi man itumbas sa “matulaing damdamin” ni Abadilla, ngunit maaari ding sipatin na labis na sentimental at maramdamin ang pinatutungkulan. Kung babalikan ang koleksiyon ng mga tula ni Regalado, na pinamagatang Damdamin (1968), mahihiwatigan dito na ang damdamin ay hindi literal na na katumbas ng “emosyon” na pupuwinging “kinalburong damdamin”[15] ng kritikong Almario, bagkus tumutukoy sa “inanyuang kalooban” ng makata na kaniyang idinisenyo sa tula. Tinumbasan ni Regalado ng iba’t ibang anyo ng damdamin ang mga paksang hinggil sa pag-ibig, mulang bata hanggang matanda, at mulang pansarili tungong panlipunang usapin. Para naman kay Ruben Vega, ang sining ng panulaan “ay mabisang pagpapahayag ng makahulugang damdamin (emotional meaning) na gumigising sa kaisipang panloob upang maging pangkalahatang larawan ng daigdig. . . .”[16]

Magiging lantad ang usapin ng “malayang taludturan” habang tumantayag ang pagkatha ng mga nobela, kuwento, sanaysay, at anekdota bukod sa pagsibol ng tinaguriang “dagli” at “pasingaw” noong bungad ng siglo beynte hanggang makaraan ang digmaang pandaigdig. Ang dagli, gaya ng ibig ipahiwatig nito, ay mabilisan ang pagkakasulat, na maaaring mapaglarawan, mapagsalaysay, o mapaglahad sa pinakamatipid na paraan at sa masiste at matalinghagang pamamaraan. Ginagamit ang dagli mulang pangulong tudling hanggang mala-sanaysay at tulang tuluyan, at ang himig ay maaaring mapamuna, mapanuos, mapagpatawa, seryoso, at bumabagay minsan bilang pamuno sa mga natitirang espasyo ng pahayagan o magasin.[17] Samantala, ang pasingaw ay magiging esklusibo sa pagkatha ng mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-iibigan.

Malayang Taludturan
Nalathala noong 1934 sa pahayagang Taliba ang tulang “dios ko!” ni Abadilla na nagtataglay ng malayang taludturan at pulos maliliit na titik ang simula ng bawat salita ng bawat taludtod na animo’y ginagad sa mga tula ni e.e. cummings. Nilagyan pa ng talababa ng editor ang tula, na nagsasaad ng “Ang vers libreng ito’y hindi ito lamang. May hangad, marahil, itong magpakilala ng pinakamakabagong hilig sa tula.”[18] Higit namang nauna ang kaniyang eksperimento ng tulang tuluyan, na tinawag niyang “kaunting tula at kaunting tuluyan” nang ilathala ng Liwayway ang “Ang Panahon” (1932). Sa dalawang tulang ito, nagtatangka na si Abadilla na kumawala sa mahigpit na pakahulugan ng tulang Tagalog ayon sa mga winika nina L.K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang sukdulan ng pagkalas ni Abadilla ay ibabandila ng tulang “Ako ang Daigdig,” na naggigiit ng indibidwalidad sa kabila ng kumbensiyong itinatakda ng tula at daigdig.

Iniuugnay ang paggamit ng malayang taludturan sa kabaguhan sa panulaan, at pagsunod sa padron ng banyagang panulaan. Subalit hirit ni Vega sa kaniyang panayam sa Manuel L. Quezon University noong 14 Agosto 1970:

Sa aking pag-aaral ay nalaman ko rin na walang malayang taludturan: ito’y pagsusuwagan ng kahulugan. Wala ring tulang malaya: ang kalayaan sa kulungan ay wala ng kahulugan. Paanong magiging malaya ang taludturan samantalang ang berso ay isang disiplinang nakakulong sa matipid na pangungusap at igkas ng damdaming narerendahan ng sukat at ritmo? Alisin mo ang sukat, ang tugma—subalit kailanman ay dadalhin ng indayog ng ritmo ang taludturan. Ang berso ay isang disiplinang minana sa klasisismo. Ibahin natin ang verse [sic] libre sa katawagang Pilipino.[19]

Para kay Vega, ang pinagkakakilanlan ng isang mahusay na tula ay wala sa pagkasangkapan sa tugma at sukat, o kaya’y sa paglabag sa mga tuntunin nito, bagkus sa “lirisismo.” Ang lirisismo, aniya, ay ang esensiya o kakang-gata ng tula, walang pagkakaiba sa pagpapakahulugan ng vertisismo ni Ezra Pound. Sumasalungat din ang kaniyang paliwanag sa sinaunang pagpapakahulugan ng panulaang Tagalog, at sa pagtatampok sa naunang winika nina L.K. Santos, Abadilla, at I. Santos hinggil sa pananalinghaga at nilalaman ng tula. Kulang ang paliwanag ni Vega sa lirisismo, at mahihinuhang nakasandal sa “indayog ng ritmo.”

Kung susundin ang talakay ni Vega, ang “vers libre” ay iba kaysa sa “malayang taludturan” kung ituturing na ang “vers libre” ay may bukod na diskurso sa “malayang taludturan” batay sa pinag-ugatang mga wika at tumbasan ng mga salita at diwa. Halos hindi nalalayo ang kaniyang pahayag sa winika ni T.S. Eliot, na “Walang malayang berso sa tao na ibig gumawa ng mabuting trabaho.” At sa ipinahayag ni Robert Frost na ang pagsusulat ng malayang taludturan “ay tila paglalaro ng tenis nang walang lambat.”[20]

Sinabi naman ni Charles O. Hartman sa kaniyang sanaysay, na “Sinasalungat ng malayang taludturan ang sarili nito.”

If “free verse” were to be admitted as verse at all, everything that had been achieved in the study of prosody would have to be rethought. Verse itself was defined, and still is in many dictionaries, as “metrical composition.”. . . If the definition of verse were in question, so would be the nature of poetry, with which it was habitually confused.[21]

Sa pahayag ni Hartman, walang mahigpit at permanenteng pagpapakahulugan sa “tula.” Kinakailangang baguhin din ang pagpapakahulugan sa “berso” o “taludtod.” Ngunit kahit ipagpalagay na malawak ang pakahulugan ng tula, may mga katangian pa rin itong masisipat at mahuhugot doon ang ilang kumbensiyong lumitaw noong nakaraang panahon hinggil sa pagsulat ng malayang taludturan.

Mga Kumbensiyon
Pagbubuo ng taludtod at saknong ang lunduan ng malayang taludturan, at heto ang ilang maituturing na kumbensiyong lumitaw sa iba’t ibang panahon:

  1. Maaaring magkaroon ng isa o mahigit pang saknong, bagaman di-regular ang sukat at tugma ng mga taludtod sa saknong.
  2. Nakasalalay ang haba o ikli ng taludtod sa disenyo, balangkas, at pamamaraan ng pagdiriin ng ritmo at himig.
  3. Maaaring magkaroon ng simetriya [at kadensiya] ang mga saknong, bagaman walang mahigpit na sukat ang mga taludtod, at nang maipamalas ang balanseng arkitektura ng tula. Halimbawa, kung ang unang saknong ay binubuo ng sampung taludtod, ang ikalawa at kasunod pang saknong ay may gayon ding bilang ng mga taludtod.
  4. Sa maraming tulang may malayang taludturan, hindi isinasaalang-alang ang simetriya ng mga saknong, bagkus ang ang tinig o mga tinig ng mga tauhan.
  5. Kung mala-epiko ang tula, maaaring hatiin ito sa mga yugto, at bawat yugto ay maaaring makapagsarili o kaya’y makalikha ng isang bukod na tula sa loob ng tula. Sa mahahabang tula ni Rio Alma, halimbawa sa Oriental, ginamit ang pamamaraan ng simponiya sa musika, kay may simulang mabagal, pagdaka’y bibilis, lalakas, tataas, bababa, at hihina, at muling tataas na yugto na waring akyat-baba sa bundok nang mapatindi ang kapanabikan, at masustini ang damdamin o kaisipan.
  6. Sa mga tulang tuluyan, ang saknong ay nagiging talata. At ang tula ay maaaring isang talata lamang.

Matatagpuan ang kumbensiyon sa estruktura o balangkas ng tula, at ang balangkas ng tula ay nakasalalay sa nilalaman at pinapaksa ng tula.

  1. May pagpapahalaga sa mga tunog ng dulong salita ng bawat taludtod o pangungusap, at pagpili ng mga salitang may maiindayog na tunog.
  2. May ritmo, ayon na rin kay Vega, at ito ay ginagabayan ng mga taktika ng repetisyon ng mga salita at diwa.
  3. Sa mga tulang tuluyan, may isa o higit pang talata.
  4. May partikular na paglalahad, paglalarawan, o pangangatwiran na pawang iniaayon sa persona, tinig, at himig ng tula, at maihahalimbawa rito ang buong koleksiyon ng tulang tuluyan ni Mike L. Bigornia, na pinamagatang Prosang Itim (1996).
  5. Sinematograpiko ang punto de bista, gaya sa mga tula ni Aloysius Bertrand.
  6. Ang anyo ng mga saknong ay maaaring idisenyo sa anyong ipinahihiwatig ng pamagat o kabuuan ng tula, halimbawa, gaya ng anyo ng bulkan ni Benigno Ramos o ni Frank Peñones, ahas ni José Corazón de Jesús, at kuhol ni Rio Alma.

Nagkakatalo ang maraming tula sa nilalaman, bagaman ang nilalaman ng tulang may malayang taludturan ay nagagabayan pa rin ng ilang kumbensiyon, gaya sa sumusunod:

  1. Ang “organikong anyo” [i.e., balangkas ng akda na likas na sumibol mula sa paksa at mga bagay na kinasangkapan ng makata], gaya sa pakahulugan ni Samuel Taylor Coleridge, ang magiging gabay sa retorika ng tula, kung hihiramin ang konsepto ni Hartman. Kung babalikan ang kritika sa “Ako ang Daigdig” ni Abadilla, ang banat ni Clodualdo del Mundo sa di-pagkatula ng akda ni Abadilla ay masasagot sa pag-urirat sa organikong anyo ng akda at ang sinadya o di-sinasadyang paglitaw ng tani-tanikalang pahiwatig at pakahulugan mula sa serye ng pag-uugnay ng mga salitang “ako,” “daigdig,” at “tula.”
  2. May “panloob na daloy” o “damdaming matulain”  kung hihiramin ang winika ni Alejandro G. Abadilla; at “pag-uumapaw ng damdamin” kung hihiramin ang winika ni Ildefonso Santos.
  3. Kaugnay ng binanggit sa itaas, may “lirisismo” ayon kay Vega, bagaman ang lirisismong ito ay higit na nakakiling sa indayog ng tunog ng bawat salita sa taludtod na nakapagpapasidhi ng damdaming kaugnay ng kaisipan ng tula.
  4. May “talinghaga/kaisipan at kariktan” na pawang pinakakaluluwa ng tula, kung hihiramin ang winika nina Lope K. Santos at Iñigo Ed. Regalado.
  5. May sentral na diwain ang tula, at ang diwaing ito ay gumagalaw alinsunod sa pamamaraan at himig ng personang nagsasalita sa tula.
  6. Karaniwang kumbersasyonal ang himig ng nagsasalita sa tula.
  7. Maaaring isang piraso ng hulagway ang linangin sa loob ng tula, at ang hulagway na ito, na kaugnay man ng malaking lawas ng iba pang hulagway, ay nagkakaroon ng sariwang pagtanaw kapag itinanghal sa pambihirang anggulo.
  8. Ang wakas ay kabaligtaran ng mga isinaad sa mga unang talata o saknong.

Ilan lamang ang binanggit dito na maituturing na kumbensiyon sa pagsulat ng malayang taludturan. Nakakargahan lamang ng iba’t ibang pagtanaw ang malayang taludturan, na isang kakatwang taguri, dahil ang “pagkamalaya” ng taludturan ay nakasalalay pa rin sa kabihasaan ng makata sa pagsasakataga ng mga bagay na matalinghaga.

(“MALAYANG TALUDTURAN: Pag-ugat, Paglaganap, at Pagtanaw sa Panulaang Filipino,” lektura ni  Roberto T. Añonuevo para sa mga bagong fellow ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo [LIRA] na ginanap sa Ortigas Foundation Building, Ortigas, Lungsod Pasig noong 15 Agosto 2010.)

MGA TALA


[1] San Agustin, Fr. Gaspar de S. Compendio del Arte de la Lengua Tagala. Manila: Imprenta de Amigo del Pais, 1703. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

 

[2] Bencuchillo, Fr. Francisco. Arte Poetico Tagalo, 1895. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[3] Rizal, Jose. Arte Metrica de Tagalog, Traducido del Aleman, 1887. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[4] Mula sa Reglas del Tayotay en Tagalog ni P. Joaquin de Coria, na sinipi ni Lope K. Santos sa kaniyang  Santos sa kaniyang Peculiaridades de la Poesia Tagala.

[5] Rizal, op. cit.

[6] Santos, Lope K. Peculiaridades de la Poesia Tagala, Manila: Universidad de Filipinas, 1929. Muling inilathala nang may nakalakip na salin sa Filipino ng Sentro ng Wikang Filipino, at kabilang sa antolohiyang pinamagatang Poetikang Tagalog: Mga Unang Pagsusuri sa Sining ng Pagtulang Tagalog na inedit ni Virgilio S. Almario at isinalin ni Trinidad O. Regala, 1996.

[7] Kabilang sa mga bumuo nito si Iñigo Ed. Regalado na naglista ng mga katawagang pampanitikang isinumite niya sa Institute of National Language noong 1947.

[8] Regalado, Iñigo Ed. Ang Panulaang Tagalog, 1943, na dumaan sa ilang rebisyon hanggang mailathala noong 1947 ng Institute of National Language, Tomo 6, Bilang 5.

[9] Santos, op. cit.

[10] Regalado, op. cit.

[11] Abadilla, Alejandro G. “Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan” na nalathala sa Liwayway noong 8 Hulyo 1944, at muling inilathala sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[12] Basahin ang pambungad na diskurso sa Lectures on Art (1840), na ang elektronikong teksto ay nasa http://www.gutenberg.org/files/11391/11391.txt.

[13] T.S. Eliot (1888–1965).  The Sacred Wood: Essays on Poetry and Criticism. 1922.

[14] Basahin ang “Simula ng Bagong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Ildefonso Santos na nalathala noong 1944, at muling inilimbag sa Kritisismo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan, na inedit ni Soledad S. Reyes ng Anvil Publishing Inc. noong 1992.

[15] Basahin ang “Kinalburong Damdamin o Musang Pinormalin” ni Virgilio S. Almario sa kaniyang aklat na Ang Makata sa Panahon ng Makina. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1972 na sumasagot sa uri ng pamumuna nina Aniceto Silvestre at Clodualdo del Mundo samantalang pinupuwing ang koleksiyon ni Regalado na “tila pagsisinop ng mga buto ng dinosaur” [i.e., sinauna o laos na]. Na isang mabalasik na puna na hindi natitigan nang maigi ang konsepto ng “damdamin” bilang panloob na agos [Abadilla] o kaluluwa [L.K. Santos] ng tula.

[16] Vega, Ruben. “Ang Pagkakaisang-Anyo ng mga Panahon sa Panulaan,” na kabilang lathala ng Surian ng Wikang Pambansa (na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino), bilang 34-02, Pebrero 1971, p. 47.

[17] Basahin ang aking karagdagang paliwanag sa “dagli” at “tulang tuluyan” sa http://alimbukad.com/ 2008/08/06/prosang-itim-at-tulang-tuluyan-sa-filipino/.

[18] Kabilang sa Mga Tulang Tagalog, Unang Bahagi, na antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo ngunit hindi pa nalalathala. Walang petsa ang nasabing antolohiya.

[19] Vega, op. cit., p. 42.

[20] Interbiyu kay Robert Frost, 1950, at sinipi sa Ikalabing-anim na edisyon ng Bartlett’s Familiar Quotation, na inedit nia John Bartlett at Justin Kaplan. Boston New York Toronto London: Little Brown and Company, 1992, p. 625.

[21] Hartman, Charles O. Free Verse: An Essay on Prosody. New Jersey: Princeton University Press, 1980.

SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

Sawikaan: Pambansang Kumperensiya sa Wika ngayong 29-30 Hulyo 2010

Sawikaan 2010: Kumperensiya sa Salita ng Taon sa UP Diliman sa Hulyo 29-30, 2010

Itatanghal ng Filipinas Institute of Translation Inc.  (FIT) sa tulong ng Blas Ople Foundation, Anvil Publishing, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Komisyon sa Wikang Filipino, U.P. Sentro ng Wikang Filipino, at ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon sa Hulyo 29-30, 8:00n.u. -5:00n.h. sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Diliman, Lungsod Quezon.

Noong 2007, “miskol” ang naideklarang salita ng taon dahil sa angkop na paglalarawan sa pag-angkin ng Filipino sa hiram na konsepto ng komunikasyon. Hindi lamang ito di-nasagot na tawag kundi isang paraan ng paramdam, pagyayabang, at iba pang ugaling Filipino.

Hindi isinagawa ang kumperensiya noong 2008 at 2009 dahil naniniwala ang Sawikaan na walang karapat-dapat na salitang lumaganap ng panahong ang maitatanghal na salita ng taon. Sa ngayon, nagkaroon na ng sapat na dami ng mga salita para mapagpilian at maipagpatuloy ang Sawikaan.

Tinanggap ng Sawikaan ang mga mungkahing salita na nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa larangan sosyokultura, politika, ekonomiya at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa nakaraang dalawang taon. Hiniram ito sa dayuhan o lokal na wika, o lumang salita na may bagong kahulugan. Mahalagang karagdagan sa diksiyonaryong Filipino ang salita ng taon.

Tulad sa nakaraang kumperensiya, nag-imbita ang Sawikaan ng mga eksperto sa wika para talakayin ang paraan ng pagpapaunlad sa wikang pambansa. Kabilang sa mga tagapagsalita sa mga sesyon ng Hulyo 29 sina Dr. Mario I. Miclat, dekano ng U.P. Asian Center;  Dr. Jaime Caro, siyentista sa agham-computer; at Dr. Jesus Federico Hernandez, Tagapangulo ng U.P. Departmento ng Lingguwistika; at higit sa lahat, Dekano Dr. Zeus Salazar na pangunahing teoriko at istoryador ng Filipinas. Pangunahing paksang tatalakayin ang neolohismo (pagbuo ng bagong salita), paghiram mula sa mga wikang di-Ingles, wika at kompiyuter, at kalikasan ng wika ng mga bakla.

Pagkaraan ng mga diskusyon, ilulunsad ang bagong edisyon UP Diksiyonaryong Filipino (Anvil Publishing) na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Si Dr. Isagani Cruz ang magbibigay ng kritika sa naturang diksiyonaryo para makatulong sa mga guro at estudyante sa pag-unawa sa naturang aklat.

Sa Hulyo 30, sampu hanggang labindalawang tagapagsalita ang magtatanghal ng kani-kanilang papel. Kabilang sa mga lahok para sa salita ng taon ang “jejemon, “unli,” “load,” “tarpo,” “spam,” “solb,” “emo,” “load,” “korkor,”  “namumutbol,” “Ondoy,” at “Ampatuan.” Hahatulan ang mga presentasyon sang-ayon sa mahusay na saliksik, husay ng ebidensiya at argumento, at ganda ng pagkakasulat. Igagawad ng Blas Ople Foundation ang premyong salapi sa una, pangalawa, at pangatlong gantimpala para sa salita ng taon. Ilalathalang libro ang lahat ng papel na binasa sa Sawikaan.

Sa katanungan at impormasyon, mag-email kay Bb. Eilene Narvaez sa filipinas.translation@gmail.com. O bumisita sa opisyal na website sawikaan.net.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 161 other followers