About these ads

Panukalang Pagbabago sa Komisyon sa Wikang Filipino

Sa halos dalawang taon kong panunungkulan sa Komisyon sa Wikang Filipino, masasabi ko nang kinakailangan nito ang malaliman at malawakang pagbabago upang maging epektibong kasangkapan ng Tanggapan ng Pangulo sa pagsusulong ng mga patakaran at programang pangwika. Nais ko ang pagbabago; ngunit kahit ikaw ang direktor heneral o direktor IV ng KWF ay hindi ka basta makapagpapatupad ng pagbabago nang walang pahintulot ng Lupon ng mga Komisyoner. Kinakailangan ang pagsang-ayon ng Lupon ng mga Komisyoner, dahil ang KWF ay maibibilang na Komisyong Konstitusyonal at kumikilos bilang lawas kolehiyado [collegial body].

Nakalulungkot isiping nabigo ang KWF ng kalukuyang panahon na isagawa ang mga itinatadhana ng batas. Walang malinaw na pambansang patakarang nabuo ang Lupon ng mga Komisyoner sa ilalim ng pamumuno ni Kom. Jose Laderas Santos, at ang ganitong pangyayari’y patutunayan ng mga rekord sa opisina. Nagmungkahi ako ng mga programang pangwika na puwedeng isaalang-alang ng lupon, ngunit ang tinig ng butihing Punong Kom. Santos ay waring nakapangyayari sa lahat at hindi ang lawas kolehiyado. Ang pagbubuo ng mga patakaran at programa ay dapat nakaayon sa saliksik at pag-aaral, ngunit dahil hindi naman ginagampanan ng KWF ang tungkuling magsaliksik hinggil sa Filipino at iba pang wika, umaasa na lamang ang KWF sa mga saliksik ng ibang pangkat at nagpapasiya alinsunod sa anumang itatakda ng pambansang pamahalaan.

Kaya napakahirap hingan ang KWF ng katumbas na opinyon na magtataguyod ng Mother-tongue based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang pamalit sa dating bilingguwal na edukasyong itinatadhana ng Saligang Batas 1987 at sinegundahan ng DECS Order Blg. 52, s. 1987 na may petsang 21 Mayo 1987. Pumasok ang KWF sa patakarang MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (at siyang isinusulong ni dating sinibak na Punong Kom. Ricardo Ma. Nolasco at ipinagpatuloy ni Punong Kom. Santos) nang walang malinaw na parametro ng paglahok. Naging parang utusan ang KWF na gumawa lamang ng mga ortograpiya sa 12 pangunahing wika mula sa buong kapuluan; nagrepaso ng ilang teksbuk na itinataguyod ng DepEd at binigyan ng imprimatur ang mga ito kung kinakailangan; at nakilahok sa mga panrehiyon at pambansang seminar. Ngunit hindi iyon sapat, at hindi sapat ang maging pasibo sa usaping pangwika.

Ideal ang MTB-MLE dahil sinisikap nitong turuan ang bata alinsunod sa wikang kinagisnan nito. Gayunman, hindi isinaalang-alang ng mga tagapagtaguyod ng MTB-MLE ang ibang balakid, gaya ng iba’t iba ang wikang kinagisnan ng mga bata na tinipon sa isang silid-aralan at kinakailangang maging polyglot ang guro; na dapat rebisahin ang kurikulum upang umayon sa MTB-MLE at K-12; na kulang ang materyales sa pagtuturo at hindi sapat ang mga pagsasanay sa guro; at kung ang lingguwa prangka, na gaya ng Filipino, ay gagamitin kung sakali’t may pagtatalo kung sa aling wika ituturo ang mga asignatura. Sa ganitong pangyayari, ang KWF sa ayuda ng DepEd ay dapat nagsasagawa ng mga saliksik upang maisaalang-alang sa pagsasakatuparan ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, alinsunod sa panrehiyong bisyon sa antas ng ASEAN, kung hindi man Asya-Pasipiko.

Kinakailangang magbalik ang KWF sa seryoso at dibdibang pananaliksik.

Nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-c na tungkulin ng KWF na “magsagawa ng pananaliksik o makipagkontrata para maisulong ang pananaliksik at iba pang pag-aaral upang maipalaganap ang ebolusyon, pag-unlad, pagpapayaman at estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas.” Ang nagaganap sa KWF ay hinihingan na lamang nito ng mga manuskrito ang mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), gaya ng antolohiya ng mga kuwento o tula at diksiyonaryo, at ang mga ito ay ilalathala ng KWF para maibenta at maipalaganap sa rehiyon. Mahilig ding magpaseminar ang KWF, sa basbas ng gaya nina Punong Kom. Santos, Kom. Carmelita Abdurahman, Kom. Concepcion Luis, at Kom. Bernard Macinas na kung lilimiin nang maigi ay hindi nakatutulong nang malaki sa panig ng mga guro. Pinakabagong pinagkakaabalan ng apat na butihing komisyoner ang “Pagpapaunlad ng Kamalayan at Kasanayan sa Paghahanda ng Pananaliksik at mga Kagamitang Panturo sa Wika at Panitikan Salig sa K to 12 Kurikulum” na binalak sakupin ang buong Filipinas sa pamamagitan ng PSWF ng KWF sa bawat rehiyon. Direktor ng Seminar si G. Robinson K. Cedre (na kung hindi ako nagkakamali’y isang taluhang kandidato sa halalan ng pagkakonsehal noong 2010 sa Lungsod San Pablo, Laguna) at direktang nakikipag-ugnayan kina Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang problema’y isinagawa ang naturang seminar nang walang basbas ng Lupon ng mga Komisyoner ng KWF; ni hindi pinaharap sa Lupon ang direktor ng seminar na si Cedre; at hindi ipinaalam sa Direktor Heneral ang serye ng seminar bagaman ang Direktor Heneral ang dapat sumusubaybay sa gayong gawain. Lumiham din sina Cedre at Kom. Santos upang humingi ng endosong memoradum at adbaysori kay DepEd Kalihim Armin A. Luistro sa pamamagitan ni Dr. Yolanda S. Quijano. Sa naturang pangyayari, mababatid na sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay kumikilos nang walang pahintulot ng lawas kolehiyado, at ito ay malaking kasalanan sa batas kung isasaalang-alang na ang KWF ay isang komisyong konstitusyonal at hindi ordinaryong ahensiya ng gobyerno. Bukod pa rito, lumalampas sa itinakdang tungkulin ang mga butihing komisyoner sapagkat gumaganap sila bilang direktang tagapagpatupad at kalahok ng proyekto, bukod sa sila rin ang tagapagbuo at tagapagpatibay ng nasabing proyektong popondohan ng KWF– at ang ganitong gawi ay tandisang paglabag sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104.

Bagaman maipupuwing na walang kakayahan sa ngayon ang KWF na magsagawa, halimbawa ng malawakang sarbey o saliksik pangwika sa iba’t ibang lugar kung hindi man sa buong kapuluan, maaaring kumuha ito ng serbisyo ng ibang ahensiyang magsasagawa ng saliksik para sa KWF. Ang ganitong pagtatambal ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-g, na nagbibigay kapangyarihan sa KWF na “tawagan ang alinmang kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya o instrumentalidad ng Gobyerno o alinmang pribadong entidad, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagsasakatuparan ng mga gawain, tungkulin, at responsabilidad nito.” Kabilang sa gayong gawain ang “pagtitipon ng mga akda para sa posibleng paglalahok sa multilingguwal na diksiyonaryo. . . .” Sa kaso ng pagkuha ng serbisyo ni G. Cedre na mula umano sa Trends & Techniques Resource Center and Training Services, ang grupo ni Cedre ay hindi umano nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa pinakabagong makinang panghanap [search engine] nito. Maaaring nagkakamali ang aparato ng SEC, ngunit kung totoong ilegal ang ahensiya ni Cedre ay puwede siyang managot sa batas, kasama sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman na pawang nagpahintulot at tumulong kay Cedre. Mapanganib ang ganitong pangyayari, dahil nalalagay sa alanganin ang KWF kung sakali’t mapatunayang walang sapat na papeles at legal na personalidad ang Trends & Techniques Resource Center and Training Services ni Cedre para makipagkontrata sa KWF. Nagagamit ni Cedre ang mga PSWF ng KWF, sa tulong at pahintulot nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman, na posibleng ikapahiya kahit ng DepEd, bukod pa sa pangyayaring ang pagsasagawa ng seminar pangwika at pampanitikan ay dapat hinihigpitan upang maiwasan ang pagpapakalat ng katangahan sa hanay ng mga guro at estudyante.

Masakit amining nagkulang ang KWF. Ngunit kung nagkulang man ang KWF ay dapat siyasatin ang mga ginagawa ng gaya nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang KWF ay dapat umigpaw sa impunidad at medyokridad, bukod sa handang harapin ang mga hamon sa pagpapalaganap ng Filipino at iba pang wikang panrehiyon sa matalino at siyentipikong pamamaraan. Bagaman may kalayaan ang grupo ni Cedre na makipag-ugnayan sa KWF, at ang KWF ay may karapatang kumuha ng serbisyo ng mga lehitimong pribadong organisasyon, ang tambalan ng grupo ni Cedre at nina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay makapag-iiwan ng maraming tanong, lalo’t hindi matunog ang ilang pangalan ng mga ispiker sa naturang seminar at mapagdududahan ang legalidad ng Trends & Techniques Resouce Center and Training Services.

Upang maging epektibo ang KWF, napapanahon nang repasuhin ang limang sangay nito, na kinabibilangan ng Sangay ng Pagsasalin, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon, Sangay ng Lingguwistika, Sangay ng Leksikograpiya, at Sangay Pampangasiwaan. Labis na naging makapangyarihan ang Sangay Pampangasiwaan na halos lumukob sa apat na iba pang sangay, gayong ang Sangay Pampangasiwaan ang dapat na sumusuporta lamang sa mga gawain ng apat na pangunahing sangay. Makabubuting isaayos ang paglalagay ng mga kawani, upang ang isang tao ay hindi mapunta sa isang posisyon na malayo sa kaniyang kurso o disiplinang pinagkadalubhasaan sa unibersidad. Makatutulong nang malaki sa KWF kung ito ay mapapasukan ng ibang matatalino’t masisigasig na tauhan at opisyal mula sa pribadong sektor, upang mapalitan ng bagong dugo ang tumatandang hanay nito.

Ang pagpapanibago sa hanay ng mga kawani at opisyal ay dapat iugnay din sa pagpapanibago ng pisikal na estruktura ng gusali ng KWF. Ang tanggapan ng KWF ay hindi angkop para sa gawaing pampananaliksik, sapagkat napakasikip ng tanggapan para sa mga kawani nito. Luma at baryotiko ang mga kompiyuter at aparato nito, at kahit ang planong modernisasyon at kompiyuterisasyon ng KWF ay hindi maisagawa sapagkat nababagahe dahil sa mismong latag ng mga dibisyon, bukod sa hindi masugpo ang problema ng daga. Upang maibalik ang dating ringal ng KWF, at mahimok ang mga kawani nito na magtrabaho nang may sigasig at alab, maimumungkahing baguhin din ang gusali ng KWF at lumipat sa higit na ligtas, maluwag, at maaliwalas na lugar na umaangkop sa gawaing pananaliksik.

Higit sa lahat, kinakailangang isaayos ang pagpapatakbo ng PSWF sa bawat rehiyon, at gamitin ito alinsunod sa dapat na mandato ng Saligang Batas. Ang PSWF ay maaaring makatulong sa debolusyon ng kapangyarihan ng KWF at magamit ang naturang sangay sa pananaliksik at pagpapatibay ng network sa malalayong rehiyon. Magagamit din itong lunan upang makapagpalitan ng saliksik at tuklas ang bawat rehiyon, at sa tumpak na koordinasyon ng KWF ay maipapalaganap ang mga saliksik sa pamamagitan ng research exchange. Nakapanghihinayang na ginagamit lamang sa ngayon ang PSWF para sa mga seminar o kumperensiya, ngunit kung ang seminar o kumperensiyang ito ay epektibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga guro at superbisor sa rehiyon ay masasagot lamang ng mga kalahok.

Bago maisagawa ang panloob na estruktura ng KWF, kailangang simulan din ang reoryentasyon ng mga itinalagang komisyoner. Ang bawat komisyoner ay inaasahang kumatawan sa isang pangunahing wika (at disiplina) sa isang rehiyon, bagaman ang teritoryong saklaw ng wika ay hindi esklusibo lamang sa isang pook. Halimbawa, bagaman ang Ilokano ay malaganap sa hilaga ng Filipinas, ang Ilokano ay unti-unti na ring sumasakop sa Visayas at Mindanao, at maging sa ibayong dagat, gaya sa Estados Unidos, Saudi Arabia, China, at Awstralya. Ang isang komisyoner ay dapat kumakatawan din sa isang partikular na disiplina, gaya ng edukasyon, agrikultura, at batas, upang sa gayon ay mapayayaman ang mga wika at maipapasok sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya sa hukuman, akademya, negosyo, at telekomunikasyon.

Nakasalalay naman ang mga gawain ng mga komisyoner sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104.” Ang problema sa KWF ay hindi sinusunod ang naturang mga tuntunin at regulasyon, at nananatiling hanggang papel lamang ito sa tatlong butihing komisyoner na ganap ang panahon ng panunungkulan. Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng KWF ay napapanahon nang rebisahin; panahon na ring enmiyendahan ang buong Batas Republika Blg. 7104, na inakda ni Sen. Edgardo Angara, nang sa gayon ay makaagapay ito sa nagbabagong panahon; at mahigpit na ipatupad ng magiging bagong pamunuan ng KWF. Masakit sabihing ang panahon ng administrasyon ni Punong Kom. Santos ang Madilim na Panahon [Dark Ages] sa yugto ng KWF; ngunit ito ang katotohanan. Ang KWF ay naging kasangkapang pampolitika noong administrasyon ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpasibol ng kapabayaan kung hindi man katiwalian, at ang bunga nito ay inaani ngayon ng mga tauhan at opisyal ng KWF. Kung ganito ang loob ng KWF, paano ito makabuluhang makapag-aambag sa larang ng pambansang patakarang pangwika, at siyang masasandigan ng Tanggapan ng Pangulo?

Kung ang pangulo ng bansa ang direktang may kapangyarihan sa KWF, dahil ang KWF ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo, napapanahon nang manghimasok ang pangulo sa KWF. Ito ay sapagkat ang wikang Filipino ang “imbakan o pintungan ng kultura at kasaysayan ng bansa,” ayon na rin sa Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Tanging wika lamang ang makapaghahatid ng mahahalagang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa malalayong pamayanan, at makapagpapataas ng diskurso ng dalawang panig. Kung tototohanin ng Pang. Benigno S. Aquino III ang kaniyang pangako, ang pagpapanibago sa KWF ay hindi imposible. Dapat ibalik sa tuwid na landas ang KWF, at ibasura nang ganap ang utak wangwang na nagpabulok sa institusyong dating itinaguyod ng mga dakilang manunulat, lingguwista, at estadista ng nakaraang panahon. Sa ganitong paraan, higit na makapagsisilbi ang KWF sa taumbayan, at magiging episyenteng kabalikat ng pamahalaan, imbes na ang KWF ang pinagsisilbihan ng mga mamamayan.

About these ads

Pambansang Kumperensiya sa Wika, Bida ang K-12 at Salita ng Taon

Ngayong Setyembre 2012, halos kalahating taon na ang implementasyon ng bagong programa sa edukasyon sa Pilipinas na binansagang K-12.Siguradong gusto nang malaman ng mga guro, administrador at magulang kung ano na ang nangyayari sa mga layunin ng programa batay sa mga repormang nangyari sa mga eskuwelahan, sa paggawa ng mga materyal panturo, at maging sa pagtuturo ng Filipino. Mangyari’y isa sa mga pangunahing isyu sa K-12 ang pagpapahalaga sa inang wika, o unang wika ng mag-aaral, at ang kaugnayan nito sa Filipino, ang pambansang wika.

Tatalakayin ng mga eksperto at praktisyoner sa edukasyon ang mga usapin kaugnay ng K-12 sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika” na gaganapin sa Leong Hall, Ateneo de Manila University sa 20-22 Setyembre 2012 sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation.

Sa unang araw ng kumperensiya, tatalakayin ang papel ng wikang Filipino sa bagong programang pang-edukasyon. Magsasalita ang mga respetadong edukador, administrador at mga tagatangkilik ng isyu hinggil sa kabuluhan ng Filipino sa programang K-12, reporma sa Filipino bilang asignatura, at mga hamon sa larang ng paggawa ng mga bagong materyal pang-edukasyon. Makakatulong ng malaki ang mga panimulang pagtatasa sa pagpapabuti sa bagong programa.

Pagtutuunan din sa kumperensiyang “Sawikaan”ang pagtukoy ng bagong “salita ng taon.” Lalahok ang mga batang akademiko, lingguwista, at mananaliksik sa pagtataguyod ng mga salitang “level-up,”  “wang-wang,” “trending,” “SALN,” “impeachment,” “pagpag,” “fish kill,” “palusot,” “pick-up line,” “wagas,” “android,” “wi-fi,”at iba pang popular na salita para maitanghal na “salita ng taon.” Ang mga tagapanood at mga kasapi ng inampalan ang pipili kung alin ang karapat-dapat magwagi batay sa husay ng saliksik, patunay at pangangatwiran, at sa ganda ng pagkakasulat at presentasyon ng papel.

Itinataguyod ang kumperensiya ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Wika ng Agham at Kultura (WIKA),  National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Ateneo de Manila University (AdMU), Commission on Higher Education (CHED), at ng Department of Education (DepEd).

Para sa kompletong detalye, mag-email sa fitsawikaan2012@gmail.com o tumawag sa 547-1860 o  sa 09237395248.

Kritika at Panukalang Pagbabago sa Ortograpiyang Filipino

Ang umiiral na ortograpiyang Filipino na binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay mabibiyak sa tatlong bahagi: Una, ang paglalahok ng mga hiram na titik sa Inggles (at Espanyol), gaya ng \c\, \f\, \j\, \q\, \x\, at \z\ sa dating Abakadang Tagalog na may apat na katumbas na tunog sa patinig (malúmay, mabilís, malumì, at maragsâ) at ang katinig na may tunog na mahihina (\l\, \m\, \n\, \ng\, \r\, \w\, \y\) at malalakas (\b\, \k\, \d\, \g\, \p\, \s\, \t\) at ang pagtatangkang pagdaragdag ng kaukulang tunog mula sa mga idinagdag na banyagang titik. Ikalawa, ang pagbabaybay, paglalapi, pagbabantas, pag-uulit, at pagpapantig ng mga salita, taal man sa Filipinas o hiram mula sa ibayong-dagat. At ikatlo, ang pagtatakda ng tuntunin sa panghihiram sa Espanyol, bagaman hindi malinaw ang sa Inggles at iba pang banyagang wika, gaya ng Pranses, Aleman, Arabe, Hapones, at Tsino.

Nagkakaproblema lamang sa ngayon ang gaya ng DepEd (Kagawaran ng Edukasyon) at KWF dahil sinisikap nitong bumuo ng labindalawang ortograpiya mula sa labindalawang lalawiganing wika sa Filipinas, alinsunod sa hilaw na multilingguwal na patakarang may ayuda ng UNESCO, UNICEF, at USAID.  Binanggit dito ang pagiging hilaw, kung isasaalang-alang na nanánatíling bilingguwal ang patakarang pangwika sa Filipinas, batay sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Nagpalubha pa rito ang pangyayaring bigo hangga ngayon ang  Mataas at Mababang Kapulungan ng Konggreso na magpasa ng panuhay na batas [i.e., enabling law] na magiging gulugod ng Filipino bilang wikang pambansa na sinusuhayan ng mga lalawiganing wika at wikang internasyonal.

Ang panukalang panuhay na batas ang dapat na binabalangkas ng KWF at isinusumite sa mga mambabatas para pag-aralan at isabatas. Ngunit hindi pa ito nagagawa sa kasalukuyang panahon, at kung magiging realistiko’y hindi ito magaganap sa administrasyon ng butihin ngunit inkompetenteng Punong Kom. Jose Laderas Santos.

Ginawang padron sa pagbuo ng mga lokal na ortograpiya ang Gabay sa Ortograpiyang Filipino (2009) ng KWF, gaya sa Bikol, Ilokano, Pampanga, Pangasinan,  at Waray, bagaman ang ilang tuntunin ng KWF, partikular sa panghihiram sa Espanyol, ay utang nang malaki sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (PLWP) ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) na unang nagsagawa ng pag-aaral sa panghihiram ng salitang banyaga sa panig ng Tagalog noong bungad ng siglo 20 hanggang unang bungad ng siglo 21.

Ilan sa mapupuna sa umiiral na ortograpiyang Filipino (at iba pang binubuong ortograpiya sa wikang lalawiganin) ang sumusunod:

  1. Sa panghihiram ng mga titik mula sa banyagang alpabetong Inggles o Espanyol, hindi malinaw sa tuntunin kung hihiramin din ba ang katumbas na tunog ng nasabing mga titik, o kaya’y sisikaping tumbasan ng pinakamalapit na tunog sa Filipino ang nasabing hiram na mga titik. Lumilitaw ang ganitong problema kapag pinaghambing ang mga teksto na mula sa ordeng relihiyoso na labis na konserbatibo sa mga teksto at ang mga akda o tekstong mula sa mga manunulat at peryodista na pawang mapangahas at liberal at itinataguyod ng  sari-saring publikasyon.
  1. Problematiko ang mga titik na hiram mula sa Espanyol, gaya ng \f\, \j\, \q\, \x\, at \z\ dahil ang mga tunog nito ay karaniwang itinutumbas sa dati nang umiiral sa Tagalog. Halimbawa, ang \f\ ay itinutumbas sa \p\; ang \j\ ay sa \dy\ at \h\; ang \q\ ay itinutumbas sa \k\ o \kw\; ang \x\ ay itinutumbas sa \ks\; at ang \z\ ay itinutumbas sa \s\. Malimit lumilitaw ang mga hiram na titik kapag ginagamit sa mga pangngalang pantangi imbes na pangngalang pambalana, kung hindi sa mga salitang may konotasyong pangkasaysayan, pangkultura, panlipunan, pampanitikan, pang-agham, pambatas, at iba pa. Sa kaso ng pangngalang pambalana, wala pang malinaw na tuntunin kung dapat na bang payagan nang maluwag ang paghalili ng mga titik, gaya sa Abakadang Tagalog, doon sa mga hiram na salitang banyaga. Kung pananatilihin naman ang mga hiram na titik, ibig bang sabihin ay hinihiram na rin ang mga banyagang tunog, gaya ng mahaba at maikling patinig [i.e., long and short vowels] o kaya’y ang mahina at malakas na katinig [i.e., voiced and unvoiced fricatives] sa Inggles? Mga simpleng tanong ito na mabigat ang implikasyon sa Filipino at iba pang lalawiganing wika sapagkat kapag ipinasok ang mga banyagang tunog ay tiyak na maaapektuhan ang nakagawiang pagbabanghay o pagpapantig sa mga taal na salita sa Filipinas. Maaapektuhan din ang pagtuturo ng mga taal na wika sa Filipinas, dahil kailangang isaalang-alang ng guro ang dalawa o higit pang palabigkasan.
  1. Kung magiging bukás sa banyagang tunog ang panukalang ortograpiya, kinakailangang maging bukás din ang Filipino sa tunog schwa, gaya ng taglay ng sa Maranaw [‘Məranau], Bikol, at Pangasinan. Upang matupad ito, kinakailangang mag-ambag ang mga lalawiganing wika sa Filipino, gaya ng panghihiram ng Filipino sa Aleman, Inggles, Pranses, at iba pa. Sa panig ng Filipino, makabubuting ilista ang lahat ng posibleng tunog na magagamit ng Filipino sa binagong ispeling at inangking salita, nang may pagsasaalang-alang sa mga lalawiganing wika o wikang internasyonal. Sa bagong panukalang ortograpiyang Filipino, iminumungkahi na ilista nang bukod ang mga hiram na tunog.
  1. Problematiko rin kung hanggang saan makapanghihiram ang Filipino doon sa mga banyagang wika. Isang tuntuning pinaiiral ang nagsasaad na, “Kung may katumbas na salita sa mga lalawiganing wika ay gamitin muna ito bagong piliing gamitin ang sa banyagang wika.”  Sa naturang tuntunin, nasasalà kahit paano ang mga banyagang salita sapagkat mapipilitang humanap ng taal na salita, lalo sa pagsusulat o pagsasalin.
  1. Dinamiko ang kaso ng pagbabaybay, paglalapi, pagbabantas, pag-uulit, pagbigkas, at pagpapantig ng mga salita, taal man sa Filipinas o inangkin nang ganap gaya ng mga salitang Espanyol na pumasok sa bokabularyo ng Filipino. Pinaunlad sa Filipino ang paraan ng paglalapi na dating ginagawa sa Tagalog, bagaman nangangapa magpahangga ngayon kung paano manghihiram sa paraan ng paglalapi na mula sa mga wikang lalawiganin. Sa yugtong ito, kinakailangang makita ang pambihirang paraan ng paglalapi at pagbabaybay sa Filipino at iba pang taal na wika upang mabatid kung kinakailangang itangi ang isang wika sa iba pang wika. Hindi nagkakalayo sa paggamit ng bantas ang mga taal na wika sa Filipinas.
  1. Sa unang malas ay iisiping magkakaiba ang labindalawang panukalang ortograpiya mula sa labindalawang pangunahing lalawiganing wika. Ngunit kung liliimiing maigi, magkakapareho ang labindalawang ortograpiya sa panig ng panghihiram ng titik mula sa Espanyol [at Inggles], at ang tuntuning maisasagawa sa Filipino ay maaaring gamitin ng iba pang lalawiganing wika. Kung hindi magkakalayo ang paraan ng panghihiram sa Espanyol at Inggles, maitatanong kung handa ba ang mga lalawiganing wika na gamitin ang mga panutong unang binuo sa Filipino? May kaugnayan ito sa pagiging bukás ng lalawiganing wika sa inobasyong ipinapanukala ng Filipino na kayang maging lingguwa prangka sa buong kapuluan.

Makabubuting repasuhin ang mga tuntunin sa panghihiram sa Espanyol, kung magiging batayan ang umiiral na Gabay sa Ortograpiyang Filipino (2009) ng KWF, at ang ilang panukalang pagbabago ay naririto. May panimulang panukala rin sa panghihiram sa Ingles, at ang nasabing panghihiram ay nagmumula sa pananaw ng Filipino imbes Inggles.

Ginamit ko sa pag-aaral na ito ang listahan ng mga salitang Espanyol na pumasok sa Bikol, Kapampangan, Ilokano, Pangasinan, at maitatangi ang binuong listahan nina Alejandro S. Camiling at Teresita Z. Camiling ng mga salitang Espanyol na inangkin ng Kapampangan, at sa dami ng kanilang nalikom ay maitatakda ang ilang panuto at prinsipyo ng kanilang panghihiram.

Panghihiram sa Espanyol
Ang mga prinsipyo sa panghihiram ng salitang banyaga ay nagtatakda ng mga paraan kung paano ilalapat ang ispeling o bigkas ng isang salita.

Sa panig ng Espanyol, ilan sa mga prinsipyo ang sumusunod[i]:

1. Paghalili ng titik \k\ sa titik \c\ sa simula, gitna, penultima, o dulong pantig ng salita, kung ang salitang Espanyol ay may tunog na \k\.

Espanyol                Filipino

cabo             –          kabo
cacerola      –          kaserola
cadena         –          kadena
cadete          –          kadete
caldera         –          kalendaryo
calidad         –          kalidad
calma            –          kalma
cama              –         kama
camada         –         kamada
camara          –         kamara
camison        –         kamison
campana       –         kampana
camposanto –        kamposanto
canal               –         kanal
candidato      –        kandidato
cantidad         –       kantidad
cantina           –        katina
capa                 –        kapa
capital             –       kapital
capitan            –       kapitan
capitolio         –       kapitolyo
cara                  –       kara
carambola     –       karambola
caratula          –       karatula
carbon            –       karbon
carburo          –       karburo
carcel              –       karsel
cardenal         –       kardenal
carga               –        karga
cargador        –        kargador
cargamento   –       kargamento
caricatura      –       karikatura
carisma           –       karisma
carnal              –       karnal
carne               –        karne
carnivoro       –       karniboro
carpa                –       karpa
carpintero      –       karpintero
cartel                –       kartel
cartero            –        kartero
cartilago         –        kartilago
cartografia     –        kartograpiya
carton              –        karton
cartulina         –        kartulina
casa                   –        kasa
casera               –        kasera
casete                –       kasete
casino               –        kasino
caso                   –        kaso
castigo              –        kastigo
casual               –         kaswal
catalogo           –        katalogo
catarata           –         katarata
catastrofe        –         katastrope
catecismo       –         katesismo
categoria        –         kategoriya
cateter             –         kateter
catre                 –         katre
caucion          –          kawsiyon
causa               –          kawsa
delicado         –          delikado
decada            –          dekada
decano            –          dekano
decoracion    –          dekorasyon
decoro            –          dekoro

2. Paghalili ng titik \s\ sa titik \c\ sa simula, gitna, penultima, at dulong pantig ng salita kung ang salitang Espanyol ay may tunog na \s\. Halimbawa,

Espanyol                 Filipino

cabecera        –          kabesera
cancer             –          kanser
cedula             –          sedula
celda                –          selda
celebracion   –         selebrasyon
celebrante     –         selebrante
celebridad     –         selebridad
celofana          –         selofana; selopana
celoso              –         seloso
cementerio    –        sementeryo
cemento         –         semento
cena                  –        sena
censo                –       senso
centavo           –       sentabo
centanada       –       sentanada
centenario      –       sentenaryo
centigrado      –       sentigrado
centimo            –      sentimo
central              –      sentral
centro               –      sentro
centuria           –       senturya
cepo                  –        sepo
ceremonia      –        seremonya
cereza               –       seresa
certificacion   –      sertipikasyon
cesante         –          sesante
cinematografia –    sinematograpiya
cinturon        –          sinturon
circulacion     –        sirkulasyon
circulo         –            sirkulo
ciudad          –            siyudad
diciembre       –        Disyembre
dulce              –          dulse
decena          –           desena
decision        –          desisyon
disposicion    –        disposisyon
distancia       –          distansiya

3. Paghalili ng titik \b\ sa titik \v\, saanmang bahagi ng salita, kung ang salitang Espanyol na may \v\ ay may katumbas na bigkas na \b\ sa Filipino at iba pang lalawiganing wika, halimbawa,

Espanyol                    Filipino

cavado         –         kabado
caviar           –         kabyar
levadura     –          lebadura
civil              –         sibil
vaca             –          baka
uva              –          ubas
favor            –          pabor
favorable        –      paborable
favorito         –          paborito
festival         –          pestibal
festivo          –          pestibo

4. Pagtanggal ng titik \u\ sa kambal patinig na \ui\ o \ue\ pagsapit sa Filipino (at iba pang lalawiganing wika) kung ang \u\ ay hindi binibigkas sa Espanyol [silent letter].

Espanyol                    Filipino

caqui               –         kaki
cheque           –          tseke
duque             –          duke
mantequilla  –          mantekilya
quiapo            –          kiyapo
quimera         –          kimera
piquetero       –         piketero
queso               –         keso
quebrada        –         kebrada
maquina          –         makina
maquinaria    –         makinarya
maquinista     –         makinista

5. Pagpapanatili ng titik at bigkas ng \n\ na katabi ng isa pang katinig sa mga salitang hiram sa Espanyol kung ang salitang hiram ay binibigkas ang nasabing titik na \n\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

inmortal            –         ínmortal
inmortalidad   –         ínmortalidad
inmaculada      –         ínmakulada
inmaterial         –         inmateryal
ingeniero           –         ínheniyero
inmensidad       –         ínmensidad
inmigración      –         ínmigrasyon
inmodesto         –         inmodesto
inhibición          –         inibisyon
ingenuidad        –         inhenwidad

6. Paghalili ng \ly\ o kaya’y \y\ sa kambal katinig na \ll\ kung ang hiram na salitang Espanyol ay may gayong bigkas. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

calle             –          kalye
callo             –          kalyo
llabe             –          yabe var liyabe
caballo        –          kabayo
capilla          –         kapilya
campanilla –         kampanilya
cartilla         –         kartilya
cepillo          –         sepilyo
cigarillo       –         sigarilyo
mantequilla –       mantekilya
folleto            –        polyeto
manzanilla    –       mansanilya
millon             –       milyon
millonario      –     milyonaryo
silla                   –      silya

7. Paghalili ng \y\ sa \i\ sa kaso ng kambal patinig na \io\ na nasa dulong pantig kung ang salitang Espanyol ay walang diin sa \i\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

decisión         –          desisyon
revisión         –          rebisyon
delirio             –         deliryo
certificación  –        sertipikasyon
demonio         –         demonyo
devocion        –         debosyon
fiduciario       –          pidusiyaryo
estudioso       –          estudyoso
julio                  –         Hulyo
junio                 –         Hunyo
fundicion        –         pundisyon
notario            –         notaryo
radio                –         radyo

8. Paghalili ng \y\ sa \i\ sa kaso ng kambal patinig na \ia\, \ai\, \ei\ at \ie\ sa simula,gitna, penultima, at dulong pantig ng salitang hiram sa Espanyol, kung ang mahinang titik na \i\ ay walang diin at sumasanib sa malakas na titik \a\.

Espanyol                    Filipino

Asia               –             Asya
bailarina      –             baylarina
baile               –            bayle
fantasia         –            pantasya
familia           –            pamilya
familiar          –           pamilyar
farmacia        –           parmasya
funeraria        –          puneraria
dalia                 –          dalya
notaria           –          notarya
noticia            –         notisya
aire                   –       ayre, var ere
paisano           –      paysano
peineta          –        peyneta, var payneta
reina               –       reyna
reino              –        reyno
medieval        –     medyebal
cimiento         –     simyento var semento
mandamiento –   mandamyento

10. Kaugnay ng bilang 4, paghalili ng titik \k\ sa \q\ kung ang hiram na salitang Espanyol ay may katumbas na bigkas na \k\ sa Filipino o kaya’y lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

bosque         –          boske
caqui             –          kaki
querida        –          kerida
quijones       –         kihones
quijote          –         kihote
quimiko       –         kimiko
quinta           –         kinta
quizame       –         kisame

11. Kaugnay ng bilang 7, pagsisingit ng \y\ sa kaso ng kambal patinig na \ia\, \ie\, at \io\ matagpuan man ang \ia\, \ie\ at \io\ sa una, gitna, penultima, o dulong pantig, upang maibukod ang mahinang patinig na \i\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\ at maitampok ang diin, at maiwasan ang magkasunod na katinig na gaya ng \by\, \dy\, \sy\, \ty\, \ry\, \ly\ na karaniwang may di-binibigkas na patinig na \i\ sa Filipino. Halimbawa,

Espanyol                   Filipino

biología          –          biyolohiya
cambío           –          kambiyo
cardiologia   –         kardiyolohiya
ciencia            –         siyensiya
cientifico       –          siyentipiko
diabetes         –          diyabetes
diablo              –         diyablo
diagnosis        –         diyagnosis
diagonal          –        diyagonal
diagrama        –        diyagrama
diametro        –        diyametro
diario               –        diyaryo
diarrea            –        diyarea
dios                  –        diyos
diosa                –        diyosa
financiero      –         pinansiyero
Griego             –         Griyego
grieta               –          griyeta
grietado          –         griyetado
inquieto          –         inkiyeto
nervioso         –         nerbiyoso
piano                –         piyano
pie                     –         piye
piélago            –         piyelago
piedad             –         piyedad
piedra             –          piyedad
piel                   –          piyel
pieza                 –         piyesa
rio                     –         riyo
siete                  –        siyete
tierra                –        tiyera
tio                      –        tiyo

12. Pagpapanatili ng titik \i\ sa kaso ng kambal patinig na \oi\ at \ei\ kung ang \i\ ay may diin at binibigkas nang bukod na pantig pagkaraan ng naunang pantig kung hindi man salitang ugat.

Espanyol                   Filipino

egoismo         –          egoismo
boicoteo        –          boíkoteo
boíl                  –          boíl
boitrino         –          boítrino
cafeína           –          kapeina
seis                  –          seis

13. Pagsisingit ng \w\ sa pagitan ng kambal patinig na \ua\, \ue\  o \ui\kung ang nasabing mga patinig ay nasa unang pantig, at nang maibukod ang mahinang patinig na \u\ sa malakas na patinig na \a\, \e\ o mahinang patinig na \i\ ng Espanyol. Halimbawa:

Espanyol              Filipino

bueno          –       buweno
cuento         –       kuwento
dueto           –       duweto
fuego            –       puwego
fuente          –       puwente
fuera             –      puwera
fuerza           –      puwersa
juego            –       huwego
mueble         –     muwebles
muebleria    –    muwebleriya
suero              –    suwero
vuelo              –    buwelo
vuelta             –    buwelta
fluido              –    pluwido
fatuidad         –    patuwidad

14. Paghalili ng \w\ sa mahinang patinig na \u\ sa kaso ng kambal patinig na \au\ at \eu\,  at pagsanib nito sa malalakas na patinig na \a\ at \e\, matagpuan man ang kambal patinig sa simula, gitna, penultima, at dulong pantig, halimbawa,

Espanyol                 Filipino

agua                   –          agwa
automatico     –          awtomatiko
autorizado      –          awtorisado
audición          –          awdisyon
Australiano    –          Awstralyano
aureo                –          awreo
cauterio          –          kawteryo
guau                 –          guwaw
jaula                 –          hawla
mausoleo       –          mawsoleo
nautico           –          nawtiko
Europa           –          Ewropa
eutanasia       –          ewtanasya
eufemismo    –          ewfemismo
eucalipto       –          ewkalipto

15. Pagpapanatili ng kambal patinig na \au\ kung ang \u\ ay may diin sa Espanyol, halimbawa

Espanyol            Filipino

baúl            –          baúl
laúd            –          laúd
Raúl            –         Raúl
Saúl             –         Saúl
aúpa            –        aúpa

16. Paghalili ng titik \s\ sa titik \z\ sa alinmang pantig kung ang salitang hiram ay  may katumbas na tunog na \s\. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

brazo           –          braso
cabeza          –          kabesa
capataz         –          kapatas
cerveza         –          serbesa
eczema          –          eksema
calzada         –          kalsada
chorizo         –          tsoriso
pozo              –          poso
juzgado         –          husgado
delicadeza   –          delikadesa
finanzas        –          pinansa
fineza            –          pinesa

17. Paghalili ng titik \h\ sa \j\ kung ang bigkas ng \j\ sa Espanyol ay katumbas na \h\ sa Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol              Filipino

caja               –         kaha
cajero          –          kahero
cajon            –         kahon
jamon           –        hamon
japones        –        Hapones
jarana           –        harana
jardin            –        hardin
jasmin          –         hasmin
jefe                –         hepe
Jesucristo   –         Hesukristo
jinete            –          hinete
joven            –          hoben
junta             –          Hunta
jurado          –          hurado
jurisdiccion–         hurisdiksiyon
jurisprudencia–   hurisprudensiya
justicia          –         hustisya
justo               –         husto
juzgado         –         husgado
festejo           –          pesteho
faja                 –          paha
fijo                  –         piho

18. Paghalili ng titik \h\ sa \g\ kung ang bigkas sa hiram na salitang Espanyol ay may katumbas na \h\ sa Filipino at lalawiganing wika ang \g\. Halimbawa,

Espanyol                    Filipino

generación     –          henerasyon
general            –           heneral
Gentil               –           hentil
genuino          –           henuwino
Geopolitica    –          heopolitika
gigante            –           higante
gitano              –           hitano

19. Pagpapanatili ng titik \g\ sa hiram na salitang Espanyol kung ang hiram na salita ay may bigkas na \g\ (gi) sa Filipino (at lalawiganing wika), gaya sa Espanyol. Halimbawa,

Espanyol               Filipino

fogon             –          pugon
fogonero      –          pugonero
Glorieta        –          gloryeta
gobernador–          gobernador
golfo              –          golpo
gorra             –          gora
grande          –          grande
guardia         –          guwardiya
guitarra        –          gitara

20. Pagtanggal ng isang \r\ sa kambal na \rr\ sa salitang Espanyol, at ang bigkas ng hiniram na salita ay iaayon sa nakagawiang bigkas sa Filipino, at hindi sa pagpapahaba ng tunog na \r\ gaya sa Espanyol.
Halimbawa,

Espanyol               Filipino

carrera       –          karera
carreta       –          kareta
carretada    –        karetada
carretero     –       karetero
caratilla     –          kartilya
carreton      –        kareton
carro             –      karo
carroceria   –      karoserya
carroza        –        karosa
carruaje      –        karwahe
mirra            –        mira
cerrado       –        sarado, serado

21. Paghalili ng \ks\ sa kambal titik na \cc\, bagaman iaayon ang bigkas sa dila ng Filipino bukod sa hindi pananatilihin ang pagpapahaba ng katinig. Halimbawa,

Espanyol                  Filipino

accesoria       –          aksesorya
accidente       –          aksidente
acción             –          aksiyon
acceso             –          akseso
diccionario   –          diksiyonaryo
dicción           –          diksiyon
traducción    –          traduksiyon
direccion       –          direksiyon

22. Paghalili ng titik \p\ sa \f\ na nasa orihinal na Espanyol, sa unahan, gitna, penultima, o dulong pantig, kung ang bigkas na \f\ sa Filipino o lalawiganing wika ay matagal nang tinumbasan ng \p\, maliban sa ilang salitang may natatanging pakahulugan, gaya ng “Fausto,” “Filipinas,” “Filipino” at  “Fe,” (pangngalang pantangi); “Federal,” “feminiyedad” at “feminismo” (may bahid politikal), o kaya’y hango sa Latin at agham, gaya ng “flora at fauna”. Halimbawa,

Espanyol             Filipino

café                –          kape
cafeteria      –          kapeterya
cafetera        –         kapetera
certificado   –         sertipikado
defecto          –        depekto
defensa          –        depensa
deficit             –       depisit
definición     –        depinisyon
definido        –        depinido
fabrica          –         pabrika
factoria        –         paktorya
falda              –         palda
falsificar      –         palsipikahin
falso              –          palso
fanatico       –          panatiko
fantastico    –         pantastiko
farol              –          parol
farola            –          parola
fatalidad    –          patalidad
febrero       –          Pebrero
fecha           –          petsa
feria             –          perya
fianza          –          piyansa
fiasco          –          piyasko
ficha            –          pitsa
fiesta           –          piyesta
figura          –          pigura
fila                –          pila
filamento   –          pilamento
filibustero –          pilibustero
filosofia      –          pilosopiya
final             –          pinal
fino              –          pino
firma           –          pirma
firme           –          pirme
fiscal           –          piskal
fisica           –          pisika
fisiologia   –          pisyolohiya
flora            –          plora
florista       –          plorista
flotilla        –          plotilya
fluvial        –          plubiyal
fobia          –           pobya
fondo         –          pondo
fonografo  –         ponograpo
forma        –          porma
formal      –           pormal
formula     –          pormula
formulario  –       pormularyo
frances     –          Pranses
franela     –          pranela
freno       –          preno
funda       –          punda
fundar      –          pundar
grifo          –          gripo

23. Pagpapanatili ng titik \f\ sa hiram na salitang Espanyol, kung ang pagpapalit nito sa titik \p\ ay magbubunga ng kalituhan, bukod sa nagtataglay ng natatanging pakahulugang hindi limitado sa kasaysayan, politika, sining, kasarian, agham, atbp. ang salita. Halimbawa,

Espanyol                          Filipino

flan                        –          flan [cf plan]    leche flan
centrifugo          –          sentrifugo [cf pugo]
fresco                   –          fresko [cf presko]
folio                      –          folyo    [cf. polio]
fraccion              –          fraksiyon
fonda                   –          ponda [cf punda]
Filipinas             –          Filipinas
Filipino               –          Filipino
felon                     –          felon

24. Paghalili ng \ng\ sa titik \n\ kung ang bigkas ng \n\ sa Espanyol ay katumbas ng \ng\, halimbawa:

Espanyol                           Filipino

banco                   –          bang·ko
congregacion    –          kong·gre·gas·yon
konggreso          –          kong·gre·so
congresista        –          kong·gre·sis·ta
congreso            –          kong·gre·sis·ta
conquista           –          kong·kis·ta
domingo             –          Do·ming·go
fandango            –          pan·dang·go
Ingles                   –          Ing·gles
evangelico         –          e·bang·he·li·ko
evangelio           –          e·bang·hel·yo
franquesa          –          prang·ke·sa
rango                  –          rang·go

25. Paghalili ng  \ts\ o \sh\ na katumbas ng \ch\ sa hiram na salitang Espanyol, kapag inangkin sa Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

chaleco        –         tsaleko
chalet           –          tsaley
chambra      –        tsambra
champu       –         shampu, sampu
chapa           –          tsapa
chasis           –          tsasis
chauvinismo–       tsawbinismo
chile              –          sili
china             –          tsina
chinela         –          tsinelas
chino            –          Tsino
chiquito      –          tsikito
chisme         –          tsismis
chocolate    –         tsokolate
choque        –          tsoke
chorizo        –          tsoriso
chupon        –          tsupon
derecha       –          deretsa
derecho       –          deretso
ficha              –          pitsa

26. Pagtatanggal ng titik \c\ sa hiram na salitang Espanyol kung hindi ito binibigkas na \k\ o kaya’y hindi binibigkas [silent letter] sa Filipino at lalawiganing wika, gaya sa  sumusunod:

Espanyol                     Espanyol

disciplina            –          disiplina
disciplinado      –          disiplinado
disciplinario      –         disiplinaryo
discipulo            –          disipulo
doscientos        –           dosyentos
rescindir            –          resindir
rescisión            –          resisyon

27. Paghahalili ng kambal katinig na \ks\ na katumbas ng \x\ sa salitang hiram na Espanyol, lalo kung magkatumbas ang tunog nito pagsapit sa Kapampangan o Filipino. Halimbawa:

Espanyol                  Filipino
exacto          –          eksakto
exaltado      –          eksaltado
excelencia  –          ekselensiya
excelente    –          ekselente
excursion    –          ekskursiyon
exotico        –           eksotiko
expectacion –          ekspektasyon
experiencia –          eksperiyensiya
explotacion –          eksplotasyon
exterior        –          eksteryor
extra              –          ekstra
extremado   –          ekstremado
extremista   –          ekstremista
elixir             –           eliksir
maximo      –          maksimo

28. Paghahalili ng titik \b\ sa titik \v\ sa salitang hiram sa Espanyol pagsapit sa Filipino at lalawiganing wika, lalo kung halos magkatunog ang nasabing mga titik pagsapit sa Filipino. Halimbawa:

Espanyol                    Filipino                         Inggles

evangelico     –          ebangheliko                evangelical
evangelio      –           ebanghelyo                 gospel
evidencia      –           ebidensiya                  evidence
evolucion      –          ebolusyon                   evolution
diluvio           –           dilubyo                         deluge
novela           –            nobela                          novel
novelista      –            nobelista                     novelist
novena          –            nobena                        novena
noveno         –            nobeno                         ninth
noventa        –           nobenta                        ninety
novia, novio –         nobya, nobyo            fiancee
noviembre    –          Nobyembre                 November
nueve              –          nuwebe                         nine

29. Pagtatanggal ng titik \h\ sa salitang hiram sa Espanyol kapag ipinasok sa Filipino at lalawiganing wika, at kapag ang nasabing titik ay hindi binibigkas sa Espanyol at tinanggap noon pa man. Halimbawa:

Espanyol               Filipino

alhaja         –          alahas
chiste         –          siste
habilidad   –         abilidad
habito         –         abito
hacienda    –         asyenda
halibut        –          alibut
harina         –          arina
helada         –          elada
helado         –          elado
heraldo        –         eraldo
heredero      –        eredero
hermana       –        ermana
hermanidad  –      ermanidad
hermoso        –       ermoso
hidalgo          –        idalgo
hielo               –       yelo
hierba            –       yerba
hierro            –       yero
hija, hijo       –       iha, iho
hipocrita      –       ipokrita
historia         –       istorya
hombre         –       ombre
homilia         –        omilya
honesto        –        onesto
honor            –          onor
honorable    –         onorable
honorario     –        onoraryo
hora                –        oras
hostia             –        ostiya
huelga            –       welga
huevo            –        webo
humanidad  –       umanidad
colegiala       –       kolehiyala

30. Pagpapanatili ng titik \h\ sa hiram na salitang Espanyol, kung ang nasabing titik ay binibigkas sa Filipino (at ibang lalawiganing wika) at malapit sa Inggles. Halimbawa:

Espanyol                       Filipino              Inggles

helicoptero   –      helikopter(o)         helicopter
helio                 –      helyo                        helium
hernia              –      hernia                       hernia
heroico           –      heroíko                     heroic
herpes             –      herpes                       herpes
hipopotamo  –      hipopotamo           hippopotamus
hispano           –      hispano                    Hispanic; Spanish
horno              –      hurno                        oven (exception)
hotel                 –      otel o hotel             hotel

31. Pagpapanatili sa titik \e\ ng hiram sa salitang Espanyol, imbes na palitan ito ng \i\, upang mapanatili ang pagkakatangi ng dalawang titik. Halimbawa,

Espanyol            Filipino

esposo    –          esposo          (hindi isposo)
estable    –          estable         (hindi istable)
estacion  –         estasyon      (hindi istasyon)
estado     –          estado          (hindi istado)
estafa      –          estapa           (hindi istapa)
estancia  –          estansiya    (hindi istansya)
estante   –          estante         (hindi istante)
estatua   –          estatwa         (hindi istatwa)
elefante  –          elepante       (hindi ilipanti o ilipante)
estero     –          estero            (hindi istiro o istero)
estilo       –          estilo             (hindi istilo)
estudiante–       estudyante (di istudyanti, istudyante)
etica        –          etika               (hindi itika)
etiqueta  –          etiketa         (hindi itikita o itiketa)
etnico      –          etniko          (hindi itniko)
departamento– departamento   (hindi dipartaminto)
deposito    –        deposito     (hindi diposito)
desastre    –        esastre         (hindi disastri o disastre)
dentista     –        dentista       (hindi dintista)
decente     –         desente       (hindi disenti o disinti)

32. Pagpapanatili ng kambal patinig na \eo\ na ang mga titik ay kapuwa malakas na patinig sa Espanyol, halimbawa:

Espanyol                     Filipino

campeon        –          kampeon
cañoneo         –          kanyoneo
contemporaneo –   kontemporaneo
leon                 –          leon
neon                –          neon
estereo           –          estereo
teo                    –          teo
tropeo            –          tropeo

33. Pagpapanatili sa titik \o\ ng hiram sa salitang Espanyol, imbes na palitan ito ng \u\, upang mapanatili ang pagkakatangi ng dalawang titik. Halimbawa,

Espanyol                 Filipino

debito             –       debito         (hindi debitu)
descargo        –       deskargo   (hindi diskargu
destino            –       destino     (hindi distinu)
dialogo            –       diyalogo   (hindi diyalugu)
doctor             –       doktor        (hindi duktur, duktor)
doctrina          –      doktrina      (hindi duktrina)
documento     –      doktrina   (hindi duktrina)
director           –      direktor     (hindi direktur)
directorio       –       direktoryo (hindi direkturyo, direkturyu)

34. Paghalili ng \ny\ sa katumbas na tunog ng \ñ\ ng salitang Espanyol inangkin sa Filipino. Halimbawa:

Espanyol                Filipino

baño               –       banyo
caño               –       kanyo
cañoneo       –       kanyoneo
cariño           –       karinyo
castaña         –       kastanyas
castaño        –       kastanyo
daño              –       danyos
dañado         –       danyado
dañador       –       danyador
dañoso         –       danyoso
paño              –       panyo
piña               –       pinya

35. Paghalili ng titik \m\ sa \n\ kung ang kasunod na katinig ng \n\ sa salitang Espanyol ay \f\ o \v\, at paghahali ng \p\ sa \f\ o \b\ sa \v\. Halimbawa,

Espanyol                Filipino

influjo         –         impluho
informalidad     –          impormalidad
informante        –           impormante
infraestructura –          impraestruktura
ninfa             –          nimpa
ninfomania         –          nimpomanya
informador         –          impormador
influencia            –          impluwensiya
inflación              –          implasyon
inferior                –          imperyor
circunferencia   –         sirkumperensiya
cunferencia        –         kumperensiya
cunfesar              –          kumpisal
confeti                 –          kumpeti
convento           –          kumbento
convidar            –          kumbida
convulsión        –          kumbulsiyon

Panghihiram sa Inggles

Ang panghihiram ng mga salita sa Inggles ay maaaring gawin alinsunod sa orihinal na bigkas na Amerikano o British, ngunit kung gagawin ito ay malaki ang problemang idudulot sa pambansang wikang Filipino at sa mga wikang lalawiganing gaya ng Bikol, Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Tsabakano at iba pa.  Ito ay sapagkat makapapasok sa taal na palabigkasan ang bigkas na banyaga, at ang mga panuto’y posibleng kumiling sa banyaga kaysa taal na pagbigkas o pagsulat.

Upang maiwasan ito, maipapanukala na ang paraan ng pagpapantig at pag-angkin ng mga hiram na salitang Ingles ay baybayin alinsunod sa paraan ng pagbaybay sa Filipino. Bagaman sa ganitong paraan ay maaaring magdulot ng pagkalito dahil sa pangyayaring may maikli at mahabang patinig, at walang diin [unvoiced] at may diin [voiced] sa mga katinig sa Inggles, mapadadali naman ang panghihiram at pag-angkin sa Filipino at iba pang lalawiganing wika.

Mga prinsipyo sa panghihiram sa Inggles:

1. Paghiram ng mga salita sa Inggles na ang mga patinig ay maiikli ang tunog, at ang mga kasama nitong katinig ay hindi kinakailangang palitan o halinhan ng iba pang katinig sa Filipino. Halimbawa[ii],

fan, fat, fad, gap, gab, gal, ham, jab, mat, pan, pad, rag, tab, tag, van, vat,  beg, gem, gel, hem, keg, peg, dip, fin, fig, fit, gin, gig, jib, jip, kin,  nip,  rim, rig, sip, tin,  wit, bop, cod, cog, jog, lob, lot, mob, pod, sod, bum, bus, bud, cud, gum, gut, hug, hut, jug, lug, nun, pun, pug, sum, tug.

deposit, ant, apart, absorb, absent, aspirin, asparagus, artist, hotdog bun, madman, jetlag, winzip, dotcom, nipper, mentor, metal, network,  vetmed, pigpen, tandem, yam jam, penpal, hot rod, rum jig, tenpin, hitman, bedbug, Sun God, lapdog, wet rug, ten bids, tiptop, tidbit, big bag, laptop, wet-mop, kidnap, task, setback, riprap, jetlag, hiphop, lab kit, Denmark, pitbull, dad or mom, cat-nap, sub-par, bar mug, nut bolt, humbug, red lips, lollipop,  helper,  inherit

2. Paghiram ng buong salita kung ang mga salitang Inggles ay magkakaproblema sa pag-unawa kapag binaybay sa Filipino. Halimbawa,

act (na alanganing baybayin na \ak\, ngunit puwedeng tanggapin kapag may dalawa o higit pang pantig, gaya ng aktor mula sa actor o akting mula sa acting)

apt  (na alanganing baybayin na ap)

cat (na alanganing baybaying kat na pangalan ng tao, at itumbas din sa cut  na may maikling tunog \u\)

cap (na alanganing baybaying kap, na puwedeng gamitin din sa cup  na may maikling tunog schwa ng \u\ sa Inggles)

cab (na alanganing baybaying kab na magagamit din sa maikling tunog na \u\ sa cub)

fun (na maaaring maging fan o pan, kapag binaybay sa Filipino)

gun (na maaaring maging gan, bukod sa higit na popular ang baril)

rain (na maaaring reyn, at maikakabit sa rein, bukod sa popular ang ulan)

3. Pag-iwas sa paghiram ng mga pangngalan, panghalip, pang-abay, pangatnig, pang-uri, at pandiwang bagaman nagtataglay na maiikling tunog na patinig at walang dapat baguhin sa katinig kapag inangkin  sa Filipino ay hindi gaanong makabuluhan o may katumbas na sa panig ng Filipino at lalawiganing wika. Halimbawa,

con, did, has, hid,  him, his, ran, sat, got, not, won, but, dug, rid, sun, run, rut, let, met, hat, sap, dim, dig, bet, rat, map, hen, lid, sin, sit, fog, hog, cop, bat, bad, ram, sad, sag, get, jot, cot, rot, led, bin, nod, ton, tot, pup

4. Paggamit ng mga katumbas na salita sa Espanyol na dati nang binaybay sa Filipino kung ang salitang Inggles na may mahahabang tunog na patinig \a\ at may katinig na tunog na \sh\ at \zh\ ay magkakaproblema kapag binaybay sa Filipino. Halimbawa,

Inggles                                                Filipino

education– edukasyon (hindi edukeyshon)

population–populasyon (hindi populeyshon)

adaptation – adaptasyon (hindi adapteyshon)

administration– administrasyon (hindi administreyshon)

approximation– aproksimasyon (hindi aproksimeyshon)

circulation–  sirkulasyon (hindi sirkyuleyshon)

condensation   –   kondensasyon (kondenseyshon)

immigration  –  imigrasyon (hindi imigreyshon)

inauguration –  inagurasyon (hindi inogyureyshon)

irrigation–   irigasyon (irigeyshon)

investigation –    imbestigasyon (hindi imbestigeyshon)

organization  –  organisasyon (hindi organiseyshon)

oxidation –   oksidasyon (hindi oksideyshon)

favor  –   pabor (hindi peybor)

radio  – radyo (hindi reydyow)

train  –  tren (hindi treyn)

5. Pagbaybay sa mga salitang may mahabang tunog na \a\ sa pamamagitan ng paghalili ng \ey\ sa \a\, \ai\, katinig na may \e\, at \ei\ halimbawa:

Inggles      Bigkas sa Inggles            Filipino

baby            \’bâbç\                               béybi
paper            \’pâpYr\                           péyper
table              \’tâbYl\                            téybol
cable              \’kâbYl\                           keybol
fracas             \’frâkYs\                         freykas, prakas
bakery         \’bâk(Y)rç\                      beykeri, beykri
acorn              \’akYrn\                         eykorn
traitor            \’treitYr\                        treytor
terrain           \tY’rein\                         tereyn
sleigh             \slei\                           isley
heinous           \’heinYs\                      heynus
heirloom         \’ºYr,lum\                   eyrlum
wait               \weit\                           weyt
waiter             \’weitYr\                        weyter
contain            \kYn’tein\                    konteyn
training           \’treiniç\                       treyning
sail                     \seil\                    seyl
obtain             \Yb’tein\                       obteyn
remain            \ri’mein\                       remeyn
explain            \ik’splein\                    ekspleyn
strait                 \streit\                   istreyt
daisy              \’deizi\                      deysi
birthday          \’bçrè,dey\                 bertdey
highway           \’hai,wei\                     haywey
display            \di’splei\                    displey
late                   \leit\                    leyt
gate                   \geit\   geyt
cake                    keik\   keyk
rain                  \rein\   reyn
apron               \’eiprYn\                    eypron
gamer               \’geimYr\                    geymer

6. Kaugnay ng naunang bilang, paghalili ng \ay\ sa titik \i\ o sa patinig na may mahabang tunog na \i\ doon sa salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

high school              –             hay-iskul

diet                             –             dayet

scriptwriter             –             iskriprayter

good-night               –             gudnayt

night club                 –             naytklab

egg pie                       –             egpay

side car                     –             saydkar

overnight                 –             obernayt

lighter                        –             layter

black-eye                 –             blak-ay

fighter                        –             payter

ice bag                       –             ays-bag

ice cream                 –             ayskrim

7. Kaugnay pa rin ng bilang 5, pagpapanatili ng \ay\ mula sa mahabang tunog na \a\, kaya karaniwang hinihiram nang buo ang salita sa Inggles, halimbawa:

Inggles  at Filipino

play, mayor, today, prayer, stay, player, pay, holiday, decay, relay, Sunday, bay, Monday, Saturday, Tuesday, Friday, Wednesday, Thursday

8. Paghalili ng \p\ sa titik \f\ na mula sa mga salitang Inggles, kung ang kasunod na patinig ay maiikli ang tunog, at pagbago sa orihinal na ispeling upang ganap na maangkin sa Filipino, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

defect                         –             depek

definite                      –             depinit  (depinido)

artificial                    –             artipisyal

effect                          –             epek

perfect                       –             perpek

flashback                  –             plasbak

folder                         –             polder

flashlight                  –             plaslayt

feedback                                   –             pidbak

9. Gayunman, makabubuting isaalang-alang ang iba pang salitang may titik \f\ sa Inggles, ang tunog nito bilang katinig [fricative sound], at ang posibleng maging anyo nito pagsapit sa Filipino. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

fancy                          –             fansi

fan                               –             fan

farm                            –             farm

fault                            –             folt

ferry                           –             feri

full house                 –             fulhaws

fissure                        –             fishur, pisyur

forest                         –             forest

fast                              –             fast

fistula                         –             fistula

firm                               –           firm

flagman                        –          flagman

flamingo                      –          flaminggo

flop                                –          flop

flint                               –          flint

flip flop                        –          flip flop

folklore                       –          foklor

foreman                      –          forman

forward                       –          forward

Frisbee                        –          Frisbee

football                        –          futbol

10. Paghalili ng \k\ sa titik \c\ kung ang \c\ na mula sa salitang Inggles ay katunog ng \k\, halimbawa:

Inggles                             Filipino

apricot                  –          aprikot
account                –           akawnt
active                   –            aktib    (aktibo)
activity                  –          aktibiti
actor                       –          aktor
access                    –          akses
cordon                   –          kordon
corner                    –          korner
carot                        –          karot
coupon                    –         kupon, kiyupon
counter                   –          kawnter
critique                    –         kritik
cucumber               –         kiyukumber, kukumber
dichotomy             –         daykotomi
galactic                    –         galaktik
rollback                   –         rolbak
rest back                   –       resbak
heckler                      –        hekler
Hercules                   –        Herkules
icon                            –        íkon (Esp), aykon (Ing)
archipelago             –        artsipelago ; arkipelago

11. Paghalili ng \s\ sa titik \c\, kung ang \c\ na mula sa salitang Inggles ay katunog ng \s\. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

center                      –             senter
Cyclops                     –             sayklops
cyst                        –             sist
deception                 –             desepsiyon
decision                   –             desisyon
decimal                     –             desimal
gastric ulcer            –             gastrik ulser
cellar                      –          selar
cigarette                   –             sigaret, sigarilyo
cinema                      –             sinema, sine
cinematography   –           sinematograpi
notice                        –           notis

12. Paghalili ng \ks\, \se\ o \s\ sa titik \x\ na nagtataglay ng gayong mga tunog sa Inggles. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

xylophone               –             saylopon

X-ray                          –             eksrey

Xerox                         –             seroks

Xenon                        –             Senon

xylography             –             saylograpi

antrax                        –             antraks

sexy                            –             seksi

taxi                             –             taksi

fax                               –             faks

sex                              –             seks

sexual                        –             sekswal

13. Pagtanggal ng isang titik sa \bb\, \dd\, \ff\, \ll\, \mm\, \pp\, \rr\ o \ss\ na mula sa salitang Inggles upang mapadali ang pagsulat, maliban sa ilang salitang gaya ng add (ad), ass (as), app (a), halimbawa:

Inggles                                      Filipino

address                    –             adres

addition                   –             adisyon (adishon)

afford                         –             aford, apord

arrest                        –             arest

arrival                       –             araybal

carrot                       –             karot

chess                          –             tses

compass                   –             kompas

comma                     –             koma

collapse                   –             kolaps

ribbon                      –             ribon

rock and roll           –             rakenrol

14. Paghalili ng titik \i\ sa kambal na titik \ee\ o sa tunog ng mahabang patinig na \e\ sa Inggles doon sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

cheese                       –             tsis  (keso)

coffee                         –             kopi, kofi, kape

creek                          –             krik (exception)

guarantee                 –             garanti

feedback                  –             pidbak

meatball                   –             mitbol

beadwork                –             bidwork

feeble                         –             fibol, pibol

wheel-barrow         –             wilbaro

15. Paghalili ng titik \i\ sa mahabang tunog na \e\ o sa mga salitang nagwawakas sa titik \y\ na ang tunog ay \i\ sa Filipino  o  Inggles, ngunit  nagtataglay lamang ng dalawa o higit pang pantig ang buong salita, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

party                          –             parti

seat belt                    –             sitbelt

breeder                     –             brider

happy                         –            hapi

entry                         –             entri

city hall                     –             sitihol

civilian                     –             sibilyan

pantry                       –             pantry

busy                           –             bisi (schwa)

rally                            –             rali

bodyguard              –             badigard

army                          –             armi

mystery                    –             misteri

Sa kaso ng ibang salita sa Inggles na ang \y\ ay katunog ng \ay\ o \i\, inihahalili ang \ay\ o \i\ sa \y\, halimbawa,

Inggles                                      Filipino

nylon                                         naylon

typewriter                               tayprayter

apply                                          aplay

bypass                                       baypas

cyclops                                     sayklops

hybrid                                       haybrid

hyperbola                                hayperbola

hyperactive                            hayperaktib

myna                                          mayna

mystique                                  mistik

mystery                                    misteri

physics                                      pisiks

physical                                    pisikal

psychic                                     saykik

16. Paghalili ng \u\ sa kambal patinig na \oo\ o sa mahabang tunog na \u\ sa Inggles, doon sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig, halimbawa:

Inggles                                      Filipino

movie house           –             mubihaws

plywood                   –             playwud

book store               –             buk-istor

boomerang              –             bumerang

football                     –             futbol

swimming pool      –             suwingpul

bookmark                –             bukmark

shoot                          –             siyut

shooting                   –             siyuting

collapse                    –             kulaps

collage                       –             kulads

flute                            –             flut

flourine                     –             plorin, florin

beerhouse                –             birhaws

chlorine                    –             klorin

crematorium          –             krematoryum

17. Pagpapanatili ng \o\ sa mahabang patinig na \o\ na may bigkas na \ow\ o kaya’y sa mga salitang ang \o\ ay may bigkas na \a\ sa Inggles, ngunit sa mga salitang may dalawa o higit pang pantig lamang. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

hopeless                   –             hoples

boatman                   –             botman

poisoning                 –             poysoning

oil                                –             oyl (oleo)

photographic         –               potograpik, potograpiko

power                        –             power (pawer)

tower                         –             tower  (tawer)

overlook                   –             oberluk

hora                            –             hora

Roman                       –             Roman

moray                        –             moray

18. Paghalili ng \yu\ o \tsu\ sa mahabang patinig na \u\ o sa mga salitang may tunog na \yu\ sa Inggles, halimbawa[iii]:

Inggles                                      Filipino

tribune                      –             tribyun

bugle                          –             biyugel

Unicorn                    –             Yunikorn

tube                            –             tsub

compute                   –             kompiyut

tune                            –             tsun

exclude                     –             eksklud

reduce                       –             redyus

fluke                           –             fluk, pluk

produce                    –             prodyus

resume                      –             resyum

salute                        –             salut  (exception)

volume                      –             bolyum

perfume                    –             perpiyum, perfiyum

blue                            –             blu (exception)

interview                  –             interbiyu

cute                            –             kyut, kiyut

cuticle                       –             kiyutikel, kyutikel

19.  Pagpapanatili sa tunog at titik \z\  sa Inggles (na  maitatangi sa tunog ng katinig na \s\),  o kaya ay may tunog na \ts\ ang \z\, halimbawa:

Inggles                      Filipino

May tunog na \z\

zoo                              –             zu

zebra                          –             zebra

zigzag                         –             zigzag

Zulu                            –             Zulu

zest                             –             zest

zero                            –             zero

zoom                          –             zoom

zenith                         –             zenith

May tunog na \ts\

pizza                           –             pizza

Nazi                            –             Nazi

waltz                           –             waltz

Mozart                       –             Mozart

Maliban kung ang salita ay matagal nang inangkin sa Filipino, at hinalinhan ng \s\ ang \z\, gaya sa zipper na naging siperzodiac na naging sodyakzarzuela na naging sarsuwela.

20. Pagpapanatili ng titik \s\ sa mga salitang may katunog na \s\ o \z\, kahit pa ang salita ay walang titik \z\, halimbawa,

Inggles                           Filipino

reason  \’rizan\           rison

adviser \ad’vayzer\     adbayser

because \be’koz\        bekos

present \’prezent\       present

seismometer \sayz’mometer\ saysmomiter

seize    \’siz\               sis

series   \’siriz\             siris, serye

21. Sa mga salitang ang titik \s\ o \z\ ay may katumbas na tunog na \zh\ sa Inggles, pinanatili ang tunog na \s\, \sy\ o \ds\,  halimbawa,

Inggles                         Filipino

massage \ma’sazh\      masads

beige    \beizh\              beyds

garrage \ga’rash\           garads

vision \’vizhon\              bisyon

azure    \ash’ur\ asur

television \’tele,vizhon\ telebisyon

version \’verzhon\        bersiyon

conclusion \kan’kluzhon\ konklusyon

measure \’mezhur\         mesyur

exposure \ik’spozhur\ eksposyur

21. Pagpapanatili sa titik \b\ sa mga salitang may tunog na \bi\ sa Inggles, halimbawa:

May maiikling patinig

 

Inggles                               Filipino

best                        –          best

bring                       –          bring

boyfriend                –          boypren

baloon                    –          balun

rubberband             –          raberban

backpack               –          bakpak

blog                        –          blog

bottom                   –          botom

botox                     –          botox

bucolic                   –          bukolik

brag                       –          brag

blackmarket           –          blakmarket

balcony                  –          balkoni

bonsai                    –          bonsay

barber                    –          barber

brandy                    –          brandi

backer                    –          báker

backyard                –          bakyard

bangs                     –          bangs

bangle                    –          banggel

banyan                   –          banyan

basket                    –          basket

bellboy                   –          belboy

billboard                 –          bilbord

May mahahabang patinig

 

Inggles                               Filipino

baby                       –          beybi

baloon                    –          balun

labor                      –          leybor

blinder                    –          blaynder

barricade                –          barikeyd

barrast                    –          barast

baywood                –          beywud

bazaar                    –          basar

battleship                –          batelship

bailiwick                 –          beylawik

baker                     –          beyker

backstroke             –          bak-istrok

bargain                   –          bargeyn

bailable                   –          beylabol

22. Pagpapanatili ng titik \g\ sa mga salitang ang tunog nito ay \j\ o \zh\, at paghiram ng buong salita, samantalang pinag-aaralan pa sa Filipino ang implikasyon ng naturang tunog kung tutumbasan ng titik \j\ kapag inangkin nang ganap sa Filipino, halimbawa,

Inggles                                Bigkas                  Filipino

general                 \jeneral\             general (jeneral)

gin                          \jin\                      gin  (jin)

agent                     \eyjent\              agent (ajent)

energy                  \enerji\                               energy (enerji)

manage                                \manidzh\          manage (manej)

suggest                 \sagjest\             suggest (sajest)

mirage                  \mirahzh\          mirage (mirash)

garage                  \garahzh\           garage (garash

beige                     \beihzh\              beige (beysh)

rouge                    \roozh\                               rouge (rush)

23. Paghalili ng titik \k\ o \kw\ sa \q\ o \qu\ kung ang naturang mga titik sa Inggles ay katunog ng \k\ o \kw\, halimbawa,

Inggles                                                Filipino

antique                                 antik

unique                                  unik

technique                           teknik

grotesque                           grotesk

Iraq                                       Irak

equinox                              ekwanoks, ikwanaks

quality                                 kwaliti

question                              kwestiyon

equal                                     ikwal

require                                 rekwayr

quit                                        kwit

24. Paghahalili ng \ks\ sa \x\ kahit ang titik \x\ na mula sa salitang Inggles ay katunog man ng \ks\ o \gz\, halimbawa,

Inggles                                 Filipino

May tunog na \ks\

exercise                              eksersays

relax                                     relaks

axis                                        aksis

expect                                  ekspek

external                               eksternal

May tunog na \gz\

exam     \ig’zam\              eksam

exact     \ig’szakt\            eksak

exit        \eg’zit, ek’sit\    eksit

executive \ig’zekyutiv\  eksekyutib

exist      \ig’zist\                  eksis

exult     \ig’zolt\               eksult

25. Pagpapanatili ng titik \t\ sa mga salitang walang diin (unvoiced) ang tunog ng \th\, o paghalili ng \de\ sa \th\ kung may diin (voiced) ito, ngunit dapat nagtataglay ng dalawa o higit pang pantig upang maiwasan ang kalituhan sa ibang kahawig na salitang may iisang pantig lamang. Halimbawa,

Inggles                                      Filipino

Walang diin (unvoiced \th\)

 

thematic                   –             tematik

thermal                     –             termal

therapy                     –             terapi

thinner                      –             tiner

thermos                    –             termos

broth                          –             brot

tooth brush             –             tutbras, sepilyo

shoulder                   –             sholder

thunderbolt            –             tanderbolt

bath                            –             bat(h)

zither                         –             ziter

May diin (voiced \th\)

tithing                        –             tayding

mother                      –             mader

father                         –             páder

weather                     –             weder

bother                       –             bader

gathering                  –             gadering

rhythm                      –             ridem

wither                        –             wider

clothes                      –             klowds, clods

26. Pagpapanatili ng titik  at tunog\v\ kung ang pagpapalit nito sa \b\ ay magkakaroon ng kalituhan pagsapit sa Filipino, halimbawa,

Inggles                                                Filipino

vapor                           vapor  (cf  bapor)

valet                 –          valet  (cf ballet)

vamp                –          vamp ( cf bump)

vent                  –          vent (cf bent)

vowel               –          vowel (cf bowel)

Pangwakas

Mapapansin na bagaman tinalakay sa papel na ito ang mga tunog ng katinig sa wikang Inggles ay hindi pa masasabing sapat na ang mga halimbawa. Iminumungkahi na pag-aralan pang maigi ang siyam na tunog ng katinig sa Inggles, na kinabibilangan ng tunog ng \v\, \f\, \h\, \s\, \sh\, \z\, \zh\, at ang malakas at mahinang \th\, gaya ng thin \èin\, think                  \èink\, at thick \èik\ (na pawang mahihina) at them \ð[m\, feather \’f[ðYr\, at weather \’w[ðYr\ (na pawang malakas).

Iminumungkahing pag-aralan din ang mga kambal katinig na \ch\ o klaster na \tch\; ang \ck\ na katunog ng \k\; ang \gu\ na katunog ng \gw\; o ang klaster na gaya ng \dge\ na katunog ng \j\; ang \sch\ na katunog ng \sk\ o \sh\, na magluluwal ng gaya ng iskolar (scholar), iskul (school), iskim (scheme), at iskedyul (schedule).

Malaking hamon ang pagtatakda ng panuto sa mga titik na hindi binibigkas [silent letters]  sa Inggles, gaya \bt\ at \pt\, gaya ng doubt at receipt;   o kaya’y \kn\, \gn\,  at \pn\ na gaya ng knee, gnome, pneumonia.  Bagaman ang ilang di-binibigkas na titik, gaya ng \ps\, \rh\, at \wr\ ay hindi gaanong problema kapag binaybay sa Filipino, halimbawa saykologist (psychologist),  ang problema ay natutuon sa posibilidad ng pagkakaroon ng ibang kahulugan ng salita, gaya ng wrapper na kapag binaybay na raper  sa Filipino ay makalilito kung ito ba ay pambalot o mang-aawit ng musikang rap, o bagong bersiyon ng rapist.

May natatagong pagsalungat ang wikang Filipino sa pag-angkin ng tunog ng \j\, at karaniwang tinutumbasan ito ng \dy\, gaya sa d’yanitor (janitor), d’yaging (jogging), d’yunyor (junior).  Nagkakaroon ng problema sa panghihiram kung ang tunog \j\ ay dinikitan ng  tunog \s\, gaya sa judge  (jadz), knowledge (nalejz), at college  (koledz), ledger (lejer, ledyer). Sa ganitong pangyayari, ang tunog \j\ ay nilalapatan na lamang ng pinakamalapit na tunog, at ang aproksimasyon na ito ay batay sa pandinig ng Filipino.

Maimumungkahi na gamitin ang paraan ng pagbigkas sa Filipino, sapagkat ang mga baguhang mag-aaral ay hindi naman maláy sa pinagmulan ng Inggles at iba ang pamamaraan ng pagbigkas sa Filipino at lalawiganing wika. Ang pagpapanibago ng ortograpiyang Filipino ay dapat nasa parametro ng Filipino, at hindi dapat laging nakatingala sa gaya ng Inggles.

Napapanahon na, kung gayon, na repasuhin at baguhin ang Ortograpiyang Filipino ng KWF.

Ang panukalang pagbabago sa ortograpiyang Filipino ay inaasahang magbubukas din ng iba pang pinto para sa pagsagap ng mga salita mula sa iba pang internasyonal na wika. Kung paano ang mga ito makapagpapalago sa diskurso ng mga Filipino ay isang usaping nangangailangan ng iba pang talakayan.

[Binasa at tinalakay ni KWF Dir. Hen. Roberto T. Añonuevo sa Pangasinan State University, Bayambang, Pangasinan noong 24 Agosto 2012, kasabay ng pangwakas na palatuntunan ng Buwan ng Wika. Ang ilang talakay sa Espanyol, at ang kabuuan ng paliwanag sa Inggles, ay mula sa awtor at hindi pa naibibilang sa Bagong Ortograpiyang Filipino ng KWF na inalathala noong 2009 at inilimbag nang ilang beses.]

Dulong  Tala

[i] Hango ang mga halimbawa sa http://www.andropampanga.com/Spanish.html noong 21 Agosto 2012, alas-otso ng umaga, ngunit ang paglalapat sa makabagong ortograpiya ay mula sa awtor.

[ii] Hango ang mga halimbawa sa http://www.resourceroom.net/readspell/wordlists/last3sylltypes/longa.asp noong 22 Agosto 2012, alas-tres ng hapon sa Filipinas.

[iii] Hango ang mga  halimbawa sa http://teacherhelpforparents.com/category/reading/ long-vowel-sounds/ noong 23 Agosto 2012, alas-dos ng hapon, ngunit ang paglalapat ng tunog sa Filipinoay orihinal ng awtor.

 

KASUGUFIL at ang Adyenda sa Filipino

Lubhang mabilis ang mga pangyayari, at ipatutupad na ngayong Hunyo 2012 ang bagong patakaran sa sistema ng edukasyon na tinaguriang K-12. Ang nasabing patakaran ay may kaugnayan sa 12 pangunahing wika sa Filipinas; at kaugnay nito ang pagbubuo ng ortograpiya at diksiyonaryo sa kani-kaniyang wika. Ang modernisasyon ng edukasyon ay bahagi ng mithing mapaglangkap na kaunlaran ng gobyerno; at upang makarating sa mahihirap ay kinakailangang maisagawa muna ang pamumuhunan sa edukasyon, pagtataguyod ng malawakang impraestruktura ng komunikasyon, pagsasanay sa mga guro at kawani, reoryentasyon ng mga pabliser ng teksbuk, at pagpupundar ng mga kagamitan sa pagtuturo.

Ang bagong batch ng mga estudyante ay inaasahang sasailalim sa laboratoryo ng eksperimentasyon—una, sa paggamit ng sariling wika sa mga unang bahagdan ng pag-aaral at pagsusulit; at ikalawa, sa pagtanggap ng kurikulum na dapat na higit na malawak at malalim kompara noon at inaasahang makatutulong sa paghubog ng kasanayan ng mga kabataan upang magkaroon ng hanapbuhay. Ngunit higit pa rito, ito ang panahon na masusubok ang Filipino sa iba’t ibang lárang [field], lalo kung iisiping ang Filipino ay kaagapay sa multi-lengguwaheng patakaran sa pagtuturo. Mababanat ang tatag at pasensiya ng mga guro sa paghawak ng sabjek sa Filipino, sapagkat ang nilalaman nito ay hindi na puwedeng hinggil sa wika lamang, bagkus sumasaklaw sa iba’t ibang disiplina o paksang dating nasa poder ng Ingles. Maaaring ang pagtatasa ng resulta ng bagong pagdulog sa pagtuturo ay hindi agad mababatid; at kung mabatid man agad ito ay hindi masasabing positibo ang kahihinatnan ng lahat.

Ikinalulungkot kong sabihin na walang malinaw na pambansang programa magpahangga ngayon kung paano palalakasin ang Filipino sa kabila ng mala-patakarang multilingguwal ng pamahalaan. Sinabi kong “mala-patakaran” sapagkat kahit ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang multilingguwal na pagdulog sa pagtuturo, hindi pa rin ito nasusuhayan ng katapat na batas na pinagtibay sa konggreso saka nilagdaan ng Pangulo at siyang bumabago sa bilingguwal na patakaran ng edukasyong itinadhana ng Konstitusyon. Maipapalagay, kung gayon, na ang mala-patakarang multilingguwal na pagdulog ay extra-legal, na handang lundagan ang Konstitusyon maisunod lamang sa programa ng gaya ng UNESCO at UNICEF at siyang itinataguyod ng Summer Institute of Linguistics. Ang pagtatakda ng pambansang programa ay inaasahang tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang masaklap, matatapos na ang termino ng butihing Punong Kom. Jose Laderas (Jolad)  Santos ay wala pang malinaw na direksiyon ang naipapanukala para palakasin ang Filipino lalo sa hay-iskul at kolehiyo. Kaya hindi ko kayo mapipigil kung ihaka ninyo na inutil ang KWF sa panahon ni Jolad Santos.

Binanggit ko ito hindi upang siraan ang KWF o ang ilang komisyoner nito. Sinasabi ko ito upang mabatid ninyo na ang problemang kinakaharap ng Filipino ay hindi lamang panandalian at teritoryo ng mga guro, manunulat, editor, peryodista, at brodkaster, bagkus pangmatagalan at saklaw ang bawat mamamayan. Ito ay sapagkat ang pagtutuon sa wikang pambansa ay isang usaping inter-salinlahi [intergenerational]: ang anumang produktong pangwika at pandiskurso ng kasalukuyang henerasyon ay posibleng makaapekto sa susunod na henerasyon. Kung gayon, kapag pinag-uusapan ang wikang Filipino, kinakailangang isangkot ang pinakamalawak na populasyon at kung maaari’y kahit ang diyasporang Filipino, sapagkat dito nakasalalay ang paglilinang ng wika at panitikan, ang pagpaparami ng kawan ng mga manunulat, at ang pagpupundar ng mga impraestrukturang sumusuporta sa edukasyon, negosyo, hanapbuhay, komunikasyon, atbp.  Ang pakikisangkot ng organisasyong pangguro, gaya ng KASUGUFIL, sa mga isyung panlipunan ay pagsasabuhay lamang ng itinatadhana ng Artikulo 13.6 ng Konstitusyong 1987: ang paggalang sa mga organisasyon ng sambayanan, at ang pagkilala sa pakikilahok ng mga ito sa mga pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.

Ang kawalan ng direksiyon at programa sa Filipino ay nagiging puwang para sa iba na gawing bara-bara, halimbawa, ang paggawa ng teksbuk at kathang popular; o kaya’y isantabi palayo sa dominyo ng kapangyarihan ang paghubog sa Filipino bilang wikang intelektuwal at panlahat.  Dapat tumbasan ng bisyon ang Filipino bilang pambansang wika, tasahin nang malaliman ang mga natamo nitong tagumpay o kabiguan sa mga nakalipas na panahon, at pagdaka’y magtakda ng malinaw na estratehiya kung paano isasakatuparan ang mga pagbabago ngayon at sa darating na mga taon.

Kung walang malinaw na patakaran ang pamahalaan, ano ang dapat gawin ng mga organisasyong gaya ng KASUGUFIL? Ilan sa maipapanukala sa nasabing organisasyon ang sumusunod:

Una, magmungkahi ng pambansang adyenda na magpapalakas sa Filipino sa kabila ng multilingguwal na pagdulog sa edukasyon. Makapangyarihan ang tinig ng KASUGUFIL sapagkat ang kasapian nito’y nagmumula sa iba’t ibang rehiyon at kinakatawan ng mga guro at superbisor. Ang panukalang adyenda ay dapat isinasangguni sa kasapian, nang sa gayon ay nalalaman ng pamunuan kung ano ang pulso ng mga guro mula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Ang mungkahi ay maaaring ihain sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF, sa representante ng mga guro sa Konggreso, at dapat bigyang sipi kahit ang DepEd, CHED, at Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas.

Ikalawa, magsagawa ng mga konsultasyong panrehiyon mula sa mga kasaping guro at superbisor kung paano palalakasin pa ang Filipino sa iba’t ibang disiplina o pag-aaral; at ang resulta mula sa konsultasyon ay maaaring idulog sa sangay ehekutibo o lehislatibo upang matumbasan ng batas o regulasyon. Ang nasabing konsultasyon ay maaaring sa iba’t ibang paraan, gaya ng telekumperensiya kung hindi man personal na pagharap sa mga tao sa katulad ng ganitong pambansang konggreso. Kung matutupad ito, ang KASUGUFIL ay hindi na lamang makukulong sa tradisyonal na seminar,  palihan, at pagsasanay, bagkus magkakasanga sa pampolitikang tunguhin.

Ikatlo, makilahok sa mga konsultasyong isinasagawa ng DepEd at CHED saka lumiham sa mga kinauukulan kung kinakailangang ipaabot ang mga mungkahing may kaugnayan sa pagbubuo ng mga patakaran, pagtatalaga ng mga tauhan, at pagpupundar ng mga pasilidad at impraestrukturang may kaugnayan sa pagpapalaganap ng Filipino. Makabubuti kung laging may representante ang KASUGUFIL sa ganitong mga pagtitipon, nang sa gayon ay naipararating nang mabilis sa buong kasapian ang mga bagong pangyayari kahit sa pamamagitan ng opisyal na websayt, blog, o network.

At ikaapat, maaaring makapagmungkahi rin ang KASUGUFIL sa pamahalaan kung paano lilinisin ang burukrasya, kung bakit dapat palitan ang ilang bulok na opisyal, at kung bakit dapat magtaguyod ng impraestrukturang pangwika at pangkomunikasyon para buklurin ang tinatayang 80 milyong Filipino sa kung saan-saang pook.

Hindi ako tutol sa patakarang turuan ang bata alinsunod sa kinalakhan niyang wika. Ngunit ang maipapayo ko ay ang pagtataglay ng sinop at hinay sa mga hakbang. Ang aking pagbabantulot ay kaugnay ng mga pangyayaring hindi pa ganap na tapos ang 12 ortograpiyang inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral. Bagaman noong Pebrero ay nakipag-ugnayan ang DepEd sa Komisyon sa Wikang Filipino para sa pagbubuo ng mga babasahing materyales sa elementarya ay hindi masasabing ganap na itong abanse para sa mga batang nangangailangang paunlarin ang kanilang bokabularyo at pag-unawa hinggil sa mga konsepto at wikang umiiral sa paligid nila. Sa panig ng KWF, sa aking pagkakaalam, ay may dalawa o tatlong ortograpiya pa lamang ang nabubuo—Pangasinan, Bikol, at Máranaw, bagaman may binuong burador din sa Ilokano at Chavacano. Ang Máranaw at Ilokano ay kinakailangang sumailalim pa sa balidasyon sa harap ng mga eksperto, samantalang ang Sebwano ay ginamit ang dati nang ortograpiya ngunit dapat pa muling repasuhin ng KWF.

Bayanihan.

Kailangan ng KASUGUFIL ang modernong bayanihan tungo sa pagpapalakas ng Filipino sa bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Larawan mula sa paskil ni M. Izabel.

Sa panig ng nasa hay-iskul at kolehiyo, kinakailangan naman ang listahan ng babasahing higit sa maitatakda ng DepEd. Halimbawa, ang listahan ng mga kanonigong nobela, kuwento, dula, at tula na pawang isinulat sa orihinal sa Filipino o kaya’y salin mula sa internasyonal na wika o wikang panrehiyon, at inaasahang dapat mabatid ng bawat mag-aaral ay makabubuting maitakda sa lalong madaling panahon. Ang mismong salitang “kanonigo” ay problematiko dahil hindi basta ito maitatakda ng tatlo o higit pang tao, bagkus ng isang kawanihan na ang pangunahing tungkulin ay magbasa, magsuri, at maglabas ng rekomendasyon hinggil sa mga nabasa nito.

Kung ang isang estudyante sa hay-iskul ay inaasahang dapat makapagbasa ng 250 nobela o antolohiya ng mga kuwento, 50 aklat ng tula o antolohiya ng mga tula, 50 aklat ng sanaysay, at 20 aklat ng dula sa loob ng limang taon, aling aklat ang dapat mapabilang sa listahan? Ang ganitong konserbatibong bilang ay inaasahang tutumbasan ng pagtuturo ng angkop na pagsusulat at pagsasalita, nang sa gayon ay higit na mahasa ang mga bata na aktibong magsulat at magpahayag para sa higit na epektibong komunikasyon.

Sa unang malas ay napakarami nitong bilang sa loob ng isang takdang panahon. Ngunit kung isasaalang-alang ang limang taon, ang suma-total ay napakababa kung iisiping limitado pa ang produksiyon ng mga lokal na aklat na nasusulat sa Filipino o kaya’y sa mga wikang panrehiyon. Kung seryoso ang pamahalaan na magsulong ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, kinakailangang magbuhos din ito ng pondo sa produksiyon ng mga aklat at magbenta ng aklat sa abot-kayang halaga.

Ang sinasabi kong mga aklat ay hindi basta teksbuk lamang. Ang tinutukoy kong aklat ay may kaugnayan sa panitikan.

Kaya kinakailangang magtipon-tipon ang mga lokal na pabliser gaya ng Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, UP Press, De La Salle Press, Anvil Publishing Inc., atbp upang punuan ang mga pagkukulang. Ang inaasahang halos 400 aklat na maibibilang sa dapat basahin [required reading] sa loob ng limang taon ay dapat kolektibong pagtulungan ng mga pabliser at siyang dapat gabayan ng National Book Development Board at Book Development Association of the Philippines kung ipagpapalagay na aabot sa 80 milyon ang populasyon ng Filipinas. Ngunit hindi magaganap ito kung kulang na kulang ang tangkilik sa paglalathala ng mga lokal na akda, at priyoridad ng ilang pabliser ang mag-angkat na lamang ng aklat mula sa ibayong dagat.

Kung ipagpapalagay na malaking balakid ang pagtatamo ng mga aklat na nasa wikang Filipino na dapat ipagamit sa mga estudyante, ano ang mga alternatibong paraan?

Isang paraan ang elektronikong aklat, at ang mga bata ay dapat magkaroon ng akses sa mga komputer at gadyet na maaaring matunghayan ang elektronikang aklat o akda. May sinimulan ang Google, ngunit ang nasabing kompanya ay malimit lumalabag sa karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino at ito ang naglulugar sa mga Filipinong manunulat para umangal. Kinakailangan ng pamahalaan na gumawa ng batas, sa pakikipagtulungan sa gaya ng FILCOLS (Filipinas Copyright Licensing Society) upang ang karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino ay mapangalagaan, at mabayaran sila ng karampatang halaga sa lahat ng inilathala nila sa elektronikong paraan.

Ngunit hindi madali ang elektronikong edukasyon. Ayon sa NEDA, may 29 porsiyento pa lamang ng kabuuang bilang ng publikong paaralan noong 2009 ang may internet koneksiyon. Ilan sa mababagal ang internet koneksiyon ay matatagpuan sa Cordillera (CAR), Cagayan Valley (Rehiyon II) at Bikol (Rehiyon IV). Ilan sa inilistang sagabal ang magastos na pagpupundar ng impraestruktura sa matataas o liblib na lugar, at ang mga pook na ito ay hindi karaniwang sineserbisyuhan ng mga pribadong telekomunikasyon. Ang iba pang alternatibong edukasyon, halimbawa na ang paggamit ng telebisyon, ay maaasahang limitado rin kung mabibigong maabot ng signal ang mga liblib na pook.

Sa ganitong kalagayan, makabubuti kung ang KASUGUFIL ay lalabas sa dati nitong komportableng puwesto, wika nga. Kinakailangang mangampanya ang KASUGUFIL sa pagpapabuti ng mga impraestruktura mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang pambansang pamahalaan, dahil ang problema ng mga guro sa isang lugar ay problema rin ng mga guro sa buong kapuluan. Lalong lalawak ang puwang na nagbubukod sa mga uring panlipunan kung ang simpleng impraestruktura sa komunikasyon ay maihahalintulad sa pagpapasemento ng kalsadang may isa o dalawang dekada nang ginagawa ay hindi pa rin matapos-tapos sa kung anong dahilan, at kung makumponi man ay tuwing malapit na ang halalan. Walang magagawa ang mga guro, samakatwid, kundi magbuklod nang mahigpit.

Kailangang magsimulang mag-ingay ang KASUGUFIL hindi sa mga lansangan o sa loob ng silid-aralan, bagkus sa pamamagitan ng elektronikong himpapawid. Maaaring walang oras ang isang guro na lumiban sa klase upang magprotesta. Ngunit kahit sandali, sa pamamagitan ng Twitter o Facebook, ay maipahahatid nito sa kinauukulan ang mga problemang binabalikat ng mga guro sa iba’t ibang lugar, gaya ng kakulangan ng silid-aralan, mabagal na pasahod at kulang na benepisyo, kawalan ng seguridad, atbp. Ang blog ay isa pang kasangkapang magagamit ng mga guro hindi lamang sa pagbubulalas ng mga hinaing kundi sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano sumulat nang makabuluhan at matino. Ang mungkahi ko’y gamitin ang lahat ng modernong kasangkapan para sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon, at sa popularisasyon hindi lamang ng mga wikang panrehiyon bagkus ng wikang Filipino sa kabuuan.

Iminumungkahi ko rin na gamitin ng KASUGUFIL ang elektronikong plataporma sa pagpapalitan ng mga saliksik. Maaaring ang isang guro o ang kaniyang estudyante ay may nasulat na saliksik, at ang saliksik na ito ay makatutulong sa iba pang guro o mag-aaral upang gumawa ng iba pang saliksik na pawang makatutulong sa Filipinas. Laos na ang panahon na ang isang matinong saliksik ay itatago na lamang sa baul; ang saliksik ay kinakailangang ilantad sa madla, nang sa gayon ay higit pa itong matitigan, maituwid ang mga mali o pagkukulang, mapalakas lalo ang mga positibong katangian, at makapagbigay ng inspirasyon sa iba para baguhin ang kanilang abang kalagayan.

Ang pagpapalitan ng saliksik [research exchange] ay matutupad ang kaganapan kung makabubuo ng elektronikong plataporma na makapag-aambag ang bawat guro kung paano pahuhusayin ang mga leksiyon; kung paano mapabibilis ang paggagrado sa mga pagsusulit ng estudyante; at kung paano makaaakses sa mga impormasyong dating esklusibo lamang sa mayayamang nakabibili ng mga aklat. Alam kong hindi ito magagawa ng mga guro kaagad, kung kulang sa kagamitan at mahina ang tulong mula sa administrador, kaya nariyan muli ang internet upang maghanap ng mga posibilidad na paunlarin batay sa pangangailangan ng mga Filipino at konteksto sa isang lugar.

Magagawa ang lahat ng ito kung magkakaroon ng modernong bayanihan sa hanay ng KASUGUFIL. Sa aking palagay ay hindi kinakailangang pahirapan ng guro ang kaniyang sarili sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante, dahil kung ganito ang sukatan, makabubuting parangalan ang nasabing guro bilang bantog na masokista at banal. Dapat maging madali gaya ng agos ng tubig ang pagtuturo nang hindi minemenos ang mga paksa o nilalaman ng pag-aaral. Upang magawa ito, kinakailangan ang inter-aktibong pagtutulungan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan kahit kulang sa pag-aatas ang ating butihing Kalihim sa DepEd at kulang sa ayudang legal at pinansiyal ang representante ng mga guro sa konggreso na mula sa ACT Partylist. Ang ipinapanukala kong bayanihan sa panig ng KASUGUFIL ay magsisimula sa pagbabantay ng sariling hanay, pag-aalaga ng lakas-tao at pondo, pagbabahaginan ng mga saliksik, tuklas, kasangkapan, o network, at aktibong pakikilahok kahit sa pamamagitan ng kani-kaniyang klase sa mga gawaing makaaapekto sa kabuhayan ng guro at sa hinaharap ng Filipino bilang wika.

Labis na mapangarapin ang ganitong mga mungkahi. Ngunit naniniwala ako, na kung kikilos ang bawat guro, at makikilahok sa gaya ng mga proyekto ng KASUGUFIL, ang wikang Filipino ay hindi na muling mailulugar sa abang kalagayan, at sa halip, ay mailuluklok sa karapat-dapat nitong pedestal.

Isang karangalan ang magsalita sa hanay ng mga guro. Magandang araw sa inyo, at mabuhay kayo sampu ng inyong mga mag-aaral.

[Binasa ni Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikatlong Pambansang Konggreso ng Wikang Filipino sa mga Paaralang Publiko at Pribado sa Antas Elementarya at Sekundarya na itinaguyod ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino), na ginanap sa Lungsod Baguio, 7 Mayo 2012]

Ortograpiya ng Modernong Pangasinan

Malaki ang ipinagbago ng lalawigan ng Pangasinan sa antas ng impraestruktura, agrikultura, pangisdaan, turismo, kultura, at pagmimina sa mga nagdaang taon, at ngayon ay maidaragdag ang isa pa: wika. Mabigat na usapin ang Pangasinan bilang wika dahil ang heograpiya ng Pangasinan ay bukás sa mabibilis na migrasyon at transaksiyon ng mga tao. Ang komunikasyon ay hindi na dominado ng taal na Pangasinan, bagkus ng iba pang wikang gaya ng Agta,  Bikol, Bisaya, Bulinaw, Iluko, Ifugaw, Kapampangan, Maranaw, Palawan, Sambal, Tagalog, at iba pa. Ang dating Tagalog ay naghunos ng anyo at naging Filipino, na lalong lumakas sa dami ng mga akdang nalalathala sa anyong papel o elektronikong paraan.

Kahit ang mga pangunahing estasyon sa telebisyon at radyo sa lalawigang Pangasinan ay nasa wikang Filipino na. Ito ay marahil sa pangyayaring kinikilala na sa buong Pangasinan na ang buong lalawigan ay tagpuan ng sari-saring tao na iba’t iba ang pinagmulan, at dahil iba-iba ang interes at kalooban ay kinakailangang pag-isahin kahit sa antas ng diskurso at komunikasyon. Sa pagkakataong ito, ang pagpapakilala muli sa wikang Pangasinan ay isang paraan ng pagbawi sa nakaraan at paghalukay sa gunita, na ngayon ay magsisimula sa pagpupundar ng isang masasandigang ortograpiya.

Kinakailangan ang ortograpiyang Pangasinan, dahil ang mga tekstong Pangasinan ay nananatiling sinauna ang pagbaybay na waring matapat na pagsunod sa mga frayleng Espanyol, na gumagamit ng wika alinsunod sa pamantayan ng Espanyol. Sa makabagong ortograpiya, ang paraan ng panghihiram ng salita sa mga wikang banyaga,gayang Espanyol, Ingles, Pranses, Hapones, at Tsino, ay sinisikap lapatan ng mga panuto kung paano isasakatuparan nang sa gayon ay mapabilis ang pag-angkin ng mga salitang hiram at makatulong pagkaraan sa pagpapalago ng korpus ng Pangasinan.

Mapapansin kung gayon na ang paraan ng panghihiram sa Espanyol sa panig ng Pangasinan ay hindi nalalayo kung ihahambing sa ginawang paraan ng panghihiram ng banyagang wika sa makabagong ortograpiyang Filipino. Ginawa ito upang mapabilis at mapagaan ang panghihiram, at nang maiwasan ang arbitraryong paraan ng pagbabaybay na walang masinop na batayan. Makikita ito sa adaptasyon ng kambal-patinig, diptong, triptong, pagsisingit ng katinig na \y\ o \w\ kapag nauuna ang mahihinang patinig na \i\ at \u\ sa malalakas na patinig na \a\, \e\, at \o\. Ang paraan ng panghihiram sa Espanyol ay isinaalang-alang din ang bigkas na \ng\,gayasa “konggreso” [congreso], “bángko” [banco], at engkanto [encanto]. Tinimbang din ang pagkaltas sa \h\ o \u\ sa orihinal na Espanyol kapag hindi binibigkas, gaya ng sa “arina” [harina], “asyenda” [hacienda], at “elado” [helado], o kaya’y “eskirol” [esquirol], “eskema” [esquema], “keso” [queso].

Ngunit higit pa rito, maraming hispanisadong salita sa Pangasinan, na kahit ang mga pangalan ng bayan ay nasusulat pa rin sa sinaunang pagbaybay. Halimbawa na rito na “Balungao” [balunggáw, na binibigkas kung minsan na ba·lú·ngaw], Calasiao [kalasyáw], Laoac [láwak], Malasiqui [malasikí], at Manaoag [manáwag]. Maraming natuklasan dito si P. Immanuel Sison Escano, na bilang alagad ng Simbahan at eskolar sa wikang Pangasinan, ay maglilitanya ng samot-saring salitang taal sa Pangasinan na hispanisado ang pagkakasulat, at nagbabanta ngayong gumawa ng modernong diksiyonaryo, bokabularyo, at tesoro na papalit sagayang kina Lorenzo Fernández Cosgaya, Anastacio Austria Macaraeg, at Mariano Pellicer.

Hindi pangwakas ang mga panuto na ginawa sa Ortograpiyang Pangasinan, at inaasahan ang patuloy na pagbabago habang pinipino ang mga ito. Ito ay dahil ang mga paraan ng panghihiram, halimbawa sa Ingles, ay hindi pa ganap na pulido at napakarami ang paraan ng pagbigkas sa patinig at katinig. Ang mga panuto sa panghihiram sa Ingles ay masasabing pansamantala, habang sinusuri pa ng mga eksperto ang mga mungkahing hakbang sa pagtanggap at pang-angkin ng mga salita. Sa kabilang dako, hindi pa ganap na tapos ang diskusyon sa paggamit ng \i\ sa mga taal na salitang Pangasinan, at ang pag-angkin ng titik \e\ sa mga salitang hiram. Bagaman waring nalutas na ang kaso ng mga titik \o\ at \u\ sa mga taal na Pangasinan, at kung alin ang mauunang lumitaw sa loob ng isang salita, ang panuto hinggil dito ay nangangailangan pa ng karagdagang halimbawa na maaaring hugutin sa mga nalathalang panitikan.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng ortograpiyang Pangasinan sa pagpapaunlad ng panitikang Pangasinan at pagsasalin ng mga tekstong banyaga. Magiging gabay ito sa pagpapalathala ng mga susunod na akda, kaya kinakailangan ang pagsasanay sa panig ng mga editor at manunulat. Ang produksiyon ng mga akdang Pangasinan ay isang usaping nangangailangan ng bukod na talakay, at marahil inuman, ng mga tarikang dalubwika, manunulat, at editor. Idiniriin lamang dito na kung may magiging padron ng paraan ng pagsusulat, panghihiram, at pagsasalin ng mga salita, ang padrong ito ay dapat aktibong pakialaman ng mga manunulat at editor, at panghimasukan ng madla bilang aktibong kritiko at konsumidor ng mga akdang pampanitikan. Sa ganitong paraan, ang madla ay hindi nagiging pasibong tagasagap lamang ng mga salita o obra ng mga manunulat. Ang madla ay posibleng maging aktibong tagapag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, at matututong tumutol lumunok ng mga patakbuhing kathang popular, at kung pumuri may ay maaasahang magtataglay ng maselang panlasa at matayog na kamalayán.

Makabubuting pahalagahan ng buong lalawigan ang pagsisikap na bumuo ng Ortograpiyang Pangasinan. Sa pamamagitan nito, mahuhutok maging maláy at maingat ang mga mag-aaral, bukod pa ang mga manunulat, mananaliksik, at editor, hinggil sa mga katangian ng mga salitang taal, hiram, balbal, jargon, siyentipiko, bagong-likha, at iba pa. Magkakaroon ng padron sa pagsulat, ispeling, bantas, at bigkas, na sa paglipas ng panahon ay magtatampok nang malalim at malawak sa kaakuhan ng Pangasinan hindi lamang bilang pook bagkus isang kabihasnan. Ang pagpapahalaga ay maaaring magsimula sa mismong paggamit ng wikang Pangasinan sa mga pang-araw-araw na komunikasyon, mulang pamilya hanggang diyasporang Filipino saanmang panig ng mundo. Magkakaroon pa ito ng suhay dahil ang pambansang adyenda ng administrasyon ni Pang. Benigno S. Aquino III ay nakatuon sa paglinang ng mga wikang panrehiyon tungo sa pagpapalakas ng pambansang wikang Filipino, habang bukás sa mga pagbabago sa internasyonal na ugnayang gagamit sa Ingles at iba pang banyagang wika. Ang mithing ito ni Pang. Aquino ang mithing nais lagyan ng laman at buto ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Makasaysayan ang pagpupunyagi sa Ortograpiyang Pangasinan sapagkat aktibong nakilahok si Gob. Amado T. Espino Jr. sa pamamagitan ng pag-aabot ng ayudang pinansiyal at moral sa pangkat. Kung hindi dahil sa butihing gobernador, posibleng nabalam pa ang pagbubuo ng ortograpiya dahil napakahirap tipunin ang mga dalubwika, edukador, manunulat, editor, at kritiko sa isang pook upang pag-usapan ang wikang pambihira ang pahiwatig at pakahulugan. Dapat ding pasalamatan sina Panlalawigang Administrador Rafael F. Baraan at Punong Panturismo Maria Luisa A. Elduayan na pawang walang sawa sa pagsubaybay sa pangkat, at nagbuhos ng panahon at pagod para maisakatuparan ang lunggati sa wika.

Sa dakong huli, ang tagumpay ng ortograpiya ay nasa palad ng mga Pangasinense. Kung hindi gagamitin, lilinangin, at palalaganapin ng mga Pangasinense ang Pangasinan sa loob ng lalawigan o sa iba pang panig ng kapuluan kung hindi man sa ibayong sa ibayong-dagat, ang Pangasinan ay nakatadhanang mamatay. Kaya hinahamon ang lahat na makilahok sa proyektong ito. Hinihimok ang bawat isa na magpukol ng mabibigat na puna at mungkahi, nang maisaalang-alang ng mga dalubwika at mailahok bilang makabuluhang panuto, susog, at tala sa susunod na Modernong Ortograpiyang Pangasinan.

Mensahe sa Ika-75 Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino

Kahanga-hanga ang makaabot sa ikapitumpu’t limang taon, at ang Komisyon sa Wikang Filipino ay masasabing nasa edad na tigulang na. Kapag sinabing “tigulang,” inaasahan na ang nabanggit na institusyon ay nasa yugto ng abanseng pagtanaw, pagganap, at pag-iral na sapat para makapag-ambag ng makabuluhang bagay sa lipunan.

Ngunit ang edad ay hindi magtitiyak na ang lahat ng ginagawa ng KWF ay ayon sa inaasahan ng lahat, o kaya’y batay sa orihinal na simulain ng mga pundador nito. May tumatanda nang paurong. May nagmumurang kamatis. At may bumabalik sa edad ng kamusmusan. Ang edad at ang pagganap ng tungkol ay magkaibang teritoryo, at maraming salik ang makaaapekto sa pagganap na maaaring mabigong makahabol o makaangkop sa panahon na nagpapahiwatig ng paglawak ng karanasan at karunungan.

Hinuhubog tayo ng ating kultura kung paano tatanawin ang pagtanda. Tinatakot tayo kung minsan ng midya laban sa uban, bilbil, at rayuma para maging katwiran si Dr. Vicky Belo at maniwala sa biro ni Dolphy. Ang KWF, halimbawa, ay inaasahan na higit na abanse sa larangan ng wika at pananaliksik; ngunit paano kung sa pagtanda ay magbawa ang apoy ng sigasig sa pananaliksik? Kung nagkulang, kung hindi man nabigo, ang KWF sa dapat sanang tungkulin nito, may magagawa pa ba tayo upang ito’y maituwid?

Mayrooon. Ngunit gaya ng dapat asahan, ang pagtutuwid ay dumaraan sa yugto ng pagbibinyag sa apoy at simbolikong paghuhunos ng sarili. Hindi malulutas ang mga kakulangan kung mananahimik ang bawat isa, kung pababayaan ang mga pagmamalabis ng ilang kawani o opisyal sa ilang pagkakataon at magkikibit-balikat lamang para iligtas ang sarili. Kinakailangan ang magsalita at magtaya, at ang magsalita ay dapat isagawa dahil karapatang pantao ito na hindi kailanman masasagkaan.

Ang pagdiriwang ng anumang okasyon ay naghahatid sa atin na balikan ang nakaraan, gaano man kapait o katamis, upang mapahusay ang estado ng kasalukuyan at maihanda ang kinabukasan. Sa pagbabalik sa nakaraan, kinakailangan ang mga aklat at iba pang lathalain, bukod sa abanseng aklatan at matalinong pagbasa ng kasaysayan; subalit higit pa rito, kailangang ingatan natin at itala ang mga personal na karanasan na kayang lumampas sa hanggahan ng personal para umabot sa saklaw na panlipunan. Bakit? Sapagkat malaki ang maitutulong nito upang maitumpak ang kinathang katotohanan ng nakalipas na panahon.

Mula sa araw na ito’y may isang pangyayari ang inaasahan kong babago sa dating nakagawian sa KWF. Nagkaroon sa unang pagkakataon ang KWF ng isang diksiyonaryong computer database na nasa wikang Filipino. Dapat itong ipagmalaki ninuman, dahil tinalo natin, sa kabila ng limitadong badyet, ang ibang pambansa o pribadong institusyon, at lumikha tayo ng isang imbakang elektroniko na kung ipagpapatuloy na pagyamanin ay pagkakakitahan nang malaki ng buong tanggapan. Ngunit higit pa sa salapi, ang database ay nagsusulong ng modernisasyon ng KWF. Hinahamon tayo nito na pumaloob sa makabagong daigdig ng teknolohiya, na maiuugnay sa wika at literatura at iba pang larang, para sa ganap na paglago ng Filipino at iba pang wikang lalawiganin.

Ngayong araw na ito’y huwag nating kalilimutan ang bisyon ng KWF: na kasangkapanin ang Filipino para sa pambansang kaunlaran habang isinasaalang-alang ang matatatag na mamamayan. Huwag nating gamitin ang wikang Filipino para isahan, lokohin o kutyain ang kapuwa Filipino. Huwag nating gamitin ang Filipino para magpalaganap ng kabalbalan, katangahan, at baluktot na impormasyon. Gamitin natin nang mahusay, matalisik, at may pagmamalaki ang Filipino nang makapasok ito at mangibabaw sa dominyo ng kapangyarihan,gaya ng winika noonnina Dr. Bonifacio Sibayan, Bro. Andrew Gonzalez, at Sen. Blas F. Ople.

Pasalamatan natin ang mga organisador ng pagtitipong ito sa pangunguna ng itinatangi kong si Dr. Leticia Macaraeg (na dapat pagpugayan sa laki ng ambag sa KWF), kapiling ang kaniyang buong sangay. Ngunit dapat kong banggitin ang lahat ng kawani ng KWF, mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas, dahil kung hindi dahil sa kanila ay walang aandar na makinarya na sinusuhayan ng kolektibong isip para sa wika. Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino, at isang karangalan ang makapagsalita sa piling ninyo.

[Binasa ng Direktor Heneral sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino na ginanap sa City State Hotel, Ermita, Maynila.]

ABAKADA at Sining

Lumalawak ang pagtanaw sa sining, kahit malimit nagiging esklusibo ito sa malalamig na silid. Gaya ng matutunghayan ngayon, ang mga obra maestra ay lumalapit sa publiko imbes na kabaligtaran ang maganap. Humahabol ang sining sa mga tao, na parang ang sining ay bukod na diskursong abanse sa diskursong dating batid ng publiko. Ang naturang sining, itanghal man sa orihinal o reproduksiyon, at gamitan ng samot-saring midyum at pamamaraan, ay naitatakda ang pamantayan ng estetikang kaugnay ng pambihirang kaisipan at sensibilidad sa isang tiyak na panahon—na pagkaraan ay magiging kumbensiyon ng pagkaunawa sa “totoo, mabuti, maganda.”

Kapag sumapit at lumaganap ang kumbensiyon ng paglikha, ang mga alagad ng sining ay maaaring mabagabag kung hindi man mayamot, hanggang madama nila ang paghihimagsik, sa walang kalatoy-latoy na kaligiran. Kailangan nilang isapuso ang mga mata ng pinya, at tumanaw sa anggulong magsisilang ng kahanga-hangang larawan ang sinag, dilim, kislot, at kurap. Muli silang magpapanukala ng bagong pamantayan, gagambalain ang estado at galeríya, at kumbaga sa kusinero’y mag-iisip ng kakatwa kung hindi man sariwang panlasa na makagigitla sa publiko’t patrong nagsawa na sa resiping mabilisan at komersiyal.

Lumalampas sa sinaunang alpabetong Tagalog ang sining, sapagkat ang dakilang akda o obra ay tumatangging maikahon sa kategoríya. Bagaman sa unang malas ay maiisip na katumbas ng A ang dibuho ng pintor, at katumbas ng B ang ukit sa kahoy ng eskultor, o katumbas ng S ang indak ng mananayaw at katha ng manunulat, ang sining ay hindi magwawakas sa Y dahil ang sining, kapag natunton ang sukdulan nito, ay likás na tumatalam at kumbaga sa agimat ay nagbabalik sa pagiging karaniwan. Ang sining ay posibleng magpanukala ng titik O na walang simula o wakas, o kaya’y Z na sumusuway sa tuwid na landas at katwiran.

Ang alpabetong Filipino, o ang pinagbatayan nito, ang Tagalog, ay maituturing din na sining ng kapuluan na sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng natatanging dalumat, gamit, at rikit na maipagmamalaki nating mga Filipino. Sinabi kong sining dahil malikhaing ginagamit ito mulang pagpapangalan ng bagyo at sanggol hanggang pagtatakda ng direktoryo ng telepono at indeks ng mga paksa. Ngunit higit pa rito, ang alpabeto ay bumubuo sa kasaysayan ng ating karanasan at guniguni, at nagiging epektibo hangga’t walang sawa tayo sa pag-imbento ng mga salita, pahiwatig, at pakahulugan. Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na itinatag sa bisa ng Saligang Batas 1987 at Batas Republika Blg. 7104, ay nagsisikap ngayong likumin ang mga taal na salita sa iba’t ibang rehiyon at nang maitala ang mga ito para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon. Sinisikap ding paunlarin ng KWF ang ortograpiyang Filipino, at ortograpiya ng iba pang wikang panrehiyon, na pawang magiging gabay ng mga Filipino sa pagsulat at pagkatha.

Mayaman ang imbakan ng mga salita ng Filipino, at patutunayan ito ng iba’t ibang diksiyonaryo, tumbasan, at tesawro na pawang nalikha at patuloy na nililikha magpahangga ngayon. Mula sa mga salita ay naitataguyod ang pamayanan at merkado; natatawid ang mga sagabal sa dagat at bundok; natutuklas ang mga gamot sa sakit at ugat ng langis; naitatatag ang nasyon at napaguguho ang imperyo; at nasisilayan ang galaktikong kural ng mga hayop sa himpapawid. Nasa ating wika ang sining, ngunit dahil madalas tayong nakikinig sa tibok ng banyaga ay natitiwalag tayo kahit sa sariling konsepto ng ating paglikha sa diyos bilang tao at Filipino.

Tangkilikin natin ang sining na likha ng mga Filipino, na ngayon ay itinatanghal ng Metropolitan Museum of Manila sa SM Megamall, at magsimula tayo sa pagbasa ng ABAKADA ng Sining. Tiyak kong masasanay tayo at masasabik habang lumalaon sa pagtunghay, at ang kasabikang ito ay inaasahan kong magdudulot ng ibayong hámon at sigasig sa ating lahat upang lumikha ng kagila-gilalas na epiko ng pambansang sining—na maipagmamalaki saanmang dako ng mundo.

(Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng “ABAKADA ng Sining: The Alphabet of Art in the MET Collection,” noong 21 Setyembre 2011, sa Atrium, SM Megamall, Mandaluyong City.)

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.

Panukalang Batas, Patakarang Pangwika, at Pambansang Adyenda sa Filipino 2011-2016

Tuwing Agosto lumalakas ang promosyon ng Filipino dahil ito ang nakatadhana sa batas na “Buwan ng Wika,” alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na may petsang 15 Hulyo 1987. Sa tulong ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, bukod sa tangkilik ng gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), naitatampok kahit paano ang mga aktibidad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at naipagdiriwang sa samot-saring paraan ang Filipino sa pamamagitan ng seminar, kumperensiya, pagtatanghal, bunsod-aklat, timpalak pampanitikan, balagtasan, konsiyerto, at iba pa. Dati, nagkakasiya na lamang ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ipagdiwang ang “Linggo ng Wika” (29 Marso-4 Abril)  alinsunod sa Proklamasyon Blg. 12, na may petsang 26 Marso 1954. Nagkataon naman na ang linggong iyon ay patapos na, kung hindi man tapos na ang klase sa mga paaralan, kaya mistulang nilalangaw at walang kulay ang pagdiriwang. Pagkaraan ng dalawang taon, sinusugan ito ng Proklamasyon Blg. 186, na naglilipat sa petsa ng pagdiriwang tungong 13-19 Agosto bawat taon, na ang sukdulan ay ang paggunita sa kaarawan ni Pang. Manuel L. Quezon. Kinikilala si Pang. Quezon noon, dahil siya ang pangulong nagpasimuno na mailahok sa pambansang adyenda ang pagbubuo ng pambansang wika na gagamitin pagkaraan bilang opisyal na wika ng komunikasyon sa kapuluan.

Ang tangkilik sa Filipino ay masasabing nagbabago sa paglipas ng panahon. Kung noong administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ay katiting ang tangkilik sa wikang Filipino, iba na ngayon. Walang pasubaling umaangat ang paggamit ng wikang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan tuwing maririnig si Pang. Benigno S. Aquino III na nagtatalumpati sa Filipino. Nakakargahan ng pambihirang simbolikong kapangyarihan ang Filipino tuwing mamumutawi sa bibig ng pinamataas na opisyal ng bansa at pamahalaan, at lalo itong nagkakaroon ng kabuluhan dahil matalik ang pakahulugan at pahiwatig nito sa kaniyang mga kababayang nakauunawa at nagpapahalaga sa naturang wika. Hubad sa pagkamabulaklak ang pahayag niya, bagaman sa nakaraang SONA (State of the Nation Address) 2011, para siyang dalubwikang ipinaliwanag sa payak na pamamaraan ang konsepto ng “wangwang” na lumalampas sa orihinal na onomatopiya ng tunog ng sirena,  at ang semyotika ay umaabot hanggang sa pag-abuso ng kapangyarihan at walang taros na katiwalian ng iilan.

Sinasalungat ni Pang. Aquino ang mga nauna sa kaniyang pangulo na Ingles ang pinamayani sa mga talumpati; at ito ay ginawa niya sa paraan ng pagiging konsistent sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng wikang Filipino tuwing kaharap ang mga Filipino. Kaya naman bukás lahat ang radyo at telebisyon mulang Luzon hanggang Mindanao, at ang mga tao—sa pribado man o publikong sektor—ay matatamang nakikinig at hinihintay kung may babanggitin siya ukol sa partikular na isyung kanilang kinikilingan. Maipapalagay na si Pang. Aquino ay pangahas na pangulo, dahil sa pagsuway sa nakaugaliang protocol ng Ingles sa mga talumpating sinulat din ng mga Inglesero, at siyang pinaninindigan ng mga mambabatas, administrador, at negosyante. Sa ganitong paraan, napapalapit si Pang. Aquino sa kalooban ng publiko. Nalalantad sa panganib na maunawaan ng publiko ang adyenda ng kaniyang administrasyon, kaya ang buong makinarya ng gobyerno ay mapipilitang sumunod sa itinatakda niyang “tuwid na landas.” Kung magtatagal, wala nang palusot ang madla na umiwas pang makilahok nang aktibo sa kaniyang programa, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, dahil hindi na sila mangangamba na tumugon sa hamon ng Pangulo habang iniisip ang banyagang gramatika at jargon ng burukrasya.

Kung si Rep. Manny Pacquiao ay gumamit ng Ingles sa kaniyang kauna-unahang talumpati sa Kongreso, si Pang. Aquino ay hindi nangiming gamitin ang wikang Filipino sa karamihan sa kaniyang talumpati sa publiko. Ito ay maaaring senyales na walang bagahe si Pang. Aquino sa Filipino at Ingles, at sa  halip, higit niyang pinahahalagahan ang katapatan sa bisyon, at kung paano siya mauunawaan ng taumbayan. Kung si Rep. Pacquiao ay kinakailangang umingles upang tanggapin sa sirkulo ng mga mambabatas, si Pang. Aquino naman ay nagbibigay ng halimbawa sa mga mambabatas kung paano dapat makipagtalastasan at maging bukás sa publiko—upang ang paggawa, pagpapatibay, at pagsasakatuparan ng batas ay makaaabot sa pinatutungkulan, at maging matalik sa isip at loob ng mga mamamayan.

Ang batas ay napakahalagang bagay na makapagbubuklod ng mga tao, dahil itinatadhana nito ang mga hakbang upang mapangalagaan ang karapatan ng mga mamamayang itinuturing na pantay-pantay. Si Rep. Pacquiao, na ibinibilang na sugo ng masa, ay posibleng tanawin na bumukod sa kaniyang kinakatawang distrito sa paggamit ng wikang masasabing banyaga sa pandinig ng kaniyang mga kababayan. Maganda sanang oportunidad iyon sa butihing mambabatas kung paano ihahayag ang kaniyang panukala sa wikang Filipino at katumbas nitong Bisaya—na higit na magpapalapit sa kaniya sa mga mamamayan ng Gen. Santos at iba pang panig ng Filipinas. Ngunit nabigo si Rep. Pacquiao. Samantala, si Pang. Aquino na dating sinisipat na elitista ay daig pa ngayon ang radikal na mambabatas sa paggamit ng Filipino para buwagin ang moog na banyagang diskurso na namamagitan sa maykaya at maralita. Dahil dito, inaasahan na lalaganap lalo ang wikang Filipino sa iba pang disiplina, at ito ang magiging hamon sa institusyong gaya ng KWF.

Umiiral pa rin ang patakarang bilingguwal magpahangga ngayon (kaya nagpapanukala ang mga tagapamansag ng multilingguwalismo na laktawan ang batayang legal nito), kung babalikan ang Saligang Batas 1987. Ngunit umiiral iyon kahit wala pang itinatakda ang Kongreso at Senado hinggil sa panuhay na batas [i.e., enabling law] na maglilinaw kung paano palalaganapin ang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at instruksiyon sa buong Filipinas, samantalang pinalalago ang mga katuwang na wikang panrehiyon; at kung pananatilihin ba ang Ingles o papalitan kung hindi man daragdagan ng ibang wikang internasyonal bilang isa sa dalawang opisyal na wika ng pamahalaan, at kung hanggang saan itatakda ang hanggahan ng Ingles bilang wika ng komunikasyon sa internasyonal na antas. Sa Philippine Development Plan 2011-2016 na inihanda ng National Economic and Development Authority (NEDA), layon ng Administrasyong Aquino na makamit “ang permanenteng mandato na magsasainstitusyon sa loob ng DepEd na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, pagkatuto, at pagtatasa, upang mapalawig ang kahusayan, kagalingan, at kaugnayan sa proseso ng pagkatuto, sa kapuwa pormal at [alternatibong sistema ng pagkatuto].” Bukod dito, isinaad pa sa plano na “hinihikayat ang mga Filipino sa ibayong-dagat na manatiling nakaugat sa kanilang kultura sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga wika, kultura, at pamama ng Filipinas.”

Kung ganito ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, marapat na sipatin sa anggulong ito ang mga panukalang batas hinggil sa wika kung naaayon ba sa pambansang bisyon ng pangulo. Kailangang suriin ang mga ito, at idaan sa masusing pag-aaral, nang sa gayon, ay maiiwasan ang paglikha ng mga batas na lumilihis sa parametro ng Saligang Batas 1987.

Kapansin-pansin na maraming panukala hinggil sa “edukasyong multilingguwal at literasing patakaran.” Sa Panukalang Batas Blg. 191 na inakda ni Kgg. Rachel Marguerite B.del Mar, sinisikap na palakasin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong bansa. Ang Filipino at ang katumbas nitong panrehiyong wika ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikatlong Grado, samantalang ang Ingles ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikaanim na Grado. Lahat ng akademikong sabjek ay ituturo sa Ingles pagsapit ng Ikaapat na Grado hanggang sa buong sekundaryang antas. Bukod dito, hihikayatin din ang paggamit ng Ingles bilang wika ng ugnayan sa loob ng paaralan, at ang pagtatatag ng mga organisasyong gagamit ng Ingles. Pinakamatindi sa panukala ni Kgg. Del Mar ang paggamit ng Ingles sa lahat ng pagsusulit at eksaminasyon sa pagpasok sa publikong paaralan at estadong kolehiyo at unibersidad. Kung gagamitin man ang Filipino ay hindi dapat lumampas iyon sa sampung porsiyento ng kabuuang puntos sa eksaminasyon.

Ang nasabing panukalang batas ni Rep. Del Mar ay kaugnay ng Kautusang Tagapagpaganap 210 noong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, may petsang 17 Mayo 2003, na nagtatadhanang palakasin ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa primarya at sekundaryong antas. Kung gagamitin man ang Filipino ay limitado ito sa mga sabjek na Filipino at Araling Panlipunan. Pagsapit ng terserang edukasyon, ayon sa Sek. 1, c., “ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, kabilang na ang mga estadong kolehiyo at unibersidad, ay hinihikayat na gamitin ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.” Nagsampa ng kaso sa Korte Suprema ang ilang organisasyong pangwika laban sa katumpakan ng KT 210, subalit wala pang pangwakas na pasiya ang mga mahistrado. Kung sisipatin sa isang panig, ang Filipino ay hindi ganap na ipinagbabawal o iwinawaksi ng nasabing kautusan; gayunman, ang paglilimita ng gamit ng Filipino sa ilang sabjek ay tandisang nagpapahina sa Filipino at sumasalungat sa mithi ng Saligang Batas 1987  na linangin at payabungin ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang disiplina at larang. Kung babalikan ang deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal, ang Ingles ay itinuturing na “ikalawang wika.” Kung Filipino ang pambansang wika, na maglalagay sa posisyon dito na “unang wika,” ang Filipino ay hindi maaaring ipagbawal sa mga opisyal na komunikasyon, instruksiyon at transaksiyon ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor. Samantala, ang kongreso ay maaaring magsabatas ng panukalang tanggalin ang Ingles bilang opisyal na wika sa Filipinas, at ituring lamang na isa sa mga wikang internasyonal na dapat mabatid ng mga Filipino. Kung pananatilihin man ang Ingles bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas, ang pagpapalaganap nito ay hindi dapat sumasagka sa diwa ng pagpapalago ng Filipino.

Hulog ng langit kung paanong nakapasa sa ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ang nasabing panukala ni Rep. Del Mar noong Ikalabintatlo at Ikalabing-apat na Kongreso; at kung hindi pa dahil sa kakulangan ng sapat na panahon ay baka nakalusot din sa senado. Ang panukala ni Rep. Del Mar ay parang pagsakay sa Time Machine na nagbabalik sa panahon ng Komonwelt, bagaman puwedeng pabulaanan ang ganitong haka. Isinusulong niya ang Ingles para pahinain ang mga natamong tagumpay sa paglilinang ng Filipino, at imbes na magpanukala ng dinamikong kurikula para sa akademikong pag-aaral ay isinasandig sa Ingles ang paghusay o sabihin nang pagtalino ng estudyante. Mahigit isang siglo nang nagsisikap ang mga ulirang Inglesero para turuan at palitan ng Ingles ang Filipino at iba pang wika sa rehiyon ngunit nanatiling bigo. Kung walang siyentipikong batayan ang panukala ni Rep. Del Mar, bakit kinakailangan itong isaalang-alang? Maipapalagay na labag sa kabuuang esensiya ng Saligang Batas 1987 ang panukala ni Rep. Del Mar, dahil sa pailalim na pinahihina nito ang Filipino, at ang taguring “pambansang wika” ay itinuturing na hanggang sa taguri o papel lamang. Kung babalikan ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, taliwas na taliwas ang panukalang batas ni Rep. Del Mar, kaya hindi kalabisan kung ito man ay ibasura.

Hindi malalayo sa panukala ni Rep. Del Mar ang Panukalang Batas Blg. 66 ni Kgg. Luis R. Villafuerte, at parang nagkopyahan ang dalawang kinatawan. Introduksiyon lamang ang halos naiba sa panukala ni Rep. Villafuerte, at sumusunod sa padron na ang Filipino o alinmang wikang panrehiyon ay gagamitin mulang preschool hanggang Ikatlong Grado; samantalang ang Ingles ay mulang preschool hanggang Ikaaanim na Grado tungo sa lahat ng antas ng sekundaryong edukasyon. Iginagalang ng panukala ang patakarang pangwika pagsapit sa terserang edukasyon, tulad na itinatadhana ng CHED. Sinisisi ng panukala ni Rep. Villafuerte ang paghina ng Ingles sa pagsilang ng Bilingguwal na Instruksiyon, subalit hindi tinalakay ng butihing mambabatas kung bakit nagkagayon. Nabigong silipin ng mambabatas ang henyo ng paggamit ng Filipino, at sa halip ay itinutumbas lamang sa panrehiyong wikang Tagalog na “hindi bumubuo sa mayorya.” Laos na ang ganitong linya ng pangangatwiran; at hindi sinisipat ang kakayahan ng Filipino na maging lingua franca sa buong kapuluan imbes na gamitin ang Ingles na napakalayo at salungat na polo ang pinagmumulan.

Paratang din ng panukala ni Rep. Villafuerte na “ang mga klaseng gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hinahanggahan ang pagkakatuto sa Ingles ng estudyante.” Kung susundin ang ganitong lohika, dapat isinahinagap din ng butihing mambabatas na ang pag-aaral ng Ingles ay sinasagkaan ang kalayaan ng mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng sarili nilang wika, at sa wika na itinuturing ng Saligang Batas 1987 na “pambansang wika.” Kung nais ng butihing mambabatas na maging Inglesero ang mga estudyante, aba’y makabubuti kung ipapanukala niya na dapat gamitin ang Ingles sa loob ng tahanan, palengke, lansangan, trabaho, mass media, at transportasyon, bukod sa mga sentro ng kapangyarihan. Sa ganito lamang makapag-iisip at makapagsasalita nang tuwid na Ingles ang mga Filipino, at pagkaraan ay puwede na silang maging kandidato sa mga call center.

Ipinagmagara pa ni Rep. Villafuerte na ang pinakamahuhusay na babasahin at materyales ay nasa Ingles, at magkakaroon ng problema sa pagsasalin mulang Ingles tungong Filipino o mulang Filipino tungong wikang panrehiyon. Sa ganitong lohika, isinusuko na agad ng butihing mambabatas ang kaniyang bandila at hindi nasisipat ang bilis, ekonomiya, at pagkamalikhain ng mga Filipinong manunulat at akademiko sa pagbubuo ng mga babasahing nasusulat sa Filipino na tumatawid sa sari-saring disiplina. Ang pagbubuo ng teksto ay hindi simpleng pagsasalin o pagtutumbas ng mga salita at konsepto, dahil kung isasalin o tutumbasan lamang sa Filipino ang materyales at babasahing Ingles ay maaaring maisalin din hindi lamang ang mga konseptong dayuhan kundi maging ang sensibilidad ng kolonyal na kaisipan. Ipinapalagay sa gayong hatag na pantay-pantay ang lahat ng wika, na ang katotohanan ay kabaligtaran, dahil ang dominanteng wika ang laging pinagmumulan ng diwain at naisasantabi ang henyo ng Filipino at katuwang nitong mga wikang panrehiyon. Kung sinilip lamang ng butihing mambabatas ang mga pagsisikap noon ng UP Sentro ng Wikang Filipino na gumawa ng mga teksbuk sa heometriya, kemistri, pisika, matematika, inhinyeriya, komputer, pagpaplanong urban, agham-dagat, at kaugnay na kurso sa siyensiya, maaaring matauhan siya sa lalim ng Filipino na may kapasidad na ipaliwanag ang mga siyentipikong termino sa konsepto at wika ng mga Filipino. Gaya ng panukala ni Rep. Del Mar, ang panukala ni Rep. Vilafuerte ay salungat sa pambansang adyenda sa edukasyon ng Administrasyong Aquino.

Ang dalawa pang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa lahat ng paaralan sa Filipinas ay ang Panukalang Batas Blg. 93 ni Eduardo R. Gullas at Panukalang Batas 1245 ni Mark A. Villar. Masasabing alingawngaw lamang ang mga ito ng mga naunang panukala nina Rep. Del Mar at Rep. Villafuerte, at ang tanging ipinagkaiba ay ang pambungad na paliwanag. Para kay Rep. Villar, kailangan umanong mapanumbalik ang kadalubhasaan sa Ingles ng mga mamamayang Filipino “para matiyak ang higit na mahusay na edukasyon ng mga Filipinong estuyante at mapalawig ang kanilang galing sa pandaigdigang antas.” Para naman kay Rep. Gullas, dapat umanong maituwid ang mga depekto ng kasalukuyang Edukasyong Bilingguwal ng DepEd, at “mapaunlad ang proseso ng pagkatuto sa mga paaralan nang matiyak ang de-kalidad na resulta.”

Walang bago sa sinabi nina Rep. Gullas at Rep. Villar. Itinutumbas ng dalawang mambabatas ang kahusayan sa partikular na disiplina sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika, na maituturing na malikhaing kabulaanan. Upang maganap iyon, kinakailangang tanggalin sa ekwasyon ang Filipino at iba pang wika, at ang mungkahi ay itira lamang ang Ingles. Ang dapat na sinusuri ng mga mambabatas ay kung saan nagkukulang ang buong sistema ng edukasyong nabigong makapagsilbi sa tunay na pangangailangan ng bansa at ng kaniyang milyon-milyong estudyante, at kung bakit lumalagpak ang mga estudyante sa mga pagsusulit na nasusulat sa Ingles. Sablay din ang pagsasabing higit na magagaling umingles ang mga Filipino noon kaysa ngayon, dahil unang-una’y magkaiba ang populasyon ng dalawang panahon, magkaiba ang sanligang pang-edukasyon, at magkaiba ang pagpapahalaga sa wika ng pamahalaan at akademya.  Isang payak at baryotikong mungkahi ang pagsasaad na mali ang edukasyong bilingguwal, ngunit kaya pala naging mali ay dahil apektado, kung hindi man nanganganib, ang posisyon ng Ingles sa herarkiya ng mga wika sa bansa.

Iisa ang ubod ngunit magkakaiba ng panlabas na damit ang apat na panukalang maka-Ingles. Kung ganito ang taktika ng mga mambabatas para mabilis na mapagpasiyahan ang panukala, at ang konsolidasyon ng mga komentaryo ay mapagagaan,  nangangailangan ng ibayong pagsubaybay ang taumbayan sa ganitong pakana.

May isa pang panukala, ang Panukalang Batas Blg. 162 at inakda ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I, ang nagsusulong naman ng Multi-Lingual Education (MLE). Sa panukala ni Rep. Gunigundo, ang unang wika ng bata ang magiging midyum ng instruksiyon sa buong elementarya; samantalang ang Ingles at Filipino ay ipakikilala lamang bilang midyum ng instruksiyon pagsapit ng Ikaapat na Grado. Pagsapit ng sekundaryong antas, ang Ingles at ang Filipino ang magiging midyum ng instruksiyon. Nakasaad pa na ang lahat ng kahingian, kagamitan at suportang pasilidad na kinakailangan para palakasin at paunlarin ang pagtuturo sa pamamagitan ng unang wika ay babalangkasin at ilalaan ng DepEd at KWF. Upang matupad ito, maglalaan ng tig-P100 milyon ang Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM) sa DepEd at KWF, at daragdagan ito ng limang porsiyento bawat taon pagkaraan.

Maganda sa unang malas ang panukalang batas ni Rep. Gunigundo, ngunit kapag tinimbang ay masasabing may kulang. Una, sa pakahulugan. Ang “midyum ng instruksiyon” ay ipinakahulugan sa panukala na “wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum sa paaralan” [the language used for teaching and learning the school kurikulum]. Maimumungkahing baguhin pa ito at gawing “ang pinakaepektibong wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum.” Sa ganitong  pakahulugan, ang Filipino bilang lingua franca ay makikilala sa tunay nitong halaga, lalo sa mga lugar na ang mga paaralan ay naging tagpuan ng mga tao na may kani-kaniyang katutubong wikang ginagamit.

Ni hindi binanggit sa panukala ni Rep. Gunigundo ang pakahulugan sa “Filipino” yamang mahalagang salita ito bilang “pambansang wika.” Kung ituturing na lingua franca ang Filipino sa buong kapuluan, ito ay dahil sa pangyayaring malaganap sa mass media ang Filipino, at umungos nang malayo sa Tagalog; malago at mabilis magparami ng mga babasahin sa Filipino sa dami ng manunulat; at nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan at mulang Palawan hanggang Sorsogon. Tumutukoy din ang “Filipino” sa “pagsasama-sama ng samot-saring katutubong wika sa Filipinas,” tulad ng intensiyon ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Sa Seksiyon 4 ng panukala ni Rep. Gunigundo, mababatid na ang “Filipino” ay itinuturing na ikalawang wika imbes na lingua franca; at kung gayon ay mahihinuhang itinutumbas lamang sa “Tagalog” na wikang malaganap sa Rehiyong Katagalugan.

Ang pakahulugan ng “unang wika” ay isa pang problematiko sa panukala ni Rep. Gunigundo. Kung ito ay tumutukoy “sa wika o mga wikang unang natutuhan ng bata at kinikilala niya o tinatanaw siya bilang katutubong tagapagsalita niyon ng ibang tao, o ang pinakaalam niya at pinakamahusay gamitin,” ano sa mga unang wika ang gagamitin bilang midyum ng instruksiyon sa bata? Kahit ang sinasabing dominanteng wikang panrehiyon ay maaaring lumitaw na ikalawang wika, lalo kung ang mga magulang na iba ang wikang sinasalita ay nadestino sa malayong rehiyon at hindi sila taal na tagaroon. Sa ganitong pagkakataon, ang guro ay mapipilitang maging polyglot sa loob ng silid-aralan, at ang wika ng kaniyang pagtuturo ay ibabatay sa mayorya ng mga estudyanteng nakauunawa sa isang partikular na wika, bukod sa konsiderasyong heograpiko at politikal. Kung babalikan ang rekord ng Komisyong Konstitusyonal 1986, tanging ang Ingles ang itinuturing na “ikalawang wika” na maipapantay sa ibang internasyonal na wikang gaya ng Espanyol, Mandarin, Nihonggo, at Aleman.

Ikalawa, ang pagtukoy sa “una at ikalawang wika” ay magiging bagahe ng paaralan. Sa malalayong pook na halos hindi pa nakasisilay ng modernong pamumuhay, maaaring hindi usapin ang wika, dahil ang mga estudyante ay maipapalagay na maalam na sa wika ng pamayanan. Ang nagiging problema ay ang mga guro na itinatalaga doon ng pamahalaan, at ang mga gurong ito ay hindi malimit na taal na tagaroon at nagtataglay ng ibang wika ng edukasyon. Bukod pa rito ang kasalatan ng materyales at aklat na kaugnay ng pagtuturo, at kung isasalin ito ng mga guro ay maaaring magkaproblema kung anong ortograpiya ang susundin batay sa mga diyalektong batid ng mga estudyante. Sa kabilang dako, sa mga rehiyong naging tagpuan ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon, sanhi man ng kalakalan, migrasyon, kaunlaran, at iba pang bagay, ang pagpili ng midyum ng instruksiyon ay nakasalalay sa kakayahan ng paaralan. Halimbawa, kahit nais sa Batanes na maging wika ng pagtuturo ang Itawis o Ivatan, hindi maikakaila na malakas na ang paggamit ng Filipino dahil sa mass media, at nagiging daan ito na maging lingua franca. Kung idaragdag pa rito ang migrasyon ng mga “Ipulá” (i.e., dayo na nagpasiyang manirahan sa Batanes), ang mga katutubong wika sa Batanes ay unti-unting humihina dahil nababawasan ang mga tao na gumagamit nito at nagtutungo rin sa ibayong-dagat.

Ikatlo, mapalalakas ang panukala ni Rep. Gunigundo kung sa Seksiyon 4, d, ay gagawing ang “Filipino ay magiging midyum ng instruksiyon sa sekundaryong antas, samantalang ang unang wika at ang Ingles ay gagamitin pa rin bilang mga katuwang na wika ng pagtuturo.” Sa ganitong mungkahing probisyon, ang Filipino ay sinisikap na tanggapin bilang opisyal na wika ng instruksiyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas, habang nililinang ang mga wikang panrehiyon, at ipinakikilala ang Ingles bilang wika ng pakikipagtalastasan sa antas na internasyonal.

Ikaapat, ang pagbuo ng “Mga Patakaran at Regulasyong Nagpapatupad ng Multi-lengguwaheng edukasyon” ay napakalimitado sa ilang pangkat lamang, at ito ay hindi dapat dominado ng Summer Institute of Linguistics, bagkus nilalahukan ng mga kinatawan ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pang-edukasyon, at iba pang may malasakit na grupo at indibidwal upang mailatag ang mga pamamaraan kung paano patatakbuhin ang programa. Sa kasalukuyan, may ginagawa nang hakbang ang DepEd hinggil sa pagbubuo ng materyales, ngunit masyado itong minamadali kahit wala pang naitatakdang ortograpiya sa 11 o 12 wikang panrehiyon, at mabuti na lamang ay may ginagawa nang mga ortograpiya ang KWF. Binanggit din sa panukala ang KWF, ngunit maaaring magkaroon ng problema pagkaraan, dahil bagaman ang mandato ng KWF ay gumawa ng mga pananaliksik para sa pagbubuo ng mga pambansang patakarang pangwika na may kaugnayan sa iba’t ibang larang, ang gayong mandato ay nalilimitahan sa kakulangan ng badyet. Higit na malaki ang badyet na inilaan para sa MLE sa bawat taon (P100 milyon) kaysa sa badyet ng KWF kada taon na umaabot lamang ng P35 milyon. Sa implementasyon ng MLE, ang badyet na laan dito ay halos triple ang laki sa taunang badyet ng KWF at ito ang higit na maglalagay sa alanganin na gumawa ng mga pambansang programa na magpapalakas at magpapalaganap ng Filipino sa Filipinas at ibayong-dagat.

Hindi naman dapat sagkaan ang MLE. Ngunit kung isusulong ito, mabuting isulong ito nang malinaw ang mga parametro at hindi maglalagay sa panganib na maparupok ang paglago ng Filipino sa hinaharap, dahil ito ang idinidiin ng Saligang Batas 1987.

Samantala, ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 855 ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay “nag-aatas sa bawat opisyal at tauhan ng Sandatahang Lakas ng Filipinas na sumailalim sa kurso ng oryentasyon sa kultura, wika, diyalekto, pamumuhay, gawi, tradisyon at kaugnay na bagay sa mga pamayanang pangkultura na pagtatalagahan o pagdedestinuhan sa kanila.” Maimumungkahing palawakin pa ang Seksiyon 3 nito, at ilahok kahit ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA), at ang mga pribado at publikong organisasyong pangwika, pampanitikan, at pangkultura sa loob man o labas ng akademya sa buong kapuluan. Maiuugnay ito sa multi-lengguwaheng edukasyon, ngunit dapat na nagtatampok din sa pagtuturo ng wikang Filipino bilang lingua franca sa buong bansa.

Bagaman simple sa unang malas ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 2639 ni Sen. Manuel “Lito” M. Lapid, na nag-eenmiyenda ng Seksiyon 447 (a)(3)(iv) ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal, ito ay napakahalaga. Kung mapagtitibay, ang lahat ng senyas, paskil, at bilbord na nakasulat sa banyagang wika bukod pa sa Ingles ay dapat tumbasan ng salin sa Filipino o Ingles. May katotohanan at napapanahon ang panukala ni Sen. Lapid, dahil dumarami ang mga restoran, bar, at iba pang establisimyento na ang mga bilbord at paskil ay pawang nasusulat sa Koreano, Tsino, Indian, at Iranian ngunit walang katumbas na salin yaon sa Filipino. Bagaman ipinapalagay na esklusibo ang nasabing mga establisimyento para sa mga dayuhan, hindi umano kinakailangang dumanas ng deskriminasyon kahit ang karaniwang mga Filipino. Sa paliwanag ng butihing senador, ang mga Filipino ay hindi dapat maging banyaga sa sariling bansa, at dapat maiwasang matiwalag at dumanas ng deskriminasyon kahit sa pagpasok sa mga restoran at aliwan.

Kung babanggitin ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1770 ni Sen. Miriam Defensor Santiago, na nag-aatas na gumamit ng karaniwan at payak na wika sa paghahanda ng mga dokumento sa seguro [insurance documents], masasabing higit na makatitipid kung gagamit na lamang ng wikang Filipino at kaugnay na wikang panrehiyon. Maipapaliwanag sa magkabilang panig ang nilalaman ng bawat probisyon ng kontrata o dokumento, at hindi nangangailangan pa ng abogado. Makaiiwas din sumunod sa komplikadong jargon ng Ingles, at maitutuon ang dokumento sa nilalaman, ayon sa pagkakaunawa ng publiko. Higit na makatitipid kung gagamit ng Filipino dahil hindi na kailangan pang dumaan sa Ingles na ang diskurso ay malayo sa hinagap ng Filipino. Ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1859 ni Sen. Santiago, sa kabilang dako, ay nag-aatas naman sa mga ahensiya ng pamahalaan na gumamit ng  karaniwang wika [plain language] sa mga komunikasyon, batay sa itatadhanang alituntunin ng Komisyon sa Serbisyo Sibil sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan. Bagaman maalam sa Saligang Batas, kakatwang nakaligtaan ng butihing senador ang probisyon hinggil sa wikang Filipino ng Saligang Batas 1987. Nakalimutan din ng senador ang Kautusang Tagapagpaganap 335 noong Administrasyong Corazon Aquino, na nag-aatas na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon sa pamahalaan. Kung gagamitin ang Filipino sa mga korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, ani Retiradong Hukom Cezar Peralejo, makatutulong ito nang malaki sa publiko at sa mga empleado ng gobyerno dahil mabubuwag ang moog ng pagkakaunawaang sanhi ng paggamit ng Ingles.

Binanggit ang mga panukalang batas na ito dahil malaki ang implikasyon nito sa pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino. Makabubuting usisain ang bawat panukala, at aktibong makilahok ang publiko sa mga deliberasyon. Sa susunod, maaaring ang wika ng pagdinig sa kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan ay gawing Filipino (o kaya’y tumbasan sa Filipino), habang katuwang na wika ang Ingles at iba pang wikang panrehiyon, para maunawaan ng nakararaming bilang ng mga Filipino, kung gagawa ng panuhay na batas sa Saligang Batas 1987. Hindi dapat maging esklusibo ang usapan. Magandang halimbawa ang sinimulan ni Pang. Aquino kung paano dapat makipag-usap sa mga Filipino, ang makipag-usap nang tapat at alinsunod sa diskurso at wika ng milyon-milyong Filipino.

(Roberto T. Añonuevo. Lungsod Pasig  © 4 Agosto 2011.)
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 155 other followers