Rakrakan

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Gitara, kuha ni Bobby Añonuevo

Kumikislot ang gitara sa sulok ng silid, at narinig ito ng binatilyong marahil ay nagdedeliryo sa pangangarap. Lalapitan niya ang gitara at ang gitara’y lalandi, hanggang ito’y maghunos na eksotikong leopardo na may tinig ng dalagita na kinikilig sa haplos ng simoy at gabi. Aawit ang halimaw na makapupukaw sa kawan ng kambing at itik. Magkakaluskusan sa bakuran ang mga anino, waring laksang panatikong ibig pumasok sa munting teatro at isadula ang sama-samang pagpapatiwakal o sinaunang sakripisyo ng mga basal na katawan. Aawit ang halimaw nang matarling, aakitin nang pabalintuwad ang ilog para tumaog, hahatakin ang mga bato para gumulong o mangagsiguho, at hihigupin ang puno’t palumpong tungo sa sukdulang paglago. Bubukad ang bibig ng leopardo sa mga tipa, at sisinghap sa estalistang kaskas, pukpok, istram, at kalabit. Maglalaro ang mga daliri sa mga kuwerdas na balahibo, tuloy-tuloy, babagal pagdaka’y bibilis, huhugong saka aalingawngaw, at walang pakialam ang musikero kung mapagod ang daigdig sa pakikinig. Sasanib ang musika ng ilahás sa katawan ng kaniyang panginoon. Maya-maya’y maglalaho ang hulagway ng binatilyo. Pagsapit ng madaling-araw, tatakas palayo ang leopardo, matutunghayan ng bokalistang musmos ang pangalan ng kaniyang kuya sa dingding, at maiiwan ang lagdang V ng metalikang rakista—na waring bumabati sa sariwang daigdig.

Ang Sugo

Ipinadala siya ng Tsina sa Filipinas, at bilang iginagalang na akademiko’y napasok niya ang unibersidad ng estado. Noong una’y patango-tango lamang siya, waring muslák at walang alam, ngunit ang totoo’y higit niyang kabesado ang tesawro-diksiyonaryo ni Jose Villa Panganiban kung ihahambing sa karaniwang Filipino. Nanirahan siya nang ilang linggo sa Binondo, lumipat sa kung saang dormitoryo, at kumilos gaya ng matapat na mamamayan. Napangiti siya sa kaniyang pagbabalatkayo. At ang kaniyang utak ay kumislot gaya ng pinakabagong komputador, itinala ang lahat ng dapat itala—mulang aklat, balita, at tsismis hanggang samot na kalakaran, mapa, at dunong—upang pagkaraan ay ipadala sa pamamagitan ng elektronikong simoy tungo sa Peking. Bumigat ang kaniyang balikat at napakabilis ng sandali.  Ganito ba ang puso ng Wakyaw, bulong niya sa sarili. Hanggang isang araw, napaibig siya sa isang binatang kayumanggi; at di-napigil ang mga labi na bigkasin ang pinakamatamis na pagtataksil habang lastág na nagsusulat ng tula sa gilid ng Ilog Pasig.

Ang Bagong Mananakop

Ang Bagong Mananakop

(pagkaraan ng “The Conqueror” ni John Santos)

Mabibigong ikubli ng naglalagablab na paningin
ang balátkayô, na maaaring nakamapa upang saklawin
itong kapuluan at ilihim ang kapalaluan. Mahuhubog
ang maskara sa tuka ng dambuhalang banog, at ang barò
na mahahaba ang manggas ay sinadyang ipinares
sa primera klaseng pantalon mula sa Amerika o Inglatera.
Aagaw ng pansin ang kaniyang duguang korbata
at sapin sa paang tila umaayon sa hilig ng mababang uri.

Tangan ng kaniyang kaliwang kamay ang ulo ng mahiwagang
kabayong nakatulos sa inaari niyang tungkod o setro,
samantalang nakaamba wari palagi ang kanang kamay
na hawak ang klasikong gitara para sa mga bathala.
Kausapin siya, at tutugon siya sa pagpapaalimbukad
ng mga kabalyero. Uyamin siya, at sasaliw ang kaniyang himig
sa pinaghalong hambalos at sintunadong mga kuwerdas.
Ipagkakait niya ang mga ngiti upang lalong bumighani.

Pambihirang katangian niya ang umisip sa loob ng kahon,
at ang kahon na ito ay maaaring apat na panig ang pinto
na bumukas man o sumara ay magbubunyag ng tratado
o konstitusyong kolonyal. De-kahon man ang pananaw,
nasa likuran niya ang bola, kaserola, at baul na magtatakda
ng iba pang anyo ng aliw, lasa, damit, moda, at mahika.
Makitid marahil ang kaniyang tahanan ngunit malawak
ang abot-tanaw, kaya mahubad man ang buong hulagway

ay mapipisang itlog ang iyong sarili at ang bayang minamahal.

The Conqueror, ni John Santos, oleo sa kanbas.

The Conqueror, ni John Santos, oleo sa kanbas.

Ang Pasamano

"Tampuhan," oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

"Tampuhan" (1895), oleo sa kanbas, pintura ni Juan Luna

ANG PASAMANO

(pagkaraan ng “Tampuhan” ni Juan Luna)

Kung makapangungusap ang pasamano, ano ang wiwikain nito
sa binatang malayo ang tanaw? Sasabihin ba nitong, “Ang bigat mo!”
at itataboy ang lalaki palayo sa babaeng minamahal?
Ngunit maaaring ang iniisip ng lalaki’y ang magkaibigan
sa kabilang bahay, at inaasám na mayakap ang sinisipat na dilag.
Samantala’y bumibilis marahil ang tibok ng katabi niyang dalaga,
na halos magbulkan ang dibdib sa paninibugho. At ang panibugho
na parang tiktik ay tatangayin ng hangin, lalabas sa durungawan,
at titiyakin ang agam-agam sa katapatan ng pagtitinginan.

Hanggang sumapit ang prusisyon, at basagin ng musika ang pagdaramdam.

Baka nasamyo ng pasamano ang halimuyak ng baro ng binibini,
at kung ito’y nagkataong multo, maaaring inakbayan o niyakap
nito ang babae na animo’y nagugutom, nahihilo, o wala sa sarili.
Umikli ba ang dila ng babae na nagtampo’t pumikit sa mundo?
Ngunit maaaring naghihintay lamang siya ng abaniko, panyo, tsaa,
at katagang “Patawad!” mula sa kaniyang malikot na kasintahan.
O baka naman mainit ang ulo ng lalaki, at kailangang iraos niya
ang niloloob sa pagpapahangin? Lumalayo kahit ang napakalapit,
at marahil ito ang sasabihin ng pasamano sa ginoong ilahás kung umibig.

Ang Kahon

"Balikbayan Box," pintura ni John Santos

"Balikbayan Box," oleo sa kanbas, pintura ni John Santos

ANG KAHON

(salamat sa “Balikbayan Box” ni John Santos)

Maaaring ang parihabang kahon ay matayog na gusali,
at ang loob ay naglilihim ng mga butong bali-bali.
Nagtataglay din marahil iyon ng tsokolate, prutas, alak,
gamot, damit, kompiyuter, retrato, at kung ano-anong
rekwerdo o pasalubong o bakás ng mga paglalakbay.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang laksang silid.
Buksan ang mga silid at lilitaw ang sumpa at salot.
Buksan ang kahon at mabubuksan ang mga bintana.
Buksan ang mga bintana, at mauulit ang panahon ng pagtuklas.

Maiiwan sa loob ng kahon ang Pag-asa.

Nasa tuktok niyon ang mga aklat ng karunungan o bait
o karanasan na masasagap sa banyagang isla o lupalop.
Sapatos ang palamuti sa garautan, ang sapatos na tumapak
sa entablado at balikat, sa bibitayan at anino upang manaig.
Gawa sa Filipinas ang kahon, ngunit marahil hindi ang laman,
dahil ang anumang umalis sa pantalan o paliparan
ay maghuhunos ng anyo, magpapalit-pangalan, mananariwa
sa pasaporte, retrato, at katauhan. O ito lamang ang nais
mong isipin. May naglaho at maaaring hindi na magbabalik pa.

Ipagugunita ng kahon ang lahat ng balikbayan. At ang balikbayan,
gaya ni Jose Rizal, ay dapat litisin, hatulan, bago kitlin sa Bagumbayan.

Talumpati

Lilisan kayo sa pook na ito tulad ng aklat na nagkabagwis, at lumipad nang balisa kung saan-saan upang dumapo sa palad ng mapagsapalaran. Ngunit taliwas sa aklat na laging naghihintay ng magbubuklat, ang inyong mga katauhan ay higit na aktibo, at maragsa, dahil kayo ang maghahatid ng karunungan sa daigdig. Inaasahan ninyo ang mga manunulat na aakda sa bawat pahina, at magdidisenyo o magbabalangkas ng kahanga-hangang likot ng isip at guniguni. At ngayong sandali, ang mga manunulat ay aalis at iiwan kayong mag-isa, hanggang matuklasan ninyong kaiga-igaya ang pagtayo sa sariling mga paa.

Mapipili ba ng bawat aklat kung sino ang ibig nitong maging awtor? Maaaring oo ang sagot, dahil hindi isisilang ang aklat nang walang kahandaan sa panig ng awtor, at ang awtor ay sasabihing aakitin ng bato-balaning taglay ng mahiwaga’t dibinong diwain. Ngunit kung dibino ang akda, imposibleng ito’y magkamali, at ang pagkakamali o pagkukulang, ay banyaga sa hinagap ng Maykapal. Ang pagkakamali ay maisisisi sa may-akda, at kung ang may-akda ang nagtataglay ng anumang pingas sa dapat sanang sukdulang kaganapan, maglalaho ang kaniyang pag-angkin ng karapatang tanghalíng makalangit magpakailanman. Tanggapin ang pagiging mortal ng awtor.

Kung mapipili naman ng aklat ang karapat-dapat nitong maging awtor, ang akda ay masasabing higit na makapangyarihan kaysa maylikha nito. Iyon ay sa pagkakataong umiiral ang aklat sa kalawakan ng guniguni, at ang papel, tinta, kulay, balát, pagkit, at pisi ay pawang sangay at manipestasyon ng isipan. Bago maging aklat ang aklat ay diwa. At ang diwang ito ay marahang gumagapang sa malalawak na kalye o masisikip na silid, upang hanapin ang karapat-dapat na tao na kayang isatitik ang hinihingi ng mga tanong, haka-haka, at panukala. Magkukutsaba ang simoy at bituin, wika nga, at ang naganap noon ay muling magaganap ngayon na parang dalagang bagong paligo at bagong bihis sa paningin ng kaniyang matapat, pawisang manliligaw.

Sabihin nang hindi mapipili ng aklat ang awtor nito. Isang dahilan ang pagkakataong laksa-laksang aklat ang isinisilang bawat araw, at parang ang awtor ay naghuhunos na dambuhala’t mekanikal na palahian ng tupa o kambing. Ang aklat sa simula pa lamang ay masasabing nakatakdang maging aliwan o palaisipan, alinsunod sa mga manlilikha nito, at habang lumalaon ay sasailalim ang aklat sa mapanuring pagkilatis, kaya ang orihinal nitong pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit ay maiiba alinsunod sa madlang magbabasa. Ang aklat ay walang magagawa kundi lumayo sa awtor nito, at pagkaraan ay muling magbalik sa takdang panahon, upang surutin, sampalin, at hiyain ang kaniyang Maylikha kapag natuklasan ng mga sungayang kritiko ang anumang kagila-gilalas na katangahan.

Humayo kayo, mga kapatid. Lumingon kung kinakailangan, ngunit higit na mahalaga ang pagtuklas sa pasikot-sikot na yungib ng hinaharap. Ilan sa inyo ay maliligaw. Ilan ay mamamatay sa uhaw. At ilan ang papalaring makatagpo ng liwanag na naglalagos sa kisame ng karimlan. May ilan sa inyo ang magtatangkang bumuo ng aklat, ngunit ipagpapauna ko nang hindi lahat ay isinisilang na manunulat. Ang iba ay isinilang upang gumuhit at magdisenyo, samantalang ang iba ay nakatakdang maging artesano ng palimbagan, estante, at sasakyan. Ang iba ay nakatadhanang maging mangangalakal o mamimili, upang ang bawat aklat ay makarating sa palad ng milyon-milyong daliri at paningin.

Huwag mainip kung matagal man matuklasan ang inyong katangian. Kung ang Maykapal ay nakapaghintay ng kung ilang libong taon para sa tao na susulat ng kaniyang kadakilaan, sino kayo para magtampo? Magpaalam, at lumisan kayo sa pook na ito. Manalig sa sarili, sa kapuwa, sa lipunan, at sa kani-kaniyang Maykapal. Bagwisan ninyo ang isip at pangarap, at lumikha ng mga titik na ikararangal ng ating daigdig.

Pag-ibig

1.
Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.

Maghahanap ng paraan ang iyong utak upang itumbas ang tagak na umaalo sa kalabaw na sumusuwag naman sa mga pesteng lamok at langaw. At tatawagin mo itong pangungulila.

2.
Mapapailing ka. Kukusutin mo ang paningin, at animo’y nalipat ka sa mahaharot na silid at malalanding himig. Darating ang serbidor at maghahatid ng mamahaling alak. Lulunurin mo ang sarili sa pambihirang espiritu, ngunit habang tumatagal, ang nalalasing ay ang mga tao sa silid at hindi ikaw. Mawawala sa tono ang musika, at mapapahalakhak ka.

At lalabas ka ng silid na hinahanap ang pag-ibig na nagkatawang tao na handang magsabi ng totoo at totoo lamang, baligtarin man ang mundo.

3.
Minsan, sumakay ka ng eroplano. Nang buksan mo ang bintana upang tanawin ang mga ulap, nakita mo ang samot-saring mukha. Ito si A, ito si B, ito si C, at magwawakas ang alpabeto ng mga pangalan nang hindi mo matatagpuan ang tao na inaasam.

Malupit ang gunita, at kahit ang mga payak na bagay ay nagkakahubog ng makukulay na hulagway upang halinhan ang naglaho at hindi na, hindi na muling magbabalik.

Hulagway

Maaaring ang larawan sa salamin ang larawan ko na gumagalaw gaya ng aking paggalaw. Gumagalaw ang larawan alinsunod sa bilis ng liwanag na pumapasok sa aking balintataw,  at maglalagos ang mensahe tungo sa salaan ng pagtanaw, hanggang lumapag sa utak at kolektibong tau-tauhan.

Kakaway, sisigaw, at maglalakad ang larawan sa salamin. At ang salamin ay magpapabalik ng anyo sa tulad kong nananalamin. Mamamalikmata ang tumitingin, at wari bang ang salamin ay magkakaroon ng sariling katauhan. Kikislot ito gaya ng karaniwang tao, at magtatalumpati sa harap ko.  Matutuklasan ko ang salamin na kumakawala sa aking  de-kahong pananaw, at iiwan ako  mula sa aking  kinatatayuan.

Ang larawan sa salamin ay magiging salamin ng larawan ng aking pananaw. Ngunit darating ang sandali na mabubuhay ang salamin nang hiwalay sa akin, nang tiwalag sa daigdig, nang bukod sa uniberso ng liwanag at dilim.

Magiging palaisipan ang pagitan ng salamin at nananalaming larawan.

Ang salamin ay magwawakas sa pagiging salamin lamang, alinsunod sa aking pagkakasagap. Ang salamin ay tititig sa akin, at makikita sa aking mga mata ang kaniyang hulagway, na animo’y kagila-gilalas at umaatungal na halimaw, na ikasisindak ko. Hanggang magsisigaw ako’t lumayo, at isumpa ang araw ng aking pagkamangha at pagkabaliw mula sa makasariling pagkahumaling.

Politika

Matututo akong tumanggap ng yakap at patalim na ibabaon sa aking likod. Mapatatawad ko ang alibughang anak, ang taksil na kapatid, ang kaliweteng asawa, ang suwail na bayan. Maipamimigay ko ang lahat ng aking yaman sa mga dukha, at aasahan ang pag-ulan ng tinapay mula sa langit. Hindi ako matitinag ng halik na maaaring may kamandag o balani mula sa kung saang lupain. Mangingisda ako, kahit pa ang sumabit sa aking bingwit ay lata ng sardinas o plastik na tsinelas. Tatawid ako ng dagat, at magkakapader ng asin. Magdidildil ako ng asin, at tatalikuran ang pagkagunaw ng lungsod. Naaarok ang lahat, at napagtitiyagaan. Kailangan ang pagbabago, hindi ba? Nakasasawà rin ang labis na pagmamatigas ng ulo, at pagkuyom ng kamao. Kaya bago maturingang sinungaling, hayaang sabihin kong napagagaan ang lahat, at naisasaloob, lalo ang matiim na pakikipagkamay sa iyong pinakamatalik, pinakamamahal na kaaway.

Tatlong Nagkukunwaring Prosa

Sugarol

Isinilang ka’t isinugal ng ina mo ang kaniyang buhay sa tadhana. Lumaki kang dumedede habang mainit ang tong-its, madyong, at binggo sa paligid. Nagbinata ka sa sabungan, upang maglako ng sigarilyo o kaya’y umalalay sa kristo. Nag-aral ka at napahimlay sa saklaan o bilyaran, at mga miron ang humaliling magulang. Nag-asawa ka nang tumama sa lotto. Dumami ang anak mo at ang humihingi ng balato. Umangas ka, pumustura, at dumayo pa sa casino! At ngayong uugod-ugod ka na, nais mo namang makipagpustahan sa demonyo para humaba pa ang buhay sa mundo. Ayaw mong mamatay, dahil alam mo, ang bangkay mo’y dadayuhin ng mga kaibigan mo: Para sa pagbalasa ng kapalaran o kaya’y sa pagtaya ng ikabubuhay. (13 Hunyo 2008 )

∞ ∞ ∞

Sinta

May elektrisidad na kumikisap sa aking hinlalaki, tila nagsasabing, “Magandang umaga sa iyo!” Mag-uunat si hintuturo, magbubunyi sa sandaling ito, at paulit-ulit na iindak sa rabaw ng mesa ko. Makikisalit sa kaniyang kasiyahan si hinlalato, hahalakhak sa pagpapalagitik ng lawas. Magigising si palasingsingan, at sisigaw: “Ano ba iyan? Bakit kayo nag-iingay?” Ngunit sasabat si hinliliit, upang igiit na karapat-dapat ngang makisaya at ibulalas ang di-maipaliwanag, awtomatikong kislot. Ang limang daliri’y magdirikit, at ang palad ay magpapalagapak ng pambihirang palakpak na ang tunog ay lalabas sa aking bintana tungo sa kapitbahay hanggang yumanig sa nananaginip na bayan. At ang elektridad ay patuloy na dadaloy sa pulso, maglalandas sa lilignan, tutungo sa bisig, balagat, balikat hanggang magliyab ang aking buong katawan sa umagang anong kulimlim, ano’t kay-lamig, habang umaabon-ambon, kumukulog-kulog, at ikaw na wala sa piling ko ay isang araw ng tag-araw na aking inaasam-asam sumilay sa aking mamasa-masang balintataw. (9 Pebrero 2007)

∞ ∞ ∞

Oliba

Isang lantang dahon sa bubong ng magarang kotse, isang lantang dahong katumbas ng humaharurot ng pag-iral. Malaya mong isipin ang dahon bilang sagisag ng marawal na kapayapaan, o kaya’y mula sa korona ng iyong ubaning asawa. Ang maganda’y nakalapag iyon sa pambihirang sasakyan, sasakyang ang makina’y umaandar sa isip mong mula man sa Vietnam o Estados Unidos ay kisapmatang nauupos sa pagkasaid ng gasolina. Ay, isang lantang dahon. Ang dahong tatangayin ng amihan mulang bundok tungong kapatagan tungong baybayin, upang ang dahon ay hindi na muling maging dahon, at nang mawakasan ang pangalan o sagisag nitong sagrado, malangis, pantastiko. (11 Hulyo 2005)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers