Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa
http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf
na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Konsepto ng “Balatkayo” sa “Si Tandang Basio Macunat”

Tumutukoy ang “balátkayô” sa masining na pagkukunwari, at paglilihim sa tunay na anyo at katauhan, upang mapaniwala ang sinumang tao na tumitingin. Tumutukoy din ito sa kasangkapan o kasuotang ginagamit upang ikubli ang tunay na anyo ng isang tao o bagay. Mahihinuhang hango sa dalawang salitang pinagtambal ang “balatkayo” (balát+kayo), ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. Malinaw ang una, na katumbas ng panrabaw na balot ng katawan, at nagkukubli sa laman at buto. Kung gagamitin sa punongkahoy, ang “balát” ay katumbas ng “balakbak,” samantalang tumutukoy din sa panlabas na balot sa prutas at katulad. Sa ibang pagkakataon, ang balát ay tumutukoy sa “katad” na hango sa pinatuyong panlabas na balot ng katawan ng hayop, gaya ng baka, bayawak, at buwaya. Samantala, ang kayô ay posibleng hango sa anumang uri ng tela, ngunit kung bakit nag-iba ang bigkas nito at naging maragsa nang gamiting pantambal sa “balát” ay walang makaaalam.

Isang magandang konsepto ang “balatkayo” ng Filipino, ngunit hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin. Sa balatkayo, ang panlabas na anyo, gaya ng damit at alahas, ay siyang humahalili sa tunay na balát [lahi o kalooban] ng tao. Balatkayo ang nagbibigay ng panibagong pagkakakilala sa tao, upang ang taong ito ay maikubli ang anumang inaakalang mababa, marumi, at mahinang kalagayan at lumagay sa antas na katanggap-tanggap sa lipunan. Nagiging sibilisado ang tao sa pamamagitan ng balatkayo, kung ipakakahulugan ang pagiging sibilisado sa pananaw ng makapangyarihan at mapanakop na puwersa. Ngunit ang balatkayong ito ay nagsisilbi ring piitan ng tao, dahil makaiiral lamang siya alinsunod sa pakitang-tao habang ibinabaon sa limot ang likás na katangian ng pagkatao o pagkalahi. Binibiyak ng balatkayo ang tao sa dalawa: ang tunay at ang huwad, ang katutubo at ang banyaga, ang makaluma at ang makabago, ang nayon at ang lungsod, ang panloob at ang panlabas.

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

Magagamit ang balatkayo bilang kasangkapan ng pananakop sa paglikha at pagbuo ng mga teksto at kahulugan. Halimbawa, ang Filipina ay gumaganda sa bisa ng pampaputing tabletas o krema o sabon, ayon sa anunsiyo sa telebisyon. Walang katumbas umano ang maputing balat, at magmumukhang bata o sariwa ang sinumang may-edad. Nakakaligtaan sa gayong pagpapahiwatig na may angking rikit ang pagiging kayumanggi, na halos kumislap ang balat kapag tinamaan ng sinag, at ang pagiging makinis na waring pinahiran ng langis ay walang bahid ng pekas o bálat. Ngunit higit pa rito, ang usapin ng lahi ay nauungkat, dahil ang mga kayumanggi ay hinahatak na pumasok sa balatkayo ng kinathang diwaing “puti” alinsunod sa padron ng banyaga upang maging katanggap-tanggap sa lipunan at daigdig.

Isa pang katangian ng konsepto ng balatkayo ay inilalantad nito ang nais lamang na ilantad, yamang hindi maitatago sa publiko ang lahat. Pinipili sa ilang pagkakataon ang mga katangiang katanggap-tanggap sa panig ng makapangyarihan at mapanakop, nililinang ito, habang kasabay na inilalantad ang mga katangiang papabor at ginagamit ng naturang makapangyarihan at mapanakop. Ang ganitong taktika ay masasabing pagbubuo ng ibang anyo—at ang tao, kalagayan, at pangyayaring pawang nakabalatkayo ay nagkakaroon ng isa pang bukod na pag-iral, upang ang balatkayo ay hindi manatiling balatkayo bagkus isang pumipintig na diskurso, paniniwala, at kalakaran ng naghaharing estado.

Nagiging makapangyarihan ang balatkayo dahil ang punto de bista ay laging nakaayon sa pinaniniwalaang “tunay at totoo.” Ang katotohanang ito ang sisikapin ng sakop na kamtin, at yamang nasa mababa siyang posisyon at salát sa kapangyarihan o lakas, ay tatangkain niya kahit sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ang abutin ang posisyong kinaiinggitan. Dito nagsisimula ang paghina lalo ng posisyon ng sakop, samantalang rumirikit ang pananakop. Ang pananakop, sa kabilang dako, ay nagkakahugis din ng kakatwang pagbabalatkayo, dahil ang realidad na nais nitong ipamalay sa lahat o maging sa malawak na lipunan o daigdig, ay naiiralan ng dogmatikong paniniwala upang mapanatili ang kaayusan at kumbensiyon.

Maihahalimbawa sa pagsusuring ito ang kuwentong “Si Tandang Basio Macunat” (1885) ni Fray Miguel Lucio y Bustamante na Fransiskano. Umiinog ang istorya sa salaysay ni Gervacio Macunat, alyas Tandang Basio, na nakilala noon ng isang paring Kastila sa Tanay, na dating sakop ng distrito ng Morong (na nakapaloob ngayon sa lalawigan ng Rizal). Tumira nang dalawang linggo ang naturang pari sa Tanay, nakilala si Tandang Basio, at sa kanilang paghuhuntahan ay naungkat ang usapin ng pagtungo sa Maynila upang mag-aral ng wikang Kastila at pagkadirektorsilyo. Nayamot si Tandang Basio dahil sa isyung iyon, at inilahad pagkaraan kung bakit siya nagalit.

Inilabas ni Tandang Basyo ang isang kasulatan na naglalaman ng buhay ng pamilya ng mag-asawang Don Andres Baticot (Kabesang Dales) at Donya Maria Dimaniuala (Kabesang Anggi). Nagkaroon sila ng mga anak na sina Prospero (Prosper) at Felicitas (Pili). Pinaaral ni Kabesang Dales si Prospero sa Maynila dahil nainggit ang binata sa kaniyang mga kaibigan. Tumutol noon ang kaniyang kapatid na si Pili, alinsunod sa payo ng kura paroko, dahil sa paniniwalang ang pag-aaral sa Maynila ay makapagdudulot ng pagkapariwara ng mga taganayon. Ngunit hindi ito sinunod ng Kabesang Dales, at binigyan ng laya at layaw ang anak na magtungo sa Maynila upang magpakadalubhasa sa wikang Kastila at iba pang larang. Ngunit imbes na mag-aral ay narahuyo si Prospero sa paglalakwatsa at pambababae sa loob ng apat na taon, hanggang mapatalsik sa paaralan at magkabaon-baon sa utang dahil sa bisyo at layaw. Nakulong ang binata, ngunit pipiyansahan ng kaniyang magulang, kahit magbenta ng ari-arian. Nangakong magbabago si Prospero, ngunit ilang linggo ang lumipas ay nagbalik muli siya sa bisyo at pambababae, hanggang magkasakit ang kaniyang ama dahil sa sama ng loob. Muling magsisisi si Prospero ngunit uulit ang kaniyang di-mapigil na kasamaan, makukulong muli, at nang piyansahan siya ng kaniyang ina ay naging katumbas iyon ng pagkatunaw ng lahat ng kanilang ari-arian. Hinatulang mabilanggo si Prospero sa Balabac at doon na namatay. Namatay din si Pili sa labis na kapighatian, at nalibing lamang dahil sa tulong ng kaniyang mga kaibigan, samantalang nakitira ang kaniyang inang si Maria sa kaanak bago namatay.

Matingkad na iginigiit ng kuwento na may nakatadhana sa tao. Ang mga Tagalog at Indio (mapang-aglahing tawag sa sinumang katutubo) ay nakatakdang gumanap nang habambuhay bilang magsasaka at hindi umano sila nababagay mag-aral ng wikang Kastila at iba pang larang. Nakapahiyas ito sa maling paniniwala ni Antonio Macunat, ang ama ni Tandang Basio, nang wikain na: “Ang mga Tagalog, ang mga Indio baga na humiwalay kaya sa kalabaw ay kadalasa’y nagiging masama at palamarang tao sa Diyos at sa Hari.” Tumutukoy ang “Diyos” sa Katolisismo, samantalang ang “Hari” ay sa pamahalaang Kolonyal.

Sa tekstong “Si Tandang Macunat,” ang pagbabalatkayo ay maaaring simulan sa mga payo ng pari kina Kabesang Andres at Pili, na ang pag-aaral ng wikang Kastila at pagkakamit ng mataas na edukasyon ay nababagay lamang sa mga piling tao o lahi. Bagaman sa unang malas ay waring malaya ang sinumang Tagalog na mag-aral alinsunod sa edukasyong tinatamo ng mga Kastila, ang ganitong kalayaan ay sinasagkaan ng prehuwisyo na hindi kaya ng utak ng Tagalog na tanggapin ang kaisipang banyaga. Ibig sabihin, bobo ang mga Tagalog. At yamang bobo ang mga Tagalog, wala silang kahihinatnan kundi magpalayaw lamang, at lustayin ang salapi at panahon sa pagpapalayaw ng katawan.

Tumitingkad ang pagbabalatkayo sa payo ng pari dahil ang tanging magagawa ng Indio ay magkamit ng mabuting ugali, magdasal nang magdasal, at sapat na ang matutong bumasa, bumilang, at bumigkas sa sariling wika at manatili sa munting daigdig lamang. Babanggitin ng pari na 90 porsiyento sa 100 ng mga taganayong nag-aral sa Maynila ay napapariwara lahat, at masuwerte na ang 10 porsiyento na nakaligtas sa gayong tadhana. Hindi susuriin sa kuwento ang datos na nagmula sa pari, at iiwasang ipaliwanag na may iba-ibang karanasan o panahon ang mga kabataan at kung sumapit man sila sa kabiguan ay walang makapagsasabi na dulot nga iyon ng bisyo at kapabayaan. Dinaraan ang pangangatwiran sa mapanlagom na paraan, at ang ganitong balikong lohika ang tatanggapin ng pamilya ng Macunat. Pinipintasan din ng pari ang ugali ng mga maykayang pamilya na paaralin sa Maynila ang kanilang mga anak, “kahit sintigas ng batubalani ang kanilang ulo at wala silang kabait-bait.” Ano ang ibig sabihin nito? Mahina ang kapasiyahan ng mga taganayong Tagalog, kaya dapat silang manatili sa nayon.

Ang pagbabalatkayo ay matatagpuan din sa katauhan ni Prospero. Magsisimula ang pahiwatig sa pangalang “Prospero,” dahil ang pahiwatig ng pagiging sagana ay hanggang sa pangalan lamang. Maglilihim si Prospero sa kabuktutang ginawa niya sa Maynila, at kung nabigo man siya ay hindi dahil mahina ang kaniyang ulo bagkus dahil sa bisyo at layaw. Ang pagbabalatkayo ni Prospero ay magsisimula sa kaniyang pamilya, tatawid sa mga babaeng kaniyang niligawan at inangkin, at tutuloy sa mga tao na kaniyang inutangan. May panlabas na anyo si Prospero bilang estudyante, na panandaling hahangaan ng kaniyang kababaryo at kaklase, ngunit magwawakas sa oras na mabunyag ang katotohanan. Ang pagkakabunyag sa kalokohan niya ay magdudulot ng pagkabilanggo, kahirapan, kahihiyan, at pagkawala ng dangal.

Makikita ang pagbabalatkayo kahit sa katauhan ni Pili. Dinaraan ni Pili sa dasal ang lahat, at ang kaniyang tadhana ay laging nakaatang sa Maykapal na hindi nakikita. Magiging halimbawa siya ng pagiging tapat na relihiyosa, ngunit ang katumbas niyon ay pananatili sa estado ng pagiging mangmang at limitado ang saklaw. Magiging sagisag na hadlang si Pili, at iyon ay hindi lamang sa gaya ni Prospero, kundi sa sinumang Tagalog na ibig mag-aral at abutin ang posibilidad ng karunungang maaaring taglayin ng sinumang tao. Samantalang nililinang ni Pili ang panig ng moralidad, kinakaligtaan naman niya ang isang kalikasan ng tao. At ito ay ang mag-aral, at higitin ang utak at talento, tungo sa mga antas na malayo sa hinagap ng karaniwang tao.

Pagbabalatkayo ang ipamamalas kahit ng mag-asawang Kabesang Dales at Kabesang Anggi. Gagawin nila ang lahat, mailigtas lamang sa kahihiyan ang kanilang pamilya at anak. Ang pagbabalatkayo nila ay kaugnay ng pagtatakip na mapanatili ang kanilang dangal, yamang tinitingala sila sa kanilang nayon. Ngunit ang pagbabalatkayo ay katumbas ng pagkaubos ng kanilang yaman, dahil kailangan nilang bayaran kahit ang mga utang at piyansa ng anak. Tanga kung gayon ang mag-asawa dahil nabigo silang supilin ang anak at maisalba ang ekonomiyang kalagayan. Ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin ay kamatayan.

Ang konsepto ng balatkayo ay magwawakas kahit sa usapin ng wika. Ang mga Tagalog ay para sa Tagalog lamang umano, at wala silang kakayahang mag-aral at magpakadalubhasa sa ibang wika. Isa itong kabulaanan na pailalim na idinidikdik ng kuwento, at kung susundan ang paliwanag ni Marcelo H. del Pilar, ay ginagamit itong meme upang ang mga Tagalog ay manatili sa abang kalagayan. Ang masaklap, ginamit sa kuwento ang talinghaga ng “Ama” na kakatawanin ni Kabesang Dales at ng mag-amang Antonio at Gervacio Macunat, upang ang balighong paniniwala ukol sa edukasyon ay mapanatili at magkaroon ng awtoridad, at maisalba ang kapangyarihan ng relihiyon at pamahalaan palapit sa mga nasasakop nitong mamamayan.

Sa unang malas ay humihikayat ang akda ni Bustamante na magkamit ng mataas na edukasyon ang mga Tagalog. Ngunit isang balatkayo lamang iyon para sabihing ang sinumang pumitas at kumagat ng prutas mula sa punongkahoy ng karunungan ay masasawi, dahil ang prutas ay para lamang sa mga pinagpala ng Maykapal.

Ang prehuwisyo laban sa edukasyon ay tataglayin ni Hermana Penchang sa nobelang El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal. Sa masisteng paraan, inilahad sa nobela ang balikong pananaw ng hermana ukol kay Juli, na sinisisi dahil sa pagkabihag kay Kabesang Tales. Aakalain ni Hermana Penchang na naligaw ng landas si Juli, “at magpapakita rito ang demonyo sa anyo ng isang mag-aaral.” Ang mag-aaral ay walang pasubaling humuhugot ng pahiwatig kay Prospero, at sa iba pang pangahas na kabataang nais magkamit ng mataas na edukasyon. Naniniwala ang hermana na maililigtas si Juli ng aklat na Si Tandang Bacio Macunat. Hindi iyon magaganap, dahil mabubunyag sa hinaharap ang balatkayo ng lahat.

Halaman sa Tadyang

Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.

Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.

Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.

Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.

Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.

Matulaing Katha ni Manuel Principe Bautista

Mahigit animnapung taon na ang nakalilipas nang unang malathala sa mga magasin at pahayagan ang karamihan sa mga kuwento ni Manuel Principe Bautista, ngunit ang kataka-taka’y tila bulaklak iyong nananariwa tuwing babalik-balikan ng sinumang mahilig sa panitikang Tagalog. Ang tinutukoy kong mga kuwento ay nakapaloob sa Ang Bahay sa Kabila ng Daan (Mga Katha) na hindi ko alam kung kailan ilalathala ng Ateneo de Manila University Press.

Binubuo ng labingwalong kuwento ang kalipunan ni Bautista. Labingwalong kuwento na matipid sa mga salita ngunit hitik sa mga pahiwatig; na masinop ang pagkakahabi’t halos tawirin ang hanggahan ng tulang-tuluyan (prose poem); na mayaman sa paglalarawang maisasalin sa kambas ng pintor o sa maiikling pelikulang eksperimental. Walang inaksayang mga salita si Bautista, na mahihinuhang ginamit ang disiplina ng tula upang humugis ng pambihirang paraan ng pagsasalaysay.

Magkakasanga ng magkaibang pahiwatig ang lunan ng Usling-Bato sa “Sa Ibang Daigdig” at “Alaala.” Hinggil sa patpating manunulat na sumasariwa ng mga akda ang una, samantalang ang ikalawa’y kay Marcia na nagbubulay sa nakalipas. Kung paano pinihit ni Bautista ang daloy ng dalawang kuwento ay matutuklasan sa pahiwatig na mga larawan doon sa Usling-Bato.

Ang paglalarawan ng mga tagpo ay magpapahiwatig sa maaaring maganap sa mga tauhan. Halimbawa, sa “Ang Bahay sa Kabila ng Daan,” ang pagpapagawa ng malaking bahay sa kabilang kalye ang maghuhudyat ng inggit sa mga dukhang nakatira sa magkakatanikalang barong-barong. Ngunit sa dulo ng kuwento’y isa pa lang hinihinalang kriminal ang nakatira sa malaking bahay. Ang “inggit” ng mga dukha ay hindi tuwirang buburahin upang wakasan ang kuwento, bagkus sa paglalarawan ng tagpong hitik sa mga pahiwatig:

Naging walang patlang ang anasan. Ang bulungan ay lalo lamang naging magulo sa kanyang pandinig. Lumayo siya sa karamihan ng tao. Bumagtas. At muling tumayo sa tabi ng sunog na haligi ng kanilang barong-barong at buong pagkaunawang hinagod ng tingin ang magandang bahay sa kabila ng daan….

Ang ingay ng bumulabog sa mga dukha sa unang bahagi ng kuwento’y maparikalang binaligtad sa wakas. Binulabog naman ang mayaman ng mga anasan ng taumbayan, at iyon ay parang pagganti na rin sa ginawang pambubulahaw ng mayaman sa mga dukha. Walang tahas na pangangaral na matatagpuan sa mga kuwento ni Bautista. Sapat na ang paglalarawan ng mga tagpo upang madama ng mga mambabasa ang ibig ipahiwatig ng malulungkot o masasayang pangyayari.

Ang nasabing taktika ng paglalahad ay mababanaagan din sa “Krus na Patpat” na ang libingan ay naging lunsaran ng mga babaeng nagbibili ng aliw. Mababatid ang hiwatig ng mga usapan ng mga belyas kung babalikan ang makasaysayang Santa Ana Cabaret, na galante ang mayayamang kostumer; at ang sementeryo na dinadalaw ng mga naulila. Maiuugnay ang mapaglarawang paglalahad sa paggamit ng kapana-panabik na mga tagpo, gaya sa isa pang kuwento, ang “Fighting Dodo,” na hinggil sa boksingero na pinipigilang magboksing ng kaniyang esposa. Kung gaano kabangis si Dodo sa loob ng ring, ay gayon din kalambot ang kaniyang puso basta misis ang pinag-uusapan. Ang kapana-panabik na tagpo ay nakatimo rin sa “Nakatunghay ang Diyos sa Lupa,” na ang pagbubuno ng dalawang lalaki ay wawakasan ng tanglaw ng plaslayt ng mga pulis.

Marunong ding magpatawa si Bautista, ngunit daraanin niya iyon sa maparikalang paraan. Maihahalimbawa ang “Ang Lihim ng Liham” na ang istorya hinggil sa pag-iibigan ay ibinibitin upang ipasok ang katawa-tawang tagpo hinggil sa lalaking manunulat. Taliwas iyon sa seryosong “Ang Artista” na ang kabaliwan at katanyagan ay nabubura ang hanggahan.

Saludo ako kay Manuel Principe Bautista magpahangga ngayon, at hayaan ninyong tagayan ko siya sa modernong panahon.

Krimen at kaligtasan sa koridong Prinsesa Florentina

May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.

Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.

Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya, ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.

Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.

Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.

Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.

Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//

Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.

Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).

Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.

Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.

Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.

Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.

Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.

Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.

Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.

Dalawang babae, dalawang pag-ibig, ayon kay Genoveva Edroza Matute

Maraming kuwentong naisulat si Genoveva Edroza-Matute, at sabihin nang marami rin ang sablay o mabuwáy, ngunit ang ilan sa matatagumpay niyang kuwento ay nalathala noong 1948-1949, may 60 taon na ang nakalilipas, ang panahon ng kaniyang kasibulan. Ang panahon ng pagsibol ni Matute ay kaugnay ng nagbabagong anyo ng lipunang Filipino, na dumanas ng digma at nagbihis ng liberal na pananaw na hatid ng Amerikanisasyon, samantalang nagsisikap ang mga manunulat na Filipino noon na maitakda ang wikang pambansa at ang mataas na pamantayan sa pagsulat ng katha.

Sa “Ang Kuwento ni ‘Mabuti’” (1948), inilarawan sa punto de bista ng isang mag-aaral ang katauhan ng kaniyang gurong kung tawagin ay si “Mabuti” dahil sa nakagawian nitong simulan ang bawat pangungusap sa katagang “mabuti” tuwing magtuturo sa klase sa elementarya. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang tagapagsalaysay ay hindi muslak na bata, bagkus batang naghunos ang kamalayan upang maunawaan ang inililihim ng kaniyang gurong ang bana’y may ibang pamilya. Ang nasabing lalaki’y ibinurol sa ibang bahay nang mamatay, at mahihinuhang ang guro ay kabit ng naturang lalaki. Ang parikala ng kuwento’y ang taguring “mabuti” ay lumalampas na sa dating pagtanaw na “mabuting babae,” dahil ang babae na bagaman ulirang guro ay nagkakamali rin, at nalilinlang, at nadudungisan.

Maiisip na ang tagapagsalaysay sa kuwento ni Matute ay isang tao na nagbabalik sa kaniyang kabataan, at ang kaniyang paggunita ay walang bahid ng panunumbat, paghuhusga, at prehuwisyo. Ngunit ang nasabing tao rin ay masasabing hindi karaniwan, at posibleng babae rin, dahil tanggap niya ang katauhan ni Mabuti, at bukás ang isip sa komplikasyon ng mga relasyong pampamilya. Ang maganda sa kuwento’y iniiwan sa mambabasa kung ano ang magiging epekto ng pagkakatuklas sa buhay ng guro, at ang parikala’y ang guro na nagtuturo ay naging tulay mismo upang maituro sa mambabasa ang lihim at dilim na kaniyang nadarama.

Ngunit may isa pang kuwento si Aling Bebang, ang palayaw ni Matute, na dapat pag-ukulan ng pansin ng iba pang mahilig sa panitikan. Iyon ay walang iba kundi ang “Isang Araw sa Kawalang-Hanggan” (1949). Sa nasabing kuwento, si Gilda na hinubog sa tradisyonal na paraan ng kaniyang magulang ay ibig kumawala sa maka-lalaking pagkakahon ni Joven, na kaniyang kasintahang sumáma at nakipagtanan kay Rita. Nais ni Joven ang rikit at landi ng isang babaeng liberal ang pag-iisip, at bukás sa pakikipagtalik, gaya ni Rita at siyang ayaw ni Gilda. Ngunit si Gilda noon ay may pangarap na makatapos ng pag-aaral at umangat ang kabuhayan, at ipinagpaliban muna ang tawag ng laman. Dumating ang sandaling nagkaroon ng malubhang sakit si Joven, at nagdalawang-isip si Gilda kung dapat pa niyang dalawin ang dating kasintahan. Nagwakas ang kuwento na lumabas si Gilda sa silid ng ospital, luhaan, subalit nagpapahiwatig ng paghuhunos ng sarili tungo sa bagong katauhang kumakawala sa makitid na pagtanaw ng mahinang si Joven.

Payak lamang ang kuwentong ito ngunit higit na matagumpay kaysa sa kuwento hinggil sa guro. Pulido ang taktika ng paglalarawan sa tagpo sa ospital; sa pagkabiyak ng kalooban ni Gilda hinggil sa kaniyang propesyon; sa pananaw sa sinaunang kaugalian; at sa pagtanaw sa konsepto ng pagiging liberal sa pakikipagkarát sa lalaking minamahal. Ang higit na maganda’y ang pambungad na talata ng kuwento hinggil sa “kalamigan” ni Gilda sa pakikipagrelasyon ay winakasan ng isa pang naiibang “kalamigan” ng loob sa dulo ng kuwento, subalit nasa higit na mataas na antas na ang talinghaga o pahiwatig. Ang “kalamigan” ay hindi nangangahulugan ng pagkakait sa sarili ng ligaya o kaya’y pakikipagbalikan sa dating kasintahan. Bagkus ang nasabing “kalamigan” ay pagwawakas sa baluktot at sinaunang pananaw na sentimental na pagpapakamatay sa lalaking minamahal, kahit ang lalaking iyon ay tarantado sa sukdulang pakahulugan. Ang paglayo ni Gilda kung gayon kay Joven ay simula ng pagkakatuklas niya ng kapangyarihan bilang babae. Ang babaeng hindi magpapailalim sa kapangyarihan ng lalaki, ang babaeng may kakayahang humanap ng bagong kaligayahang hindi impotente o marupok na gaya ni Joven. Ang babaeng handang magmahal ng kaniyang sarili sa matuwid na paraan nang hindi isinasakpisyo ang dangal o pangalan. Ang gayong tiwala sa sarili ay lihis sa nakamihasnang iyaking babae na dating pinaniniwalaan sa lipunan.

Balita ko’y mahina na ang katawan ni Aling Bebang dulot ng katandaan o sakit, at siguro’y makabubuti kung madalaw siya sa kaniyang tahanan. Panahon na upang muli siyang parangalan bago tuluyang mamaalam sa mundong ito, dahil ano man ang bigat ng kaniyang pagkukulang ay tiyak kong hihigtan ng kaniyang matapat na pag-ibig sa ating sariling wika at panitikan.

Ang siste sa “Ale-aleng Namamayong”

May 82 taon na ang nakararaan nang sulatin at mailathala sa Sampagita ang tulang “Ale-aleng Namamayong” (1926) ni Julian Cruz Balmaseda. Maituturing ang tula na laan sa mga bata, at ang himig nitong mapagpatawa ay pinagagaan ang dating ginagawang pagpapalipad-hangin ng mga binata sa dalagang sinisinta o inaasinta.

Sa “Ale-aleng Namamayong,” ginamit ni Balmaseda bilang lunsaran ang isang awiting bayang pinamagatang “Ale, aleng Namamayong,” ngunit binago, pinahaba, at hinugisan ng ibang pagdulog hinggil sa pagsinta. Ang buong tula’y binubuo ng apat na saknong, at bawat saknong ay may tig-aanim na taludtod. Bawat taludtod ay may sukat na lalabing-animing pantig, na ang hati (caesura) ay sa tuwing ikawalong pantig (8/8), at binagayan ng pandulong tugmang isahan (aaaaaa, bbbbbb, cccccc, dddddd), at may antas na karaniwan. Lumilihis ang naturang tula sa usong-uso noong awit na tiglalabindalawa ang pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na pinatanyag ni Francisco Balagtas, at ang sukdulan ay noong panahon ng balagtasan (1924–1935). Heto ang buong tula:

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng naglalakad!
Sumilong ka pong sandali at ang ula’y lumalakas,
Halika po muna rini sa ilalim ng tayakad
At nang ikaw po ay hindi maligo sa hindi oras;
Ang alampay mo po’y baka maging lamping walang tigas,
At ang kulot na buhok mo, kung mabasa’y mauunat.

¡Ale-aleng namamayong! ¡Ale-aleng nagdaraan!
Magpahinga ka po muna at malakas pa ang ulan,
Saka ka na po magtuloy sa layon mong parurunan
Kung ang ulan ay tumila’t matuyo na ang lansangan. . .
Kung sakaling gabihin ka’y akin ka pong sasamahan
At tuloy ihahatid ko saan man ang inyong bahay.

Ale-aleng namamayong! Kung ikaw po ay mabasâ
Ay tutulas pati pulbos na pahid sa iyong mukha,
Ang baro mong bagong pinsa’y sapilitang manglalata’t
Ang puntas ng kamison mo ay sa putik magsasawa. . .
At pati ng butitos mo, ang kintab ay mawawala
Pag naglunoy na sa agos ng tubig na parang baha.

¡O, magandang Aleng Kuwan! ¡Ale-aleng namamayong!
Kung ikaw ay nagpipilit na sa lakad ay magtuloy,
Baga man at sa lansangan ang tubig ay lampas-sakong,
Isukob mo sana ako’t sa payong mo ay isilong. . .
Pag ako ang kasama mo, ulanin ka mang maghapon
Huwag ka lamang mabasa, ako na ang maglulunoy.

Ang buong tagpo’y masisipat sa paningin ng personang lalaki na nakasilong noon sa isang tayakád. Ang tayakad ay isang uri ng silungang yari sa nipa, at maitutumbas sa waiting shed ngayon. Mula sa tayakad, ang paningin ng persona ay dadako sa paparating na babaeng naglalakad at nakapayong, at magsisimulang maglaro ang guniguni ng persona kung paano mapapalapit sa binibini.

Ayon sa tula, may  maganda’t pustoryosang babaeng naglalakad sa lansangan, at nagkataong nagsisimulang bumuhos ang ulan noon. Ngunit nagpatuloy sa paglakad ang babae yamang nakapayong, kaya inamuki ng persona ang dilag na sumilong muna sa tayakad na kinaroroonan niya. Inilahad pagkaraan ng persona ang mga dahilan kung bakit dapat sumilong ang babae: lalambot ang alampay na pinatigas ng almirol, mauunat ang ayos ng kulot o pinakulot na buhok, maghuhulas ang meyk-ap o pulbo, manlalata ang baro, mapuputikan ang kamison, at maglalaho ang kintab ng butitos na botang pambabae.

Matindi ang panghihikayat ng persona, at ihahatid pa umano nito ang babae sa uuwiang bahay.  Subalit suplada ang babae, kaya nanambitan muli ang persona na siya na lamang ang isukob sa payong, at ulanin man umano sila sa buong maghapon ay handang maglunoy sa baha ang personang lalaki huwag lamang mabasâ ang babae.  Ano ang ibig sabihin nito? Handang kargahin ng persona ang babae, lusungin ang baha, huwag lamang matigmak sa putik o tubig ang babae.

Ang maganda sa tula’y ang pagpapatawa ng makata ay nakatuon sa personang lalaki, at hindi sa babae. Magpapahangin ang lalaki, at bibiguin naman siya ng babae. Sakali’t pumayag na isukob ng babae ang lalaki ay iyon na ang simula ng pananagumpay ng lalaki. Magwawakas na bitin ang tula, marahil upang ipabahala sa babaeng pinatutungkulan ang magiging sagot sa pahiwatig ng persona.

Ang ganitong uri ng pagpapalipad-hangin ay hindi na uso ngayon. Ang babae’y hindi na inaawitan ng “Ale-aleng Namamayong” at mabilis pa sa kidlat ang pagtatagpo ng lalaki at babae sa pamamagitan ng pagkudkod (i.e., internet chatting) o pagtawag o pagteteks sa pamamagitan ng selfon.

Sa kabila ng lahat ay may matutuhan pa rin sa ganitong uri ng tula. Una, ang isang lumang awiting bayan ay maaaring kasangkapanin para lumikha ng bagong tula. Ikalawa, ang pagpapatawa ay hindi laging nakatuon sa pinatutungkulang babae, bagkus sa personang lalaki mismo. Ikatlo, at kaugnay ng ikalawa, ang tula ay hindi kinakailangang laging seryoso, at isang teknik ang paggamit ng siste sa paglalahad ng mga pangyayari. Ikaapat, ang paningin ng persona ay maaaring gamiting parang kamera upang ilarawan ang bagay, tao, tagpo, o pangyayari. Ikalima, ang tinig na nananambitan ay hindi rin laging seryoso, at kahit ang pag-amuki ay mahahaluan ng kalikutan ng guniguni.

Itinuturing na tulang pambata ang “Ale-aleng Namamayong” ni Julian Cruz Balmaseda, at maaaring tingnan ngang ganito. Ngunit may kakayahang umigpaw din ang tula ni Balmaseda sa pagiging tulang pambata lamang, at umabot sa mataas na sining ng paghihiwatigang may kaugnayan sa panunuyo. Ang pananambitan ay makapagpapamalas ng kapangyarihan ng salita, at ng tiyaga, sa paghuli ng loob ng babaeng ilalaban ng patayan ng sinumang binata, umulan man o umaraw, o tumindi ang init sa sangkalupaan.  

Prehuwisyo at Kamangmangan

Magkaugnay ang pusod ng prehuwisyo at kamangmangan, at malimit isinisilang ang prehuwisyo dahil sa kamangmangan. Ang kamangmangan ay maaaring hatid ng kasalatán—kung hindi man sinasadya o di-maiiwasang pagtanggi—sa pagsagap ng mga bagay na maaaring pumasok sa limang pandama. Ang kamangmangan ay maaaring magsimula sa sarili na nagkaroon ng gawîng batay sa hinuha o kutob na pawang maisasalin sa pananaw o panlasa sa isang bagay. Habang tumatagal, ang kamangmangan ay maiwawasiwas na sandata upang banggain ang establisadong karunungang unang nabatid o natuklasan ng iba. Ngunit upang manatiling buháy ang kamangmangan, kailangang isilang nito ang prehuwisyo na siyang magiging taliba at tagapamansag ng anumang lihis sa lohika. Tulad ng karunungan, ang prehuwisyo ay makapaghuhunos na binhi na maitatanim, mapalalago, at maipalalaganap sa pasalita o pasulat na paraan.

Hindi lahat ng pumapasok o sinasagap ng limang pandama ay awtomatikong magrerehistro ng karunungan sa isang tao, at mababatid ito sa mahabang saliksik ng mga siyentipiko. Ang pagbabasa ng nobelang Filipino, gaya ng Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, ay hindi mangangahulugan ng kagyat ng pagkakaunawa sa banghay o tauhan para sa sinumang nahirati sa panitikang Ingles o Espanyol o Mandarin. Sa pagitan ng limang pandama at utak ay may salaan, wika nga ni Silvino V. Epistola, at ang salaang iyon ay may kaugnayan sa ating pagkamamamayan at pagkabansa, o sabihin nang “pagka-Filipino.” Makatutulong aniya ang salaang iyon sa pag-unawa ng ating panitikan.

Idaragdag ko sa winika ni Epistola na maaaring lumitaw ang prehuwisyo sa “salaan” na nasa pagitan ng pandama at utak. Sa simula’y maaaring mikrobyo ang prehuwisyo na marahang ngumangatngat sa naturang salaan, hanggang ang naturang salaan ay mabutas na magiging sanhi upang makapaglagos sa isip ang pagsagap sa mga bagay nang hindi gaanong napag-iisipan. Bago pa man magbasa ng isang katha o tula o dulang Filipino ay posibleng makadarama na ng pambihirang pagkayamot, pangamba, o pagkamuhi ang mambabasa sa gayong uri ng akda dahil hindi niya agad maarok ang kaniyang binabasa. Maaaring isumpa agad niya ang nobela at husgahang pangit ang pagkakasulat niyon—kahit hindi pa ganap na natatapos basahin ang nasabing nobela—at sabihing malayo iyon sa estetikang ang pamantayan ay paggamit ng mga salitang magagaan, gaya sa peryodiko, na maaaring kayang maunawaan ng isang estudyanteng nasa ikatlong taon ng mataas na paaralan.

Lulubha ang prehuwisyo kapag ang puna ay lumalampas sa inihahaing diskurso ng akda. Hindi pa ganap na nasusuri, halimbawa na, ang nobela ni Hernandez ay ilalahok sa usapan ang konsepto ng elitismo sa pagsulat na maaaring namamayani sa hanay ng mahuhusay na manunulat; o kung hindi’y kathang-isip lamang ang lahat. Ang gayong pakana ay paglihis sa binubuksang diskurso hinggil sa nobela at pagpaling sa dinamikang nagaganap sa sirkulo ng mga manunulat at pagpaloob sa usapin ng malikhaing pagsulat na kinakasangkapan ang estilo at salitang magagaan. Mapapakamot ng ulo, kung hindi man bayag, ang sinuman kapag susundan ang palundag-lundag na banat—na matataguriang punang hitik sa prehuwisyo.

Kawawa ang nobelang gaya ng Mga Ibong Mandaragit kapag sinapol ng prehuwisyo. Hindi makasasagot ang nobela sa mga maling paratang; o kaya’y makapagsasaad ng konteksto hinggil sa pagkakasulat niyon, hangga’t walang darating na isa o dalawa o higit pang kolumnista, kritiko o blogista upang pabulaanan ang sinasabi ng kolumnistang may prehuwisyo.  Kumikislot ang prehuwisyo, at sa kisapmata’y makapag-aanyo itong makamandag na ulupong na makatutuklaw, saka makapapatay ng pangarap, sa sinumang kabataang naghahanap ng modelo ng nobela o kuwento o tula na pawang makaaaliw at makapagdudulot ng dunong. Walang pinipiling edad o kasarian o propesyon ang prehuwisyo. Sa mata ng  kolumnista o peryodista, maligoy ang panitikan, at ang ganitong ligoy ay hindi nababagay sa pormula ng pahayagan. Mas payak, mas maganda.

Sa bibig ng isang kolumnista, ang prehuwisyo ay may kakayahang madamitan ng pagtatanggol ng magulang para sa kaniyang minamahal na anak, ngunit itatanggi ng magulang na taglay niya ang prehuwisyo. Ang prehuwisyo ay maibubuga gaya ng tani-tanikalang retorikang tanong—na ipinanghahalili bilang paliwanag—na maaaring wala namang sagot o kaya’y nagkukubli ng pagkayamot sa matataas na uri ng panitikang lumalampas sa itinatakda ng de-kahong pagtingin sa  buhay.

Mainipin ang prehuwisyo at lumilikha ito ng halimbawa na ang saliksik ay hanggang internet lamang o paggalugad sa Google, at ang talambuhay ng manunulat  ay nagwawakas sa hatol ng Kataas-taasang Hukuman. Ang prehuwisyo ay pag-aakala na ang Mga Ibong Mandaragit ni Hernandez ay hinggil lamang sa pananakop ng Hapones, na isang kabulaanan, dahil ang alusyon at pahiwatig niyon ay hindi lamang lumalampas sa pananakop ng mga dayuhan sa Filipinas bagkus umuusig din sa mga Filipinong senador, obispo, heneral, gobernador, abogado, hukom, propitaryo, peryodista, sosyalera, at iba pang maykaya sa lipunan.

Ang prehuwisyo ay pagtatambis ng dalawang akda at paghahambing ng dalawa o higit pang estilo o wika upang palitawin ang pagkiling sa isang panig nang walang masusing pagtalakay sa magkakaibang polong pinagmumulan ng mga panig. Higit sa lahat, ang prehuwisyo ay maangas na pagtuligsa sa nakaraan, at pagpapanukala ng marapat na kabaguhan, nang hindi ganap na nauunawaan ang pagsasalikop, pagsasalimbayan, at pagtatagisan ng kasaysayan ng panitikan at ng kasaysayan ng bansa. Lumilikha ng sariling multo ang prehuwisyo, at ang multong ito ang lalabanan at katatakutan mismo ng tao na nauulapan ng kuro-kurong walang batayan.

“Walang may monopolyo ng repolyo’t katwiran,” wika nga ng makatang Rio Alma, ngunit aangkinin pa rin ng prehuwisyo ang pagkakataong lagumin nang napakabilis ang panitikan na parang iisa lamang ang anyo at ang gahum na dapat pagsumundan ng kabataan. Sumusugat lamang ang prehuwisyo dahil nakahahatak ito ng ibayong kamangmangan, at ang multiplikasyon ng gayong kamangmangan, na kapag ipinataw sa panitikang Filipino, ay makapagpapatindi ng pagkaligta sa sarili, ng pagbura sa ugat at kaligiran, at ng paggamit ng salitang “Filipino” hanggang sa salita lamang ngunit ang totoo’y umiimbulog na banug sa himpapawid, at dadagitin pagkaraan ang madlang nangangapa sa sariling panitikan.

Pinahihinto ng prehuwisyo ang kakayahan ng tao na mag-isip, magsuri, at magpasiya nang may bait.

Hindi kinakailangang makipag-away sa sinumang kolumnista sa diyaryo. Ano pa ang silbi ng demokrasya kung hindi pakikinggan ang kabilang panig? Subalit sa oras na ipinid ang isip, at ilihis ang daloy ng usapan mula sa orihinal na puntong binuksan, ay magsisimula ang balitaktakang walang katapusan. Mabuting halimbawa ang pitak ukol sa Mga Ibong Mandaragit at hinagpis sa sistema ng pagtuturo hinggil sa pagpapalaganap ng kamangmangan, prehuwisyo, at inseguridad ng isang kolumnista, at siyang makapagbubukas ng isip at karunungan sa  mga karaniwang mamamayang walang pitak, walang tinig, walang pangalan sa akademya man o pahayagan. 

Mga Ibong Mandaragit at prehuwisyo sa panitikang Filipino

Kahanga-hanga ang artikulo ni Connie Veneracion sa pahayagang Manila Standard Today (“The Birds of prey and Batjay,” 29 Abril 2008), at muling inihayag niya ang kaniyang prehuwisyo laban sa kapuwa panitikan at wikang Filipino nang walang pangingimi sa angking katangahan. May kaugnayan ang kaniyang artikulo hinggil sa nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez, at aniya’y hindi madaling arukin.

Umaangal si Veneracion na hirap na hirap daw maunawaan ng kaniyang anak ang nobela. Nagtuwang pa umano si Veneracion at ang kaniyang mister sa pagbasa ng nobela ngunit nabigo sila dahil sa “mabibigat” na salitang inilahok ni Hernandez sa akda nito, kaya nakapagbitiw pa ng malulutong na mura ang magkabiyak. Idinagdag pa ni Veneracion ang kaniyang pananaw at panukala hinggil sa paggamit ng mga “salitang magagaan” na mabilis na makapaghahatid ng mensahe sa mambabasa.

Ang totoo’y mahirap lamang ang nobela ni Hernandez sa mga tao na walang tiyagang magbasa sa Filipino, at sa mga tao na laging nauulapan ng prehuwisyo ang isip laban sa panitikang Filipino. Madali lamang basahin ang nobela ni Hernandez, kung tutuusin, at malaki ang iniungos nito sa Tagalog halimbawa nina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Peña. Kung baga sa pelikula, ang nobela ni Hernandez ay hindi purong drama, bagkus nalalahukan din ng kaunting libog, katatawanan, bakbakan, at iba pang usapang makukulay. Ngunit higit pa rito, taglay ng nobela ang masinop na paglinang ng mga tauhan, ang pagtatagni-tagni ng mga kapana-panabik na pangyayari, at ang malalim na imahinasyon sa pagpapasalikop ng kathang-isip at realidad o ng mito at kasaysayan.

Ang Mga Ibong Mandaragit ay umiinog sa buhay at pakikipagsapalaran ni Mando (na dating si Andoy) na dating tauhan ng pamilya Montero. Lumahok siya sa digmaan laban sa mapanakop na Hapones, at nakilala pagdaka si Tata Matyas, na nakababatid na may katotohanan umano ang kayamanang itinapon ni Padre Florentino sa dagat, at siyang nakapaloob sa nobelang El filibusterismo ni Jose Rizal. Mahihimok si Mando na hanapin ang kayamanan, at nang masisid niya ito’y ginamit pagkaraan sa pagtataguyod ng peryodikong Kampilan at sa pagtatayo ng Freedom University, na tinaguriang “pandayan at palihan ng mga kabataang makabansa.” Nakipagtulungan si Mando kay Dr. Sabio, na makabayang intelektuwal at edukador, upang baguhin ang sistema sa lipunang pinamumugaran ng mga bulok na propitaryo, politiko, relihiyoso, at hukom. Sa pagwawakas ng nobela, mahihiwatigan ang pananagumpay ni Mando at ni Magat (na dating punong gerilya) sa pagbubuo ng maláy na pamayanan ng mga magsasakang handang igiit ang kanilang karapatan sa mapaniil na pamilyang Montero.

Ang “ibong mandaragit” sa nobela ni Hernandez ay hindi na ang dating de-kahong banyagang mananakop, gaya ng Espanyol, Hapones, at Amerikano. Naghunos iyon sa katauhan ng mga politiko at kakutsaba nilang pawang Filipino na pinaghaharian ang mga dukha, mangmang, at mahina. Sinasala din sa akda ang diyalohikong ugnayan ng mga puwersa, uri, at kabuhayan sa lipunan—sa pamamagitan ng masining na usapan o diwain ng mga tauhan—at  naghahain ng mga posibilidad sa kapalaran ng sosyalistang pangangasiwa, kung hindi man pamunuan.

Nahihirapan lamang sa pagbasa ang gaya ni Veneracion dahil halatang hindi siya nagbabasa ng panitikang Filipino; o sadyang ayaw niyang magbasa ng mga akdang Filipino, kahit pa magmagarang mahusay siyang magsulat o magsalita sa Filipino. Dahil kung nagbabasa nga siya, ang diskurso ng Ingles ay hindi niya ipipilit sa diskurso ng Filipino. Magkaiba ang polo na pinagmumulan ng dalawang wika. Dagdag pa rito’y magkaiba rin ang kasaysayan ng panitikang Filipino at ng Ingles, at hindi makatwirang laging gamitin sa pagsusuri ang lente ng Ingles o banyagang panitikan sa pag-aaral ng panitikang Filipino.

Pinuri ni Veneracion ang nobeletang The Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, at itinambis pa pagkaraan sa nobela ni Hernandez. Ang totoo’y hindi maihahambing ang nasabing akda ni Hemingway sa nobela ni Hernandez, dahil intelektuwal at makabayan ang pagdulog ni Hernandez kompara sa baryotikong mangingisda-kontra-sa-higanteng-marlin ni Hemingway. Kung babasahin ni Veneracion ang salin sa Filipino ni Jesus Manuel Santiago sa naturang akda ni Hemingway, matatauhan marahil ang butihing abogada sa elegansiya at lalim ng Filipino, bukod sa maiisip na higit na maganda ang salin kaysa orihinal na akda sa Ingles.

Ang panukalang “mga salitang magagaan” ni Veneracion ay sintomas ng kaniyang antas ng panlasa sa panitikan. May mga panitikang sadyang magagaan, ngunit ang gayong “gaan” ay ikinukubli lamang ang masalimuot na loob at diwa ng akda. Ang “gaan” sa panitikan ay matatagpuan hindi lamang sa paglalahok ng mga ngangayunin at balbal na salitang gaya ng sa mga akda ni Batjay (Jay David) o ni Jun Cruz Reyes. May kaugnayan din iyon sa antas ng diskurso ng mambabasa sa diskursong taglay ng manunulat. Mahirap lamang basahin ang isang akda kung ang mambabasa ay walang tiyagang arukin ang mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng mga salita, at kung sadyang tiwalag siya sa mga tayutay at sayusay o ugat at kaligiran ng kaniyang binabasa.

Salita ang bumubuhay sa mga manunulat at sa kanilang mga akda. Ang pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika ang instrumento ng mga manunulat upang makalikha ng mga dakilang akda. Bakit dapat mangimi kung malalim ang bokabularyo ng isang nobela o tula? Kinakailangan bang laging ibaba ng manunulat ang kaniyang pamantayan upang umabot sa mababang pamantayan ng mga mambabasang ang totoo’y wala naman? Hindi ba nakalulugod na magbasa ng mga akdang lampas sa mga de-kahong banghay at pormula, at makapagpapataas sa pagtingin sa pagkatao o pagkabansa?

Kung talagang binasa ni Veneracion ang nobela ni Hernandez, nasagap sana niya ang matalim na obserbasyon ng kritikong si E. San Juan Jr. sa epilogo ng nobela:

One last word: It is indeed an anomaly that this epilogue to a novel whose single, concentrated aim is to define the possibilities of freedom for a Filipino is written in the language of a former colonizer. Languages have each their own myths, history, and ideological orientation. And English is no exception. English, given its present decline and obsolescence in the nation, can never really express the native psyche, the Filipino experience in its place and time, as sincerely and effectively as (F)ilipino, except perhaps by dental and negation. One may suggest that nothing of any value can be gained except through denial and renunciation; but what value for human communication and communion can there be in falsehood or deception? I submit that this novel introduces itself on its terms as a work of art possessing in its form and texture a host of manifold implications that immediately transcend the realm of art. Mga Ibong Mandaragit is the first Filipino novel that has succeeded in giving us the true, disturbing image of ourselves and our experience.

Walang kakayahan ang gaya ni Veneracion na ipakahulugan ang panitikan para sa mga Filipino. Bagaman malaya niyang gamitin ang wikang nais niyang gamitin, at sa pakiwari niya’y madaling mauunawaan ng madla, hindi naman nangangahulugan iyon na dapat na nating ipinid ang pinto sa mga panitikang hahamon sa ating mambabasa para mag-isip at magsuri nang malalim. Kung hanggang mabababaw na panitikan lamang ang ating babasahin ay mananatili tayo sa gayong antas: mababaw. Walang mawawala sa pagbabasa ng mga dakilang panitikan—malalim man ang bokabularyo nito o hindi—kundi ang ating taglay na katangahan.

Hindi maibubukod ang wika sa mga dakilang panitikan. At mamamatay lamang ang ating wikang Filipino kung susundin natin ang payo at prehuwisyo ng mga demagogo na ang wikang Filipino ay laan lamang sa mga panitikang mabababaw at madaling maarok, kung hindi man tsismis, kabalbalan, at kuro-kurong walang batayan.

Kaugnay na Akda
Prehuwisyo at Kamangmangan

Haibun: Balintunang Pagpapalaya sa Panulaang Filipino

May mga bagay na kailangang patusin, at isa na rito ang sanaysay na “Haibun: Panimulang Pagpapakilala at Pagpapalaya sa Panulaang Filipino” ni Reuel Molina Aguila na nalathala sa Likhaan 2007 na pinamatnugutan ni Jose Dalisay Jr., at inilathala ng UP Institute of Creative Writing. Kahanga-hanga ang akda ni Aguila, dahil taglay nito ang balintunang pagpapalaya sa panulaang Filipino at ang hilaw na panggagagad sa tulang Hapones sa pamamagitan ng lihis na lohika.

Ipinagyabang ni Aguila na ang kaniyang natuklasang “haibun” ay sinamang palad na hindi kinasangkapan sa Filipino ng mga modernistang makata noong nakalipas na panahon. At mahihinuhang marapat siyang pasalamatan dahil sa pagpapakilala nito sa Filipinas.

May apat na katangian umano ang “haibun”. Una, ito ay isang anyo ng pagtulang nagsasanib ang “tula” at ang “prosa.” Ginamit niya ang halimbawa ni Matsuo Munfusa (Matsuo Basho) na ang mga tala sa paglalakbay ay nilangkapan ng haiku. Ikalawa, ang “haibun” ay nagtataglay umano ng katangian ng pagiging maikli, mapaglarawan, at maligoy sa pagsasaad ng diwain. Ikatlo, nagkakatulungan umano ang prosa at ang tula, na ang haiku ay lumalagom, kung hindi man nagpapaalingawngaw, sa isinasaad ng prosa. At ikapat, ang “haibun” ay “nagsisimula sa personal na karanasan.”

Tumuloy pa si Aguila sa kaniyang banat sa mga modernistang makatang Filipino—na laging nakatingin umano sa kanluran—saka nagmungkahing ang “bagong anyo” ng haibun ay magagamit sa pagpapalago ng panulaang Filipino at malayang magiging kasangkapan ng sinumang tao. Sa ganitong pananaw, ang haibun ang mistulang tulay upang pagdugtungin ang madla at ang tula o makata.

Isang panukalang inobasyon ni Aguila ang pagtatala ng karaniwang karanasan, gaya sa diary; at ang pagkasangkapan sa dagli at tanaga upang makapagluwal ng bago’t isina-Filipinong “haibun.”

Marupok na tumbasan
Nakaligtaan ni Aguila na iba ang wikang Hapones at ang wikang Filipino. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng dalawang wika, at hindi maikakahon ang Filipino sa napakasikip na padron ng wikang Hapones. Isa sa mga katangian ng Filipino ang kabulaklakan ng wika, at iyon ang maghahatid ng pambihirang pahiwatig at musika, at mahirap tumbasan kahit ng wikang Hapones. Ang elegansiya ng Tagalog, kung hindi man Filipino, ay nasa kabulaklakan, at hindi sa pagkakahon ng Hapones na malayo sa kultura at kinagisnan ng Filipino.

Ang kaniyang pahayag na “Simpleng-simple ang haibun, gaya ng masining na kapayakan ng mga tulang Hapones at Tsino” ay mapanlagom. Una, payak man ang anyo ng gaya ng haiku, hokku, o tanka ay napakahigpit at napakarami namang panuto nito. Kung hindi bihasa sa wika—o kaya’y hindi dalubhasa sa paraan ng pagsasakataga o pagdalumat—ang sinaunang Hapones ay tiyak na hindi siya makasusulat ng haiku o hokku o tanka. Ang karaniwang ginagawang panggagagad ng mga makatang Filipino ay karaniwang nasa anyo lamang; at ang sinaunang silbi at ubod ng tula ay nakakaligtaan. Ikalawa, ang prosang haikai na sinipi ni Aguila mula kay Beth Vieira ay mapaglarong prosang nauso noong dulo ng panahong piyudal sa Japan, at kung ano man ang orihinal na silbi nito para sa mga maharlika o timawa ay naghunos na sa paglipas ng panahon at kinargahan ng iba’t ibang pagpapakahulugan alinsunod sa nais na pagkasangkapan ng mga mambabasa. Ang sinaunang silbi ng prosang Haikai ay malayo na sa kasalukuyan, at bukod dito’y maitatangi iyon sa pambihirang dagli o katha sa Tagalog kung hindi man Filipino. Ikatlo, ang “mapaglarawan at kongkretong imahen” na taglay ng haibun ay hindi kataka-taka sa wikang Hapones dahil ang mismong anyo ng titik o salitang Hapones ay may katumbas o halos gagarin ang anyong inilalarawan o isinasaad nito, gaya ng “punongkahoy” o “halaman” na ang karakter ay anyong punongkahoy o halaman. Naiiba ang hagod ng paglalarawan sa mga sinaunang bugtong o salawikain o ambahan dahil nakaayon ang larawan alinsunod sa masisilayan sa paligid at sa pag-uugnay niyon sa pahiwatig o pakahulugang matalik sa kaisipan ng isang liping bubuo ng kolektibong diskurso. Ikapat, ang “pansariling tala” na ginagawa noon ng mga makatang Hapones ay iba ang pinagmumulan at sanhi kung ihahambing sa ngayon, gaya halimbawa ng pag-arok sa espritwalidad. Hindi iniisip halimbawa ni Basho na ang kaniyang tula ay tatangkilikin ng sambayanan; nagmumula si Basho sa personal na anggulo at naghuhunos lamang ang pagsagap sa kaniyang mga tula dahil sa ibinibigay ditong pagpapahalaga, pagpapakahulugan, at pagpapahiwatig ng madlang bumabasa sa iba’t ibang panahon.

Lalong lalabo ang paliwanag ni Aguila nang sipiin niya uli ni Vieira hinggil sa pakahulugan ng makabagong haibun: “Haibun as a form is in transition and still being developed.” Kung ang makabagong haibun ay nasa yugto ng paglilinang, may pahiwatig si Aguila na hindi dapat magpahuli ang makatang Filipino at kailangang makipagsabayan o magsimulang manghiram, gaya ng Amerikano. Ngunit malabo kung anong uri ng haibun ang inaangkat ni Aguila, at ang pagpapahiwatig na ang ginagawa ni Aguila at kapanalig ay isang uri ng modernong haibun ay dapat na timbangin dahil maaaring nasa wikang Filipino lamang ang bersiyon ng haibun ni Aguila at iba pa subalit walang iniungos sa mga klasikong haibun noong nakalipas na panahon.

Kung malinaw ang pagkasagap ni Aguila, maaaring tingnan niya ang haibun sa punto de bista ng tao na nagmumula sa Kanluran na tumitingin papaloob sa Japan. Kung sisipatin naman mula sa loob ng Japan, ang haibun ay isa nang ganap na anyo at tula na umuunlad lalo sa paglipas ng panahon. Kung naabot na ng haibun ang sukdulan ng kaunlaran sa loob ng Japan, ang pagpapalaganap nito sa ibang bansa ay maituturing na pagpapatuloy na lamang sa kumbensiyong nasimulan na sa Japan; o kaya’y pagsasanga ng ibang uri ng haibun na maaaring aampunin ng Filipino at siya namang pagtatakhan ng Hapones. Sa ganitong pananaw, ano pa ang silbi sa pagsunod sa haibun?

Ang pagtingin ng Filipino ay maaaring hindi nalalayo sa pananaw ng gaya ni Vieira. Una, banyagang anyo ang haibun, at kung kakasangkapanin man ito sa Filipino ay dapat mabatid ang pinagmumulan nito. Sa himig ni Aguila, ang haibun na nasa Asya ay ipinapalagay na dapat mabatid muna ng mga makatang Filipino dahil Asyano rin ito. Kaugnay niyon ang palagay na marapat maalam ang Filipino sa gayong anyo dahil malapit ang Filipinas sa Japan. Muli, adelantado ang ganitong haka-haka dahil iba ang pinagmumulan ng Filipino kaysa Hapones, lalo sa paglago ng wika at panulaan, kahit sabihin pang malapit ang pook ng Filipinas sa Japan. Ang nasabing haka-haka ay tila pagsasabing dapat maalam din ang Hapones sa gaya ng tanaga, diona, at dagli ng Filipino na pawang magagamit—o dapat gamitin—sa pagpapalago o modernisasyon ng panulaang Hapones. Ang natalisod ni Aguila ay ang “anyo” ng haibun, ngunit nabigo naman siyang ipaliwanag kung paano ang ganitong anyo—na dapat sinisipat nang higit pa sa anyo—ay kayang “makapagpalaya sa panulaang Filipino.”

Mababanggit dito ang madilim na relasyon ng Filipinas at Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya ang mismong pagkasangkapan sa isang anyo ng tulang Hapones ay mababahiran ng pagdududa at maituturing na halos pagmamano na rin sa banyagang panginoon. Kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng Filipinas at ang kasaysayan ng panitikang Filipinas, maaari talagang mahuli ang Filipinas kaysa Estados Unidos dahil halos wala nang mabalikang ugat ang Amerikano kaya naghahanap na lamang ito ng sariwang impluwensiya mula sa ibayong dagat na makapagpapalago sa estado sa panulaang Ingles. Subalit naiiba ang karanasan ng Filipinas. Naiiba rin ang karanasan ng mga makatang Filipino sa mga makatang Hapones, lalo sa yugtong may mga makatang Hapones na bahagi ng imperyo at nakalaan sa pagbibigay ng aliw sa mga maharlika. Taliwas ito sa mga Filipino, na ang tula o sabihin nang epikong bayan ay nagsisilbing tala ng lipi upang maipagpatuloy ang mahabang ugat ng naturang lipi o pamayanan.

Pagsagap sa panukalang haibun
Ang panukalang inobasyon sa anyo ng haibun, na imbes na prosang haikai at tulang haiku ay gagamitin ang dagli at tanaga, ay isa na namang adelantadong panukala. Ipinapalagay sa ganitong tumbasan na hindi nagkakalayo ang “dagli” at ang “prosang haikai.” Ngunit ang totoo’y napakalayo ng agwat ng dalawa, at humawan ng sariling landas ang “dagli” na naghunos ang anyo sa iba’t ibang paraan. Ang problema kay Aguila ay hindi niya nilinaw kung ano ang uri ng dagli na ipagsasalikop niya sa tanaga. Ipinapalagay din dito na ang tanaga, bilang katutubong anyo ng tulang Tagalog, ay alam ng mayorya ng Filipino kaya madaling gawin. Na hindi naman totoo. Ang tanaga o dagli ay hindi pa lubos na napag-aaralan sa Filipinas—kahit may pangunang pag-aaral sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario—at kung ano man ang kumbensiyonal at di-kumbensiyonal na pormula nito ay dapat pang mabatid ng masa.

Ang haibun bilang anyo at balangkas ay maaaring makapagdagdag sa paglago ng panulaang Filipinas. Gayunman, hindi nito ganap na mapalalaya ang panulaang Filipino dahil sa maraming limitasyon. Ang haibun ay dapat tingnan hindi lamang sa panig ng panghihiram ng banyagang anyo o porma ng tula, dahil kung ganito ang gagawin ay magiging panrabaw na aspekto lamang ang “kabaguhan.” Mahalaga ang panloob na dinamika ng haibun, at kung paano nagsusuhayan, nagsasalungatan, at nagsasalikop ang prosa at ang tanaga o diona o dalit—kaugnay ng mga diwain, talinghaga, at dalumat nito—ang dapat pang ipaliwanag ni Aguila. Kung paano sasagapin ng Filipino ang haibun ay isang tanong na marapat ding isaalang-alang.

Problematiko rin ang pakahulugang kombinasyon ng prosa at tula ang “haibun,” kung susundan ang paliwanag ni Aguila. Sa naturang pakahulugan, hindi pa natutukoy ni Aguila kung ano talaga ang haibun at umiiral lamang ito sa panrabaw na pagsipat na pinagsasalikop ang prosa at ang tula. Paimbabaw pa rin ang pagkilala ni Aguila sa haibun. Kung pinagsasalikop nga ang prosa at ang tula, maaaring walang hanggahan ang prosa at ang tula; kaya maaaring mabura ang pagkaprosa ng prosa o kaya’y mabura ang pagkatula ng tula. Ang maiiwang hulagway ay alanganing prosa o tula na lihis sa pakahulugan ng sinaunang tulang Tagalog, at humahangga sa posmodernong pagkilala ng kanluran. Samantala, ang mahihinuha lamang sa paliwanag ni Aguila ay ang panlabas na “anyo” na haibun. Nababalaho si Aguila sa mga termino, at ang nakaligtaan niya ay ang esensiya ng haibun para sa mga Filipino.

Mapanghimasok din ang paggigiit ng haibun sa panig ng Filipino dahil ipinapalagay dito na ang mayorya—kung hindi man ang lahat—ng Filipino ay maalam sa anyong prosa gaya ng dagli o pasingaw o tulang tuluyan, o kaya sa mga tulang may tugma at sukat, gaya ng tanaga o dalit. Na isang kabalintunaan. Kung ipagpapalagay na hindi nga ganap na batid ng mayorya ng Filipino ang kanilang katutubong uri ng tula o prosa, ito ay hindi dapat isisi sa mga makatang tarikan dahil ang tula ay talagang dapat pinag-aaralan nang malalim. Dapat sisihin ang sistema ng edukasyon at ang mababang uri ng promosyon ng tulang Filipino na hangga ngayon ay hindi makatakas sa baryotikong Marc Loganismo ng ABS-CBN. Hindi uunlad ang panulaang Filipino kung laging nakatingin sa masa dahil ang masa ay hindi maaasahan sa gayong pagpapakadalubhasa sa haibun yamang iba ang priyoridad at pangangailangan nito sa buhay.

Ang pagturing sa haibun bilang kasangkapan ng masa sa mabisang paglilinang ng tulang pasulat ay dapat pang ibitin sa ngayon. At marahil ay kailangang sagutin o ipaliwanag ito ni Aguila nang walang bahid ng romantisadong pagtingin sa madla o masa.

Madaling makalulusot si Aguila dahil ang kaniyang pamagat ay “panimulang pagpapakilala” lamang ng haibun. Kung ito nga’y isang pagpapakilala, magiging adelantado muli ang kasunod nitong deklarasyong “at pagpapalaya sa panulaang Filipino.” Ipinapalagay sa gayong pahayag na hindi malaya ang panulaang Filipino dahil maaaring “kontrolado” ng mga makatang nasa pedestal, at kung gayon, lumilihis na sa dating silbi nitong dapat kaluguran at kapulutan ng kaalaman ng masa. Mahihinuha sa winika ni Aguila na ang pagkabilanggo ng panulaang Filipino ay hindi dulot ng pansariling katangian nito, gaya ng masikip na padron o balangkas, kundi nasa panig ng mga makata o tagapagpalaganap ng tula o kaya’y tagapaglathala ng tula. Mapanlahat ang ganitong palagay na nangangailangan ng sapat ng patunay na lalampas sa pagsipi kina Virgilio S. Almario, Rogelio G. Mangahas, at Bienvenido Lumbera.

Ang gayong kuro-kuro ni Aguila ay mapapawalang-saysay, dahil ang tulang Tagalog—o ang ibang tulang nasusulat sa wikang lalawiganin—ay dumaraan sa yugto ng pagbabago mulang pabigkas tungong pasulat at palimbag. Maaaring malawak at mabilis ang pagsapit ng mga tulang pambigkasan sa madla ngunit ang gayong paraan ay panandalian lamang. Sa kabilang dako, ang tulang nakalimbag ay tumatagal at nag-iiwan ng bakas upang patuloy na litisin, basahin, at sagapin sa kung ano-anong paraan. Sa gayong pagkakataon, ang tula ay nagiging kasangkapan o relikya upang lalong magpatalas sa isip ng mambabasa, makapagpalago ng wika, at makatulong sa pagluluwal ng iba pang tula. Walang iisang anyo ng tula, at ang panukalang ang haibun ang magpapalaya sa panulaang Filipino ay isang kabaliwan dahil nasa estado ng pangangapa ang pagpapaliwanag ni Aguila hinggil dito kung itatambis sa mga nalathala nang tula sa Filipino, Tagalog, at iba pang lalawiganing wika.

Saliwa rin ang paratang ni Aguila na ang mga makatang modernista, gaya nina Rio Alma, Rogelio G. Mangahas, at Lamberto E. Antonio, ay laging nakatingin sa kanluran. Ang totoo’y ang nasabing mga makata’y matagal nang tumititig sa Filipinas upang maitanghal iyon sa madla at mabuo sa malikhaing paraan ang minimithing kabansaan ng mga Filipino. Ang kakatwa’y mapagduduhan ang mismong pakana ni Aguila, dahil kahit nagpapanukala siya ng haibun na ang anyo ay mula sa katutubong anyo ng gaya ng sa Tagalog at prosang gaya ng dagli, nanghihiram lamang ng pangalan si Aguila sa Hapones imbes na lumikha o humanap ng salitang maitutumbas sa uri ng tulang nasasaisip niya. Kaya nang sabihin ni Aguila na:

Maitatanong, ang paggamit ba ng haibun ay isa ring pag-aangkat? Marahil. Ngunit maaari ring sabihing ang panulaang Tsino at Hapones ay may malaking pagkakahawig sa mga naunang pamamaraan ng pagtula ng ating mga ninuno.

Walang pasubaling nag-aangkat ng banyagang padron si Aguila. Kung may pagkakahawig man sa tulang Filipino o Tagalog ang tulang Tsino at Hapones ay hanggang bilang lamang ng pantig sa bawat taludtod dahil gaya ng nasabi kanina, magkasalungat ang polong pinagmumulan ng wikang Tagalog o Filipino kompara sa wikang Tsino o Hapones. Maipapanukalang ang paggamit ng haibun ay dapat ituring na gaya ng paggamit o panghihiram ng iba pang banyagang anyo ng tula. Ngunit nanghiram man ng gayong banyagang anyo, hindi ibig sabihin nito na ang pagsulong ng panulaang Filipino ay sanhi lamang ng panghihiram o panggagagad bagkus kaugnay ng iba pang bagay, gaya ng inobasyon at pagtuklas muli ng mga katutubong tula at pananalinghaga ng Filipino.

Ang pagtatala ng “pang-araw-araw na paglalakbay” na mithi ni Aguila para sa haibun ay nagawa na noon pa man hindi lamang sa tulang Filipino kundi sa iba pang uri ng panitikan, gaya ng kuwento, nobeleta, nobela, at dula. Kung may bahid ng politika ang tinutukoy ni Aguila, ang naturang paglalakbay ay lalong titingkad dahil hindi kumakawala ang mga makatang Filipino sa gayong ugat. Marahil ang nasasaisip ni Aguila ay ang blog, na ang lahat ng paglalakbay o karanasan mulang kama hanggang opisina tungong kung saang kalsada, ay itinatala at ipinakakahulugan at pinipilit ipalunok ang lahat ng kaululan sa sinumang mambabasang nagkataong nasagap ang gayong akda.

Kaya umanong baklasin ng haibun ang “elitismo” sa pagtula. Ngunit kung babalikan ang kasaysayan ng mga makatang Tsino at Hapones, maraming makata noong nakalipas na panahon ang nagsilbi sa mga dinastiya upang kaluguran ng mga maharlika. Ang elitismo na isinasakdal ni Aguila ay wala sa mga nagmomonopolyo ng pagsulat ng tula bagkus nasa sumasagap ng tula. Dapat ding isipin na may iba’t ibang uri at antas ng tula, at bagaman malayang makapamili ang sinumang makata kung ano ang gagamiting anyo, uri, at antas, ang kahusayan ay hindi sumasapit na parang pag-ulan ng tinapay dulot ng himala. Mataas na sining ang tula at pagtula, at kahit ang mga halimbawang haibun na sinulat ni Aguila at inilakip sa kaniyang sanaysay ay kakikitaan ng elitismo dahil sa pagiging personal—na itinatangi sa iba pang personal na karanasan ng mambabasa.

Ang mismong paggamit ng salitang “haibun” ay simula ng pagpasok sa diskurso ng Hapones o Tsino; at ng paglalatag ng pormalisasyon ng gayong anyo ng “mala-tula, mala-prosa.” Na hindi makatwiran sa panig ng tulang Tagalog o Filipino dahil ang tulang Tagalog—kung hindi man Filipino—na dumadaan sa mahabang transpormasyon ay dapat sipatin bilang tulang Tagalog o Filipino sa pananaw ng mga Tagalog o Filipino at malayo sa pagsasakataga at pagpapakahulugan ng Ingles o Hapones o Tsino. Patuloy na lumalarga tulad ng rolyo-rolyong pelikula ang panulaang Filipino at kung ano man ang magiging wakas nito ay makatitiyak na hindi ito mababalaho sa pinauusong haibun ng mga aktibista. Isang kuwit lamang sa mahabang yugto ng panulaang Filipino ang pagsulpot ng haibun, at kaululan kung iisiping ito ang makapagpapalaya ng panulaang Filipino gayong hindi malinaw kung ano ang alternatibong ito kompara sa mga naunang tulang Filipino. Ano’t anuman, malaya si Reuel Molina Aguila na gumamit ng haibun, at tumula na gaya ni Basho, dahil ang tula ay hindi lamang “para sa mga anito’t Maykapal.”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 121 other followers