About these ads

Estetika at Pagtanaw hinggil sa Dalawang Lungsod

Maaaring tanawin ang lungsod sa iba’t ibang paraan, at isa sa rito ang pagtatanghal sa punto de bista ng isang tagalungsod na dumadama sa loob ng lungsod at tumatanaw papalabas ng sakop nito at tanging siya lamang makababatid. O kaya’y tingnan ang lungsod mula sa labas nito, nang sa gayon ay mabatid ang kabuuan ng lungsod na hindi mababatid ng tao na nasa loob nito at ang sipat ay limitado. Ang ganitong pagtanaw hinggil sa lungsod ang ipinamamalas ng mga tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Charles Tuvilla at “Talà” ni Phillip Kimpo Jr. Heto ang sipi ng dalawang tula:

Sa Unang Ulan ng Mayo
ni Charles Tuvilla

1 Ito ang pangungumpisal ng lungsod. Gabay
2 ang baha sa mga kasalanan ng tag-araw
3 tungo sa mga esterong barado, habang sinisipon
4 ang pantalong nakasampay sa balikat

5 ng bukas na bintana. Sa isang garahe, umaapaw
6 sa tubig-ulan ang swimming pool, hinihika na
7 mula nang ito’y muling inilabas at pinalobo.
8 Ang nagtatampisaw ngayon ay mga tuyo

9 at malulutong na dahong nagpapadulas
10 mula sa alulod, at sa likod-bahay,
11 ang bata, hinahawi, ibinubuhol ang kurtina
12 ng ambon sa kaniyang harapan. Di tulad ng tag-init,

13 nasasalubong natin ang ganap nitong pagdating:
14 patak. ambon. ulan. patak. ambon. ulan.
15 Masdan: may maglalapag ng baso at hindi
16 pagtatakhan kung bakit lilima na lang

17 ang sahog ng di-na-maubos na halu-halo. Sa pagtila,
18 bumubulong ng sshhhh ang lansangan at mananahimik
19 tayo, gayong tulad ng lungsod, nais din nating maghugas-
20 kamay, lumuha, magsumbong.

░ ░ ░

Talà
ni Phillip Kimpo Jr.

1 Nahiwagaan siya.

2 Tinanong niya tuloy sa kaniyang guro
3 kung bakit sa matataas na lugar
4 itinatayo ang mga obserbatoryo.

5 “Light pollution” daw.

6 “Nilulunod
7 ng labis na mga ilaw ng lungsod
8 ang liwanag ng mga talà.”

9 Lalo siyang nahiwagaan.

10 Pagkatapos ng klase sa umaga
11 at isang buong hapon ng halikwat-basura,
12 inakyat niya ang pinakamatayog na bundok
13 ng mga plastik, lata, karton, burak
14 at iba pang kalabisan ng lungsod.

15 Umupo siya sa tuktok
16 at doon ay pinagmasdan
17 ang mga talà.

Ang tao na tumatanaw sa lungsod at nasa loob nito ay hindi lamang makapagbubulay sa buong lawak ng lungsod, bagkus hinahamon din siya ng kaniyang panahon, kaligiran, at pangangailangan na tumanaw nang higit na malayo sa kaniyang kinaroroonan at sa kayang ipaliwanag ng kaniyang kaalaman upang lumago siya at sumulong. Ang ganitong pagtatangka ay makapagpapalakas ng kaniyang pananalig at pagkatanto sa lungsod na kaniyang ginagalawan; at ang lungsod ay nahuhubog sa malikhaing yugto kapag sinapian ng naiibang pag-akda dulot ng pagsasaharaya ng pook na malayo sa abot nito.

Kung sisipatin naman ang lungsod mula sa labas ng saklaw nito, ang tao na tumatanaw ay maaaring hubugin ang anyo ng naturang lungsod alinsunod sa pagkakaalam niya sa pook na dati niyang naranasan o kinalakhan. Sa gayong pagkakataon, maaaring mabahiran ng anumang kulay, prehuwisyo, haka-haka, at akala ang pagmamasid, kaya ang orihinal na pagkakatanto ng mga tagalungsod sa kanilang lungsod ay maiba ang pagkasagap at mailihis sa kakatwang anggulo. Mula sa labas, ang lungsod ay maaaring tingnan nang papaliit nang papaliit, at maihambing, kahit hindi sabihin, sa iba pang lungsod. Maaaring tingnan nang obhetibo ang naturang pook, gaya ng pagdulog ng sosyologo at antropologo. Ngunit sa tula, ang pagiging obhetibo ay tila banyagang kataga dahil ang makata ay makalalalang ng pambihirang pagdanas na hinugot mula sa kinathang realidad ng lungsod na batay sa makatotohanang lungsod.

Maihahalimbawa ang piyesang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Tuvilla. Ang naturang tula ay binubuo ng 20 taludtod, na ipinaloob sa limang saknong at walang estriktong tugma at sukat. Ang pamagat ng tula ay maaaring idugtong sa taludtod 1, at masisipat na ang mismong “unang ulan ng Mayo” ay senyales ng “pangungumpisal ng lungsod.” Maipapalagay na ang mga susunod na taludtod ay paglalatag ng mga tagpo hinggil sa kung bakit nangungumpil ang lungsod, na ang personipikasyon at kaugnay ng pangmaramihang persona, ay maaaring nababahiran ng dumi at matalinghagang kasalanan. Sa nasabing tula, ang unang ulan ng Mayo ay malayo sa dating pananaw na ulan-ng-Mayo na ang patak ng tubig mulang kalangitan ay ipinahihiwatig bilang metapisikong basbas at simula ng selebrasyon ng pinakamakulay na buwan ng taon. Ang Mayo ang rurok ng tag-araw, at dito ginugunita ang sari-saring pista na binubuksan ng peregrinasyon sa gaya ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje, pinaaalab ng La Naval at Senakulo, at winawakasan sa Flores de Mayo at Santakrusan. Sa ibang mapamahiin, ang unang ulan ng Mayo ang mahiwagang handog ng kalangitan, gaya ng luha ni Tungkung Langit para kay Alunsina, kaya sinasahod ito at tila sagradong tubig na itinatago dahil bibihira noong umambon sa tag-araw.

Ngunit nagbago na ang panahon. Nadarama ng lungsod kahit ang di-mapigil na pagtaas na temperatura ng daigdig, at nabago kahit ang dating inaasahang siklo ng tag-araw at tag-ulan. Ang pagbabago sa temperatura ng daigdig ay kasabay din ang pagbabago sa temperamento ng mga tao hinggil sa pista at pagbabalik-loob sa diyos, at ang dating pagpapahalaga sa relihiyon ay naghunos tungo sa ibang pagsagap sa pananalig na karnal, materyal, at panandalian. Ang binanggit na “kasalanan ng tag-araw” ay maaaring tumutukoy sa dating pagmamalabis ng lungsod, na nakapag-ipon ng tone-toneladang basurang walang habas na itinatapon sa estero at ilog ng mga tao.

Idinaraan sa tula ang pagtatagni-tagni ng mga hulagway sa pook-maralita, at ipinamamalas iyon sa paningin ng personang nakapansin sa baradong estero, pantalong nakasabit sa bintana, plastik na swimingpul, mga dahong inanod sa alulod, batang naliligo sa ulan, at laman ng halu-halo. Ang anggulo ng paglalarawan ay tila MTV video, at nagsasalimbayan ang mga larawang maaaring mula sa iba’t ibang lugar. Ang masinop na pagpili ng mga bagay ay maiuugnay sa metonimiya ng kabuuang lungsod at urbanidad ng tao, at nagpapamalas ng pagguho sa inaasahang kaayusan ng kalungsuran. Sa kabila ng lahat, sinasalubong umano nang ganap ng madla ang ulan. Napapansin ang ulan dahil bigla ang pagdating nito sa panahon at pagkakataong hindi inaasahan. At ang ulan ay hindi basta ambon, bagkus malakas na pagbuhos na makapagpapagunita sa maruming nakaraan ng persona at lungsod.

Pinatatahimik ng unang ulan ng Mayo ang lansangan, at ang mga taludtod 19-20 ay nag-iiwan ng palaisipan sa babasa dahil iwinangis ng persona ang sarili nito sa lungsod, na “nais din. . . maghugas-/kamay, lumuha, magsumbong.” Mahirap arukin ang gayong pahayag, maliban kung iisipin na ang persona ay nasa loob ng lungsod, at itinuturing na mikrokosmo ng lungsod, at bilang alter-ego ng lungsod ay nakapagdudulot din ng dumi at rimarim ng lungsod. Doble-kara ang “paghuhugas-kamay” na maiisip na gaya ng ginawa ni Pilato bago ipaubaya si Hesus sa pasiya ng madlang sabik sa dugo. Gayundin ang maiisip sa “pagluha” dahil ang pagluha ay maaaring tapat at maaari ring pagbabalatkayo, gaya ng konsepto ng “luha ng buwaya.” Samantalang ang “magsumbong” ay nag-iiwan ng malikhaing puwang, dahil ipinapalagay dito na may pagsusumbungang awtoridad ang persona o ang lungsod, ngunit kung iaatas iyon sa puwersang sobrenatural ay isang kabulaanan, dahil ang buhay mismo ng lungsod ay lumilihis sa dating pagtingin sa pinananaligang Maykapal.

Walang sermong masasalat sa rabaw at sa loob ng tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo.” Ginigitla lamang tayo nito sa ating nakamihasnang pananaw hinggil sa nakapananariwang bisa ng ulan, at sa buwan ng Mayong dating minamahalaga sa buong kapuluan.

Naiiba naman ang rendisyon ng tulang pinamagatang “Talà” ni Kimpo. Binubuo ng 17 taludtod ang tula na nasa malayang taludturan. Ang persona sa tula ay nasa ikatlong panauhan, at mahihinuhang isang batang mangangalahig ng basura ang ikinabubuhay at maaaring nasa elementarya pa lamang. Nabighani ang bata sa hulagway ng obserbatoryo at sa sinabi ng kaniyang guro, na pawang nakasaad sa mga taludtod 2-8. Gayunman, mahihinuhang hindi sapat ang paliwanag ng guro upang maarok ng muslak na isip ng bata ang lahat. Gumawa ng paraan ang bata na isaloob ang pananaw ng obserbatoryo, umakyat sa bundok ng basura makaraang pumasok sa eskuwela at magtipon ng basura para kumita ng ikabubuhay, at nagmasid sa kalangitan.

Muli, walang sermon ang mahihiwatigan sa tulang ito. Matipid ang paglalarawan, na tinumbasan ng pambihirang salaysay hinggil sa karanasan ng bata. Ang pagsisikap ng bata na arukin ang silbi ng laboratoryo ay tila pagsisikap na umahon palayo sa bundok ng basura ng lungsod at basura ng karukhaang bumabalot sa kaniyang pagkatao. Ang basura sa tula ay hindi lamang materyal na basura, gaya ng plastik, karton, bote, garapa, at kung ano-ano pang latak at pagmamalabis ng lungsod, bagkus matatagpuan din sa basurang pag-iisip na nagmumula kahit sa guro na hindi makaagapay sa kalagayan at kaligiran ng mga dukhang mag-aaral na gaya ng persona. Sa ganitong pagkakataon, ang pananaw ng guro ay nagmumula sa labas ng karanasan ng bata, at ang gayong pananaw ay nababahiran ng jargon, pahiwatig, at pakahulugang halos esklusibo sa mga estudyante at akademikong may akses at kontrol ng karunungan.

Ang pagkamangha ng batang persona ay tutumbasan ng kaniyang kasabikan sa paghahanap ng sagot. Mula sa tuktok ng bundok ng basura ay aaninawin niya ang mga talà, na maaaring ikabit sa pisikal na bituin sa kalawakan ngunit maaaring higitin sa mataas na antas na “bituin ng mga pangarap.” Ang pag-upo ng bata sa bundok ng basura ay mahihiwatigang simula ng kaniyang pag-igpaw sa abang kalagayan ng karukhaan, at maaaring sipatin na pag-igpaw din sa mababaw na paliwanag ng guro at pag-unawa sa siyentipikong pananaliksik sa pamamagitan ng maláy at tantiyadong pagdanas sa paligid. Ngunit higit pa rito, ipinamamalas sa tula na ang paghahanap ng karunungan at pag-abot sa pangarap ay hindi nasasagkaan ng kahirapan. May magagawa pa ang tao upang umangat mula sa mababang antas ng kamangmangan at maghanap ng solusyon sa kaligiran.

Ang obserbatoryo na nais mabatid na bata ay waring pahiwatig ng pagtanaw nang higit na malayo sa kabundukan ng basura, at kung paano tutumbasan iyon ng edukasyon ay marahil ipinasasagot sa awtoridad ng lipunan. Maaaring hindi panatag ang bata sa kaniyang kalagayan at nais niyang makatapos ng pag-aaral at maging ganap na siyentipiko. Ngunit higit pa roon, sinasampal tayo ng tula dahil nag-iiwan na tayo ng basurang materyal ay pinalalawak pa iyon sa pagdaragdag ng mga basurang may kaugnayan sa kaisipan, halagahan, at pagkamamamayan. Sa unang malas ay payak ang tulang “Talà” ngunit ang uuriin nang maigi’y hinahatak tayo nito na sipatin ang ating kalagayan nang higit sa nakagawian, at tumanaw sa malayo at abutin ang mga pinapangarap na bituin.

About these ads

Ang Tinubuang Lupa ni Teo T. Antonio

Teo T. Antonio, kuhang larawan ni Bobby Añonueo

TEO T. ANTONIO, kuha ni Bobby Añonuevo

Maraming modelo ng pagbasa ang maaaring ilapat sa mga tula ni Teo T. Antonio (alyas ni Teodoro Teodoro Antonio). Pinakamalapit na marahil ang Bagong Formalismong Filipino na ipinanukala ni Virgilio S. Almario. Taglay ng naturang teorya ang tatlong salik: una, ang paglingon sa kodipikasyon ng tulang Tagalog mula kina Fray Gaspar de San Agustin, Fray Francisco Bencuchillo, at iba pa hanggang kina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, at iba pa. Ikalawa, ang pagsisiyasat “sa matalik na anyubog ng teksto,” kabilang na ang mga sangkap at kasaysayan nito nang likhain; at siyang kaugnay “ng lunggati’t kalooban” ng autor. Ikatlo, ang paglilinaw sa mga batis ng tradisyon sa paraang batay sa naging kasaysayan ng mga panitikan sa Filipinas.1 Ang hakang pagsipat ni Almario ay maituturing na sanga ng Pinoy dialogics—kung makatwiran man ang gayong taguri—at sinusuri ang teksto “bilang interseksiyon ng sarisari at dinamikong puwersa na maaaring umimpluwensiya sa may-akda at bilang produkto ng mga pagpapasiya ng may-akda sa bawat salita, bantas, pangungusap, at puwang na ipinambuo sa teksto.”2

Sa dialogics3 ni Mikhail Bakhtin, produkto ng sari-saring tinig na pinaglangkap sa ilalim ng panlipunang saplot ng wika ang lahat ng indibidwal na pagpapahayag. Sinusuhayan ang nasabing pilosopiya ng metalinguistics, na nagsasaad namang ang bawat binibigkas ng tao ay “interseksiyon ng tiyak na layunin ng nagsasalita at ng aktibong pagtugon ng tagapakinig,” na pawang “binibigkis sa pamamagitan ng matatag, ngunit malimit na di-malay na uri ng pamamahayag.” Ang komunikasyon, kung gayon, ay hindi lamang basta pagpapadala ng mensahe. Nasa hanggahan ng kamalayan ng dalawang tao ang komunikasyon at ang pakahulugan, at ang salitang ginagamit nila’y “nakaugat sa lipunan at taglay ang nakalipas at hinaharap na mga tinig.” Kargado ng ideolohiya ang wika, at maituturing itong materyal.

Para kina Almario at Bakhtin, ang pagsusuri ng teksto ay hindi lamang nagwawakas sa sagisag (signifier), sinasagisag (signified), at tulay (referent), gaya ng matutunghayan sa mga paliwanag ni Ferdinand de Saussure, at siyang pinalawig ng kilusang deconstructionism nina Jacque Derrida at Paul de Man. Ang tatsulok na akda-autor-mambabasa, gaya ng sa retorikang unang binuo ni Aristotle ay masasabing binubuhay nina Almario at Bakhtin. Ang pagkakaiba lamang, isinasaalang-alang ni Almario ang katutubong poetika (o ang kaligiran) sa Filipinas. Ang teksto bilang anyo, saad ni Almario, ay masisipat na may kambal na salik. Una, ang “panlabas na kaganapan” na umiiral sa pandama; at ikalawa, “ang mga katangiang kaloob ng gunita’t haraya ng may-akda.” Maraming pagkakatangi sa mga teorya nina Almario at Bakhtin, ito ang matagal nang idinidiin ni Almario, ngunit mangangailangan yaon ng hiwalay na talakay.

Kailangang balikan sina Almario at Bakhtin sa pagsusuri sa lawas ng mga tula ni Antonio. Bumuo si Antonio ng lawas ng mga tula, na masisipat ang pananalinghaga sa pagsisimula sa niloloob ng tao tungong palabas sa lipunan; at magwawakas mulang palabas tungong paloob na pagdanas sa sarili at lipunan. Ang siklo sa mga tula ni Antonio ay nakatuon sa kaniyang “bayan” (i.e., Filipinas) na magsisimula sa kaniyang sinilangang lalawigan, maglalandas tungong lungsod at kung saan-saan, at magbabalik sa pinagmulan gaya ng matagumpay na mandirigma. Nakasalig sa mga tula ni Antonio ang kaniyang Tinubuang Bayan, ang dating Katagalugan na lunggati ng mga maghihimagsik ng Katipunan, at ang mga dalumat na mahirap na ngayong maintindihan ng bagong henerasyon ng Filipino na pinalaki sa MTV, hamburger, at selfon. Ang panukalang sipat na ito ay susuong sa poetika ni Antonio na kaniyang pinagyaman nang mahabang panahon, upang mailugar ang kaniyang teksto sa hulagway (panlabas) at anino (panloob) nitong tinataglay.

II
Gumigitna sa parisukat na parabula-paradoha at salawikain-satira ang matalinghagang biro ni Antonio mula sa kaniyang tinubuang lupa sa loob ng tatlong dekada ng kaniyang pagkamakata. Ang nasabing biro ay “bato-bato sa langit” na ikangingitngit, kung hindi man ikahahagikgik, ng sinumang makababatid ng singit at likaw ng kaniyang isip at pamamaraan ng pagsasabi nang tapat. Maiisip na may bahid ng katotohanan ang naturang biro—na maaaring seryosohin o isantabi o sakyan na lamang—alinsunod sa antas ng kaalaman, pagsagap, at reaksiyon ng mga mambabasa sa mga pahiwatig na inugat ng makata sa kaniyang kinalakhang bayan. Isang paraan ng pag-arok sa lupain ng talinghaga ni Antonio ang pagbabalik sa kaniyang labindalawang aklat ng mga tula, at ang pagbusisi sa mga dalumat na kaniyang nilinang saka pinalawig at pagkaraan ay itinanghal sa ating lahat.

Sa unang kalipunan ng mga tula ni Antonio, ang Biro-biro kung Sanlan (1982), kinasangkapan niya ang katutubong saplot mula sa mga taal na awiting-bayan, kawikaan, at paniniwala ng Tagalog at siyang isinuot sa kontemporaneong anyo ng panulaan. Mula roon ay magpapakana siya ng subersibong pagtatahi-tahi ng kaisipan, batay sa tinaguriang modernismo’t aktibismo noong mga dekada sitenta at otsenta habang matiim na isinasaalang-alang ang halina ng nauupos na bisa ng balagtasan at iba pang tradisyong pabigkas. Nakapaloob ang himig na binuo ni Antonio sa balangkas ng awit, dalít, tanaga; at sisingitan kung minsan ng mala-soneto, villanelle, at malayang taludturan. Ang paggamit ng sukat na gansal ni Antonio, halimbawa, ay maihahakang isa nang pagtatangka na lumihis sa naging paborito noong lalabindalawahing pantig ng awit.4 Mababanggit ang “Buntong-hininga” na pipituhin ang sukat ng pantig: “Isda sa kilawkilaw/ di mahuli’t may pataw./ Ngayon pag lumalangoy/ may baklad na susukol.”5 Gagamit siya ng tugmaang isahan, sunuran, at salitan samantalang handa ring magpasiklab sa pagpapamalas ng tugmang dalisay, tudlikan o pantigan, bukod pa sa paggamit ng ibang elemento ng retorikang nasagap niya sa pagbabasa’t pakikipagbarkada sa mga makatang kapanahon niya. Maipagyayabang ni Antonio ang ikalawang saknong ng “Ang Mutya kong si Perfecta” na taglay ang tugmang dalisay:

Natutukso ako’t parang may suplína,
Sukatin kung ako’y merong disiplína.
Nasanay na akong nababartolína
Ang laya ng gunam na nanghahalína.
Ang pader at rehas ay bukal at mína
Niring talinghagang amoy-gasolína.
6

Higit pa sa tugma at sukat ang dapat pagtuonan sa tula ni Antonio. Sa awiting-bayang “Doon Po sa Amin” na ginagad ng makata, ang “San Roque” ay naging “Panique” na tumutulay sa hanggahan ng totoo o dili kaya’y maalamat na pangyayari. Pabaligho ang salaysay sa unang saknong, itinulay sa ikalawang saknong na masasabing gusot ng kuwento, at magiging resulta ang ikatlo’t pangwakas na saknong. Metonimiya ang susi sa pagtuklas ng buong estruktura ng bulok na sistema; at ang babaeng ginahasa’t niluray ang puri ang luray na puri din na tataglayin ng Panique. Dahop sa hustisya ang nasabing pook, ayon sa tula, at kaya maiisip na metonimiya ang Panique sa malawak na lipunan (i.e., Filipinas). Lalampas sa tradisyonal na pagpapakahulugan ang “Doon Po sa Amin,” lilihis nang kaunti sa mga varyant nitong awit, habang makakargahan ng pambihirang dupil na panretorika ang Panique. Pansinin, halimbawa, ang adnominatio sa una’t ikalabing-isang taludtod, na magiging kaugnay ng repotia sa una hanggang ikatlong mga saknong. Magsisilbing expolitio ang ikatlong saknong kung itatambis sa unang saknong. Sa madali’t salita’y ang “Panique” bilang maalamat na “paniki” ay iiral sa dilim, at gaya sa mga kuwentong-aswang at bampira, ay daragit at pagdaka’y sasaid sa dugo ng muslak, mortal na dalagang birhen.7

Ambidekstrong mailalahok ni Antonio ang kaisipang suwail sa kawa ng katutubong dalumatan, habang tumatagal. Malulutong ang kaniyang pasaring at pahaging sa nangingibabaw noong utak-kolonyal, kolonyalista, at kolonya ng mga api’t sawimpalad. Halimbawa, nagsasagutan ang “Bahay-Kubo” at “Pen pen de Sarapen” kung ihahambing sa nagsusuhayang “Kasal ni Kikay,” “Ako’y Ibigin Mo,” at “Sinisinta Kita.” Magpapanukala naman ng pagbalikwas ang “Walang Matimtiman” at “Ale, Ale” kung itatambis sa mapanudyong “Aling Fidelina” at sa mapagpatawang “Si Kulasa at ang Senyor.” Paninimbang sa subteraneong paniniwala ang “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Ikatlong Sindi ng Sigarilyo,” at “Santigwa” kung itatagis sa mapusók na pag-usig ng “Duwende,” “Kapre,” at “Wala raw Silang Alam sa Pulitika.” Ang maganda’y hindi nangimi na kasangkapanin ni Antonio ang anumang hiblang kaugnay sa malig ng Tagalog-sa masining na paraan at sa paraang umiiwas maging manipesto lamang ng propagandistang kilusan-at nang maitanghal iyon sa panahong halos mabura na sa gunita ng sambayanan ang katutubong pagtula.

Makikitid ang taludtod ngunit siksík at binúli sa mapanudyo’t masisteng pahiwatig ang Biro-biro kung Sanlan. Walang itulak-kabigin ang bawat tula, solido ang estruktura ng kalipunan, at komplementaryo kahit ang mga bukanang paliwanag ng mga makatang Mike L. Bigornia at Romulo A. Sandoval. Likás kay Antonio ang abakada ng tugma at sukat, talinghaga, kariktan, at kaisipan sa panulaang Tagalog kung pagbabatayan ang mga aral ng mga kritikong sina L. K. Santos at I. E. Regalado. Tila nasagap niya ang agimat ng kaniyang amang si Emilio Mar. Antonio-na naging prinsipe at pagkaraan ay kinilalang Hari ng Balagtasan makalipas yumao noong 1950 si Florentino T. Collantes-sa paghabi ng tula. Gayunman ay nakaahon na ang nakababatang Antonio sa dating kinabalahuang pananalinghaga ng mga Balagtasista. Gagamitin niya ang kumbensiyon sa panulaang Tagalog upang pagkaraan ay suwayin ang mga batas nito. Na magsisimula sa pagpili ng mga salitang lantáy, balbál, laláwiganín, at kosmopolitano hanggang sa pagsusugpóng ng mga hulagwáy o anino at pagsasalansan ng kata’t salaysay tungo sa muling paglalang ng sariwang kabatiran.

III
Maihahakang kailangan ni Antonio noon ang higit na maluwag na pananaludtod, lalo’t makislot ang kaniyang guniguni at nasa kasibulan ng pagtula. Pinagtiyap naman ang panahon ng protesta at ang yugto ng radikal na pagsusulat laban sa Batas Militar ng administrasyong Ferdinand E. Marcos; at malinaw na pruweba ang di-matatawarang ambag ng Galian sa Arte at Tula (GAT)-ang organisasyon ng kabataang manunulat sa Filipino-sa panitikang pambansa at siyang humubog sa sinumang ibig matuto ng matinong pagsusulat at pagsusuri ng panitikan. Nagkatugma ang habang-alon ng GAT at ni Antonio. Siya’y nasa tumpak na pook at tamang panahon, bukod pa sa nagtataglay ng pambihirang talento at sigasig sa pagtula. Titimo sa malay ni Antonio ang estetika (at pilosopiya, kung mayroon man) ng GAT, isasapuso kahit ang politika ng maka-Kaliwang aktibismo, ngunit hindi kailanman tatalikdan ang kaniyang pinagmulan bilang tao at mamamayan. Matutuklasan pagkaraan ni Antonio na walang hangga ang posibilidad ng pagtula, at ito ay hindi matatakdaan kahit ng ideolohiya o relihiyon o kautusan. Mulang dekada sitenta hanggang otsenta’y hahamig ng mga gawad sa iba’t ibang timpalak pampanitikan si Antonio, mapapansin sa mga pagtatanghal ng tula, at magiging kauna-unahang pangulo ng GAT.

Waring bagyong kumawala sa supot ng kalawakan ang mga tula ni Antonio nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Taga sa Bato, Mga Piling Tula 1973-1988 (1991). Mabilis na naubos ang mga sipi, at lumikha ng alingayngáy sa merkado, at pinag-aralan ng mga estudyante. Hinikayat nga ni dating direktor ng publikasyon na si Esther M. Pacheco si Antonio na dagdagan ng ilang tula at pakapalin ang nasabing koleksiyon para sa susunod na paglilimbag. Sa pinalaking edisyon ng Taga sa Bato (1994), nabago ang pabalát, isiningit ang bagong seksiyon, at inilahok ng makata ang kaniyang piling mga tula mula sa Biro-biro kung Sanlan. Ang resulta: Naging pinakamatimyas na testamento ang Taga sa Bato hinggil sa bisyon, estetika, at pananalig ni Antonio sa ebolusyon ng kaniyang pagkamakata.

Ang semilya ng Biro-biro kung Sanlan ay ganap na magkakabuto’t laman sa Taga sa Bato. Pinaghalong panata at sumpa-bukod pa ang tandisang pagtatampisaw sa usaping panlipunan at ang pagbubunyag ng angking ars poetica-ang inilalagda ni Antonio sa kaniyang ikalawang aklat. Humaba ang mga taludtod ni Antonio sa ikalawa niyang koleksiyon. Higit na matipuno ang mga salita at ang diwa’y mayamungmong. Naglaho ang pagbabantulot sa mga anyo, nilalaman, at paksa ng mga tula. Sabihin nang nagsimula ang Taga sa Bato sa sipat ng isang probinsiyano.

Noong dumating ka sa lungsod,
inakala mong malinis at sementado
ang lahat ng bagay.
Noo’y di ka pa nakapagsasaulo
ng mga pangalan ng kalye
o nakasuot sa mga walang-pangalang eskinita.
Hindi mo pa rin nasusubukang
kumalikot ng telepono at direktoryo.
Hindi mo pa rin kilala ang presinto
at marka ng kalsada.8

Makikipagbuno ang nasabing probinsiyano sa mga lamanlupa at impakto ng kapuwa nakalipas-mito at kasalukuyan-realidad; maglalagalag sa mga tumana at mamamangka sa ilog ng pagtuklas at pagdanas bilang baguntao; haharapin ang multo ng sarili at ang itim na paruparo habang tahimik ngunit marubdob na hahanapin ang kabuluhan ng pag-iral. Magdudulot ng kaliwanagan ang pagbubulay, gaya ng isinasaad sa “Karayom sa Dayami”:

Hindi na kadena ang kahapon na umaalipin,
gumagapos sa pagsulong. Ito’y bukal ng tubig
na pagsasalukan ng pang-unawa sa sarili,
upang lumaya at matatag magpasiya,
upang hindi maging dungo at duwag,
upang maging matapang sa pakikidigma.9

May matutuklasang agimat sa nakaraang panahon, at para sa persona, kailangan ito sa pakikitunggali sa hinaharap. Mahihiwatigan ang “hinaharap” pag tinitigan ang ikatlong kabanata ng Taga sa Bato. Sa ikalawang yugto ng koleksiyon ay sasapit ang probinsiyano sa Maynila. Ang “Maynila” na binuo ni Antonio ay ibang-iba sa “Maynila” na dating dukalan ng talinghaga nina Julian Cruz Balmaseda, I. E. Regalado, José Corazón de Jesús, at F. T. Collantes. Hitik ang Maynila ni Antonio sa rambulan ng saring imahen at pananalig; malimit marungis o maangas ang kapuwa loob at looban ng mga tao; amoy-tsiko kung hindi humihiyaw o malamuyot ang birhaws at bangketa; basketbolan o pasugalan ang mga kalyehon o eskinita; masikip ang trapiko ng sasakyan at hanapbuhay; at singnipis ng dividendazo ang pananalig kina Santa Ana at San Lazaro.

Walang tigil ang mga paang
nagmamadali sa Quiapo,
walang tigil ang tawaran at bilihan,
walang tigil ang pagngiti ng despatsadora
sa barat na kostumer,
walang tigil ang paniniyempo ng tingin
ng may masamang hangarin,
walang tigil ang pag-awit ng pulubing
hangga ngayon ay pulubi pa rin…10

Hubad sa romantikong pitlag ang “Maynila” ni Antonio, ngunit naroon lagi ang pag-asa at pagmamahal.

Ipapanukala ni Antonio ang kakaibang pagdulog sa nasabing realidad upang baligtarin ang pangyayari. Ipamamalas niya ang pambihirang bisa ng paggamit ng EQ (emotional quotient) kaysa IQ (intellectual quotient) sa ilang pagkakataon, na maituturing na isang uri ng pagsalungat sa lipunang pulos “tunay, mahusay, maganda” ang sigaw subalit kabaligtaran ang umiiral. Mahihiwatigan ang nasabing pakana ni Antonio sa tulang “Bobo ng Gastambide.” May himig-hinanakit ang pangmaramihang persona na tumutukoy wari sa mga estudyanteng tinaguriang bobo at taliwas sa asal ng mga iskolar sa kalye Recto. Mahilig magyabang ang mga iskolar dahil matataas ang grado. Samantalang ang persona ay “nagsusunog ng baga at hindi kilay” at inaatupag ang “marka demonyo” (i.e., hinyebra) imbes na “matataas na marka” sa eskuwela.

Pero, nadarama ang galaw ng buhay
at katarantaduhan ng mundo.
Kaming walang binatbat
at buwang ng Gastambide.

May alamís na iniiwan ang nagsasalita sa tula. Lampas sa apat na dingding ng silid-aralan ang dapat pag-aralan, at ito ay walang iba kundi ang “buhay” mismo. Bakit naiimpatso ang persona sa loob ng klase? Isang hakang sagot ang “Pulos kabulaanan at malayo sa realidad ang itinuturo ng guro at ng buong sistema ng edukasyon.” Na hindi masikmura ng estudyanteng nagbabayad ng mahal na matrikula. Magulo ang labas ng paaralan at ang loob ng estudyante’y magulo—na maaaring kimkim ang himagsik laban sa establisimyento at diktadura—at ito ang malimit kinatatakutang tingkiin at iniiwasang pakinggan ng mga guro. Lalo’t panahon ng Batas Militar ang namamayani.

Potograpiko ang memorya ni Antonio. Detalyado at kung minsan ay nakapanlilinlang. Lumiliit-lumalaki ang mga retrato na dinurukot niya sa alaala, natitimpla ang kulay at linya ng mga hulagway, halos mabura ang hanggahan ng realidad at kathang-isip, gaya ng mapapanood sa Galaxy, Metro Theater, at Cine Zest. Pipili ang makata ng mga pambihirang hulagway (panlabas) at anino (panloob) na pahiwatig upang mahatak ang mambabasa sa mapagmuning kabatiran. At sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa paningin ng probinsiyanong bagong salta sa lungsod ay makapagwiwika nang may matalas na pagmamasid sa paligid:

Ang memorya’y kawad ng koryenteng
nakasampay sa mga posteng nakatirik
sa kalyehong iisahing metro.
Na kahit ka datihan sa distrito ng Quiapo
ay hindi mo tatapunan-pansin.

Pambihira ang pagkatalogo ni Antonio sa Maynilang muling tinuklas niya para sa mga mambabasa na sadyang tumalam ang pagdama at pandama. Sunod-sunod, bumubuhos ang mga hulagway na pawang mahuhugot lamang sa tunay na dumanas ng gayong karanasan. Balikán pa ang tulang “Retrato”—na kabilang sa koleksiyong Bagay-Bagay (1992)—at tila ikinumpisal na ni Antonio ang paninirahan ng kaniyang mag-anak sa Quiapo at ang paglipat nila sa Sampaloc. Ang nasabing mga pook ay magkakamapa sa isip ng makata, at ang lalandasin ng iba’t ibang persona sa guniguni ng mambabasa.

Ang “Memorya ng isang Kalyehon,” halimbawa na, ay masasabing sinematikong pagbubulay sa Bagong Lipunan, mula sa punto de bista ng mikroskopikong pagsilip sa kalyehon ng maralitang tagalungsod. Ang labas-masok na mga tao na inilarawan sa tula’y isang uri ng pagkandî sa kalyehon. Ang naturang pook ay perya ng karukhaang pisikal-espiritwal sa gitna ng madilim na hinaharap at lumalabong lunggati ng mga residente o dayo. Panandalian ang lahat ng pagtatagpo at ugnayan na pawang nakasaad sa bawat tungkulin o papel na ginagampanan—o kung hindi’y tinatakasang gampanan—ng mga tagalooban. Nakapagluluwal ng rimarim at awa ang tagpo mula sa persona at palayo sa mga tauhang iginuguhit nito. Nakasusugat sa budhi at gunita ang gayong nanggigitata’t umaalingasaw na tadhana, gayunman ay nakapupurga ng sarili, at para sa persona’y dapat igpawan ang dapat igpawang busabos na pamumuhay.

Hindi magtatapos sa Maynila ang mga tula ni Antonio. Mapapabilang sa kaniyang koleksiyon ang mga tulang may inspirasyon ng kaniyang paglalakbay sa iba’t ibang pook, at maihahalimbawa na ang “Biyaheng Abra,” “Lungsod na Pawid at Kawayan,” “Retrato sa Beijing,” at “Todos los Santos sa Hong Hong.” Ang mga persona ni Antonio ay hindi igigiit ang sarili, manapa’y ituturing ang katauhan na “Katutubo akong banyaga sa sariling bayan.”11 Maglalaro din siya sa mga napapanahong usapin at balita, at yaon ang kaniyang ilalarawan o isasaysay sa ilang tula na nilalapatan kung minsan ng epigram, gaya ng “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Mensahero,” “Hindi Mapupuksa ang Laksang Rolando,” at “Flores de Julio.” Ano’t anuman ay madaling nakatawid nang tuwid si Antonio sa kipot—na ang magkabilang pampang ay naglilihim ng panganib, pagsubok, at kapahamakan—dahil angkin niya ang kahusayan “bilang mandaragat sa laot ng talinghaga.”

IV
Walang pasubaling nagtataglay ng mga paniniwala at lunggati ni Antonio bilang makata ang kabanatang “Sa Harap ng Makinilya” sa Taga sa Bato. Ang nasabing kabanata ay aalingawngaw sa ilang tula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda (1999); Kalawang sa Patalim (1998); Ornamental (1998); Pira-pirasong Bituin (1996); at Bagay-Bagay (1992).

Nakapahiyas ang pananalig ni Antonio sa kaniyang tula sa “Pamamangka.” Nagsimula ang tula sa retorikang tanong na “Bakit kailangan ko pang manlambat ng talinghaga?” na mauugat kaipala sa mga alalahanin ng ama na nagkataong makata. Ang nasabing tanong, wika nga, ay tila pag-usig sa araw kung bakit kailangan nitong sumikat tuwing umaga, at kung bakit may siklo ang hihip ng simoy bawat panahon. Ano’t anuman, may batayan ang tanong dahil ang pagiging makata naman ay nakaugat sa realidad ng lipunan, at kailangang “kumain ang tao para mabuhay.” Maliban na lamang kung isang hatag na ang pangyayaring maykaya sa buhay ang makata at hindi na kailangang kumayod maghapon. Sa paningin ng ibang tao, ayon sa tula, “Ang maging makata sa panahong ito’y/ pamamangkang walang patutunguhan.” Na tila pagsasabing: “Hindi ka bubuhayin ng pagtula. Walang kabuluhan ang tula!” Para sa persona’y hindi makatwiran ang naturang pananaw, at mapanlagom ang pahayag. Ang higit na mahalaga’y sumubok pumalaot, matutong magpaamo ng unos, manghuli ng talinghaga, gumaod nang mag-isa, at magbalik sa pampang nang matagumpay sa paglikha habang taglay ang pananalig na hindi niya inaksaya ang buhay sa walang katuturang bagay. Isinasakataga lamang ni Antonio ang matagal nang kawikaan: “Ang galing ng mamalakaya/ kung may bagyo nakikilala.”

Tandaang dagat ang karaniwang hulagway, kung hindi man sagisag, ng karunungan sa maraming kultura lalo dito sa Asia. Sa Filipinas pa lamang, may animnapu’t walong kawikaan ang umiinog hinggil sa dagat, tubigan, at kaugnay nito; bukod pa ang patungkol sa isda bilang hulagway at talinghaga.12 Ang “panlalambat ng talinghaga” ay masasabing pagsisikap na makamit ang dunong at bait, na pawang kailangan ng tao para mabuhay, dahil pangaral nga sa Bibliya, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.” Ang pagsulat ng tula, kung gayon, ay isa nang mabigat na tungkulin para sa persona; at hindi dapat itong ihambing sa ibang propesyon na ang tanging sukatan ay kayamanan, kapangyarihan, at katanyagan. May maipagmamalaki ang persona sa kaniyang lumalaking mga anak at naghihintay na esposa. At ang puhunan ng makata’y pag-ibig at buhay na kaniyang maipapamana sa susunod na henerasyon.

Ang naghuhunos na poetika ni Antonio ay maibubuhol sa maláy na pakikisangkot sa malawak na inog ng lipunan. Kaugnay yaon sa pangangarap na ang “…tula’y ripleng/ bumubuga ng pulbura ng taludtod/… naliligo sa dugo ng pagbabaka.”13 Pagkilala ng utang na loob ang isinasaad ng “Lapis at Papel” na itinuring ng persona sa tula na siyang nag-aruga sa “musmos na pagtatangkang tumula” nito. Kung minsan ay nagpapatama si Antonio sa mga mambeberso at makatang sampay-bakod, gaya ng isinasaad ng “Berso”: “Niluluray nila ang aking/ kariktan, naging gusgusin ang alindog/ at hinuhubdan nila ako ng dangal at pangalan.”14 Maitatambis ang pahaging sa tulang “Akala Niya,” na nagpapahiwatig na taliwas sa “…pagluluto ng ulam/ ang paglikha ng tula sa sinapupunan.”15 Bakit? Gaano man kabihasa umano ang isang tao sa pamamaraan ng paghahalo ng sangkap ng tula ay hindi sapat kung kulang ang tula sa “lasa’t sangkap ng sarsa ng buhay” (i.e., karanasan, abentura, dunong, at iba pa).

Binanggit ang dalawang tulang pahaging ni Antonio upang itangi ang tula bilang musa na katumbas ng buhay, ang musang nagkatawang-tao na makakaniig nang walang kahulilip.16 Munting piraso ng karanasan, at halos pangungumpisal, ang pahiwatig ng isang tula ni Antonio hinggil sa pagpapalitan ng kaalaman at teknika sa pagtula ng mga makatang tuwing Biyernes ay walang palyang nagkikita-kita upang tumoma. Subalit higit sa pag-inom ng alak at mainit na talakayan hinggil sa kabaguhan ng tula ang pagkatanto sa pinakamahalagang bagay:

Sa bawat Biyernes ng gabing pinag-uusapan ang taludtod,
daming bagong istilo, porma, talinghaga’t pagsubok.
Ang totoo, kahit magbago’t mag-eksperimento ang lahat
ng iba-ibang porma, salansan, istilo at hinagap;
Tanging ang bihasang manalinghaga’t bumerso
ang lilitaw at lilitaw na tunay na artesano.17

Maitatambis sa nasabing tula ang “Subersiyon” na pagsusuri wari sa sarili ng makata. Ang subersiyon na tinutukoy sa tula ay paninimbang sa metapisikang tukso, o sa paglikha ng bagong kaakuhan (i.e., identidad) bilang tao at makata. Magsisimula sa loob ang deskontento, na ang manipestasyon ay mababanaag kahit sa pisikal na anyo at kilos ng persona. Narito ang unang bahagi ng tula:

Pabagsakin ang sarili
na baguhin ako.
May ibang ako na nanunukso
at ibig palitan ako.
Halimbawang pagbigyan
ang ibang ako,
maging kumpleto kaya
na pabagsakin ako?18

Mauugat ang dalumat ng persona ng “ako” ni Antonio sa dalumat ng “ako” ni Alejandro G. Abadilla. Pilosopiko, kung hindi man maysa-pilosopo, ang pahiwatig ni Abadilla hinggil sa “Ako” na nakasaad sa tulang “Ako ang Daigdig”19 at sa labing-anim na mala-tanaga sa Tagabadilla. Maihahalimbawa ang isang mala-tanaga ni Abadilla: “Walang hanggang tula/ Sa iyo ang ako:/ Bakit ka tulala/ Sa kaakuhan ko?20 Taglay wari ng tula ang misteryo ng “kaakuhan,” alinsunod sa sipat ng makata, at tila alingawngaw naman ng isinasaad ng kawikaang higit na mahirap arukin ang budhi kung ihahambing sa pag-arok sa balong malalim. Naiiba ang tula ni Antonio dahil puwedeng itangi ang “ako” bilang persona at ang “ibang ako” bilang kapilas na persona o dili kaya’y ibang tao. Kung babalikan ang siniping tula ni Antonio’y mahihiwatigang nababago ang ilang panig ng kaakuhan ngunit mananatili ang “ipinaglalaban” ng persona at ito ang pinagmumulan ng “pagsalungat” sa “agos ng pagbabago.”

Marami na akong binago,
asal, gawi, pananaw, taktika:
ako pa rin ako.
Maubos man ang buhok,
pumuti ang bigote’t balbas
o lahat ay ahitin ko.
Ako pa rin si Teo
o si makatang kalbo,
may iba nang nadarama
pero, pilit ipinaglalaban
ang paniniwala
bilang makata at ako.

Ang “paniniwala” ni Antonio “bilang makata at ako” ay mababatid lalo kapag sinuyod ang iba pa niyang koleksiyon. Lalayo ang makata sa impluwensiya o dikta ng kaniyang kapanahon—kahit bansagang tradisyonal ang bikas—at igigiit niya ang matataguriang taták Teo T. Antonio:

Kung lilikha ako ng tula
at lalagyan nila ng hanggahang
parisukat, hindi ko alam
kung masusunod ang takdang guhit
at kung ano ang lalabas na tula.
Halimbawa namang sundin ko
ang nakatakdang parisukat na itinakda,
ano naman kaya ang sisibol
na usbong ng puso’t diwa?21

Ano ang ibig ipahiwatig nito? Maihahakang gagawa siya ng sariling daigdig, at ang daigdig na ito ay kaniya lamang. At kung ibig ninuman na kilalanin si Antonio o ang mga tula niya’y kailangang pasukin ang nasabing daigdig, ang daigdig na masasabi ring hitik sa patibong, salamangka, at laberinto ng pahiwatig. Gagamit ng mga tauhan at ibang tinig ang makata, at padadaluyin ang mga alamis sa gaya ng pangarap na lumikha ng “ensayklopidya ng talinghaga” habang tumitipa sa bagong kompiyuter.22 Masasalat ang gayong pagtatangka sa Ornamental, na ang karamihan sa mga tula’y nakagiya sa paningin at niloloob ni Antonio, kung ihahambing sa kaniyang mala-aktibistang pananaw noong mga dekada sitenta at otsenta. Halimbawa’y ipapanukala ni Antonio na, “Nabubuhay tayo sa salita” at siyang nakapagbibigay ng saring panlasa sa buhay mulang kamusmusan hanggang pagtanda.

Mabilis tumula si Antonio, pansin nga ng kaniyang matatapat na kaibigan, at aakalain ng iba na wala siyang ginagawa sa opisina kundi tumula nang tumula. Gayunman ay hindi nangangahulugan yaon ng pagiging bulagsak, at magmumula pa nga sa mga taludtod ni Antonio ang paalalang maging masinop at maingat gumamit ng salita. Batid ng makata ang kaniyang hanggahan, at may pahiwatig ng pagwawakas ang tulang “Talinghaga.”23 Hindi lahat ng yugto ng buhay ay maningning. Ihahayag ito ng kabuuang temang bumibigkis sa Pira-pirasong Bituin: “Alam kong pana-panahon/ ang liyab ng talinghaga./ May panahong huhupa ang ningning,/ tulad ng mga bituin;/ kapag nag-ulyaning lalo/ ang harayang bumugso…”/ Hindi rito magtatapos ang pagbubulay ng makata, bagkus itutuloy yaon sa pangangarap na “maging pira-pirasong bituin” ang kaniyang talinghaga sakali’t ito’y “mabasag sa lupa” (Sirain ng kritika?). At sinumang makapulot ng kaniyang talinghaga ay “huwag akalaing pamantingin” lamang iyon at iwasan ng mga paang “ayaw masugatan ng liwanag at dilim.” Liwanag ng salita ang lunggati ni Antonio bilang makata, ang “liwanag” na taliwas sa “ningning” ayon sa isinasaad ng Katipunismo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang nasabing liwanag din ang ibig niyang ihain sa mambabasa, gaya ng matutunghayan sa “Pamimitas ng Bituin” at “Kailangan Ko ang Iyong Pang-unawa.”

Masasalamin ang kaganapan ng poetika ni Antonio bilang makata at alagad ng sining sa Karikatura at iba pang Kontra-banda. Maihahakang tipong coffee table book ang nais ni Antonio ngunit sa kasamaang-palad ay hindi natupad. Magastos iyon at mapangarapin, at aangalan kahit ng pinakamalaking pabliser na magdadalawang-isip sumugal sa nasabing proyekto. Ano’t anuman ay makatatayo nang mag-isa ang koleksiyon ni Antonio kahit walang pintura, ilustrasyon, at grafiks ng mga pamosong artist ng Filipinas. Matimbang ang Karikatura at iba pang Kontrabanda dahil matatag ang pundasyon nito sa paggamit ng parikala, paradoha, at parabula sa paraang masiste at kung minsan ay halos absurdo. Matalas ang iniiwang talinghaga ng “Nawawalang Mukha”:

Isang araw, nang humarap siya sa salamin,
wala na ang kanyang mukhang madalas kausapin.24

Ang tinutukoy na tauhan sa salaysay ay si Kulasfiro, ang dukhang probinsiyano na nagtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Kumapit siya sa patalim, wika nga, dahil kailangang makaraos at mabuhay. Nagkataon namang napabilang siya sa sindikatong nagpupuslit ng kargamento, at naging bihasang ismagler, at di-maglalaon ay yayaman. Hinabol ng batas si Kulasfiro, kaya minabuting ilihim ang identidad, at nangibang-bayan, at nagparetoke ng mukha (i.e., plastic surgery). Ngunit sa pagbabalik ni Kulasfiro sa sariling bayan ay nabura na ang kaniyang kaakuhan. Hindi na siya si Kulasfiro at hindi isang Filipino. Kundi ang bagong si Don Nicolo. Ang pagkilala sa sarili ay nagbabago, ayon sa tula, at ang mga pagbabago’y nililinlang kahit ang mismong lumikha ng pagbabalatkayo.

Kung itatambis ang nasabing tula sa “Ang Huklubang Lalaking Kinakausap ang Hagdanan,”25 halimbawa, ang kabaliwan na masisilayan ng nagsasalitang persona sa panig ng “lalaking kumakausap ng hagdanan” ay huhugot ng alusyon kay Sisyphus, ang mabalasik na Hari ng Corinth, na pinarusahang magdusa sa napakadilim at mala-kanárakáang Tartarus. Ang totoo’y wala namang paulit-ulit na batong itinutulak pataas at inihuhulog pababa ang nagpakilalang “Sisyphus” sa tula ni Antonio. Wala ring pahiwatig kung bakit sumapit sa pagkatantong “Sisyphus” ang nasiraan ng bait at siyang pinagtatakhan ng persona. Ano ang “kasalanan” ni “Sisyphus” sa tula ni Antonio at bakit tila habambuhay siyang isinumpang makipag-usap sa bawat baitang? Walang nakasaad. Samakatwid ay hindi mahalaga kung totoong si “Sisyphus” ang nakita ng persona. Ang kaparusahan—kung kaparusahan ngang matatawag ang kabaliwan—ay ang mismong pagkausap nang paulit-ulit sa baitang; at ang bagabag nitong iniiwan sa alaala ng nagtatanong na persona. Ang “baitang,” sa isang banda, ay maaaring sagisag sa antas ng pananaw, sa makasariling ambisyon at marahas na pagtrato sa sarili. Ito ang sákit na maaaring danasin lamang sa daigdig na pulos absurdo ang umiiral, at walang pagkakaiba sina Hades at Zeus at burado ang hanggahan ng dilim at liwanag.

V

Kaugnay ng poetika ni Antonio ang pagtatampok sa marubdob na pakikipagniig sa Tinubuang Bayan. Nasa Biro-biro kung Sanlan ang pangunang titis, na naging sigâ’t lumagablab sa Taga sa Bato, lalaganap sa Pagsunog sa Dayami (2003), Ornamental, Bagay-Bagay, at Tilad na Dalít (2003), sasagitsit kahit ang alipato sa Pira-pirasong Bituin, lilihis na may heometrikong hulagway sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, dadalisay sa Kalawang sa Patalim, iluluwal bilang timpladong satori at satyagraha sa Sa Aking Soledad (2002), at magbubukas ng paningin sa epikong bayang Piping-Dilat (2002). Lumilingon lamang si Antonio sa nakaraan. Ang kaniyang pagtulang may bahid ng pagmamahal sa bayan ay mauugat bago pa man dumating si Francisco Balagtas, at naging instrumento sa makabayang adhikaing lumaya sa anumang uri ng pananakop ng dayuhan.

Filipinas ang matang-tubig ni Antonio. Kaya malimit siyang nakalilikha ng mga taludtod na pumupuna sa maling kaugalian (“Ang pamahiin ay kamatayan sa paniniwala./ Ang paniniwala’y itinutulos na bandila.”26), ngunit marunong kumambiyo upang itanghal ang natatanging pagdanas (“Ang bawat alamat, talinghaga’t bugtong/ nitong alimango’y dagat na nasisid.”27), at ilarawan sa sariwang tagpo ang kabatiran (“Isang mandala ang pamahiin,/ nakabalabal na mga pinangko/ sa tulos ng kawayan sa gitna.”28). Kung minsan ay umuusig sa lango at walang kapag-a-pag-asang nilalang (“Saan hahangga ang iyong pagkabasag?/ Ang pagkadapa mo sa lupa/ ay paghalik sa sarili.”29). Nagpapasaring sa mga sakim na mariwasa (“Kahit sa angkan ng saranggola,/ may nandaragit at dinadagit tuwina.”30). Inuuyam ang sinumang taglay ang mapagbalatkayong tindig sa bayan (“Ngayon, ang sumpa at panata/ para sa kalayaan/ ay itinititik sa alagwa ng laway.31). At nagpapagunita ng halaga sa madalas kaligtaang bagay (“Hindi natin pansin/ ang sumisibol na pag-ibig sa pinitak./ Naroon ang puhunang pagtitiis/ na binhi ng pawis at luha…”32). Marami pang halimbawa na hindi na mababanggit dito sa kakulangan ng espasyo.

Mababatid sa mga tula ni Antonio ang pagsasalikop ng nilalaman at anyo. Ang paksa hinggil sa bayan, tao, hayop, o bagay ay laging kasugpong ng estilo, wika, at iba pang disenyong panretorika niya. Halimbawa’y ang katutubong dalít sa “Alitaptap” at ang tanaga sa “Bahay ni Ka Tale” ay mahihinuhang ginamit ni Antonio dahil angkop na angkop ang nasabing padron sa paksang tinatalakay sa tula.

Ang mapaglaro’t mapangahas na pananaludtod ni Antonio sa unang bahagi ng kaniyang pagtula ay maituturing na yugto ng eksperimentasyon. Ang mga pormang awit, dalít, salawikain, at tanaga ay mahahaluan ng haiku, rondel, soneto, triolet, villanelle, at iba pang padron. Maihahalimbawa ang mga piyesa sa Taga sa Bato at Bagay-Bagay. Habang lumalaon ay tila kakaligtaan ni Antonio ang porma at magtutuon nang mahigpit sa pinakadiwa ng tula (i.e., insight). Magiging prominente ang halos blokeng mga taludtod, na masisingitan kahit paunti-unti ng mahahaba o maiikli o sungking mga taludtod upang maiwasan ang nakauumay na anyo ng mga tula. Kahit ang astang “linyadong pagtula”-kung makatwiran man ang gayong taguri-na masisilayan sa Taga sa Bato ay magbabago, at mag-iiba ang himig na patuos sa himig na mapagpatawa, magaang, at mapagbulay, gaya ng mababanaag sa Pagsunog sa Dayami, Karikatura at iba pang Kontra-banda, at Kalawang sa Patalim.

Madaling bansagang tradisyonal at kumbensiyonal si Antonio nang hindi napagdidilian nang maigi. Malalim kasi ang baul ng talasalitaan niya, at malayong-malayo sa limitadong talasalitaan ng ibang kasabayan niya na pulos Tagalog-Maynila ang alam o kung hindi’y Taglish o dili kaya’y malasadong Filipinong Binisaya, Binikol o Inilokano. Bukod sa nabanggit, gawi ni Antonio na pagtugmain ang dalawang magkasunod na pandulong salita ng taludtod, kaya malimit lumitaw sa kaniyang mga tula ang tugmaang aabbccddeeff, at iba pa. Hindi naman makikita yaon sa lahat ng kaniyang tula, dahil sisikapin din ng makata ang tinig na kumbersasyonal-naturál na naturál ang hagod ng mga linya-at halos pasukin ang daigdig ng mala-prosa. Ang nakapagtataka’y ang tunay na tradisyonal na tugmaang isahan, gaya ng pulos aaaa o dili kaya aaaa/ bbbb/ cccc/ etc., ay bihirang makita kay Antonio. Maihahakang ang taktika ni Antonio ay aproksimasyon ng tulang pabigkas at pahimig, na ang bawat kataga ay umaalunignig at umaaluy-oy, at itinakda hindi lamang para namnamin nang tahimik sa pagbabasa bagkus pakinggan nang taimtim pag binibigkas o inaawit nang maindayog sa saliw ng musika.

Susubok si Antonio kahit sa paggamit ng mahahabang saknungan, at maihahalimbawa ang unang eksperimento niya sa “Flores de Julio” na maikokompara sa “Magtanong Tayo sa Bituin,” “Ang Kubo ni Filomena,” “Pagsalakay ng Lahar,” “Kamatayan ng Isang Lawa,” at “Sa Dibdib ng Gubat at Bundok.” Mag-iiba-iba ang tabas ng mga taludtod ng makata, magiging yugto-yugto, at bawat yugto ay tila pilas ng pangyayaring magbabadya ng susunod na pangyayari. Pinakamahaba sa lahat ang de-tugma’t sukat na epikong-bayang Piping-Dilat, ang pakasaysayang rendisyon ni Antonio sa buhay, pakikipagsapalaran, at pakikibaka ni Marcelo H. del Pilar kapiling ang iba pang propagandista at anakpawistang mandirigma noong panahon ng pananakop ng Espanya sa Filipinas. Tila nobelang patula ang ginawa ni Antonio, at doon pinagsalimbay ang kasaysayan at kathang-isip upang punan ang anumang puwang na mahirap nang matagpuan sa pasulat na kasaysayan. Maihahalimbawa ang “Canto VII: Pangungulila Pagdaong sa Hong Kong” na malikhaing pagsasalaysay sa maaaring naganap kay Del Pilar sa banyagang pantalan.

VI

May sariling diskarte si Antonio sa pagbubuo ng koleksiyon. Kade-kadena ang kaniyang mga kabanata, at kahit ang panghuling kabanata-o ang ilang tula sa isang kabanata-ng isang aklat ay papasok sa susunod niyang aklat ng tula. Ang repetisyon ng ilang tula sa isang koleksiyon ay maituturing na malikhaing estribilyo ni Antonio, na mapangangatwiranan dahil tinatangka nitong paigtingin ang eksposisyon ng isang paksa o tema sa kabilang koleksiyon tungo sa iba pang koleksiyon; at pagpapaalala na rin sa mga mambabasa na magkakaugnay ang ilang tula kung tema, taktika, at anyo ng siklo ng mga tula ang pag-uusapan. Maihahalimbawa ang Taga sa Bato, na ang mga kabanatang “Karayom sa Dayami,” “Isang Pagtanaw sa Pamahiin,” “Tilad na Dalít,” “Maynila,” “Sa Nabaklas na Andamyo,” “Biyahero,” “Sigwa’t Sagwan,” “Pagpuksa at Pakikidigma,” at “Sa Harap ng Makinilya” ay magsisilbing bunsuran ng mga susunod na aklat, gaya ng Bagay-Bagay, Kalawang sa Patalim, Pira-pirasong Bituin, at Ornamental.

Titigang maigi ang labindalawang aklat ni Antonio upang mabatid ang kaniyang lalang. Magiging prologo ang Biro-biro kung Sanlan. Ang Taga sa Bato (una’t pinalaking edisyon) ang magiging haligi ng siklo hinggil sa nayon at lungsod; sa nakalipas at makabagong panahon; sa realidad at kathang-isip; sa pag-iisa at pakikisangkot; sa sarili at kaligiran. Halos higupin ng Taga sa Bato ang nilalaman ng Biro-biro kung Sanlan, ngunit maidadahilang kailangan yaon upang mabuo ang estruktura ng Taga sa Bato bilang panata ng pagkamakata ni Antonio. Pagbabalik sa minulan at sa sarili ang hagod ng Ornamental, at halos nasa balag ng pangungumpisal, gayunman ay may kakayahang umigpaw ang masasabing pansiriling lunan tungo sa panlipunang lunan. Nagsusuhayan naman ang Bagay-Bagay, Pira-pirasong Bituin, at Kalawang sa Patalim na pawang maituturing na pagpapalawig sa nasimulang kabanatang “Tilad na Dalít” mula sa Taga sa Bato. Ang rurok ng tatlong nabanggit na aklat ay kakatawanin ng Pagsunog ng Dayami na walang pasubaling pinakamatindi’t pinakamasinop na koleksiyon ni Antonio kung uuriin ang mga tulang umiinog sa temang pangkaligiran. Maituturing na kapilas na anyo ng Biro-biro kung Sanlan ang Karikatura at iba pang Kontra-banda. Ang pagkakaiba lamang ay mapaglaro sa estilo at pananaludtod ang Biro-biro kung Sanlan, ngunit sopistikado naman ang rendisyon ng parikala, siste, at paradoha sa Karikatura at iba pang Kontra-banda.

Samantala’y kung tula hinggil sa pag-ibig ay hindi pahuhuli si Antonio. Tumining ang gayong paksa sa koleksiyong Sa Aking Soledad na lumagom sa halos lahat ng tula ng pag-ibig ni Antonio at dinagdagan pa ng mahigit tatlumpung tulang pulos bago. Nakapaloob din sa nasabing aklat ang iba’t ibang sipat at pagdulog sa pag-ibig ngunit hindi kailanman magyayabang ng pagsakop—dili kaya’y magtatanghal ng mapagkandiling pagpapaikot sa babae—gaya ng romantikong awit ni Julio Iglesias. Para kay Antonio’y nariyan ang pag-ibig subalit hindi kailanman maitatakda ang pakahulugan. Subukin mong lapatan ng pakahulugan ang “pag-ibig” ay maglalaho itong parang bula. Ihambing ang magkaibang sipat sa “Sinisinta kita” sa “Ang Mangingisda at ang Sirena”; o itambis ang konsepto ng pagtatalik sa “Paghiga sa Kamang May Tinik” at “Musa Abandonada.” Mababatid na hindi kayang saklawin ng isip ang wika ng puso. Nakasaad ito sa tulang “Walang Paa ang Pag-ibig” ni Antonio:

Walang paa ang pag-ibig,
Pero nalalakbay ang gubat at bundok.
Walang pakpak,
Pero nalilipad ang matayog
na panaginip at pananagutan.
Walang bituka,
Pero nadarama ang uhaw at gutom.
Walang bisig,
Pero kumikilos at nakikibaka
Laban sa pagduduhagi.
Walang ilong,
Pero nasasamyo ang halimuyak
Ng pag-asa at tagumpay.
Walang mata,
Pero nakakakita
Ng luwalhati sa kabiguan.
Walang tainga,
Pero nakaririnig ng pagdaing.
Walang utak,
Pero sinlawak ng dagat at papawirin.
Walang ngalan,
Pero sagisag na sinasambit,
Isinasapuso at isinasadiwa.
Walang katauhan,
Pero kalangkap ng lupa at katotohanan.33

Laging kalangkap ng lupa at katotohanan ang pag-ibig ng makata sa kaniyang musa. Ang “lupa” ay maaaring tulay na pahiwatig sa kaniyang tinubuang bayan. At ang “katotohanan” ay isang hiwagang paulit-ulit na tutuklasin ng makata, at lalo na ng madlang naghahanap ng bagong larang ng selestiyal na pagmamahal. Isa nang uniberso si Teo T. Antonio. Nakasalalay sa ating paningin ngayon kung paano huhulihin ang kaniyang liwanag o luningning.

Mga Tala

1 Basahin ang Mutyang Dilim ni Virgilio S. Almario (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001). Maiuugnay din dito ang Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio… at iba (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1992).

2 Almario, ibid., p. 3.

3 Basahin ang The Dialogic Imagination ni Mikhail M. Bakhtin, inedit ni Michael Holquist. Salin nina Caryl Emerson and Michael Holquist (Austin: University of Texas Press, 1981).

4 Basahin ang “Balani at Birtud ng Tula ni Teo T. Antonio,” introduksiyon na sinulat ni Mike L. Bigornia sa Biro-biro kung Sanlan (Kamuning: Tagak Series, 1982), mp. 10-14. Ang pagpapakilala ni Bigornia sa panganay na aklat ni Antonio ay masasabing mapangahás, dahil kabataan ang sumulat ng kritisismo at hindi matandang kritiko o makata na siyang tradisyon na sa panitikang Tagalog noon.

5 Ito ang unang saknong ng tulang “Bugtong-hininga,” mula sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 52. Mababasa rin sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994), p.36.

6 Mula sa tulang “Ang Mutya kong si Perfecta” kabilang sa koleksiyong Biro-biro kung Sanlan, p. 69. Ang buong tula’y hindi purong tugmang dalisay, gaya ng isinaad na panuto ni Iñigo Ed. Regalado. Ang una at ikatlong saknong ay nahaluan ng tugmang tudlikan, gayunman ay hindi nakasira yaon sa buong estruktura ng tula.

7 Magandang balikan ang mahaba-habang sanaysay ni Virgilio S. Almario, “Ang Tradisyonal sa ‘Doon Po sa Amin’ ni Teo T. Antonio,” na kabilang sa Mutyang Dilim Ang Bagong Pormalismong Filipino sa Pagbasa ng Tula (Marikina City: Talingdao Publishing House, 2001), mp. 99-112. Marami pang panig ng pagtula ang matutuklasan kay Antonio, at isang magandang simula ang ginawa ni Almario.

8 Unang saknong ng tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 32-33. Mababasa rin sa pinalaking edisyon ng aklat, mp. 44-45.

9 Mula sa tulang “Karayom sa Dayami,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, una at pinalaking edisyon, p. 24.

10 Mula sa tulang “Maynila,” na kabilang sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, mp. 32-34. At sa pinalaking edisyon, mp. 44-46.

11 Ito ang pangwakas na taludtod sa tulang “Biyaheng Abra,” mula sa koleksiyong Taga sa Bato, unang edisyon, p. 76. Mababasa rin sa pinalaking edisyon, p. 76.

12 Batayan ko rito ang listahan ng mga kawikaan sa The Proverbs, tinipon at inedit ni Damiana L. Eugenio (Quezon City: University of the Philippines Press, 2002), mp. 490 at 602-607.

13 Mga taludtod sa tulang “Sigan Natin Ngayong Gabi ang Aking Taludtod,” nalathala sa Taga sa Bato (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1991), p. 57. Mababasa rin sa bagong edisyon ng aklat na nalathala noong 1994.

14 Mga taludtod mula sa tulang “Berso,” nalathala sa Bagay-bagay (Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992), p. 13.

15 Basahin ang tulang “Akala Niya,” nalathala sa Ornamental (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1998), mp.111. At Karikatura at iba pang Kontra-banda (Maynila: University of Santo Tomas Publishing House, 1999), p. 61.

16 Basahin ang tulang “Ang Makatang Tagalog na Hindi Maintindihan,” unang nalathala sa Ornamental, mp., 113-114. At sa Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 41-43. Napiling finalist sa Panorama Literary Contest noong 1993 ang nasabing tula, ngunit may tipograpikong pagkakamali sa pamagat.

17 Mga taludtod mula sa tulang “Kapag Biyernes,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 58.

18 Mga taludtod mula sa tulang “Subersiyon,” nalathala sa Bagay-Bagay, p. 57.

19 Kabilang sa koleksiyon ng mga tula ni Alejando G. Abadilla, pinamagatang Ako ang Daigdig at Iba Pang mga Tula (Manila: Silangan Publishing House, 1965).

20 Kabilang sa seksiyong “Ang Ako,” at nalathala sa Tanagabadilla, Ikalawang Aklat, ni Alejandro G. Abadilla (Pilipinas: Limbagang Pilipino, 1965), p. 18.

21 Mga taludtod sa tulang “Ang Ayaw Ko,” kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 88-89.

22 Basahin ang mga tulang “Usok ng Sigarilyo” at “Antigong Makinilya” na pawang kabilang sa koleksiyong Ornamental, mp. 12-13 at 43-44.

23 Mga taludtod sa tulang “Talinghaga” na kabilang sa Pira-pirasong Bituin (Quezon City: University of the Philippines Press, 1996), p. 10.

24 Mula sa tulang “Nawawalang Mukha,” kabilang sa koleksiyong Karikatura at iba pang Kontra-banda, mp. 107-109.

25 Mula sa Karikatura at iba pang Kontra-banda , p. 11.

26 Mga taludtod ng tulang “Ikatlong Sindi sa Sigarilyo,” unang nalathala sa Biro-biro kung Sanlan, p. 60. At sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 27.

27 Mga taludtod sa “Pakikipaglaro sa Alimango,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 144.

28 Mga taludtod sa “Isang Mandala ang Pamahiin,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, (Quezon City: University of the Philippines Press, 2003), p. 86-87.

29 Mga taludtod sa “Panauhin sa Lansangan,” nalathala sa Taga sa Bato, pinalaking edisyon, p. 43.

30 Mga taludtod sa “Angkan ng Saranggola,” nalathala sa Pagsunog ng Dayami, p. 80.

31 Mga taludtod sa “Inilalagda sa Dugo,” nalathala sa Kalawang sa Patalim (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1998), p. 9.

32 Mga taludtod sa “Kung Walang Nagmamahal sa Lupa,” nalathala sa Sa Aking Soledad (Pilipinas: Oregem International Publishing Co., Inc., 2002), p. 113-114.

33 Mula sa koleksiyong Sa Aking Soledad, p. 16.

Ang Halaga ng Timpalak Pampanitikan

Mainit ang panahon ngayon, gaya lamang ng deliberasyon sa mga timpalak pampanitikang Palanca at UP Sentenyal, na sa aking palagay ay makatutulong nang malaki upang maitala ang mahuhusay na ani sa mga lárang na gaya ng tula, kuwento, nobela, sanaysay, at dula. Ang ganitong kainit na panahon ay bagay na bagay para sa pagbubukas ng pinto sa mga “bagong dugo” ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Liwayway A. Arceo, at sa pagpapahalaga sa mga timpalak na laan sa mga manunulat.

Mahalaga ang timpalak pampanitikan, dahil nagiging barometro ito ng mga manunulat, gusto man nila o hindi. Matatagpuan sa timpalak ang mga kabaguhan sa gaya ng tula at katha, o kaya’y ang pagkabalaho ng isang panahon sa isang yugto ng kumbensiyong dapat itakwil at iwasan ng susunod na henerasyon. Timpalak ang nagbubukas ng pinto upang makilala ng madla ang kabataang makata o ang ubaning kuwentistang muling nagbabalik sa panitikan, at ang naturang pagkilala ang magiging simbolikong kapangyarihan ng nasabing makata o kuwentista tungo sa pagtanggap ng pabliser, pamantasan, at kapuwa manunulat.

Hindi lahat ng timpalak pampanitikan ay makapagpapayaman sa isang manunulat, maliban sa ilang pagkakataon na gaya ng timpalak sentenyal ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) na nagbigay ng tig-iisang milyon sa bawat kategorya mulang sanaysay hanggang epiko. Ang totoo’y maliliit ang premyo sa mga timpalak, at masuwerte na kung makasungkit ng 200 libong piso na minsanan kung dumating gaya ng natatanging patimpalak ng UP Institute of Creative Writing. Ang karaniwang timpalak, gaya ng Palanca, ay malaki na ang 12 libong piso bilang unang gantimpala, na susundan ng gaya ng Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ngunit wala sa halaga ng gantimpala ang susi ng lahat. Ang pagkilala ng mga manunulat at kritikong hurado ay sapat na upang mabasbasan ang isang manunulat at maiangat mula sa abang hanay ng mga mortal.

May mga timpalak na makapagbibigay ng pambihirang paghanga mula sa publiko, lalo kung ang mga hurado ay batikan sa kani-kaniyang larang at itinuturing nang institusyon ang nagpapatimpalak, gaya ng Palanca Foundation. Ngunit may mga timpalak na makasisira din ng pangalan ng tanyag na manunulat, lalo kung ang timpalak ay hindi mo malaman ang pamantayan ng pamimili ng magwawagi, at laging nalulukuban ng kontrobersiya ang mga pili ng hurado. Sa ganitong yugto, marapat nang mag-isip-isip ang isang isponsor kung ang timpalak ay nakapagsisilbi pa ba sa panitikan o kung ito ay nagsisilbing raket na lamang ng sinumang nagpapatakbo ng timpalak.

Hindi lahat ng nagwawagi sa timpalak ay magaling. May ilang natatalo sa timpalak ang higit na mahusay kaysa sa mga nagwagi ng unang gantimpala, at ang ganitong pangyayari ay maaaring kakulangan na ng mga hurado na nakaligtaan ang isang lahok o hindi napansin iyon sa kung anong dahilan. Ngunit para sa akin, mabuti pa ring sumali at matalo, kaysa matalo nang hindi sumasali sa anumang timpalak. Isang uri ng tunggalian ang timpalak, at ang sinumang lalahok sa gayong tunggalian ay dapat batid ang mga batas ng bakbakan upang maging katanggap-tanggap ang pagwawagi o pagkabigo.

Sa oras na pumaloob ang sinumang manunulat sa timpalak, ipinauubaya niya ang kaniyang akda sa pagtatasa at pagbasa ng mga hurado, at ipinapalagay na sinasang-ayunan din niya ang mga patakaran ng organisador ng timpalak. Ang naturang pagtitiwala ay dapat tumbasan ng pagpapahalaga ng institusyong nagpatimpalak, upang tumingkad ang ugnayan ng dalawang panig. Naghahangad ang manunulat na lumahok na makakuha ng pagkilala mula sa institusyon at kapuwa manunulat, samantalang ang institusyong nagpatimpalak ay nangangarap na madagdagan ang taglay na simbolikong kapangyarihan dahil sa mga manunulat na tanyag o tumanyag dahil sa timpalak.

Kaya hindi iisang agos lamang ang resulta ng timpalak. May nakukuha ang mga nagwaging kalahok sa timpalak, at may naaani rin ang institusyong nagpatimpalak (bukod pa ang insentibo sa buwis).

Ang anumang timpalak pampanitikan ay dumaraan sa yugto ng pagtuklas, ng pagpapalaganap ng kumbensiyon, at sa ilang pagkakataon, ng pagpapakilala ng mga pambihirang akdang hahangaan sa paglipas ng mga taon. Ihalimbawa na ang aklat na Talaang Ginto, Gawad Surian sa Tula, Gantimpalang Collantes 1980-1991 (1991). Testamento ang nasabing aklat sa pagpapakilala sa 64 makata, bagaman sa ilang pagkakataon ay pagdududahan ang nasabing taguri. Ilan sa namumukod na makata ng naturang dekada ay sina Rio Alma, Romulo A. Sandoval, Mike L. Bigornia, Fidel Rillo, Ariel Dim. Borlongan, Lamberto E. Antonio, Victor Emmanuel D. Nadera Jr., Dong A. de los Reyes, at Ronaldo L. Carcamo. Sa aking palagay, ang siyam na ito lamang ang maitatangi sa nasabing dekada, bagaman ang ilan sa kanila’y hindi sumungkit ng unang gantimpala.

At kung pipiliin sa siyam na ito ang sumulat ng pinakamahusay na tula, iyon ay walang iba kundi si Rio Alma. Ang kaniyang piyesang “Sa Iba’t ibang Panahon” ang maituturing na tula ng dekada 1980, dahil sa pambihirang disenyo, nilalaman, at diwaing magmumula lamang sa tarikan. Tatlong makata lamang, sa aking palagay, ang maibibilang sa hanay ni Rio Alma at kasama rito sina Bigornia (“Pinto”), Sandoval (“Tumatayog, Lumalawak ang Gusali, Resort, Plantasyon”), at Rillo (“Bag-iw”). Ang mga tulang ito ang dapat inilalahok sa mga teksbuk upang mapag-aralan ng mga estudyante. Magtataka kayo bakit wala rito ang iba pang makata. Wala sila dahil nagkataong ang inilahok nilang tula sa timpalak ng Talaang Ginto ay hindi makayayanig ng daigdig.

Ang karanasan ng Talaang Ginto ay karanasang dapat mabatid ng sinumang kabataang ibig pumaloob sa panulaan, o sa panitikang Filipinas sa kabuuan. Bagaman masasabing mas maraming ipa kaysa palay ang ani ng Talaang Ginto, naging mabuting halimbawa naman ito kung paano dapat tumula ang susunod na henerasyon ng mga makata. Lumago ang panulaan, lumago ang panitikan, at iyon ay dahil may mga pagsisikap na itaguyod ang mga timpalak pampanitikan.

Walang masama kung magwagi o matalo sa timpalak (malalagasan ka nga lamang ng ilang daang piso at magagasgas ang ego). Ang higit na mahalaga’y nasusubaybayan mula sa hanay ng mga lahok ang magiging landas ng panitikan, natutuklas ang mga sungayang talento, at nahihimok tayo kung paano pag-iibayuhin ang paglilinang. Habang lumalaon, ang tagumpay ay hindi na lamang angkin ng makata o mangangatha, bagkus angkin ng buong bansa.

Uhaw ang Tigang na Lupa

Ipagdiriwang sa 8 Mayo 2008 ang ika-65 taon ng pagkakalathala ng maikling kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa” (1943) ni Liwayway A. Arceo. Mahalaga sa aking palagay ang nasabing araw dahil iyon ang magbubukas ng pinto kay Liwayway sa daigdig ng panitikang Tagalog, at pagkaraan, sa panitikang Filipino sa kabuuan. Pambihira ang hagod ng mga salita sa kathang “Uhaw ang Tigang na Lupa,” at hindi kataka-taka kung umani iyon ng mga papuri mula sa mahihigpit na kritiko.

Inilahad ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” sa punto de bista ng isang anak na dalagita, at sa kaniyang mala-muslak na mata’y masisilayan ang matimpi, kung hindi man sikil na ugnayan, ng magkabiyak na ang lalaki’y manunulat at ang babae’y tapat na maybahay. Magkakalamat ang kanilang pagsasama, nang di-sinasadyang matuklasan ng babae na may ibang sinisinta ang kaniyang bana. Ngunit lilihis sa kakaibang wakas ang kuwento nang magkasakit, magdeliryo, at pagdaka’y mag-agaw-buhay ang lalaki. At bago ito malagutan ng hininga’y hiniling nito ang pagsang-ayon ng kaniyang kalaguyo sa bagong pagsasama. Sumagot ang kabiyak at nagkunwang kalaguyo—at pinagbigyan kahit napakasakit pakinggan ang gayong pagtataksil ng kaniyang bana.

Tapat at dalisay ang himig ng persona, at bawat kataga nito’y tila ibinubulong sa kaniyang saksing talaarawan. Kung naganap marahil ang tagpong iyon sa ngayon ay hindi na talaarawan ang anyo bagkus isa nang lahok sa blog. Ang paglalarawan sa mga tauhan, ang paghuhunos ng panahon, ang unti-unting pagbubunyag ng lihim, at ang maingat na pagkatalogo ng diwa’t damdamin ay pawang itatakda ng numero sa simula ng talata o pangkat ng mga talata.

Walang pasubaling naiiba ang hagod ng wika ni Liwayway sa iba pang manunulat na nauna sa kaniya, gaya nina Fausto Galauran, Valeriano Hernandez Peña, at Antonio Sempio, at kahit sa kaniyang kapanahong si Genoveva Edroza-Matute. Maindayog gaya sa musika ng tulang tuluyan ang pukol ng salita ni Liwayway. Ngunit hindi mahahaba ang pangungusap, at kung pinahaba man ay halatang sinadya upang patagintingin ang bagsak ng mga salita o diwa; hindi rin mapalamuti ang pandiwa o pang-uri; at lalong hindi makapagpapaantok ang monologo gaya ng sa mga tauhang nauuso noon. Heto ang ikalimang bahagi ng “Uhaw ang Tigang na Lupa” na maitatangi sa iba pang bahagi dahil waring sinadya rito ang repetisyon ng mga salita at paglalarga ng diwa:

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulot ng isang amang nagsasalaysay ukol sa mga kapre at nuno at ukol sa magagandang ada at prinsesa, ng isang nagmamasid at nakangiting ina, ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Nguni, sa halip niyon ay minamalas ko si Ama sa kaniyang pagsusulat, sa kaniyang pagmamanikilya, sa kaniyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangungunot ang kaniyang noo, kung paano niya ibinubuga ang asóng nagbubuhat sa kaniyang tabako, kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap, kung paano niya ipipikit ang kaniyang mga mata, kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat . . . .

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punít na damit, kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kaniyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito-sa galaw ng kaniyang mga daliri-ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Nguni, ang pananabik na ito’y mapapawi.

Kabagut-bagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay-isang batang marahil ay nasa kaniyang kasinungalingang gulang o isang sanggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliliit na na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labìng walang-bahid kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid na kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan . . . .

Magaan ang ganitong uri ng pananagalog, at masasabing kauri ng wikang ginagamit kahit sa pagsusulatan ng mga karaniwang tao noon. Ngunit siyempre, hindi na uso ngayon ang ganitong uri ng wika. Ano’t anuman, kapupulutan pa rin iyon ng aral ng bagong henerasyon ng mga manunulat, gaya sa hanay ng mga manunulat sa Tagalog Online Pocketbook at iba pang literaturang pangkabataan. Mabuti nang mag-aral hinggil sa ating wika at panitikan, kaysa ipagpatuloy ang pangangapa at walang habas na katangahan.

Inaanyayahan ko kayong basahin muli si Liwayway A. Arceo. Basahin natin ang kaniyang mga nobela, kuwento, dula, sanaysay, at iba pang akda nang bukas ang isip at malayo sa prehuwisyo at haka ng ibang kritikong mababaw ang pagsusuri sa panitikang Filipino. Basahin at pahalagahan natin ang mga manunulat na Filipino alinsunod sa likas na agos ng kasaysayan ng panitikang pambansa habang gamit ang lente ng pagbasang magmumula lamang sa pananaw ng Filipino. Mabigat ito, subalit nakatitiyak akong kayo rin ang ganap na makatitighaw ng uhaw ng malawak, mayamang lupain ng ating pambansang panitikan.

Salin-awit, halaw na awit

“Salin-awit” ang taguri ng ilang manunulat na nahihilig humalaw ng mga banyagang awit sa Ingles at ilapat iyon sa Filipino. Sa mahigpit na pakahulugan, hindi naman talaga “salin” ang ginagawa ng mga manunulat na Filipino bagkus malikhaing paghalaw (adaptation); at ang orihinal na awit ay napaghuhunos sa panibagong katauhang nakadamit sa talinghaga at dalumat ng Filipino. Nakakahon ang nasabing mga awit sa musika, at ang musikang iyon ang tanging hiniram ng Filipino upang magamit sa bagong liriks na kinatha sa Filipino.

Kabilang sa hanay ng mahihilig humalaw ng awit ang yumaong si Rene O. Villanueva, na hindi lamang mahusay humalaw bagkus mag-angkop ng katumbas na salita at tunog sa hiniram na awit, at nakabuo ng halos sandaan yatang halaw mulang klasikong teatro hanggang pop at rock. Mababanggit din si Jose F. Lacaba, na nakabuo na ng isang koleksiyon ng salin-awit at paborito ngayong kantahin sa Conspiracy Bar at iba pang inuman. At ngayon ay nakilahok na rin si Charlson Ong, na malakas tumoma at mahusay sumulat, bukod sa malimit kumanta ng mga romantikong awit noong mga dekada 1940-1960.

Maihahalimbawa ang rendisyon ni Charlson sa kantang “Send in the Clowns” na orihinal na kinatha ni Stephen Sondheim at inawit ni Judy Collins. Pinamagatang “Payasong Payak,” ang nasabing halaw ay umaangkop sa orihinal na musika ngunit ang liriks ay binago upang umayon sa pambihirang paghihiwatigan ng mga tomador at ng kanilang musa. Heto ang halaw ni Charlson Ong::

Payasong Payak

Bakit ganyan, tayong dalawa?
Paglapag ko sa lupa
Lumipad ka naman
Sa himpapawid.

Masaya ka ba, sa langit mo?
Ngayong malaya ka na
Ako ang bihag ng alaala
Bakit ganyan?

Refrain:
Ngayong alam ko,
Ikaw ang mahal,
Pagbukas ko ng pinto’y
Walang naghintay.
Parang payasong payak
Sa huling palabas
Walang katapat,
Walang palakpak.

Nakatutuwa, nakalulungkot
Di pala magkatuwang
Ang hangad natin sa mundong
Makulay
Ng mga payaso.
Papasukin sila.

Refrain:
Ngayong alam ko
Ikaw ang hangad
Pagbukas ko ng pinto
Walang naghihintay
Parang payasong payak
Sa huling palabas.
Walang katapat,
Walang halakhak.

Itong wakas
Ng palabas
Huling pagpapatawa
Ng payasong payak.
Ipagpatawad ninyo
Mali niyang pasok.
Paalam na lang.

Hindi na ito ang orihinal na awiting Ingles, na “Isn’t it rich/ Isn’t it queer/ Losing my timing this late/ in my career/ And where are the clowns?/ . . . . ni Sondheim. Kung aawitin marahil ni Lani Misalucha ang “Payasong Payak” ni Charles, tiyak kong makakargahan pa iyon ng elektrisidad, dahil ang wika ay matalik sa mga Filipino.

Walang masama sa ganitong paghalaw, dahil ang naturang paghalaw ay malayong-malayo sa kagaguhang paghalaw ni Michael V. na hanggang pangkubeta lamang ang mapanlibak na pagpapatawa. Sa naturang ehersisyo ng paghalaw, ang dating regular na inuman ng mga tomador na manunulat ay nagiging kapaki-pakinabang dahil sa pagpapahusayan ng pagkatha. Habang may umaawit na binibini, ang mga manunulat naman ay lumilikot ang isip sa paglikha ng mga awiting halaw upang ang nasabing binibini’y lalong mapaibig sa kaniyang awit, kung hindi man sa katabing tomador na kompositor.

Sa estado ng mga awiting Filipino ngayon, makabubuting makinig muna sa mga malikhaing halaw nina Pete Lacaba, Rene Villanueva, at Charlson Ong. Ano ang malay natin, baka ang naturang mga halaw ay isang hakbang pasulong upang umisip ng higit na matitinong liriks ang mga Filipinong kompositor na matagal nang naghihilik sa mga walang katorya-toryang musika mula sa ibang bansa. Ito na ang panahon upang lumabas sa maliit na sirkulo ng mga tomador—na nagkataong lihim ding kompositor—ang salin-awit o halaw na awit, at nang mapakinggan saka kaluguran ng malawak na tagapakinig.

Haibun: Balintunang Pagpapalaya sa Panulaang Filipino

May mga bagay na kailangang patusin, at isa na rito ang sanaysay na “Haibun: Panimulang Pagpapakilala at Pagpapalaya sa Panulaang Filipino” ni Reuel Molina Aguila na nalathala sa Likhaan 2007 na pinamatnugutan ni Jose Dalisay Jr., at inilathala ng UP Institute of Creative Writing. Kahanga-hanga ang akda ni Aguila, dahil taglay nito ang balintunang pagpapalaya sa panulaang Filipino at ang hilaw na panggagagad sa tulang Hapones sa pamamagitan ng lihis na lohika.

Ipinagyabang ni Aguila na ang kaniyang natuklasang “haibun” ay sinamang palad na hindi kinasangkapan sa Filipino ng mga modernistang makata noong nakalipas na panahon. At mahihinuhang marapat siyang pasalamatan dahil sa pagpapakilala nito sa Filipinas.

May apat na katangian umano ang “haibun”. Una, ito ay isang anyo ng pagtulang nagsasanib ang “tula” at ang “prosa.” Ginamit niya ang halimbawa ni Matsuo Munfusa (Matsuo Basho) na ang mga tala sa paglalakbay ay nilangkapan ng haiku. Ikalawa, ang “haibun” ay nagtataglay umano ng katangian ng pagiging maikli, mapaglarawan, at maligoy sa pagsasaad ng diwain. Ikatlo, nagkakatulungan umano ang prosa at ang tula, na ang haiku ay lumalagom, kung hindi man nagpapaalingawngaw, sa isinasaad ng prosa. At ikapat, ang “haibun” ay “nagsisimula sa personal na karanasan.”

Tumuloy pa si Aguila sa kaniyang banat sa mga modernistang makatang Filipino—na laging nakatingin umano sa kanluran—saka nagmungkahing ang “bagong anyo” ng haibun ay magagamit sa pagpapalago ng panulaang Filipino at malayang magiging kasangkapan ng sinumang tao. Sa ganitong pananaw, ang haibun ang mistulang tulay upang pagdugtungin ang madla at ang tula o makata.

Isang panukalang inobasyon ni Aguila ang pagtatala ng karaniwang karanasan, gaya sa diary; at ang pagkasangkapan sa dagli at tanaga upang makapagluwal ng bago’t isina-Filipinong “haibun.”

Marupok na tumbasan
Nakaligtaan ni Aguila na iba ang wikang Hapones at ang wikang Filipino. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng dalawang wika, at hindi maikakahon ang Filipino sa napakasikip na padron ng wikang Hapones. Isa sa mga katangian ng Filipino ang kabulaklakan ng wika, at iyon ang maghahatid ng pambihirang pahiwatig at musika, at mahirap tumbasan kahit ng wikang Hapones. Ang elegansiya ng Tagalog, kung hindi man Filipino, ay nasa kabulaklakan, at hindi sa pagkakahon ng Hapones na malayo sa kultura at kinagisnan ng Filipino.

Ang kaniyang pahayag na “Simpleng-simple ang haibun, gaya ng masining na kapayakan ng mga tulang Hapones at Tsino” ay mapanlagom. Una, payak man ang anyo ng gaya ng haiku, hokku, o tanka ay napakahigpit at napakarami namang panuto nito. Kung hindi bihasa sa wika—o kaya’y hindi dalubhasa sa paraan ng pagsasakataga o pagdalumat—ang sinaunang Hapones ay tiyak na hindi siya makasusulat ng haiku o hokku o tanka. Ang karaniwang ginagawang panggagagad ng mga makatang Filipino ay karaniwang nasa anyo lamang; at ang sinaunang silbi at ubod ng tula ay nakakaligtaan. Ikalawa, ang prosang haikai na sinipi ni Aguila mula kay Beth Vieira ay mapaglarong prosang nauso noong dulo ng panahong piyudal sa Japan, at kung ano man ang orihinal na silbi nito para sa mga maharlika o timawa ay naghunos na sa paglipas ng panahon at kinargahan ng iba’t ibang pagpapakahulugan alinsunod sa nais na pagkasangkapan ng mga mambabasa. Ang sinaunang silbi ng prosang Haikai ay malayo na sa kasalukuyan, at bukod dito’y maitatangi iyon sa pambihirang dagli o katha sa Tagalog kung hindi man Filipino. Ikatlo, ang “mapaglarawan at kongkretong imahen” na taglay ng haibun ay hindi kataka-taka sa wikang Hapones dahil ang mismong anyo ng titik o salitang Hapones ay may katumbas o halos gagarin ang anyong inilalarawan o isinasaad nito, gaya ng “punongkahoy” o “halaman” na ang karakter ay anyong punongkahoy o halaman. Naiiba ang hagod ng paglalarawan sa mga sinaunang bugtong o salawikain o ambahan dahil nakaayon ang larawan alinsunod sa masisilayan sa paligid at sa pag-uugnay niyon sa pahiwatig o pakahulugang matalik sa kaisipan ng isang liping bubuo ng kolektibong diskurso. Ikapat, ang “pansariling tala” na ginagawa noon ng mga makatang Hapones ay iba ang pinagmumulan at sanhi kung ihahambing sa ngayon, gaya halimbawa ng pag-arok sa espritwalidad. Hindi iniisip halimbawa ni Basho na ang kaniyang tula ay tatangkilikin ng sambayanan; nagmumula si Basho sa personal na anggulo at naghuhunos lamang ang pagsagap sa kaniyang mga tula dahil sa ibinibigay ditong pagpapahalaga, pagpapakahulugan, at pagpapahiwatig ng madlang bumabasa sa iba’t ibang panahon.

Lalong lalabo ang paliwanag ni Aguila nang sipiin niya uli ni Vieira hinggil sa pakahulugan ng makabagong haibun: “Haibun as a form is in transition and still being developed.” Kung ang makabagong haibun ay nasa yugto ng paglilinang, may pahiwatig si Aguila na hindi dapat magpahuli ang makatang Filipino at kailangang makipagsabayan o magsimulang manghiram, gaya ng Amerikano. Ngunit malabo kung anong uri ng haibun ang inaangkat ni Aguila, at ang pagpapahiwatig na ang ginagawa ni Aguila at kapanalig ay isang uri ng modernong haibun ay dapat na timbangin dahil maaaring nasa wikang Filipino lamang ang bersiyon ng haibun ni Aguila at iba pa subalit walang iniungos sa mga klasikong haibun noong nakalipas na panahon.

Kung malinaw ang pagkasagap ni Aguila, maaaring tingnan niya ang haibun sa punto de bista ng tao na nagmumula sa Kanluran na tumitingin papaloob sa Japan. Kung sisipatin naman mula sa loob ng Japan, ang haibun ay isa nang ganap na anyo at tula na umuunlad lalo sa paglipas ng panahon. Kung naabot na ng haibun ang sukdulan ng kaunlaran sa loob ng Japan, ang pagpapalaganap nito sa ibang bansa ay maituturing na pagpapatuloy na lamang sa kumbensiyong nasimulan na sa Japan; o kaya’y pagsasanga ng ibang uri ng haibun na maaaring aampunin ng Filipino at siya namang pagtatakhan ng Hapones. Sa ganitong pananaw, ano pa ang silbi sa pagsunod sa haibun?

Ang pagtingin ng Filipino ay maaaring hindi nalalayo sa pananaw ng gaya ni Vieira. Una, banyagang anyo ang haibun, at kung kakasangkapanin man ito sa Filipino ay dapat mabatid ang pinagmumulan nito. Sa himig ni Aguila, ang haibun na nasa Asya ay ipinapalagay na dapat mabatid muna ng mga makatang Filipino dahil Asyano rin ito. Kaugnay niyon ang palagay na marapat maalam ang Filipino sa gayong anyo dahil malapit ang Filipinas sa Japan. Muli, adelantado ang ganitong haka-haka dahil iba ang pinagmumulan ng Filipino kaysa Hapones, lalo sa paglago ng wika at panulaan, kahit sabihin pang malapit ang pook ng Filipinas sa Japan. Ang nasabing haka-haka ay tila pagsasabing dapat maalam din ang Hapones sa gaya ng tanaga, diona, at dagli ng Filipino na pawang magagamit—o dapat gamitin—sa pagpapalago o modernisasyon ng panulaang Hapones. Ang natalisod ni Aguila ay ang “anyo” ng haibun, ngunit nabigo naman siyang ipaliwanag kung paano ang ganitong anyo—na dapat sinisipat nang higit pa sa anyo—ay kayang “makapagpalaya sa panulaang Filipino.”

Mababanggit dito ang madilim na relasyon ng Filipinas at Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kaya ang mismong pagkasangkapan sa isang anyo ng tulang Hapones ay mababahiran ng pagdududa at maituturing na halos pagmamano na rin sa banyagang panginoon. Kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng Filipinas at ang kasaysayan ng panitikang Filipinas, maaari talagang mahuli ang Filipinas kaysa Estados Unidos dahil halos wala nang mabalikang ugat ang Amerikano kaya naghahanap na lamang ito ng sariwang impluwensiya mula sa ibayong dagat na makapagpapalago sa estado sa panulaang Ingles. Subalit naiiba ang karanasan ng Filipinas. Naiiba rin ang karanasan ng mga makatang Filipino sa mga makatang Hapones, lalo sa yugtong may mga makatang Hapones na bahagi ng imperyo at nakalaan sa pagbibigay ng aliw sa mga maharlika. Taliwas ito sa mga Filipino, na ang tula o sabihin nang epikong bayan ay nagsisilbing tala ng lipi upang maipagpatuloy ang mahabang ugat ng naturang lipi o pamayanan.

Pagsagap sa panukalang haibun
Ang panukalang inobasyon sa anyo ng haibun, na imbes na prosang haikai at tulang haiku ay gagamitin ang dagli at tanaga, ay isa na namang adelantadong panukala. Ipinapalagay sa ganitong tumbasan na hindi nagkakalayo ang “dagli” at ang “prosang haikai.” Ngunit ang totoo’y napakalayo ng agwat ng dalawa, at humawan ng sariling landas ang “dagli” na naghunos ang anyo sa iba’t ibang paraan. Ang problema kay Aguila ay hindi niya nilinaw kung ano ang uri ng dagli na ipagsasalikop niya sa tanaga. Ipinapalagay din dito na ang tanaga, bilang katutubong anyo ng tulang Tagalog, ay alam ng mayorya ng Filipino kaya madaling gawin. Na hindi naman totoo. Ang tanaga o dagli ay hindi pa lubos na napag-aaralan sa Filipinas—kahit may pangunang pag-aaral sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario—at kung ano man ang kumbensiyonal at di-kumbensiyonal na pormula nito ay dapat pang mabatid ng masa.

Ang haibun bilang anyo at balangkas ay maaaring makapagdagdag sa paglago ng panulaang Filipinas. Gayunman, hindi nito ganap na mapalalaya ang panulaang Filipino dahil sa maraming limitasyon. Ang haibun ay dapat tingnan hindi lamang sa panig ng panghihiram ng banyagang anyo o porma ng tula, dahil kung ganito ang gagawin ay magiging panrabaw na aspekto lamang ang “kabaguhan.” Mahalaga ang panloob na dinamika ng haibun, at kung paano nagsusuhayan, nagsasalungatan, at nagsasalikop ang prosa at ang tanaga o diona o dalit—kaugnay ng mga diwain, talinghaga, at dalumat nito—ang dapat pang ipaliwanag ni Aguila. Kung paano sasagapin ng Filipino ang haibun ay isang tanong na marapat ding isaalang-alang.

Problematiko rin ang pakahulugang kombinasyon ng prosa at tula ang “haibun,” kung susundan ang paliwanag ni Aguila. Sa naturang pakahulugan, hindi pa natutukoy ni Aguila kung ano talaga ang haibun at umiiral lamang ito sa panrabaw na pagsipat na pinagsasalikop ang prosa at ang tula. Paimbabaw pa rin ang pagkilala ni Aguila sa haibun. Kung pinagsasalikop nga ang prosa at ang tula, maaaring walang hanggahan ang prosa at ang tula; kaya maaaring mabura ang pagkaprosa ng prosa o kaya’y mabura ang pagkatula ng tula. Ang maiiwang hulagway ay alanganing prosa o tula na lihis sa pakahulugan ng sinaunang tulang Tagalog, at humahangga sa posmodernong pagkilala ng kanluran. Samantala, ang mahihinuha lamang sa paliwanag ni Aguila ay ang panlabas na “anyo” na haibun. Nababalaho si Aguila sa mga termino, at ang nakaligtaan niya ay ang esensiya ng haibun para sa mga Filipino.

Mapanghimasok din ang paggigiit ng haibun sa panig ng Filipino dahil ipinapalagay dito na ang mayorya—kung hindi man ang lahat—ng Filipino ay maalam sa anyong prosa gaya ng dagli o pasingaw o tulang tuluyan, o kaya sa mga tulang may tugma at sukat, gaya ng tanaga o dalit. Na isang kabalintunaan. Kung ipagpapalagay na hindi nga ganap na batid ng mayorya ng Filipino ang kanilang katutubong uri ng tula o prosa, ito ay hindi dapat isisi sa mga makatang tarikan dahil ang tula ay talagang dapat pinag-aaralan nang malalim. Dapat sisihin ang sistema ng edukasyon at ang mababang uri ng promosyon ng tulang Filipino na hangga ngayon ay hindi makatakas sa baryotikong Marc Loganismo ng ABS-CBN. Hindi uunlad ang panulaang Filipino kung laging nakatingin sa masa dahil ang masa ay hindi maaasahan sa gayong pagpapakadalubhasa sa haibun yamang iba ang priyoridad at pangangailangan nito sa buhay.

Ang pagturing sa haibun bilang kasangkapan ng masa sa mabisang paglilinang ng tulang pasulat ay dapat pang ibitin sa ngayon. At marahil ay kailangang sagutin o ipaliwanag ito ni Aguila nang walang bahid ng romantisadong pagtingin sa madla o masa.

Madaling makalulusot si Aguila dahil ang kaniyang pamagat ay “panimulang pagpapakilala” lamang ng haibun. Kung ito nga’y isang pagpapakilala, magiging adelantado muli ang kasunod nitong deklarasyong “at pagpapalaya sa panulaang Filipino.” Ipinapalagay sa gayong pahayag na hindi malaya ang panulaang Filipino dahil maaaring “kontrolado” ng mga makatang nasa pedestal, at kung gayon, lumilihis na sa dating silbi nitong dapat kaluguran at kapulutan ng kaalaman ng masa. Mahihinuha sa winika ni Aguila na ang pagkabilanggo ng panulaang Filipino ay hindi dulot ng pansariling katangian nito, gaya ng masikip na padron o balangkas, kundi nasa panig ng mga makata o tagapagpalaganap ng tula o kaya’y tagapaglathala ng tula. Mapanlahat ang ganitong palagay na nangangailangan ng sapat ng patunay na lalampas sa pagsipi kina Virgilio S. Almario, Rogelio G. Mangahas, at Bienvenido Lumbera.

Ang gayong kuro-kuro ni Aguila ay mapapawalang-saysay, dahil ang tulang Tagalog—o ang ibang tulang nasusulat sa wikang lalawiganin—ay dumaraan sa yugto ng pagbabago mulang pabigkas tungong pasulat at palimbag. Maaaring malawak at mabilis ang pagsapit ng mga tulang pambigkasan sa madla ngunit ang gayong paraan ay panandalian lamang. Sa kabilang dako, ang tulang nakalimbag ay tumatagal at nag-iiwan ng bakas upang patuloy na litisin, basahin, at sagapin sa kung ano-anong paraan. Sa gayong pagkakataon, ang tula ay nagiging kasangkapan o relikya upang lalong magpatalas sa isip ng mambabasa, makapagpalago ng wika, at makatulong sa pagluluwal ng iba pang tula. Walang iisang anyo ng tula, at ang panukalang ang haibun ang magpapalaya sa panulaang Filipino ay isang kabaliwan dahil nasa estado ng pangangapa ang pagpapaliwanag ni Aguila hinggil dito kung itatambis sa mga nalathala nang tula sa Filipino, Tagalog, at iba pang lalawiganing wika.

Saliwa rin ang paratang ni Aguila na ang mga makatang modernista, gaya nina Rio Alma, Rogelio G. Mangahas, at Lamberto E. Antonio, ay laging nakatingin sa kanluran. Ang totoo’y ang nasabing mga makata’y matagal nang tumititig sa Filipinas upang maitanghal iyon sa madla at mabuo sa malikhaing paraan ang minimithing kabansaan ng mga Filipino. Ang kakatwa’y mapagduduhan ang mismong pakana ni Aguila, dahil kahit nagpapanukala siya ng haibun na ang anyo ay mula sa katutubong anyo ng gaya ng sa Tagalog at prosang gaya ng dagli, nanghihiram lamang ng pangalan si Aguila sa Hapones imbes na lumikha o humanap ng salitang maitutumbas sa uri ng tulang nasasaisip niya. Kaya nang sabihin ni Aguila na:

Maitatanong, ang paggamit ba ng haibun ay isa ring pag-aangkat? Marahil. Ngunit maaari ring sabihing ang panulaang Tsino at Hapones ay may malaking pagkakahawig sa mga naunang pamamaraan ng pagtula ng ating mga ninuno.

Walang pasubaling nag-aangkat ng banyagang padron si Aguila. Kung may pagkakahawig man sa tulang Filipino o Tagalog ang tulang Tsino at Hapones ay hanggang bilang lamang ng pantig sa bawat taludtod dahil gaya ng nasabi kanina, magkasalungat ang polong pinagmumulan ng wikang Tagalog o Filipino kompara sa wikang Tsino o Hapones. Maipapanukalang ang paggamit ng haibun ay dapat ituring na gaya ng paggamit o panghihiram ng iba pang banyagang anyo ng tula. Ngunit nanghiram man ng gayong banyagang anyo, hindi ibig sabihin nito na ang pagsulong ng panulaang Filipino ay sanhi lamang ng panghihiram o panggagagad bagkus kaugnay ng iba pang bagay, gaya ng inobasyon at pagtuklas muli ng mga katutubong tula at pananalinghaga ng Filipino.

Ang pagtatala ng “pang-araw-araw na paglalakbay” na mithi ni Aguila para sa haibun ay nagawa na noon pa man hindi lamang sa tulang Filipino kundi sa iba pang uri ng panitikan, gaya ng kuwento, nobeleta, nobela, at dula. Kung may bahid ng politika ang tinutukoy ni Aguila, ang naturang paglalakbay ay lalong titingkad dahil hindi kumakawala ang mga makatang Filipino sa gayong ugat. Marahil ang nasasaisip ni Aguila ay ang blog, na ang lahat ng paglalakbay o karanasan mulang kama hanggang opisina tungong kung saang kalsada, ay itinatala at ipinakakahulugan at pinipilit ipalunok ang lahat ng kaululan sa sinumang mambabasang nagkataong nasagap ang gayong akda.

Kaya umanong baklasin ng haibun ang “elitismo” sa pagtula. Ngunit kung babalikan ang kasaysayan ng mga makatang Tsino at Hapones, maraming makata noong nakalipas na panahon ang nagsilbi sa mga dinastiya upang kaluguran ng mga maharlika. Ang elitismo na isinasakdal ni Aguila ay wala sa mga nagmomonopolyo ng pagsulat ng tula bagkus nasa sumasagap ng tula. Dapat ding isipin na may iba’t ibang uri at antas ng tula, at bagaman malayang makapamili ang sinumang makata kung ano ang gagamiting anyo, uri, at antas, ang kahusayan ay hindi sumasapit na parang pag-ulan ng tinapay dulot ng himala. Mataas na sining ang tula at pagtula, at kahit ang mga halimbawang haibun na sinulat ni Aguila at inilakip sa kaniyang sanaysay ay kakikitaan ng elitismo dahil sa pagiging personal—na itinatangi sa iba pang personal na karanasan ng mambabasa.

Ang mismong paggamit ng salitang “haibun” ay simula ng pagpasok sa diskurso ng Hapones o Tsino; at ng paglalatag ng pormalisasyon ng gayong anyo ng “mala-tula, mala-prosa.” Na hindi makatwiran sa panig ng tulang Tagalog o Filipino dahil ang tulang Tagalog—kung hindi man Filipino—na dumadaan sa mahabang transpormasyon ay dapat sipatin bilang tulang Tagalog o Filipino sa pananaw ng mga Tagalog o Filipino at malayo sa pagsasakataga at pagpapakahulugan ng Ingles o Hapones o Tsino. Patuloy na lumalarga tulad ng rolyo-rolyong pelikula ang panulaang Filipino at kung ano man ang magiging wakas nito ay makatitiyak na hindi ito mababalaho sa pinauusong haibun ng mga aktibista. Isang kuwit lamang sa mahabang yugto ng panulaang Filipino ang pagsulpot ng haibun, at kaululan kung iisiping ito ang makapagpapalaya ng panulaang Filipino gayong hindi malinaw kung ano ang alternatibong ito kompara sa mga naunang tulang Filipino. Ano’t anuman, malaya si Reuel Molina Aguila na gumamit ng haibun, at tumula na gaya ni Basho, dahil ang tula ay hindi lamang “para sa mga anito’t Maykapal.”

Science fiction at Panitikang Tagalog

Kathang agham (science fiction) ang nauuso ngayong uri ng kuwento at nobelang kinakagat ng kabataan. Ang nasabing uri ng akda ay hindi totoong pinasimulan ng ilang kabataang manunulat sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo de Manila University. May pinag-ugatan iyon sa Tagalog, at ugat na marapat lingunin ng sinumang nagtatangkang pumalaot sa gayong pagkatha.

Maaaring magsimula sa koridong Ibong Adarna na ang awit ng mahiwagang ibon ay kayang makapagpagaling ng sakit na pisikal. May ipot din ang Adarna na kapag sumayad sa sinumang tao ay nagiging bato ito. At mapanunumbalik lamang ang dating anyo ng tao kapag binuhusan ito ng mahiwagang tubig na mula sa ermitanyong nag-aangkin ng lihim na karunungang gaya ng siyentipiko.

Lilipas ang mahabang panahon bago maghunos ang uri ng kathang agham sa Filipinas. Nang malathala ang Doktor Satan ni Mateo Cruz Cornelio noong 1945, hahatak sa mga mambabasa ang bagong uri ng katha. Ito ang kathang hango sa daigdig ng agham, ang agham na bagaman hinaluan ng guniguni ay halos maging kapani-paniwala sa mga tao na naghahanap ng lunas sa kanilang sakit at kahinaan.

Umiinog ang Doktor Satan sa buhay ni Dr. Alberto Estrella. Binagabag si Alberto ng pangyayaring ang kaniyang ina ay dinapuan ng malubhang sakit, at kailangan niyang tumuklas ng bagong gamot na makapagpapagaling sa ina. Nagsaliksik nang nagsaliksik ang doktor. Hanggang isang araw, napanumbalik ni Alberto ang buhay ng Rusong si Igor na nagpatiwakal, kaya lalong lumakas ang kutob ng naturang doktor na nakamit niya ang gamot na magbibigay ng inmortalidad sa sinumang tao.

Tinungga ni Alberto ang gamot na kaniyang inimbento, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng di-inaasahang epekto. Naghunos ang kaniyang pagkatao na animo’y satanas na may mabalasik na kalooban. Dumating ang sandaling pinatay ni Alberto ang kaniyang kasintahan dahil sa hindi mapigil na panloob na puwersa. Naghasik ng lagim si Alberto hanggang mapatay ito ng kaniyang kapatid na si Pepe na isa ring alagad ng batas. Samantala, gumaling mula sa pagkakasakit ang ina ni Alberto matapos inumin ang gamot na ibinigay ng kaniyang anak.

Madaling sabihin na naanggihan si Cornelio ng mga akdang gaya ng Frankenstein  (1818; 1831) ni Mary Wollstonecraft Shelley o kaya ng Dr. Jekyll and Mr. Hyde (1886) ni Robert Louis Stevenson, gaya ng haka ng kritikong si Soledad S. Reyes. Ngunit ang akda ni Cornelio ay hindi sadyang panggagagad, dahil ang pagnanais na humanap ng gamot sa sakit ng tao ay hindi lamang esklusibo at nagmumula sa kanluran bagkus malaganap na tema sa mga alamat at mito dito sa Asya.

Kung babalikan naman ang mga pangyayari noong dekada 1930-1940, lilitaw ang mga pambihirang tuklas sa larangan ng agham. Kabilang dito ang tuklas ni Ernest O. Lawrence hinggil sa pagpapangkat ng mga dugo ng tao; ang bakunang pinaunlad ni Max Theiler laban sa yellow fever; at ang saliksik ni Otto Warburg ukol sa enzyme. Mulang biyolohiya hanggang kemistri, mulang pisika hanggang medisina, napakaraming tuklas na ang pinakarurok ay ang pagkakaimbento ng bomba atomikang pupuksa sa laksa-laksang tao sa Nagasaki at Hiroshima. Ang panahon nang sulatin ni Cornelio ang kaniyang nobela’y panahon ng lagim, at hindi kataka-taka kung maghanap ang tao ng mga bagay na lulunas sa sakit o bagabag nito.

Hindi nagwawakas sa nobela ni Cornelio ang mga kathang agham. Noong 1959, ilalathala sa magasing Aliwan ang nobelang Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana. Naiiba sa lahat ang akdang ito ni Caravana dahil sumusugal ito nang malaki sa paksang hindi lubos maisip ng masa.

Ang “Matilde” na tinutukoy ay hindi tao bagkus babaeng buldog. Si Matilde ang matapat na aso ni Dr. Lino Romasanta. Ang nobela ay pumapaksa sa transplantasyon ng puso ng isang aso sa katawan ni Angela, ang kasintahan ni Lino. Ginahasa si Angela ni Dr. Razul, at pagkaraan ay nasiraan ng bait, saka inatake sa puso. Isinumpa ni Lino na bubuhayin ang kaniyang katipan, at pakakasalan. Dahil matinik na siruhano, tinistis ni Lino ang puso ni Angela at pinalitan ng puso ni Matilde. Nabuhay si Angela, subalit nagpapabago-bago ang kaniyang asal, na kung minsan ay sa tao at kung minsan ay sinusumpong na mabangis na aso. Dito nagsimula ang pagpapanday kay Lino bilang matapat na asawa at alagad ng medisina.

Kung babalikan ang kasaysayan, naganap ang unang matagumpay na operasyon na ginawa sa puso ng aso noong 1914, at mababanggit si Dr. Alexis Carrel. Samantala, ang unang transplantasyon ng puso ng tao ay isasagawa ni Dr. Christiaan N. Barnard noong 1967 sa Groote Schuur Hospital, Cape Town, South Africa. Nangangahulugan ito na nahulaan na ni Caravana ang posibilidad ng transplantasyon ng puso ng tao; gayunman, ang kaniyang nobela ay pumapaksa sa paglilipat ng puso ng buldog sa katawan ng tao.

Kinakailangang tuklasin muli ng bagong henerasyon ng mga kabataan ang akdang ito ni Caravana. Pulido ang wika ni Caravana, at bukod dito’y pambihira ang kaniyang paglinang sa mga tauhan upang maging kapani-paniwala. Ginamit din ng awtor ang paglalatag ng mga kapana-panabik na tagpo, at kahanga-hanga ang pukol ng mga salita ng mga tauhan na kumbaga sa pelikula’y makapagil-hininga. Heto ang isang halimbawa makaraan ang seremonya ng kasal nina Lino at Angela:

Hindi matingkala ang kagalakang nag-uumapaw sa puso ni Dr. Romasanta nang matapos na kasal. Masigla at halos pasagsag na inilabas niya ng simbahan ang kanyang magandang asawa.

Gayunman, nang sila’y magkasama na sa awto ay hindi pa rin lubusang mapawi sa isipan ni Lino ang pag-aalaala. Baka sumpungin ng pagkaaso si Angela. Hindi nakaila kay Angela ang pag-iisip ni Lino.

—Bakit ba tila may inaalala ka?—pansin ni Angela.
—A, walang anuman,—pakli ng manggagamot. —Naisip ko lamang na tutuksuhin tayo ng ating mga kaibigan.
—Maano kung manukso sila,—ani Angela.—Bakit, ikahihiya mo ba ako kaninuman?
—Hindi sa ikahihiya. Ang totoo’y ikinararangal kita, Angela. Para sa akin ay ikaw na ang lahat: ang langit, kaligayahan at lahat-lahat na!

Gayon na lamang ang pagbabatian nang dumating na ang bagong kasal sa tahanan ng lalaki. Gaya ng sinabi ni Lino, gayon na lamang ang panunukso sa kanila ng mga dinatnan.

At dumating ang oras ng salu-salo. Sabay-sabay na nagsiluksok ang lahat sa isang mahabang mesa. May biruan at may tawanan. Madalas nilang pasaringan ng biro ang mga bagong kasal. Nguni’t napuna ni Dr. Romasanta na walang imik si Angela. Napansin din niyang nananalim ang mga mata nitong nakatitig sa buto ng hita ng litson.

Kinabahan si Lino. Sinapantaha niyang hindi malayong sumpungin si Angela. Nakita niyang gumalaw-galaw ang mga labi nitong walang iniwan sa asong si Matilde. (Ika-21 labas, Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana, Aliwan, 7 Oktubre 1959).

Makabubuting magbalik sa nakalipas na panitikan bago maghayag ng kung ano-anong kabaguhan kuno sa panitikang Ingles o Filipino dito sa Filipinas. Ang paglingon sa nakaraan ay pagharap din sa maaliwalas na bukas ng ating pambansang panitikan.

Baguio ng mga Manunulat

Mahalumigmig sa Camp John Hay nang magtungo ang mga piling manunulat at sumailalim sa mahigpit na palihang ibinunsod ng Institute of Creative Writing noong 6-13 Abril 2008 kaugnay ng Sentenyal ng Unibersidad sa Pilipinas. Gayunman, umaasó ang talakayan, gaya ng kapeng barako na bagong hango sa lutuan.

Kabilang sa mga kalahok, ayon sa paalpabetong pagkakasunod-sunod, ay sina Roberto T. Añonuevo, Abdon Balde Jr., Rica Bolipata-Santos, Ian Rosales Casocot, Frank Cimatu, Allan Derain, Ana Maria Katigbak, Luis Katigbak, Rodolfo Lana Jr., Nicolas B. Pichay, Tara F.T. Sering, at Vincenz Serrano. Walang itulak-kabigin sa pangkat na ito, at ang maituturing na pinakamahuhusay na manunulat sa kanilang piniling lárang, gaya ng dula, kuwento, nobela, sanaysay, at tula.

Tutumbasan ang nasabing pangkat ng mga batikang panelistang gaya nina Gémino H. Abad, Virgilio S. Almario, Jose Dalisay Jr., Cristina Pantoja Hidalgo, Bienvenido Lumbera, V.E. Carmelo D. Nadera, Charlson L. Ong, at Jun Cruz Reyes. Inimbitahan naman si Karina Bolasco ng Anvil Publishing Inc. upang magbigay ng kaniyang kaalaman hinggil sa mga aklat na kinakagat sa merkado.

Mataas ang inaasahan ng mga panelista sa mga fellow. Kabilang dito ang kadalubhasaan sa anyo at nilalaman ng akda; ang taas ng ambisyon ng likha at kung paano iyon isinulat; ang kahusayan sa paggamit ng wika; ang talas ng diwain sa akda; at ang pagtatangkang mag-ambag sa pagbuo ng kabansaan sa pamamagitan ng malikhaing paraan.

Inilahad ng mga kalahok ang kani-kaniyang proyekto, at lumitaw sa talakayan ang dalawang mahalagang aspekto. Una, may ganap na kontrol ang manunulat sa kaniyang akda, at maihahalimbawa ang mga kuwento, nobela, at tulang isinaaklat. At ikalawa, may mga bagay na nakaaapekto sa akda, gaya sa dulang panteatro at pampelikula, na ang piyesa’y malimit pakialaman ng direktor, prodyuser, at artista. Sa ibang pagkakataon, ang akda’y maaaring maapektuhan ng kung ano ang hinihingi ng pabliser o tagapagbenta ng libro. Sinipat din sa talakayan ang papel ng makabagong teknolohiya at pangyayari, gaya sa cyberspace, at kung ano ang mga posibleng epekto nito sa dating sakop ng panitikang pasulat at de-papel, lalo sa proyekto ng mga manunulat.

Pinag-usapan din ang aspekto ng pag-abot sa malawak na mambabasa, kung hindi man manonood. Hindi umano makatatagal ang manunulat sa kaniyang pedestal, at kailangan niyang kausapin ang kaniyang mambabasa sa higit na malinaw subalit masining na paraan alinsunod sa wikang nagkakaunawaan ang magkabilang panig. Sa naturang pananaw, ipinapalagay na nakauungos ang diskurso ng manunulat kaysa pangkalahatang mambabasa kaya kinakailangang hatakin ng manunulat ang mga mambabasa upang makasabay sa diskurso.

Ang kahusayan sa pagsusulat ay hindi rin nangangahulugang dapat mabigat palagi ang akda, mapawika man o mapadiwa. Kahit ang matatayog na diwain ay mapagagaan, alinsunod sa kombinasyon ng mga salita at paraan ng pagsasabi. Idiniin ni Virgilio Almario na mabilis na namamatay ang wika at ang pinakaepektibong paraan upang mapanatili ang pag-iral nito ay gamitin sa panitikan. Ang pagtataya ay masisilayan sa ginagawa nina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo, na lumilihis sa nauusong ngangayunin at balbal na wika ng midya.

Nang pag-usapan ang pagpapalathala at pagbebenta ng aklat, mataas ang bentaha ng koleksiyon ng mga kuwento o kaya’y serye ng nobela o nobeleta, ani Karina Bolasco. Ito ang puwang na mapagkakakitaan ng mga manunulat. Samantala’y madilim ang tagpo sa gaya ng tula at dula, na pawang may kahirapan ang pagbebenta ng mga aklat maliban na lamang sa ilang sitwasyong nakalikha ang awtor—gaya nina Ricky Lee, Boy Noriega, at Rene O. Villanueva—ng masusugid na tagasubaybay na handang maglabas ng salapi. Iba  ang sitwasyon sa panig ng dulang pantelebisyon o pampelikula na ang manunulat ay malaki ang pagkakataong kumita kapag nagkahalo ang talento, tumpak na panahon, at oportunidad.

Ang maganda sa talakayan ay nabigyan ng pagkakataon ang mga manunulat na ipakilala ang kanilang binubuong aklat o proyekto. Bukod dito’y nailabas din nila ang kani-kaniyang itinatagong pananaw ukol sa estetika at poetika, na pawang kaugnay ng kanilang paglago bilang manunulat. Malaking tulong sa talakayan ang pagbibigay ng mungkahi mula sa mga nakatatandang manunulat o kritiko at siyang tutumbasan ng matatalim na obserbasyon at tugon ng mga kalahok. Ang proyekto, kung gayon, ay lumalampas sa teksto bagkus umaabot hanggang sa buong pagkatao ng manunulat.

Maaaring sina Tara Sering, Luis Katigbak, Rica Bolipata-Santos, at Ian Casocot ang bagong mukha ng katha sa Ingles, samantalang sina Jun Balde at Allan Derain ang maghahawan ng landas sa kasalukuyang yugto ng katha sa Filipino. Nagbabanta sina Tara at Jun na maglabas na mahigit 500 pahinang nobela; nakakasa na ang maiikling kuwento ni Luis para sa bagong koleksiyon; at pakasaysayan naman ang pagdulog nina Rica at Ian sa pagbuo ng mga personalidad mulang Zambales hanggang Dumaguete.

Matitiyak na paghaharian ni Jun Lana ang pelikula at telebisyon, hindi lamang bilang premyadong mandudula o iskriprayter, bagkus bilang batikang direktor. Na kay Jun ang sensibilidad ng matinik na manunulat na maalam sa nakaraan at ang lakas ng loob na lumihis na nakagisnan. Aasahan din ang malaking papel ni Nick Pichay sa teatro at sining-pagtatanghal upang mapanumbalik ang halina nito sa kasalukuyang manonood na pihikan ang panlasa.

Samantala’y pambato sina Vinz Serrano at Mookie Katigbak sa panulaang Ingles, habang tahimik lamang sina Frank Cimatu at Bobby Añonuevo na pawang nagbabantang magsilang ng mga aklat ng tula sa Filipino—na maipagyayabang hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba pang panig ng daigdig. Ipinamalas ng apat na makata na hindi lamang sila marunong sumulat ng tula. Matinik din silang sumuri at bumuo ng teorya ng pagbasa sa tula na dapat mabatid ng iba pang kritiko o guro.

Pambihira ang talakayan sa Baguio dahil sumapit na sa pagkatigulang ang mga kalahok. Matatalim ang pukol ng mga diwain, ngunit kataka-takang ni wala man lamang nagsaksakan, nagmurahan, o nagbatuhan ng silya. Mapapansin ang paggalang sa isa’t isa, at walang may hangin sa ulo. At gaya ng winika ni Tara, kalmante man ang pangkat ng mga kumag sa palihan, maaasahan naman na lilikha sila ng nakayayanig na bagyo pagsapit sa larangan ng panitikan ngayon at sa mga darating na araw. 

Pagsulat ng Blog

Hindi ako eksperto sa pagsulat ng blog, at ibig kong matuto sa maraming kabataang adik na adik hinggil dito. Nais kong sagapin ang bagong wika ng teknolohiya at internet, at pag-aralan ang pambihirang halina nito sa madla. Bilang isang tagamasid, marami akong napansing silbi ng blog.

Ang blog ay maaaring ehersisyo ng paghuhubad, at malaya ang awtor na ibunyag ang lahat ng kaniyang baho’t kabuhungan, o bango’t karanasan, habang saksi ang buong daigdig. Maaaring lumampas pa ang gayon sa yugto ng pagsasalsal, na ang bawat akda’y hinugot sa guniguni upang magmukhang makatotohanan at kapani-paniwala. Sa isang panig, may kakayahan ang blog na ipaggiitan ang angking layon at gulantangin ang mambabasa sa pamamagitan ng makukulay na imahen o retrato.

Maaari din itong network ng mga ugnayan, at ang blogista ang tagapag-ugnay, kung hindi man pumalit sa sinaunang umalohokan, na tagapaghatid ng babala, balita, at tsismis. Napakahalaga kung gayon ng pagkawing (i.e., link) sa ibang blogista, upang ang isang akda ay makaabot sa maraming tao sa mabilis na paraan. Nakatutulong ang blog kahit sa pagpapakilala ng iba pang websayt, at malas na lamang ang sinumang ibig magsarili o galit sa mundo.

Blog ang imbakan ng mga personal na tala, at walang pakundangan itong maghayag sa ibang tao na para bang ang taong iyon ay kaibigan o kakilala kahit ni wala siyang kaugnayan sa blogista. Gayunman, hindi na mananatiling nasa antas iyon ng personal, dahil sa oras na tumugon ang mambabasa at mag-iwan ng puna ay nagkakaroon ng kisapmatang diyalogo ang blogista at ang mambabasa.

Blog ang malayang lunan ng mga seryosong usapan, na ang layon ay abutin ang maraming tao na salat sa impormasyon hinggil sa partikular na larang, gaya ng panitikan, agham, at iba pang aspekto ng lipunan. Hindi dapat minamaliit ang blog, dahil kung minsan, ang laman at anyo nito ay nakahihigit sa mga sanaysay na nalalathala sa magasin, diyaryo, at iba pang babasahin.

Ang blog ay maaari ding gamitin sa pagsusulong ng ideolohiya at pananalig, at kung minsan, ang dating nanggagalaiting protesta na matatagpuan lamang sa sirkulo ng lihim na kilusan ay lumilitaw upang himukin ang malawak na publiko na lumahok sa makukulay na demostrasyon.

Blog ang ruweda ng paglalathala, at ang panitikan ngayon ay hindi na lamang maaasahan sa tradisyonal na palimbag o pabigkas na anyo, bagkus sa di-kumbensiyonal na paraan. Mailalathala sa blog ang mga tula, kuwento, sanaysay, o nobela. Ang panganib lamang ay nasa malaganap na plahiyo o pangongopya ng iba upang gamitin ang iyong akda nang walang pahintulot at pagkakitaan at maging tulay ng balighong kasikatan.

Magagamit ding taktika sa promosyon ang blog, at ang malalaking korporasyon ay maibabandila ang mga sariling produkto upang lumikha ng pangangailangan sa panig ng mga tao. Kung paano sasagapin iyon ng publiko ay iba nang usapan.

Blog din ang alternatibong raket ng mga manunulat, at maituturing na lehitimong larangan ng pagkakakitaan. Mahalaga kung gayon ang dami ng hits at kawing, at dami ng anunsiyo gaya ng sa google ads.

Marami pang silbi ang blog, at kung bakit nakaaadik ito ang isa pang penomenong dapat pag-aralan. Sa oras na simulan mo ang pagsulat ng blog ay hindi ka na makalilingon. Mananalig ka na lamang na lalong humusay ka sa pagsulat, luminaw ang pagsasakataga ng diwa, at maabot ang madlang dating watak-watak.

Nawa’y mabuklod ng blog ang mga Filipino, at maging paraan na mag-usap-usap sila sa wika at diskursong matalik sa kanilang puso at alaala. Hindi ito imposible, gaya lamang ng pagbubuo ng blog na ito.

Epiko at Radyo

Isa ako sa mga paslit noong dekada 70 na lumaki sa halina ng radyo. Hindi pa uso noon ang ipod, kompiyuter, selfon, at internet, dahil noong 1981 lamang ilulunsad ng IBM ang PC (Personal Computer) nito. Dekada 70 ang magluluwal ng mabibilis na pangyayari sa paglalakbay sa kalawakang pangungunahan ng Skylab; ang maghahatid ng pagkakatuklas sa subatomikong partikulo; ang magtatampok ng pagpapagalingan sa mga sasakyang panghihimpapawid; at ang magbubunsod ng iba pang pagsasanay gaya ng pagpapasabog ng bombang neutron at ganap na pagtukoy sa henetikong estruktura ng organismo.

Sa Filipinas, ang telebisyon noon ay hindi masasabing napakalakas ng saklaw, at iilan lamang ang estasyon sa pihitan. Mapagpipilian ang komiks, magasin, at pahayagan sa pagsagap ng kaalaman at impormasyon. Ngunit mananaig ang radyo sa lahat, dahil nasa radyo ang dinamikong dula, kuwento, balita, at tsismis na pawang aaliw at magtuturo sa mga tagapakinig. Tinig ng radyo ang papasok sa mga tahanan, at anumang alon nito ay magsasakay ng mga kagila-gilalas na pagsulong ng bagong sibilisasyon.

Isisilang ng dekada 70 ang makabagong pagdulog sa teatro, at ilan dito ang pagtatanghal ng gaya ng Mariang Makiling at Prinsesa Urduja na ang mga libreto’y isinulat ni Iñigo Ed. Regalado at nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura. Lilitaw din ang mga dula nina Rolando S. Tinio, Onofre Pagsanghan, at Bienvenido Lumbera habang mamumukod ang PETA (Philippine Educational Theater Association).

Ngunit panandalian ang gayong tagumpay. Igigiit ng radyo ang kapangyarihan nito at magiging mahigpit ang kompetisyon. At ang mga dating dulang ipinalalabas sa entablado ay naisalin sa radyo, gaya ng ipinamalas ng Broadcast Media Council. Ang BMC, na nilikha sa bisa ng Pampanguluhang Dekreto Blg. 576, ay nagtatanghal ng mga dulang panradyo. Ang nasabing mga dula’y hindi karaniwang soap opera na pulos iyakan o bakbakan, bagkus naglalahad ng mga epiko’t mitong gaya ng Hudhud, Indarapatra at Sulaiman, Biag ti Lam-ang, Humadapnon, at Ibalon.

Si Liwayway A. Arceo—na batikang mangangathang Tagalog at Filipino—ang sumulat ng naturang mga dula. Kalahating oras lamang ang laan sa pagtatanghal, kaya hinahati sa yugto-yugto ang kuwento. Piling-pili ang yugtong itatanghal, at may mga tagapagsalaysay na gaya ng mag-lolo ang sumusuhay sa kuwento upang maiugnay ang mga pangyayari sa kontemporaneong tagapakinig. Tinawag na “Kasaysayan ng Lahi” ang programa sa radyo, at isinahimpapawid sa DZBB-Channel 7. Mulang alas-seis ng gabi hanggang alas-diyes ng gabi, maririnig sa iba’t ibang oras sa sari-saring himpilan ng radyo sa buong kapuluan ang nasabing mga dula.

Si Lydia Collantes-Villegas, ang anak ng dakilang makatang si Florentino T. Collantes, ang naging tagapamagitan sa mga manunulat.

Nanghihinayang ako at wala na ang mga dulang panradyong naglalaan ng espasyo para sa ating mga epikong bayan. Inilapit ng gaya ni Arceo ang epiko sa karaniwang mamamayang salat sa oportunidad na makapagbasa ng aklat at makapasaliksik sa mga aklatan, at ang dating lalawaganing Hudhud o Darangen ay lumampas na sa hanggahang teritoryo nito at pumaloob sa pambansang antas. Naibalik din sa gunita ng taumbayan ang mga katutubong epiko kahit sa munting paraan.

Mapusyaw, wika nga, kung ikokompara ang Joaquin Bordado o Dyesebel o Kamandag o Lastikman sa mga pakikipagsapalaran nina Agyu, Aliguyon, Baltog, Lam-ang, at maraming iba pa. Ito ang nakakaligtaan ng mga manunulat sa telebisyon. Mayamang bukál ng kuwento ang mga epikong bayan at ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, titigang muli, isalaysay, at kung kinakailangan ay muling itanghal sa bagong anggulo, para sa kaluguran ng bagong manonood o tagapakinig.

Matatagpuan sa Ateneo de Manila University ang mga kuwento, tula, at epikong pabigkas, at kabilang dito ang Darangen, Hudhud, Ulaging, Ullalim, Hagawhaw, at Tultul. Sa aking palagay ay mabubulok lamang iyon sa imbakan ng Ateneo hangga’t walang tao na magsisikap na pag-aralan iyon. Makabubuti pang ipasok ang gayong datos sa isang malawakang websayt na Filipino nang madaling maabot ng karaniwang Filipino.

Hinuhulaan kong malapit nang mamatay ang radyo, at isa sa mga papatay dito ang cyberspace. Napakabilis ng pagbabago sa himpapawid, at kung mananatiling baryotiko ang pagdulog sa radyo, nakatakdang sapitin niyon ang masaklap na karanasang dinaanan ng pagsasara ng mga entablado sa iba’t ibang kapuluan. Haka-haka ko lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan para sa ikalilinaw ng taumbayan.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 152 other followers