About these ads

Baboy sa Panitikan

Nauungkat lamang ang baboy sa baul ng panitikan kapag Taon ng Baboy, alinsunod sa astrolohiyang Tsino, o kaya’y may pandemikong salot na simbagsik ng Swine Flu Virus. Kinasisindakan ang nasabing virus dahil kaya nitong mamuhay sa katawan ng baboy at ibon at tumawid sa katawan ng tao; at yamang naglalakbay ang mga tao ay maaasahan ang mabilis na pagkalat ng sakit. Mexico ang unang tinamaan ng sakit, na kumitil sa mahigit sandaan, ngunit napabalita na rin ang pagkakasakit sa gaya ng Estados Unidos at Canada. Mabuti’t nagpalabas ng pabatid ang pamahalaan para mabantayan ang paglaganap nito sa Filipinas, at maiwasan ang ligalig sa mga mamamayan.

Mahalaga ang baboy sa Filipinas, dahil ang hayop na ito ang malimit gamiting handog ng mga katutubo sa pinaniniwalaang mga anito’t Maykapal. Baboy ang kinakatay para amuin ang mga diwata o lamanlupang nasaktan o nilapastangan umano ng tao. Nang lumaon, baboy ang sagisag ng masaganang pista, at litson na sinubuan ng mansanas ang magsasaad na nakaririwasa ang pamilya. Hindi mawawala ang adobong baboy o barbekyu kapag may binyag o kasal at iba pang handaan. Ngunit baboy din ang sinisisi tuwing may alta presyon o sakit sa puso, pagkaraang kumain ng sinigang, krispi pata o sitsaron. At ang kataka-taka’y ang mga bahaging sinasabing bawal dahil sa taas ng kolesterol, gaya ng balát at bituka, ang pinakamasarap na bahaging kainin ng tao. Makakargahan ng ibang pakahulugan ang baboy sanhi ng banyagang relihiyon, at ang baboy na ito ay ikakabit sa anumang diwaing makalupa at marumi.

Baboy ang tagasimot ng pagkain sa labangan—na parihabang bato o adobeng inukit ang gitna para sa kaning-baboy. Ngunit ito rin ang sumisira ng pananim sa bakuran o palayan kapag pinabayaang gumala-gala. Walang pinipili ang baboy, at ang bituka nito’y tila biniyayaan ng diyos na kumatas at tumunaw ng mga pagkaing tira ng sambayanan, at sa ilang pagkakataon ay naging ehemplo ng tatag na hihigit sa sintetikong kondom para tanggapin ang sari-saring bitamina o kemikal. Kinukulong ang baboy upang bumilis tumaba, dahil ang palaboy-laboy na baboy-damo ay karaniwang payat at maganit ang laman. Kailangan ding malimit paliguan ang baboy dahil mabilis bumaho, at yamang walang glandula para sa paglalabas ng pawis ay malimit maglunoy sa putikan. Baboy ang mabilis palahian, at pag nanganak ay lalabis ang bilang ng suso sa dami ng biik na pinasususo. Tinatawag na “bulugan” ang lalaking baboy, at ito ay handang kumandi ng inahin at magpalaganap ng lahi sa oras ng kalibugan.

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Sa kinathang mala-epikong Ibalong, alinsunod sa tekstong Espanyol ni Fray Bernandino de Melendreras, isang dambuhalang baboy-damo na tinawag na tandayag ang nakalaban ni Baltog sa pook na tinaguriang Botavara. Napoot si Baltog, na mula sa liping Lipod, dahil ang kaniyang mga pananim na linsa [uri ng halamang gábi] ay dinapurak ng tandayag. Hinabol ni Baltog ang tandayag, sinibat, at winarat ang panga nito sa pamamagitan ng mga kamay lamang. Isang dipa ang laki ng bibig ng tandayag, at ang mga pangil nito’y singkatlo ng haba ng sibat ni Baltog. Nang magbalik si Baltog sa kaniyang pamayanan, isinabit niya ang mga pangil sa dambuhalang punong talisay na katabi ng kaniyang bahay upang makita ng kaniyang mga kababayan. Ganiyan kayabang si Baltog.

Maganda ang rendisyon ng bandang Radioactive Sago Project ni Lourd de Veyra sa awitin nitong “Gusto ko ng Baboy!”, dahil ang baboy ay nakargahan ng iba pang pakahulugan. Maindayog ang himig ng awiting-patula, at ang “baboy” ay maaaring maglaro bilang pangngalan o pang-uri, ngunit kaya ring maging pandiwa kapag nilapian na gaya ng “babuyin,” “binaboy,” “pagbaboy,” “bumaboy,” na sumasaklaw hindi lamang sa kultura, bagkus maging sa politika, panitikan, kaligiran, at ekonomiya. Ang pagkahilig sa baboy, ayon sa awit ng banda, ay doble-talim, at maraming pinasasaringan hangga’t isumpa sa wakas ang salita at esensiya ng baboy.

Ipinamalas naman ni Amado V. Hernandez, na pambansang alagad ng sining, sa kaniyang tulang “Ang Baboy at ang Punong Mangga” (1955) ang siste ng diyalogo ng baboy at mangga. Animo’y hinango sa pabula ni Aesop, ang tula’y pagtatampo ng baboy dahil sa kawalan ng demokrasya umano. Ikinulong ang baboy dahil sa pagsungkal ng mayabong na punong mangga. Inilitanya nito ang silbi ng baboy sa tao: pagkain ang laman, mantika ang taba, panlunas ang apdo, sepilyo ang buhok, sapatos ang balát. Samantala’y inuyam ang mangga na kung mamunga’y maasim at lagi pang dapat pausukan. Sumagot ang mangga sa paraang patalinghaga:

Ang mangga’y pumakling payapa’t lumanay:
“Kasi’y magkaiba tayo ng paraan-
ako’y nagbubunga sa buo kong buhay,
ikaw’y patabain at bago magbigay,
kailangan munang lapai’t mamatay.

Nagbibigay ng aral ang naturang tula sa maparikalang paraan, ngunit nagtuturo rin iyon kung paano dapat manuligsa. Ang pagkilala ng mangga sa angkin nitong katangian ang magsasaad ng pagtataglay ng kapangyarihan at tiwala sa sarili. Hindi papaloob ang mangga sa pangangatwiran ng baboy, bagkus lilikha ng sariling diskurso upang maitanghal ang sarili alinsunod sa positibong katangian nito. Marami pang istorya ng baboy ang dapat tuklasin sa Filipinas, at ang kuwentong baboy ay dapat humigit sa alkansiya, bukod sa tatlong munting baboy na pinagtatangkaang lapain ng mabalasik na lobo.

About these ads

Alamat ni Tungkung Langit

Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.

Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.

Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.

Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.

Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.

Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.

Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”

Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.

Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.

Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.

Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.

Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.

“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.

Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.

Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.

Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.

Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”

Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.

Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.

Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.

Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.

Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

[Hango sa mito ng Hiligaynon at Waray,  at muling isinalaysay ni Roberto T. Añonuevo]

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 156 other followers