Konsepto ng “Balatkayo” sa “Si Tandang Basio Macunat”

Tumutukoy ang “balátkayô” sa masining na pagkukunwari, at paglilihim sa tunay na anyo at katauhan, upang mapaniwala ang sinumang tao na tumitingin. Tumutukoy din ito sa kasangkapan o kasuotang ginagamit upang ikubli ang tunay na anyo ng isang tao o bagay. Mahihinuhang hango sa dalawang salitang pinagtambal ang “balatkayo” (balát+kayo), ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino. Malinaw ang una, na katumbas ng panrabaw na balot ng katawan, at nagkukubli sa laman at buto. Kung gagamitin sa punongkahoy, ang “balát” ay katumbas ng “balakbak,” samantalang tumutukoy din sa panlabas na balot sa prutas at katulad. Sa ibang pagkakataon, ang balát ay tumutukoy sa “katad” na hango sa pinatuyong panlabas na balot ng katawan ng hayop, gaya ng baka, bayawak, at buwaya. Samantala, ang kayô ay posibleng hango sa anumang uri ng tela, ngunit kung bakit nag-iba ang bigkas nito at naging maragsa nang gamiting pantambal sa “balát” ay walang makaaalam.

Isang magandang konsepto ang “balatkayo” ng Filipino, ngunit hindi ito nabibigyan ng sapat na pansin. Sa balatkayo, ang panlabas na anyo, gaya ng damit at alahas, ay siyang humahalili sa tunay na balát [lahi o kalooban] ng tao. Balatkayo ang nagbibigay ng panibagong pagkakakilala sa tao, upang ang taong ito ay maikubli ang anumang inaakalang mababa, marumi, at mahinang kalagayan at lumagay sa antas na katanggap-tanggap sa lipunan. Nagiging sibilisado ang tao sa pamamagitan ng balatkayo, kung ipakakahulugan ang pagiging sibilisado sa pananaw ng makapangyarihan at mapanakop na puwersa. Ngunit ang balatkayong ito ay nagsisilbi ring piitan ng tao, dahil makaiiral lamang siya alinsunod sa pakitang-tao habang ibinabaon sa limot ang likás na katangian ng pagkatao o pagkalahi. Binibiyak ng balatkayo ang tao sa dalawa: ang tunay at ang huwad, ang katutubo at ang banyaga, ang makaluma at ang makabago, ang nayon at ang lungsod, ang panloob at ang panlabas.

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

"Simbahan," kuha ni Bobby Añonuevo

Magagamit ang balatkayo bilang kasangkapan ng pananakop sa paglikha at pagbuo ng mga teksto at kahulugan. Halimbawa, ang Filipina ay gumaganda sa bisa ng pampaputing tabletas o krema o sabon, ayon sa anunsiyo sa telebisyon. Walang katumbas umano ang maputing balat, at magmumukhang bata o sariwa ang sinumang may-edad. Nakakaligtaan sa gayong pagpapahiwatig na may angking rikit ang pagiging kayumanggi, na halos kumislap ang balat kapag tinamaan ng sinag, at ang pagiging makinis na waring pinahiran ng langis ay walang bahid ng pekas o bálat. Ngunit higit pa rito, ang usapin ng lahi ay nauungkat, dahil ang mga kayumanggi ay hinahatak na pumasok sa balatkayo ng kinathang diwaing “puti” alinsunod sa padron ng banyaga upang maging katanggap-tanggap sa lipunan at daigdig.

Isa pang katangian ng konsepto ng balatkayo ay inilalantad nito ang nais lamang na ilantad, yamang hindi maitatago sa publiko ang lahat. Pinipili sa ilang pagkakataon ang mga katangiang katanggap-tanggap sa panig ng makapangyarihan at mapanakop, nililinang ito, habang kasabay na inilalantad ang mga katangiang papabor at ginagamit ng naturang makapangyarihan at mapanakop. Ang ganitong taktika ay masasabing pagbubuo ng ibang anyo—at ang tao, kalagayan, at pangyayaring pawang nakabalatkayo ay nagkakaroon ng isa pang bukod na pag-iral, upang ang balatkayo ay hindi manatiling balatkayo bagkus isang pumipintig na diskurso, paniniwala, at kalakaran ng naghaharing estado.

Nagiging makapangyarihan ang balatkayo dahil ang punto de bista ay laging nakaayon sa pinaniniwalaang “tunay at totoo.” Ang katotohanang ito ang sisikapin ng sakop na kamtin, at yamang nasa mababa siyang posisyon at salát sa kapangyarihan o lakas, ay tatangkain niya kahit sa pamamagitan ng pagbabalatkayo ang abutin ang posisyong kinaiinggitan. Dito nagsisimula ang paghina lalo ng posisyon ng sakop, samantalang rumirikit ang pananakop. Ang pananakop, sa kabilang dako, ay nagkakahugis din ng kakatwang pagbabalatkayo, dahil ang realidad na nais nitong ipamalay sa lahat o maging sa malawak na lipunan o daigdig, ay naiiralan ng dogmatikong paniniwala upang mapanatili ang kaayusan at kumbensiyon.

Maihahalimbawa sa pagsusuring ito ang kuwentong “Si Tandang Basio Macunat” (1885) ni Fray Miguel Lucio y Bustamante na Fransiskano. Umiinog ang istorya sa salaysay ni Gervacio Macunat, alyas Tandang Basio, na nakilala noon ng isang paring Kastila sa Tanay, na dating sakop ng distrito ng Morong (na nakapaloob ngayon sa lalawigan ng Rizal). Tumira nang dalawang linggo ang naturang pari sa Tanay, nakilala si Tandang Basio, at sa kanilang paghuhuntahan ay naungkat ang usapin ng pagtungo sa Maynila upang mag-aral ng wikang Kastila at pagkadirektorsilyo. Nayamot si Tandang Basio dahil sa isyung iyon, at inilahad pagkaraan kung bakit siya nagalit.

Inilabas ni Tandang Basyo ang isang kasulatan na naglalaman ng buhay ng pamilya ng mag-asawang Don Andres Baticot (Kabesang Dales) at Donya Maria Dimaniuala (Kabesang Anggi). Nagkaroon sila ng mga anak na sina Prospero (Prosper) at Felicitas (Pili). Pinaaral ni Kabesang Dales si Prospero sa Maynila dahil nainggit ang binata sa kaniyang mga kaibigan. Tumutol noon ang kaniyang kapatid na si Pili, alinsunod sa payo ng kura paroko, dahil sa paniniwalang ang pag-aaral sa Maynila ay makapagdudulot ng pagkapariwara ng mga taganayon. Ngunit hindi ito sinunod ng Kabesang Dales, at binigyan ng laya at layaw ang anak na magtungo sa Maynila upang magpakadalubhasa sa wikang Kastila at iba pang larang. Ngunit imbes na mag-aral ay narahuyo si Prospero sa paglalakwatsa at pambababae sa loob ng apat na taon, hanggang mapatalsik sa paaralan at magkabaon-baon sa utang dahil sa bisyo at layaw. Nakulong ang binata, ngunit pipiyansahan ng kaniyang magulang, kahit magbenta ng ari-arian. Nangakong magbabago si Prospero, ngunit ilang linggo ang lumipas ay nagbalik muli siya sa bisyo at pambababae, hanggang magkasakit ang kaniyang ama dahil sa sama ng loob. Muling magsisisi si Prospero ngunit uulit ang kaniyang di-mapigil na kasamaan, makukulong muli, at nang piyansahan siya ng kaniyang ina ay naging katumbas iyon ng pagkatunaw ng lahat ng kanilang ari-arian. Hinatulang mabilanggo si Prospero sa Balabac at doon na namatay. Namatay din si Pili sa labis na kapighatian, at nalibing lamang dahil sa tulong ng kaniyang mga kaibigan, samantalang nakitira ang kaniyang inang si Maria sa kaanak bago namatay.

Matingkad na iginigiit ng kuwento na may nakatadhana sa tao. Ang mga Tagalog at Indio (mapang-aglahing tawag sa sinumang katutubo) ay nakatakdang gumanap nang habambuhay bilang magsasaka at hindi umano sila nababagay mag-aral ng wikang Kastila at iba pang larang. Nakapahiyas ito sa maling paniniwala ni Antonio Macunat, ang ama ni Tandang Basio, nang wikain na: “Ang mga Tagalog, ang mga Indio baga na humiwalay kaya sa kalabaw ay kadalasa’y nagiging masama at palamarang tao sa Diyos at sa Hari.” Tumutukoy ang “Diyos” sa Katolisismo, samantalang ang “Hari” ay sa pamahalaang Kolonyal.

Sa tekstong “Si Tandang Macunat,” ang pagbabalatkayo ay maaaring simulan sa mga payo ng pari kina Kabesang Andres at Pili, na ang pag-aaral ng wikang Kastila at pagkakamit ng mataas na edukasyon ay nababagay lamang sa mga piling tao o lahi. Bagaman sa unang malas ay waring malaya ang sinumang Tagalog na mag-aral alinsunod sa edukasyong tinatamo ng mga Kastila, ang ganitong kalayaan ay sinasagkaan ng prehuwisyo na hindi kaya ng utak ng Tagalog na tanggapin ang kaisipang banyaga. Ibig sabihin, bobo ang mga Tagalog. At yamang bobo ang mga Tagalog, wala silang kahihinatnan kundi magpalayaw lamang, at lustayin ang salapi at panahon sa pagpapalayaw ng katawan.

Tumitingkad ang pagbabalatkayo sa payo ng pari dahil ang tanging magagawa ng Indio ay magkamit ng mabuting ugali, magdasal nang magdasal, at sapat na ang matutong bumasa, bumilang, at bumigkas sa sariling wika at manatili sa munting daigdig lamang. Babanggitin ng pari na 90 porsiyento sa 100 ng mga taganayong nag-aral sa Maynila ay napapariwara lahat, at masuwerte na ang 10 porsiyento na nakaligtas sa gayong tadhana. Hindi susuriin sa kuwento ang datos na nagmula sa pari, at iiwasang ipaliwanag na may iba-ibang karanasan o panahon ang mga kabataan at kung sumapit man sila sa kabiguan ay walang makapagsasabi na dulot nga iyon ng bisyo at kapabayaan. Dinaraan ang pangangatwiran sa mapanlagom na paraan, at ang ganitong balikong lohika ang tatanggapin ng pamilya ng Macunat. Pinipintasan din ng pari ang ugali ng mga maykayang pamilya na paaralin sa Maynila ang kanilang mga anak, “kahit sintigas ng batubalani ang kanilang ulo at wala silang kabait-bait.” Ano ang ibig sabihin nito? Mahina ang kapasiyahan ng mga taganayong Tagalog, kaya dapat silang manatili sa nayon.

Ang pagbabalatkayo ay matatagpuan din sa katauhan ni Prospero. Magsisimula ang pahiwatig sa pangalang “Prospero,” dahil ang pahiwatig ng pagiging sagana ay hanggang sa pangalan lamang. Maglilihim si Prospero sa kabuktutang ginawa niya sa Maynila, at kung nabigo man siya ay hindi dahil mahina ang kaniyang ulo bagkus dahil sa bisyo at layaw. Ang pagbabalatkayo ni Prospero ay magsisimula sa kaniyang pamilya, tatawid sa mga babaeng kaniyang niligawan at inangkin, at tutuloy sa mga tao na kaniyang inutangan. May panlabas na anyo si Prospero bilang estudyante, na panandaling hahangaan ng kaniyang kababaryo at kaklase, ngunit magwawakas sa oras na mabunyag ang katotohanan. Ang pagkakabunyag sa kalokohan niya ay magdudulot ng pagkabilanggo, kahirapan, kahihiyan, at pagkawala ng dangal.

Makikita ang pagbabalatkayo kahit sa katauhan ni Pili. Dinaraan ni Pili sa dasal ang lahat, at ang kaniyang tadhana ay laging nakaatang sa Maykapal na hindi nakikita. Magiging halimbawa siya ng pagiging tapat na relihiyosa, ngunit ang katumbas niyon ay pananatili sa estado ng pagiging mangmang at limitado ang saklaw. Magiging sagisag na hadlang si Pili, at iyon ay hindi lamang sa gaya ni Prospero, kundi sa sinumang Tagalog na ibig mag-aral at abutin ang posibilidad ng karunungang maaaring taglayin ng sinumang tao. Samantalang nililinang ni Pili ang panig ng moralidad, kinakaligtaan naman niya ang isang kalikasan ng tao. At ito ay ang mag-aral, at higitin ang utak at talento, tungo sa mga antas na malayo sa hinagap ng karaniwang tao.

Pagbabalatkayo ang ipamamalas kahit ng mag-asawang Kabesang Dales at Kabesang Anggi. Gagawin nila ang lahat, mailigtas lamang sa kahihiyan ang kanilang pamilya at anak. Ang pagbabalatkayo nila ay kaugnay ng pagtatakip na mapanatili ang kanilang dangal, yamang tinitingala sila sa kanilang nayon. Ngunit ang pagbabalatkayo ay katumbas ng pagkaubos ng kanilang yaman, dahil kailangan nilang bayaran kahit ang mga utang at piyansa ng anak. Tanga kung gayon ang mag-asawa dahil nabigo silang supilin ang anak at maisalba ang ekonomiyang kalagayan. Ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin ay kamatayan.

Ang konsepto ng balatkayo ay magwawakas kahit sa usapin ng wika. Ang mga Tagalog ay para sa Tagalog lamang umano, at wala silang kakayahang mag-aral at magpakadalubhasa sa ibang wika. Isa itong kabulaanan na pailalim na idinidikdik ng kuwento, at kung susundan ang paliwanag ni Marcelo H. del Pilar, ay ginagamit itong meme upang ang mga Tagalog ay manatili sa abang kalagayan. Ang masaklap, ginamit sa kuwento ang talinghaga ng “Ama” na kakatawanin ni Kabesang Dales at ng mag-amang Antonio at Gervacio Macunat, upang ang balighong paniniwala ukol sa edukasyon ay mapanatili at magkaroon ng awtoridad, at maisalba ang kapangyarihan ng relihiyon at pamahalaan palapit sa mga nasasakop nitong mamamayan.

Sa unang malas ay humihikayat ang akda ni Bustamante na magkamit ng mataas na edukasyon ang mga Tagalog. Ngunit isang balatkayo lamang iyon para sabihing ang sinumang pumitas at kumagat ng prutas mula sa punongkahoy ng karunungan ay masasawi, dahil ang prutas ay para lamang sa mga pinagpala ng Maykapal.

Ang prehuwisyo laban sa edukasyon ay tataglayin ni Hermana Penchang sa nobelang El filibusterismo (1891) ni Jose Rizal. Sa masisteng paraan, inilahad sa nobela ang balikong pananaw ng hermana ukol kay Juli, na sinisisi dahil sa pagkabihag kay Kabesang Tales. Aakalain ni Hermana Penchang na naligaw ng landas si Juli, “at magpapakita rito ang demonyo sa anyo ng isang mag-aaral.” Ang mag-aaral ay walang pasubaling humuhugot ng pahiwatig kay Prospero, at sa iba pang pangahas na kabataang nais magkamit ng mataas na edukasyon. Naniniwala ang hermana na maililigtas si Juli ng aklat na Si Tandang Bacio Macunat. Hindi iyon magaganap, dahil mabubunyag sa hinaharap ang balatkayo ng lahat.

Halaman sa Tadyang

Isang maikling kuwento ni Pedro S. Dandan ang pumapaksa sa pagkabuwal ng kawal noong digmaan. Pinamagatang “At Nupling ang Isang Halaman,” ang akda’y nagsasalaysay sa malagim na pangyayari sa sundalong tinamaan ng bala habang nakikihamok sa tropang Hapónes doon sa Bataan. Nalugmok sa gilid ng punongkahoy ang lalaki, at habang agaw-buhay ay ginunita ang masasayang araw sa piling ng kaniyang ina, kasintahan, at Lupang Tinubuan.

Sa unang malas ay sentimental at melodramatiko ang rendisyon ng salaysay, ngunit kung uuriin nang maigi’y matutuklasan ang paggamit ni Dandan ng mga pahiwatig o pagpaparamdam hinggil sa unti-unting pagkamatay ng sundalong si Berto. Ang pagkamatay ni Berto ay magsisimula sa paghahangad nitong maging sundalo upang labanan ang mananakop, at ito’y ipahihiwatig ng pangangamba ng ina niya. Ang ikalawang pagkamatay ni Berto ay ang pagkakawalay sa kaniyang magulang at kasintahan. Ikatlong kamatayan ang pagkakalayo sa baryong kinalakhan upang sumabak sa Bataan. Ikaapat na kamatayan ang kawalan ng saklolo mula sa kapuwa sundalo o kababayan sa gitna ng paghihirap habang malubhang sugatan. Ikalimang kamatayan ay mula sa uwak na kumain ng laman at uminom ng dugo ni Berto. At ikaanim na kamatayan ang kawalan ng lilim ng punongkahoy na kinahimlayan niya.

Ngunit sa kabila ng pagkakalugmok ni Berto ay kakikitaan siya ng katatagan at kahinahunan. Lupa ang nagpapalakas kay Berto upang ipagpatuloy ang pakikibaka, at kaugnay iyon ng lunggating bigyan ng maaliwalas na kinabukasan ang kaniyang bayan. Bagaman bibiguin si Berto ng kapalaran, at mananaig ang dahas ng digmaan, ang mortal niyang katawan ay magiging pataba ng lupa upang sumupling ang isang halaman sa pagitan ng kaniyang mga tadyang, at lumilim sa tapat ng kaniyang pusong nasisinagan ng araw.

Lupa ang talinghaga ng kuwento, at ang lupang ito ay hindi lamang tumutukoy sa isang kipil na lupa o pitak-pitak na bukirin. Sa mga sinaunang tula, dula, at katha, ang “lupa” ay kaugnay ng Tinubuang Bayan, at sumasagisag sa Bansa. Mahalaga ring pansinin ang ina ni Berto, dahil ang “ina” ay nagtataglay din ng pahiwatig ng kabansaan, gaya ng “Inang Bayan” na ginamit sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Kahit ang kasintahang si Lilay ay maiuugnay sa kabansaan, dahil ang pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay malimit iniuugnay sa panliligaw, pagtatanggol ng puri, at pagpapakasal sa matalinghagang babae.

Nilulupig ng digmaan ang mga tao, anuman ang uri, edad, at kasarian, at ito ang ipinahihiwatig ng kuwento. Gayunman, ang pag-asa na bubukal sa kalooban ng mga mamamayan ang magpapabago ng timbangan upang umusad ang lahat tungo sa kapayapaan. Ang pag-asang ito ang tataglayin ng ina at kasintahan ni Berto, at ang hulagway na ipamamalas ng halamang sumibol sa kalansay. Naagnas man ang katawang pisikal ni Berto, ang kaniya namang diwa para sa kalayaan ay mananatili magpakailanman.

Pag-ibig at Romansa sa mga kuwento ni Agustin C. Fabian

Sumapit sa yugto ang lingguhang magasing Liwayway sa pambihirang produksiyon ng mga kuwento ng romansa at pag-ibig noong mga huling taon ng dekada 1950 hanggang dekada 1990. Ang nasabing tema ang kakagatin ng madla, at tutugunin naman ng sari-saring pagdulog ng mga manunulat at editor na kung hindi kawani’y regular na tagapag-ambag sa Liwayway at sa mga kapatid nitong publikasyon. Karaniwang gumagamit ng sagisag-panulat ang mga batikang editor at manunulat, at maibibilang dito si Agustin C. Fabian na naging punong patnugot. Ginamit ni Fabian ang mga sagisag panulat na “M.S. Martin,” “A.Fernandez,” “Felisisimo A. Cortes,” at “F. Bani,” at sumulat ng mga tinatagurian ngayong kuwentong popular. Isa pang tanyag na manunulat, si Liwayway A. Arceo, ang nagpasikat sa mga sagisag-panulat na gaya ng “Lilia Ablaza” at “Lydia Balmori.”

Walang kamatayang pag-iibigan ng magkasintahan at mag-asawa ang pinapaksa ng maiikling kuwento ni A.C. Fabian na nagkukubli sa sagisag-panulat sa Liwayway.

Payak ang pagdulog sa mga kuwento. Karaniwang naglalaro sa dalawa o tatlong tauhan ang kuwento, at sa mga tauhang ito ay pipigain ang mga damdaming may kaugnayan sa panliligaw, pagsasama, paghihiwalay, at pagbabalikan ng dalawang tao na nahulog ang loob sa isa’t isa. Ang panliligaw ay karaniwang may bahid ng pagpaparamdam at hitik sa ligoy na pawang nakaugalian ng mga Filipino. Animo’y laging kimi ang lalaki, at ang babae’y hindi makawala sa tadhanang kailangang hintayin ang magiging pagdulog ng lalaki sa kaniya. Gayunman, nagkakaiba-iba lamang ang wakas, dahil hindi lahat ng kuwento ay nagkakabalikan ang magkasintahan o mag-asawa sa dulo ng salaysay.

Maihahalimbawa ang “Sampung Taong Nagdurusa” ni A.C. Fabian na kuwento ng mag-asawang ang babae’y mayaman at ang lalaki’y mahirap. Si Angel ay magsisikap makatapos at magtrabaho bilang doktor, at sampung taong nawalay sa asawang si Teresa upang makaipon ng sapat na salapi para sa kinabukasan ng kanilang anak. Aakalain ni Teresa na may ibang babae si Angel, ngunit ang totoo’y abala lamang ito sa trabaho sa ospital, bukod sa pribadong praktis. Magbabalik si Angel kay Teresa sa dulo ng kuwento, at mangangako sa esposang hindi na muli silang magkakahiwalay. Sa akdang ito, ang lalaki ay ipinamalas na may tapat na pagmamahal sa kabiyak, at ang pag-ibig ay pinatitimyas ng malaong pagkakawalay sa minamahal. Natutumbasan ng ginhawa ang sakripisyo, hindi lamang sa panig ng lalaki, bagkus maging sa panig ng babaeng naghihintay.

Isa pang halimbawa ng kuwento ng paghihiwalay ang “Ni Kailanman.” Sa pagkakataong ito, ibubukod ni A.C. Fabian ang mga tauhang may makaluma at makabagong pananaw sa sex. Magkasintahan sina Mamerto at Leonor, gayunman ang kanilang pagsasama’y nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan pagsapit sa paksa ng sex. Ibig ni Mamerto na makasiping ang sinumang babaeng nais niya, ngunit ayaw naman ni Leonor pumayag hangga’t hindi pa nakakasal. Nang lumaon, kaiinisan ni Leonor ang pagiging batang-isip ni Mamerto, hihiwalayan ito, at magbabalik sa piling ng dating kasintahang si Ernesto na nanatiling maginoo at responsable sa buhay. Ang ganitong paksa ay mainit lalo sa pagsulak ng Amerikanisasyon noong dekada 1950, at mapapansin sa akda ni A.C. Fabian ang matinding pagpapahalaga sa puri at dangal kahit ipinalalaganap ng mga Amerikano ang makabagong gawi hinggil sa mga relasyong seksuwal.

Sa kuwentong “Napilay si Edeng” ni A.C. Fabian, itinampok naman ang magkaibang katangian ng dalaga: isang dalagang taganayon at isang dalagang tagalungsod. Si Abelardo, na isang abogado, ay tinamaan ng sakit sa baga at umuwi sa kaniyang lalawigan. Makikituloy siya sa isang kaanak, at aalagaan ni Edeng na iibigin ng binata. Ngunit darating si Luisita upang sunduin ang lalaki. Dahil ayaw ni Edeng na mapawalay sa binata, gumawa ito ng paraan para maaksidente, at siyang dadaluhan naman ni Abelardo. Sa wakas, hindi sasama ang lalaki kay Luisita at pipiliin ang mapagkandiling dalagang taganayon. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang bisa ng siste, at ipinakita rito na bagaman hindi tahasang naghahayag ng saloobin si Edeng ay mahahalata ni Abelardo ang tunay nitong niloloob sa kaniya.

Maiuugnay ang kuwentong ito sa kuwentong “Baka Ka Matulad,” na ukol pa rin sa panliligaw. Nanliligaw si Pilo kay Tisya, ngunit hadlang sa kaniyang balak si Tibo na ginagamit ang lakas upang sindakin si Pilo para huwag nang manligaw pa sa babae. Ikinuwento ni Tatang kay Pilo ang kaniyang karanasan nang nanliligaw pa sa kaniyang kasintahan, at ang nakatatawang pangyayaring nahubuan si Tatang ng salawal nang gabing makikipagtunggali sa manliligaw na ibig siyang sindakin. Mabuti na lamang at sumaklolo ang babae, na magaling sa arnis, at pagkaraan ay sila ang magkakatuluyan bilang mag-asawa. Sa kuwentong ito, ginamit ni Fabian ang punto de bista ni Tatang para payuhan si Pilo, at naglalarawan ng pagmamahal ng babae sa lalaking sasaklolohan sa oras ng kagipitan. Ipinapakita rin dito na hindi nakukuha sa dahas ang babae, bagkus sa matapat na panliligaw. At taliwas sa nakagawiang pananaw, ang babae ay maaari ding maging tagapagligtas ng lalaki kahit sa gitna ng panganib o kapahamakan.

Isa pang kuwento ni A.C. Fabian, ang “Magsabi ka muna,” ay tungkol muli sa panliligaw. Si Adong, na dalawang linggong nagbakasyon sa lalawigan, ay inakala ng babae na may asawa na dahil may edad na’t palaging may kasamang bata. Ang batang iyon pala ay mga pamangkin ni Adong. Nang magbihis si Adong at puntahan sa parmasya ang dalaga’y napahanga ang dalaga ang itsura ng binata, ngunit gaya ng dapat asahan, hindi agad sasagot ng oo ang babae, bagkus kinakailangan munang humingi ng permiso si Adong sa magulang ng dalaga kung ibig manligaw. Sa kuwentong ito, pinahahalagahan ang bisa ng panliligaw, at sinumang seryosong lalaki’y dapat umaakyat ng ligaw sa tahanan ng babae at hindi dinaraan ang babae sa ligaw tingin lamang, o kaya’y sa pagteteks sa selfon o pagkikipagkudkuran (internet chatting) gaya ng nagaganap sa kasalukuyan.

Kapansin-pansin sa mga kuwento ni A.C. Fabian ang laging pagsusumikap ng lalaki upang patunayan ang sariling kayang magtagumpay sa piniling propesyon, gaya sa mga akdang “Napakalurit na Paglalaga ng Mais” na hinggil kay Talyong estudyante sa medisina at napagkamalang kuripot ng mga dalaga; “Ayos na Kami” na tungkol kay Nestor na valedictorian na tumakbong alkalde pero ibinigay ang pagkakataon sa kababatang si Melanio at isang pangunahing dahilan ang tungkol sa babae; “Bilanggo” na hinggil kay Damian Silaw na dating dukha na nilait ng magulang ng babaeng nililigawan, at pagkaraan ay yumaman at ibig maghiganti sa pamamagitan ng pag-angkin sa katawan ni Elvira na naghirap dahil sa pagkakasakit ng ama.

Ang ibang kuwento ni A.C. Fabian ay pumapaksa sa kaso ng sapilitang pagpapakasal, at ang pagtutol ng babae hinggil dito. Maihahalimbawa ang “Mula sa Pusod ng Dagat,” na isinalaysay ang pagtatangkang pagpapatiwakal ng isang binata at isang dalaga sa dagat ngunit kapuwa sila magbabago ng isip. Isasama ni Delfin sa bahay si Petring, aalagaan ngunit hindi titingkiin. Matutuklasan ng magulang ni Petring ang kinaroroonan nito, at yayayaing umuwi, ngunit tatanggi si Petring dahil ayaw magpakasal sa inireretong lalaki ng kaniyang magulang. Mababatid ni Delfin na nahulog ang loob ng dalaga sa kaniya, at sa bandang huli’y magkukusang kausapin ang mga magulang ni Petring upang pakasalan ito. Sa ganitong kuwento, pinahahalagahan ang kasal, at tinitingnan lagi ang kasal na lulutas sa problema ng babae at lalaki. Ngunit ang pagpapakasal ay dapat nagtataglay ng magkabiyak na elemento: ang kapasiyahan ng babae at ang kahandaan ng lalaki.

Hindi lahat ng kuwento ni A.C. Fabian ay masaya ang wakas. Sa kuwentong “Sa dako pa roon,” nakilala ni Augusto ang isang babaeng mananayaw sa bar, at iuuwi sa bahay, bibigyan ng luho at pangangailangan, hanggang umabot ang sandaling magkukusa ang babae na umalis sa bahay ni Augusto dahil ayaw nitong magpabigat sa buhay ng lalaki. Sa yugtong ito, lumiliit ang pananaw ng babae sa kaniyang sarili dahil sa pagiging sex worker, at si Augusto na isang propesyonal ay matatanaw na hindi bagay o kapantay ng babae. Ang paghiwalay ni Lagrimas kay Augusto ay senyales ng pagbasag sa paniniwalang hindi sa lahat ng pagkakataon ay tagapagligtas ang lalaki, at kayang magsakripisyo ng babae, bukod sa may dignidad ito kahit sa pagpapasiyang mamuhay nang mag-isa huwag lamang malagay sa alanganin si Augusto.

Kataliwas ng nasabing kuwento ang “Bagong Sapatos” ni A.C. Fabian na ukol naman sa pagsasakripisyo ni Elias upang makaipon at mabigyan ng regalo at kaaya-ayang buhay ang kaniyang pamilya. Titipirin ni Elias ang kaniyang baon, at inakala ng kaniyang asawang nambababae ito, ngunit iyon pala’y ginagawa ni Elias ang pagtitipid para maibili ng mga regalo sa Pasko ang kaniyang buong mag-anak. Matamis ang rendisyon nito, at kung uulitin ay makalilikha na ng arnibal. May iba pang kahawig na kuwento na sinulat ng ibang manunulat, gaya nina Benigno R. Juan at Benjamin P. Pascual na ukol din sa sapatos ang lalabas pagkaraan sa Liwayway, ngunit ang magiging tauhan ay magiging bata, o anak at magulang.

May ibang kuwento lamang si A.C. Fabian, gaya ng “Dula ng Buhay” na nagsalaysay ng isang tagpo sa dyip, na sakay ang isang magandang babae at natipuhan ng isang binata. Mabubunyag sa wakas na ang babae pala’y lukaret, at galing sa Mental Hospital, at maiiwan ang binatang di-makapaniwala sa pangyayaring ikinuwento ng tsuper na kakilala pala ang naturang dalaga. Sa kuwentong ito, nililinang ang pagiging muslak [i.e., naive] ng binata, na nabibiyak wari ang isip sa libog at di-maipaliwanag na pagkabighani sa babaeng misteryosa. Mababaw ang kuwentong ito, at hinuha ko’y paningit lamang sa Liwayway.

Sa kabuuan ay napakagaan ng pagdulog ni A.C. Fabian sa kaniyang mga kuwento. Mabibilis ang pihit ng mga pangyayari, at kapupulutan ng aral ang ibang piyesa, bagaman ang iba’y lumilihis sa kumbensiyonal na pananaw hinggil sa dapat maging papel ng babae at lalaki sa lipunan, o kaya’y sa loob ng tahanan.

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.

Kasarian, Silakbo, at Kapangyarihan sa mga Kuwento ni Bienvenido A. Ramos

Hindi na mabubura sa mga pahina ng panitikang Filipino ang pangalang Bienvenido A. Ramos, at may kaugnayan ito sa kaniyang mga kuwentong pumapaksa sa kasarian, silakbo, at kapangyarihan na pawang nalathala sa Liwayway at iba pang magasing komersiyal.

Madidilim ang mga kuwento ni Ramos, ngunit ang gayong pangyayari’y nagkukubli lamang sa pagtatanggol ng puri, pagbawi ng dangal, at pagbangon mula sa pandurusta at kahirapan. Walang pangingimi ang mga kuwento sa paglalantad ng mga realistikong tagpo hinggil sa sex, na inuurirat ang gahasa, ang panggigipit na seksuwal, ang prostitusyon, ang walang direksiyong kalibugan, ang paggamit sa sex bilang instrumento ng kapangyarihan o pagbalikwas, o kaya’y ang pamumutol ng uten—sa punto de bista ng babae o lalaking tumitingin sa papel ng babae.

Halimbawa, sa kuwentong “Alipin,” ang parikala at siste ay maingat na ipapasok sa katauhan ng drayber na naibigan ng asawa ng politikong mahilig mambabae. Ang asawa ng politiko’y halos magsawa na sa paghabol sa kaniyang bana, at isang araw ay pagdidiskitahan ng babae ang drayber na nagkataong makisig, upang tighawin ang uhaw ng kalibugang taglay ng sinumang babaeng nasa rurok ng kasibulan. Magwawakas ang kuwento na parang nasa alapaap ang drayber, dahil hindi na siya itinuturing na karaniwang utusan na sinisigawan, bagkus tagapagbigay din ng aliw sa babaeng tigang na tigang sa kaniyang asawa. Ngunit higit sa lahat, hindi na alipin ang drayber bagkus isa nang panginoon, kahit sa larang ng sex.

Mahaba naman ang kuwentong “Ang Bulkan” na nalathala sa Sagisag noong 1980. Hinggil ito sa buhay at pakikipagsapalaran ni Tata Islaw, na isang magsasakang pinalayas sa kaniyang sinasakang lupain doon sa Bulakan, kinutyang duwag kung hindi man dungo ng kadugo, at lumipat sa bulubunduking Taal upang doon magsimula ng panibagong buhay sa piling ng itinanang babaeng ang dating ikinabubuhay ay pagbibili ng aliw. Darating ang sandali na puputok ang bulkan, at kasabay niyon ang pagkakatuklas ni Tata Islaw na siya’y kinakaliwa ng babae na naakit sa may-ari ng lupang sinasaka niya. Maghihiganti si Tata Islaw, papatayin ang magkalaguyo, ngunit sa wakas ay tatabunan din siya ng abo at kumukulong putik mula sa nagngangalit na bulkan. Ang parikala ng bulkan ay magsisimula sa pisikal na bulkan at magwawakas sa nagbubulkang kalooban ni Tata Islaw, ngunit taliwas sa inaasahan, walang pagliligtas ang matatagpuan sa pagsabog ng poot o bulkan. Lahat ay namamatay, at nababago ang heograpiya ng ugnayan ng mga uri sa lipunan.

Ang pagpapahalaga sa lupa ay mababanaagan din sa “Lupang Pinagbaunan ng Inunan,” na ang melodramatikong rendisyon ay pangtelenobela. Nagtungo sa Estados Unidos si Raul, upang makipagsapalaran at baguhin ang buhay, iiwan ang kaniyang kababatang si Minda, at magbabantulot na umuwi sa sinilangang bayan. (Aangat ang estado ng kaalaman ni Raul, at maiiwan si Minda na nabigong maipagpatuloy ang pag-aaral dahil sa kahirapan.) Ngunit susulatan siya ni Minda, at padadalhan ng isang kuyom na lupa, upang ipaalala sa kaniya ang pinag-ugatan at pagmamahal nang taos. Ang ganitong pormula ng kuwento ay gagayahin ng iba pang manunulat ng Liwayway, at siyang dapat nang iwasan ng makabagong henerasyon.

Isa sa mga konseptong matingkad sa mga kuwento ni Ramos ay ang pagpapahalaga sa “dangal.”  Ang “dangal” ay maaaring sipatin sa antas ng pagkatao ng paralitikong bana na ang asawa’y napilitang magputa, at siyang isinalaysay sa “Uwak at Bangkay.” Ang dangal ay maisasalin sa larawan ng mahirap na pamilyang nag-alaga ng nakakawalang Doberman ng mag-asawang walang anak, na mababasa sa “Kahit Isang Hayop.” Ang dangal ay maikakabit sa pagsisikap na makabawi ng laos na aktres na naging puta at ipinahiwatig na nahawa ng HIV dahil sa pakikipagtalik sa kung sino-sinong lalaking banyaga. Ang konsepto ng dangal ay maaaring pabaligho ang rendisyon, gaya sa kuwentong “Si Baribot” na hinggil sa pagbabagong buhay ni Nick na nilustay ang kabataan sa bisyo at babae, ngunit nabigong maituwid ang pagkakamali dahil huli na ang lahat. Hindi linear ang pagsipat ng awtor sa dangal, at ang idinudulot nito sa tao ay hindi laging positibo dahil nasusugatan, nahihirapan, at namamatay sa iba’t ibang anyo ang mga tauhan.

Pambihira naman ang parikala sa kuwentong “Kamandag na Pangungulila” ni Ramos, na ang bana’y nangungulila sa kaniyang misis na dating titser na nagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho bilang katulong o sex worker. Ang lalaki’y lulustayin ang padalang salapi ng kaniyang misis sa malimit na pagdalaw sa birhaws, mapapabayaan ang pangangailangan ng mga anak, at parang isinadula muli ang kasabihang mula sa “Mula sa alabok tungo sa alabok” ngunit sa ibang anggulo. Ang perang kinikita ng Ledylin (asawa) sa ibang bansa ay mula sa prostitusyon ng sarili na nauwi sa paglulustay ng kaniyang asawa para sa isang puta. Ang ganitong uri ng kuwento’y lumilitis sa uri ng kapangyarihang namamayani sa lipunan, at ang sex ay maaaring tingnan hindi lamang bilang instrumento ng kalibugan bagkus bilang intrumento sa pagkamit ng moral at ekonomikong estado sa buhay.

Nangingibabaw din ang poot sa ilang kuwento ni Ramos, at ito ang higit na nagbibigay-kulay sa mga pangyayari. Halimbawa, sa kuwentong “Ang Pangalan sa Lapida,” matutuklasan ni Rey ang suklam sa kaniya ng kaniyang ama nang ipagpagawa nito siya ng lapida kahit buhay pa, dahil sa ginawa nitong katarantaduhan, gaya ng pagtutulak ng droga at paglustay ng buhay sa iba’t ibang bisyo at bilangguan. Ngunit ang poot ay kaugnay ng sukdulang pagmamahal ng ama sa anak, at ito ang matutuklasan ni Rey sa dulo ng kuwento. Samantala, ang kuwentong “Sirang Lantsa, Alak, at Manggang Hilaw” ay nagsasalaysay naman ng poot ni Emma kay Estong Balila na gumahasa sa kaniyang anak. Ipapaubaya ni Emma kay Estong ang sarili upang sa bandang huli’y putulin ang uten ni Estong bilang pagganti sa niyurakang dangal ng kaniyang anak.

Bukod sa poot ay itatampok din ang konsepto ng “Kung ano ang itinanim ay siya mong aanihin.” Mababanggit dito ang rekruter ng mga manggagawang Filipino na ipinadadala sa iba’t ibang bansa at nakadanas ng mga pasakit dahil sa panloloko ng ahensiya, na sa bandang huli’y ang anak mismo ng rekruter ang palihim na mag-aaplay sa ibang ahensiya upang doon makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang ganitong sipat sa “karma,” kung “karma” ngang matatawag at siyang batay sa pananaw ng Filipino, ay ipamamalas din sa gaya ng kuwentong “Katarungan,” na ang kurakot na piskal na nagpalaya sa mga adik na anak ng mayaman at maykapangyarihan ay ginantihan ng tadhana at ang kaniyang mismong anak na babae ay gagahasain ng mga adik pagdating ng araw. Maiuugnay din ang nasabing kuwento sa isa pang akda, ang “Ganti” na hinggil sa buhay ng huwes na ginagamit ang posisyon upang makaisa sa babaeng ang asawa’y kinasuhan ng pagpatay. Ngunit gagantihan pagkaraan ang huwes, lilinlangin ng babae, at puputulan ng ari, hanggang masira ang pangalan at doon ubusin ang natitirang panahon sa ibang bansa.

May kutob akong ang mga kuwentong binanggit ko rito ang isasama ni Mang Ben sa kaniyang bagong koleksiyon, at ilalathala ng isang tanyag na publikasyon sa Lungsod Quezon. Maganap nawa ito, at nang muling mabasa ng madla ang silakbo ng sining ng Bienvenido A. Ramos, na isa sa mga bantayog ng panitikang popular sa Filipinas magpahangga ngayon.

Malilikot na Kuwento ni Vicente Sotto

Kinakailangang tuklasin muli si Vicente Y. Sotto (1878-1950), hindi bilang isang kuwit sa kasaysayan o kaya’y tukayo ng komedyanteng aktor at senador, bagkus bilang panitikerong maipagmamalaki ng mga Sebwano. Itinuturing na “Ama ng Panitikang Sebwano,” si Sotto ay humawan ng landas sa pagiging peryodista, dalubwika, mandudula, at kuwentista. Magandang simula ang mga pag-aaral ni Resil Mojares, at ang mga salin nina Don Pagusara, Erlinda Alburo, at Remedios B. Ramos hinggil sa ilang piling dula at kuwento ni Sotto na pawang nalathala noong bungad ng siglo beinte.

Taliwas ang mga kuwento ni Sotto sa mga naunang salaysay na hitik sa mga hari at reyna at relihiyosong pinauso noong panahon ng awit at korido. Tinumbok ni Sotto ang mga makatotohanang pangyayari sa kaligiran, mulang digmaan sa malawak na lipunan hanggang tunggalian sa loob ng pamilya’t katauhan. Dagdag pa’y ginamit niyang instrumento ang katha upang punahin ang mga baluktot na paniniwala ng madla o kaya’y naghaharing uri, at magmungkahi ng pagtutuwid sa pamamagitan ng talinghaga at pagpapahiwatig.

Maiikli ngunit malilikot ang kuwento ni Sotto, at maaaring ihanay iyon sa “dagli,” na sumasaklaw sa “maikling-maikling kuwento,” “pasingaw” (sketch), “tulang tuluyan,” at “anekdota.” Ang naturang kaiklian ay nakaayon sa sukat ng mga pahayagang kinalathalaan ng mga kuwento, gaya ng Ang Suga  (1901), na binubuo lamang ng apat ng pahina. Nakatuon ang mga kuwento sa isa o dalawang tauhan, at higit na nakakiling sa mabibilis, kapana-panabik na paglalahad ng mga yugto ng pangyayari, na kung minsan ay may mga puwang sa banghay na kailangang punuan ng mambabasa. Buháy na buháy ang mga usapan, at ang gayong realismo ay waring tandisang sumasalamin sa tunay na nagaganap sa paligid.

Mahaba-haba na ang akdang “Ang Tinagoan ni Teresa” (1908)  na hinggil sa buhay ni Teresa na maykayang babae na nabuntis at pagkaraan ay ipinaampon sa isang balo ang kaniyang isinilang na anak doon sa Magindanaw. Ang sanggol ay lumaking matalino at makisig na lalaki, at paglipas ng panahon ay makakatagpo ang ikalawang anak sa ibang asawa ni Teresa. Nagkaibigan ang magkapatid sa ina, at sa bandang huli’y nagpatiwakal si Teresa dahil hindi matanggap ang kahihiyang idinulot sa asawang si Silvestre Makisalin. Nagwakas ang kuwento sa paghihinagpis ni Silvestre, dahil aniya’y walang halaga ang nakaraan ni Teresa; ang higit na mahalaga’y naging mabuting asawa at ina si Teresa nang sila’y magpakasal.

Pambihira ang kuwentong ito, dahil naiiba na ang pagdulog nito sa konsepto ng “puri” ng babae noong panahong nalathala ang akda. Dati, ang “puri” ay hindi lamang iniuugnay sa “virginity” bagkus maging sa “dangal.” Katunayan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “puri” at iniangat iyon sa pambansang antas. Ang pagkawala ng puri ay katumbas na ng kamatayan dahil wala nang “mukha pa ang maihaharap sa bayan.” Umuusig ang kuwento sa de-kahong paniniwala ng lipunan, at hinahatak ang kalalakihan na sipatin ang pag-ibig nang higit sa idudulot na kasiyahan ng makalupang pagniniig.

Mababanggit ang isa pang kuwento ni Sotto na pinamagatang “Panikas sa Gugma”  (1908)  na hinggil sa matandang balong babaeng mayaman (Donya Torcuata Abella) na umibig sa isang binatang makisig ngunit dukha (Potin). Tumutol ang mga anak ni Donya Torcuata sa pasiya ng kanilang ina na magpakasal muli, ngunit hindi napigil ang rumaragasang libog ng babae. Ang kalibugan ng babae  ay tinumbasan ng kalokohan ng lalaki, na lumustay ng pera ng babae. Itinakas ni Potin ang malaking halaga ng pera tungo sa Hong Kong, nagtayo roon ng negosyo at pumili ng ibang babae, at iniwang luhaan si Donya Torcuata na inakalang nabuntis siya. Natuklasan ni Donya Torcuata na bilbil lamang sa puson, at hindi totoong sanggol ang dinadala niya. Nagwakas ang kuwento nang maglupasay hanggang mabaliw ang matandang babae.

Sa naturang kuwento’y ibinubunyag ni Sotto ang kalabisan ng mga matronang nasa alta sosyedad, ngunit ang paraan ng pagsasalaysay ay napakagaan, mapagpatawa, at hitik sa makukulay na usapan. Ang kakatwa’y ang gayong uri ng kuwento ni Sotto ay uulit-ulitin magpahangga ngayon, hanggang maging de-pormula na ang talakay sa nasabing paksa. Marami pang kuwento si Sotto na kung babanggitin ko rito ay hindi matatapos ang ating usapan. Kaya ipinapayo kong bumili na lamang kayo ng Labindalawang Kuwento ni Vicento Sotto  (1998)  na inilathala ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Kailangang mapag-aralan muli si Sotto sa panahong ito, sa orihinal mang Sugbuhanon o sa saling Filipino, at nang mabatid ng lahat, na higit na makapangyarihan ang siste ng panitikan kaysa kabulastugang napapanood ngayon sa mga programa sa telebisyon. 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers