About these ads

Kritika sa Multilingguwalismo at sa Pahayag ni Ricardo Nolasco ng Komisyon sa Wikang Filipino

Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:

(1) Sa maraming Pilipino,  ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika,  at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.  Hindi tama ito.

(2)        May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto.  Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika.  Kapag hindi sila nagkakaunawaan,  nagsasalita sila ng magkaibang wika.  Kapag nagkakaunawaan sila,  nagsasalita sila  ng parehong wika o diyalekto ng isang wika. 

(3)        Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika.  Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika,  magkaibang wika ang mga ito.  Kung magkapareho ang gramatika,  mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2

(4)        Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o  limang tagapagsalita lamang;  kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala;  o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya.    Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.

(5)        Sa mga batayang ito,  ang Ilokano,  Sebwano,  Pangasinan,  Hiligaynon,  Bikol,  Kapampangan,  Butuanon at Meranao,  kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi  ganap na mga wika.   Diyalekto o wikain ang tawag sa  baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.

(6)        Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3   Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto.  Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig.  Nangunguna ang Papua New Guinea.

Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na  “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.

Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.

Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.

Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.

Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.

Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.

Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.

Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:

(8)        Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika?  Hindi.  Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino,  at vice versa.  Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika.  Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa);  mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa);  at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-.   Sa madaling sabi,  walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.

(9)        May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.   Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino.  Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika.  Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring  na magkaibang wika.

Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.

Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”

Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:

Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo.  Halimbawa,  ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”.  Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto,  o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay  (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan),  mamamatay ang lokal na termino.  Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa.  Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4  Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.

Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong  nagluwal ng mga salitang gaya ng  salumpuwit at salipawpaw.  Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,”  at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.”  Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa.  Sapagkat palasak na ang silya at eroplano,  ang ganitong uri ng purismo ay  itinakwil ng ating mamamayan.

Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar, Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,”  at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.

Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:

Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,”  patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?

Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika.  Ang dati rati’y wika lamang ng  Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino.  Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog.  Batay sa sensus ng 2000,  9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog,  magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko.  Salamat sa TV, radyo,  romance novel, komiks,  paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.

Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika.  Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila.  Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog.  Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.  

Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino.  Sa paniwala ng iba,  higit itong prestihiyoso kaysa Filipino.  Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na  Pilipino (75%)  ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles.  Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati  (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.  

Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog.  Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.”  Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap,  tapos you switch to another language sa parehong pangungusap.  “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles. 

Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.

Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika.  Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog.  Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.

Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.

Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan. 

Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:

Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa.  Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog.  Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit.  Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8

Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang.  Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.

Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.

Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones  (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.

Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:

Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?

Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito.  Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa.  Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino.  Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español).  Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig.  Sabi nga,  mag-isip nang global at kumilos nang lokal.

Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14  Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at  lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan.  Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan.  Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala.  Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at  abstraktong ideya.

Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran.  Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.

Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).  Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.

Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.

Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.

Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”

About these ads

Muling Pagbasa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos

Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.

Banaag at Sikat

Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo

Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.

Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.

Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.

Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.

Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda,  at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid,  dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”

Kayamanan at Kapangyarihan
Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.

Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.

Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.

Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.

Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog.  Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.

Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.

Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.

Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.

Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.

Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira  rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.

Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.

Balanse ng Salita sa Salawikain bilang Tula

Isa sa mga katangian ng sinaunang salawikain ay ang masinop at balanseng distribusyon ng mga salita sa isang saknong. Ang salawikain bilang tula ay hindi lamang ginagabayan ng katutubong sukat at tugma, bagkus kaugnay ang mga ito sa bilang ng mga salita sa bawat taludtod. Maihahalimbawa ang sinaunang kawikaang mahuhugot sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar:

1      Ang katakatayak, sukat             (a)
2      makapagkati ng dagat.              (a)

Ang nasabing salawikain ay binubuo lamang ng dalawang taludtod. Ang unang taludtod ay may sukat na walong pantig, at tumitimbang sa walong pantig ng ikalawang taludtod. Nilangkapan naman ng tugmang malakas ang dulong taludtod (“súkat” at “dágat”) na pawang may malumay na bigkas. Ang maganda sa tula’y balanseng-balanse kahit ang bilang ng salita sa dalawang taludtod, na may tigtatatlong salita. Kung bababasahin kung gayon ang naturang tula’y maiaangkop para himigin nang paawit. Hindi gaanong napapansin sa pag-aaral ang naturang pagtitimbang ng mga salita, at inaakala ng iba na pulos pandulong tugma lamang ang alam ng sinaunang Tagalog.

Madali lamang unawain kung ano ang ibig sabihin ng salawikain kapag inurirat kung ano ang mga pakahulugan ng mga salita. Tumutukoy ang “katakatayak” sa “isang patak na alak”; ang “makapagkáti” ay nagsasaad ng kakayahang “makapagtaboy ng alon palayo sa laot” o “magdulot ng pagbaba ng antas-dagat” (i.e., low tide); at ang “súkat” ay idyomatikong pahayag na katumbas ng “sapat na.” Sa unang malas ay magaan ang pahayag ng salawikain, ngunit kung uuriin nang maigi’y malalim. Mapapansin ito kapag pinagdugtong ng guhit ang mga salitang “katakatayak” (na napakaliit) at “dagat” (na napakalaki). May anomalya rin kapag pinagdugtong ng guhit ang “sukat” at “makapagkati” dahil paanong sasapat ang isang patak ng alak para hawiin ang dagat? Magugunita ang Biblikong alusyon ng paghawi ni Moses sa dagat nang patawirin ang kaniyang lipi para takasan ang mga humahabol na kawal Ehipsiyo. Ngunit walang kaugnayan ang naturang salawikain sa Biblikong pangyayari dahil may sariling diskurso ang Tagalog hinggil sa mga katawagan sa alak at dagat bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol.

Ang susi ng salawikain ay sa paghahanap ng pahiwatig hinggil sa “katakatayak.” Ang “katakatayak” ay maaaring isang munting bagay na makapaghahasik ng pagkatuyot, at ang pagkatuyot na ito ay maaaring umaabot sa hanggahan ng himala at di-kapani-paniwala ngunit may posibilidad na maganap. Halimbawa, ang “katakatayak” ay maaaring isang maliit na kasalanan na kaugnay ng bisyo, at ang munting kasalanang ito ay makabibiyak ng masayang pagsasama ng pamilya o pamayanan o bansa. Sa kabilang dako, maaaring sipatin din ang “katakatayak” sa positibong paraan, na ang isang munting mabuting gawa at di-kumbensiyonal ay makalilikha ng daluyong na pagbabago sa hanay ng malaganap at kumbensiyonal na kasamaan. Lalawak pa ang mga pakahulugan ng salawikain kung ilalapat dito ang mga pakahulugan ng bawat komunidad na gumagamit ng nasabing salawikain at iangkop sa silbi nitong pagbuklurin ang mga tao sa antas man ng moral, politika, ekonomiya, ideolohiya, at iba pang bagay.

Ang taktika ng pagtitimbang ng mga salita sa saknong ay hindi lamang magwawakas sa sinaunang salawikain. Maihahalimbawa ang tulang “Pasubali” ni Manuel Principe Bautista, na kisangkapan ang tayutay ng sinaunang Tagalog, at nilangkapan ng siste, upang sumariwa at tumalim sa higit na mabisang paraan:

Pasubali
ni Manuel Principe Bautista

Mamangka man ako sa dalawang ilog,   
              ako ay dadaong                  
Sa dalampasigan ng dibdib mo, Irog.      

Binubuo ang nasabing tula ng tatlong taludtod: Ang una’t ikatlong taludtod ay may tiglalabindalawahing pantig at pawang may tugmang malakas at malumay (“ilog” at “irog”); samantalang ang ikalawang taludtod ay may anim na pantig, at maipapalagay na walang tugma. Gumaganda ang tula dahil sa biswal nitong hugis na bangka, na ang una’t ikatlong taludtod ay nagsisilbing katig at ang ikalawang saknong ang pinakalawas ng bangka.  Ngunit higit pa rito, pansinin na balanse kahit ang distribusyon ng mga salita: Ang unang taludtod ay may anim na salita, at titimbangin ng anim na salita sa ikatlong taludtod. Ang ikalawang taludtod naman ay tatlong salita na kalahati ng una’t ikatlong taludtod.

Ang paglalaro ni Bautista ay makikita kahit sa estratehikong posisyon ng “mamangka” at “dalampasigan”; “dalawa” at “dibdib”; “mo” at “ako”; at “ilog” at “irog.” Ang tula ay humuhugot ng alusyon sa kasabihang “Huwag kang mamangka sa dalawang ilog,” na tumutukoy sa paglalaro ng lalaki sa magkabukod na relasyon nito sa dalawang babae (na maaaring kasintahan o kalaguyo). Gayunman, hindi inuulit lamang ng tula ang de-kahong pagtingin sa gayong relasyon. Ipinahihiwatig ng tula na kahit pa may dalawang babae ang lalaki, uuwi pa rin ang naturang lalaki sa kaniyang orihinal na asawa o tunay na minamahal na kasintahan. Ang susi sa paghihiwatigan ay mahihinuhang nasa “ilog” (babae) na siyang tatawirin ng “bangka” (lalaki). Hindi ganito kadali ang tumbasan dahil may iba pang espesyal na pampang o dalampasigan ang uuwian ng bangkero. Ang “pampang” o “dalampasigan” na ito ay ang matalinghagang “dibdib” na tumutukoy sa “pag-ibig” o kaya’y sa literal na pakahulugang “suso” ng sinisinta. Ipinahihiwatig lamang ng tula ni Bautista na kahit magloko ang lalaki, yaon ay panandalian lamang, at siya ay mananatiling tapat sa kung sino man ang minamahal na asawa o kasintahan. Bolero kung gayon ang persona sa tula. Gayunman, may katapatan ang himig niyon at nagsasaad lamang na sadyang dumaraan ang lalaki sa yugto ng paglalaro, subalit ang wakas ay laging sa piling ng pinakamamahal na asawa.

Ang balanse sa pananaludtod ay hindi tsambahan, gaya ng ipinamalas na mga halimbawa sa itaas. Maláy ang mga batikang makata sa paghahanay ng mga salita, at ang pagtula’y hindi basta pagbubuo ng mga linyang may sukat at tugma, lalo sa daigdig ng Tagalog. Ang kalikutan ng guniguni ng mga makata ay hindi lamang sa pag-uulit ng mga nakikita sa paligid, bagkus sa muling pagpapakahulugan at interpretasyon ng paligid upang lumikha ng sariwang realidad.

Filipino: Paraan ng Pagtanaw at Pananaw

Ang salitang “Filipino” ay malimit nasa bingit ng tunggalian, mulang pagpapakahulugan hanggang pagsasabuhay. Tumutukoy ang “Filipino” rito bilang kapuwa tao at wika, at sa lahat ng kaugnay na katangian nito. Ipaliliwanag ng gaya ni Renato Constantino na ang “Filipino”  ay isang elitistang konseptong hitik sa pagpapakahulugang mapag-aglahi. Ito ang dating tawag sa mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas, samantalang ang mga katutubo ay tinaguriang “Indio.” Ang mga Filipino ay walang kapantay na karapatan gaya ng Espanyol na nasa Espanya. Nang lumaon, ani Constantino, ang Filipino ay sumaklaw na rin sa mga ilustrado na ibig pumailalim sa Madre Espanya, at naging pambansang konseptong tumutukoy sa lahat ng mamamayang naninirahan sa Filipinas.

Tanging sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang tatanggi sa gayong taguri, at ipaliliwanag nang malalim ng istoryador at teorikong gaya ni Zeus Salazar. Hindi nila tatawagin ang sarili na “Filipino” bagkus “Tagalog,” at ang inang bayan nila ay “Katagalugan” imbes na “Filipinas.” Mahalaga ang pagkilala nina Bonifacio at Jacinto sa kanilang kabansaan at pagkamamamayan, dahil ang “Tagalog” at “Katagalugan” noon ay hindi lamang sumasaklaw sa rehiyon ng Tagalog, bagkus sa buong bansa, alinsunod na rin sa pakahulugan ng Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Gayunman, hindi magwawagi sina Bonifacio at Jacinto bagaman ang Tagalog ay mananatili sa larangan ng internet, lalo sa WordPress.

Masasabing ang taguring “Filipino” ay lunan ng tunggalian magpahangga ngayon. Patunay ang mga mapag-aglahing palabas mula sa Europa, Estados Unidos, at Asya kung paano sinisipat ng dayuhan ang mga Filipino, at ang pinakabago ay ang palabas ng BBC Corporation. Bukod pa rito ang komodipikasyon ng salitang “Filipino,” halimbawa na ang maitim na tsokolate na gawa sa Espanya, Portugal, at Netherlands; sa promosyon ng boksing ni Manny Pacquiao at sa iba pang isports na gaya ng basketbol at bilyar; at sa pagtatanghal ng mga artista ng GMA 7 at ABS-CBN sa Amerika at iba pang panig ng daigdig. Ang komodipikasyon ng Filipino ay makikita sa pagtatampok ng timpalak pangkagandahan ng babae, o kaya’y sa taguri sa mga babaeng nagbibili ng aliw sa mga dayuhan, kung hindi man inilalako na mail order bride. Mababanggit din ang pagpapakahulugan sa Filipino, gaya sa diksiyonaryong Larousse Gran Diccionario Español-Ingles (1984) ni Ramon Garcia-Pelayo y Gross, na ang lahok sa “Filipino” ay may pabalbal na pakahulugang katumbas ng “hangal,” “busabos,” at “palaboy,” at sa iba pang diksiyonaryong ipinanunumbas ang Filipina bilang katulong. Ang sukdulang panlilibak sa Filipino ay matatagpuan sa ipinapakalat na katatawanan ukol sa katulong, kaya ang “katulong” o “alipin” ay pailalim na naitutumbas sa “pagkamamamayan” o “kabansaan” kahit sablay ang gayong lohika.

Sa naturang pangyayari, ang “Filipino” ay hindi neutral o kaya’y walang tinag na salita. Ang “Filipino” ay lumalampas sa heograpiya ng Filipinas, at hinuhubog ng mga tao. Ang “Filipino” ay hindi kathang-isip lamang na konsepto bagkus may katumbas na realidad. Ang relasyon ng “Filipino” sa daigdig o ipagpalagay nang mayayamang bansa, gaya ng Amerika, Australia, at United Kingdom, ay kaugnay ng paglalaro ng kapangyarihan. Ang “Filipino” ay gagamiting pang-uri sa diksiyonaryo, ngunit kakabitan ng “cook” (kusinero) imbes na “chef.” Gagamitin ang “Filipino” bilang pakahulugan sa pinakamagandang puta sa balat ng lupa, at panumbas sa pinakamasipag na migranteng manggagawa na maibabangga sa mga manggagawa ng ibang lahi. Ilalantad ang Filipino sa mga pahayagan na “bandido,” “hampaslupa,” “kaliwete,” “katulong,” “magnanakaw,” “pirata,” “puta,””sugarol,”  o kung ano-ano pang makukulay na taguri alinsunod sa pagkakakilala at prehuwisyo ng bansang tumatanggap sa mga nandarayuhang Filipino.

Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang “Filipino” ay balangkas lamang ng mga mito o kathang-isip. Ang “Filipino” habang lumalaon ay nagiging lawas ng teorya at praktika,  at ang naturang pananaw at pagsasabuhay ay nahuhubog nang malaki ng mga dayuhan at maykapangyarihan. Marapat tingnan ang “Filipino” bilang isang uri ng kapangyarihan, ngunit ang kapangyarihang ito ay nakapaloob sa gahum (i.e., hegemoniya) ng mayayamang bansa, kaya madaling malusaw kung hindi man pumisan sa dapat sandigan. Masalimuot ang bakbakan ng mga kapangyarihan—sa cyberspace man o sa merkado o sa sandaigdigan—kaya hindi dapat ipagtaka kung napakabagal pumiyok ng Filipinas tuwing nahaharap sa pakikipagtalo sa higit na makapangyarihang bansa o lawas ng mga dominanteng institusyon.

Ang “Filipino” ay hindi basta isang malamig na paksang mahuhugot sa akademya o kung saang pook. Ito ay isang pumipintig na kamalayan, isang kalipunan ng interes, isang pagpapakahulugan ng lunggating nilalapirot ng mas makapangyarihang puwersa. Ang “Filipino” ay hindi estatiko dahil araw-araw itong nililitis sa banggaan ng mga kultura at politika at midya. Makabubuti na mabatid kung paano natin inilalantad, kinakatawan, at ipinapakahulugan ang konsepto ng Filipino. Sa gayong paraan, maiiwasan natin ang mga de-kahong pananaw na patuloy na dumudungis at nagpapabansot sa ating pagkatao at kabansaan.

Napapanahon na para sipatin ang Filipino sa pananaw, wika, at diskurso ng mga Filipino at hindi ng kung sino-sinong dayo. At maaaring simulan ito kahit sa munting blog, na gaya nito.

Prosang Tagalog ni Jose Rizal

Jose Rizal sa GSIS Museum

Jose Rizal sa GSIS Museum

Kilala si Jose Rizal sa kaniyang prosang nasusulat sa Espanyol, ngunit nakasulat din siya ng ilang akda sa Tagalog. Magaan at madulas ang prosang Tagalog niya, bagaman masasabing malayo sa testura ng Tagalog nina Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Francisco Balagtas. Pinakatampok na marahil ang Makamisa (1892), ang sinasabing karugtong ng El Filibusterismo (1891), at pinag-ukulan ng pag-aaral ni Ambeth Ocampo. 

Sa bungad pa lamang ng Makamisa ay mahihiwatigan agad ang kakatwang tagpo sa simbahan, ang simbahan na parang karnabal na sinusugod ng mga tao, at ang mga tao ay pawang mapagbalatkayo sa harap ng kanilang panginoon. Titindi ang paglalarawan dahil Linggo de Pasyon, at ang kurang si Padre Agaton—na pinakamakapangyarihan sa Bayan ng Tulig—ay tumangging magbigay ng ostiya sa mga mananampalataya gayong mahigpit naman sa pakumpisal. Ang karikatura ni Padre Agaton ay di-malalayo sa mapaglarong komedya, at ang banal ay nagiging makalupa at karnal. Ipakikilala pagkaraan si Marcela, na maaaring malaki ang papel sa nobela, at mahihiwatigang ang nasabing dalaga ang puntirya ng libog ni Padre Agaton. Samantala’y si Kapitan Lucas, ang ama ni Marcela, ay satiriko rin ang paglalarawan. Siya ang punongbayan ngunit kinapopootan ng mga mamamayan, at animo’y tuta ni Padre Agaton. Kahit ang paglalarawan sa loob at labas ng kumbento ay hitik sa siste mulang di-pinapansing mga bulaklak sa hardin hanggang asal ng Guwardiya Sibil hanggang pananampal ng kura kay Aling Anday, na matalik ang ugnayan sa naturang pari. Si Padre Agaton ang mahihinuhang paglulunsaran ng salaysay, at kung bakit niya sinampal si Aling Anday ay siyang aabangan sa mga susunod na kabanata ng nobela.

Kung sadya ngang mapagpatawa ang nasabing akda hanggang wakas ay walang makababatid yamang maliit na bahagi lamang ang nasulat ni Rizal. Tanging mga sulat ni Rizal kay Ferdinand Blumentritt ang makapagpapahiwatig kung ano ang posibleng tatahakin ng nobela. Ibinubunyag din ng mga liham ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang kakapusan sa wikang Tagalog, at ang pagnanais na isulat na lamang ang nobela sa Espanyol dahil may mga yugtong gaya ng sermon ng pari na kailangang nasa Espanyol. Maaaring nagpapalusot lamang si Rizal. Si Rizal ang halimbawa ng intelektuwal na nabigong gamitin ang sariling wika alinsunod sa diskurso ng kaniyang mga kababayan, bagaman kapuri-puri ang kaniyang pagtatangka.

Kung pagbabatayan naman ang ibang prosa ni Rizal, gaya ng “Paalaala sa mga Mapag-usapin,” ang siste ay laging nakapaloob kahit sa munting salaysay na tila tulang tuluyan. May magkaibigan na nakatagpo ng kabibi, at pinag-agawan iyon, at ang pagtatalo’y nauwi sa hapag ng hukom. Ngunit pagsapit sa hukom ay dinukit niya ang laman ng kabibi at kinain, saka ibinahagi ang dalawang takupis sa magkaibigan. Ang ganitong uri ng salaysay ay tila hango sa Biblikong alusyon, nang magtalo ang dalawang ina sa harap ni Haring Solomon hinggil sa kung sino ang marapat kumuha ng sanggol (1 Hari 3: 16–28). Kaugnay din iyon ng de-ilustrasyong “Si Pagong at si Matsing” na hinango ni Rizal sa kuwentong bayan na ukol sa magkaibigan ding nagtalo at naghati sa tiniban ng saging. Ano’t anuman, ang “Paalaala sa mga Mapag-usapin” ay hindi simpleng pagpapatawa lamang. Inuusig nito ang pagtatalo sa mumunting bagay na hindi dapat pagtalunan, samantalang iginigiit ang halagahan ng pagbibigayan ng magkaibigan. Ang hukom ay hukom lamang sa pangalan, dahil kahit siya ay manlalamang at kakainin ang dapat sanang pinaghatian ng magkaibigan.

Sa isa pang akdang pinamagatang “Ang Magkapatid” ni Rizal, inilahad ng persona ang masaklap na pangyayari sa buhay ng mahihinuhang ulilang magkapatid na pinagmalupitan ng kanilang ale (i.e., tiya). Dating mayaman ang ale ngunit naghirap pagkaraan, at pinagbuntunan ng lupit ang magkapatid. Magbubulay ang isa sa magkapatid, ayon sa pagunita ng persona, kung gaano ang ginhawang matatamo sa paglayas sa poder ng ale, ngunit magwawakas sa pangangamba: “Makapangangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa’y makapapahamak sa lahat?” Ang tanong ay patungkol sa pagtutulungan ng magkapatid. Hindi sinagot ang nasabing tanong, ngunit ang tanong na iyon ay umaalingawngaw magpahangga ngayon sa mga nakikibaka tungo sa ganap na ikagiginhawa ng ating bansa.

“Sa Ngalan ng Diyos” ni Faustino Aguilar

Mapanganib ang pluma ni Faustino Aguilar dahil niyayanig niya ang pundasyon ng simbahan at pamahalaan, at nagbubunyag ng mga kakatwang kaugalian, sa pamamagitan ng kaniyang mga nobela. Isa sa mga makapangyarihang nobela niya ang Sa Ngalan ng Diyos (1911) na tumutuligsa sa ordeng Heswita, na kinabibilangan ng mga paring bumibilog ng isip at lumulumpo sa kalooban ng babaeng maykaya, upang maangkin ang salapi, puri, at katawan niya.

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo

Napakagandang isapelikula ang nasabing nobela. Masinop na huhubugin ni Aguilar ang mga pangunahing tauhang gaya nina Carmen, Padre Villamil, at Eladio, at susuhayan ng mga tauhang gaya ng Mr. Roland, Dolores, Ventura Rodriguez, Padre Superyor, at Dure. Bubuksan ang tagpo sa pag-uusap nina Padre Villamil at Padre Superyor, isang gabing masungit ang panahon, at ipapahiwatig ang balak nilang akitin papaloob ng kumbento si Carmen na tagapagmana ng ekta-ektaryang lupain at limpak na kayamanan. Ang maitim na balak ng dalawang pari ay tila sumasalamin din sa maiitim nilang sutana, at kaugnay ng pagnanasang isalba sa kahirapan ang Kompanya ni Hesus at matustusan ang materyal na pangangailangan ng mga pari.

Si Dolores, kasintahan ng Amerikanong si Roland, ay makikipaghiwalay sa kaniyang minamahal dahil sa di-matanggap na tsismis na nagmumula rin sa mga pari. Sa labis na lungkot, lalapit si Dolores kay Padre Villamil, at ang konsultasyon at pangungumpisal ay maghuhunos na makamandag na usapang hahatak kay Dolores para talikdan ang daigdig at pumasok na madre sa kumbento. Si Eladio, na utusan ni Dolores, ang makapapansin sa masasamang balak ng mga pari sa nasabing dalaga, at ipaghihimagsik ng loob ang gayong pakana. Ngunit kailangan niyang sumandig kay Dolores upang buhayin ang kaniyang asawang si Dure, at kailangan niya si Padre Villamil upang maging tulay kay Dolores at gawin siya nitong katiwala sa mga bukirin o ari-arian.

Ang kagandahan at kayamanan ni Dolores ang pagnanasahan nina Padre Villamil at Eladio. Higit na malupit lamang si Padre Villamil, dahil yamang batid nito ang pagkamuslak (i.e., naivete) ni Dolores, ay gagamitin ang katusuhan upang magahasa ang dalaga at maangkin pa ang mga lupain nito. Samantala, malilibugan din si Eladio kay Dolores, at pagnanasahan nito ang katawan ng dalaga, subalit gagawin ito upang unahan si Padre Villamil, uyamin ang nasabing pari sa labis na kalibugan, at yugyugin ang katauhan ni Dolores para magising sa matagal nang katangahan. Si Roland lamang ay masasabing umiibig nang tapat kay Dolores, ngunit mahina rin si Roland bilang banyaga na hindi kayang amuin ang ilahas na loob ni Dolores. Ang pagkakalarawan kay Roland ay tila Tagalog imbes na Amerikano, gayunman ay hindi na mahalaga yamang ang ibig lamang itampok sa nobela ay ang pananaghili o panibugho ni Dolores sa kaniyang kasintahang nawala nang matagal.

Ipagpapalit ni Dolores ang lahat ng kaniyang kayamanan makamit lamang ang pinaniniwalaang langit na ipinangangako ng simbahan. Samantala, si Padre Villamil naman at ang kaniyang mga kasamang pari sa Kompanya ni Hesus ay naniniwalang kailangang matamo rin ang materyal na yaman sa lupa bukod sa pinaniniwalaang yaman ng kalangitan. Si Eladio ang animo’y anarkista na handang lumikha ng panununog, pagpatay, at panggagahasa kung ang buhay sa daigdig ay walang nang maidudulot na pag-asa. Ang naturang mga tagpo ay waring pabaligtad na paglalarawan ng mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nagsasabing hindi dapat sumandig sa ipinangangakong langit na hindi naman alam kung magaganap, bagkus magsikap na matagpuan ang langit dito sa lupa.

Pambihira ang nobela ni Aguilar dahil ipinakikita nito kung paano ang relihiyon ay nagiging lunsaran ng diyabolikong indoktrinasyon, gaya sa politika, at ng komodipikasyon ng kaligtasan at pananampalataya, na ang sukdulan ay ang pagkatiwalag sa sarili ng tao. Si Carmen ang ultimong halimbawa na maglalaho ang identidad nang pumasok sa kumbento, at malulugso ang puri, bukod sa mawawalan ng kayamanan. Makakamit nga ni Padre Villamil ang yaman, katawan, at kaluluwa ni Dolores ngunit mabubunyag naman sa madla ang kaniyang kabuhungan. Ang pagdiriwang kung gayon sa bandang dulo ng nobela ng gaya nina Padre Villamil at Padre Superyor ay pabalintuna ang epekto, dahil magngingitngit ang bumabasa sa gayong tagpo at isusumpa marahil ang sinumang Heswita na kanilang kilala noon. Ipinahihiwatig din sa nobela ang makatwiran at hinog sa panahong pag-aaklas, na dapat sanang ginawa ni Eladio, ngunit si Eladio ay hindi handa at tanging sarili lamang ang iniintindi.

Mabuting mabasa ng bagong henerasyon ng mga estudyante ang mga nobela ni Faustino Aguilar. Si Aguilar ay hindi karaniwang manunulat, bagkus linyadong manunulat na alam ang bituka ng Katipunan dahil isa siyang Katipunero. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang mga aral ng Katipunan ay pabaligtad niyang itinatampok sa kaniyang mga akda, kaya ang dating mga aral ng Katipunismo ay naipipihit sa kahanga-hanggang anggulo, at sumisilang na sariwa, matibay, at mabulas.

“Mga Bathalang Putik” sa paghubog ni Liwayway A. Arceo

Iba ang kuwento ng pag-ibig sa kuwento ng romansa. Ito ang paniwala ni Liwayway A. Arceo nang sulatin niya ang nobelang Mga Bathalang Putik (1970) na isinerye sa Liwayway mulang 26 Oktubre 1970 at nagwakas noong 7 Hunyo 1971, bago isinaaklat ng New Day Publishers noong 1998. Sa nasabing nobela, ipinamalas ni Arceo ang iba’t ibang uri ng pag-ibig, na ang pinakarurok ay relasyon ng mag-asawa at ang pagpapasiya hinggil sa kanilang kinabukasan.

Umiwas maglunoy sa romantikong relasyon ang Mga Bathalang Putik, at pigil na pigil kahit ang rendisyon sa erotikong tagpo. Pagtatagpuin ng tadhana sina Esmeralda at Senen sa kung saang kalye, magkakakilala, mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Ngunit may balakid. Kapuwa sila may asawa, at may anak si Esmeralda samantalang walang anak si Senen. Titindi ang gusot dahil nagmumula sa mga maykayang pamilya ang dalawa, at tanyag na doktor si Senen. Asawa ni Senen si Macaria, na premyadong asintada sa pagbaril; at embahador naman si Nestor, ang kabiyak ni Esmeralda. Sasapit sa sukdulan ang salaysay nang maaksidente si Nestor matapos itong magpakalasing dahil sa pagkakatuklas sa namumuong relasyon nina Esmeralda at Senen. Muntik nang mapatay ni Macaria si Senen sa labis na panibugho, at nabaliw. At kailangang gampanan ni Senen ang tungkulin bilang doktor at isalba si Nestor, kahit ibig na ni Senen na mamatay ang pasyente upang makapiling niya sa wakas si Esmeralda.

Si Senen ay napilitang magpakasal sa dominanteng si Macaria, dahil pinaaral siya nito hanggang makatapos sa pagkaespesyalistang siruhano ng utak. Si Esmeralda naman ay napilitang magpakasal kay Nestor dahil sa udyok ng sariling ama. Kung mapagparaya si Senen, kabaligtaran naman ang asal ni Nestor at ng ama ni Esmeralda na pawang ibig kontrolin ang lahat ng gawain at pagpapasiya ng nasabing babae. Hindi malalayo rito ang asal ni Macaria, na bagaman liberal ang pananaw ay nagkukubli naman ng matinding pagkubkob sa katauhan ni Senen at halos pakilusin ito na parang laruan.

Sa madali’t salita’y kapuwa ibig kumawala nina Senen at Esmeralda sa kani-kaniyang kabiyak. Ipamamalas ni Arceo ang husay niya sa paghubog ng mga tauhan, mga tauhang bagaman may kani-kaniyang lakas ay nagtataglay din ng karupukan gaya ng karaniwang tao. Hindi makakamit ni Esmeralda ang sariling ambisyong maging guro sa mga batang atrasado ang pag-iisip, bagaman nasa kaniya ang layaw at rangyang dulot ng kabiyak. Mahusay na embahador si Nestor ngunit hindi niya mapaamo ang mailap na asawa. Batikang siruhano si Senen subalit hindi niya matistis ang pananamlay ng loob niya at ang paninibugho ni Macaria. At maykaya, bukod sa magaling mamaril si Macaria, datapwat takot siyang mapalayo sa buhay ni Senen.

Bagaman may batayan ang paninibugho nina Macaria at Nestor, walang magaganap na makalupang pagtatalik sa panig nina Senen at Esmeralda. Wala, at ito ay may kaugnayan sa moralidad na paniniwala ni Esmeralda na mahihinuhang kumakatawan sa “dangal” ng babae. Sapat na ang hawak ng kamay, palitan ng sulyap, at kislot ng katawan upang ipahiwatig ang nadarama ng dalawang tao na sinisikil ang pagmamahal. Gayunman, pambihira ang pagbibitin ng mga kapana-panabik na pangyayari, lalo sa yugtong lihim na nagtatagpo sina Senen at Esmeralda at nakadarama ng kung anong pagnanasa sa isa’t isa ang naturang mga tauhan. Ang tradisyonal na pananaw hinggil sa pagsasama ng mag-asawa, alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo, ang mahihinuhang sinisikap isabuhay nina Esmeralda at Nestor, o kaya’y nina Senen at Macaria.

Magiging palaisipan ang wakas ng nobela dahil gumamit ng pahiwatig at ligoy si Arceo sa usapan nina Esmeralda at Senen hinggil sa kung ano ang marapat gawin matapos ang matagumpay na operasyon sa utak ni Nestor at nang mabaliw si Macaria. Pumayag si Nestor sa diborsiyo, at ang hinihintay na lamang ay ang pasiya ni Esmeralda. Umaasa naman si Senen na maaayos din ang buhay ni Macaria, kapag ito ay dinala sa Estados Unidos. Samantalang may pagbabantulot sa panig ni Esmeralda kung hihiwalayan nga si Nestor, at tutugon si Senen sa pamamagitan ng pagtango (na ang ibig sabihin ay “Oo.”) Naiiba ang pagwawakas dahil gumamit si Arceo ng “niya” at “kaniya” na pawang nakapahilis at mahihinuhang tumutukoy kina Nestor at Macaria. Ang pagluha ni Esmeralda at ang panlalabo ng paningin ni Senen sa wakas ng nobela ay maaaring sipatin sa dalawang panig. Una, ang paghihiwalay nina Esmeralda at Senen  ay maaaring magpahiwatig ng paglagot sa dating relasyon ng mag-asawa, at pagsisimula ng bagong relasyon. Ikalawa, puwede ring ipahiwatig ng tagpo ng paghihiwalay ang ganap na pagputol sa namumuong pag-iibigan nina Esmeralda at Senen upang harapin ang tadhana nila sa kani-kaniyang asawa, gaano man kalabo ang hinaharap.

Magaan at masinop ang wika ni Arceo na bumabagay sa kaniyang pinapaksa, at waring umaayon sa disenyo ng Liwayway. Maiikli ang mga talata, at mabibilis ang pukol ng mga salitaan. Tantiyado kahit ang pagpuputol-putol ng mga tagpo, at pagsasalansan nito sa mga kabanata. Ang bawat dulo ng kabanata ay iniuugnay sa umpisa ng susunod ng kabanata, at nagsisilbing tanikala para sa transisyon ng mga pangyayari. Mabisa rin ang paglalarawan ng awtor lalo kung babae ang tinutukoy, halimbawa na ang landi ni Macaria habang naninigarilyo at kausap ang esposo; o kaya’y ang pagkabalisa ni Esmeralda na ibig ilihim kay Nestor ang namumuong pagmamahalan nila ni Senen. Makatotohanan din ang pananaghili ni Nestor sa kabiyak na ibig makasiping sa gabi, o kaya’y ang pagkabalisa ni Senen na tila binatang naniningalang-pugad. Gagamitin ni Arceo ang mga panuhay na tauhan, gaya ni Garnet (na anak nina Esmeralda at Nestor) at ng ama ni Macaria, upang itampok ang katangian ng apat na pangunahing tauhan. Ibig sabihin, walang inaksayang salita si Arceo sa kaniyang akda, maging iyon ay sa paglalarawan ng resort, restoran, tahanan, o ospital.

Matalinghaga ang pamagat ni Arceo sa paggamit ng “bathalang putik.” Maaaring ipahiwatig nito na bagaman mortal ang apat na pangunahing tauhan, may mga katangian din silang lumalampas sa pagiging mortal at umaabot sa pagiging inmortal. Maaari din namang palsipikadong diyos lamang sila, at bagaman may kakayahang makapagpasiya ay nagbabantulot na isakatuparan iyon at ilalaan sa tadhana ang lahat. Ang problema’y sa kombinasyon ng “bathala” at “putik.” Kung ang “bathala” ay hinggil sa inmortalidad, na marahil ay may kaugnayan sa konsepto ng “pag-ibig,” “dibino,” at “pagpapasiya,” ang “putik” ay tumutukoy sa mortalidad, at may kaugnayan sa pinagmulan ng tao o pagkatao. Ngunit hindi kayang likhain ng bathala ang kaniyang sarili, gaya ng “putik” na isang likha. Ang “bathala” ay lumalampas sa kaniyang “laláng” dahil siya ang ultimong ugat ng lahat ng bagay. Kung papaloob ang “bathala” sa kaniyang likha, maglalaho ang pagiging inmortal niya kaya marapat lamang siyang husgahan bilang tao at hindi bilang diyos, at alinsunod sa midyum na kaniyang kinasangkapan.

Ganito kalikot mag-isip si Liwayway A. Arceo bilang nobelista at kuwentista, at siyang magtatakda ng mataas na pamantayan ng pagsulat, sa lárang ng tinaguriang “panitikang popular.”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 155 other followers