Halimbawa ng De La Salle University

Maagap ang tugon ng De La Salle University hinggil sa kaso ng pagkakahawa ng isang dayuhang estudyante na tinamaan ng A(H1N1) virus, na uri ng trangkasong nagmula sa baboy. Ito ang dapat gayahin ng ibang paaralan, sakali’t lumaganap ang sakit nang maiwasan ang epidemya. Ayon sa aking nasagap ay isang Hapones ang nahawa, bagaman hindi malala, at kinakailangan pa ng mga awtoridad na kontakin ang embahada ng Japan, bago magpahayag. At ang inuupahan niyang kondominyum ay nasa Malate.

Marahil ay nais ng pamahalaan na huwag maligalig ang taumbayan kaya ibininbin nito kung ano ang pangalan ng gusali. Ngunit sa aking palagay ay malaking pagkakamali ito. Paano kung ang Providence Tower na isa sa magagarang gusali sa Malate ang tinirahan ng naturang tao na nagkasakit? Handa ba ang gobyerno na isara nang dalawang linggo ang gusali, at huwag palabasin ang mga residente nito? Malaking sakit ng ulo ito hindi lamang sa pamahalaang lokal, kundi maging sa mga negosyo sa paligid ng naturang hotel. Gaano man kalaki o kaliit ang hotel ay dapat isara ito nang pansamantala, nang mabatid ng mga residente  at iba pang tao ang posibilidad ng pagkakahawa at iba pang dagdag na pag-iingat.

Ang balita ko’y nakilahok na rin ang World Health Organization (WHO) para masupil ang paghawa sa iba pang tao. Maganda itong hakbang, dahil tiyak kong hindi kaya ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang pagsubaybay sa mga hinihinalang maysakit na mga tao. Samantala, ang ilang magulang na nangangambang nahawa ang kanilang mga anak ay walang nagawa kundi kumunsulta sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine) na nasa Alabang. Ang RITM ay nagtataglay ng mga abanseng aparato at kagamitan, bukod sa mga bihasang kawani, na handang tugunan ang samot-saring tropikong sakit, at isa lamang dito ang A(H1N1) virus.

Ang kusang-palo ng DLSU ang dapat gayahin ng iba pang establisimyento sa Malate at karatig-pook sakali’t kumakalat na ang usap-usapan hinggil sa  sakit at nababahala ang mga tao.  Kailangan na ring makialam si Alkalde Alfredo Lim. Kailangan ang kolektibong pagkilos mula sa iba pang pribadong sektor. Hindi biro ang swine virus, at imbes na enmiyendahan ang konstitusyon ay ang pagsugpo ng sakit ang dapat atupagin ng mga awtoridad.

Ang Problema ni Antonio Calipjo Go

Tinangkilik ng Philippine Daily Inquirer ang krusada ni Antonio Calipjo Go laban sa mga teksbuk na hitik umano sa mga pagkakamali. Na maganda sa isang panig, ngunit kung wawariin nang maigi ay higit na masisipat na pampolitikang hakbang iyon sa larangan ng paglilimbag ng teksbuk kaysa pagpapataas ng kalagayan ng edukasyon sa Filipinas.

Hindi nabibigyan ng sapat na kritika ang mga rebyu ni Go sa naturang mga aklat, at kahit ang PDI ay tila ginagamit na manyika lamang si Go imbes na magsaliksik at sumangguni sa mga eksperto kung gaano katumpak ang mga opinyon ni Go. Nagiging martir tuloy si Go gaya ng dapat asahan, at ito ay isang kalabisan. Ang panibagong mga banat ni Go sa limang teksbuk sa elementarya na inilathala ng PDI noong 2 Hunyo 2009 ay napakababaw at nabigong sipatin ang nilalaman, balangkas, pamamaraan, disenyo, at iba pang kaugnay na bagay na pawang matalik  sa Batayang Edukasyong Kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Kahanga-hanga sa unang malas ang paglalahad ni Go ng mga detalye hinggil sa mga mali sa gramatika at palaugnayan ng mga lahok sa limang teksbuk. Gayunman, hindi dapat ganito ang paraan ng pagsusuri ng mga aklat. Ang pagpulot ng mga katiting at paglilista nito ay ikinukubli ang konteksto ng pagkakasulat, ang nilalaman ng akda, ang estilo ng paglalahad o paglalarawan, ang punto de bista ng mga tauhan, ang panahon at espasyo nang likhain ang akda, ang lalim o babaw ng pananaliksik, at iba pa. Makabubuti kung susuriin ni Go ang buong aklat, at isaad kung ano-anong kuwento, tula, sanaysay, dula, balita, talahanayan, larawan, at iba pang aralin ang marapat tanggalin at ibasura nang ganap. Sa ganitong paraan ay mababatid kung saan nagmumula si Go, kung tumpak ang mga lente na ginamit niya sa pag-urirat ng bawat akda, at kung dapat paniwalaan ang kaniyang pinagsasasabi.

Ang pagpulot ni Go ng mga katiting at pagpapamukha niyon sa madla upang hiyain ang mga awtor o pabliser ay isang uri ng kayabangang pangkaisipan na dapat iwaksi, at dapat ituring na maling halimbawa sa mga bata. Maaaring sadyang walang tiwala si Go sa burukrasya at pamahalaan? Ano’t anuman, may mga ahensiyang malalapitan si Go, at ang mga ahensiyang ito ay makatutulong din sa kaniya sa pagtiyak ng kaniyang mga hinuha o opinyon. Ang problema kay Go ay waring siya lamang ang tama sa daigdig, at kapag hindi nasunod ang ibig niya ay ngangawa siyang parang sutil na anghel. Dapat tandaan ni Go na nakapaloob siya sa sistema, at ang sistemang ito ay hindi mababago ng isang tao bagkus ng sari-sari ngunit nagkakaisang mga tao na pawang may malasakit din sa edukasyon. Ang pagsusuri ng mga teksbuk ay dapat ginagamitan ng matibay na batayan at subok na pamantayan, at ang mga batayan o pamantayang ito ay maaaring may kaugnayan sa teorya at praktika ng pagbasa, at hindi sa paraang bara-bara.

Sa susunod na pagrepaso ni Go at paglitis sa mga sangguniang aklat sa elementarya o hay-iskul ay inaasahan ko ang higit na matalas na paraan ng pag-urirat ng mga aklat. Kailangang patunayan ni Go na hindi siya pipitsugin, na malalim ang pagkaunawa niya sa panitikan, wika, kultura, kasaysayan, agham, matematika, at iba pa, yamang iginagalang siyang edukador, tagapangasiwa, manunulat, editor, at pabliser. Halimbawa, maaaring talakayin sa susunod ni Go kung gaano kaepektibo ang isang teksbuk upang mahubog ang pagbabasa, pagsasalita, pakikinig, pag-iisip, at pakikisalamuha ng mga bata, at kung paano mapahuhusay ang naturang aklat sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga akdang sinulat ng Filipino at tumatalakay sa usapin ng Filipinas. Maaaring talakayin niya kung lumilihis ang mga layunin at tuon ng bawat aralin o aklat, alinsunod sa itinatakda ng kurikulum. Maaaring ipaliwanag din niya kung saan sumasablay ang serye ng mga tanong sa bawat yugto ng aralin, at kung paano pa mapalilinaw ang mga tanong para madaling maunawaan ng bata. Maaaring ipaliwanag din ni Go ang paghahati-hati at pagkakasunod-sunod ng mga paksa sa aklat, o ang pagkakayari ng buong balangkas ng teksbuk, at kung ano ang dapat unahin at kung ano ang dapat ihuling talakayin. Ang mga sisipiin niya sa bawat teksbuk ay dapat ipaliwanag din ang konteksto at ang pakahulugan o pahiwatig, upang maiwasang malito ang bumabasa sa kaniyang artikulo. Makabubuti kung tatalakayin ni Go ang paghubog sa kasanayan ng mga bata, alinsunod sa nilalaman at saklaw ng mga akda. Kailangang pabulaanan din ni Go ang mga maling impormasyon, halimbawa sa kasaysayan o panitikan, at magsaad ng mga tiyak na tugon at mapagtitiwalaang sanggunian.

Kung mabibigong gawin ito ni Go, mananatili siyang alingawngaw lamang ng pahinagpis na kritika hinggil sa mga teksbuk sa elementarya man o hay-iskul. Hindi sapat ang paglilitanya ng hinagpis. Paglulustay ng papel at laway ang sinauna kung hindi man baryotikong paraan ng komentaryo. Kinakailangang makita rin ng mga guro, magulang, at estudyante ang mga alternatibong pagtutuwid sa mga pagkakamali, gaya halimbawa ng masinop na rebisyon ng mga talata at pagkakasunod-sunod ng diwain sa buong sanaysay, imbes na magtuon sa mga simpleng lihis na gramatika at nawawalang bantas sa isang pangungusap lamang. Ang problema kay Go ay hindi ko pa siya nakikitahan ng malalimang pagsusuri sa mga aklat. Huwag niyang sabihing wala siyang pook na paglalathalaan. Imbes na gamitin niya ang PDI ay maaaring lumikha si Go ng websayt o blog at doon niya ibuhos ang walang pangingimi niyang banat na hitik sa matalim na pag-iisip imbes na pabugso-bugsong damdamin. Makaiiwas din ang PDI na mabatikan ng politika, kung sakali’t magkataong may kapatid itong kompanyang naglalatha rin ng mga teksbuk para sa kapuwa pribado at publikong paaralan.

Mahalaga ang mga teksbuk para sa mga kabataang mag-aaral. Ngunit dapat tandaan ninuman na ang teksbuk ay isa lamang sa maraming tulay ng pagtuturo sa mga bata. Ang pag-aaral ay hindi dapat nakukulong sa teksbuk, dahil hindi maiiwasan ang mali rito yamang napakaatrasado ng sistema ng pagbubuo o paglikha ng mga teksbuk sa Filipinas. Napakaatrasado dahil hangga ngayon ay tinitipid sa atin ang mga manunulat, editor, kritiko, tagapagtasa, ilustrador, potograpo, at tagarepaso, bukod sa napakahina ng produksiyon ng aklat. Ang pagtuturo ay hindi dapat ikahon sa teksbuk, at ang mga bata ay dapat turuan ding lumaya sa teksbuk, at matutong magsaliksik mulang silid-aklatan hanggang pamayanan hanggang cyberspace at kung saan-saan pa.

Malikhaing Industriya at Kabuhayan

Pagkakakitaan ang sining at kultura, ito ang malinaw na lumabas sa nakaraang talakayang pinamagatang Global Prospectus for the Arts in the Philippines: Artists for the Creative Industries na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tinipon sa naturang kumperensiya ang mga alagad ng sining, at pinag-usapan ang dalawang mahalagang bagay: una, ang pagkilala sa komersiyal na kakayahan ng malikhaing gawaing makatutulong sa pambansang ekonomiya; at ikalawa, ang pangangalaga sa karapatang-isip ng indibidwal at pamayanan.

Sumasaklaw ang malikhaing industriya sa palitan ng mga bagay at serbisyo sa merkado, at ayon sa UNCTAD, ay inuuri sa sumusunod na kategorya: sining pagtatanghal; sining biswal; paglalathala, paglilimbag at panitikan; disenyo; awdyo-biswal at bagong midya; malikhaing serbisyo; at pook pangkultura. Ayon kay Nestor Jardin, Pangulo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), ang malikhaing industriya ang isa sa mga dinamikong sektor ng pandaigdigang ekonomiya. Mulang 2000 hanggang 2005, tumaas aniya ng 8.7 porsiyento kada taon ang pandaigdigang kalakalan sa larang ng Malikhaing Industriya. Ang mga iniluluwas na produkto ay umangat mulang $227 bilyon noong 1996 hanggang $424 bilyon noong 2005. Gayunman, nawawala ang Filipinas na dapat sanang makapag-aambag sa gayong industriya.

Hindi pa malay ang mga maykapangyarihan sa potensiyal ng malikhaing industriya bilang sektor ng ekonomiya ng Filipinas, sambit ni Jardin. At ito ang dapat lutasin sa ngayon ng kapuwa pribado at publikong sektor. Hinimok niya ang lahat ng Filipinong kabilang sa malikhaing industriya na panatilihin ang likas na katangian nitong makapagpahayag ng sining at kultura. Ngunit ipinaalala rin niya na napakanipis umano ng hanggahan ng komersiyalisasyon at ng malikhaing layong makaaapekto sa halaga ng pangkulturang produkto at serbisyo. Para naman kay Gilda Cordero Fernando, kailangang maging awtentiko ang mga alagad ng sining, at ibuhos ang “talento sa paglikha ng buhay na hinubog sa katapatan.”

Idinagdag ni Jardin na dapat maging malay ang mga artista at  pangkulturang tauhan sa kanilang karapatang-isip at kung paano makahuhugot ng ekonomikong benepisyo roon. Kailangan din aniyang ipatupad nang mahigpit ang mga batas ukol sa karapatang-isip, kabilang na yaong pamimirata sa mga malikhaing akda. Higit sa lahat, dapat umanong maitatag ang sistema ng pagkilala sa mga artistikong karapatan ng mga pangkulturang pamayanan at maisulong ang mekanismo para mabayaran ang karapatang-isip ng mga pangkat etniko.

Ang pagbabalikatan ng kapuwa gobyerno at pribadong sektor ang pinakamahalaga, ani Jardin. Kailangang mailatag ng gobyerno ang pundasyon sa paglago, sa pamamagitan ng mga reporma sa patakaran, tangkilik na impraestruktura, at programang pangkaunlaran. Samantala, hinamon din niya ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang malikhaing gawain, kahusayan, at kabaguhan upang maitaguyod ang pangkulturang kapital at malikhaing nilalamang tunay na Filipino.

Ipinaliwanag ni Fr. Valentino Pinlac, Pinuno ng Dauis Heritage Renaissance Program ng Bohol, kung paano magagamit ang sining at kultura sa pagpapalago ng ekonomiya ng Bohol. Ikinuwento ni Pinlac ang ginawang rehabilitasyon ng mga lumang bahay na bato at simbahan, at ginamit iyon upang mapasigla ang turismo sa Bohol. Bukod dito, pinahusay din ng Bohol ang sining pagtatanghal nito, gaya sa musika at sayaw. Nakatuwang ng Dauis ang gaya ng Ayala Foundation para mapangalagaan ang mga pangkulturang pamana nito, at nalikom ang aktibong pakikilahok ng buong pamayanan ng Boholanon para maisulong ang malikhaing industriya at turismo.

Taliwas sa karanasan ng Bohol, mainit na tinatangkilik ng pamahalaang lokal sa Bulakan ang kultura at sining upang mapaunlad ang lalawigan, ani Armand Sta. Ana, na kasalukuyang Artistikong Direktor ng Barasoain Kalinangan Theater Group. Ikinuwento ni Sta. Ana na ang pamahalaang panlalawigan ng Bulakan ay nagbibigay ng tulong pananalapi sa mga pangkat pangkultura upang makapagtanghal ng mga dula, sayaw, at iba pang bagay na pawang makapagpapakilala sa ugat ng Bulakan. Bagaman hindi pa matibay na naiuugnay ang turismo sa mga programang pansining at pangkultura ng Bulakan, unti-unti na itong isinasagawa mula sa pagsasaayos ng plano ng pagtatayo ng mga impraestruktura sa antas ng barangay.

Samantala, isinalaysay ni Alfonso “Coke” Bolipata, na Executive Director ng Miriam College Center for Applied Music, ang karanasan niya sa pagtataguyod ng sentro ng sining sa kaniyang bayan ng Zambales. Itinaguyod ng pamilya Bolipata ang programa ukol sa pagtuturo ng klasikong musika sa mga dukhang kabataan, upang makatulong sa pag-unawa ng sining at sa pagpapalaganap ng musikang maaaring pagkakitaan balang araw.

Napili naman ng British Council ang Cebu na maging malikhaing sentro sa Filipinas. Bibigyan ng British Council ng pondo ang Cebu upang maitaguyod nito ang malikhaing industriya mulang sining biswal hanggang sining pagtatanghal, hanggang pagpapalago ng mga likhang-kamay na gaya ng muwebles, alahas, at iba pang disenyo sa internet.

Mostly in Monsoon Weather ni Marne L. Kilates

Ito ang pinakabagong aklat ni Marne L. Kilates, ang makatang dapat basahin ng mga Filipino saanman sila naroroon.

Ito ang pinakabagong aklat ni Marne L. Kilates, ang makatang dapat basahin ng mga Filipino saanman sila naroroon.

Isa si Marne L. Kilates sa mga ibinibilang kong makatang tarikan, at ito ay hindi dahil mahilig siyang tumoma at madaling magpaamo ng anghel, bagkus sa husay niyang humabi ng mga taludtod na may angking kinang at uri, at kung baga sa alahas ay pinagbuhusan ng talino, haraya, at panahon. Sa 7 Nobyembre 2008, Biyernes, ganap na ala-seis ng gabi, ilulunsad ang kaniyang pinakabagong aklat na pinamagatang Mostly in Monsoon Weather, sa Villanueva Offices Roof deck Gallery, CC Castro Building (kaharap ng Sir Williams Hotel), Timog Avenue, Quezon City.

Lahat ng aklat ni Kilates ay nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at bukod pa rito ay kinilala rin ang kaniyang galing sa pagsasalin ng mga tula, sanaysay, kuwento, at iba pang lathalain mulang Filipino at Bikol tungong Ingles. Pinakabago niyang salin ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, at ang mga aklat nina Rio Alma, Jess Santiago, at iba pang makatang bikolano.

Magkakaroon ng inuman, sketching, at salin-awit  pagkaraaan ng paglulunsad na dadaluhan ng mga sikat na alagad ng sining, kung hindi man alipin ng sining. Inaanyayahan ang sinumang mahilig sa tula at panitikan na dumalo sa naturang paglulunsad, at bumili ng aklat. Ang paglulunsad ng aklat ay sa kabutihang loob ni Atty. Redem Villanueva, na de-kalibreng abogado at matagal nang patron ng sining.

Filipino at ang Wika ng Hukuman

Hinuhulaan kong pagkaraan ng 22–23 Oktubre 2008, magbabago ang pagtingin ng Korte Suprema sa paggamit ng wikang Filipino sa mga hukuman. Idaraos sa naturang petsa ang palihan at seminar sa Bulacan State University ukol sa paggamit ng Filipino sa mga paglilitis at pagdinig ng mga kaso, upang mapabilis ang pagbibigay ng katarungan sa mga Filipino.  Inaasahang magpupukol ng matatalim na mungkahi ang mga eksperto sa wikang Filipino, nang magabayan ang mga kalahok kung paano gagamitin nang epektibo ang naturang wika.

Kasalukuyang binubuo ngayon ng mga dalubhasa sa batas na kabilang sa Philippine Judicial Academy (PhilJA) ang kurikulum para sanayin ang mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng korte sa paggamit ng Filipino. Ang nasabing kurikulum, kung maipatutupad, ay inaasahang makatutulong sa hukuman para mapabilis ang kapuwa paglilitis at paghahatol sa mga kaso, sa kapakinabangan ng mga akusado at tagapagsakdal.

Matagal nang isyu sa Filipinas ang wika sa hukuman. Dati, ginagamit ang Espanyol para sa kapakinabangan ng mga Espanyol, alinsunod sa patakaran ng Royal Audiencia. Nang dumating ang mga Amerikano’y ginamit ang Ingles at iniluklok ang mga mahistradong Amerikano, kasama ang Punong Mahistradong Filipino, para isulong at mapanatili ng Estados Unidos ang kolonyal na patakaran sa Filipinas. Ang ating Korte Suprema, na itinatag noong 1901, ay malinaw na may ugat sa pananakop at patakarang pampolitika ng Amerika na nakapag-ambag upang matiwalag ang taumbayan sa mga hukuman nito. Nakapagtatakang ngayong siglo 21 pa lamang nagsisimula sa ating bayan ang seryosong pag-aaral sa paggamit ng sariling wika at diskurso ng mga Filipino doon sa mga hukuman, at lumilingon sa uri ng paghahatid ng katarungang alinsunod sa sinaunang sistemang pampolitikang gaya ng barangay, bayan, ili, at banwa.

Sa unang malas ay maliit na bagay lamang ang wika sa hukuman. Ngunit kung susuriin nang maigi’y ang wika ang kasangkapan upang makapag-isip nang matalim ang mga Filipino, at magagamit nila iyon upang maihayag ang niloloob nang di-alintana ang gramatika at palaugnayan ng dayuhang wika. Kailangang mailapit ng hukuman ang wika sa taumbayan, dahil ang taumbayan ang pinagsisilbihan dapat ng hukuman. Ang hukumang iba ang wika sa wika ng taumbayan ay di-maglalaon at papabor lamang sa mga hukom, piskal, abogado, at kawani ng hukuman na pawang nakaiintindi sa wika ng pangkat na ito. Na hindi dapat magkagayon. Hindi dapat ikubli ng hukuman sa makukulay na jargon ang mga paglilitis at pasiya nito, dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan ng mga tao sa anumang magiging hatol ng hukuman.

Malaking tipid din ang paggamit ng Filipino sa hukuman dahil hindi na kinakailangang isalin pa sa Ingles ang mga salitaan, at diretso na ang pagtatala. Mababatid din ng mga tao kung paano magtanggol ang mga abogado, kung paano humatol ang hukom, at kung paano humawak ng kaso ang piskal. Ang mga halimbawang ginawa nina Hukom Jose de la Rama at Cezar Peralejo (ret.) sa paggamit ng Filipino sa mga pagdinig at pagsulat ng hatol ang dapat kilalanin ng sambayanan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang dalawang hukom kung paano mapalalapit sa puso ng madla ang hukuman, at kung paano ipauunawa ang batas sa diskurso ng karaniwang mamamayan.

Si retiradong hukom Peralejo—ang lolo ng artistang si Rica Peralejo—ay marami nang batas at kautusan ng hukumang isinalin sa Filipino mula sa Ingles. Ang kaniyang mga aklat ay ginagawang sanggunian ngayon hindi lamang ng mga nag-aaral ng batas bagkus ng karaniwang Filipino. Kung hindi ako nagkakamali’y nagsalin din si Hukom De la Rama ng mahahalagang kapasiyahan ng Korte Suprema at isinaaklat din kamakailan, bago nagbitiw sa tungkulin si Punong Mahistrado Artemio Panganiban. Mababanggit din ang Mga Teorya ng Batas: Ang Pananaw ng Klasikong Etika at Agham Panlipunan (2002) ni Emmanuel Q. Fernando, at siyang ginagawang sangguniang aklat ngayon sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Kung matutuloy ang pagsasa-Filipino ng hukuman, ang administrasyon ni Punong Mahistrado Reynato Puno ang nakikita kong magiging isa sa mga makasaysayang administrasyon ng mga hukuman sa buong Filipinas.

Nais kong balikan ang sinulat na Ulat-Memorandum (1955) ni Ambrosio Padilla—ang Prokurador Heneral noon—para kay Pang. Ramon Magsaysay ukol sa Asyenda San Pedro Tunasan. Pulido ang wika ni Padilla, at napakalinaw ng mga paghahayag hinggil sa kaso ng Asyenda Tunasan. Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa ipinagbiling 850 ektaryang lupain ng Colegio de San Jose sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Pangasiwaang Pambansa sa Pagpapatao at Pagbabagong-tatag (NARRA). Maaapektuhan sa naturang bentahan ang mga residenteng kaanib sa kapisanang “Oras Na!” (na tinawag ding “Yapak” o “Anak ng Bayan”) na pinamumunuan ni Ciriaco Almansor, na nagsampa ng kaso sa hukuman upang linawin kung sino ang nagmamay-ari ng lupain. Ang ulat ni Padilla ay nilagom ang mga paglilitis at hatol ng iba’t ibang antas ng hukuman, at nilinaw na tunay na pagmamay-ari ng Colegio de San Jose ang Asyenda San Pedro Tunasan.

Binanggit ko ang Ulat-Memorandum ni Prokurador Heneral Padilla dahil magandang halimbawa iyon na mapagsusumundan ng iba pang opisyales ng pamahalaan. Ipinakita ni Padilla na ang ulat ay dapat hindi lamang nauuwaan ng pangulo, bagkus nauunawaan din ng mga taong sangkot sa kaso sa wikang matalik sa kanilang puso. Sa naturang lagay, ang wika ng pangulo ay dapat umaayon din sa wika ng mga Filipino, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles. Ang halimbawa ni Padilla ang dapat masundan at muling pag-igtingin sa panahong ito.

Gabi ng Manunulat sa Gawad Palanca para sa Panitikan

Si Tara Sering, kasama ang mga dakila

Si Tara Sering, kasama ang mga dakila

Dapat magbunyi ang daigdig, lalo ang hanay ng mga panitikero, tuwing may pinararangalang kapuwa manunulat, dahil ang manunulat ang nagbibigay ng buhay sa daigdig. Naisip ko ito nang dumalo ako sa Palanca kagabi, at uminom nang uminom at magpausok habang katabi ang mga manunulat na iba’t iba ang paniniwala, simulain, at ugat.

Marami nang kabataan ang nakapasok sa ruweda, at may ilang tigulang ang nagpapasa ng agimat, ngunit ang pinakamahalaga ay ang pagpapatuloy sa adhikain ng panitikan. Binabati ko ang lahat ng nagwagi: Norman Wilwayco, Maria Lucille G. Roxas, Lemuel E. Garcellano, Rommel B. Rodriguez, April Jade B. Imson, Allan Alberto N. Derain, Jing Panganiban-Mendoza, Michael M. Coroza, Eugene Y. Evasco, Mikael de Lara Co, Renato L. Santos, Niles Jordan Breis, Floy C. Quintos, Debbie Ann Tan, Allan B. Lopez, Emmanuel A. Dela Cruz/Michiko Yamamoto, Dennis N. Marasigan, Alfred Aloysius L. Adlawan, Macario D. Tiu, Edgar S. Godin, Lilia T. Tio, Leoncio P. Deriada, Alice Tan Gonzales, Marcel L. Milliam, Danilo B. Antalan, Ariel S. Tabag, Aurelio S. Agcaoili, Miguel Syjuco, Ian Rosales Casocot, Tara FT Sering, Nadine L. Sarreal, Celestine Marie G. Trinidad, Kathleen Aton Osias, Jose Claudio B. Guerrero, Katrina Stuart Santiago, Jhoanna Lynn B. Cruz, Francis Macansantos, Ana Maria Katigbak, Marie La Viña, Maria Clarissa N. Estuar, Percival Intalan, Joachim Emilio B. Antonio, Peter Solis Nery, Allen D. Yuarata, Miro Frances D. Capili, Cristina Gratia T. Tantengco, at Elfermin M. Mallari, Jr.

Jing Panganiban Mendoza at Gil Mendoza

Jing Panganiban Mendoza at Gil Mendoza

Natutuwa ako dahil hindi lamang humuhusay ang mga manunulat, kundi gumaganda pa, gaya nina Tara Sering at Mookie Katigbak, at puwedeng gawing modelo sa FHM. Dapat ko ring banggitin sina Ian Casocot, Allan Derain, at Butch Guerrero na hinuhuluan kong maghahatid ng bagong pag-asa sa panitikang pambansa. Si Mike Coroza, na hindi lamang lumalabis ang timbang bagkus lumalabis din ang parangal na natatanggap, ay dapat ding saluduhan. At ang Bulakenyang si Jing Panganiban, na sumungkit ng ginto sa sanaysay, ay hindi lamang batas ang inaatupag kundi pati ang negosyo nilang palaisdaan kasama ang kabiyak na Oragon na si Gil Mendoza. Nakatabi ko rin nang gabing iyon si Joachim Emilio Antonio, na isinunod ang pangalan sa dakilang makatang Tagalog Emilio Mar. Antonio, ngunit hindi tulang Tagalog ang sinusulat niya kundi dula sa Ingles. Magpapainom din itong si April Imson, na abala sa pagiging guro bukod sa pagsusulat ng kuwentong pambata.

Joachim Emilio Antonio at kasama

Joachim Emilio Antonio at kasama

Sayang at hindi ipinalabas ang kontrobersiyal na dula ni Floy Quintos, na ang balita ko’y hinggil sa reyna o emperatris ng Filipinas, at mauunawaan ang pag-iwas pusoy ng Palanca. Mabuti na lamang at sinalo siya ni Gabriel Antonio Mercado na bumasa ng sanaysay ni Butch Guerrero. Hindi ko naman naibigan ang pagbasa ni Patricia Evangelista sa mga tula nina Mookie Katigbak at Marie La Viña, at sa aking palagay ay dapat hinayaan na lamang si Mookie na magbasa ng mga tula sa Ingles. Parang walang puso kung bumasa si Patricia, at dapat siyang magpaturo kay Alfred Yuson na binigyan ng hustisya ang pagbasa sa tula ni Francis Macansantos.

Marne Kilates, Charlson Ong, Krip Yuson, Teo Antonio, at Jimmy Abad

Mga tomador na manunulat: Marne Kilates, Charlson Ong, Krip Yuson, Teo Antonio, at Jimmy Abad

Umakyat naman sa entablado itong si Niles Breis na parang hawig kay Che Guevara, at kapag nagtabi sila nina Levy Balgos Dela Cruz, Dong delos Reyes, at Jun Cruz Reyes ay kompleto na ang pangkat. Nakalulungkot at hindi nakadalo ang huradong si Romulo Baquiran, dahil kailangang operahin ang kaniyang nabaling paa makaraang maaksidente kamakalawa ng gabi. Napansin kong hindi yata dumalo si Virgilio Almario, ang pambansang alagad ng sining, at hanap nang hanap sina Teo Antonio at Marne Kilates. Tiyak ko namang magpapainom itong si Charlson Ong, na binuwenas na mabunot ang pangalan at magwagi ng P50,000 mula sa bulsa ni Kalihim Jesli A. Lapuz.

Mike Coroza, bigatin sa panitikan

Mike Coroza, bigatin sa panitikan

Napakababaw ng sinabi ni Kalihim Lapuz hinggil sa panitikan. Nakaikid pa rin sa isip at kamalayan ng butihing kalihim ng edukasyon ang pananalig sa Ingles bilang wika ng globalisasyon at tagapagsalba ng Filipinas, at mapapahikab ang makaririnig sa kaniya. Totoong naiiba ang ginagawa ng Palanca bilang tagapagtaguyod ng panitikan, kung babalikan ang winika ni Kalihim Lapuz. Ngunit hindi lamang Ingles ang midyum ng kadakilaan, bagkus Filipino rin na siyang wika ng mga de-kalibreng manunulat na maipagmamalaki ang mga likha saanmang panig ng daigdig.

Sana’y ibukas pa rin ng Palanca ang pinto nito sa mga tomador na manunulat. Kagabi, parang nagmamadali ang lahat. Hinahanap-hanap ko ang dating pagtatagpo ng mga manunulat, ang taltalan, ang palitan ng maaanghang na kaisipan, ang umaagos na inuman, ang awitan, at parang ang Palanca ay walang kinalaman sa halina at produksiyon ng alkohol. Ano’t anuman, palagay ko lamang ito na maaaring sang-ayunan ng matinik na makata at peryodistang Lamberto Antonio.

Ika-34 Kongreso ng Unyon mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)

Mga tumanggap ng Gawad Balagtas sa UMPIL
Mga tumanggap ng Gawad Balagtas sa UMPIL

Maringal na idinaos ang ika-34 Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong Sabado, 30 Agosto 2008, sa GSIS Museum na nilahukan ng mahigit sandaang manunulat, guro, at estudyante. Tampok sa pagtitipon ang talakayan hinggil sa panitikan sa Asya, ang mga problemang kinakaharap ng mga manunulat sa lathalaang palimbag at elektroniko, at ang mga mungkahi kung paano mapasisigla ang hanay ng mga manunulat.

Malugod na tinanggap ni GSIS Museum Curator Ryan Palad ang mga kalahok, at ibinukas ang museo para sa mahalagang pagtitipon kada taon ng mga manunulat anuman ang kanilang paniniwala at grupong kinabibilangan. Ipinakilala ni Palad ang museo bilang lunan ng mga alagad ng sining, at kabilang dito ang mga manunulat.

Bang Hyun-seok, ang nobelista

Bang Hyun-seok, ang nobelista

Panauhing pandangal ng UMPIL si Bang Hyun-Seok, na kilalang nobelista sa Timog Korea at kasalukuyang pabliser ng Asia Magazine. Isinalaysay ni Bang ang dinaanan niyang hirap sa pagbubuo ng antolohiya ng mga akda mula sa Asya, ang pag-igpaw sa limitasyon ng wika para magkaunawaan sa rehiyon, at ang pagsisikap na magtaguyod ng ugnayan ng mga publikasyon sa Asya na handang tumugon sa pangangailangan ng mga Asyano. Sa kasalukuyan, ang promosyon, produksiyon, at distribusyon ng mga aklat sa Asya ay kontrolado ng Estados Unidos at Europa. Ang naturang kalagayan ang dapat umanong lutasin dito ng mga Asyano sa loob ng Asya.

Kabilang sa mga binigyan ng Gawad Balagtas sina Ruperta Concepcion (tula sa Iluko), Edgardo Maranan (tula sa Filipino at Ingles), James Na (tula sa Tsino), Armando “Bing”  Lao, at Delfin Tolentino (sanaysay sa Ingles). Tumanggap ng Gawad Paz Marquez Benitez si Dr. Ligaya Tiamson-Rubin; samantalang binigyan ng Gawad Pedro Bucaneg ang The Arejola Foundation for Social Responsibility, Inc. Ang tropeo para sa Gawad Balagtas ay inukit mula sa matigas na kahoy ni Manuel Baldemor, na tanyag na eskultor, pintor, printmaker, at alagad ng sining sa bansa.

UMPIL Chairman Vim Nadera

UMPIL Chairman Vim Nadera

Ang kongreso ng UMPIL ay pinangunguluhan ngayon ni Vim Nadera, na kilala ring makata, edukador, at tagapagtanghal. Iniulat ni Nadera ang mga hakbangin ng lupon ng mga direktor mulang pagsasaayos ng bisyon ng UMPIL hanggang pagsasakatuparan ng FILCOLS na mangangalaga sa karapatang-ari ng mga manunulat hanggang paglulunsad ng bagong websayt ng UMPIL.

Celina Cristobal

Celina Cristobal

Nagbigay naman ng donasyon ang pamilya Cristobal sa UMPIL para sa alaala ng yumaong Adrian Cristobal, ang UMPIL Chairman Emeritus at nagmahal nang matindi sa mga kabataang manunulat noon at hanggang sa huling yugto ng kaniyang buhay.

Lindol at iba pang pangitain

Ilan lamang ito sa labi ng lindol at iba pang sakunaNakahihindik ang mga imaheng ipinalalabas sa telebisyon hinggil sa malagim na lindol na sumapit sa Tsina noong nakaraang linggo. Nagiba ang mga gusali at bahay, bumuka ang lupa, at gumuho ang mga bundok at dalisdis. Sa pananaw ng mga mapahiin, senyales iyon ng baluktot na patakaran ng pamahalaan laban sa Tibet o Sudan at iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Ngunit sa pananaw ng mga siyentipiko, likas na pangyayari lamang iyon kapag gumalaw ang mga saray ng lupang tila pilyego ng yero at ang ugat ng pagyanig ay mababaw mula sa pinakarabaw ng lupa.

Itinala nina Mariano Ponce at Jaime C. de Veyra sa kanilang Efemérides Filipinas (muling inilimbag noong 1998 ng Unibersidad ng Pilipinas) ang tatlong lindol na naganap sa Filipinas: 1601, 1610, at 1645. Mahina umano ang naganap noong 1601 kung ihahambing sa naganap noong 1610 at 1645. Ayon sa ulat ni Aduarte, noong 1610, kinain ng lupa ang mga niyugan at tanging mga palapa ang naiwang nakalitaw sa guwang doon sa Ilokos. Sa Nueva Segovia (na ngayon ay Hilagang Ilokos), nagsalpukan ang mga bundok, bumuga ng apoy ang mga bagong guwang, at isinuka ng mga biyak na lupa ang sumisirit na buhangin. Gumuho rin ang mga dalisdis, at isang bayan  ng mga Mandayas ang nalibing nang buháy. Nagiba ang lahat ng gusali, at kabilang dito “ang mga simbahan, kumbento, at bahay.”

Noong 29 Nobyembre-5 Disyembre 1645, lumindol nang di-inaasahan sa Maynila. Yumanig ang mga bahay na bato bago humapay na tila hinipan ng hangin. Idinuyan wari ang matatangkad na punongkahoy, nagtilian ang mga hindik na tao, at umalulong ang mga takot na takot na aso habang balisa ang iba pang hayop. Animo’y akordiyon ang mga bahay at natabunan ang mga tao na nabigong makalikas. Sinubok sumilong ng iba sa mga simbahan at katedral, ngunit kahit iyon ay gumiba at hindi nailigtas ng pananampalataya ang mga deboto. Nawasak ang palasyo at gusali ng Real Audiencia sa Intramuros.  Gumuho rin ang mga kolehiyo ng Santo Tomas, San Jose at San Juan de Letran. Bumagsak ang kampanaryo ng Santiago, ngunit ang kampanerong nasa tuktok niyon ay mahimalang nakaligtas makaraang patunugin ang kampana.

Muling magaganap ang malagim na lindol noong 1863, at nawasak ang mga gusali sa loob ng Intramuros. Nakaligtas naman ang Pasig, at tanging kampanaryo ng simbahan ang nagkalamat nang malaki. Marami ang nasawi sa  naturang lindol, kaya nakalikom pa ang gobyernong kolonyal ng salaping mula sa ibang bansa. Napabalitang kinurakot ang may 80 libong piso mula sa donasyon, at kung kaninong bulsa iyon napunta ay naging palaisipan magpahangga ngayon.

Mahaba ang listahan ng lindol, at maibibilang dito ang pagyanig noong 1755 sa Lisbon na pumuksa sa 30 libong tao;  ang lindol sa Calabria at Sicily noong 1908 na lumipol sa tinatayang 150 libong tao; ang lindol sa Kansu, Tsina noong 1920 na pumuksa sa 200 libong tao; at ang pagyanig sa Tokyo at Yokohama na pumaslang sa 120 libong tao at nagdulot ng malawakang pinsala sa paligid.

Mabilis hanapan ng katumbas na pahiwatig ang mga ito mula sa pinaniniwalaang puwersang sobrenatural, gaya ng ginagawa ng ilang sekta o relihiyon. Ang mga naganap noon ay waring nauulit lamang sa panahong ito. Ngunit may magagawa pa rin tayo, at ang gobyerno at pribadong sektor, gaya ng mahabang paghahahanda, pagsasanay sa mga tao, at maagap na pagtugon sakali’t dumating ang sakunang hatid ng kalikasan. Samantala, hindi makatutulong ang pagpapakalat ng mga tsismis at mensahe sa selfon. Makabubuting maging mahinahon, at huwag magpadala ng mga text na magpapayaman lamang lalo sa malalaking korporasyon.

KWF, niloloko ang Kongreso?

Makabubuting pag-aralan ng Kongreso kung karapat-dapat pakinggan si Kgg. Ricardo Nolasco, ang kasalukuyang tumatayong punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa websayt nitong Komisyon sa Wikang Filipino, iniulat na naninidigan umano ang nasabing ahensiya  “ng opisyal na posisyon sa pagkakaroon ng bagong patakarang pangwika sa ilalim ng Panukalang Batas” na magkakahiwalay na ipinanukala nina Luis Villafuerte (PB Blg. 230), Eduardo Gullas (PB Blg. 305), Raul del Mar (PB Blg. 446), at Lisa Maza (PB Blg. 1138).

Kung paniniwalaan ng mga butihing mambabatas ang gaya ni Nolasco ay hindi lamang sila lilitaw na katanga-tanga sa paningin ng taumbayan, kundi nalinlang nang hindi inaasahan ng nasabing pansamantalang punong komisyoner ng KWF.  Bakit? Dahil ang “multilingguwalismong programa” ng KWF ay walang kaukulang resolusyon na pinagtibay ng buong lupon ng KWF.  At kahit hindi pa opisyal yaong posisyon ng KWF ay patuloy na itong pinagbubuhusan ng salapi na labag sa Saligang Batas, ayon sa aking impormante. Ibig sabihin, ang “multilingguwalismong programa ng KWF” ay likhang-isip lamang ni Nolasco at binuo upang sumikat siya nang wala sa lugar.

Dapat ding isaisip ng mga mambabatas na umiiral pa ang “bilingguwal” na patakaran ng pamahalaan at siya ngayong ipinatutupad sa buong bansa.

Ang dapat inaatupag ng KWF ay ang pagsusulong at pagpapayaman ng isang wikang pambansa (i.e., Filipino), imbes na biyakin ito sa pamamagitan ng “multilingguwalismo”.  Kung nais igiit ni Nolasco ang kaniyang pansariling programa, iminumungkahing palitan o buwagin ang KWF at pangalanan na lamang itong Komisyon ng Multilingguwalismo sa Filipinas (KMF).

Sa apat na panukalang batas sa Kongreso, tatlo ang pabor sa pagpapalakas ng paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong Filipinas, kompara sa isa lamang na panukalang batas na nagtatakda sa Filipino bilang opisyal na wika ng pagtuturo sa mga paaralan. Heto ang nasabing mga panukalang batas:

1. Panukalang Batas Bilang 230—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Villafuerte);

2. Panukalang Batas Bilang 305—An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Gullas);

3. Panukalang Batas Bilang 446—An Act to Strengthen the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools (ni Del Mar);

4. Panukalang Batas Bilang 1138—Batas na Nagtatakda ng Filipino bilang Opisyal na Wika ng Pagtuturo sa mga Paaralan (ni Maza).

Tanging ang panukala lamang ni Kinatawan Maza ang may kabuluhan sa nasabing mga panukalang batas. Ang panukalang batas ni Maza ay hindi lamang magpapalakas sa wikang pambansang Filipino, bagkus makatutulong pa ito upang pagbuklurin ang mga Filipino sa pamamagitan ng sama-samang paglinang sa isang wikang pambansang pinayayaman ng sari-saring wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Estratehiko ang posisyon ni Nolasco hinggil sa multilingguwalismo, dahil kahit sa unang malas ay pinalalakas nito ang paggamit ng wikang kinamulatan ng bata doon sa elementarya, hindi naman ito natutumbasan ng kaukulang pinansiyal na taguyod mula sa pamahalaan. Ibig sabihin, nakatakda iyong mabigo dahil wala sa priyoridad ng pamahalaan. Napakagastos ng nasabing multilingguwalismo, bukod sa tinatabunan nito ang orihinal na layon ng Kongreso na magpasa ng mga batas na magpapayabong sa isang wikang pambansa, alinsunod sa itinatadhana ng saligang batas ng 1987.

Inihain naman ni Magtanggol Gunigundo I ang Panukalang Batas Bilang 3719 na nagtatatag ng programa sa “Edukasyong Multilingguwal”. Ang nasabing panukala ay magpapataas umano “ng kalidad ng programa sa literasiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtuturo ng wika ng bata sa ika-anim [sic] na baitang.” Sa nasabing panukala, ang “unang wika,” ang “Ingles” at ang “Filipino” ay ituturo bilang magkahiwalay na asignatura sa antas elementarya.

Ginagago ba ng mga mambabatas ang ating wika, o seryoso talaga silang paunlarin ang ating wika? Ano ba ang gusto nila sa bata? Na lumaki siyang bihasa sa mga wika, gaya ng lingguwistang hindi mo alam kung saan nagmula? May hinuha ako na hindi talaga napag-aralan ni Gunigundo ang kaniyang panukala, at tila suntok sa buwan.

Nakapagtataka na isang boses lamang, at boses pa ng babae,  sa ngalan ni Maza ang nagsusulong ng makabuluhang panukalang batas sa wikang pambansa. Pambihira ang ginagawa ni Maza na handang sumalunga sa agos upang sumilay ang ating kabansaan. Makabubuti sa mga kasama niya sa Kongreso na tangkilikin ang PB 1138, at nang mapaunlad pa ito nang lubos.

Hindi ko nais harangin ang pagpapayaman ng mga lalawiganing wika. Ang Ingles ay dapat ituring na gaya lamang ng iba pang wika sa Filipinas at hindi dapat maging dominanteng wika bilang midyum ng pagtuturo. Samantala, nakasaad sa batas na ang wikang pambansa ay Filipino at kailangang patuloy na linangin iyon para sa kapakanan ng taumbayan.

Madaling pagtawanan ang gaya ni Miss World at ni Mister Boksingero kung balu-baluktot ang kanilang Ingles, at maraming handang magturo sa kanila ng tumpak na Ingles. Ngunit bakit hindi pinagtatawanan o nililibak kung kahit sa wikang Filipino ay mali ang gramatika at palaugnayan ng ilang ipinahahayag ng gaya ng pangulo at ikalawang pangulo ng Filipinas, pangulo ng senado o kongreso, at brodkaster na gaya ng sa ABS-CBN at GMA 7? Masyado tayong mapagkunwari.  Kailangang turuan ang nasabing mga tao na magsalita at magpahayag sa sariling wika, at ang wikang iyon ay hindi kailanman magiging Ingles.

Kailangang mag-usap ang mga Filipino sa wikang Filipino upang maunawaan ng nakararaming Filipino. Bakit, halimbawa, Ingles ang gagamitin sa kongreso at hukuman, gayong makatutulong nang malaki sa pagmumulat ng madla ang paggamit ng Filipino na mauunawan ng mga Filipino? Natitiwalag ang mga Filipino sa kanilang kaisipan, dahil iba ang lumalabas sa kanilang bibig, at iba naman ang laman ng kanilang puso at utak. 

Panahon na para palitan ng bagong punong komisyoner ang KWF. Kailangang patalsikin sa puwesto si Nolasco dahil wala siyang naitutulong sa Filipino bagkus pinababahaw pa niya ang kalagayan ng ating pambansang wika. Ang kailangan ng KWF ay isang tunay na alagad ng wikang pambansa at tunay na alagad ng sining. Alam na ninyo marahil kung sino ang aking tinutukoy.

Mito at Lozada

Napakabilis ang panawagan ng pag-aaklas makaraang ibunyag ni Jun Lozada ang maalingasngas na kontrata ng National Broadband Network. Ngunit ang totoo’y hindi pa nasusuri nang maigi ang ubod nitong si Lozada.

Ang koneksiyon ni Lozada na bumabanda kay Romulo Neri na kumokontra-banda kina Mike Arroyo at Benjamin Abalos pahagibis sa mag-amang Jose de Venecia ang dapat uriratin nang maigi. Higit sa lahat, dapat ding ipatawag ang mga kinatawan ng Zhong Xing Telecommunication Equipment Company Limited (ZTE) upang linawin ang lahat.

Ngunit maaaring walang magsalita, maliban kina Lozada o Joey de Venecia. Ang pagsasalita’y lalong magdadawit sa sinuman, lalo kung mapasubo sa alanganin ang mga sangkot. Ang nakapagtataka’y marami ang paratang ngunit bantulot ang awtoridad sa pagsasampa ng mga kaso. Marahil ang tanging solusyon ay isang makatwirang paglilitis, ang paglilitis na ang gagamiting wika ay Filipino upang maipaliwanag sa taumbayan ang puno’t dulo ng mga pangyayari.

Subalit imposible ito. Ang wika ng hukuman sa Filipinas ay Ingles, at tanging ang mga nakauunawa lamang sa jargon ng hukuman ang karapat-dapat lumahok sa gayon. Mananatiling tahimik na tagamasid lamang ang taumbayan, at ang pinakamaingay na magagawa ay magprotesta sa maalinsangang lansangan.

Sawa na ang tao sa mga bayarang testigo mula man sa gobyerno o sa kung anong partido.

Kailangang magsampa ng kaso ang mga kinauukulan, at litisin ang lahat. At managinip ang taumbayan na ang diskurso ay isasalin sa wikang matalik sa kanilang buhay.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers