Nagiging makulay ang pagpapahalaga sa pagtula ng isang makata alinsunod sa pagbasa na ipinapataw dito ng mga kritiko o kritikastro. Ang kritiko ay maaaring kumasangkapan sa mga pagdulog at teorya ng pagbasa, at sa gayong paraan, ay nagiging tulay siya ng teksto tungo sa mambabasa. Sa pamamagitan ng paggamit ng lente ng pagbasa, ang tula ay nasisipat sa iba’t ibang anggulo, bagaman hindi masasabing isang pagtanaw lamang ang tama kompara sa ibang pagtanaw. Ngunit sa ibang pagkakataon, ang kritiko ay hindi lamang tulay bagkus tagapagtanggol o tagatuligsa ng tula, at dito papasok kung sino at ano ang kaniyang pinapanigan. Sa madali’t salita, ang kritiko ay hindi newtral sa ilang pagkakataon, dahil maaaring nauulapan ang kaniyang isip ng prehuwisyo at saliwang pagtanaw, maigiit lamang ang katumpakan ng isang akda.
Higit na mabigat ang kaso ng kritikastro kompara sa kritiko. Ang kritikastro—na inangking salita sa Tagalog mula sa Espanyol na “criticastro” at maidaragdag sa “criticon” ng Espanyol at “malabiga” ng Tagalog—ay malimit mamintas o pumuna sa mga tula o katha nang walang matibay na pagdulog o lente ng pagbasa, samantalang inihahayag nang walang hunos-dili ang kamangmangan. Subalit higit pa rito, ang pag-aaral sa tula o katha ay inililihis sa personal na búhay ng makata o mangangatha, at ito ang tinatasa alinsunod sa halagahang pangmoral, pang-etika, pampolitika, pang-ideolohiya, at iba pang kaugnay na bagay. Makitid ang pananaw ng kritikastro, bukod sa paimbabaw at marahas. Mainipin at mababaw, ang pukol ng puna ng kritikastro ay nakabatay sa maiikling pasaring imbes na malalimang pagsasaliksik o makatwirang pagtatasa, at kung uuriin nang maigi ay hindi makapapasa sa mahigpit na pag-aaral na hinihingi sa tula o katha upang maunawaan ang salimuot o bighani nito. Prominenteng halimbawa ng kritikastro sa panitikan ang gaya ni Tomas F. Agulto.
Sumulat ng kilometrikong puna si Agulto na pinamagatang “Ebololusyonistang Panitikan para sa Kabataang Manunulat na Tatanghaling National Artist Bukas” sa kaniyang blog ngunit ang naturang akda ay hindi teorya sa panitikan bagkus mahabang monologong naghihinagpis sa mga tinagurian niyang “naghahari-harian” sa panulaang Filipinas. Ang mga tao na naghahari sa panitikang Filipinas ang dapat umanong sisihin sa pagpapakalat ng virus sa kaisipan ng madla sa pamamagitan ng mga salita. Ani Agulto:
Dahil masyadong malawak ang polusyon sa kalinangang Finoy—para masapol ang paksa ng dumi sa ating paniniwala at kaasalan sa buhay— isesentro ko na lang ito sa literatura at partikular sa panulaan—at sa kamandag ng impluwensiya ng makata bilang ahente o mersenaryo ng polusyon. Binibigyan natin ng kaukulang pansin laluna [sic] ang mga Imperyalistang Mananagalog sa akademya.
Ang makata, manunulat, ebanghelista, at kabilang ang mga “Imperyalistang Mananagalog sa akademya,” ang sinisisi ni Agulto na tagapagpalaganap ng virus na sumisira sa isip ng madla. Heto pa ang kuro ni Agulto:
Ang mapaminsalang virus ay naisasalin hindi sa nakabukang sugat— hindi sa hininga—hindi sa laway o halik, kundi sa salita. Naipapasa sa pamamagitan ng misa, book launching, bookstore, akademya, simposyum, workshop, balagtasan, panayam at lumalagos sa massmedia— at sa mga komperensiyang panliteratura— laluna [sic] ang mga timpalak, grant, publikasyon. At ang mabisang tagapagkalat ng mikrobyo ay mga ebanghelista, manunulat at makata.
Hindi orihinal na idea ang binanggit ni Agulto at matagal na itong ipinaliwanag ni Richard Dawkins na umurirat sa bisa ng meme na matutunghayan sa aklat na The Selfish Gene (1976). Ngunit kung ang virus na tinutukoy ni Dawkins ay may kakayahang magbago ng anyo saka pumapaloob sa diwa o kalooban ng mga salinlahi, at lumaganap sa sari-saring paraan, salát naman ang paliwanag ni Agulto hinggil sa “mikrobyo” o “bacteria” o “virus” na pangkaisipan. Sa termino pa lang ni Agulto ay mahihinuhang iisa ang tabas ng “mikrobyo,” “bacteria,” at “virus” bagaman malaki ang pagkakaiba nito sa lárang ng agham at medisina.
Inihalimbawa ni Agulto si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na tagapagpakalat ng mikrobyo sa panulaang Filipinas. Ngunit ang tuligsa ni Agulto ay hindi tumitingki sa buong lawas ng tula at poetikang binuo ni Almario sa mahabang panahon, bagkus sumesentro sa pagiging loyalista nito sa yumaong Pang. Ferdinand E. Marcos. Ang pagiging “loyalista” ni Almario ang kasalanang mortal niya, ito ang mapipiga sa akda ni Agulto, bagaman maitatangi ang katauhan ni Rio Alma bilang makata, sa Virgilio S. Almario bilang partisano ng kilusang lihim noong dekada 1970 o bilang kasangkot sa rehimeng Marcos. Sinuhayan pa ni Agulto ang kaniyang opinyon sa pagsipi kina Gelacio Guillermo at Reuel Molina Aguila na kapuwa kasapi ng kilusang lihim at dating kapanalig ni Almario. Ngunit hindi inilugar ni Agulto ang pagsipi niya sa dalawa niyang kaibigan, lalo kay Guillermo. Sinisipat ni Guillermo si Almario bilang dating partisanong tumalikod sa simulain ng kilusan, at maituturing na kontra-rebolusyon sa sipat ng rebolusyonaryong kilusan, at ang pagtalikod na ito ay may implikasyon sa magiging karera ni Rio Alma bilang makata sa mga sumunod na taon.
Tumitingkad ang karera ni Rio Alma dahil mabulas din ang isa pang katauhan ni Almario bilang alagad ng sining at pinuno ng mga manunulat sa dating Philippine Writers League na naging Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Pasimuno si Almario noon sa pagpapalago ng kasapian ng mga manunulat na Filipino, at magbubunga ito ng paglalabas ng sari-saring publikasyon at pagbubunsod ng mga kumperensiya para maitanghal ang husay ng mga manunulat at mahasa ang mga ito sa paglalabas ng matitinong akda. Ang ganitong hakbangin ni Almario ay hindi maituturing na pansarili, dahil kaugnay nito ang patuloy na pakikibaka at mataas na bisyon upang mapayabong ang panitikang Filipino samantalang nililinang ang wikang Filipino. Magagawa ito ni Almario sa tulong ng kaniyang mga kaibigang nakikilahok sa pagtataguyod ng gayong diwain nang higit sa maitatakda ng programa ng kilusang lihim; o kaya’y sa samahang pinagpapala ng biyaya ni San Miguel.
Nang patalsikin sa kilusang lihim si Almario ay magbabago nang husto ang kaniyang pagtula, at masisilayan ito sa paghuhunos ng linyadong Peregrinasyon (1970) at Doktrinang Anakpawis (1978) tungo sa pagpapalawak ng tanaw sa mga aklat na Retrato at Rekwerdo (1984); Palipad-Hangin (1985); (A)lamat at (H)istorya (1986); at Kanton Para sa Limang Pandama (1987). Patatalsikin din si Almario sa GAT (Galian sa Arte at Tula), bagaman si Almario ang pundador ng naturang kasapian, sanhi ng mga pagkakaiba ng panlasa sa politika. Itatayo ni Almario ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), at kahit ang mga unang kasapi nito ay dumanas ng intoleransiya sa ilang kasapi ng GAT dahil nagkataong nasa ilalim ng pangangasiwa ni Almario. Ngunit ang Rio Alma bilang makata ay magpapatuloy sa paglalabas ng mga aklat ng tula, na ang ganap na distilasyon ng mga kaisipang makabansa ay matutunghayan sa gaya ng Mga Retaso ng Liwanag (1990) at Muli, Sa Kandungan ng Lupa (1994). Ipinaliwanag ko na ito sa nauna kong akdang nagpapahalaga sa mga tula at poetika ni Rio Alma sa mahabang panahon.
Marahas bukod sa baluktot ang paglalahad ni Agulto hinggil sa kasaysayan. Aniya:
Buo ang dokumento ng gyera-patani sa hanay ng mga makabayang manunulat. Pinatindi ang polarisasyong ito ng sektor sa arte at literatura na kinakatawan ng grupong Rio Alma Versus Galian sa Arte at Tula bago at pagkatapos ng Edsa I— pero ang tawag ni Almario sa mga sumabak ay mga welgista sa Edsa.
Bago pa namatay ang GAT, nag-organisa agad si Rio Alma ng bagong pangkat pampanitikan na tatawagin niyang LIRA— (at biro nga sa akin ni Mike Bigornia noong nabubuhay pa—Liga ni Rio Alma). Ngunit sa opisyal na ngalan ay Linangan sa Arte Retorika at Awit [sic, Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo]. Sa LIRA magsasama-samang muli ang mga manunulat na barkada at tagahanga ni Rio Alma lalo na mula sa hanay ng kabataan sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. At itutuloy ng UMPIL ang krusadang pampanitikan. Makokopo ng pangkat ni Rio Alma ang mga kontes at publikasyon. Sa Palanca, UP, NCCA, Aklat Adarna, Anvil Publishing, at mga coffe table book mula kung saan-saang ahensya ng gobyerno. May proyekto silang texttula at ang isang proyekto ng UMPIL— TULAAN SA TREN ay nagplano silang pag-usapan sa mansion-bakasyunan ng National Security Adviser Chavit Singson, kung saan kaaya-ayang magmiting pagkat malawak ang mansion-zoo kung saan pwede silang mag-obserba ng mababangis na hayop sa loob ng tahanan ng kanilang padrinong pulitiko.
May polarisasyon bang naganap sa hanay ng mga makata at manunulat, gaya ng ibig ipahiwatig ni Agulto? Wala, at ito ay kung pagbabatayan ang mga aklat at simulain ng dalawang pangkat. Nagkataon lamang na higit na masigasig ang LIRA sa lingguhan nitong palihan, bumagyo man at may rilim, samantalang ang GAT ay naupos dahil sa pag-aaway mismo ng mga kasapi nito. Hindi totoong tinalikuran ng LIRA ang pagsulat ng mga “tulang nakikisangkot” at sa halip ay inanyuan pa iyon ng higit na maselang pagdulog sa pananalinghaga at pamamaraan. At kahit ang LIRA ay walang taguyod ng kilusang lihim ay nagpasimuno ito sa mumunting pamamaraan upang mapasigla ang panitikang Filipino sa pamamagitan ng pagkatha, paglilimbag, pagsasalin, pagtatanghal, pakikipagpalihan, at pakikipagtalakayan sa iba’t ibang pangkat na sari-sari ang paniniwala o kulay. Ang ganitong pagsisikap ng LIRA ay may tangkilik ni Almario na bukod sa nagbibigay noon ng libreng palihan at nagpapatoma pa sa kaniyang natitirang kaibigan.
Totoong magwawagi ang mga kabataang makata at mangangathang tinuruan ni Almario sa mga timpalak pampanitikan at mabibigyan ng oportunidad na mailathala. Ngunit ang pagwawagi na ito ay hindi mababansagang “niluto” ni Almario dahil walang kapasidad si Almario na gawin iyon sa mahabang panahon. Nagkataon lamang na marunong tumuklas ng talento si Almario, at kumbaga’y nahuhulaan niya ang mga tao na may natatanging talentong nangangailangan lamang ng mahigpit na pagtuturo at paggabay. Ginawa ito ni Almario hindi bilang programang ang inaasahang resulta’y pananagumpay sa larangan ng politikang pampanitikan, bagkus sa pananagumpay ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Sa aking mga pagdalo sa palihan ng LIRA, walang tuwirang dikta si Almario kung anong uri ng pagtula ang nararapat sundin. Malaya ang sinuman na isulat ang ibig niya. Gayunman, inaasahan sa LIRA ang mahigpit na pagpapahalaga sa kasiningan ng tula o akda, na kung iaangkop sa nilalaman nito’y higit na magtatampok ng makukulay na guniguni ng makata. Ipamamalas din ng LIRA ang pambihirang sigasig nito sa pagsusulat, na hindi masasabayan kahit ng matatandang tinale ng GAT. Kung babalikan ang winika ni Agulto, ang pananagumpay ng pangkat ni Almario sa larangan ng panitikan ay isang kontra-rebolusyon; ngunit masasabing kontra-rebolusyon lamang ito sa makitid, kumbensiyonal, at programadong mando ng kilusang lihim na ginagamit lamang ang tula o panitikan bilang kasangkapang pampolitika imbes na mahalagang bahagi ng sining.
Nakatiwarik yata si Agulto habang sinusulat ang kaniyang akda, at kung saan-saan sumusuot ang kaniyang talakay para pangatwiranan ang sinasabi niyang “makaagham na pagdulog” sa panitikan. Isinaad niyang “Kailangang sumabay ang Pinoy sa lohika ng kulturang ebolusyunista, siyentipiko, produktibo at makatao,” ngunit ang kaniyang paliwanag ay salát sa pruweba, at hilaw na hiram sa akda ni C.P. Snow at iba pang ebolusyonistang panlipunan, bukod sa malinaw na argumentum ad hominem sa mga binanatan niyang mga manunulat, gaya nina Zeus Salazar, Virgilio S. Almario, at Roberto T. Añonuevo, samantalang nanlilibak sa iba habang binabanggit sina Lualhati Bautista, Pete Lacaba, at Bob Ong. Walang maaasahang pagbubunyag sa “virus na pangkaisipan” na ipinalaganap sa pamamagitan ng tula o poetika ang matutuhayan sa mababaw na kritika ni Agulto, at nabigyan sana ng pagkakataon na maurirat kung karapat-dapat ngang pag-aralan ang mga tula ng gaya nina Rio Alma at Añonuevo. May kalayaan ang sinuman na ihayag ang kaniyang opinyon, saliwa man o mababaw. Subalit pana-panahon ay kailangan itong ituwid; at kalusin ang dapat kalusin dahil sa pagpapalaganap ng basurang kaisipang nagkukunwang “makaagham, realista, at natural na pagdulog” sa panitikang ipinangangalandakan ng kagalang-galang, kataas-taasang makatang Tomas F. Agulto.
Filed under: Wikang Filipino,panitikang Filipino,mga manunulat na Filipino,Makatang Filipino,Kritika | Minarkahan: Filipino,kritiko,tula,Kritika,makata,panitikang Filipinas,kasaysayang pampanitikan,kritikastro | 19 Puna »


