Tungkol sa mga ad na ito

Balik-tanaw sa SONA ng Pangulo

Makasaysayan ang pahayag ng pangulo sa sambayanan doon sa Kongreso noong 2008 dahil ni isang salita ay walang banggit hinggil sa sining. Ang pagkawala ng sining ay maaaring senyales na ito ang unang nalalagas tuwing may krisis, at dapat ihuli sa priyoridad.  Samantala, ang edukasyon ay nabanggit lamang dahil sa paglulunsad ng malawakang pagpapakain sa mga dukhang mag-aaral na ginagastusan ng sampung piso bawat bata kada araw. Nakinabang umano ang mga lalawigan mulang Apayao hanggang Tawi-tawi, bukod sa mga pook na sinalanta ng mga bagyo.

Ipinagmalaki ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na nadoble ang iskolaship para sa mga estudyante sa kolehiyo, bukod sa pagpapatupad ng libreng edukasyon sa elementarya at hay-iskul sa buong bansa. Sinimulan na rin umano ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa ng DepEd, CHED, at TESDA.

Kulang na kulang ito, sa aking palagay, dahil panrabaw na pangangailangan lamang ang tinitingki ng pangulo. Ang pagpapakain sa mga bata ay pampolitikang abuloy na matatawag. Ang pagbibigay ng iskolaship ay mahihinuhang maliit na populasyon lamang ang saklaw, at maaaring sadyang ginagawa na ito ng mga pamahalaang lokal. Malabo naman ang pagreporma at pagpapangkat ng mga programa mula sa tatlong ahensiya, at hindi binanggit kung ang pagreporma ba ay may kaugnayan sa mahigpit na pangangailangan ng Filipino imbes na dayuhang interes.

Nanghihinayang ako sa gaya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil bagaman nabibigyan ang mga ito ng pondo ay walang naimbag man lamang sa pahayag ng pangulo. Marahil may kaugnayan ito sa de-kolor na gulo sa loob ng dalawang ahensiya, at sinangkutan ng pagpapalit ng pamunuan. Kontrobersiyal ang patakarang multilingguwalismong isinulong noon ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner Dr. Ricardo Nolasco, samantalang ang halalan sa NCCA ay inabot ng kung ilang buwan para makapagpulong ang mga komite. Kung hindi ako nagkakamali’y natuloy ang internasyonal na kumperensiya hinggil sa teatro, at pagkatapos nito’y halos masaid na ang pondong laan sa iba pang programa.

Sa aking palagay ay dapat lalong maging aktibo ang mga komite sa pagbubuo ng pondo sa NCCA at KWF. Ang iba’t ibang lupon ay dapat nakikialam sa pagbalangkas ng panukalang badyet na ihahain sa kongreso, at nakikilahok kahit sa mga deliberasyon sa kongreso, lalo sa yugto ng pagdinig ng magkasanib na lupon ng senado at mababang kapulungan. Samantala, ang KWF ay dapat hinihimok ang mga sangay nito sa rehiyon na magpanukala ng badyet para sa KWF, upang ang mga panrehiyong programa ay natutugunan alinsunod sa hinihingi at pangangailangan ng mga pamayanan. Ang mga pamayanan naman ay dapat nakikilahok din sa pagtatasa at pagrepaso ng mga programa at proyekto ng kapuwa NCCA at KWF, upang matiyak nila na ang pondong laan sa kanila ay nagagamit nang wasto at alinsunod sa mga plano at takdang panahon.

Malamya, kung hindi man pasibo, ang KWF sa pagsusulong ng wikang Filipino sa buong bansa, lalo sa bakuran ng Malakanyang. Naging makapangyarihang tinig noon si Nolasco, na nagsusulong ng saliwang uri ng multilingguwalismo na tatangkilin naman ng ilang mambabatas sa kongreso. Pambihira rin ang pagsusulong ng Ingles na gawing tulay ng pagtuturo mulang elementarya hanggang kolehiyo, at may kaugnayan ito sa pagtataguyod ng mga call center sa Filipinas. Ayon sa aking nasagap na balita, waring naluto na naman ang pagtatakda ng patakaran ng multilingguwalismo sa Filipinas, at kung ito man ay totoo ay dapat suriin nang maigi ng taumbayan kung karapat-dapat ipatupad. Kung ang multilingguwalismo ay gagamitin lamang para sa binabalak na Federalismong gobyerno—na ang mga rehiyon ay bibiyakin (at paghahatian ng mga politiko) alinsunod sa pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at pangwikang teritoriyo—ay dapat nang ibasura yaon nang ganap.

Ito na marahil ang pangwakas na SONA ni Pangulong Arroyo. Ngunit hindi nangangahulugan yaon na hindi na siya maghahari sa politika. Kung pakikinggan ang panukala ng dakilang tagapayo ukol sa pambansang inseguridad Norberto Gonzales, kinakailangan lamang umano na isulong ni Pangulong Arroyo at ng mga kaalyado niya ang isang rebolusyonaryong gobyerno upang mapalitan ang sistema ng pamahalaan, makabuo ng bagong konstitusyon, at papaghariin muli ang oligarkiya sa buong bansa. Magagawa ito ng kasalukuyang administrasyon kung hahatakin ang mga personalidad sa hukuman, negosyo, batasan, sandatahang lakas, samahang masa, at simbahan. Ibig sabihin, bumuo ng puwersa para sa kudeta.

Na malaking posibilidad. At siyang dapat bantayan ng sinumang Filipino na nagmamalasakit sa kinabukasan ng lahat ng Filipino.

Tungkol sa mga ad na ito

5 Tugon

  1. Ang isang kabalintunaan pa po sa tila pagwawalambahala ni Gloria Arroyo sa sining ay minsang naging makatang Kapampangan ang kaniyang ama, si dating Pangulong Diosdado Macapagal. Tila hindi namana ng ating Pangulo ang interes ng ama niya sa panitikan at sa halip ay mas minamahalaga ang mga patakarang magdudulot umano ng abanseng pangekonomiko ngunit kapalit naman ang pagbansot ng ating kultura.

  2. BWISIT

  3. sna S sona ni P.NOy,maisaalang-alang ang edukasyon @ sining.Pr s akin bilang guro,an pgunlad ng bnsa ay nkslalay s taas ng edukasyon upang mas mdli pr s ating mkipgsbyan s globalization ng klp8 bnsa.lalo p nga n s pnhon ngyon,taas ng pingaralan ang basehan ng krmihan.

  4. sino ang pinaka kong sona

    • Hindi ko maunawaan ang tanong mo. Kung ang ibig mong sabihin kung anong SONA ang pinakamahusay sa lahat, depende iyan sa sining ng pagkakasulat, kahit sabihin pang malikhaing kasinungalingan ang lahat.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 164 other followers

%d bloggers like this: