Mabubuksan ang daigdig sa paghihiwalay ng magkapilas na antigong tabing. Gibang tahanan marahil ang matatanaw sa labas, at maalat ang bugso ng amihan. Papaloob ang liwanag sa silid, at kapag tinamaan ka ng sinag ay mapapabalikwas ka. May tilaok na kikislot sa iyong mga bituka. Ang bintana ang mga mata ng tahanan, anila, ngunit para sa iyo’y ang bintana ang mga mata ng daigdig upang makilala ka. Maririnig mo ang kaluskos at hagikhik ng mga bata sa bakuran. Kapag ipininid ang bintana, mabubulag ka rin ba? Hindi. Magbubukas-sara ang mga dahon, at ikaw ay tila huklubang babangon sa malaong pagkakahimbing, upang tuparin ang tadhana—na marahil ay may kaugnayan sa lupa, dagat, langit, at Salita.
Filed under: Tulang Tuluyan Minarkahan: | bintana,Buhay,pagbangon,pagtulog,Tulang Tuluyan


Salamat po sa bukas na bintana…