Tungkol sa mga ad na ito

Talumpati

Lilisan kayo sa pook na ito tulad ng aklat na nagkabagwis, at lumipad nang balisa kung saan-saan upang dumapo sa palad ng mapagsapalaran. Ngunit taliwas sa aklat na laging naghihintay ng magbubuklat, ang inyong mga katauhan ay higit na aktibo, at maragsa, dahil kayo ang maghahatid ng karunungan sa daigdig. Inaasahan ninyo ang mga manunulat na aakda sa bawat pahina, at magdidisenyo o magbabalangkas ng kahanga-hangang likot ng isip at guniguni. At ngayong sandali, ang mga manunulat ay aalis at iiwan kayong mag-isa, hanggang matuklasan ninyong kaiga-igaya ang pagtayo sa sariling mga paa.

Mapipili ba ng bawat aklat kung sino ang ibig nitong maging awtor? Maaaring oo ang sagot, dahil hindi isisilang ang aklat nang walang kahandaan sa panig ng awtor, at ang awtor ay sasabihing aakitin ng bato-balaning taglay ng mahiwaga’t dibinong diwain. Ngunit kung dibino ang akda, imposibleng ito’y magkamali, at ang pagkakamali o pagkukulang, ay banyaga sa hinagap ng Maykapal. Ang pagkakamali ay maisisisi sa may-akda, at kung ang may-akda ang nagtataglay ng anumang pingas sa dapat sanang sukdulang kaganapan, maglalaho ang kaniyang pag-angkin ng karapatang tanghalíng makalangit magpakailanman. Tanggapin ang pagiging mortal ng awtor.

Kung mapipili naman ng aklat ang karapat-dapat nitong maging awtor, ang akda ay masasabing higit na makapangyarihan kaysa maylikha nito. Iyon ay sa pagkakataong umiiral ang aklat sa kalawakan ng guniguni, at ang papel, tinta, kulay, balát, pagkit, at pisi ay pawang sangay at manipestasyon ng isipan. Bago maging aklat ang aklat ay diwa. At ang diwang ito ay marahang gumagapang sa malalawak na kalye o masisikip na silid, upang hanapin ang karapat-dapat na tao na kayang isatitik ang hinihingi ng mga tanong, haka-haka, at panukala. Magkukutsaba ang simoy at bituin, wika nga, at ang naganap noon ay muling magaganap ngayon na parang dalagang bagong paligo at bagong bihis sa paningin ng kaniyang matapat, pawisang manliligaw.

Sabihin nang hindi mapipili ng aklat ang awtor nito. Isang dahilan ang pagkakataong laksa-laksang aklat ang isinisilang bawat araw, at parang ang awtor ay naghuhunos na dambuhala’t mekanikal na palahian ng tupa o kambing. Ang aklat sa simula pa lamang ay masasabing nakatakdang maging aliwan o palaisipan, alinsunod sa mga manlilikha nito, at habang lumalaon ay sasailalim ang aklat sa mapanuring pagkilatis, kaya ang orihinal nitong pakahulugan, pahiwatig, at pagkakagamit ay maiiba alinsunod sa madlang magbabasa. Ang aklat ay walang magagawa kundi lumayo sa awtor nito, at pagkaraan ay muling magbalik sa takdang panahon, upang surutin, sampalin, at hiyain ang kaniyang Maylikha kapag natuklasan ng mga sungayang kritiko ang anumang kagila-gilalas na katangahan.

Humayo kayo, mga kapatid. Lumingon kung kinakailangan, ngunit higit na mahalaga ang pagtuklas sa pasikot-sikot na yungib ng hinaharap. Ilan sa inyo ay maliligaw. Ilan ay mamamatay sa uhaw. At ilan ang papalaring makatagpo ng liwanag na naglalagos sa kisame ng karimlan. May ilan sa inyo ang magtatangkang bumuo ng aklat, ngunit ipagpapauna ko nang hindi lahat ay isinisilang na manunulat. Ang iba ay isinilang upang gumuhit at magdisenyo, samantalang ang iba ay nakatakdang maging artesano ng palimbagan, estante, at sasakyan. Ang iba ay nakatadhanang maging mangangalakal o mamimili, upang ang bawat aklat ay makarating sa palad ng milyon-milyong daliri at paningin.

Huwag mainip kung matagal man matuklasan ang inyong katangian. Kung ang Maykapal ay nakapaghintay ng kung ilang libong taon para sa tao na susulat ng kaniyang kadakilaan, sino kayo para magtampo? Magpaalam, at lumisan kayo sa pook na ito. Manalig sa sarili, sa kapuwa, sa lipunan, at sa kani-kaniyang Maykapal. Bagwisan ninyo ang isip at pangarap, at lumikha ng mga titik na ikararangal ng ating daigdig.

Tungkol sa mga ad na ito

11 Tugon

  1. Na inspire ako dito sa iyong sinulat, pero wala akong balak gumawa ng aking sariling libro, parang hindi kaya ng powers ko yon, ibang level na ‘yon :)

    Hindi naman siguro ikaw yung binanggit mong aalis dito sa iyong sinulat.. hayss.. mali lang siguro ako ng pagkaka intindi

  2. KAIGANDA NG IYONG TALUMPATI…………………………….. MAARI NYO BA AKONG IGAWA NG TALUMPATI TUNGKOL SA PANGARAP……

    • Susubukin ko, ngunit sa paraan ng tulang tuluyan.

  3. pwede magpagawa ng talumpati ayon sa tema ngayong buwan ng wika: wikang filipino mula baler hanggang buong pilipinas

    • Ipagpaumanhin mo, Miyu, ngunit hindi ko mapapaunlakan ang iyong hiling. Ito’y dahil sablay agad ang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino. Hindi nagmula sa Baler ang wikang Filipino, at kahit may pahiwatig iyon ng tangkilik ni Pang. Manuel Quezon, mali pa rin ang tema sa buwan ng wika.

      Bakit hindi mo itanong sa iyong guro kung dapat ngang sundin ang tema ng KWF? Salamat sa iyong pagdalaw.

  4. galing nyu po talaga,,pwede po bng gawan po nyu ako ng talumpati?? “karunungan o kamangmangan po ang paksa ko..plz

    • Maaari mong sangguniin ang pinakabagong talumpati ni Bienvenido Lumbera sa Gawad Palanca. Hingin mo iyon sa Palanca at malulutas ang iyong problema.

  5. pde pu b mgpawa ng talumpti tngko xa tema ng bwn ng wka ngayng agsto?

    • Susulat lamang ako ng talumpati tungkol sa tema ng buwan ng wika ngayong Agosto kung magpapagawa ang pangulo ng Filipinas.

  6. pwede nyo po ba akong igawa ng talumpati na ang tema ay” Hindi Natitinag ang Pusong Pilipino”.. salamat po.

    • Hindi.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 161 other followers

%d bloggers like this: