About these ads

Brigada Paniki

BRIGADA PANIKI ang taguring pinauso sa radyo noon ng yumaong peryodistang si Louie Beltran, saka inilahok na pamagat sa isang tula ni Vim Nadera, at tumutukoy sa mga tao na malimit lumalabas ng bahay at tumatambay tuwing gabi, at pagsapit ng umaga’y matutulog hanggang hapon. Malikhain ang pagkakabuo ng termino, dahil hangga ngayon, nagbabalik ang Brigada Paniki nang higit na mabalasik kaysa sa dating pulutong ng mga tambay sa kanto. Ang Brigada Paniki ay nauso nang wala pang call center, at hindi iyon tumutukoy sa mga ahenteng mahilig manigarilyo sa labas ng kanilang opisina. Nakatuon ang termino sa mga tao na walang magawa sa buhay, bagaman pambihira ang hambingan dahil ang paniki ay higit na makabuluhan ang silbi na kumakain ng mga mapamuksang kulisap samantalang naglulustay ng oras naman ang tambay.

Mapapansin ang bagong henerasyon ng Brigada Paniki sa gaya ng Barangay Maybunga, Pasig, at nagsisimulang maghasik ng lagim sa mga tsuper at pasahero, at kung minsan, sa mga naglalakad na tao. Isang pulutong ng kabataan ang nagtitipon pagsapit ng alas-seis ng gabi, na tipong kapatiran ng mga lalaki’t babaeng kung hindi sabik sa alak at droga ay ginagawang malawak na palaruan o park ang kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue. Maaaring bugso ng kabataan ang pagtambay, at maibibilang sa pakikisama, ngunit habang lumalaon ay nagiging sakit ng ulo ang Brigada Paniki sa mga tsuper ng dyip o taksing hinihingan ng pera sa oras na mapadaan sa tambayan. Malimit ding sumabit sa dyip ang mga kakosa ng Brigada Paniki, at di-iilang beses ang may naganap na pananapak sa sinumang napagtripang pasaherong estudyante.

Naniniwala ako na hindi dapat hadlangan ang karapatang makapaglakwatsa ng mga kabataan saanman nila gusto, hangga’t wala silang nilalabag na karapatan ng ibang tao. Ngunit naiiba ang Brigada Paniki ng Maybunga. Nagsisimula na itong mamerhuwisyo, at ang pangingikil sa mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan ay nagiging malimit, at hindi dapat palagpasin. Banyagang salita para sa Brigada Paniki ang gaya ng “disiplina,” “paggalang,” “kalinisan,” at “kaayusan,” at waring angkin ng grupo ang daigdig. Nabalitaan ko rin na nagiging pugad ng prostitusyon ang tambayan ng Brigada, at kung may katotohanan man ito ay maaaring kumpirmahin ng dating barangay kapitan na ginagawang umpukan ang pader ng kaniyang bakuran.

Sintomas ang Brigada Paniki sa pagbabago ng panahon. Noon, kapag tinanong ka ng matatanda na nagsabing, “Nakikita mo pa ba ang iyong balahibo?” ay pahiwatig na iyon na kailangan ka nang lumigpit at umuwi ng bahay dahil takipsilim na. Pahiwatig din iyon na kailangang mahiya ka sa sarili, umuwi, at maglinis ng katawan. Hindi ka na kailangang sigawan noon, at nakukuha sa tingin, wika nga, ang sinumang kabataan. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malayo na sa hinagap ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, at marahil kaugnay ng lumalawak nilang pagkatiwalag sa diskurso ng nakaraan. Ngayon, habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang pulutong ng Brigada Paniki, at malalakas ang loob na ihayag ang kanilang magagaspang na pananalita, pagkilos, at pananaw laban sa iba. Ang Brigada Paniki ay hindi lamang matatagpuan sa Pasig at marahil nagsisimula na ring lumaganap sa iba pang lungsod ng Metro Manila, at nagbabantang humalili sa alaala ng mga maton at ex-con. Nakapanghihinayang na ang talino, lakas, at sigla ng mga kabataan ay nauuwi sa paglulustay ng oras at semilya, imbes na ilaan sa pag-aaral o sa mga makabuluhang proyekto, gaya ng paglilinis ng kalye, at siyang ipinanukala ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo nang minsang magtalumpati.

Kung hindi ako nagkakamali’y may ordinansa ang pamahalaang lokal hinggil sa paglalagay ng curfew sa mga kabataan. Kung kinakailangan ang curfew sa mga kabataan upang masugpo ang Brigada Paniki, bakit hindi isagawa? Kailangang makiisa rin ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, dahil responsabilidad din nila hindi lamang ang kinabukasan ng kanilang mga anak, kundi maging ang kinabukasan ng kanilang lipunan. Ang seguridad at kaayusan, kahit sa antas ng barangay, ay maselang gawain, kaya dapat paigtingin kahit ang pagroronda ng mga pulis patrol upang ibagansiya ang mga kabataang dapat turuan ng leksiyon.

About these ads

Aklasang Bayan sa EDSA

May ilang mito na marapat ituwid sa Aklasang Bayan sa EDSA (EDSA People Power). At kabilang dito ang paniniwalang hanggang pag-aaklas ng mga armadong kawal lamang ng pamahalaan ang magpapakiling ng timbangan sa panig ng nag-aaklas. Noong 1986, makikita sa mga mata ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Juan Ponce Enrile ang sindak at pagkabalisa habang katabi ang armadong si Col. Gringo Honasan, samantalang magaling magkubli sa pamamagitan ng tabako at propaganda si Hen. Fidel Ramos. Marahil batid ng dalawang lider na mapupulbos sila sakali’t sumalakay sa magkabilang kampo sa EDSA ang tropa ng pamahalaan, at kung hindi dahil sa maagap na panawagan sa radyo ni Jaime Cardinal Sin, at pagpipigil ni Pang. Ferdinand Marcos kay Hen. Fabian Ver, ay magwawakas sa madugong bakbakan ang lahat.

Pambihira ang sindak ni Enrile, at mahahalata iyon kahit sa mga alalay at kaway ni Corazon Aquino. Si Cory ay alanganing tagapagbuklod ng oposisyon, hilaw kumbaga sa sinaing, na higit na deboto kaysa pinunong aakay sa kaniyang tagasunod, at hindi siya makatatakas sa kaniyang uring panlipunang pinagmulan na muling magpapasigla sa oligarkiya. Ang pakikialam ng Estados Unidos ang isa pang nagpabilis ng pagbaba ni Marcos sa poder, at sapilitang itatakas siya at ang kaniyang pamilya upang idestiyero sa Hawai’i.

Maraming nasayang sa kauna-unahang Aklasang Bayan sa EDSA, at ang manipestasyon ay mababanaagan kahit sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo. Ang tunay na suporta ng taumbayan sa pamahalaan ay napabawa ng pagbabawal na magkatipon-tipon at magprotesta sa mga inaakalang maling patakaran ng pamahalaan. Ang pag-aaklas ay makukulayan ng mga bayarang tagasigaw at hakot. Nahigop ng pamahalaan ang halina ng mga dating organisadong pangkat na nakikipaglaban alinsunod sa prinsipyo, ideolohiya, at lunggati para sa makabagong Filipinas. Nabibili kahit ang pabor, tangkilik, o promosyon sa sandatahang lakas at iba pang sangay ng pamahalaan. Matutumbasan ng halaga kahit ang opinyon ng mga komentarista at mamamahayag. Magagamit ang puwersa ng negosyo upang ibagsak ang kalaban. At sa kawalan ng pag-asa ay nanaisin ng iba na mangibang-bayan upang doon magtrabaho at mamuhay nang malayo sa alaala ng pagtataksil.

Ang aklasang bayan ay dapat gunitain nang may pagtutuwid sa mali, at pagpapanumbalik sa ginhawang marapat matamo ng lahat.

Ang pagdiriwang ng Aklasang Bayan sa EDSA ay dapat wakasan ang pagbubunyi sa mga personalidad, mulang Enrile at Ramos hanggang Aquino at Sin hanggang kawal at madreng pamposter. Ang aklasan ay hindi magaganap kung wala ang sakripisyo ng taumbayan, na nagmula sa kung saan-saang uri o pook at nagsikap na magtungo sa EDSA upang pigilin ang madugong digmaang sibil. Ang aklasan ay may kaugnayan sa sama-samang bayanihan, na handang magtindig ng bagong pamunuan at palitan ang bulok na pamahalaan. Umiinog ito sa matapat at bukas-loob na pakikipagkapuwa, na idaraan ang lahat sa pakikipag-usap na magiging alternatibo sa dahas at pagpatay. Ang aklasang bayan ay pagbubuo ng lunggati para sa bayan, at upang maisakatuparan ang gayong lunggati ay kakailanganin ang bagong sibol na pamunuan na may bisyon at handang sumangguni at pumailalim sa taumbayan para sa ikagagaling ng Filipinas nating mahal.

Kumbento Boys, 1984

May panahong tinaguriang “Kumbento Boys” ang mga estudyante ng Pasig Catholic College (PCC), at marahil may kaugnayan dito ang pangyayaring parang nakakulong sa apat na pader ng kumbento ang naturang paaralan at katabi ng simbahan. Esklusibo noon para sa mga lalaki ang mataas na paaralan, at napakahigpit ng patakaran mulang pananamit at gupit ng buhok hanggang aralin at pagliliwaliw o panliligaw. Katapat ng PCC ang Colegio del Buen Consejo, na para naman sa mga babaeng magaganda ngunit halos balót na balót ang katawan sa haba ng manggas at paldang ayaw yatang ipasilip ng mga madre sa mga kabataan ng katabing paaralan.

Nagbalik ako sa PCC noong Sabado, 21 Pebrero 2009, upang gunitain ang ika-96 taon ng pagkakatatag nito at ang ika-25 anibersaryo ng aming pagtatapos. Nagulat ako sa matatangkad na gusali na humalili sa dating mga punongkahoy na halos sansiglo ang tanda. Maayos ang entablado na dating basketbolan namin. Malinis ang pasilidad, at halos inmakulada ang sementadong espasyong laan sa pagtitipon-tipon ng mga tao. Naging coed na ang paaralan, subalit ang balita ko’y pinagbubukod pa rin ang mga babae sa mga lalaki sa ilang pagkakataon.

Saka isa-isang nagbalik sa akin ang mga alaala. Ang mga dating patpating kabataan ay nagsitabaan ngayon, at hindi ko alam kung habang nagkakabilbil ay sumasabay din ang kapal ng bulsa at ranggo sa opisina o negosyo. Hindi ko na halos matandaan ang iba, marahil dahil nagkasalamin, tumangkad, pumuti ang buhok, nagkaasawa o nagsawa sa asawa, pero lalong kumikisig. Nagkaroon siyempre ng inuman, at maiinit na huntahang sinasaliwan ng tawanan at biruan. Malaki ang papel ni Sandi Martin sa pagtitipon, na laging may paalaala sa mga pulong at aktibidad ng pangkat. Kasama si Vic Sanchez, na pangulo ng Kumbento Boys 1984, nagpakulo ang pangkat ng mga proyektong lumalampas sa inaasahan sa paaralan.

Totoo ang sermon ni Fr. Jade Licuanan, na isa nang paring matino at kasama ko sa seksiyong Lark, na nagbulay-bulay sa nakalipas. Ang trahedya noon ng Kumbento Boys ay tila nakawala sila sa kural makaraang makaraos sa hay-iskul, kaya pagtuntong sa unibersidad ay nagkaroon ng rayuma sa batok dahil sa kalilingon sa tsiks. Ang mga dating di-makapagladlad ay bumigay din, at nakahanap ng kapalaran na hindi naranasan noong nasa loob ng kumbento. Mas lumawak ang mga silid-aklatan, bilyaran at tomaan, at natural na mapabilang ang iba sa frat kung hindi man relihiyosong orden. Naghiwalay ng lipad ang Falcon, Hawk, Lark, at Oriole, at gaya ng kasabihan ay naghanap ng sariling pugad at kani-kaniyang pangarap.

Ngunit higit sa usaping seksuwal, ang paglisan ng Kumbento Boys sa paaralan ay pagharap sa higit na hamon ng buhay. May ibang napilitang kumayod agad at magsarili, magtayo ng negosyo at humawan ng landas, o kaya’y maglagalag at makipagsapalaran sa ibang bansa, samantalang ang iba’y nagsunog muna ng kilay at nalagasan ng balahibo bago naging abogado, inhinyero, pari, negosyante, arkitekto, chef, ahente, doktor, aktibista, guro, politiko, musikero, at manunulat. Sa pagkikita-kita ng mga dating magkakabarkada at magkakaklase, parang wala sa lugar ang pagpapataasan ng ihi at pagmamagara ng nagawa. Higit na mahalaga ang pagtatagpo nang tapat, at sa piling ng ilang bote ng serbesa ay itatakda ang samahang ‘ika nga’y walang iwanan.

Alanganin ang aming pagtatapos noon. Ang 1984 ay magulong yugto sa Filipinas dahil sa protesta ng iba’t ibang organisasyon sa pagkakapaslang noong 1983 kay Sen. Benigno Aquino, at sa unang pagkakataon ay naipundar ang Student Council. Napakaraming impraestruktura ang ginagawa noon sa Pasig mulang Manggahan at Dr. Sixto Antonio Avenue hanggang Bagong Ilog, San Joaquin at Pateros, at maiiyak ka sa trapik. Noong 1984 ay pinaslang ang Punong Ministro ng India, si Indira Gandhi. Umurong ang puwersang Amerikano sa Lebanon. Pinasabugan ng Irish Republican Army ang Grand Hotel sa Brighton na muntik nang magpahamak kay Margaret Thacher. Tumindi ang tagtuyot sa Ethiopia at nagdulot ng tagsalat. Sa larangan ng panitikan, yumao ang mga makatang sina Vincente Aleixandre at John Betjeman, ang mga mandudulang sina Eduardo de Fillipo at Lillian Hellman, ang mga nobelistang sina Truman Capote, Julio Cortazar, Liam D’Flaherty, J.B. Priestley, at Mikhail Sholokov. Nagkaroon ng konsiyerto ang Band Aid, para tulungan ang nagugutom sa Ethiopia. Naimbento at inilabas ang silicon microchip na kayang magkarga ng maraming datos kaysa dati. At higit sa lahat, inilabas sa unang pagkakataon ang pagsusuring DNA sa mga unggoy na higit na malapit sa tao kaysa gorilya.

Sa madali’t salita, panahon ng malalaking pagbabago at rebolusyon ang 1984.

Kung marami ang yumao noon at nangawala sanhi ng pampolitika at pangkabuhayang pagpapasiya ay marami rin ang isinilang para maging bayani sa kani-kaniyang paraan. Ang bayani na aking tinutukoy ay malayo sa anyo ng superhero na gaya ni Batman o Gagambino. Ang bayani na ipakakahulugan ay alinsunod sa sinaunang dalumat nito, ang pagtutulungan ng mga tao at pagsasakripisyo tungo sa isang lunggati, ang pagtitindig ng organisadong hanay o samahan, na ang manipestasyon ay matutunghayan sa Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power] na magpapatumba sa rehimen ni Pang. Ferdinand E. Marcos.

Nanghihinayang ako at kinakailangan kong umalis kaagad nang hindi man lang nakakausap nang matagal ang mga dati kong batch mate. Kailangan kong pasalamatan ang aking paaralan at ang mga guro, at higit sa lahat, ang mga kaklase, kaibigan, at kakilala sa kumbento na nananatiling tapat sa nakaraan samantalang handang magtaya sa hinaharap.

Marketing at Paglalathala sa Filipino

Malaking sakit ng ulo ng mga lokal na pabliser sa Filipinas ang pagpapalawak ng saklaw ng impluwensiya upang maipalaganap nang mabilis, matipid, at maayos ang mga aklat, lalo na ang mga tinaguriang akademikong aklat. Mayorya ng mga aklat sa mga pangunahing pamilihan ng aklat sa Filipinas ay mula sa Estados Unidos, at naglalagay sa panganib sa ekonomikong estado ng mga lokal na pabliser. Samantala, ang pagpapalaganap ng aklat ay pinagtutuunan din kahit sa labas na ng Filipinas, gaya ng paano makararating ang mga aklat natin sa buong Asya tungong Europa at Estados Unidos.

Sa artikulo ni Colin Leslie Day, na pinamagatang “Publishing in English: Resisting the Centre, Preserving Asian-ness” (2008), binanggit niya ang ilang hadlang sa daloy ng literatura sa buong mundo. Ang agos ng mga aklat, aniya, ay palaging nagmumula sa Gitna (na kumakatawan sa Estados Unidos at isama na ang United Kingdom). Ang tinagurian niyang nasa Gilid ay ang iba pang bansa. Ikinatwiran niya na ang mga akademikong akda mula sa Gilid na nakapapasok sa internasyonal na antas “ay sinasalà at binabago upang maging kaaya-aya sa mga mambabasa na nasa Gitna.” Kumbaga, makapapasok lamang ang Asyanong akda sa Amerika kung magiging katanggap-tanggap sa mga Amerikano. Sinipi pa ni Day si Chen Kun-Hsing at winikang “ang kasalukuyang sistema ay nagpapasigla lamang sa gahum ng mga diwaing Amerikano.”

Kung ano ang makapupukaw ng pansin sa mga iskolar mula sa Kanluran, aniya, ang tanging mailalathala sa Gitna. Inilista pa ni Day ang kalakaran sa sistemang dominado ng Gitna: ang pagtatakda ng pamantayan sa mga paksa, metodolohiya, at materyal na dapat pag-aralan ng mga iskolar mula sa Gilid at siyang katanggap-tanggap doon sa Gitna. Halimbawa, ang paksa ng pag-aaral ay dapat interesente para sa mga Amerikano kahit kasumpa-sumpa para sa pinagmumulang bansa ng isang iskolar na ipagpalagay nang Filipino. Kaugnay nito, ang metodolohiya at pagdulog ay umaayon dapat sa isinasagawa ng mga Amerikano na kayang unawain ang akdang mula sa Gilid. Dapat umiwas din ang sinumang iskolar mula sa Gilid sa paggamit o pagpapaliwanag ng anumang bagay na hindi pamilyar ang mga Amerikanong iskolar.

Pinuwing din ni Day ang kalakarang ipinatutupad ng mga awtoridad ng mga unibersidad: Ang pagtatasa sa tagumpay ng iskolar, kagawaran, at unibersidad alinsunod sa [dami at kalidad ng] publikasyong internasyonal ay nagpapabawa sa pag-aaral ng mga lokal na usapin at problema. Ang ganitong tindig ay unang binanggit ni Ramon Guillermo sa kaniyang akdang “Toward a Filipino-Language Philippine Studies Project” (2008). Sa Unibersidad ng Pilipinas, ani Guillermo, nasasagkaan ang anumang munting tagumpay ng wikang Filipino sa mga patakarang gaya ng International Publication Awards na nagbibigay ng pabuyang P55,000 sa sinumang iskolar na makapaglalathala sa internasyonal na publikasyong de-reperi. Nakakiling aniya ang promosyon at panunungkulan ng kawani tungo sa internasyonal na tagumpay at publikasyon kaysa sa kahalagahan ng naturang pag-aaral sa pambansang pangangailangan. Ang pagsunod sa padron ng Anglo-Amerikanong modelo, ani Guillermo, ang nagpapatindi ng Eurosentrikong bigkis sa akademikong produksiyon, gaya ng UP na naghahangad ng gayong pagkilala.

May ilang mungkahi si Day upang malutas ang mga naturang suliranin. Una, ang pagpapalaganap ng mga aklat sa mga bansang tinaguriang nasa Gilid, imbes na magtuon sa Gitna na kumakatawan sa Amerika. Ikalawa, magpakalat ng aklat nang di-sinasalà. At ikatlo, ibaba ang hadlang hangga’t maaari sa kapuwa pagsusumite at pagkuha ng manuskrito o akda, i.e., mulang awtor hanggang pabliser at mulang pabliser tungong awtor. Ang mungkahi ni Day ay nagbubukas ng posibilidad ng internasyonal na network ng mga pabliser na ang bawat lokal na pabliser ay hahayaang ilimbag ang anumang nagmumula sa labas ng bansa.

Maganda sa unang malas ang naturang mungkahi, ngunit ang sinasagot lamang niyon ay ang usapin ng pagpapakalat at pagpapalimbag ng mga aklat. Hindi sinasagot ng panukala ni Day kung paano palalakasin ang mga lokal na awtor na dapat na sinusuhayan ng mga institusyong pribado at gobyerno, at kung paano lilihis sa nakababatong sistemang padron ng Anglo-Amerikano. Mahihinuhang nakatuon ang panukala ni Day sa mga pabliser na nakaungos na nang malaki at malawak ang network sa ibang bansa, na handang magtaya sa panukalang “print on demand” [maglimbag alinsunod sa hinihingi ng merkado]. At hindi nito isinaalang-alang ang kalagayang ekonomiko at panlipunan ng gaya ng Filipinas.

Sa Filipinas, ang distribusyon ng mga aklat ay nakasentro sa malalaking pamilihan gaya ng National Bookstore na tinatayang may 300 sangay sa buong bansa. Bukod dito ang iba pang aklat-tindahan na kumakatawan sa mga partikular na larang o interes. Ang di-tradisyonal na distribusyon ng mga akademikong aklat ay masasabing direktang pagtungo ng mga aklat-representante doon sa mga paaralan at unibersidad, at ilalako doon ang listahan ng mga aklat o babasahing maaaring maging sanggunian ng mga estudyante at guro. Kung paniniwalaan ang winika ni Antonio Calipjo-Go, nagaganap ang suhulan sa antas ng administrador na magpapahintulot o sasang-ayon kung ano-ano ang mga aklat na bibilhin sa mga pabliser. Nagbibigay umano ng pabuya ang mga pabliser doon sa mga paaralan o unibersidad na tumangkilik ng mga aklat, at kabilang dito ang pagbibigay ng bentilador, erkondisyoner, muwebles, at iba pang kagamitan sa paaralan.

Ang pagbabago sa kalakaran ng paglalathala ay maimumungkahing dapat simulan sa mga institusyong pang-edukasyon, mulang CHED at DepEd hanggang unibersidad at paaralan sa iba’t ibang rehiyon. Kailangang matauhan na ang mga awtoridad sa pagbubuo ng mga pamantayang angkop para sa mga Filipino. Kung ang susunding pamantayan ng pagkilala, promosyon, at paghirang ay laging iaayon sa modelong Anglo-Amerikano, ang pambihira’t malikhaing pagdulog ng mga manunulat at iskolar na Filipino ay masasagkaan, kung hindi man ganap na mababansot.

Kaugnay ng binanggit sa itaas, ang publikasyon at pagbubuo ng mga literatura ay dapat isaalang-alang ang potensiyal na halaga nito sa pangangailangan at lunggati ng mga Filipino. Ang mga akda ay marapat sulatin sa punto de bista ng Filipino, at hangga’t maaari sa wika nito, nang hindi matiwalag ang bumabasa at manggaya lamang na parang loro sa iba. Bagaman magandang isaalang-alang ang network o merkado sa Asya, ang dapat munang ayusin sa Filipinas ay ang masinop, mabilis, matapat, at epektibong makinarya at network sa pambansa, panrehiyon, panlalawigan, panlungsod, pangmunisipalidad, at pambarangay na antas mulang paglilimbag at paglalathala hanggang pagpapalaganap at promosyon ng mga akda. Walang ganitong sistema sa buong bansa. Wala ring masasabing industriya ng aklat sa Filipinas, maliban sa industriya ng teksbuk at pahayagan. Kung makikilahok lamang ang bawat pamahalaang lokal, ang pagsusulat, paglilimbag, paglalathala, pagpapalaganap, at pagtatampok ng mga aklat o iba pang babasahin ay mapabibilis, na higit na epektibo sa paghahatid noon ng mga komiks at pahayagan. Maisasaayos din ang pagtanggap ng mga donasyon ng aklat. Sa Filipinas, inuuna palagi ang pagtatampok ng mga aklat ng Amerikano imbes na unahin ang Filipino. Ni hindi man lang iniaangal ng isang lalawigan kung maging basurahan ito ng mga patakbuhing aklat o babasahing itinatapon ng Amerika o Europa.

Kailangan ding magkasabay na gamitin ng Filipino ang teknolohiya ng internet at ang tradisyonal na paglilimbag, paglalathala, pagbibili, at paghahatid ng aklat. Kailangan ng pamahalaan na pabilisin ang pagtataguyod ng mga sistema ng telekomunikasyon at transportasyon sa buong bansa, upang ang anumang kakulangan sa palimbag na teksto ay matugunan ng tekstong elektroniko o digital. Ang kakulangan sa teknolohiya ay mababatid kapag sinarbey ang lahat ng lokal na pabliser sa buong Filipinas. Kailangan kung gayon ng tulong muli sa pamahalaan upang maiangat ang mga nagsisimulang tagapalathala at tagapaglimbag. Ang kahalagahan ng telekomunikasyon ay magagamit ng mga akademikong institusyon mulang hilaga hanggang timog ng bansa tungo sa ibayong dagat.

Panahon na upang isaayos ng Filipinas ang panloob na sistema nito hinggil sa paglalathala, pagpapalusog, at pagpapalaganap ng mga aklat. Panahon na rin upang tulungan ng kapuwa pribado at publikong sektor ang mga manunulat nang makalikha sila ng matitinong aklat na para sa ikagagaling ng mga Filipino, at marahil, para sa ikasusulong ng mundo ngayon at sa darating na siglo.

Pormula ng Romansa sa Dulang Pantelebisyon

Walang pinagbago ang pormula ng romansa sa dulang pantelebisyon, lalo sa dalawang pangunahing network. Inuulit-ulit lamang sa panibagong disenyo, usapan, at artista ang lahat ng kumbensiyonal na kuwento, ngunit ang esensiya ng salaysay ay nananatiling panahon pa ng kopong-kopong.

Halimbawa, ipakikilala si A na iibig kay B, samantalang si B naman ay may kasintahan o asawang tatayo bilang C. Maaaring mabait at maganda si A ngunit dukha, at si B naman ay mayaman at makisig ngunit hindi nakatitiyak sa sarili. Si C ang magsisilbing kontrabida, dahil maaaring taksil si C kay B, at upang maganap ang pagsasama nina A at B ay kailangang maaksidente, mapatay, o magtungo sa kung saang lupalop si C.

Sa ibang pagkakataon, ang C ay maaaring magulang, propesyon, pangkat, o pangyayaring kumokontra sa katauhan o paniniwala ni A ngunit pumapanig kay B. Ang resolusyon ay maaaring maghirap si B kapag umibig kay A, habang si A naman ay yayaman o gaganda sa tulong ng D na maaaring magulang, mana, suwerte, diwata, mahika, at iba pang puwersang sobrenatural. Hahanguin ni A si B mula sa lusak at sakit—bilang ganti sa sakripisyo ni B—at sa wakas ay magpapakasal at liligaya sila habambuhay.

Nakabubuwisit na ang ganitong pormula ng pag-iibigan o romansa. Kulang na lamang ay magkandian at maglaplapan ang mga pangunahing bituin na parang sila lamang ang tao sa daigdig, habang umiiral na mamboboso ang sambayanang manonood. Hindi naman sa tutol ako sa masining na rendisyon ng erotika, subalit kung pulos basura lamang ang maihahain ng mga manunulat sa telebisyon ay isang paraan lamang ang magagawa ng mga Filipino: ang magbalik sa pagbabasa ng matitinong panitikan.

Napakababaw ng paglinang sa mga tauhan sa mga sikat na dulang pantelebisyon. Umiikot ang lahat sa marupok na pag-iibigan, na parang kulang na kulang ang babae o lalaki sa daigdig, at dapat pag-agawan ang pansin ng pangunahing bida. De-kahon ang pagpapakilala sa mga magulang, na kung hindi dominante o diktador ay dungo, dukha, at tanga. De-kahon din ang paglinang sa mga bakla o tomboy, ngunit nakalalamang ang bakla dahil halos tumayo itong payaso na mamamagitan sa dalawang pangunahing bida. Kahit ang gusot ng kuwento ay napakababaw, at ni hindi nahihipo man lamang ang pambihirang ugnayan sa lipunan, ang ugnayang pumapaksa sa lahi, kapangyarihan, kalayaan, kultura, at kahit kabansaan. Kapag inapi ang bida, ang tanging solusyon ay maghiganti at maghiganti lamang ang bida sa tulong ng kaniyang mga kaibigan.

Ang laro ng kapangyarihan sa buhay ng mga pangunahing tauhan ay mahirap versus mayaman, pangit versus maganda, mabait versus masama, ad infinitum. Hindi na ba makalalabas sa ganitong dalawahang panig ang tunggalian? Siguro. Paano kung ang kontrabida ay hindi laging bungangera, malupit, sakim, o pangit? Paano kung ang bida ay hindi laging paiiyakin, aapihin, bubugbugin, o tatangkaing gahasain? Paano kung ang daigdig ay hindi lamang paglalakad sa gilid ng baybayin nang nakayapak, pagpipiknik sa kung saang park, o pagkain sa mga eleganteng restoran? Nagiging sentimental ang romansa ng magkasintahan dahil kahit ang paghihiwalay ay sanhi ng mabababaw na katwiran, at waring himala lamang ang makalulutas sa panguyngoy ng babaeng iniwan, kung hindi man lumayas palayo sa lalaking minamahal.

Kung sumusunod lamang ang mga telenobela sa nais ng madla, siguro’y napapanahon na upang pag-aralan sa loob ng paaralan kung ano ang sikolohiya at merkado ng madlang ito. Hindi ako naniniwalang ang dulang pantelebisyon ay palaging dapat nakasentro sa romansa o kababalaghang umaabot sa masining na kabaliwan. Nagaganap lamang ito dahil ayaw o takot sumugal ng mga prodyuser o direktor o artista at magtangkang lumabas sa kahon na matagal na nilang pinagkakakitaan.

Kung pag-aaralang maigi, ang paggamit ng pormula ng romansa ay mabilis at payak na paraan ng pagkatha. Ang mga tauhan ay naipapaloob sa panahong waring estatiko at nasa vakyum, at nagpapanatili ng de-kahong kaayusan. Sabihin nang maganda ang pananaig ng mabuti laban sa masama, ngunit sa tunay na buhay ay malimit nagwawagi ang masama kaysa sa mabuti, at ang espada ay higit na makapangyarihan kompara sa pluma. Ang resulta’y nahahatak ang manonood na umiral sa daigdig ng guniguni—isang balighong guniguni na huhubog sa kaniya upang manatiling tanga, bulag, pipi, at bingi.

Pag-ibig

1.
Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.

Maghahanap ng paraan ang iyong utak upang itumbas ang tagak na umaalo sa kalabaw na sumusuwag naman sa mga pesteng lamok at langaw. At tatawagin mo itong pangungulila.

2.
Mapapailing ka. Kukusutin mo ang paningin, at animo’y nalipat ka sa mahaharot na silid at malalanding himig. Darating ang serbidor at maghahatid ng mamahaling alak. Lulunurin mo ang sarili sa pambihirang espiritu, ngunit habang tumatagal, ang nalalasing ay ang mga tao sa silid at hindi ikaw. Mawawala sa tono ang musika, at mapapahalakhak ka.

At lalabas ka ng silid na hinahanap ang pag-ibig na nagkatawang tao na handang magsabi ng totoo at totoo lamang, baligtarin man ang mundo.

3.
Minsan, sumakay ka ng eroplano. Nang buksan mo ang bintana upang tanawin ang mga ulap, nakita mo ang samot-saring mukha. Ito si A, ito si B, ito si C, at magwawakas ang alpabeto ng mga pangalan nang hindi mo matatagpuan ang tao na inaasam.

Malupit ang gunita, at kahit ang mga payak na bagay ay nagkakahubog ng makukulay na hulagway upang halinhan ang naglaho at hindi na, hindi na muling magbabalik.

Pasasalamat sa Pakikiramay

Sa ngalan ng aming pamilya, nais kong magpasalamat sa lahat ng dumalo at nakiramay  sa iba’t ibang paraan nang pumanaw ang minamahal naming inang si Loreto Torres Añonuevo, 73, na higit na kilala bilang “Nanay Luring.” Nalulugod kami na nagtipon-tipon ang napakaraming tao na pumuno sa Arlington noong 12-13 Pebrero, at sumilip sa huling pagkakataon sa labi ni Nanay Luring. Kulang ang mga salita sa pasasalamat at pagkilala, at nawa’y magantihan namin kayo ng kabutihan sa ibang anyo, sa ibang panahon, at sa ibang pagkakataon. Muli, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.

Hulagway

Maaaring ang larawan sa salamin ang larawan ko na gumagalaw gaya ng aking paggalaw. Gumagalaw ang larawan alinsunod sa bilis ng liwanag na pumapasok sa aking balintataw,  at maglalagos ang mensahe tungo sa salaan ng pagtanaw, hanggang lumapag sa utak at kolektibong tau-tauhan.

Kakaway, sisigaw, at maglalakad ang larawan sa salamin. At ang salamin ay magpapabalik ng anyo sa tulad kong nananalamin. Mamamalikmata ang tumitingin, at wari bang ang salamin ay magkakaroon ng sariling katauhan. Kikislot ito gaya ng karaniwang tao, at magtatalumpati sa harap ko.  Matutuklasan ko ang salamin na kumakawala sa aking  de-kahong pananaw, at iiwan ako  mula sa aking  kinatatayuan.

Ang larawan sa salamin ay magiging salamin ng larawan ng aking pananaw. Ngunit darating ang sandali na mabubuhay ang salamin nang hiwalay sa akin, nang tiwalag sa daigdig, nang bukod sa uniberso ng liwanag at dilim.

Magiging palaisipan ang pagitan ng salamin at nananalaming larawan.

Ang salamin ay magwawakas sa pagiging salamin lamang, alinsunod sa aking pagkakasagap. Ang salamin ay tititig sa akin, at makikita sa aking mga mata ang kaniyang hulagway, na animo’y kagila-gilalas at umaatungal na halimaw, na ikasisindak ko. Hanggang magsisigaw ako’t lumayo, at isumpa ang araw ng aking pagkamangha at pagkabaliw mula sa makasariling pagkahumaling.

Karapatang Mabuhay, Karapatang Mamatay

Nakasaad sa Universal Declaration on Human Rights [Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao] ang “karapatan ng sinumang tao na magtamo ng buhay, kalayaan, at seguridad” (Artikulo 3). Ngunit paano kung nais ng tao na mamatay sanhi ng karamdaman at iba pang pinsala, at nais lumaya mula sa matinding sakit na hindi lamang madarama ng maysakit bagkus pati ng kaniyang kaanak, kaibigan, at kasama?

Totoong napakahirap magsilang ng anak, at ang pagsisilang ay laging kaugnay ang sakit ng kalamnan, bukod sa kirot na gumagapang sa isip at puso. Ngunit pagkaraan niyon ay may katumbas na ginhawa, ang ginhawang masilayan ang sanggol, at palakahin ang sanggol tungo sa ganap na pagkatigulang.

Sa kabilang dako, napakahirap ding mamatay. Mahirap mamatay kung ang isang tao ay dumaraan sa yugto ng unti-unting pagkaupos, na maaaring magsimula sa pagkakasakit, pagkakaratay, pagkainutil, at pagkagulay. Ang sakit na madarama ng pasyente ay hindi lamang pisikal, bagkus kaugnay din ng mga aspektong pandamdamin o pangkaisipan. Ang gayong pangyayari ay maaaring tumulay kahit sa kaniyang mga kaanak o kaibigan, na makalalasap ng matinding pamimighati, kung hindi man pagkadurog ng puso.

Ang kamatayan, kung gayon, ang susi ng pagpapanumbalik ng ginhawa.

Isang kaso si Eluana Englaro, 38, na naging paksa ng mainitang pagtatalo sa Italy. Naaksidente si Englaro may 17 taon na ang nakararaan, at pagkaraan niyon ay naging gulay ang kaniyang katawan na ang tanging bumubuhay ay tubong pinaglalagusan ng pagkain. Nais ni Englaro na tanggalin na ang tubo na nakakabit sa kaniyang katawan at hayaan siyang mamatay. Ngunit tutol ang mga moralista, politiko, at alagad ng simbahan, dahil ang gayong hakbang ay isa umanong krimen ng pagpatay.

Kung ang sanggol ay walang opsiyon kung sino ang kaniyang magiging mga magulang, maisisilang siya alinsunod sa itinatakda ng tadhana, at kung papalarin ay mabubuhay sa tulong ng panghihimasok na pangmedisina. Ngunit ang tao na dumaranas ng matinding karamdaman ay maaaring may opsiyon, at ito ay ang piliing yumao nang magaan at mabilis upang maibsan ang matinding paghihirap na nadarama niya at ng kaniyang kaanak, kaibigan, o kakilala.

Ang pagpili na mamatay sanhi ng mabibigat na kaso ay usaping moral na magtatagal sa ating piling. Ang uri ng kamatayan ay dapat may pagsangguni sa tao na dumaranas ng karamdaman o pinsala o labis na katandaan, at ito sa aking palagay ay dapat hinahayaan sa panig ng tao o pamilyang sangkot. Totoong mabigat ang kamatayan. Tuwing may mamamatay na kakilala mo, may isang bahagi rin ng pagkatao mo ang nalalagas at namamatay, dahil ang tao na yumao ay naging bahagi ng buhay mo.

Ngunit kailangang tanggapin ang lahat. Kung ang pagsilang ay simula ng buhay, ang pagkamatay ay maituturing na wakas, samantalang nananalig ng resureksiyon sa ibang yugto o pagkakataon. Ang pagpigil sa pagdatal ng kamatayan, sa pamamagitan ng interbensiyong medikal, ay maituturing na pagsagka sa daloy o siklo ng buhay, at lumilihis sa itinatakda ng kalikasan.

Ang pagpili na mamatay, ayon sa kagustuhan ng tao, ay dapat nang isaalang-alang ngayon. Huwag isiping isang uri ito ng baliw na pagpapatiwakal, bagkus maláy na pagpapasiya upang pasukin ang bagong dimensiyon—na ipagpalagay mang langit o impiyerno—ay tiyak kong maghahatid ng paglisang may dangal, dahil mapipili mo ang wakas bilang kawangis ng Maykapal.

Politika

Matututo akong tumanggap ng yakap at patalim na ibabaon sa aking likod. Mapatatawad ko ang alibughang anak, ang taksil na kapatid, ang kaliweteng asawa, ang suwail na bayan. Maipamimigay ko ang lahat ng aking yaman sa mga dukha, at aasahan ang pag-ulan ng tinapay mula sa langit. Hindi ako matitinag ng halik na maaaring may kamandag o balani mula sa kung saang lupain. Mangingisda ako, kahit pa ang sumabit sa aking bingwit ay lata ng sardinas o plastik na tsinelas. Tatawid ako ng dagat, at magkakapader ng asin. Magdidildil ako ng asin, at tatalikuran ang pagkagunaw ng lungsod. Naaarok ang lahat, at napagtitiyagaan. Kailangan ang pagbabago, hindi ba? Nakasasawà rin ang labis na pagmamatigas ng ulo, at pagkuyom ng kamao. Kaya bago maturingang sinungaling, hayaang sabihin kong napagagaan ang lahat, at naisasaloob, lalo ang matiim na pakikipagkamay sa iyong pinakamatalik, pinakamamahal na kaaway.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 156 other followers