Tungkol sa mga ad na ito

Ang Balangkas ng “Sanaysaging” ni Epifanio G. Matute

Inimbentong salita ni Epifanio G. Matute ang “sanaysaging” na mula sa pinagtambal na mga salitang “sanaysay” at “saging,” at sumusunod sa yapak ng “Tanagabadilla” na mula sa pinagtambal na mga salitang “tanaga” at “Abadilla” na apelyido ni Alejando G. Abadilla. Kung ang “tanagabadilla” ay isang uri ng tanaga na pinauso ni Abadilla (na iba ang sukat, tugma, at sensibilidad kompara sa tradisyonal na tanaga), ang “sanaysaging” ay sanaysay na bersiyon ni Matute na nalalangkapan ng matalas na satira at pagpapatawa hinggil sa sarili para ibunyag ang saliwang patakarang pang-ekonomiya ng pamahalaan, ang malaganap na kagutuman at tagsalat, at ang pagnanasa ng karaniwang tao na makaraos sa masaklap na kalagayan.

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

Binubuo ng 29 talata ang buong sanaysaging ni Matute, at kabilang na rito ang paisa-isang salita o pangungusap na paningit sa mga bloke ng salita. Simple lamang ang tesis ng sanaysay: Kailangan ang saging para umunlad ang bansa, kaya dapat itong palaganapin at ilangkap sa patakarang ekonomiko ng Filipinas. Pabalintuna at maparikala ang presentasyon ng gayong tesis, dahil kahit sinasabi na kailangan ng Filipinas ang malawakang produksiyon ng saging ay lalo nitong ibinabaon sa tuligsa ang gayong kalakaran. Ang naturang tesis ay hindi matatagpuan sa unang talata bagkus sa ikatlong talata bago ang pangwakas na talata, at lumalagom sa tinagurian niyang “sagingisasyon”—ang ganap na pananaig ng saging bilang produkto at sagisag ng bansa.

Ang siste ng sanaysay ay nakatuon sa personang naglalahad ng kaniyang karanasan hinggil sa saging.  Sa unang talata, ipababatid agad niya ang angking katangahan sa sining at siyensiya ng pagtatanim hanggang pagpapahinog ng saging. Iuugnay niya ito sa ikalawa at ikatlong talatang pumapaksa sa kakulangan ng suplay ng bigas sanhi ng digmaan, at ang pag-ugat sa esensiya ng sisid rice, kamote, at kangkong. Ang pihit ng paglalahad ay sasapit sa ikaapat na talata, nang makapulot ang persona ng inakala niyang punong saging, at pagsunod sa yapak ng pagong sa kuwentong bayang itinala ni Jose Rizal.

Lilipas ang panahon at mabubuhay ang tanim, ngunit magtataka ang persona kung bakit hindi ito namumunga. Nagbalik si Hen. Arthur MacArthur sa Leyte, winasak ng mga bomba at artilyeriya ang Maynila, at bumaha sa bansa ang mga produktong mula pa sa Estados Unidos ngunit nabigo pa ring mamunga ang pananim. Nang minsang mapadalaw ang amain ng persona ay sinabi nitong hindi naman saging ang naturang tanim bagkus abaka. At ang abakang ito ay maaaring pagkunan ng mga hibla ng lubid na puwedeng pambigti ng persona.

Halos isumpa ng persona ang saging, bagaman walang kasalanan ang saging sa kaniyang katangahan. At magbabago lamang ang kaniyang palagay at prehuwisyo sa saging nang pumasok sa eksena ang United Fruit Company na naglalayong isulong ang malawakang pagtatanim ng saging sa Dabaw, palitan ang mga dating pananim na palay at mais at gulay, at kumbinsihin ang taumbayan, batasan, at gobyerno sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa diyaryo, radyo, telebisyon, at iba pang lunan ng talakayan. Ngunit sasalungat si Senador Lorenzo Tañada, at ito ang magwawakas sa tangkang pagbabago sa Saligang Batas na kikiling sa sagingisasyon ng Filipinas. Ang “sagingisasyon” na taguri ni Matute ang katumbas ngayon ng “globalisasyon” sa negatibo nitong pakahulugan, alinsunod sa malayang daloy ng palitan ng produkto at lakas-paggawa sa iba’t ibang bansa.

Banayad ang banat ng persona hinggil sa United Fruit Co., na tinumbasan niya ng salin sa Tagalog na  “Nagkakaisang Prutas.” Kunwa’y pinupuri niya ang pag-ulan ng latundan, lakatan, at bungulan, ngunit ang totoo’y maligoy niyang hinahatak ang mga tao na pag-ukulan ng pansin ang gayong patakarang ang makikinabang lamang ay ang nasabing dambuhalang kompanya. Bagaman walang binanggit na estadistika si Matute, ang lupaing laan sa agrikultura sa bansa ay aabot sa 12.84 milyong ektarya, at 66 porsiyento rito ay tinatamnan ng palay at mais, ayon sa Environmental Law of the Philippines (1992). Ang pagpapanibago ng patakaran kung gayon sa produksiyon ng palay at mais ay makaaapekto hindi lamang sa suplay nito sa buong bansa, bagkus maging sa sistema ng pamumuhay ng mga tao. Mapangingibabaw ang pagtugon sa pangangailangan ng tagaibang bansa, kaysa unahin ang pangangailangang pangkabuhayan dito sa Filipinas.

Ang “Republika ng Saging” ay mahihinuhang hango sa “Banana Republic” na taguri sa mga bansang nakasandig ang ekonomiya sa gaya ng saging, at iba pang produktong pansakahang iniluluwas sa Estados Unidos at Europa. Ibinibilang dito ang gaya ng El Salvador, Belize, Nicaragua, Honduras, at dating panlait sa mga pamahalaan nitong pinamumunuan ng hunta militar. Nang lumaon, ang “Republika ng Saging” ay ibinansag na rin ng mayayamang bansa kahit sa mga bansang walang matatag na ekonomiya, at laging nakasandig sa pagsusuplay ng mga produktong pang-agrikultura o kaya’y lakas-paggawa sa mayayamang bansa. Sa kabila ng lahat, ang Republika ng Saging ay masasabing produkto ng mga multi-nasyonal na kompanyang gaya ng United Fruit Co. at ng kakutsaba nitong ahente sa pamahalaan at pribadong sektor. At kung gayon nga, ang tinatawag na “sagingisasyon” ni Matute ay nagiging lehitimo lamang kung papayagan ng taumbayan, at maipapaloob sa pambansang patakaran ukol sa agrikultura at ekonomiya.

Manghihinayang ang persona at hindi matutupad ang sagingisasyon ng Filipinas. Ang panghihinayang na ito ay ipapasok na lamang sa pambansang awit ng Filipinas: Bayang masaging, Perlas ka ng Sagingan/ Puso ng saging, sa dibdib mo’y buhay./ Lupang Sinaging, duyan ka ng latundan./ Sa kontra-saging, di ka padadagan./ Sa dagat at bundok,/ Sa simoy at sa langit mong bughaw,/ May dilag ang saging/ at awit sa lakatang minamahal/. . . . Ang kontra-saging na binanggit ng persona ay hindi naman talaga kontrabida, bagkus tagapagtanggol nga ng bansa. Ikinukubli lamang ni Matute ang gayon sa pamamagitan ng pagpapatawa, nang mapagaan ang panunuligsa sa pamahalaan.

Ispesimen ang sanaysaging ni Matute kung paano nagbabago ang uri ng sanaysay sa Filipinas. Ang pag-urirat at pagsasakdal sa mga baluktot na patakaran ng pamahalaan ay hindi kinakailangang laging tahas, at magagamit ang bisa ng ligoy at pagpapatawa. Ngunit hindi basta pagpapatawa na gaya ng ginagawa ni Michael V. at iba pa niyang kauri na ginagagad lamang ang realidad. Umiimbento ng realidad si Matute, at gumagamit ng mga tagpo sa lipunan at kuwentong-bayan nang hindi nangyuyurak o pinagtatawanan ang karaniwang tao. Hinahamon tayo ni Matute na kasangkapanin ang sanaysay sa pamamagitan ng madidilim na pagpapatawa, at nasa atin na ang pagpapasiya makaraang mabusog sa sagingan ng kaniyang bait at pahiwatig.

Tungkol sa mga ad na ito

21 Tugon

  1. hihingi lang po sana ako ng buod ng sanaysaging kelangan lang po kc sa iskul..thnks [po

    • Kung binasa mo nang maigi ang komentaryo ko sa sanaysaging ay malalaman mo ang buod niyon. Napakaikli ng sanaysaging ni Epifanio Gar. Matute, at dapat mo iyong balikan at basahin sa silid-aklatan.

  2. ano po ba ang pwedeng ihambing sa sanaysaging… kung pagbabasehan sa buhay?

    • Basahin mong muli ang aking artikulo at mula roon ay marami kang maihahambing sa mga pangyayaring binanggit ni Epifanio G. Matute sa mga nagaganap sa kasalukuyang panahon.

  3. ano po ba ang mensahe ng kwento?

    • Kung binasa mo nang maigi ang aking artikulo ay mahuhugot mo roon ang mensahe ng kuwento ni Epifanio G. Matute.

  4. Nabasa ko po ang pagbubuod at pagsusuri ninyo ng sanaysaging ni Ginoong Matute. Maaari po bang Malaman kung kayo ay isang propesor sa isang unibesidad?

    • Hindi ako propesor, bagkus isang makata at kritiko.

  5. Ilan beses ko na po binasa ang artikulo ninyo, at hindi ko malaman kung ano ang kinalaman ng abaka sa Sanaysaging.

    • Makatutulong kung pag-aaralan mo ang pinagmulan ng abaka, at kung ano ang kaugnayan nito sa pagtitipil [portmanteau] ng dalawang salita [sanaysay+saging].

  6. ano pa ba ang kahulugan ng sinasagkaan?

    • ask ko lng poe…

    • Tumutukoy ang “sagka” (maragsa ang bigkas) sa anumang humaharang o humahadlang upang hindi makalusot o lumaganap ang isang bagay. Kapag sinasabing “sinasagkaan” ay tumutukoy ito sa pagharang o paghadlang.

  7. anong kabatiran o pagpapahalaga ang tinangka ng may-akda na linawin sa kanyang sanaysay ??

    • Ikaw ang dapat sumagot niyan, kung naunawaan mo ang iyong binasa.

  8. bakit sinabi ng may-akda na di dapat bale-walain ang saging ? ano ang ibig sabihin ng, ”balak kumutan ng saging ang Dabaw ?”

    • Idyoma lamang iyan, na ang ibig ipakahulugan ay pataniman ng saging ang buong Dabaw (kung susundin ang bagong ortograpiya).

  9. bakit sinabi ng may-akda na ”saging na naging bato pa”?

    • Katumbas lamang iyan ng kasabihang “Pera na, naging bato pa.”

  10. ano ang tinutukoy ng balak na ”sagingisasyon” ng bansa ?

    • May kaugnayan iyan sa pagiging Republika ng Saging [Banana Republic].

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 159 other followers

%d bloggers like this: